You are on page 1of 10

OSR Vision Paper: Jules Guiang | 1

OPISINA NG REHENTE NG MGA MAG-AARAL: INSTITUSYON NG


LINGKOD-BAYAN, HUWARAN SA PAMAHALAAN AT SAMBAYANAN

Ni: Julliano Fernando A. Guiang, V BA Public Administration
UP Student Regent Nominee (Diliman Level)


Napatunayan na ng kasaysayan kung ano ang kaya nating makamit sa pamamagitan
ng pagkakaisa sa ating mga hanay. Malayang isinusulong at ipinaglalaban ng mga
konseho at organisasyon ang mga karapatan hindi lamang ng mga mag-aaral at kundi
na rin ang buong sambayanan. Hindi natin isinasara ang ating mandato sa mga mag-
aaral lamang; lubog na sa ating mga kaisipan at galaw na magkakaugnay ang ating
mga aksyon tungo sa isang sambayanang bukas at malawak ang kamalayan. Dapat
nating matanto na makakamit lamang natin ang tagumpay kung magbubuklud-buklod
ang mga sektor ng lipunan.

Sa pagtanaw natin sa kasaysayan ng mga napagtagumpayan, nailatag na ang mga
hamon na dapat patuloy na bitbit at ipaglaban ng mga mag-aaral. Maipagpapatuloy
ang pagwagi kung mag-aambag ang bawat henerasyon ng solusyon na tutugon sa mga
sasanga-sangang mga suliranin ng lipunan.

Malakas ang panawagan ng mga Iskolar ng Bayan na tumayo at manindigan tuwing
pinagbabaantaang supilin ang ating mga karapatan: tuwing kinakaltasan tayo ng
pondo para sa edukasyon at sa mga batayang serbisyong panlipunan; tuwing
tinatalikuran ng estado ang karapatan sa edukasyon ng mga mag-aaral, gaya ng
nangyari kay Kristel Tejada; tuwing patuloy na nagiging bukas ang pamantasan para
sa mga kolaborasyon sa mga pribadong korporasyon, tulad ng Ayala, na patungo sa
kumersilasasyon ng edukasyon; tuwing ang unang tingin ng estado sa bawat mag-
aaral ay may-kayang kailangang patunayan ang pangangailangan ng tulong, na
malinaw na nakikita sa bagong anyo ng STFAP (Socialized Tuition and Financial
Assistance Program) sa ngalan ng STS (Socialized Tuition Scheme); tuwing hindi
maibigay ang mga payak na pangangailangan ng mga mag-aaral, tulad ng mga
tambayan at pasilidad; tuwing nakikita nating tila hindi sapat ang pagtugon ng UP
Administration upang matulungan ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda; tuwing
nailalagay sa peligro ang seguridad ng mga Iskolar ng Bayan, tulad ni Lordei Hina, sa
loob mismo ng pamantasan; tuwing patuloy na nadadagdagan at tumatagal ang
pagkamit ng hustiya para sa mga biktima ng karahasan at pang-abuso sa ating mga
karapatang pantao, tulad ng kay Maricon Montajes na binawian ng kalayaan, kay
Karen at She, at sa mga media ng bayan na nilapastangan at kinitil ang buhay sa
Maguindanao; at tuwing umuusbong ang banta sa pagkitil ng ating kalayaang
magpahayag sa social media dahil sa Anti-Cybercrime Law. Ilan lamang ito sa ating
OSR Vision Paper: Jules Guiang | 2

mga ipinaglalaban. Marami pang bala ang sistema na anumang oras ay maaring
maging banta sa ating hanay.

Nagbabago man ang sitwasyon ng bawat panahon, malinaw na patuloy pa rin ang
banta ng sistema ng pang-aapi at pangingikil. Ang tinig ng mga Iskolar ng Bayan ay
dapat tipunin upang lalong palakasin ang ating pwersa, kaya ang institusyon ng
Opisina ng Rehente ng mga Mag-aaral ay may napakahalagang instrumento upang ito
ay maisagawa. Ang Rehente ng mga Mag-aaral ay pawang may tungkulin na ilatag
ang ating mga hinaing sa lupon ng mga Rehente na may mandatong magpasya at
lumikha ng mga polisiyang sumasaklaw sa Unibersidad ng Pilipinas.

Kaya ang hamon sa atin ay magkaroon ng isang Rehente ng mga Mag-aaral na tapat
sa tinig ng kabataan at ng komunidad:

Isang Rehente na kikilos bilang isang Lingkod-Bayan na lubog sa mga
prinsipyo ng tamang pamamahala;

Isang Rehente na patuloy na paiigtingin ang mga nasimulan ng hanay at lakas
ng kabataan;

Isang Rehente na isasama sa pagkilos hindi lamang ang hanay ng kabataan
mula sa Unibersidad ng Pilipinas, kundi maging ang mga kapwa nating Iskolar
ng Bayan mula sa ibat ibang State Universities and Colleges (SUCs);

Isang Rehente na magsusulong ng malinaw na panukala na magpapatibay sa
tungkulin ng pamahalaan na maglaan ng sapat na pondo para sa edukasyon;

Isang Rehente na siyang mag-uusig at hahamon sa pamahalaan na maging
bukas at may pananagutan, sa loob man o sa labas ng unibersidad; at

Isang Rehente na magsisilbing sandata ng kabataan upang labanan ang mga
nagbabalat-kayong Lingkod-Bayan na ganid sa kapangyarihan at nilulustay
ang kaban ng sambayanan na nagmula sa dugot pawis ng ating mga
manggagawang kababayan.

Sa linyang ito, hangarin nating palakasin at magamit nang lubusan ang buong
potensyal ng Opisina ng Rehente ng mga Mag-aaral, para sa pamantasan ng bayan at
para sa sambayanan, bilang isang tunay na Lingkod-Bayan.





OSR Vision Paper: Jules Guiang | 3

PAGBUKLOD NG HANAY AT LAKAS NG KABATAAN
Hindi na iba sa atin ang pagkakaroon ng ibat ibang pananaw sa mga isyu sa loob ng
pamantasan at maging sa lipunan. Kalakasan ito kung maituturing dahil pinapalawak
nito ang ating pananaw hinggil sa ibat ibang isyung bumabagabag sa ating lipunan.
Subalit ang ating pagpapahalaga sa pakikipagtalastasan minsa'y maaari nang isantabi,
sapagkat may mga pagkakataong kinakailangan ang nagkakaisang pagkilos. Minsa'y
umaabot pa sa sitwasyong kanya-kanya tayong kumikilos, kahit na simula't sapul ay
iisa lang din naman ang ating hangarin. Tama na ang mapagbukod at mapanghating
diskurso. Oras na nating kilalanin ang ating pagkakaiba at magkaisa sa kabila ng mga
pagkakaibang ito.

OSR SA BAWAT KONSEHO. Ang OSR ay patuloy na bibigyang halaga ang
tuluyan na konsultasyon sa mga mag-aaral, gayundin ang pagpapatibay sa
komunikasyon at koordinasyon, sa mga konseho at mga organisasyon, hinggil
sa ibat ibang isyu. Tanging sa malinaw at mabisang pagpapapalakad ng OSR
magsisimula ang paghamig ng mga grupo tungo sa ating mga hangarin. Ito ay
maisasakatuparan sa pagkakaroon ng nakatalagang opisyal mula sa bawat
konseho sa bawat kampus na direktang makikipag-ugnayan sa OSR.
Hangarin din ng programang ito na magkaroon ng iisang iskedyul ang mga mga
konseho at ang OSR. Sa sitwasyong nakapagplano na ang mga konseho, ang
OSR siyang aangkla at magbubuklod sa mga iskedyul upang maging epektibo
ang pagpapasatupad ng mga kampanya.
Ang pagkakaroon ng sapat na kamalayan ng mga mag-aaral hinggil sa
tungkulin ng OSR ay isang hakbang upang mapahalagahan nila ang
oportunidad na makialam at makilahok sa pagpapasya ukol sa mga polisiyang
iniimplementa sa unibersidad.

LI NGKOD-BAYAN NEWSLETTER. Bahagi ng hangarin na ipaalam sa lahat
ng Iskolar ng Bayan ang kahalagahan ng OSR. Ilulunsad ang Lingkod-Bayan
Newsletter na magsasaad ng mga nangyayari sa OSR. Kasama na rito ang mga
nangyayari sa mga BOR meetings, mga programat proyektong isasagawa at
isinagawa ng OSR, at iba pa. Upang makabawas sa gastos at makatulong na rin
sa kalikasan, ang pahayagan na ito ay ilalabas sa social media.

OSR RESEARCH TEAM. Kasama ang OSR Secretariat sa kanilang
pangunahing mga tungkulin, hangarin ng OSR na magbuo ng isang Research
Team na pawang nakatutok sa pagsasaliksik hinggil sa mga isyu na nagaganap
sa loob at labas ng unibersidad. Ang mga datos na makakalap ay gagamitin
upang suportahan ang lahat ng mga kampanyang dadalhin ng OSR.

SYSTEM-WIDE POLI CY FAI R. Kasabay ng pagpapalawak ng kamalayan
ang pagpapakilala ng isang programa na hihikayat sa mga konseho at
OSR Vision Paper: Jules Guiang | 4

organisasyon na maghain ng kanilang nilikhang panukala bilang pagtugon sa
mga isyung pampamantasan at isyung panlipunan. Sa programang ito ay
mabibigyan natin ng pagkakataon ang mga mag-aaral na makibahagi sa
pagpapasya sa mga polisiyang maaaring maipatupad at higit pa rito ay maaari
din nilang tuligsain ang mga polisiyang kontra sa interes ng mag-aaral.

KASAMA SA LABAN. Bilang pambansang pamantasan, ang UP ay
nagsisilbing modelo ng mga SUCs. Kung anuman ang masimulan sa UP ay
maaaring maipatupad sa ibang mga SUCs. Kasabay rin dapat ang pagpapalawig
ng ating pagkilos at ang pagtitipon sa mga mag-aaral ng mga SUCs. Sama-
sama nating isusulong ang ating karapatan para sa edukayon.

Sa naganap na unang National Congress of College Councils (NCCC) nitong
Marso na idinaos sa College of Mass Communication, na siyang dinaluhan ng
mga konseho mula sa ibat ibang rehiyon, nabuo ang impresyon na tanging
mga Iskolar ng Bayan mula sa UP lamang ang dapat manguna sa mga pagkilos
para sa edukasyon. Isa itong malinaw na manipestasyon na dapat lamang nating
ipaalam sa kanila na sila rin ay importanteng bahagi sa ating pagkilos. Kaya
hangarin din ng OSR na makapagsagawa ng koordinasyon sa iba pang Rehente
o mga konseho sa buong Pilipinas upang pagbuklurin ang ating mga pagkilos at
magkaroon ng nagkakaisang panawagan.


OSR PARA SA PAMANTASAN NG BAYAN

TI NDIG NG ISKOLAR NG BAYAN. Ang Rehente ng mga Mag-aaral ay may
boses sa loob ng Board of Regents (BOR) kung kayat mahalaga lamang na
mapakinggan muna niya ang posisyon ng mga mag-aaral hinggil sa ibat ibang
isyung mailalatag sa BOR. Manggagaling mula sa mabisang koordinasyon ng
mga konseho at organisasyon ang magiging tindig ng Rehente. Tiyak na
darating ang mga pagkakataon na iba-iba ang magiging posisyon ng mga grupo
hinggil sa mga isyu, ngunit hindi ito magiging hadlang upang magkaroon ng
paninindigan ang OSR--paninindigan na nakabatay sa nagkakaisang interes.
Mula sa sari-saring mga pananaw na ito ay huhugitin natin ang esensya ng
ating ipinaglalaban. Malinaw na sa lahat ng pagkakataon, ang posisyon ng OSR
ay kikilingan lamang ang ikabubuti ng kalakhan ng mga mag-aaral.

STUDENT SUMMI TS. Patuloy na magsasagawa ng regular na mga pulong sa
lahat ng mga kampus kada semestre upang direktang maging lubog at lapat ang
Opisina sa kalagayan ng mga mag-aaral. Upang maging makabuluhan ang
bawat pulong, makikipag-ugnayan ang OSR sa Administration at konseho ng
bawat yunit upang makamit ang malawak na pakikilahok, hindi lamang ng mga
OSR Vision Paper: Jules Guiang | 5

konseho at organisasyon, kundi maging ang bawat Iskolar ng Bayan. Bagamat
matagal nang hamon ito sa lahat ng mga nagsilbi sa OSR at maging sa mga
konseho, babalik tayo sa halaga ng pagpapalawak ng kamalayan ng mga mag-
aaral: na ang bawat isyu na nananalantay sa loob at labas ng unibersidad ay
may epekto sa kalagayan ng bawat isa.

NAGKAKAI SANG UP. Sa programang ito, patuloy na makikipag-ugnayan ang
OSR sa mga Sectoral Regents upang mas palakasin ang panawagan mula sa
sektor ng kabataan. Kasabay na rito ang ating matibay na pagsuporta sa mga
ipinaglalaban ng kanilang mga sektor. Sa ganang ito, lalong pang lalakas ang
pwersa ng mga mag-aaral, kaguruan, at kawani ng UP upang nagkakaisang
harapin at pagtagumpayan ang mga isyu sa loob at labas ng unibersidad.
Kasama na rito ang pagsasagawa ng mga koalisyon upang tutulan ang mga
polisiyang taliwas sa ating mga karapatan, tulad ng STS, ang mga hamon na
kinahaharap ng UP Manininda at mga kaguruan, at marami pang iba.

FULL STATE SUBSI DY. Maximum agad ang panawagan ng OSR na tugunan
ng pamahalaan ang buong pangangailangan ng UP at ng mga SUCs. Sa
panahon kung kailan lumabas na unconstitutional na ang Priority Development
Assistance Fund (PDAF), mayroong malinaw na bahagi ng pambansang badyet
na maaaring mailipat sa edukayon. Ito ay liban pa sa panawagan na baguhin ng
pamahalaan ang prayoridad nito sa paglaan ng pondo, tulad na lamang sa
militarisasyon, pagbayad ng utang, at iba pa.

Sa kampanyang ito, hangarin ng OSR na mapagbuklod ang mga Iskolar ng
Bayan na harapin ang hamong ito bilang nagkakaisang hanay. Napatunayan na
iyan nitong 2013 noong sama-samang nagmartsa ang mga Iskolar ng Bayan
tungo sa Luneta, Mendiola, EDSA, at Katipunan upang labanan ang bulok na
sistema ng Pork Barrel. Hangarin ng kampanyang ito na patuloy na magamit
ang init ng pakikibaka laban sa Pork Barrel tungo sa mariing panawagan upang
makamit ang Full State Subsidy. Sa maximum na panawagang ito, makikita
nating kalaunan na ang STS ay hindi na kakailanganin pa.

KONSEHO PARA SA LAHAT. Hanggang sa ngayon ay mayroon pa ring mga
kolehiyo o institusyon ang wala pa ring mga konseho na mag-oorganisa sa
kapwa nating mga Iskolar ng Bayan. Hangarin ng OSR na sa katapusan ng
termino ay makapagsimula ng mga konseho sa mga matutukoy na kolehiyo o
institusyon. Ilulunsad ang kanilang pagkakatatag sa isa sa mga gaganaping
General Assembly of Student Councils (GASC).


OSR Vision Paper: Jules Guiang | 6

ANG PASURI SA MGA POLI SIYA. Mainam na suriin ang mga polisiya kada
limang taon upang matiyak na ito ay tumutugon pa rin sa mga pangangailangan
ng panahon. Hangarin ng OSR na tukuyin ang mga polisiya sa loob ng
unibersidad na pawang taliwas sa karapatan ng mga mag-aaral. Kasama na rin
dito ang mga pambansang polisiya, partikular sa edukasyon, na kontra sa
hangarin na mas mapalapit ang edukasyon sa lahat tulad na lamang ng RPHER
(Roadmap for Public Higher Education). Dahil sa rationalization ng mga SUCs
sa ilalim ng RPHER, nagbabadya ang patuloy na mabawasan ang badyet para
sa mga SUCs.

UP FOR GENDER RI GHTS. Patuloy ang pakikiisa ng mga grupo para
maitaguyod ang Gender Rights. Ang UP ang siyang dapat magsilbing modelo
ng bansa na nangunguna upang mailunsad ang mga programat proyekto na
patuloy na mapaiigting ang kamalayan ng mga Iskolar ng Bayan ukol dito.
Isang konkretong aksyon ay ang pagpapanukala na magkaroon ng Gender
Office kada konseho at gayun na rin ang pakikiisa ng UP Administration sa
pamamagitan nang pagkakaroon ng mga General Education subjects na ito ang
primeryang pokus.


OSR PARA SA SAMBAYANAN
Mandato ng Unibersidad ng Pilipinas na paglingkuran ang sambayanan kaya naman
bilang mga Iskolar ng Bayan, kasama dapat natin ang ibat ibang mga sektor ng
lipunan. Ang UP ay para sa kapakanan ng sambayanan. Tayo ay hinuhubog ng
pamantasan ng bayan upang makapaglingkod kahit tayo ay mga mag-aaral pa lamang.

MULA SA MASA, PARA SA MASA. Huwad at hindi makatotohanan ang mga
aksyong naglalayong makatulong sa mga komunidad kung ang mga nag-
oorganisa at hindi naman direktang nasaksihan o naramdaman ang kanilang
payak na mga hinaing at pinagdaraanan. Kaya naman hangarin ng OSR na
mailunsad ang mga programang naglalayong gawing mas lubog pa ang mga
Iskolar ng Bayan sa tunay na kalagayan ng mga komunidad, sa pamamagitan
ng Basic Masses Exposure (BMEx) at Basic Masses Integration (BMI).

HUSTISYA PARA SA KARAPATANG PANTAO. Hindi sapat ang dalawang
kamay upang mabilang ang mga naging biktima ng karahasan hinggil sa
karapatang pantao. Kaya hangarin ng OSR na patuloy na isagawa ang mga
nasimulan ng mga naunang Rehente at palawigin ang kamalayan ng mga
Iskolar ng Bayan ukol sa isyung ito. Ang kampanyang ito ay naglalayon din na
patuloy na mariing manawagan sa pamahalaan na bigyang prayoridad ang
pagkamit ang hustiya para sa mga naging biktima.

OSR Vision Paper: Jules Guiang | 7

SULONG, PANLI PUNANG HUSTIYA. Hindi masama ang pag-unlad lalo na
kung ito ay may maidudulot na kabutihan para sa mga mag-aaral at sa
komunidad. Ngunit kung ang pag-unlad na ito ay tatapakan lang din naman ang
karapatan ng mamamayan, ito ay walang hustiya at kailanman ay dapat
ikundena. Para saan pa ang ating pamantasan na ipinangalan sa ating bansa
kung ang mga kababayan din mismo natin na naninirahan sa loob ng kampus
ay itinataboy na lamang ng basta-basta? Pinapalala pa ito ng kawalan ng plano
ukol sa matinong paglilipatan ang mga paaalising komunidad. Nakababahala
ring isipin na may mga banta sa mga komunidad habang marami namang mga
idle assets ang UP na maaaring magamit sa produktibong paraan para sa lalong
ikauunlad ng akademiks. Hangarin ng kampanyang ito na idulog sa BOR na
dapat ay makatao ang pagtrato sa mga komunidad at pigilan ang kanilang
paglisan kundi ay lalo pang ayusin ang kanilang kalagayan.

HUSTISYANG PANG-KLI MA. Kaakibat ng nakagagambalang dulot ng
bagyong Yolanda sa mga kabababayan natin sa kanlurang Visayas, naging
mainit ang usapin hinggil sa tumitinding epekto ng pagbabagong-klima. Noong
dumating ang Ondoy sa Pilipinas, itinuring na itong isa sa pinakamalakas.
Hindi naman nagpatalo si Pablo at Sendong, at lalong hindi nagpahuli si
Yolanda. Ayon sa mga eksperto, inaasahan din na lalo pang titindi ang epekto
ng pagbabagong-klima. Ano nga ba ang tungkulin ng mamamayan sa usaping
ito, lalo na ng mga Pilipino? Bilang mga mamamayan sa bansang dinaraanan
ng mga bagyo, malaki rin ang ating magagawa upang mabawasan ang epekto
ng pagbabagong-klima. Ayon sa Conference of Parties 19 na ginanap sa
Warsaw, Poland, pinatunayan ng mga lider mula sa ibat ibang bansa na ang
labis na pag-emit ng CO2 ay isa sa mga dahilan nang paglala ng pagbabagong-
klima. At ang karaniwan na mga bansang nangunguna sa ganitong gawain ay
ang mga mayayaman at industriyalisadong bansa o ang mga tinatawag na
Annex 1 Countries. Ang hamon sa sektor ng mga kabataan ay paigtingin ang
panawagan na kaisa tayo ng ibat ibang sektor sa Pilipinas na nananawagan
para bawasan ang CO2 emissions ng mga Annex 1 Countries.

Ang League of College Councils ng UP Diliman ay ang pinakaunang grupo ng
mga kabataan sa Pilipinas na nakapagsagawa ng mobilisasyon para manawagan
hinggil sa isyung ito. Bagamat hindi pa ganoon kaingay ang isyu hinggil sa
Hustisyang Pangklima, hangarin ng OSR na mapagbuklud-buklod ang mga
konseho at organisasyon, sa loob at labas ng UP System




OSR Vision Paper: Jules Guiang | 8

OSR BILANG ISANG LINGKOD-BAYAN
Public Office is a Public Trust. Ang lahat ng instistusyon ng pamahalaan ay dapat
lubog at naglilingkod dahil sila ay patuloy na pinagkakatiwalaan ng mamamayan.
Mahalaga lamang na ang mga institusyon na ito ay tapat sa interes ng kanyang mga
pinaglilingkuran. Ang OSR ay isang public office, at ang Rehente ng mga Mag-aaral
ay isang public official. Kaya kaakibat ng ating paghamon sa ating pamahalaan ay ang
maging mabuting lingkod ng bayan kaya dapat lamang na maging huwaran mismo
ang OSR.

Sa linyang ito, hangarin ng OSR na maging lapat sa mga prinsipyo ng tamang
pamamahala o good governance. Ang mga prinsipyong ito ay ang P.A.R.T. o
participative governance, accountable governance, responsive governance, at
transparent governance. Ang lahat ng ito ay lilitaw sa sumusunod na mga programat
kampanya:

DARe (Disclose All Records) MOVEMENT. Naglipana na ang mga income
generating projects sa buong UP System. Sa Diliman pa lamang, sa harapan ni
Oble, makikita ang UP-Ayala Technohub. Sa likuran naman niya ay ang UP
Town Center, tila Ayala Campus na ang Diliman. Ngunit alam ba natin kung
magkano at saan napupunta ang kita nito?

Nitong 2007 ay nagtaas ang matrikula sa buong UP. Pero bakit biglang naging
P1,500 per yunit ang Bracket A? Bakit patuloy pa rin ang pagkakaroon ng mga
laboratory fees? Saan nga ba napunta ang increment fee?

Samantala, ang bawat Freshman ay may binabayarang Deposit Fee, at maari
daw niya itong bawiin bago siya magtapos. Sa mga Iskolar ng Bayan na hindi
na ito nakuha, saan ba ito napupunta?

Ang mga katanungang ito ay ilan lamang sa pagkarami-raming mga isyu na
hinahangad nating mabigyang linaw. Maaaring walang mekanismo para
mailabas ito sa publiko o tanging wala lamang tumututok upang makuha ang
impormasyong ito.

Kaya sa ganang ito, hangarin ng OSR na ilunsad ang DARe Movement upang
magsilbing plataporma ng mga Iskolar ng Bayan na mailabas ang impormasyon
hinggil sa mga transaksyon na pinapasukan ng UP. Nais din nating malaman
kung saan at paano nagagamit ang pera mula sa mga transaksyon na ito.

Kasama na rin sa kampanyang ito ang patuloy na hangarin ng OSR na
magsilbing huwaran ng tamang pamamahala, lalo nat pagdating sa pagiging
bukas sa lahat ng mga gawain ng opisinang ito. Kaya naman aasahan na
OSR Vision Paper: Jules Guiang | 9

magiging regular ang paglabas ng mga Minutes of the Meeting na mga
dinaluhan ng Rehente, ang pagbibigay-alam sa mga kaganapan sa BOR
Meetings, Financial Statement, at iba pa.

I PASA ANG FOI . Lagpas nang isang dekada ang patuloy nating paghahangad
para sa isang konkretong batas na magbibigay kapangyarihan sa ating
mamamayang igiit ang pagpapalabas ng pamahalaan ng karampatang
impormasyong may kinalaman sa interes ng bayan. Makikiisa sa laban ang
OSR, kasama ng mga grupong itinaguyod upang ipaglaban ang FOI bill, at
ating hihimukin ang sektor ng kabataan na umanib sa mga pagkilos upang
maipasa na nang tuluyan ang FOI bill.

ANI M PARA SA AMI N*. Ang OSR bilang Lingkod-Bayan ay may
mahalagang tungkulin sa pagpasa ng mga polisya sa loob ng unibersidad,
ngunit hangarin din ng OSR na manguna sa paglikha ng isang panukala na
magpapatibay sa tungkulin ng pamahalaan na maglaan ng karampatang
alokasyon para sa sektor ng edukasyon.

Ayon sa Delors Committee ng UNESCO noong 1996, ang bawat bansa ay
dapat maglaan ng hindi bababa ng 6% na halaga ng Gross National Product
(GNP) para sa paggastos sa edukasyon.

Sa aksyong ito ng OSR, pinatutunayan lamang natin na patuloy tayong
nagiging tapat sa tungkulin natin para sa hanay ng mga kabataan at sa
kabuuang sektor ng edukasyon. Ang aksyong ito ay magsisilbing simulain
upang magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa ating hangarin ng paglalaan
ng sapat na pondo para sa edukasyon.
*Ang ANIM PARA SA AMIN ay hiram na slogan mula sa isang grupo sa
Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na sumusuporta rin sa naturang
adbokasiya.


HATOL NG I SKOLAR NG BAYAN: PAGKI LATI S SA MGA BUWAYANG
GUTOM SA BABOY. Naging mahalaga ang tungkulin ng buong UP
Community sa mariin at maingay na panawagan na buwagin na ang PORK
BARREL System. Isa sa mga nanguna at nag-organisa ay ang OSR kung saan
napagbuklud-buklod ang lahat ng grupo at sektor sa UP upang makiisa sa kilos-
protesta sa Luneta, Mendiola, EDSA at Katipunan. Ito ay upang ihayag sa
buong bansa na kaisa ang sektor ng mga kabataan na galit at nais ding ibasura
ang naturang bulok na sistema. Nakamit natin ang simulaing tagumpay nang
ihatol ng Korte Suprema na unconstitutional ang PDAF. Ngunit simula pa
lamang ito.
OSR Vision Paper: Jules Guiang | 10


Hangarin ng OSR na patuloy na painitin at palakihin ang alab laban sa Pork
Barrel system, dahil habang may mga discretionary funds pa rin ang ibat ibang
sangay ng pamahalaan, mahirap na makitil o mabawasan man lamang ang
katiwalian.

Sa pamamagitan ng kampanyang ito, mangunguna ang OSR sa panawagan na
MAGBITIW AGAD SA PUWESTO ANG MGA PULITIKONG
MAPATUTUNAYANG NAGKASALA, kasama na rin dito ang mga
indibidwal na naging bahagi ng kahiya-hiyang scam na ito.

TUNGO SA ISANG OSR NA MAGSASAKATUPARAN NG KANIYANG
SINUMPAANG MANDATO; NA IPAGLABAN ANG MGA KARAPATAN NG
MGA MAG-AARAL AT KABATAAN SA BOR MAN O SA LANSANGAN; NA
KIKILOS KAAKIBAT NG MGA ESTUDYANTE NG UP AT IBAT IBANG
SEKTOR; AT MAGSISILBING ISANG HUWARAN NA LINGKOD-BAYAN
SA KANIYANG PAGLILINGKOD SA PAMANTASAN AT SAMBAYANAN!

You might also like