You are on page 1of 4

Labanan ang walang habas na pagkaltas sa badyet para sa mga OFW!

Igiit ang mas mataas na subsidyo ng gobyerno para sa mga OFW!


Inihanda ng Migrante International, Setyembre 2010

Makakaranas ng pinakamataas at walang-katulad na kaltas sa pondo para sa mga overseas Filipino workers (OFW) kung
aaprubahan ang panukalang 2011 Pambansang Badyet ng administrasyong Aquino.

Nailantad ito kamakailang lang nang dinggin ng Kongreso ang panukalang badyet para sa Department of Foreign Affairs
(DFA), isa sa mga punong ahensyang nangangasiwa sa kapakanan at serbisyo para sa mga OFW.

Sa P1.64T panukalang pambansang badyet para sa 2011, bumaba ang badyet ng DFA mula P12B para sa taong 2010
tungo P10.98B para sa 2011. Pangunahin at pinakamalaki ang ibinawas sa assistance to nationals (ATN) at legal
assistance fund (LAF), ang dalawang items na pinakamahalaga para sa mga OFW.

Sa kabuuang badyet para sa DFA, bumaba ng mahigit 50 porsyento ang pinagsamang pondo para sa ATN at LAF, mula
P200M para sa 2010 tungong P109.3M para sa susunod na taon. Nahahati ang halagang ito sa P81.9M para sa ATN at
P27.3M para sa LAF.

Sa ATN nakapaloob ang pondo para sa repatriation, shipment of remains, medical assistance tulad ng hospitalization,
psychological interventions, establishing whereabouts of OFWs, referral of labor case, consular visitation, emergency
shelter, basic necessities, translation services at financial assistance.

Ang LAF naman ay pondo para sa suportang ligal, mula sa pagbibigay ng abugado at iba pang mga ligal na serbisyo para
sa mga OFWs in distress (nakakulong, nasa death row, undocumented at iba pa).

Ang pondo para sa LAF ay mas mababa ng halos 50 porsyento sa P50M inilaan sa LAF para sa taong 2010. Paglabag ito sa
Republic Act 10022, ang inamyendahang RA 8043 o Migrant Workers Act, na nagtatakdang P100 milyon ang dapat na
ilaan para sa LAF. Ayon sa nasabing batas, P50M ng LAF ang manggagaling sa contingency fund ng pangulo, P30M mula
sa social fund ng pangulo, at P20M mula sa Overseas Workers Welfare Fund.

Kulang na nga ang badyet, binawasan pa. Ito ay sa kabila ng pangako ni Pangulong Benigno Noynoy Aquino sa
kanyang inaugural address na didirektahan niya ang DFA, Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine
Overseas Employment Adminisitration (POEA) na tiyaking maagap na natutugunan ang lahat ng mga pangangailangan ng
mga OFW.

Nakagagalit na makararanas ng pinakamataas na pagkaltas ang badyet para sa mga OFW gayong may 108 na nasa death
row, 7,000 na nakakulong sa ibat ibang mga bansa at 10,000 stranded sa Middle East pa lamang na naghihintay ng ma-
repatriate. Nitong Agosto, may 146 ding kaso ng human trafficking na ipinasa para imbestigahan ng Inter-Agency Council
against Trafficking persons (IACAT). Labas pa ito sa milyong bilang ng mga undocumented OFW sa ibat ibang mga bansa
na nangangailangan ng shelter, repatriation at tulong ligal.

Malinaw na na di matutugunan ng administrasyong Aquino ang lahat ng mga kasong ito dahil barya lamang ang inilalaan
para sa mga OFW! Mistulang hinugutan ng oxygen ang ating mga OFW na malaon nang naghihingalo.

Napakaliit na badyet, napakataas na kita mula sa mga OFW
Nakagagagalit ang kaltas sa badyet para sa mga OFW gayong napakalaki ng halagang kinikita at hinuhuthot ng gobyerno
mula sa sektor. Lumilinaw na patuloy ang paglalapastangan sa kagalingan at karapatan ng mga bagong bayani.

Ayon sa World Bank, mahigit-kumulang 11.2 porsyento ng Gross Domestic Product ang OFW remittance noong 2008 at
umabot na ito USD$17.3B noong 2009. Samantala, record-high ang OFW remittance nitong nakaraang Hulyo na umabot
sa 17 porsyento.

Laging ipinangangalandakan ng gobyerno na malaki ang utang na loob nito sa mga OFW dahil ang remittance ang
nagsisilbing salbabida sa pabulusok na ekonomiya. Gayunpaman, wala sa kalingkingan ng halagang iniaambag ng mga
OFW sa ekonomiya ang inilaang pondo para sa kanila.

Bukod sa OFW remittance, napakalaki rin ng kinikita ng gobyerno mula sa mga bayaring sinisingil sa mga OFW.

Sa nakaraang pagdinig sa mga panukalang badyet ng DFA, DOLE at POEA, hindi man lamang nabusisi ang mga
anomalya at kung saan napupunta ang mga samut saring bayaring sinisingil sa mga OFW.

Matagal nang hinaing ng mga OFW ang pwersado at sapilitang paniningil ng kung anu-anong mga bayarin sa ibat ibang
ahensya ng gobyerno. Kabilang na rito ang $25 OWWA membership fee, mga processing fee ng POEA, medicare, Pag-
Ibig mandatory contributions, pagtaas ng singil ng e-passport, at iba pa.

KOTONG NG GOBYERNO SA OFW
76 na pirma (mula sa ibat ibang dokumento) P7,600
Passport (minimum) 1,200
POEA fee (new hire) 7,500
OWWA fee ($25) 1,300
Medicare 900
Pag-Ibig 600
Iba pang bayarin 1,000++
Total P20,000 (average)

Kung susumahin, mayroong average P20,000 na nakokolekta sa bawat OFW na lumalabas ng bansa. Ayon sa datos ng
DOLE, may 4,500 OFW ang lumalabas ng bansa bawat araw. Ibig sabihin, sa bawat 1.6M OFW kada taon, nakakakolekta
ang gobyerno ng mahigit-kumulang P32.8B mula sa mga singilin. Sa kabila nito, nananatiling pahirapan at kulang na
kulang ang serbisyo ng mga naturang ahensya para sa mga OFW.

Napapanahon ang malaking isyu ng pagkaltas sa badyet upang palakasin ang panawagang imbestigahan ang mga
pondong nakokolekta ng OWWA, POEA at Pag-Ibig, ipatigil ang paniningil ng mga bayaring ito, kasama na ang pagtaas ng
presyo ng e-passport, at higit sa lahat, ipaglaban ang panawagang maglaan ang gobyerno ng mas mataas na subsidyo
para sa mga OFW.

Ang serbisyo at suporta para sa mga OFW ay marapat lamang na manggaling mismo sa gobyerno, at hindi sa bulsa ng
mga OFW.

Pinakamataas para sa bayad-utang, military at white elephants
Samantala, higit pang tumaas ang badyet para sa bayad-utang, militar at ilang mga proyektong bulnerable sa korupsyon.

Pinakamalaki ang itinaas ng badyet para sa pambayad-utang, ito na ang pinakamataas na halagang inilaan para rito sa
kasaysayan. Tumaas ito ng P80.9B, aabot na ito sa P357.1B para sa taong 2011, para bayaran ang kabuuang P823.7B
utang-panlabas.

Lolobo naman ang pondo ng militar. Ang badyet ng Department of National Defense (DND) ay tataas mula P96.2B
tungong P104.7B. Ang pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay tataas ng P10B, habang tataas ang para sa
Philippine National Police ng P6.6B. Pinakamalaking bahagdan ng pondo ng PNP ay ilalaan para sa counter-insurgency.

Tataas din ang pondo para sa pork barrel tungong P10.9B tungong P24.8B. Ang mga pondo para sa mga tinaguriang
white elephants, o mga pondong pinakabulnerable sa kurakot, sa anyo ng mga dole-outs ay nasa P29.2B.

Pondo para ipatupad ang mga patakarang neo-liberal
Bukod sa malaking kaltas para sa mga OFW, babawasan din ang mga pondo para sa edukasyon, kalusugan, agrikultura,
mga pambansang pasilidad at iba pang mga batayang serbisyo.

Ayon kay Aquino, sadyang binawasan daw ang badyet ng mga ito dahil umaasang malaki ang kikitain ng gobyerno mula
sa mga public-private partnership (PPP). Sa kanyang pinakaunang byahe sa US kamakailan lang, sa katunayan, isa sa
naging pangunahing agenda ni Aquino ang pakikipagpulong sa malalaking mga kumpanya upang hikayatin silang
mamuhunan sa bansa.

Maglalaan ng P15B lump-sum funds sa public-private partnership support. Kakatuwang napakalaki ng inilalan para
sa PPP gayong binanggit ni Aquino sa kanyang SONA na papasukin ng gobyerno ito at no government expense.
Malinaw din na ang patutunguhan ng Aquino administration ay mas matinding pribatisasyon.

Ang pangunahing tunguhin at programa ng rehimeng Aquino na pumasok sa mga PPP bilang pangunahing pagkukunan
ng kita/revenue ng pamahalaan ay taliwas na taliwas sa kanyang ipinangalalandakang pagbabago. Bagkus, lalo lamang
nitong paiigitngin ang liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon sa ngalan ng mga patakarang neo-liberal bilang dikta
ng imperyalistang globalisasyon na matagal nang direksyon ng mga nagdaang administrasyon.

Isang integral na bahagi rin ng mga patakarang neo-liberal ang higit pang pagpapaigting sa labor export policy (LEP)
kung saan lantarang ibinubukas at hinihikayat ang pwersang paggawa (labor force) ng bansa na ibenta ang kanilang lakas
paggawa sa murang halaga (cheap labor) sa ibayong bansa. Ito, sa kabila ng pahayag ni Aquino sa kanyang inaugural
speech na layunin ng kanyang pamahalaan na paramihin ang trabaho dito sa ating bansa upang hindi na kailanganin
ang mangibang-bansa para makahanap ng trabaho.

Walang ibang patutunguhan ang pangangayupapa ni Aquino sa mga patakarang neo-liberal kundi higit pang
pambubusabos at pagpapahirap sa mamamayan. Unti-unti nang umuugong ang paglaban ng mamamayan sa pagtanggal
ng subsidy sa MRT/LRT na magreresulta sa pagtaas ng pamasahe, pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa
eskewela, huwad na reporma sa lupa sa pangunguna ng paglaban ng mga magsasaka at manggagawang-bukid ng
Hacienda Luisita, patuloy na kontraktwalisasyon (ABS-CBN, PAL) at para sa makabuluhang pagtaas ng sahod ng mga
manggagawa. Sa loob at labas ng bansa, lumalakas ang pagtutol ng mga OFW at pamilya laban sa mga di-makatarungang
bayarin at kontra-migranteng mga patakaran.

Malinaw sa panukalang 2011 pambansang badyet ni Aquino na hindi tunay na pagbabago para sa tunay na reporma sa
lupa, pambansang industriyalisasyon at pagtugon sa mga batayang mga serbisyong panlipunan ang kanyang tunguhin.
Kahit ang pagtaas ng pondo para sa AFP, PNP at DND ay bahagi pa rin ng maka-imperyalistang dikta para sa gerang
agresyon at counter-insurgency na layuning supilin ang mamamayang lumalaban.

Serbisyo, hindi negosyo! Proteksyon, hindi koleksyon!
Dapat tipunin ang pinakamalawak na pagkakaisa sa hanay ng mga OFW, kapamilya, kaalyado at mamamayan laban sa
kaltas sa badyet para sa mga OFW, laban sa pangongotong ng gobyerno, at sa panawagang mas mataas na subsidyo para
sa sektor.
Kalampagin natin ang mga kinatawan ng Kongreso na tutulan at huwag pahintulutan ang di-makatarungang pagkalatas
na ito. Malakas nating ipanawagan na isapwesto ang mga OFW sa mga prayoridad ng gobyerno, sa halip na sa militar,
bayad-utang, white elephants at pagpapaigting sa mga patakarang neo-liberal. Malakas din nating ilantad ang matagal
nang kahungkagan at panloloko ng mga ahensyang tulad ng OWWA, POEA at DFA sa mga OFW.
Sa darating na Oktubre 6, ika-100 araw mula nang mailuklok si Aquino sa pwesto, mariin nating ipaabot ang ating
paniningil sa kanyang mga kasinungalingan at mga pangakong napako. Malakas nating ipahayag sa buong mundo ang
ating pagtutol sa kaltas sa badyet para sa mga OFW at sa patuloy na pangongotong ng gobyerno sa ating mga
kababayan. Sa Oktubre 6, ipamalas natin ang isang internationally-coordinated action na dadagundong sa buong
mundo.
Sikapin nating masustini ang kampanyang ito para sa gaganaping Pambansang Konsultasyon ng Migrante International
sa Oktubre 17-21 at sa gaganaping International Assembly of Migrants and Refugees (IAMR) sa darating na Nobyembre.
Sa Nobyembre tinatantiya ng Kongreso ang pagpinal ang aaprubahang 2011 pambansang badyet.
Serbisyo, hindi negosyo! Proteksyon, hindi koleksyon!
Labanan ang pagkaltas sa badyet ng OFW!
Itigil ang pwersahang mga paniningil: $25 OWWA membership fee, Pag-Ibig contribution, e-passport fee hike, at iba
pa!
Labor export policy, ibasura! Ipaglaban ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa!
Singilin ang rehimeng US-Aquino sa kanyang huwad na pagbabago!

You might also like