“Makapagaral at makapagtapos upang makatulong sa pamilya at lipunan.” Ito
ang mga kadalasan nating naririnig na layunin sa buhay ng mga kabataan. Ngunit sa kasamaang palad, pili lamang sa kanila ang nagkakaroon ng pagkakataong tuparin ito dahil sa kahirapan. Sa ngayon, ang edukasyon ay nagiging isang prebilehiyo na lamang dahil ang mga mayayaman ang siyang nakapag-babayad para sa edukasyon at hindi ang mga maralitang karapat-dapat din sa pagtatamo ng karunungan. Ayon sa Partido Kabataan, halos dalawa at kalahating milyong estudyante ang titigil sa pagaaral sa taong 2010. At ang lahat ng ito ay dahil lamang sa isang dahilan,- ang kahirapan.
Sinasabing ang edukasyon ang susi tungo sa magandang kinabukasan ng
lipunan. Ito ay isang mahalagang yugto sa buhay kung saan tayo ay tinuturuan upang maging handa sa hamon ng kinabukasan. Ngunit sa kabila ng mga dahilang ito, patuloy na nakararanas ng krisis ang ating sistema ng edukasyon. Ang pagtaas ng presyo ng matrikula sa mga pribado at maging ang mga pampublikong paaralan ay isang hadlang sa pagaaral ng mga maralitang estudyante. Sa isang artikulo ni Ellalyn De Vera sa Manila Bulletin, ang isyu ng pagtaas ng matrikula sa Unibersidad ng Pilipinas ay pagtanggal sa karapatan ng mga mahihirap na estudyante na makapasok sa pinaka- premyadong institusyon sa bansa. Dahil dito, halos lahat ng mga kabataang maralita ay napipilitang tumigil at malugmok sa paghihintay na matustusan ang pagka-uhaw sa edukasyon.
Karapatan ng bawat bata ang magtamo ng sapat na edukasyon at mapaunlad
ang kanilang kakayahan. Ngunit dahil sa mga balakid tulad ng kahirapan, hindi magkakaroon ang bansang ito ng mga mahuhusay na lider sa darating na panahon. Oras na upang imulat ng lahat ang kanilang kamalayan sa suliraning ito. Tayo mismo, mga kapwa ko kamag-aral, ang susi sa kinabukasan ng bansa. Huwag nating palampasin at sayangin ang pagkakataong tayo’y nagaaral. Lagi nating isaisip na ang pagtamo ng edukasyon ay ang matatag na pundasyon sa isang matibay na lipunan.