You are on page 1of 10

Geronimo Cristobal, Jr.

2004-78039 Fil 180 THY1


Prop. Wilfreda J. Legaspi
Ika-16 ng Disyembre 2010

Pagsasalin bilang pagsasala

Tungkol ebolusyon, konteksto at maikling kasaysayan ng pagsasalin ng nobela sa Pilipinas (1708-2008)

Napatunayan ng mga makabagong pag-aaral sa panitikang Filipino na ang pagsasalin ng nobela ay may
simulain na kakambal ng danas ng kolonyalismo. Ito ay resulta ng inisyatibo ng puwersang kultural (at
samakatwid relihiyoso at sosyal). Masasabing ito rin ay may mga implikasyong pulitikal sapagkat
sinasakop din ng usapin ng panitikan ang papel nito sa lipunan.

Ipinagpapalagay ng papel na ito na kasabay ng pagtanggap sa ideolohiya at gahum (hegemony) ng


kolonya ang pagsalin ng dayuhang teksto sa katutubong wika. Gayundin, at sa isang halos kapantay na
guhit sa kasaysayan, nakaukit sa pagsasalin ang kapalaran ng pagbabago at pagtatalusira sa ideolohiya at
gahum na ito.

Halos maituturing na isang mistikal na penomenon ang pagsasalin sa modernong panahon dahil kaugnay
din ito ng palitan ng impormasyon—mga impormasyong nagbibigay hubog sa kapalaran ng mundo. Ang
personal kong paniniwala, isang indikasyon ng kaunlaran at kapalaran ng lipunan ang sigla ng pagsasalin.
Walang duda, dahil tiyak na may layunin ang pagsasalin, lalo na ng nobela, na pinapahintulutan o
nalilimitahan lamang ayon sa ekonomikong kalagayan at interes ng tagapagsalin at ng institusyong
nagpopondo sa kanya.

Makikita na ang kasulukuyang pagsasalin ay direktang nagebolb mula sa uri ng pagsasaling umiral noon.
Ito ay laging hawak ng isang uri ng kapangyarihan, at kung sino at ano ito ang siyang tanging nagbabago.
Nananatili ang kapangyarihan at ang pagsasalin ay nakokontrol ng kanyang mga pasya. Sa kaso ng
nobelang Filipino, may tatlong primaryang naghawak ng kapangyarihang ito: ang simbahan, ang kolonya
at ang akademya.

Pagkatapos silipin ang kasaysayan ng pagsasalin sa panahon ng pananakop, ihahain ko ang isang
proposisyon na hinugot ko batay sa analisis ng mga publikasyon, mga elementong sangkot sa pagsasalin
at kondisyon mismo ng tagapagsalin. Ang proposisyon kong ito ay patungkol sa kalikasan ng pagsasalin
sa panahong kasulukuyan.

Una, ang pagsasalin bilang pagsasala. Papatunayan ko na ang pagsasalin ay isang aktibidad na nagsasala,
nagtatakda at naghihimay ng kung anomang makabuluhan at praktikal sa isang lipunan. Sinasala at
sinasalamin din nito ang mga padrino (trends) ng popular na diskurso. Sa madaling sabi, naisasalin ang
isang nobela dahil tinatayang ito ay may kultural na kahalagahan at pinahintulutan ng materyal na
kondisyon--halimbawa ng paguukol ng pinansya ng isang institusyon at kakayahan ng tagapagsalin.
Batay sa pagtanaw na ang pagsasalin ng nobela ay isang uri ng pagsasala, masasabing ang isinaling akda
ay ‘pag-iral’ (appearance) ng isang akdang pampanitikan sa isang kultura, isang pagbibigay anyo sa isang
kaisipan at hindi lamang bastang kopya ng kaisipang ito—produksyon at hindi reproduksyon lamang.

1
Ang pangalawang kalikasan ng kontemporanyong pagsasalin ay bilang pagbabaligtad ng kapangyarihan
at ng ating pananaw. Binabaliktad nito ang relasyon ng orihinal at salin, ng source text at target language,
ng tagapagsalin at awtor at marami pang iba. Ang pagbabaligtad ng mga relasyong ito ay lumilikha din ng
mga panibagong relasyon.

Ang unang nobelang Tagalog ay siya ring nobelang unang isinalin sa Pilipinas

Makikita natin sa ilang tala tungkol sa kasaysayan ng pagsasalin na ang malikhaing produksyon at
pagsasalin ay walang pagkakaiba sa intindi at panulat ng katutubo. Ebidensya nito ang Barlaan at
Josapahat (1708 at 1712) ng Prayleng si Antonio de Borja. Ayon sa pag-aaral ni Almario, ang Barlaan at
Josaphat ay hango lamang isang sagradong kuwentong Buddhista na isinalin sa Latin at Espanyol mula sa
wikang Griyego. Ipinaliwanag naman ni Resil Mojares na sa pagitan nina San Juan Damaseno na
pinagmulan ng Griyegong teksto at ni Borja na nagsalin sa Tagalog ay maaaring ginamit din ni Borja ang
saling Espanyol ng bersiyong Latin ng Barlaam at Josafat na sinulat ni Jocobo Biblio. Ngunit may
pasubali si Almario na ang tekstong pinagbatayan ni Fray de Borja ay Espanyol imbes na Griyego.
Sumangayon din si Almario sa mga saliksik na Balavariani na ang kuwento ng Barlaan at Josaphat ay
hindi orihinal na akda ni San Juan Damaseno, bagkus “sinulat ng isang monghe sa monasteryo ng Sabbas
na malapit sa Jerusalem.” Sa kabila ng rebelasyon ng makabagong pananaliksik na ito’y salin lamang
mula sa iba’t ibang wika, ipinapalagay pa rin na ang Barlaan at Josaphat ang kauna-unahang nobelang
Tagalog.

At bakit hindi?

Tila isang kabalintunaan ngunit nasa proposisyon ng mga iskolar tulad nina Lawrence Venuti na
katangiang taglay ng pagsasalin ang pagtaksilan ang kanyang source text. Totoo ito lalo na sa nobela na
mabigat sa wika at kultura at pati na rin sa pulitika. Hindi lumalapag nang walang gasgas ang source text,
bagkus ito ay parang liwanag na pinakalat sa isang kristal. Ang komunikasyon sa pagsasalin ay isang
sabay-sabay na ‘decontextualization’ at ‘recontextualization’; ito ay ‘produktibo’ kaysa ‘reproduktibo’.
Bilang produkto, ang pagsasalin ay nagsasabi ng higit at kung minsan kulang sa intensyon ng source text.
Bilang proseso, ipinapakita ng pagsasalin ang iba’t ibang moda ng pamumuhay, o di kaya ng nilalayong
pagkakaintindi o di-pagkakaintindihan ng iba pang moda ng pamumuhay sa mundo. Binubuo nito ang
isang masalimuot na latian ng komunikasyon sa pagitan ng mga kultura at nagpipinta rin sa kabuuang
kasalimuotan ng komunikasyon sa kabuuan.

Marahil isang patunay din ng tibay at bisa ng pagsasalin bilang instrumento ng malikhaing produksyon,
isinalin pang muli ang salin ni Borja sa ‘Baralaan at Josaphat’ sa Ilokano ni P. Agustin Mejia. Ayon sa
opinyon ng mga nag-aaral ng wika, ang pangunahing layunin sa pagkakasulat ng aklat na ito ay nasa
interes ng pagpapalaganap ng Katolisismo.

Para kay Virgilio Almario na nagsalin ng Barlaan at Josaphat sa modernong wikang Filipino noong 2003,
“makabuluhang mohon” ang akda sa pormalisasyon ng wikang Tagalog. Napatunayan umano ng salin na
may kakayahan ang Tagalog na magamit para sa sopistikadong paksaing panrelihiyon at pampolitika. Ito
raw ang unang artifact kung saan nakitang nilahukan ang Tagalog ng Espanyol na sinasabi ni Almario na
‘nagpayaman’ sa Tagalog bilang makabagong wika sa matataas na larang.

Higit pa rito, nagamit sa salin ang mga dalumat [konsepto] na Tagalog at inilangkap sa kaisipang
Espanyol. Sa ganitong paraan, naging talaan ng wika't kaisipang Tagalog ang salin ni Borja na hindi na

2
lamang makabuluhan noon para sa mga frayleng Espanyol bagkus maging sa kasalukuyang mag-aaral
ngayon ng Tagalog na naghahanap na bagong bukal ng katutubong dalumat.

Kung nagsimula sa kagat ng pananakop ang tradisyon ng pagsasalin sa Filipino1 at sa isang antas, maging
ng tradisyong pampanitikan sa kabuuan, naging susi rin ito sa pagkakatuklas ng pambansang panitikang
umaangkop sa takbo ng panahon. Ipagpalagay na nating naging mekanismo ng relihiyon ang pagsasalin,
mainam din sigurong ilugar at basahin sa lente ng kasaysayan ng pagsasalin, at sa partikular, ng
pagsasalin ng nobela ang mga akdang bumasag sa kapit ng ideolohiyang dala nito.

Ang unang modernong nobela ay isang pagsasalin

Alam natin na ang genre ng nobela ay hindi nalikha bago ang teknolohiya ng palimbagan sa Guttenberg,
kung kaya maituturo natin sa siglo-16 ang pagsilang nito. Ang palimbagan sa Guttenberg na naging susi
sa tagumpay ng kilusang protestante sa Europa ay pinaniniwalaan dinng naging hudyat ng unang
modernong nobelang naisulat (at ito ay nasa wikang kastila); ang El ingenioso hidalgo Don Quijote de la
Mancha o Don Quixote na nailimbag taong 1605. Ang nakakatuwang salik ng Don Quijote ay ang
allegorya nito tungkol sa kanyang sarili bilang isang pagsasalin. Agarang tinapos ni Cervantes ang unang
bahagi ng nobela sa isang eksena ng digmaan at binitin tayo dahil ‘umalis ang awtor sa eksena’. Bilang
pagpupuno nahanap diumano ng awtor ang karagdagang kuwento ni Don Quijote na itinitinda sa
palengke ng Toledo at nakasulat sa wikang Arabo. Tanyag ang bayan ng Toledo sa panahoong iyon
bilang sentro ng pagsasalin. Dito namamalagi ang maraming tagapagsalin na ayon kay Cervantes ay
nagpapanatili ng mga alamat ng unang panahon. Isang Morisco ang nagsalin at nagsalaysay ng kuwento
ni Quijote na isinulat diumano ng isang Cide Hamete Benengeli, isang historyador na Arabo”. Kinontra
ng awtor ang Morisco para isalin ang isinulat ng historyador at saka niya dinugtungan ang kuwento ni
Don Quijote.

Nang malimbag ang Don Quijote, nasa ilalim na ng pamunuang kolonyal ang ilang isla ng Pilipinas.
Naitakda na ang sentro ng kolonya sa Maynila, na ang lingua franca ay Tagalog. Batay sa katotohanang
ito, masasabing nasa tamang perspektiba na ng mga prayleng nagsalin sa wikang katutubo na ang
kanilang ginagawa ay may kakabit na implikasyon ng asimilasyon ng kolonyal (at samakatuwid
kanluranin at sibilisado) sa katutubo (at samakatuwid primitibo).

Madaling sabihin na may layunin at operasyong nagsisilbi sa pagpapalaganap ng relihiyong katoliko ang
pag-alam ng kultura at pagaangkop nito sa ideolohiya at gawi ng kolonya. Gayundin, ang pagpapakalat ng
babasahin sa wikang katutubo ay nasa interes ng pagtitipon at pagkakaisa ng asimiladong populasyon
(subjects) na dati’y magkakawatak-watak at walang kinikilalang sentral na kapangyarihan. Sa madaling
sabi, upang lalong maging pamilyar sa pamamalakad ng kolonyal na panginoon, kinailangang
pagyamanin kundi man imbentuhin ang isang tradisyon ng panitikang dikit-dikit, sentralisado at bukas sa
modipikasyon. Ang siste, may pagtanaw na ang mga kolonisador noon tungkol sa suliranin ng
1
Gagamitin ang terminong “Filipino” upang tukuyin pati ang mga wikang katutubo sa panahon ng
pananakop. Ang wikang Filipino ay produkto ng probisyon sa saligang batas ng 1986. Nabuo ang
konsepto nito noong Nobyembre 13, 1937, sa unang Pambansang Asamblea ng Surian ng Wikang
Pambansa na pumili sa Tagalog bilang batayan ng isang bagong pambansang wika. Isa itong wikang
Awstronesyo at ang de facto ("sa katotohanan") na pamantayang bersyon ng wikang Tagalog,
bagaman de jure ("sa prinsipyo") itong iba rito. Ang paggamit ko sa salitang Filipino sa papel na ito ay
may dalawang layunin; una bilang pagtukoy sa mga wikang katutubo at pangalawa bilang pagtukoy ko
sa wikang nilikha ng kumbensyon ng SWP noong 1937.
3
pagkakawatakwatak ng mga islang kanilang sinasakop at makikitang isang kompromiso ang pagsira sa
katutubong baybayin bilang koda ng pagsulat para sa latinisadong ispeling ng wikang tagalog na nagsilbi
sa interes ng dayuhang iskolar.

Sa kabila nito, ibinihag din ng dayuhan ang wika mula sa kamay ng katutubo. Nilimitahan kundi man
niya sinira ang anumang pagkakaisang nabubuo sa pagitan nila at nanatiling medium ng pagsasalin ang
wikang Kastila na hindi naiintindihan ng karaniwang indio. Maghihintay ng tatlong daang taon bago
matuklasan at maunawaan ng mga illustrado ang mga tala nina Morga, Borja at Pigafetta. Sa loob ng mga
taong iyon tahimik ang pagsasalin at samakatuwid ng pag-unlad ng kaalaman sa isla. Nanatiling lampa
ang anumang paghihimagsik laban sa hawak na kaalaman ng kanyang pinaghihimagsikan.

Sa ganitong lagay, mainam tanungin kung nakita kaya ng kolonisador ang nobela bilang instrumento ng
mas mabilis at mabisang pananakop? Siguro ang sagot sa katanungang iyan ay kakabit ng analisis sa
pulitika ng pagsasalin.

Ang dialogo ng pagsasalin ng nobela at kapangyarihan

Sinasabing ang panitikan daw ay laging nasa estado ng pagbabago at sirkulasyon. Halimbawa, paano
nabigyang hugis ng kasaysayan ng pagbabago ang pagusbong ng nobela. Ayon sa akdang The Spread of
Novels ni Mary Helen McMurran, ang nobela ay bunsod ng isang pagbabago sa tradisyon ng pagsasalin
(sa Ingles at wikang Pranses). Ipinapakita niya sa serye ng mga ilustrasyon na ang pagsasalin ay kapwa
dahilan at paraan kung saan naging matagumpay ang nobela bilang dominanteng genre. Ang pag-usbong
ng nobela ayon kay Mcmurran ay marka ng paghahati sa kasaysayan ng pagsasalin mula sa pre-modern
na sistema ng pagsasalin at pagdating ng modernong palitan sa panitikan.

Ipinapaliwanag ni McMurran ang ilang aspeto sa kasaysayan ng prosang piksyon, kasama ang radikal na
rebisyon ng orihen ng piksyon na mula sa paglilipat sa pagitan ng mga kultura patungo sa pag-uugat nito
sa pagusbong ng “nation”. Sakop sa usapin ang nagtutunggaliang mga palisis sa paghihigpit sa kalakalan
ng libro, na umasa sa mga tagapagsalin para mapalakas ang merkado sa kabila ng pagbaba ng halaga ng
lakas-paggawa; at ang nagbabagong papel ng pagsasalin ng prosang piksyon sa relasyong Ingles-Pranses
na tumatawid hindi lamang sa Channel na namamagitan sa kanila kundi pati na rin sa lupaing tinatawag
na New World (o ang ‘mainland’ at mga bansang nasasakupan nila). Inieksamin ni Mcmurran ang mga
nobelang Ingles at Pranses, kasama na ang mga nobelang nakarating sa Hilagang Amerika. Naging
primaryang batis na materyal ang mga manunulat na sina France Brooke, Daniel Defoe, Samuel
Richardson, Françoise Graffigny.

Kasabay ng bagong pagpapakahulugan ng librong The Spread of Novels tungkol sa relasyon ng nobela at
pagsasalin, naisip kong gawan ng isang maikling analisis ang pangangatawan ng nobelang Filipino (na
nakaugat sa pagsasalin ng dayuhang nobela) sa ideya natin ng modernity at indibidwalismo. Kung
magagawa ko ang katulad ng ginawa ni McMurran, mabibigyan (kahit kaunti) ng simula ang
dekonstruksyon sa genre ng nobelang Filipino at maipapakita ang di-modernong mga katangian nito at
masukat itong muli bilang bahagi ng pagusbong ng ng bernakular na kosmopolitanismo.

Rationale ng pagsasalin ng nobela

Ang tao ay mga nilalang na likas na sosyal kasya mapag-isa. Nakikisalamuha siya hindi lamang sa
kanyang kapwa kundi pati na rin sa kanyang kapaligiran. Ang moda ng kanyang pagkatao ay nakabatay
4
sa pakikisabay niya sa nagbabagong konteksto ng mundo. Ang pagsasalin kung titingnan bilang isang
moda ng pamumuhay sa mundo, ay hindi maaring ihiwalay bagkus ay dapat pa ngang ikabit parati sa
konteksto ng isang sistemang panlipunan. Nabubuhay ito sa isang sitwasyon na may kasaling ugnayan ng
mga elementog bukod pa sa kanya tulad ng obhektibong kondisyong ekonomiko, kultural at pulitikal na
institusyon at marami pa.

Dahil hindi maiiwasan ng tagapagsalin na maging tapat sa kanyang sariling kalagayan at pananaw hindi
rin siya lubusang magiging tapat sa kanyang isinasaling teksto. “Ang proseso ng pagsasaling kultural,”
ang sabi ng tanyag na antropologong si Talal Asad, “ay nakalubog sa kondisyon ng kapangyarihan”
Dagdag dito ang sabi ng kritikong si Rey Chow na ang isang uri ng kapangyarihan ay sangkot sa
anumang uri ng pagsasalin—mula kultura hanggang sa kanyang mga anyo ng paghahayag—mahahanap
ang ugnayang etimoholikal ng pagsasalin at tradisyon. “Paano,” tanong ni Chow, “naipapahayag ang
tradisyon, kundi sa pagsasalin?”

Naniniwala si Benedict Anderson sa papel ng nakalimbag na panitikan sa pagsikat ng nasyunalismo.


Aniya sa librong “Imagined communities” ang paglaganap ng genre ng nobela, ang paglago ng propesyon
ng pagsasalin at pagunlad ng teknolohiya ng paglilimbag ay malapit na kaugnayan sa ideolohiya ng
nasyunalismo. Halimbawa, gumawa ito ng istruktura ng ugnayan sa pagitan ng mga indibidwal, sa
pamamagitan ng nobelang kanilang binabasa na sa kalaunan ay nagbibigay ng isang kulturang
pinagsasaluhan at kinabibilangan ng lahat ng taong nararating nito.

At ano pa nga ba ang genre na higit na nakinabang sa pagbabagong ito kundi ang nobela? Kung naitanim
sa nobela ang propaganda ng ideolohiya ng pananakop, naitanim din naman dito, partikular sa mga
pahinang isinulat ni Alexandre Dumas at Harriet Beecher Stowe, ang binhi ng pagbabago, ang panitikan
ng rebolusyon.

Ang pagsasalin sa mga pagbabago ng panahon

Ayon sa librong After Babel ni George Steiner,"To understand is to decipher. To hear significance is to
translate. Hinahamon ni Steiner ang kumbensyunal na teorya ng pagsasalin sa kanyang matibay na
paniniwal na ang ang lahat ng komuniksayong pantao at sa loob at sa pagitan ng mga wika ay pagsasalin.
Inilalaban ni Steiner na ang dahilan ng pagyabon ng mga wika ay nasa pandaraya. Ang pangangailangan
ng taong maging pribado at pangalagaan ang kanyang teritoryo ang nagbunsod ng libo-libong wika na
nakadisenyo upang panatilihin ang pagiging lihim ng bukod ng isang kultura. Ang totoong pagsasalin sa
pagitan ng mga wika kung gayon ay imposible dahil ang orihinal na kabuluhan ay laging nawawala sa
pagpapalit ng wika: ang isinaling teksto ay konstruksyon ng kultural na paniniwala, kaalaman at ugali.

Kung pamantayan ng malikhaing produksyon ang pagkaksalin Barlaan at Josaphat mahigit apatnaraang
taon na ang nakaraan ang pagsasalin sa kontemporanyong panahon ay masasabing pamantayan din ng
kaganapan sa lipunan sa kasulukuyan at sa hinaharap. Kung indikasyon ng kultural na pagpapahalaga ang
pagsasalin, masasabing ang kakaunting mga titulong nailalabas taun-taon ay indikasyon ng kawalan ng
interes ng ating lipunan sa kaalamang banyaga o di kaya ng kawalan ng pagpapahalaga sa pag-alam nito
gamit ang sariling wika. Ang pagsasalin ay naging mabisang dokumentasyon ng nagbabagong kaisipan sa
panahon ng propaganda at himagsikan dahil nakita ni Rizal at ng iba pang illustrado ang kahalagahan ng
paglilipat ng kaalaman. Naging katumbas nito ang paglilipat ng kapangyarihan para sa kanila. Sa
ganitong agos ng pag-iisip din pinapaanod ang pag-aangkin ng Filipino sa wikang Ingles hindi lamang sa

5
paggamit nito kundi sa pagsasalin ng mga dula ni Shakespeare at mga nobela ni Hemingway. Ang
pagsasalin ng nobela ay pruweba pag-iral ng wikang Filipino sa global na eksena ng panitikan at sa pag-
iral mismo ng kultura natin.

Ganunman nakakalimutan natin na sa likod ng kalikasan ng pagsasalin na ilipat ang kaalaman, nakaipit
ang aspirasyon kunin ang kahulugan ng akda at ng kulturang kanyang pinagmulan para makapaglikha sa
kultura at wika ng nagsasalin. Ito ay nasa hangad na makakuha ng kakilanlan at pagkilala o di kaya’y
maipahayag ang mga imbisibol na konsepto gaya ng nasyunalismo, pambansang panitikan at ng pagiging
panitikan mismo.

Malinaw na maiintindihan ang hangaring ito kung maalala natin ang mahabang kasaysayan—kasinghaba
marahil ng kasaysayan ng pagsasalin sa katutubong wika—ng pagtuklas at pagbuo ng nasyon. Sa umpisa
pa lang, ginamit na ang pagsasalin ng nobela upang matugunan ang kagustuhan ng taong madama ang
buhay sa ibang kultura at sa kabaliktaran upang madama ang buhay ng iba sa sariling kultura. Kakabit din
ng pagnanasa ng sambayanan ang matrabahong pagsasalin ng mga akda na itinuturing na mahalaga sa
ating kultura na isinala ng mga institusyon, sa partikular ng ating Sentro ng Wikang Filipino (tingnan ang
listahan ng mga nobelang isinalin).

Bagama’t hindi naging madaling tanggapin ang pagsasalin bilang isang uri ng malikhaing pagsulat, sa
aking pananaw, natural na ito ay isang uri ng malikhaing pagsulat—at bukod sa pagiging agham ng
pagtutumbas, isang mahalagang sining. Mahalagang idiin na ang kalakhan ng ating teorya ng pagsasalin
ay minana natin sa kanluran at sanhi ng banyagang hangaring maging moderno, kasabay ito ng mga
pangyayari sa nakaraang siglo at kaugnay ng pagpapalaganap ng panitikan sa mundo. Bagama’t hindi pa
buo ang aking teorya, naniniwala ako na mas subok ang katutubong nagsasalin sa larangan ng pagsasaling
produktibo, na katulad niya ang mga ninuno na nagsalin noon sa panahon ng pananakop na hindi
tumingin sa source text bilang kakaiba sa kanyang salin bagkus ay sangkap ng isang orihinal na akda—
pinaghanguan sa halip na tinumbasan.

Hindi maisasantabi ang pagsasalin kung gayon dahil katutubo ito sa ating konsepto ng paghahayag ng
isang kultura; ang anumang bago ay kailangang isalin upang maintindihan at sa pagsasalin kailangan
itong umangkop sa hugis at panlasa ng ating kultura.

Walang duda na ang dahilan ng pagsasalin ni Rizal halimbawa sa mga dula, maiikling kuwento, kanta at
sa isang antas ng mga nobela ni Dumas (sa kanyang Noli at Fili) ay bunsod ng kanyang paghahanap at
pagtuklas sa loob ng kanyang daigdig. Hindi magiging posible ang Noli at Fili kundi naniniwala si Rizal
na may sariling katangian at iba pang dimensyon ang kanyang mundong ginagalawan, na sa paglaon ay
magiging konsepto niya ng bansang Pilipinas.

Sa pagpapalit ng panibagong siglo, ang nobela na dating matabang lupa ng paghahayag ng ating kultura
ay nabubulagan. Nasira ang paniniwala at pagpapahalaga sa panloob na mundo at naging higit na
indibidwalisado at watak-watak. Ang nobelang binabasa halimbawa ng isang propesyunal na
nakapagtapos ng kolehiyo ay kakaiba sa nobelang binabasa ng isang katulong. Dahil dito lalong sumikip
ang pasilyo ng pagsasalin at umibis ang pangkat ng mga taong kanyang pinagsisilbihan. Naging mahina
ang rationale at layunin ng pagsasalin ng isang akdang maaring hindi na kailangan pang isalin sa sariling
wika (dahil naiintindihan na sa sekundaryang wikang Ingles o di kaya’y hindi rin naman pipiliing
basahing higit ng mga tao kaysa sa orihinal na wika.)
6
Kung kaya naging mahalaga ang pagsasaling nagpagpapakahulugan dahil sa dokumentasyon nito sa
pagunlad ng kaalaman, pagbuo ng pambansang panitikan at pagpapalaganap ng wikang Filipino.

Hindi ko idinidiin ang paghahati sa pananaw ng pagsasalin higit sa dinamikong pagtatawid ng larangan
ng paglikha (produksyon) ng panitikan at reproduksyon nito. Marahil malapit na rin nating makita ang
pagwawakas ng paghahating ito bunsod ng intertextual na pagtanaw sa panitikan at lalo’t higit sa
rebolusyonaryong pagtanaw ng mga historyador sa pagsasalin gaya nina Lawrence Venuti at Mary Helen
McMurran.

Halata sa genre ng nobelang Filipino ang bahid ng pagsasalin o di kaya’y tangkang isalin, malay man o
hindi, ng mga akdang naisulat sa ibang bansa. Hindi na lamang dahil sa simpleng panggagaya kundi
bunsod ng kulturang kosmopolitan ang nobelang Filipino. Maari na nating isalin ang mga akdang
banyaga batay sa panibagong pananaw na ang mundong ating tinuklas ay walang batayang matibay, at
ang bawat akdang pampanitikang ating isinasalin ay hindi na lamang natin isinasalin bilang panitikan ng
isang wika o ng isang kultura, kundi bilang piraso ng pagkatao sa kasulukuyang panahon.

Narating na natin ang panahon na hindi na kailangan pang usisain ang kahulugan ng isang akda maliban
sa mga salitang kanyang tinataglay, sa huli ang nagiging mahalagang laman na lamang ay ‘yung laman na
inihain ng tagapagsalin mismo—kung paano niya nakikita ang mundo, kung paano niya dinanas ang
teksto at kung paano niya ito ginustong ipakita sa kanyang mambabasa.

Ang ideya ng pagsasaling nagpapakahulugan at karanasan ng kontemporaryong pagsasalin

Sa bahaging ito ng aking pananaliksik, kukunin ko ang dalawang artikulo sa Malay Journal ng De La
Salle university upang lubusang maipakita ang danas ng tagapagsalin na guumagamit sa makabagong
ideya ng “pagsasaling nagpapakahulugan” na bunsod ng pangangailangang mailipat hindi lamang ang
kahulugan ng salita kundi pati na rin ng kulturang pinagmulan ng source-language patungo sa salita at
kultura target-language. Pasingit-singit kong isisipi ang ilang ehemplo ni G. Simplicio Bisa upang ikabit
ang kanyang sitwasyon sa mas malaking kondisyon ng pagsasalin sa kasulukuyang panahon (na
sinasabing postmodern at cosmopolitan at global multilingual).

Ipinapakita sa maikling artikulo ni Simplicio Bisa na ang

“..paggamit sa mga salitang hiram sa mga pahayag na may kayarian o kaanyuang katutubo,
kasama ang mga likas na katawagan, ang mga inangking salita ay nagkakaroon na rin ng
katangiang Pilipino, nagkaroon ng kulay at karakter na Pilipino, at nagiging kasangkapan na sa
pagpapahayag ng kulturang Pilipino. Ingles man ang salita, o Kastila kaya, sa sandaling gamitin
iyon ng isang Pilipino, ang magiging pagpapakahulugan ay atas ng kulturang katutubo sa kanya.
Layunin ng papel na ito na maipakita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kaalaman sa wikang
kasangkapan sa pagpapahayag at sa kulturang kinabubuhulan ng dalawang wikang isinasaalang-
alang sa pagsasalin.”

Lumikha ng dalawang nagtutunggaliang puwersa ang ating electronic na kapaligiran. Sa larangan ng


ekonomiya, nagpalit ng istruktura ang buong mundo sa pamamagitan ng globalisasyon. Parang wala
nakaligtas sa ganitong sitwasyon at totoo maging sa kondisyon ng pagsasalin. Mula sa pananaw na ito,
napipilitan tayong manatili sa isang lugar at maging konektado sa isang ‘sentro’. Sa kabilang banda
naman, ang naging relatibo ang pag-intindi natin sa mass media at dumami lalo ang impormasyon na
7
nililikha ng indibidwal. Bagama’t lalo nitong pinahirapan ang proteksyon ng intelektwal na pag-aari, sa
usapin ng kultura, naging posible ang iba’t ibang opsyon. Nangyari din ang kontrahan ng globalisasyon at
ng internet (ang latest ay sa kontrobersya ng Wikileaks na pumilay sa ilang institusyong nakikinabang sa
global na merkado). Ang paglago ng nagkakaisang merkado ay nagresulta sa mala-blokeng lokal na
ekonomiya. Nangangailangan din ng pagsasaayos ang magulong estado ng sobra-sobrang impormasyon
sa internet.

Sa ganitong sitwasyon, tila praktikal kung mananatiling tradisyunal ang pagsasalin at ang pananaw natin
dito. Ngunit nasa kapalaran ng larangan ng pagsasalin ng nobela halimbawa na maging mas madiin sa
kahulugan at maging gawain hindi lamang ng mga taong nakapagtapos ng digri sa Filipino at
pinapatnubayan ng akademya. Hindi na rin lamang ito magiging gawain ng iisang tao at maaring
maghalu-halo na ang mga teknik na gagamitin. Hindi na rin mapipigilan ang pagiginh computerized ng
pagsasalin. Darating ang panahon na magagawa ring pakinisin ng kompyuter ang kanyang Filipino. Hindi
naman ito nangangahulugan na magiging segunda klase na ang pagsasalin. Sa kabila ng mabilis na
pagbabago, mananatiling ekslusibo at ispesipiko ang elemento ng pagsasalin. Oo, mapapadali ang
pagsasalin gamit ang kompyuter pero hindi nito mapapalitan ang taong magpapasya kung tama o mali,
kung angkop at di-angkop ang trabahong ginawa ng makina.

Marahil iisipin na ang aking sinulat hanggang ngayon ay walang kaugnayan sa pagsasalin ng nobelang sa
wikang Filipino dahil ang wikang Filipino ay isang wikang rehiyonal at hindi ginagamit sa internasyunal
na kalakaran (maliban na lang sa laksa ng mga OFW at Filipino communities). Maari ding sabihin na
kadudaduda pa ang kalidad at praktikalidad ng nobelang isinalin sa Filipino.

Ngunit simple ang pakay ko sa paguugnay ng mga kontemporanyon estado sa pagsasalin ng nobela, na
masasasaksihan ng mga Pilipino kasabay ng mga taong naninirahan sa ibang panig ng mundo ang
pagwawakas ng modernismo. Unti-unti na tayong namumulat sa kondisyong postmoderno at sa
katotohanan nito. Kailangan nating tanggapin, nang walang imik o kibit ang pagbabago sa mundo, at
maghanap muli ng layuning mabuhay at lumikha nang walang bahid ng mga gabay na ating natutuhan at
pinaniniwalaan ngayon.

Sa pagpasok ng Pilipinas sa yugto ng globalisasyon, nagtapos na rin ang yugto ng pagpapayaman natin sa
katutubo. Habang dinadanas natin ang nakakahilong roller coaster ng ating ekonomiya sa lipunang
internasyunal, napatotohanan nating mga Pilipino kung gaano karupok ang ating mga tinutungtungang
tradisyon at kultura sa gitna ng pagyanig ng lindol sa matinding pagbaha o di kaya ng pagbomba ng mga
terorista. Ganunman, ito ay mga superficial na penemona.

Sa loob ng mahigit apatnaraang taong modernong kasaysayan ng bansa na kasinghaba rin ng kasaysayan
ng pagsasalin, natuto ang Pilipinas sa mundo ng kanluran. Simula sa pangungulila at pananamantala ng
Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ibinuhos ng Pilipino ang kanyang lakas upang matuto sa kanyang
dating kolonisador, lalo na sa Estados Unidos. Katulad ng paglalarawan sa mundong walang Hollywood,
hindi na rin maisaisip ng Pilipino ang sarili na nanatili sa purong tradisyon ng katutubo na walang bahid
ng kanluranin.

Ganunman samodernong mundo ng panitikan, hindi maiwasang talakayin ng mga Pilipinong manunulat
ang pagiging Pilipino. Katulad ito ng mga babaeng manunulat na kailangang patuloy na usisain ang

8
kahulugan ng pagiging babae sa isang lipunang patriyarkal. Wala rin silang magagawa kundi magpailalim
sa estadong pluralistiko at mabuhay sa mundong globalisado.

Kung tatanungin ng tagapagsalin, ano ang ibig sabihin ng pagiging Filipino, maari silang maligaw sa
paghahanap ng sagot. Imbis na hanapin ang ibig sabihin, bakit hindi gumawa ng sariling kahulugan?
Hindi maiiwasang mauuwi sa pagpapahayag ng sarili ang pagsasalin at mauwi sa pamamangka sa
dalawang ilog ng banyaga at katutubo.

Sanggunian

Almario, Virgilio S. editor. Barlaan at Josaphat, Modernisadong Edisyon ng salin ni Fray Antonio de
Borja. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2003.

Antonio,Lilia “Pagsasakatutubo sa Pagsasalin: Ang Nilalaman at Pamamaraan ng Pagsasalin ng Nobela


sa Panahon ng Kolonyalismong Amerikano: 1912-1940” (Disertasyon), UP Diliman, 1987.f

Antonio, Lilia. Apat na siglo ng pagsasalin bibliograpiya ng mga pagsasalin sa Filipinas, Sentro ng
Wikang Filipino, 1999

Bisa, Simplicio, “Wika at Kultura, pagsasaling nagpapakahulugan” sa Malay Internasyunal na journal sa


Filipino, 22.1, De La Salle University, 2009, orihinal na inilabas sa MALAY Tomo IX, Blg. 1, 1990-1991

Imbentaryo ng mga sinalin sa Wikang Filipino, Sentro ng Wikang Filipino, nakuha mula sa
http://sentrofilipino.upd.edu.ph/programa_at_proyekto/download/salinan-imbentaryo.pdf

Aissa Abegail A. Jimenez, Refleksyon sa Pagsasalin sa Panahon ng Kastila, Pnanaliksik sa klaseng Fil
280- Pagsasalin sa Pilipinas 1 sa ilalim ni prop. Lilia Antonio

Mcmurran, Mary Helen The Spread of Novels: Translation and Prose Fiction in the Eighteenth Century,
Princeton University Press, 2009

Youzi, Li. "On the Subjectivity of the Translator". towerofbabel.com.


http://towerofbabel.com/features/subjectivity/. hinango 2010-12-15.

Jiang, Tianmin. Tanslation in Context, (Pananaliksik) Sichuan International Studies University.


Translationjournal.net. http://translationjournal.net/journal//36context.htm. hinango 2010-12-10

Anderson, Benedict. Imagined Communities, p. 6.

Venuti, Lawrence (1998). The Scandals of Translation: Towards an Ethics of Difference. London and
New York: Routledge.

9
10

You might also like