You are on page 1of 5

Panitikan sa Pilipinas

Mula Wikifilipino

Ang Panitikan sa Pilipinas ay pangunahing tumutukoy sa umiiral, umuunlad, at namamayaning


uri at anyo ng katutubong panitikan sa bansang Pilipinas. Subalit nakakasama rin dito ang mga
panitikang nilikha at ginawa ng mga Pilipinong nasa labas ng sariling bansa, sapagkat inakdaan
ang mga ito ng mga Pilipino, o ng may-lahing Pilipino sa malawak na nasasakupan ng paksa.
Dahil dito, tinatawag ding Panitikang Pilipino[1] ang Panitikan ng Pilipinas.[2] Sa kasalukuyan,
tinatawag din itong Panitikang Filipino[3], sapagkat kinabibilangan ng mga likhang
pampanitikang nagmula sa at kinabibilangan ng iba’t ibang wika sa Pilipinas.

Mayaman ang Pilipinas sa sari-saring anyo at hubog ng panitikan na naglalarawan sa kalinangan


ng mga Pilipino. Kabilang sa mga ito ang kuwentong-bayan, maikling kuwento o maikling katha,
sanaysay, tula, dula, nobela, drama, balagtasan, parabula, bugtong, salawikain, kasabihan,
pabula, alamat, tanaga, bulong, awiting-bayan, epiko, pelikula, at mga iskrip na pangradyo,
pangtelebisyon at pampelikula[

Kahulugan ng Panitikang Pilipino

May iba’t ibang mga manunulat at mga dalubahasang Pilipino ang nagbigay ng kahulugan sa
panitikan ayon sa kanilang pananaw bilang mamamayan ng Pilipinas. Kabilang sa mga ito sina
Joey Arrogante, Zeus Salazar, at Patronicio V. Villafuerte, bukod pa sa iba.[6]

Noong 1983, para kay Arrogante, isang talaan ng buhay ang panitikan kung saan nagsisiwalat
ang isang tao ng mga bagay na kaugnay ng napupuna niyang kulay ng buhay at buhay sa
kanyang daigdig na kinabibilangan. Ginagawa ito ng isang tao sa pamamagitan ng malikhain
pamamaraan.[6]

Noong 1995, inilarawan ni Salazar ang panitikan bilang isang lakas na nagpapagalaw sa lipunan.
Dinagdag pa niyang isa itong kasangkapang makapangyarihan na maaaring magpalaya sa isang
ideyang nagpupumiglas upang makawala. Para sa kanya, isa rin itong kakaibang karanasang
pantaong natatangi sa sangkatauhan.[6]

Mga katangian ng Panitikang Pilipino

Isang paglalantad ang panitikan ng mga katotohanang panlipunan at ng mga kathang-isip na


guni-guni. Hinahaplos nito ang mga sensorya ng tao: ang pantanaw, pandinig, pang-amoy,
panlasa, at pandama. Noong 2000, binigyang katangian ito ni Villafuerte bilang isang buhay
ngunit payak na salitang dumadaloy sa katawan ng tao. May buhay ang panitikan sapagkat may
sarili itong pintig at dugong mainit na dumadaloy sa mga arteryo at bena ng bawat nilalang at ng
isang buong lipunan. Sa kasong ito, sa mga Pilipino at sa kanilang lipunang ginagalawan.[6]

Kapag binasa ang panitikan, pinagmumulan ito ng madamdaming emosyon sa isang tao o
pangkat ng mga tao, sapagkat sinulat ang mga ito ng kapwa tao.[4]
Sa kasalukuyan, madali at magaang ang pamamaraan ng pagkalat at pagpapamudmod ng
panitikan sa Pilipinas. Dahil ito sa makabagong mga kaunlaran sa larangan ng teknolohiya.
Bukod sa mga nasusulat na salita sa mga aklat, radyo, at telebisyon, kumakalat din ang panitikan
sa pamamagitan ng mga kagamitang elektronika, katulad ng grabador ng tinig at tunog (tape
recorder), diskong kompakto (compact disk), plaka, mga tape ng VHS, at mga kompyuter.[3]
Dahil sa internet, naging maginhawa at madali ang pagkuha ng impormasyong pampanitikan. Isa
nang instrumento ito para sa mga mambabasang Pilipinong may pagpapahalaga at pagmamalaki
sa kanilang pinagmulan, kasaysayan, at kalinangan o kultura.[4]

Kahalagahan ng Panitikang Pilipino

May kaakibat na kahalagan ang panitikan para sa mga Pilipino. Isa itong uri ng mahalagang
panlunas na tumutulong sa mga tao upang makapagplano ng sari-sariling mga buhay, upang
matugunan ang kanilang mga suliranin, at upang maunawaan ang diwa ng kalikasan ng pagiging
makatao. Maaaring mawala o maubos ang mga kayamanan ng isang tao, at maging ang kanyang
pagiging makabayan, subalit hindi ang panitikan. Isang halimbawa nito ang pangdadayuhan ng
ibang mga Pilipino. Bagaman nilisan nila ang kanilang bayang sinilangan, ang panitikan ang
kanilang tulay sa naiwan nilang bansa.[4]

Sa panlipunan, pambansa, at pandaigdigang kaukulan, isa ang panitikan sa pinagbabatayan ng


pagkakaroon ng tagumpay at kabiguan ng isang bansa at ng ugnayan ng mga bansa.[4]

Pag-aaral ng Panitikang Pilipino

Isang malaki at mahalagang bahagi ng edukasyon sa Pilipinas ang pag-aaral at pagkakaroon ng


kurikulum na ukol sa panitikang Pilipino.[4] Bilang isang kurso sa paaralan, dalubhasaan, o
pamantasan, ginagamitan ang pag-aaral ng Panitikan sa Pilipinas ng makasaysayang pananaw.
Sinasaklawan nito ang kasaysayan ng Panitikang Pilipino sa iba't ibang panahong pinagdaanan
ng bansang Pilipinas. Sakop din nito ang mga mga uri at anyo ng Panitikang Pilipino, paglinang
nito, mga manunulat, mga bayani, at mga mithiin ng sangkabansaan.[1]

Pag-uuring pampanitikan

Mga paraan ng pag-uuri

May dalawang kaparaanan ng pag-uuri ng panitikan: ang ayon sa paghahalin at ang ayon sa
kaanyuan o anyo.[3]

Ayon sa paghahalin

May tatlong kabahaging uri ang paraan ng pag-uuri ng panitikan ayon sa paghahalin. Ito ang
pasalindila, pasalinsulat, at ang pasalintroniko.[3]
Pasalindila

Ang pasalindila ay ang paraan ng paglilipat ng panitikan mula sa dila at bibig ng tao. Noong
hindi pa marunong magsulat ang mga ninuno ng mga makabagong Pilipino, binibigkas lamang
nila ang mga tula, awit, nobela, epiko, at iba pa. Kalimitang nagtitipun-tipon ang sinaunang mga
Pilipino upang pakinggan ang mga salaysayin, paglalahad o pamamayag na ito. Paulit-ulit nilang
pinakikinggan ang mga ito upang matanim sa kanilang isipan. Sa ganitong palagiang pakikinig at
pagbigkas ng panitikan, nagawa nilang maisalin ang mga ito papunta sa susunod na salinlahi o
henerasyon ng mga Pilipino.[3]

Pasalinsulat

Sa paraang pasalinsulat, isinatitik, isinulat, inukit, o iginuhit ng mga ninuno ng


pangkasalukuyang panahong mga Pilipino ang kanilang panitikan. Naganap ito noong matutunan
nila ang sinaunang abakada o alpabeto, kabilang na ang mas naunang baybayin at mga katulad
nito. Nagpahayag ng panitikan ang sinaunang mga Pilipino sa balabak ng kahoy mula sa mga
puno at mga dahon ng mga halaman. Ginamit nilang panulat o pang-ukit ang matutulis na mga
bato at kahoy.[5] Sa pagdating ng mga Kastila, dinala nila sa Pilipinas ang makinang panlimbag o
imprenta. Dahil sa teknolohiyang ito, napag-ingatan at naitalang pangmatagalan ang karamihan
sa naunang mga katutubong panitikan ng Pilipinas, bagaman marami ring nawala at nalimutan
na.[3]

Pasalintroniko

Isang bagong kaparaanan ng pag-uuri ang pansalintroniko, o pagsasalin ng panitikan sa


pamamagitan ng mga kagamitang elektroniko na dulot ng teknolohiyang elektronika. Ilan sa mga
halimbawa nito ang paggamit ng mga diskong kompakto, plaka, rekorder (tulad ng tape recorder
at ng VHS), mga aklat na elektroniko (hindi na binubuklat dahil hindi na yari sa papel, bagkus ay
nasa mga elektronikong anyo na), at ang kompyuter.[3]

Ayon sa anyo

Ayon sa anyo, ang panitikan ay nahahati sa tatlong uri. Ito ang patula, patuluyan at patanghal.[3]

Patula

Nasa anyong patula ang panitikan kung saknungan ito at may taludturan. Katangian ng mga
taludtod ng mga tula ang pagkakaroon ng bilang at sukat ng mga pantig at ang pagkakatugma-
tugma o pagkakasintunug-tunog ng mga pantig. Subalit mayroon din namang mga panitikang
patulang tinatawag na Malaya sapagkat walang bilang, sukat, tugmaan, at pagkakasintunugan ng
mga pantig ng taludtod. Mayroong apat na uri ang anyong patula: tulang pasalaysay, tulang
paawit o tulang liriko, tulang dula o tulang pantanghalan, at tulang patnigan. May mga uri rin
ang bawat isa sa mga ito:[3]
 Naglalarawan ang tulang pasalaysay ng mga tagpo at pangyayaring mahahalaga sa
buhay ng tao. Mayroon itong tatlong mga uri: ang epiko, ang awit at kurido, at ang
balad.

 May anim na uri ang tulang paawit o tulang liriko: awiting-bayan, soneto, elehiya, dalit,
pastoral, at oda.

 May limang uri naman ang tulang dula o tulang patanghal: ang komedya, trahedya,
parsa, saynete, at melodrama.

 May tatlong uri rin ang tulang patnigan: ang karagatan, duplo at balagtasan.[3]

Patuluyan

Tinatawag na patuluyan ang anyo ng panitikan kung kagaya lamang ng sa pang-araw-araw na


paglalahad ang takbo ng pananalita ginamit ng may-akda. Nahahati sa mga talata o talataan ang
mga bungkos ng pangungusap at hindi pasaknong.[3]

Ilan sa mga uri ng anyong patuluyan ang maikling kuwento, sanaysay, nobela o kathangbuhay, at
kuwentong bayan. Kinabibilangan ang mga kuwentong bayan ng alamat, mulamat o mito,
pabula, kuwentong kababalaghan, kuwentong katatawanan, at palaisipan.[3]

Patanghal

Tinataguriang patanghal ang anyo ng panitikan kung isinasadula ito sa mga entablado, mga
bahay, mga bakuran, mga daan, o sa mga naaangkop na mga pook. Mayroon itong mga sangkap
na diyalogong nasusulat na maaaring patula o kaya patuluyan ang anyo. Mayroon din itong mga
yugto na bumibilang mula sa isa magpahanggang tatlo. Binubuo ng tagpo ang bawat yugto. Sa
moro-moro, na isang halimbawa ng panitikang patanghal, tinatawag na kuwadro ang tagpo.
Kinakailangang ipalabas ito sa isang tanghalaan o dulaan upang matawag na patanghal.[3]

Sinaunang Panitikang Pilipino

Katulad ng maraming mga banyagang kabihasnan, mayroon nang panitikan sa Pilipinas noong
unang mga kapanahunan.[3][5] Nagbuhat ang panitikan ng Pilipinas mula sa sari-saring mga lipon
at pangkat ng mga taong dumating sa mga kapuluan nito. May pagkaka-agwat-agwat na
dumating sa sinaunang Pilipinas ang mga Negrito, mga Indones, at mga Malay. Ang baybayin,
ang isa sa mga pagpapatibay na mayroon nang sistema ng pagsulat at pasalita sa sinaunang
Pilipinas bago pa man dumating mga pangkat ng mga dayuhan nagmula sa Kanlurang bahagi ng
mundo. Subalit karamihan sa mga naisulat na panitikang katha ng sinaunang mga tao sa Pilipinas
ang sinunog ng mga Kastila. Nangabulok at natunaw naman ang ibang naisatitik sa ibabaw
lamang ng mga balat ng punong kahoy at mga dahon ng mga halaman.[5]
Paraan ng pagbasa at pagpapaliwanag

Mayroong dalawang pamamaraan ng pagbasa at papaliwanang ng mga tekstong pampanitikan:


ang makasaysayan o historikal na paraan at ang pormalistikong kaparaanan.[7]

Paraang historikal

Isang tradisyonal o nakaugaliang paraan sa pagbasa at pagpapaliwanag ng mga tekstong


pampanitikan. Isa itong metodong nagpapakita ng mga bagay, karanasan, at puwersang
pangkasaysayan na nagbigay ng impluwensiya tungo sa paggawa, pagsulat, paghubog, at pag-
unlad ng panitikan sa Pilipinas.[7]

Sa ganitong paraan, nagkaroon ng apat na kahatian ang kapanahunang pangkasaysayan ng


Pilipinas: ang Panahon ng Pananakop Bago Dumating ang mga Kastila o Pre-Spanish Colonial
Period (1400-1600), ang Panahon ng mga Kastila o Spanish Period (1600-1898), Panahon ng
mga Amerikano o American Occupation (1898-1946), at ang Pangkasalukuyang Panahon
Pagkaraan ng Kolonyalismo o Contemporary Post-colonial Period.[7]

Kaugnay ng panitikang Pilipino, sina Jose Villa Panganiban at Teofilo del Castillo ang unang
gumamit ng ganitong paraan upang makamit ang interpretasyon ng pangliteraturang mga teksto.
[7]

Paraang pormalistiko

Ang paraang pormalistiko ay isang pormal at empirikal na pamamaraan ng pagbasa at


pagpapaliwanag maging pagsulat ng tekstong pampanitikan na Dumating sa Pilipinas ang
ganitong paraan sa pamamagitan ng Amerikanong sistemang pang-edukasyon.[7]

Sa ganitong paraan, mas detalyado at empirikal (batay sa karanasan, obserbasyon, pagsubok o


eksperimento, ayon sa praktikal na karanasan, sa halip na teoriya[8]) ang pamamaraan ng pagbasa
ng pampanitikang teksto na may layuning tuklasin ang kung ano talaga ang makapampanitikan o
literaryo sa teksto. Nag-iiba-iba ang mga kaparaanan mula sa diin at patutunguhan o direksyon
ng mga gumagamit nito. Kabilang sa pinagtutuunan ng pansin dito ang pagkakaroon ng
pagkakaisa o unidad ng katawan ng teksto, o sa madalaing sabi: nakatuon mismo sa
pinakateksto.[7]

You might also like