You are on page 1of 4

NO TRESPASSING!

:
Ang Pakikibaka ng Magsasaka
Laban sa Malakihang Dayuhang Pagmimina sa Samar

Kapunungan han Gudti nga Parag-uma ha Weste han Samar (KAPAWA)


Oktubre 3, 2010

“NO TRESPASSING!” ITO ANG KARATULANG SUMALUBONG KAY TATA LADYING, ISANG
MAGSASAKA sa isla ng Homonhon, Eastern Samar, nang magtungo siya isang umaga sa lupang
kanyang sinasaka, dalawang taon na ang nakararaan. Sa ibaba ng “No Trespassing” ay isa pang mas
maliit na karatula na ang nakalagay naman ay “CMC.” Agad na nagtanung-tanong si Tata Ladying
hanggang makaabot sa sentrong bayan malaman lamang ang punu’t dulo ng misteryosong mga
karatula. Halos pagapang na umuwi ang bigong magsasaka. Ang ibig sabihin pala ng CMC ay
Cambayas Mining Corporation, isang dayuhang kumpanyang naggugumiit sa ligal di umano nitong
mandato na ihanda para sa pagmimina ng chromite ang ilang lupain sa isla, kasama na ang parsela na
noong 1992 pa ay binubungkal na ni Tata Ladying. Simula sa araw na iyon ay mahigpit na raw na
ipinagbabawal sa nasabing lupain ang kawawang magsasaka.

ANG MALAKIHANG DAYUHANG pagmimina ay isang tuwiran at mahigpit na usapin ng magsasaka.


Kabaligtaran ng ipinangangalandakan ng malalaking dayuhang negosyante sa pagmimina at ng
kanilang lokal na mga kasosyo at opereytor (kasama na ang kanilang mga tagapagsalita at
tagapagtanggol sa pambansa at lokal na gubyerno) hindi ito makapaghahatid ng anumang
makabuluhang biyaya o kaunlaran. Hindi sa bansa, hindi sa rehiyon at probinsya, hindi sa mamamayan
sa kalakhan. At lalung hindi sa magsasaka.

Lagi’t laging kakambal ng dayuhang pagmimina ang kagyat at pangmatagalang mga banta sa lupa,
kabuhayan, pagkain at kalusugan ng mga komunidad sa kanayunan. At sa panahong ang mga
magsasaka ay nagbubuklod at naninindigan upang ang mga ito ay ilantad at labanan, sumasambulat
ang banta ng panunupil at pandarahas. Ang mapanirang mga epekto sa natural na kapaligiran at ang
ibayong pagpapalala sa panlipunan at pang-ekonomyang mga kalagayan ay isang dambuhalang bato
na walang ibang higit na pumapasan kundi ang hikahos, gutom at sinusupil na sektor ng magsasaka.

Banta sa Lupa , Kabuhayan, Pagkain at Kalusugan

SA PAMAMAGITAN NG Philippine Mining Act of 1995, ang malakihang dayuhang pagmimina sa bansa
ang siya na ngayong isa sa pinakamasaklaw, agresibo at sistematikong ligal na paraan ng
pangangamkam ng lupa. Ayon sa batas, ang mga dayuhang korporasyon sa pagmimina ay may
karapatang paalisin ang sinumang naninnirahan o nagtatrabaho sa saklaw na erya ng mga konsesyon.
Bagaman may itinatakdang mga probisyon para sa isang sistemang nag-oobliga sa mga korporasyon
ng kaukulang kompensasyon para sa mga mapapaalis, sa kalakhan at kahuli-hulihan ay talo ang
magsasaka. Bukod sa pambabarat ng mga korporasyon, hindi biro para sa dati nang naghihirap na
magsasaka ang mawalan ng lupa, mahugot sa kanyang kapaligiran, at ibayong masadlak sa kawalang-
kasiguruhan.

Kung ang magsasakang nasa lupang hahagipin ng konsesyon ay tenante (at ito ang mas karaniwan
dahil mas marami sa mga magsasaka ang nakikisaka lang), hindi siya makasisiguro na may
tatanggapin kahit katiting bago paalisin. Hindi sa kanya makikipagtawaran ang representante ng
korporasyon kundi sa panginoong maylupa. Kapag nabayaran na ng mahusay-husay na halaga ang
panginoong maylupa, wala itong obligasyong bahaginan ang tenante. Hindi na nga makita ng
maralitang tenante ang pag-asa sa pagkakaroon ng sariling lupa na matagal nang ipinangangako ng
Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), matatanggalan pa siya ng karapatang magbungkal.

1
Dahil sa dayuhang mga korporasyon sa pagmimina, napapabilis ang pagbawi sa lupa ng mga
magsasakang nagawaran na ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng certificate of land ownership
award o cloa alinsunod sa CARP. Sinasabing “napapabilis” dahil kahit wala pang konsesyon sa
pagmimina, may iba pang mga paraan ang DAR, Land Bank, ang malalaking panginoong maylupa at
dayuhang kapitalista sa agrikultura, para dahan-dahang pawalang-bisa ang cloa kahit matagal nang
nakakapaghulog ng amortisasyon ang magsasaka.

Ilang taon nang nagtatambalan ang CARP (sabihin pang sa ngayon ay nakabinbin ang extension nito)
at ang Mining Act laban sa magsasaka. Habang tuluy-tuloy ang pagpapakitid ng CARP sa saklaw ng
mga lupaing maaaring maipamahagi, kasabay ng pagbawi sa dati nang naipasailalim sa mabuway na
mga kasunduan sa distribusyon, pinalalawak naman nang halos walang sagka, sa pamamagitan ng
Mining Act, ang lupaing maaaring ipagamit sa malakihang dayuhang pagmimina at ipagkait sa mga
magsasaka. Ang pinag-uusapan dito ay libu-libong ektarya ng mga konsesyon kada probinsya. Sa
Western Samar, 16,397 ektarya ang kabuuang sukat ng kalupaang inaprubahan na ng Mines and
Geosciences Bureau para minahin ng tatlong korporasyon. May limang aplikasyon pa na sumasaklaw
sa kabuuang 20,649 ektarya ang hinihintay pang maaprubahan. Sa ganitong latag, buu-buong mga
komunidad ng magsasaka ang sa katunaya’y maaring mapaalis.

May mga nakasaad sa batas tungkol sa mga itinatakdang limit sa kung alin sa kalupaan at karagatan
ng bansa ang hindi maaaring galawin ng mga dayuhang korporasyon. Subalit marami itong kalabuan at
maaaring maging napaka-bukas sa iba’t ibang interpretasyon at paghahanap ng lusot at butas.
Pansinin halimbawa ang binabanggit sa Revised Implementing Rules and Regulations ng Mining Act—
ipinagbabawal subalit kung may kumpletong mga dokumento, rekomendasyon at iba pang rekisitong
papel, maging ang sementeryo ay pwedeng hukayin. Sakaling ang isang lolong magsasaka na dahil sa
labis na pagdaramdam sa ginawang pagpapalayas sa kanya ng konsesyon ay magkasakit hanggang
tuluyang mamatay— mamatay kaya siyang muli sa sakit at sama nang loob kung sa kanyang puntod
ay palayasin?

SA SAMAR, GAYA ng sa iba pang probinsya, ang produksyon ng karaniwang pamilyang magsasaka
para sa kita at pagkain ay lubhang napakababa. Bunsod ito pangunahin ng atrasadong teknolohiya at
hiwa-hiwalay na pagsasaka, ng nagpapatuloy na kawalan ng sinsero’t pang-matagalang suporta ng
gubyerno, at ng mas dumadalas ngayong pagsasalimbayan ng bagyo at tagtuyot. Kung hahayaang
kaliwa’t kanang makapamayagpag ang pagmimina, lalu pa itong maitutulak paibaba.

Ang mga lupang pansakahan, hindi lamang sa loob ng perimetro ng mga minahan kundi sa mas
malawak pang saklaw na maaaring abutin ng iba’t ibang tipo ng basurang kemikal, ay mailalagay sa
tiyak na panganib ng pagkabaog. Sa malao’t madali ay makokontamina at tataas ang siltation ng mga
ilog na nagsasanga-sanga sa mga bulubundukin patungo sa mga lawa at dagat; bukod sa problema sa
mapagkukunan ng inumin at irigasyon, pihadong apektado rin ang pangingisda at iba pang katulad na
hanapbuhay. Maging ang tubig ulan, na pangunahing inaasahan ng karamihan para sa patubig ay hindi
rin ligtas sa kontaminasyon at kung gayo’y posibleng makapagpabansot sa mga pananim, lalu na kung
makapanunuot na sa ere ang tinatawag na mga toxic metal. Gayundin, dahil sa kontaminadong lupa,
tubig at hangin, malamang na humina ang resistensya ng mga hayop na pantrabaho sa sakahan
hanggang sa tuluyan nang maging sakitin..

Mababawasan nang malaki ang karaniwang pinagmumulan ng dagdag na kita at pagkain. Ang
pangangaso, pangangalap ng yantok, ligaw na mga bunga at iba pa, bukod sa ipagbabawal na sa mga
kagubatang sakop ng mga konsesyon, ay tuluyan nang mawawalan ng batayan dahil konsiderableng
bahagi ng buu-buong mga gubat na ito ang tuwirang papatagin. Hindi na rin magiging kapaki-
pakinabang ang maliitang pamumuhunan sa baboy at iba pang palakihing hayop sa pagtindi ng
polusyon.

KUNG ANG MALAKAS at malaking kalabaw ay namemeligrong magkasakit dahil sa polusyon mula sa
pagmimina, paano pa kaya ang amo nitong magsasaka? Dahil sa salik ng kahirapan at kasalatan ng
pagkain sa kanayunan, napakabulnerable ng mga pamilyang magsasaka sa mga banta sa kalusugan
na hatid ng malakihang dayuhang pagmimina.
2
Napakataas ng tantos ng kakulangan sa nutrisyon ng mga bata, kabataan at ina sa Western Samar.
Nasa unang lima ang probinsya sa huling istadistika ng mga probinsyang may pinakamalalang
insidente ng malnutrisyon. Gasgas at bugbog ang mga katawan ng magsasaka sa araw-araw na
pakikipagsapalaran sa produksyon. Lantad din sila sa mga kemikal na ginagamit bilang input sa
sakahan. Sa kabila ng mga ito ay walang naaasahang serbisyong medikal at pangkalusugan mula sa
gobyerno. Napakalayo ng mga ospital, napakamahal ng mga gamot, at napakabihira ng mga duktor at
manggagawang pangkalusugan.

Ito ang mga kondisyong higit na palulubhain ng malakihang dayuhang pagmimina sa kanayunan.
Dadalhin ng mga konsesyon sa mga komunidad ng magsasaka ang nakamamatay na mga impeksyon
sa baga, pangmatagalang allergy sa balat, at iba’t ibang kakatwang tipo ng kanser at mala-kanser.
Ang pagkalason naman ay magmumula hindi lamang sa direktang paglanghap at paghawak sa mga
kemikal kundi sa di maiiwasang paghalo ng iba’t ibang elemento gaya ng chromite sa suplay ng tubig o
sa tinatawag na kadena ng pagkain. Paano’ng sasabihin ng Department of Health na bawal magkasakit
kung sa kanayunan ay hindi ipinagbabawal ang malakihang dayuhang pagmimina?

SA IBA’T IBANG antas, ang lahat ng ito ay dinanas at patuloy na dinaranas sa Hinabangan, Western
Samar, kung saan dating nakatayo ang Bagacay Mine. Hanggang sa ngayon, hindi pa rin
napanunumbalik ang mahusay na kalidad ng lupa kahit 1992 pa nang iabandona ng Philippine Pyrite
Corp. ang operasyon doon, matapos magpakasasa (kahalinhinan ang Marinduque Mining and
Industrial Corp.) sa deposito ng copper at pyrite sa loob ng 36 taon.

Nagkalat doon, lagpas pa sa 137-ektaryang perimetro ng dating minahan, ang latak ng mga asido sa
ila-ilalim ng lupa at sa nagdurugtungang mga kanal. Ayon sa mga eksperto mismo ng DENR,
mangangailangan pa mula ngayon ng humigit-kumulang sampung taon bago ito malinis, at isa pang
sampung taon bago muling magamit sa agrikultura. Kung susumahin, mula nang mag-umpisa ang
Bagacay Mine noong 1956 hanggang sa panahong tinatayang malulubos ang rehabilitasyon, tatambad
ang halos 75 taon ng nagpapatuloy na pagkakait ng lupa at kabuhayan sa kung ilang henerasyon ng
naghihikahos na magsasaka. Huwag nang banggitin pa na sa panahong nakatayo pa ang minahan,
inilugmok nito ang mga manggagawa, matanda at bata, sa napakababang sahod at kawalan ng
benipisyo, sa kabila ng gasgasan, peligroso at nakamamatay na pagtatrabaho. Samantala, ilang taon
na ring hindi napakikinabangan ng mga mangingisda ang Taft River sa karatig na probinsya ng Eastern
Samar— dahil sa tone-toneladang lason na nagmula sa Bagacay Mine, itinuturing na ngayon itong
patay. Nasaan ang biyaya? Nasaan ang kaunlaran?

Ang mga ito o higit pa ay totoong maaaring maranasan sa marami pang bayan sa Western Samar na
patuloy ngayong tusong ginagapang ng mga dayuhang korporasyon at ng kanilang nakatago at litaw
na mga ahente sa sektor ng kalakalan at industriya at maging sa kinauukulang mga ahensya ng
pamahalaan at lokal na administrasyon. Ito ay sa kabila ng napagtibay nang ordinansang
pambrobinsya (Ordinance 541) noon pa mang 2003 na nagtatakda ng moratorium sa malakihang
pagmimina sa buong Western Samar sa loob ng 50 taon.

Matagal nang nakapuwesto sa katunayan ang ilang temporaryong mga pasilidad ng mga korporasyon
na pana-panahon ay sumusulpot sa nasabing mga bayan para di umano sa ilang preliminaryong
prosesong pang-eksplorasyon. Pangunahin sa mga ito ang Alumina Mining of the Phil., Inc. (AMPI) at
ang Bauxite Resources, Inc. (BRI) na nakatayang todo-buwelong mag-operasyon sa mga bayan ng
San Jose de Buan, Matuguinao, San Jorge, Gandara Motiong, Paranas, at muli na naman, sa
Hinabangan.

Sa kasalukuyan, nangangamba ang mga mamamayan sa buong Jiabong lalu na ang mga
magsasakang umaasa sa industriya ng tahong na tiyak na maaapektuhan sa oras na largado na ang
minahan ng mangganese sa mahigit 2,000 ektaryang konsesyong sumasaklaw sa mga barangay ng
Bawang, Salvacion at San Miguel. Labas dito ay may nakapila pang ibang mga korporasyon na
nakatakda namang mag-operasyon sa Basey at sa Malajog, Calbayog.

3
Banta ng Panunupil at Karahasan

MATAGAL NANG HINAING ng mga magsasaka ang nagpapatuloy na militarisasyon sa kanayunan.


Ang regular na mga operasyong militar sa mga barrio at ang pagtatayo ng tinatawag na mga SOT
(special operation team) ay lagi nang nakagagambala o tuwirang pumipigil sa gawaing produksyon ng
mga magsasaka lalu na kung humahantong sa mga ebakwasyon. Naghahatid ito ng sindak at aktwal
na pisikal na dahas sa walang-salang mamamayan.

Ang mga ito ay mas dumadalas at ibayong nagiging mabangis sa mga panahong ang mga magsasaka,
sa pamamagitan ng iba’t ibang ligal na samahan at kooperatibang magbubukid ay nagiging aktibo sa
pagsusulong ng demokratikong mga interes. Isang padron na nga na tuwing ang mga samahang ito ay
may ikinakasang mga kampanya halimbawa sa pagpapababa ng upa sa lupa o pagpapataas sa presyo
ng kanilang mga produkto (o maging ang mga aktibidad sa sama-samang produksyon), maaasahang
tiyak na susulpot ang mga operasyon.

Ang kasalukuyang pakikiisa ng kilusang magbubukid sa Western Samar sa iba’t ibang sektor para
ilantad at tutulan ang malawakang dayuhang pagmimina di lamang sa probinsya kundi sa buong
rehiyon ay tiyak na tatapatan ng panunupil at karahasan. Ang di na mabilang na operasyong militar sa
mga barrio ng mga bayan ng San Jose de Buan, Matuguinao, San Jorge, Gandara Motiong,
Hinabangan at Paranas, sa nakalipas na huling sampung taon, ay hindi lamang nasa konteksto ng
pagpapatupad sa tinatawag na Oplan Bantay Laya ng AFP para di umano sa ultimong pagsugpo sa
“insurhensiya,” kundi maaari na ring ituring na bahagi ng estratehikong clearing operation para sa
pagpasok ng pagmimina.

Samantala, ilan na bang lider magsasaka na nagboses ng paninindigan hinggil sa isyu ng pagmimina
ang nakaranas ng iba’t ibang porma ng panunupil at karahasan? Si Dario Tomada, bago iligal na
inaresto at tinortyur nito lamang Hulyo, ay isa sa pinak-artikulanteng tagapagtuligsa ng dayuhang
pagmimina, bilang tagapangulo ng Samahan han Gudti nga Parag-uma ha Sinirangan Bisayas
(SAGUPA-SB). Kasalukuyan siyang nakakulong at may kinakaharap na gawa-gawang mga kasong
kriminal. Sa ganitong mga punto, ang pagmimina, para sa magsasaka, ay di na lamang usapin ng
kabuhayan, pagkain at kalusugan— tahasan na itong usapin ng karapatang pantao.

NAGSASALUBONG NGAYON SA pakikibaka laban sa malakihang dayuhang pagmimina ang


pangunahing mga diin ng makabayan at demokratikong kilusan ng magbubukid sa paglaban sa
kahirapan, kagutuman at panunupil. Tuwirang kaugnay ng isyu sa pagmimina ang mga panawagan
laban sa maka-dayuhang mga patakaran at tunguhin ng imperyalistang globalisasyon, sa kawalan ng
pansin at suporta ng gubyerno sa sektor ng magsasaka, sa iba’t ibang tipo ng pyudal at malapyudal na
pagsasamantala, at sa nagpapatuloy na militarisasyon sa kanayunan. Sa mga pagkilos para isulong
ang tunay na reporma sa lupa, ang pagkakaroon ng komprehensibong programa para sa subsidyong
agraryo, ang pagpapataas sa sahod ng mga manggagawang-bukid, ang islogang “pagkain , hindi
bala!”, at ang ayudang pang-agrikultura sa mga biktima ng kalamidad at peste sa pananim, dadalhin
din ng kilusang magbubukid sa probinsya ang mga karatulang ganito ang nakasulat: ”NO
TRESPASSING! BAWAL ANG MALAKIHANG DAYUHANG PAGMIMINA!”

(Ericson L. Acosta)

You might also like