You are on page 1of 17

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9 Module VIII: Ang Mga Kasulatan Sa Banal na Misa

Naipaliwanag na natin sa mga nakaraang module na kailangang unawain ang mga talata ng Kasulatan ayon sa pananampalatayang lumikha ng mga ito. Ngayon naman ay uunawain natin ang kaugnayan ng mga Kasulatan sa Banal na Misa, ang pinagmulan at sukdulan ng buhay Kristiyano.

Ang Pakikinig sa Salita ng Diyos

Sa loob ng matagal na panahon, ang mga Kasulatan ay naririnig lamang sa loob ng isang simbahan o katedral. Sa katotohanan, pinaparatangan pa nga ang mga Katoliko na ikinadena nila ang Mga Kasulatan sa loob ng kanilang mga gusaling pangsamba. Ito ay tutuo, nguni't kailangang alamin din kung bakit. Kahit na nuong magkaroon na ng "printing press" napakamahal pa rin ng mga kopya ng mga Kasulatan kung kaya naman ang mga ito'y ikinadena sa loob ng mga simbahan upang ang mga ito'y hindi manakaw. At isa pang dahilan kung bakit ito'y ikinadena ay dahil ang mga Kasulatan ay para sa lahat ng mga binyagan pagka't ito nga ang mga aklat ng buong Iglesya. Sa panahon ngayon na kung saan madali na lang makabili ng buong Bibliya, ang malakas na tukso ay ituring ito na para bang isang libro lamang sa isang aklatang personal. Nuong nakaraang Sinodo ng mga obispo sa Roma, idineklarang muli ang katotohanan na ang tahanan ng Salita ng Diyos ay ang Iglesya at ito'y nararanasan sa tuwing ang mga Banal na Kasulatan ay ipinapahayag at ipinapaliwanag sa Banal na Misa.

Paghahanda, Pagnanamnam, Ala-ala


Nuong mga panahon na ang mananampalataya ay kailangang pumunta sa simbahan para marinig ang mga Kasulatan, pinag-iingatan ng mga pari sa pulpito na maala-ala ng mga mananampalataya ang mga salitang binasa. Kung kaya naman ang isang katulad ni San Agustin ay nagbibigay ng payo sa kanyang mga parokyano na tandaan kaagad ang mga binasang narinig upang sa pag-uwi ay mayroon pang babalikbalikan ang alaala tungkol sa mga hiwaga ng Panginoon. Sa mga panahon ngayon, ang mga Kasulatan ay madali nang basahin bago pa magsimula ang Misa at balik-balikan ito pagkatapos magsimba. Sa katotohanan, ito ang ginagawa ng mga monghe na nuong unang panahon ay gumagawa ng mga kopya ng mga Kasulatan. Dahil sa kanila, may isang uri ng pagbabasa ng mga Kasulatan na sa pagdaan ng 1 | BEC Module VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9


panahon ay naging estilo ng Iglesya. Ito ang tinatawag na "lectio divina", "pagbasang maka-Diyos" o "pagbasang espiritwal" ng mga Kasulatan. Ang "lectio divina" ay pagbabasa ng mga Kasulatan sa konteksto ng isang tuluyang pakikipag-usap sa Diyos. "Huwag tumigil sa kapapanalangin (1 Thes. 5:17)" payo ni San Pablo. Ang "lectio divina" ay ginagawa upang ang panalangin ay magpatuloy na walang patid sa buong araw hanggang sa pagtulog. "Sa iyong pagbabasa ng mga Kasulatan, kinakausap ka ng Diyos" wika ni San Ambrosio, "at sa iyong pananalangin, ikaw ay nakikipag-usap sa Kanya". Ang lectio divina ay paghahanda para sa pakikinig ng Salita ng Diyos sa Misa; ito rin ang pagnamnam sa Salitang ipinahayag at narinig. Sa pagsasara ng Aklat ng mga Kasulatan, ang mga talata nito'y maaari pang balik-balikan sa alaala. Sa gayung paraan, tunay ngang ang mananampalataya ay patuloy na nakababad sa mga hiwagang ipinagdiwang at pinakinabangan, narinig at pinagnilayan.

Ang Mga Kasulatan at ang Liturhiya ng Salita


"Pantay na pinipitagan ng Iglesya ang altar ng Salita at ang altar ng Katawan ni Kristo". Sa mga salitang ito'y idinideklara ng Iglesya Katolika ang espesyal na pagtingin niya sa Mga Kasulatan. Ito'y kanyang pinapabasa sa kanyang mga anak sapagka't katulad ng Katawan ni Kristo, ito ay nagbibigaybuhay. Sa mga pahina nito ay maririnig sa alingawngaw ng mga salita ng tao ang kaisa-isang Salita ng Diyos, liwanag at buhay. At tuwing ito'y ipinapahayag, walang ibang tinig ang nagpapahayag kundi ang kay Kristo. Nabanggit ko na sa isang module (Module 4: Ang Paghahanda ng Cell Leader) na upang maunawaan ang mensahe ng mga Kasulatan ay kailangan ding itanong sa sarili kung bakit ang isang talata ang pinili ng Iglesya upang marinig sa ganito o ganuong araw. Alam nating may siklo ng mga pagbasa na sinusunod ang Iglesya ayon sa pagdaloy ng panahon. Sa pagsubaybay ng mga mananampalataya sa mga pagbasang ito, sila ay natututong sumunod sa ritmo ng buhay ng Iglesya, mag-isip ng tulad niya at gawing kanila ang kanyang pag-asa. Sa Iglesya Katolika pagkatapos ng ikalawang Konsilyo Baticano, ang mga talata ng mga Kasulatan ay pinili at ipinangalat sa tatlong siklo ng taong liturhiko bukod pa sa pagbabahagi-bahagi nito sa leksyonaryo ng pagdiriwang ng mga pista. Sa ganitong paraan, ang mga mananampalataya'y nabibigyan ng mayamang seleksyon ng mga talata mula sa mga Kasulatan sa kanilang pakikinig sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Ang taong liturhiko ay may tatlong siklo, A, B, C. Ang bawa't siklo ay may sariling Ebanghelyo: Mateo para sa A, Markos para sa B at Lukas para sa C. Ang Ebanghelyo ni Juan ay binabasa sa mga "malalakas na panahon" sa loob ng bawa't siklo. Para sa mga misa ng Linggo, ang Ebanghelyo ay laging may katapat na isang talata mula sa Lumang Tipan at isa mula sa mga apostol. Bukod sa mga talatang pinili para sa Misang Pang-Linggo, meron pang isang serye ng mga talata na ginagamit sa unang pagbasa para sa Misang Pang-Araw-araw. Ang mga ito'y hinahati sa dalawang siklo na tinatawag na "Taon 1" at "Taon 2". Para sa pang-araw-araw na Misa, ang Ebanghelyo ng kasalukuyang siklo (A, B o C) ay binabasa ng tuluyan.

2 | BEC

Module

VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9

Ang taong liturhiko ay nagsisimula sa unang Linggo ng Adbiyento at natatapos sa Kapistahan ng Kristong Hari. Sa loob ng bawa't taong liturhiko ay may dalawang uri ng panahon: ang Panahong MayBilang at ang mga Malalakas na Panahon (Adbiyento, Pasko ng Pagsilang, Cuaresma at Pasko ng Muling Pagkabuhay). Sa "Malalakas na Panahon" may mga pagbabago ng tema sa mga pinipiling talata na nababagay sa uri ng panahon. Sa Adbiyento, ang mga pagbasa ay tungkol sa ikalawang pagdating o sa "Araw ng Panginoon". Sa Pasko ng Pagsilang, ang mga pagbasa ay tungkol naman sa unang pagdating ng Mesiyas at ng kanyang Kapanganakan. Sa Cuaresma, ang tema ay tungkol sa pagsisi sa mga kasalanan at sa matinding pag-ibig ng Diyos sa tao. Ang panahong ito ay aabot sa sukdulan sa pag-aalaala ng mga huling araw ng Panginoong Hesukristo na magtatapos sa Kalbaryo. Sa Pasko ng Muling Pagkabuhay, ang tema ay ang kaluwalhatian ng Panginoong Muling Nabuhay at ang pakikibahagi sa luwalhating ito ng mga binyagan. Sa Panahong May-Bilang, ang mga bahagi ng Ebanghelyo na napatutungkol sa mga salita at gawa ng Panginoon sa kanyang ministeryo ng pagpapahayag ng Kaharian ng Diyos ay binabasa ng tuluyan.

Ang Tipolohiya ng Bago at Lumang Tipan


Para sa mga Misa ng Linggo at mga Kapistahan na may tatlong pagbasa, ang karaniwang pinagtatapat ay ang Ebanghelyo at ang unang pagbasang mula sa Lumang Tipan. Ang pagtatapat-tapat na ito ay may sinusunod na prinsipyo: ang tipolohiya. Ang mga kaganapan at mga tauhan sa Lumang Tipan ay may "kaganapan" (typos) sa Bagong Tipan. Gayundin, ang mga tauhan at kaganapan sa Bagong Tipan ay may "anti-typos" (o "katumbas na pinagiging-ganap") sa Lumang Tipan. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa:

Ika-22 Linggo (Taon A)


Dito ay itinapat ang Mateo 16:21-27 sa Jeremias 20:7-9. Ang talata mula kay Mateo ay turo ni Hesus tungkol sa kanyang magiging paghihirap at ang kaugnayan nito sa buhay ng mga alagad. Sa 16:22 ay mababasa ang protesta ni Pedro na katatapos lamang ipahayag ang kanyang pagkilala kay Hesus: na ito'y 3 | BEC Module VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9


ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. Hindi matanggap ni Pedro na ang kanyang maluwalhating pagtingin kay Hesus ay may kamalian pala. Kung susuriin ang ang mga talata mula sa Jeremias 20:7-9, masasabing ang mga salita ng propeta ay para duon sa mga alagad na nakakaranas na ng paghihirap dahil sa kanyang pagsunod sa Panginoon. Dahil sa hirap, natutukso ang isang sumuko na at iwan ang paninilbihan sa Panginoon, ngunit hindi naman magawa, pagka't ang salitang tinanggap mula sa kanya ay parang apoy na pumapaso sa kanyang kaibuturan. Samakatwid, ang mga salita ni Jeremias ay anti-typos ng maaaring isipin ng kung sinumang alagad ng Panginoon na ngayon pa'y nakikibahagi na sa kanyang mga hirap.

Ang Kapistahan ng Immaculada Concepcion (ika-8 ng Disyembre)


Sa kapistahang ito ni Maria na kung saan inaalala ang pagkakalihi sa kanya ng walang bahid ng kasalanan ni Eba't Adan, ang pagbasa sa Ebanghelyo ay mula sa Lukas 1:26-38 (Ang Pagpapahayag ng Anghel). Ito ay tinapatan ng salaysay tungkol sa paghuhukom kay Eba't Adan sa Genesis 3:9-20. Sa mga talatang ito, ang pinakamahalaga ay matatagpuan sa Gen. 3:15, ang tinatawag na protoevangelion, ang "unang pagpapahayag ng Ebanghelyo". Ayon dito, ang Babae at ang kanyang Binhi ay magkakaroon ng alitan sa Ahas at Binhi nito, at ang huli ay matatalo, bagaman masasaktan ang una. Ang pangakong ito ay nagkaroon ng katuparan kay Maria nang tanggapin niya ang pahayag ng anghel na maging Ina ng Diyos.

Ang Kapistahan ng Pagwawagi ng Krus (ika-14 Septembre)


Sa kapistahang ito'y inaalala ang pagsasauli ng Banal na Krus sa Santo Sepulcro (629) pagkatapos itong mabawi sa mga Persiyanong kumuha nito nuong taong 614. Ito rin ang Krus na natagpuan ni Sta. Elena nuong taong 326. Nuong mga unang panahon ang pangalan ng kapistahan ay "Ang Pagtataas ng Krus". Para sa araw na ito, ang Ebanghelyo ay kinuha sa Juan 3:13-17 na may tema ng "pagtataas ng Anak ng Tao". Ang itinapat ditong talata sa Lumang Tipan ay ang Bilang 21:4-9 ang salaysay ng pagtataas ng Ahas na Tanso sa disyerto. Ang talatang-susi sa pagkakaugnay na ito ay matatagpuan sa Juan 3:14: "Kung paanong itinaas ni Moyses ang Ahas sa disyerto, gayundi'y itataas ang Anak ng Tao." Sa talatang ito, malinaw na ang kaganapan ng tansong ahas na itinaas ni Moyses para sa kagalingan ng mga Israelita, ay si Hesus na itinaas sa krus para sa kaligtasan ng lahat. Ang Mga Sulat ng mga Apostol Sa mga Misang pang-araw-araw, ang mga sulat ng Apostol ay binabasa ng tuluyan. Ang mga ito'y pinagsasalit-salit sa mga talatang mula sa Lumang Tipan. Kapag may kapistahan na may sariling mga talata (tulad ng ika-8 ng Disyembre at ika-14 ng Setyembre) ang mga ito ang mananaig sa mga araw na iyon. Ang Ebanghelyo at unang pagbasa sa Misang pang-araw-araw ay walang kaugnayang tipolohiko sa isat isa. Ang mahalaga dito ay ang Ebanghelyo na binabasa ng tuluyan. Ang mga unang pagbasa ay nagsisilbing alternatibo para sa tema ng sermon, kung itoy gagawin. Mapapansin sa larawan sa ibaba kung paanong ang Sulat sa mga Ebreo ay pinagbaha-bahagi mula Lunes hanggang Sabado para sa unang Linggo ng Panahong May-Bilang (January 2009).

4 | BEC

Module

VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9

Figure 1:

The Daily Readings for this year

Sa mga Misang pang-Linggo, ito naman ang pagkakasunod-sunod ng mga talatang binabasa ng tuluyan mula sa mga Apostol para sa Ikalawang Pagbasa. Mapapansing ang mga sulat ni San Pablo at Santiago ang ginagamit sa Panahong May-Bilang dahil ang mga Sulat ni Pedro at Juan ay ginagamit sa Malalakas na Panahon. Sa ibaba ay makikita kung paanong ang Ikalawang Pagbasay pinagbaha-bahagi para sa mga Linggo mula Enero 18 hanggang Pebrero 22, 2009. Pansinin na dahil ang ikalawang Linggo ng Panahong May-Bilang ngayong taong ito ay bumabagsak sa Kapistahan ng Sto. Nino, ang mga pagbasa ditoy kinuha mula sa Kapistahan.

5 | BEC

Module

VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9

Samakatwid, ang mga Ikalawang Pagbasa para sa mga Misa ng Linggo ay may sariling pagkakasunodsunod na hiwalay sa mga pagbasa ng Ebanghelyo at ng mga katapat nitong huli na mga talata mula sa Lumang Tipan.

Excursus: Ang Missalete: Praktikal na Tulong sa Pakikinig ng Salita


Ang Missalette na Sambuhay ay isa sa mga tulong na ibinibigay ng mga parokya para matulungan ang mga mananampalataya na mapaghandaan ang pakikinig sa Misa at maging aktibo sa pakikibahagi rito. Sa ngayon may mga kakanyahan ang Sambuhay na magagamit din sa pag-unlad ng pagunawa sa mga Kasulatan. 1. Ang unang pahina. Ang unang pahina ng Sambuhay ay naglalaman ng isang lathalain na isinulat ng isang pari, madre o layko tungkol tema ng liturhiya. Kadalasan, depende sa kaalaman ng manunulat, ito'y komentaryo rin sa mga pagbasa. 2. Ang mga introduksyon. Sa loob ng Missalette, bago ang umpisa ng mga talatang pang-misa, mayroong introduksyon. Sa ating parokya, ito'y binabasa ng "Commentator" "to set the mood" ika nga para sa pagdiriwang. Minsan ang talatang introduktoryong ito ay naglalaman din ng paliwanag tungkol sa tema ng Misa. Ang mga talata ng una at ikalawang pagbasa ay pinangungunahan ng isang maiksing introduksyon. Ito'y tulong para sa mga magbabasa ng mga talata. Ang galing kasi ng pagbasa ay depende sa pagunawa sa talatang binabasa kung kaya naman may maiksing paliwanag tungkol sa mga ito. Kadalasan din ay hindi naipapaliwanag ng paring nag-sesermon ang mga talata ng una at ikalawang pagbasa kung kaya't nilalagyan ito ng paliwanag. Ang Ebanghelyo ay wala nito. 6 | BEC Module VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9


3. Ang Panalangin ng Bayan. Isa sa mga kakanyahang orihinal ng Missalette ay ang "Panalangin ng Bayan". Ngayon ay sinusulat ang mga panalangin ayon sa tema ng liturhiya. Kung minsan ay mababanaag dito kung paanong itinutugma ang mga panalangin sa laman ng mga pagbasa. 4. Ang huling pahina. Sa huling pahina ng Missalette ay mayroong isang Kahon na naglalaman ng mga tala o maiiksing impormasyon tungkol sa isang aspekto ng Ebanghelyo. Ngayong taon ni San Pablo ang mga tala ay napatutungkol sa buhay at mga gawa ng santo. Sa mga nakaraang mga isyu ng Missalette, mayroon din itong mga "exegetical notes" tungkol sa mga Ebanghelyo. Dahil sa mga kakanyahang ito ng Sambuhay Missalette, akin itong inirerekomenda sa BEC Leaders na gawing tulong sa pag-aaral ng Ebanghelyo. Makikita ang aking lathalain tungkol dito sa http://bws.biblista.net/2008/08/using-the-sambuhay-missalette-for-the-bec-meeting/

Ala-ala at Pagnamnam: Ang Ruminatio at Lectio Divina1


Ruminatio : Paulit-ulit na Pag-nguya
Ang mga Katoliko ay hindi nagdadala ng Bibliya sa Misa. Kahit kailan ay hindi ito nangyari2. Ito'y sa dahilang kahit nuong unang panahon pa ang talata ng mga Kasulatan ay hindi binabasa ng mga mananampalataya kung hindi pinapakinggan at isinasa-memorya. Alam natin ito mula sa mga sermon ng mga Ama ng Iglesya tulad ng sumusunod na payo mula kay San Agustin Dapat ninyong ilagay sa inyong mga puso ang anumang naririnig sa mga Kasulatan nang sa gayon, kayo'y hindi maging tamad sa pag-iisip tungkol sa mga ito. Ang nakakarinig ay dapat maging katulad niyong mga hayop na ngumunguya: Kapat inaalala ang mga narinig at sa pagninilay ay sinasariwang muli ang kanilang katamisan, sila'y katulad ng mga hayop na ngumunguya. Ang mga binabanggit ni San Agustin na mga "hayop na ngumunguya" ay iyong kalabaw, baka, tupa at kambing. Alam natin ngayon na hindi lang iisa ang sikmura ng mga ito kung kaya't ang kanilang kinakain ay dinedeposito nila sa isang sikmura at pagkatapos ay pinalalabas nila rito upang muling nguyain. Ihinahalintulad ni San Agustin ang mga mananampalataya sa isang kawan -- ang Kawan ng Diyos -- na paulit-ulit na nginunguya ang Salita ng Diyos na ipinakakain sa kanila sa Banal na Misa. Nguni't ito'y magagampanan lamang kung ang narinig na Salita ay agad na inilalagay sa puso -- isinasamemorya. Ang pagsasa-memorya ng mga talata ng Kasulatan ay mahalaga para sa mananampalataya nuon sa kadahilanang hindi nga madaling bumili ng mga kopya ng buong Bibliya. Ang mga talatang narinig ay
1

Ang mga nilalaman ng seksyong ito ay mula sa aking lathalaing may pamagat na Memory, Parallel Texts, St. Augustine and Guy the Carthusian na matatagpuan dito: http://biblista.albertesmeralda.com/node/19 . 2 Ang mga Protestante at mga fundamentalista ay hindi sumasamba nang walang dalang Bibliya. Ito lamang ay nagpapatunay na silay mga Kristiyanong mula sa panahon ng printing press. Isa pay ang pagsambang Protestante ay katulad ng ating Liturhiya ng Salita, bagaman merong mga sekta dito sa Pilipinas na nagdadagdag ng bahagi na katulad ng Komunyon ng Iglesya Katolika.

7 | BEC

Module

VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9


inuulit-ulit sa pagninilay hanggang ang mga ito'y maging bahagi ng pag-iisip. Nguni't ang pagmememoryang tinutukoy ni Agustin ay hindi yung tulad ng pagmememorya ng mga istudyante ngayon. Ang pagsasa-memoryang tinutukoy ni Agustin ay katulad ng paulit-ulit na pag-nguya ng hayop: ito'y ginagawa dahil kailangan para sa buhay, hindi para sa isang eksaminasyon. Ang mananampalataya ay dapat maging katulad na Maria na inilalagay sa puso ang mga Salitang narinig at ito'y pinagbubulaybulayan. Ang mga Kasulatan ay pinag-iingatan sa puso, hindi sa aklatan. Sa madaling-sabi ang talatang nasa alaala nay paulit-ulit pa ring pinag-iisipan hanggang ito'y parang pagkaing natunaw sa sikmura upang magbigay ng sustansya sa katawan. Kapag nagkagayon, ang pananaw ng isang tao ay nababago at nakikita niya ang mga kaugnayan ng mga narinig sa buhay na nararanasan araw-araw. Halimbawa: ano ang masasabi kay Junior kung ito'y uuwi ng may pasa sa mukha at magsasabing siya'y napa-away. Marahil, ay sasabihing ang pakikipag-away ay hindi dapat gawin pagka't ito'y hindi ayon sa kagustuhan ng Panginoon. Ito'y napakagandang turo, hindi ba? Kung tutuusin, sa mga pagkakataong ganito ay nagkakaroon ng pagkakataon ang mga magulang upang maging mga unang guro ng pananampalataya sa kanilang mga anak. Dito'y maaari nilang iparamdam sa kanilang anak ang kanilang paninindigang Kristiyano. "Anak, hindi yan gusto ni Lord", maaaring sabihin. Nguni't paano kung sasagot si Junior: "Eh, bakit hindi?" Sa isang magulang na babad sa mga Kasulatan maaari niyang maalala ang mga talata tungkol sa Korderong tahimik na pumunta sa kumakatay, o dili kaya'y talata tungkol sa pagtitiis ng Kristiyano. Maaari ring maaalala niya ang pangakong mapalad yaong mga naghihinagpis at mga gutom at uhaw sa katarungan dahil sila'y hindi gumaganti sa kasamaang ipinadadanas sa kanila ng iba. Sa ganitong pagkakataon ibinigay para sa ebanghelisasyon, ang isang alaalang dinalisay ng Salita ng Diyos ay mahalaga.

Ang Lectio Divina


Nabanggit kong ang lectio divina ay mapanalanging pagbabasa ng mga Kasulatan na ginagawa sa paghahanda at pagnanamnam ng Salita ng Diyos na narinig at naalala. Bukod pa sa sinasariwa nito ang narinig na pagbasa mula sa Misa, nagiging paraan pa ito upang mapalalim ang buhay-panalangin. Isa sa mga iniiwang epekto nito sa mga nagle-lectio ay isang ala-alang madaling makatagpo ng mga pagkakaugnayan ng mga hiwagang isinasalaysay sa mga Kasulatan, sa mga hiwagang ipinagdiriwang sa Banal na Misa at sa mga kaganapan sa ating pang-araw-araw na buhay. Ang lahat ng ipinaliwanag ko na sa module 7 -- ang pagunawa ng mga Kasulatan ayon sa kabuuan ng Tradisyon ng Iglesya at ang pagkakaugnay ng mga bagay na sinasampalatayanan -- ay nagiging posible sa lectio divina. Ang tradisyunal na lectio divina ay may apat na bahagdan: ang maingat na pagbasa at ang pag-unawa ng mga binabasa ayon sa kahulugang espiritwal nito (lectio), ang panalangin (oratio), ang pagninilay (meditatio), ang pagnamnam ng mga bagay na pinagnilayan (contemplatio). Sa mga tradisyunal na bahagdang ito ay madalas idinadagdag ang "pagsasabuhay" (actio). Sa mga ito, ang mga bahagdang mahalaga para sa pag-unawa ng mga Kasulatan ay nasa Lectio at Meditatio. Ang halimbawang klasiko dito ay matatagpuan sa Scala Claustralium ng mongheng si Guigo ang Certoceno. Sa pagbasa, naririnig ko ang mga salitang ito: Mapalad ang mga dalisay ang puso pagka't makikita nila ang Diyos. Tingnan mo ang talatang ito: napakaiksi nguni't punong-puno ng mga alingawngaw at katamisang iniaalay na para bang isang bungkos ng ubas para sa pagkain ng kaluluwa. Pagkatapos itong wariin at pagmasdan, sinasabi ko sa sarili: "Mayroon sigurong maganda rito. Papasok ako sa aking puso at titingnan ko kung mauunawaan at masusumpungan ko ang pagkadalisay na ito. Talaga naman kasing ito'y napakamahalaga at kanais-nais, pinagkakapuri sa mga talata ng Kasulatan. Sinumang meron nito ay tinatawag ng mapalad at sa kanya'y ipinapangako na makikita niya ang Diyos, mararanasan niya ang buhay na walang hanggan." 8 | BEC Module VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9


Sa gayon, ang pagbasa ay nagiging pagninilay. Ito'y hindi tumitigil sa nakikita lang o kaya'y sa mga bagay na mababaw. Ito'y tumutuloy sa kataas-taasan, pumapasok sa kaibuturan at isa-isang pinagmamasdan. Maingat na pinagwawari na hindi sinasabing "Mapalad ang mga dalisay ang katawan" kundi "dalisay ang puso" sapagkat hindi sapat na ang mga kamay ay hindi marumhan sa masasamang gawi kung ang isipan naman ay puno ng mga baluktot na isipin. Ito ay pinapatotohanan ng propeta: "Sino nga ba ang makakaakyat sa bundok ng Panginoon? Sino ang tatayo sa kanyang banal na lugar? Siya na may mga kamay na walang-sala at may dalisay na puso (Ps. 24 [23]: 3-4)". Isa pa, tinutukoy ng propeta ang dalisay na puso sa kanyang panalangin: "Likhain mo sa akin, O Diyos, ang isang pusong dalisay (Ps. 51 [50]:12) " at muli "Hwag ako pakinggan ng Panginoon kung merong kasalanan sa aking puso (Ps. 66 [65]:18)". Tingnan mo kung paanong si Hob ay naging maingat sa pagsasanggalang sa kanyang puso nang kanyang sabihin: "Ako'y gumawa ng tipan sa aking mga mata, na ako'y hindi titingin sa isang dalaga (Hob 31:1)". Tingnan mo kung anong karahasan ang ginawa ng banal na ito sa kanyang sarili kapag kanyang isinasara ang mga mata upang hindi makita ang mga walang kabuluhang bagay at nang sa gayo'y hindi niya mapagmasdan ang bagay na -- kahit hindi man nya gustuhin -- ay mapagnanasahan niya. Pagkatapos na mawari ito at mga bagay na katulad nito tungkol sa kadalisayan ng puso, ang pagninilay ay naguumpisang mag-isip tungkol sa gantimpala -- ang luwalhati at tuwang mararanasan niyong makakakita sa mukha ng Panginoon na matagal na inasamasam (Ps. 24:6), ang pinakamagandang mukha sa lahat (Ps. 45:2), na hindi na tinatanggihan ni kinukutya, ni wala na niyong hitsura na ipinandamit doon ng kanyang ina, bagkus ay naramtan na ng kawalang-hanggan at nakoronohan na ng koronang ipinutong sa kanya ng Ama sa kanyang Araw (Ps. 2:7) -- sa Araw na ginawa ng Panginoon (Ps. 118:24) -- sa Araw ng Muling Pagkabuhay at Luwalhati. Isipin mo na sa pangitaing ito'y natutupad ang kabusugang binanggit ng propeta: "Mabubusog ako kapag ang iyong luwalhati ay nakikita na! (Ps. 17 [16]: 15b)" Ang "lectio" ay pagbasang maingat. Dito ang bawa't elemento ng isang parirala ay inuunawa, maging ito ma'y pangngalan, pandiwa, pang-abay, pang-uri at iba pa. Sa "Paghahanda ng Isang BEC Leader" nabanggit ko ang paggawa ng Daloy ng mga Parirala. Ito'y isang pamamaraan upang ang talatang binabasa ay maunawaang maigi ayon sa diwa ng "lectio divina." Mula sa halimbawang nabanggit, makikita kung anong uri ng "alingawngaw" ang tinutukoy ni Guigo -- mga alingawngaw na nagmumula sa talatang binabasa: ito'y ang iba pang talata na katulad ng talatang binabasa. Ang mga alingawngaw na ito'y alam din ng mga Protestante dahil nga kahit ang mga elemento ng lectio divina ay kanilang minana nuong humiwalay si Luther sa Iglesya. Ang mali lamang ay kanilang iniisip na ang mga alingawngaw na ito'y sapat na upang maunawaan ang mga Kasulatan. Ito ang prinsipyong "ang mga Kasulatan ang nagiinterpreta ng sarili". Sa totoo ang mga "alingawngaw" na binabanggit ni Guigo ay mga "alingawngaw" ng talata na kanyang nabasa't narinig ng paulit-ulit sa liturhiya ng Iglesya. Mapapansing ang mga alingawngaw ng talata ng Mateo 5 ay kadalasang nagmumula sa mga Salmo na inaawit ng mga monghe ng siyam beses isang araw! Ang "lectio divina" ay para sa panalangin, nguni't malinaw din na ang panalangin sa lectio ay nagmumula sa isang puso na napuno ng "mayamang alingawngaw at katamisang iniaalay na parang isang bungkos 9 | BEC Module VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9


na ubas." Itong huli ay nagmumula sa isang ala-alang pinalakas ng "ruminatio", ang pagme-memorya at paulit-ulit na pagninilay ng talata ng mga Kasulatan.

Ang Kahulugang Literaryo at Espiritwal


Sa pagbibigay ng mga talatang dapat basahin, nais ng Iglesya na maunawaan ng mananampalataya ang isang mensaheng espiritwal. Alam nating ang mga Kasulatan ay isinulat ng mga taong pinili ng Diyos na gumamit ng kani-kanilang mga talino upang iparating sa kanilang mga mambabasa ang nais ipaalam ng Espiritu sa panulat.

Figure 2: Ang mga Kahulugang Espiritwal

Ang mga Kasulatan -- alam natin -- ay isinulat sa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa kadahilanang ito, ang mga Kasulatan ay may dalawang kahulugan na maaaring ibigay: ang kahulugang literaryo (ang nais sabihin ng taong may-akda) at ang kahulugang espiritwal (ang nais sabihin ng Espiritu Santo). Nguni't dahil ang hiwaga ng mga Kasulatang kinasihan ng Espiritu ay katulad ng pagkakatawang-tao ni Hesus, ang mensaheng espiritwal ng mga Kasulatan ay makukuha sa pamamagitan ng kahulugang literaryo nito. Sa madaling sabi, ang kahulugang espiritwal ng mga talata ng Kasulatan ay hindi isang bagay na idinadagdag mula sa kung saan; ito'y nakatago na sa kahulugang literaryo at mailalantad lamang sa pag-aaral at pagninilay ayon sa kaparaanang nabanggit ko na sa module 6 at 7. Ang kahulugang espiritwal na maaaring makuha sa isang talata ay may tatlong uri: tipolohiko, moral at anagohiko. Ang kahulugang tipolohiko ay nabanggit ko na nang aking ipinapaliwanag ang kaugnayan ng mga talata ng Lumang Tipan at Bagong Tipan sa mga pinipiling pagbasa sa Misa. Ang kahulugang ito ay nagdudulot ng panibagong pag-unawa tungkol kay Kristo at sa kanyang Iglesya. Sa mga pagbasa, halimbawa, ng ika-8 ng Disyembre, makikitang si Kristo ang Binhi ng Babae na dudurog sa ulo ng Ahas. Gayundin, mula sa liturhiya ng ikalawang Linggo ng Cuaresma (B), makikita na ang Templong ipinahihiwatig ni Hesus na itatayong muli ay ang kanyang Katawan, ang Iglesya kung saan sasambahin ang Diyos ng mga taong tumatalima sa kanyang mga salita (tingnan ang unang pagbasa, Exod. 20). Sa ikalawang halimbawang binigay sa itaas, mahihinuha na kung ano kahulugang moral. Ito ang 10 | B E C Module VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9


kahulugan para sa pamumuhay araw-araw ng Kristiyano. Ang kahulugang ito'y para sa estilo ng buhay na meron dapat ang mananampalataya. Sa halimbawa para sa ikalawang Linggo ng Cuaresma (B) sa itaas, ang teksto ng Sampung Utos ang ibinigay, paalala na ang buhay ng isang Kristiyano ay nasa ilalim ng isang pakikipagtipan na mas mataas ang antas keysa sa tipang ginawa sa ilalim ni Moyses. Ang ikatlong kahulugang espiritwal ay may taguring mula sa Griyego anagogia. Ang ibig sabihin nito'y ang "pagtataas (ng sarili) sa mga bagay na maka-langit". Sa kahulugang ito'y ipinapaalam sa mambabasa ng mga Kasulatan ang tunay na kahalagahan ng mga bagay o kaganapan sa kaugnayan ng mga ito sa buhay na walang hanggan. Ipinapaalam din nito ang nararapat na pagtingin ng mananampalataya sa mga bagay na lumilipas lalo pa't hinihintay niya ang Muling Pagdating ng Panginoon. Ang kahulugang ito'y madalas makita sa mga talatang may kaugnayan sa Araw ng Panginoon. Halimbawa, sa ikalawang Linggo ng Adbiyento (B) ay binabasa ang Markos 1:1-8, tungkol kay Juan Bautista. Sa kanyang pananamit, pagkain at uri ng pamumuhay ay makikita kay Juan ang isang taong naghihintay sa Panginoon ng may buong puso. Para sa mambabasa siya'y paalala na hindi dapat maging abala sa pananamit at pagkain, tulad ng sabi ng Panginoon, sapagka't hindi pinapabayaan ng Ama ang kanyang mga anak (Mat. 6:25-33).

Ang Liturhiya ng Salita at Metanoia

Ang pakikinig ng Salitang ipinahahayag sa Liturhiya lalo pa't ito'y ipinapaliwanag ayon sa Tradisyong Apostolika ay humuhubog niyong kaalamang espiritwal na binabanggit ni San Pablo (Col. 1:9) Kaya nga't ... hindi kami tumigil manalangin para sa inyo sa paghingi na kayo'y mapuno ng kaalaman ng mga kagustuhan ng Diyos sa pagunawa't karunungang espiritwal. Ang kahulugang espiritwal na dulot ng mga Kasulatan ang siyang bumabago sa pananaw nang sa gayon ang ating mga desisyon sa pang-araw-araw na buhay ay magdala sa ating makabuo ng isang estilo ng pamumuhay na naaayon sa ebanghelyo. Ang prosesong ito ang tinatawag na metanoia. 11 | B E C Module VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9


Bagong Pananaw
Ang espiritwal na pang-unawang humuhubog sa kaalaman ng mga mananampalataya ay mga bagong mata na tumutulong ipakita ang kaugnayan ng pang-araw-araw na buhay sa misteryo pascual, "ang hiwaga ng Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Kristo". Ang pananaw na iyan ay ipinararating sa pamamagitan ng mga alaala ng Panginoon, ng mga kaganapang propetiko, mga panukala't utos, kasabihan at mga payo na nagmumula sa mga apostol at mga propeta. Kaya nga'y sinasabi ni Pablo na ang Iglesya ay nakasandig sa pundasyon ng mga apostol at propeta kung saan si Kristo ang panulukang bato (Eph. 2:20). Tulad ni San Pablo na nuong binyagan ay natanggal ang kaliskis sa mata, ang mga binyagan ay tumanggap ng bagong paningin. Sila'y naliwanagan na. Marahil sa umpisa ay malabo pa ang mga paningin na yan, ngunit sa patuloy na pakikinig sa Salita ito ay lumalakas at nagiging malinaw (cf. Mark 8:25). "Ang mga mata ang liwanag ng katawan" sabi ng Panginoon (Mt. 6:22, Lk. 11:34). At kung maliwanag na ang ang mata ay mababasa na ri't mauunawaan ang mga tanda ng panahon (Mt. 16:3) na siyang mga paanyaya ng Diyos sa kaganapan ng buhay.

Bagong Puso
Sa Bibliya, ang puso ang simbolo ng tao. "Nilikha mo ang aming mga puso para sa iyo, O Diyos at sila'y hindi matatahimik hangga't hindi natatahimik sa Iyo" (Conf. I, 1) wika ni San Agustin. Ang "puso" ang kaibuturan ng tao, dito ay nangangarap siya; ito rin ang lugar ng kanyang mga desisyon. Sa kanyang puso, ang tao ay hubad, walang pakunwari. At sa puso din pinipili niyang mapasa-Diyos o hindi. "Napakabaluktot ng mga landasin ng puso ... sino ang makakaunawa nito?" tanong ni Jeremias (Jer. 17:9). Kung kaya naman sa proyekto ng Kaligtasan, kasama din ang pagrere-model ng puso ng tao. Bibigyan ko sila ng bagong puso at ilalagay ko ang isang bagong espiriitu sa kanilang kalooban. Tatanggalin ko ang pusong bato at papalitan ko ng pusong may pakiramdam. (Ezek. 11:19) Ang "bagong puso" ay ang puso ng Anak, ang kinalulugdan ng Ama. At ang pusong ito ay sinugatan sa krus para sa ating kapakanan. "Ang aking puso, tulad ng pagkit, ay natunaw sa kaloob-looban ko" sabi niyong inosenteng naghihirap sa Salmo 22:14b (LXX). Wika ni Agustin Sa salitang "puso" ay nais ipaunawa sa atin ang isang malalim na sekreto: Ang kahulugan ng "puso" ay ang mga Kasulatan kung saan nakatago ang kanyang mga payo't panukala. Ang mga ito'y nabuksan pagkatapos niyang maghirap at bigyan ng kaganapan ang mga propesiya ... "tulad ng pagkit" mga Kasulatang binuklat, pinagusapan at ipinaliwanag ... (Ep. 140, 14, 21) Sa Liturhiya ng Salita, binubuksang muli ni Hesus ang kanyang puso upang pati ang ating mga puso ay maging bukas sa Diyos at sa kapwa.

Bagong Buhay
Sino ang makakaakyat sa bundok ng Panginoon? Sino ang maaring tumayo sa kanyang Banal na Lugar? Siya na may malinis na mga kamay at dalisay na puso...(Salmo 24:3-4) 12 | B E C Module VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9


Sa mga salitang ito ng Salmo, ang "malinis na kamay" ay yaong mga gumagawa ng bagay na naaayon sa mga kagustuhan ng Diyos. Gumagawa sila nito dahil ang kanilang mga puso ay dinalisay na. Kung ang puso'y katulad ng pusong mapagtalima ng Anak, pati ang mga kamay ay tumatalima rin. Nang tayo'y binyagan, ibinilin sa ating mga magulang na ituro sa atin ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Sa madaling sabi, ang nais ng Iglesya na maaga nating matutunan ay ang buhay na iniutos sa atin ng Panginoon. "Malalamang mga alagad ko kay sa inyong pagmamahal" sabi ng Panginoon. "Magmahalan kayo tulad ng pagmamahal ko sa inyo." Sa Banal na Misa, ipinapaalala sa atin kung gaano kalak ang pagibig ng Panginoon sa tuwing ibinibigay sa atin ang Kanyang Katawan at Dugo sa Komunyon. Tuwing tumatanggap tayo ng pakinabang sinasabi sa atin ng pari "Katawan ni Kristo" at tayo'y sumasagot "Amen." Sa kanyang mga parokyano, ipinapaalala ni San Agustin: "Bago kayo sumagot ng 'Amen' tingnan muna ninyo ang inyong paligid. Nariyan din ang Katawan ni Kristo." Sa ating pagtanggap sa Katawan ni Kristo, atin din dapat maalala yung isa pang kanyang sinabi: "Kung ano ang ginawa mo sa pinakamaliit kong kapatid, yaon din ay ginawa mo sa akin." Tayo ay hinuhubog ng Salita ng Diyos na maging mga tunay na anak ng Ama. Sa ating pakikinig ng pagpapahayag sa Liturhiya ng Salita, nababasa nating mas maigi ang mga tanda ng panahon, at mula sa pusong bago na bigay sa atin, mas madali tayong nakakatugon sa mga paanyaya ng Diyos na maging liwanag, asin at harina sa mundo.

Figure 3:

Ang Kahulugang Espiritwal at ang Pagbabago ng Tao

Ang Misa at Ebanghelisasyon


Sa pagtatapos ng Misa, sinasabi sa atin: "Tapos na ang Misa. Humayo kayong taglay ang kapayapaan ni Kristo." Sa madaling sabi, sa pagtatapos ng Misa ay parang sinasabi sa mga nagsimba na sa paguwi ay 13 | B E C Module VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9


baunin ang kanilang tinanggap, si Kristo "ang ating Kapayapaan. (Eph. 2:14)" Sa orihinal na Latin, ang sinasabi sa pagtatapos ng Misa ay "Ite, missa est". Ang tatlong salitang iyan na punong-puno ay isinasaling ganito: "Humayo kayo (ang Iglesya) ay isinugo na." Samakatwid, ang habilin ay hindi lang magbaon ng tinanggap kungdi, sa diwa ng unang pagsusugo ng Panginoon sa mga apostol (Mat. 28:1620) ay ipagpatuloy ng mga mananampalataya ang gawain ng ebanghelisasyon sa kanilang mga pupuntahan. Ang mga pusong binago ng Panginoon ay sila ring magbabago sa mundo.

Ang Landasin ng Salita ng Diyos: Ang Ebanghelisasyon


Sa "Ang Salita ng Diyos sa Buhay at Misyon ng Iglesya" (Mensahe ng Sinodo Romano 2009) ipinaliwanag ng mga obispo ang tema ng ebanghelisasyon pagkatapos ng tema ng "Ang Tahanan ng Salita ng Diyos: Ang Iglesya". Ang punto ng transisyon mula sa isa ay isang talata mula kay Isaias: "Pagka't ang Torah ay lalabas mula sa Sion; ang Salita ng Panginoon mula sa Jerusalem (Is. 2:3)" Ang mga nakarinig ng pahayag ng Salita at mga nabago ng Salita ng Diyos ay sila ring magdadala nito sa mga landasin ng daigdig. Tulad ng nasusulat sa aklat ng propeta Amos: "Ang mga araw ay darating, sabi ng Panginoong Diyos, na ako'y maghahatid ng taggutom sa bansa: hindi gutom para sa pagkain o uhaw para sa tubig, kundi taggutom sa pakikinig ng Salita ng Diyos (Amos 8:1)". Ang misyon ng Iglesya para sa ebanghelisasyon ay nagnanais tumugon sa gutom na ito. Kahit ang Kristong Muling Nabuhay ay umaapela sa mga apostol na nagdadalawang-isip na iwan ang kanilang mga "maginhawang tanggulan": "Humayo kayo ang gawin ninyong alagad ang mga bansa ... at turuan silang gampanan ang mga utos na iniwan ko sa inyo (Mt. 28:19-20)". Ang mga Kasulatan ay puno ng mga paanyayang "huwag manahimik", na "ipagsabi", "ipahayag ang salita napapanahon man o hindi", na maging mga tanod na wasakin ang katahimikan ng pagwawalangbahala. At sa mga dapat makarinig ng Salita ng Diyos, ang pamilya ang pinakamahalaga Nangunguna ang Panginoon sa mga daan ng ating mga lungsod at tumitigil sa mga pintuan ng tahanan: "Tingnan mo, ako'y nakatayo sa pintuan at kumakatok. Kung marinig ako ng isa sa inyo at pagbubuksan ako ng pintuan, papasok ako at makikikain sa tabi ng taong iyon (Rev. 3:20)". Ang pamilya, na napapalibutan ng mga dingding ng tahanan, kasama ang kanyang mga tuwa't kalungkutan ay isang lugar na mahalaga kung saan ang Salita ng Diyos ay dapat hayaang makapasok. Ang Bibliya ay puno ng mga maliliit at mahahabang kwento ng mga pamilya at inilalarawan ng Salmista sa mga kulay na buhay ang mapayapang larawan ng ama na nakaupo sa hapag kainan at napapaligiran ng asawang parang mabungang puno ng ubas at ng mga anak "mga usbong ng punong olibo" (Salmo 128). Kaya nga, kung paanong ipinagkatiwala ng Israel ang pagdiriwang ng Paskuwa sa mga pamilya (cf. Ex. 12:21-27), gayun di'y kahit nuong unang mga araw ng Kristiyanismo, ipinagdiwang ang liturhiya sa loob ng tahanan. Ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos ay ipinagsasalin-lahi sa tahanan, nang sa gayon ang mga magulang ang nagiging "unang tagapagpahayag ng pananampalataya" sa mga anak (LG 11). Isang beses pa'y ipinapaalala ng Salmista: "Ang aming narinig at alam, ang mga sinabi sa amin ng mga ninuno ay hindi namin itatago sa aming mga anak, at sasabihin namin 14 | B E C Module VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9


sa mga darating pa: ang mga papuri sa Panginooon, ang kanyang kapangyarihan, ang mga magagandang ginawa niya ... at kahit mga anak nami'y ipagsasabi iyon sa kanilang mga anak (Salmo 78:3-4.6)". Samakatwid, ang bawat tahanan ay dapat magkaroon ng sariling Bibliya, pag-ingatan ito sa paraang nakikita at kagalang-galang, basahin ito at manalanging gamit ito. Mga pamilya din ang dapat magmungkahi ng mga modelo ng paggamit ng Biblia na mapanalangin, kateketiko at pamamaraang didaktiko sa pagtuturo ng pagunawa sa mga Kasulatan, nang sa gayon "ang mga kabataan, ang mga matatanda pati na ang mga bata (Salmo 148:12)" ay makarinig, makaunawa, lumuwalhati at isabuhay ang Salita ng Diyos. (n. 12)

Sa Diwa ng Evangelii Nuntiandi3


Ang Kristiyano ay bininyagan upang maging bahagi ng Katawan ni Kristo, ang Iglesyang laganap sa lahat ng mga bansa. Sa kanyang binyag ay tinanggap niya ang liwanag ni Kristo upang siya, kasama ng buong Iglesya ay magsilbing liwanag din para sa mundo. "Kaya nga pagliwanagin ninyo ang inyong ilawan sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa. Sa gayon ay luluwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit." (Mt. 6:15) "Maging handa kayong lagi na ipaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo ang tungkol sa inyong pag-asa, na may kaamuan at paggalang." (1 Pet. 3:15). Sa Evangelii Nuntiandi ay tinalakay ng nasirang Papa Paul VI ang tatlong hakbang ng ebanghelisasyon: (a) ang tahimik na pagsaksi (b) ang pagsaksing may pananalita, at (c) ang paghubog ng iba pang saksi. Ang tatlong hakbang na ito ay tumutugma sa pakay ng ebanghelisasyon: Ang pakay ng ebanghelisasyon ay ang pagbabago ng kalooban ng tao, at kung ito'y kailangang sabihin sa isang talata lamang, ang pinakamagandang pagkakasabi ay ganito: "Ang Iglesya ay nagpapahayag ng mabuting balita kapag sinisikap niyang magpapanibago, sa pamamagitan lamang ng maka-Diyos na kapangyarihan ng mensaheng ipinapahayag niya, ang personal at kolektibong pagunawa ng tao, ang kanilang mga gawi at gawain, ang sarili nilang pamumuhay, kalagayan at lipunan." (EN, 18) Ang mahalaga ay ang Ebanghelisasyon ng Kultura at mga kultura ng sangkatauhan (hindi sa kaparaanang dekoratibo lamang, na para bang pakitang-tao lamang, kundi sa paraang tumitimo ng malalim hanggang sa kaibuturan ng puso), sa pagkakahulugang malawak at mayaman na ibinigay dito ng Gaudium et Spes: ang laging umpisa nito'y ang tao, ay laging bumabalik sa pakikipag-ugnayan ng bawa't tao sa isa't-isa at sa Diyos. (EN 20) Tahimik na pagsaksi. Ito ang unang hakbang ng ebanghelisasyon (EN 21). Sa pamamagitan ng makaKristiyanong pamumuhay na naka-angkla sa tunay na pananalig at pagasa, ang Kristiyano ay sumasaksi na sa bagong-buhay na dulot ni Kristo. Sa kanyang araw-araw na pamumuhay ay ipinapakita niya ang pagunawa at pagtanggap ni Kristo, ang kanyang pakikisama ay para sa ikabubuti at ikararangal ng tao, at siya'y may mga sinasaligang "values" na mas mataas na antas keysa ordinaryo. Kahit ang kanyang pananaw sa buhay, dahil ito'y nagmumula sa isang pananampalatayang nagpapalim sa kanyang pagunawa sa mundo, tao at buhay araw-araw, at prinsipyong gabay niya sa pamumuhay ay nagbibigay sa kanya ng kakayahang tanggapin ang mga dagok ng buhay ng hindi nawawalan ng pag-asa. Ang makakakita sa kanya't makakasalamuha niya araw-araw ay magtataka: Ano ba ang kanyang pananaw sa buhay? Ano ang
3

Ang Evangelii Nuntiandi ng nasirang Papa Pablo VI ang naging inspirasyon ni Fr. Gallagher, SJ na likhain ang Parish Renewal Experience.

15 | B E C

Module

VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9


kanyang sinasaligang prinsipyo ng buhay? Ang pagtatakang iyan ay mauuwi sa tahasang pakikipag-usap. Sa malaon ay may lalapit sa ating Kristiyano at magtatanong. Ito ang pagkakataon para sa ikalawang hakbang: ang pagsaksi sa salita. Pagsaksi sa Salita. Ang pagsaksi ng tahimik bagama't napakaganda at hindi sapat. "Ang Mabuting Balita na ipinahahayag sa pamamagitan ng payak na pamumuhay, sa malaon ma't madali ay kailangang maipahayag sa salita ng buhay. Hindi tunay ang ebanghelisasyon kung ang pangalan, ang mga turo, ang buhay, ang mga pangako, ang paghahari at ang hiwaga ni Hesus ng Nazareth, ang Anak ng Diyos, ay hindi naipahayag." (EN, 22). At ang pahayag ay dapat tanggapin at para sa nakikinig ay maging dahilan ng kaniyang pagsapi sa Iglesya. Ang pagpapahayag ay umabot na sa kaganapan kapag ito'y pinakinggan, tinanggap at inako, at kapag ito na ay binibigyan na ng tunay na pagsalig ng kung sinuman ang tumanggap nito. Pagsalig sa mga katotohanang ipinaalam ng Panginoon sa kanyang awa; pagsalig sa programa ng buhay -- isang buhay na mula ngayon ay nabago na -- na Siya rin ang nagbigay. Sa madaling sabi, pagsalig sa kaharian, sa "bagong mundo", sa bagong kalagayan, sa isang bagong pag-iral, pamumuhay, pamumuhay sa isang sambayanan na nagmula sa Bagong Balita. Ang pagsalig na ito, na hindi dapat manatiling hanggang sa isip lamang, ay nagkakaroon ng kaganapang sa pagpasok sa sambayanan ng mga nananampalataya. Kaya nga yung mga nagbago na ng buhay ay pumapasok sa isang sambayanan na isa ring sakramento ng pagbabago, tanda ng isang bagong buhay: ang Iglesya, sakramento ng kaligtasan... Sa dinamismo ng ebanghelisasyon, ang taong tumanggap sa Iglesya bilang Salita na nagliligtas ay magpapakita ng kanyang pagtanggap sa mga sumusunod na gawing sakramental: pagsalig sa Iglesya, pagtanggap ng mga sakramento na nagpapakita at nagtataguyod sa kanyang pagsalig, sa pamamagitan ng mga grasya na idinudulot ng mga ito. (EN 23) Ang paghubog sa iba pang saksi. Ayon kay Pope Paul VI, ang tunay na sukatan ng ebanghelisasyon ay ito: ang taong tumanggap ng pahayag at sumapi sa Iglesya't nagumpisa ng tumanggap ng mga sakramento ay maguumpisa ring maging saksi para kay Kristo. "Hindi maaaring mangyari na ang isang taong tumanggap sa Salita at ibigay ang sarili sa Kaharian ay hindi rin nagiging saksi ng Salita at hindi ipapahayag ang Paghahari ng Diyos." (EN, 24) Sa madaling sabi, ang pagsaksi ng isa ay dapat magbunga pa sa iba pang saksi.

Paglalagum at Pagtatapos
Ang Salita ng Diyos na ipinapahayag sa Misa ay may dinamismo na nakakatulong sa pag-unawa ng mga Kasulatan. Sa pamamagitan ng mga pagkokombina ng Ebanghelyo sa Lumang Tipan, inihahatid sa atin ng Iglesya sa pamamagitan ng Liturhiya ang kanyang pananaw, mga pag-asa at pangarap. Sa Liturhiya ng Salita ay inuunawa ang mga Kasulatan ayon sa kabuuan ng Kasaysayan ng Kaligtasan, Tradisyong Apostolika at ang pagkakaugnay ng mga bagay na sinasampalatayanan. Sa dahilang ito, pinaninindigan na ang kahit anong pribadong pag-aaral ng mga Kasulatan ay hindi maghahatid sa ganap na kahulugan ng mga Salitang kinasihan ng Espiritu hangga't ang mga ito'y hindi naririnig sa Banal na Misa. Wika nga ni Pedro Walang propesiya sa mga Kasulatan ang nagmumula sa pansariling interpretasyon, pagka't ang propesiya ay hindi nagmumula sa kagustuhan ng tao. Bagkus, mga tao'y 16 | B E C Module VIII

Ang Kasulatan at ang Banal na Misa 200 9


pinagsalita ng Diyos habang sila'y nasa kapangyarihan ng Espiritu. (2 Pe 1:20-21) Ang interpretasyon ng mga Kasulatan ay hindi natatapos hangga't ito'y hindi naisasabuhay. At ito'y hindi naisasabuhay hangga't ang mananampalataya ay hindi nakikibahagi sa misyon ng Iglesya: ang Ebanghelisasyon. Ang Salita ng Diyos na narinig sa mga Kasulatang ipinahayag ay siya ring Salita ng Diyos na tinatanggap na tinapay at alak sa Komunyon, pagkaing nagpapabago sa atin at binubuo tayo na maging Katawan ni Kristo. Dahil dito, ang pagkain ring ito ang nagbubunsod sa atin na itaguyod ang Katawan ni Kristo, ang Kanyang Iglesya.

Alberto L. Esmeralda, OSA, SSL

17 | B E C

Module

VIII

You might also like