Document Information
715 Reads | 0 Comments
Description
Sa sumunod na dalawang araw, naisakatuparan ang mga nakaraang pinaksang teorya at pilosopiya bilang saligan ng mga konkretong ekspresyong pangmusika at pansining. Ang mga sumunod na talakayan ay pinangunahan ng pangalawang presentasyon ni Dr. Schwoerer-Kohl ukol sa impluwensiya ng pilosopiya ni Confucius sa musikang pangkorte ng Burma. Sa kaniyang pagbibigay pansin sa mga instrumentong bumubuo sa pangkatang hsaing waing, tinukoy ni Dr. Kohl ang simbolismo ng mga bato ng alahas na nakakalupkop sa mga balangkasin at sabitan ng mga ito. Ang iba’t ibang antas ng kanilang halaga ay kumakatawan sa herarkiya ng kapangyarihan sa korte ayon sa Nava Ratna. Ipinaliwanag din niya na ayon sa tradisyon sa Tsina, may kahulugan sa halagahan ang pagtatalaga ng pangkatan sa kanan o kaliwa ng korte. Sa kabilang dako naman, tinalakay ni Propesor Chun In-pyong ang pagkakahawig ng tala ng India ayon sa Natya Sastra at ng ritmo ng changdan na matatagpuan sa Yoengsanhoesang ng Korea (isang suite ng piyesa), na ginagampanan ng mrdangam at tabla (mga tambol) at ng changgu (tambol na may korteng hourglass).
Ang pangalawang sesyon ay nagtambal sa pangalawang papel ni Dr. To Ngoc Thanh at sa ambag ni Dr. Sam-Ang Sam, na pawang tumalakay sa kahalagahan ng dalawahan at apatang pagbilang sa gampanan sa mga musikang pangkorte sa Hue sa Vietnam at ng mga Khmer sa Kampuchea, pati na ang musikang pambayan ng mga nito. Sa pangalawang papel, inilahad ni Dr.Sam hindi lamang ang pormula ng pagpaparami ng mga bilang sa isang gampanan, kundi na rin ang kalaganapan ng bilang na apat sa iba’t ibang aspekto ng kultura ng Khmer—sa bilang ng sinisindihang kandila at insenso, sa bilang ng yukong pagbati, ang bilang ng mga pangunahing kabaitan, at ang pundamental na disenyo ng mga monumento ng Khmer na gawa sa bato tulad ng Angkor Thomm na siyang huling katangi-tanging templo na itinayo bago lumubog ang kaharian ng Khmer.
Ang mga sesyon naman sa hapon ng 20 Pebrero ay nagpokus sa mga musikang pangkabayanan ng Tsina, na pinamunuan ng pagtatangka ni Propesor Guangyu Feng na lagumin ang buong literatura ng kantahing pangkabayanan sa Tsina sa ilalim ng iisang banghay, base sa pormula ng himig, ng teksto at iba pang estruktura, pati na ang kanilang mga baryasyon ayon sa praktis ng magkakaibang grupong etnolingguwistiko. Sinundan ito ng mga pagsuri sa mga ispesipikong repertoryo ayon sa ugnayan ng wika at musika, pati na ang pangkalahatang impluwensiya ng kulturang Han sa mga ito— musika ng mga She, ni Prop. Lan Xuefei; mga kantahing-bayan ng Yulin Xiaoqu buhat sa kahilagaan ng probinsiya ng Shanxi, ni Prop. Liu Xiao Long; at ang mga kanta’t sayaw sa Tibet, ni Prop. Mao Jizeng. Tumawag ng pansin ang banggit ni Prop. Mao sa mga uri ng kantang binubuo ng isahang tono (tulad ng boxie) na naging punto ng masiglang palitan ng kuro tungkol sa gamit panlipunan nito—dasal ba o kantang pangmilitar?— habang nangingibabaw sa isipan ng lahat ang konteksto ng pangkasalukuyang relasyon ng Tibet at ng kabuuang Tsina.
Sintesis
Saksi ng huli at ikaapat na araw ng talakayan ang paglalagom sa mga pinakamahalagang punto ng palihan. Maaaninag ang isang kumpifigurasyong teoretiko na sumasaklaw sa mga musika sa Asia: mga pagbilang at matematika, wika at sintaks, pilosopiya at buhay panlipunan, at proseso ng pagsasakatuparan ng mga ito sa musika. Ang mga sesyon sa umaga ay nagtampok sa apat na magkakaugnay na pag-aaral. Ang Pangulo ng APSE na si Dr. Kwon Oh Sung ay nagsalita tungkol sa matematika na napapaloob sa Yeongsanhoesang. Tinutukan niya ang nakakatawag-pansin na koneksiyon ng proporsiyong algebrahiko sa guhit-larawan ng lotus (ang sagisag pangkawikaan ni Buddha), sa golden section, at sa mga papalaki at papaliit na mga bahagdan ng ritmo ng changdan (na nabigyan din ng mariing banggit ni Chun In-Pyong). Sinundan naman ito ng isang malalim na talakay ni Prop. Yuan Jingfang sa aspekto ng bilang sa ritmo ng Dianzi Luogu (musikang pam-perkusyon) na matatagpuan sa probinsiya ng Hubei. Ayon
11 Pages