You are on page 1of 8

MGA KASALUKUYANG PERSPEKTIV GAMIT ANG TEKNOLOJI SA PAGTUTURO NG PAGBASA AT PAGSULAT Christian George C. Francisco ccfrancisco@mail.dasma.dlsu.edu.

ph Kagawaran ng Filipino at Panitikan Pamantasang De La Salle Dasmarinas

Ang ginawang pagbabago ng teknoloji sa takbo ng buhay ng tao ay hindi matatawaran lalo na sa larangan ng edukasyon. Sadyang mawawalang-saysay ang husay at galing ng susunod na henerasyong profesyunal gaya ng mga titser kung patuloy itong sasandig sa mga tradisyonal na kaparaanan. Tony Blair Prime Minister, UK Magandang hapon sa inyong lahat! Kakambal na marahil ng titser ang iba t ibang hamong kinakabaka niya sa tuwing siya ay haharap sa kanyang mga estudyante sa araw-araw na pagtuturo. Sa kasalukuyan, ang mga hamong ito ay hindi lamang nakakahon sa aralin na kanyang idedeliver bagkus sa mga estratehiya na aangkop dito. Kung tatanawin, ang mag-isip ng isang partikular na estratehiya at dulog pampagtuturo ay isang mabigat na gawain para sa mga titser. Gayumpaman, gaano man kabigat ang gawaing ito ay patuloy pa rin ang mga titser sa pag-iisip, pagdidiskubre at walang humpay na sumusubok sa mga makabagong inoveysyon sa larangang pedagojikal maiangat lang ang kalidad ng pagkatuto ng bawat estudyante. Sa totoo lang, malaki na ang naidulot at maidudulot pa ng modernong panahon kaugnay sa uri ng edukasyon sa Pilipinas at sa iba pang bahagi ng daigdig. Tinatanaw ng mga eksperto sa teknoloji na ang modernong edukasyon ay mahigpit na nakasalalay sa gamit ng teknoloji. Isa rin itong puspusang paghahanda sa pagdidisenyo ng iba t ibang oportunidad sa pagkatuto na kapwa tao at kultura ng isang lipunan ang silang pangunahing magbebenefit. Sa kabilang banda, sa tuwing maririnig natin ang salitang moderno, agad natin itong ikinakabit sa salitang teknolohiya, hi-tech, cybernetics, Internet, e-mail, global village, information age, multimedia, hypermedia at kung anu-ano pang mga terminong bago sa ating mga pandinig. Kung kaya, sa oras na mangyari ito, ang iba ay agad na napapabalikwas at babalik na lamang sa mga kinagawian nilang estratehiya. Ayon nga kina Caroll at Witherspoon (2002), sa loob ng klasrum ng bawat eskwela, lahat tayo ay estudyante, nagkataon lamang na ang iba ay baguhan at ang iba ay eskperto na. Sa kasalukuyang panahon, kitang-kita ito sa bawat klasrum sa Pilipinas.

Kadalasan, ang mga titser ang siyang nalalagay sa alanganing posisyon kapag usaping teknoloji na ang nakalatag. Naniniwala naman si Reksten (2000) na kung magkakaroon ng pagtutulungan sa paggamit ng teknoloji, mas magiging madali ang pagkatuto dito. Sa madaling sabi, ang pagsasanib-pwersa ng titser at ng mga estudyante ay mainam tungo sa mas makabuluhang talakayang pangklasrum. May kakayahan kasi ang teknoloji na maiangat ang pag-iisip ng mga estudyante lalo na kung ito ay maayos na naidisenyo sa kurikulum. Mula sa kompleks na konsepto ng teknoloji, simulan natin itong hubaran mula sa kanyang kahulugan, gamit, dulot at mga benepisyong hatid nito sa mga titser sa makabagong panahon. Ayon kina Norton at Wiburg (2003), ang pinagmulan ng kahulugan ng technology ay ang salitang technique na ang ibig sabihin ay ang tamang paraan ng pagpili at pagkilala kaugnay sa mga kaparaanang nagagamit ng tao sa kanyang mga gawain. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga benepisyong dulot ng teknoloji sa buhay ng mga tao:
1. 2.

3.

Nagagawa ng teknoloji na gawing isa ang kalat-kalat na lipunan sa mundo sa pamamagitan ng tinatawag na global village. Nagsisilbing tulay ang teknoloji upang makalikha ang isang individwal ng isang bagay kung saan maipamamalas niya ang kanyang galing at kakayahan tungo sa produktibong kaparaanan. Ang teknoloji ay may kakayahan na gawing mas produktibo pa ang kalidad ng edukasyon ng isang lipunan. Mas napapabilis kasi nito ang akses ng bawat estudyante at titser sa informasyon saan mang dako ng daigdig.

Matapos nating makita ang mga benepisyong dulot ng teknoloji, marahil ang susunod na tanong na naglalaro sa isipan ng bawat isa ay paano ako magsisimula? Ang pagkatuto sa teknoloji ay hindi nagaganap sa isang kisapmata lamang lalo na kung aplikasyong pangklasrum ang pag-uusapan. Una sa aking listahan ay ang atityud, ito ay tumutukoy sa pagbabago ng pananaw kaugnay sa isang bagay. Ang pangamba sa paggamit ng anumang uri ng teknoloji ang siyang kauna-unahang bagay na nararapat nating alisin dahil hindi ito nakatutulong sa paglago natin bilang mga profesyunal. Sa oras na maalis ang nabanggit na paniniwala, maaari nang iaplay ang Limang Level ng Pagpapatibay (Five Levels of Adoption) nina Caroll at Witherspoon (2002). 1. Panimulang Level Ito ang yugto ng pagkatuto sa teknolojji na kinapapalooban ng mga pangamba at takot sa paggamit nito gayundin sa mga termino tulad ng word processing, e-mail at Internet. 2. Level ng Pagpapatibay Ito ang yugto kung saan unti-unti nang binubuksan ng isang titser ang kanyang kamalayan sa paggamit ng teknoloji subalit walang involvment ang mga estudyante. 3. Level ng Pag-angkop Ang yugtong ito ay ang pagbibigay-puwang ng titser sa paggamit ng teknoloji bilang dagdag kagamitang panturo. Sa puntong ito, may nagaganap nang involvment sa pagitan ng mga estudyante. 4. Level ng Paglalaan Sa level na ito ay malalim na ang paraan ng paggamit ng teknoloji kung saan nagaganap ang tinatawag na on-line collaboration sa pagitan ng titser at

estudyante. Kadalasan itong inihahalintulad sa on-line learning/forum/discussion o distance learning education. 5. Level ng Pagbabago Sa bahaging ito, tuwiran nang nagaganap ang inisyatibo mula sa titser upang lantarang baguhin ang set-up ng klasrum kung saan ang paggamit ng teknoloji ay normalisado na sa pagitan ng titser at mga estudyante. Gaya ng aking nabanggit kanina, hindi sa pamamagitan ng isang kisapmata lamang maaakwayr ang pagkatuto sa teknoloji, ito ay isang proseso na dumadaan sa limang level. At sa bawat level na aking nabanggit, makikitang gradwal nating makakamit ang kasanayan at kahusayan sa paggamit ng teknoloji sa ating klasrum. Sapagkat, tanggapin man natin o hindi, kailangan nating yapusin nang bahagya kundi man buo ang pagbulusok ng teknoloji sa ating panahon. Unang-una, ang mga kabataan ay lantad na ang oryentasyon sa larangang ito. Pangalawa, hindi na kontrolado ninuman ang mga pagbabagong hatid ng teknoloji sa larangan ng pagkatuto. Sa katunayan, naglahad sina Norton at Wiburg (2003) ng walong pagbabago sa pagkatuto gamit ang teknoloji. Ang mga ito ay ang sumusunod:
1.

2.

3.

4.

5.

Mula sa Linyar tungo sa Hypermedia na Pagkatuto. Pagpapakita ito ng konvensyonal na pamamaraan ng pagtuturo gamit ang mga libro at iba pang tradisyonal na parapernalya bilang mga pangunahing instrument ng pagtuturo. Samantala, ang hypermedia na paraan ng pagkatuto ay tumutukoy naman sa gamit ng televisyon, iba t ibang larong panteknoloji gayundin ang gamit ng Internet sa loob ng klasrum. Mula sa Simpleng Instruksyon tungo sa Konstruksyon at Pagtuklas ng Kaalaman. Ipinapakita naman dito ang magkatuwang na development ng pagtuturo at pagkatuto. Sa kasalukuyang mga pananalig ng pagtuturo, mas ninanais na ngayon ng mga estudyante na matuto sila mula sa sarili nilang mga karanasan at mga pagtuklas. Dahil dito, mas nagiging efektiv at efisyent ang kanilang pagkatuto sapagkat awtentik ang bawat karanasan nila. Mula sa Pagtuturong Nakafokus sa Titser tungo Pagkatutong Nakasentro sa Estudyante. Gamit ang mga makabagong teknoloji, magaganap ang pagtuturong nakasentro sa estudyante dahil sa kanila nagmumula ang aksyon o inisyativ. Subalit, hindi nangangahulugan kaunti na lamang ang papel ng titser sa loob ng klasrum, bagkus, mas magiging kompleks pa ito dahil siya ang magsisilbing gabay ng kabuuang talakayang ilalahad ng mga estudyante. Mula sa Simpleng Pagtanggap ng Materyal Pangkaalaman upang Matuto tungo sa mas Malawak at Masikot na Pagtanggap ng Iba t ibang Kaalaman. Dahil sa lawak ng kaalamang hatid ng teknoloji, mas nagiging mahalaga at kritikal ang papel ng titser, nararapat na siya ay maging sintesayzer ng buong talakayan. Kung kaya, mahalaga na ang bawat titser ay updated din sa mga inovasyong pangkaalaman. Mula Paaralan tungo sa Panghabambuhay na Pagkatuto. Dito ay binubuwag ang paniniwalang sa paaralan lamang magsisimula at magtatapos ang pagkatuto, bagkus, gamit ang mga makabagong teknoloji, dulot ang panghabambuhay na akwisisyon ng mga kaalaman sa mundo. Nagsisilbi rin itong hamon sa mga estudyante gayundin naman sa mga titser upang patuloy na tumuklas ng mga bagong kaalaman sa kanilang paligid.

6.

7.

8.

Mula one-size-fits-all na uri ng edukasyon tungo sa Pagdevelop ng mga Makabagong Kaparaanan ng Pagkatuto. Kung dati ay nakakahon lamang ang paraan ng pagtuturo, ngayon, gamit ang teknoloji, nadedevelop ang iba t ibang kakayahan at karanasan ng mga estudyante batay sa kanilang mga pinagmulan, talento at mga estilo ng pagkatuto. Mula sa Tortyur na Paraan ng Pagkatuto tungo sa Pangkasiyahang Pagkatuto. Isa sa mga makabagong inoveysyon na isinasagawa ng mga paaralan sa kasalukuyang panahon ay kung paano matututo ang mga estudyante sa paraang naeenjoy nila ang bawat sandaling pananatili nila sa loob o labas man ng klasrum. Sabi nga, teachers are also entertainers. Ang enterteynment ay malaki ang naitutulong upang mamotiveyt sa pagaaral ang mga estudyante. Mula sa Paniniwalang Titser bilang Tagapaghatid ng mga Informasyon tungo sa Titser bilang Fasiliteytor. Sa panahon ng informasyon, nararapat na malinaw ang papel ng titser na siya ay hindi na lamang simpleng tagapaghatid ng informasyon sa mga estudyante. Nararapat niyang panghawakan na siya ay fasiliteytor na gagabay at magsisilbing konsultant ng kaalaman sa klasrum.

Ang mga paniniwalang nabanggit ay ang dulot ng teknoloji bilang makabagong perspektiv ng edukasyon sa modernong panahon. Manapa t ang ilan sa mga ito ay nagagamit na ng ilan sa atin sa tuwing tayo ay nagkokondak ng klase. Ang nararapat ngayon nating tingnan dito ay gaano ba natin kaepektibo itong nagagamit o napapraktis? Sapagkat mahalaga rin na sumailalim ang ating mga gawaing pangklase sa evalwasyon nang sa gayon ay makita natin ang kalakasan gayundin naman ang kahinaan ng ilan sa mga ginagamit nating estratehiya. Matapos alamin ang iba t ibang kaparaanan kung paano magsisimula, kabatiran sa mga inoveysyon sa larangan ng edukasyon at teknoloji, marahil ang sunod na katanungan ay anuano naman ang mga halimbawa ng teknoloji na maaari nating magamit sa loob ng klasrum? Simple lamang ang sagot diyan, MARAMI! Napakaraming varayti ng teknoloji na tiyak at pihadong malaki ang maitutulong sa ating pagtuturo. Subalit, akin lamang tatalakayin sa inyo ang ilan sa mga ito na tiyak namang aplikabol o akma sa pangkalahatang uri ng edukasyon sa Pilipinas. Batay nga sa matandang kasabihang Pilipino, kapag maikli ang kumot, matutong mamaluktot! Sa madaling salita, hindi man kasing advans ang teknoloji natin kumpara sa ibang bansa, imaksimays pa rin natin kung ano ang mayroon tayo sa ating mga paaralan upang maipamulat at maipamalas din naman natin sa ating mga estudyante ang ating kakayahan at kasanayan sa paggamit ng mga ito. Ilan sa maaari nating gamitin ay ang mga sumusunod:

(KAAKIBAT NG BAWAT AYTEM AY ANG PAGPAPAKITA NG SAMPOL NA VISWAL BILANG BAHAGI NG LEKTYUR-DEMO) 1. Televisyon, Pelikula at mga Vidyo Materyal. Bagama t ang mga ito ay palasak nang ginagamit sa ating bansa lalo sa ibang bansa, malaki pa rin ang dulot ng mga ito bilang ispringbord at balon ng karunungan sa pagtalakay ng iba t ibang araling pangklase. Isang partikular na halimbawa nito ay ang mga komersyalays na mga

programa sa televisyon na nagtuturo ng iba t ibang aralin. Ilan lamang ang Sineskwela (siyensa at teknolohiya), Math-tinik (matematiks), Epol apol (Ingles), Art angel (Sining) at marami pang iba na sigurado akong familyar kayong lahat. Nagagamit naman natin ang mga pelikula sa pagtalakay ng literaturang lokal o banyaga na siya namang tumutulong sa paghubog ng atityud ng ating mga estudyante. Samantala, ang mga vidyo materyal naman ay tumutukoy sa mga awtentikong mga palabas na maaaring sariling likha ng titser o maaari rin naman na likha ng mga malikhaing kaisipan ng mga estudyante. Sa pagtataya, nagagawa kasi ng tatlong midyang nabanggit na mas palakasin at patatagin ang kaalaman ng mga estudyante. Dahil bukod sa diyalogo, ito ay lantad na nalalapatan din ng viswal na may aksyong kaakibat gayundin ng tunog na nakapagbibigay buhay at kulay sa kanilang napapanood. Sa pamamagitan nito, tiyak ang paghuli o pagkaptyur sa kanilang emosyon tungo sa mas malalim na komprehensyon. 2. Gamit ang Kompyuter Grafiks. Sa pamamagitan ng mga grafiks na hatid ng Information and Communications Technology (ICT), mas nag-eeksplor ang mga estudyante na nagbubunsod sa pagdiskubre nila sa sarili nilang mga karanasan at kaparaanan na hindi kayang ibigay ng simpleng talakayang pangklasrum gayundin ng mga libro. Nabibigyan din nito ng pagkakataon ang mga mag-aaral na makapamili ng mga gawain na sasalamin sa kanilang individwalidad. Dagdag pa, ang mga estudyante ay nagiging tagalikha, tagamasid at tagapag-alam ng kaalaman. 3. Word Processors, Desktop Publishers at Web-Based Editor.Masakit man sa pandinig ang mga terminong ito, manapa t, ginagamit na rin natin ang mga ito bilang mga kagamitang panturo sa ating mga estudyante. Ang word processor ay isang programa sa kompyuter na tumutulong sa computer user na makalikha ng isang komposisyon, makapag-edit, makapag-revays, makapag-format gayundin ang makapag-print ng mga dokumento. Samantala, ang desktop publisher naman ay tumutulong sa computer user upang makapagprodyus ng mga dokumento o materyal tulad ng isinasagawa ng mga profesyunal sa larangan ng teknoloji. Samantala, ang web-based editor naman ay tumutulong sa mga computer user na lumikha ng mga web page (pahinang bumubungad sa atin sa tuwing tayo ay magiinternet) kung saan maaari tayong mag-post ng mga informasyon tulad ng mga tula, sanaysay, pananaliksik at marami pang iba na orihinal na gawa ng ating mga estudyante. Sa pamamagitan nito, mamomotiveyt pa natin sila na makalikha ng iba t ibang uri ng gawain dahil makikita at mababasa ang kanilang ginawa saan mang panig ng daigdig. Subalit, nararapat din nating ikonsider ang mga konseptong ilalahad natin sa web page nang sa gayon ay hindi tayo makapagbigay ng maling informasyon sa mga makakabasa nito. 4. Ang Internet. Tinatawag itong interlinked network of networks kung saan ang isang kompyuter ay nakalink o konektado sa pag-akses ng iba t ibang informasyon sa buong mundo. Kaya nitong makipapalitan ng data saan mang kompyuter yunit nakabase ang isang kompyuter. Sa pamamagitan ng World Wide Web (www), nagagawa nitong ibigay ang napakaraming imbak na informasyon sa mundo. Ito kasi ang tinatawag ng pinakamalaking imbakan ng informasyon na nalikha ng sangkatauhan. Gamit ito, nagagawa ng mga estudyante na makakuha ng

napakaraming informasyon sa paraang mabilis at efisyent. Subalit nararapat ding isaisip na hindi lahat ng informasyong taglay ng WWW ay totoo. Kinakailangan din na maging mapili tayo sa pagkuha ng mga ito. 5. Presentasyong Gamit ang Powerpoint. Ito na marahil ang isa sa pinakakomong gamitin hindi lamang mga presenter, estudyante, gayundin ng mga titser. Nagagawa ng program ng powerpoint na maging malikhain ang mga computer user nito dahil na rin ang mismong user ang lumilikha ng presentasyon gamit ang iba t ibang viswal, disenyo gayundin ang tunog na kanyang ilalapat sa tinatawag na slide. Kung likas namang hindi malikhain ang user, ang program ng powerpoint ay may mga readymade slides din kung saan pupunan na lang ng user ng teksto ang mga slide. Isang pagpapatunay lamang ito na ang ating panahon ay panahon ng mga visual learners. Mas nagugustuhan ng mga estudyante gayundin nating mga titser ang mga presentasyong pangklase na ginagamitan ng viswal na materyal mula sa teknoloji. Ang mga piktyur at tunog ay ilan lamang sa mga viswal na representasyon na may malaking papel na ginagampanan sa pang-araw-araw na komunikasyon. Bukod pa rito, gamit ang mga grafiks at multimedia mula sa Internet, nagagawa ng titser na mailahad ang mayayamang kultura ng iba t ibang bansa. Maaari rin tayong makalikha ng mga personalays na materyal, gaya ng nametags ng mga estudyante, flashcards, handouts, instructional video, on-line instruction at higit sa lahat ang virtual field trips kung saan gamit ang teknoloji, maaari tayong makarating saan mang sulok ng daigdig. Sa bahagi naman ng mga estudyante, hinahayaan ng teknoloji na mas maging malikhain pa sila sa pamamagitan ng paggawa ng iba t ibang report, makabuo ng mga kwento at iba pang bagay kung saan maipamamalas nila ang kanilang pagiging masining. Binibigyangkalayaan din ng teknoloji ang mga estudyante na magkaroong ng palitan ng informasyon gamit ang electronic mail, makadevelop ng mga demonstrasyong viswal at maiangat ang kakayahan sa komunikasyong pasulat at pasalita. Sinang-ayunan naman ito nina Kemp at Smellie (1994), anila, ang bisa ng pagsasamasamang piktyur, salita at tunog ay may kakayahang maiangat ang emosyon, mabago ang atityud at magdulot ng motivasyon sa mga tagatanggap nito (estudyante). Tumutulong ito sa pagdevelop ng positibong saloobin sa bahagi ng mga estudyante. Sa pagdevelop ng anumang kagamitang pampagtuturo gamit ang teknoloji, kinakailangang isaalang-alang ang mga sumusunod:
1. 2. 3. 4. 5. 6.

Masinsing pagpili at pag-oorganays ng magiging kontent nito. Magkaroon ng istandard na deliveri kaugnay sa instruksyon. Siguraduhing akma ang gamit ng mga salita sa pagdevelop ng anumang kagamitang panturo. Upang maging interaktiv ang klase, gawing batayan ang ilang teorya ng pagkatuto. Tantyahin ang haba ng presentasyon. Iakma lamang sa antas o level ng mga estudyante upang hindi ito kabagutan. Siguraduhing balanse ang gamit ng viswal sa mga tekstong nakapaloob dito. Sa elementarya, mas mainam ang maraming grafiks. Sa kabilang banda, sa hayskul, gawin

na lamang itong minimal. Sa kolehiyo naman, kadalasang graf at mga teybol ang nagsisilbing grafiks sa mga presentasyong pangklase. Sinumang nagnanais na dumivelop ng isang programang pampagtuturo, isang paradaym ang nais kong imungkahi upang mas maging konkreto at epektibo ang isang kagamitang pampagtuturong nakabatay sa teknoloji (technology-based visual aids). Tinawag ito nina Norton at Wiburg (2003) mula kay Fardouly (1998) na ADDIE, isa itong akronim para sa Analysis, Design, Development, Implementation atEvaluation. Bininyagan ko naman itong 5P sa Filipino na tumatayo saPagsusuri, Pagdidisenyo, Pagdivelop, Pag-atake at Pagtataya.

5P NG KAGAMITANG PAMPAGTUTURO NA NAKABATAY SA TEKNOLOJI

PAGSUSURI J J J J J Pagtukoy sa mga gagamit (learners) Pagtiyak sa mga bagay na alam na nila Katangian ng pagkatuto Pangunahing kailanganin nila Mga dahilan ng pangangailangan

PAGDIDISENYO AT PAGDIDIVELOP J J J J Nararapat na matukoy rito ang layunin na sasaklawin ng kagamitang pampagtuturo na ididivelop. Sistematikong pag-alam sa kakayahang nais idevelop sa mga estudyante. Wastong Pagkakasunud-sunod ng kontent ng ididivelop na materyal. Pagtiyak sa mga teknik tungo sa pagkamit ng mga layunin.

PAG-ATAKE J Tumutukoy ito kapwa sa titser at mga estudyante kung paano nagaganap ang eksekyusyon gamit ang dinivelop na materyal. J Sa puntong ito nagaganap ang presentasyong pangklase at papel ng titser bilang tagapagmaniobra ng buong sesyon ng klase.

PAGTATAYA J Tumutukoy ito sa evalwasyon kapwa ng titser at estudyante kaugnay sa kabisaan ng dinivelop na materyal. Layunin nitong maging batayan sa pagpapalakas ng gamit ng teknoloji tungo sa malalim pang pagkatuto.

Ang paradaym na aking inilahad ay magsilbi sanang gabay sa bawat titser na naririto ngayon tungo sa pagdevelop ng isang makabuluhang instructional media. Unti-untiin na rin nating baguhin ang ating mga gawi at paniniwala na mahirap matutuhan ang teknoloji. Tanging pagtanggap, pagkamulat at walang humpay na pagpapraktis gaya ng ating mga estudyante ang siyang mga pangunahing sangkap tungo sa mas malalim na oryentasyon ukol dito. Gayumpaman, sa pagwawakas ng lektyur na ito, nais ko pa ring iparating sa inyong lahat na anumang uri ng teknoloji ang dumating o malikha ng sangkatauhan, tiyak na wala pa ring tatalo sa husay ng mga Pilipinong titser sa paghubog ng kamalayan ng isang individwal. Dahil tayo ay likas na malikhain, mapamaraan at higit sa lahat, kaya nating lusubin ang kaakuhan ng bawat estudyante natin na hindi kayang gawin ng teknoloji. Lagi nating isaisip na BONUS lamang ang teknoloji tungo sa mas ikagaganda pa ng mga talakayang pangklasrum.

You might also like