You are on page 1of 6

Mycee P.

Ramos BSAcc 2-2

Sir Gil Ramos

Reaksyong Papel sa Ikatlong SONA ng Pangulo

Bawat taon ng termino ng isang presidente ay maririnig natin ang SONA (State of the Nation Address) nito. Ang SONA ay ang talumpati ng pangulo tungkol sa estado ng bansa, positibo man o hindi. At sa taong ito,2012,ay muli nating narinig ang SONA ng ating kasalukuyang pangulo, si Pangulong Benigno Simeon PNoy Aquino III. Simula pa lamang ng talumpati ay marami ng nabanggit si Pnoy tungkol sa kasalukuyang estado ng ating bansang Pilipinas at karamihan naman dito ay positibo. Sa loob lamang ng dalawang taon ng kanyang panunungkulan ay marami na siyang naipatupad at nagawa. Sa kabila ng katakot-takot na pasanin na naiwan ng nakaraang administrasyon ay nakakabilib na napataas niya ang ekonomiya ng Pilipinas. Marami siyang proyektong nagpabago at nagpaunlad sa ating bansa. Una na dito ay ang problema sa pangkalahatang kalusugan. Noong nakaraang taon ay mataas ang antas ng mga taong nagkakasakit na walang pangpaospital ngunit ngayon ay nabawasan ang mga ito sapagkat malaking porsyento nang populasyon ng Pilipinas ang may benepisyo na natatanggap mula sa

Philhealth. Marami ring free check-ups ang naipatupad hindi lang sa mga lungsod kung hindi pati na rin sa mga kasulok-sulokan ng mga probinsya. Sa aming barangay ay ramdam na ramdam ko ang tulong pangkalusugan na ito at masasabi kong napakalaki ng magandang maidudulot nito hindi lamang sa mga sa mamamayan kung hindi pati na rin sa buong pamayanan. Hindi man tayong lahat ang nakinabang ay maganda pa rin na sa termino ni Pnoy ay nabawasan ang unemployment rate ng ating bansa. Maraming taong unemployed at underemployed ang nagkaroon ng trabaho na makakatulong sa kanila upang mas mahasa sila sa kanilang propesyon. Dahil din dito ay mas nabawasan talaga ang krimen na maaaring mangyari sapagkat kaunting porsyento na lamang ng populasyon ang naka-tambay. Sila yung mga taong walang mahanap na angkop na trabaho at walang kakayahang makapagtrabaho. Hindi naman sa sinasabi kong sila ang mga gumagawa ng krimen ngunit kung inyong iisipin ay silang mga walang ginagawa ang mas malapit sa paggawa ng masama. At ang nagtutulak sa kanila upang gumawa ng bagay na ito ay kahirapan. Malaki din ang nai-ambag ng Administrasyong Aquino upang

mabawasan ang kahirapang dinadanas ng mga Pilipino. Bukod sa nag-iba na ang tawag sa mga dating iskwater na ngayon ay informal settlers, ay marami sa mga ito ang nabiyayaan na ng mga pabahay at ang iba ay nabigyan din ng mas disenteng trabaho.

Isa pang galamay ng kahirapan na nabigyan ng agarang aksyon ay ang kakulangan sa pagkain. Base sa isang tv documentary na aking napanood ay ang isang mahirap na pamilyang Pilipino ay swerte na daw kapag nakakain ng kanin minsan sa isang linggo. Ito ay isang repleksyon na sa dinami-dami ng mahirap na pamilyang Pilipino ay makikitang napakalaki din ng ating kakulangan sa pagkain. Sa loob ng dalawang taon ay naglipana sa buong bansa ang mga feeding programs sa paaralan,sa mga health centers at sa mga barangay. Marami din ang nagbibigay ng relief goods kahit walang sakuna upang maging tulong pantawid-gutom ng buong pamilya. Sunod ay ang ating hukbong sandatahan. Mga taong nagsasakripisyo hindi lang para sa kanilang pamilya kundi para sa buong bansa. Mga taong nararapat lang bigyan ng pagkilala sapagkat binibigay nila ang kanilang buong tapang, dedikasyon at ang kanilang buhay para sa bayan. Marami na sa kapulisan ng ating bansa ang nasawi dahil lumalaban sila kahit wala silang maayos na sandata pamprotekta sa kanila. Mga kanyong ayaw pumutok, baril na palyado at sasakyang pang-himpapawid na malapit ng masira: ito ba talaga ang gagamitin ng hukbong magtatanggol sa ating bansa? Salamat at mapapalitan na ang mga ito. Mas makakasigurong tayo ay maililigtas at baka nga makamit pa natin ang kalayaang pambansa na ating pinapangarap.

Bilang isang Pilipino,napakasarap pakinggan ng mga papuri ng ibang bansa sa atin, lalo nat ito ay nanggaling sa mga kilalang bansa. Tuwang-tuwa rin ang mga Pilipino kapag nakakakita sila ng mga taong iba ang nasyon na pagala-gala sa Pilipinas.Tumataas na talaga ang turismo sa ating bansa. Napakaganda ng mga nangyari sa ating bansa at napakaganda rin ng mga naging epekto nito. Ngunit, hindi mo miaalis sa mga Pilipino na tingnan ang mga negatibong epekto nito. Kapag nahihirapan,humihingi ng pagbabago. At kapag naman nagsisimula na ang pagbabago, nagrereklamo. Napakalalim nga yata talaga ng bituka nila Juan at Juana dela Cruz kaya hindi sila makuntento sa kung ano ang nangyayari, maganda man o hindi. Dadagdagan nga ang budget para sa mga SUCS ngunit depende pa rin sa performance ng mga ito ang pagbibigay. Paano ang mga paaralang mababa ang performance level? Kung hindi sila makakatanggap ng sapat na pondo ay mas bababa ang performance level nila sapagkat ang dagdag na pondo sana ang maaari nilang magamit para tumaas ang kalidad ng kanilang edukasyon. At kung ganoon ang mangyayari, mas uunlad ang maunlad na SUC at mananatili naman sa ilalim ang nasa ilalim na sa simula pa lamang.

Ikalawa, umunlad na ang bansa ngunit hindi ang lahat ng mga mamamayan nito. Kasabay ng pag-unlad ay ang mas pinaunlad na mga taong maunlad. Pambansang pag-unlad nga ngunit kaunti naman ang nakinabang. At kung naramdaman man ito ay doon lamang sa mga piling lugar, doon pa sa mga lugar maunlad. Hay! Kailan kaya talaga TAYO uunlad? Isang dahilan kung bakit mabagal ang ating pag-angat ay dahil sa

lumolobong populasyon. Tumaas nga ang GDP subalit mas tumaas ang populasyon. At kahit tatlong beses pa ang itaas nito ay hindi pa rin sapat para matugunan ang mga pangangailangan ng taong-bayan. Ayos lang sana kahit madami ang populasyon bastat isanlibong beses ang itataas ng GDP ng bansa. Kung maipapasa sana ang RH Bill, mas madali sana para sa Pilipino at para sa bansa na makamtan ang kaginhawaan na ating inaasamasam. Isantabi na sana muna ang mga pagtatalo at unahin muna ang bayan ng mga Pilipino. Kung dati, 1 out of 10 Filipino is a Cebuano, ngayon, 1 sa bawat 10 tao ang Pilipino. Mataas nga ang turismo sa bansa, nawawala naman ang nasyonalismo natin. Sa sobrang dami ng dayuhang pumupunta sa bansa, imbes na ipakilala natin sa kanila ang ating kultura, tayo ang

naiimpluwensyahan nila. Nagiging dayuhan na tayo sa sariling bansa.

Sana,

kung

gaano

kasarap

tanggapin

ang

mga

magandang

pagbabago, ganoon din ang mga magiging epekto nito. Saka na pag-awayan ang mga bagay na walang kinalaman sa bansa bagkus unahin muna ang mga bagay na kailangan talagang matugunan. PAGBABAGO hindi sa isang pitik o kislap ng mata lang natin makakamit kundi nangangailangan ito ng isang mahabang proseso para tuluyang makamit. Wag nating madaliin ang mga bagay-bagay bagkus magpasalamat tayo dahil kahit papaano ay nakakaraos ang ating bansa. Wag nating iasa ang pag-unlad ng ating bayan sa gobyerno lamang. Tumulong tayo upang maipatupad ang mga ninanais na proyekto. Wala tayong mararating kung lahat tayo ay nakaabang, dapat simulan na ang mga pagkilos para makarating agad tayo sa rurok na ating pinapangarap. Lahat ng ating pangarap para sa ating bansang Pilipinas ay magiging katotohanan kung lahat tayo ay magtutulungan. At kapag nandoon na tayo sa tuktok, taas noo, kaya na nating sabihing, ITS MORE FUN IN THE PHILIPPINES.