Editorial 835 Kapakanan ng mga Bata Ang bawat bata sa ating mundo, ay may pangalan, may karapatan… Hayaan

mong bigyan ng lang ng pagmamahal, katulad ng sinadya ng Maykapal. Marahil ay pamilyar tayo sa mga linyang ito ng awit ng grupong Apo Hiking Society na may pamagat na Bawat Bata. Ngunit tila hindi na yata uso ang awit na ito sa ilan sa ating mga Kongresista. Dahil nababahala ang ilan sa mga mambabatas sa tumataas na bilang ng mga menor de edad na sangkot sa krimen, may mga panukalang batas ngayon na nakahain sa Kongreso na naglalayong ibaba sa dose (12) anyos ang edad ng mga batang puwede nang panagutin sa batas. Ang Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 ay ipinasa upang i-exempt ang mga batang may edad kinse (15) pababa sa ano mang kaparusahan na nakasaad sa Revised penal Code. Ito ay naaayon na rin sa ating international commitment bilang isa sa mga bansang nagratipika ng “Convention on the Rights of the Child.” Nariyan din ang batas na “Child Protection Act,” para protektahan naman ang kabataan Pilipino laban sa karahasan. Ayon datos ng United Nations Chidren’s Fund o UNICEF, mahigit sa 50,000 ng mga batang Pilipino ang ikinulong mula noong taong 1995. Nangangahulugan ito na 28 batang Pilipino ang naaaresto kada araw o higit sa isang batang Pilipino kada apat na oras. Ayon rin sa UNICEF, ang mga “first-time youth offender” na hindi ipinapasok sa kulungan ng mga nakatatanda ay walong beses na mas may tiyansang magbago. Dahil dito, kailangan nating tutulan ang ano mang panukalang batas na panagutin sa batas at ikulong ang mga batang nagkakasala sa batas. Malinaw sa mga pag-aaral na ang mga bata ay biktima lamang ng kanilang sitwasyon kaya sila napupunta sa mga masasama at iligal na gawain. At napipilitan silang mapunta sa mga di magandang sitwasyon na ito dahil mayorya sa kanila ay nakakaranas ng matinding gutom at kahirapan, hindi pinapansin ng mga magulang, at hindi nakakatunton sa paaralan. Samakatuwid ay hindi solusyon ang pag-amenda sa batas upang ituring na kriminal ang mga menor de edad. Ang kailangan ay matibay na programa ng gobyerno na tutugon sa kahirapan. Ang kailangan ay ipatupad ang mga batas na para sa kapakanan ng mga bata. Higit sa lahat, karapatan nilang maging malusog, makapag-aral, at mabuhay sa payapang komunidad. Sa huli, hindi awa, kundi pagkalinga, ang pinakamagandang regalong maibibigay natin sa kanila. Samakatuwid, bigyan sana natin ng tunay na pagmamahal at pagkalinga ang mga batang Pilipino – lalo na ang mga naliligaw ng landas.

Sign up to vote on this title
UsefulNot useful