IPAGLABAN ANG KARAPATAN SA BATAYANG SERBISYO! LABANAN ANG MGA KONTRA-MAMAMAYANG PROGRAMA NG US-AQUINO!

Ang ikalawang taon ni Aquino ay dalawang taong higit na paghihirap ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng administrasyong tuta ng US at mapanupil sa mamamayan. Patuloy na pagkaltas sa budget ng edukasyon. Hindi pa nakatuntong sa kalahati ng 6% ng kabuuang Gross Domestic Product na ipinangako ni Noynoy noong eleksyon ang nailalaan sa edukasyon. Lalo pa itong nababawasan kada taon. Tatlo sa anim na State Universities and Colleges (SUCs) sa rehiyon ang may pinakamalaking budget cut: Mariano Marcos State University (P44.5 M), Don Mariano State (P44 M) at Pangasinan state University (P 7.6 M). Bukod sa mga pagkaltas na ito, nananatiling walang ibinibigay na budget para sa Capital Outlay para sa paggawa ng mga bagong gusali at classroom. Gaya ng pinapangambahan na maging hakbang ng mga SUCs sa mga kaltas na ito, ipinatupad na ng Ilocos Sur Polytechnic State College ngayong taon ang 100 % pagtaas sa matrikula (P150/unit mula P75/unit). Hindi malayong ang hakbang na ito ay gawin din ng iba pang SUCs kapag nagpatuloy ang mga kaltas na ito. Kapag nagkataon, wala ng mga kabataang makapag-aral sa rehiyon maski sa SUCs dahil sa sobrang taas ng matrikula. Hindi na makakayanang suportahan ng ating mga magulang na magsasaka at manggagawa ang ating pag-aaral, lalo na at nananatiling mababa ang sahod at walang sapat na suporta sa industriya ng agrikultura ang gobyerno. Nakapako parin sa mababang halaga ang presyo ng tabako, nasa P92/kilo lang ang pinakamataas na bentahan nitong nakaraan. Pribatisasyon ng mga Serbisyong Palipunan. Sa ipinagmamalaking Public-Private Partnership (PPP) ni Noynoy, unti-unti ng natatanggal ang oryentasyong abot-kamay ang mga batayang serbisyo, gaya na lamang ng serbisyong pangkalusugan. Halimbawa nito ay ang naka-ambang pagsasabribado ng 26 na pampublikong ospital sa buong

bansa, kasama ang Ilocos Training and Regional Medical Center sa La Union. Kapag natuloy, ito ay magdadala ng higit na pahirap sa mga mamamayan lalo na sa kalagayan ng rehiyon na iilan lamang ang mga pampublikong ospital. Ito ang takbuhan sa rehiyon maski ng mga residenteng mula sa mga malalayong lugar at upland communities. Ang hakbang na isapribado ito ay hindi lamang pagtalikod sa responsibilidad ng gobyerno kundi pagtataksil sa kanyang responsibilidad para maghatid ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan. Red-tagging at patuloy na paniniktik sa loob ng eskwelahan. Ang lahat ng mga pagkilos at pagtutol ng mamamayan ay tinatapatan ng paniniktik, harassment, at pambabansag bilang mga terorista sa mga miyembro ng progresibong organisasyon. Pinapasok ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang mga aktibidad ng mga progresibong organisasyon para maniktik. Ito din ang ginagawa sa mga progresibong partylist gaya ng Kabataan Partylist sa mga inilulunsad nitong aktibidad sa loob ng eskwelahan. Kinukuha nila ang mga pangalan ng mga speaker, organisador, at mga dumadalo ng aktibidad. Samantala, sa ilang mga eskwelahan ay aktibo parin ang pagrerecruit sa mga estudyante sa ROTC. Sila ang mga kinakasangkapan ng mga sundalo para sa paniniktik at pagpapakalat ng mapanirang kwento laban sa mga aktibista at pananakot sa mga estudyante upang huwag sumali sa mga organisasyong ito. Sa halip na mga serbisyong panlipunan ang pagkagastusan ng ating gobyerno ay inilalaan nito ang pera ng bayan sa mga programang laban mismo sa mamamayan. Ang pinaka-malalaking bahagi ng ating budget ay napupunta sa pambayad-utang at budget ng militar. Imbes sana na sa serbisyon sa mamamayan inilalaan ang budget ng bansa ay ginagamit ito para lalong ilagay sa kapahamakan ang mamamayan.

Kumilos laban sa patuloy na paglapastangan sa ating mga karapatan! Kaya sa araw ng paggunita sa ika-64 na taon ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, kaisa ang mga kabataan sa malawak na mamamayan para labanan ang patuloy na pagsikil sa ating mga karapatan. Sama-sama nating ilantad at labanan ang mga anti-mamamayan at maka-US na polisiya at programa ni Noynoy Aquino. Edukasyon, Karapatan ng Mamamayan! Ipaglaban ang mas mataas na subsidyo sa serbisyong panlipunan! No to Privatization of Public Hospitals! Military Budget, Kaltasan!

Sign up to vote on this title
UsefulNot useful