Liham sa Kabataan ng 2112 Magandang araw! Pagbati mula sa aming panahon!

Ewan kung maiintindihan mo itong sulat ko dahil 100 taon ang pagitan natin. Isinulat ko ito ngayong taong 2012. Ginaya ko lang ang ginawa noon ni Aling Bebang – ni Genoveva Edroza-Matute, pero baka nga di mo na s’ya kilala kaya di na ko magpapaligoy-ligoy pa. Kung magtatagumpay ang mga traydor nating kababayan sa panahon namin, malamang na hindi mo maintindihan ang sulat kong ito. Anyway, malamang naman na efficient na ang mga machine translator sa panahon n’yo – iyon ay kung profitable pa sa Google (o sa anumang katumbas niyan sa panahon n’yo) na isama ang Filipino sa mga wikang pwedeng itranslate online. Anu’t anuman, hindi lang naman ito para sa iyo. Para rin sa akin at sa aming henerasyon ito. Ang pagsusulat ay therapeutic at cathartic din kaya di ko na kailangan ng reader na magbabasa o audience na “makikinig” para magsulat. Write to express, sabi nga ng College Editors’ Guild of the Philippines o CEGP (ewan kung meron pa niyan sa panahon n’yo). Sa madaling sabi, wala naman akong pakialam kung maintindihan mo ito o hindi. Ang mahalaga ay masabi ko ang gusto kong sabihin, ang maisulat ko ang gusto kong isulat. Interesante ang aming panahon dahil kakaiba ang mga nangyayari rito. May presidente kami na naniniwalang ang pagkakaroon ng runner-ups sa Miss Universe ay malaking achievement. Nagyoyosi rin siya sa loob ng Palasyo ng Malakanyang kahit na kung tutuusin ay bawal doon dahil public area ang Malakanyang at malinaw sa batas na bawal magyosi sa mga public area. Oo, ang chief executive mismo ay lumalabag sa batas! Walang batas-batas sa aming panahon basta may power ka. Sa panahon namin, libre ang condom at birth pills, pero may bayad ang pagpapacheck-up sa mga sakit na gaya ng sakit sa baga, sakit sa puso, diabetes atbp. Siyempre may bayad (at pagkamahal-mahal nga ng mga gamot sa mga ganoong sakit). Kung masusunod ang plano ng mga traydor sa wikang Filipino, wala nang wikang Filipino sa kolehiyo simula sa school year 2016-2017. Mukhang hindi nila alam na sa Norway – ang pinakamaunlad na bansa sa aming panahon – ay apat ang Scandinavian Language Subject na required sa mga kurso. Pero that’s the least among our worries, ‘ika nga. Wala pang nananalong Nobel Prize for Literature na Pilipino. Ang mga sikat na writer na Pilipino ay sa Ingles nagsusulat. Siyempre pa, doble ang halaga ng libro nila kaysa sa halaga ng mga sinusulat ng mga karaniwang manunulat sa Filipino

(meron kasing mga sikat na manunulat sa Filipino na dahil sikat na nga e mas mahal na rin ang libro). Naunahan pa tayo ng mga bansa sa Latin Amerika na napakarami nang nailuwal na Nobel Prize for Literature awardees. Ang pinakasikat na mga libro rito ay mauuri mo lang sa siyam: una, required readings gaya ng El Fili at Noli; ikalawa, mga aklat tungkol sa crush, pag-ibig, panliligaw atbp. related topics; ikatlo, mga librong inendorso ng mga artista; ikaapat, mga librong inendorso o sinulat ng mga politiko; ikaanim, mga libro na nagpapatawa; ikapito, mga libro na may sex at/o violence; ikawalo, mga librong inspirational; ikasiyam, mga librong sikat o sumikat sa ibang bansa. Sa pelikula naman, may isang linggo tuwing Disyembre (kasama ang araw ng Pasko) na Pinoy films lang ang pwedeng ipalabas sa sinehan. Nagmumura ang English-speaking elite at middle class ngayong 2012 specifically dahil di nila agad mapapanood kasabay ng ibang bansa ang “Les Miserables,” pero ang nakapagtataka, wala pang 1% sa kanila ang nakabasa na sa “Mga Ibong Mandaragit” na dramatic din naman at medyo kahawig ang tema. In fact, konti lang ang nakakakilala sa kanila kay Ka Amado V. Hernandez. Baka nga hindi mo na rin kilala si Amado V. Hernandez? Habang isinusulat ko ito, may mga magsasakang nakahunger strike sa opisina ng Department of Agrarian Reform (DAR), pero no one cares. Actually, for the past years, walang araw na walang nakapiket na magsasaka roon. Inirereklamo nila ang bagal ng DAR sa pagtupad sa tungkulin nito. Napakacommon na ng protesta ng magsasaka kaya naman bihira na itong inirereport ng media. Siraulo ang media sa aming panahon. Ang nirereport nila ay hindi ‘yung kung ano ang mahalaga. Mas madalas, ang inirereport nila ay ‘yung kakaiba. Halimbawa, pinakamahabang longganisa, pinakamalaking cake, pinakamahal na sasakyan atbp. Nirereport din nila ang mga una gaya ng unang Pilipinong nakaakyat sa Mt. Everest, unang “FilAm” na naging kongresista sa Estados Unidos (di nila gets na hindi na Pinoy ‘yun), unang pagkatalo ng “Pambansang Kamao” via superknockout atbp. Well, madalas din namang ireport ‘yung pag-aaway ng mga artista, pag-aaway ng mga politiko, o kaya marahas na dispersal ng mga rali, pero di ibinabalita kung bakit may rali, anong dahilan ng rali. Sa panahon namin, sikat at mataas ang tingin ng mga tao sa mga graduate sa mga unibersidad sa ibang bansa. “Wow” kaagad ang maririnig mo sa bibig ng mga manonood kapag sinabi na ang guest speaker ay galing sa Name-A-Foreign-Place University. Ewan kung ganyan din kaya ang sasabihin ng mga taga-ibang bansa kapag ako na graduate sa Pilipinas ay pumunta roon. Sasabihin kaya nila na “Wow, graduate pala sa s’ya sa Bulacan State University at Philippine Normal University”? Pero iba pang usapin kung gugustuhin ko nga bang umalis ngayon ng Pilipinas. Tagilid din ang ekonomya sa ibang bansa e. Sabi nga ng gobyerno naming ngayong 2012, mas mataas pa ang growth rate ng Pilipinas kaysa sa mga bansa sa Europa

na dumaranas pa rin ng crisis. Siyempre, di naman ako naniniwala sa kanila, pero mayorya ng mga Pilipino ngayon ang naniniwala sa kanila, ewan kung bakit. Basta, ang point ko, tagilid din ang ekonomya sa ibang bansa – marami ring walang trabaho, walang bahay, at wala ring pagkain. Kung gugustuhin kong umalis ng Pilipinas, hindi ako makakapagpractice ng propesyon ko dahil Filipino teacher ako. Oo, may mga unibersidad sa ibang bansa na nagtuturo rin ng Filipino pero kaunti lang ‘yun at ang balita namin, dahil di naman gaanong pinapahalagahan ng Pilipinas ang Filipino e mas humihina ang suporta ng mga gobyerno ng ibang bansa sa mga Filipino language programs sa mga unibersidad sa mga bansa nila. Pero sino ba namang gaya ko ang di gugustuhing umalis sa bansa ngayon. Ang taas-taas ng tax rate dito pero hindi naman maramdaman ang serbisyo ng gobyerno. Ang tren, laging sira, siksikan etc. Ang mga public school, pangit ang pasilidad. Sa mga ospital ng gobyerno, may bayad. Hanggang dito na lang muna. Nakakatamad ang panahon namin. Nakakatamad mangarap sa bansang ito. Nakakatamad ding magsulat. Hanggang sa muli. David