JAN.

24, 2013

NR # 2994

Petisyon sa sin tax binasura ng MRTC
Malugod na tinanggap ng House Committee on Ways and Means ang naging desisyon ng Manila Regional Trial Court na balewalain ang petisyong inihain ng liquor manufacturers na ihinto ang implementasyon ng bagong sin tax reform law o ang Republic Act 10351. Sa kautusan ng Korte, sinabi ni Rep. Isidro Ungab (3rd District, Davao City), chairman ng komite, lalo lamang pinagtibay ng korte ang kampanya ng administrasyong Aquino na pataasin ang buwis para mas lalo itong makapagbigay ng serbisyong pangkalusugan. “Kailangang ipatupad ng Bureau of Internal Revenue ang sin tax law na ipinasa ng Kongreso dahil ang ahensiya ang siyang dapat manguna sa kampanya ng revenue collection,” sabi ni Ungab. Naghain ng 30-page petition ang Distilled Spirits Association of the Philippines (DSAP) na kumukuwestiyon sa legalidad ng RA 10351, na nagsasabing nagpataw ito ng “double taxation”. Ayon sa DSAP, ang excise tax sa finished product ay hindi na dapat bayaran, dahil ang levies sa raw materials na ginamit ay nakolekta na. (30) eag