You are on page 1of 1

Pagsilip sa mundo ng may Autism

Posted on 04 February 2009 by Kapuso Mo Jessica Soho admin


by Arianne Betita
Paano nga ba nakikipag-usap sa mga taong may sariling mundo? Tanong ko ‘yan sa sarili habang binubuo ang
segment tungkol sa autism.
Hindi kasi naging madali ang pagshu-shoot namin sa mga case studies. Kinailangan ko pang ikuwento sa mga
magulang nila kung ano ang gusto kong mangyari upang sila na ang matiyagang magpaliwanag sa kanilang
mga anak.
Iyong isang batang case study namin, hindi namin makuhanan ng detalye ang mukha. Kung saan-saan kasi
tumatakbo at kung anu-ano ang ginagawa. At para lang mapirmi siya sa isang lugar, sinuhulan pa siya ng
kaniyang nanay ng candy.
Iggy, a child with autism
Napansin ko rin na kahit 8 years old na siya, para siyang
baby kung kausapin ng kaniyang nanay at yaya. At dahil
hindi rin siya puwedeng maiwang mag-isa, buong araw
nakabuntot sa kaniya ang kaniyang mga bantay.
Imagine, isang bata pa lang ‘yan. Paano pa kaya ‘yung
paghihirap noong isa naming case study na dalawang anak
ang may autism.
Marami siguro sa atin, naaawa sa mga magulang ng mga
batang ito. Pero matapos kong masaksihan kung paano sila
magsakripisyo at kung paano nila ibinubuhos ang kanilang
oras at atensyon sa kanilang mga anak, hindi awa ang
nadarama ko para sa kanila… kundi paghanga.
Paghanga dahil ibayong pagmamahal at pag-unawa ang
kinakailangan upang mag-alaga ng mga batang may sariling
mundo.
At sa pamamagitan ng mga magulang na ito, nalaman ko rin sa wakas kung paano ipaliliwanag ang aking sarili
sa mga batang may autism… Kailangang ako ang pumasok sa kanilang mundo.
At sa aking pagsubok na intindihin ang kanilang isipan, marami silang naituro sa akin… Tinuruan nila kong
makinig, makipaglaro na parang bata, maging mapag-pasensiya, at maging appreciative sa mga ibinahagi
nilang talento – mula sa pag-do-drawing hanggang sa music, math at geography.
Ipinakita rin sa akin ng case studies kong may autism, na hindi hadlang ang kanilang kondisyon upang
matupad ang kanilang mga pangarap sa buhay. At sa tulong ng mga taong nagmamahal at handang umintindi
ng kanilang mundo, malayo pa ang puwede nilang marating.

You might also like