You are on page 1of 5

KUTONG LUPA

Di bale nang magdildil ng asin, bastat may sariling bahay. Lahat kasi ng pinoy, bukod sa magandang asawa at magkaroon ng sariling singing album, pangarap ay magkaroon ng sariling bahay. Sa loob kasi ng ilang metro kwadro sa mundong ibabaw, kahit gaano kaliit, ay matatawag mong sa iyong sa iyo lang. Ito ang munti mong kaharian at magagawa ang nais mong gawin, ikaw ang hari. Walang Donya Buding na may rollers sa buhok ang pwedeng magpalayas sayo dahil lang sa hindi ka niya feel sa kanyang paupahan. Walang panginoong maylupa na parang bumbay na mangungulit at sisingil sa iyo buwan-buwan. Kaya handa ang bawat pinoy na tiisin ang pagod, maglabas ng pawis at dugo sa loob ng mahabang panahon para lang makita ang pangalan sa munting papel na may pamagat na Transfer Certificate of Title. Para itong diplomang ginagawad matapos ang

dalawapu hanggang tatlongpung taong gapang sa pagbabayad. Habang tumatagal kasi, nagmamahal ang lupa kaya lumalaki din ang halaga nito (value). Sabi nga ng propesor ko sa law school, ang tao gumagawa pa rin ng tao, pero ang Diyos huminto na sa paggawa ng lupa. Ngunit paano kung sa hindi inaasahan ay kinapos ka sa amortization mo at tuluyang hindi nahabol ang malaking interes? Mababawi mo pa ba ang downpayment na pagkalaki-laki at ilang taong hinuloghulugan? Mawawala na lang ba itong parang bula? Dito papasok ang Republic Act 6552 (Realty Installment Buyers Protection Act), kilala bilang Maceda Law, hango sa may akda ng batas na ito. May dalawang uri ng buyers sa Maceda Law, ang nagbayad ng hindi lalampas ng dalawang taon at ang nagbayad ng lampas dalawang taon. Buyer with at least two (2) years of installments: (1) Karapatan ng buyer na magbayad ng walang interes sa loob ng dalawang buwan simula nang hindi

ka nakabayad. Binibigyan kasi nang grace period ang buyer ng isa sa bawat taong kanyang nabayaran. Halimbawa 2 taon ka nang bayad, e di 2 buwan ang palugit mo, kung 5 taon ka nang nagbabayad, e di 5 buwan naman ang grace period mo. Isang beses in every 5 years mo lang ito pwede gamitin. Ginawa ang probisyong ito upang bigyan ka pa ng pagkakataon para makabawi muli. (2) Kung talagang hindi na kayang bayaran, karapatan naman ng buyerang 50 % refund sa lahat ng binayad kasama downpayment. Kung lumampas na ng 5 taon ang nabayaran, may dagdag pang 5% bawat taon pero hindi lalampas sa 90% ang cash surrender value, kasi lugi naman ang real estate developer. Buyer with less than 2 years of installments: (1) May karapatang ang buyer na magbayad ng walang interes sa loob ng 60 araw simula nang hindi siya nakabayad. Kung hindi ka pa rin makabayad sa loob ng 60 araw, ay maari nang ikansela ng seller ang kontrata 30 araw matapos kang padalhan ng notaryadong notice of cancellation.

(2) Hindi na entitled sa refund ang taong nakabayad lang ng hindi lalampas ng 2 taon. Kaya ang payo ko, tapusin mo na ang bayad sa 2 taon, para kahit papaano ay may refund ka pa. Right to Assign/Reinstate Contract: Sa loob ng grace period o actual cancellation, karapatan ng buyer na ibenta o ipasa or assign sa ibang tao ang contract. Kaya para hindi masayang ang binayad ninyo, maari mong ipasalba sa inyong kamag-anak o kaibigan tapos palibre ka na lang ng trip for 2 sa Hongkong. Right to Advance Payment without Interest: Kung pinalad ka at nanalo sa Lotto o di kaya ay nagkabalikan kayo ng syota mong bading, maari mong bayaran ng buo ang bahay at wala nang interest sa mga advance na installment. Social Legislation: Ang Maceda Law ay isang social legislation. Ibig sabihin, ginawa ito para sa nakararami. Para sa masa, kumbaga. Kung may mga probisyon sa kontrata ninyo na hindi ayon sa batas na ito, huwag kayo mag-alala at mananaig pa rin ang batas na ito.

Naway gumawa pa ang ating mambabatas ng ganitong klaseng mga batas at hindi yung sinasayang lang nila ang kanilang oras sa mga walang kentang hearing nila sa senado na wala namang pinapatunguhan at puro pasikat lang. Kaya alamin ang inyong mga karapatan bilang mamimili at hindi biro-birong pera ang ilalabas ninyo dito. Those who have less in life must have more in law. Anonymous

You might also like