KATAUHANG LAGALAG: 1 Alejandro G. Abadilla Ang layo ng kalayuan Ay ang kalayuan ng layo mo Sa sarili...

At nalakbay mo na Mula kay Adan ang mga panahon, Ang mga lupa, mga dagat at mga papawirin, At ikaw hangga ngayo'y naglalakbay pa ring Naghahanap, naghahanap Ng tubig na kinauuhawan Ng budhi-mong-kaluluwa. At inatasan Niya si Samwel Na maging gayon, katulad mong itinalaga Niya Sa paghahanap, sa paghahanap, At naghanap ka at kumatok, Ay, walang nagbukas! Ang pinto ng langit Ay nakapinid sa harap mo, sa harap mo Habang ikaw'y kumakatok, At hangga ngayo'y kumakatok ka pa rin, O, katauhang lagalag! Ang mga yutang dantaon Ay mahabang sangkisap-matang kasaysayan Ng buhay na di makasapit... At ang hantungang yaon Habang linalakbay ay lalong lumalayo Sa kapalaran mong itinaboy Niya Mula sa Paraiso. Mula na noon Ay ikinahiya mo ang hubad na kagandahan At ito'y sinaplutan ng mga hangad na banyaga Sa dalisay niyang kalikasan; Mula na noon Ay itinakwil ng mga Kain na kapamuhayan mo Ang mga sambahan ng katiwasayang Pambudhi at pangkaluluwa; At mula na noon Nagsimula na ngang mag-ugat at umusbong Ang katuturan ng mga katuturan -Na ang layo ng kalayuan Ay ang kalayuan ng layo mo Sa sarili. At ikaw ngayon Ay hindi na ang dating ikaw

Philippine Contemporary Literature in English and Pilipino, Fifth Edition Edited by Asuncion David-Maramba The Bookmark, Inc. 1978