PASYON NG BAYAN (1813-2013)[*] David Michael M.

San Juan

“Kaya, o mga kababayan, ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan!” - Andres Bonifacio (“Ang Dapat Mabatid ng Mga Tagalog”)

Panalangin O Diyos sa kalangitan Hari nitong kasaysayan Dinggin, sinisintang bayan Hinirang na kalupaan Dalhin mo sa katubusan

Salaysay na tinutuos Kamay Mo ang siyang tulos Sa bawat inaping bungkos Pag-asa Ka ng ginapos Hikahos ay matatapos

Panulat na makabayan Sana’y walang malimutan Landasin ay ‘Yong ilawan Dilim nawa’y malarawan Liwanag ay nang makamtan

Bawat sigwa at balangaw Bawat awit at balaraw Bawat taksil, mang-aagaw Bawat kamay na naghinaw

Bawat puring paimbabaw

Bawat puno ngang marangal Bawat angal at atungal Bawat kidlat, gintong aral Bawat linta, dangal-sugal Bawat taong nagpapagal

Bawat ningning at tagumpay Bawat pakpak na kinampay Bawat buhay na inalay Bawat aming pagsalimbay Sa kaylupit: hamo’t lumbay

Lahat-lahat, isiwalat Upang sugat ay maghilab Kanser pa ring nagnanaknak Pupuksaing walang habag Tiraniya’y nang matibag

Kulaba sa aming mata Harinawa’y pawiin na Ephphatha o makakita Maranatha, halika na Sa bayan Mo’y sumanib Ka

Simula Ang alpha ay sa Tondo

Sinilangan ng Supremo Bodegerong proletaryo Sa libro ay edukado Bayaning si Bonifacio

Kasibulan yaong buhay Sarili ay inialay Sa pamilya niya’y gabay Handog: lakas na may malay Pati na sa bayang lumbay

Sa panahon ng karimlan Kapulua’y bilangguan De-kahon ang kaisipan Bawal yaong lumalaban Bawal lalong manindigan

Repormistang pahayagan Kahit maka-Espanya man Kandado kung mabalingan Niyong matang nabulagan Sensura ng kamangmangan

Garote ang s’yang hantungan O kwartel ng kalupitan Ng erehe sa Simbahan Mala-Elias na huwaran

Nang hindi nga pamarisan

Dami rin ng pinatapon Naglayag sa mga alon Bayang hindi natutunton Lungkot doon ay sambunton Walang hanggan ang panahon

Buhay man ay waring patay Sa pamilya ay nawalay Malusog ay nananamlay Inaasam ang mahimlay Sa sariling bayang lantay

Dambuhalang kabukiran Tila isang kaharian Nitong frailes na gahaman Magsasaka’y alipin man Hanap din ay katubusan

Kulubot na ang katawan Luyang paa’y ‘yong hawakan Araw man din ay kalaban Tingni itong karukhaan Hustisya ang karampatan

Pagbubuo May bagyo man at may dilim Anang isang matulain Liwanag ay sisibol din

Sigwa nga ay lulupigin Ng araw na masintahin

Alitaptap na iilan Sa pusikit na karimlan Nagtatag sa Katipunan Ibabangon itong bayan Kakamtin ang kalayaan

Yaong buong kapuluan Tumugon sa panawagan Laksa-laksang anakbayan Kahit madla’y kahimbingan Sa lihim ay may bulungan

Kunwa ay may inuman lang Frente nila’y karaniwan O tipikal na sosyalan Asembliya’y may kanlungan Silid sa may kasulukan

Nakarating sa arabal Dami na ring umaangal Sa pag-unlad na mabagal At buwis sa nagpapagal Himagsik nang inaaral

Humigit na dal’wang daan

Ang nabigo ngang aklasan Trahedya ay sanrekwa man May aral na natutuhan Tiyakin ang kahandaan

Pati nga ang kamalayan Niyong buong sambayanan Maitaas ang kailangan Ipaunawang mainam Himagsik ang katubusan

‘Pagkat libo mang soldados At daan pang asesinos Kulang pa rin niyong dulos Na huhukay at tatapos Titiyak sa huling ulos

Mensaheng di ano lamang Uod dapat na gumapang Hanggang mga kabayanan Nang imperyo’y mawakasan Dyaryo’y lubhang kailangan

Pahayagang Kalayaan Lihim yaong palimbagan Tila kidlat sa kawalan

Narating ang bawat bayan Sa buo ngang kapuluan

Laksa-laksa ang balangay Kilusa’y di na mabuay Yaong ningas ay nabuhay Sa martir at mga bangkay Na nalibing nga sa hukay

Balintuna Ngunit sadyang balintuna Sa ‘yong lakas, hihina ka Ang marami’y tunay nga ba Baka naman lantad ka na Sa mata ng palamara

Ang araw ng himagsikan Hindi pa man kabuwanan Itong lihim, natuklasan May traydor sa kumpisalan Umaksyon ang tampalasan

Laksa-laksa’y arestado Sinuman ay insurekto Kahit walang mandamiento Peryodikong subersibo Maging libro’y kumpiskado

Titis Bago pa man mangalagas

Agad-agad na nag-aklas Tinotoong alingasngas Dugo ang s’yang pinanlanggas Sa laba’y di kumaripas

Itong titis, naglagablab Lalawiga’y nangagsiklab Walo yaong nagsiganap Sa kaaway ay humarap Bangis ay s’yang pinalasap

Bigla-bigla man ang laban Kapulua’y nanindigan Sa Hilaga’t sa Timog man Sa parang at kabundukan Sa patag at kailugan

Sa dami ng mga laban Panalo at talo minsan Kastila nga ay sukaban Nag-uulol sa digmaan Dahas, tanging katugunan

Kudeta Ang laban ay kainitan Sumipot ang tunggalian Katipuna’y may paksyunan Maralitang sambayanan

Kaibayo ng mayaman

Itong masa na umalsa Taksil yaong lebadura Urong-sulong: elitista Tendensiyang repormista Sa ulo ay umakyat na

Wala pa man ang victoria Trono nga ay inagaw na Nariyan pa ang Kastila Katipuna’y pinagiba Sa halalang mayro’ng daya

Ang mumunti ngang konseho Kinatawan daw ng indio Kakaunting delegado Hindi naman deputado Sa pwesto ay asintado

Hudas saka butangero Nang-uk-ok sa liderato Poder, dangal ng Supremo Inagaw ng mga lilo Sa taktika ay eksperto

Kalihim lang ng interyor

Puwesto nga ay inperyor Kwinestyon pa niyong traydor Ang inupo’y emperador Kay Emilio pumapabor

Binaligtad pa ang mundo Pinabaril ang Supremo Paratang ay subersibo Sa gobyernong Pilipino Na siya nga ang primero

Sumpa Bundok Buntis ay nagluksa Isinumpa ang kuhila Isinakdal itong madla Lagi’t laging may luluha Bayang laging hampaslupa

Hanggang bayan ay ibigin Hanggang verdad ay aralin Hanggang huwad ay buwagin Hanggang ngalan ay linisin Hanggang landas ay tuwirin

Iikot lang itong bayan Masasadlak sa putikan Laksa-laksang kataksilan Lumunod sa kalayaan Naglubog sa kahirapan

Kaya nga ang dapat gawin Pahina ay ‘yong basahin Salaysayin at ulitin Upang bulag ay gumaling Mula noon at ngayon din

Tayo na nga at ituloy Pelikulang dumadaloy Sukdang ating ikaluoy Mayro’ng limos na abuloy Sa antuki’y isasaboy

Armistisya Dahil bugbog ang Espanya Alok nila’y armistisya Sa indio na nakibaka Pera, kwartang ibubulsa Panilaw sa lider nila

Mestiso na doble-kara Namagitan sa dalawa Sa papel ay naimarka Ang kanilang mga pirma Kondisyon ay nakalista

Destiyero ang gobyerno Republikang Pilipino

Sa Hong Kong ay mayro’ng plano Kasabwat ang Amer’kano Ipuslit si Aguinaldo

Alingasaw, sumingaw rin Kalansing na pampadilim Ibang puno ay umangkin Sa Kastila ngang pakimkim Nais nga ay paghatiin

Ang Junta de la Patria Ngalan ay pantasmagorya Isip pala’y pera-pera Bayan, tila nilimot na Pobre ito ngang historia

Maskara Malala pang suliranin Mga Yankee ay salarin Lagi’t laging kabilanin Timyas-wika kung suriin May maskara pala mandin

Nang pangulo ay tulungan Na bumalik sa ‘ting bayan Lihim nila’y iningatan Kapalit ay kalayaan Niyong buong kapuluan

Ngunit itong si Emilio Nagtiwala ngang totoo Kahit pa ang balatkayo Niyong mga Amer’kano Kaylinaw kung makita mo

Si Luna at Mabini nga Nagkaisang kuro’t diwa Amerika ay kuhila Di dapat ang magtiwala Mapagbanta sa ‘ting laya

Independencia Sumandaling natabunan Internal na tunggalian Inihayag, kalayaan Deklarasyo’y Kastila man Nagdiwang din yaong bayan

Malao’y may republika Unang-una sa may Asya Sa Malolos, kabisera Kongreso ma’y elitista Pwedeng maging demokrasya

Hukbo ay may rayadilyo Milisya ay asintado Kahit hindi man armado Niyong gamit na moderno

Buo yaon ngang prinsipyo

Gulantang ma’y preparado Sa “amigong enemigo” May bago nang gera rito Nang sumapit ang Pebrero Magpapalit na ang siglo

Sundot Amerikanong hunyango Sa ‘sang tulay ay tumungo Nag-astang hari ng mundo Tinawid yaong blokeyo Ng ating mga sundalo

Barila’y di naiwasan ‘Pagkat dangal nitong bayan Pinagtanggol, inilaban Ng hukbo ng mamamayan Sandigan ng kalayaan

At ang liderato naman Sa digmaa’y napilitan Ayaw man ang gerang laban Doon sa Yankeeng mayabang Wala nang mapagpilian

Yaong punong nagulantang

Di natuto sa nagdaan Kaaway at ang kaibigan Iisa sa kasaysayan ‘Pag pera-perang usapan

Bakit kasi di nagising Nobenta’y otsong kalansing Biniling parang alipin Bente milyones nga mandin Paris, kasunduang lihim

Bulgar nga ay lihim pa rin Etsepwerang tinig natin Bawal ang s’ya’y papasukin Kahit isa lang ang hiling Laya nati’y kilalanin

Dapat, doon pa nga lamang Napagsino yaong hunghang Amerikanong gahaman Pandarambong, panlilinlang Agad sanang napigilan

Ngunit aral ay masaklap Langib ay dapat matuklap Upang pait ay malasap At ginhawa’y maapuhap Dugo’y ibubo ang dapat

Trahedya Habang digma’y kumakalat Himagsika’y inaalat Sa pagkakaisa’y salat Mayroon pang nang-uupat Paksyon-paksyon yaong lahat

Sa intrigang walang wawa Si Luna ay s’yang kawawa Ang dugo n’ya ay naglawa Nang paslanging walang awa Ng taksil na walang bawa

Pati ang bunying bayani Yaong lumpong si Mabini Palibhasa’y kontra-Yankee At hindi mapangumbinsi Inetsepwera ng imbi

Gerilya Kahiman at may paksyunan Tuloy itong himagsikan Gerilyang nakipaglaban Ang madlang may katapangan Nagkanlong sa kagubatan

Sa umaga’y pagsasaka

Sa gabi ay pambobomba Aksyong kontra-Amerika Ang inaatupag nila Dayuha’y bingi’t bulag pa

Sintibay ng kabundukan Matatag na kawayanan Ang Sangkapilipinuhan Walang labang uurungan Nagkaisang manindigan

Lupit Ngunit ang Yankee’y malupit Latigo‘y pinalaginit Hampas nila’y masasakit Ang hirap ay di maisip Impyerno at di nga langit

Nilulunod nga sa tubig Bawat rebeldeng mabingwit Hangin ay ipagkakait Hanggang sikretong inipit Sa berdugo’y ipagsulit

At ang bayang siyang dagat Ng gerilyang isda’y tulad Tinuyo sa pagsisilab Ng bukid at maging baklad Pati bahay, ‘alang tawad

Sa isa ngang bayan naman Sa dakong Kabisayaan Bata ay pinagpapaslang Niyong mga tampalasan Puting mga nandayuhan

Yaong malungkot na bayan Nangatira ay iilan Hanggang naging isang ilang Disyerto na walang laman Liban sa piping karimlan

Paglamlam Dakuan ang ibang panig Ng kapuluang nilupig Palahaw ay maririnig Hustisya ang siyang ibig Makibaka! anang tinig Damdamin ma’y nagniningas Ang imperyo’y may panggulat Bundok ng balang masaklap Kanyon, riple, bombang lahat Kampong kaaway may imbak

Dinatnan ng kapaguran Walang humpay na digmaan Ang ningas nga ay lumamlam Sumuko ang karamihan Si Tasyo ay pinakinggan

Anang sa aklat ay pantas Sa nobelang hindi hamak Yumuko ay siyang dapat Kung punglo ay sandamakmak Sarili’t baya’y iligtas

Hindi ito karuwagan Kundi mandi’y katapangan Kaysa buhay, mawakasan At di na makabangon man Para ituloy ang laban

Traydor Ngunit sa nangagsisuko Palamara ay bilanggo Niyong gintong pinangako Dili iba’t tagatango Kahit pango, utak-Kano

Sila’y hunghang na talaga Hangad lang ay managana Bayan ma’y lugmok sa dusa Sa eleksyo’y elitista Naglalaway sa ganansya

Sa Baliwag, unang huwad

Halalang sa ‘ti’y ginawad Yaong mga kulang-palad Itinuring na s’yang latak Sa demokrasya ngang hungkag

Ang mga walang lupain Di edukado’y no good din Mayoryang siyang alipin Tinig nila ay sinupil Sa botohan ay pinigil

Cacique Demokrasyang Bapor Tabo Watak-watak, walang puso Peke at sadyang malabo Sa ibabaw, Inglesero Sa ilalim, yaong indio

Haciendang para sa bayan Pamana ng himagsikan Sininop ng Katipunan Inagaw niyong iilan Sa bago ngang sapakatan

Sistema niyong titulo Inutos ng Amer’kano Upang yaong edukado Kasabwat nila at lilo

Agad ay may benepisyo

Yaong mga kampesino Tunay, rebolusyunaryo Kakampi niyong Supremo Gerilyang hindi bandido Ngayo’y pulubing totoo

Mga cacique ang hari Anghel-anghel na kunwari Masahol sa prayleng pari ‘Pagkat lahat ay inari Lupain na sari-sari

Kumbaga sa kagubatan Si Tales ang s’yang naghawan Nagsuyod sa tinaniman Ngunit sa dakong anihan Tagumpay ay may nangamkam

Lubhang kamalas-malasan Elias, Simoun ngayo’y nasa’n Matanglawi’y kapaguran Banig na hinihigaan Inang Baya’y nalagasan

Kamatayan Hampas nitong kalangitan Lubhang kasakit-sakitan Bayani’y nagkaubusan

Si Mabining anakbayan Kinuha ni Kamatayan

Maikli man itong buhay Ng bayaning mayro’ng alay Di mawawaglit sa malay Tayo nga’y magbulay-bulay Aral-buhay, sumisilay

Nang madakip sa Kuyapo Si Mabining lumpong henyo Sa Guam pinadestiyero Ipinatapong totoo Sa takot ng Amer’kano

Kaiba sa mga taksil Utak niya’y di mapigil Malayo ma’y nagsulat din Yaong sa bayang hilahil Sa mundo’y ipinarating

Palibhasa ay bihasa Sa Ingles at sa Kastila Diwa ng laya ang pwersa Kinatakutang talaga Ng mga imperyalista

Argumento ay kayhusay Hinangaan ng kaaway Panulat niya na lantay Layuni’y layang dalisay Sa bayang nakahandusay

Di lang polemikong lintik Ang kanyang isinatitik Yaong kay Kiko ngang hibik Isinulat na mabilis Munti man ay di nagmintis

Mula sa kaibuturan Niyong pusong makabayan Yaong obra’y mahaba man Para lamang patunayan May sariling panitikan

Nang kanya ngang maramdaman Nalalapit na hantungan Saka lamang pinirmahan Panunumpa sa dayuhan Nang makabalik sa bayan

Sa lubos na kalungkutan Tagal nawalay sa bayan

Sandali lang nahalikan Lupang kanyang tinubuan Pumanaw sa karamdaman

Pagpapatuloy May lumbay man bawat ulap Tuloy yaong pag-apuhap Lunas sa pait at hirap Na mariing pinalasap Sa bayang kulang ng palad

Marami man at makapal Napaslang, bayaning mahal Tuloy ang taguyod-dangal Putok sa bundok nagtagal Sa imperyo’y sagot-angal

Nadakip man sa Palanan Pangulo ng kapuluan Tuloy ang Katagalugan Si Sakay ang haring-bayan Sa Sierra Madreng kanlungan

Republika ang tinatag Saklaw ang gubat at patag Hangad ay ang paglalansag Sa dayuhang lumalabag Sa layang di natitinag

Hanggang sa Kabisayaan Umalingawngaw ang laban

Umalingawngaw ang laban Pulahanes nanindigan Bagong kaaway ay saktan Ubusin kung makayanan

Doon naman sa Mindanaw Sa mga Moro’y malinaw Libu-libo ma’y pumanaw Itatarak ang balaraw Upang laya’y di magalaw

Dugo’y binubong talaga Baha ang siyang kapara Sa Bud Bagsak, inapula Liyab ng Morong nag-alsa Daan-daa’y pinaslang nga

Di mabilang pang labanan Laksa-laksang sagupaan Pilipino’y natalo man Alab ng puso’y nariyan Titis na di mawakasan

Mersenaryo Ngunit yaong kalungkutan Di lamang sa nalagasan Matindi ang kataksilan Baril na tutok sa bayan

Galing sa mga bayaran

Konstabularyong panggapi Sa indiong di maamuki Buong burukrasyang hari Mamamayang di nagsuri Galamay na walang puri

Sa payak na salitaan Magkakabaya’y naglaban Habang ang mga dayuhan Halakhak at kasiyahan Regalo sa mga hunghang

Teatro May lumbay man at may hapis Himagsik man ay nagmintis Itong bayan kong naamis May tanghalang mang-iinis Sa kaaway ay panglingkis

Bawal man yaong bandila Bawal man awit ng bansa Bawal man isip na kusa Bawal man ang layang diwa Lahat ay pwede sa dula Ang mga himig ng bayan Awit niyong himagsikan

Kulay niyong kalayaan Simbolo ng kabansaan Gunita ang s’yang kanlungan

Sedisyoso man ang sulat Kayraming nangagsikalat Pahayagang pawang mulat Kahit na nga inaalat Totoo ang siniwalat

Kaya nga ang mandaragit Amerikang manggigipit Kalayaang munti’t tipid Malao’y ibinilibid ‘Pagkat wika ay matuwid

El Renacimientong hirang Na nagtanggol nga sa bayan Kinandado’t binawalan ‘Pagkat tutol sa dayuhan Na tiwali at kawatan

Kaya’t yaong “kalayaan” At anila’y “kabihasnan” Hatid ng dayong “kaibigan” Kaipala’t taksil naman Teatrong huwad ang larawan

Nilubos yaong lansihan Nagtayo ng paaralan

Inang wika’y bawal naman Kultura niyong Kanluran Ang laman ng talakayan

Ang radyo at telebisyon Iisa lang din ang misyon Ikalat ang Kanong bisyon Coke, Colgate pawang “solusyon” Sa galit ng aping nasyon

Natulog sa kalasingan Sa kultura ng dayuhan Itong sinisintang bayan Sarili ay nalimutan Muling napasa-karimlan

Komonwelt Upang yaong mamamayan Manatiling kahimbingan Pinamarali’y halalan Kaunting pinamilian Tatlo lamang sa listahan

Si Quezon ang kandidato Niyong mga Amer’kano Nakisali si Emilio

Ang unang naging pangulo Anang iba ay panggulo

Wala mang perang totoo Yaong butihing Obispo Pari at Katipunero Ang ngalan n’ya ay Gregorio Tinig niyong simpleng tao

Aglipay ang apelyido Sa kasaysaya’y markado Pro Deo ang kanyang motto Et Patria, idagdag mo Sa D’yos at Baya’y serbisyo

Plataporma ay radikal Kampana ay dinupikal Lupa nga sa tagabungkal Manggagawang nagpapagal Dito gawin ang kalakal

Agad na independensya Republikang sosyalista Diwa ay nasyunalista Kaya natalo man siya Panalo ang militansya

Binhi Ang obispo’y di mag-isa Sa kanyang pakikibaka Unyon at mga welgista Panay tagasuporta n’ya Libu-libong sosyalista

Si Don Belong ang katuwang Komonwelt ay wala pa man Anarkistang kaisipan Sosyalistang kamalayan Sa Espanya’y natutuhan

Himagsikang Katipunan Noon nga ay kasagsagan Daming mga mamamayan Deportasyo’y kahatulan May Don Belong sa listahan

Sa karsel ng monarkiya Republikano’y kakosa Radikal na anarkista Mayroon ding sosyalista At ilan nga’y komunista

Araw-gabing talakayan Matinding balitaktakan Unyon, welgang matimtiman Kapitalistang gahaman Marxismo ang kasagutan

Balikbayan nang malaon Si Don Belong ay may baon Laksa-laksa yaong bunton Librong politikang tuon Liyab sa kanyang panahon

Samu’t saring babasahin Sa wikang ati’y sinalin Kaya nga’t nang lumaon din Kaisipan ay tumining Bayan ay mapapagaling

Unyonismo ay sumibol Sa bayang napaparool Sulirani’y buhul-buhol Kalayaa’y binubundol Ng Imperyong nagtatambol

Batid niyong mamamayan Unyon ay kulang na kulang Kung hindi nga manindigan Sa usaping panlipunan Kaya partido’y kailangan

Komunista Bukod-tangi ngang lapian

Sumulpot sa kapuluan Sovietista ang huwaran Tagumpay sa ibang bayan Hangad ay ang masubukan

Dekada trenta tinatag Ang partidong di malansag Komunista ay ang bansag Adhika nila’y mabasag Ang kapitalismong linsad

Ang Internasyunale nga Awitin ng manggagawa Isang mundo, isang diwa Bigkis ng pagkaunawa Inawit na walang sawa

Itong bagong Katipunan Hangad, paglaya ng bayan PeKaPe ang isang ngalan Ibang bansa’y may ugnayan Sabay-sabay yaong laban

Nang dumaming kasapian Niyong kanilang lapian Gobyerno ay kinabahan Baka sila’y mag-aklasan

At tuparin, kalayaan

Kung manggagawa nga naman Doon sa may kalunsuran Bumuo niyong bukluran Magnetong kapangyarihan Sa magsasaka ngang hirang

Reaksyon Upang yaong magbubukid Di mabulid sa himagsik Gobyerno ay nanlilisik Hampas na kalupit-lupit PeKaPe ay ipiniit

Huwad na laya’y nalantad Balatkayo ay nahubad Amerikang mang-uupat Punong cacique’y kasabwat Layang bibig ay sinikwat

Tuloy ang laban sa lihim May liwanag nga sa dilim May unyon nga at welga rin Buhay yaong ‘sang layunin Ang lipunan ay baguhin

Aral sa mga tirano Ang ugat at puno’t dulo Ng ismo-ismo sa mundo

Ay di radikal na ulo Kundi “gutom” niyong tao

Sa Bilibid man itambak Lider niyong anak-hirap Bagong dugo ay tatambad Ang bayan nga ay di tunggak Lalaban sa mga uslak

Kaya naman hanggang ngayon May komunista sa nayon Wakas-hirap s’ya ring layon Magbubukid saka piyon Kontra sa gahamang leon

Sibol At noon sa kanayunan Mga bukid na luntian Sa kabyawan at tubuhan Sa palayan at maisan Mayroon ding nanindigan

Don Perico Abad Santos Kamulatan ay nilubos Kampesino’y isang bugkos Sosyalismo ang tutubos Sa ganid ay s’yang uubos

Partido Sosyalista nga Ngalan ng lapian nila Tinipong talapagobra Rizal at Marx ang ideya Katipunan ang s’yang diwa

Talinduwa at takipan Sanlang-bili’t takalanan Samu’t saring kahunghangan Ng asenderong gahaman Nilinaw at nilabanan

Pasyon, kanilang sinulat Upang madla ay imulat Sa dahas nga at sa sindak Kapitalismo’y hinamak Libertad ang itinatak

Pasion ding Talapagobra Inaawit sa Pampanga Hanggang sa may Nueva Ecija Bundok, burol narating na Hanggang ngayo’y may bisa pa

‘Pagkat api pa rin naman Gutom itong ating bayan Habang yaon ngang iilan

Mga pamilyang kawatan Naninibasib sa yaman

Buti pa sa nakaraan Yaon si Quezong mayaman Nagmalasakit sa bayan Ugat ay naunawaan Patas dapat ang lipunan

Kahit na may kapintasan Sapagkat tao nga lamang Kahit iba ang paraan Reporma ay sinubukan Baya’y di man nasapatan

Hustisya sosyal ang bando Sa maralita ngang indio Wikang pambansa’y binuo Upang Ingles ay igupo Binigkis ang mga pulo

Malaon din pinawalan Yaong mga makabayan Sa Komonwelt ay katuwang Anti-pasistang lalaban Anti-Hapon: kaisahan

Sumandali ay nilimot Tunggaliang umiikot Militante’y nagsalikop

Sa isang payong sumukob Kontra bagong mananakop

Ngunit ang pagkakaisa Totoong pansamantala Komonwelt ay lumisan na Ang bayan ang naiwan nga Sa Hapon ay s’yang sasangga

Ligalig Hapones na mapagpanggap Ilang kabaya’y nabihag Ng salitang masasarap “Asya ay sa ating lahat Basta’t Hapon, una dapat”

Ito namang Amerika Walang planong idepensa Mga Pilipinong masa Sa Bataan, kawal nila Armas, suplay ay kulang na

Di naglaon ang panahon Sumuko ngang mahinahon USAFFE sa mga Hapon Daming bihag na nilamon

Martsang Kamatayan noon

Ang pangakong babalikan Ang kawawang kapuluan Matagal pang katuparan Kayrami nang mapapaslang Kaylangang may manindigan

Kaya nga’t ang buong bayan Kumukulo ang kalamnan Sasabog na tila bulkan Ayaw na sa kaapihan Sawa nang mapangakuan

Gera Sa Sierra Madreng paanan Nagtipon ang taumbayan Hukbalahap ang sandigan Bagong pwersa na panlaban Sa huwad na kaibigan

At ang Makapili naman Espiya niyong kalaban Traydor sa mga kabayan Nakabayong sa ulunan Walang pagkakakilanlan

Ang Kempeitai na marahas

Berdugo at talipandas Pumapaslang, walang habas Kahit buntis, tinatagpas Sinuman ay hinahampas

Kaya lamang nabawasan Yaong dahas ng dayuhan Si Laurel na lider-bayan Hapon, pinakitunguhan Republika ma’y basahan

Masa Ang banderang pula naman Tumindig sa lalawigan Yaong mga kabukiran Iniwan ng mayayaman Binungkal nga niyong bayan

May aral na natutuhan Sa digmaa’y makilaban Palakasin ang bukluran Imulat na yaong bayan Kanilang kapangyarihan

Kung wala nga ang gahaman Lahat ay magbahaginan Lupaing napakayaman May biyayang aasahan Mamamayan na sinuman

Nagliyab ang kapuluan Gerilya ang sambayanan Binulag yaong kalaban Palihim ang pulong-bayan Lubog-litaw, pahayagan

Sa angkin ngang kagitingan Niyong mga makabayan Dinanas ma’y kahirapan Ang digma’y napagwagian Itong Hapon ay talunan

Pagbabalik Nang isang pitik na lamang Binansagang mga “sakang” Bumalik ang Kanong dupang Sinalubong sila naman Niyong Pilipinong hibang

Nagbunyi pa yaong bayan Nang dumating sa daungan Mga kaibigang nang-iwan Nang-agaw sa kalayaan Sagad yaong katusuhan

Nang labanan, wala naman Sa tagumpay, nagsulputan

Kabute sa kaparangan Hawig nila’t kahambingan Lobong laging nag-aabang

Mga Huk ay pinasuko Hindi lahat ay yumuko Batid, alam may malabo May lihim ang Kanong tuko May lason na isusubo

Ibinaon nga sa hukay Yaong armas na matibay Sila nga ay nangaghintay Wastong panahon na tunay Kasaysayan ay s’yang gabay

Atake Di sukat na akalain Baya’y muling nagupiling Kapayapaang hiniling May taksil pala mandin Digma ay nagpatuloy rin

Sa Malolos, sa Bulacan Hukbalahap ay pinaslang Higit nga sa isandaan Masaker sa walang laban Kano ang may kagagawan

Mga lider ng Huk naman Lumahok sa ‘sang halalan Aanim lang na kongresman Panalo rin itong bayan Reporma ang inilaban

Parity rights, tinutulan Niyong anim, makabayan Kaya talsik agad naman Bago pa nga pagbotohan Yaong isyung nilabanan

Kaipala’y huwad naman Demokrasyang pinagyabang Nang matapos nang digmaan Walang tinig, taumbayan Gobyerno ay pangmayaman

Kasabwat pa ng dayuhan Sa pagkamkam niyong yaman Ginto, langis, kabukiran Yamang-dagat, at anuman Dayuhan, may karapatan

Nagsiklab ang sambayanan Magsasaka ay lumaban Manggagawa, nanindigan Pilipinas na ‘ting bayan Tayo dapat ang yumaman

Ibinandong matimtiman Yaong mga panawagan Ng lider sa lalawigan Sa bukid nga’y kaibigan Niyong mga mamamayan

Kidlat na sadyang kaybilis May punglo na di dumaplis Juan Feleo’y naamis Magsasaka’y nangahapis Kapwa indio ang balawis

Balawis at malulupit Ahente ng mang-uumit Hangad nila ay sumapit Kaguluhang di kapurit Baya’y lumakad sa siit

Kaya naman natutuhan Ng masang anakbayan Muling hanapin ang daan Niyong ating kalayaan Sa dawag at kagubatan

Tanggulan

Nagtanggol sa kabundukan Ang pulahang nanindigan Tuloy na ang himagsikan Imperyalistang gahaman At gobyerno, s’yang kalaban

Sila ang pinanggalingan H-M-B na hukbong bayan Sa prinsipyo ay tumangan Ngunit mayroon ding ilan Naging bandido’t kawatan

Nalubos ang kagipitan Niyong mga taumbayan Mga unyon, binawalan Sinikil ang karapatan Magsasaka’y binusalan

Padron Si Ka Amadong butihin Makata’t unyonista rin Bayan ay lalong nanimdim Nang siya ay arestuhin “Komunista” ay ang turing

Bintang na walang batayan Wala siyang kasalanan Malao’y napatunayan Hangad lang ay paglingkuran Bayan niya sa karimlan

Nang makarsel siya naman Nobela ay nagkalaman Isang obrang panitikan Inukit ang kasaysayan Remedyo sa kahirapan

Sosyalismo’y kasagutan Sa bayan ay katubusan Ang tunay na kalayaan Anakpawis, ang hahawan Sa tuwid at tamang daan

Iyan ang paninindigan Ni Ka Amadong maalam Supremo ang tinularan May tiwala nga sa bayan Sa kanilang kapasyahan

Ang noon ay umuulit Kasaysaya’y inuugit Yaong mga binibingwit Niyong ibong mandaragit Taong ayaw na pumikit

Kung sino ang makatwiran At s’yang may paninindigan Destino ay bilangguan O kaya ay hukay naman

Na gawa ng mga hunghang

Diktadura Gayon na nga ang naganap Nang si Marcos ay humanap Ng solusyong ihaharap Para lutasin ang hirap Hatid sa bayan ay saklap

Bugbog-kulatang katawan Babae at kabataan Kahit nga taong simbahan Lahat ay pinagbintangan “Komunista” na kalaban

Daan-daan ang pinaslang Ng mga sunud-sunuran Serpyenteng hari-harian Hayok sa kapangyarihan Masiba sa kayamanan

Daan-daan din ang bilang Ng nawala’t sukat lamang Desaparecidong hirang Natagpuan ay madalang Katarunga’y nakasalang

Di lamang ang karapatan Inumit sa taumbayan Ng diktadurang kalaban Baya’y binaon sa utang Dahil sa katiwalian

Dinambong na nga ang yaman Niyong buong kapuluan Bawat kontratang mainam Pati plantang nukleyar man Sobra sa presyong gahaman

Korte Suprema mang hirang Sa krimen ay nagulantang Yaman ng ganid na angkan Kumpiskahin na agaran Malaon, s’yang kautusan

Tinig Aral na sadyang kaylalim Ang daan ma’y malabangin Sa paghahari ng dilim Hindi lahat ay nahimbing May tinig na nanggigising

Bago pa man nanindigan Ang bayan sa kalunsuran Rebelde sa kabundukan Martilyo ng sambayanan Sa diktadura’y panlaban

Bente anyos sa karimlan Itong ating sintang bayan People Power, katugunan Niyong mga mamamayan Sa ninakaw na halalan

Sa tangke ay nagsiharang Pari, madre at sibilyan Ordinaryong mamamayan Nagdarasal, may awitan Kapit-bisig sa martsahan

Sa Edsa ang s’yang tipanan Niyong buong sambayanan Kahit ilang araw lamang Tagumpay nga ay kinamtan Si Cory ang bagong-hirang

Siklo Hindi naglaon ang bayan Nalugmok sa kalungkutan Tagumpay ay nabahiran Walang pagbabago naman Sa kanilang kalagayan

Nakadalawang sabak na Sa dambuhalang protesta

Edsa Dos at mayro’ng Tres pa Inagaw ng aliktiya Ang bawat kamting victoria

Tuloy ang mga patayan Bilanggo ang kalayaan Mendiola, Maguindanao man Pati na ang kadayaan Madugo pa ang halalan

Elite, cacique ang lamang Sa bawat korte at laban Hawak nila’y kayamanan Bundok pati mga parang Minahan at gusali man

May monopolyo sa poder Ang matatayog na pader Hunghang at traydor na lider Pamantaya’y weder-weder Utak ay tuso at clever

Kasapakat ng dayuhan Yaong iilang mayaman Sa bawat aring kinamkam Gintong hinakot-hakot lang Baha’t guho ang iniwan

Kung sa mapa ay titingnan Ang dulong Kamindanawan Kayumangging kalupaan Patag na ang kabundukan Kalbo yaong kagubatan

Paghahanay Samantalang si Mang Juan At si Aling Maryang hirang Walang parte gamunti man Sa yamang naglaho lamang Sa kamay niyong iilan

Sikmura ay nanghahapdi Bayan ay kumaing-dili Manggagawa’y sawi lagi Umento ay ganggamani Kapitalista ang hari

Magsasakang kababayan Lagi nang nasa lansangan Hiling ay lupang taniman Lumang pangakong nabalam Daantaon na’y nasaan

Pati mga kaguruan ATM ay sa sanlaan Loandon ang siyang pasyalan Utang dito at doon man

Pati sa Bumbay o Indyan

Pribado ang paaralan Pati mga pagamutan Tubig na inumin lamang Nasalang na sa bentahan Ginto’y hari sa ‘ting bayan

Gusali ma’y nagtaasan Ang baya’y pinagtabuyan Sinunog ang kabahayan Condominium, nagsulputan Taumbayan ang nawalan

At ang ating kabataan Na noo’y tinatawagan Ng paring may katuwiran Sa El Fili sa hulihan Tanong pa rin ay nasaan

Kaylinaw ng kasagutan Naroon sa may lasingan Patay-sindi at aliwan Tamad na sa paaralan Manhid, walang pakialam

Lubha rin ang kasaklapan

Kalapati’y nagliparan Mababa kung magkampayan Babae o lalaki man Sanla yaong kapurihan

At kung sila’y mangarap man Yumaman ang layon lamang Luntiang mga pastulan Hinanap sa ibang bayan Ang sarili’y nilayasan

Tindera sa Singapura Kasambahay sa Europa Buwis-buhay sa Arabya O doktor sa Amerika Mayroon din sa Aprika

Tigmak-dugong kasaysayan Sa Sabah o sa Tsina man Pilipino’y walang laban Tila minsan iniiwan Ng deputadong kabayan

Binomba at sukat lamang Deportasyong kahunghangan O binigti ng dayuhan

Samu’t saring mga bintang Kawawang bayan ni Juan

At ang buong kapuluan Palaruan ng dayuhan Barkong dayo sa daungan Ginawa pa ngang tambakan Itong ating karagatan

Parang kanila ang atin Pati pulong kakatiting Isda’t itim na buhangin Dayuhan ay nag-aangkin Umid yaong bantay natin

Pagbangon Kung bayaning nahihimlay Ay babangon, mabubuhay Rizal, Bonifaciong tunay Di na magbubulay-bulay Himagsik ang ilalatay

Gigisingin na ngang tunay Pasyon nila’y isasaysay Papag-alabing matibay Yaong pusong nanamlay Para sa mithing dalisay

Muli nilang susulatin Makabayang babasahin Katipuna’y bubuuin

Katipuna’y bubuuin Iisa ang adhikain Bayan nga ay palayain

Pangwakas Eksaktong dalawandaan Ang anyos ng Haring Bayan Nagbangon sa karangalan Ng buong Katagalugan Aming buong kapuluan

Kaya itong panalangin O Diyos ay Iyong dinggin Diwa ng lahing magiting Muling isanib sa amin Tapang ay nang di kulangin

Kanilang mga huwaran Sa gunita, ‘Yong ilawan At nang aming matularan At ang mga kahinaan Ay amin nang maiwasan

Bukas mandi’y isang bayan Ang aming masisilayan Bawat isang kababayan Ngiti’y hanggang kalangitan Paraiso’y matitikman

Bawat butil na anihin Siya naming kakainin Ang bakal na huhukayin At gintong dadalisayin Sa bayan ay handog namin

Hindi na pagpapayaman Ang mithi ng mamamayan Kundi yaong kapakanan Ng buo nilang lipunan Pati ang sangkatauhan

Tunay na lingkod ng bayan Magwawagi sa halalan Tinig niyong taumbayan Mahusay at di kawatan Tainga ang sambayanan

Walang sinumang tatahan Sa kariton o lansangan Batong matibay, sandigan Lahat mayro’n nang tahanan Pamilya’y may kasiyahan

Wala na ang mga sakim Wala na ring mga taksil

Wala na ang manunupil Wala nang di masintahin Bagong baya’y lilikhain

~ WAKAS ~

[*]Inspirado ng Pasiong Dapat Ipagalab nang Puso nang Tauong Baba sa Kalupitan nang Fraile ni Marcelo H. del Pilar (c.1885), Pasion ding Talapagobra, I Cristo Socialista Ya ni Lino Gopez Dizon (c. 1930) at Bayang Malaya ni Amado V. Hernandez (1969).