MAY 25, 2013

NR # 3114C

Representasyon ng sektor ng Senior Citizens kailangan sa Kamara – Belmonte
Hiniling ni Speaker Feliciano Belmonte, Jr. sa Commission on Elections (Comelec) na rebisahin ang naging desisyon nito na hadlangan ang paglahok ng sektor ng Senior Citizens, na isa sa mga nakakuha ng pinakamataas na boto sa nagdaang halalan kung kaya’t ito ay may karapatang magkaroon ng representasyon sa Kamara. Ayon kay Belmonte, hindi makatuwiran at makatarungan ang ginawang pagdiskwalipika ng Comelec sa karapatan ng sektor ng Senior Citizens na magkaroon ng representastyon sa Kamara dahil lamang sa isinumite nitong term-sharing agreement para sa dalawang grupo ng nominado. Hinimok ni Belmonte ang Comelec na ibilang ang Senior Citizens sa listahan ng mga naiproklamang nagwagi sa eleksiyon ng party-list at hilingin na lamang na magsumite sila muli ng bagong listahan ng nominado. “Binubuo ng 17 porsiyento ng populasyon ang ating bansa ng mga Senior Citizens at marapat lamang na may kumakatawan sa kanila sa Kamara bilang marginalized sector. Hindi dapat pagdusahan ng partido at ng sektor na kanilang kinakatawan kung anumang kasunduan ang nilahukan ng mga nominado,” dagdag ni Belmonte. Binigyan diin ni Speaker Belmonte na ang naging desisyon ng Comelec ay katumbas ng pagtanggi nilang mabigyan sila ng karapatan sa Kamara na kanila namang nakuha noong nakaraang eleksiyon. Ang sektor ay pangsampu sa listahan ng mga nagwagi sa eleksiyon ng mga partylist. Sa ilalim ng batas at pormula ng alokasyon ng 58 seats sa Kamara, ang Senior Citizens ay nararapat na mabigyan ng dalawang representayon sa darating na 16th Congress. (30) lvc

Sign up to vote on this title
UsefulNot useful