You are on page 1of 2

KABANATA 6

Si Kapitan Tyago na ngayon ay mahigit kumulang 35 taong gulang, ay nag -iisang anak ng isang negosyante ng asukal sa bayan ng Malabon. Hindi siya pinag-aral ng kanyang ama bagkus ay naging katulong at naturuan naman siya ng isang paring dominiko. Itinuloy niya ang pangangalakal ng mamatay ang kanyang ama, nakilala si Pial Alba mula sa bayan ng Sta. Cruz at sila ay nagpakasal. Kapwa mahusay magpalakad ng negosyo kaya't sila ay natanyag bilang pinakamayaman kayat sila ay nabibilang sa matataas na antas ng lipunan. Si Kapitan Tyago ay mailalarawan bilang isang magandang lalaki, may morenong pangangatawan, pandak, at bilugan ang mukha. Ang kanyang hitsura ay sinira ng pananabako at pag-nganga nito. Naninilibihan siya bilang gobernadorcillo, at kasama sa kanyang paglilingkod ay ang hamakin ang mga Pilipino at hayaan ang mga Kastila sa ganitong gawain. Itinuturing din ng Kapitan na siya ay isa nang Kastila, at ang mga Pilipino ay Indio. Sa paniniwala ng Kapitan, ang mga Kastila ay mararangal at karapat-dapat pag-ukulan ng paggalang at pagpapahalaga. Kaibigan siya ng lahat ng mga may kapangyarihan, lalong lalo na ang mga pari. Kung kaya't hindi mawawala ang kanyang pangalan sa misa at padasal para bilhin ang langit. Nabibili niya ang kabanalan at mga santo na kanyang maibigan. Ang kanyang silid ay punong-puno ng mga dinadasalang katulad nina Sta, Lucia, San Pascual Bailon, San Antonio De Padua, San Francisco De Asis, San Antonio Abad, San Miguel, Sto. Domingo, Hesukristo at ang larawan ng Banal na Mag-anak (Hesus, Maria at Hosep). Sa pagnenegosyo ni Kapitan Tyago ay nakabili siya ng maraming ari-arian, kabilang na dito ang pagbili ng lupain sa San Diego. Ito ang naging daan upang makilala nila ang kura doon na si Padre Damaso at ang pinakamayaman sa bayang iyon na si Don Rafael Ibarra. Sa kabila ng magandang buhay na tinatamasa ng mag-asawa, sa loob ng anim na taon ay hindi pa sila nagkaka-anak sa kabila ng walang humpay nilang pamamanata. Pinayuhan sila ni Padre Damaso na mamanata sila sa Obando at magsayaw si Pia Alba sa kapistahan ng San Pascual Bailon at Sta. Clara sa Nuestra Senora De Salambao. Makalipas ang kaunting panahon ay nagdalantao nga si Pia Alba, (sa panghahalay na rin ni Padre Damaso bagamat ang katotohanang ito ay nailantad sa kalaunan). Ngunit ang babae ay naging masasakitin at tuluyang namatay pagkatapos ito ay manganak. Pinangalanang Maria Clara ang bata at kinalinga ni Tiya Isabel. Binusog din siya ng pagmamahal nina Kapitan Tyago at mga prayle. Lumaking magkababata sina Ibarra at Maria Clara, pati na rin ng kanilang mga kaibigan. Ipinasok ng kanyang ama mula sa udyok ng mga pari si Maria Clara sa kumbento ng Sta Catalina ng ito ay maging katorse anyos. Pumunta naman si Ibarra sa Europa upang mag-aral ng pagkamedisina. Si Kapitan Tyago at Don Rafael ay nagkasundong ipakasal ang dalawa sa takdang panahon, bagay na indi naman tinutulan ng dalawa sapagkat sila ay nag-iibigan.

KABANATA 7
Maaga pa lamang ng araw na iyon ay nakapagsimba na sina Maria at Tiya Isabel. Pagkatapos mag -almusal ang mag-anak ay nagkanya-kanya na siya ng gawain. Si Tiya Isabel ay naglinis ng bahay dahil sa mga kalat bunga ng hapunan ng nakaraang gabi. Nagbuklat naman ng mga kasulatan tungkol sa kabuhayan si Kapitan Tyago. Si Maria Clara ay nanahi habang kausap din ang ama upang malibang ang sarili sapagkat ngayon ang araw ng kanilang pagkikita ni Ibarra, at siya ay hindi mapakali sa pananabik na masilayan ang kanyang sinisinta. Napagpasyahan na siya ay magbakasyon sa San Diego sapagkat nalalapit na ang pista doon. Pamaya-maya ay dumating na si Ibarra at hindi maikakailang nataranta ang dalaga. Pumasok pa ito sa silid at tinulungan naman siya ni Tiya Isabel na ayusin ang sarili. Lumabas rin ito at nagkita ang dalawa sa bulwagan. Nagtama ang kanilang paningin at kapwa nagkaroon ng kaligayahan sa kanilang mga mata. Nagtungo sila sa Asotea upang makapag-sarili at makaiwas na rin sa alikabok na likha ng pagwawalis ni Tiya Isabel. Masinsinang nag-usap ang dalawa tungkol sa kanilang nararamdaman, sa kanilang mga sinumpaan sa isa't-isa, sa kanilang kamusmusan, sa kanilang naging tampuhan at mabilis na pagbabati. Kapwa itinago ng dalawa ang mga ala-ala at bagay na ibinigay nila sa isa't-isa: ang dahon ng sambong na inilagay ni Maria Clara sa sumbrero ni Ibarra upang hindi ito mainitan, at ang sulat ni Ibarra kay Maria bago ito tumulak papuntang Europa. Binasa ito ni Maria Clara sa katipan. Kabilang sa sulat ang layunin ni Don Rafael na pag-aralin si Ibarra sa malayong lugar upang makapaglingkod ng mataas na kalidad sa bayang sinilangan. Handa rin itong magtiis na mawalay sa anak upang sa bandang huli ay maibigay nito sa bayan ang kanyang hangarin. Dito natigilan si Ibarra dahil naalala nito na bukas ay undas at marami siyang kailangang gawain. Nagpaalam na ang binata at pinagbilinan ni Kapitan Tyago si Ibarra na sabihin sa kanyang katiwala na sila ay magbabakasyon doon. Hindi naman mapigilan ni Maria na maluha dahil sa pangungulila kay Ibarra, kaya't sinabihan siya ng kanyang ama na ipagtulos si Ibarra ng dalawang kandila at ialay sa santo ng manlalakbay

KABANATA 8
Nakasakay si Ibarra sa kalesa at binabagtas ang kahabaan ng Maynila. Maganda ang panahon ng araw na iyon at ang tanawin sa paligid ay nakapagpabalik ng kanyang mga alaala. Ang kanyang namamasdan ay katulad pa rin ng dati na kanya nang nakita: mga kalesa at karumatang walang humpay sa pagbibyahe, salimbayan ng mga taong abala sa pangangalakal at kanya-kanyang gawain: may mga Europeo, Intsik, Pilipino; may mga lalaking kargador, ang iba ay kababaihan na nagtitinda ng prutas. Nanduon din ang mga tindahan at mga hayop na kasama sa paghahanapbuhay. Ang punong Talisay sa San Gabriel ay walang pinagbago, ang Escolta naman ay imbes na umunlad ay pumangit at walang kaayusan. Ang mga karwahe ay nagmamadaling ihatid ang mga kawani sa tanggapan at mga pari, kabilang na si Padre Damaso. Namataan naman siya ni Kapitan Tinong kung kayat binati siya nito. Napadako naman siya sa kalye ng Arroceros at naalala na minsan ay nahilo siya sa napakasamang amoy ng tabako. Napadaan din siya sa Hardin ng Botaniko at naikumpara niya ang mga napuntahan niyang hardin sa Europa. Ibayo ang ganda ng mga ito kaysa sa kanyang natutunghayan ngayon. Anupat ang buong Maynila ay walang pinag-unlad, bagkus ang mga gusali ay nilulumot lamang ng panahon. Sa patuloy na pag-iisip ay sumagi sa kanyang isipan ang sinabi ng kanyang gurong pari: 1) Ang karunungan ay matatamo kapag hinangad ng puso 2) Ang karunungan ay dapat linangin at isalin sa susunod na henerasyon 3) dapat lamang na magkaroon ng pakinabangan- kung ang mga kastila ay nanatili dito upang kuhanin ang yaman ng bansa, marapat lamang na ibigay naman ng bansang dayuhan ang karunungan at edukasyon.

KABANATA 9
Nakatakdang kuhanin ni Maria Clara ang kanyang kagamitan sa kumbento ng araw na iyon. Hinihintay na lamang siya ni Tiya Isabel sa karwahe upang tuluyan na silang makaalis ng siya namang pagdating ni Padre Damaso. Nalaman ng huli ang kanilang pakay sa pag-alis at ito ay hindi minabuti ng pari. Bubulong bulong ito na umakyat papunta sa bahay ng Kapitan. Sinalubong siya ng Kapitan at inabot nito ang kamay upang magmano ngunit tinanggihan ito ng Pari. Bagkus ay sinabi kaagad nito na ang pakay niya ay makausap ng sarilinan ang kapitan. Dito ay sinabi niya na hindi dapat maglihim ng kahit ano pa man sa kanya si Kapitan sapagkat siya ang pangalawang ama ni Maria Clara. Dapat na ring itigil ang pakikipagmabutihan ng dalaga sa binatang si Ibarra. Sinabihan din nito na and Kapitan na hindi siya dapat maghangad ng kabutihan para sa kanyang mga kaaway. Nakumbinsi ng pari ang kapitan kaya't pagka-alis ng nito, pinatay ng Kapitan ang mga kandilang itinulos ni Maria Clara para sa paglalakbay ni Ibarra pauwi sa bayan ng San Diego. Sa kabilang dako, nagtungo naman si Padre Sybila sa kumbento ng Dominikano sa Puerta de Isabel II. Dinalaw niya ang matandang pari na may matinding sakit. Ibinalita niya dito ang mga nakaraang kaganapan, katulad ng pang-aaway na ginawa ni Padre Damaso sa bahay ni Kapitan Tyago. at ang pagpanig ng Tinyente diumano sa kapitan-heneral at pakikipag-alyansa kay Padre Damaso. Nakipagpalitan din ng saloobin ang matandang maysakit, at dito ay sinabi niya na ang pagtaas ng buwis ang dahilan ng pagkaubos nang kanilang mga kayamanan. Natututo na rin aniya ang mga Pilipino sa paghawak ng ari-arian.

KABANATA 10
Ang San Diego ay isang maalamat na bayan sa Pilipinas, matatagpuan sa baybayin ng lawa at may malalawak na kabukiran. Ang ikinabubuhay ng mga tao sa bayan na ito ay pagsasaka at dahil sa kakulangan sa edukasyon at kaalaman sa pagnenegosyo, nalalamangan sila ng mga dayuhang tsino. Kung pagmamasdan ang buong bayan mula sa ituktok ng simbahan, kapansin pansin dito ang isang gubat na nasa kalagitnaan ng kabukiran. Katulad ng ibang bayan sa Pilipinas, pinamumunuan ito ng simbahan at sunud-sunuran lamang ang pamahalaan dito. Si Padre Damaso ang kura paroko sa simbahan na iyon bago ito mailipat sa ibang bayan dahil sa ginawa nito kay Don Rafael Ibarra. Iilan lamang ang may mataas na tungkulin at kinikilala sa bayang iyon, ang mga Kastila at ilang mayayamang Pilipino. Ayon sa alamat, may isang matandang Kastila ang dumating sa bayan ng San Diego, matatas magtagalog at malalalim ang mga mata. Bumili siya ng gubat sa pook na iyon at pinambayad ang kanyang mga ari-arian tulad ng damit, alahas at salapi. Hindi nagtagal ay natagpuan ang matanda na nakabitin sa puno ng isang balete. Ang pangyayaring ito ay naging sanhi ng pagkatakot ng mga tao doon kaya't sinunog ng ilan ang mga damit ng matanda at itinapon naman ang kanyang mga alahas sa ilog. Kalaunan, dumating ang anak ng matanda na nagngangalang Saturnino. Pinagsikapan nitong sinupin ang mga naiwang ari-arian ng ama at nakapag-asawa ng isang taga-Maynila. Dito rin sila nanirahan sa San Diego at nagkaroon ng isang supling, si Don Rafael na siya namang ama ni Ibarra. Si Don Rafael ay kinagiliwan ng mga magsasaka at dahil sa pagsusumikap nito, ang San Diego ay naging bayan mula sa pagiging nayon. Kalaunan, ang pamumunong ito ni Don Rafael ay naging ugat ng inggit at galit sa ilan niyang mga kaibigan.