You are on page 1of 2

ACOS, ROY LUISTER C.

2010-44331

CERP 132 (Essay) December 23, 2012

LUPA: Mga Hiling ngayong Pasko at New Years Resolution Ako si Lupa. Bahagi na ako ng daigdig bago pa man nagsulputan ang mga ibat ibang nilalang o kung ano mang bagay meron na ang mundong ito. Bahagi na ako ng bawat buhay ng mga tao, ng mga hayop at ng mga halaman. Kung wala ako, malamang wala rin sila. Sa madaling sabi, ako ay isa sa mga tagapagtaguyod ng buhay. Ngunit sa mga panahong ito kung saan ang pamumuhay ng halos buong sangkatauhan ay masasabi na nating moderno ako ay naaabuso. Marami akong kapighatian sa tanang pananatili ko sa mundong ito. Walang humpay ang paggamit ng mga tao sa mga taglay kong kayamanan. Walang habas nilang sinisira ang aking pagkalupa sa pamamagitan ng paglalagay ng mga nakakalasong kimikal at mga basurang daan-daang taon bago malusaw kaya tuloy hindi na ako makapagbigay ng kasiguraduhan kung may mga halaman at puno pa bang tutubo para sa ikabubuhay ng ibang nilalang. Walang habas ang pagbungkal sa akin ng mga malalaki at sopistikadong makinarya upang hanguin ang aking mga yamang mineral nang sa gayon ay makapagpasasa sa pera ang mga kapitalistang responsible dito. Bilang resulta sa gawaing ito, nasisira ang aking kagandahan at nawawala ang dating sigla ng lugar kung saan akoy isang malaking parte. Dagdag pa rito, sa halip na tamnan at gawing kabuhayan ng mga magsasaka ay patuloy ang pagtabing sa akin ng mga kungkreto, aspalto o ano mang matitigas na materyales upang pagtayuan ng mga bahay. Kaya sa darating na Pasko, hiling ko sa mga tao na maging matalino at responsable sa paggamit sa akin. Naway matigil na ang mga gawaing nakakasama sa aking pagkalupa. Mayroon lamang akong tatlo ngunit mabibigat at ambisyosong hiling sa Paskong ito. Unang-una, gusto ko sanang tuldukan na ang industriya ng pagmimina. Oo, natutulungan nito ang lokal na ekonomiya ng isang lugar dahil malaking pera ang nalilikha nito ngunit itoy panandalian lamang. Kung tutuusin, nilalabag ng pagmimina ang isang likas-kayang pag-unlad. Mas pinapaburan nito ang isang pag-unlad na mabilis maglaho, isang pag-unlad na nakakasira sa kapaligiran, isang pag-unlad na maraming nasasagasaan. Hiling ko lamang sa mga awtoridad na kung maari, itigil na ang ganitong gawain o hanapbuhay nang sa gayon ay mapanatili ang aking integridad at ng kapaligiran sa pangkalahatan.
Page | 1

Pangalawa, dapat limitahan ang pagtatayo ng mga gusali o ano mang konkretong bagay na maaring itayo sa akin nang sa gayon ay mas mapapakinabangan ako ng maraming tao. Sa panahong ito, masasabing trend ang industriya ng real estate dahil kagaya sa pagmimina, malaki ang nalilikha nitong pera. Dahil dito, nawawalan tuloy ng mga lupang sakahan ang ating mga magsasaka at napipilitang maghanap ng bagong trabaho para sa ikabubuhay ng kanilang pamilya. Dagdag pa rito, nababawasan din ang suplay ng pagkain (tulad ng bigas) ang mga tao dahil hindi na gaanong kalawak ang mga lupa para makapagbigay ng sapat na ani para sa isang lumulaking populasyon kagaya ng Pilipinas. Pangatlo, kailangan ng mga tao na sumunod sa mga batas na may kinalaman sa pangangalaga ng kapaligiran. Dapat nang iwasan ng mga tao ang magtapon kung saan-saan dahil wala itong naidudulot na maganda sa akin o sa hangin o sa tubig kundi kapangitan at polusyon. Hinihiling ko sa bawat sangkatauhan na kung maari ay dapat maging responsible sa mga ginagawa lalo na kung dawit dito ang kapaligiran. Sa mga magsasaka, hinihikayat ko silang lahat na sumali sa isang krusada na kung saan isinusulong ang organikong agrikultura nang sa gayon wala nang mga kimikal o ano mang synthetic na bagay na maaring makasama sa aking pagkamayabong. Sa organikong agrikultura, galing na sa mga natural na bagay ang mga pampataba at naiiwasan ang paggamit ng mga insecticide o anumang nakakalasong kimikal. Dahil ilang araw na lang ay magbubukas na naman ang isang panibagong taon, gusto ko na rin magkaroon ng isang New Years Resolution. Bilang ako si Lupa at laging nagagamit ng mga tao, gusto ko sana sa darating na taon na kung maari ay magkaroon naman ako ng panahon para makapagpahinga. Ako, bilang si Lupa, ay napapagod din. Hiling ko lang sa mga tao lalunglalo na sa mga nagsasaka sa bukid na maglaan ng panahon o fallow period kung saan pwede akong magpahinga nang sa gayon bumalik ang aking dating lakas at yabong para ulit magamit sa pagpapatubo at pagpapalaki ng mga pananim. Isa rin sa gusto kong mangyari sa darating taon ang muli akong mabalutan ng mga puno at halaman at manumbalik ang dati kong ganda at yaman. Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng gobyerno at mamamayan, ang pagkakaroon ng isang reforestation program ay kailanmay hindi naging imposibleng gawain. Gusto ko sa darating na taon na makapagtaguyod ako ng tirahan para sa ibat ibang hayop, maliliit man yan o gahigante, upang matamo natin ang isang balanseng ekolohiya para sa lahat, isang kapaligiran na kung saan lahat ng mga nilalang ay nabubuhay nang masaya, matiwasay, at naaayon.
Page | 2