You are on page 1of 2

Hanggang Introduksyon Lang

Hindi ako makakilos. Ang aking leeg, mga kamay, mga paa, mga daliri, ang
aking buong katawan, tila ikinukubli ng yelong pumipigil sa pagtatangkang kong
kumawala. Nabali ang aking katawan at pumulupot sa naglilimahid na mundo. Sa
isang makirot na sandali, lumiwanag ang lahat. At sa iglap na paglilinaw ng likido sa
aking mga mata, mas lalong lumabo ang aking karunungan. Mas naging matatas ang
aking kalituhan. Hindi ko mawari. Hindi ko kailanman hinangad ang mga bagay na
ito. Sa mga sandaling iniisip ko ang aking pagkamuhi, tila patuloy itong bumabaon sa
aking pagkatao, patuloy na bumabaon, palalim nang palalim hanggang sa pigilin ito ng
sariling nitong limitasyon. Sa bawat paglabas ng mga salitang lulan ang pagkamuhi,
sinisira nito ang katatagan ng aking paninindigan, isang lasong patuloy na
nananalaytay sa loob ng aking mga ugat. isang suliraning nagsimula sa isang
mumunting mantsa, naipon nang naipon hanggang sa ito’y magsilang ng mga supling,
dumami nang dumami hanggang sa maging isang numerong humamon sa kakayahan
kong magbilang. Doon, sa kailaliman ng aking pagkatao ito namalagi. Naroroon,
nagtatago at isinisikreto ang sarili mula sa mga mapanuring mata ng kalawakan.
Umapaw ang galit ko sa aking sarili.
Ang galit at ako ay naging isa.
Bulag na ako sa hustisya. Hindi ko na alam ang pagkakaiba ng mali sa tama,
ang kahulugan ng masama sa kabutihan, ang katangian ng isang tao sa isang halimaw.
Pilit kong hinahalukay ang libingan ng aking nakaraan. Pilit hinahagilap ang basbas
ng liwanag sa pusod ng kadiliman at karimlan. Pilit naghahanap ng mga kasagutan
mula sa mga parang ng kababawan at kamusmusan. Ngunit sa halip na sagot ang aking
makita, pulos panibagong katanungan ang umusbong mula sa puntod ng aking
konsensiya. Kinukutya at nililibak ang kawalan ko ng dunong sa mga pasikot-sikot na
iskinitang sinisikap akong ilayo sa nararapat kong kalagyan.
“Huwag kang padadaig.”
“Ituring mong kaibigan ang iyong pagdurusa.”
“Panandalian lang yan. Di magtatagal, masasanay ka rin.”
“Wala ka nang magagawa.”
“Nakalalason ang lunas na dulot ng pag-asa.”
“Mauuwi sa wala ang lahat.”
“Iibsan ng kamatayan ang lahat ng iyong hinagpis.”
Nagsimula ang lahat sa mga mumunting bulong. Mga bulong na unti-unting
naging pangkaraniwang pagsasalita, na unti-unting naging mga sigaw, na unti-unting
naging mga hiyaw at bulyaw na sumiksik sa bawat sulok ng aking pandama. Mga
salitang isinilid sa mga tusong bulong na lumaganap sa aking pang-unawa. Hinayaan
ko itong lumamlam.
Kabiguan ang pumalit sa aking masugid na paghihintay.
Kung ang mga bagay-bagay ay kathang-isip lamang, paano ko ipapaliwanag
ang nararamdaman ko? Bakit ramdam ko ang sakit? Bakit ramdam ko ang pait ng
halik ng kalungkutan? Hindi ako naniniwalang may sakit na imahe lamang sa isipan.
Sadyang dinisenyo ang sakit upang makapanakit, hindi manakot. Kung sakaling
mayroon man, para saan ito? Para kanino?
Kung magiging manhid ang isang tao sa sakit, bakit pa ito nilikha ng Diyos?
Nararanasan din ba ng Diyos ang masaktan kahit minsan? Nagagalak ba siya dahil
tagumpay ang kanyang likha? Paano nga ba masaktan ang Diyos? Paano siya umiyak?
Paano siya lumuluha? Sa mga panahong lugmok siya sa paghihirap, kanino siya
dumudulog? Kung nasasaktan man siya, sino ang matapang na nilalang na gagawa
nito? Tunay na nga bang nagpapatawad ang Panginoon? Isang kapatawarang bubura
sa maliliit na detalye ng minsang pagkakasala. O hindi kaya’y isang mababaw na
pagpapatawad kung saan naiipon at lumalaki ang bawat bakas ng mga maling ginawa.

*Ang katotohanang inililihim ng Maykapal.

You might also like