You are on page 1of 8

Praymer hinggil sa Republic Act 8042, o ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995

Inilabas ng Migrante International, Setyembre 2011

Ang pagkakabitay ni Flor Contemplacion sa Singapore noong 1995 ay nagluwal ng matinding galit ng
mamamayan. Upang payapain ang bayan, isinabatas ang RA 8042 o ang Migrant Workers and Overseas
Filipinos Act of 1995 na inamyendahan ng Republic Act no. 10022 noong 2007. Ipinasa ang batas para
ibayo pang paigtingin ang proteksyon at pagsusulong ng kagalingan at karapatan ng mga OFW, ng
kanilang mga pamilya, at OFWs in distress.

Ang RA 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 ay naging batas noong Hunyo 7,
1995 na inamyendahan naman ng Republic Act no. 10022 noong Abril 10, 2007. Ito rin ay binansagang
Magna Carta for Overseas Filipinos

Layunin ng dokumentong ito na unawain ang mga nilalaman ng RA 8042 upang magamit ang mga ito
para sa pagsusulong ng karapatan at kagalingan ng mga migrante at pamilya. Gayundin, layunin ng
dokumentong ito na kilatisin at suriin ang mga probisyong nasasaad sa batas upang alamin kung
epektibo ba nitong naproprotektahan ang karapatan at kagalingan ng mga OFW.

Ano ang salalayan ng RA 8042?
Malinaw na nakasaad sa batas na ang pambansang ekonomiya at paglago ay hindi dapat iniaasa sa
overseas employment:

“In the pursuit of an independent foreign policy and while considering national sovereignty, territorial
integrity, national interest and the right to self-determination paramount in its relations with other
states, the State shall, at all times, uphold the dignity of its citizens whether in country or overseas, in
general, and Filipino migrant workers, in particular.”

Nasa Declaration of Policies din na, “State does not promote overseas employment as a means to sustain
economic growth and achieve national development. The existence of the overseas employment
program rests solely on the assurance that the dignity and fundamental human rights and freedoms of
the Filipino citizens shall not, at any time, be compromised or violated.”

Pinagtitibay rin sa RA 8042 na sinumang Pilipino na nasa ibang bansa ay may karapatan sa libreng access
sa mga korte, quasi-judicial bodies, institusyon at ahensya ng gobyerno para mabigyan sila ng
karampatang tulong ligal, anupaman ang kanilang katayuan. Sa ganang ito, itinuturing ding kaakibat ng
estado ang mga non-govermental organization (NGO) para sa naturang layunin.

Kaugnay ng libreng access ang pagbabawal sa anumang mga bayarin at sinisingil kaugnay ng
recruitment, placement at anumang tulong para sa mga OFW.

Subalit malinaw sa ipinakikita ng mga datos na ang mga padalang dolyar ng mga OFW ang ilang dekada
nang sumasagip sa pabulusok na ekonomiya ng Pilipinas. Umabot na sa pinakamataas na 19 bilyong
dolyar (USD$20B) ang ipinapasok ng mga OFW taun-taon. Higit na malaki ito sa pinagsama-samang net
direct foreign investments, foreign aid, at mga kinita sa exports. At dahil tiba-tiba ang pamahalaan sa
sistemang ito, lalo nitong pinaiigting ang Labor Export Program (LEP).

Di alintana ang mabigat na epekto ng migration sa lipunan ng mga nawawalay na OFW sa kanilang mga
pamilya, buong kahangalang inilalako ng gubyerno ang ating mga kababayan. Ang Pilipinas na ang
ikatlong pinakamalaking exporter ng lakas paggawa sa daigdig dahil sa pagkabigo ng anumang rehimen
na paunlarin ang internal source of growth ng bansa na lilikha sana ng mga trabaho para sa Pilipino.

Nasa 12 milyong Pilipino na ang nasa iba’t ibang panig ng daigdig upang maghanapbuhay. Ang mga
migranteng Pilipino ay kabilang sa milyun-milyong sobrang lakas paggawa ng isang lipunang laganap ang
kawalan ng lupa at trabahong may nakakabuhay na sahod. Habang kaliwa’t kanan ang pangangamkam
ng lupang sakahan at militarisasyon sa kanayunan, wala ring puknat ang malawakang
kontraktwalisasyon at tanggalan sa trabaho. Ito ang mga kundisyong nagtutulak sa ating mga
kababayang makipagsapalaran sa ibang bansa.

Dahil sa di maampat na pang-ekonomiya at pampulitikang krisis, umaabot na sa 4,500 ang lumalabas ng
Pilipinas araw-araw kung kaya’t parami rin ng parami ang mga buhay na nalalagay sa panganib. At dahil
iniluluwas sila bilang kalakal, walang pakialam sa karapatan at kagalingan nila ang gubyerno habang sila
ay nasa abroad. Sa ngalan ng dollar remittance mula sa dugo at pawis ng mga OFWs, libu-libong OFWs
ang kasalukuyang stranded, minamaltrato, binubusabos, at nakakulong sa ibayong dagat.

Sinu-sino ang itinuturing na OFW or migrant worker ayon sa RA 8042?
Ang Overseas Filipino Worker (OFW) o Migrant Worker ay sinumang Pilipinong nagtratrabaho sa ibang
bansa, land based man o sea based, na hindi citizen sa bansang iyon. Kabilang din sa mga OFW yaong
mga pinangakuan ng trabaho abroad.

Kung pagbabatayan ang Declaration of Priniciples, “the government shall deploy and/or allow the
deployment only to skilled Filipino workers.” Ibig sabihin, ang mga tinuturing na OFW ay yaong mga
‘skilled’ o may kakayahang magtrabaho ayon sa mga pamantayan ng gobyerno.

Ang ‘overseas Filipinos’ naman ay yaong mga dependent ng mga OFW o iba pang mga Pilipino sa ibang
bansa na ‘in distress’, ayon sa SEksyon 24 at 26 ng RA 8042.

Saang mga bansa maaaring magtrabaho ang mga OFW ayon sa RA 8042?
Ang malalaking konsentrasyon ng mga OFW ay nasa North America, Middle East, Asia-Pacific at Europe.
Ang Top 10 Destination Countries ng mga OFWs ay ang Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar,
Kuwait, Italy, Canada, Japan, Hong Kong, Singapore, at Taiwan.

Ayon sa batas, ang anumang bansa na nagtataglay ng alinman sa mga sumusunod ay maaring maging
destinasyon ng mga OFW:

 may umiiral na labor at social laws na nangangalaga ng mga karapatan ng mga migrant workers
 lumagda sa mga multilateral conventions, kasunduan, deklarasyon, resolusyon na may
kinalaman sa proteksyon ng manggagawa kabilang ang mga migrante
 may kasunduan sa Pilipinas ukol sa pangangalaga sa mga OFWs
 mga barkong naglalayag sa ibayong dagat na sumusunod sa mga pandaigdigang pamantayan at
batas ng proteksyon para sa migrant workers

Ang kalihim ng DOLE ang magtatakda nito batay sa ulat ng DFA tungkol sa mga receiving countries.
Maaari ding magtalaga ng POEA ang deployment ban sa mga bansang hindi matutugunan ang mga
rekisitong nakasaad sa itaas. Ang sinumang miyembro ng POEA Governing Board ay may kapangyarihang
maglalabas ng permit sa hindi kwalipikadong bansa.

Subalit nakakabahalang isipin na 57 lamang sa 194 na mga bansa ang pumirma at nagratify sa United
Nations International Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of
Their Families mula nung pasinayaan ito noong 1993. Wala ni isa man sa Top 10 na mga bansang ito ang
lumagda sa kasunduang ng UN. Kaya’t hindi na rin nakakapagtaka na sa mga bansang ito rin talamak ang
mga kaso ng mga pang-aabuso, diskriminasyon, at pagpatay sa ating mga OFW.

Ano ang illegal recruitment?
Ang illegal recruitment ay ang “canvassing, enlisting, contracting, transporting, utilizing, hiring, procuring
workers and includes referring, contact services, promising or advertising for employment abroad,
whether for profit or not, when undertaken by a non-license or non-holder of authority contemplated
under Article 13(f) of Presidential Decree No. 442, as amended, otherwise known as the Labor Code of
the Philippines. Provided, that such non-license or non-holder, who, in any manner, offers or promises
for a fee employment abroad to two or more persons shall be deemed so engaged. It shall likewise
include the following acts, whether committed by any persons, whether a non-licensee, non-holder,
licensee or holder of authority.”

Sa Pilipinas, may 10,000 OFWs ang nabibiktima ng Large Scale Illegal Recruitment at Human Trafficking
kada buwan. Kadalasan, sangkot mismo ang POEA at BI. Dahil sa tindi ng mga epekto nito, itinuturing na
economic sabotage ang illegal recruitment.

Anu-ano ang mga porma ng illegal recruitment?
Ang mga sumusunod ay maituturing ding porma ng illegal recruitment:
 Pagpapabayad nang higit pa sa mga itinakdang bayarin ng DOLE at ang pagpapabayad sa o
pamimilit na bayaran ng isang OFW ang halaga na higit sa kanyang natanggap bilang loan o
advance;
 Pagkakaloob at pag-aanunsyo ng mga maling impormasyon, dokumento, o notice na may
kinalaman sa employment o recruitment;
 Pagsisinungaling sa POEA upang makakuha ng lisensya/authority o dokumentasyon para sa mga
tinanggap nilang mga workers, kabilang na ang reprocessing ng mga workers para sa isang job
order na paso na, job order na kaiba sa aktwal na naghihintay na trabaho sa OFW abroad, at
trabaho sa ibang employer na kaiba sa nakadeklara, rehistrado man ito sa POEA o hindi;
 Paghikayat o tangkang paghimok sa isang OFW na talikuran ang kanyang trabaho upang alukin
siya ng iba pang trabaho, maliban na lang kung ito ay upang palayain ang ang isang OFW sa di-
makatwirang kontrata;
 Pagrekluta ng mga OFW sa mga trabahong mapanganib sa kanilang kalusugan, dignidad at
moralidad ng Republika ng Pilipinas;
 Paghadlang o tangkang paghadlang sa pagsusuri ng kalihim ng DOLE o ng sinumang kinatawan
nito;
 Pagbabago ng kontratang pinirmahan ng OFW at inaprubahan ng DOLE nang walang pahintulot;
 Pagiging Board member ng isang opisyal o ahente ng recruitment agency sa isang korporasyong
nagnenegosyo ng travel agency o tuwirang/di-tuwirang may kinalaman sa pamamahalala ng
isang travel agency;
 Pag-ipit sa mga travel documents ng mga aplikante bago makaalis nang dahil sa pera o anumang
dahilang labas sa mga polisiya ng Labor Code;
 Pagkabigong mai-deploy ang OFW nang walang dahilang katanggap- tanggap para sa DOLE;
 Pagkabigong mag-reimburse ng mga ginastos ng isang aplikante sa pagsasaayos ng kanyang mga
dokumentong may kinalaman sa kanyang pagtratrabaho kapag hindi natuloy ang pag-alis nito
gayong wala naman siyang pagkukulang;
 Pamamahala sa isang recruitment/manning agency ng isang hindi Filipino citizen;
 Pagpapautang sa OFW ng may interes na higit pa sa 8% per annum upang gamitin sa
pagbabayad ng mga ligal na placement fee at pagpapa-issue sa OFW ng mga post-dated checks
para sa utang na iyon;
 Paggigiit sa OFW ng mga compulsory at exclusive arrangement kung saan ang OFW ay maaari
lamang kumuha ng loan sa itatakdang tao o institusyon ng recruiter;
 Pagtangging ma-renegotiate ang isang loan ng OFW kapag ang kanyang kontrata ay biglaang
tinapos nang mas maaga sa napagkasunduan nang hindi nito kasalanan;
 Paggigiit na ang mga kailangang medical exam ay maaari lamang kunin sa mga klinika,
institusyon, o taong itinakda ng recruiter, maliban sa sitwasyon ng mga seafarer kung saan sagot
ng may-ari ng barko o prinsipal ang kanilang medical;
 Paggigiit na ang mga kailangang training, seminar, instruction, o schooling, ay maaari lamang
kunin ng OFW sa mga institusyon o taong itinakda ng recruiter, maliban sa nirekomendang
training kung saan sagot ng may-ari ng barko o prinsipal ang kanilang gastos sa mga nasabing
trainings;
 Pagpapatuloy ng operasyon ng isang suspendidong recruitment/manning agency kabilang na
ang pagpoproseso ng mga pending na workers' applications;
 Pagpasa ng pagbabayad ng insurance sa OFW ng recruitment/manning agency o ng foreign
principal/employer o pagkaltas nito sa sahod ng OFW.

Ang mga kaso laban sa Illegal Recruitment, administratibo man o kriminal, ay isinasampa sa POEA
upang maiakyat sa Regional Trial Court katuwang ang mga DOJ prosecutors. Ang POEA ay dapat
magbigay ng libreng Legal Assistance sa mga biktima sa anyo ng counseling, legal advice,
preparasyon ng reklamo at mga supporting documents, at institution of criminal actions.

Ang parusa sa mga illegal recruiters ay pagkakabilanggo ng mula 6 hanggang 20 taon at pagmumulta
ng mula P500,000 hanggang P5 milyon batay sa bigat ng kanyang kaso. Automatic ding makakansela
ang mga lisensya.

Paano makukuha ng biktimang OFW ang kanyang money claims?
Ang money claims ang kabayarang nakukuha ng isang biktima ng illegal recruitment. Tanging ang mga
Labor Arbiter ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang may jurisdiction na magdesisyon, sa
loob ng 90 araw matapos isampa ang reklamo, kung magkano ang claims sang-ayon sa kontrata ng isang
employer-employee relationship, kabilang na ang claims para sa aktwal, moral, exemplary at iba pang
damages.

Ang pananagutan ng principal/employer at ng recruitment/placement agency sa lahat ng claims ay “joint
at several”. Kukuhanin ang anumang money claims para sa mga OFW mula sa sa performance bond ng
recruitment/placement agency. Samantala, anumang “compromise/amicable settlement” o “voluntary
agreement” ay kailangang bayaran sa loob ng apat (4) na buwan mula sa pag-apruba ng settlement.

Sa mga kaso ng “termination of overseas employment” na walang sapat at ligal na batayan ayon sa
batas, ang biktimang OFW ay bibigyan ng buong “reimbursement” ng kanyang placement fee na may
kasamang 125 interes kada taon, bukod pa sa kanyang sahod para sa “unexpired portion” ng kanyang
kontrata.

Ang sinumang opisyal/employer na hindi sumunod sa mga nakasaad sa seksyong ito ay:
a) Hindi pagkakalooban ng kanyang sweldo hanggat hindi naibibigay ang money claims;
b) Susupindihin ng hindi hihigit sa 90 araw, o;
c) Tatanggalin sa serbisyo nang may diskwalipikasyon na matalaga sa anumang appointive public
office sa loob ng limang (5) taon.

Anu-ano pa ang mga serbisyo para sa OFW ayon sa RA 8042?

Legal assistance
Ayon sa batas, mayroong isang milyong pisong pondo ang inilalaan ng OWWA para sa Migrant Workers
Loan Guarantee Fund para matiyak na makakabayad sa mga loans ng OFW na ibinibigay ng mga
katuwang nitong Government Financing Institutions o GFIs.

Ang Pre-Departure Loans ay maaaring makuha ng isang paalis na OFW na may bagong kontrata upang
mabayaran ang kanyang mga placement/processing fees, airplane fare, subsistence allowance, cost of
clothing, at pocket money.

Ang Family Assistance Loans naman ay magagamit ng isang employed na OFW o eligible na mga
kapamilya/dependents nito sa panahon ng mga emergencies.

Maliban sa legal assistance na dapat matamasa ng isang OFW sa usapin ng Illegal Recruitment, ang
pamahalaan ay nagtatalaga ng Legal Assistant for Migrant Affairs sa ilalim ng DFA upang tulungan ang
mga OFW na tinatawag na “in distress” sa bansang pinagtratrabuhan nito. Ang mga tinatawag na “in
distress” ay yaong mga may suliraning medical, legal, psycho-social, na nangangailangan ng treatment,
hospitalization, counseling, legal representation, at iba pang porma ng intervention sa mga awtoridad sa
bansa kung saan siya natagpuan.

Kung kinakailangan, ang Legal Assistant ang maghahanap ng iba pang katuwang gaya ng Integrated Bar
of the Philippines, mga dalubhasa sa Labor, Migration, at Human Rights Law, at iba pang mga law firms
at civil society organizations. Siya rin ang nagsisilbing ugnay sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan
upang higit na mapibilis ang koordinasyon ng mga pagsisikap na maipaabot ang tulong legal sa OFW.
Ang Legal Assistant ang may kapangyarihang kumuha ng mga abugado, domestic man o foreign, upang
mapabilis ang kanyang mga gawain.

May nakalaang Legal Assistance Fund para rito. Ito ang ipambabayad sa mga abugado at mga bail bonds
upang pansamantalang makalaya ang mga OFW na inihabla ng mga kasong kriminal o labor abroad
gayundin ng lahat ng gastusin sa korte batay sa rekomendasyon ng mga abugado. Ito rin ang gagamitin
sa paghahabla ng kaso laban sa mga abusadong employer ng mga OFW. Maari din itong gastusin sa pag-
aapela ng mga kaso ng mga OFW na nasa death row o kasong karapat-dapat iapela ayon sa OUMWA.

Maganda ang sinasabi ng batas subalit ang serbisyong ito ay ipinagkakait sa mga OFW. Mayroong 122
Pilipino ang nakasalang sa death row at 7,000 ang nakakulong sa iba’t ibang piitan sa daigdig. 70 dito ang
bibitayin sa China. Mismong ang si Consul General Ezzedin Tago ang umamin sa isang interbyu sa radyo
na si Jennifer Bidoya, ay binigyan lamang ng translator at hindi abugado noong siya ay nililitis. Si Bidoya
ay pinugutan ng ulo dahil sa akusasyong pagpatay sa isang Arabo nang tangkain siyang gahasain nito. Si
Edison Gonzales ay tinorture ng Saudi Arabian police subalit hindi man lang naghabol ang embahada.
Pagkatapos mapiit ng 2 taon sa Jeddah ay saka lamang siya binigyan ng abugado ng gubyerno.

Migrant Workers and Other Overseas Filipinos Resource Center
Ang mga center na ito ay nasa mga bansang may mataas na konsentrasyon ng mga OFWs at
matatagpuan sa mga embahada ng Pilipinas. Ito ay may staff na binubuo ng Foreign Service personnel,
Labor Attaché at iba pang mga kinatawan ng mga ahensya ng pamahalaan sa ibang bansa. Ito ay bukas
24 oras araw-araw buong lingo may holiday man o wala. Maliban sa pagpapatupad ng mga programa ng
OWWA at DOLE, ang mga sumusunod ay mga serbisyong ipinagkakaloob ng Resource Center:
 Counseling at legal services
 Welfare assistance kabilang ang medical at hospitalization services
 Post-arrival orientation, settlement, at community networking services para sa
pakikisalamuha
 Registration ng mga irregular/undocumented OFWs
 Human resource development, gaya ng training at skills upgrading
 Gender-sensitive programs upang maharap ang mga maselang pangangailangan ng mga
OFWs
 Orientation program para sa mga returning workers at iba pang migrante
 Pagmomonitor sa mga nangyayari sa paligid na lubhang nakakaapekto sa mga OFWs
 Pagtitiyak na ang mga social at labor laws ay makatarungang natatamasa ng mga OFWs
 Pag-aayos ng mga problema sa pagitan ng employer at ng OFW nang naaayon sa batas

Bagama’t maganda sa pandinig, maraming kaso ang magpapatunay ng kainutilan at kawalang pakialam
ng mga centers na ito sa OFWs in distress. Tulad ng nangyari kay Glenda Lorio na pinatay mismo sa loob
ng Filipino Workers Resource Center (FWRC) sa Hong Kong kung saan siya humingi ng saklolo mula sa
kanyang abusadong amo. Sa marami pang centers, kumpirmado ang mga reklamong hindi sapat ang
pagkain, mga abusadong at aroganteng staff, at sexual harassment. May mga kaso pa na ang mga OFW
ay pinapatulog ng nakaupo dahil sa sila ay siksikan. Sa Saudi, mga babae lamang ang kinukupkop ng mga
center at pinababayaan na lamang ang mga lalaking OFW sa disyerto.

Repatriation o pagpapauwi
Ang repatriation o pagpapauwi ng OFW, kabilang ang pagbyabyahe pabalik ng kaniyang mga kagamitan
o labi (remains), ay pangunahing responsibilidad ng employer at agency. Dapat paunang bayarin ng mga
ito ang lahat ng gastusin sa kagyat na pagpapauwi at iba pang attendant costs gaya ng tiket sa eroplano,
deployment cost ng principal, at mga immigration fines at penalties.

Sisingilin ng agency sa OFW ang mga ginastos nito sa repatriation kung mapapatunayan na kasalanan ng
OFW kung bakit ito pinauwi o tinanggal sa trabaho. Ang principal din o employer ang dapat kumuha ng
exit visa para sa OFW sa loob ng 15 araw pagkatanggap ng notice mula sa embahada. Ang lahat ng ito ay
dapat nakasaad sa employment contract na pipirmahan ng OFW.

Kung ang employer ay hindi makakapagbayad para sa mga gastusin, dapat itong ipaalam ng POLO sa
OWWA. Iuutos naman ng POEA sa agency na sa loob ng 48 oras ay makapagbigay ng plane ticket o
prepaid ticket advice (PTA) sa POLO o Philippine Embassy. Kakanselahin ng POEA ang documentary
processing ng agency kapag nabigo itong sundin ang notice ng POEA. Sa ganitong sitwasyon, ang OWWA
ang sasalo ng mga gastusin at ang suspensyon ay tatanggalin lamang kapag na-ireimburse na sa OWWA
ang gastos nito pati na interes sa pagpapauwi. Kapag hindi nakapagbigay ng exit visa sa takdang
panahon, ang employer o principal ay hindi na papayagan pang makilahok sa overseas employment ng
bansa.

Sa panahon ng digmaan, epidemya, kaguluhan, kalamidad na gawa ng tao man o kalikasan, ang OWWA
ang maglilikas sa mga apektadong OFW. Ang gastusin sa pagpapauwi ay ipapa-reimburse pa rin sa
employer o principal sa loob ng 60 araw pagkatanggap nila o ng agency ng notice mula sa OWWA.

Kapag ang OFW ay natuklasang menor de edad, siya ay pauuwiin ng mga upisyal ng Foreign Service at
ipapaalam agad sa DFA.

Sa mga pagkakataong hindi na mahagilap ang principal o agency ng OFW, ang pagpapauwi ay sasagutin
ng OWWA at ang mga gastos ay kukunin na lamang sa Emergency Repatriation Fund. Ito ay ipapa-
reimburse sa agency/employer/insurer o mismong OFW.

Kapag ang isang OFW ay nalamang hindi medically fit sa loob ng 15 pagkarating niya sa receiving
country, ang klinika o health facility na nag-medical exam sa kanya ang siyang sasagot sa gastos ng
kanyang repatriation.

Scholarship
Maaaring kumuha ang mga OFWs at ang kanilang mga anak ng scholarship mula sa Congressional
Migrant Workers Scholarship Fund mula sa OWWA kung ang mga ito ay naglalayong mag-aral ng mga
kurso sa larangan ng Science and Technology na may basbas ng DOST.

Reintegration
Ang pagkakaroon ng mga National Reintegration Center for OFWs o NRCO ay upang tulungan ang mga
balikbayang OFW na muling makapamuhay at makapagtrabaho sa bansa. Ito ay One-Stop Center para sa
kanila at kanilang pamilya, kung saan sila ay ipinapailalim sa iba’t ibang programa na pangkabuhayan,
negosyo, pag-iipon, pamumuhunan, at financial literacy. Ang TESDA, Technology Resource Center (TRC),
at iba pang ahnesya ng pamahalaan na may kinalaman sa training at livelihood development ay
binibigyang prayoridad ang mga household service workers at entertainers. Ang NRCO din ay
naghahanap din ng mga stakeholders at service providers at mga international organizations na mag-
propromote ng OFW potentials. Ang mga trainings na ito ay dapat na libre.

Anu-ano ang mga ahensya ng gobyerno na may tuwirang tungkuling ipatupad ang RA 8042?
Ang pagtulong sa mga Pilipino sa ibayong dagat ang ikatlong haligi ng Philippine Foreign Policy. Kaya’t
itinalaga ang mga sumusunod na ahensya at upisina para sa mga OFWs at migranteng Pilipino:

 Department of Foreign Affairs (DFA)
 Department of Labor and Employment (DOLE)
 Philippine Overseas Employment Administration (POEA)
 Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)
 National Reintegration Center for OFWs (NRCO)
 Migrant Workers and Other Overseas Filipinos Resource Center
 Department of Health (DOH)
 Department of the Interior and Local Government (DILG), at mga ang lokal na pamahalaan o
Local Government Unit (LGU)

Dapat tinitiyak ng DFA at ng mga Embahada ng Pilipinas ang pagbubuo, implementasyon, at pakikisa sa
mga pandaigdigan at pangrehiyong mga kasunduan at kumbensyon ng mga batas at programa sa
pagsusulong at pangangalaga ng mga karapatan at kagalingan ng mga migranteng Pilipino. Gayundin ang
pagbibigay tulong sa mga Pilipinong “in distress” sa ibang bansa. Ito rin ang nagsusumikap na mapaunlad
ang mga kalagayan ng mga OFW sa abroad sa pamamagitan ng pagtitiyak ng mga bilateral na kasunduan
sa mga ito at iba pang proma ng kooperasyon. Ang Office of the Undersecretary for Migrant Workers
Affairs (OUMWA) sa ilalim nito ang pangunahing nagtitiyak ng legal assistance sa ating mga kababayan.

Ang DOLE ang dapat namang nagtitiyak na ang mga OFWs ay may On-Site Protection sa mga receiving
countries sa pamamagitan ng overseas operating arm nitong Philippine Overseas Labor Office (POLO).
Ang POLO ang dapat na tumutulong sa mga OFWs kapag nagkaproblema ang mga ito sa kanilang mga
employer, ang nag-veverify ng mga kontrata at iba pang mga dokumentong may kinalaman sa
employment, ang nag-momonitor at nag-uulat sa DOLE ng mga kaganapan at mga bagong batas sa mga
receiving countries na makakaapekto sa mga OFW at mga batas natin, at namamahala sa Migrant
Workers and Other Overseas Filipinos Resource Center.

Ang OWWA ang dapat na nagpapatupad ng mga welfare programs ng pamahalaan at nagtityak na ang
mga ito ay pamilyar sa mga OFWs at mga kapamilya nila sa buong panahon ng kanilang
paghahanapbuhay sa ibayong dagat.

Ang POEA ang tinaguriang taga-regulate ng partisipasyon ng private sector sa recruitment at overseas
placement ng mga OFWs sa pamamagitan ng kanilang licensing and registration system. Ito rin ang
tagapamahala mula pre-employment stage, pagtitiyak ng pinakamagandang employment terms para sa
mga OFWs, mapa-sea based man o land-based. Ang POEA ay pangunahing nagdedeploy ng mga OFWs sa
paraang government-to-government arrangements.

Ang mga LGU naman ang katuwang ng gubyerno sa pagtuturo sa mga mamamayan hinggil sa lahat ng
aspeto ng overseas employment sa kanilang mga nasasakupan. Malaki ang papel nito sa paglulunsad ng
agresibong kampanya laban sa Illegal Recruitment mula pagpapakalat ng impormasyon, paghahabol at
pag-aresto sa mga illegal recruiters. Kailangan din ang pagtatayo ng mga OFW Help Desks at pagtitiyak
ng lugar para sa regular na pagkakaroon ng Pre-Employment Orientation Seminars (PEOS) ng POEA.

Ang ilan pa sa mga ahensyang dapat maging pamilyar ang mga OFW ay ang Repatriation Assistance
Division (RAD) ng OWWA, Repatriation Assistance Unit (RAU) ng POEA, Bureau of Immigration (BI),
National Labor Relations Commission (NLRC) at Commission on Overseas Filipinos (COF).

Ang sinumang empleyado o upisyal ng DOLE, POEA, OWWA, DFA, DOJ, DOH, I, IC, NLRC, TESDA, CFO,
NBI, Philippine National Police (PNP), Manila International Airport Authority (MIAA), Civil Aviation
Authority of the Philippines (CAAP) ay pinagbabawalang maging bahagi ng recruitment ng mga OFWs.



/eof