You are on page 1of 3

14111346

BAMP I-A
Timyas ng Araw na Buwan
Liwanag ang dahilan kung bakit tayo'y nakakikita, ito'y nagsisilbi nating gabay upang tayo'y
manatili sa ating landas, ito ang ating tanglaw sa mga panahong tayo'y nababalot ng kadiliman.
Liwanag, ilaw, tanglaw. Mga bagay kailangan natin sa paghahanap sa nawawala, bagay na
tumatayong haligi ng katotohanan, bagay na naghahatid ng pag-asang may kaligtasan.
Bago pa man baybayin ng mga dayuhan ang ating mga katubigan, bago pa man sila dumaong sa
ating mga dalampasigan, bago pa man nila ipalaganap ang Kristyanismo noong ika 16 na siglo
ay mayroon na tayong sariling paniniwala ukol sa mga bagay at mundong ispiritwal at sa kung
paano nagkakaugnay ang mga ito sa pang araw-araw nilang gawain.
Ang mga sinaunang Pilipino ay naniniwala sa mga Babaylan, kababaihang pinaniniwalaang may
taglay na kaalamang ispiritwal at nagsisilbing tulay ng mga tao tungo sa kabilang mundo
[mundong ispiritwal]. Kalimitan silang tumatayo bilang mga manggagamot, propeta at midyum,
nag bibigay lunas sa mga karamdaman at nagpapalayas ng masasamang ispiritu.
Sila ang pinagtitiwalaang tagapagpayo ng kanilang pood o baranggay dahil sa angking
karunungan at karanasan, sila ang nagbibigay solusyon sa mga problemang hindi maresolba
gamit ang pisikal na pamamaraan. Sila ang nagdaraos ng mga ritwal sa pamamagitan ng pag
kanta o pag darasal upang humiling ng kaliwanagan sa mga umalagad [ispiritu] o humiling ng
tugon sa kanilang mga suliranin.
Kilala silang namumuhay sa kapayapaan at kadalisayan, ngunit may mga babaylan ding
nagsisilbing tagapagtanggol ng kanilang pood sa mga panahong kinakailangan, pinaniniwalaang
nagtataglay silang kapangyarihan bungsod ng kalugudan ng mga ispiritu sa kanila.
May dalawang paraan ng pagiging babaylan, ang una ay ang tawag ispiritwal at ang pangalawa
naman ay ang pagsasalinlahi.
Ang isang babaeng dalisay ay posibleng makaranas ng rukut o ang sagradong panawagan ng mga
umalagad. Kadalasan ito ay sa pamamagitan ng panaginip, o sa isang kalagayang transitibo

[sinasapian]. Sa tulong ng isang Surog o isang gabay ispiritwal, siya ay isusugo sa isang
paglalakbay kung saan susubukin ang kanyang pisikal at mental na kakayahan.
Ang ritwal na ito ay kinabibilangan ng pag-alis ng kaluluwa sa katawan at ito ay sumasailalim sa
isang paglalakbay tungo sa saad [kabilang mundo]. Sa destinasyon nito, ang kaluluwa ay
nakikipag usap sa mga pumanaw na ninuno nito upang mag taglay ng kaalamang ispiritwal
upang maging handa ito sa kanyang magiging tungkulin pag balik nito sa mundo.
Ang responsibilidad na ito ay maaaring ipasa sa mga kamag-anak na kinakikitaan ng malaking
pagbabago sa kilos at pag iisip at ng pag iwas sa ibang tao ng pood. Siya ay maaaring maging
payat o magtaglay ng kakaibang lakas.
Ang isang nagsasanay bilang babaylan ay sumasailalim sa patnubay ng isang ganap na babaylan.
Ito ay kadalasang nagkakahalaga ng salapi o ng mga kaban ng bigas. Siya ay mag sasanay ng
panggagamot at ritwal na pag sayaw, kanta at ng paggawa ng mga gayuma. Pagkatapos niyang
ma dalubhasa ang mga gawaing ito ay magtutungo sya sa mga kweba upang mangalap ng mga
hiyas at bato upang magsilbi itong daluyan ng kanyang kapangyarihan at maging ganap na
babaylan.
Sila ang Araw na Buwan ng ating mga unang tao, ang mga babaylan ang nagsisilbing liwanag,
gabay at haligi ng paniniwala ng ating mga ninuno, mga dalisay na babae na nag bibigay tanglaw
at tugon sa dilim ng anino ng mga suliranin noon. Araw na Buwan na patotoo sa tumyas ng ating
mahiwagang nakaraan.

Mga Sanggunian
Babaylan: http://en.wikipilipinas.org/index.php/Babaylan
Alzina, Ignacio. Historia de las islas e indios de Bisayas (1668), Part I. Makikita sa History of
the Bisayan People, vol. 1, salin nina Cantius J. Kovak at Lucio Gutierrez. Manila: UST
Publishing House, 2002.
Salazar, Zeus A. Ang Babaylan sa Kasaysayan ng Pilipinas, sa Bagong Kasaysayan, Lathalain
Bilang 4. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 1999.