KABANATA 5 ISANG BITUIN SA GABING MADILIM

Pumanhik si Ibarra patungo sa kanyang silid, na nasa tabi ng ilog, pabagsak na umupo sa isang silya, nakatingin sa walang katapusang kalawakan, na nasa kanyang harapan, sa bukas na bintana. Ang bahay sa tapat, na nasa kabilang panig ng ilog,1 ay malabis na naliliwanagan at umaabot hanggang sa kaniyang kinaroroonan silid, ang masasayang musika na mula sa mga panugtog na kuwerdas. Kung hindi nagwawalang bahala ang isipan ng binata, at naging mapag-usisa nang kaunti, at tinanaw sana sa tulong ng isang larga vista ang nangyayari sa gitna ng liwanag na iyon, ay hinangaan sana niya ang isang malikmata. Na katulad sa kahanga-hangang panoorin na makikita sa malalaking tanghalan sa Europa.2 Ngunit ang panooring ito, ngayon ay nagaganap sa bahay na nasa harapan ng kaniyang silid. Kasabay sa mga timping tugtog ng orkesta ay nakikitang lumilitaw sa gitna ng liwanag na katulad ng buhos ng diyamante at ginto sa kagayakang silanganin. Nababalutan ng manipis na habi; ang isang diwata, isang silfide,3 na dumarating na halos hindi tumutuntong sa sahig, na nalilibutan ng isang maningning na sinag sa kaniyang ulunan: sumisibol sa kaniyang harapan ang mga bulaklak, ginigising ang tugtugin, at koro ng mga diablo,4 mga ninfa, mga satiro, mga genio, mga dalagang may hiyas na bulaklak, mga anghel, at mga pastol ay nagsasayawan, iniwawagayway ang kanilang mga pandereta, nakapaligid at bawat isa ay naghahandog ng isang alay sa paanan ng
MGA PALIWANAG 1 Sa kapakinabangan ng mambabasa. Ang likuran ng daang Anloague (Juan Luna) ay ang Estero ng Binondo at ang kabilang panig ng estero ay ang kalsada na kinaroroonan ng Fonda Lala Ari. Magkatapat sa pagitan ng Estero ng Binondo ang bahay ni Kapitan Tiyago at ang hotel na pansamantalang tinutuluyan ni Ibarra. 2 Hindi istranghero si Rizal sa mga kahanga-hangang panoorin sa Europa, siya ay masugid na tagapanood sa mga pagtatanghal na ginagawa sa mahahalagang tanghalan sa Espanya. 3 Silfide (sylph) - diwata na nakalutang sa hangin katulad ni Tinkerbel - katawagan din sa isang balingkinitan at magandang babae. 4 Ano kaya ang bulaklak ang gumigising sa koro ng mga diablo? Kung hindi mo naiintindihan, intindihin mo, dahilan sa maraming mga ganitong hanay ng salita ukol sa bulaklak na gagamitin si Rizal sa iba·t ibang kabanata ng Noli. Maaring ang gamitin sa pagpapaliwanag ukol sa bulaklak na sumisibol sa harapan ni Maria Clara ay ang isang kuwento ni Rizal na aking sinipi: Sa tapatang sabi ² ang patuloy ni Sinag-tala sa himig na lalong malungkot, - minamabuti ko pang mamatay na dalaga kaysa sa pakasal at iasa ang aking kapalaran sa mga kamay ng isang alipin. At kung mamatay ka, - ang tanong ni Maligaya, sino ang aakay sa iyo upang makaraan sa makitid na tulay na patungo sa kaluwalhatian. Sinasabi ni Katipunlang iyon ang siyang kapalaran ng mga namatay na dalaga, sa dahilang hindi sila pinakanibangan ng daigdig, sa anumang bagay, Ang babae ² anya ay isang bulaklak na hindi nararapat na maging baog bagkus nararapat na magbigay bunga! Si Maligaya at Si Sinag-tala Rizal: Mga Akdang Pampanitikan sa Tuluyan

63

Anotasyon ng Noli Me Tangere

diwata. Nakita sana ni Ibarra ang isang napakaganda at balingkinitang binibini, nadadamitan nang magandang kasuotan ng mga anak sa Pilipinas, sa gitna ng isang bilog na binubuo ng iba·t ibang lahi ng taong nagkukukumpas at di mapakali:5 doon ay may Insik, Kastila, Pilipino, militar, kura, matatandang babae, kabinataan, atbp. Si Padre Damaso ay nasa tabi ng dilag na iyon. Si Padre Damaso ay nakangiting parang isang taong pinagpala;6 pati na si Pray Sibyla, ay nakikipag-usap sa binibini,7 at inaayos ni Donya Victorina sa malagong buhok ng dalaga ang isang tuhog ng kumikinang na perlas at brilyante. Ang dalaga ay maputi, marahil ay napakaputi; ang mga mata niyang palaging nakatungo ay nagpapakita ng isang malinis na kaluluwa kapag itinataas, at kapag siya ay ngumingiti ay makikita ang kanyang mapuputi at maliliit na ngipin, ay masasabing ang rosas ay isang halaman lamang at ang garing ay pangil lamang ng elepante. Sa pagitan ng manipis na pinyang hinabi, at sa paligid ng kanyang maputi at makintab na leeg ay nagkukurapan, ayon sa kasabihan ng mga Tagalog, ang masasayang mata ng isang collar na brilyante. Iisang tao lamang ang parang hindi naaakit ng kanyang kagandahan; ito ay isang batang Pransiskanong payat, mukhang maysakit, putlain, na nakamasid lamang na walang kakilos-kilos, buhat sa malayo, at halos hindi humihinga.8 Ngunit hindi ito nakikita ni Ibarra: ang kaniyang mga mata ay nakatanaw sa ibang bagay. Apat na hubad at maruruming dingding ang nakabakod sa isang munting kulungan; sa isang panig na dingding ay mga rehas ng bakal; sa ibabaw ng marumi at nakadidiring sahig ay may isang banig, at sa ibabaw nito ay may isang matandang naghihingalo sa kamatayan: ang matanda ay nahihirapan sa paghinga, palingap-linga sa lahat ng dako at umiiyak na binabanggit ang isang pangalan; ang matanda ay nag-iisa; paminsan-minsang naririnig ang tunog ng isang tanikala o ang isang daing na tumatagos sa dingding« Samantalang doon sa malayo, ay may nagaganap na

5 Bakit nagkukumpas at di mapakali? Dahil sa labis silang humahanga sa kagandahan ng dalaga? Kung ikaw ay isang tunay na lalaki at nakakita ng isang kaakit-akit na kagandahan: Tiyak na ikaw ay kukumpas na hindi mapakali. Kaya lang huwag mong ipakita sa iba. May makikita pa kayong ganitong simbolikong pananalita sa mga susunod na kabanata. 6 Mapapansin dito na higit ang pagmamalaki ni Pray Damaso sa kagandahan ng kaniyang inaanak na si Maria Clara. 7 Mukhang nais na palitawin dito ni Rizal na maging si Padre Sybila ay isa sa mga nagising sa sumisibol na bulaklak sa harapan ni Maria Clara. 8 Ipinakita sa unang pagkakataon si Padre Salvi. Sa bahaging ito ng kuwento nakita ni Padre Salvi ang kagandahan ni Maria Clara, ngunit mapapansin na siya nakamasid lamang sa malayo at walang kibo. Bakit nakamasid lamang at walang kibo? Una ay dahilan sa biglang pagdating ng paghanga sa kaniyang puso sa kagandahan ng dalaga; at ikalawa ay dahilan sa mayroon siyang nalalamang lihim ukol sa tunay na sanhi ng pagiging tao ng dalaga. Maging ang paggamit ni Rizal ng pangalan ng kontra-bida sa kaniyang nobela ay isang makaling kabalintunaan ´Salviµ na mas malapit sa salitang salve o kaligtasan. O isang pagpapaikli lamang ng salitang salvaje. Ang apelyidong Salvi ay isang apelyidong Italyano na hinango sa Diotisalvi na nangangahuluigan na ³Iligtas ka ng Diyos´ Sa mga nakabasa ng akda ni Eugene Sue na Le Juif errant o The Wandering Jews ² ang katulad ni Padre Salvi ay ang tauhan ni Sue na si Padre Rodin na isang tusong Jesuita.

64

Kabanata 5 - Isang Bituin Sa Gabing Madilim

isang masayang piging, halos isang bacanal;9 ang isang binata ay humahalakhak, sumisigaw, ibinubuhos sa mga bulaklak ang alak10 sa gitna ng palakpakan at lasing na tawanan ng iba. At ang matanda ay kamukha ng kanyang ama, ang binata ay kamukha niya, at ang pangalang binabanggit ay ang kanyang pangalan!11 Ito ang nakikita ng sawing binata sa na nasa kaniyang harapan. Namatay na ang mga ilaw ng katapat na bahay, tumigil na ang tugtugan at ingay, ngunit nadidinig pa rin ni Ibarra ang nakakalunos na sigaw ng kanyang ama, na hinahanap ang anak sa mga huling oras. Ang katahimikan ay ibinuga ang kanyang hininga sa ibabaw ng Maynila, at parang ang lahat ay nagpahinga na sa bisig ng kawalan; naririnig ang tilaukan ng manok na nakikipagsalitan sa mga orasan ng mga campanario, at sa sigaw na alerta nang naiinip na bantay; isang kaputol na buwan ang unti-unting sumisilip; at lahat ay parang nagpapahinga na, oo, maging si Ibarra ay nakakatulog na rin, marahil dahilan sa pagod, kalungkutan, o dahil sa paglalakbay. Ngunit ang batang Pransiskano na nakita natin kaninang walang kakilus-kilos at tahimik sa gitna ng galawan sa salas, hindi pa natutulog; naglalamay. Nakatukod ang siko sa babahan ng bintana ng kanyang silid, sinasalo ng palad ang kaniyang namumutla at payat na mukha, at walang kibong tinatanaw sa malayo ang isang bituing nasa maitim na langit.12 Ang bituin ay lumamlam at nawala, nawala ang munting liwanag na taglay ng buwan na papaliit,13 ngunit hindi rin kumilos sa kinalalagyan ang prayle: sa mga sandaling iyon ay tinatanaw ang malayong dako sa kaparangan ng Bagumbayan,14 ng kalawakang nakikihalo sa ulap ng umaga, sa dakong tungo sa karagatang natutulog pa.15

9 Bacanal ² isang kasayahan na kung saan nagaganap ang labis na pag-inom na alak, ang salitang ito ay kinuha sa kapistahang pagano na nakaukol kay Bacchus. 10 Ano kayang uri ng mga bulaklak ang binubuhusan ng alak? Inihahanda ang mga mambabasa sa marami pang mga mabulaklak na simbolismo ni Rizal, na nagpapahiwatig ng kaniyong pilyong pagbibiro. Balikan ang Talababa 4 11 Maging si Ibarra sa Europa ay nagkaroon din ng bahagi sa kalayawan na nararanasan ng mga kabataan. Maaring isinulat ni Rizal ang bahaging ito sa layunin na paalalahanan ang mga mag-aaral na Pilipino na nooon ay nasa Europa, na karamihan sa kanila ay nasumpungan ni Rizal na nahuhumaling sa labis na kalayawan, bisyo, at sa piling ng mga bayarang babae. 12 Ang bituin ay simbolo ng malayong pangarap, dahilan sa imposible na makuha bunga ng sitwasyon. Maitim na langit ² simbolo ng pagbabawal. Si Padre Salvi ay nangangarap na matamo ang isang imposible at bawal na hangarin. 13 Sa pamamagitan ng pananalitang ito ay ipinapakita ni Rizal ang pagdidilim ng isipan ni Padre Salvi. Madilim na nga ang liwanag ng buwan - nawala pa. Isang malaking pangiinsulto ni Rizal sa isang prayle sa kaniyang kapanahunan. 14 May nais kayang ipahiwatig ang may-akda sa pagpapakita na si Padre Salvi ay nakatanaw hanggang sa kaparangan ng Bagumbayan. Hanggang dito kaya ang determinasyon ng prayle na ipadala ang maaring maging hadlang sa kaniyang lihim na paghahangad? 15 Para kay Rizal ay nabubuhay siya sa kapanahunan ng gabi (ginamit din ito sa Kabanata 25). Sa kabilang dako, si Rizal sa huling gabi ng kaniyang buhay ay isinulat niya ang kaniyang huling paalam at kaniyang ipinaalam na mamamatay siya na natatanaw na niya ang liwanag ng bagong araw.

65