You are on page 1of 1

SA NAYON, ang buong parang ay isang walang-bayad na gulayan, nahihingi ang anumang tanim na pagkain at sinumang makapagbibigay ay hindi

magkakait pagkat ang hihingi ngayon ay magbibigay sa ibang panahon. Samantalang sa lungsod, ang bawat biyaya ng buhay ay may katumbas na salapi
kaya’t ang tao’y halos sumasamba sa kalansing ng salapi.
Ang nobelang Anak ng Lupa ni Domingo G. Landicho, ay isang paglalarawan ng kinagisnang buhay at pananaw ng nayon at mga naninirahan doon sa
harap ng patuloy na pagbabagong nagaganap sa ating bansa. Sinulat ang nobela bilang bahagi ng dalawang bolyum na disertasyon na may pamagat na
Anak ng Lupa: Antropohikal na Pag-aaral sa Buhay at Pananaw Nayon sa Pilipinas. Kakaiba ang nasabing disertasyon sapagkat ngayon lamang nagkaroon
ng tisis na nag-anyong nobela.
Nasasalamin sa akda ang pagbabanghay-buhay ng paglago ng kaisipang-nayon na naglalagos patungo sa ideolohiya ng lungsod. Binubuhay sa nobela ang
mga karakter na sina Toryo, Oden, Oyo, Bining at Ligaya, pawang mga kabataang namulat sa buhay-magsasaka, anak ng lupa ika nga. Kasabay ng mga
pagbabagong kinaharap ng bawat karakter, pinalitaw ng may-akda, bukod sa kani-kanilang katatagan at pagpapanday-pananaw, ang mga sinasaklaw na
pagbabago ng kanayunang kanilang kinamulatan at ng lungsod na di nila gaanong nakikilala.
Isang kontemporaryong akda ang nobela ni Domingo na isang Batangueño. Maging ang nobela ay hinango niya sa Makulong, isang nayon sa bayan ng
Taal, Batangas. Ang nasabing pook ay kanugnog ng lawa kung saan naroroon ang kilalang pinakamaliit na bulkan, ang bulkang Taal. Dumaloy ang
pananaw sa nobela sa lugar na ito.
Isa rin akong Batangueño, kung kaya labis akong natutuwa sa paraan ng pagkakasulat ng nobela. Naglaan ng espasyo ang awtor para sa Glosaryong
Etnograpiko, para malinawan ang pakahulugan ng mga salitang may angking kakaibang kalaliman. Hindi ko na masyado pang kinailangan ang nasabing
glosaryo, sapagkat naiintindihan ko ang mga kakaibang salitang ginamit ng may-akda.
Inihayag at ipinakita sa nobela kung gaano kasukat ang buhay ng mga anak ng lupa, simula kapanganakan hanggang sa mamatay ang mga ito. Ipinakitang
lahat ng naninirahan sa Makulong ay tumatalima sa batas ng nayon kahit na hindi ito nasusulat. Ipinakita kung gaano kasagrado ang mga tradisyon at
kaugaliang kinamulatan. Higit na pinahahalagahan ng mga taganayon ang paniniwalang ang bawat isa sa kanila’y nag-aangkin ng iisang ugat at pinagmulan
kung kaya bawat isa’y namumuhay para sa kanyang kapwa.
Nakakaaliw basahin ang mga kinaugaliang ritwal na nakasaad sa nobela na sa aking palagay ay kinamulatan ko rin. Ipinapakita ng bawat ritwal ang bawat
yugto ng buhay ng tao. Ang pagtatanim ay itinuturing na isa sa pinakasagradong gawain na kinamulatan ng bawat taga-Makulong. Samu’t saring mga
pagpapahalaga ang mababakas sa gawaing ito. Nangingibabaw sa listahan ang diwa ng bayanihan, na sumasaklaw na rin sa pagtutulungan, pagkakaisa at
pakikipagkapwa. Sa pagtatanim na rin umiinog ang iba pang mga kaugalian. Ito ang nagdidikta ng kapalaran at kahihinatnan ng bawat isa.
Sa napakahabang panahon, kinasanayan na ng bawat taganayon ang mga kaugalian at ritwal. Kinapanganakan na nila ang mga ito, kung kaya inaasahan
na rin nilang kamamatayan na rin nila ang mga kinamulatang gawain. Nakakatuwang isipin na napakasimple lamang ng buhay ng bawat taganayon. Sukat
na sukat at nahuhulaan nila ang kahihinatnan ng bawat ginagawa.
Ngunit, sabi nga, walang permanenteng bagay sa daigdig. Lahat ay humaharap sa pagbabago. Maaaring ang pagbabago’y maganap nang unti-unti pero
maaari rin namang mangyari sa isang iglap lamang. Dinanas ito ng nayon ng Makulong at mga taong naninirahan doon. Naganap rin ito sa mga
pangunahing karakter na nagpadaloy ng nobela.
Pero hindi naging maluwat ang pagtanggap ng mga taga-Makulong sa pagbabago. Dinamdam nila na mula sa pagsasaka ng palay, pinaltan ng bagong
may-ari ng lupa ang iskema. Mula sa palay, ginawang tubo ang tanim dahil sa pagtatayo ng sentral na asukarera sa probinsya ng Batangas. Dahil sa
pangyayaring ito, mabubura na rin ang kanilang nakaugaliang bahaginhan ng tanim sa pagitan ng may-ari ng lupa at ng magsasaka. Kung dati’y ang
magsasaka ang hari sa kanyang sinasakang lupa, ngayo’y magiging upahang manggagawa na lamang sila.
Dati rati’y ang mga kapalaran ng magsasaka ay nakasalalay sa kanyang kakayahang makapag-ani ng pinakamaraming posibleng bulto ng palay. Nang
magpalit na ng kalakaran, pareho na lamang ang kinikita ng isang matanda at ng isang batang magsasaka sa arawang basehan. Gayundin, bawat isa ay
nagtatrabaho na lamang para sa kanyang sarili. Nawala na ang diwa ng pakikipagkapwa’t bayanihan. Kapag ang isang magsasaka’y nagkasakit, wala nang
magagawa ang mga kahanggan para sa kanya.
Si Toryo, isang matalinong taganayon ang nagpasimula ng bagong pangarap at pagbabagong-pananaw ng mga taga-Makulong. Napawi na ang
paniniwalang hanggang sa pagiging magsasaka na lamang sila. Namulat ang bawat taga-Makulong na ang edukasyon ay mabisang sandata sa pagtahak sa
landas tungo sa pag-unlad. Kinailangan ni Toryong manirahan sa Maynila, sa mismong bituka ng lungsod.
Kaiba ang Maynila sa kanyang kinamulatang nayon. Pawang mga bato ang bahay kung kaya ang mga kaugaliang-Makulong gaya ng paninilong (ng mga
binatilyo sa kadalagahan) at panunubok (sa mga bagong kasal) ay hindi na naging posible para sa kanya. Sa halip na pagsanghaya ng bulaklak ang
gumigising sa kanya tuwing umaga, samyo ng burak at estero ang palagian niyang naaamoy.
Siya ay naging isang working student. Naghanapbuhay siya sa isang pabrika kung saan siya namulat sa kaapihan dinaranas ng mga kung ituring ay lahing
alipin. Nagbuo siya kasama ng mga iba pang manggagawang nakararanas ng kaapihan ng unyon laban sa nagmamay-ari ng pabrika na siya ring
nagpapaaral sa kanya. Sa kalsada, kasama siya ng mga demostrador na mga sumigaw ng ibagsak ang piyudalismo, ibagsak ang burukratang kapitalismo,
ibagsak ang imperyalismo. Nagpatangay si Toryo ng agos ng santinakpan, sumabay siya sa hakdaw ng hanay ng mga raliyista na kawil-bisig sa pagbibiga
ng proteksyon sa kanilang hanay.
Bagaman pinagpapatuloy niya ang kanyang pormal na edukasyon sa unibersidad, aminado ang karakter na sa unyon, marami siyang natututunan sa mga
kolektibong pagkilos na di niya nakukuha mula sa apat na sulok ng silid-aralan.
Lingid sa kanyang kaalaman, maging ang kanyang mga iniwan sa nayon ay nakararanas rin ng pang-aapi sa parehong mga kamay. Ito ay dahil sa ang
nagpapaaral sa kanya na may-ari ng pabrika ang siya ring bagong nagmamay-ari ng lupang sumasakop sa kanayunan.
Nagsisilbi ang nobela bilang isang representasyong nagaganap sa karamihan. Kumbaga’y isang partikular na naging panlahat o mikrokosmong maaaring
ituring na makrokosmo. Ang inilarawang pamayanan ay maaaring magsilbing tipikal na larawan ng ebolusyon ng pananaw-ekonomiya, lipunan, pulitika at
ideolohiya. Mahusay ang pagkakagawa ng nobela sapagkat bukod sa nakakaantig ng damdamin, ang akda ay nakapupukaw rin ng isipan ng sinumang
nagbabasa.
Ang akda’y isang paglalarawan ng kompleksidad ng Maylikha na maaaring siyang magtakda ng sariling batas. Realismo ang batayang istilo kung kaya
naging epektibo ang pagkakalahad ng mga pangyayari. Isang bolyum pa lamang ang nabasa ko, kung kaya naman naisip kong marahil, kalahati pa lamang
ng nais na ipabatid ang aking natutukoy sa kasalukuyan. Ngunit mula sa kalahating ito ay posible nang magbanghay o makaisip ng konkretong hugis, laman,
pananaw at kaluluwa sa naratibidad ng malikhaing proseso tungo sa pagbubuo ng pinag-isang kaisipan.
Kitang-kita sa pagkakabuo ng nobela na pinag-isipan ang bawat detalye’t sitwasyon na umaayon sa iba’t ibang aspeto gaya ng sosyal, pulitikal at ideolohikal
na pagsulong ng kamalayang-nayon, mula sa pinagbatayang pagpapahalaga ng pinakamatandang komunidad-pamayanan hanggang sa pagtaas nito bilang
bahagi ng daynamikong ugnayan ng nayon at iba’t ibang pwersang pambansa na nagbibigay-hubog at anyo sa pag-unlad at pagtaas ng antas ng
kamalayan.
Kitang-kita rin ang buong pagkaunawa ng awtor sa mga taong kanyang pinakilos sa nobela. Bilang isa ring Batangueño, masasabi kong tila nakikita ko at
naaamoy ko ang simoy ng aking tinubuang probinsya. Ang mga kataga at salitang ginamit sa pangungusap ng mga tauhan ay tunay namang Batangas na
Batangas ang dating. Iniisip kong marahil ay maging mahirap para sa hindi taga-Batangas na unawain at pag-aralan ang nasabing nobela dahil sa
kakaibang angkin nitong local color na hindi maitatangging napakatingkad at kapansin-pansin.
Bawat binitiwang pangungusap ay may angking talinghaga at ang bawat ginamit na sitwasyon ay may aral na taglay.
Sinasabing ang lahat ng mga pagbabago ay may kaagapay na pag-usad o pag-unlad. Ngunit nakalulungkot isiping sa ating bansa, ang Pilipinas, iilan
lamang ang nakikita nating umuunlad. Ang mga mayayaman ang lalo pang nagtatamasa ng kaunlaran at nagkakamal ng salapi na nagmula naman sa
dugo’t pawis ng mga naghihirap. Ang mga lahing alipin naman na matagal nang naghihirap ay tila ba wala nang pag-asa pang umahon sa burak na
kinalalagyan.
Sino ang makalilimot sa nangyari sa Hacienda Luisita? Humantong sa matinding karahasan at pagdanak ng dugo at pagbubuwis pa ng mga buhay ang pag-
aalsa ng mga naaaping manggagawa. Ito na marahil ang pinakamasamang maaaring kahantungan ng mga pagkilos na ang tanging motibasyon lamang
naman ay ang igiit ang mga naaapakang karapatan, wala nang iba pa. Kagaya ng nasa nobela, ginawang taniman ng tubo ang nayon na dati’y malawak na
taniman ng palay.
Binanggit rin sa nobela ang kahirapang makapagtamasa ng pag-aaral na pormal at malinaw na walang binanggit sa sistema ng edukasyon sa nayon. Isa rin
ito sa pinakamatitinding dahilan kung bakit nananatiling mahirap ang mga tao. Totoong ang edukasyon ang tanging sandata laban sa kahirapan. Kung
ipagkakait pa ito, marahil nga ay wala nang pag-asa pang makaahon ang mga nasasadlak sa matinding kahirapan.