You are on page 1of 9

Mga Punit sa Pahina ng Aking Aklat

Pumapatak na naman ang ulan. Dumungaw ako sa bintanang may maiitim na

kurtina. Wala akong matanaw kundi malalaking patak ng tubig na di malaman kung

saan nagmumula. Ulan na hindi nanggaling sa kalangitan. Madilim ang paligid. Nais

kong lumabas at maghanap ng lampara, ngunit ako’y tila isang langgam na nakulong sa

loob ng butil ng tubig na di malaman kung saan babagsak. Ngunit patuloy na nilulunod

ang aking mga mata. Mga mata… isang dampi sa pisngi ay alam ko na. Binagyo ang

aking mukha ng maulap na paninimdim ng puso. Sa patuloy na pagbagsak ng ulan sa

ilalim ng maiitim na kurtina, hindi na maaninag pa ang sarili. Nasaan na ako? Sino na

nga ba ang taong ito na nasa harap ko? Sinubukan kong tanungin ang malabong anyo

sa salamin sanhi ng mga hamog na gawa ng luha na tumatakip sa aking paningin,

kapagdaka’y nahuli ko lamang ang kaniyang bibig na gumaya sa akin.

“Walang’ya ka! Wala kang kuwentang asawa!”

“Tumigil ka nga! Mahiya ka sa mga kapitbahay.”

“Ikaw ang mahiya! Wala na nga tayong pera puro bisyo ka pa! Puro utang na nga ako

dahil sa pagkakaospital mo dahil din sa mga bisyo mo…”

“Eh di sana pinabayaan mo na lang akong mamatay, di y’ong sumbat ka nang sumbat!

“Sana nga namatay ka na lang! Perwisyo ka lang naman sa buhay ‘ko!

“Walanghiya ka! ‘Yang bibig mo di matigil! Hindi ka titigil?!”

“Ate, si Papa!”
“Tama na po…”

“Pa! tama na ‘yan!”

Matapos ang paulit-ulit na pangyayari noon ay nagsimula ang lahat…

“Ayusin n’yo ‘yang pag-aaral n’yo ha! Wag kayong mag-aasawa agad.

Magpakayaman muna kayo. Ibili n’yo ko ng bahay at lupa… sariling sasakyan. Ikaw,

magdoktor ka. Si Ate, nurse naman. Dentista ka naman bunso. Marami akong pangarap

para sa inyo kaya magtapos kayo ng pag-aaral n’yo! Wag paloko-loko… ‘wag kayong

tutulad sa ‘kin. Walang kuwenta ‘yang Papa n’yo!”

Lumipas ang panahon na di namamalayan… ilang pahina na ang natapos sa aklat

ng aking buhay na iniakda ng ibang manunulat. Pahina ng mga parangal, papuri at

pagtatagumpay sa kapwa. Ngunit may mga punit na gawa ng mga kamay na

mapagsamantalang humahawak sa akin…

Naging masaya kahit papaano at payapa ang aming tahanan ngunit di maiiwasan

ang ilang nakatatak nang kasalanan.

“Ang galing ng anak ko! Sa susunod kailangan mas mataas pa ha... mag-aral ka

pang mabuti.”
Sa aki’y naiwan ang paggugunam-gunam kung magpapatuloy ako sa aking

nasimulang ako – ako na nagtatagumpay, pinaparangalan, pinupuri at

pinagmamayabang – marahil ay mababawasan ang gulo sa bahay. Matutuwa sila at

mababaling ang kanilang atensyon sa aking mga parangal hanggang sa hindi na nila

maaalala pa ang mga problema; umaasang mabubura pa ang mga nakatatak nang

kasalanan. Wala nang mag-aaway at hindi ko na muling maririnig pa ang mga

parunggitan ng aking mga magulang. Isiniksik ko ang ganitong paniniwala sa musmos

kong isipan kahit na mahirap at punong-puno ng kabigatang isiping maaabot ko ang

napakataas nilang ekspektasyon. Ikinubli ko sa limot ang batang ako – ako na

naglalaro, malayang tumatawa kasama ang mga kaibigan, pumapasok at umuuwi na

walang inaalalang kung anuman sa paligid at sa sasabihin ng aking ina, ama at ng iba.

Nagtago ang natural na ako habang nagmumukmok ang puso sa isang sulok ng

pagkukunwari. Ngunit, nagpakita ang matapang na isa pang ako. Nagsimula akong

mamuhay sa kabulaanan. Nagawa kong papaniwalain ang sarili… nagawa kong

hubugin ang sarili sa imaheng ginawa ng aking mga magulang; sa imaheng nais ng

mga tao sa aking paligid na hindi na hinahanap ang nagtatagong tunay na ako, na

nakatulog nang sa sobrang tagal, naghihintay ng gigising sa kaniyang pagkakahimbing,

upang lumaya ang budhing nais lumipad ayon sa sariling layunin. Ngunit paano nga ba

magising at sino nga ba ang sa akin ay gigising sa isang silid na punong-puno ng

tarangkahan habang madilim at maulan ang paligid?

Dumating ang isang hindi inaasahang araw. Lalong dumilim ang bawat sulok ng

aking mundo. Dumating ang malupit na panahon at winasak ang pamilyang noo’y
sinasandigan ko. Mula sa kinalakhan kong lugar sa Cavite, natupad ang matagal nang

pinaplano ni Nanay na paglayas namin sa sariling bahay habang wala si Tatay at nasa

probinsya. Nagpalipat-lipat kami at pinilit na masanay mamuhay na walang ama… dati

ay sa lungsod ng Muntinlupa at ngayo’y sa Laguna naman.

“Saan pa kaya tayo ipapadpad ng kapalaran at hanggang kailan tayo tatakas sa

walang katapusang kasawiang ito?” tanong ko minsan sa aking Ate na hindi niya

nasagot kailanman.

Gusto kong sumigaw… tanungin ang lahat ng pinag-ugatan ng problema… ngunit

namutawi ang bulong ng kaganapan sa akin na wag nang magpumilit at manatiling

tulog sa mga nangyayari.

“Pera? Ikaw ba ang dahilan? Pagkamakasarili? Ikaw ba? Kawalan ng pagmamahal?

Pagsisisi? Poot? Kawalan ng kakontentuhan? Kayo ba? Ano? Sino?

“Bakit kailangan kong magbago para sa wala? Bakit kailangan kong magsakripisyo

at masaktan? Bakit kailangan kong magsikap at magpumilit na maging magaling para

sa papuri ng iba-ibang tao sa iba-ibang paligid na kung tutuusin ay wala naman dapat

akong pakialam?”

Nakulong ako sa mga tanong na walang gustong sumagot…


Pinilit ng aking isipan na kalimutan ang lahat… ngunit naiwan pa rin ang malaking

butas sa puso na gawa ng mga masasakit na pangyayari. Paiba-iba ang panahon…

makulit… magulo….

Magalaw ang barkong sinasakyan ko. Magulo. Paiba-iba ng direksyon. Hindi

malaman kung sino ang kapitan ng pamilya at madalas ang dapat na nagpapaandar ay

nawawala pa. Nakikipagbalikan si Nanay… o si Tatay… at matapos ang ilang taon o

minsa’y buwan lamang ay maghihiwalay na muli…. Paulit-ulit. Pabalik-balik….

Hindi naging matibay ang haligi ng aming tahanan; malimit masira. Maging ang ilaw

ay madalas mapundi. Sa aming tatlong magkakapatid na babae, sino ang tatayo para

gumabay, kung ang dalawang mahahalagang pundasyon ng pamilya ay hindi

nakatatayo ng tuwid at hindi nananatili sa tama?

Marami akong naiisip. Marami akong gustong ibahagi – mga karanasan, kabiguan,

katagumpayan, kahihiyan, kahinaan, kalakasan… ang pagkatao ko – na hanggang

ngayo’y nakakubli sa isang kahong ilang taon nang hindi pa rin nabubuksan at ngayo’y

nagbunga sa akin ng takot na ipaalam pa sa iba dahil na rin sa dami ng problema…

takot na hindi maintindihan ng iba ang mga salitang nais ipahayag ng puso. Hindi ko

nalalaman kung mayroon akong kaibigang mauunawaan ang bawat salitang nais

sabihin o dili kaya’y natatakot din akong alamin kung mayroon man… dahil natatakot

akong maisawalang bahala at mataboy muli ang mga gawang pinilit ng pusong abutin
para lamang maunawaan ng iba tulad ng dati… tulad ng ginawa kong hungkag na

pagsisikap para sa aking mga magulang.

Isang araw, nagpahinga ang aking tainga sa paulit-ulit na bulong ng kalungkutan ng

nakaraan. Mag-isa akong pumasok sa isang malaking bulwagan, umupo sa harapan at

nakinig sa mga Salitang hanggang sa kasalukuya’y pinaniniwalaan kong magpapatibay

sa akin at sa aking buong pamilya kung naririto sila’t kasama kong nakaupo. Ilang saglit

ay di namalayang tumutulo na naman ang ulan na sa aking mga mata’y namuo habang

nalulunod ang aking puso sa panalanging nais sambitin…umaasang ito’y naririnig Niya

na nag-iisang nananatiling matibay na sandigan ko.

Hindi ko alam kung may nakakita sa aking iba, pero isa-isang lumapit ang mga paa.

Una’y isang pares ng paa ng isang ama… naging dalawa kasama ang ina… hanggang

sa dumami kasama ang ilang mga kuya at ate… at nadagdagan pa ng isang pares ng

paa ng isang tunay na kaibigan. Sila’y iba sa akin. Hindi tunay na pamilya ngunit umupo

sila kasama ko at sinimulang kausapin ako. Kinumusta ako sa umpisa ng mga hindi

kilalang bibig na may ngiti sa kanilang mga labi. Sa unang pagkakataon, kinumusta ako

ng tao na may buong pusong pagtanggap na hindi nagawa sa’kin ng sariling pamilya.

Simula noon, naging maunlad ang pakikisalamuha ko sa ibang tao. Tinuruan nila

ang puso ko. Ang dating ayaw ibahagi na mga nasa sa isip ay nasasambit na ngayon

kahit paunti-unti. Tumubo ang kompiyansa sa sarili dulot ng mga panghihikayat ng mga

kakaibang taong pumasok sa aking buhay at magpahanggang ngayo’y ang kanilang


mga yapak ay nakamarka sa sahig ng aking alaala. Masasabi kong sila’y sugo ng Diyos

na pilit gumigising sa magpahanggang ngayo’y natutulog na ako. Bumubulong na

parang hangin…

Sssshhhhhhhhhh…

“…gumising ka’t lumipad tulad ng isang batang ibon na sa unang pagkakatao’y

susubok lumipad sa malawak na himpapawid ng walang kasiguraduhan.”

Sssshhhhhhhhhh…

“…maging matatag kang harapin ang malakas na hanging sasalungat sa’yong

paglipad.”

Sa kanila, natanto sa wakas ang hinahanap-hanap na tunay na kahulugan ng isang

pamilya. Ang pagmamahal na walang kapalit. Pag-aalala. Pag-aaruga. Walang

pinangangambahan. Walang kaguluhan at pagkasira. Walang matataas na pader ng

mga ekspektasyon. Malayang ilabas ang sarili. Walang limitasyon. Malayang ipahayag

ang damdamin. Walang kasinungalingan. Totoo. Matibay. Dito, una kong nakilala ang

isang tunay na pagkakaibigan. Sa kanya nasasabi ko ang lahat. Sa kanila, naibabahagi

ko ang lahat. Binigyan nilang kabuluhan ang dating iniisip kong hungkag na pagsisikap

sa aking pamilya.
Pinalakas ako ng Panginoon, gamit ang iba’t ibang tao na may pusong handang

tumanggap sa totoong ako. Sa simbahan, naging malapit ako sa Panginoon, nakilala ko

ang buhay, nalaman ko ang bawat sulok ng pagkatao ko, naramdaman kong buo ako.

Sa paaralan, hinubog naman ng aking mga butihing guro ang kakayahan ko, sinubok

ang isipan at inihanda ang damdamin sa iba’t ibang hamon ng buhay. Ang dalawang

ito… sinisid nila ang karagatan ng pagkatao ko’t binulabog ang katahimikan ng

kailaliman nito at nilagyan ng buhay ang patay na kaluluwa sa loob ko. Minahal nila ang

totoong ako at patuloy kong iniiyak sa Panginoon na ganito rin sana ang pamilya ko sa

akin.

Ngayon, tuluyan nang naglaho ang haligi ng aming tahanan, at unti-unti nang

napupunding tuluyan ang ilaw nito. Nananatili pa rin ang sugat ng nakaraan. Ngunit

hindi tulad ng dati. Natuto na ang puso na hilumin ang sarili. Natuto ang isipang

tanggapin ang mga pangyayari.

Sa isang silid na punong-puno ng tarangkahan, habang madilim at maulan ang

paligid, natuto ang mga mata na patigilin ang mga ulan na tumutulo rito. Hindi na

sinubok pang hanapan ng kasagutan ang mga tanong na sa una’y walang gustong

sumagot. Naisip kong sinagot ako ng Panginoon sa ibang paraan. Ang tanging

pinapanalangin na lamang ay hindi mawala ang natitirang gatuldok na pag-asang

mabubuo ang pamilyang una kong naging sandigan, at matanggap nito ang tunay na

akong binago nila ng kanilang mga sariling pangarap para sa akin… tanggapin nila ako

tulad ng buong pusong pagtanggap sa akin ng ibang mga taong binigay ng Panginoong
tunay at tapat. Malaman sana nilang patuloy kong minamahal ang pamilyang binuwag

ng kanilang pagkamakasarili at maunawaan nila kung bakit mas malapit ako sa ibang

taong hindi nila alam na tumindig sa akin sa maraming panahong nadapa ako at bumuo

sa akin sa mga panahong lupaypay ang pagkatao ko.

Hindi pa masasabing nagising na ngang tuluyan ang tulog na pagkatao ko, ngunit

patuloy na umaasa na marahil ang tangi kong makulit na malay kalakip ng pumipintig

na puso ang mangangahas upang ako’y gisingin sa nahihibang na pangarap ng iba. At

sa silid na halos walang susi ang mga tarangkahan ay may bintanang maaari kong

daanan. Hahawiin ko ang maiitim na kurtina sanhi ng di pagsisinop at pagsasama-

samahin ang butil-butil na kislap ng liwanag mula sa patak ng ulan.

Ihahatid ako ng hangin kung saan itinala ng Diyos ang aking buhay.

Walang sawang humihiling…

“Sana sa di pa natatapos na pahina ng aklat ng aking buhay ay mababasa roon…

Purihin ang Diyos, ‘pagkat Siya ang nasunod…”

You might also like