Si Taft sa Kalabaw

Sa larawang ito nakasakay si Taft sa kalabaw. Tila kambing lang ang kalabaw. Naninilaw na ang larawan at kahit dapat nang sunugin, mahalaga pa rin ang nakaraan. Sa aking isip pagagalawin ko ang ulo ng kalabaw, palilingunin kay Taft. Mag-aalab ang mga mata nito na dati’y payapang pumipikit lamang nang marahan sa bigat. Mapapaso si Taft sa titig ng kalabaw at kusang bababa kahit hirap na hirap, kahit kabisado na ng kanyang puwit ang hugis ng likod nitong kalabaw. Kung hindi bababa si Taft ay mag-aalma ang kalabaw, ititilapon ang susun-susong taba. At saka wiwika o mangangarap man lamang ng unang salitang bibigkasin pagkatapos ng mahabang katahimikan.

Ambon sa Timog Afrika
Mga hibla ng buhok ng sanggol ang ambon ngayon, pinung-pino, magaang-magaan. Halos hindi mapansin ang marahang pagdilim ng aspalto, at ng mga sanga Ng mga punong lumulunti naman ang mga dahon. Walang tumitinag, at parang naglaho ang ragasa ng hangin. Binubura ng tahimik na ambon ang mga gusali, ikinukubli ang mabatong kabundukan, Pinalalamlam ang daigdig. Paghaplos ko sa ambon, tulduk-tuldok ng tubig sa palad: Hindi ako makapaniwalang katulad na katulad ng ambon na kinagisnan.

Sa Bundok na Itong Yakap-yakap
kay Margie

sa bundok na itong yakap-yakap ng gabi, sinasalamin ng mga liwanag na nakalatag sa lupa, sanga-sanga, saput-sapot, nakahabi sa dilim, ang kalawakang mga bituin hindi natin makita ang bingit ng bangin sa kinatatayuan para bang damuhan lamang na umaawit sa lamig at banig ang ating mga daliri, pinaaalab ng aking kayumanggi ang iyong puti

Sign up to vote on this title
UsefulNot useful