LAGANAP ANG BULUNG-BULUNGAN

Gelacio Guillermo Laganap ang bulung-bulungan Tungkol sa diskontento ng mga manggagawa. Kung anuman ang balak nilang gawin Ay hindi pa alam, pero sila’y di matahimik. Pagod na sila sa kanilang kalagayan Alam nilang magbanat man nang todo O magpakatanda sa trabaho, walang mahihintay Na mas mabiyayang panahong kikislap sa magrasa nilang mukha. Walang nababago sa kanilang dukhang buhay Habang sa pabrika’y nagtataguan ang bago’t malalaking gusali At umaandar ang magagarang makina, itinataboy Ang datihang manggagawang lalo ngayong magugutom. Laganap ang bulung-bulungan Tungkol sa diskontento ng mga manggagawa. Kung anuman ang balak nilang gawin Ay hindi pa alam, pero sila’y di matahimik.

Sa Pinilakang Anibersaryo ng Kilusang Mayo Uno
inakamainit na pagbati ang ipinaaabot ng Kilometer 64 sa Kilusang Mayo Uno (KMU) – ang ulong sentro ng tunay, palaban, at makabayang unyonismo sa Pilipinas – sa pagdiriwang nito ngayon ng kanyang ika-25 anibersaryo.
Bilang mga makata ng panlipunang pakikisangkot, kami sa Kilometer 64 ay humuhugot ng inspirasyon sa mga pakikibaka ng kilusang manggagawa at iba pang makabayang sektor ng lipunan upang palitan ang mapaniil na kaayusang itinanim dito ng neokolonyalismong Estados Unidos, at pinangangalagaan nito sa pakikipagsabwatan ng ilang lokal na masalaping uri. Batid din namin ang mapagpasyang papel ng uring manggagawa sa pakikipaglabang ito. Nais naming ihayag ang pinakamataas na pagpupugay sa mga bayaning nagbuhos ng pawis at maging dugo upang maisulong ang mga karapatan at kapakanan ng uring manggagawa – magmula sa mga nagbuo ng tinatawag na mga gremio noong dekada 1870 hanggang sa mga tulad ni Edwin Bargamento, isang lidermanggagawa sa Negros Occidental na hiniklasan ng hininga nitong Abril lamang. Sapagkat kami’y mga makata, mayroon din kaming natatanging pagtingin sa mga manunulat – makata man o mandudula, nobelista man o kuwentista o peryodista – na naging bayani ng kilusang manggagawa: sina Crisanto Evangelista, Carlos Bulosan, Amado Hernandez, at iba pang katulad. Kailanma’y kabilang sa mga huwarang manunulat ng sambayanan ang mga kagaya nila. Sila’y mga manunulat na hanggang sa huling hibla ng kanilang hininga ay mahigpit na tumangan sa paninindigang makamanggagawa at makabayan – di tulad ng ilang huwad na progresibong manunulat na lumitaw ilang taon bago ang Batas Militar, na noo’y saksakan ng yayabang hinggil sa kanilang pagtataglay ng “linya,” bago ngayo’y buong kahayukan ang ginagawang pagsipsip sa nagnananang mga utong ng naaagnas na sistema. Ang tinuturang mga huwad na progresibong manunulat na namayagpag noon ay kinakikitaan sa kasalukuyan ng mga hakbang upang muling pabanguhin ang kanilang mga pangalang pinabaho ng sarili nilang kaliluhan, at sila’y nang-aangkin ng mga ambag diumano sa panitikan ng protesta na kailanma’y hindi naman nila iniambag. At sa anong dahilan? Upang muling pagtaksilan ang kilusang protesta? Kailanma’y patungong Golgota ang sinumang halikan ni Hudas. Sa susunod na 25 taon ng KMU, hangad naming mga makata ng Kilometer 64 ang ibayo pang pagsulong ng kilusang manggagawa, at ng panitikan – lalo na’y ng panulaan – na tunay na nagbabandila sa mga pagsisikap ng uring manggagawa at iba pang makabayang sektor ng lipunan upang maisilang sa ating bayan ang isang maaliwalas na bukas.

P

Kilometer 64
kuha ni Mark Jazon Chang
Unang araw ng Mayo 2005

MANGGAGAWA
bolo brigade “the history of all hitherto existing society is the history of class struggles.” - karl marx tunggalian ang kasaysayan. tunggalian sa pagitan ng guni-guni at gunita, ng parikala at parirala, ng paninda at pananda, ng kwento at kwenta. ang lahat ng bagay sa mundo ay nililikha at nalilikha: kalinangan, kamalayan, kaalaman, katotohanan, kasinungalingan, pati kasaysayan. walang pinag-iba ang kasaysayan sa de-latang sardinas, bihon, sabon, kutsara, batya, palda, aluminyo, salamin, gasera, relo, apa, kompyuter, teleskopyo, etsetera, etsetera. kailangan ng sardinas ang abrilata. kailangan ng bihon ang toyo at rekado. kailangan ng sabon ang plastik o kahon. kailangan ng kutsara ang tisyu’t tinidor. kailangan ng batya ang labandera. kailangan ng palda ang dalaga. kailangan ng aluminyo ang baga. kailangan ng salamin ang mata. kailangan ng gasera ang gaas. kailangan ng relo ang baterya. kailangan ng apa ang sorbetes. kailangan ng kompyuter ang disket. kailangan ng teleskopyo ang salagubang. kailangan ng kasaysayan ang bayabas. sapagkat kailangang langgasin ang kasaysayan. purgahin ang kasinungalingan. iluwa at itambad sa dulo ng dila ang mapait na katotohanan.

IKAW, MANGGAGAWA
Alexander Martin Remollino Bawat pakong iyong ibaon sa kahoy o kongkreto ay gusaling itinatarak sa aspalto, bubong na inilalatag sa ibabaw ng bahay. Bakal kang pinanday ng karanasan sa siyensiya’t sining ng pagbibigkis-bisig. Kung kaya naman ikaw, manggagawa, ang nasa unahan ng milyong patak ng tubig na bibigwas, isang bagyo sa alinsangan ng kasalukuyan – sa mga kamay mo ang mga ngipin ng lagari, lagaring kakagat sa binubukbok na kahoy ng lipunang walang matwid.

SI JUAN AT ANG KANYANG MGA KINAKABAKÀ SA BATYA NI GLORIA
(Halaw sa tulang “Bakà” ni Jose F. Lacaba) Paul Mark M. Feranil Bakà habang ika’y papasibat Sakay ng isang karagkaging bus (Suwertihan nang di sumambulat Ang uyong laman, buto’t balat Sa bombang itinanim Ng mga inaalihan ni Taning) Sa paroroona’y baka di ka makarating Matapos kang sipain palabas ng nanggagalaiting Drayber dahil kinulang ka ng ‘sang kusing Sa pamasaheng nagtaas dahil nagtaas ang gas. Bakà habang ika’y nangungubeta Biglang may magpiring sa ‘yong mga mata. Suwertihan nang ikarsel kaysa pagpistahan Kinabukasan ng media, uod at bamnga ang ‘yong katawan. Terorista ka daw o subersibo ang ipinaglalaban O makakaliwang nasawi sa palit-putukan. Kamalas-malasan. Sinumpong ka lang naman Ng pagwawala ng mga bulate sa ‘yong tiyan! Bakà habambuhay kang magdildil ng asin Sa pagtataas ng buwis, ng mga bilihin. Bak lumawit ang ‘yong dila sa papahigpit na garote Bilang “solusyon” sa krisis ng pamahalaang bangkarote Sa halip na sugpuin ang mga magnanakaw at tiwali. Bakà nga di mabura ang kalawang Ng pagiging kulelat, tamad at kawatan Na nakakulapol sa ‘yong katauhan. Lalo na sa kasalukuyang kinasadlakang Batya ng Labanderang Mga kamay ay nababahiran Ng dugo ng pagtataksil sa kanyang sinumpaan. Bakà naman walang mga “bakà” Na sa ‘yo’y gumagambala. At ika’y nasa ‘yong kural – nagpapataba. Habang ang mga abá Ay bunabangungot ng mga bakà. Na bakà patuloy ang paggaan Ng butas nilang bulsa, Bakà di na huminto ang pagkalam Ng butas nilang bituka, Bakà sa pagpikit ng kanilang mga mata Di na muling dumilat pa.

AWIT NG ALIEN
Maryjane Alejo

Dose o higit pang mga oras ang muling gugugulin sa pagbuo ng produktong kapalit ay kusing. De-lata, damit, sapatos – sa mapanlikhang kamay galing, pagdating sa pamilihan, di ko pa rin kayang bilhin. Sa pakikipagbunong-braso sa makina ng amo, napapatitig nang madalas sa sariling kamao: pati palad di na makatikim ng masuyong haplos – kaya’t nangangati nang magpalasap ng hambalos. Habang subsob sa maghapong pagkayod-kabayo, sa sariling pamilya’y tuluyang napapalayo. Dumarami’ng mga bagay ang halos di na makilala, At ang sariling mukha’y nag-iiba na’ng hitsura. Ano’ng silbi ng mga produktong hinubog ng libong bisig, kung mismong mga bisig, sa gutom at galit nanginginig? Lumalawak ang distansya sa pagitan ng kalakal at obrero – kumikitid ang pasensya ng nagpanibagong-hubog na tao. Dinggin nawa ng mga panginoong hambog ang dalit nitong nilalang na ninanakawan ng sariling bait, masidhi man ang sigasig sa gitna ng luha at pait, mapipilitan ding ipamalas ang dahas ng maso at karit!

Bakà nga huling sulyap mo na Kay Britney Korina at Ethel Booba. Wala ka na kasing maiiiring Pambayad sa nagtaas na kuryente. Bakà nga ang iyong anak At anak ng iyong anak Ang ipambayad sa World Bank.

http://groups.yahoo.com/group/kilometer64 kilometer64@gmail.com

Sign up to vote on this title
UsefulNot useful