You are on page 1of 1

Bawasan ang Borloloy ng Dila John Paul M.

Mayor BSME-IA Isang tekstong puno ng kalituhan at kaliwanagan sa mga mambabasa ang akda ni G. Virgilio S. Almario. Sadya ko lamang ibinase ang tugong ito sa sarili kong pananaw at pakaintindi ng lahat ng ideyang tinalakay ng may-akda. May mga bahaging lubos kong sinang-ayunan at sadyang nagbigay-linaw ng mga mali o sabihin na lang nating para sa may akda'y mga hindi wastong kinaugaliang paggamit ng mga piling salita. Sadya namang may punto talaga si G. Almario na dapat tipirin ang mga panlaping ginagamit sa mga salitang nilalapian. Kung maaari lang naman palang paikliin ba't pa lubos tayong maaksaya ng oras at lakas sa pagsasalita at pagsulat. Ang pagtitipid na ito'y isang malaking tulong sa ating kinabukasan ayon na rin sa ibig iparating ng may-akda. Sa kabilang dako, ang paggamit naman ng mga salitang mahahaba at maborloloy ay sadyang pagpapakita lang naman ng kagandahan at husay ng gumagamit. Salungat sa may-akda, ang kagandahan ng salita ang sadyang hinahanap talaga ng bawat isa. Sino ba naman ang ayaw sa mga salitang maganda at maayos pakinggan. Kasalanan ba nating mga Pilipino na maging mga tunay na malikhaing makata na ninanais ang tunay na kagandahan sa bawat salitang binibigkas, hindi nga naman 'di ba? Alam kong iniisip ninyo na ano ang silbi ng ganda kung walang tamis at esensya. Hindi naman siguro tayo bobo para huwag lapatan ng makabuluhang ideya ang mga salitang ginagamit sa kung anumang komposisyon. Nais ko sanang punahin ang salaysay na "karamihan na ngayon sa kabataan ang prangka at matipid na sa pagsasalita". Totoo nga naman talaga at sa katunayan pa nga'y umabot na sa kasukdulan ang sa kasalukuyang sitwasyon. Nangagsikalat sa text sa cellular phones ang mga salitang labis na sa kaiklian kaya't minsa'y hindi na mabasa-basa. Ganyan nga ba talaga ang tinutukoy ni G. Almario na kabataan, sabay sa pagmamadali ng modernong buhay kung kaya't naghahanap ng mabilisang komunikasyon. Isang penomenal na sitwasyon ang tinutukoy ko rito na kung tawagin ay Jejemon. Sa sitwasyong ito'y salungat sa pananaw ni G. Almario na pagtitipid sa pagsulat ng salita 'pagkat lubos ang pagkatuto sa maling pagtitipid. Isa pang nais kong linawin sa akdang iyon ay kung -nan nga ba talaga ang hulapi ng salitang tingnan. Kung para sa akin lang naman kasi, hindi -nan ang hulapi ng salitang tingnan kundi -an 'pagkat ang binhing salita duon ay tingin hindi tingi; kinaltas lang ang pangalawang i at idinugtong ang hulaping -an para mabuo ang salitang tingnan. Ang may-akda na mismo ang nagsabi na walang hulapi na -nan at bakit binigyang-diin niya pa roon na hinulapian ng -nan ang salitang tingnan. Datapwat, sa kabuuan pa rin ay nauunawaan ko ang nais iparating at hinahangaan ang katalinuhan ni G. Almario na nagnanais na mapanatili ang tunay at orihinal na paglalapi ng mga salitang sinusulat sa wikang Filipino. Ayon sa kanya'y may kalayaan at karapatan ang sinuman na mag-ambag ng sariling paraan ng bigkas sa ating bokabularyo kaya't sanay marapatin na lamang at patuloy na pahintulutan na gamitin ang mga salitang kinaugalian nang gamitin bilang varayti ng mga orihinal at wastong salita. Isang punto lang naman ang nais kong ipabatid: ang wika ay dinamiko at patuloy na nagbabago!

You might also like