P. 1
2nd dfaft

2nd dfaft

|Views: 311|Likes:
Published by api-26570979

More info:

Published by: api-26570979 on Oct 16, 2008
Copyright:Attribution Non-commercial

Availability:

Read on Scribd mobile: iPhone, iPad and Android.
download as DOC, PDF, TXT or read online from Scribd
See more
See less

03/18/2014

pdf

text

original

Sulo Article To: FE From: Debbie Anne L.

Salvamante Book Review: “Buwan, buwan hulugan mo ako ng sundang Dalawang Dekada ng Maiikling Kwento” ni Lualhati Bautista 2nd Draft

Pagsilip sa Lipunang Pilipino “Ang pagsusulat ay aktuwal na pagsasatinig ng mga kwentong binuo sa isip at dinama ng puso ng isang manunulat. Nagsusulat ang manunulat dahil may gusto siyang sabihin, at anuman ang gusto niyang sabihin ay bagay na inisip na muna niyang mabuti. Dinadama muna niya ang damdamin ng kanyang mga tauhan, sinasala, sinusuri, tinitiyak.” --- Lualhati Bautista Minsan na ring naisip ng mga kilalang manunulat na tulad ni Lualhati Bautista ang takot. Takot na magamit na ng ibang manunulat ang mga ideyang sumibol din sa kanyang isipan. Ngunit sa pagkakataong ito, matagumpay na naipagsama-sama ni Lualhati Bautista sa antolohiyang “Buwan, buwan hulugan mo ako ng sundang Dalawang Dekada ng Maiikling Kwento” ang mga piling gawa na naisulat sa buong panahon niya bilang manunulat, bago siya tuluyang nahatak ng nobela, telebisyon, at iba pang linya ng pagsusulat. Mapapansing sa unang bahagi ng libro, umiikot lamang ang mga istorya tungkol sa pag-ibig, ngunit habang papasok ang dekada ’70, nagsimula ng magsulat si Lualhati Bautista ng may kinalaman sa kalagayang panlipunan. Nagkaroon ng transisyon sa mga isyung nakapaloob sa kanyang mga akda. Iba’t ibang isyung sumasalamin sa kalagayan ng mga ordinaryong mamamayan sa lipunan. Pagkakabuklod ng Pamilya Sa “Apat na Kwento ng Pag-ibig”, masasalamin ang pagiging masayahin ng pamilyang Pilipino. Mapapansing sa kabila ng kabiguan sa buhay, nakukuha pa nilang maging maligaya. Ang pagiging buo ng pamilya at pagkakaroon ng matibay na relasyon ng bawat isa, ang siyang nagiging dahilan kung bakit mas matibay ang pundasyon ng pamilyang Pilipino. Sa isang kwentong nakapaloob sa aklat, ang “Katugon ng Damdamin”, lumutang ang naisin ng mag-asawang Helen at Vic na magkaroon ng isang anak. Nasira ang pangarap nilang makapagtatag ng isang pamilya, at maging mabuting ina at ama. Matatag na tinanggap ito ni Helen at siya pang nagmulat sa asawa nitong si Vic sa kanilang sitwasyon. Dahil dito, napagpasyahan nilang kupkupin ang batang kalye upang magkaroon sila ng katuwang sa buhay. Sa akdang ito, makikita ang kagustuhan ng mga mag-asawa na magkaroon ng anak. Gagawin nila ang lahat upang mapalaki ang mga ito ng mabuti. Sa mga pagkukulang na nagagawa ng anak, tulad ng kwentong “Papasko kay Aling Andang”, patuloy pa ring bukas ang isipan ng isang ina na may pag-asa pa ring magbago ang kanyang anak. Hanggang sa huling kabanata ng kanilang buhay, sadyang hindi pa rin kumukupas ang pagmamahal nila sa kanilang anak. Nakatutuwang isipin na likas na sa kababaihan ang pagiging butihing ina. Isang ina na nagbibigay ngunit hindi humihingi. Nakikinig ngunit hindi nanunumbat.

Naipamalas din dito ang pagmamahal ng anak na si Ricky kay Aling Andang. Kahit na nakakulong si Ricky, pilit niyang ginawa ang lahat upang dalawin ang kanyang ina sa araw ng Pasko. Inilihim nito ang katotohanang siya’y nakakulong at sinabi na lamang sa ina na siya ay nagnenegosyo. Sa akdang ito, makikita ang pagmamahal ng anak sa kanyang ina. Pinilit niyang ilihim ang lahat upang hindi mabigyan ng sama ng loob ang inang may katandaaan na. Napapanahon ang isyung ito lalo na sa mga kabataang naliligaw ng landas. Dahil sa pagkalulong nila sa mga bisyo, nalalayo na sila sa kanilang mga magulang. Ngunit sa huli, ang magulang pa rin ang tangi nilang malalapitan sa oras ng kagipitan. Isa ding kwento ng relasyon ng anak sa magulang ang tinatalakay sa “Ang mga Anak ni Mang Gusting”. Dahil sa may katandaan na si Mang Gusting, ang mga anak na nitong sina Fely at Letty ang siyang nag-aalaga dito. Ngunit pinagtatalunan ng magkapatid na ito kung saan nga ba ititira ang matanda dahil para sa kanila, isa na lamang pabigat sa buhay ang kanilang ama. Ang pagmamahal na dati’y iniukol nila sa ama ay natabunan ng konsomisyong idinudulot nito sa kanila. Ngunit sa huli, napagtanto din ng magkapatid ang halaga ng kanilang ama dahil sa ito ang nagpalaki sa kanila at panahon na upang sila namang mga anak ni Mang Gusting, ang siyang dapat na mag-alaga dito. Sa kwentong “Alkansiya ni Tonyo”, mapapansing dahil sa pagmamahal ni Taleng sa kanyang anak, nais nitong ito’y magkaroon ng magandang buhay kaya naman napagpasyahan ni Taleng na ipaampon ang sariling anak. Kung susuriin, ito’y isang maling paraan upang maitakas ang anak sa kahirapan ng buhay, ngunit dahil sa kahirapang dinanas ng ina, malaki ang takot niyang maranas ito ng anak. Kaya naman, tuluyan nitong pinaampon ang bata, labag man ito sa kanyang kalooban. Pinapakita rin sa akdang ito ang pagmamahal ni Tonyo sa kanyang asawang si Taleng. Sa pagmamahal nito, nagawang mag-ipon ni Tonyo ng pera upang makita ni Taleng ang pinaampon niyang anak sa Maynila. Kahit na pinayagan ni Tonyo si Taleng na lumuwas ng Maynila upang hanapin ang kanyang anak, naisip naman ni Taleng ang kalagayan ni Tonyo. May katandaaan na si Tonyo at maaaring kakaunting panahon na lamang ang mailalagi niya sa mundong ito. Kaya naman pinili ni Taleng na manatili sa kanilang tirahan kasama si Tonyo. Mapapansin sa akdang ito ang pagmamahalan ng magasawa lalo na kung batid ng mga ito na kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanilang buhay. Pag-ibig sa Tinubuang Pilipino Ang “Isang Panama ng Digmaan” ay ang siyang nagpamalas ng likas na kabutihan ng isang babae. Sa mga pangyayaring niloko ni Ben ang asawang si Linda at ang pagkakaroon ng anak sa iba, nagawa pa ring tanggapin ni Linda ang anak ni Ben at Su-Li na si Benjie. Pumaimbabaw pa rin ang awa at ang pagmamalasakit ni Linda sa kabila ng katotohanang ang sanggol na si Benjie na inaalagaan niya ay ang bunga ng pagmamahalan ng asawa niya at ni Su-Li. Maihahalintulad ito sa kasalukuyang panahon kung saan ang ibang mag-asawa ay naghihiwalay at madalas na tinatalikuran ng lalaki ang babae upang maghanap ng ibang makapagdudulot sa kanya ng kaligayahan, kasabay ng pagtalikod nito sa kanyang responsibilidad bilang isang ama. Madalas itong nararanasan ng mga kababaihan sa ngayon,

na nagiging dahilan upang lalong magpakatatag at maipakita sa mga anak nito ang kasiyahan ng buhay sa kabila ng pait na nararanasan ng ina. Ngunit bukod sa pagkakaroon ng isyu sa third party, lumitaw rin dito ang isyu ng nasyonalismo. Dahil sa nasyonalismo, nagawa ni Ben na sumama sa batalyon ng Philcag, isa sa mga grupo ng ga inhinyerong ipinadala ng Pilipinas sa Vietnam. Kahit na ang pagpunta ni Ben sa digmaan sa Vietnam ay tinutulan ni Linda, nagpatuloy pa rin ito hindi dahil sa doble ang kikitain niya roon, ngunit dahil sa kagustuhan nitong makatulong sa bayan. Marami ang nakararanas ng parehong sitwasyon na nakapaloob sa akda. Katulad ni Linda, naiisip din ng iba kung bakit kailangan pang magpatayan ang mga tao dahil sa iba-ibang layunin at ilayo ang isang mahal sa kapwa mahal? Dito pumapasok ang nasyonalismo kung saan isinasakripisyo ng ilan, lalo na ng mga sundalo, ang kanilang buhay, kapalit ng kaligtasan ng nakararami. Nasyonalismo rin ang isyung nakapaloob sa akdang “Ang Paraiso ng mga Anak ni Lolo Ipe”. Mistulang isang paraiso ang tingin ng mga anak ni Lolo Ipe sa bansang Amerika. Bawat isa sa kanila’y pinagarap na manirahan roon. Ngunit kabaligtaran ito sa pananaw ni Lolo Ipe. Dahil na rin sa isa itong mangingisda, ang tirahan niya sa may dalampasigan at ang pangingisda ang siyang nagbibigay-saya sa kanya. Hindi sumagi sa isipan niya ang manirahan sa Amerika at mas pipiliin na lamang niyang malagutan ng hininga sa kanyang bayang sinilangan. Labag man sa kalooban nito, nanirahan siya sa Amerika dahil sa kagustuhan ng kanyang mga anak. Dahil sa labis na kalungkutan, nangayayat ito at namatay. Nakita rin sa mga gamit ni Lolo Ipe, ang mga inipon nitong dolyar upang ipantustos sa pamasahe nito pabalik ng Pilipinas. Sa huli, iniuwi ang bangkay ni Lolo Ipe sa Pilipinas at itinabi ito sa labi ng asawa. Mapapansin dito ang pagmamahal ng matanda sa kanyang bayan. Hindi nito pinangarap na makatuntong sa ibang bansa dahil sa kuntento na ito sa simpleng pamumuhay sa sariling bansa. Marami sa mga Pilipino ngayon ang lumilipad patungong ibang bansa upang magkaroon ng mas magandang buhay. Matapos mag-aral sa Pilipinas, sa ibang bansa sila naghahanapbuhay dahil sa mas mataas na sweldong kikitain. Pagkamit ng Hustisya Sa kwentong “Gatas”, naipakita ang kahirapan ni Emily sa pagtustos ng pangangailangan ng kanyang mga anak, ang gatas para sa kanyang bagong-silang na sanggol, at ang mga gamot na kailangan ng kanyang asawa dahil sa sakit nito. Napagpasyahan nito na makipagrelasyon sa iba upang mapunan lamang ang mga pangangailangan nila. Napag-isipan nito na makipag-one night stand ngunit hindi naman ito natuloy. Sa akdang ito, nasasalamin ang mga pangyayaring nagtutulak sa ilang kababaihan upang ibenta ang kanilang dignidad. Minsan sa hirap na dinaranas ng mga babae, tuluyan silang napipilitang gawin ang mga bagay upang mapadali ang problema. Dahil sa wala na silang ibang masandalan, tuluyan silang lumulubog sa putikan at hindi na makahanap ng paraan upang makabangong muli.

Sa akdang “Mang Senyong”, pag-ibig ng ama sa anak ang paksang nakapaloob dito. Namatay ang anak ni Mang Senyong na si Junior sa hindi malamang kadahilanan. Ang tanging nalalaman lang nila ay ang pagkakaroon ni Junior ng epilepsy kaya naman naghanap si Mang Senyong ng mas malinaw na kasagutan. Pinilit niyang magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang anak. Maraming nagaganap na isyu ng kawalang hustisya sa bansa. Ang mga ordinaryong mamamayan ang nagiging biktima sa pananamantalang ito. Dahil sa walang kapangyarihan at sapat na salapi ang mga katulad ni Mang Senyong, hindi nila nakakamit ang hustisya. Nakapokus sa akdang “Iiyak ka Pa Ba?” ang isyu sa prostitusyon. Sa unang bahagi ng kwento, ginahasa si Virginia Salve at naghain siya ng demanda sa hukuman. Natalo siya sa kaso dahil sa naungakat ang pagiging isa nitong kabit. Dahil dito, nawalan siya ng pantustos sa kanyang mga pangangailangan at sa huli’y pinili na lamang niyang maging isang prostitute. Kawalang hustisya rin ang isyu sa akdang ito. Natalo siya sa kaso dahil na rin sa makapangyarihan ang mga Valdemor. Ipinakita ang pagiging mahina ng tauhan sa akdang “Tatlong Kwento ng Buhay ni Julian Candelabra”. Hindi nagawang kontrolin ni Julian ang sarili kaya naman siya napapahamak. Hindi niya napigilang mangupit ng pera sa kapitbahay niya, hindi nito nakontrol ang sarili kaya may nangyari sa kanila ni Aling Connie, at hindi rin nito napigilan ang sarili sa pagpuslit ng pagkain sa pinagtatrabahuan niya kaya naman napaalis siya sa trabaho. Ngunit, dahil sa labis na pagkagalit, napatay niya ang kanyang amo. Hanggang sa hukuman, ang tanging naidahilan na lamang nito ay hindi niya napigilan ang kanyang sarili. Makikita sa akda na dahil sa pagkawala ng kontrol ng tao sa sarili, tuluyan silang nalalagay sa panganib. Samanatalang sa akdang “Buwan, Buwan Hulugan Mo Ako ng Sundang”, nabaliw ang tauhan na si Angela Miguel dahil sa ito ay nagahasa. Ang asawa niyang si Onofre na lamang ang nag-alaga sa anak nitong si Aliw at napagpasyahan niyang dalhin ito sa ampunan. Nang makalabas si Angela sa mental hospital at nalaman na pimaampon na si Aliw, pinuntahan nito si Onofre. Sa galit nito, binaril niya si Onofre at ito’y namatay. Ibinalik naman sa mental hospital si Angela dahil sa pangyayaring iyon. Sa panahon ngayon, napakarami ang krimeng nagaganap dahil na rin sa labis na pasakit na nararamdaman ng mga tao. Hindi na nila naiisip ang kanilang ginagawa kaya naman ito’y nagdudulot ng kapahamakan. Dumarami na rin ang bilang ng mga nawawala sa katinuan dahil sa hindi na nila nakokontrol ang kanilang emosyon. Pagsusuri sa Kalagayan ng Lipunan Sa kabuuan, ang librong ““Buwan, buwan hulugan mo ako ng sundang Dalawang Dekada ng Maiikling Kwento” ni Lualhati Bautista ay ganap na sumasalamin sa iba’t ibang kalagayang panlipunan. Sa paggamit ng mga tauhan, naipakita ang iba’t ibang karakter ng mga tao sa lipunan lalo na ang mga ordinaryong tao na siyang bumubuo sa malaking bahagi ng bansa. Ang pagsulat ni Lualhati Bautista ng mga kwentong may kinalaman sa pamilya ay nagpapakita ng mga pangyayaring hinaharap ngayon ng

mga mag-asawa, magkapatid, mag-ama, at mag-ina. Malinaw na naipadama ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matatag na pamilya. Bukod dito, ang mga akdang may kinalaman sa nasyonalismo ang nagpapaalala sa mambabasa kung ano ang sakripisyong ginagawa ng ibang tao para sa pag-ibig sa bayan. Naipapakita kung paano pinahahalagahan ng ilan ang bayang pilit namang itinatakwil ng iba. Makikita rin ang paghihirap na nararanasan ng mga tao upang matulungan ang nakararami. Dagdag pa rito ay ang realidad ng buhay na naipakita sa mga akda. Iba’t ibang kabiguan ang nararanasan ng mga tao dahil sa mga pananamantala ng mga mas nakatataas sa kanila. Dito makikita ang mga dahilan kung bakit lalong nalulugmok ang mga biktima ng pananamantala. Iba’t ibang uri ng tao, iba’t ibang kalagayan sa lipunan, iba’t ibang istorya ng buhay ang sumasalamin sa mga akda. Ang librong “Buwan, buwan hulugan mo ako ng sundang Dalawang Dekada ng Maiikling Kwento” ni Lualhati Bautista ay isang epektibong pagsusulat at pagsasatinig ng mga tauhan sa lipunang ating ginagalawan.

You're Reading a Free Preview

Download
scribd
/*********** DO NOT ALTER ANYTHING BELOW THIS LINE ! ************/ var s_code=s.t();if(s_code)document.write(s_code)//-->