Dekada ‘70 Kung tutuusin, ang isang tunay na magandang pelikula ay higit pa sa pagsasama ng iba’t ibang elemento nito

. The whole is greater than the sum of its parts, wika nga. Maaari natin itong sabihin sa pelikulang Dekada ‘70 ng Star Cinema para sa 2002 Metro Manila Film Festival. Sa katunayan, ito ay higit pa sa magara nitong production design, sinematograpiya at iba pa nitong teknikal na aspeto, sa makabagbag-damdaming pag-arte ng mga nagsiganap, sa matalino nitong screenplay na si Lualhati Bautista mismo ang sumulat, at siyempre sa impresibong direksyon ni Chito Roño. Dahil nga sa mainam ang pagkakagawa ng pelikula, nagiging background na lamang ang mga makatotohanang props at setting, at animo’y nanonood at nakikinig na lamang tayo sa mga masalimuot na pangyayari sa buhay at madalas ay madrama o nakatutuwang mga usapan ng isang pangkaraniwang pamilya noong dekada sitenta. Nakakalimutan nating si Vilma Santos talaga si Amanda Bartolome, si Christopher de Leon talaga ang asawa niyang si Julian, at napapaniwala tayong isang mataas na pinuno ng NPA talaga si Jules, at hindi ito si Piolo Pascual. Sa ganitong banda, madali para sa isang ordinaryong manonood na mag-concentrate sa mga nilalamang mensahe ng istorya. At katulad ng premyadong nobelang pinagbasihan nito, mayaman ang pelikula sa mga mahahalagang mensaheng ito. Ngunit una sa lahat, kailangan nating banggitin na kung ang Dekada ay isa lamang pelikula tungkol sa panahon ng martial law, maaaring hindi ito naging singganda. Tinatanggap nating ito ay isang melodrama at hindi social commentary bkung aling nagkataon lamang na naganap ang istorya noong panahon ng batas militar. Bagama’t naniniwala tayong maganda ang pelikula, nauunawaan nating si Roño ay hindi isang Lino Brocka, at masasabi nating mas pulitikal pa rin ang nobela kaysa pelikula, kahit pa si Bautista ang mismong nagsulat. Maliban sa pagpapaalaala sa ating mahalagang bantayan ang ating kalayaan at gampanan ang ating mga pananagutan dito, naniniwala tayong wala itong tunay mabigat na mensaheng pulitikal. Nguni’t muli, hindi natin sinasabing kakulangan ito. Sa katunayan, nauunawaan nating tama naman na dito ituon ang mga pangunahing tema ng pelikula: sa kahalagahan ng pamilya sa ikabubuti ng isang mas malaking komunidad, katulad ng sarili nating bansa. Sa ganitong paraan, hindi nakakahon at nakakulong lamang sa isang dekada ng ating kasaysayan ang mensahe nito. It transcends its own place and time in history. Halimbawa, sa una’y hindi nauunawaan ni Amanda kung bakit gayon na lamang ang animo’y pagkabale-wala ni Julian sa mga nangyayari sa kanilang mga anak. Makikita nating isa lamang siyang maybahay na naghahangad din namang hanapin ang sarili niyang fulfillment sa labas ng papel na ito. Dito pa lamang, totoo sa kanyang pagiging peminista, ipinapaalaala sa atin ni Bautista ang maling kalagayan ng kababaihan sa ating bansa. May isang eksena pa na pilit sumasali si Amanda sa usapang pulitikal nina Julian at mga kaibigan niya, kung saan ipinagkamali niyang nagsulat si Amado V. Hernandez ng isang librong Ingles. Gayunman, lumalabas na katawa-tawa siya rito at kaawa-awa rin, ngunit hindi natin maiwasang humanga pa rin sa kanya dahil kahit papaano’y naninindigan siya. Mapapansin din nating nauna pa nga na namulat si Jules at ang kapatid niyang manunulat na si Emmanuel (Marvin Agustin) sa mga masamang katotohanan ng martial law kaysa kay Amanda. Ngunit sa huli ay mamumulat din naman si Amanda nang dahan-dahan bagamat sigurado. Si Julian naman ay isang may pagkasinaunang ama ng tahanan whose word is final, bagama’t may pagkaliberal din dahil kuno’y ipinapalaganap niya ang freedom of expression sa kanilang bahay. Maiisip nating maaaring ito ay dahil lahat naman ng kanilang limang anak ay pawang mga lalake rin. Walang kiyemeng ipangangalandakan pa nga niya sa kanila at kay Amanda na ang kaligayahan ng mga babae ay maaari lamang magmula sa mga lalake. Double standards, like charity, begin at home. Itinuturing din niya na ayon lang naman sa kanyang mga liberal na pananaw na hayaang hanapin ng kanilang mga anak ang kanilang sariling mga paniniwalaan sa buhay. “Every man has to believe in something he can die for, because a life that does not have something to die for is not worth living,” sasabihin pa niya, ngunit makikita natin sa huli na ang totoo’y natatakot din siya sa maaaring kahinatnan ng mga anak niya. Ipinapakitang patas din ang turing ng Dekada sa mga kalalakihan nang ibinigay nito kay Julian ang linyang “Mahirap din ang maging lalake. Maraming emosyon ang iniipit na lang dito,” sabay turo sa kanyang puso. Anupaman ang mga limitasyon ng pananaw ni Julian sa buhay, nagawa pa rin niyang lumabas sa kanyang sariling kahon at mamulat sa kanyang sariling paraan. Dahil nga nagaganap ang istorya sa panahon ng batas militar, maaasahan nating marami sa mga tema ng pelikula ay may bahid-pulitikal. Sa katunayan, mainam nitong isinasalarawan ang masalimuot na panahong ito sa ating kasaysayan. Maigting na ipinapakita ang mga nag-aalab na damdamin ng mga aktibistang-estudyante sa iba’t ibang paraan. Nariyan ang tapang nila sa harap ng karahasan ng Metrocom sa mga nagra-rally, ang pagkakasal sa isang magkasintahan kasama sa kilusan kung saan sa halip na puting belo ay pulang bandilang komunista ang ibinabalabal at sa halip na singsing ay kuwarenta y singkong baril ang hahawakan nila, at iba pa. Si Jules, bilang panganay at estudyanteng kolehiyo, ang “mamumulat” sa ganitong mga pangyayari sa kanyang kapaligiran. May isang eksena sa gitna ng pelikula na simple ngunit puno ng simbolismo. Sa gabi ng unang araw ng pag-alis ni Jules upang sumali na sa NPA at mamundok, makikita natin si Amanda at Julian na nakaupo sa veranda ng kanilang bahay. Pinag-uusapan nila ang ginawa ng kanilang anak. Nagsisimula ang eksena sa isang long shot, at mapapansin nating nasa ibabang bahagi ng screen ang isang mesang bubog kung saan nasasalamin ang baligtad na imahe ng mag-asawa. Ipinahihiwatig sa atin ng shot na ito na binabaligtad na ng mundo sa labas ang kanilang dati’s masayahin at tahimik na tahanan. Sa katunayan, mapapansin natin, katulad nga ng nabanggit na, na tila ang mga anak pa mismo nina Amanda at Julian ang nag-aakay sa dalawa upang harapin ang kanilang tungkulin bilang mamamayan. Sa maalab na paninindigan ng magkakapatid, at kahit sa nga kapus-kapalarang sinapit ng isa sa kanila, si Jason (Danilo Barrios), pagdadaanan mismo ng mag-asawa ang sakit at pait ng mga katulad nilang magulang na katulad nilang naging biktima ng batas militar ang kanya-kanyang anak. Sa huli, kung tutuusin ay pulitikal din naman ang mensahe ng Dekada '70. Binibigyang-diin nitong mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga magulang sa paggabay sa kanilang mga anak sa mga usaping katulad ng kalayaan o karapatang pantao o peminismo at marami pang iba. At sa kahihinatnan, makikita nating ganito rin kahalaga ang papel na gagampanan ng isang pamilya “magulang at anak “ sa paghubog ng isang tunay na malaya at mapagpalayang lipunan.

Suring Pelikula Ang mga tauhan sa “Dekada 70” ay pawang nakapagbigay ng kanilang totong emosyon. Si Amanda na isang inang mapagmahal na may gustong patunayan. Si Julian na boses ng tahanan, mataas ang pride at ayaw pagtrabahuhin si Amanda at di mapigil ang kagustuhan ng kanyang mga anak.. Si Jules na may paninindigan at lakas ng loob na lumaban para sa bayan. Si Isagani na isang mapusok na kabataan. Si Emmanuel na panig kay Jules na lumalaban sa pamamagitan ng pagsulat. Si Jason na isang mabuting anak na pinatay ng mga kalaban ni Jules. Si Bingo isang mapagmahal na bunsong anak. Ang “Dekada 70” ni Lualhati Bautista ay tumutukoy sa kwento ng isang pamilya na nahuli sa kalagitnaan ng kaguluhan sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang mga anak ng pamilyang ito na tumahak ng ibat-ibang landas. At ang magulang na humarap sa suliranin at di sumuko sa mga problemang dumaan.Tunay na sa isang pamilya masasabing “WALANG IWANAN” Ang tema ng palabas na ito ay ang mga problemang dumating sa magkakapatid, sa ama na humarap sa mga suliranin sa kanyang mga anak, sa ina na nagbigay ng kanyang pagmamahal ng buong puso sa pinakamahirap na problemang dumating sa kanila. Ang boses ng isang ina na naghahanap ng isang karanasang kakaiba sa pakikisalamuha sa mga tao, pagkakaroon ng silbi! Na gusting maunawaan kung sino sya bilang asawa, bilang ina at bilang isang babaing Pilipino. Ang “Dekada 70” ay isang palabas na tunay na makabayan. Sinasalamin nito ang mga taong tumatahak sa kanilang mga landas na may gusting patunayan. Ang mga tao sa likod nito ay may kakayahang makapagpalabas ng isang buhay na larawan ng isang pamilyang dumanas ng mga problema. Sa mga kasuotan at mga gamit dahil ito ay naganap noong mga 1970 naipakita ang mga kasuotan at mga gamit na talagang pang 1970. Maganda ang kwento at nagsasabi sa atin na kailangan nating ipaglaban ang ating mga karapatan bilang isang mamamayan sa isang malinis na paraan. Makikita na upang makalaya tayo sa pagkaalipin may mga taong nagsisikap na mapaalis ang mga taong mapang-api gaya ni Jules at ng kaibigan niya na hinangad ang kabutihan ng isang bansa at di lamang sa pansarili. Nakalulungkot nga lang at namatay si Jason na kapatid ni Jules dahil sa paglaban nito sa pamahalaan. Nakaantig damdamin ang mga pinagdaanan ni Amanda bilang isang ina dahil masakit para sa kanya ang mawalan ng anak at maghirap ang mga ito. Sa kabuuan ng kwento, masasasabing maganda ito sapagkat naipakita at nagbigay ng aral ito sa mga manonood. Bagamat kalunos-lunos ang nangyari sa pamilyang ito ay nakapagsimula silang muli at nagiging makabayan na. Masasabi nating sa kasalukuyan ay maaaring mangyari ito dahil sa gulo ng ating pamahalaan. Kaya maging mapagmasid tayo sa lahat ng oras at gawing mapayapa ang inyong gagawin. Isa lang ang tanong sa kwentong ito “Paano mo palalakihin ang iyong mga anak sa panahon ng katiyakan. Balangkas I Tagpuan: # Sa highway # Sa isang bahay sa Maynila # Sa kulungan II Banghay: # Natural ang mga pangyayari na naganap sa kwento. Ipinakita ang pag torture kay Jules na ginagawa ng mga sundalo. # May pagkaka-ugnayugnay ang mga pangyayari sa kwento. Naugnay ang lahat ng pangyayari sa panahon ng Martial Law. # Malinaw ang mga ipinakitang pangyayari dito. Ipinakita ang nanyayari noong panahon ng Martial Law o batas military. III Tauhan: # Amanda – mapagmahal na ina. Gustong magkaroon ng sibi at sariling karera. # Julian – boses ng tahanan. Mataas ang pride, ayaw pagtrabahuhin si Amanda. Di kayang mapigil ang desisyon ng mga anak. # Jules – may paninindigan. Buo ang loob at tunay na makabayan. # Isagani – halimbawa ng isang mapusok na kabataan. # Emmanuel – kabataan na lumalaban sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagsulat. # Jason – namatay dahil ng mga kalaban ni Jules. Dahil si Jules ay kasapi sa mga kalaban ng pamahalaan. # Bingo – mapagmahal na bunsong anak at laging karamay ni Amanda. IV Tema: # Ang tema ng palabas na ito ay ang mga problemang dumating sa magkakapatid, sa ama na humarap sa mga suliranin sa kanyang mga anak, sa ina na nagbigay ng kanyang pagmamahal ng buong puso sa pinakamahirap na problemang dumating sa kanila. Ang boses ng isang ina na naghahanap ng isang karanasang kakaiba sa pakikisalamuha sa mga tao, pagkakaroon ng silbi! Na gusting maunawaan kung sino sya bilang asawa, bilang ina at bilang isang babaing Pilipino. V Istilo: # Gumamit si Lualhati Bautista ng pagkakaroon ng mga epekto sa mga paniniwalang kanika-nilalang tinahak. Inilarawan ang isang pamilyang tumahak ng kanikanilang kagustuhan at ang mga naging epekto nito sa kanila. Tauhan: Vilma Santos- Amanda Bartolome Christopher De Leon- Julian Bartolome Piolo Pascual- Jules Bartolome Marvin Agustin- Emmanuel Bartolome Carlos Agassi- Isagani Bartolome Danilo Barrios- Jason Bartolome John Wayne Sace -Bingo Bartolome

Si Amanda Bartolome (Vilma Santos) ay isang babaeng nagsisikap matunton at maunawaan ang tunay na kahulugan ng pagiging isang babae sa gitna ng masalimuot na kalagayan ng bansa noong dekada '70

sa ilalim ng Batas Militar. Siya ay kumikilos bilang isang ina (sa limang anak na pulos lalaki) at asawa ayon sa dikta ng lipunan at ng asawa niyang si Julian (Christopher de Leon). Bagama't tradisyonal, umiiral sa pamilyang Bartolome ang kalayaan sa pagpapahayag ng damdamin kung kaya't lumaki ang kanilang mga anak na mulat ang kamalayan sa nangyayari sa lipunan. Dahil dito'y sumali sa kilusang makakaliwa ang kanilang panganay na si Jules (Piolo Pascual), naging makata at manunulat naman si Emman (Marvin Agustin), at nahilig sa musikang rock n roll si Jason (Danilo Barrios). Si Gani (Carlos Agassi) naman ay malayang pinasok ang pagiging US Navy bagama't taliwas ito sa paniniwala ng mga kapatid. Nanatiling matatag ang pamilya Bartolome sa kabila ng napakaraming pagsubok ng panahon. Dito rin nasubok ang katatagan ng pagsasama nina Amanda at Julian, kung saan si Amanda ay nagnais na matunton ang sarili bilang isang babae, malayo sa dikta ng lipunan at ng asawa. Ang Dekada '70 ay isang mahusay na adaptasyon sa pelikula ng nobela nitong may parehong titulo. Napanatili ang kaluluwa ng nobela sa pelikula sa kabila ng limitasyon ng pelikula bilang isang audiovisual na medium. Marahil, nakatulong ng malaki ang pagkakaroon ng iisang manunulat lamang. Naging maayos ang takbo ng pelikula na tulad sa nobela nitong nahati sa mga taon ng dekada '70. Mahusay ang pagkakaganap ng mga pangunahing tauhan (maliban kay Carlos Agassi) na nakapagbigay hininga sa mga tauhang noo'y nababasa lamang. Naibalik ng pelikula ang larawan ng dekada '70 sa mga eksena nitong nagpapakita ng mga demonstrasyon, protesta at rallies na tunay na nangyari noong panahon na iyon. Ang musika at tunog ay madalas na akma at nagpapaigting sa emosyong nais ipahatid ng pelikula. Naging mahina lamang ang disenyong pamproduksiyon ng pelikula na hindi naging masusi sa make-up, at kasuotan ng mga tauhan sa pawang hindi parating umaangkop sa panahon.
Sa huli, kung tutuusin ay pulitikal din naman ang mensahe ng Dekada '70. Binibigyang-diin nitong mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga magulang sa paggabay sa kanilang mga anak sa mga usaping katulad ng kalayaan o karapatang pantao o peminismo at marami pang iba. At sa kahihinatnan,

Sign up to vote on this title
UsefulNot useful