You are on page 1of 4

Sanicas

Solano
Tanyag
Tejada Casino

Sa paghagis ng dice, sa balasa ng baraha, ang kapalaran ng pitaka mo


nakatadhana na. Sa mga larong bacarrat, slot machine, roulette, at craps, mga
games of chance, ika nga, it’s anybody’s game. Kung sinuswerte ka ja-jackpot
kang talaga. Kung hindi naman, sige lang ng sige hanggang ang crap mo, este
Craps ay pumasok na sa ulo mo. Kung utakan naman ang hilig nandyan ang Poker
at Blackjack, mga larong pangmayayaman sabi nila. Kalimutan yon, basta ba may
perang susunugin, tiyak makakapasok ka sa casino. Kung takot naman sa tao may
online casinong alternatibo.
Sa hirap ng buhay ngayon, hindi na kakatwang marami ang
nagbabakasakali sa swerte. Sa panig naman ng mayayaman, playground pa kung
tutuusin ang sugalan. Ano ba nga naman kung matalo sila ng ilang libo—dolyar o
piso, kasama naman nila ang mga kaibigan nilang kapwa maimpluwensya sa
lipunan, baka may bago pang raket na mapasukan. Minsan, hindi naman
masamang maghanap ng kasabikan ang tao—positibo man o negatibo. Kasabikan
sa alak, laman, asawa, Diyos, pakikipagsapalaran, sugal at iba pa, mamili ka.
Kung sugal lamang rin, doon ka na sa legal. Hindi naman mahirap hanapin ang
mga casino, karaniwan silang nakapwesto sa loob ng o malapit sa hotel,
restaurants, shopping centers, cruise ships, at iba pang puntahan ng turista.
Ang panunugal ay sadyang nakagisnan na ng mga Pilipino. Naitala pa ito sa
“”La Indolencia De Los Filipinos”, ang “Katamaran ng mga Pilipino” ni Dr. Rizal.
Kulturang hindi talaga ating pinasimulan kundi impluwensiyang dala ng mga
dayuhan. Hanggang tuluyan sa kapangyarihan ng PD1067 na ginawa noong
dekada ‘70 na naamyendahan noong ’83 sa PD 1869, nabuo ang PAGCOR o
Philippine Amusement and Gaming Corporation. Isang korporasyon, isandaang
poryentong government-owned. Trabaho nito ay una, pamahalaanan ang lahat ng
sugalan, partikular na ang mga casino; pangalawa, gumugol ng pondo para sa
mga proyektong sosyo-sibiko maging nasyonal ng pamahalaan; at pangatlo,
tulungang palakasin ang turismo ng bansa. Sosyal. Sa pagmomonopolyo ng
PAGCOR nabigyan na ng katwiran ang kapritsong pagwawaldas ng pera,
nakatulong ka pa.
Ngunit mahalagang ring pagtuunan ng pansin ang kabilang mukha nitong
nag-iisang ahensya na pinahihintulutang mangasiwa ng lahat ng casino sa
Pilipinas. Ayon kay Malou Mangahas at Patricia De Leon ng Philippine Center for
Investigative Journalism, P26.83 bilyon ang kinita ng PAGCOR noong taong 2007
at tinatayang may 18% ang paglaki ng kita ng PAGCOR bawat taon. Ayon sa
Presidente nitong si Rafael Francisco, 65% ng kita ng PAGCOR ay napupunta sa
gobyerno, habang 35% naman ang naiiwan para sa operating expenses ng
ahensya. Ngunit sa kabila ng malaking kitang ito, tila hindi akma ang sukat ang
nakukuha ng pamahalaan mula sa kanila. Ang dahilan nila ay ang mga donasyong
na binibigay nila alinsunod sa mga utos ng Opisina ng Presidente.
Ngunit malaking usapin pa rin ang buwis dahil ang nagiging basehan daw
ng franchise tax ay ang kabuuang napanalunan na mas maliit kumpara sa
kabuuang kita. Ayon kay Senador Francis Escudero, noong taong 2007, ang
kabuuang napanalunan ay P22 bilyon, kung kaya P1.1 bilyon lamang ang ibinayad
ng PAGCOR bilang franchise tax nito, na dapat ay P1.34 bilyon kung ang
pagbabasihan ay kabuuang kita,.
Dagdag pa dito, sa kasalukuyan panahon ng panganib at di-kasiguraduhan,
ayon sa mga balita may bagong modus operandi ang kapwa criminal at terorista.
Their latest trend is to launder, move, and store fruits of their illicit activities.
Pinabulaanan naman ito ng tagapagsalita ng PAGCOR. Aniya, ang PAGCOR at ang
mga casinos sa Pilipinas ay hindi maaaring gamiting instrumento ng money
laundering dahil pinatatakbo ang mga ito ng gobyerno; maaari, sa mga pribadong
casino pa. Ang PAGCOR at ang mga casino na hawak nito ay mahigpit na
tinututukan ng Department of Finance at sumasailalim sa AMLA o Anti-Money
Laundering Act. Nasasaad ditong proprotektahan at iprepreserba ang integridad
at katiwalaan sa mga transaksyon sa bangko, at titiyaking ang Pilipinas ay hindi
gagamiting money laundering site ng kung ano pa mang iligal na transaksyon.
Gayundin, alinsunod sa pandayuhang polisiya ng Pilipinas, pinapalawig ang
kooperasyon ng estado sa transnasyonal na imbestigasyon at prosekyusyon ng
mga taong nasasali sa money laundering activities saan man ito naganap.
Dahil ang mga casino ang isa sa pangunahing pinagkukunan ng kita ng
pamahalaan. Sa katunayan, pangatlo ang PAGCOR sa may pinakamalaking ambag
sa pambansang badyet, gumagawa ng malalaking hakbang ang pamahalaan
upang lalo pa itong palakihin. Kaya’t gayon na lamang ang hikayat ng
pamahalaan sa mga forenger at burgis na karaniwang hitik sa mga hotel at mga
lugar na pinupuntahan ng mga turista na pumunta sa mga casinong malapit sa
kanila. Dito, nakikita natin ang casino bilang isang porma ng “hyperreality” dahil
sa tinutulak ng institusyong ito ang mga tao na bumaba ang antas ng kamulatan
nila hanggang umabot sa puntong umiikot na lamang ang mundo ng mga
kaawaawang sugarol sa casino, sa pera, at sa swerte. Ang lugar na puno ng neon
lights and craze, magarbong mga kagamitan, mga babaeng nagsasayawan, mga
taong nag-aaliwan sa larong dinadasalan, lahat ng bagay sa loob ng casino ay
nagbubukas ng isang mundong lutang at lalong naghihiwalay sa ugnayan ng mga
tao nakaangat at naghihirap.
Oo, kumikita ang gobyerno mula sa mga casino, mula sa mga luho ng iilang
naghaharing uri at mga taong napaglalaruan ng kulturang pinapalaganap ng mga
kapitalista, ngunit hindi ito sapat na dahilan upang lalong palaganapin ang casino.
Kung nais ng pamahalaan na magkaroon ng sapat na badyet para sa serbisyong
pang-kalusugan at pang-edukasyon, huwag na bayaran ang mga utang na hindi
naman napakinabangan. Kung nais ng pamahalaan na magkaroon ng sapat na
kita, dapat nang manasyonalisa ang mga mapagsamantalang dayuhang
korporasyon sa ating bansa. Ang kita mula sa mga casino ay hindi dapat maging
batayan upang lalo pa itong palakihin at magpatayo ng “Tourism City”, isang
kulturang casino, indibidwalista at ideyalista.
Sa huli, sa paghagis ng dice, sa pagbalasa ng baraha, at sa pag-ikot ng
roleta, sandaang porsyento mang nasa likod mo ang gobyerno, alalahanin din ang
kwento sa likod ng casino.

Mga Sanggunian:

Bangko Sentral ng Pilipinas. (2005). Anti-money laundering act of 2001 (RA 9160).
Retrieved September 14, 2008. from
http://www.bsp.gov.ph/regulations/laws_aml.asp
Brago, Pia. (2008). Pagcor casinos not money laundering outlets, says official. Retrieved
September 14, 2008, from
http://www.philstar.com/archives.php?&aid=20080502109&type=2&

Manghas, Malou, at De Leon, Ponce. (2008). PCIJ. The Pagcor Money Machine: Who
Spends What, and How?. Retrieved September 14, 2008 from
http://www.pcij.org/stories/2008/tourism-city4.html

PAGCOR. (2005). Philippine amusement and gaming corporation Retrieved


September 14, 2008, from http://www.pagcor.ph/

Wikipedia. (2008). Casino. Retrieved September 14, 2008, from


http://en.wikipedia.org/wiki/Casino

________. (n.d.). Philippines. Retrieved September 14, 2008, from


http://online.casinocity.com/jurisdictions/jurisdiction.cfm?Id=25