Napoleon Bonaparte Si Napoleon I (ipinanganak Napoleone di Buonaparte, pagkatapos Napoleon Bonaparte) (Agosto 15 1769 - Mayo 5 1821) ay ang unang

emperador ng Unang Imperyong Pranses ng Pransya, unang hari ng Italya, tagapamagitan ng Kumpederasyong Suwiso at unang tagapagtanggol ng Kumpederasyon sa Rhine (kalaunan ay nagkaisa bilang Alemanya noong 1871). Ang kanyang mga ginawa ay nagdulot ng napakalaking pagbabago sa pulitika ng Europa sa ikalabingsiyam na siglo. Si Napoleon I ay isinilang sa Corsica at nagsanay bilang hukbo ng sandatahang lakas ng Pransya sa ilalim ng Unang Republikang Pranses at isa sa mga matagumpay na pinuno ng hukbo na tumalo sa Una at Ikalawang mga Koalisyon laban sa pamahalaan ng Pransya. Noong 1799, pinamunuan niya ang isang kudeta at iniluklok ang sarili bilang unang Konsul ng Pransya; pagkalipas ng limang taon, bilang Emperador ng mga Pranses. Sa pagpasok ng mga unang dekada ng ikalabingsiyam na siglo, matagumpay niyang nilabanan ang mga makapangyarihang bansa sa Europa kasabay ng pagtatatag ng Imperyong Pranses. Ang Pananalakay ng mga Pranses sa Rusya noong 1812 ang naging hudyat ng pagbabago ng kanyang kapalaran. Noong 1813, tinalo ng Ikaanim na Koalisyon ang kanyang hukbo sa labanan sa Leipzig; noong 1814, sinalakay ng koalisyon ang Pransya kung saan ay napuwersa si Napoleon I na iwanan ang trono at magtungo nang palihim sa isla ng Elba. Makalipas ang kalahating taon, tumakas siya sa Elba at muling umakyat sa kapangyarihan, ngunit siya ay tuluyang natalo sa pamosong labanan sa Waterloo, Belhika noong Hunyo 1815. Siya ay ipinatapon ng pumalit na haring Bourbon sa isla ng Saint Helena sa ilalim ng mga bantay na Briton. Ilang aral ang nag-imbestiga sa kaso ng kamatayan ni Napoleon I, kung saan siya ay pinatunayang namatay sa kanser sa bituka, ngunit ayon naman kay Sten Forshufvud, siya ay namatay dahil sa paglason gamit ang arseniko. Ang kaguluhan sa Europa na idinulot ng malawakang pananakop ni Napoleon I ay nagdulot ng malaking pagbabago sa sistemang pulitika ng mga nasakop na mga bansa: ang kanyang mga istilo sa kampanyang pangdigmaan ay inaral ng iba't ibang paaralang pang-militar. Ginamit rin ang kanyang kodigong Napoleonic bilang batayan ng batasan ng mga kasalukuyang mga bansa.