Editorial 176 Marami sa atin ang nagdiwang dahil sa tagumpay ng kampanya ng mga Sumilao farmers.

Marami nga ang natuwa, lubos na nasiyahan at nabuhayan ng loob. Ngunit ano nga ba ang tunay na tagumpay na nakamit ng mga katutubong magsasaka ng Sumilao? Itinuring na isang malaking tagumpay ang pagkakaloob muli sa mga katutubong Higaonon ng Sumilao ng kanilang orihinal na lupang sakahan. Noong Marso 29, pormal na ngang nagkaroon ng kasunduuan ang mga magsasaka ng Sumilao at ang San Miguel Foods Inc. para sa muling pagkakaloob sa 144 ektaryang pinagtatalunang lupain. Inatasan na rin ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo si Department of Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman na alamin ang mga posibleng benepisyaryo ng naturang muling pagkakaloob ng lupa. Tulad ng pahayag ng mga Sumilao farmers, ang tunay na layunin ng kanilang martsa mula Bukidnon hanggang Maynila ay hindi lamang upang makamit muli ang lupang minana pa nila sa kanilang mga ninuno. Higit pa sa kanilang naising makamit muli ang halos dalawang daang ektaryang lupain ay ang mithiin nilang ma-ipaglaban at makamit ang tunay na hustisya – hustisya para sa kanilang karapatang mabuhay; hustisya para sa kanilang karapatang magmay-ari ng lupa; at hustisya para sa kanilang karapatan na mamuhay ng disente at payapa. At matapos nga ang kanilang halos dalawang-libong kilometrong martsa ay napasakamay din ng mga katutubong magsasaka ang hustisyang kanilang minimithi. Ito ang tunay na tagumpay ng mga Sumilao farmers! Ang muling mapasakanila ang hustisyang ipinagkait at inagaw sa kanilang mga kamay dahil sa kanilang kawalan ng kapangyarihan at higit sa lahat nang dahil sa kanilang kahirapan. Walang ibang tagumpay ang mga Sumilao farmers kung hindi ang tagumpay ng pagkait ng tunay hustisya at ang tagumpay ng pagkait ng karapatan ng mga maliliit at naaapi. Ang tagumpay na ito ayon kay Manila Archbishop Cardinal Gaudencio Rosales ay biyaya mula sa Diyos. Ayon sa kanya, ito ay resulta ng patuloy na pananampalataya sa Diyos, sa mabuting saloobin ng bawat isa, at maging ang pagtitiwala sa ibang tao. Dagdag pa ng Mahal na Kardinal, ang tagumpay na ito ay resulta ng pagpanig ng mga tao para sa tahimik at payapang pamamaraan ng pagkait ng hustisya at hindi ang paggamit ng dahas o alin mang mapangahas na pamamaraan. Samakatuwid, mahalagang maisapuso ng bawat anak ng Diyos na isa sa mga pundamental na mabubuting saloobin na kailangang lingapin ng lipunan ay ang kahalagahan ng hustisya. Ayon sa catholic social teaching na ipinahayag ni Pope John Paul II sa kanyang encyclical na Sollicitudo Rei Socialis, ang hustisya ay hindi lamang isang ordinaryong kumbensiyon ng mga tao, at ang hustisya at katarungan ay hindi lamang isang promulgasyon ng batas, kung hindi, ito ay isang mahalagang kasangkapan para

maprotektahan ang natural na dignidad at karapatan ng bawat nilalang laban sa mga banta upang supilin ito. Ipagpatuloy sana natin ang pagkait para sa tunay na hustisya sa lahat ng mga naaapi at naghihirap nating mga kababayan. Katulad ng naging karanasan ng mga Sumilao farmers, mapagtatagumpayan natin ang mga ito!

Sign up to vote on this title
UsefulNot useful