You are on page 1of 4

Parnaso ng Wikang Filipino sa 18 Punto1

NI MARK ANGELES2

1

Kapag nababanggit ang salitang “parnaso”, dalawang bagay ang aking naaalala: una, ang antolohiyang Parnasong Tagalog na tinipon at pinamatnugutan ni Alejandro G. Abadilla; at ikalawa, ang Parnaso ng Payaso na siyang unang album na inilabas ng bandang Pan ni Dong Abay. Kalaunan, nadiskubre kong itinatag ni Aurelio Tolentino ang El Parnaso Filipino, isang paaralan para sa pagpapalaganap ng panitikan ng Pilipinas. Naisip ko, nakatapak kaya si AGA sa bakuran ng El Parnaso Filipino?

2

May isang antolohiyang pinamagatang Parnaso Filipino: Antologie de Poetas del Archipelago Magellanico na tinipon ni Eduardo Martin de la Camara. Masisipat ito sa gutenberg3. Tinapos ni de la Camara ang kanyang prologo para sa libro nang ganito: Ahora, lector, déjame, porque yo te dejo. Tú vas ganando. Avanza la procesión de poetas... “Ngayon, mambabasa, hayaan mo ako, dahil iiwan na kita. May biyaya ka. Ito ang paradang isinusulong ng mga makata.” (Sa akin ang salin) Isang parada pala ng mga akda ang antolohiya. Gayunman, lahat ng tula sa nabanggit na aklat ay nasa wikang Kastila!

3 4

Kasama sa album na Parnaso ng Payaso ang mga kantang pinamagatang Mabuhay! at Rebolusyon. Nakilala ni Tolentino si Andres Bonifacio sa Tondo nang lumipat ang una sa nasabing lugar para manirahan. Naging kasapi ng Katipunan si Tolentino at kasamang naghanap ng kuta ng lihim na kilusan na kanilang natagpuan sa Kuweba ng Pamitinan sa kabundukan sa paanan ng Sierra Madre.

1

Papel na binasa sa seminar na may temang “PARNASO AT PROSA SA WIKA NG BAYAN: ANG PAPEL NG WIKANG FILIPINO SA MALIKHAING PAGSULAT SA PILIPINAS” ng Kagawaran ng Filipinolohiya at Samahan ng mga Edukador ng mga Wika at mga Sining sa Pilipinas (Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas) na ginanap noong Nobyembre 23, 2013.
2

Makata at kwentista na nagkamit ng gantimpalang Mananalaysay ng Taon 2013 mula sa Komisyon sa Wikang Filipino. Siya rin ang ipinadala ng bansa sa International Writing Program sa University of Iowa, U.S.A. sa parehong taon.
3

http://www.gutenberg.org/files/16201/16201-h/16201-h.htm

Page 1 of 4

5

Sa Gresya matatagpuan ang Bundok Parnaso. Pinaniniwalaang doon nananahan ang mga Musa. Kabilang sa siyam na Musa sina Calliope (epiko), Clio (kasaysayan), Erato (tulang lirikal), Euterpe(awit at elehiya), Melpomene (trahedya), Polyhymnia (himno), Terpsichore (sayaw), Thalia (komedya), at Urania (astronomiya). Nagsasagawa ng orasyon ang mga makatang Griyego para kasihan sila ng Musa—ibig sabihin, ipinapanalangin nilang bumaba ang Musa mula sa Parnaso at sila ay kantahan at “hilutin”, at nang sa gayon ay magkaroon sila ng inspirasyon at ayuda para sila makapagsimula sa kanilang balak likhain.

6

Naniniwala ang mga makata na ang Musa ang siyang totoong nagsasalita sa kanilang mga akda, at hindi sila. Ang mga makata ay ginamit lamang na “mouthpiece” o instrumento ng mga Musa. Sa isang banda, paghuhugas-kamay ito sa anumang kalalabasan ng kanilang likha. At dahil dibino, hindi ito dapat usigin. Mga diyosa itong tinatawag na Musa. Inspirasyon ng halos lahat ay lalaking alagad ng sining. Tinawag ni Plato na ikasampung Musa ang makatang si Sappho. Sa kasalukuyan, ang isang musa ay isang mortal na nagsisilbing inspirasyon ng manlilikha o alagad ng sining.

7

8

Sa kasalukuyan, anumang lugar na pinamumugaran ng mga alagad ng sining— bilang isang artists’ colony—ay tinatawag na Parnaso. Ang isang antolohiya ng mga akdang pampanitikan ay nagsisilbing lunan. Kung gayon, isang espasyo; isa ring Parnaso.

9

Ano ang papel ng wikang Filipino sa malikhaing pagsulat sa Pilipinas? O, makapagtatatag ba ng parnaso ng wikang Filipino? Anong klaseng parnaso ito? Gaya ba ito ng isang paaralan (sabihin pang isang artists’ colony) tulad ng itinatag ni Tolentino o isang antolohiya tulad ng tinipon at pinamatnugutan ni AGA?

10

Isang mahalagang tanong: Ano ang wikang Filipino? Sinasabing ito ay singular na wika na kumakatawan sa lahat ng mga wika sa Pilipinas. Isa ba itong chop seuy o sapin-sapin? Baka isang smörgåsbord.
Page 2 of 4

11

Mas kapana-panabik subaybayan ang Ethnologue4 kesa sa mga teleserye. Bakit? Dahil lagi’t laging may pagbabago sa datos patungkol sa mga wika sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, ayon sa kanilang pananaliksik, mayroong 185 wika sa buong kapuluan. (Hindi na nakasunod ang Wikipedia5.) Ikalawa, may balangkas ito ng thanatos. Sa 181 buhay na wika, labintatlo ang nasa balag ng alanganin at sampu na ang nag-aagaw-buhay. Ibig sabihin, buhay ang wika. Ibig sabihin, dumaraan ito sa hakbang-hakbang at buwis-buhay na pakikipagsapalaran. Kailangan nito ng kalinga. Mayroon itong mga kakampi at kaaway. Siyempre, hindi mawawala ang kontrabida. Hindi lang makikita sa mga tala ng kasaysayan at anyo ng panitikan ang neurosis at logorrhea, kundi maging sa mga sertipiko (birth, death, sedula atbp.), suicide note, at vandal sa kubeta. Sa katunayan, ang mga letrang karaniwan nating nakikita sa mga graffiti ay may tukoy na pinaggalingang gang o cultural group.

12

Nasaan ang parnaso ng wikang Filipino? Nasa mga institusyon? Nasa palasyo? Sa dampa? Baka nasa refugee camp o evacuation center. Mahalagang tuntungan ang datos ng Ethnologue. Sa humigit-kumulang 7,100 isla ng ating republika (high tide man o low tide), mayroon tayong halos dalawang daang wika. Paano bubuklurin ang mga kababayan? Anong wika ang gagamitin para kausapin ang nakararami? Noong unang bahagi ng pananakop ng mga Kastila, naging taktika ng mga misyonero na pag-aralan ang ating mga wika at maglimbag ng mga diksyunaryo sa katutubong wika. Hindi ba’t kahit hanggang ngayon, tuwang -tuwa tayo na makakita ng mga porendyer na marunong magsalita ng Filipino? Kesehodang ang interes pa ng mga ‘yan ay abusuhin tayo at nakawin ang ating likas na yaman. Kahit iba ang kulay ng balat (buhok, mata at kung ano pa) at nag-issue ng pasaporte, basta marunong mag-Filipino, pakiramdam natin kaisa natin sila sa pagtahak natin sa buhay bilang mga Pilipino. Ganyan ang salamangka ng katutubong wika.

13

14 15
4 5

Internet hit ang Tagalog tweets ng British ambassador na si Asif Ahmad. Aniya: Di gusto ko sumasakit ang puso ng mga Pinoy, lalo na ang mga Pinay Ano ang wikang Filipino? May nagsasabing ito ay imperyalistang Tagalog.

http://www.ethnologue.com/country/PH May 175 wika sa Pilipinas, ayon daw sa Ethnologue (http://en.wikipedia.org/wiki/Languages_of_the_Philippines)

Page 3 of 4

Sa kabilang banda, may nagsasabing ang akdang Tagalog ay kabilang sa regional literature.

16

Trabaho ng mga linggwista na linawin kung ano ang wikang Filipino. Para sa akin, hindi na ito wikang Tagalog. Marami na itong salitang hiram at halaw sa ibang katutubong wika sa Pilipinas at ibang bansa. Nagaganap ito hindi lang sa mga diskursyo sa akademya, kundi maging sa mga talyer at tindahan. Bigyan ko kayo ng isang halimbawa, ang salitang kurimaw6. Ilan sa atin dito sa bulwagan ang gumagamit ng salitang bilat para tukuyin ang kababaihan? Ilan sa atin ang gumagamit ng salitang girl para tukuyin ang kaibigan o kakilala? Sa ngayon, hindi lang babae ang tinatawag na girl. Tinatawag na ring girl ang mga kaibigang lalaki. Maging mga kamag-anak na lalaki. Narinig na ba ninyo ang kuwento ng isang estudyante na tinawag na girl ang kanyang tatay?

17

Nasa panahon na tayo na maging ang mga holdaper, guwardiya, at kaminero ay may cellphone. Nasa panahon na tayo na nakatutok ang kabataan sa social media. Dumadaloy ang wika sa teknolohiya. Ang papel ng wika sa malikhaing pagsulat ay ito: manatiling buhay. Ngunit nasa kamay ng mga gumagamit at nagpapalaganap ang kanyang survival. Ang pinakamabuting paraan ng paglikha ay nasa gawaing pagmumulat at pagpapakilos7. Isa sa mga trip kong kataga ay ito: “Essence8 is the attribute or set of attributes that make an object or substance what it fundamentally is, and which it has by necessity, and without which it loses its identity.”

18

Ngayong araw, kinikilala natin ang International Day to End Impunity kasabay ng anibersaryo ng Ampatuan Massacre. Paano natin ipaliliwanag ang salitang impunity sa taumbayan? Ngayong taon, ipinagdiriwang natin ang ika-150 kaarawan ni Andres Bonifacio. Paano natin ilalapit ang pakikibaka sa taumbayan sa pamamagitan ng malikhaing pagsulat? Mabigat ang hamon pero hindi kailangang pasanin ang Parnaso. Kailangan itong tibagin at hukayin.

6 7 8

“mala-halimaw” sa Binisaya pero ginagamit na rin ng mga nasa ibang rehiyon sabi nga sa Kartilya ni Emilio Jacinto, “Ipagtanggol mo ang inaapi at kabakahin ang umaapi.” http://en.wikiquote.org/wiki/Essence

Page 4 of 4