A Time For Us by Rebecca Rosal

Chapter 1 Napanganga si Lenneth na tinitingala ang gusali na pinapatayo malapit sa kanilang lugar. Kasalukuyan pa lang silang naglalagay ng mga malalaking bakal para sa sahig at poste ng pangalawang palapag, at sa tantiya niya‟y nasa three thousand square meters ang luwang ng gusaling iyon. Tatlong buwan na mula ng umpisahan ang gusaling iyon, ngunit nung nakaraang araw lang nag-umpisang magtrabaho ang kanyang ama doon dahil nagkasakit daw ang isa sa mga trabahador kaya‟t naghahanap sila ng kapalit. Ayaw sana niyang payagan ito dahil kagagaling lang nito sa trangkaso, ngunit malubha kasi ang sakit ng kanyang ina kaya‟t kailangang-kailangan nila ng pera. “Lenlen?” Napalingon si Lenneth sa isang mamang tumawag sa kanyang pangalan. Palayaw niya iyon nung bata siya kaya‟t sigurado siyang kakilala niya iyon. “Ay, tito Lambert, kayo pala.” Kapitbahay niya iyon at malapit na kaibigan ng kanyang ama. Ito ang nagrekomenda sa kanyang ama na mamasukan doon. “Babaunan mong papa mo?” tanong ni Lambert sa kanya. “Opo,” sagot ni Lenneth na lumapit sa mama. Nakatayo ito sa harapan ng gate ng binakurang construction site. “Breaktime na po ba ninyo?” “Hindi pa. Maaga lang akong lumabas at may kukunin ako sa bahay.” “Eh si papa?” “Nasa loob. Puntahan mo lang siya doon. Mag-ingat ka lang at baka mabagsakan ka.” Ngumiti si Lenneth. “Opo.” Pumasok na siya sa construction area at umalis naman na si Lambert. Pagpanhik pa lang niya‟y naglingunan na sa kanya ang mga trabahador. Hindi naman siya nahiya dahil kakilala niya halos lahat ng mga nandoon. “Mang Larry!” sigaw ng lalaking unang nakakita sa kanya. Si Johnson iyon, ang kilalang lasinggero sa kanilang barangay, pero mabait naman ito at hindi nakikipag-away. “Andito ng dalaga mo!” Mula sa kung saan ay nakita niyang lumabas ang kanyang ama na nasa ikalawang palapag ng gusali. Bumaba ito gamit ang ladder at lumapit sa kanya. “Ba‟t andami yata niyang dala mo?” tanong ng kanyang ama na. “Sa akin po „tong isa. Sabay na po tayong kumain. Wala akong kasama eh.” “Ba‟t si mama mo?” “Nakatulog. Ayaw raw niyang kumain.” Bumuntung-hininga si Larry. “Talaga yang nanay mo. Kaya hindi gumagaling eh. Antigas ng ulo.” “Mang Larry!” sigaw ng isang lalaking na abalang nagpuputol ng bakal. Iyon naman si Renato. Kilala rin sa barangay nila ito dahil sa madalas na mala-

armalite na bunganga ng asawa nito. “Buti ka pa may nagdadala ng pagkain mo. Samantalang ako yung misis ko madjong ang inaatupag.” “Aba, siyempre naman,” pagmamalaki ng kanyang ama. “Palibhasa kasi yung mga anak mo puro mga barako.” May mga ilang kalalakihang nagtawanan. May mga nakikiususero pala sa kanilang usapan. Nang biglang tumunog ang bell na hudyat ng kanilang lunch break. Nagsitayuan ang mga trabahador at nagsibabaan ang mga nasa itaas. Halos sabay-sabay ang mga itong nagtanggal ng mga helmet at nagpunas ng pawis, saka nagsipuntahan sa kinaroroonan ng faucet para maghugas. “Doon ka na muna at maghuhugas din ako,” anang kanyang ama. Nang nakaalis ang na ito ay nagtungo siya sa isang tabi kung saan may isang mahabang bench na yari sa kahoy. Umupo siya doon at naghintay. Mula sa kinaroroonan niya ay nakita niya ang bulletin kung saan nakaguhit doon kung ano ang magiging itsura ng building kapag natapos na. Nagulat siya. Limang palapag pala ang taas ng building. Hindi niya maiwasang matakot na baka mahulog ang kanyang ama kapag umakyat ito sa itaas, lalo na‟t may edad na ito. Tinitigan niya ang larawan ng ilang sandali. Mukhang isang malaking kompanya nga talaga ang tatayo doon. Kung sabagay ay kilala naman si Severino Fajardo na milyonaryo. Hindi malayong makakapagpatayo ito ng ganoon kalaking gusali. Habang naghihintay ay binasa niya ang mga nakasulat sa design. Naroon ang pangalan ni Severino bilang may-ari. Andun rin ang engineer, ngunit ang nakakuha ng pansin niya ay ang architect nito. “Architect Darian Fajardo,” pabulong niyang binasa ang pangalan. Anak siguro iyon ni Severino. Naagaw ang atensyon ni Lenneth ng isang lalaking nakayuko pa rin sa ikalawang palapag at pinapahigpitan ang turnilyo ng mga malalaking bakal. Nakasuot ito ng helmet kaya‟t hindi niya masyadong makita ang mukha nito. Napakatahimik nito at para bang iisa lang ang focus ng mga mata nito. Kaiba sa karaniwang mga karpintero na payat o kaya‟y malaki ang tiyan, maganda ang pangangatawan ng lalaking ito. Kahit naka-tshirt ito ay halata ang muscles nito sa mga braso. Parang hindi pa niya ito nakita. Malamang ay taga-ibang lugar ito. “Anong tinitignan mo dyan?” “Ay!” Nagulat si Lenneth ng napansing nasa tabi na niya pala ang kanyang ama. Nang sundan nito ang kanyang tingin at ngumiti ng makahulugan sa kanya ay batid niyang nabuko nito ang kanyang tinititigan. “Oy, iho!” sigaw ni Larry sa lalaki. “Tama na yan. Kumain ka na muna.” Lumingon sa kanilang direksyon ang lalaki, at para bang nagulat si Lenneth ng makita ang mukha nito. Bata pa pala ang lalaking, at parang kaedad lang niya. Hindi niya sigurado ngunit parang napatingin ito sa kanya at tinitigan siya ng ilang sandali. Maya-maya‟y wala itong imik na ipinagpatuloy ang trabaho na para bang walang narinig.

“Papa, ba‟t di ka niya pinansin?” tanong niya sa ama. “Mukhang masama ang ugali niyan.” Umupo si Larry sa tabi niya at binuksan ang baunan. “Hindi naman. Bago lang kasi siya dito gaya ko kaya siguro nahihiya pa, pero masipag namang magtrabaho. Masyado nga lang tahimik. Balita ko kasi naulila na raw yan eh. Kailan lang daw namatay nanay niyan eh. Kaya dinala ni boss Fajardo dito para tumulong.” Nakangangang tinitigan ni Lenneth ang lalaki. “Ay ganun? Kawawa naman pala siya. Nalulungkot siguro siya kaya hindi nagsasalita.” “Siguro,” sagot ng kanyang ama. “Hala, kumain na tayo at balikan mo na ang mama mo. Baka magising yun walang kasama sa bahay magtatampo na naman.” Pagkatapos nilang mananghaliang mag-ama ay noon lang napansin ni Lenneth na wala na pala ang lalaki doon. Malamang ay tahimik itong bumaba para kumain sa labas. *** “Mama, sige na kumain ka na,” halos nagmamakaawa na si Lenneth na sinusubukang subuan ang ina na nakaupo sa kama, pero ayaw man lang nitong buksan ang bunganga. “Sabi ng ayaw eh.” Kahit galit na ang kanyang ina ay mahina ang boses nito dahil halos wala na itong lakas sa sobrang kapayatan. Mula ng nabangga ito ng jeep kung saan natanggalan ito ng isang paa ay na-depress na ito ng husto kaya‟t kailangan pa itong suyu-suyuin bago kumain at kung minsan ay hinahampas pa nito ang pagkain. Ilang beses na rin itong nagtangkang magpakamatay kaya‟t ikinukulong nila ito sa loob ng kuwarto. At nung nakaraang buwan ay isinugod nila ito sa hospital dahil sa biglaang pagbaba ng timbang nito, at ng suriin ay malubha na pala ang leukemia nito dahil sa kawalan ng sustansya. Dahil sa kawalan ng pera ay isang beses lang nila itong naipachemotherapy. Pansamantala muna nila itong iniuwi dahil wala na rin daw magagawa ang mga doctor sa lagay nito. Kaya‟t kahit na nanghihina na ang kanyang ama ay pinilit pa rin nitong mamasukan sa construction baka sakaling mailigtas nila ang buhay ng kanyang ina. Napalingon si Lenneth sa wallclock na nasa dingding at napamulagat siya ng napansing alas dose na pala. “Ay! Yung baon ni papa!” aniya at mabilis na tumayo. “Balikan ko kayo mama. Dalhan ko lang ng makakain si papa.” Hindi na niya narinig kung sumagot man ang kanyang ina dahil mabilis siyang lumabas ng kuwarto at inihanda ang baon ng ama. Halos nagtatakbo siyang nagtungo sa construction site, at ng nakarating siya doon ay nagsisilabasan na ang ilang mga manggagawa. “Kuya Johnson!,” hinihingal niyang wika sa nakasalubong na lalaki. “O, ba‟t nagmamadali ka?” tanong ni Johnson. “Eh akala ko late na ako eh,” aniya. “Si papa?” “Hinihintay ka niya sa loob.”

“Sige, salamat po.” Pagpasok niya ng gate ay agad niyang nakita ang kanyang ama na nakaupo sa bench kung saan ito laging kumakain. “Ay, papa! Pasensya na late ako.” “Hindi naman,” sagot ng kanyang ama. “Sakto lang ang dating mo. Ang mama mo, kumain na?” Umupo si Lenneth sa tabi ng ama. “Problema talaga papa, ayaw niyang kumain. Gusto niya kayo ang nagsusubo sa kanya eh.” Bumuntung-hininga ang kanyang ama. “Ano bang gagawin ko dyan sa nanay mo? Ginagawa ko na nga ang lahat mabuhay lang siya pero para naman siyang nagpapakamatay.” Hindi na siya umimik at inilabas ang baunan ng ama ng napansin niyang may isang taong paparating. Nilingon niya iyon at nakita niyang muli ang misteryosong lalaking nakita niya nung isang araw. Nung nakaraang araw ay nakasalubong din niya itong palabas ng gate. Nagulat siya‟t hindi niya inakalang mas matangkad pala ito sa inakala niya. Sa taas niyang five feet three ay hanggang balikat lang siya nito. Sinulyapan lang siya nito saglit at itinuwid ang tingin sa daanan. Malamang ay sa mga karenderya sa labas kumakain ito, kasama ng ibang mga karpintero. “Dhar,” biglang nasabi ng kanyang ama. Nakita rin pala nito ang lalaking paparating. “Halika kain tayo.” Bahagyang ngumiti ang lalaki at huminto sa tapat nila. Unang beses na nakita ni Lenneth na ngumiti ito. Parang nagliwanag ang mukha nito. “Salamat na lang po. Sa labas na lang po kami kakain,” anito at tinanggal ang suot na safety helmet. Napanganga si Lenneth na tinitingala ang lalaki. Napakaguwapo pala nito. May kahabaan man ang buhok nito ngunit mukhang makintab at malambot iyon na medyo kumulot sa batok. Bukod pa doon, malalim at maamo ang mga mata nito na para bang nakakamagnet, maging ang ilong nito ay para bang nasculptured sa tangos. May kanipisan ang mga labi nito kumpara sa karamihang kalalakihan, ngunit para bang nakakaagaw pansin ang paggalaw nito kapag nagsasalita. Kahit anumang pagbalik-baliktad ang gawin niya, wala talaga sa itsura nito ang pagiging karpintero. “Hoy!” Nagulat si Lenneth ng bigla siyang sikuhin ng kanyang ama sa tagiliran. Nilingon niya ito at nalamang may sinsabi pala ito. “May pinapakilala ako sa‟yo, nakatunganga ka dyan.” “Ay!” Nang tumingin siya sa lalaki ay nakita niyang nakangiti ito sa kanya. Sa hindi niya malamang dahilan ay nag-init ang kanyang mga pisngi. “Pasensya na.” “Anak ko, si Lenneth,” anang kanyang ama at tumingin sa kanya. “Si Dhar.” Tumango ang lalaki at kinamayan siya. Lalong namula ang mga pisngi niya ng maramdaman ang init ng mga kamay nito, ngunit nakapagtataka kung bakit malambot ang palad nito, di gaya ng kanyang ama na ubod ng gaspang. Naisip na lang niyang baguhan lang ito sa ganoong trabaho kaya siguro ganun.

“Ang ganda naman po ng anak ninyo,” ani Dhar sa kanyang ama. “Mana siguro sa mommy niya.” Nangiting nahiya si Lenneth. Marunong palang pumuri ito. “Ay, mali ka dyan iho,” sagot ng kanyang ama. “Sa akin nagmana ang batang yan. Lahi kami ng mga tisoy at tisay.” Nangisi si Dhar. Pakiramdam ni Lenneth ay lalong lumalalim ang paghanga niya sa lalaki, lalo na kung ngumingiti ito. Para kasing nabibigyang buhay ang mga mata nito. “Sige po, maiwan ko na po kayo.” “Sige iho.” Muli siyang nginitian ni Dhar at tumango lang siya pabalik. Habang ito‟y papalayo ay pinagmamasdan niya ang likod nito, nang di sinasadya‟y napatingin siya sa billboard kung saan nakalarawan ang building, at napansin ang architect nito. “Papa?” Tumingin siya sa kanyang ama na pinupunasan ang kutsara. “Dhar po kamo ang pangalan niya? Hindi kaya siya yung architect?” Napalingon ang kanyang ama sa billboard at nagsalubong ang mga kilay nitong tumingin pabalik sa kanya. “Anak ni Fajardo yang architect na yan. Martinez naman si Dhar, hindi Fajardo. Ikaw kung anu-anong iniisip mo. Ba‟t naman pagta-trabahuin ni Fajardo ang anak niya sa delikadong lugar na ito?” Tinakpan ni Lenneth ang kanyang bibig. Tama nga naman ang kanyang ama. Sa yaman ng mga Fajardo ay hindi nito isusugal ang buhay ng anak sa delikadong trabaho na iyon. Siguro ay nagkataon lang na pareho ang pangalan ng mga ito. Muli siyang tumingin sa binatang papalabas na ng gate, at ng wala na ito ay napangiti siya. May itsura man ito at mukhang mabait, subalit hindi niya ito dapat masyadong pag-ukulan ng pansin. Desperada na nga siya sa buhay, isang mahirap pang kagaya nito ang pag-iinteresan niya. Kung namimili man siya ay may malaking dahilan. Siya lamang ang nag-iisang anak, at sa malubhang karamdaman ng kanyang ina at tumatanda na rin ang kanyang ama, at dahil sa liit ng suweldo kung nagkatrabaho man siya, hindi niya kakayaning alagaan ang mga ito kung hindi siya didiskarte. Sa tingin naman niya‟y maganda siya, at marami ding nagsasabi nun. Kung sa mukha ay malalaki ang kanyang mga mata na kulay kape at mahahaba ang kanyang mga pilikmata. Matangos din ang kanyang ilong at likas na mapupula ang kanyang mga maliliit na mga labi. Kapag nainitan siya‟y nagkakaroon ng kulay ang kanyang mga pisngi. Maitim at tuwid ang mahaba niyang buhok na malapit ng umabot sa kanyang baywang. Kung sa katawan naman ay maputi ang kanyang kutis at wala naman siyang gaanong peklat. Higit sa lahat, maganda ang hubog ng kanyang katawan. Hindi man kalakihan ang kanyang dibdib ngunit may laman naman ito kahit papaano at maliit ang kanyang baywang, at malapad ang kanyang balakang. Bata pa naman siya sa edad na twenty-four, kaya makakahanap pa naman siguro siya ng isang professional. Hindi niya hangad ang isang mayaman, ang importante lang ay may natapos ito at may magandang trabaho. Huminga siya ng malalim at inalis sa isipan ang makisig na mukha ni Dhar. Pinanood niya ang kanyang ama na animo‟y dalawang araw na hindi

kumain. Lalo siyang naawa dito. Sa hirap ng trabaho nito ay talagang mapapagod ito ng ganun. Sa araw-araw na pagdadala niya ng pagkain ng kanyang ama ay naging araw-araw din ang pagkikita nila ni Dhar. Parang sinasadya pa nito na hintayin siya sa bench, kasama ng kanyang ama, at kapag dumating na siya‟y ngingitian lang siya nito at mamamaalam na. Ni minsan yata ay hindi pa siya nito kinausap. “Napansin ko, parang may gusto sa‟yo yang si Dhar,” minsa‟y nasabi ng kanyang ama. “Papa naman. Dahil ba nginingitian niya ako?” “Parang araw-araw ka niyang hinihintay eh, at saka iba ang tingin niya sa‟yo. Kung sabagay, guwapo naman at masipag. Masuwerte ka na dun.” “Hay naku papa,” ani Lenneth. “Ang hirap na nga ng lagay natin sa karpintero pa ako mahuhulog. Hindi naman siguro masamang mangarap ako ng medyo may kaya.” “Kung sabagay,” tumango ang kanyang ama. “Mas maganda na yung maging practical ka. Pero malay natin, kung magsisipag yang batang yan eh baka umasenso din.” Bumuntung-hininga si Lenneth. “Iilan lang ang sinisuwerte ng ganun. Hindi na nakukuha sa sipag ang progreso ngayon.” Iwinaglit niya sa isipan ang sinabing iyon ng kanyang ama. Kahit totoo mang may pagtingin sa kanya si Dhar ay ayaw niyang paapekto doon. Buo na ang kanyang pasya, hindi niya kailanman gugustuhin si Dhar. Mas pipiliin pa niya ang isang pangit na may maipagmamalaki sa buhay. “Lenlen?” Narinig ni Lenneth ang boses ng kanyang ama mula sa sala. Abala siya noon na naghuhugas ng pinggan. Sa tono nito ay parang may sorpresa ito sa kanya. Nangiti siya. Araw pala ng suweldo noon. “Bakit papa?” Pumasok ang kanyang ama at may kung anong tinatago sa likuran nito. Makahulugan ang ngiti nito sa kanya. “Sabi ko na tama ang hinala ko eh.” Pilit sinilip ni Lenneth ang tinatago nito sa likuran ngunit hindi niya iyon makita. “Ano po ba yan?” “May gusto nga talaga sa‟yo si Dhar.” Nagsalubong ang kilay ni Lenneth, at ng ilabas ni Larry ang tinatago nito sa likuran ay naunawaan niya ang ibig nitong sabihin. Parang isang box ng chocolates iyon na nakabalot pa. “ Para daw sa‟yo.” Napatunganga ng ilang sandali si Lenneth, at saka siya suminghal na tinanggap iyon. Special pa ang ginamit na wrapper. Nakakakonsensya sa kanya na tanggapin iyon dahil batid niya ang hirap ng trabaho nito, pagkatapos ay ibibili lang nito ng walang saysay na chocolate. “Ba‟t niyo naman tinanggap?” “Alangan namang tanggihan ko. Masasaktan naman yung tao.”

“Isipin mo naman papa. Isang linggo siyang nagpakahirap tapos pambili lang niya nito. Ba‟t di na lang niya ipunin?” “Lenlen, bukal sa puso niyang ibinigay yan sa‟yo. At least yan pinaghirapan niya, hindi niya ninakaw. Kaya dapat magpasalamat ka at special ka sa kanya. Ikaw lang ang narinig kong nagreklamo na binibigyan.” Bumuntung-hininga si Lenneth at ibinaba ang chocolate sa mesa, saka niya ipinagpatuloy ang paghuhugas. “Ito pala.” Nilingon niya ang kanyang ama na nagbibilang ng pera. “Pamalengke mo bukas. Tipirin mo na at ipapa-check-up pa natin ang mama mo.” Nagulantang silang mag-ama ng makarinig sila ng nabasag na baso sa kuwarto. Naunang tumakbo ang kanyang ama para tignan iyon. Agad naman niyang pinunasan ang kanyang mga kamay at sumunod sa kuwarto. Napamulagat siya ng nakitang nangingisay ang kanyang ina sa kama na para bang nawawalan na ng buhay. Kaya siguro nito binasag ang baso para makuha ang atensyon nila. Agad itong binuhat ng kanyang ama. “Lenlen, mauna ka na! Pumara ka ng taxi!” Noon lang siya nakagalaw at mabilis na tumakbo palabas ng bahay. Napakalayo pa ng highway na pag-aabangan niya ng taxi at baka matagalan siya sa paghihintay, kaya‟t para bang hulog ng langit na nasilayan niyang paparating ang tricycle ni Lambert na gagarahe na sana. “Tito Lambert!” humihingal siyang humawak sa tricycle. “Si mama, inatake yata. Pakidala naman natin siya sa hospital.” “Saan siya?” “Iniwan ko sila sa bahay!” Hindi na nag-aksaya ng panahon ang kapitbahay at pinasakay siya nito sa tricycle. Nakasalubong nila ang kanyang ama na buhat-buhat ang walang malay na asawa nito. Chapter 2 Pinahid ni Lenneth ang luha mula sa kanyang mga pisngi habang tinatahak niya ang daan pauwi. Hindi maalis sa isipan niya ang pagsuka ng kanyang ina ng dugo na isinalin dito. Hindi na raw tinatanggap ng katawan nito ang dugo kaya‟t wala ng silbi pang salinan itong muli. Wala na raw magagawa ang ospital. Pinayuhan na rin sila ng doktor na ihanda ang mga sarili nila sa anumang maaaring mangyari. “Hi Lenneth.” Isang mababang boses ng lalaki ang narinig niya. Nang lumingon siya sa kanyang kanan ay nakita niya si Dhar na nakangiting papalapit sa kanya. Mukhang galing ito sa kalenderya kung saan kumakain ang mga ito. “H-hi,” pinilit niyang ngumiti pabalik. “Ba‟t pala wala ang papa mo?” tanong nito ng nakatayo na ito sa harapan niya. “N-nasa ospital eh. Binabantayan niya si mama. Sige, nagmamadali ako eh,” aniya at magpapatuloy na sana ng muling nagsalita si Dhar. “Samahan na kita.”

Muling niya itong nilingon. “Hindi ka ba male-late?” Nagkibit-balikat lang si Dhar. “Okay lang yun. Para makita ko naman ang lagay ng mama mo.” “Pero uuwi muna ako. May kukunin lang ako sa bahay.” “Sige, samahan na rin kita.” Hindi na umimik si Lenneth at sabay silang naglakad sa kalsada. “Hinihintay kita kanina eh,” ani Dhar makaraan ang ilang sandaling katahimikan. “Nagtaka ako ba‟t hindi ka dumating. Iyon pala wala ang papa mo.” Napatingin si Lenneth sa binata. “Ba‟t mo naman ako hinihintay?” Ngumiti si Dhar. “Gusto lang siguro kitang makita.” Hindi nakapagsalita si Lenneth. Wala siya sa kondisyon para maapektuhan sa ganoong mga bagay. Isa pa‟y wala siyang balak na patulan ito. Sa totoo lang ay hindi niya iyon nagustuhan. Nagkaroon uli ng katahimikan. Napansin niyang panay ang titig sa kanya ni Dhar, at kapag nahuhuli niya ito ay nginingitian siya nito. “Lenneth,” binasag ni Dhar ang katahimikan. “May date ka ba sa Valentine?” “W-wala. Wala naman akong boyfriend.” Tumawa ng mahina si Dhar. “In that case, would you like to spend dinner with me on the fourteenth?” Natigil sa paglalakad si Lenneth at hinarap ang binata. Naiinis na siya dito. “Nililigawan mo ba ako?” mataray niyang tanong. Saglit na natulala si Dhar. Parang nagulat ito sa kanyang naging reaksyon. “H-hindi pa ba obvious?” “Hah!” sarkastiko ang tawa ni Lenneth. “Puwede ba? Pili-piliin mo naman ang liligawan mo. Alam mo na ngang ang hirap hirap ng buhay namin, papatol pa ako sa isang karpinterong kagaya mo? Hindi pa ako baliw!” Tulalang nakatitig sa kanya si Dhar. Hindi ito makapaniwala sa narinig. Sa sobrang kahihiyan ay namula pa ito. “Huwag mo na akong samahan,” aniya dito at nagpatuloy sa paglalakad. Nang nakalayo na siya ay saglit niya itong nilingon para siguraduhing hindi siya nito sinusundan. Nakita niya itong nakatayo pa rin sa kung saan niya ito iniwan. Tulala pa rin ito. Bumuntung-hininga si Lenneth at di na muling lumingon. Para siyang nakonsensya sa kanyang sinabi. Wrong timing naman kasi ang pakikipag-usap nito sa kanya. Kung hindi sana ganun ang nangyayari sa kasalukuyan ay sana‟y kinausap niya ito ng mabuti para naman hindi ito nasaktan ng ganun. Kahit gutom si Lenneth ay hindi na siya kumain. Kumuha na lamang siya ng ilang mga damit ng kanyang ama para pagbihisan nito at lumabas na ng bahay. Bumili na rin siya ng kanin at ulam sa kalenderya para may makain ang kanyang ama. Pagdating niya sa ospital ay hindi niya inakalang makikita na naman niya si Dhar na kausap ng kanyang ama sa harapan ng emergency room. Magkatabi ang mga itong nakaupo sa isang mahabang bench, at habang

papalapit siya‟y nakita niyang may iniaabot si Dhar na parang isang libong buo sa kanyang ama. “Papa!” halos naisigaw niya ng nakalapit na siya sa dalawa. “Ibalik niyo yan, ano ba naman kayo?” “Ba‟t naman…” Hindi natuloy ang sinasabi ng kanyang ama ng biglang tumayo si Dhar. “Tulong ko yan sa inyo,” anang binata. “Pagpasensyahan niyo na, yan lang ang nakayanan ko.” “Yun nga eh,” sagot ni Lenneth. “Yan na nga lang ang pera mo, ibibigay mo pa sa amin. Isipin mo naman ang sarili mo. Sa liit ng suweldo niyo paano ka kakain niyan?” “Lenneth!” galit na tumayo ang kanyang ama at hinila ang kanyang braso. “Imbis na magpasalamat ka--.” “Huwag kang mag-alala,” sabat ni Dhar. Napatingin ang mag-ama dito. “Hindi pa naman ako mamamatay sa gutom,” anito at tumalikod na paalis. “Ay, Dhar!” Hinabol ito ng kanyang ama. “Pagpasensyahan mo na ang anak ko. Salamat ha.” Bumuntung-hininga si Lenneth na umupo sa bench. Parang siya pa tuloy ang naging masama. Iniisip lang naman niya ang para sa ikabubuti nito. Alam niya mabait si Dhar, pero sana ay isipin muna nito ang sarili bago ang iba. Mabuti sana kung isa o dalawang daan lang ang inabot nito, ngunit sigurado siyang dalawang libo iyon. Sahod na nito iyon sa loob ng dalawang linggo. Sigurado siyang wala ng natira na allowance nito. “Ikaw anak, hindi mo na nirespeto yung tao ah.” Napatingala si Lenneth. Nasa harapan na pala niya ang kanyang ama. “Ano bang nasabi ko?” “Hindi mo ba naiintindihan? Nagsasakripisyo siya para lamang matulungan tayo. Huwag mo siyang tatanggihan at masasaktan siya.” “Papa,” nagdepensa si Lenneth. “Mas nakakaawa naman siyang tignan na wala ng makain dahil lamang sa pagtulong niya sa atin. Yun lang naman ang punto ko.” Magsasalita pa sana ang kanyang ama ng biglang may nilingon ito. Sinundan ni Lenneth ang tingin nito at nakita niya ang ilang mga nurse at doktor na nagmamadaling pumasok ng emergency room. Mabilis na tumayo si Lenneth at sabay sila ng kanyang ama na sumilip sa salamin ng pinto. Hindi siya maaaring magkamali, ang kanyang ina ang pinuntahan ng mga ito. Nakita niyang inilapat sa magkabilaang dibdib nito ang electric shock. Ibig sabihin ay hindi na humihinga ang kanyang ina. “Diyos ko po!” Naluluhang tumalikod ang kanyang ama at umupo sa bench na nakayuko at nakapikit. Batid niyang nagdarasal ito. Tinakpan niya ang kanyang bibig ng makita ang pagtalbog ng katawan ng kanyang ina sa kama. Pinigil niya ang kanyang luha habang pinapanood ang pangyayari. Maya-maya‟y tumigil ang mga ito at itinabi ang mga gamit. Umasa siyang nagbalik na sa normal ang pulso ng kanyang ina, at humihinga na rin. Saglit na tinakpan ng doktor ang kanyang paningin, at ng umalis ito ay nakita niyang hinila nito ang

puting kumot sa mukha ng kanyang ina. Napamulagat siya‟t natulala sa kinatatayuan. Wala na ang kanyang ina. Nagsalubong ang kilay ni Lenneth ng mabilang ang laman ng sobre na iniabot sa kanya. Sampung libo iyon, at hindi nakasulat kung kanino iyon galing. May hinala siyang si Severino Fajardo ang may bigay nun, dahil ito lamang ang naiisip niyang makakapagbigay ng ganun kalaking halaga. Subalit dalawang beses na itong nagbigay sa kanila. Una ay binayaran nito ang kalahati ng bill nila sa ospital, pangalawa ay nung unang araw ng lamay. Ito rin ang nagsponsor sa kabaong at mga bulaklak. Huminga siya ng malalim at isiniksik ang sobre sa maliit na butas kung saan nilalagay ang mga donation. Kung sinumang may magandang loob ang nagbigay nun ay magpasalamat na lang siya. Bumalik siya sa kanyang upuan na nasa gilid at pinagmasdan ang ilang mga taong dumating para makilamay. Sa harapan ng kabaong ay naroon ang kanyang ama na tahimik na nakayuko. Batid niya kung gaano nito kamahal ang kanyang ina, kaya‟t hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nito matanggap ang pagpanaw ng asawa. Napatingin siya bigla sa isang babaeng dahan-dahang umupo sa tabi niya. Namukhaan niya si Esther na matagal na niyang hindi nakikita. Kaklase niya ito noon sa college at matalik na kaibigan. Nagkahiwalay lang sila ng sa ibang probinsya ito nakahanap ng trabaho. “Esther!” Kahit nalulungkot siya‟y pinilit niyang ngumiti at hinalikan ang kaibigan. “Mabuti‟t dumating ka.” “Oo naman,” sagot ni Esther. “Tinext ako ni Lovely.” Ang kapitbahay niya iyon na naging kaibigan rin ni Esther. “Pasensya ka na, hindi ko nasabi sa‟yo. Wala naman kasi akong celphone.” “Ewan ko ba kasi kung ba‟t di ka bumili ng celphone mo. Kahit yung second hand lang.” Napakamot si Lenneth sa leeg. “Eh talagang wala akong pera eh. Saka na lang kapag nakahanap na ako ng trabaho.” “Ay, speaking.” May naalala si Esther. “May hiring sa amin. Baka gusto mong mag-apply?” “Anong position daw?” “Sa HR!” Biglang nabuhay ang mga mata ni Lenneth. “Talaga? Pakibigay mo naman resume ko.” “Sure. Ay, condolence nga pala. Tsismis pa ang inuna ko.” Ngumiti si Lenneth. “Salamat.” “Kumusta ka naman?” “Okay naman na ako ngayon,” sagot ni Lenneth. “Antagal na din na naratay si mama eh. Napansin ko nga, parang gusto na rin niyang mamatay noon pa man. Ayaw siguro niyang nakikitang nahihirapan kami ni papa.” “Tatlong taon din yun ano?” Bumuntung-hininga si Lenneth. “Oo nga eh. Natapos na rin.”

“Uy, huwag kang ganyan.” Ngumiti si Lenneth. “Kahit isipin man nilang masama akong anak, pero alam mo, sa ikabubuti rin siguro namin ito. Antagal na ring naghirap si mama, at si papa nagkakasakit na sa pagtatrabaho para lang may pambili ng gamot, tapos ako, ni hindi na ako nakahanap ng trabaho sa pag-aasikaso sa kanilang dalawa.” Tumango si Esther at tinapik ang kanyang balikat. Mukhang naunawaan din siya nito. “Huwag kang mag-alala. Maaayos din ang buhay mo.” Nginitian ni Lenneth ang kaibigan at di sinasadyang napatingin siya sa pintuan. Nakita niya si Dhar na nakatayo doon at nakatingin sa kanya. Saglit na nagsalubong ang kanilang mga mata, maya-maya‟y tumalikod na ito at lumabas ng pinto. Chapter 3 Six months later “Hello papa?” bati ni Lenneth sa kanyang ama na tinawagan niya sa telepono. Limang buwan na siyang namamasukan bilang admin sa isang maliit na kompanya na inirekomenda ni Esther kaya‟t binilhan niya ng celphone ang kanyang ama para makumusta niya ito paminsan-minsan. “O, anak! Kumusta ka na dyan?” sagot ng kabilang linya. “Mabuti naman po. Kayo po?” “Mabuti rin. Yun nga lang wala pa akong trabaho. Natapos na kasi yung building ni Fajardo kaya halos lahat kami dito nakatambay na lang,” natawa ang kanyang ama, at bigla na lamang itong napaubo. Nagsalubong ang kilay ni Lenneth. “Papa, may sakit ka?” “Konting ubo la--.” Hindi na nito naituloy ang sinasabi dahil muli itong umubo. Hindi pangkaraniwan iyon. Malalim at tuyo ang ubo nito. “Papa, magpa-check up ka kaya? Papadalhan kita ng pera.” “Ay, huwag na anak. Hindi naman malala.” Hindi naniwala si Lenneth, pero hindi na rin siya umimik. “Ay, Lenlen.” Sa wakas ay tumigil sa pag-ubo ang kanyang ama. “Magbubukas na pala yung kompanya ni Fajardo. May mass hiring sila ngayon. Subukan mo kayang mag-apply? Kaysa nagtiyatiyaga ka dyan na umuupa. Wala ka namang naiipon.” Lumaki ang mga mata ni Lenneth. “Talaga papa? Kailan pa?” “Nung lunes pa. Nakalimutan kong sabihin sa‟yo.” “Sige nga. Magfa-file ako ng leave. Pupunta kami ni Esther dyan sa makalawa.” Pagkatapos makipag-usap ni Lenneth ay agad niyang pinuntahan si Esther na naliligo sa banyo. Kahit nasa labas siya ng saradong pinto ay doon na niya ito binalitaan. “Sigurado ka?” pasigaw na tanong ni Esther mula sa loob. “Baka naman hindi totoo sayang yung leave natin.” “Hindi naman sinungaling si papa eh.” “Malay mo, sinasabi lang niya para umuwi ka doon.” “Hindi. Hindi ganun si papa. Basta, mag-leave tayo bukas.” “Sige nga, at ng makaalis na sa impiyernong ito.”

Hinaplos-haplos ni Lenneth ang noo niya palabas ng examination room. Napakahirap ng ibinigay nilang exam. Duda siyang pumasa siya doon. Mas nauna pa nga si Esther na nakatapos sa kanya kaya lumabas na ito agad. Tumingin-tingin siya sa paligid. Wala doon si Esther, pero sigurado siyang hindi pa ito umuuwi. Marahil ay sa labas ito naghihintay. Malapit sa glass door ay may naaninag siyang isang matangkad na lalaki na may inaayos na isang malaking makina. Tinitigan niya ito, at ng marahil ay naramdaman nitong may paparating ay napatingin ito sa kanya. Sa gulat ay napahinto siya sa paglalakad. Hindi niya inakalang makikita niya uli si Dhar doon. Nakuha pala itong isang handyman sa kompanya. Huling beses niya itong nakita nung burol ng kanyang ina, at pagkatapos nun ay di na raw ito pumasok sa trabaho. Nasabi minsan ng kanyang ama na marahil ay nasaktan ito sa ginawa niya kaya nagdesisyon itong magpakalayo. Hindi niya inakalang magbabalik ito, hindi na bilang karpintero, kundi isang handyman. Nagulat din si Dhar, ngunit agad din nitong ibinalik ang atensyon sa ginagawa. Batid ni Lenneth na masama ang loob nito sa kanya. Hindi pa nga pala siya nakakahingi ng dispensa sa mga sinabi niya noon dito. “Kumusta?” tanong niya na nilapitan ito. Ni hindi man lang siya nito nilingon at nagpatuloy sa ginagawa. Noon niya napansin na ina-assemble pala nito ang makina. “Pasensya ka na nga pala sa mga sinabi ko sa‟yo noon ah. Marami lang akong problema noon.” Sinulyapan siya saglit ni Dhar, at saka ito huminga ng malalim at pinahigpitan ang isang turnilyo. “Ba‟t ka nag-aapologize?” anito sa mababang boses. “Totoo namang isa lang akong pobreng karpintero. Ang lakas din ng loob ko para ligawan ang katulad mo na ubod ng ganda.” Napakagat si Lenneth sa labi. Talagang masama pa rin ang loob nito sa kanya kahit anim na buwan na ang nakakaraan. Para pa itong nang-iinsulto. “Oy, Lenneth!” sigaw ni Esther na paparating. Nilingon ni Lenneth ang kaibigan. “Saan ka galing?” “Wala lang. Nilibot ko lang itong building. Anlaki pala.” “Dito nagtrabaho noon ang papa ko,” pagmamalaki niya. “Tara na nga. Gusto kong mamasyal sa mall.” Paalis na sana sila ng naalala niya si Dhar. “Ay, sige Dhar. Mauna na kami sa‟yo.” Ni hindi man lang siya nilingon ni Dhar na parang walang narinig. Hindi na rin umimik si Lenneth at naglakad na sila palayo ni Esther. “Boyfriend mo?” tanong ni Esther bago sila lumabas ng glass door. “Hindi ah!” halos pahiyaw niyang sagot. Tumawa si Esther. “Akala ko handyman‟s girl ka na rin.” “Excuse me ah! Grabe ka naman!” Muling tumawa si Esther at ng nasa labas na sila at lingunin niya ang binata ay nakita niya itong matalim ang mga matang nakatingin sa kanila. Naglaho ang kanyang ngiti. Sigurado siyang narinig nito ang kanilang usapan. Nasaktan na naman ito, at malamang ay nainsulto pa. “Narinig niya?” tanong ni Esther ng tumalikod na sila.

“Oo yata. Ang lakas kasi ng boses mo eh.” “Ikaw din naman ah.” Nilingon ni Esther ang binata. “Pero guwapo ah. Pero diyos ko! Mahirap pa sa daga yang mga handyman.” “Practical ka rin pala ha.” “Of course!” sagot ni Esther. “Para namang di mo ako kilala. Pero alam mo, kung mayaman lang ako, puwede na sa akin yung handyman na yun. Kahit ako ng magpalamon sa kanya. At least maipagmamalaki ko ang kaguwapuhan niya. Pero hindi ako rich eh, kaya sorry na lang siya. Hindi para sa kanya ang beauty ko.” Nangiti si Lenneth. Parehong-pareho pala ang andar ng isip nila ni Esther. Nagbalik sina Lenneth at Esther sa trabaho pagkatapos nilang magexam. Isang linggo ang lumipas ay wala ni isa man sa kanila ang tinawagan, kaya‟t naisip nilang marahil ay hindi sila nakapasa. Ngunit isang umaga ay nakatanggap si Esther ng tawag at pinagre-report ito kinabukasan para sa final interview at medical examination. Masayang-masaya ito noon samantalang si Lenneth ay parang natutunaw sa hiya. Noon pa ma‟y may kutob siyang hindi niya naipasa ang exam. Subalit pagdating ng hapon ay hindi niya akalaing tatawagan din siya para mag-report din kinabukasan. Para silang mga batang nagtatalon sa loob ng kanilang apartment. Kahit hindi sila pinayagang mag-leave ay nag-absent sila pareho. Kapag na-hire kasi sila sa kompanya ni Fajardo ay mas maganda-ganda ang aasahan nilang suweldo at benepisyo. Kahit pinagalitan sila ng kanilang supervisor pagbalik nila sa trabaho ay pinalabas lang nila iyon sa kanilang mga tenga. Namunga naman ang kanilang sakripisyo. Makaraan ang dalawang araw ay muli silang tinawagan ng kompanya na nagsabing magsisimula na ang kanilang training sa susunod na lunes. Ibig sabihin ay tanggap na silang dalawa. Agad silang nag-resign sa kanilang trabaho at binalot na rin nila ang kanilang mga gamit pabalik sa pinanggalingan nilang lugar. Sa wakas ay makakasama na rin nila ang kanilang pamilya. Dalawang buwan ang naka-schedule na training nila. Dalawang libo raw silang lahat kaya‟t hinati-hati sila sa isang daang grupo para matutukan ang kanilang training. Isang linggo para sa alituntunin ng kompanya, at ang nalalabing panahon ay gugugulin nila para pag-aralan ang mga makinang gagamitin sa paggawa ng mga maliliit na Integrated Circuits. Ang ikinatuwa nila, may bayad ang training na iyon, kaya‟t para na rin silang nag-umpisang magtrabaho. Sa araw-araw na pagpasok niya sa building ay makailang beses uli niyang nakita si Dhar na laging abala sa pagse-set up ng mga makina. Gaya ng dati ay napakatahimik nitong nagtatrabaho na para bang may sariling mundo. Hindi na niya ito kinausap pa dahil kapag nakakasalubong niya ito ay hindi naman siya nito pinapansin. Marami ring mga kababaihang nililingon ito, subalit kagaya din niya ang mga iba na hindi pumapatol sa isang hamak na handyman, gaano man ito kaguwapo.

Sa wakas ay natapos din ang kanilang training at kinabukasan ay General Assembly at Grand Opening ng kompanya. Imbitado ang ilang mga matataas na opisyal at may handaan rin kaya‟t compulsary ang kanilang attendance. “ Aba, ang ganda naman ng anak ko,” anang kanyang ama paglabas nito ng kuwarto. Ngumiti si Lenneth na abalang ikinakabit ang kuwintas sa kanyang leeg. Marahil ay napansin nito ang suot niyang spaghetti strap na berdeng bestida. Hindi siya gaanong komportable dahil may kaliitan ang kanyang dibdib kumpara kay Esther, pero may laman naman yun kahit papaano at maputi naman ang sumisilip niyang cleavage. Maganda ang fit ng dress sa kanyang katawan, masikip sa maliit niyang baywang at sinlambot ng tubig na umaagos pababa sa kanyang mga paa. Kinailangan pa niyang magsuot ng sandal na may mataas na takong para hindi niya iyon maapakan. “Para ka namang pupunta sa party niyan,” dagdag pa ng kanyang ama. “Papa, semi formal kasi ang sinabi sa amin. Si Esther nga may gold gold pa yung binili niyang damit. Simple na nga ito eh.” Mula sa salamin ay nakita niyang napangiwi ang kanyang ama. “Iba na rin ang panahon ngayon ano? Noon kasing panahon namin, kapag semi-formal, pinakamatindi na yung mini-skirt na sinusuot ng mga babae. Ngayon palakihan na kayo ng dibdib.” Nangiti si Lenneth na naglalagay naman ng hikaw. “Eh hindi po natin maiiwasan ang pagbabago. Baka kapag ako na rin ang may anak, bra at panty na lang siguro ang suot ng mga kababaihan,” biro niya at sabay silang tumawa. “Lenneth!” Agad na sumilip si Lenneth sa nakabukas na pinto. May taxi na nagaabang doon at nakadungaw sa bintana si Esther. Talagang nagpa-parlor pa ito. Naka-blower ang buhok nito at maganda ang pagkaka-makeup. “Sandali lang,” sigaw niya dito at muling tumingin sa salamin. Parang nahiya tuloy siyang tumabi kay Esther sa itsura niya. Puro pink lang kasi ang pinta ng mukha niya. Pink na eyeshadow, pink na blusher, at pink na lipstick. Nasasagwaan tuloy siya kaya‟t kumuha siya ng tissue at pinunasan iyon, maliban sa lipstick. “Mas maganda yan anak,” komento ng kanyang ama na nanonood pala. “Kaysa sa nagmumukha kang manika.” Tinitigan ni Lenneth ang itsura. “Talaga po, papa?” “Oo, ganyan ka na lang. Dalian mo‟t hinihintay ka na.” Ibinaba niya ang kanyang mga gamit at pinulot ang shoulder bag sa upuan. “Sige po, papa. Alis na kami.” Humalik siya sa kanyang ama at saka tinungo ang pinto. “Mag-enjoy ka doon. Sana makahanap ka ng boyfriend at ng magkaapo na ako,” pahabol ng kanyang ama. Nakangiting sinulyapan ni Lenneth ang ama. Mula nung namatay ang kanyang ina ay ang pagkakaroon naman nito ng apo ang lagi nitong iniisip. Pero sana nga ay totoong may makita siyang binata doon na maaari niyang

matipuhan. Apat na taon na rin ang nakakaraan ng maghiwalay sila ng kaisa-isa niyang naging boyfriend dahil lamang sa selosan. Nagulat si Lenneth ng bumaba sila sa harapan ng gate at mula doon ay nakita nila ang mga kasamahan nilang empliyado na nakakalat sa ground habang hinihintay ang oras. Kung na-shock ang ama niya sa suot niya ay baka atakehin pa ito sa puso kapag nakita ang mga ito. Marami siyang nakita na parang sa harapan lamang ang tinakpan ng kakapiranggot na tela. Backless ang likuran nito na halos makita pa ang pisngi ng puwet. May ilan pa na ubod naman ng iksi ang mga palda. Di pa nakuntento, may slit pa ito sa tagiliran. Ngunit mas nakararami naman ang mga kagaya nilang nakasuot ng mahabang bestida, at may mga ilan ding naka blazer at slacks lang. “Diyos ko!” hindi napigilan ni Esther na mapabulalas. “Bengga rin ang mga ito ah. Conservative pa pala tayo sa lagay na „to.” Pinagmasdan ni Lenneth ang kaibigan at ngumiti. Totoong litaw ang malaki nitong cleavage sa suot nitong asul na bestida, subalit kumpara sa ilang mga nakita niya ay may katwiran ito para tawaging conservative ang sarili. “Huwag mo ng isipin yan,” aniya sa kaibigan habang naglalakad sila papasok. “Maghanap na lang tayo ng guwapo.” “Guwapo naman yung handyman mo ah,” tumatawang biro ni Esther. “Sira!” Nakarinig sila ng sasakyang bumusina sa kanilang likuran. Nang lingunin nila ito ay nakita nila ang isang magarang kotse na papasok. Pumagilid sila para bigyang daan ito. “ Sana may car din akong ganyan.” Nangangarap ang mga mata ni Esther. Magsasalita na sana si Lenneth ng biglang huminto ang kotse at ng lumabas ang sakay nito ay nagpalakpakan ang mga tao na malapit doon. Kahit nakatalikod ang mamang iyon ay kilalang-kilala niya ang taong tumulong sa kanilang mag-ama. “Si Sir Fajardo,” aniya sa kaibigan. Napanganga si Esther. “Talaga? Kaya pala ang ganda ng kotse.” May isa pang lalaking lumabas ng kotse at lumapit kay Severino Fajardo. Siguro ay ang anak nito iyon na si Darian Fajardo, ang architect ng building. Mas matangkad pala ito sa ama. “Anak niya yun?” tanong ni Esther. Sinulyapan ni Lenneth ang kaibigan. “Siguro,” sagot niya at ng muling tignan ang dalawa ay nakita niya ang kaliwang bahagi ng mukha ng inakala niyang si Darian Fajardo. Napamulagat siya. Parang si Dhar Martinez ang kanyang nakita. May mga ilang taong dumating at pinalibutan ang dalawa. Hindi na nakita uli ni Lenneth ang binata. Ilang sandali pa‟y magkakasama na ang mga itong nagtungo sa backyard ng building, sa kung saan idadaos ang program. “Binata pa ba yung anak ni Sir?” tanong ni Esther na siyang gumising kay Lenneth sa pagkakagulat. “H-hindi ko alam eh,” aniya at ng muling tignan ang mga kalalakihan ay wala na ang mga ito. Unti-unti na ring nagsipuntahan ang mga tao sa backyard.

Iwinaglit niya sa isipan ang kanyang nakita. Namalik-mata lang siguro siya. Kung totoo mang si Dhar iyon ay marahil pinasakay lang ito ni Severino. Napakaluwag ng backyard na tinamnan ng bermuda grass. Gagawin daw itong isang park. Maraming mga mesa doon, ngunit dahil nahuli sila ng dating ay sa gawing likuran na sila nakaupo. Nanahimik ang lahat ng nagsalita ang host sa stage, gamit ang microphone para marinig ng lahat. Nag-welcome ito sa lahat, at saka nito isinalaysay ang history ng kompanya. Sa bandang huli ay ipinakilala nito ang may-ari na si Severino Fajardo. Nagsipalakpakan ang mga tao ng umakyat ng entablado si Severino. Isang minuto rin ang lumipas bago bumalik ang katahimikan at sinimulan na nito ang speech. Gaya ng host ay nagpasalamat muna ito bago nito sinimulan ang importanteng mensahe. “As you can see… and know,” anito na pinapakalat ang tingin sa mga taong nakikinig. “I am turning sixty-five soon.” Nagkaroon ng komosyon. Parang hindi ito kapani-paniwala dahil parang nasa singkuwenta lang ang itsura nito. “That means, I should retire soon and spend the rest of my life with my love ones… And for that reason, I am appointing one of my sons to be this company‟s president.” Nagbulungan ang mga tao. Nagkatinginan din sina Lenneth at Esther. “Anak nga niya yung kasama niya,” anang huli. Hindi umimik si Lenneth at pinakinggan uli si Severino. “He may be young, but I saw to it that he had enough training before I decided to turn this company over to him. For six months, he studied Business Management in the United States in preparation for his position. And for the last few months, he devoted his time preparing everything you will need in this company. ” Nagsalubong ang kilay ni Lenneth. Ibig sabihin ay nagpupunta na rin pala doon ang anak nito. Hindi lang siguro niya alam ang itsura nito. Baka pa nga nakasalubong niya ito sa daanan at di man lang niya pinansin. “As part of the Fajardo Family, I put upon him this challenge to lead this company and its people to success. Ladies and gentlemen, I am very proud to introduce to you my, the very person who designed this beautiful building… Architect Darian Fajardo.” Nagpalakpakan ang mga tao. Nangiti rin si Lenneth na sinulyapan si Esther. Unang beses pa lang niyang makikita kung sinuman ang Darian na iyon. May isang lalaking tumayo mula sa front table at umakyat ng stage. Iyon nga ang nakita niyang kasama ni Severino na lumabas ng kotse. Niyakap nito ang ama at saka humarap sa mga tao. “Ha!” gulat na hiyaw ng ilan. Isa na si Esther sa tabi niya. Tinitigan ni Lenneth ng husto ang binata sa stage, at maging siya‟y napamulagat. Hindi siya maaaring magkamali. Si Dhar Martinez talaga iyon. Natawa si Severino sa naging reaksyon ng mga tao, maging si Dhar ay nangiti rin. “Did it surprise everyone?” tanong ni Severino. “I‟m sure you‟ve seen him around doing a handyman‟s work. Believe it or not, he is your president.”

Nagkaroon ng malakas na tawanan, at saka nito sinundan ng mahabang palakpakan. “No way!” hiyaw ni Esther na hindi pa rin makapaniwala. “Siya yung lagi nating tinatawanan!” Pulang-pula ang mga pisngi ni Lenneth na napayuko. Hindi niya kayang makita ito. Parang gusto niyang maglaho sa mundo. Si Dhar, ang lalaking pinahiya niya ng ilang beses dahil sa pag-aakalang hampas lupa ito, ang siya palang nagmamay-ari ng kompanyang pinasukan niya. Ano na lamang ang ihaharap niyang mukha dito sa oras na magkasalubong uli sila? “Grabe! Nakakahiya!” Sinulyapan ni Lenneth ang kaibigan. Kung gaano man ito nahihiya ay matindi pa doon ang kanyang nararamdaman. Hindi lang nito alam kung ano ang mga insultong inabot ni Dhar mula sa kanya. Ang hindi lang niya maunawaan ay kung bakit kinailangan nitong itago ang tunay na pangalan at pagkatao. Saka lang niya muling tinignan si Dhar ng narinig niya ang boses nito sa microphone. Nagsimula ang speech nito, ngunit para bang wala siyang naririnig. Ganun na lamang ang pagkakatitig niya dito. Parang biglang nag-iba ang nakikita niyang tao. Naiguhit sa isip niya si Dhar, ang isang tahimik at masipag na ordinaryong manggagawa. Binasted pa niya ito at dinadaan-daanan lang niya sa tabi-tabi. Subalit itong si Darian, ibang-ibang tao ito. Nakaayos ng husto ang buhok nito at nakasuot ng magarang tuxedo. Nakangiti rin ito sa lahat at confident na nagsasalita sa harapan ng maraming tao. Pakiramdam niya‟y namatay si Dhar, at hindi na niya ito muling makikita. Parang mas gusto niyang nakikita si Dhar kaysa si Darian. Hindi niya maunawaan ang kanyang sarili. Para bang somewhere along the way ay umibig pala siya kay Dhar, ngunit hindi niya iyon napansin. Pero huli na ang lahat. Inagaw na ni Darian ang pagkatao nito, at hindi na niya ito kayang abutin. Chapter 4 Pumagilid si Lenneth ng may bumusinang kotse sa kanyang likuran. Nang nakita niya ang sasakyan ay agad siyang yumuko hanggang sa nilagpasan siya nito. Kay Dhar iyon. Mula ng mai-proclaim itong president ng company ay lagi na itong naka-kotseng pumapasok sa trabaho. Halos isang buwan na rin ang nakalipas mula nang malaman niya ang tunay nitong pagkatao. Anumang iwas ang gawin niya ay may mga ilang pagkakataon na nakakasalubong niya ito sa spine. Kahit presidente na ito ay hindi ito nagbago. Tahimik pa rin ito at masipag mag-kutingting ng mga makina. Isang bagay lang ang nabago. Dati ay napapatingin pa rin ito sa kanya kahit di siya nito pinapansin, subalit ng maging presidente ito ay dinadaanan lang siya nito na parang hangin. Ibig lang sabihin ay wala na itong kainte-interes sa kanya. Naalala niya ang nasabi sa kanya ng kanyang ama ng unang beses niyang naikuwento ang tunay na pagkatao ni Dhar. “Ngayon ka pa nagsisi? Kung hindi ka kasi ambisyosa noon na namimili. Para mong itinapon ang blessing sa’yo ng Panginoon.”

Napakagat siya sa labi. Totoong nagsisisi siya. Hindi naman kasi niya akalain ang ganoong pangyayari. Karma siguro niya iyon dahil sa kanyang pagiging ambisyosa at mapangmata. Ngayo‟y siya naman ang tinatapakan na lamang nitong si Dhar. Pagpasok niya ng building ay dumiretso siya sa Human Resources office. Noong araw na yun lalabas ang resulta ng in-applyan niyang position. Sa production ang pinasukan niya dahil naisip niyang mas madali siyang ma-hire sa ganoong paraan, ngunit nung nakaraang linggo lamang ay nag-resign ang isang HR staff at BS Psychology naman ang natapos niya kaya‟t sinubukan niyang mag-apply. “Sino?” gulat na tanong ni Lenneth kay Mildred na siyang namamahala sa employment. “Si Shiela? Yung fresh graduate?” Tumango si Mildred. “Mismo.” Napanganga si Lenneth. Parang hindi siya makapaniwala na si Shiela na isang fresh graduate at wala man lang experience ang nakakuha ng pinakaaasam niyang posisyon. Marami silang nag-apply, at ang ilan pa‟y may dalawang taon ng experience sa ganoong trabaho, kaya‟t nakapagtataka na ang pinakabata pa ang nakatalo sa kanila. “Si Sir Dhar kasi ang namili eh,” ani Mildred na parang nabasa ang kanyang iniisip. Napatingin siya kay Mildred. “Talaga?” “Oo,” tumango si Mildred. “Kayo sana ni Sharon ang pinagpipilian ko, pero wala akong magagawa.” Bumuntung-hininga si Lenneth. Hindi na siya nagtaka pa. Hindi talaga siya bibigyan ni Dhar ng break sa loob ng company nito. Parang gusto na niyang mag-resign, subalit hindi basta-basta ang makapasok sa ganoon kalaking kompanya. Mahihirapan na naman siyang makahanap ng trabaho kaya‟t kailangan na lang niyang magtiis. Balang-araw ay darating din ang kanyang suwerte. Kinahapunan ay naunang umuwi ni Esther sa kanya dahil kinakailangan pa niyang bumili ng gamot ng kanyang ama sa pharmacy. Matagal-tagal na rin ang ubo nito kaya‟t kinakailangan na niya itong ipa-check up sa susunod niyang suweldo. Tatawid na sana siya ng kalsada ng may isang pamilyar na kotse ang dumaan sa harapan niya. Nang nakalampas ito ay tinignan niya ang plate number sa likuran nito para makasigurado. Ang kotse nga iyon ni Dhar, at papunta iyon sa isang kilalang hotel na natatanaw niya mula sa kinatatayuan niya. Lihim niyang pinagmasdan ang kotse hanggang sa ito‟y huminto sa tapat ng entrance ng hotel. Bumaba ang bell boy para asikasuhin ito. Nakita nga niyang lumabas doon si Dhar at nagtungo sa kabilang pinto ng kotse para pagbuksan ang kasama nito. Laking gulat ni Lenneth ng lumabas ang isang matangkad at sosyal na babae. Sexy at kulot ito, ngunit hindi niya makita nag mukha nito dahil hindi ito humarap sa kinaroroonan niya. Para bang nadurog sa isang libong piraso ang kanyang puso ng akbayan ito ni Dhar at sabay silang pumasok ng hotel. Kaya

pala hindi siya nito pinapansin, dahil may girlfriend na pala ito. At hindi na niya kailangan pang tanungin kung ano ang gagawin nila sa loob ng hotel na iyon. Para bang naglahong bula ang kakaunting pag-asa na muli siyang pansinin ni Dhar. Kung bakit kasi nangarap pa siyang muli siyang iibigin nito. Umalis na siya at dumiretso sa botika. Pagkatapos niyang mabili ang gamot ay umuwi na rin siya agad. Padilim na ng nakauwi siya ng bahay. Nadatnan niya ang kanyang ama na nakaupo sa harapan ng mesa at hinihimas ang noo habang tinititigan ang isang pirasong papel. Nakahain na ang pagkain sa mesa at hinihintay lang siya nitong dumating. “Papa?” Parang nagulat si Larry at biglang napatingin sa kanya. “Ay, andyan ka na pala, anak. Kain na tayo.” Nilapitan niya ang kanyang ama at sinilip ang papel na hawak nito. “Ano po yan?” Bumuntung-hininga ang kanyang ama at ipinasa sa kanya ang papel. “Ultimatum. Galing sa bangko.” Nanginig ang mga kamay ni Lenneth na binabasa ang sulat. Binibigyan na lamang sila ng bangko ng isang buwan para magbayad. Naisanla nila ang kanilang lupa noong tinangka nilang ipa-chemotherapy ang kanyang ina noon. Nung malakas pa ang kanyang ama para magtrabaho ay nababayaran pa nila ang interes, ngunit mula ng magkasakit ito at lumala ang lagay ng kanyang ina ay hindi na nila ito nabayaran, hanggang sa lumaki ito. Kahit sabihin niyang malaki-laki ang suweldo niya sa isang buwan, kasyang-kasya lamang iyon na pambayad ng interes. Paano naman sila kakain? At paano ang gamot ng kanyang ama? Huminga siya ng malalim na ibinaba ang bag sa katabing silya at umupo sa tapat ng ama. “Ano ng gagawin natin ngayon papa? Wala naman akong alam na uutangan ko ng ganyan kalaki. Hindi pa naman ako puwedeng mag-loan.” “Naisip ko,” anang kanyang ama. “Ano kaya kung ibenta na lang natin itong lupa? Kahit papaano may konti pa tayong makukuha.” Napatingin si Lenneth sa ama at nag-isip. Pagmamay-ari pa ng lolo niya ang lupang iyon, at maganda ang location. Maaari nilang ibenta yun sa malaki-laking halaga, subalit para sa kanya‟y hindi mababayaran ng salapi ang lupang iyon. “Huwag na papa. Mag-oovertime na lang ako. Pilitin kong bayaran ang interes next month, pag naka-isang taon na ako sa trabaho, puwede na akong mag-loan para mabayaran na natin lahat ng utang natin sa bangko.” Ilang sandaling hindi umimik ang kanyang ama. “Paano ka makakapag-ipon niyan?” “Pareho din lang kung ibenta natin ito at mangupahan tayo. Yung suweldo ko sa upa lang mapupunta. Kaya paghirapan ko na lang na bayaran itong lupa.” Hindi na umimik ang kanyang ama at nagsimulang kumain. Kapag rest day niya ay puwede rin siyang pumasok para doble bayad. Puwede rin naman

siyang mag-sixteen hours sa trabaho. Malapit lang naman ang tirahan niya sa kompanya kaya‟t sapat na sa kanya ang kahit anim na oras na tulog. “Di ba rest day mo ngayon?” tanong ng kanyang ama ng makita siyang nagsusuklay sa harapan ng salamin. “Papasok ka na naman?” “Opo papa,” sagot niya. Para bang nawawalan na siya ng lakas sa tuluy-tuloy na overtime. “Hindi ka ba magpapahinga? Halos hindi ka na natutulog. Tignan mo nga nangangayayat ka na.” Bumuntung-hininga si Lenneth at ibinaba ang suklay. Napansin nga niyang lumalalim na ang kanyang mga pisngi. “Kumusta po pala yung lakad niyo kahapon? Natanggap po kayo?” Umiling si Larry. “Ayos na sana eh. Kaso nakita ako nitong presidente niyo. Kakamustahin lang sana ako, pero napaubo ako. Pinagbawalan tuloy niya akong magtrabaho.” Napatingin siya sa kanyang ama. “Si Dhar? Hindi ka niya kinuha?” “Sabi ko nga konting ubo lang yun. Ayaw naman niyang maniwala. Magpahinga na lang daw ako.” Muling bumuntung-hininga si Lenneth. Landscaping lang naman ang gagawin nila sa backyard ng building para mapaganda iyon. Hindi naman kasimbigat ng pagpapatayo ng gusali ang trabaho dun, ngunit kung bakit parang pinepersonal sila nitong si Dhar. “Sige po, papa. Alis na ako,” aniya at pinulot ang kanyang bag sa upuan. “Hindi ka muna kakain?” “Sa canteen na lang po.” “Diyos ko! Itong batang ito.” May sinabi pa ang kanyang ama ngunit hindi na niya ito pinakinggan at lumabas na ng bahay. Kahit ramdam niya ang panghihina ng kanyang katawan ay hindi siya dapat dumapa. Gaano man kahirap ang kinalalagyan niya. Gaano man karami ang malas sa buhay nilang mag-ama, ni minsa‟y hindi sumagi sa isip niya na sumuko. “Lenneth!” Nagulantang si Lenneth sa lakas ng boses ng kanyang supervisor at nakita niya itong nakapamaywang na papalapit sa kanya. “Yung one thousand pieces ng reject na nakita sa test! Na-trace nilang ikaw ang nag-process nun!” Napanganga si Lenneth. “Totoo?” “Nagtanong ka pa? Tara na sa conference room. Pinapatawag tayo ni Sir Dhar.” Lalo pang nagulat si Lenneth. Hindi niya halos maisip na magkakaharap sila ni Dhar sa ganoong nakakahiyang sitwasyon. “Ano, tara na!” Kahit ayaw man niya ay kinaladkad niya ang kanyang sarili papuntang conference room. Pagpasok pa lang nila ay nakita na niya si Dhar na siyang

nakaupo sa ulunan ng mahabang mesa. May dalawa pa itong kasama na marahil ay mga tao ng test area. Namula ng husto ang kanyang mga pisngi ng tumingala ito at nagsalubong ang kanilang mga mata. Yuyuko na sana siya ng bigla itong nagsalita. “Please sit down.” Sinundan niya ang kanyang supervisor at magkatabi silang umupo. Sa ibabaw ng mesa ang kanyang tingin at nilaru-laro ang kanyang mga daliri. “What happened?” tanong ni Dhar. Ang bisor niya ang sumagot. “Eh, Sir maalala ko po kasi nung last week, nagka-deperensya yung machine ni Lenneth. Siguro hindi niya napansin. Nung dumating yung ka-endorse niya saka lang namin nakita. Akala ko naman noon lang nasira yung machine.” “After a thousand pieces hindi man lang ninyo nahalata?” “Eh, siguro po sa puyat at pagod,” pagtatanggol ng kanyang bisor. “Paano naman kasi everyday siyang sixteen hours.” Saglit na sinulyapan ni Lenneth si Dhar at nakita niya itong salubong ang mga kilay na nakatitig sa kanyang bisor. “Sixteen hours everyday? Pinapayagan mo sila na mag-overtime ng ganyan?” “Eh makulit po sila eh.” “I know we have lots of loads to finish, but you have to be concerned of their health. Pinapayagan ko ang sixteen hours if once or twice a week, but everyday, no!” Hindi na nakapagsalita ang kanyang bisor at siniko siya nito saka bumulong. “Ikaw kasi eh.” “Alright,” ani Dhar makaraan ang panandalian katahimikan. “You may go back to your areas. Miss Hilario will have to stay here.” Muling namula ang mga pisngi ni Lenneth. Hindi siya nakapagsalita habang tinitignan ang tatlong taong sabay-sabay na tumayo at lumabas ng kuwarto. Nang tahimik na ang paligid ay huminga siya ng malalim at yumuko. “Kailan ka pa nag-umpisang mag-sixteen hours?” tanong ni Dhar makaraan ang ilang segundo. Napasulyap siya sa binata na walang emosyong nakatingin sa kanya. “Last month pa po.” “…Hindi ka napapagod?” Umiling si Lenneth. “How long do you think can you process a thousand pieces?” Saglit siyang nag-isip. “Mga six hours po.” “Six hours,” tango ni Dhar. “And within that span of time, hindi mo man lang napansin na may depekto na pala ang makina mo?” Hindi nakaimik si Lenneth. Wala siyang maisip na rason dahil talagang hindi niya napansin ang depekto ng makina ng araw na iyon. “Isn‟t that a manifestation that you are very stressed out?” Yumuko na lamang siya. Iyon din ang pagkakaalam niya. Marahil dahil sa pagod at puyat kaya‟t hindi man lang niya namalayan na may problema na pala ang makina.

“If you read the regulations, do you know what sort of penalty you will be given?” Takot na napatingin si Lenneth kay Dhar. Sana‟y hindi iyon sapat na dahilan para matanggal siya. “You will be terminated.” Napapikit siya‟t napakagat sa ibabang labi. Ganun pala kabigat ang nagawa niyang kasalanan. “Is that alright with you?” Hindi niya napigilan ang biglaang pagpatak ng kanyang luha. Agad niya iyong pinahid pero ng mapatingin siya kay Dhar ay batid niyang nakita nito iyon. Ganunpaman ay parang hindi man lang ito naawa sa kanya. “Final na po ba yun?” naglakas loob niyang tinanong. Tumango si Dhar. “Sa ano pang may mga regulations kung hindi naman natin susundin?” Para bang nandilim ang mundo ni Lenneth. Hindi siya makapaniwalang sa isang iglap ay mawawalan siya ng trabaho. Papaano na niya ngayon mababawi ang naisanla nilang lupa? Kaysa muli siyang maluha sa harapn ni Dhar ay tumayo na lamang siya. Hindi naman na siya nito tinawag kahit ng tumalikod na siya at akmang papalabas na ng glass door ng may bigla siyang naalala. Muli siyang humarap sa binata. “Eh, Sir,” lakas loob niyang sinimulan. “Tatanggapin ko po ang termination… pero hindi po ba talaga ninyo puwedeng kunin si papa para tumulong sa mini park?” Ilang sandali siyang tinitigan ni Dhar, at saka ito bumuntung-hininga. “Your father needs to rest. Alagaan mo na lang siya. Kapag magaling na siya, hahanapan ko siya ng puwede niyang gawin dito sa kompanya bilang kapalit mo.” Napayuko si Lenneth. Talagang hindi na magbabago ang desisyon nitong tanggalin siya. Hindi na siya nagreklamo pa at muling tumalikod. Papalabas sana siya ng pinto ng bigla siyang nauntog sa glass door. “Aray!” napasigaw siya sa sakit. Dahil sa linis at linaw nun ay hindi niya inakalang nakasara pala iyon. “Punyeta kang pinto ka!” Noon lumabas ang init ng ulo niya at nasipa niya ang pinto. Itinigil niya iyon ng naisip na maaari niyang mabasag iyon. “Huwag mong pag-initan yan.” Napalingon siya kay Dhar sa likuran niya at nakita niya itong bahagyang nakangiti. Napahiya siya ng husto sa kanyang ginawa. “Pasensya na po,” aniya at binuksan ang glass door. Dire-diretso na siyang umalis papunta sa kanyang locker. Paglabas niya ng building ay naramdaman niyang nanikip ang kanyang lalamunan at nais kumawala ng masaganang luha sa kanyang mga mata, ngunit pinigil niya iyon. Batid niya ang kanyang responsibilidad, at kung magpagapi siya sa kahinaan ay kawawa naman ang kanyang ama. Baka lalo itong ma-depress. Ayon kasi sa doktor nung nakaraang buwang pinacheck-up niya ito ay depression daw ang dahilan ng paghina ng katawan nito, dahil daw iyon sa pagkamatay ng kanyang ina.

Paglabas niya ng gate ay napatingala siya sa langit. Ano na lamang ang sasabihin niya sa kanyang ama? Ang masakit sa lahat, ni hindi man lang siya kinaawaan ni Dhar. Chapter 5 Tahimik na nakadungaw si Lenneth sa bintana ng kanyang kuwarto. Kasisikat pa lang ng araw. Dati-rati ay nagmamadali na siyang naghahanda sa pagpasok sa trabaho, ngunit nung araw na iyon ay wala na siyang papasukan pa. Bago siya maiyak sa sama ng loob ay naisip niyang ayusin ang kanyang resume para makapag-apply siya sa ibang kompanya. Wala siyang sariling computer kaya‟t kinakailangan niyang magpunta sa computer center, ngunit sa ganoong oras ay sarado pa ang mga ito. “Lenlen,” tinawag siya ng kanyang ama na nasa kusina. Kinaugalian na nitong ipagluto siya. Hindi pa nito alam na wala na siyang trabaho. “Halika na, kain na tayo.” Sinulyapan niya ang nakasarang pinto at para bang kay bigat ng pakiramdam niyang bumaba ng kama at lumabas ng kuwarto. Pagpasok niya sa kusina ay nagtaka siya kung bakit nakabihis ang kanyang ama. “Saan po kayo pupunta?” Nangiti ang kanyang ama na umupo sa harap ng mesa. “May good news ako. Tinawagan ako ni Dhar kagabi. Puwede na raw akong magtrabaho.” Nagulat si Lenneth. “Talaga? Saan?” “Siyempre sa gagawin nilang park. Sabi ko na hindi rin ako matitiis ng batang yun eh.” Hindi na umimik si Lenneth at nangiti na lamang ng makita ang kakaibang sigla ng kanyang ama. Kahit papaano ay may magandang kapalit ang pagkakatanggal sa kanya sa trabaho. Uupo na sana siya para saluhan ang kanyang ama ng may marinig siyang kumatok sa pinto. “Ako na po,” aniya sa kanyang ama na tatayo na sana para pagbuksan ang kumakatok at tinungo ang pinto. “Esther!” gulat niyang nasambit ng bumungad sa harapan niya ang kanyang kaibigan. “Hoy! Magbihis ka na, bilisan mo!” Nagsalubong ang kilay ni Lenneth. “Hindi pa ba sinabi sa‟yo?,” pabulong niyang sagot para hindi marinig ng kanyang ama. “Natanggal na ako sa trabaho.” “Kaya nga ako nandito eh, kasi pinapasundo ka ni ma‟am. Kinokontak ka raw kanina, naka-off yata celphone mo. Magreport ka daw ngayon.” Lalong siyang nagtaka. “Para ano?” “Ni-lift up daw ni Sir Dhar yung termination mo. Puwede ka na raw bumalik sa trabaho.” Napamulagat si Lenneth. Parang napakahirap paniwalaan na sa isang iglap ay naibalik ang lahat ng nawala sa kanya. “Sigurado ka?” “Ayaw mong maniwala eh.” Binuksan ni Esther ang bag at nilabas ang isang piraso ng papel doon saka ibinigay sa kanya. “Yan, basahin mo.”

Binasa ni Lenneth ang papel. Totoo nga ang sinabi ni Esther. Order iyon para magreport siya sa trabaho nung araw mismong iyon. Pirmado pa iyon ni Dhar at ng kanyang supervisor. Sa tuwa ay halos napalundag siya. “Ba‟t anong pinagkakatuwaan niyo diyan?” tanong ng kanyang ama na biglang sumulpot mula sa kusina. Agad itinago ni Lenneth ang hawak niyang papel ngunit nakita na iyon ni Larry. “Ano yan?” tanong nito. “Wala po, Papa,” pailing niyang sagot. “Eh ba‟t di ka pa maligo? Dalian mo na at sabay-sabay na tayong pumasok.” Nilingon ni Lenneth ang kaibigan. “Pasok ka muna. Hintayin mo ako sandali,” aniya at nagmamadaling nagtungo sa banyo. May konting awa pa naman palang natitira kay Dhar. Siguro ay hindi rin nito matiis ang kanyang ama kaya‟t binalik na nga siya sa trabaho, binigyan pa ng trabaho ang kanyang ama. Bilang parusa sa nagawa niyang pagkakamali ay tatlong araw siyang nag-training uli. Isang kondisyon pa ang binilin ni Dhar sa kanyang bisor, na hanggang twelve hours lang ang maaari niyang ilagi sa loob ng kompanya sa isang araw. Hindi na niya muli pang nakaharap o nakausap si Dhar. Nang minsang nasalubong niya ito sa spine ay nginitian niya ito bilang pagtanaw niya ng utang na loob. Kahit ikinasama ng loob niya na hindi man lang siya nito pinansin ay hindi na niya iyon pinersonal. Nang natanggap niya ang kanyang suweldo para sa katapusan ng buwan ay nag-suggest ang kanyang ama na regaluhan nila ng imported na alak si Dhar bilang pasasalamat. Nagpasama siya kay Esther sa wine store at silang dalawa ang namili. Higit isang libo ang halaga ng isang boteng iyon, ngunit kumpara sa tulong ni Dhar sa kanila ay maliit na bagay lang iyon. Kinabukasan ay nagtake-out siya ng pagkain sa canteen at pinuntahan ang kanyang ama sa backyard. Saktong naka-break na rin ang mga ito at nadatnan niya ang kanyang ama na nakaupo sa isang konkretong bench sa isang tabi. Inilatag niya ang dalawang styro sa tabi nito at umupo rin sa kabilang dulo ng bench. “Wala bang sabaw?” tanong ng kanyang ama. Sumimangot si Lenneth na binubuksan ang isang styro at ibinigay sa ama. “Naubusan na daw po eh. Magtubig na lang tayo,” aniya at inilabas ang dalawang bote ng purified water na nakasupot pa. “O, Dhar! Kain na muna tayo.” Nagulat si Lenneth at sinundan ang tinitignan ng kanyang ama. Naroon nga si Dhar at nakangiting papalapit sa kanila. Gaya ng dati ay tumutulong na naman ito sa trabaho doon. Unang beses uli niya itong makitang naka-jeans at shirt lamang. Parang muling nabuhay si Dhar na nakilala niya noon, ang karpintero at hindi ang presidente. Parang mas gusto niyang nakikita ito sa ganoong anyo.

“Ang sweet pa rin ninyong mag-ama,” ani Dhar ng nakatayo na ito sa harapan nila. Nahiyang yumuko si Lenneth, samantalang ang ama niya‟y nagmamalaking tumawa kahit puno ng kanin ang bunganga nito. “Para namang di rin kayo naging sweet ng mama mo,” anito. Lihim na tiningala ni Lenneth ang binata. Para bang naglaho ang ngiti nito at naglakbay ang isip sa malayo. “Kung sabagay,” anito makaraan ang ilang sandali. “Nung buhay pa si mama ganyan na ganyan din kami.” “Huwag kang mainggit Dhar,” ani Larry. “Andyan pa naman ang iyong ama.” Tumango si Dhar at saka ngumiti. Parang napag-isip nitong tama ang sinabi ng kanyang ama. “Iwanan ko na po muna kayo dito.” Ni hindi man lang siya nito sinulyapan at umalis na. “Ay, Lenlen!” biglang sambit ng kanyang ama. “Yung alak na ireregalo natin, nakalimutan kong ibigay. Ihabol mo sa kanya!” “Asan po?” “Andyan sa bag ko. Sa tabi mo.” Mabilis na binuksan ni Lenneth ang bag at inilabas ang nakakahon pang alak. May pula pa itong ribbon at may maliit na card na nakadikit kung saan sinulatan niya ito ng mensaheng pasasalamat. Tangan-tangan niya iyong hinabol si Dhar na nakapasok na sa loob ng building. “Sir!” Humihingal siyang huminto ng mahabol niya ito sa spine. Nagtataka namang hinarap siya ni Dhar. “Something wrong?” tanong nito sa kanya. Pilit kinalma ni Lenneth ang hininga bago nagsalita at iniabot ang box ng alak. “Para po sa inyo.” Nagtatakang tinitigan lamang ni Dhar ang alak. “What for?” “Just to say thank you.” Para bang nag-isip muna si Dhar, saka ito tumingin sa kanya. “Ba‟t ka pa nag-abala?” Natulala si Lenneth. Parang ayaw nitong tanggapin iyon. “Kaysa bumili ka niyan. Pinambili mo na lang sana ng gamot ng papa mo.” Hindi pa rin nakaimik si Lenneth. Ayaw nga nito sa kanyang regalo. Gusto lang naman niya itong pasalamatan at makabawi kahit sa maliit na paraan. “I have to go. May meeting pa kami mamaya.” Parang estatwang nakatayo si Lenneth doon na pinapanood ang papalayong binata. Ni hindi man lang siya nito nilingon hanggang sa lumiko ito sa isang corner. Nang hindi na niya ito makita ay napatingin siya sa hawak niyang alak. Para siyang sinampal sa mukha. Sa dinami-dami ng lalaking nakilala niya, at sa dinami-dami ng nanligaw sa kanya, si Dhar ang kaunaunahan sanang lalaking reregaluhan niya, subalit pinahiya pa siya nito. Hindi pa siya napapahiya ng ganoon sa buong buhay niya. ***

Nagpalakpakan ang lahat ng maputol ni Dhar ang yellow ribbon na nakatali sa gate ng mini park. Dalawang linggo rin nila itong ginawa at ang araw na iyon ang grand opening nito. Kahit ang mga hindi empleyado sa kompanya ay maaaring pumasok doon para makapag-relax. Nangiti si Lenneth habang pinapanood si Dhar na masayang nakikipagkamay sa mayor at ilang councilor ng syudad. Nakatayo siya noon kasama ang umpok ng mga tao. Sa kinaroroonan niya ay imposibleng mapansin pa siya doon ni Dhar, ni minsan nga siguro ay hindi na siya sumagi sa isip nito. Pumasok silang lahat sa loob ng park. Nakita na niya ito nung ginagawa pa lang, ngunit ng araw na iyon ay sadyang napakaganda nito. Marami ng mga bulaklak sa paligid at may playground na rin para sa mga bata. May mga bench doon na yari sa marmol at tinamnan ang buong paligid ng mga maliliit na puno. Subalit ang nakakaagaw-atensyon sa lahat ay ang malaking fountain sa gitna. “Wow!” Nabighani ang lahat sa ganda ng senaryo ng umpisahang patubigan ang fountain. Pabilog ang korte nun at napakataas ng pagbugso ng tubig, pero kontrolado ang agos. Walang tubig na lumalampas sa pabilog nitong bakod. May handaan pagkatapos ng seremonyang iyon pero hindi na nagtagal pa si Lenneth at umalis na lamang. Hindi naman mahalaga ang attendance niya doon. Special holiday ng kompanya dahil sa okasyon kaya‟t wala silang trabaho. Minabuti na lamang niyang umuwi para matignan ang lagay ng kanyang ama na kaninang umaga ay narinig niyang umuubo na naman. May kutob siyang napagod ito ng husto sa dalawang linggong pagta-trabaho sa parke. Pagpasok pa lang niya ng bahay ay narinig na niya ang malalim na ubo ng kanyang ama. Agad siyang pumasok sa kuwarto at nakita niya itong nakahiga sa kama na parang pagod na pagod na sa kauubo. “Papa!” nag-aalala siyang umupo sa tabi nito. “Malala na yang ubo niya ah. Punta kaya tayo sa ospital?” Huminga ng malalim si Larry bago nagsalita. “Hindi na anak. Ipapahinga ko lang ito.” “Hindi puwede! May pera pa naman tayo. Pa-check up na kita.” “Eh yung pambayad mo sa bangko?” “Saka na natin alalahanin yun. Tara na sa ospital.” Dahil kinulit-kulit niya ito ay bumangon din ang kanyang ama at nagtungo sila sa ospital. Ang dating doktor din nito ang sumuri. Nagdesisyon ang doktor na i-confine na muna ito sa ospital, kahit sa charity ward para maasikaso ito. Pagkatapos maitusok ang dextrose sa kamay ng kanyang ama ay pinatawag siya ng doktor sa office nito at doon siya nito sinermonan. Hindi raw dapat niya pinayagan itong magtrabaho. Malala na raw ang bronchitis nito, at kapag napabayaan ay maaari nitong ikamatay. Libre nga ang ward, subalit napakamahal naman ng mga gamot na inireseta sa kanyang ama. Sa gamot din lang napunta ang pinaghirapan ng kanyang ama, at maging ang pambayad sana nila sa bangko ay naisama na rin.

Dahil alam niyang wala siyang mahihingan ng tulong ay nagtrabaho pa rin siya kahit nasa ospital ang kanyang ama. Si Lambert, na kumpare ng kanyang ama, ang nagboluntaryong magbantay ng ilang oras sa umaga, at sa hapon naman ay didiretso na siya doon galing trabaho. Makalipas ang apat na araw ay gumanda ang pakiramdam ng kanyang ama at pinayagan na siyang iuwi ito. Isang subpoena ang natanggap niya ng sumunod na araw. Walangwala na siyang pera noon at nakautang pa siya ng tatlong libo kay Esther. Isa na lamang ang maaari niyang gawin bago pa maremata ang kanilang lupa. *** Bumuntung-hininga si Lenneth na sumandal sa dingding malapit sa pinto ng office ni Dhar. Sampung minuto na siya doong naghihintay, pero parang walang balak na umalis ang babaeng supervisor na kinakausap nito. Wala naman ng saysay ang pinag-uusapan ng mga ito. Muli siyang sumilip at nakita niyang nagtatawanan ang mga ito. Muli siyang nagtago sa dingding at nagdesisyong bumalik na lamang. “Lenneth?” boses iyon ni Dhar. Nakita pala siya nito. Kagat-kagat niya ang ibabang labi na sumilip sa pinto. Nakatingin nga sa kanya ang dalawa. “May kailangan ka?” tanong ni Dhar sa kanya. Dahil hindi siya makapagsalita ay tumango na lamang siya. “Come in.” Hiyang-hiyang humakbang papasok si Lenneth. Marahil ay nakaramdam ang supervisor kaya tumayo na ito. “Sige, Sir. Baka hinahanap na ako sa line. Secret lang natin yun ah.” Tumawa si Dhar. “Sige. Huwag kang mag-alala, hindi pa naman ako tsismoso.” Sinundan ni Lenneth ng tingin ang supervisor hanggang sa nakalabas na ito ng pinto, saka siya tumingin kay Dhar na nakatingala pala sa kanya. Bigla siyang namula. “Sorry po, Sir. Pasensya na po sa abala.” Nangiti si Dhar. Para bang natutuwa ito sa isang bagay na nakita nito sa kanya. “Sit down.” Dahan-dahan siyang umupo sa harapan ng desk nito. Magsasalita na sana siya ng napansin niyang nanginginig ang kanyang mga daliri. “Kumusta pala ang papa mo?” tanong ni Dhar. Napatingin siya sa binata. Nakiusap ang kanyang ama na huwag niyang sasabihin kay Dhar ang lagay nito dahil baka ma-guilty pa ito. Sila naman kasi ng ama niya ang namilit kahit ayaw ni Dhar. “Okay lang naman po siya.” Ngumiti si Dhar. “Napakabait ng papa mo, kaya siguro siya biniyayaan ng anak na kagaya mo.” Bumukas ang bibig ni Lenneth. Nagtataka siya kung bakit siya nito pinupuri samantalang halos pambabastos ang ginawa niya noon dito. “Ssalamat po,” sagot na lamang niya. Muling ngumiti si Dhar. “Ano palang sadya mo?”

“Ah.” Inihanda ni Lenneth ang sarili. “Pinapatanong po kasi ni Papa kung interesado daw po kayong bilhin yung lupa namin.” Gulat na napatitig sa kanya si Dhar. “Ayaw na po kasi ni Papa na tumira doon.” Ginawan niya iyon ng kuwento. “Nahihirapan daw po kasi siya kapag naaalala niya si mama kaya naisipan niyang lumipat para maka-recover siya.” Tumaas ang kilay ni Dhar. “Saan kayo lilipat?” “May kakilala po si Papa na magma-migrate na sa Canada kaya binebenta niya yung bahay nila.” “Tumango si Dhar. “Magkano ba?” Hindi agad sumagot si Lenneth. Inisip muna niyang mabuti kung tama ba ang presyo na pinag-usapan nila ng kanyang ama. Ang tatlong daang libong utang nila sa bangko ay halos kalahating milyon na dahil sa laki ng interes na napabayaan ng dalawang taon. Hindi naman nito iinteresin ang bahay dahil luma at maliit lang iyon. “Eight hundred thousand daw po. Three hundred square meters po iyon.” Napatingin sa kanya si Dhar. “…Are you sure?” Hindi nakasagot si Lenneth. Hindi niya mawari kung sa tingin nito‟y mura iyon o mahal. Kung siya ang pe-presyo ay isang milyon dapat iyon, pero ayon sa kanyang ama ay puwede na raw yung walong daan libo. “Alam mo ba na kahit yung lupa sa itaas ng bundok na kailangan mo pang lakarin ng thirty minutes ay pumapatak sa three thousand per square meter?” Napanganga si Lenneth. Sabi na nga ba‟t masyadong mababa ang pag-presyo ng kanyang ama. “But anyway,” ani Dhar na mukhang interesado naman. “I will have to consult my father first regarding that. Baka hindi mo pa alam… bastardo lang niya akong anak kay Josephine Martinez na private accountant niya noon.” Nanatiling tulala si Lenneth, ngunit naliwanagan na rin siya sa misteryo ng pagkatao nito. “Pero Fajardo na po kayo ngayon?” Tumango si Dhar. “Sikat kasi ang Fajardo, kaya nag-suggest si Daddy na palitan ko na lang ang apeliyedo ko para mas madali akong makahanap ng client. May katwiran naman siya kaya pumayag ako.” Marami pa siyang gustong itanong dito, pero inunahan siya ng hiya. Baka isipin nitong masyado na siyang nakikialam. “Hihintayin ko na lang po ang desisyon niyo Sir. Balik na po ako sa linya.” “Sure. Kakausapin ko mamaya si Daddy.” “Sige po. Salamat po.” Nginitian niya ang binata at nagmamadaling lumabas ng office. Baka nagagalit na naman ang kanyang bisor kung bakit antagal niya. Para bang gusto niyang bawiin ang kanyang sinabi kay Dhar at ibenta na lamang sa iba ng mas mahal ang lupa. Chapter 6 Nagtaka si Lenneth ng pumasok siya ng bahay at nadatnan niya ang kanyang ama na malungkot na nakaupo sa sofa at nakatingala sa kisame. Nilapitan niya ito at umupo sa katabing sofa. “Bakit po papa?”

Tumingin sa kanya ang kanyang ama at tumango sa mababang mesa. Nakita niya ang isang maliit na papel doon. Nang pulutin niya iyon ay napagtanto niyang tseke pala iyon. Pirmado iyon ni Dhar, at isang milyon ang halaga nun. Napangiti siya sa tuwa. “Binenta niyo na pala?” Naglaho ang kanyang ngiti ng makitang malungkot na bumuntunghininga ang kanyang ama. “Ayaw daw ni Severino na bilhin ito kasi maliit, kaya si Dhar na lang ang bumili.” “Ang sabi niya sa akin wala siyang pera?” “Ewan ko.” Parang hindi interesado ang kanyang ama. “Buti nga mabait yung batang yun eh. Hindi ko naman akalain na ganun na pala kamahal ang lupa.” “Hanggang kailan daw ang palugit sa atin?” “Wala naman siyang sinabi. Pero binayaran naman na niya tayo ng buo, kaya dapat umalis na rin tayo agad. Sabi ko sa kanya isusunod ko yung titulo. Ayos lang naman sa kanya.” Noon naintindihan ni Lenneth ang kalungkutan ng kanyang ama. Lilisanin na nila ang bahay na kinalakhan niya. Kahit luma na ang bahay nila ay napamahal na ito sa kanya. Sigurado siyang ipapagiba rin ito ni Dhar para patayuan ng mas malaking bahay. Paano na ang alaala ng kanyang ina na naiwan doon? Sa tulong ni Esther ay nakahanap agad si Lenneth ng apartment na matitirhan nila ng kanyang ama. Sa ikatlong araw matapos nilang matanggap ang tseke ay ibinalot na nila ang kanilang mga gamit at lumipat sa apartment na may dalawang kuwarto. Nabayaran na nila ng buo ang bangko at may natitira sa kanilang kalahating milyon, ngunit hindi pa nila sigurado kung saan nila gagamitin iyon. Masyadong maliit iyon para makabili ng lupa at magpatayo ng bahay. Habang pinag-iisipan nila ang maaari nilang simulan na negosyo ay idineposit na muna nila iyon sa bangko. Nang unang araw pa lang ay napansin na ni Lenneth ang kakaibang lungkot ng kanyang ama. Parang nasa state of depression na naman ito dahil sa pagkawala ng kanilang tirahan. Akala niya ay makaka-recover din ito, ngunit ilang araw lang ang lumipas ay muli itong naratay sa kama at may mga pagkakataong umiiyak pa ito at tinatawag ang pangalan ng kanyang namayapang ina. Kinailangan uli niya itong ibalik sa ospital. Dahil wala na si Lambert na nagmamagandang loob na tumulong, dahil sa medyo malayo sila lumipat, ay naiiwang mag-isa ang kanyang ama sa ospital sa tuwing siya‟y pumapasok sa trabaho. Kapag gabi ay doon na siya natutulog. Uuwi lamang siya ng madaling araw para maligo at papasok na naman. Nagtagal ng dalawang linggo sa ospital ang kanyang ama, at kahit masakit sa loob niya na bawasan ang natitirang pera sa bangko ay kinailangan niyang mag-withraw ng isang daang libo para panustos sa mga gamot nito. Ano pa man, mas mahalaga ang buhay ng kanyang ama. Nang naubos muli ang gamot at kinakailangan uli niyang mag-withraw ay hindi na pinirmahan ng kanyang ama ang withrawal slip. Mas gugustuhin pa

raw nitong mamatay na lamang kaysa mapunta sa wala ang pinagbentahan nila ng lupa. “Yun na lang ang natitirang maaari kong iwanan para sa‟yo,” anito sa kanya. Napakahina ng boses nito na para ba itong inaagawan ng lakas. “Di bale, matanda na ako, pero ikaw, mahaba-haba pa ang buhay mo.” Pinigil ni Lenneth ang kanyang mga luha. Nakaupo siya noon sa upuan na katabi ng kama. “Kaya nga po ako nagsasakripisyo para mabuhay kayo. Iniwan na nga tayo ni mama iiwanan mo pa ako.” Para bang nahabag ng husto ang kanyang ama sa kanya. “Kahit gustuhin ko man, kung talagang hanggang dito na lamang ang buhay ko, wala tayong magagawa.” Matapos ang pag-uusap nilang iyon ay umalis na si Lenneth para pumasok sa trabaho. Sa hindi niya inaasahang pagkakataon ay nakita niya si Dhar sa lobby na may kausap na dalawang dalaga. Masaya ang pag-uusap ng mga ito kaya‟t hindi man lang siya nito nakita na dumaan sa likuran. “Sir, sa guwapo niyong yan kahit sinong babae, papatol sa inyo,” anang isang babae na kausap nito. “Sabihin niyo lang, Sir. Puwedeng-puwede ako mamayang gabi,” dagdag naman ng isa. Natawa silang tatlo, maging si Dhar. “Magkano naman?” biro din nito. May biglang sumagi sa kanyang isipan. Naalala niya ng minsa‟y nakita niya itong pumasok ng hotel na may kasamang babae. Ibig lang sabihin ay may hilig din ito sa babae. Agad niyang iwinaglit sa isipan ang naisip niyang kalokohan at dumiretso na sa kanyang area. Ngunit habang lumilipas ang oras ay parang lalo siyang nahihikayat na gawin na niya ito, alang-alang sa kanyang ama. Labag man sa loob niya, ngunit natagpuan na lamang niya ang sariling inaayos ang sarili sa comfort room at maya-maya‟y dumiretso na siya sa office ni Dhar. Bahala na kung ano ang mangyayari. Kapag namatay ang kanyang ama ay wala na ring saysay na mabuhay pa siya. “Saan na kayo nakatira ngayon?” tanong ni Dhar sa kanya ng nakaupo silang dalawa sa magkabilang dulo ng mahabang sofa sa loob ng office nito. Ipinagtimpla siya nito ng kape bago sila nag-usap. “Sa apartment po muna kami,” sagot ni Lenneth na pilit kinakalma ang sarili. “Sa susunod na buwan pa raw po kasi aalis yung may-ari ng bahay kaya sa apartment na muna kami.” “Ewan ko ba kasi sa inyo kung bakit kayo umalis agad sa bahay niyo,” ani Dhar. “Hindi ko naman kayo minamadali.” Pinilit ngumiti ni Lenneth. “Pero nabayaran niyo na yung may-ari?” Hindi magawang magsinungaling ni Lenneth, kaya‟t tumango na lamang siya. “Good,” tango ni Dhar at humigop ng kape. “May sasabihin ka?” Biglang nag-init ang mga pisngi niyang napatingin sa binata. Naramdaman na lamang niyang halos matapon na ang kape niya sa labis na pangininginig ng kanyang kamay. Ibinaba niya ang tasa, at saka siya

panandaliang pumikit para palakasin ang loob. “Nakita ko po pala kayo noon. May kasama kayong magandang babae?” Nagsalubong ang kilay ni Dhar. “Saan?” “Sa hotel po.” Nagulat si Dhar, at saka ito nangiti. “Talaga?” Parang napahiya ito. “Nakakahiya naman pala. Minsan na nga lang akong magloko, may nakakita pa.” Ngumiti rin si Lenneth. “Girlfriend po ninyo yun?” Para bang nag-isip pa si Dhar bago ito tumango. Hindi makapaniwala si Lenneth na pagkaraan ng mahabang panahon ay nasasaktan pa rin siya nito. Parang nadudurog ang kanyang puso. “Yun bang sasabihin mo?” tanong ni Dhar. Umiling si Lenneth, pero hindi rin siya nakapagsalita. “Then what is it?” Muli siyang nag-ipon ng lakas ng loob. Bago pa mapunta sa wala ang usapang ito ay kailangan na niya itong sabihin. “Hindi po kaya magagalit ang girlfriend niyo kung…” “…Kung?” Huminga ng malalim si Lenneth. “If I spend a night with you?” Napamulagat ng husto si Dhar, at ganun din ang pamumula ng kanyang mga pisngi. Ilang segundo itong natulala. “A night with me?” tanong nito. “For what?” “For a price,” sagot ni Lenneth. Muling natulala si Dhar. “I am not an expert though,” paliwanag ni Lenneth. “But I am still a virgin.” Mula sa pagkatulala ay natawa si Dhar at pinunasan nito ang namumuong pawis sa noo. “You came here to tell me that?” Tumango si Lenneth. “Kailan pa naging prostitution den itong office ko?” Nagulat si Lenneth. Hindi niya akalaing sasabihin iyon ni Dhar. Ang buong akala niya‟y agad nitong tatanggapin ang kanyang offer. “Alam mo namang may girlfriend ako,” patuloy ni Dhar. “Ang lakas ng loob mong sabihin sa akin yan.” Hindi pa rin nakaka-recover si Lenneth sa pagkaka-shock. Parang gusto niyang maglaho sa mundo, o mamatay na lang. “Kung wala ka ng sasabihin, you may go.” Napapikit si Lenneth at binuhat ang sarili patayo. Hindi na niya nilingon pa si Dhar at lumabas na ng office. Sa comfort room siya dumiretso at doon siya napahagulgol sa iyak. Mas matindi pa ang inabot niyang kahihiyan ng sandaling iyon kaysa nung tinanggihan nito ang regalo niyang alak. Kung ano kasing nakain niya at naisip niyang ibenta ang sarili niya kay Dhar. Umupo siya sa isang sulok at humikbi-hikbi doon. Dahil sa desperasyon niyang makakuha ng pera na pambili ng gamot ng kanyang ama, kaya niya nagawa ang ganoong kahibangan. Sa unang beses ay gusto na niyang dumapa at sumuko sa buhay. Hindi na niya ito kayang ipagpatuloy pa.

Magsama na lang sila ng kanyang ama na mamatay. Mas magiging masaya pa siguro siya kung saan man siya mapunta. Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nagmukmok doon ng bigla niyang naalala ang kanyang trabaho. Saktong pinapahid niya ang kanyang luha ng may biglang pumasok. Nagulat siya ng makita niya ang kanyang supervisor. “Lenneth!” Magagalit na sana ito, ngunit biglang nag-iba ang reaksyon nito ng makita ang namumula niyang mga mata. “Andito ka lang pala, kanina pa kita hinahanap.” “P-pasensya na po,” nanginginig ang mga labi niyang sumagot. “Babalik na po ako dun.” “Hay naku, dismissal na. Di bale na, uwi ka na lang. Ako ng bahalang mag-endorse sa makina mo.” “Salamat po,” aniya at lumabas ng comfort room. Masuwerte na lang siya‟t nakatsamba siya ng isang mabait na bisor. “Oy, Lenneth. Ba‟t ka umiiyak?” Napalingon siya sa boses ng lalaki na sumasabay sa kanya sa paglalakad. Nakilala niya ang engineer sa area nila na si Marzo. Marahil ay napansin nito ang kanyang mata kaya siya nito sinundan. “Wala. May konti lang akong problema.” “Sus!” Parang naawa sa kanya si Marzo. “Malaki yata eh. Gusto mo ihatid na lang kita pauwi?” “H-hindi na. Pupunta ako ng ospital eh.” “Di sa ospital na kita ihatid. Sige na.” Dahil makulit ay pumayag na rin siya. Sabay silang nagtungo sa parking area. Binuksan ni Marzo ang pinto ng kotse at papasok na sana siya ng may biglang tumawag sa pangalan ng kasama niya. Nang lingunin niya ito ay nagulat siya ng makitang papalapit si Dhar. “Ay, Sir!” bati ni Marzo. “Kumusta?” Ngumiti si Dhar at tumayo sa harapan nila. Yumuko si Lenneth. Ayaw niyang makipagtitigan dito. “May lakad kayo?” “Ihahatid ko lang, Sir. Mukhang may problema eh.” Bumuntung-hininga si Dhar. Kahit hindi nakita ni Lenneth ay alam niyang nakatitig ito sa kanya. “Ako ng maghahatid sa kanya.” Parang nagulat is Marzo. “S-sige,” anito. “Di mauna na ako sa inyo kung ganun.” Hindi umimik si Lenneth at pinanood lamang si Marzo na pumasok ng kotse at pinaandar na nito iyon palayo. Nang tahimik na ang paligid ay muli siyang yumuko. “I‟m sorry,” mahinang wika ni Dhar. Noon lang napatingin si Lenneth sa binata. Mukhang seryoso ito sa paghingi ng tawad. “Nagulat lang ako kanina. Ni minsan kasi hindi ko in-expect na sasabihin mo yun sa akin.” Tumango si Lenneth. “Sorry din po. Hindi na po mauulit.”

Bahagyang ngumiti si Dhar, at nagulat na lamang siya ng dahan-dahan itong lumapit sa harapan niya. Napakalapit nito na halos naririnig pa niya ang hininga nito. “We‟re not in the office anymore. You might want to ask me again.” Nag-init ang mga pisngi ni Lenneth. Parang biglang nagbago ang isip nito. “And while you‟re thinking about it, would you mind having dinner with me?” Ilang sandaling natulala si Lenneth. Para bang sa isang iglap ay pinawi nito ang kahihiyang sinapit niya kanina lamang. Tumango siya, at nginitian siya ni Dhar. Sa isang mamahaling restaurant siya dinala ni Dhar. Dahil hindi sanay si Lenneth sa ganoong mga lugar ay hindi siya mapakaling lumingon-lingon sa paligid. Puro mga mayayamang mga tao ang mga naroon. Sa suot niyang simpleng blouse at jeans ay pakiramdam niya‟y isa siyang basahan. Natigil siya sa pagmamasid ng makita niyang nakatitig pala sa kanya si Dhar. Nang magkasalubong ang kanilang mga mata ay nangiti ito, siya naman ay napayuko. “…Do you realize how beautiful you are, Lenneth?” Napatingin siya sa binata. Pakiramdam niya‟y nang-iinsulto ito. Naiinsecure na nga siya, sasabihan pa siya ng ganun. “You don‟t believe me, do you?” tanong ni Dhar. Hindi sumagot si Lenneth. Ngumiti si Dhar at saka nagkibit-balikat. “There are really people who just don‟t know how much they‟re worth. I hope you will realize that.” Piniin ni Lenneth ang labi. Hindi totoo ang sinasabi nito. Mataas din naman ang tingin niya sa sarili niya, kaya nga niya ito binasted noon dahil ayaw niyang mahulog sa isang karpintero. Subalit sa mga kamalasang sunud-sunod na dumating sa buhay niya ay kahit ang pinakaiingatan at ipinagmamalaki niyang dangal ay kailangan na niyang isakripisyo. Dumating ang kanilang order. Kahit gutom siya ay hindi niya nagawang kumain ng husto dahil halos sa lahat ng oras ay nakatitig si Dhar sa kanya at panay ang pagngiti. Isda pa man din ang in-order niya at may mga tinik pa. Naiilang siya na baka mapansin ni Dhar, o ng ibang mga tao, na hindi pa siya bihasa sa paggamit ng kutsilyo. Pagkatapos ng dinner ay tinanong siya ni Dhar kung puwede na silang umalis. Tumango siya at sabay silang tumayo. Nagulat siya ng banayad na hinawakan ni Dhar ang kanyang kamay habang sila‟y papalabas ng restaurant. Napakainit ng palad nito, at ang higpit ng hawak nito ay para bang nagbigay ng kaunting comfort sa kanya. Pakiramdam niya‟y may kasintahan siyang karamay sa sandaling pasan niya ang daigdig. Akala niya ay sa hotel siya nito dadalhin, subalit nagtaka siya kung bakit sa isang condo unit sila pumasok. Pagbukas pa lang ng pinto ay tumingintingin siya sa paligid. Maluwang ang condo unit nito at mamahalin ang mga kasangkapan. Ang higit na nakakuha sa atensyon niya ay ang malaking chandelier sa kisame na kumikinang kapag tinamaan ng ilaw. “Welcome to my home,” anito sa kanya.

Napatingin siya sa binata at saka pinilit ngumiti. “Ang ganda pala ng place mo.” Ngumiti rin si Dhar at sinulyapan din ang chandelier, saka ito tumingin sa kanya. “Maybe not as beautiful as you.” Namula si Lenneth at yumuko. Narinig niyang tumawa si Dhar. “Gusto mong mag-shower?” Napatingin siya sa binata. Sa totoo lang ay iyon sana ang una niyang gagawin bago ang lahat. Pakiramdam kasi niya‟y nanlalagkit na siya. “Puwede?” “Oo naman,” sagot ni Dhar at hinatid siya nito sa loob ng isang kuwarto. Parang abandonado iyon. May kama at closet, ngunit wala itong laman maliban sa ilang mga kahon sa isang sulok. “Kaninong kuwarto ito?” tanong niya. Binuksan ni Dhar ang pintuan ng banyo saka ito sumagot. “Wala. Dito ko lang nilagay yung mga gamit ni mommy. Na-demolish na kasi yung dati naming bahay.” Parang kinilabutan si Lenneth. Balita niya‟y patay na ang ina nito. “Kung natatakot ka, you may use the bathroom in my room.” “Ah, hindi na,” sagot ni Lenneth. Nahalata pala nito ang kanyang reaksyon. “Puwede na dito.” Ngumiti si Dhar at binuksan ang closet. Naglabas ito ng isang pambabaeng bathrobe. “Ito na muna ang gamitin mo. Huwag kang mag-alala hindi maramot sa gamit si mommy,” biro pa nito. “Sandali lang, kukuhanan kita ng towel.” Para siyang tinayuan ng balahibo na hinawakan ang bathrobe. Hindi kaya siya multuhin ng mommy ni Dhar? Pero wala naman siyang dalang gamit na pagbibihisan niya kaya‟t wala siyang ibang pagpipilian. Ilang sandali lang ay bumalik si Dhar at may dala itong dalawang towel, shampoo at sabon. Pumasok na siya ng banyo at iniwan naman na siya ng binata. Pinili niya ang mainit na tubig. Nang matapos siyang maligo ay nakaramdam siya ng kaginhawaan. Parang nawala ang kanyang pagod. Nang maisuot niya ang bathrobe ay humarap siya sa salamin para suklayin ang basa niyang buhok. Tamang-tama ang sukat ng bathrobe sa kanya. Hindi siguro nagkakalayo ang pangangatawan nila ng ina ni Dhar. Nagulat siya ng lumabas siya ng banyo at may nakita siyang blower sa ibabaw ng mesa. Siguro ay dinala iyon ni dhar habang siya‟y naliligo. Nang matuyo ang kanyang buhok ay inayos niya ang blower at inilatag sa mesa. Lalabas na sana siya ng kuwarto ng may kung anong humila sa kanya paatras. Bigla siyang kinabahan. Sa bilis ng kanyang pulso ay halos hindi na siya makahinga. Ganunpaman ay kailangan niya itong gawin. Huminga-hinga siya ng malalim at lakas loob niyang binuksan ang pinto. Wala pa doon si Dhar. Siguro ay naliligo pa ito. Humakbang siya palabas at isinara ang pinto. Akmang papunta na sana siya sa sala ng may biglang lumapit sa kanya mula sa kaliwa. “Aayy!” Tinakpan niya ang kanyang bunganga ng makilala si Dhar.

Nangiti si Dhar at lumapit pa sa kanya. Noon niya nahalatang wala pala itong suot na shirt at naka-jeans lamang. Sa amoy nito ay siguradong katatapos din nitong maligo. Namula siya ng husto at napahakbang palikod, ngunit naipit na siya sa pagitan ni Dhar at ng nakasarang pinto. Muli siyang nilapitan ni Dhar hanggang sa halos magdikit na ang kanilang katawan. Naamoy niya ang bango ng sabon nito, at damang-dama niya ang init ng katawan nito. Parang gusto niyang pumikit at mapasailalim sa halina nito, subalit nanaig ang kawalan niya ng experience sa ganoong mga bagay, kahit ng nakita niyang papalapit na ang mga labi nito. Hindi siya gumalaw, hanggang sa naramdaman niya ang mga labi nitong dumampi sa kanyang bibig. Nanginig ang buo niyang katawan ngunit hindi niya ito tinutulan. Diniinan pa nito ang halik at naramdaman niya ang kakaibang init ng mga labi nito. Unti-unting naglaho ang kanyang takot, at kusang bumukas ang kanyang mga labi para tanggapin ito. Napapikit siya, at ilang sandali lamang ay naramdaman na lamang niyang tinutugunan ang halik nito. Napakasarap pala ng pakiramdam. Parang baga ang mga labi nito na lumikha ng mainit na apoy sa kanyang bibig, at unti-unti nitong sinakop ang buo niyang katawan. Hindi niya alam kung ilang minuto silang naghalikan doon ng naramdaman niyang dahan-dahang lumayo si Dhar. Nang dumilat siya‟y nakita niya itong ngumiti sa kanya. Napakabanayad ng paghaplos nito sa kanyang pisngi bago nagsalita. “Kinakabahan ka yata,” anito. “Would you like some wine?” Piniin ni Lenneth ang mga labi, at saka siya tumango. Siguro nga ay kakailanganin niya iyon para hindi na siya gaanong kabahan. Nang lumayo si Dhar ay para bang bigla siyang gininaw. Hinawakan nito ang kanyang kamay at inihatid siya paupo sa sofa, saka ito nagtungo ng kusina. Habang papalayo ito ay hindi niya napigilang mapatitig sa likod nito. Napakaganda pala ng pangangatawan nito. Medyo malapad ang mga balikat nito at maliit naman ang baywang. Nang bumalik ito ay may hawak itong mataas na bote ng wine at dalawang baso. Ang dibdib naman nito ang kanyang tinitigan habang ito‟y papalapit. Makapal ang dibdib nito at may ilang hibla ng buhok sa gitna. Napatingin pa siya pababa sa tiyan nito. Napangiti pa siyang pinagmasdan ang anim na matitigas na mucles doon. “Maganda ba?” bigla nitong tanong na ikinagulat niya ng husto. Agad niyang inilihis sa ibang direksyon ang kanyang tingin. Damangdama niya ang pag-init ng kanyang mga pisngi. Narinig niyang tumawa si Dhar at umupo sa tabi niya. “Have a drink,” anito at iniabot ang wine glass sa kanya. Nanginginig ang mga daliri niyang tinanggap iyon at unti-unti niya iyong ininom. Medyo mapait, pero kailangan niya. Ngumiti si Dhar na hindi maalis-alis ang titig sa kanya habang umiinom din ng alak. Para tuloy siyang nako-conscious. Hindi niya namalayang naitungga pala niya ang laman ng baso. Medyo malakas ang tama ng alak na iyon kaya‟t agad niyang naramdaman ang pag-iinit ng kanyang lalamunan.

Ibinaba niya ang baso sa mesa. Akmang lalagyan sana uli iyon ni Dhar ngunit pinigilan niya ito. “No, huwag na. Tama na yun.” Hindi umimik si Dhar at ibinaba rin ang iniinom, saka ito lumapit sa kanya. Nagbalik ang kanyang nerbiyos pero hindi niya inisip na lumayo. Naramdaman niya ang kamay nitong banayad na hinaplos ang kanyang baba, kaya unit-unti niyang tiningala ito. Ilang sandali silang nagtitigan. “Would you like to hug me?” tanong nito sa kanya. Sinunod niya ito. Kumapit siya sa magkabilaan nitong balikat at saka niya ito marahang niyakap. Narinig niya ang mahinang daing ni Dhar ng maglapat ang kanilang mga katawan. Nang naramdaman niyang pumalibot din sa kanyang likuran ang mga kamay nito at banayad na hinaplos-haplos ang kanyang buhok ay ni-relax niya ang kanyang sarili. Inilapat niya ang kanyang pisngi sa hubad nitong dibdib at saka pumikit. Para bang napakapayapa ng lahat. Tanging ang naririnig niya ay ang tibok ng puso nito, at ang init ng dibdib nito na pumapaso sa kanyang pisngi. Napakasarap ng kanyang pakiramdam. Para bang napaka-safe niya sa ganoong posisyon. Sa ilalim ng mga braso nito ay wala ni anumang masamang makakalapit sa kanya, wala ni anumang kalungkutan. Makalipas ang ilang sandali ay dahan-dahan siyang dumilat at tiningala ang binata. Dahan-dahan ding bumukas ang mga mata nito at sila‟y nagtitigan. Hindi niya alam kung saan siya nakakuha ng lakas ng loob. Kumapit siya sa batok nito, at saka niya marahang inabot ang mga labi nito. Kapwa sila napaungol ng maglapat ang kanilang mga labi. Sa isang iglap ay muling nagliyab ang apoy na nilikha nila kanina lamang. Humigpit ang mga braso nito sa kanyang katawan at diniinan nito ang halik. Pakiramdam niya‟y napunta siya sa ibang daigdig, kung saan ang maiinit lamang na labi ni Dhar ang kanyang nararamdaman. Makulay ang paligid at payapa ang lahat. “Lenneeethhhh!” daing ni Dhar at nagulat siya ng biglang dumulas ang mga labi nito sa kanyang leeg. “Mahal na mahal kitaaaahhh!” Para bang binuhusan ng malamig na tubig si Lenneth. Hindi siya sigurado kung totoo ang kanyang narinig, hanggang sa inulit iyon ni Dhar. “I love you,” daing nitong muli. Nangiti si Lenneth at muling pumikit. Kung totoo iyon ay wala ng dahilan pa para matakot siyang ipagkaloob ang sarili niya sa lalaking ito. Lumabas din pala ang tunay nitong nararamdaman para sa kanya. Naramdaman niya ang kamay nitong dahan-dahang hinawi ang suot niyang bathrobe mula sa balikat. Wala siya ni anumang saplot sa ilalim kaya‟t madali lang siya nitong mahuhubaran. Hindi niya ito tinutulan. Nang dumulas ang bathrobe sa kanyang mga braso ay huminto ito sa paghalik sa kanyang leeg at sila‟y nagtitigan. Para bang nag-uusap ang kanilang mga mata, sabay silang tumingin pababa para tignan ang nahubaran niyang katawan. “You‟re even more beautiful than I‟ve imagined,” ibinulong nito sa kanya. “I really want you to be mine, Lenneth.” Halos maluha si Lenneth. “Then make me yours.”

Ngumiti si Dhar at hinalikan siya sa labi. Maya-maya‟y binuhat na siya nito papasok ng kuwarto. Hindi na siya natakot pa. Handang-handa na siyang ipagkaloob ang sarili niya dito. Hindi na dahil sa pera kaya niya ito ginagawa, kundi dahil mahal na niya ang lalaking ito. Chapter 7 Dahan-dahang dumilat si Lenneth at para ba siyang nagulat kung bakit iba ang nagisnan niyang lugar. Nang iangat niya ang kanyang ulo ay nakita niya si Dhar na mahimbing na natutulog sa tabi niya, at nakaunan siya sa dibdib nito. Kaya pala parang napakasarap ng tulog niya. Naluluha siyang pinagmasdan ang mala-anghel nitong mukha. Madilim pa sa labas, pero bukas ang lampshade kaya‟t nakikita niya ito. Para bang isang panaginip lamang ang nangyari sa magdamag. Mahirap paniwalaan na sa ilang sandali ay nakasalo niya ito sa kaligayahan. Dahan-dahan siyang bumangon at bababa na sana ng bigla itong umungol at niyakap siyang muli. Hindi siya gumalaw, hanggang sa lumuwag ang hawak nito sa kanya, saka siya marahang lumayo at bumaba ng kama. Saglit siyang napaimpit ng maramdaman ang kirot sa pagitan ng kanyang mga hita, subalit kailangan pa niyang puntahan ang kanyang ama sa ospital. Marahil ay nagtataka ito kung bakit hindi siya nakarating nung nakaraang gabi. Bago siya lumabas ay muli niyang pinagmasdan ang nahihimbing na binata. Totoong napaligaya siya nito ng husto. Kahit sa isang iglap sa buong buhay niya ay masasabi niyang naging masaya siya, pero mayroon ng nagmamay-ari sa lalaking ito. Kung totoo man ang naibulong nito na mahal siya nito ay huli na ang lahat. Ayaw niyang mang-agaw ng boyfriend ng iba. Napakarami na niyang kamalasan sa buhay. Ayaw niyang karmahin pa siya. Lumabas na siya ng kuwarto. Nagtungo siya sa kabilang kuwarto para maligo at magbihis. Kailangan niyang makaalis doon bago pa sumikat ang araw. Mahirap na kapag may nakakita sa kanya doon. Baka kumalat pa ang tsismis at umabot pa ito sa girlfriend ni Dhar. Ayaw niya ng gulo. Baka lalong atakehin sa puso ang kanyang ama kapag nagkaroon ng eskandalo. Ilang minuto lang siya sa ospital at agad ding umuwi para magbihis papuntang trabaho. Hindi naman na siya tinanong ng kanyang ama kung bakit hindi siya nakapunta doon nung nakaraang gabi. Siguro ay inisip nitong nasa apartment lang siya at nagpapahinga. Habang siya‟y abalang nagbibilang ng kanyang output sa maghapon ay may isang admin staff na lumapit sa kanya at iniabot ang isang sobre. Nang buksan niya iyon ay nalaman niyang tseke pala iyon galing kay Dhar. Bayad nito iyon sa kanya sa naging serbisyo niya dito nung nakaraang gabi. Nagulat siya‟t isang daang libo ang halagang sinulat nito doon. Kahit pakiramdam niya‟y isa talaga siyang bayarang babae ay natuwa na rin siya. Kakasya na siguro iyon na pambayad sa bill nila sa ospital at pambili ng kaunting gamot. Hindi na siya nag-overtime ng araw na iyon dahil kailangan niyang ipalit ang tseke sa bangko. Habang naglalakad siya sa spine ay hindi niya akalaing

masasalubong niya doon si Dhar. Huminto siya at tumayo sa tabi para hintayin ito. Nais niya sanang magpasalat, subalit para bang napakalaking dagok sa dibdib ang naramdaman niya ng nilagpasan lamang siya nito na parang walang nakita. Sinundan niya ng tingin ang papalayong binata hanggang sa ito‟y nawala. Naluluha ang kanyang mga matang umalis na lamang. Mas bumaba pa ang tingin niya sa kanyang sarili. Marahil dahil natikman na siya ni Dhar kaya wala na itong interes pa sa kanya. Pagdating niya ng ospital ay agad niyang kinausap ang doktor. Bago pa lalong tumaas ang kanilang bill ay gusto na niyang ilabas ang kanyang ama. Sa tingin naman niya‟y gumaganda na ang lagay nito. “Mag-iisang buwan na po siya dito eh,” reklamo niya sa doktor na siyang umaasikaso sa kanyang ama. Bumuntung-hininga si Doktor Ignacio. Thirty-four years old pa lang ito, pero nagtapos daw itong cumlaude sa isang kilalang university. “Hindi ko pa masasabi sa ngayon. Wala kasi akong makitang improvement sa kalagayan niya. Kung iuuwi mo siya, baka lalong mapaiksi ang buhay ng papa mo.” Kinurap-kurap niya ang kanyang mga mata para hindi siya maluha. “Gaano na po ba kalala ang sakit niya?” “Malala na ang bronchitis niya kaya nagkaroon ito ng complication. More than that, dahil sa deppression, nagkaroon siya ng mild stroke. Kapag nasundan yun, maaari niyang ikamatay. That‟s why you have to make sure na hindi mo siya bibigyan ng sama ng loob.” “Pero wala naman pong nasira sa mga vital organs niya?” “Wala naman. Medyo paralyze nga lang yung kaliwang kamay niya dahil sa mild stroke, but he‟ll get over it.” “Then it‟s possible na sa bahay na lang siya magpagaling?” Tumango ang doktor. “Possible, but not now. Kailangan muna natin siyang obserbahan. After one week, kahit hindi pa siya gumagaling pero hindi naman lumala ang lagay niya, you can take him home para doon mo na lang siya alagaan.” Nangiti si Lenneth. “Talaga po?” Tumango uli ang doktor. “Pasensya na po kung kinukulit ko kayo. Wala na kasi akong pagkukunan ng pambayad dito sa ospital eh.” Ngumiti si Doctor Ignancio at tinapik ang kanyang balikat. “Alam ko kung paano ka nagsasakripisyo para sa papa mo, kaya nga hindi na kita sinisingil ng professional fee. Hanggang doon nga lang ang puwede kong itulong sa‟yo dahil hindi naman ako mayaman, at may pamilya naman ako.” “Sobra-sobra na nga po ang tulong niyo sa akin eh. Hindi ko po alam kung papaano ko kayo pasasalamatan.” Ngumiti uli ang doktor. “It‟s my duty, as a doctor, to save lives. Kaya huwag mong isiping may utang na loob ka sa akin.” Nagulat si Lenneth ng napalingon siya sa kanyang supervisor at nakita niyang kasama nitong dumating si Dhar. May importanteng pinag-uusapan ang

mga ito kaya‟t hindi siya nito nakita. Naka-break ang mga kasamahan niya kaya‟t siya lamang ang natitira doon. Pinilit niyang magconcentrate sa trabaho at hindi na ito muling nilingon pa. Marahil dahil sa pagkataranta ay may mali siyang nagalaw sa makina at bigla itong nag-alarm. “Ano yan?” tanong ng kanyang bisor na lumapit. “Ako na,” ani Dhar na lumapit din sa kanya. Tumabi siya at pinanood si Dhar sa kung anumang ginagawa nito doon. Nakalimutan niyang ito mismo ang nag-train sa mga engineers, kaya‟t alam nito kung papaano aayusin iyon. “Akala ko ba naayos na ito noon?” tanong ni Dhar sa kanyang bisor. Ibig sabihin ay hindi siya ang may sala ng pag-alarm nun. Talagang may depekto ang makinang iyon. “Ewan ko kay Jake,” sagot ng kanyang bisor. “Siyang technician niyan eh.” “Asan ba siya?” “Nasa canteen yata. Tatawagin ko.” Nang nakaalis ang kanyang bisor ay tumahimik ang paligid. Naiilang siyang kasama doon si Dhar, at silang dalawa lamang. Kahit may nangyari na sa kanila ay para pa rin silang mga strangers. “Andyan ba yung toolbox ni Jake?” tanong ni Dhar sa kanya makaraan ang ilang minutong katahimikan. Napalingon siya sa kanan. May cabinet doon sa kung saan iniiwan ng technician ang toolbox nito. Nagtungo siya doon at kinuha iyon, saka siya bumalik kay Dhar. Tumayo siya sa tabi nito at siyang nag-aabot ng mga kailangan nito. Nahulog ang itinaas nitong sleeve at natakpan ang inaayos nito sa makina. Lumapit siya dito at itiniklop ang sleeve nito ng maayos. Nang natapos ay napatingala siya at hindi niya inaasahang nakatitig pala ito sa kanya. Hindi siya nakagalaw ng nakita niyang papalapit ang mga labi nito sa kanya. Ilang segundong nagtagal ang halik. Kahit natatakot siya na baka may makakita ay hindi niya ito tinutulan. Pagkatapos nito ay tinitigan siya nitong muli. Hindi pa rin nito inilalayo ang mga labi sa kanya. “Would you like to join me for dinner tonight?” pabulong nitong tanong. Natulala ng ilang sandali si Lenneth, pero tumango din siya. Nung isang araw lang ay ni hindi siya nito pinapansin, kaya‟t nakakagulat na bigla na lang siya nitong niyayang mag-dinner. Ngumiti si Dhar at dahan-dahang lumayo. “I‟ll wait for you at the parking area,” anito at ibinalik ang atensyon sa makina. Kinahapunan ay hinintay nga siya nito sa parking area at sa isang restaurant uli sila nag-dinner. May kutob siyang baka may balak uli itong yayain siya sa condo unit nito. Kasalukuyan pa lang niyang iniisip kung papayag ba siya kung sakaling nangyari iyon ng bigla itong nagprisinta kung maaari siya nitong ihatid sa kanyang apartment. Para ba siyang napahiya sa kanyang sarili. Sabi na nga ba niya‟t pinagsawaan na siya nito sa loob ng isang gabi.

“Andyan bang papa mo?” tanong ni Dhar ng nakatayo na sila sa tapat ng pinto ng apartment. “Puwede ko ba siyang makausap?” Nagulat si Lenneth. Nagsinungaling siya noon sa lagay ng kanyang ama kaya‟t kailangan niya itong ipagpatuloy. Kunwari ay binuksan niya ang pinto at sumilip sa loob. “Tulog na yata eh. Matanda na kasi kaya nagiging antukin na.” “Ganun ba?” Parang naniwala naman agad si Dhar. “Sayang. Matagal na kasi kaming hindi nakakapag-usap.” “Sasabihin ko na lang sa kanya na napadaan ka.” “Sige.” Tumango si Dhar at saka tumingin sa kanya. “I have to go. Baka kailangan mo ng magpahinga.” Ngumiti si Lenneth, at nagulat siya ng hawakan nito ang kanyang kamay at hinila siya palapit. Niyakap siya nito, at saka dahan-dahang dumapo ang mga labi nito sa kanya. Tinugunan niya ang halik na nagtagal ng halos isang minuto. Nang buksan niya ang kanyang mga mata ay nagtitigan sila. Pareho silang naluluha na para bang sinasalamin nito ang isang sumisigaw na damdamin mula sa kanilang puso. Ngunit ni isa man sa kanila ay hindi nagsalita. “I have to go,” ibinulong nito makaraan ang ilang sandali at dahandahang lumayo. Tumango si Lenneth, ngunit ng tumalikod na ito ay hindi niya napigilan ang kanyang sarili. “D-dhar?” Huminto si Dhar at muling humarap sa kanya. “What is it, Lenneth?” Naluluha ang mga mata ni Lenneth. Mula sa halik nito ay sigurado siya sa isang bagay… mahal na mahal siya nito. Pilit lang nitong ikinukubli iyon dahil siguro sa ilang personal na dahilan. Pero hindi na siya nakapagpigil pa. Kailangang-kailangan niya ito ngayon. “Please stay with me!” Natulalang napatitig sa kanya si Dhar. “May problema ka ba?” Hindi agad sumagot si Lenneth, hanggang sa ang puso na niya mismo ang sumigaw. “Mahal na mahal kita, Dhar.” Nakita niya ang pagdilat ng mga mata nito, ni hindi ito nakapagsalita. “It‟s not because you‟re a president now. Since the first time I saw you… I‟ve loved you.” Hindi pa rin naka-recover si Dhar sa pagkakatulala. Nanatili lang itong nakatitig sa kanya. Naghintay siya ng ilang sandali, hanggang sa nakita niya itong gumalaw. Lalapit na sana ito, ngunit ewan ba niya kung bakit bigla itong umatras. Para bang nag-iisip ito kung lalapit o lalayo. “Do you not feel anything for me?” naitanong niya makaraan ang mahabang katahimikan. Tinitigan siya saglit ni Dhar, at saka ito umiling. Para bang nadurog sa maraming piraso ang kanyang puso. Napapikit siya at tumulo ang luha sa kanyang mga mata. Nagkamali ba siya ng akala? “Three times, you whispered to me that you love me. I heard it.” Hindi agad sumagot si Dhar. “Even if it is true,” pabulong nitong sagot. “I don‟t see any chances for you and me.” Muling tumulo ang luha ni Lenneth at siya‟y yumuko. Kung ano nga ba kasing kahibangang ang mga sinsabi niya, lalo lang tuloy siyang nasaktan.

“I‟m sorry,” ibinulong nito. Hindi man ito nakita ni Lenneth ngunit naramdaman niya itong lumayo. Nang tumingala siya ay mag-isa na lang siyang nakatayo doon. Pumasok siya ng bahay at uupo na sana sa sofa para humagulgol ng maalala niya ang kanyang ama. Mabilis niyang pinahid ang kanyang mga luha at nagtungo sa banyo para maligo. Kahit durug-durog na ang kanyang puso at kailangan niya ng panahong mapag-isa ay hindi maaari dahil mayroon siyang obligasyon. Pero mas mabuti na rin siguro iyon kaysa magkulong siya sa bahay at paulit-ulit na maalala ang mga masasakit na salitang binitiwan sa kanya ni Dhar. Chapter 8 Para bang nananadya ang pagkakataon. Kung kailan niya iniiwasan itong si Dhar ay saka naman niya ito nasalubong ng papalabas na siya ng building. May kasama itong dalawang hapon. Napatingin ito sa kanya, ngunit dahil sariwang-sariwa pa ang mga masasakit na salitang isinampal sa kanya nito nung isang araw ay yumuko lang siya‟t nilampasan ito. Kahit hindi niya nakikita ay para bang nararamdaman niya ang dalawang pares ng mata na nakatingin sa kanyang likuran. Hindi niya ginamit ang service dahil kailangan niyang dumiretso sa ospital. Kailangan niyang makausap si Doctor Ignacio hinggil sa paglabas ng kanyang ama kinabukasan. Naglakad siya patungong highway. Dati-rati ay nagtataxi siya, subalit gipit siya sa pera kaya nakipagsiksikan na lamang siya sa jeep. Papasok pa lang siya noon ng gate ng ospital ng may marinig siyang bumusina sa kanyang likuran. Nang lingunin niya iyon ay nakita niya ang dalawang kotse na muntikan nang nagbanggaan. Kagaya ng kotse ni Dhar ang asul na kotseng iyon, pero imposibleng si Dhar iyon dahil may mga bisita itong inaasikaso sa kompanya. Dinungaw niya saglit ang kanyang ama. Mahimbing ang tulog nito kaya‟t minabuti niyang kausapin na muna ang doktor. Marahil pagbalik niya ay gising na ito. May kausap ang doktor pagdating niya sa office nito kaya‟t naghintay siya ng mga sampung minuto bago siya nito naharap. Nagbigay ito ng reseta ng gamot at ipinaliwanag kung paano at gaano kadalas niya itong ipapainom sa kanyang ama. Binilin din siya nito ng mga pagkain at gawain na dapat nitong iwasan. Nagtagal ang kanilang pag-uusap ng halos dalawampung minuto, at ng nagbalik siya sa kuwarto ng ama ay nagulat siya sa dinatnan doon. Nakaupo sa tabi ng kama si Dhar. Hinihimas nito ang noo na nakatitig sa natutulog pa rin niyang ama. Naalala niya ang kotse na nakita niya kanina. Kung sinundan man siya nito o nagkataon lang na napadaan ito doon at nakita siya ay hindi niya alam. Marahil ay naramdaman ni Dhar ang kanyang pagpasok at dahandahan itong tumingin sa kanya. May galit man siyang tinatago dito, subalit mas nanaig ang hiya niya dito. Yumuko na lamang siya at lumapit sa mesa para iwanan ang reseta doon. Nang biglang hawakan ni Dhar ang kanyang kamay at hinila siya nito sa isang tabi kung saan sila makakapag-usap.

“Kailan pa na-ospital ang papa mo?” Mahina ang pananalita nito para hindi magising ang kanyang ama, pero halatang pinipigil lang nito ang galit. Natakot si Lenneth sa nanlilisik nitong mga mata. “…Last month pa.” “Ba‟t hindi mo sinabi sa akin?” “…Ba‟t ko naman sasabihin sa‟yo?” Natahimik si Dhar. Parang nasaktan ito, pero hindi binawi ni Lenneth ang kanyang sinabi. Sa totoo namang wala siyang pananagutan na sabihin ito kay Dhar. Katrabaho lang naman ito ng kanyang ama noon, at boss naman niya ito ngayon sa kompanya. Wala naman silang relasyon. Wala siyang nakikitang malaking dahilan para ipagsabi niya ito kay Dhar. “Sabihin mo sa akin ang totoo,” ani Dhar makaraan ang ilang sandali. “Kailan pa nagkasakit ang papa mo?” “Matagal na.” “Kailan?” Tinikom ni Lenneth ang bibig. Talagang pinipilit siya nitong pagsalitahin. “Ba‟t kailangan mong malaman?” “…Mula ng nagtrabaho siya sa park, di ba?” Nang hindi siya umimik ay binitiwan nito ang kanyang kamay at huminga ng malalim habang tumitingin sa paligid, at saka ito muling tumingin sa kanya. “Sabi ko na nga ba eh. May sakit ang papa mo nung nagpunta ako sa bahay niyo para tignan yung lupang binebenta niyo. Ayaw lang niyang umamin.” “Wala ka namang pananagutan dun eh.” “What are you saying?” asik ni Dhar. “Hindi mo lang alam ang guilt na nararamdaman ko ngayon. I shouldn‟t have allowed him to work at the park.” Hindi nakapagsalita si Lenneth. “Kaya niyo ba binenta yung lupa niyo?” Yumuko lang siya. Hindi na niya kailangan pang sumagot. “Naubos bang lahat yung pera?” “…Pinambayad namin sa bangko ang kalahati. May four hundred thousand pa sa bangko pero ayaw pa-withraw ni papa kasi para sa akin daw yun.” “Kaya pati katawan mo binenta mo na rin?” Napalunok sa hiya si Lenneth. Nagbabadyang bumagsak ang mga luha sa mata niya. Magsasalita na sana si Dhar ng may narinig silang hikbi ng matanda. Sabay silang napalingon at laking gulat ni Lenneth ng makita ang ama na hirap na hirap sa paghinga. “Papa!” Tumakbo siyang nilapitan ito. Nang makita niya itong naghihikaos ay lalo siyang natakot. Pakiramdam niya‟y iiwanan na siya ng kanyang ama. Lalabas na sana siya para tumawag ng doktor ngunit nakita niya si Dhar na mabilis na lumabas. Alam niya ang dahilan ng biglaang pagka-atake ng kanyang ama. Narinig nito ang sinabi ni Dhar. “Papa,” naluluha siyang kinausap ang ama. “Hindi totoo yung narinig niyo. Hindi niyo lang naintindihan.” Biglang pumasok ang dalawang nurse, at maya-maya lamang ay sumunod si Doctor Ignacio. Agad na nilagyan ng oxygen ang bunganga ng

kanyang ama. Sinuri saglit ito ng doktor at saka nag-utos ito na dalhin sa emergency room ang pasyente. Umiiyak siyang sinundan ang kanyang ama, hanggang sa isinara ang pinto ng emergency room at siya‟y naiwanan sa labas. Naramdaman niyang may pumisil sa kanyang balikat, at ng lingunin niya iyon ay nakita niya si Dhar na pinipigil din ang luha. Sa galit niya‟y natapik niya ang kamay nito. “Kung anu-ano kasing sinasabi mo! Kung lalaitin mo ako, siguraduhin mong hindi maririnig ng papa ko!” “I‟m sorry,” pabulong nitong sagot. “I didn‟t know he was listening.” Hindi na umimik si Lenneth at umupo sa mahabang bench. Kahit sisihin niya ito, walang magagawa iyon. Sana nga lang ay walang masamang mangyari sa kanyang ama. Halos isang oras silang naghintay doon. Ni isang salita ay wala silang binigkas. Nakaupo lang siya habang si Dhar naman ay nakasandal sa dingding. Maya-maya‟y lumabas si Doctor Ignacio. Tumayo si Lenneth at sinalubong ito. “Okay na ang papa mo, Lenneth,” anito. “Muntikan ng atakehin.” Piniin ni Lenneth ang mga labi. Pakiramdam niya‟y maiiyak na naman siya. “Salamat po.” Bumuntung-hininga ang doktor. “Ano bang nangyari? Ba‟t biglang nagkaganun ang papa mo?” Napasulyap si Lenneth kay Dhar na tahimik na nakikinig. Mga dalawang metro ang layo nito. “May napag-usapan lang po kaming hindi gaanong maganda. Akala po kasi namin tulog siya.” Muling bumuntung-hininga ang doktor. “Sabi ko naman sa‟yo magingat-ingat ka. Huwag mong pasasamain ang loob niya. Ayun, tumaas tuloy ang blood pressure niya. Hindi mo na siya puwedeng ilabas bukas. Dito na muna siya ng ilang araw.” Para bang nagunaw ang mundo ni Lenneth. Tatlong libo sa isang araw ang binabayaran niya sa room at services lamang. Saan na naman siya hahagilap ng ganung halaga sa loob ng ilang araw? Tinapik ng doktor ang kanyang balikat. “Oobserbahan lang muna siya ng mga nurses sandali. Pag okay na, ibabalik na siya sa room niya.” Tumango si Lenneth at pinanood ang doktor na papalayo. Nang wala na ito ay tinakpan niya ang kanyang bibig para pigilan ang sarili na mapaiyak. May mga brasong yumakap sa kanya mula sa kanyang likuran. Alam niya kung sino iyon. Hinarap niya ito at itutulak sana ng bigla siya nitong yakapin ng mahigpit. Noon bumagsak ang kanyang luha at isinubsob niya ang kanyang mukha sa dibdib nito. “I am here, Lenneth,” ibinulong nito sa kanya at hinaplos-haplos ang kanyang buhok. “You‟re not alone anymore.” Lalong naluha si Lenneth. Sa unang pagkakataon ay may nagsabi nun sa kanya. Sa unang pagkakataon din ay naramdaman niyang may nagmamahal at nakikiramay sa kanya. Sa unang pagkakataon ay may masasandalan na siya. Sana nga lang ay totoo ito at hindi isang panaginip.

Nahihiyang ngumiti si Lenneth ng subuan siya ni Dhar ng binili nitong mainit na sopas. Magkatabi silang nakaupo sa mahabang bench na katabi ng kama ng kanyang ama na nahihimbing pa sa pagtulog. “Hindi ka pa ba uuwi?” tanong niya sa binata. “Gusto mo na ba akong umalis?” balik ni Dhar at sinubuan siyang muli. “Hindi naman. Nakakahiya kasi, baka mapuyat ka.” “Kasalanan ko naman kasi eh, kaya dapat lang na ako ang magbantay.” Ngumiti si Lenneth. “Ano palang sasabihin natin kapag nagising siya?” Sinulyapan ni Dhar ang matanda. “Iniisip ko nga rin eh. Sorry talaga ha.” “Wala yun. Basta mag-explain na lang tayo.” Isinubo sa kanya ni Dhar ang huling laman ng mangkok, saka nito iyon ibinaba sa mesa. “Para makabawi naman ako, ipasa mo na sa akin ang mga bills dito sa ospital.” Nagulat si Lenneth. Ngumiti si Dhar sa naging reaksyon niya at pumalibot sa kanyang balikat ang isang braso nito. “To ease my guilt. Ako na ang bahala.” Naluluhang ngumiti si Lenneth at sumandal sa balikat nito at saka pumikit. Hindi na nga talaga siya nag-iisa. Mas madali pala ang lahat kapag may karamay siya. Sana nga ay hindi na siya nito iiwanan pa. “Gusto mong matulog?” tanong ni Dhar. Tumango lang siya, maya-maya‟y naramdaman niya itong dahandahang humiga at hinihila siya sa ibabaw nito, hanggang sa natagpuan niya ang sarili na nakahiga patagilid at nakaunan sa dibdib nito. Gustuhin man niya iyon, subalit nasa tabi lang niya ang kanyang ama. “Baka makita tayo ni papa sa ganitong posisyon. Ano pang isipin nun.” Ngumiti si Dhar na hinaplos ang kanyang buhok. “Ako ng bahalang mag-explain sa kanya paggising niya. Matulog ka na lang muna.” Muling pinikit ni Lenneth ang mga mata. Para bang napakapayapa ng mundo niya ng sandaling iyon. Parang wala siyang nararamdamang kalungkutan. Ang totoo ay masayang-masaya siya. Sana ay nasa tabi niya parati si Dhar. Sana ay may kahulugan ang paghaplos-haplos nito sa kanyang buhok. Sana ay mahal siya nito. Chapter 8 “Hindi lang po sa gusto kong panagutan ang nangyari sa amin.” Biglang nagtago si Lenneth sa likuran ng dingding. Papasok na sana siya noon ng pinto ng marinig ang boses ni Dhar. Nagpaalam ito sa kanya kanina para umuwi sandali at pumasok sa trabaho. Nagkataon namang rest day niya kaya umuwi lang siya para maligo at magbihis. Hindi niya inakalang dadatnan niya doon ang binata, at kausap nito ang kanyang ama na malamang ay kagigising lamang. “Mahal ko po talaga si Lenneth,” pagpapatuloy ni Dhar. Napahawak si Lenneth sa kanyang dibdib. Parang biglang lumukso ang kanyang puso. Bahagya siyang napangiti. Totoo kaya ang sinabi ni Dhar na

iyon o baka gumagawa lang ito ng kuwento para mawala ang sama ng loob ng kanyang ama? “Kung totoo yan,” balik ng kanyang ama. “Bakit walang nababanggit si Lenneth sa akin tungkol sa relasyon niyo?” Napamulagat si Lenneth. Parang naiintindihan na niya kung ano ang gustong palabasin ni Dhar, ngunit mukhang nabubuko ang kasinungalingan nito. “Hindi ko nga rin po alam kung bakit,” rason ni Dhar. “Alam mo iho, wala akong nakikitang dahilan para ilihim ni Lenneth sa akin ang relasyon niyo. Nung una pa man, alam mo at alam niya na botong-boto ako sa‟yo.” Naghintay si Lenneth, ngunit wala na siyang narinig pa mula kay Dhar. Mukhang nawalan na ito ng mairarason. Minabuti na lang niyang pumasok para iligtas ito. “Papa?” Kunwari ay nagulat siyang nakita itong nakasandal sa headboard ng kama. “Gising na po pala kayo.” Sinulyapan siya ni Dhar na nakaupo sa harapan ng kanyang ama. Natatawa siyang isipin na ang presidente ng kompanya ay narito‟t ginigisa ng isang ordinaryong matanda. “Halika dito, Lenneth,” anang kanyang ama. Hindi na umimik si Lenneth at umupo sa tabi ni Dhar. Nagtinginan silang dalawa. Lihim na sinenyasan siya ni Dhar ngunit hindi niya iyon maintindihan. “Totoo ba na may relasyon kayo nitong si Dhar?” tanong ng kanyang ama. Napadilat si Lenneth, pero agad siyang umasta ng normal para hindi makahalata ang kanyang ama. “Opo,” sagot niya. “Kailan pa naging kayo?” Sinulyapan ni Lenneth si Dhar na tumango lang sa kanya. “Nung isang linggo pa po.” “Ba‟t wala kang binabanggit sa akin?” Bago siya pumasok ay naisip na niya ang rason na ito. “Gusto ko po sana kasing dalawa kaming magsabi sa inyo, kaso lagi pong busy si Dhar. Isa pa, hindi po niya alam na narito kayo sa ospital, dahil ayaw niyong ipasabi sa kanya.” Nanahimik ang kanyang ama na para bang pinag-iisipan kung paniniwalaan siya o hindi. Naramdaman naman niya ang dahan-dahang pagpisil ni Dhar sa kanyang kamay. Sinulyapan niya ito at bahagya silang nagngitian. “Ganun ba?” Bumuntung-hininga ang kanyang ama. “Yung isang daang libo na dala mo noon, ang sabi mo nag-loan ka.” Lihim na kinabahan si Lenneth. Hindi niya alam kung ano ang pinagusapan nila tungkol sa pera na ibinayad sa kanya ni Dhar. Muli niyang tinignan ang katabi para makakuha ng idea, subalit blangko rin ang expression nito. Parang natatakot pa ito na baka mali ang kanyang masabi. “Ang totoo po, si Dhar po ang nagbigay nun.” Sinabi na niya ang totoo, pero dinagdagan niya ng kasinungalingan. “Nalaman po kasi niyang nag-file ako

ng loan. Nagrason po ako sa kanya na pandagdag sa binibili nating bahay at lupa, kaya niya ako binigyan.” Naramdaman niyang muling pinisil ni Dhar ang kanyang kamay. Mukhang nabibilib ito sa bilis niyang makapag-isip ng kasinungalingan. Bumuntung-hininga ang kanyang ama at kay Dhar naman tumingin. “Pasensya ka na, Dhar ha,” anito. “Kung minsan itong anak ko, hindi marunong mahiya.” Natawa si Dhar habang si Lenneth ay nakasimangot na nakikinig sa kanila. “Wala pong anuman yun. Bilib nga po ako dito sa anak niyo, ginagawa niya ang lahat para sa inyo.” Malungkot ang naging ngiti ni Larry. “Ang hinihiling ko lang para dito sa dalaga ko, na sana ay biyayaan naman siya sa lahat ng mga sakripisyong ginawa niya sa amin ng nanay niya.” “Ba‟t mo naman kasi inamin na may nangyari nga talaga sa atin?” tanong ni Lenneth ng ihatid niya si Dhar palabas ng hospital. May nakaschedule raw itong meeting ng alas dos kasama ng mga bisita galing Switzerland. Bumuntung-hininga si Dhar. “Ayoko namang itanggi ang nangyari sa atin,” anito na sinulyapan siya. “Ayaw kong isipin mong ginamit lang kita ng isang gabi para lang sa pansarili kong kasiyahan.” Napanganga si Lenneth na tinitigan si Dhar. Pinag-aaralan niya ang itsura nito kung seryoso nga ba ito sa sinabi. “Eh ako naman ang nag-offer ng sarili ko sa‟yo di ba?” Huminto si Dhar at sumandal sa kotse. Hindi niya namalayang nasa parking area na pala sila na nasa basement ng ospital. “Kaya mo lang ba ginawa yun dahil… kailangan mo ng pera?” Hindi agad sumagot si Lenneth. “Oo… Kaya itinaya ko lahat ng delikadesa ko dahil masyado na akong desperate ng panahong yun… Pero hindi ko pinagsisihan yun, dahil napakalaking tulong ang nagawa nun sa aming mag-ama, kaya nagpapasalamat na rin ako sa‟yo.” Tinitigan siya ni Dhar, na para bang may hinihintay itong sabihin niya. Nang hindi na siya nagsalita ay saka ito tumango. “Ganun ba?” anito at binuksan ang kotse. “Sige, late na ako.” Napansin ni Lenneth na parang masama ang loob nito. “Dhar?” aniya bago ito makapasok ng kotse. Nang harapin siya nito ay saka siya nagpatuloy. “Did I say anything wrong?” “…Wala naman,” iling ni Dhar at pumasok na ng kotse. Nang isara nito ang pinto ay muling nagsalita si Lenneth mula sa bintana. “Parang may hindi ka nagustuhan eh.” Tinitigan siya ni Dhar ng isa o dalawang segundo. “Wala. You only spoke the truth. Siguro nag-iimagine lang ako na kaya nangyari iyon sa atin dahil nagmamahalan tayo.” Hindi nakapagsalita si Lenneth hanggang paandarin na ni Dhar ang kotse. Nakanganga lang siyang pinanood ito palayo. Maraming kahulugan ang

maaari niyang maibigay sa sinabing iyon ni Dhar, subalit ayaw niyang isipin ito dahil baka muli na naman siyang mapahiya. Naging araw-araw ang pagbisita ni Dhar sa ospital, halos mas marami pa ngang oras na ito ang nagbabantay kaysa sa kanya. Dahil naawa ito sa lagay niya ay binigyan siya nito ng two weeks leave with pay. Gabi-gabi silang magkasamang nagbabantay, at madalas ay magkatabi na rin silang natutulog. Kahit ng iuwi na niya ang kanyang ama ay ito mismo ang naghatid sa kanila sa apartment, at ito na rin ang nagbayad ng lahat ng bills. Binili na rin nito ang lahat ng kinakailangan nilang gamot. Hiyang-hiya si Lenneth sa binata. Gustuhin man niyang makabayad ay walang-wala naman siyang maibibigay dito, maliban sa isang bagay, subalit mukhang hindi naman na ito interesado sa kanya. Sa harapan ng kanyang ama ay nagpatuloy ang kanilang pagpapanggap. Madalas nitong hinahawakan ang kanyang kamay at hinahaplos ang kanyang buhok. Minsan pa, kung dadalawa lang silang magkasama ay niyayakap siya nito ng mahigpit at hinahalikan ang kanyang buhok. May mga panahon din na hinahalikan siya nito sa pisngi o kaya‟y sa labi kapag nagpapaalam na ito. Kung ibang tao ang makakakita ay iisipin nitong magkasintahan sila, subalit nalalaman ni Lenneth na may malaking harang sa pagitan nila. Sa loob ng isang linggo nilang magkasama sa ospital, at sa isang linggo pa nitong pagdalaw-dalaw sa apartment, madalang itong magsalita tungkol sa personal ba bagay. Minsa‟y naitanong niya kung ano ang ikinamatay ng ina nito, ang sagot lang nito ay dahil sa cancer. Wala na itong sinabi pa. Sa tagal ng panahong iyon ay parang stranger pa rin sa kanya si Dhar. Alam niyang mabuting tao ito, subalit hindi naman niya maaninag kung ano ang nasa loob nito, kung ano ang iniisip nito, at kung ano ang nararamdaman nito. Ni minsan ay hindi pa nito nasabing mahal siya nito o may gusto ito sa kanya. May mga pagkakataon lang na masuyo siya nitong tinititigan at sinasabing maganda siya. Pakiramdam niya‟y awa ang umiiral sa puso nito kaya sila tinutulungang magama, at siguro ay hanggang ganun na lamang ang damdamin nito sa kanya. Wala naman siyang makitang rason para hindi ito umamin sa kanya kung may pagtingin man ito sa kanya, maliban sa gilfriend raw nito na hindi na niya muli pang nakita. *** Nakangiting ibinaba ni Lenneth sandali ang mga pinamili para buksan ang pinto bago niya uli binuhat ang mga iyon papuntang kusina. Malaki-laki ang kanyang na-suweldo kahit ilang araw lang siyang pumasok dahil sa paid leave na ibinigay sa kanya ni Dhar. Unti-unti na ring bumabalik sa normal ang kanyang buhay dahil sa nakikitang improvement sa kondisyon ng kanyang ama. Ang mga gamot kasi nito ay si Dhar na ang umako, kaya‟t ang kusina na lamang ang ginagastusan niya. Ibinaba niya ang dalawang malalaking bag sa ibabaw ng mesa at papasok na sana siya sa kuwarto ng ama para kamustahin ito ng may marinig siyang boses mula sa loob. Parang si Dhar iyon na kinakausap ang kanyang ama. Akala niya

ay nasa trabaho pa ito dahil nadaanan lang niya ito kanina na kinakausap ang ilang mga managers sa conference room. Hindi na siya tumuloy pa para bigyang privacy ang mga ito. Aalis na sana siya ng may narinig siyang sinabi ng kanyang ama. “Pakiramdam ko kasi, hindi na magtatagal ang buhay ko.” Sa gulat ay ilang sandaling natulala si Lenneth, saka niya inilapat ang kanyang tenga sa dingding para marinig ang pinag-uusapan ng mga ito. “Gusto ko sana,” pagpapatuloy ng kanyang ama. “Makita ko man lang ang apo ko, pero siguro kalabisan na kung hihilingin ko pa yun.” “Hindi naman po siguro,” sagot ni Dhar. “Malaki pa rin po ang pag-asa na gumaling kayo.” Tumawa ng mahina ang kanyang ama. “Sana nga, pero alam mo, sana bago ako mamatay eh, makita kong maayos at masaya na si Lenneth. Kaya lang naman ako natatakot na mamatay ay… dahil gusto ko munang mailagay sa maayos ang anak ko. May kaunti naman siyang pera sa bangko, pero sa palagay ko‟y hindi iyon ang magpapasaya sa kanya.” Inilapat pa ni Lenneth ng husto ang kanyang tenga para marinig ang sasabihin ni Dhar, subalit mukhang tumahimik ito. “Dhar, kung maaari, isang bagay lang sana ang hihilingin ko sa‟yo,” anang kanyang ama. “Ano po yun?” Mga ilang segundo bago niya narinig na muling nagsalita ang kanyang ama. “Dhar, di ba sabi mo… mahal na mahal mo ang anak ko?” “Oo naman po.” “Maipapangako mo ba yan?” “…Opo.” Parang biglang lumukso ang puso ni Lenneth. Napakasarap pakinggan, ngunit alam niyang napipilitan lang si Dhar na sabihin ang mga iyon. Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nararamdaman ng sandaling iyon. Imbis na maging masaya siya ay para bang may tumutusok sa kanyang puso. Nalalaman kasi niya na hindi totoo na mahal siya nito. “Kung wala na ako,” pagpapatuloy ni Larry. “Huwag mo sana siyang pababayaan. Ngayon pa lang, nakikini-kinita ko na kung gaano siya malulungkot. Sana‟y naroon ka parati sa tabi niya.” “Opo.” Nagsalubong ang kilay ni Lenneth. Itong ama niya, parang namamaalam na. Ang sabi naman ng doktor ay gumagaling na ito. Hindi niya talaga gusto ang pananalita nito. Pagkatapos ng lahat ng hirap niya ay ganito ang maririnig niya mula sa kanyang ama. “May isa pa akong hihilingin sa‟yo.” Isinantabi niya ang kanyang iniisip at muling nakinig sa sinasabi ng ama. “Pero hindi kita pinipilit. Ito lang naman ay kahilingan.” Mahinang tumawa si Dhar. “Basta po kaya ko, gagawin ko.” Na-intriga si Lenneth. Parang hindi siya makapaghintay na sabihin na ng kanyang ama kung anuman ang hihilingin nito.

“Dhar, hindi ba puwedeng… magpakasal kayo ni Lenneth sa lalong madaling panahon? Habang buhay pa ako?” Napamulagat si Lenneth. Parang gusto niyang buksan ang pinto at sitahin ang kanyang ama. Nakakahiya kay Dhar. Para nitong ino-obliga ang binata sa ganoon kaseryosong bagay. Ano na lamang ang sasabihin ni Dhar? Siyempre mahihiya itong tanggihan ang kanyang ama, lalo na‟t nagda-drama ito na malapit na itong mamatay. Ganunpaman ay ipinagpatuloy niya ang pakikinig. Gusto niyang malaman ang isasagot ni Dhar. Matagal ang katahimikan sa loob. “Sigurado po ba kayong gusto niyo ako para kay Lenneth?” balik ni Dhar na ipinagtaka ni Lenneth. Inaasahan niya ang oo o hindi na sagot nito, ngunit mukhang magpapaligoy pa ito. “Sa lahat ng mga nanligaw sa anak ko, ikaw ang pinakagusto ko.” Huminga ng malalim si Dhar. Parang ilang sandali pang nag-isip ito. “Tignan ko po kung ano ang magagawa ko. Pagbalik ko po, saka ko kakausapin si Lenneth.” Parang sinakal ang puso ni Lenneth. Sabi na nga ba niya‟t hindi ito papayag. Natural ganun lang ang sagot nito dahil ayaw nitong saktan ang kanyang ama, pero baka malamang ay hindi na ito babalik. Kung anu-ano kasing sinasabi nitong ama niya. “Sige iho,” anang kanyang ama. “Pero kung sa palagay mo hindi ka pa handa, huwag mong pilitin ang sarili mo. Basta‟t ipangako mo lang na hindi mo pababayaan ang anak ko.” “…Pangako po,” halos pabulong na sagot ni Dhar. Bumuntung-hininga si Lenneth at umalis na sa pinagtataguan niya. Malinaw na “hindi” ang desisyon nito. Hindi naman kasi totoong may relasyon sila, at kung meron man ay masyado yatang maaga para pag-usapan ang kasal. Nagbalik siya sa kusina at iniayos ang mga pinamili sa refrigerator. Nakalahati na niya ang isang supot ng bumukas ang pinto. Maya-maya pa‟y narinig niya ang papalapit na yabag. “H-hi!” Parang nagulat si Dhar na nakita siya doon at lumapit ito sa kanya. “Andito ka na pala,” anito at hinalikan siya sa pisngi. “Kararating ko lang,” aniya at dinampot ang ilang mga frozen goods para ilagay sa freezer. “Anong pinag-usapan niyo ni papa?” Ilang sandaling nanahimik si Dhar, saka ito pumulot ng ilang bagay sa mesa at tinulungan siyang ilagay iyon sa refrigerator. “Wala naman. Nagkakuwentuhan lang.” Napansin ni Lenneth na parang napakalalim ng iniisip ni Dhar. Siguro ay ginugulo ito ng sinabi ng kanyang ama. Pakiramdam niya‟y siya ang nahihiya sa binata. “Pasensya ka na kay Papa ha?” hindi niya napigilang sabihin. Gulat na napatingin sa kanya si Dhar, at saka ito ngumiti. Nang maiayos na nila ang lahat ay saka ito humarap sa kanya. “Narinig mo?” Tumango si Lenneth na nilalaro ang mga daliri. “Pasensya ka na talaga ha. Masyado lang siguro siyang nag-aalala sa future ko.” Ngumiti si Dhar at saka ito huminga ng malalim. “Alam mo, ganyan din ang sinabi noon ng mama ko bago siya namatay. Sana raw, makita niya muna

akong maikasal… Pero anong magagawa ko, wala naman akong girlfriend noon. Alangan namang pakasalan ko na lang kung sino man diyan.” Hindi umimik si Lenneth. Dumaan din pala ito sa sitwasyong kinalalagyan niya. “Anong sinabi mo?” Tinitigan siya ni Dhar. “…Wala… Kahit gusto ko siyang pagbigyan… Hindi naman biro ang pagpapakasal, di ba?” Muling nasugatan ang puso ni Lenneth. May kahulugan ang sinabi nitong iyon. Ipinapamukha na nito na hindi nito kayang pakasalan siya alangalang sa kanyang ama. Ang sarili nga nitong ina, hindi nito pinagbigyan, ang ama pa kaya niya? Para hindi ito makahalata ay itinawa na lang niya. “Basta pagpasensyahan mo na si Papa. Kalimutan mo na yung sinabi niya.” Lalayo na sana siya ng harangan nito ang kanyang daanan. Napatingin siya sa mata nito, at saka siya nito nginitian. Nagtaka siya ng dahandahan itong lumapit sa kanya at hinawakan ang dalawa niyang kamay. “Gaya ng sinabi ko sa papa mo,” ibinulong nito. “I will see what I can do about this… Baka isa o dalawang araw akong mawawala… pero babalik ako.” Napanganga si Lenneth. Gustuhin man niyang tanungin ito ngunit hindi na niya nagawa dahil nakita niyang papalapit ang mga labi nito sa kanya. Pinikit niya ang kanyang mga mata at tinugunan ang halik nito. Kakaiba ang init ng halik nito ng sandaling iyon, maging ang yakap nito. Ayaw man niyang isipin, ngunit para bang ibinibigay na nito ang lahat dahil iyon na rin ang magiging huli. Totoo nga ang kanyang hinala. Nung gabing iyon ay halos ayaw siya nitong pakawalan sa pagkakayakap, at hindi matapos-tapos ang paghalik nito sa kanya. Halos maghaha-tinggabi na rin ito noon umuwi, at bago ito umalis ay napakahigpit ng yakap nito sa kanya… Iyon na pala ang huli nilang pagkikita. Limang araw na ang lumipas mula ng gabing iyon. Maging sa kompanya ay hindi na niya ito nakita pa. May mga bali-balita pa siyang naririnig na nag-resign na raw ito bilang presidente ng kompanya, kaya‟t ang isang pinagkakatiwalaang manager ang siya munang pumalit pansamantala. Alam na alam niya ang dahilan ng biglang paglayo nito sa kanya. Dahil iyon sa hiniling ng kanyang ama na pakasalan siya nito. Siguro ay nahiya itong tanggihan ang kanyang ama ng harapan, kaya‟t minabuti na lamang nitong huwag ng magpakita pa. Minsa‟y naitanong ng kanyang ama kung kailan uli dadalaw si Dhar. Pinagtakpan niya iyon sa pagsasabing medyo busy ito sa trabaho, pero sa pagkadismayang nakita niya sa mukha nito ay alam niyang hindi ito naniwala sa kanya. Nang gabing iyon ay maaga niyang pinatulog ang kanyang ama at nakaupo siya sa tabi ng bintana, pinapanood ang mga ilaw ng kalsada habang nagkakape. Para bang napakatagal ng limang araw na hindi niya nakikita si Dhar. Parang napakalungkot ng bawat sandali. Kung hindi sana humiling ang kanyang ama ng ganoon ay siguro‟y patuloy pa rin itong dumadalaw doon. Isa pang suliranin niya‟y, malapit ng maubos ang gamot ng kanyang ama. Dahil wala na si Dhar ay doon na naman mapupunta ang kanyang suweldo.

May narinig siyang nag-doorbell. Kahit kay bigat ng kanyang pakiramdam ay dahan-dahan siyang tumayo at iniwan ang kape sa mesa. Nang buksan niya ang pinto ay nagulat siya sa bumungad sa kanya. Naroon si Dhar na nakasandal sa balcony. Nakatingin ito sa kanya at may kaunting ngiti sa mga labi nito, ngunit para bang wala ni anumang emosyon sa mukha nito. Isa pa‟y naka-jeans at t-shirt lamang ito. Nasanay siyang nakikita itong laging naka-formal, kaya‟t kapansin-pansin ang bagay na iyon. Ngunit para bang mas gusto niya na nakikita itong ganoon. Nung mga nakaraang araw ay nakaramdam siya ng galit kay Dhar dahil sa biglaan nitong pagkawala, subalit naisip niyang wala siyang karapatang magalit dito dahil marami siyang utang na loob dito. Ngunit ng sandaling iyon ay ni kaunting galit ay naparam sa dibdib niya. Parang gusto niya itong yakapin ng mahigpit, pero nagpigil siya. “P-pasok ka,” naluluha niyang wika sa labis na kaligayan. Hindi umimik si Dhar. Nanatili lang itong nakatitig sa kanya na ikinaconscious niya ng husto. Pakiramdam niya‟y may dumi sa mukha niya. “H-halika muna sa loob. Baka ginawin ka.” Ilang sandali pa siyang tinitigan ni Dhar, saka ito huminga ng malalim. “Busy ka ba?” “H-hindi,” natawang umiling si Lenneth. “Wala naman akong ginagawa ngayon. Bakit?” “…Puwede ba kitang makausap?” Nagtaka si Lenneth. Parang may importante itong sasabihin. Natakot siya na baka magpapaalam na ito sa kanya kaya‟t ni ayaw nitong pumasok. “Oo naman. Pero puwedeng sa loob na tayo mag-usap? Nakakahiya sa mga kapitbahay.” Tumango si Dhar at saka ito pumasok. “Gusto mong magkape?” tanong niya dito at pupunta na sana ng kusina ng bigla nitong tawagin ang kanyang pangalan. Huminto siya at hinarap ito. Nakita niya itong marahang lumapit sa kanya at hinawakan ang isa niyang kamay. “Marami akong ipagtatapat sa‟yo,” ibinulong nito sa kanya. Sandaling walang imik si Lenneth. Parang napakaseryoso ng sasabihin nito sa kanya. Sana nga lang ay hindi totoo ang ikinatatakot niya. “Ssige,” sagot niya at hinila ni Dhar ang kanyang kamay at magkatabi silang umupo sa mahabang sofa, hawak pa rin nito ang kanyang kamay. Nagkaroon ng maiksing katahimikan, saka pinisil ni Dhar ang kanyang kamay at sila‟y nagtinginan. “Kumusta nga pala ang papa mo?” “Ganun pa rin. Parang walang pinagbago.” Bumuntung-hininga si Dhar. “Pasensya ka na kung ngayon lang ako nakabalik. May mga hinarap lang akong importanteng bagay.” “Okay lang yun.” Pinilit ngumiti ni Lenneth, kahit ang totoo‟y masama ang loob niya sa binata. “Ano ba yung sasabihin mo?” Tinitigan siya ni Dhar. “…Di ba nasabi ko sa‟yo noon na bastardo akong anak ni Severino Fajardo?” Tumango si Lenneth.

“Alam mo, mula bata ako pinangarap kong makita ang aking ama, pero hindi ako pinagbigyan ni mama dahil sa sama ng loob niya kay daddy. Nung nabuntisan kasi niya si mama, pinipilit niyang ipalaglag ako, kaya nilayuan siya ni mama… Pero nung nasa terminal stage na yung cancer ni mama, tinawagan din niya si daddy para maipakilala niya ako sa kanya bago siya mamatay.” Hindi umimik si Lenneth. Tahimik lang siyang nakikinig. Nagtataka siya kung bakit bigla nitong naisipan na magkuwento tungkol sa personal nitong buhay. “A week later,” pagpapatuloy ni Dhar. “Namatay siya, with my father beside her.” Naantig ang puso ni Lenneth sa nakitang mga luhang namumuo sa mga mata ni Dhar. Parang nagbabalik dito ang sakit na naramdaman nito sa pagpanaw ng ina. “Tinanggap naman ako ni Daddy, in fact sa unang tingin pa lang niya sa akin alam niyang anak niya ako, dahil may mga pagkakahawig kami… At siguro masyado siyang naawa sa akin nung namatay si mama. I was too deppressed that time. I felt so lonely. Masamang-masama ang loob ko pero wala akong masandalan… Kay siguro naawa sa akin si Daddy, kahit hindi pa ako kilalang architect, pinilit niya akong mag-design ng building na gagawin daw niyang company, at ipapamana din niya sa akin. Pero hindi ko tinanggap. Pumayag lang akong gumawa ng design.” “Daddy mo rin ang nagpalit ng pangalan mo?” Tumango si Dhar. “Pinapalitan niya para mas madali raw akong makikilala bilang Architect. Pumayag naman ako dahil… may punto nga naman siya. Kilala ang pamilya Fajardo na mayayaman at matatalino.” “Pero bakit kinailangan mong magtrabaho noon sa construction? Pinagkamalan tuloy kitang karpintero.” Ngumiti si Dhar at pinisil ang kanyang kamay. “Nahihiya kasi akong magpakilala bilang isang Fajardo, kaya nagkarpintero na lang ako para masiguro kong nasusunod ang plano. Isa pa, I wanted to keep myself occupied that time para hindi ako malungkot.” Tumango si Lenneth. Nauunawaaan na rin niya ang mga pangyayari. “Nung una nga kitang nakita, parang wala kang kabuhay-buhay.” Muling ngumiti si Dhar. “It‟s true. Pakiramdam ko talaga noon namatay na ako… pero may isang taong nagbigay kulay uli sa buhay ko.” Napatingin si Lenneth sa mga mata nito. “S-sino?” Makahulugan ang naging ngiti ni Dhar. Napakalagkit din ng titig nito sa kanya. “This girl here… before me.” Saglit na natulala si Lenneth, saka siya ngumiti. “Totoo?” Tumango si Dhar. “After my mother‟s death, ikaw ang unang nakapagpangiti sa akin. Araw-araw kitang hinihintay noon, at basta‟t may pagkakataon na makapag-usap kami ng papa mo, ikaw parati ang pinaguusapan namin.” Piniin ni Lenneth ang mga labi. Ganun pala ito tinamaan sa kanya noon.

“Hindi ko lang nasabi sa‟yo noon, pero totoong minahal kita ng husto noon kahit madalang tayong mag-usap. Natutuwa akong nakikita ka na binabaunan ang papa mo. Nag-iimagine ako na kapag naging tayo, ganun din ang gagawin mo sa akin… Kaya masamang-masama ang loob ko nung binasted mo ako.” Nahiyang tinakpan ni Lenneth ang kanyang bibig. “Pasensya ka na ha. Ambisyosa lang siguro ako noon.” “Alam mo ba na dahil sa sinabi mo, pakiramdam ko noon napakababa ko kasi kaya hindi mo ako nagustuhan. Napilitan akong tanggapin ang alok ni Daddy na i-manage ang company. Nagpunta ako ng US at nag-training ako doon ng six months.” “Kagagaling mo ng states nung nagkita uli tayo noon na pinagkamalan kitang handyman?” Tumango si Dhar. “Aside from business management, tinuruan din ako kung papaano i-setup at ayusin ang mga machines. Hindi pa kasi na-train ang mga engineers at handyman noon, kaya ako na muna ang gumawa ng mga yun.” Ngumiti si Lenneth. “Sorry ha.” “Pero alam mo ba na nung nagkita uli tayo, na-realize ko na… hindi pa pala kita nakakalimutan?” Napanganga si Lenneth. Hindi niya iyon inasahan. “Pero huli na… I tried to stay away from you… pero para bang nananadya ang tadhana at pilit tayong pinaglalapit sa isa‟t isa.” “Why did you have to stay away from me? Dahil ba hindi mo nagustuhan ang ugali ko?” Umiling si Dhar. “I knew that when you‟ll learn of my true identity, mababago ang tingin mo sa akin… pero may usapan kasi kami ni Daddy.” Naintriga si Lenneth. “Ano yun?” Bumuntung-hininga si Dhar at saka siya tinitigan. “That if I would be the president of the company, I‟ll have to refrain from any relationships with women for at least five years.” “Kaya mo rin ba ako binasted?” Nangiti si Dhar, at saka ito tumango. “Ganun na nga.” Naluluhang yumuko si Lenneth, saka niya ito muling tinignan. “Pero bakit kinailangan mong mag-resign sa company? Kung gusto mo akong iwasan, lalayo naman ako eh. Kung gusto mo, kahit ako na lang ang mag-resign para hindi na tayo muling magkita. Sabihin mo lang, gagawin ko, promise.” Ilang sandaling tulala si Dhar. “Hindi naman yun ang dahilan kaya nagresign ako.” “Eh ano?” “…Pinapili kasi ako ni Daddy. Either the company, or my wish to get married.” Napamulagat si Lenneth. Malamang ay sinabi nito sa ama na may gusto itong pakasalan, ngunit hindi siya sigurado. “Anong desisyon mo?” Bahagyang ngumiti si Dhar, saka nito pinisil ang kanyang kamay. “I‟ve decided… to ask you to marry me.”

Lalong napadilat si Lenneth. Halos hindi siya makapagsalita. “A-are you sure?” Lumapit sa kanya si Dhar at hinaplos ang kanyang pisngi. “I am very sure of it, hindi lang dahil sa hiniling ng papa mo pero dahil mahal na mahal kita.” Halos pumatak ang luha ni Lenneth. Para siyang nananaginip. “Ppero… yung girlfriend mo?” “I don‟t have a girlfriend,” sagot ni Dhar. “Yung nakita mong kasama ko noon, kaklase ko noong college yun. I admit, nagloko ako at that time dahil sumama ako sa kanya, but I promise you… hindi na yun mauulit.” Naluha si Lenneth sa labis na kaligayahan at yumakap ng mahigpit sa binata. “It‟s okay. Hindi naman sinasama ng loob ko yun eh. Nagselos lang ako noon.” Naramdaman niyang hinaplos ni Dhar ang kanyang buhok. “Eversince I met you, I‟ve never loved anyone else,” ibinulong nito. Lalong humigpit ang yakap niya dito at isinubsob ang kanyang mukha sa dibdib nito. “Lenneth,” ibinulong nito. “I have something for you.” Dahan-dahang tumingala si Lenneth at saka siya nito nginitian. Nagtaka siya kung ano ang ipapakita nito sa kanya, at laking gulat niya ng ipakita nito sa kanya ang isang kumikinang na diamond ring. Hindi niya alam kung saan nito iyon kinuha. Wala siyang napansin na hawak nito kanina. Sa gulat ay matagal siyang natulala, hanggang sa naramdaman na lang niyang isinusuot na pala nito ang singsing sa kanyang daliri. Nang natapos ay pinagmasdan nila pareho ang singsing sa kanyang daliri. “Do you like it?” tanong nito sa kanya. Naluluhang tumango si Lenneth. Parang napakahirap paniwalaan ang mga nangyayari. “Bakit mo sinuot agad hindi pa naman ako sumasagot kung oo o hindi,” biro niya. Ngumiti si Dhar at hinawakan ang magkabilaan niyang pisngi. “Hindi na. Sigurado naman akong hindi mo matatanggihan ang kahilingan ng papa mo.” Natawa si Lenneth. “Para ka namang nananamantala.” “Parang ganun na nga,” biro ni Dhar. Tumawa uli si Lenneth. “Pero Dhar, sigurado ka ba? Ipagpapalit mo ang company para lang pakasalan ako? Baka kailangan mo uling pag-isipan?” “Kahit ano pang isuhol ni daddy sa akin, pipiliin pa rin kita. May natapos naman ako. Hindi ko man maipangako ang marangyang buhay, I‟m willing to work hard to give you all that you need. Kung okay lang sa‟yo.” “Oo naman,” sagot ni Lenneth. “Kahit naman ambisyosa ako, hindi naman ako nangangarap ng milyonaryo. Sapat na sa akin yung may trabaho.” “Pero ang problema, maghahanap pa ako ng trabaho ko. Kaya pagtiyagaan mo muna kung pobre ang boyfriend mo. Don‟t worry, magsisikap ako ng husto para sa‟yo.” Nangiti si Lenneth at kumapit sa batok nito. “Ikaw talaga, hindi mo pa rin makalimutan yun. Sorry na. Kahit maging karpintero ka ulit, gugustuhin pa rin kita.”

Natawa si Dhar at pumalibot ang mga braso nito sa kanyang likuran. “Sige nga. May pinapagawang bahay diyan sa kabila eh. Mag-aapply ako bukas. Basta‟t dalhan mo ako parati ng baon ko ah.” Tumawa rin si Lenneth, at saka sila nanahimik at nagtitigan. Mayamaya‟y napansin niya ang mga labi nitong papalapit. Pumikit siya at pinakiramdaman ang init ng mga iyon. Napakasarap ng kanyang pakiramdam. Parang ng sandaling iyon ay perpekto ang kanyang mundo. Chapter 9 “Dhar, please tell me the truth!” pagmamakaawa ni Lenneth habang kinakausap si Dhar na nakahawak sa railings ng bintana ng ospital at nakatingin sa labas. Nung nakaraang araw ay nadatnan niyang walang malay ang kanyang ama kaya‟t kinailangan nilang ibalik ito sa ospital, ngunit sa kanyang pagtataka ay narinig niya ang doktor na binibilin si Dhar na iuwi na ang kanyang ama. “Ano ba talaga ang tunay na lagay ni papa?” Parang walang narinig si Dhar. Napakalayo ng tingin nito sa kung saan man. Parang alam na niya ang kahulugan ng katahimikan nito. “Wala ng pag-asang gagaling si papa, hindi ba?” naluluha niyang tanong. Dahan-dahan siyang nilingon ni Dhar, saka rin ito muling tumingin sa labas. Para bang dinurog ang puso ni Lenneth. Hindi niya napigilan ang bugso ng kanyang damdamin. “Ang sabi mo sa akin noon okay na si papa! Ganun din ang sabi ng doktor! Pinagkakampihan niyo ba akong lokohin?!” “Lenneth,” napakalumanay pa rin ng pananalita ni Dhar, kahit naghihimutok na siya sa galit. “Ginagawa ko ang lahat para sa papa mo. Huwag ka naman sanang magalit. Kagustuhan ng papa mo na huwag kang pagalalahanin.” Naparam bigla ang galit ni Lenneth, pero hindi niya napigilang maluha. “Wala na raw ba silang magagawa para kay papa?” tahimik niyang tanong. Tumingin sa kanya si Dhar. Ilang sandali siya nitong tinitigan, saka ito marahang umiling. Biglang tumulo ang kanyang luha. Para hindi siya humagulgol ay tinakpan niya ang kanyang bibig. Maya-maya‟y naramdaman niyang lumapit si Dhar at banayad siya nitong niyakap. “We have to get married soon,” ibinulong nito sa kanya. “Mag-civil wedding na lang muna tayo, saka na tayo magpakasal sa simbahan.” Lalong nanikip ang dibdib ni Lenneth sa hinagpis. Naunawaan niya ang ibig nitong sabihin. Bilang na ang araw ng kanyang ama. “Pero kailan?” Pinilit niyang magsalita at tumingala sa binata. “Last week lang tayo nag-file. Di ba three weeks yun?” “May ninong akong judge. Magagawan niya ng paraan yan. Kung kaya niyang i-schedule bukas, bukas na bukas din magpapakasal tayo.” Walang nasabi si Lenneth at tumango na lamang. Nalalaman niya na ginagawa ito ni Dhar alang-alang sa kanyang ama. Naaawa siya sa binata.

Marahil ay hindi pa ito handang mag-asawa, ngunit dahil sa awa sa kahilingan ng kanyang ama ay isinasakripisyo na nito ang lahat, maging ang pagkabinata nito. *** “Darian and Lenneth,” anang judge na nagkasal sa kanila sa loob ng justice hall. “You are now legally married.” Nagpalakpakan ang ilang mga tao sa loob at hinalikan siya ni Dhar sa labi, saka sila nagngitian. Nang lumingon sila sa kanilang likuran ay nakita nila ang kanyang ama na nakaupo sa wheel chair at nakangiting nakatingin sa kanila. Parang masayang-masaya itong makita na maikasal ang nag-iisa nitong anak sa isang lalaking pinagkakatiwalaan nito. Pumirma ang dalawang witness na inanyayahan nila sa okasyon, si Lambert na kumpare ng kanyang ama at si Aling Maritess na kaibigan daw ng nasirang ina ni Dhar noon. Nakipagkamay sila sa judge at inanyayahan nila ito na saluhan sila sa restaurant. Anim lamang silang nagsalo-salo. Maging si Esther na matalik niyang kaibigan ay walang kamuwang-muwang na ikinasal na pala siya. Hindi niya akalain na may sorpresa palang inihanda si Dhar para sa gabi ng kanilang kasal. Nagpa-book pala ito sa isang five star hotel at kumuha ng isang caregiver para alagaan ang kanyang ama habang sila‟y nasa honeymoon. Pagpasok na pagpasok pa lang niya sa hotel room ay namangha na siya sa ganda nito. Mapusyaw ang ilaw, ngunit kitang-kita niya ang maraming bulaklak na nakadekorasyon sa paligid. May mga rose petals din na nagkalat sa sahig hanggang sa ibabaw ng isang malaking kama. At sa isang tabi ay may maliit na mesa doon na may dalawang upuan. Sa gitna nito ay may nakailaw na kandila at isang bote ng wine. Doon siya pinaupo ni Dhar at pinagsaluhan nila ang inumin, saka nito inalalayan ang kanyang kamay at magkatabi silang umupo sa gilid ng kama. Kahit dati ng may nangyari sa kanila ay para ba siyang kinakabahan. “Are you alright?” pabulong na tanong sa kanya ni Dhar habang nakatitig sa kanyang mukha. Kahit medyo madilim ay para bang kumikinang ang mga mata nito na puno ng buhay. Huminga ng malalim si Lenneth. “Kinakabahan ako eh.” Ngumiti si Dhar at hinawi ang ilang hibla ng buhok na nakatakip sa kanyang mukha. “I love you,” anito. Para bang biglang naparam ang kaba ni Lenneth sa sinabing iyon ni Dhar. Wala nga pala siyang dapat na ikatakot. “I love you too,” balik niya at marahan na siyang pinahiga ni Dhar sa kama, saka nito siniil ng halik ang kanyang mga labi. “One point five?” narinig ni Lenneth na itinanong ni Dhar sa kausap nito sa telepono isang umaga. Lumipat na sila sa condo unit ni Dhar para hindi na sila kailangan magbayad ng upa. Dalawang araw pa lang matapos silang ikasal, at nakahiga pa siya noon sa kama habang si Dhar ay natapos ng maligo at nakaharap sa bintana habang nakikipag-usap sa kaibigan nito sa celphone. Maliwanag na sa labas,

pero parang kasisikat pa lang ng araw. Naalala niyang may nakuha na nga palang kontrata si Dhar na balak magpagawa ng bahay, kakilala ito ng judge na nagkasal sa kanila. “Sige, call na ako diyan,” ani Dhar sa telepono. “Urgent kasi ang pangangailangan ko.” Napalingon si Lenneth sa asawa. Parang pera ang pinag-uusapan ng mga ito. Nagtaka siya kung saan nito iyon gagamitin. “Hon!” Parang nagulat si Dhar na makita siyang nakaupo sa kama pagkatapos nitong makipag-usap sa telepono. “Gising ka na pala,” anito at lumapit sa kanya para halikan siya sa labi. “Sino yung kausap mo?” tanong niya dito. Ngumiti si Dhar at umupo sa tabi niya. “Kaibigan ko. Meron lang kaming kaunting sidetrip.” “Saan mo gagamitin yung one point five million?” Parang nagulat si Dhar na narinig pala niya iyon, maya-maya‟y ngumiti ito at pinisil ang kanyang pisngi. “Para sa atin din yun.” “Hindi naman ako nanghihingi ah.” Muling ngumiti si Dhar. “Huwag mong isipin yun. I have to go meet Mrs. Rodriguez. Gusto kong makita yung lote bago ako gumawa ng plano.” Tumango si Lenneth. “Ipagluluto na muna kita.” “Tapos na. Hinihintay lang kitang magising para may kasama akong kumain.” “Si papa, tinignan mo?” “Natutulog pa siya.” “Naka-oxygen pa rin siya?” “Nilagay ko kanina. Tinanggal na naman niya kagabi.” Bumuntung-hininga si Lenneth. Hindi niya alam kung bakit ito tinatanggal ng kanyang ama dahil hindi na ito halos makapagsalita. Napapansin lang niya na kahit suot nito ang oxygen ay para ba itong napapagod sa paghinga. Naluluha siya sa tuwing nakikita niya ang kanyang ama sa ganoong lagay. “Halika na honey, kain na tayo,” ani Dhar sa kanya. Napatingin siya sa kanyang asawa at siya‟y ngumiti. Mabuti na lamang at narito si Dhar na kahit papaano‟y nagpapasaya sa kanya. Kung wala siguro ito sa tabi niya ay baka nanaisin na niyang sumama sa kanyang ama sa kabilang buhay. “Bye honey!” ani Dhar sa kanya ng sumunod na umaga pagkatapos siya nitong halikan sa labi. “Bye,” sagot niya at pinanood ang asawa papalayo at pababa ng hagdanan. Nakatayo siya noon sa may pintuan, at ng hindi na niya ito makita ay lihim niya itong sinundan. May parking area sa basement ng condominium, subalit dire-diretso itong lumabas ng gate. Nang maisara ng guard ang gate ay lumapit siya dito at sinenyasan ang guard na tumahik, saka siya sumilip sa labas. Nakita niya si Dhar na pumara ng taxi at doon na sumakay.

“Wala ba siyang kotse na umuwi kagabi?” tanong niya sa guard na nagtataka kung ano ang kanyang sinisilip. Umiling ang guard. “Wala naman. Naka-taxi din lang siyang umuwi kagabi eh.” Tumango si Lenneth. “Sige, salamat,” aniya at nagbalik sa loob. Tama nga ang kanyang hinala, binenta nito ang kotse sa halagang one and a half million. Kaya pala malakas ang loob nitong mag-suggest na ipunta sa prestigious na ospital ang kanyang ama para ma-operahan, kaysa hinihintay lang nila itong malagutan ng hininga. Huminga siya ng malalim ng maisara niya ang pinto at sumandal siya doon para mag-isip. Awang-awa siya sa kanyang asawa. Parang nakikini-kinita niya ang itsura nitong nakikipag-aagawan sa taxi sa pag-uwi, samantalang napakaganda ng buhay nito bilang presidente ng kompanya. Ano na lamang ang sasabihin ng mga dati nitong empleyado na makakakita dito? Nagtimpla siya ng gatas at pumasok sa kuwarto ng kanyang ama para painumin ito. Pero laking gulat niya ng nakitang nalaglag sa sahig ang oxygen at lupaypay ang kamay nito sa gilid ng kama. Bigla siyang kinabahan, pero pilit niyang kinalma ang kanyang sarili at dahan-dahang nilapitan ang kanyang ama. “Papa?” Nang hindi ito sumagot ay pinakiramdaman niya ang dibdib nito. Parang wala siyang marinig na tibok ng puso nito, at para ba itong nanlalamig. “Papa!” Inalog na niya ito ng malakas. Nang hindi pa rin ito sumagot ay nagtatakbo na siyang lumabas para magpatulong sa guwardiya. Pagdating nila sa ospital ay agad na ipinasok sa emergency room ang kanyang ama. Maaari pa raw itong mabuhay sa pamamagitan ng revival kaya‟t kahit alam niyang mahal iyon ay pumayag na siya. Mga isang oras ang lumipas ay nakita niya si Dhar na humihingal na dumating. Hindi niya alam kung papaano nito nalaman, maaaring tinawagan ito ng guwardiya na tumulong sa kanya at ibinalita ang nangyari. “Dhar!” halos lumipad siyang niyakap ang kanyang asawa at isinubsob ang mukha sa dibdib nito. Pumalibot sa kanyang likuran ang mga braso nito at hinaplos ang kanyang buhok, saka nito hinalikan ang kanyang ulo. “It‟s alright, sweetheart. He‟ll be fine.” Tiningala ito ni Lenneth. “Kanina pa siya doon sa loob eh. Nire-revive na lang siya. Mabubuhay pa kaya siya?” Pinahid ni Dhar ang kanyang luha gamit ang hinalalaking daliri. “Don‟t lose hope, Lenneth. Even miracles can happen.” Para ba siyang nabuhayan ng loob. Pinaupo siya ni Dhar sa bench at magkatabi silang naghintay doon. Makaraan ang isa pang oras ay naiinip ng tumayo si Dhar para silipin kung ano ang nangyayari sa loob. Tumigil na sa pag-iyak si Lenneth at pinanood lamang si Dhar na nakadungaw sa loob. Naalala niya noong namatay ang kanyang ama. Ganitong-ganito ang pangyayari, yun nga lang ay siya ang naroon sa may pinto at ang kanyang ama ang nakaupo sa bench. Nakita niya mismo noon kung papaano tinakpan ng puting kumot ang mukha ng kanyang ina. Parang mauulit iyon.

Hindi niya alam kung gaano katagal ang lumipas ng nakita niya si Dhar na dahan-dahang lumingon sa kanya. Nakanganga itong tumitig sa kanya, na para bang may nakita itong kasindak-sindak sa loob. “Tinakpan na ba nila ang mukha niya?” tanong niya dito. Hindi nagsalita si Dhar. Para itong naparalisa. Hindi niya mawari kung naaawa ito sa kanya o natatakot ito. Pero hindi na nito kailangang mag-alala. Alam na niya ang nangyari, at tanggap na niya iyon. Wala na ang kanyang ama. Chapter 9 “Hay naku! Gulat na gulat ang lahat nung nalaman nilang nagpakasal na pala kayo ni Sir ano,” balita sa kanya ni Esther ng minsang dumalaw ito sa kanilang condo. “Ang tsismis nga, ayaw daw sa‟yo ni Sir Severino kaya nagresign si Sir Dhar. Imagine, mas pinili ka pa niya.” Pinilit ngumiti ni Lenneth. “Hindi naman sa ganun. Mas gusto raw kasi niya ang pagde-design kaysa sa mag-manage.” “Ganun? So false pala ang tsismis. Sige, late na ako sa work. Napadaan lang ako para kamustahin ka.” Tumango si Lenneth at kinawayan ang kaibigan na nagmamadaling lumabas ng pinto. Matagal na panahon na ring hindi niya nakita si Esther. Kung hindi pa namatay ang kanyang ama ay hindi pa ito nagpakita. Bumuntung-hininga siya at pumasok sa kuwarto. Dalawang araw na ang lumipas mula ng mailibing ang kanyang ama ngunit parang napakabigat pa rin ng kanyang pakiramdam. Mula pagkabata ay sadyang naging malapit silang mag-ama, kaya‟t kakaiba ang kanyang mundo na wala ito, at kailanman ay hindi na niya ito makikita pa. Nakita niya ang laptop ni Dhar sa ibabaw ng mesa. Nakalimutan siguro nitong isara. Malamang ay hindi pa ito tapos mag-shower. Dahil sa pagkamatay ng kanyang ama ay napilitan itong ipasa sa iba ang dati nitong project. Talagang sinunod nito ang kahilingan ng kanyang ama. Ni minsan, ay hindi siya nito iniwan. Nung nasa funeral chapel pa sila ay lagi siyang natutulala, at laging walang ganang kumain. Naunawaan siya nito. Hinarap nito ang mga bisita at pinagtiyagaan siya nitong subuan kahit konting pagkain, basta‟t magkalaman lang ang kanyang sikmura. Hindi niya alam kung papaano siya makakabawi sa asawa. Sadyang napakabait nito sa kanya. Umupo siya sa harapan ng laptop at isasara na sana iyon ng napansin niya ang larawan na naka-display doon. Nagsalubong ang kanyang mga kilay. Larawan iyon ng sala ng condo unit. Tinignan pa niya ang ibang mga larawan, halos lahat ay larawan ng bawat sulok ng condo unit. Isinara niya ang mga larawan at nakita niyang bukas ang email address ni Dhar. Tinignan niya ang mga sent items, at nakita niya doon ang isang sulat na naka-address sa isang Mister Sanchez, at naka-attach ang mga larawang nakita niya doon. Isa lang ang ibig sabihin nun, binebenta na rin ni Dhar ang condo unit nito. Nagulat siya ng biglang bumukas ang pinto ng banyo at lumabas si Dhar na nakatapis lamang ng tuwalya. Agad niyang binitiwan ang laptop kahit alam niyang nakita nito ang kanyang pakikialam.

Ngumiti si Dhar at lumapit sa kanya, saka nito hinalikan ang kanyang labi. “Paki-logout naman yung email ko. Magbibihis lang ako sandali.” Tumango si Lenneth at pinilit ngumiti. Nang nakapasok na si Dhar sa closet ay isinara na niya ang lahat ng nakabukas na programs sa laptop at pinatay ang power. Hindi niya mapigilang magtaka kung bakit kinakailangang ibenta ni Dhar ang condo, pero nasagot din niya ang kanyang tanong. Tatlong revival daw ang ginawa nila para sa kanyang ama sa ospital. Hindi man niya alam kung magkano yun dahil ayaw ipakita sa kanya ni Dhar ang resibo ay alam niyang mahal iyon. Si Dhar lahat ang umako sa hospital bills at maging sa funeral bills nito. Kahit ang lupa na pinaglibingan sa kanyang ama ay si Dhar din ang nagbayad. Malamang ay naubos na ang pinagbentahan nito ng kotse kaya‟t kinakailangan nitong ibenta ang condo unit. Nang lumabas si Dhar sa closet ay muli itong ngumiti sa kanya. Parang alam nitong nakita niya ang mga larawang mga iyon, pero ayaw lang nitong pag-usapan. Nilapitan niya ito at tinulungang ibutones ang sleeve ng polo nito, at ng natapos ay napansin niyang nakatitig pala ito sa kanya. “I‟m happy to see you recovering,” anito sa kanya. Bahagya siyang ngumiti. “Because of you.” Ngumiti rin si Dhar at hinaplos nito ang kanyang pisngi, saka siya nito hinalikan sa labi. Ilang minutong nagtagal iyon, na parang ayaw na siya nitong pakawalan. Damang-dama niya ng mga sandaling iyon kung gaano siya nito kamahal. “I love you so much, Dhar,” naibulong niya. Nakangiting tumitig sa kanya si Dhar. “I love you so much too… more than my life.” Halos maluha si Lenneth sa narinig. “Thank you!” Natawa si Dhar at hinalikan siyang muli. “Iwanan muna kita sandali ha,” anito makaraan ang isang minuto. “Medyo in-demand itong asawa mo ngayon eh. Babalik din ako agad.” Tumango si Lenneth. “Ingat ka ha?” “Sure sweetheart.” Inihatid niya ito hanggang sa may pintuan. Alam niyang mag-aabang na naman ito ng taxi, o kaya‟y maglalakad ito hanggang sa hintayan ng jeep. Nakakahiya na ang isang Fajardo ay namumuhay na isang mahirap. Lalo na kapag naibenta itong condo unit. Sa apartment na lang sila titira. Ano na lamang ang maipagmamalaki ni Dhar. Baka tawanan pa ito ng ama nito kapag nakita ang nakakaawa nitong lagay. Bumalik siya ng kuwarto at lumingon-lingon sa paligid. Para bang may bumubulong sa kanyang isipan, at natagpuan na lamang niya ang kanyang sariling naglabas ng isang malaking suitcase. Bigla siyang huminto at nag-isip. Siguro nga ay kailangan niya iyong gawin. Masyado ng maraming pahirap ang nagawa niya kay Dhar. Kahit hindi man ito nagrereklamo, kahit mukhang masaya man ito sa piling niya, subalit hindi na niya kayang makita itong naghihirap ng dahil lamang sa kanya. Kailangan na niya itong pakawalan. Iyon lamang ang paraan para maibalik ito sa dati nitong marangyang buhay, bago pa nito ibenta ang condo unit.

Chapter 10 One Month Later “Lenneth?” Nilingon ni Lenneth ang kanyang tita Celine, kapatid ng kanyang ama, na nagpupunas ng mesa. Siya naman ay naghuhugas ng pinggan. Pansamantala ay sa kanila muna siya tumira habang naghahanap siya ng mapapasukang trabaho. “Bakit po tita?” “Naisip ko lang. Hindi ka kaya hinahanap ng asawa mo ngayon?” Nagulat siya sa tanong nito, pero pinilit niyang ngumiti. “Hindi naman po niya alam dito eh.” “Paano kung isipin niya na… ginamit mo lang siya?” Natigilan si Lenneth sa ginagawa, malaking posibilidad na ganun nga ang iniisip ni Dhar. “Nag-iwan naman po ako ng sulat sa kanya. Nagpasalamat naman ako, at saka, kaya ko nga siya iniwan para bumalik sa normal ang buhay niya.” “Pero sayang ano? Nakatagpo ka nga ng mayaman, mamumuhay mahirap din lang pala kayo.” Nangiti si Lenneth. “Ewan ko nga po eh. Parang sinalo ko lahat ng malas.” “Hmmm, huwag kang mag-alala. Darating din ang panahon na magiging masaya ka.” Natigil ang kanilang pag-uusap ng may marinig silang kumakatok. Ang kanyang tita ang lumabas ng kusina para buksan ang pinto. Siguro ay mga kapitbahay na naman ang mga iyon na gustong makipanood ng TV. “Lenlen!” sigaw ng kanyang tita mula sa sala. “Halika muna dito.” Agad niyang hinugasan ang kanyang kamay at lumabas ng kusina. “Bakit po?” tanong niya at tinabihan ang kanyang tita sa pinto. Napamulagat siya sa nakitang matangkad na ginoo na bumungad sa harapan niya. Ngumiti si Severino. “Misis Lenneth Fajardo, I finally found you.” “Mag-juice po muna kayo,” ani Lenneth na inilatag ang tatlong baso ng juice sa mesa. “Napakalayo pa po ng pinganggalingan niyo.” “Yes,” sang-ayon ni Severino na nakaupo sa sofa. “Actually, I had to sail the seas to get in here.” Nangiti si Lenneth at umupo sa harap nito. Katabi niya ang kanyang tita na tahimik lang na nakikinig. “Natutuwa po akong makita ko kayo.” Ngumiti si Severino, at saka tumango. “How about your husband? Ayaw mo ba siyang makita?” Tulalang napatingin si Lenneth sa matanda. Hindi niya alam kung ano ang kanyang iisipin. Ang buong akala niya‟y ayaw nitong mag-asawa si Dhar. “I don‟t know what you two are thinking. Nagpakasal kayo na hindi ko man lang nalalaman. Inakala ba ninyo na hindi ako papayag?” “…Yun naman po ang sabi ni Dhar.” Tumawa si Severino. “I advised Darian to stay away from women and as much as possible, not to marry for at least five years so he could concentrate

on his company, otherwise I had to pass the responsibility to someone else, pero hindi ibig sabihin na tinataboy ko na siya bilang anak ko. He must have misunderstood.” Hindi nakapagsalita si Lenneth. Marahil nga ay nag-conclude agad si Dhar na hindi na siya tatanggapin pa ni Severino bilang anak sa oras na binali nito ang kanilang usapan. “I may not be the best father, but I wouldn‟t be that close minded. Kung kinausap lang sana ako ni Darian ng husto, I should have considered it, basta‟t ba ipakita niyang kaya niyang pagsabayin ang pag-aasawa at pagiging presidente ng company. Kaya nung nalaman ko na nagpakasal kayo without even telling me, I was very very disappointed.” Yumuko si Lenneth. “Pasensya na po. Natakot daw po kasi siyang baka pigilan niyo kami.” “You know, Lenneth, marami akong utang kay Darian. Ngayon lang ako nakakabawi sa kanya. It‟s true nagalit ako sa kanya nung nagpakasal kayong hindi man lang niya ako sinabihan, but when I saw him after you left him… naawa ako ng husto sa kanya.” Dahan-dahang tumingin si Lenneth kay Severino. “Bakit po?” Bumuntung-hininga si Severino at hinawakan ang kanyang kamay. “Why don‟t you go see him? I‟ve been searching for you for a month.. to beg you to go back to him.” Hindi agad nakapagsalita si Lenneth. “Matatanggap pa rin po kaya niya ako?” “Of course,” nangiti si Severino. “I‟m sure of it… Let me take you back to him.” Halos maluha sa galak si Lenneth. Hindi niya nagawang magsalita kaya‟t tumango na lamang siya. “I only have one wish to ask from you both,” ani Severino habang nagmamaneho ito sa kahabaan ng highway. Kinakabahan na noon si Lenneth sa nalalapit nilang pagkikita ni Dhar. Totoo kayang mapatawad siya nito? “Ano po yun?” “Sana, magpakasal uli kayo ni Darian. And this time, sa simbahan na. My relatives would surely want to meet you.” Namula si Lenneth. “Depende po yun kay Dhar kung papayag siya.” “Sabihin mo kapag hindi siya pumayag at magsusuntukan kami,” biro nito. Natawa si Lenneth. Magsasalita na sana siya ng biglang ihinto ni Severino ang kotse. Nagtataka siyang dumungaw sa bintana, parang hindi iyon ang tirahan ni Dhar. Lumingon-lingon siya sa paligid at laking gulat niya ng napansing iyon ang dati niyang tirahan, nung nabubuhay pa ang kanyang mga magulang. “Let‟s go?” ani Severino at lumabas ng kotse. Tulala pa rin si Lenneth, hanggang sa buksan ni Severino ang pinto. Salubong ang mga kilay niyang lumabas ng kotse, at laking gulat niya ng makitang iba na ang dati nilang bahay, mas malaki na iyon at bagung-bago.

“I think that he did a good job with this house.” Napatingin si Lenneth sa katabi. Pareho pala sila ng tinitignan. “This is your home,” anito sa kanya. Hindi pa rin makapaniwala si Lenneth, pero sumunod na siya ng pumasok si Severino sa gate at kumatok ito sa pinto. Nang walang sumagot ay dahan-dahan nitong binuksan ang pinto. Unti-unti niyang naaninag si Dhar na nakatalikod at nakatayo sa bintana. Parang may tinitignan ito sa labas. “Darian?” ani Severino at sinenyasan siya nitong pumasok. Kahit kinakabahan siya ay sumunod siya dito. “I have something for you here.” Ni hindi man lang lumingon si Dhar, na parang walang narinig. “Darian?” “…If it is not my wife,” mahinang sagot ni Dhar, na parang wala itong kabuhay-buhay. “I don‟t want it.” Piniin ni Lenneth ang mga labi para pigilan ang mga luha. Ganun pa rin pala talaga ang pagpapahalaga ni Dhar sa kanya. “Well, it is,” sagot ni Severino. Kahit nakatalikod ito ay alam niyang nagulat ito. Ilang sandali itong natulala, at bigla itong humarap sa kanila. Halata ang pagka-sorporesa nito ng makita siyang nakatayo doon. Ngumiti si Severino at tinapik siya sa balikat. “I‟ll leave you both to talk. Isusunod ko yung mga gamit mo.” Tumango si Lenneth, at ng wala na si Severino ay tumingin siyang muli kay Dhar na parang hindi pa rin makapaniwala sa nakikita. Maya-maya‟y dahandahan itong lumapit sa kanya. “I‟m so sorry.” Hindi niya napigilan ang kanyang luha. Banayad na hinawakan ni Dhar ang magkabilaan niyang pisngi at tinitigan siya nito sa mata. “You don‟t have to say that,” anito. “Just tell me that you‟ve come back to stay and it will all be okay.” Muling tumulo ang kanyang mga luha at tumango-tango siya. Maging si Dhar ay naluha na rin at niyakap siya nito ng buong higpit, na para bang ilang taon silang hindi nagkita. “I love you so much, Lenneth!” ibinulong ni Dhar at hinalikan ang kanyang buhok. “Please don‟t leave me again!” Humigpit ang yakap ni Lenneth sa asawa. Hindi siya makapaniwalang ganun lang siya nito kadaling napatawad. “I won‟t ever. I love you too!” EPILOGUE “How does it feel to get married twice?” tanong ni Dhar sa kanya habang yakap-yakap siya nito mula sa likuran sa balcony ng bago nilang bahay. Gabi na noon at katatapos lamang ng celebration ng kasal nila sa simbahan na dinaluhan ng buong angkan ng mga Fajardo. Iilan lamang ang mga nakadalo niyang kamag-anak dahil nahihiya raw ang mga ito. “I don‟t know,” nakangiti niyang sagot. “But it feels good na… sa wakas open na sa lahat na mag-asawa tayo.” Tumawa si Dhar at hinalikan siya sa pisngi. “Kailan ba naging sikreto?” “Ikaw naman ang naglihim diyan eh.”

Muling tumawa si Dhar. “Hindi naman. Actually, nakaplano na ang church wedding natin noon eh, kaya ko binebenta yung condo unit para lumipat na tayo dito, pero iniwan mo naman ako.” Humarap si Lenneth at masuyong niyakap ang asawa. Halata pa rin ang pagtatampo nito. “Sorry talaga, akala ko kasi binebenta mo yung condo kasi walang-wala ka na. Nakonsensya lang ako masyado.” Ngumiti si Dhar. “Kahit naman maging karpintero ako, basta‟t kasama lang kita, masaya na ako. Do you not feel the same?” Kumapit siya sa batok nito. “Kahit ano pang trabaho mo, basta‟t kasimbait mo, at ganito mo ako kamahal, masaya na ako.” Nangiti si Dhar at hinalikan siya sa labi. “I knew that… there will come a time for us… to be happy finally.” “It has come,” ibinulong ni Lenneth at inabot ang mga labi nito. - WAKAS -

Sign up to vote on this title
UsefulNot useful