ANG SULIRANIN AT KALIGIRAN NITO1.

Introduksyon Sa Ingles, autism ang tawag sa espesyal na kondisyon ng taong may di-normal na pag-unlad. “May sariling mundo” ang bansag naman sa Tagalog bilang paglalarawan sa autism. Ang manipestasyon kasi ng di-normal na kalagayang ito ay kilos na parang walang kaugnayan sa paligid ng tao at mistulang gumagalaw siya sa sariling kapaligiran. Ang autism o autistic spectrum disorder ay isang komplikadong kapansanan na may kaugnayan sa pag-unlad o paglaki ng bata, na may mahalagang epekto sa paraan kung paano ang isang tao ay nakikipagtalastasan, nakikisalamuha sa ibang tao at makapagsaad ng emosyon at ideya. Ang mga salitang “Autistic Spectrum” ay kalimitang ginagamit sapagkat ang ganitong kalagayan ay nagkakaiba–iba sa mga tao. Ang Asperger Syndrome ay isang kalagayan na nasa hulihang bahagi ng spectrum kung saan mas maayos ang kalagayan o “more able end”. Sa bahaging hulihan ng spectrum kung saan hindi gaanong maayos ang kalagayan o “less able end” ay ang Kanner’s Syndrome o pinagsama-samang sintomas ng sakit na ito, na tinutukoy na klasikong autism. Ang autism ay abnormalidad kung saan nahihirapan ang utak sa pagproproseso sa mga nakalap nitong impormasyon o pakiramdam. Ito ay nagdudulot ng suliranin sa isang batang autistic dahil apektado ang kanyang pakikisalamuha at pagkatuto.

Laganap ang autism sa buong mundo at karaniwang makikita ang mga sintomas nito sa unang tatlong taon ng isang bata.Ang mga kondisyon at balangkas ng paguugali kaugnay ng “early infantile autism” o “maagang autism na nagmula pa sa pagkasanggol” ay unang inilarawan ng psychiatrist sa bata na si Leo Kanner (1943). Ayon kay Kanner, kabilang sa mga pangunahing katangian ng ganitong kundisyon ang matinding kaibahan sa pakikisalamuha sa lipunan, sa pakikipagtalastasan, masyadong mahirap ang proseso ng pag-iisip at may mga ritwal na balangkas ng pag-uugali. Sa halos kasabay na panahon sa Europa, isang halos katulad na grupo ng mga bata ang inilarawan ni Hans Asperger (1944), natatangi sila dahil sa pagiging kakaiba, inosenti at hindi naaangkop na pakikisalamuha sa lipunan, mahabang bulul-bulol at putul-putol na pananalita, kahinaan sa hindi-berbal na pakikipagtalastasan, mababaw na mga interes at mahinang kakayanan sa koordinasyon sa pagkilos ng katawan at sa pag-iisip. Inilarawan din sila na nahihirapan sa paggamit ng kasanayan sa isang paraang maaaring baguhin at kapaki-pakinabang. Ang ginawa ni Leo Kanner (1943) at ni Hans Asperger (1944) ang siyang bumuo ng batayan ng ating pagkaunawa sa Autistic Spectrum Disorder sa kasalukuyan. Habang marami pang mga debate tungkol sa kahulugan ng autism, at lalong-lalo na sa Asperger Syndrome, tanggap na ngayon sa pangkalahatan na ang autism pati na ang Asperger Syndrome

ay kabilang sa isang mas malaking grupo ng mga sakit na may kaugnayan sa pakikisalamuha at pakikipagtastasan sa lipunan, na karaniwang kilala bilang Autistic Spectrum Disorder (ASD).

Ang pamanahong-papel na ito ay nagbibigay ng impormasyon hinggil sa autism at naglalayong matugunan ang mga sumusunod na tanong: 1. Ano ang kahulugan ng autism ? 2. Ano ang sanhi ng autism

at mayroon bang lunas ito? 3. Anu-ano ang mga damdamin ng mga maysakit na autism? Nang kanilang pamilya? 4. Ano ang damdamin pananaw at saloobin ng mga mamamayan sa autism? 5.

Sapat na ba ang mga programa ng gobyerno at medya tungkol sa autism ? 2.Kahalagahan ng Pag-aaral Sa kasalukuyan, marami na sa bawat miyembro ng pamilya ang nagkakaroon ng autism. Kaya naniniwala ang mga mananaliksik sa kahalagahan ng pag-aaral nito.Lingid sa kaalaman ng mga tao, lalo na sa mga ordinaryong mamamayan ang tunay na kahulugan ng autism. Marami ang natatakot o di kaya’y kinakaawaan ang taong may sakit na autism. Sa tulong ng pananaliksik na ito ay maibibigay ang tamang impormasyon sa mga mamayan.Mahalaga ang mga impormasyong ito, upang makatulong lalung-lalo na sa may autistic sa pamilya. Sa pamamagitan nito, ay malalaman nila ang sanhi, bunga at

kung may lunas ba ito? Makakatulong din ito upang maibahagi sa mga mambabasa ang saloobin ng mga autistic at pati na rin ang kanilang pamilya.Sa pamamagitan ng pananaliksik na ito, maaari ring malaman kung sapat na ba ang kaalaman ng mga mamamayan tungkol sa autism at kung ano ang mga saloobin nila. Bukod dito, maaari ring malaman kung sapat na ba ang tulong at impormasyong naipamahagi ng gobyerno tungkol dito.Samakatuwid, sa pamamagitan ng pag-aaral na ito, ang mga mamamayan ay magkakaroon ng sapat na impormasyon at kaalaman kung ano ang dapat gawin kung saka-sakaling makasalamuha sila ng isang taong may autism. Nais ding maipamamahagi ng mga mananaliksik na hindi dapat katakutan, kaawaan o pandirihan ang taong may autism. Bagkus ay kailangan nila ang pangunawa at pagmamahal. 4. Saklaw at Limitasyon ng Pag-aaral Ang pananaliksik na ito ay nakatuon sa pagbibigay-linaw tungkol sa kahulugan, sanhi at lunas kung mayroon man ang austism. Saklaw din ng pananaliksik na ito ang pagsusuri ng damdamin, pananaw, kaalaman at saloobin ng mga mamamayan tungkol sa autism. Limitado lamang ang dami ng respondente at mas binigyang pansin ang mga ordinaryong mamamayan sa pag-aaral na ito dahil sa kakulangan sa panahon.Pinili rin ng mga mananaliksik ang mga ordinaryong mamamayan pagkat sila ang sumasalamin sa tunay na katayuan ng isang Juan dela Cruz sa ating bayan. Mula

sa kanila ay malalaman kung sapat na ba ang impormasyon at tulong ng ibinibigay ng gobyerno.

MGA KAUGNAY NA PAG-AARAL AT LITERATURA Ang isyu ng Autism ay hindi na lingid sa kaalaman ng mga tao. Marami nang pagaaral ang ginawa hinggil dito. 1 sa 150 na bata sa buong mundo ay may autism. Sa Pilipinas na lamang, tinatayang kalahating milyon ang mayroong kondisyon na ganito. Pero hindi dapat ito ituring na katapusan ng mundo, dahil sa tamang paggabay ng mga magulang pwede parin silang mamuhay ng normal, o hindi kaya’y maging matagumpay tulad ng ilang mga may autism, na ngayon ay unti-unti na rin lumilikha ng sarili nilang pangalan.Ayon kay Eric Schopler & Gary Mesibov (1992), ang autism ay karaniwang nagkakaroon ng misconception sa mga tao. Ang autism ay isang neurological illness na nakakaapekto sa isang indibidwal sa kakayahan nitong makipag-usap at makisalamuha sa iba. Sila rin ay maaring makaranas ng mag isyu sa kanilang motor skils at pag poproseso ng impormasyon. Sinabi rin ni Wing, na hindi kilala ang eksaktong sanhi ng autism. Ito ay pinaniniwalaan na resulta ng abnormalidad sa estraktura ng utak. Ito rin ay pinaniniwalaang namamana at genetic. Ayon din sa aklat ni Patricia Howlin ( Autism - preparing for adulthood ), nagkakaroon din kadalasan ng autism ang bata kapag sa panahon ng pagbubuntis ng ina ay may medical na isyu tulad ng x syndrome, esklerosis, rubella at iba pa. Naging argumento rin kung ang standard vaccine ay maari ring mag resulta sa autism.

Ayon sa pag-aaral na ginawa ni Dr John Cannell, sinasaad na ang ating utak ay kumokolekta ng mgha impormasyon na nasa ating paligid. Nakukuha ang mga impormasyong ito mula sa ating senses – sa ating nakikita, naririnig, nahahawakan, nalalasahan at naamoy. Ang ating utak ang siyang responsible sa mga senses na ito at nagrereact sa impormasyong ating natatanggap.Ngunit sa mga taong may autism ang impormasyong ito ay nakukuha nila ngunit hindi kayang tanggapin ang lahat ng ito ng kanilang utak. Normal ang kanilang pandinig, ngunit hindi nila maintindihan ang sinasabi ng kanilang kausap. At kung minsan ang tunog na mahina sa iba ay parang sobrang lakas sa kanila. Normal rin ang kanilang paningin ngunit may mga bagay na hindi kayang tanggapin ng kanilang mga mata pero may iba kinagigiliwan naman nila. Mahirap para sa kanila ang maintindihan ang nangyayari sa kanilang kapaligiran.

Palatandaan ng autism
Kapag may ngumiti, iisipin mong Masaya ang taong ito o kaya’y nakikipagkaibigan. Alam ng ating utak kung anong ibig ipakahulugan ng ngiti. Ngunit ang mga taong may autism ay hindi alam ang bagay na ito. Sanay rin ang mga normal na tao sa mga ingay na naririnig sa araw-araw tulad ng ingay ng trapiko, tawanan ng mga bata, kantahan sa mga bar at iba pa. sa mga may autism hindi nila gusto ang mga ingay na ito dahil sensitibo ang kanilang tainga sa mga ito. Mapapansin din na ang ibang kilos at pananalita nila ay paulit-ulit at ayaw nilang makipag eye contact sa kausap. Mahirap din para sa kanila ang magsalita at umintindi sa sinasabi ng ibang tao.

Kung ang isang normal na tao ay gusting-gusto na makasama ang mga kaibigan, ang mga taong may autism naman ay nahihiyang makisalamuha sa iba maging sa kanilang sariling pamilya. Lahat tayo ay may kaibahan at uniqueness.

Ang taong may autism rin ay ganoon, ilan sa kanila ay hirap intindihin ang buhay habang ang iba naman ay hindi gaano kalaki ang problema. Ang mga normal na bata ay nag-aaral sa iskwelahan, habang ang mga batang may autism ay nagaaral sa mga special centers o bahay na lang at may iba rin pumapasok sa ilang regular schools na tumatanggap ng mga special childrens. Ang mga normal na estudyante ay maraming mapag-aaralan sa loob ng isang araw samantalang ang mga may autism ay isa o dalawang bagay lang ang kanyang naiintindihan, bagama’t mataas ang kanilang kaalaman sa bagay na ito.Hindi agad malalaman kung may autism ang isang bata. Hindi ito malalaman kahit magpakuha pa ng blood test para malaman ba kung may autism ba ang isang bata o wala. Minsan kinakailangan ng isang propesyonal o grupo ng mga espesyalista para masabing may autism ang isang bata. Ang mga taong ito ay maaring pediatrician, speech panthologist o mga magulang na may anak na may autism na higit na nakakaintindi sa kalagayan ng batang may autism.Napansin namin na mula sa mga pag-aaral na nabanggit ay kadalasang nagkakaroon ng misconception ang mga tao hinggil sa mga taong may autism. Hindi rin nilalahad dito ang pananaw at damdamin ng mga mamamayan. Nawa’y ang pananaliksik na ito ay maging gabay nila at maging panimula upang malaman ang kahulugan ng autism. At sa pag-aaral din na ito ay mailahad ang pananaw at damdamin ng mga mamamayan hinggil sa autism.