You are on page 1of 2

Unang linggo ng Abril, Ang panahon na kung maari lang ay huwag ng dumating

upang di matapos ang ating masayang samahan, ang panahon na kung saan
patungo na kayo sa mga pangarap na mitsa ng inyong nalalapit na tagumpay, ang
dahilan ng inyong walang sawang pag-aaral at pagtuklas sa inyong mga sariling
kakayahan at talento. Matapos man ang mga sandali na tayo’y magkakasama ang
mga ala-ala nating sabay na binuo ay aking iuukit, at ibabaon dito sa aking puso
nang sa gayon ay walang sinuman ang makapag-aalis o makanawak nito sa akin.
Ilang buwan nadin tayong nagsasama na kung minsan may bakas ng kalungkutan,
may bahid ng kapighatian, subalit magkaganunpaman ay taas kong ipagmamalaki
na kayo ang aking Buko, ang BuKo na nagparamdam sa akin ng pagmamahal ng
isang anak, ang Buko na kailanman ay hindi ako iniwan. Patawarin niyo ko sa mga
panahong nararamdaman niyo ang pamamanhid ng inyong mga kamay, ang
pananakit ng inyong mga likod, ang pananakit ng inyong ulo, ang paghapdi ng
inyong sikmura,hindi ko gustong makilala na isang guro na puro pahirap at pasakit
lamang ang nais ipagawa sa kanyang mga estudyante, ngunit kung kapalit naman
nang ganong pagkilala ay matiyak na handa na kayo sa masukal na kalakaran ng
mundo, ang mundo na puno ng pagsubok at suliranin, ang mundong dapat ninyong
yakapin at hindi talikuran ay malugod ko itong tatangapin. Nalalaman kong naging
malupit ako sa inyo, nararamdaman ko ang inyong pagkapagod, ang iba ay
nababagot sa estilo ng aking pagtuturo, kung minsan naman ay hindi lang maisigaw
ang bulong ng pagkalito, ang panahon na wala kayong natutunan sakin, Muli
humihingi ako ng patawad sa mga pagkakataong pinaramdam ko na malupit ang
mundo, pinaramdam ko ang bakal ng pagkaalipin. Panahon na upang lagutin ninyo
tanikala ng takot at pangamba, panahon na para isigaw ninyo ang hinaing ng
inyong damdamin, handa akong making sa lahat ng inyong sasabihin, sa lahat ng
inyong hinaing dahil tulad ng isang ama, nais kong iparamdam sa inyo na kahit sa
huling pagkakataon ay maramdaman ninyo ang pagmamahal, kalinga at atensyon
ng isang ama. Naririnig ko na ang mga yabag ng inyong pagtatapos na palakas ng
palakas, tunay ngang wala ng makakapigil pa rito, nakamit niyo na ang tsinelas ng
elementarya at ngayon ay nalalapit niyo ng makamtan ang suwelas ng hayskul na
magiging puhunan ninyo sa inyong mapipiling karera, ang suwelas na simbolo ng
inyong malugod na pagtatapos, ang suwelas na larawan ng inyong kinita sa pagod
na inyong pinaghirapan.Pasensya na mga anak hindi ko na mapigilan ang
pagbagsak ng luha sa aking mga namimigat na mata dahil gusto na nitong isiwalat
ang isang katotohanan, katotohanang wala kayong dapat na ipag-alala, ang luha na
ito ay hindi simbolismo ng hirap at pagdurusa kundi ng kagalakan at pagmamalaki
na kayo ay aking mga anak. Pangako ang lahat ng masasakit na ala-ala ay aking
ibabaon sa kailaliman ng lupat at lilimutan, at titiyaking ang natitirang masasayang
ala-ala ay patuloy na mananahan sa aking puso’t, isipan, isang pangako na aking
tutupdin hanggang sa sandaling masilayan ko ang huling liwanag ng buhay. Tatlong
mensahe bago matapos ang aking katha, una palagi ninyong tatandaan mga anak,
sa oras ng kagipitan at pangamba palaging may isang Diyos, kayong malalapitan at
makakapitan, pangalawa magtiwala sarili at sa Diyos dahil iyan ang tanging susi

upang kayo ay magtagumpay sa hamon ng buhay at panghuli, Mahal na mahal ko
kayo dahil kayo ang BuKo ko.