You are on page 1of 6

Ang Aral ng Damo - Maikling Kwento

May anghel na galing sa langit na nagbisita upang tiyakin kung tunay ngang ang lahat ng
nilalang sa kagubatan ay nasisiyahan.

"G. Punongkahoy, ikaw ba'y maligaya?" tanong ng anghel.

"Hindi," ang sagot sa tinig na walang sigla, "sapagkat ako'y walang bulaklak."

Ang anghel ay nagpunta sa bulaklak upang magsiyasat. "Bb. Bulaklak, ikaw ba'y maligaya sa
iyong paligid?"

"Hindi ako maligaya sapagkat wala akong halimuyak. Masdan mo ang gardenia sa banda roon.
Siya'y umuugoy sa amihan. Ang kanyang bango na taboy ng hangin ay kahali-halina!"

Ang anghel ay nagpunta sa gardenia upang mabatid ang damdamin nito. "Ano ang masasabi mo
sa iyong halimuyak?"

"Ako'y hindi nasisiyahan. Wala akong bunga. Naiinggit ako sa saging! Iyon, siya'y natatanaw ko.
Ang kanyang mga piling ay hinog na!"

Ang anghel ay lumapit sa saging, nag magandang-araw at nagtanong, "G. Saging, kumusta?
Ikaw ba'y nasisiyahan sa iyong sarili?"

"Hindi. Ang aking katawan ay mahina, hindi matibay na tulad ng sa narra! Pag malakas ang
hangin lalo't may bagyo, ako'y nababali! Nais ko sanang matulad sa narra!"

Nagpunta ang anghel sa narra at nagtanong, "Anong palagay mo sa iyong matibay na puno?"

"Sa ganang akin, gusto ko pa ang isang damo! Ang kanyang mga dahon ay matutulis. Ang mga
ito'y nagsisilbing proteksiyon!" pakli ng narra.

Ang anghel ay nagpunta sa damo. "Kumusta ka ? Ano ang nanaisin mo para sa iyong sarili?"

"Masaya ako !" sagot ng damo . "Ayaw kong mamumulaklak. Walang kwenta ang bunga. Ayaw
ko rin ng matibay na puno. Gusto ko'y ako'y ako... hindi nananaghili kaninuman pagkat
maligaya!"
Ang Araw at ang Hangin - Maikling Kwento

Sino kaya ang mas malakas, ang araw o ang hangin? Madalas daw ay nag-aaway itong dalawang
ito noong araw dahil sa nagpapalakasan nga.

Isang araw, sinabi ng hangin, "O, gusto mo ba talagang patunayan ko na mas malakas ako kaysa
iyo?"

Ngumiti ang araw. "Sige, para hindi ka laging nagyayabang, tingnan natin. Hayun, may lalakeng
dumarating. Kung sino sa ating dalawa ang makakapagpaalis ng suot niyang polo, siya ang
kikilalaning mas malakas."

"Payag ako. Ngayon din", magkakasubukan tayo, "malakas na sagot ng hangin. "Ako ang uuna,"
dugtong pa niya dahil ayaw niyang maging pangalawa sa anumang labanan.

Sinimulan niyang hipan ang naglalakad na lalake. Sa umpisa ay tila nagustuhan ng tao ang hihip
ng hangin kaya naging masigla at bumilis ang lakad nito.

Nilakasan ng hangin ang paghihip. Isinara ng tao ang lahat ng butones hanggang sa may leeg ng
kanyang polo. Inubos ng hangin ang buong lakas sa paghihip. Lalo namang pinakaipit-ipit ng
mga braso ng lalake ang damit dahil tila giniginaw na siya.

Nanghina na nang katakut-takot ang hangin sa paghihip niya ay talagang hindi niya makuhang
mapaalis ang damit ng lalake. "Sige," sigaw niya sa araw. "Tingnan naman natin ang galing mo.
Marahil, hindi mo rin naman mapapahubad ang taong iyon."

Pinalitaw ng araw ang sinag niya, at unti-unti niyang pinainit ito. Tumulo ang pawis ng lalake.
Dinagdagan pa ng araw ang init na inilalabas niya, at ang lalake ay nagkalas ng mga ilang
butones sa baro.

Maya-maya, nang uminit pang lalo ang araw, hindi na nakatiis ang tao at tinanggal nang lahat
ang mga butones ng polo at hinubad ito. Panalo ang araw! Mula noon, di na nagyabang uli ang
hangin.
Ang Ating mga Likas na Palatandaan - Maikling Kwento

Marami sa magagandang tanawin ng ating bayan ang mga tangi at kilalang palatandaan. Isa na
rito ang Look ng Maynila. Ipinalalagay na isa ito sa mahuhusay na daungan ng mga sasakyang-
dagat sa silangan. Sa makitid na pasukan nito, naroroon ang Pulo ng Corregidor na naging tagpo
ng mga di-malilimot na pangyayari noong Pangalawang Digmaang Pandaigdigan. Sa baybay
nito, naroroon naman ang baybayin ng Cavite, Manila, Bulacan, Pampanga, at Bataan. Ang mga
pook na ito ay naging saksi ng mga dakila at mahalagang pangyayari sa ating kasaysayan.

Sa Mountain Province, mga tatlundaang milya sa hilaga ng Maynila, naroroon ang rice terraces
na bantog sa buong mundo bilang isa sa Walong Hinahangaan sa Daigdig. Ang mga baytang-
baytang na taniman ng palay na ito ay itinayo ng mga unang-unang ninuno ng mga kasalukuyang
Ifugao, noong mga tatlunlibong taong nakaraan.

Sa lalawigan ng Batangas, naroon ang Lawa ng Taal. Sa gitna ng lawa ay may isang bulkang
gising. May paniniwalang ang lawa ay bunga ng malakas na pagsabog ng bulkan noong
nakaraang panahon. Ang abo at putik na ibinuga ng bulkan ay kumalat sa malawak na lupa sa
Greater Manila Area.

Noong ika-28 ng Setyembre 1965, pumutok ang Bulkang Taal. Ang mga baryo sa baybay ng
lawa ay lumubog sa putik at abo. Ang pagputok na iyon ay lumikha ng panibagong butas sa
bulkan at nakamatay sa libu-libong tao. Nawalan ng tahanan ang mga napinsala at inilipat sila sa
ibang tirahan. Kumilos nang sama-sama sa isang kilusang pangkawanggawa ang pamahalaan,
ang mga samahang pambayan, mga bahay-kalakal, at libu-libong mamamayang pribado upang
damayan at tulungan ang mga napahamak sa pinakamalubhang kapahamakang umabot sa ating
bansa noong 1965. Mula noon, muling tumahimik ang Taal upang muling mabigyan ng kariktan
ang tanawin.

Ang Bulkang Mayon, bantog din sa buong daigdig, ay nasa lalawigan ng Albay, malapit sa
Lungsod ng Legaspi. Ito ay pitung-libo't siyamnaraang talampakan ang taas at ang taluktok ng
bulkan (perfect cone) ay balita sa buong mundo.

Ang Lawa ng Lanao ay nasa Pulo ng Mindanao. Dalawang libong talampakan ito sa ibabaw na
pantayang-dagat at umaagos sa Ilog Agus. Sa dakong malapit sa Lungsod ng Iligan, ang tubig sa
Ilog Agus ay bumababa ng walumpung talampakan sa ilalim at siyang bumubuo ng Talon ng
Maria Cristina. Ito ang nagpapalakad at nagbibigay ng elektrisidad na ginagamit sa bayan-bayan
at sa mga sentro ng kalakalan at industriya sa Mindanao.

Bukod sa mga nabanggit na palatandaan, marami pang magagandang tanawin at makasaysayang


pook ang bayan, na makapagdudulot sa mga turista ng kawili-wili at kasiya-siyang pagdalaw sa
Pilipinas.

Ang Bulkang Taal - Maikling Kwento


Nahulog sa dagat ang gintong singsing ni Prinsesa Taalita kaya't nag-utos ang amang si Datu
Balindo sa mga kawal na hanapin ito. Isang linggong nilangoy ng mga matipuno at matapat na
alagad ng barangay ang lawa ng Bunbon nguni't wala isa man sa kanilang makakita sa singsing.

Hindi pa rin nagtugot ang datu dahil ang singsing daw ay napakahalaga hindi lamang dahil ginto
ito kundi dahil makasaysayan ito sa buhay niya. "Iyang singsing na iyan ay nagpasalin-salin sa
kamay ng aking mga ninuno na pawang mga raha at lakan. Iyan pati ang piping saksi nang
pagbuklurin ang puso naming mag-asawa."

"Patawarin ninyo ako, mahal kong ama," luhaang sabi ni Taalita. "Alam ko po ang kahalagahan
niyan. Minamahal ko ang singsing nang higit sa buhay tulad ng pagmamahal ko sa nasira kong
ina, subalit..."

"Huwag kang lumuha, anak," sabi ng ama. "Hayaan mo't makikita pa rin iyan."

Sa mga naghahanap ng singsing, isang binata ang di-naglulubay sa pagsisikap na makita ito.
Hiningi niya ang tulong ng langit at di nga nagtagal ay nakita ang hinahanap. Nalunok pala ito ng
isang malaking isda.

Ibinalik niya ito sa prinsesa at sa laki ng utang-na-loob ng mag-ama naging malapit sa kanila ang
binata. Hindi naglaon at naging magkasintahan si Taalita at Mulawin. Pumayag naman ang ama
sa pag-iisang-dibdib nila dahil alam niyang mabait, matapat at mapag-kakatiwalaan ang lalake.

Masaya ang buhay ng mag-asawa, at nang matanda na ang raha, si Mulawin na ang namahala sa
barangay. Madalas na ang ginagawa nilang pasyalan ay ang lawa. Namamangka ang mag-asawa
at natutuwang minamasdan ang mga isda at ibang nabubuhay sa dagat.

Isang araw, sa pamamangka nila, natanawan ni Taalita ang isang di-karaniwang bulaklak na
nakalutang sa tubig. "Kay ganda ng bulaklak na iyon. Kukunin ko," at bago napigilan ng asawa
ay nakatalon agad sa tubig. Hinintay ni Mulawin na lumitaw ang asawa nguni't hindi ito
pumapaibabaw. Dagling tumalon din ang lalake para saklolohan ang asawa, ngunit pati siya ay
nawalang parang bula.

Laking pagluluksa ng buong barangay sa nangyari sa kanilang mahal na Raha Mulawin at


Prinsesa Taalita. Hindi naglaon, may lumitaw sa, gitna ng lawa, sa kinalinuran ng magsing-irog,
na isang pulo. Iyan ang Bulkan ng Taal, ngalang ibinigay ng amang datu para laging ipagunita
ang nawalang mga anak.

Ayon sa mga mangingisda, madalas daw nilang marinig kapag napapalapit sila sa Bulkan ang
masayang awit ng mag-asawang Mulawin at Taalita, na kahit sa kabilang-buhay ay masaya at
nagmamahalan.
Ang Engkantada ng Makulot - Maikling
Kwento
Ang mga naninirahan sa munting bayan ng Cuenca ay maligaya, matahimik at matakutin sa
diyos. Ang Cuenca ay tirahan ng mabait na prinsesang reyna ng Makulot. Siya ay mahiwaga.
Ang kanyang kinalulugdang alaga ay Torong Ginto. Ang Torong Ginto, katulad din ng
pangkaraniwang baka, ay malimit makitang nanginginain ng damo sa kaparangan.

Ang Torong ito ay siyang tulay ng pag-iibigan at pagmamagandang-loob ng mga mamamayan at


ng prinsesa. Ang prinsesa ay napakabait at mapagkawanggawa sa mga taong dukha. Dahil sa
Torong Ginto nabibigyan ng salapi ng prinsesa ang mga mahihirap na nangangailangan ng tulong
upang ipagtawid-gutom.

Sila ay dapat may mabuting budhi't malinis na asal. Nguni't kung ang mga tao'y mahilig sa
pagkakasala wala silang hihintaying gantimpala sa prinsesa.

Lumakad ang mga araw at ang mga mamamaya'y nakalimot sa magandang halimbawa at malinis
na pamumuhay. Dahil diya'y nawalang bigla ang Torong Ginto. Nawala rin ang prinsesa.

Sakali mang makita ang Torong Ginto, ito'y nangangahulugang magkakaroon ng gutom, salot,
sakit at kung anu-anong sakuna, kaya ang mga tao ay nagprusisyon, nagdasal, nagpamisa at
tumutupad ng sarisaring pangako sa kanilang mga anitos.

Naging hampas na parusa ng mga anito sa mga tao ang paglabas ng Torong Ginto. Kung makita
ang Torong Ginto, ito'y babalang matutuyo ang mga halaman o di kaya'y magkakaroon ng
malaking baha o masamang ani.

Ang raha't lakan ng magkakaratig na balangay ay nagkaisang tumawag ng pulong. Kanilang


isinaalang-alang kung ano ang dapat gawin upang ang Torong Ginto ay huwag nang makita.
Pinagkaisahan ng lahat na ang pinakamatapang at makisig na binata at subok na kawal ay ialay
sa prinsesa upang maalis ang kanyang galit.

Ang kaawa-awang binata ay itinali sa puno ng kahoy upang sunugin. Di-umano'y ang usok nito
ay isusubo sa Reyna ng Makulot. Anong pagpapakasakit!

Nang kakanin na ng apoy ang bagong taong ubod ng tapang ay siyang paglabas ng Torong Ginto
sa yungib ng bundok. Sakay rito ang Engkantada ng Makulot. Iwinagayway ng prinsesa ang
kanyang mahiwagang baston.

Ang binata ay tinangay ng hangin at naagaw sa nagngangalit na apoy. Sa isang iglap ay iniupo
siya sa Torong Ginto. Ang prinsesa at binata na kapuwa sakay ng Torong Ginto ay pumasok sa
yungib ng bundok. Ang Torong Ginto mula noon ay hindi na napakita.
Ang mga mamamayan naman, dahil sa takot na baka sumipot uli iyon, ay nagbago na rin at
nanatiling mabubuting tao.