You are on page 1of 3

HANDOUTS IN ARALING PANLIPUNAN 8

KASAYSAYAN NG DAIGDIG

PAKSA: Ang Daigdig sa Panahon ng Transisyon:


Mga Pangyayaring Nagbigay-daan sa Pag-usbong ng Europe sa Panahong Medieval

Ang Pyudalismo
Mula sa ikasiyam hanggang ika-14 na siglo, ang pinakamahalagang anyo ng kayamanan sa Europe ay lupa.
Kinakailangang pangalagaan ang pagmamay-ari ng lupa ang hari.
Dahil sa hindi niya kayang ipagtanggol ang lahat ng kaniyang lupain, ibinabahagi ng hari ang lupa sa mga nobility
o dugong bughaw. Ang mga dugong bughaw na ito ay nagiging vassal ng hari. Ang hari ay isang lord o panginoong may-
lupa. Ang iba pang katawagan sa lord ay liege o suzerain. Samantala, ang lupang ipinagkaloob sa vassal ay tinatawag na
fief. Ang vassal ay isa ring lord dahil siya ay may-ari ng lupa. Ang kaniyang vassal ay maaring isa ring dugong bughaw.
Ang homage ay isang seremonya kung saan inilalagay ng vassal ang kaniyang kamay sa pagitan ng mga kamay ng
lord at nagangako rito na siya ay magiging tapat na tauhan nito. Bilang pagtanggap ng lord sa vassal, isinasagawa ang
investiture o seremonya kung saan binibigyan ng lord ang vassal ng fief. Kadalasang isang tingkal ng lupa ang ibinibigay
ng lord sa vassal bilang sagisag ng ipinagkaloob na fief. Ang tawag sa sumpang ito ay oath of fealty.
Kapag naisagawa na ng lord at vassal ang oath of fealty sa isat isa, gagampanan na nila ang mga tungkuling
nakapaloob sa kasunduan. Tungkulin ng lord na suportahan ang pangangailangan ng vassal sa pamamagitan ng
pagkakaloob ng fief. Tungkulin din niya na ipagtanggol ang vassal laban sa mga mananalakay o masamang-loob at
maglapat ng nararapat na katarungan sa lahat ng mga alitan. Bilang kapalit, ang pangunahing tungkulin ng vassal na
magbigay ng ilang kaukulang pagbabayad tulad ng ransom o pantubos kung mabihag ang lord sa digmaan. Kailangan din
niyang tumulong sa paghahanap ng sapat na salapi para sa dowry ng panganay na dalaga ng lord at para sa gastusin ng
seremonya ng pagiging knight ng panganay na lalaki ng lord. Ang knight ay isang mandirigmang nakasakay sa kabayo at
nanumpa ng kaniyang lord.

Ang Pagtatag ng Pyudalismo


Ang Piyudalismo sa Gitnang Panahon ay nag-ugat sa paghahati-hati ng Banal na Imperyo ni Charlemagne batay
sa kasunduan sa Verdum. Mahihinang tagapamahala ang mga tagapagmana ni Charlemagne kaya ang mga opisyal ng
pamahalaan at mga may-ari ng lupain ay humiwalay sa pamumuno ng hari. Naibangon muli ang mga local na
pamahalaan na ngayon ay pinatatakbo ng mga maharlika katulad ng mga konde at duke.
Sa sitwasyon ito pumasok ang mga barbarong Viking, Magyar, at Muslim. Sinalakay nila ang iba-ibang panig ng
Europe lalo na sa bandang France. Ang mga Viking na kilala rin sa tawag na Normans ay nabigyan ng lupain sa bandang
France kapalit ng pagtanggap nila ng Kristiyanismo. Ang lupaing napasakanila ay kilala ngayon sa tawag na Normandy.
Ang madalas na pagsalakay na ito ng mga barbaro ay nagbigay ligalig sa mga mamamayan ng Europe. Dahil dito,
hinangad ng lahat ang pagakaroon ng proteksiyon kaya naitatag ang sistemang Piyudalismo.
Isang magandang alaala ng Piyudalismo ang sistemang kabalyero (knighthood). Kinapapalooban ang kodigo ng
kagandahang asal ng mga kabalyero (chivalry) ng katapangan, kahinahunan, pagiging marangal at maginoo lalo na sa
kaibigan. Nagpapalaganap din ng mga saloobing Kristiyano ang sistemang kabalyero tulad ng pagtatanggol sa mga
naaapi at paggalang sa kababaihan.
Banal at isang propesyon na pinagpala ng Simbahan ang pagiging kabalyero. Kalakip nito ang tungkuling
ipagtanggol at itaguyod ang Kristiyanismo.
Lipunan sa Panahong Piyudalismo
Nahahati sa tatlong pangkat ang lipunang Europeo sa panahong Piyudalismo- ang mga pari, kabalyero o
maharlikang sundalo, at mga alipin(serf).
Mga Pari hindi itinuturing ang mga pari na natatanging sector ng lipunan sapagkat hindi namamana ang kanilang
posisyon dahil hindi sila maaring mag-asawa. Maaring manggaling ang mga pari sa hanay ng maharlika, manggagawa at
mga alipin.
Mga Kabalyero Noong panahon ng kaguluhan kasunod ng pagkamatay ni Charlemagne, may matatapang at malalakas
na kalalakihan na nagkusang loob na maglingkod sa mga hari at sa mga may-ari ng lupa upang iligtas ang mga ito sa mga
mananakop. Dahil sa hindi umiiral ang paggamit ng salapi, ang magigiting na sundalo o kabalyero ang pinagkalooban ng
mga kapirasong lupa bilang kapalit ng kanilang paglilingkod. Ang mga kabalyero ang unang uri ng mga maharlika, tulad
ngmga panginoong may-lupa, na maaaring magpamana ng kanilang lupain.
Mga Serf Ito ang bumubuo ng masa ng tao noong Medieval Period. Nanatili silang nakatali sa lupang kanilang sinasaka.
Kaawa-awa ang buhay ng mga serf. Nakatira sila sa maliit at maruming silid na maaaring tirahan lamang ng hayop sa
ngayon. Napilitan silang magtrabaho sa bukid ng kanilang panginoon nang walang bayad. Wala silang pagkakataon na
umangat sa susunod na antas ng lipunan tulad ng maharlika at malayang tao. Makapag-asawa lamang ang isang serf sa
pahintulot ng kaniyang panginoon. Lahat ng kaniyang gamit, pati na ang kaniyang mga anak, ay itinuring sa pag-aari ng
panginoon. Wala silang maaaring gawain na hindi nalalaman ng kanilang panginoon.
Pagsasaka: Batayan ng Sistemang Manor
Ang Sistemang Manor ang sentro ng lipunan at ekonomiya ng mga tao na nakatira dito. Ang isang fief ay binubuo ng
maraming manor na nakahiwalay sa isat- isa. Ito ay maaaring maihalintulad sa isang pamayanan (village) kung saan ang
mga naninirahan dito ay umaasa ng kanilang ikabubuhay sa pagsasaka sa manor. Sa kabilang dako ang kanilang
panginoon ay dito rin umaasa sa kita ng pagsasaka sa manor na kaniyang magiging kayamanan.
Ang kastilyo ng panginoong piyudal ang pinakapusod ng isang manor. Maaari ring ang bahay sa manor ay isang
malaking nababakurang gusali o kaya ay palasyo. Ang lupain sa loob ng manor ay nahahati ayon sa paggagamitan nito.
Kumpleto sa mga kakailanganin ng magsasaka ang mga gamit sa manor. Para sa mga naninirahan doon, ang mga
pangangailangan nila ay napapaloob na sa manor. Nandiyan ang kamalig, kiskisan, panaderya, at kuwadra ng panginoon.
Mayroon ding simbahan, pandayan, at pastulan. Kung maibigan ng panginoon, ang mga kaparangan at kagubatan ay
kaniyang hinahati ngunit nag-iiwan siya ng pastulan na maaaring gamitin ng lahat.

Ang manor ay isang malaking lupang sinasaka. Ang malaking bahagi ng lupain na umabot ng 1/3 hanggang ng
kabuuang lupang sakahan ng manor ay pag-aari ng lord at ilan lamang sa mga magsasaka ang nagmamay-ari ng
lupa.

PAGLAGO NG MGA BAYAN


Ang paglakas ng kalakalan ay naging malaking tulong sa paglago ng mga bayan. Nagkaroon ng pagbabago sa
agrikultura bunsod ng pagtuklas ng mga bagong teknolohiya at mga bagong pamamaraan sa pagtatanim. Bunga nito,
tumaas ang ani kaya nagkaroon ng magandang uri ng pamumuhay ang mga tao. Nakatulong din nang malaki ang
pagsasaayos ng mga kalsada upang mapadali ang pagdala at pagbili ng mga produktong agricultural. Marami ang
nanirahan sa mga lugar na malapit sa pangunahing daan.
Pagsapit ng Salapi
Sa unang mga taon ng Gitnang Panahon, ang sistema ng kalakalan ay palitan ng produkto o barter. Dinadala ng mga
magbubukid o kaya ng serf ang mga produktong bukid o produktong gawa sa bahay sa mga local na pamilihan. Dito
nagpapalitan ng produkto ang mga tao. Ang lokal na pimilihan ay nagaganap lamang bawat lingo sa malalawak na lugar
malapit sa palasyo o simbahan.
Sa paglawak ng kalakalan kung saan maraming lugar na ang sumali, naisip ng panginoong piyudal na matatag ng
taunang perya. Dito sa peryang ito nagkatagpo-tagpo ang mga mangangalakal. Sa peryang ito kumikita ang panginoong
pyudal dahil siya ay naniningil ng buwis at multa rito.
Dito sa peryang ito nakita ang paggamit ng salapi ngunit iba-iba ang kanilang salaping barya. Dahil dito, nagsulputan
ang mga namamalit ng salapi (money changer), na sa maliit na halaga ay namamalit ng iba-ibang barya. Sa pagpapalit ng
salaping ito nasabing nagsimula ang pagbabangko.
Natuklasan ng ilang mangangalakal na hindi delikado ang mag-iwan ng malalaking halaga sa mga namamalit ng salapi.
Ang salaping ito ay ipinauutang din nang may tubo.
Ang isang mangangalakal ay maaari ring magdeposito ng salapi sa isang lungsod at bibigyan siya ng resibo. Itong
dineposito niya ay maaari niyang kolektahin sa ibang lungsod. Sa ganitong paraan naging ligtas ang paglipat ng salapi.
Ang sistemang ito ng pagpapautang at pagbabangko ay nalinang sa hilagang Italya. Ang paggamit ng pera ay
nakatulong sa paglalapit ng mga tao buhat sa iba-ibang lugar.

Ang Paglitaw ng mga Burgis


Sa pag-unlad ng kalakalan at industriya at paglawak ng mga bayan, isang makapangyarihan uri ng tao ang
lumitaw. Sila ay tinatawag na burgis (men of burg o burgers o bourgeoisie). Ang interes ng pangkat na ito ay nasa
kalakalan. Ang mataas na uri ng bourgeoisie ay ang mauunlad na negosyante at mga bangkero. Ang kanilang mga anak
ay nag-aaral sa magagaling na unibersidad. Ang mga bourgeoisie ay ang nagiging gitnang uri at mababa ang pagtingin sa
kanila ng panginoong piyudal dahil sa sila ay mga bagong yaman lamang.
Ang mga burgis ay patuloy na umiral at sila ang nagtaguyod ng sining at nakalinang ng sariling uri ng
pagkamaharlika. Mababa rin ang pagtingin nila sa mga dalubhasang manggagawa kaya nagkaroon ng pag-uuri ng tao sa
lipunan batay sa yaman at hindi na sa angkan.
Ang bayan sa panahong ito ay tinatawag na burgh. Ang mga taong nagtayo ng kanilang tirahan dito ay
karaniwang tinatawag na burgher. Sa France, ang mga burgher ay kolektibong tinatawag na bourgeoisie.
Ang mga burgher, ay kakaiba sa tradisyonal na paghahati ng lipunan batay sa kanilang ginagawa. Hindi sila lord
na may ari ng lupa at nakikidigma. Iba rin sila sa pari na nagdarasal at sa magbubukid na nagtatanim. Ang mga
naninirahan sa bayan ay nagkakaloob ng prudukto at serbisyo na ikinakalakal. Habang dumarami ang kalakal nila,
yumayaman sila at umuunlad ang kanilang pamumuhay. Ang mga mangangalakal at artisan na ito ay bumuo ng bagong
pangkat sa lipunan, ang gitnang uri o middle class.
Sa bayan maaaring umangat ang pangkaraniwang tao sa lipunan. Yaman at hindi kapanganakan ang batayan ng
pagkakakilanlan. Kadalasan, higit na mayaman pa ang mga mangangalakal kaysa mga dugong bughaw.

Ang mga Fair


Dati-rati, ang mga naninirahan sa mga manor ay nagpapalitan ng kani-kanilang mga produkto. Ito ay ginagawa nila
minsan sa isang lingo sa harap ng kastilyo o simbahan. Subalit nang nadagdagan ang dami ng mga produktong
ikinakalakal mula sa ibang lugar, nagtayo ang mga lord ng mga fair. Ang fair ay nagsilbing tagpuan ng mga mangangalakal
mula sa ibat-ibang bahagi ng Europe. Ang mga fair ay kapaki-pakinabang sa mga lord sapagkat ang mga ito ay malalking
pagtitipon taon-taon.
Ang paggamit ng salapi
Ang mga fair ay nakatulong nang malaki sa pagpapaunlad ng isang ekonomiya na pinatatakbo ng salapi. Habang
umuunlad ang palitan ng produkto sa mga fair, unti-unting lumalaki ang pangangailangan sa ginto at pilak. Mula rito,
umusbong ang kalakalang nakabatay sa paggamit ng pera.

Ang Gulid System


Marami sa mga naninirahan sa bayan ay sumali sa guild. Ang guild ay samahan ng mga taong nagtatrabaho sa
magkatulad na hanapbuhay.
Merchant Guild
Ang mga unang guild ay binalangkas ng mga mangangalakal. Nagpatayo sila ng mga bulwangang pinagdarausan
ng pulong tungkol sa mga detalye ng kanilang negosyo. Kontrolado ng guild ng mga mangangalakal ang lahat ng
kalakalan sa bayan. Maaari rin nilang hadlangan ang mga dayong mangangalakal sa pagnenegosyo sa kanilang bayan.
Dahil sa kanilang yaman, lubhang naging mahalaga ang mga merchant guild o guild ng mga mangangalakal sa
pamahalaang bayan. Hinikayat ng mga merchant guild ang pagkakaroon ng sistema ng kalinisan at pagpapagawa ng mga
kanal para sa dumi. Sinikap nila na magkaroon ng iisang batayan ng timbang at panukat na maaaring gamitin ng lahat.
Minsan, ginagampanan nila ang papel bilang mga pulis na naglalaan ng proteksyon. Maaari rin nilang impluwensiyahan
ang mga lord na alisin ang toll o bayad ng mga daan sa mga lupain nito.

Ang Craft Guild


Nang lumaki ang mga bayan, ang mga artisan ay nagtatag ng sariling guild. Ang bawat craft o kasanayan ay may
sariling guild. Halimbawa, ang mga karpintero, barber, panadero, sastre, at iba pang hanapbuhay ay may sariling guild.
Ang sinumang hindi kasapi sa isang guild ay hindi maaaring gumawa ng produkto na ginagawa ng nasabing guild.