You are on page 1of 15

Suhay sa Sigwa

ni Roger Agus Salvador Jr.

Madaling araw pa lamang kasabay ng pagtilaok ng mga mga manok ay gising na

ang mag-asawa. Pinaguusapan ang kanilang kalagayan.

“Ano itong ating buhay? Para tayong itinapong basura. Bakit hindi pa tayo

magbalik sa Maynila. Ang ating paghihirap ay maitatago natin doon. Dito’y wala kang

maililihim. Kahit utang nang may utang ay pinagdidiskitahan. Naku! Itong pagkakaputol

ng Iselco sa ating ilaw ay balita sa ating bayan! At pati si Aling Sonia ay ipinamamalita

na tayo’y marami ng utang. Kaya hindi tayo sinisingil ay kamamatay lang ng panganay

nating anak. Tayo raw ang pamilyang marunong na walang makain!” pagmamaktol ni

Ines.

“Tumigil ka nga! Palibhasa’y wala kang ibang iniisip kundi ang sarili mong

kahihiyan,” wika ni Danilo.

Hindi na humirit pa si Ines. Nagmamaktol na pumasok sa kusina ngunit napatigil

bigla dahil sa kalabog na narinig.

“Aruyyyyyyyy, masakit ang likod ko. Ang likod ko!” sabi ni Aling Belen na sapo

ang nasaktang likod.

Dinaluhan agad siya ng mag-asawa at binuhat ni Danilo ang ina at ibinalik sa

papag. Inayos ng mabuti bago iniwan. Sa tabi ng bintana siya naupo at nagsimulang
magmuni-muni. Ang katahimika’y namayani ng matagal. Gulong-gulo ang kanyang isipan.

Nabasag lamang ang nakabibinging katahimikan ng biglang sumigaw Elen.

“Inay! Inay!” sigaw ni Elen.

Agad namang dinaluhan ni Ines ang anak na malubha ang sakit.

“Alin ang masakit anak? Ito?” sabay hilot sa masakit na bahagi ng katawan ng

kanyang anak. Hihimasin ang ulo’t nilambing ang anak na patuloy pa rin sa pagdaing.

Hinawakang mahigpit ang kamay ng kanyang ina na tila doon kumukuha ng lakas upang

maibsan ang sakit na nararamdaman. Naiyak si Ines dahil sa kaawa-awang kalagayan

ng anak. Kung may pagkukunan lamang siya ng pera, nasa pagamutan na ang anak.

“Ano ba, wala ka bang gagawin kundi panoorin na lamang ang pamilya mong unti-

unting maglalaho,” sigaw ni Ines sa asawa. Tila naman naalimpungatan si Danilo sa

pagkakaupo sa bangko.

“Tatawag ako ng doktor,” wika nito.

“Doktor? ang dali mong bigkasin ang salitang doktor ni gamot wala kang pambili,

pambayad pa kaya sa doktor. Sige tumawag ka. Huwag mo akong isusubo sa singilin!

Baka ibandilyo pa ng tagarito na pati gamot at doktor ay inuutang pa natin.” sumbat

ni Ines sa asawa.
“Subalit ang Nanay ay. . . .” hindi pa siya natatapos magsalita ay muli na namang

sinumbatan ito ni Ines.

“Oo doktor sa Nanay mo at kamatayan naman sa anak mo,” gagad pa rin ni Ines.

Pinagmasdan ni Danilo ang asawa ng matagal. Matalim, mga matang

naglalagablab ng apoy. Hindi pa siya natitignan ng asawa ng gayong makahulugang

tingin kundi ngayon lamang.

Umalis si Danilo. Tinalunton ang daang makitid. Habang nagsasalimbayan sa

kanyang isipan ang masamang pangitain kung patuloy ang mga nangyayari sa kanyang

mag-anak. Hahayan na lamang ba ang ganoon? Ngunit saan siya kukuha ng pera. Ubos

na ang dating malagong kabuhayan nila, at ngayon sila’y naghihirap. Parang dagang

gumagapang na kung saan-saan na lamang nagsusuot para lang mangutang. Habang

inaalala ang mga bagay na yaon ay hindi niya namalayan na narito na siya sa bahay ni

Dr. Valdez.

“Ano ang maipaglilingkod ko sayo, Danilo?” wika nito na minamasdang mabuti

ang lalaki. Wala na ang dating matikas na pangangatawan nito. Ang dating

mapagmandong tinig sa mga tauhan upang magsikikilos. Sa halip, isang humpak o hapis

ng pagmumukha ang namamataan, yayat na pangangatawan. Ang damit na magara’y

naging mumurahing kamiseta at kupas na pantalon na lamang.


“Dok, may sakit ang anak ko.” wika nito. Iyon lang at kinuha agad na ang lahat

na gamit. At sabay na binagtas ang daang makitid.

Nagbalik naman agad ang diwa ni Ines mula sa pagmumuni-muni nito nang

marinig niya ang mahihinang yabag ng nagpapalitang paa na paakyat sa marupok na

hagdang kawayan. Tumayo siya’t nagmasid.

“Alam ko. Ika’y naghihirap ngayon. Ang dampang ito na siya niyong tinitirha’y

siyang saksing ika’y nakalubog sa paghihirap o karalitaan. Alam mo, Danilo, kung bakit?

Kapag nagpatuloy ka sa gawaing yan ay makikita mo na lamang ang iyong sarili na kung

hindi sa pagkaulol ay sa walang lunas na pagdarahop! Hindi ka yayaman kailanman

sa’yong pagsusulat, pagkat isang sumpang patungong paghihirap ang paghawak sa

panitik.” wika ni Dr. Valdez kay Danilo na mababakas sa kanyang mukha at pananalita

ang pagkasarkastiko.

“Kung sabagay totoo ang inyong binanggit, subalit tila lalong mahirap ang

ipinatutupad ninyo sa akin,” sagot niya dito.

“Mahirap ba ang sandaling pagpapayaman kaysa sa mahabang panahon na

kapiling ang kahirapan dahil sa pagsulat,” ang agad na sumbat ni Dr. Valdez.

“Hindi mahirap ang gawain, ang mahirap ay ang uri. . . .” hindi pa siya natatapos

sa kanyang pagsasalita ay muli na namang nagsalita si Dr. Valdez.

“Huwag mong uriin ang pagpapayaman!”, may diin ang salita ni Dr. Valdez.
“Hindi panunuri sa pagsulat ang maghakot ng maraming salapi. Salapi. . . Salapi.

. . ang ating kailangan sa mundong ito! Hindi mo ba natikman ang kapangyarihan, ang

may kayamanan? Dati’y isa kang Don, na itinatanghal, iginagalang at tinitingala ng

karamihan. Ngayon’y bakit ka naririto at nagtitiis sa madilim na paligid ng

mararangyang bahay? Namatayan ka ng anak, ang isa’y may sakit at ang mahal mong

ina’y malubha ang karamdaman. Bakit, ano ang dahilan? Sapagkat lumalayo ka sa landas

ng pagpapayaman.” hindi kumibo si Danilo.

Yayayain ang doktor ng pumasok na sila sa silid ng ina. Naiwan naman si Ines na

iniisip ang mga narinig. Naglalaro sa kanyang isipan ang mga paghanga ng mga kaibigan

ng asawa dahil sa taglay nitong kahusayan sa negosyo. Alam niyang dati’y mayaman ang

asawa, at mapalad sa pangangalakal subalit dahil sa ito’y mabait at mahabagin kung

kaya ang kayamanan ay parang buhanging gumulong sa kanyang buhay at sinalo naman

ng mga mapagsamantalang kapitbahay, kaibigan at mga kamag-anak. Ang

kapangyarihan ng salapi ay nagpakita sa kanya ng kasaganaang pinaliliyab ng iba’t ibang

ilaw na nagmumula sa mararangyang bahay ng kapitbahay. Kailanman ang kahirapan ay

hindi maililihim. At naalala niya ang kanyang nakaraan. Siya’y tulad ng sariwang

bulaklak sa punpon ng kagandahan at may mayayamang tagahanga. Ang kanyang

panahon ay piknikan, regaluhan, at pamamasyal na sakay ng magagarang kotse. Siya

ang larawang buhay noon na kaulayaw ng kasaganaan. Ang iniwasang kahirapan ang siya
niyang kinalugmukan. Nawili siya sa mapang-akit na makata na noo’y mabangong-

mabango sa mga kaibigan. Hindi niya nalalaman na ang buong daigdig niya’y dito na

umiikot. Nang siya’y makakilala ng makata’y huli na. Nakatali na siya, na walang lalaking

pakamamahalin liban sa kanyang asawa.

Ang kanyang pagmumuni-muni ay naudlot sa pagpasok ng doktor na iiling-iling.

Kasunod nito si Danilo.

“Kumusta po ang lagay ni Inang? Pakitingnan rin nga ninyo si Elen,” wika nito.

Umupo sa gilid ng papag ang doktor at tiningnan ang lagay ng bata. Dumukot ng

papel sa bulsa ng amerikana. Isinulat ang reseta at pagkatapos ay isang dadaaning

piso ang inilabas sa pitaka at kasama ng resetang iniabot kay Ines.

“Ito’y utang ko kay Danilo. Huwag na ninyong tanggihan. Ibili ninyo ng gamot”,

binalingan si Danilo.

“Susunduin ko lamang si Mr. Edmund. At siya’y kasama kong babalik mamaya.”

ang wika ni Dr. Valdez habang inaayos ang kanyang mga gamit.

Nakaalis na ang doktor. Hindi makapaniwala si Ines sa perang nasa kamay.

Lalong nagbalik ang larawan ng kasaganaan sa kanyang isipan: ang libo-libong pisong

walang patumanggang winawaldas ng kanyang mga tagahanga kung sila’y nasa “good

time.”
Humarap siya sa kanyang asawa at minasdan ito na parang naghihintay ng

paliwanag. “Alam kong may ipinaglilihim ka sa akin. Ako’y asawa mo, kailangang

ipagtapat mo sa akin ang napag-usapan ninyo ni Doktor.”, mahinahong wika nito sa

asawa.

“Huwag mong isipin iyon ‘pagkat yaon ay isang panaginip na hindi kailanman

mangyayari.”, ang sagot ni Danilo. “Nais ng mga dati kong kaibigan sa negosyo na ako’y

sumama sa kanila.”, dagdag pa nito.

“Aba’y, ‘pag tinanggihan mo yon ay masasabi kong ulol ka!”, sagot agad ni Ines.

“Hindi mo nalalaman kung anong negosyo ang papasukin ko,” giit niya rito.

“Ang lahat ng negosyo’y mabuti. Ang pagyaman ay mula sa negosyo.”, sumabat

agad ni Ines sa asawa.

“Ang negosyo’y isang karangalan kung ito’y mabuti. Subalit kung ito’y kasumpa

sumpa, kung nakasisira sa ating bayan. . . ay huwag na lang!” makisig na sagot ni Danilo.

“Anong ibig mong sabihin?”, tanong ng asawa na may namumuong hinala sa isipan.

Sinasad ng ubo ang nasa kabilang silid, kasunod nito ang matining na ungol na tili hirap

na hirap sa paghinga ang matanda sa kabilang silid.

“Sa tuwirang pangungusap, ako’y hinahamong maging tagabenta ng bato. Alam

mo, Ines, maari kong pasukin ang pinakamasamang gawain alang-alang sa kapakanan ng

aking bayan, ng aking pamilya subalit ang makit ang kalagayan ng mga taong
mabibiktima nito’y di kayang dalhin ng aking konsensiya. Ayaw kong sa bawat gabing

pagtulog ay nakokonsensiya ako sa aking gawain.” paliwanag nito sa asawa.

“Bakit anong gawain ba ang pinasukan nina Doktor?” tanong pa nito.

“Nagpapasok ang mga dayuhan sa ating bansa ng ipinagbabawal na gamot. Sila

ang lumalamon sa ating mga bulag na kababayan na siyang nagbabagsak sa ating

gobyerno, kung hindi mapapangalagaan. Marami silang tauhan upang magbantay sa mga

taong tagapuslit ng ipinagbabawal na gamot. Isa nga rito si Doktor Valdez na ibig mong

makasama ko sa negosyo. Nais niyang magkalap pa kami ng ilang makakasama sa

pagbebenta. Iyon ang negosyong nais mong pasukin ko!”, pagpapaliwanag nito sa asawa.

“Hindi kita itinutulak sa sinasabi mong masamang negosyo. Subalit anong

kasamaan kaya ng pakikipagkalakalan sa mga pangkat na sinasabi mong kalaban ng

ating bayan kung pagtutubuan naman ng malaki? Para sa akin ang lahat ng negosyo ay

masama. Iya’y isang malinis na panloloko. Huwag mo sabihin sa aking may malinis na

trabaho o negosyo!”, pagpupumilit ni Ines.

“Subalit kakaiba ng negosyong ito. Para kang nagbili ng iyong sariling buhay.

Pinaghahandaan mo ng pamatay ang sambayanan.” singhal naman nito sa asawa.

“Ako’y nagtataka sa’yo. Nakapagsasalita ka pa ng ganyan, kamatayan? Ano ang

dahilan ng pagkamatay ng ating anak?” wika nitong napaiyak dahil sa kalagayan.


“Kung tayo’y may salapi marahil ay nabubuhay pa siya ngayon. Kung hindi sa Tiyo

Ismael ay hindi maililibing ng wasto ang kaawa-awang si Jun Jun. Hayan tignan mo si

Elen, inaapoy ng lagnat. Ang Nanay ay malubha rin ang kalagayan, paano maaaring

makapagpatuloy sa kanilang buhay kung hindi dahil sa salapi.”, ang pagmamaktol ni

Ines.

Hindi pa rin tumitinag si Danilo sa kinauupuang bangko. Gulong-gulo ang isipan

niya sa mga nangyayari sa kanyang pamilya.

“Sa itaas, ibaba, sa ating paligid tumingin ka at ikaw, kung may pandama at pag-

unawa, ay matatakot sa larawang iyan ng paghihikahos. Ang lahat ay malulunasan kung

ikaw lamang ay kikita ng salapi. At ito’y makukuha mo ayon kay Doktor, nang hindi ka

man lang maghihirap.”, pagdidiin ni Ines sa asawa.

Natigilan si Danilo. Naglalaro sa kanyang isipan ang kapangitan ng kanyang silid.

At titignan si Elen, hayun parang multong nakaratay dahil sa walang pagkakatinag na

pagkahiga. Parang martilyong pumupukpok sa dibdib ng paos na ubong nagmumula sa

kabilang silid na kinaroroonan ni Aling Belen, mga ubong pakiwari niya’y dahilan upang

unti-unting pangapusan ng lakas ang matanda. Naalala niya ang kanyang kahapon.

Hayun siya sa isang “air conditioned” na silid, na may tatlong kalihim. Naalala niya ang

kanilang mga lasingan at halakhakan. May hiwaga ang salapi. Totoong makapangyarihan

ang mayaman nabibili ang lahat, buhay man at kalayaan. Ngunit ‘di ang ‘dignidad’.
“Huwag mong sabihing ang pagiging makata mo ay makapagpapayaman sa iyo.

Ang pagtula’y kabaliwan.” bulyaw ni Ines sa asawa na may tinig na masamang masama

ang loob.

“Sinusugatan mo ang aking damdamin. Alam kong may katuwiran ka. Subalit

pabayaan mong ako’y makapag-isip,” sabi na lang nito dahil naaawa na siya sa asawa.

“Tignan mo na lamang ang perang ito. Pera! Pera ang makapagliligtas at

makapagpapaahon sa karalitaan,” sumbat ni Ines habang itinataas ang pera na tila

sinasamba’t dinadakila na siyang pinakamakapangyarihan sa lahat.

Hindi sumagot si Danilo. Tinitimbang niya ang mga damdaming nabubuo sa

kanyang dibdib. Gulo ang kanyang pag-iisip kayat mahirap makahanap ng tumpak na

kasagutan sa mga katanungan nito sa isipan.

Napaigtad na lamang siya ng malakas ng bumalibag ang pintuan ng lumabas si

Ines upang bumili ng gamot. Naririnig niya ang sunod-sunod na pag-ubo ng kanyang ina

na papalabas mula sa silid.

“Bakit kayo bumangon? Hindi kayo maaaring maglakd-lakad baka kayo mabuwal.

Mahina na ang inyong katawan.”, wika ni Danilo habang inaalalayan niya itong maupo sa

bangko.

“Anak, narinig ko ang pinagtatalunan niyo ni Ines. Tila nadaig ka sa katwiran ng

iyong asawa.” malungkot at maalumanay na wika ni Aling Belen.


“Inay, huwag ninyong intindihin ang bagay na iyon,” pang-aalo sa ina.

“Huwag mo na akong paglihiman anak, kahit hindi mo sinabi’y alam ko na ang

idinalaw ni Dr. Valdez na ‘yon. Anak, ang masasabi ko lamang ay mag-iingat ka. Huwag

mong isusuong ang iyong sarili sa anumang gawaing hindi wasto. Hindi baling mahirap

ang isang tao kung siya naman ay marangal.” payo ng ina sa kanya.

Nababanaag nilang may mga yabag na paparating kaya pumasok si Aling Belen

sa silid. Hindi na naabutan ng paparating nasi Ines. Si Danilo nama’y nakapanungaw na

naman sa palababaan ng bintana.

“Danilo, tulungan mo ako. Bigyan mo si Inay ng pagkain. Ang kutsara’y kunin mo

at nang mapainom ko si Elen ng gamot,” pag-uutos ni Ines. Bubuksan nito ang isang

balutan. Isang coleman ang tumambad at biglang nagliwanag ang buong kabahayan.

“Pati ba naman ‘coleman’ ay nabilo mo?”, pagtatakang wika ni Danilo.

Titignan siya ng nakatawang si Ines na buong pagmamalaking sinusugod ng

tanaw ang kabahayang lumulutang sa liwanag.

“Nang ako’y nasa botika, lumapit sa akin si Dr. Valdez na noo’y kausap ang isang

kaibigan. Iniabot sa akin ang ‘coleman’ na talagang dadalhin niya pala dito. Huwag daw

siyang pasalamatan dahil tumatanaw lamang siya ng utang na loob. Maya maya’y

nandiyan sila. At nais niyang malaman kung ikaw ay papayag sa inyong napag-usapan,”

habang ipinagpapatuloy ang pag-aayos sa mga grocery.


“Ines, hindi ka dapat nagsalita ng gayon. Wala akong sinasagi sa ‘yong ako’y

pumapayag. Ang pangako’y isang katuparan na. Huwag mo akong isubo!”, giit nito sa

asawa.

Pinagmasdan ni Ines ang asawang may pagtataka. “Ang lagay pala’y di ka

pumapayag ganon?”

“Hindi ka dapat makialam sa aming pinag-uusapan”, pagbibigay diin ni Danilo.

“Hindi ba ang sabi mo kanina’y may katwiran ako?”

“Hindi ko na napag-aaralan ng mabuti ang mga bagay-bagay”, giit nito. Ngunit

ang mukha’y nagbabadya ng tinitimping damdamin. Pinipigil lamang ang sarili na

madapuan ng palad ang asawa.

“Hindi mo na dapat suriin ng matagal ang pagdating ng kayamanan. Sunggaban

mo na agad at baka ito ang magtampo sa iyo. At katungkulan mong hanguin kami sa

karalitaan. At ang pagiging makata mo’y kalimutan mo na, ‘pagkat walang mabuting

dulot ito sa atin. Hindi mo ba napapansin lalo lamang tayong naghihirap mula nang

umpisahan mo ang gawaing iyan?” pagpapaliwanag ni Ines sa asawa.

Namayani ang katahimikan nang makarinig sila ng katok sa pintuan.

“Tao po.”

Binuksan ni Danilo ang pinto. Pumasok sina Dr. Valdez at Mr. Edmund.

“Tuloy kayo. Napadaan ka Mr. Edmund?”, magalang na tanong ni Danilo.


Umupo ang mga panauhin sa lumang bangko na gumigiray-giray at patuloy sa

pag-ingit dahil sa kalumaan na at hindi pa napapalitan.

“Dinaanan ako ni Doktor at mainam daw iyong magkapulong tayo.”, paliwanag

nito.

“Kumusta ang bata, Ines? Pinainom mo na ba ng gamot?”, tanong ni Dr. Valdez.

“Opo dok, maraming salamat po sa tulong niyo.”, magalang na tugon ni Ines.

“Ang ibig ng doktor ay pag-usapan natin kung saan-saan tayo nakatoka. Ako sa

bandang kabisayaan at ikaw naman sa gitna ng kamaynilaan ngunit marami kang kasama

doon para magsuply kung saka-sakaling maubusan ka man. Bawat galaw lamang ay

tiyakin sapagkat nagkalat ang tauhan ni General kung sino ang babaligtad sa grupo,

ang sinumang magbabalak ay . . . alam mo na kung ano ang mangyayari.” aniya nito.

“Paano ka nakapasok dito, pare,” usisa nito sa kaharap at pinagmasdang mabuti.

“Nakapasok ako sapagkat sa panahon ngayon, ang pagkita ng pera ay totoong

mahirap. Parang hagdan ang mga anak ko at ultimong ‘sandakot na lupang minana ko sa

aking mga magulang ay wala na. Ang isang anak kong lalaki’y nabilanggo dahil

napagbingtangang nagnakaw ng pera. Nangako naman si Doktor na ilalabas namin siya

bukas na bukas din. Totoo ang iyong sinabi ng minsang tayo ay nagkabalitaan na

“Poverty is a Crime”, kung gayon, anuman ang mangyari, kailangang tayo ay kumita ng

pera.”, malungkot na paliwanag nito kay Danilo.


Hindi nakakibo si Danilo. Matamang naghihintay naman si Ines sa sasabihin ng

asawa. Nakangiti naman ang manggagamot. Paminsan-minsan ay maririnig ang paos na

ubo ni Aling Belen- ang ubong parang kampana na babala sa pandinig ng anak.

“Bukas ang ating lakad. Kailangang maaga ka. Aasahan namin,” saad ni Mr.

Edmund na nangniningning ang mga mata.

“Tunay na malaking kapalaran ang ibinibigay sa akin. Nagpapasalamat. . . . .”

Isang malakas na ubo ang sumunod sa iba pang sasabihin ni Danilo, sumunod ang

mga yabag na papasok. Si Aling Belen iyon. Pilit na inihahakbang ang nanginginig na

tuhod. Sa bagong liwanag ng coleman ay malalantad ang tipong marangal na matanda,

ang tinig at tikas na animo’y dugong mahal na ibig papangitin ng kunot ng noo’t matang

malalim dahil sa taglay na karamdaman. Nakatingin sa anak at hinihintay ang karugtong

ng naputol na pangungusap nito. Inatake ng ubo at biglang napahandusay. Mabilis na

dinaluhan ni Danilo ang ina. Pinulsahan naman ito ng Doktor.

“Alalahanin mo ang kasiyahan ng iyong ama nang pumanaw, anak. Nais kong

baunin mo ang paniniwala ng iyong ama,” nanlupaypay na tugon ng matanda.

“Inay, maasahan ninyo,” naluluhang tugon ni Danilo.

Namayani ang nakatutuling na katahimikan. Maya maya’y makikitang nakangiti

si Aling Belen. Masagana ang pagdaloy ng luha ni Danilo at sa hindi mapigilang sama ng

loob ay napasigaw ng ubod ng lakas.


“Inayyyyyyy, maasahan ninyo. Maaasahan ninyo,” at tiningnan ng matalim ang

mga nakapaligid sa kanya. Ang nakaratay na anak ay nagising at tinanaw ang pagpanaw

ng lola nito. Sa pagkakaluhod ni Danilo’y nais niyang buhatin ang anak at iharap sa

bangkay ng ina.

“Ang lola mo’y pumanaw na. Subalit’ anak, nais kong marinig mo ang aking

pangako sa lola mo. Magtitiis akong maging maralita habang panahon kaysa sirain ko

naman ang aking dignidad at kinabukasan ng ating bayan.” iyon lamang at tuluyan na

itong napahagulgol.