You are on page 1of 2

Ang Batang Uod (Parabula)

Marco V. Javier

Sa kaharian ng Paroa ay naninirahan ang mga naggagandahang paruparo. Ang mga paruparo ay
nagtataglay ng makukulay at magagandang mga pakpak. Ngunit kaiba ito sa isang batang uod na
nagngangalang Mariposa. Si Mariposa ay walang kaibigan sa kanilang kaharian dahil iba siya sa
lahat ng naninirahan doon. Madalas tinutukso si Mariposa ng kanyang mga kauri.
“Pangit ka Mariposa! Hindi ka naman namin talaga kauri sapagkat wala kang magagandang mga
pakpak gaya ng sa amin”, sabi ni Insekta kay Mariposa.
Araw-araw na ganoon ang kanyang naririnig mula kay Insekta. Si Insekta ang itinuturing na
pinakamagandang paruparo sa kanilang kaharian.
“Bakit ganoon? Bakit nga ba ako iba sa kanilang lahat?”, malungkot na sambit ni Mariposa sa
kanyang sarili habang mag-isang binabagtas ang kaparangan.
Isang araw habang mag-isang namamahinga si Mariposa sa isang dahon ng gumamela nang
biglang napadaan ang magkakaibigang, sina Insekta, Nimfa, at Pieri. Pinagmamasdan niya ang
mga ito. Labis ang inggit na kanyang nararamdaman at kasabay nito ay ang pagtulo ng mga luha
sa kanyang mata. Tumungo siya sa kanyang Inay upang itanong ang dahilan ng kanyang pagiging
iba.
“Inay, bakit po iba ako sa inyong lahat? Bakit po walang akong mga pakpak kagaya ninyo?”, wika
ni Mariposa sa kanyang ina.
“Anak, lahat tayo ay may itinatagong ganda ngunit hindi mo pa pagkakataon ngayon. Lahat ng
bagay sa mundo ay may tamang panahon basta hintayin mo lamang ang sa iyo.”, ang sagot ng
kanyang ina.
Umalis si Mariposa habang malalim na iniisip ang sinambit ng kanyang ina.
Isang araw habang naglalaro at palipad-lipad sina Insekta at kanyang mga kaibigan sa kaparangan
ay napansin nila na ilang araw na nilang hindi nakikita si Mariposa. Hinahanap-hanap nila si
Mariposa sa bawat araw dahil nais nila itong inggitin at tuksuhin.
Makalipas ang ilang linggo ay may hindi kilalang napakagandang paruparo ang lumilipad sa
kaharian ng Paroa. Magiliw na nilapitan ito nina Insekta, Nimfa at Pieri para kaibiganin ang
nasabing paruparo at laking gulat nila na si Mariposa pala ang napakagandang paruparo.
Kababaang-loob nilang hiningi ang pagpapatawad ni Paroa dahil sa mga nagawa nilang panlalait
sa kanyang anyo at maluwag niya itong tinanggap. At doon napagtanto ni Mariposa ang payo sa
kanya ng kanyang ina.
Ang Kapirasong Tela (Dagli)
Marco V. Javier

Hindi pa sumisikat ang haring araw ay nag-aayos na ng kanyang mga ibebentang basahan si
Berting.
“Basahan kayo diyan! Bahasan! Kuya basahan po!”, ang sigaw ni Berting sa lansangan kasabay
ang mabilis na takbo ng mga sasakyan.
Isang araw iba ang pakiramdam ni Berting. Mabigat ang kanyang katawan at ayaw humiwalay sa
kanyang higaan ngunit naisip niyang kailangan pa rin niyang bumangon at magtrabaho para sa
kanyang ina. Mananahi ang kanyang ina ng basahan. Iyon lamang ang pinagkukunan nila sa pang-
araw-araw nilang gastusin.
Habang nakikipagsabayan si Berting sa mabilis na takbo ng mga sasakyan ay nakaramdam ito ng
pagkahilo. Kaya naman panandalian siyang tumabi sa kalsada at aksidente niyang nabunggo ang
isang matipunong lalaki.
“Pasensya na po!”, wika ni Berting sa matipunong lalaki.
“Hindi ka marunong mag-ingat! Hindi mo ba nakikitang nakaputi ako? Napakadungis mo pa!”,
sigaw ng lalaki kay Berting.
Mabilis na bumalik sa gitna ng kalsada si Berting at hindi na lamang pinansin ang lalaki dahil sa
pagnanais na mapaubos ang tindang basahan.
Maya-maya pa ay may narinig na isang lalaki si Berting na tila ba siya ang tinatawag at agad siyang
lumapit.
“Hoy bata ka! Nawawala ang aking pitaka! Ikaw lang ang naaalala kong bumunggo sa akin!
Magnanakaw ka ano? Ilabas mo ang pitaka ko!”
“Hindi po! Wala po akong kinuha sa inyo!”
Hindi naniwala ang lalaki kaya pinagbuhatan niya ito ng mabigat niyang mga kamay. Pilit na
nagmamakaawa si Berting ngunit hindi tumitigil ang matipunong lalaki sa pananakit sa kanya.
Damang-dama ni Berting ang bawat bigat ng kamao ng matipunong lalaki at ginamit niya ang
kapirasong tela upang punasan ang dugo sa kanyang mukha. Subalit hindi na niya ito kinaya kaya
pumakawala na siya sa kanyang katawan.
Lumakad na papalayo ang lalaki at pilit na inaayos ang kanyang pustura. Habang naglalakad siya
ay may isang batang babae ang lumapit sa kanya.
“Sir, kanina ko pa po kayo hinahabol pero nagmamadali po kasi kayo. Nahulog niyo po ang pitaka
niyo kanina!.”

You might also like