You are on page 1of 2

Huwag Matakot Sumugal

Sa loob ng dalawang dekada, makailang ulit ding pinagtangkaan ng mga nagdaang
administrasyon na magkaroon ng batas na magsusulong sa pagkakaroon ng National ID system,
subalit sa huli, lahat sila ay nabigo. Kaya naman maituturing ngang tagumpay ng
administrasyong Duterte ang pagsasabatas ng Philippine Identification System (PhilSys) na
inaasahang magdudulot ng maraming kapakinabangan sa mga mamamayan. Marami ang
nabuhayan ng loob nang dahil sa panukalang ito sapagkat hindi na nakatutuwa ang perwisyong
hatid ng mabagal na serbisyo ng gobyerno. Nararapat lamang na maipatupad na ang nasabing
panukala sa lalong madaling panahon nang sa gayon ay matuldukan na ang paghihirap ng mga
Pilipino sa bulok na sistema ng serbisyo na meron ang ating pamahalaan.
Ayon sa Republic Act 11055, ang Philippine Identification System Act ay magtatalaga ng
National ID system na tatawaging PhilSys, nilalayon nito na magkaroon ng pambansang
pagkakakilanlan ang mga mamamayang Pilipino at mga naninirahang banyaga. Pagsasama-
samahin nito ang lahat ng mga kinakailangang ID tulad ng SSS, GSIS, driver’s license, election
ID at marami pang iba. Kaya naman hindi na kakailanganin pa ng mga Pilipino na magbitbit ng
ibat-ibang uri ng ID, mapapabilis nito ang pakikipagtransaksiyon ng mga mamamayan sa
gobyerno man o pribadong serbisyo. Hindi natin maipagkakailang matagal nang kailangan ng
ating bansa ang batas na ito, ilang panahon na ring sumasakit ang ulo ng mga Pilipino sa
pagbabalik-balik sa mga ahensiya na inaabot ng buwan, taon kung mamalasin, ang
pagpoproseso nito sa mga dokumento, sa ngayon nang dahil sa PhilSys maiiwasan na ang mga
ganitong problema.
Sa katunayan, hindi lamang pagpapabilis sa serbisyo ng gobyerno ang maidudulot nito,
maaari ding magamit ang PhilSys na sandata panlaban sa kriminalidad at terorismo. Sa tulong ng
ID na ito madaling matutukoy ang pagkatao ng mga kawatan, hindi na sila ngayon basta-basta na
lamang makakalusot sa mga may awtoridad. Ayon nga kay Senator Panfilo Lacson,
mababawasan na ang problema ng bansa may kinalaman sa mga terorista at iba pang kalaban ng
gobyerno sapagkat sa tulong ng PhilSys matutukoy na ang tunay na pagkatao ng isa. Tiyak na
mas mapapanatag na sa ngayon ang kalooban ng mga mamamayan, sapagkat sa pamamagitan ng
PhilSys maiiwasan nang muling mapasailalim ang bansa sa madugong digmaan na dulot ng
tangkang pananakop ng mga terorista sa ating bansa kagaya ng nangyari sa Marawi na inabot pa
nga ng halos limang buwan.
Higit pa riyan, magiging kapakipakinabang din ang PhilSys sa panahon ng emerhensiya
sapagkat ang pagkakaroon ng sentralisadong datos ng ating pamahalaan sa mga nasasakupan nito
ay makatutulong ng malaki sa kanilang ginagawang mga hakbangin sa pagpapanatili ng
pampublikong kaligtasan. Bilang halimbawa, kapag may kumakalat na sakit sa bansa madaling
matutukoy ng pamahalaan ang mga taong posibleng nakahalubilo ng mamamayan na nagpositibo
rito. Ayon nga sa Department of Health (DOH) kung meron lang sanang national ID system
noong panahon na nakapasok ang Middle East respiratory syndrome (MERS) sa ating bansa mas
mabilis sanang mahahanap ang mga pasahero ng eroplano, na sinakyan ng Pilipinong nagkaroon
nito. Kung gayon, kapag muling napaharap ang ating bansa sa mga ganitong sitwasyon
maiiwasan na ang pagkakagulo ng mga mamamayan anupa’t madali na itong masosolusyonan ng
mga kinauukulan sa tulong ng isang ID.
Sa kabilang banda, matagal na panahon ding napuno ng kontrobersiya ang batas na ito,
ayon nga sa mga kritiko ng PhilSys, lalabagin nito ang ating karapatang pantao at mawawalan na
raw ang mga Pilipino ng privacy. May punto naman ang pinaglalaban ng mga kritiko nito posible
nga namang magamit ang impormasyon ng mga Pilipino sa maling paraan subalit hindi rin
naman natin pwedeng kalimutan nalang ng basta-basta ang mga pakinabang na ihahatid ng
PhilSys sa mga mamamayan. Tignan nalang natin ang halos lahat ng bansa sa buong mundo na
nagpapatupad nito sa kani-kanilang lugar, wala naman tayong nababalitaang problema bagkus
lubos pa nga nilang napakikinabangan ang mga benepisyong meron ito. Kung kaya,
nangangailangan lamang ang mga Pilipino na maglagak ng pagtitiwala sa pamahalaan nang sa
gayon ay matamasa nila ang napakaraming benepisyong mailalaan nito.
Kapansin-pansin nga na sa kabila ng mga kontrobersiya ng PhilSys mas madami pa ring
Pilipino ang pabor sa pagpapatupad nito sa Pilipinas. Lumalabas sa pinakabagong pagsisiyasat
ng Social Weather Stations (SWS) na pito sa sampung Pilipino ang naniniwala na maganda ang
maidudulot nito sa bansa. Malinaw, buong puso ang suportang inilalaan ng mga mamamayan sa
batas na ito kaya naman hindi ito dapat sayangin ng pamahalaan. Naararapat lamang nilang
siguruhin na lubusang mapapangalagaan ang mga personal na impormasyon ng mga Pilipino at
hindi mapepeke ang ID na ito. Tunay ngang ito na ang panahon upang ipakita ng pamahalaan sa
ating bansa kung gaano sila mapagkakatiwalaan ng mga mamamayang Pilipino.

Hindi nakapagtatakang isinabatas ni Pangulong Duterte ang PhilSys sa kabila ng mga
isyung ikinahaharap nito mula pa noon. Sulit nga naman kung susugal ang mga Pilipino sa batas
na ito dahil hindi biro ang mga kapakinabangang maidudulot nito sa atin. Sa tulong ng isang ID
mas mapapadali na ang buhay ng mga mamamayan sa maraming paraan sapagkat
masosolusyonan na ang problema ng taumbayan sa mabagal na serbisyo ng gobyerno,
mapipigilan ang pagkalat ng mga sakit at higit pa riyan masisigurado ang kaligtasan ng ating
bansa laban sa mga halang ang kaluluwa. Sa pantay na pagsisikap sa pagitan ng pamahalaan at
mga mamamayan tiyak na makakamit na ng bansa ang pagbabagong matagal na nitong inaasam.