You are on page 1of 270

Half Heart

by Kite Iris

Lungsod ng Baguio. Kilala bilang Summer Capital of the Philippines.


Magkakaibang lahi dito ay naninirahan. Mga tiga-ibang lugar dito dumadayo
upang magtapos ng kolehiyo sa mga pamantasan. Mapailokano man o Igorot, sa
lungsod na ito ay nagkakatuluyan. At kung sa malamig na lungsod na ito
nagsimula ang pag-iibigan, ito‟y magiging mainit at mahabang pagsasamahan.
Limang kalalakihan ang naglalakad pababa ng Session Road. Masaya
silang nag-uusap tungkol sa pinanood sa sinehan. Patungo ang grupo sa isang
kainan na naghahanda ng letsong manok na malapit sa Burnham Park. Sa daan
nagpahuli ang matalik na magkaibigan na Leon at Jean. Habang naglalakad ay
nag-uusap ang dalawa tungkol sa kanilang pinagkakaabalahan at nang malapit
na sila sa patutunguhan ay napansin ni Jean ang isang kulay pula na bagay at
hugis parihaba na nakakalat sa kalsada. May kadiliman ang nilalakaran nila kaya
nalaman lang nila kung ano ito nang kanila itong lapitan.
“Cellphone!” sabay napatawa si Jean na siyang pumulot nito.
“Makakapulot ka na nga lang ng cellphone lumang modelo pa,”
humahalakhak na wika ni Leon.
Lumingon-lingon ang dalawa sa paligid, nagbabakasakali na may taong
naghahanap ng kanilang napulot. Wala naman silang napansin na naghahanap
kaya tumuloy sila sa napagkasunduang lugar kung saan sila maghahapunan.
Umorder ng isang buong letsong manok ang isa sa mga kalalakihan at ng
maihanda ito sa kanilang mesa ay sinimulan nilang kumain.
“Sinong walang cellphone dyan? Baka kailangan niyo eto maski
limandaang piso na lang,” ani Jean habang pinapakita sa mga kaibigan ang
napulot na lumang modelo ng cellphone.
“Hahaha. Itinda mo sa mga bumibili ng second hand papatulan nila iyan,”
mungkahi ng isa sa kanila. Sumanga-ayon naman ang dalawa pa nilang kasama
at sabay sabi, “Ayos may pangshot na tayo!” Nagtawanan ang mga
magkakaibigan at inubos nila ang lahat ng inorder na pagkain.
“Jean tingnan mo nga kung may load yang sim nya. Wala akong load eh,”
pabirong utos ni Leon. Ginawa nga ito ng kaibigan at agad nitong binasa ang
reply sa kanyang balance inquiry.
“Uyy! P120.00 ang load!” tumatawang banggit ni Jean. Nagkasundo ang
mga magkakaibigan na paghati-hatian ang load sa pamamagitan ng pasaload
service. Parang mga bata ang limang binata na natutuwa sa ginagawa. Matapos
ang hatian ay nilisan nila ang lugar at naghintay ng taxi sa Harrison Road na
malapit lang sa kanilang pinanggalingan. Nagpaalam ang mga ito sa isa‟t-isa at
ang magkaibigang Jean at Leon ay nagpasyang gumala muna dala ng matagal
nilang di pagsasama. Nagkasundo sila na mag-one round muna ng beer sa
isang bar para makapagkwentuhan sila ng maayos. Umorder si Jean ng apat na
Red Horse 500ml sa waiter at mabilis naman itong nadala sa kanilang lamesa.
“One round ba ang tig-dalawang beer?” ngumingisi na tanong ni Leon.
“Kailan ba kasi may one round sa shot?”
Masayang nagkwentuhan ang dalawa habang inuubos ang laman ng mga
bote. Personal hanggang sa mga nasasaksihang pangyayari sa kanilang paligid
ang kanilang napag-usapan. Sa loob din ng bar ay madalas silang makakuha ng
atensyon lalo na si Jean na likas na palangiti. Matipuno ang katawan ni Jean at
katamtaman ang kanyang kulay, kulot ang buhok nito at madalas naka-gel ngunit
maayos tingnan. Ang kulang nga lang sa kanya ay ang tamang taas dahil sa siya
ay 5‟4” lamang. Sa kanyang harapan ay ang may katamtamang laki ng katawan
at tila may napakalakas na aura na nagsasabing lumayo ang sinuman sa kanya,
kaya maski may mga kababaihang gustong lumapit ay di nila magawa dahil
mukhang hindi madaling lapitan, ito naman si Leon. 5‟8” ito kaya ayos lang sa
taas at may kaputian ang kutis nito dahil nagmana siya sa kanyang ina na
madalas mapagkamalang Koreana. Hindi gaya kay Jean, si Leon ay madalang
ngumiti at wala ito gaanong interes sa kanyang paligid. Tila magkabaligtad mula
buhok hanggang paa pati na rin sa pananamit ngunit napakalayo ng narating ng
kanilang pagkakaibigan mula nang sila ay musmos pa lamang.
“Bakit pala di mo dala iyong kotse mo ngayon?” nagtatakang tanong ni
Leon.
“Code,” sagot ni Jean. “Eh ikaw bakit di mo dala „yong motorsiklo mo?”
tanong nito pabalik.
“Nakakahiya naman kasi na nakasakay ako tapos isa lang sa inyo
pasahero ko,” paliwanag ni Leon.
Paubos na ang kanilang iniinom nang may tumawag sa cellphone ni Leon.
Dinukot niya ito sa kaliwang bulsa ng kanyang maong na pantalon at nabasa sa
screen na nanay niya ang tumatawag. “Hello Ma.”
“Pauwi ka na ba?”
May kaingayan ang bar kaya di gaanong marinig ng binata ang mga
sumunod na sinabi ng ina. Nagpaalam ito sa kaibigan na lumabas muna
pansamantala para magkadinigan sila ng kinakausap sa cellphone. Pagkalabas
ay muli niyang tinanong ang sinabi ng ina para malinawan.
”Sabi ko nandito si Kyla. Kanina pa siya naghihintay baka may
kailangan siya sa iyo.”
Hindi agad sumagot si Leon at nag-isip muna ng sasabihin bago muling
umimik. “Ma pakisabi na lang po na baka hindi ako makakauwi ngayong gabi.
Makikigamit kasi ako ng computer kina Jean para sa thesis ko. Hindi pa po kasi
naaayos iyong sarili nating PC,” kasinungalingang pagdadahilan nito sa ina.
“O sige sabihin ko na lang sa kanya. Pero gabi na masyado kaya
ipapagamit ko na lang sa kanya ang silid mo ha.” Hindi tumutol ang binata
yaman rin lang nagsinungaling ito. Natapos din ang usapan at binalikan niya ang
kanyang kainuman.
“Ano sabi?” usisa ni Jean sa kababalik na kaibigan.
“Tinatanong kung pauwi na raw ako,” at muling itinagay nito ang iniinom.
Nagpatuloy ang dalawa sa pag-inom at pagkukwentuhan hanggang sa
tuluyan nila itong maubos.
“ Tara nang makapagpahinga na tayo.”
“Oo nga pala Jean, sa inyo ako makikitulog ngayong gabi.”
“Huh? Bakit anong meron sa bahay niyo?”
“May nakatulog kasi sa kuwarto ko ngayon,” paliwanag ni Leon.
“Hahaha. Transient ba iyong kuwarto mo?”
“Huwag ka na maraming tanong. Hindi ako pwede ngayon sa silid ko at
iyon na iyon.”
“Baka naman chicks iyong nakatulog sa silid mo ngayon, sayang naman
kung hindi mo tabihan,” muling biro ni Jean.
“Oo chicks nga kung gusto mo palit na lang muna tayo ng silid ngayong
gabi.”
Napaisip si Jean sa nawika ng kaibigan at may ideya na ito kung sino ang
nasa kuwarto ngayon ni Leon. Sigurado niya na ang dating nobya ng kaibigan
ang nasa silid ni Leon ngayong gabi. Sa tuwing naaalala ni Jean na hindi na
magkasintahan ang dalawa ay parang siya pa ang nasasayangan. Wala ng
hahanapin pa ang isang binata kung pangangatawan at pagmumukha lang ang
basehan pagdating kay Kyla at maliban pa sa taglay nitong makinis at maputing
kutis na nagdadagdag sa kanyang kagandahan ay walang nakita si Jean na
pangit na ugali nito. Kulang na lang ay siya na ang manligaw kay Kyla ngunit ang
masama nito ay mas matangkad ito ng kalahating pulgada sa kanya.
Sa huli ay nakituloy din ang binata sa bahay ng mapagbirong kaibigan.
Sampung kilometro ang layo mula sa kanilang kinaroroonan ang bahay nila Jean
sa may Wangal, Benguet. Mabuti na lang at 24 oras ang jeep patungo doon kaya
„di na kinailangan ng dalawa na umarkela ng taxi. Pagkauwi ay naabutan nila
ang halos kahawig na mas nakababatang kapatid ni Jean na naglalaro ng Play
Station 2.
“O Kuya Leon kumusta?” bati nito pagkapanhik nila ng bahay.
“Ayos lang. May kape ba tayo diyan?”
“Meron kuya, tinext sa akin ni kuya Jean na makikitulog ka raw ngayon
kaya ipinikuluan na kita ng tubig gaya ng dati.”
Nagpasalamat ang bisita at dumiretso ito sa kinalalagyan ng thermos at
nagtimpla ng kanyang kape. Animo‟y magkakapatid ang turingan ng tatlong
kalalakihan na mga ito. Matalik na magkaibigan ang kanilang mga ama at
madalas na nagbibisitahan ang mga ito sa bahay ng isa‟t-isa kaya nagsimula ang
kanilang samahan noong sila ay maliliit pa lamang. Sa kasalukuyan ay silang
magkapatid lang ang naninirahan sa bahay na kanilang kinaroroonan sapagkat
lumuwas patungong New York, U.S.A. ang kanilang ama at ilang taon lang ang
lumipas ay sumunod ang kanilang ina at doon na rin ipinagpatuloy ang kanilang
career. Ang ama ni Leon at ama ni Jean at June ay may isang partnership
business sa nasabing lungsod sa Amerika. Limang taon na rin silang nabubuhay
na malayo sa mga magulang at nasanay na ang mga ito.
Habang iniinom ni Leon ang kanyang kape ay abala naman si June sa
paglalaro ng PS 2. Si Jean ay dumiretso sa silid at matapos magpalit ng damit ay
lumabas ito at nagtimpla din ng sariling kape “Saan na pala iyong cellpone na
napulot mo kanina?” ani Leon.
“Cellphone?” sambit ng interesadong naglalaro ng PS 2 na kani-kanina
lang ay tila nasa ibang mundo. Ipinaliwanag ni Leon ang nangyari at naging mas
interasado ang nagtatanong na binata. Ngunit nang kinuha ng kuya ang pinag-
uusapang cellphone ay halata ang pagkadismaya nito. Halos wala na kasi
gumagamit sa modelo ng cellphone na iyon at hindi na masyadong
mapapakinabangan.
“Asa ka pa!” natatawa na nasabi ni Jean sa kapatid. Pinindot-pindot ni
June ang cellphone at pinagbabasa ang mga messages na nakalagay dito. May
nabasa siyang mga mensahe na di pa nabubuksan at pawang mga mensahe ito
ng nobya ng nagmamay-ari ng napulot na cellphone. Napuna din ng binata na
halos kababaihan lang ang mga numero na nasa phone book nito. Nag balance
inquiry ito at napag-alaman na naka-unlimited service ang sim kaya hiniram niya
muna ito sa kanyang kuya at sinimulan niyang pagtripan ang mga numerong
nakapaloob sa phone book. Ang dalawa naman ay nahiga na at namahinga.
Dadalawa lang ang silid kaya si Leon ay sa sofa na natulog.
Nagambala si Leon sa pagkakatulog dahil sa hindi mapakali si June at
animo‟y natataranta habang may kinakausap sa cellphone. Sa ilang sandali ay
ibinaba nito ang cellphone at nanatiling tuliro. Nagtaka si Leon kaya siya ay
bumangon. “Bakit parang problemado ka sa nakausap mo?”
Nagulat si June sa boses na narinig mula sa kanyang likuran at agad itong
lumingon kay Leon. “Walang hiya minalas ako.”
“Minalas?” nagtatakang tanong ng nagambala.
“Pinagtetext ko kasi mga babaeng nandito sa cellphone na ito at iyong
isang natext ko may asawa pala. Kung anu-ano ang mga pinagsesend ko tapos
asawa pala niya may hawak ng cellphone,” paliwanang ni June.
“Kung anu-ano? Hahaha. Naghahanap ka ba ng ka SEB o SOT sa mga
nakalista dyan?”
“Parang gano‟n na nga,” pautal na pag-amin ni June.
Napahalakhak si Leon sa pinaggagawa ni June ngunit nagtataka pa rin ito
kung bakit ganoon na lang ang pagkataranta nito. “Anong sabi ng asawa niya sa
iyo?” muling tanong ni Leon.
“Iyong babae mismo ang tumawag kuya pero ibang numero ang ginamit.
Akala niya ako iyong boyfriend ng kaibigan niya na totoong nagmamay-ari ng
cellphone na ito,” sagot ni June na hindi pa rin mapakali.
“Oh. Eh bakit masyado ka yatang natataranta?”
Muli sanang magpapaliwanag si June tungkol sa nangyari nang muling
may tumawag sa cellphone na napulot ni Jean. “Kuya ikaw na lang sumagot,”
sabay pulot at hagis nito sa cellphone kay Leon.
Sinalo ito ng binata at dahil sa wala siyang kaalam-alam tungkol sa
nangyayari ay agad naman niya itong sinagot. “Hello!” may pagkamasiyahing
bati ni Leon sa tumawag.
“Ano iyong sinabi mo kanina? Hindi ko maintindihan!” galit na tanong ng
babae sa kabilang linya at ang tinig nito ay parang may kinatatakutan.
“Sinabi ko kanina?” tanong ni Leon sabay tingin kay June.
“Ewan ko sa iyo! Alam mo naman na may asawa ako bakit kung anu-
anong mga kabastusan ang pinagsesend mo sa akin tuloy akala ng mister ko
nanlalalake ako!” palahaw na paliwanag ng babaeng kausap.
Napakunot ng noo si Leon sa narinig at siya na rin ngayon ang napaisip
kung ano ang dapat niyang gawin o sasabihin man lang bilang paliwanag. “Di ko
lubos maisip na ikaw pa na boyfriend ng bestfriend ko ang sisira sa samahan
naming mag-asawa! Makakaabot ito sa girlfriend mo, ganyan ka pala,
MANYAKIS!” bulyaw ulit ng babaeng kausap.
Naisip na lang ni Leon kung bakit siya na walang kinalaman sa nangyari
ang tumatanggap ng mga mararahas na salita ng galit na galit na kausap.
Liningon niya muli si June at animo‟y kutsilyo ang kanyang hintuturo na inihiwa
niya sa kanyang leeg bilang senyales kay June na malilintikan ito sa kanya
mamaya. Ilang saglit pa ay malakas na pagsisigaw ng isang lalaki ang narinig ni
Leon mula sa cellphone. Nasundan ito ng dalawang sunod na pagputok ng baril
at napahiyaw ang babaeng kausap. Halos mabingi si Leon sa paghiyaw na iyon
at mas lalo itong naguluhan sa kung ano na ang nangyayari. Muli niyang narinig
ang sumisigaw na lalake at tila hinahanap nito ang babaeng nagngangalang
Marian at pinagmumura. Ngayon ay si Leon na ang natataranta sa mga naririnig.
Hindi niya inakala na ganito kaseryoso ang gulo na nasimulan ni June. Naririnig
niya ang takot na takot na babae na kanina lang ay kausap niya. Marahil sa
sobrang takot ay nakalimutan nitong ibaba ang phone call at may isang babae
itong kausap.
“Marian huwag ka maingay baka marinig tayo ng asawa mo!” narinig ni
Leon mula sa cellphone. Ikatlong pagputok ng baril ang narinig ni Leon kasunod
nito ang tunog ng bumagsak na katawan sa sahig. Nangamba ang binata na
marahil ay nabaril ang babaeng nagngangalang Marian na siya niyang kausap
kanina.
“Hello! Hello!” medyo pinagpapawisang wika ni Leon ng may kalakasan.
Hindi sumasagot ang kabilang linya ngunit naririnig pa rin ni Leon ang boses ng
isang babae.
“Marian! Marian! Gumising ka diyan, anong nangyari sa iyo?” Matapos
marinig ang linyang ito ay naputol ang tawag. Dahan-dahan na ibinaba ni Leon
ang cellphone mula sa kanyang tainga at naguguluhan sa mga nangyari.
Lumabas naman mula sa kanyang silid si Jean dahil sa ingay na narinig mula sa
sala.
“Anong nangyayari?” tanong ng kagigising na binata. Nakatitig lang sa
isa‟t-isa sina Leon at June at parang walang narinig na Jean. Mas nagtaka ang
nabulabog sa pagkakatulog at pumagitna sa dalawa at salitan silang
pinagtitingnan.
“Sa tingin mo kaninong kasalanan ito?” tanong ni Leon na nananatili pa
ring parang estatwa na nakatayo at diretso ang titig sa nakaupong June.
Napakamot ng ulo si Jean at si June ay nagsimulang manginig.
“Teka ano ba talaga ang nangyayari? Pakilinaw nga sa akin!” pakiusap ni
Jean. Habang nakatitig pa rin kay June ay ibinahagi ni Leon ang detalye ng
pangyayari sa bagong gising. Halos hindi rin makapaniwala si Jean sa narinig na
kuwento mula kay Leon at ngayon silang tatlo ay pare-parehong naguguluhan.
“Kung gano‟n nabaril ang nagngangalang Marian?” pang-aalam ni Jean. Hindi
makasagot ang dalawa at ang naisip na lang ng mga ito ay marahil patay na ang
babaeng nagngangalang Marian. Nilapitan ni Jean ang kapatid at kinuwelyo
patayo. “Paano mo pananagutan ang nangyaring ito?” galit na tanong ni Jean sa
kapatid.
Muling tumunog ang cellphone na hawak ni Leon at napatingin ang
magkapatid. Agad itinapat ni Leon ang cellphone sa kanyang tainga na hindi pa
tinitingnan ang screen nito. “Hello.” Walang sumasagot mula sa kabilang linya
kaya naman paulit-ulit na binigkas ng binata ang katagang ingles na hello. Nang
wala pa rin sumasagot ay tiningnan ni Leon ang screen ng cellphone. “Lang hiya
text message lang pala akala ko tawag!” Kung tutuusin kung normal ang
sitwasyon at nangyari ang ganito ay natural lang na mapapatawa silang tatlo
subalit di man lang nila magawang tumawa sa pag-aakala ni Leon na phone call
ang text message. Binuksan ng binata ang bagong mensahe at binasa.
“Pakisend nga sa akin number ng girlfriend mo para doon muna ako sa
kanila makikitulog ngayong gabi,” ayon sa message at may nakasaad na
pangalang Marian.
Animo‟y natanggalan ng tinik sa lalamunan si Leon sa kanyang nabasa at
ibinigay ang hawak na cellphone sa magkapatid. Nakahinga rin ng maayos ang
magkapatid matapos sabay na basahin ang mensahe at nang mapansin ni Jean
na napangiti si June ay agad niya itong sinapok sa ulo. Napaaray ito at agad
hinawakan ang sinapok ng kuya at hinaplos-haplos pa niya ito ngunit hindi
naman siya umangal.
“Alam mo ba kung alin diyan ang number ng girlfriend ng may ari ng
cellphone?” tanong ni Leon kay June.
“May nagtext kanina kuya na halatang girlfriend niya, Remz iyong
pangalan.”
“Ibig sabihin na good time mo rin siya?”
Hindi makasagot si June kaya ngayon naman ay malakas na pinitik ni
Jean ang kanyang noo.
“Hayaan mo na, ang mahalaga ngayon ay ang kaligtasan ng Marian na
ito,” ani Leon. Kinuha pabalik ni Leon ang cellphone at ifinorward ang number na
gamit ni Marian sa nagngangalang Remz at sinundan niya ng mensahe na
nagsasabing makikitulog ang kaibigan nitong si Marian sa kanilang bahay.
Ifinorward din ng binata ang number ni Remz sa number na gamit ni Marian. Si
Jean ay bumalik sa kanyang silid at muling natulog. Humingi ng paumanhin kay
Leon si June at pumanhik na rin sa kanyang silid para matulog. Ibinaba na lang
ni Leon ang cellphone sa lamesa na katabi ng sofa na kanyang kinahihigaan.
Matutulog na ulit sana siya nang muli niyang marinig ang message alert tone ng
cellphone. Binasa niya ang bagong mensahe at naguluhan.
“Wala akong kakilalang Marian. At ano itong mga pinagsesend mo sa
akin? Sino ka ba? Hindi ganyan magtext ang boyfriend ko,” saad ng binasa.
Iniisip pa rin ni Leon ang kalagayan ng babaeng nagngangalang Marian
kaya napilitian siya na magreply dito. Ipinaliwanag niya na napulot lang nila
kanina ni Jean ang cellphone na gamit niya ngayon at inamin niya na hindi siya
ang nobyo nito. Nalinawan naman ang dalaga sa paliwanag ngunit naguguluhan
pa rin ito sa Marian na nabanggit ni Leon. Nagpaliwanag din ang katext at
umamin na siya nga ang nobya ng may ari ng cellphone subalit wala siyang
kakilalang Marian at siya ngayon ay nasa probinsiya ng Nueva Viscaya at ang
nobyo niya ang nandito sa Baguio. Nagtaka ulit si Leon sa nabasa at marahil sa
sobrang kagustuhan niya na makapagpahinga na ay nairita na ito at hindi na niya
pinag-isipan pa ang susunod na itetext. “Sino ba talaga ang girlfriend ng may-ari
ng cellphone na ito?”
“Huh? Anong ibig mong sabihin? May ibang girlfriend dyan ang boyfriend
ko?” reply ng dalagang nagngangalang Remz.
Natanto lang ni Leon ang kanyang nagawa nang mabasa niya ang reply
ng dalaga. Naisip niyang hindi na dapat siya nakialam sa mga ganoon na bagay
lalo na at di naman niya kakilala ang mga ito. Subalit nangyari na ang nangyari at
naisip niya na matulog na lang na hindi pa nirereplayan ang tanong ng dalaga.
Muling tumunog ang cellphone pero hindi ito iniinda ng binata. Pinabayaan lang
niya ito na tumunog ng tumunog at pilit kinuha ang kanyang tulog. Maya‟t-maya
ay tawag na ang kanyang naririnig kaya napilitan na siya na pulutin ito at sagutin.
“Ano iyong sinasabi mo kanina? May girlfriend ba dyan ang BF ko?”
tanong agad ng dalaga na parang nahihirapan magsalita.
Napaisip naman si Leon bago sumagot, “Sa kasamaang palad meron
nga.”
“Paano mo naman mapapatunayan?”
“Hindi ko alam basta kung hawak mo itong cellphone ng boyfriend mo
ngayon nandito na lahat ng kasagutan,” sagot ni Leon.
Kinulit-kulit siya ng dalaga at nagtanung-tanong pa ng tungkol sa nalaman
ni Leon mula sa mga mensahe na nabasa niya sa inbox ng cellphone na hawak
niya ngayon. Ayaw na niya sanang makialam pa pero naisip na lang niya na
kailangan ng dalaga ang kalinawan sa mga nangyayari. Dahil sa kakulitan nito ay
ifinorward ni Leon ang ilan sa mga mensaheng nasa inbox ng cellphone na
napulot nila matapos ibaba ng dalaga ang tawag. Isinali na rin niya ang mga
mensahe na ipinadala ni Marian kanina na hindi pa nabubura. Ang mga iyon ay
sapat na para maniwala ang dalaga sa pagiging balasubas ng kanyang nobyo.
Muling kinuha ni Leon ang kanyang tulog subalit pagkalipas lang ng ilang minuto
ay muli na namang tumunog ang cellphone. Pinulot niya ito at inilagay sa silent
mode para hindi na siya madistorbo. Maya‟t-maya ay nakarinig siya ng isang
bagay na bumagsak sa sahig malapit sa kanya. Agad niyang hinanap sa sahig
kung ano ang nalaglag at napag-alamang ito‟y walang iba kundi ang cellphone.
Dahil sa sunud-sunod na pagtanggap nito ng messages ay nagvibrate ito ng
nagvibrate hanggang sa malaglag ito mula sa lamesang salamin.
Pinulot ito ni Leon at nabasa na wala na itong lugar para sa mga bagong
mensahe. May pagkairita man ang binata ay binasa pa rin niya ang mga
mensahe na lahat ay galing kay Remz. Sa tuwing magbubura siya ng mensahe
ay may bago agad siya na natatanggap na galing din umano sa parehong tao.
Malulungkot ang mga mensahe na kanyang nabasa. Sa mga mensahe pa lang
ay naaaninag na ni Leon lubos na nasaktan si Remz sa kanyang nalaman.
Umiral ang awa at kagustuhang makatulong na pagkatao ni Leon. Naalala niya
na may sarili din siyang karanasan na tugma sa ganitong bagay kaya naman
nagsilbi siyang kausap ni Remz sa pamamagitan ng pagtetextan. Kinailangan ni
Remz ang makakausap sa mga oras na iyon upang mailabas ang kanyang sama
ng loob sa panloloko ng nobyo. Hindi na natulog pa ang binata hanggang sa
sumikat na ang araw. Patuloy niyang pinapagaan ang kalooban ng di personal
na kakilalang dalaga. Pinakinggan niya ang mga kuwento nito at nagbitiw din
siya ng kaunting payo. Ang kanilang mahabang usapan ay sa pamamagitan lang
ng text messages subalit pakiramdam nila ay personal silang nag-uusap na para
bang ang lapit ng Baguio sa Nueva Viscaya.
Sa huli ay hiniling ni Remz na kung puwede ay ibalik ni Leon ang napulot
nilang cellphone sa kanyang boyfriend upang makapag-usap sila ng maayos. At
para may ebidensiya laban sa kanyang boyfriend ay hiningi ni Remz ang number
ng kalaguyo nito sa Baguio. Ifinorward naman ito ng binata at tinanong ang
pangalan at address ng nobyo ng dalaga para alam niya kung kanino at kung
saan niya ibabalik ang cellphone. Ika-siyam na ng umaga nang humintong
magtext si Remz. Hindi pa rin nagigising ang magkapatid kaya sa wakas ay
nakatulog rin si Leon.
Lumipas ang tatlong oras ay ginising ni Jean ang halos walang tulog na
kaibigan. Nahihirapan pa itong idilat ang kanyang mga mata at napatingin siya sa
orasan. “Tanghalian na, kain na muna tayo,” anyaya ni Jean.
Nanghihinang bumangon si Leon at nag-inat-inat. Tumungo agad ito sa
palikuran at maayos na naghugas ng kanyang mga kamay. Matapos kumuha ng
kakainin ang magkapatid ay sumunod siya at sabay-sabay silang kumain.
“Leon paano ka pala papasok sa pamantasan niyan? Pareho ang damit
mo kahapon?” tumatawang paalala ni Jean.
“Ayos lang iyan iba naman mga kaklase ko kahapon,” pabirong tugon nito.
Matapos kumain ang tatlong kalalakihan ay nagsipaghanda na sila sa
kani-kanilang lakad. Si Jean ay pupunta sa kanyang trabaho bilang Lay-out Artist
at Video Editor ng pinakamalaking Networking Company sa Lungsod ng Baguio.
Si June at Leon ay papasok sa kani-kanilang mga klase. Kumukuha ng Nursing
si June sa Pines City College at si Leon naman ay ipinagpapatuloy kanyang
kurso na AB Political Science sa Saint Louis University na matagal na sana
niyang natapos kung hindi siya huminto sa pag-aaral.
Nauna nang naligo si Leon habang si June ay kumakain pa rin at si Jean
naman ay namamalantsa pa ng kanyang isusuot. Matapos maligo ay isinuot ni
Leon ang perehong pares ng damit na suot kahapon.
“ Leon binaligtad mo ba ang brief mo?” pabirong tanong ni Jean.
“Shut up!”
Habang hinihintay ang dalawang magkapatid na makapaghanda ay
muling tumawag si Remz sa cellphone ng kanyang boyfriend. Pinulot ito ni Leon
at sinagot. “O napatawag ka. Pasensya na palabas pa lang kami kaya hindi ko
pa naisasauli itong cellphone sa boyfriend mo.”
“Ok lang. Alam ko naman na hindi mo pa naibabalik. Nakapag-usap din
kami ng boyfriend ko kanina gamit niya cellphone ng katrabaho niya kaso saglit
lang,” hayag ng dalaga. Hindi pa nagtatanong si Leon kung ano ang nangyari sa
kanilang usapan ay nagkuwento na kaagad si Remz. “Nagdedeny siya kaya
inaway ko. Eh umamin na nga iyong kalaguyo niya na boyfriend niya siya,” inis
na inis na pagbabahagi nito.
Nagkaroon ng kaunting katahimikan bago muling nagsalita ang binata.
“Kumusta naman pakiramdam mo?”
“Di pa rin ako makapaniwala na lolokohin niya ako ng ganito. Wala pa ako
narereview para sa exam ko mamaya gusto ko ng magwala,” naiiyak na tugon ng
binibini.
Pagkarinig pa lang ni Leon sa salitang exam ay naalala niya na may
mahaba din siyang pagsusulit ngayong araw sa dalawa niyang subjects.
Liningon niya ang orasan at lagpas ala-una na ng hapon. Ang una niyang
pagsusulit ay sa alas-dos at ang pangalawa ay sa kasunod din na oras. “Buti
napaalala mo. Pati pala ako may quiz din mamaya.”
“Hala! Eh di hindi ka na nakapagbasa?” may pag-aalalang tanong ng
kausap.
“Ayos lang wala din naman ako babasahin wala iyong mga kuwaderno ko
sa akin at nasa bahay lahat.”
Tinawanan na lang siya nito at humingi na rin ito ng dispensa dahil
pakiramdam niya ay nakadistorbo siya kay Leon. Sa wakas ay lumabas din si
Jean sa banyo at nakita niya si Leon na may kinakausap sa cellphone na
kanyang napulot. “Huwag ka maniwala dyan! Binobola ka lang niyan!” sadyang
pasigaw na wika ni Jean upang marinig ng nasa kabilang linya.
“Ano daw iyon?” tanong ni Remz.
“Wala iyon, nagpapaepal lang,” paliwanag ni Leon.
“Hoooo!! I love you!” muling palahaw na dagdag ni Jean.
“Shut up!” sambit ng binibiro.
“Huh?”
“Ahhh sorry hindi ikaw pinagsabihan ko kundi doon sa epal,” muling
paliwanag ng binata sa kausap.
“Ewan ko sa inyo.”
Nagtawanan na lang sila at nakiusap muli si Remz na ibalik ni Leon ang
cellphone ng kanyang boyfriend. Muli rin itong nagpasalamat sa kabaitan ng
binata at ibinaba ang tawag na umabot sa anim na minuto. Di nagtagal at nagtext
ang may-ari ng cellphone at nagpakilala ito bilang si Leonardo, ang boyfriend ni
Remz. Nagkasundo sila ni Leon na sa Metrobank Magsaysay Branch na lang
magkita. Dito rin mismo nagtatrabaho bilang Security Guard ang lalaking two-
timer o di kaya‟y multi-timer.
Sabay-sabay na silang tatlo na nagtungo papuntang Baguio gamit ang
kotse ni Jean. Sa bandang KM 6 pa lang ng La Trinidad, Benguet ay mabigat na
ang traffic kaya alanganin na ang dalawang mag-aaral na makarating sa tamang
oras ng pagpasok sa kani-kanilang mga klase. Wala namang kaproble-problema
ang nagmamaneho na si Jean sapagkat anumang oras ay puwede siyang
pumasok sa opisina. Ang mahalaga lang ay matapos niya ang kanyang mga
ginagawa na videos at lay-outs bago ang nakatakdang palugit. Narating nila ang
Magsaysay Road at si June ay bumaba sa tapat ng flyover at nagmadaling
tumakbo patungo ng pamantasan na malapit lang sa pinagbabahan. Si Leon
naman ay bumaba sa tapat ng Center Mall at nagpasalamat sa paghahatid ng
kaibigan.
Dumiretso na patungong Session Road si Jean at si Leon ay napatingin
sa oras ng kanyang sariling cellphone. Sampung minuto na siyang huli para sa
una niyang klase ngayong hapon. Humigit kumulang dalawan‟-daang metro ang
layo ng Saint Louis University sa kanyang kinatatayuan at gano‟n din ang layo ng
Metro Bank Magsaysay Branch. Kung uunahin pa niya na ibalik ang cellphone
ayon sa kanilang pinagkasunduan ay tiyak na mahuhuli na siya sa labinlimang
minuto na palugit. At bilang patakaran ng kanilang pamantasan ang mag-aaral
na nahuli ng labinlimang minuto pataas ay maililista na absent sa araw na iyon.
Nagmadali na lang ang binata patungo ng pamantasan at nagpasya na mamaya
na lang niya ibabalik ang cellphone. Mas mahalaga para sa kanya ang pagsusulit
at limang minuto pa ay hindi na niya ito makukuha at magiging unexcused pa
ang dahilan kaya walang pag-asa para sa tinatawag na special quiz. Tumakbo
siya hanggang sa maabot niya ang main gate ng Saint Louis University. Agad
niya rin isinuot ang kanyang ID para ipakita sa guwardiya at muli siyang tumakbo
paakyat ng mga hagdanan hanggang sa marating niya ang silid na papasukan
sa ikalimang palapag ng Diego Silang Building. Pagkapasok niya ay yumuko siya
ng isang beses sa kanyang guro bilang pagbati at pagpapaumanhin na rin sa
kanyang pagkahuli. Buti na lang at hindi siya nahuli ng labinlimang minuto kaya
hinayaan siya ng guro na kunin ang pagsusulit ngayong araw. Pagkabalik niya
sa kanyang upuan ay mabilis niyang sinagutan ang mga tanong dahil kapos na
siya sa oras. Nagawa naman niyang sagutin lahat ang mga katanungan at
gano‟n din sa pagsusulit nila sa kanyang sumunod na klase. Wala man siyang
nareview subalit lubhang napakasuwerte niya at madali ang mga pagsusulit.
Ika-apat na ng hapon nang maalala niya na may seminar pa pala na dapat
nilang salihan na mga estudyante ng Political Science. Ito ay naaayon sa
kanyang Thesis Writing na subject. Magsisimula ito ng 4:00 P.M. at matatapos
ito sa loob ng tatlong oras. Dinukot niya sa kanyang bulsa ang cellphone na
dapat niyang ibalik at ipinaliwanag niya ang sitwasyon sa may-ari nito na
nakikigamit ngayon ng ibang cellphone at numero mula sa kanyang kakilala at
katrabaho sa banko. Sinabi niya dito na mamaya na lang sila magkita at hindi
niya sinasadya ang nangyari. Wala na rin lugar para sa mga bagong messages
pero hindi na ito pinansin pa ni Leon. Dumiretso agad siya sa silid na
pagdarausan ng seminar at eksakto na kasisimula lang nito. Naghanap agad
siya ng mauupuhan at nakinig sa tagapagsalita.
Natapos ang mahabang seminar at muli niyang dinukot ang dapat isasaoli
na cellphone. Binuksan nya ang mga bagong mensahe dito na galing kay
Leonardo at Remz at matapos bahasahin ang bawat isa ay diretso niya itong
binubura para makapasok ang mga iba. Isang text message mula kay Leonardo
ang hindi niya nagustuhan at ito ay nagsasabing: “Pare nasaan ka na? Nandito
pa rin ako sa Metro Bank. Kung hindi mo na ibabalik iyang cellphone ko pakisend
na lang sa number na gamit ko ngayon ang number nila Gem at Len.” Bigla na
lang nairita si Leon sa kanyang nabasa. Dinadamayan niya si Remz sa nangyari
ngunit pawang tinatarantado siya ng boyfriend nito. Ang dalawang pangalan na
nabanggit ni Leonardo ay ang dalawa nitong kinakalaguyo.
Umiral ang pagkaasiwa ni Leon sa mga taong nangangaliwa. Matagal-
tagal na rin na malalim ang galit niya sa mga ganitong uri ng tao. Pinalagpas
lang niya si Leonardo noong una dahil hindi naman niya personal na kakilala ang
magkasintahan. Subalit dahil sa huling text message na nabasa ay nag-iba ang
kanyang desisyon at tila nais na niyang makialam. Sinimulan niyang maglakad
patungo sa bangko kung saan sila magkikita. Habang naglalakad ay naalala niya
ang isang pangyayari na hindi pa rin niya makalimutan halos tatlong taon na ang
nakalipas.
Magdadalawampung-taong gulang na si Leon nang magtapos ang
kanyang Ate Sophia sa kursong Accountancy sa edad na 22. Masayang-masaya
si Sophia sa kanyang natapos at mas lalo pa itong nasisiyahan sa tuwing
nakakasama niya ang kanyang nobyo. Hindi naipagpatuloy ng nobyo nito ang
kanyang pag-aaral at naghanap ng mapapasukan sa kanilang probinsiya.
Magkalayo man sila at madalang magsama ay hindi naman naging mahirap para
kay Sophia na mahalin ang lalake na para bang nag-iisa ito sa mundo.
Ngunit isang araw ay may balitang nakaabot kay Sophia at ito‟y
nakagambala ng husto sa kanya. “Sophia kalmado ka lang ha. Kasi may
ibabalita ako sa iyo tungkol sa boyfriend mo,” nag-aalanganing wika ng kaibigan
nito.
“Ano naman ang tungkol sa boyfriend ko?” nagtatakang usisa ng dalaga.
“Alam mo kasi nakita ko siya na nakikipaglampungan sa isang babae
noong sumama ako kay Janice na kaibigan ko na tiga-Nueva Viscaya rin.”
“Huh? Sigurado ka bang siya iyong nakita mo? Sino naman iyong babae?”
“Oo sigurado akong siya pero hindi ko alam kung sino iyong kasama
niya.”
Hindi malaman ni Sophia kung ano ang iisipin o dapat gawin sa naibalita
ng kaibigan. Ayaw niya sana itong paniwalaan subalit ang nagsabi ay isa sa mga
matatalik niyang kaibigan mula pagkabata. Nagpasya na lang siya na bisitahin
ang boyfriend sa kanilang bahay sa probinsiya. Narating niya ang bahay ng
boyfriend sa Nueva Viscaya at pansin nito na parang walang tao. Sinubukan pa
rin niyang kumatok ng ilang beses sa pintuan. Habang paulit-ulit na kumakatok
ay pabilis naman ng pabilis ang pagtibok ng kanyang puso at hindi rin niya alam
ang sasabihin niya kung sakaling ang nobyo niya mismo ang magbubukas ng
pinto.
Matapos ang paulit-ulit at palakas ng palakas niyang pagkatok ay may
nagbukas din sa wakas ng pintuan. Ang nagbukas ng pinto ay walang iba kundi
ang kanyang boyfriend na gulat na gulat nang siya ay makita. Nagtaka ang
dalaga kung bakit short pants lang ang suot nito at nanlalagkit sa pawis. “Anong
ginagawa mo dito?” tanong ng lalake sa nobya.
Mas lalong nagtaka ang dalaga sa naitanong ng nobyo at napansin din
niya ang pagkataranta nito. Palingon-lingon din ito sa nakabukas niyang silid at
naisip ni Sophia na marahil may itinatago siya doon. Lumakas ang kutob ng
dalaga na mayroon talagang itinatago ang kanyang boyfriend sa nakabukas pa
na silid. Itinulak niya paalis sa kanyang daraanan ang lalake at nagmadaling
nagtungo sa kuwarto para tingnan. Sinubukan siyang pigilan ng nobyo pero
nagawa niya na mapabitiw ito. Sa silid ay hindi siya makaimik sa nadiskubre.
Isang babaeng hubo‟t-hubad ang biglang bumalot ng kumot sa kanyang katawan
nang mapansin nito si Sophia. Nababakas sa mukha ng babae na wala itong
kaalam-alam sa nangyayari at kung sino ang babae na nasa kanyang harapan.
Inirapan ni Sophia ang nobyo ng may katagalan habang kagat-kagat nito ang
kanyang labi. Nagmadaling umalis ang dalaga palabas ng bahay at muli na
naman siyang sinubukang pigilan ng lalake. Pagkahawak ng lalake sa kanyang
braso ay sinalubong agad ng kaliwang pisngi nito ang isang napakalakas na
sampal. Napakaingay ng tunog ng sampal na iyon at napahawak agad ang
lalake sa kanyang pisngi na tinamaan. Nagsimulang tumulo ang mga luha ni
Sophia at tumakbo ito palabas ng bahay at hanggang sa bus pauwi ng Baguio ay
hindi niya mapigilang lumuha.
Sa mga sumunod na araw ay walang kasigla-sigla si Sophia. Nag-alala ng
husto ang kanyang pamilya lalo na si Leon na nag-iisa niyang kapatid. Noong
una ay ayaw nitong ipaliwanag ang nangyari pero dahil sa labis na pag-aalala ay
pilit inalam ng kanilang ina ang dahilan at di naglaon ay inamin din ng dalaga sa
kanyang ina ang nangyari. Nakuwento rin ng kanilang ina kay Leon ang nangyari
at di niya mapigilang kainisan ang nobyo ng ate. Minsan naririnig ni Leon mula
sa kanyang katabing silid na umiiyak ang kanyang ate sa mga oras ng pagtulog.
Naisip na lang niya na lilipas din ang ilang araw at babalik sa dating sigla si
Sophia gaya ng nangyayari sa ibang relasyon.
Ngunit makalipas ang isang linggo. Wala pang alas-singko ng madaling
araw ay malalakas na katok sa pintuan ng kanyang silid ang gumising kay Leon.
Nabosesan niya ang kanyang ina na tila may kinatatakutan kaya agad siyang
bumangon at pinuntahan ito.
“Anong nangyayari?” alalang tanong nito.
“Iyong ate mo pakibuhat mo. Ipunta natin sa ospital,” umiiyak na utos ng
ina.
Nagmadaling pumasok si Leon sa silid ng kapatid at napansin niya na
hindi ito gumagalaw. Niyugyog niya ito at sinubukan na gisingin ngunit nanitili
itong walang reaksiyon.Nakaramdam siya ng takot at agad niya itong kinarga sa
kanyang mga kamay at inilabas ng bahay kasama ang kanilang ina. Narating nila
ang kalsada at agad pinara ang parating na taxi. Isinakay niya sa backseat ang
kapatid at ipinahiga. Inilapat niya ang ulo ng kapatid sa kanyang mga hita at
yakap yakap niya ang hindi kumikilos na katawan nito habang matulin na
umaandar ang sasakyan patungong Sacred Heart Hospital. “Ate! Ate! Pakiusap
gumising ka na ate huwag mo naman kaming takutin ng ganito.” Naluluha na si
Leon habang paulit-ulit na tinatawag ang ate. Ang kanilang ina naman ay walang
kaimik-imik at nanginginig sa takot na nakaupo sa front seat at di makayang
lingunin ang kanyang walang malay na anak.
Narating nila ang ospital at agad tinanggap ang kanilang dalang pasyente
sa Emergency Room. Hindi mapakali ang mag-ina habang hinihintay ang
anumang magiging resulta at bakas sa kanilang pagmumukha ang pag-aalala at
takot sa maaaring mangyari. Makalipas ang ilang minuto ay lumabas ang isa sa
mga doktor sa Emergency Room. Agad nila itong tinanong tungkol sa kalagayan
ni Sophia.
“Misis ipagpatawad po ninyo, ginawa na po namin lahat ang aming
makakaya,” at pinagsabay nitong hinawakan ang tig-isang balikat ng mag-ina at
muling nagpaumanhin.
Napahagulgol ang kanilang ina nang malaman na patay na ang kanyang
panganay na dalaga. Hindi na rin mapigilan ni Leon ang maiyak kaya niyakap na
lang niya ang kanyang ina at sinubukang patahanin. Nalaman nila sa doktor na
ang naging sanhi ng pagkamatay ni Sophia ay dahil sa overdosage ng isang
gamot. Inoverdose ni Sophia ang kanyang sarili ng sleeping pills na prescribed
sa kanilang pamilya dahil sa kanilang insomnia. Ang masama pa nito ay
sinasabayan niya ng pag-inom ng alak. Napakalungkot at napakasakit ang
nangyari para sa kapamilya. Wala man lang nagawa si Leon para sa kapatid.
Inakala niya na lilipas din ang kalungkutan ng ate at umaasa siya na malakas ito
at kayang lumaban. Subalit lahat ng iyon ay puro akala lang. Patay na ang
kanyang ate at wala siyang nagawa.
Habang nilalamayan si Sophia, si Leon ay madalas nagkukulong sa silid
ng pumanaw na kapatid. Dito kanyang naisipang basahin ang mga nilalaman ng
cellphone ng ate. Sinimulan niyang basahin ang nilalaman ng inbox at ang mga
nakalagay dito ay mga lumang mensahe na na galing kay Leonardo. Isinunod
niyang binasa ang mga nasa sent items at dito siya nagulat. Ang ate niya na
mismong pinagtaksilan ang siya pang nakikipag-ayos pero wala man lang siya
nabasa ni isang reply ni Leonardo. Sinubukang tawagan ni Leon ang number ng
nobyo ng ate ngunit ito ay out of coverage area. Sinubukan niya ulit ito tawagan
sa ibang oras ng paulit-ulit pero sadya yatang hindi na gumagana ang numero.
Mula noon lahat ng sisi ay ibinunton ni Leon sa nobyo ng ate. Nasabi niya sa
kanyang sarili na hahanapin niya ang taksil na lalake at pagbabayarin ito ng
malaki. Ang pangalan ng nobyo ni Sophia ayon sa phonebook ay „Leonardo‟.
Natanaw ni Leon ang sangay ng Metro Bank kung saan sila dapat
magtagpo ng nagmamay-ari ng napulot nilang cellphone. Tila bumilis ang
pagtibok ng kanyang puso at mas binilisan niya ang paglakad at pasimple niyang
sinuri ang lugar. Sa isang sulok ay napansin niya ang tila problemadong lalaki na
nakatingkayad at tila may hinihintay. Pasimple ulit si Leon na lumapit dito at
nagkunwaring inaayos niya ang laylayan ng kanyang pantalon. Kulot, may
kaitiman ang kutis at halatang probinsiyano sa pananamit. Ang taas at
pangangatawan nito ay napakapamilyar kay Leon. Pinagmasdan at minukhaan
niya ng mas maigi ang naghihintay at laking gulat niya sa kanyang nadiskubre ng
ito‟y mapatingin sa kanya. Ang akala niya kanina ay nagkataon lang na
magkasin-pangalan ang lalaking ito at ang dating nobyo ng yumao niyang ate
dahil sa napakapayak lang ng pangalan na Leonardo. Hindi niya akalain na ang
Leonardo na nasa harapan niya ngayon ay ang Leonardo na matagal na niyang
hinahanap para magantihan.
Uminit ang pakiramdam ni Leon at ramdam niya na matagal na niyang
hinintay ang pagkakataong ito. Napalingon lang saglit si Leonardo sa kanya
ngunit lumingon din agad ito sa ibang direksiyon at marahil hindi siya nakilala o
namukhaan man lang. Buong lakas na sinuntok ni Leon ang mukha ng walang
kaide-ideyang Leonardo. Kanina pa nanginginig ang mga kamao nito dahil sa
matinding galit na naipon sa mga nakaraang taon. Sinundan pa niya ito ng mga
naglalakasang suntok at halos malamog ang katawan ng di man lang makalaban
na lalaki. Tila nawala sa sarili si Leon, suntok, sipa at tadyak maski tumba na ang
ginugulpi sa lupa at halos di na makagalaw. Tatadyakan na niya sana ito sa
mukha nang bigla na lang may humatak sa kanya palayo galing sa kanyang
likuran. Agad siyang pumiglas at sinubukang itulak palayo ang humahatak sa
kanya.
“Tama na Leon!” sigaw nito sa kanya.
Pagkarinig niya ng kanyang pangalan ay nabawi niya ang kanyang sarili
at inaninag ang taong umaawat. Ito pala ay si Jean na kasama lang niya kagabi
hanggang kanina. Nilingon niya ulit si Leonardo at napansin niyang nanghihina
na ito at di na alam ang nangyayari sa paligid.
“Leon alis na tayo dito bago tayo mapagdiskitahan.” pabulong na payo ni
Jean sabay hatak kay Leon dahil sa puna nito na halos lahat ng nagsisidaan sa
paligid ay napahinto at nakatingin sa kanila.
Ayaw sanang iwan ni Leon ang lugar dahil matagal niyang hinintay ang
araw na matagpuan niya ang sinisising lalake sa pagkamatay ni Sophia. Subalit
wala na siyang nagawa dahil mahigpit siyang hinawakan ni Jean at hinatak
hanggang sa maipasok siya sa nakaparada nitong sasakyan. Agad pinaandar ni
Jean ang kotse at nilisan nila ang lugar. Pakiramdam ni Leon ay hindi sapat ang
kanyang ginawa. Gusto pa niyang bumalik at dagdagan pa ito hanggang sa siya
ay makuntento. Nangingibabaw ang galit kay Leon habang lumalayo ang
sasakyan. Hinigpitan pa niya lalo ang kanyang mga kamao hanggang sa
pumatak ang dugo dala ng pagkasugat ng kanyang palad dahil sa kanyang
medyo may kahabaang mga kuko. Dala ng matinding galit ay hindi man lang niya
naramdaman ang hapdi ng sugat.
“Akala ko ba ibabalik mo lang iyong cellphone? Bakit mo ginulpi?” tanong
ng nagmamanehong kaibigan. “Bakit ka pala nandoon? Ano ginagawa mo sa
Metro Bank?” dagdag katanungan pa nito nang hindi sumasagot si Leon.
“Nagkataong nagwiwithdraw ako ng pera ko. Napansin na lang kita nang palabas
na ako sa booth,” pagpapatuloy nito.
Nanatiling tahimik si Leon hanggang sa muling iparada ni Jean ang
sasakyan sa Session Road. Naalala niya na nasabi nga pala ni Remz ang
address ni Leonardo kaya naisip niya na madali lang niya itong mahahanap at
tapusin ang di niya natapos kanina. Nang makita ni Leon ang Chowking ay
naramdaman niya ang kanyang gutom at kinalimutan muna ang marahas na
pakay kay Leonardo. “Kawiwithdraw mo lang sabi mo di ba? Sagot mo muna
ngayong gabi, wala kasi ako gaanong dala,” sabay turo ni Leon sa Chowking.
Pumayag naman si Jean at sila‟y tumuloy at umorder ng makakain. Habang
hinihintay ang order ay napatanong ulit si Jean sa dahilan ng panggugulpi ni
Leon sa Metro Bank. Inilahad ni Leon kung sino si Leonardo at kung bakit niya
ito kinasusuklaman kaya gano‟n na lang ang panggugulpi niya dito kanina.
Matapos kumain ay tumambay pa sila saglit at nagpatuloy sa pag-uusap.
“Ano naman ang binabalak mong gawin ngayon?” pang-aalam ni Jean.
“Hindi ko alam. Pinag-iisipan ko pa.” tugon ni Leon
“Leon siguraduhin mo lang na hindi ka mapapahamak sa anumang
gagawin mo,” payo pa ng kaibigan.
Nanatiling tahimik si Leon at dinukot ang cellphone ni Leonardo sa
kanyang bulsa. May bagong dating na mga mensahe at lahat ng mga ito ay
galing kay Remz. Binasa niya ang mga ito at pagkatapos ay swinitch off. Nilabas
niya ang sariling cellphone at nagpadala ng mensahe sa kinabisadong numero ni
Remz.
“Nakuha na ba ng boyfriend mo ang cellphone niya? Hindi pa kasi ako
makalabas ng campus kanina dahil sa seminar kaya ipinaubaya ko sa kapatid ng
kasama ko na siya na lang magbigay sa kanya,” kasinungalingang text message
ni Leon. Nagreply si Remz at sinabing hindi pa naibabalik ang cellphone ng
boyfriend. Mas lalong nagkunwari si Leon sa pagtulong kay Remz na maibalik
ang pag-aari ni Leonardo. Tinawagan niya ang dalaga at kinausap.
“O! bakit napatawag ka?”
“Hindi ko matawagan iyong number. Out of coverage area siya,” muling
pagsisinungaling ng binata.
“Oo nga eh, gano‟n din sa akin. Kanino mo pa ba ipinasuyo?”
“Sa isa kong kasama kagabi. Bestfriend ng nakapulot sa cellphone.”
Lahat ng mga pinagsasabi ni Leon ay mga gawa-gawang kuwento lang.
Hindi na alam ni Remz kung ano ang kanyang paniniwalaan. Ngunit sadyang
marunong ang binata sa pagkuha ng tiwala ng ibang tao. “Pasensya ka na
Remz. Hindi ko sinasabi na pagkatiwalaan mo ako at hindi ko na rin alam kung
ano ang dapat kong sasabihin sa iyo. Ikaw na lang ang bahalang humusga.”
“Ikaw naman, may tiwala ako sa iyo. Kaya nga nabisto ko ang
pangangaliwa ng boyfriend ko dahil nagtiwala ako sa iyo eh,” positibong tugon ng
dalaga.
Napangisi si Leon sa narinig at tila nakuntento sa nagyayari. Nagpaalam
ito sa kausap at ibinaba ang tawag. Nakatitig lang si Jean sa kanya habang
kinakausap niya si Remz at parang hindi ito makapaniwala sa pinaggagawa ng
kaibigan. Ngayon lang niya nakita si Leon na gumawa ng kuwento na puno ng
kasinungalingan sa mismo niyang harapan. Napakamot na lang ito ng ulo at
tumayo. “ Tara na nga! Mababaliw ako sa kakaisip sa kung ano ang tumatakbo
sa isip mo. Kawawang Remz,” ani Jean.
Lumabas ng Chowking ang dalawa at nagtungo sa paradahan ng Mines
View. Dito naghiwalay ang magkaibigan. Habang nasa jeep ay muling nagtext si
Remz at ikinuwento nito ang pag-amin ni Leonardo sa kanyang kasalanan at
paghingi nito ng kapatawaran. Nangako rin ito na hindi na mauulit ang nangyari
ngunit wala itong nabanggit tungkol sa kanyang pagkakagulpi. Napatawa si Leon
sa nabasa at patuloy na nagkunwaring walang nalalaman. Narating ng jeep ang
Upper Gibraltar at bumaba na si Leon sa kanilang binababaan papunta ng
kanilang bahay.
Pagkauwi ay kaagad naligo ito. Matapos maligo at makapagbihis ay muli
niyang tiningnan kung may bagong dating na mga mensahe sa kanyang
cellphone. Sa dami ng pinagsesend ni Remz ay naitanong ni Leon kung wala
bang kaibigan ang dalaga na maaari niyang makausap ng personal tungkol sa
nangyari. Negatibo ang sagot ng dalaga kaya mas mahirap para sa kanya na
makabawi sa nangyari dahil si Leon na estranghero sa kanya kung tutuusin ang
tangi niyang nakakausap tungkol dito. Naisip na lang ni Leon na marahil dahil sa
kurso ni Remz na Electronics and Communication Engineering ay wala talaga
siyang malapit na kaibigang babae palibhasa kung engineering nga naman ay
halos lalake lahat ang kumukuha. Isa pang maaaring dahilan na naisip ng binata
ay siguro madalas ipagyabang ng dalaga ang kanyang boyfriend sa mga
kaibigan niya kaya nahihiya ito na aminin sa kanila na niloloko pala siya nito. Sa
kabila ng lahat ng mga iniisip ni Leon ay nakaramdam pa rin siya ng awa sa
pinagtaksilang dalaga. Nagpatuloy siyang nakipagtextan at maging ang exam ni
Remz kanina na wala man lang siyang nasagot ay nasali din sa usapan.
Tumigil sa pagreply si Remz, marahil nakatulog na rin ito. Si Leon naman
ay nag-iisip pa rin ng mga hakbang kung paano niya magagantihan si Leonardo
sa ikakakuntento niyang paraan. Naisip niya na hindi sapat ang panggugulpi at
pagpatay dito at kung iyon ang kanyang magiging paraan ay tiyak makakasuhan
siya at makukulong. Gusto niya itong magdusa ng mahabang panahon at ang
gusto ni Leon ay masira ang takbo ng buhay ng lalakeng naging sanhi ng
pagkamatay ng kanyang pinakamamahal na kapatid. Sa wakas matapos ang
ilang oras ng pag-iisip ay nakagawa na rin siya ng sistematikong hakbang para
magantihan si Leonardo. At ang unang hakbang ay malapit ng masimulan.
Sa mga sumunod na araw ay nagpatuloy sa pagtetext si Remz at naging
napakabait ni Leon na nagpapasiya at nagbibigay payo sa kanya. Kakaiba man
ang simula ng kanilang pagkakakilanlan ay nauwi pa rin ito sa magandang
samahan maski hindi pa sila nagkikita ng personal. Minsan ay sa internet na lang
sila nag-uusap gamit ang chat at may isang beses na gumamit sila ng webcam
para makita ang hitsura ng isa‟t-isa.
Isang linggo na lang at final exams na ng Saint Louis University. Imbes na
mag-aral para sa mga pagsusulit ay abala si Leon na nag-iisip kung ano ang
mga dapat niyang gawin upang masigurado ang paghihiganti. Ang paghihiganti
na lang ang laging nasa isipan ng binata at ito ay mula pa nang mamatay si
Sophia. At ngayong narito na ang responsable ay hindi na niya ito palalampasin.
Naaala ulit niya ang araw ng libing ng kanyang ate. Labis ang pag-iyak ng
kanilang ina nang araw na iyon habang tinatabunan ng lupa ang kabaong ni
Sophia. Yakap-yakap ng kanyang ama na umuwi ng Pilipinas galing Amerika ang
kanilang ina at pilit nitong pinapatahan ang asawa. Pinipigilan ng mag-ama ang
maging emosyonal hanggang sa matapos ang libing. Nagsialisan na ang mga
tao ngunit si Leon ay nagpaiwan muna. Sa puntod na iyon binitawan ni Leon ang
kanyang pangako sa kapatid. “Ate Sophia, ipinapangako ko sa iyo, ipaghihiganti
kita! Hindi ko mapapatawad ang Leonardo na iyan! Hindi ako titigil hangga‟t hindi
ko siya nababawian!” Eksaktong pagkasabi ni Leon sa kanyang sinumpaang
salaysay ay biglaang bumuhos ang napakalakas na ulan. Mabilis siyang nabasa
ngunit hindi niya ito ininda at nanatiling nakatayo sa harapan ng puntod ng
kapatid. Mula sa kanyang likuran ay may magandang babae ang nagbahagi ng
kanyang dalang payong at yumakap sa kanya ng mahigpit.
Napatigil si Leon sa pag-alala sa nakaraan nang marinig niya bigla ang
ringtone ng kanyang cellphone. “Hello Remz! Bakit ka napatawag?” unang linya
nito pagkasagot niya ng tawag.
“Leon pupunta pala kami dyan sa Baguio sa darating na Linggo.”
Nasurpresa ang binata sa ibinalita ni Remz at agad tiningnan ang
kalendaryo sa silid. Dalawang araw pa bago mag-Linggo at sa Lunes ang unang
araw ng final exams. “Sana magkita tayo,” pawang malungkot na nawika ni
Remz.
“Bakit naman sana? Hindi ba pwede?” nagtatakang naitanong ni Leon.
Huminga ng malalim ang dalaga at nagsimulang ipaliwanag ang tungkol
sa mga napakaistrikto niyang mga magulang. Naikuwento niya kay Leon ang
nangyari tatlong buwan pa lang ang nakakalipas.
Nagpaalam si Remz sa kanyang mga magulang na makikitulog siya sa
kanyang kaibigan dahil may mahalaga silang gagawin na requirement para sa
kanilang kurso na engineering. Pinayagan naman siya ng mga ito subalit lingid
sa kanilang kaalaman na sa Baguio pala pumunta si Remz para makasama si
Leonardo. Hapon din ng araw na iyon ay sinundo siya ng kanyang magulang.
Nalaman nila ang tungkol sa kanyang pagsisinungaling at mula noon ay mahigpit
siyang pinagbawalan sa pakikipagrelasyon at ipinabantay din siya sa kanyang
mga pinsan. Inutusan ang mga ito na isumbong sa kanila kung makita nila si
Remz na nakikipagligawan.
Dahil sa pangyayaring iyon ay pasikreto nilang itinuloy ang kanilang
relasyon maski malayo sila sa isa‟t-isa. Naidagdag na rin ni Remz na maikwento
ang tungkol sa dalawa niyang kuya na parehong nagtapos na Cum Laude sa St.
Mary‟s , ang pamantasan na kanya ring pinapasukan. Istrikto ang mga magulang
ni Remz dahil malaki rin ang inaasahan sa kanya. Ayaw naman ng dalaga na
biguin ang mga ito dahil mahal na mahal niya sila kaya sinusunod niya ang mga
utos sa kanya.
Natapos ang pagkukuwento ni Remz at napatawa ang binata sa napag-
alamang dahilan kung bakit hindi sila basta-bastang magkita na lang sa Linggo.
“High School ka lang pala, akala ko pa naman kolehiyala ka na,” pang-
aasar ni Leon.
“ Anong High School? Ganito lang talaga sitwasyon ko noh!” tila naiinis na
tugon ng dalaga.
“High School ka pa rin. May 22 years old ba na may bantay,” at patuloy si
Leon sa pagtawa.
Hindi makapaniwala si Leon na may mga tao pala na tulad ni Remz na
nasa graduating years na ng kolehiyo pero kung pagbawalan ay parang isang
babaeng nasa sekundarya pa lang.
“He! Tumigil ka na nga dyan sa katatawa!”
“Sorry na po. Pero magkikita tayo sa Linggo at ako na ang bahala sa mga
bantay mo,” kampanteng wika ni Leon.
Nagtaka si Remz kung anong binabalak ni Leon kaya pilit niya itong
inalam subalit ang sinasabi lang ni Leon ay siya na raw ang bahala sa lahat.
“Bahala ka na nga! Basta huwag mo akong ipahamak kung ayaw mong
malintikan sa akin,” banta na lang nito sa kausap.
“Yes Ma‟am!”
Natapos ang pag-uusap ng dalawa at si Leon ay natutuwa sa mga
nangyayari. Pakiramdam niya ay pinapaboran siya ng swerte para maisaayos
niya ang lahat ng kanyang mga binabalak. Lumabas ang binata sa kanyang silid
at nananghalian sa kusina. Habang pabalik ng kanyang kuwarto ay bigla na lang
bumukas ang pinto ng dating silid ni Sophia nang kanya itong matapatan. Tila
may mahinang hangin na nagmumula sa loob na humihigop sa kanya. Pumasok
muna si Leon at tiningnan ang kalagayan ng silid. Walang gumagamit ng silid na
ito at lahat ng dating pag-aari ni Sophia ay nakaayos pa rin sa dating
kinalalagyan. Ang unang mapupuna ng papasok sa silid na ito ay ang nakasabit
sa pader na isang napakalaking nakaframe na larawan ni Sophia. Sa silid na ito
nanatili si Leon hanggang magdilim. Umupo siya sa sahig at nakaharap lang sa
larawan ng yumaong kapatid. Malalim ang kanyang iniisip sa mga oras na iyon.
Hindi man lang siya lumabas ng silid para kumain o uminom man lang ng tubig.
Malapit ng sumikat ang araw at ang binata ay nananatili pa rin sa dating
posisyon. Kumain lang siya ng tanghalian at uminom ng maraming tubig
pagkatapos ay muling bumalik sa silid at inulit ang ginagawa mula kagabi. Sa
pagsapit ng hatinggabi ay tumayo rin ito at nahiga sa sariling kama hanggang sa
siya ay nakatulog.
Sumapit ang araw ng Linggo at maagang nagising si Leon. Inihanda niya
ang lahat ng kanyang kakailanganin para sa kanilang pagkikita ni Remz. Agad
siyang naligo at kumain ng agahan at binihisan niya ng maayos ang kanyang
sarili at bago lumabas ng bahay. At para makumpleto ang kanyang pa-cool effect
ay inihanda niya ang kanyang kulay dilaw na 2005 model ng DUCATI. Regalo ito
mula sa kanyang ama may pitong buwan na ang nakakalipas. May kamahalan
ang motorsiklo na ito kaya iilan lang ang may kayang bumili. Subalit sadya itong
napakagarang tingnan kaya naisip ni Leon na makakabuti sa kanya kung
gagamitin niya ito para pormahan si Remz mamaya. Isinuot niya ang kanyang
helmet at pinaandar ang motorsiklo patungong bayan. Ipinarada niya muna ito sa
Session Road at nagpalipas ng oras sa isang internet cafe. Hinihintay niya na
magtext o tumawag si Remz kung nakarating na sila ng Baguio.
Tanghalian na at wala pa rin natatanggap na text o tawag si Leon mula sa
dalagang hinihintay. Iniwan muna ng binata ang internet cafe at nagtungo sa
Mang‟s Cuisine para mananghalian. Habang nanananghalian ay nagtext si Remz
at sinabing mga alas-dos pa sila ng hapon makakarating ng Baguio. Sa sobrang
pagkainip ay naglilibot muna sa si Leon pagkatapos kumain. Nang mapansing
kaunti na lang ang kanyang gasolina saka lang siya tumigil at muling nagpalagay
sa gasoline station. Sa wakas nagtext ulit si Remz at nakasaad sa mensahe na
iyon na narito na sila sa Baguio. Nabanggit nito na kumakain muna sila sa isang
restaurant ngunit ayaw nitong banggitin kung saan. Habang naghihintay ay
kumain muna ng mga pagkaing ibinebenta sa kalye ang naiinip ng binata. Muling
nagtext si Remz at nasabi nito na sila ay nasa Burnham Park at kumakain ng
sweet corn.
Wala pang sampung metro ang layo ni Leon sa parke na iyon kaya iniwan
niya muna ang motorsiklo at sinimulang hanapin si Remz. Mga ilang ulit na rin
silang nagkausap sa internet gamit ang webcam kaya madali lang niya itong
maumukhaan. May karamihan ang tao kaya medyo natagalan ang binata sa
paghahanap. Nakita nito ang tatlong kababaihan na kumakain ng sweet corn sa
tabi ng Burnham Lake. Minasdan niya ng mabuti ang tatlo at natiyak niya na ang
babaeng may maiksing buhok hanggang sa balikat ang kanyang pakay. Morena
at mga 5‟1” lang ang taas at may kapayatan. Pinagmasdan niya ang tatlong
kababaihan habang masayang kumakain ng mais at tila naeengganyo siya sa
bawat pagngiti ng dalaga. Para mas makasigurado ay pinagring niya ang number
ni Remz. Dinukot naman ng tinititigang babae ang kanyang cellphone at agad din
itinigil ni Leon ang pagpaparing nito. Sigurado na siya na ang kanyang tinititigang
dalaga ay walang iba kundi si Remz. Nilapitan niya ang mga ito at naghintay ng
tamang pagkakataon. Nang mapunta si Remz sa likod ng kanyang dalawang
pinsan ay nagmadali siyang dumikit. Nang madikitan niya ang dalaga ay inagaw
niya bigla ang cellphone nito na animo‟y isa siyang snatcher. Sinadya pa niyang
hinawakan ang kamay nito at hinatak kaunti na tila nagsasaad na sundan siya.
Nagulat si Remz sa nangyari at napansing hawak ng lalakeng humatak sa
kanya ang sarili niyang cellphone kaya agad siyang humingi ng saklolo habang
hinahabol niya ito. “Snatcher! Snatcher!” malakas na sigaw nito habang patuloy
na hinahabol ang umagaw ng kanyang cellphone. Napansin agad ito ng dalawa
niyang pinsan kaya sumunod din ang mga ito sa kanya at nakipaghabulan.
Narinig man ng mga turista sa paligid ang paghingi ni Remz ng saklolo ay
walang tumulong sa kanya. Nang medyo makalayo ay lumiko bigla si Leon
pakaliwa at dumaan sa mga pansamantalang mga ipinatayong puwesto para sa
isang trade fare. Agad nakasunod si Remz at pagkaliko nito ay agad siyang
hinatak ni Leon sa isang sulok.
Nagulat ang dalaga at napatitig sa taong humatak sa kanya. “Shhhh.
Huwag kang maingay, nariyan lang mga pinsan mo,” ani Leon at tinanggal nito
ang kanyang shades.
“ Leon!” surpresadong banggit ni Remz sa kanyang pangalan.
“Ano ka ba? Huwag ka maingay sabi eh.”
Nagtago ang dalawa sa kinaroroonan hanggang sa mawala sa kanilang
paningin ang dalawang pinsan ni Remz. “Ayos tagumpay ang plano. Paano ba
iyan kikidnapin muna kita,” wika ni Leon na may kasabay pang ngiti. Unang
beses nilang magkita ng personal kaya batid ng binata na di alam ni Remz kung
ano ang dapat niyang gawin o sabihin man lang sa kanya. “ Tara na!” sabay
hatak ulit nito sa kamay ng cute na binibini.
“Sandali saan mo ako dadalhin?” nag-aalalang tanong nito.
“Siyempre kung saan kita pwedeng itago. Kidnap nga ehh.”
“Huwag ka nga magbiro! Kapag ako nahuli, lagot…”
“Lagot ka pag nalaman ng mga magulang mo. Mga pinsan mo pabalik na
makikita na tayo,” pagbibiro ni Leon ngunit lubos na nataranta ang dalaga.
“Huh? Asan?” medyo kinakabahang tanong ng binibini. Sa takot nito na
makita siya na nakikipag-usap kay Leon ay siya na mismo ang humila sa binata
para tumakbo palayo. Nang makalayo sila ng kaunti saka lang ito tumigil at halos
hinihingal ito sa pagod.
“Seryoso ka ba talaga tungkol sa ikinuwento mo na bawal kang lumabas
na walang bantay?” pangungumpirma ni Leon.
“Kung nagbibiro lang ako, matataranta ba ako ng ganito?” sagot ni Remz
na medyo hinihingal pa rin at nahihirapang magsalita.
Napakunot ng noo ang binata at ngayon lang tuluyang naniwala sa
ikinuwento ni Remz noong isang araw. “Tara alis na tayo bago tayo mahuli ng
mga bantay mo.”
Nilingon ni Remz ang kasama at nakasuot na ito ng helmet. Tumingin siya
sa tabi nito at napansin ang isang kulay dilaw na magarang motorsiklo. “Ano na
naman ngayon? Kanina kidnap, ngayon „wag mo sabihing carnap?”
“Shhhh.. „wag ka maingay baka mabisto tayo,” nakangiting tugon ng
binata.
“ Leon!!” mas naiinis na banggit ulit ng dalaga sa kanyang pangalan.
Inupuan ni Leon ang motorsiklo at iniistart ang makina. Muli siyang tumitig kay
Remz at mukhang alam na nito na pagmamay-ari niya ang motorsiklong kanyang
sinasakyan. Hindi maiwasan ng dalaga na masurpresa dahil ngayon lang niya
nalaman na ang dati lang niyang kaibigan sa cellphone ay nagmamay-ari ng
mamahaling motorsiklo.
“Ano hindi ka ba sasama?” tanong ng binata. Nagdadalawang-isip si
Remz subalit may pagkamapilit si Leon. “Walang pero-pero. Kapag hindi ka
sumama sa akin hindi ko ibabalik ito,” sabay ipinakita sa dalaga ang inagaw
niyang cellphone nito kanina.
“Walang hiya ka sandali!” Walang nagawa si Remz kundi umupo sa
likuran ni Leon at sumamang maglibot-libot. Nagsilbing parang tour guide si
Leon, bawat may kagandahang lugar ay inihihinto niya ang kanilang sinasakyan
at minamasdan naman ni Remz ng kanyang mga pinapakita. “Gusto mo bilisan
ko ng todo?” biglang tanong ng binata. Hindi pa sumasagot si Remz ay binilisan
pa lalo ni Leon ang pagpapatakbo at napakapit sa kanya ng mas mahigpit ang
dalaga. Binagalan lang niya ito kaunti nang marating nila ang busy road.
“Nakakatakot pero ang saya din pala pag mabilis,” ani Remz.
“Oo naman at mas masaya „pag kumakapit na iyong chicks ng mas
mahigpit,” hayag ni Leon na ipinagtaka ni Remz. “Wala lang. Kalimutan mo na
iyon. Saan tayo?” tanong na lang ni Leon para maiba ang usapan. Ipinaubaya na
lang sa kanya ng dalaga ang susunod nilang pupuntahan yaman rin lang siya
ang tigarito sa Baguio. Itinuloy ni Leon ang motorsiklo sa Volante sa Session
Road. Pumarada ito sa tapat ng gusali at sila‟y pumasok sa loob para kumain.
Umupo sila sa pinakagilid malapit sa glass wall at umorder ng kakainin.
Habang kumakain ay nabanggit ni Remz ang kanyang boyfriend na si
Leonardo at kanila ulit itong napag-usapan. “Nakikipag-ayos siya sa akin
madalas nga tumawag eh pero madalang na sagutin ko mga tawag niya.”
“Ano naman sinasabi mo sa kanya?”
Nagsubo muna ito ng pizza na kinakain bago sumagot sa binata. “Hindi ko
pa rin alam kung ano ang dapat kong gawin. Hindi ko pa rin kasi matanggap ang
ginawa niya.”
“Bigyan mo pa ang sarili mo ng mas maraming oras at palugit para
makapag-isip ka ng maayos,” payo ng binata.
“Bakit ba nambabae ang mga lalake?”
Kasi high school ang girlfriend nila,” at seryoso pa ang mukha nito
matapos sabihin ang sagot. Inirapan siya ng dalaga at maya‟t-maya ay sabay na
nagtawanan. “Maraming dahilan at hindi ko kayang isa-isahin lahat. Maaaring sa
parte ng lalake ang dahilan o maaari rin namang sa babae ang may pagkukulang
kaya nambabae ang mga kalalakihan,” dagdag ni Leon.
“Siguro nga nagkamali din ako, masyado kasi akong naging mabait sa
kanya,” ani Remz.
“Pasensya ka na kung hindi sana kami nakialam ay hindi nangyari ang
lahat ng ito sa iyo.”
“Sus! Ito naman. Mas maigi nga ang nangyari dahil kung hindi ko kaagad
nalaman mas lalo pa akong masasaktan.” Nagngitian ang dalawa at
ipinagpatuloy kainin ang pizza na inorder. “At isa pa kung hindi ka nakialam baka
walang Leon na nakikiramay at nagpapagaan ng kalooban ko kung sakaling
mabisto ko rin siya,” dagdag pa ng dalaga.
Nasiyahan ang binata sa narinig at napatitig ito sa mga mata ni Remz at
nakatitig din ito sa kanya. May katagalan silang tahimik na nagkatitigan
hanggang sa inilihis ng dalaga ang kanyang mga mata. “Saan tayo sunod na
pupunta?” tanong na lang ni Remz.
“Isusuko ko na ang sarili ko sa pulis. Wala raw kasi pangransom sa iyo,”
muling pagbibiro ni Leon.
“Gano‟n? Hahaha walang nagmamahal sa akin.”
Pagkasakay nila ng motorsiklo ay idiniretso nga ito ni Leon sa Police
Station katabi ng City Hall.
“Ngek! Anong gagawin natin dito?”
Inilabas ni Leon ang di pa niya ibinabalik na cellphone ni Remz at isinaoli
ito sa kanya. Inabot ito ng dalaga at tiningnan agad kung may mga bagong
mensahe.
“Itext mo mga pinsan mo at sabihin mo sa kanila na nandito ka sa police
station sa tabi ng city hall,” utos ni Leon.
“Huh? Paano kung tanung-tanungin ako?” paghingi ng paliwanag ng
dalaga sa utos na narinig
“Sabihin mo na may tumulong sa iyo sa paghuli ng snatcher at idiniretso
niyo siya dito sa police station.”
Napatango-tango si Remz at ginawa ang sinabi ng binata. Agad naman
nagreply ang isa sa mga pinsan nito at sinabing hintayin na lang niya ang mga
ito sa kanyang kinaroroonan.
“Kung tatanungin ka nga pala kung bakit hindi ka makapagtext ng mas
maaga, sabihin mo na naka-crime item iyang cellphone mo kaya
pansamantalang hindi mo magamit,” pagpapatuloy ni Leon.
“Paano kung tanungin nila ako kung bakit halos apat na oras akong
nawala?”
“Sabihin mo lang na ayaw umamin ng biktima at paulit-ulit niyang sinasabi
na ipinasa lang sa kanya ng isang hindi niya kilalang lalake ang cellphone mo,”
agad tugon ng binata na siyang gumagawa ng kwento para kay Remz.
Namangha ang dalaga sa nabuong mga palusot ni Leon. Hindi niya
akalain na nakapag-isip ito ng gano‟n kadetalyadong kwento.
“May hindi ka ba naintindihan?” usisa pa ni Leon.
“Wala naman tanong ko lang, expert ka sa pagsisinungaling noh?”
“Kailangan mong magsinungaling paminsan-minsan depende sa
sitwasyon kaya dapat lang na expert ako,” ani Leon habang natatawa.
Nagkatawanan ang dalawa at muling nakatanggap si Remz ng bagong
mensahe. Galing ito sa kanyang pinsan na nagsasabing malapit na sila sa police
station na kanyang kinaroroonan.
“Ok wala ng problema?”
“Paanong wala ng problema eh gagawin mo akong bihasa sa
pagsisinungaling!”
“Kaya mo yan. O kung gusto mo aminin mo sa kanila ang totoo at alam
mo na ang mangyayari,” at humalakhak pa ito ng malakas.
Kinagat ng dalaga ang kanyang labi at inambahan niya ang nagbibirong
kaibigan. “Asar ka talaga! Ito pala ang planong sinasabi mo!” Napangiti ito dahil
sa sitwasyon.
Napatitig si Leon sa mukha ng kausap. Napakatamis ng ngiting iyon at tila
nakakaakit kung ikaw mismo ang nginitihan. “Ok ba?”
“Matindi. Sobra.”
Muling nagkangitian at nagtawanan ang bagong magkaibigan at oras na
para sila ay maghiwalay bago pa sila makita ng mga sumbengera nitong pinsan
ayon kay Remz.
“Saan pala kayo tutuloy ngayong gabi?” huling katanungan ni Leon.
“Sa Trancoville, sa bahay ng tita naming tiga-rito.”
“Sige textan na lang tayo. Salamat sa date ha,” nakangiti pa ring wika ni
Leon.
“Salamat din sa lahat. Text mo ako mamaya ha.”
Isinuot ni Leon ang kanyang helmet at iniistart ang makina. Kumaway-
kaway sa kanya ang dalaga at napakatamis pa ng mga ngiti nito.
“Kikidnapin ulit kita bukas.”
“Heh! Wag ka nga!”
Sumaludo si Leon kay Remz bilang pagpapaalam bago pinaandar ang
kanyang motorsiklo. Dumiretso na ng uwi si Leon dahil may kadiliman na rin at
gusto na niyang kumain ng hapunan.
Ipinarada niya ang kanyang motorsiklo sa harap ng kanilang bahay at
ikinandado ang gate para sa sasakyan. Nagtungo siya sa banyo para umihi at
nang bubuksan pa lang sana niya ito ay bigla itong bumukas mula sa loob.
“ Leon!” may pagkagulat na nasabi ng dilag na lumabas sa banyo.
Pumasok si Leon sa banyo ng walang imik at ginawa ang dapat gawin.
Naghugas na rin siya ng kanyang mga kamay at umupo sa paboritong upuan sa
hapag-kainan. Tinabian siya ng magandang dalaga at sinabayan siyang kumain.
“Nag-oovertime ba lagi si tita?”
Tumango lang si Leon at ipinagpatuloy ang pagkain. Matapos ang
mahabang katahimikan ay napatanong din ito sa dalaga.
“May kailangan ka ba?”
“Wala naman, naisipan ko lang dumalaw.”
At muling nanatiling tahimik ang dalawa. Habang sila ay kumakain, hindi
maiwasan ni Leon na mapatitig sa kuwintas na suot-suot ng katabi. Naubos ni
Leon ang kanyang kinakain at agad siyang nagtimpla ng kape. Habang hinihigop
niya ang mainit na kape ay napuna niya na hinahaplos-haplos ng dalaga sa
pagitan ng kanyang hinlalaki at hintuturo ang suot nitong kuwintas.
“Kyla bakit ka pala napadalaw?”
Napahinto sa pagsubo ng pagkain ang tinatanong at ibinaba sa kanyang
pinggan ang kutsara.
“ Leon may bago ka na bang girlfriend?” dahan-dahan na tanong nito.
Nasurpresa ang binata sa naitanong ni Kyla. Nang titigan niya ang dalaga
ay napuna niya na para itong natatakot sa maaari niyang isagot at may kaunti
ring kalungkutan ang nababakas sa mukha nito.
“Iyon lang ba ipinunta mo dito? Ano naman ngayon kung may bago akong
girlfriend?”
Ramdam ni Kyla na may halong inis ang tono ni Leon nang ito ay
sumagot. Nanahimik na lang muna ito at nag-isip ng susunod na sasabihin. Muli
niyang hinawakan ang kanyang kuwintas, ngayon naman ay pinipisil niya ito sa
kanyang palad. Madalas niyang gawin ang paghaplos o pagpisil dito na hindi
man lang namamalayan kumbaga isang mannerism kung tawagin sa wikang
ingles.
“Nakita kasi kita kanina sa Volante kasama mo iyong magandang babae
at ang saya-saya ninyong dalawa.”
Naubos ni Leon ang kanyang kape, tumayo ito at nilingon ang orasan.
Malapit ng mag-ika-siyam ng gabi kaya naisip nito na dapat ng umuwi ang bisita.
“Hatid na kita pauwi sa inyo,” at naglakad ito palabas ng pintuan.
Inubos naman agad ni Kyla ang natitirang pagkain sa kanyang pinggan at
agad itong inilagay sa lababo matapos uminom ng tubig. Sumunod na rin ito sa
labas at nakahanda na ang binata sa paghahatid sa kanya gamit muli ang
motorsiklo. Umupo si Kyla sa kanyang likuran at yumakap ng mahigpit sa
kanyang baywang. Habang umaandar ng mabilis ang motorsiklo ay inilapat ni
Kyla ang kanyang ulo sa kaliwang balikat ni Leon at mas hinigpitan ang
paghawak sa binata. Narating nila ang tinutuluyang bahay ni Kyla sa Camp 7 at
inihinto ni Leon ang sasakyan sa tapat ng pinto. Hndi pa rin bumibitaw sa kanya
ang dalaga at nanatiling nakalapat ang ulo nito sa kanyang balikat.
“Nandito na tayo,” ani Leon.
“Pakiusap kaunting oras pa. Kung ayos lang sa iyo na manatiling ganito
maski saglit lang.”
Hindi na kumontra si Leon sa pakiusap ng binibini at pinatay niya ang
makina. Tinanggal rin niya ang kanyang helmet at isinabit sa manubela.
“Ang nakita mo kanina ay si Remz, isang bagong kaibigan.”
Itinaas ni Kyla ang kanyang ulo matapos marinig ang sinasabi ng
niyayakap.
“Hindi ko siya girlfriend pero…”
“Pero?”
“Maaaring magkatuluyan kami balang araw kung sakali.”
Tumingin si Leon sa side mirror at nasilayan niya ang malungkot na
ekspresyon sa mukha ni Kyla. Ibinusina ni Leon ang motorsiklo ng dalawang
beses at ilang saglit lang ay bumukas ang pinto ng bahay.
“Oh ate nandyan ka na pala. Hello kuya!” sabay kaway nito kay Leon.
Bumitiw naman si Kyla at bumaba. “Salamat sa paghahatid mo sa akin,”
anito.
“Teka kuya baka gusto mong magmeryenda muna may ginawa kasi
akong mga sandwich,” anyaya ng nakababatang kapatid ng dalaga.
“Salamat na lang Reina pero sa ibang araw na lang inaantok na kasi ako,”
tanggi nito. Muli niyang isinuot ang kanyang helmet at nagpaalam ito sa
magkapatid. Kumaway naman ang mga ito sa kanya at mabilis niyang pinatakbo
ang sasakyan pauwi. Habang nagmamaneho ay naalala niya ang isang di niya
makalimutang karanasan na nangyari halos dalawang taon na ang nakalipas.
Nagmamaneho si Leon noon patungong Urdaneta upang bisitahin ang
dati niyang girlfriend gamit ang dating motorsiklo ng kanyang ama na ngayon ay
naibenta na at ipinalit sa kanyang DUCATI. Ika-18 ng Abril ang araw noon at iyon
ang araw ng kanilang ikatlong taon bilang magkasintahan. Matagal-tagal na rin
niyang hindi nakikita ang nobya lalo na at umuwi ito ng Urdaneta habang
summer vacation.
Dala-dala noon ni Leon ang kanyang regalo sa girlfriend at maayos ang
pagkakabalot nito sa isang magarang wrapper. Narating niya ang bahay ng
nobya at itinabi muna ang kanyang motorsiklo sa tabi ng bakod sa labas ng
bahay. Papasok na sana siya ng gate nang marinig niya na may papalabas ng
pintuan ng bahay. Dahil sa kagustuhan niyang masurpresa ang girlfriend ay
nagtago muna ito sa likuran ng bakod.
Naisipan niyang silipin kung ano ang nangyayari at nakita niya na isang
tila may lahing foreigner ang kinakausap nito. Hindi niya marinig ang kanilang
pinag-uusapan ang kapuna-puna lang ay ang tila problemadong mukha ng
babae at ang lalake naman napakaseryosong nagsasalita. Inilapat ng lalake ang
kanyang mga kamay sa balikat ng kanyang girlfriend at sila ay nagtitigan at
maya‟t-maya ay bigla na lang sila naghalikan.
Halos hindi makapaniwala si Leon sa nasaksihan at nabitawan nito ang
kanyang hawak-hawak na regalo. Napakalaking dagok para sa kanya ang
natuklasan at tila hindi siya makagalaw at hindi maintindihan kung ano ang
nararamdaman.
Napasulyap ang kanyang nobya sa kanyang kinaroroonan at agad siyang
umalis at sumakay sa dalang motorsiklo. Narinig niya ang gate na bumukas at
agad niyang iniistart ang makina at mabilis na pinaandar ito palayo. Hindi niya
pinansin ang pagtawag ng kanyang girlfriend sa kanyang pangalan maski
nagsisisigaw na ito.
Pagkabalik ng Baguio ay dumiretso siya sa puntod ng kanyang kapatid at
doon muna nagpalipas ng ilang oras na tila kinakausap ang patay. “Ate ngayon
alam ko na kung gaano kasakit ang pinagdaanan mo. Ano man ang mga
naramdaman mo noon ay nararamdaman ko na rin ngayon.”
Umupo siya sa damuhan sa tabi ng puntod at naalala ang nasaksihan
kanina. Hindi rin niya maiwasang mag-isip ng kung ano ang mga posibleng
ginawa ni Kyla at ng kasamang lalake habang sila ay magkalayo at mas lalo lang
siya nasasaktan kung napapaisip siya ng mga ganito. “Ate magpapakatatag ako
para sa ating dalawa. Babawi ako para sa atin, pangako.”
Mula noon ay mas tumindi ang galit ni Leon sa mga taong nangangaliwa
sa kanilang mga karelasyon. Naalala niya na ang laman ng regalo niya sana sa
araw na iyon ay isang mamahaling kuwintas na kanyang pinag-ipunan mula sa
kanyang allowance. Ang kuwintas na iyon ay walang iba kundi ang kuwintas na
lagging suot-suot ni Kyla.
Nakabalik ng bahay si Leon at agad naman siyang tumuloy sa kanyang
silid. Nakatanggap siya ng isang text message at nang makita na ito ay isang
quote mula kay Kyla ay agad niya itong binura matapos basahin. Idinial niya ang
number ni Remz at agad naman itong pinick-up ng tinatawagan.
“O bakit?” mapanghamon na unang salita ni Remz.
“Remz di ba bukas na rin ang uwi niyo pabalik ng Nueva Viscaya?”
“Yup, bakit?”
“Kidnapin ulit kita mamayang alas-kuwatro ng umaga.”
“Huh? Sira ka ba!?”
“Sige na, gusto ko lang na makita kita ulit maski isang beses pa bago
kayo umalis.”
Nag-isip sandali ang dalaga bago sumagot. “O sige pero paano ang
plano? Ayaw ko ng may sabit.”
Pinag-usapan nila kung ano ang kanilang gagawin at nagpaalam sa isa‟t-
isa.
Tumunog ang alarm ng cellphone ni Leon sa oras na 3:30 ng madaling
araw. Agad siyang bumangon at naghilamos. Nagsuot ng pangjogging saka
nagpalipas ng ilang minuto bago lumabas ng bahay. Para hindi makadistorbo sa
kanyang namamahingang ina galing sa trabaho sa shift na 3:00 – 11:00 ng gabi
ay minano-mano niyang itinulak ang kanyang motorsiklo palabas ng gate. Nang
makalayo siya ng konti ay saka lang niya ito pinaandar at mabilis na nagtungo sa
Trancoville.
Pinuntahan niya ang waiting shed na nabanggit ni Remz at nang maabot
niya ang lugar ay nag-miss call ito sa dalaga. Pagkalipas ng limang minuto ay
lumabas naman si Remz mula sa isang malapit na bahay. Nakapantulog pa ito
na tumakas at medyo nanginginig sa ginaw.
Lumapit ito kay Leon at bumati. Tinanggal naman ng binata ang kanyang
suot na jacket at ipinasuot ito sa nanginginig na binibini. Nagtawanan na lang
ang dalawa sa kanilang pinaggagawa at nilisan nila ang lugar. Dumiretso sila ng
Burnham Park dala ng kagustuhan ni Leon na ipakita sa dalaga kung ano ang
hitsura nito sa gabi o habang madilim pa. Kaakit-akit ang nagiging epekto ng
mga nakapalibot na ilaw sa artipisyal na lawa at laking tuwa naman ni Remz
nang kanya itong makita sa unang pagkakataon.
Napadaan ang nagtitinda ng kape at sila ay nagpatimpla. Umupo sila sa
isang bangko at patuloy na minasdan ang tubig habang dahan-dahang hinihigop
ang mainit na kape.
“Kelan pala ang exams niyo Leon?”
“Mamaya.”
“Ano?” bulalas ni Remz dala ng pagkabigla.
Napatakip ng tenga si Leon sa lakas ng pagkakasalita ng dalaga at halos
matapon pa nito sa kanyang pantalon ang hawak-hawak niyang mainit na kape.
“Hindi nga, mamaya talaga ang exams ninyo?” pangungumpirma ng
dalaga na medyo natatawa sa naging reaksyon ni Leon.
“Oo ngayon hanggang huwebes.”
“Pasaway ka talaga dapat nagrereview ka!”
“Review? Ano iyon pagkain?” pagbibiro pa ng binata.
“Heh wag ka nga!”
Nginitian na lang ni Leon ang tumakas na kasama at siya naman ang
nagtanong.
“Ano pala plano mo pagkatapos mo ng kolehiyo?”
“Hindi ko pa nga alam eh. Baka kunin agad ako ng kuya ko sa abroad.
Pero baka kukuha muna ako ng work experience ko dito bago ako sumama.”
Tumango-tango ang binata sa kanyang narinig na kasagutan.
“Ikaw ano plano mo? Graduating ka rin tulad ko.”
“Itutuloy ko sa LAW,” seryosong tugon ni Leon.
“Wow naman. Bakit mo naman naisipan na maging abogado?”
Sumipsip muna ng kape ang binata bago sumagot. “Kapag naging
abogado na ako, ipaglalaban ko ang mga taong naging biktima ng mga
kasintahang kumakaliwa ng karelasyon!”
“Huh?” sabay napakunot ng noo si Remz at natawa sa narinig.
“Ganyan nga dapat magsaya ka kasi may lalaban na para sa iyo.”
“Baliw! Kung asawa siguro pwede makasuhan pero „pag BF lang pwede
ba iyon?” tumatawa pa ring wika ni Remz.
Habang tumatawa si Remz ay natutuwang nakatitig sa kanya ang binata.
Nasisiyahan ito dahil nakikita nya na nagsasaya ang kaibigan sa piling niya
maski kagagaling lang nito sa di kanais-nais na karanasan.
Nang mapansin ni Remz si Leon ay napatigil ito nailing. Binilisan niya ang
paghigop ng kanyang kape at nanatiling tahimik hanggang ito‟y naubos.
“Anong oras alis ninyo?” biglang tanong ni Leon.
“Huh? Ano iyon?” tugon ni Remz na wari‟y walang narinig sa sinabi ng
katabi.
Inulit ni Leon ang katanungan at sinagot ito ng dalaga.
“Pagkatapos ng tanghalian. Sasamahan ko kasi iyong isa kong pinsan sa
PRC mamaya. Sigurado mahaba ang pila kaya dapat maaga kami na pupunta.”
Dinukot ni Leon ang kanyang cellphone at tiningnan ang oras. “4:30 na.”
anito.
“Ow ang bilis ng oras kauupo pa lang natin dito.”
Nagkangitian ang dalawa at kumapit si Remz sa braso ni Leon habang
patuloy na pinagmamasdan ang lawa. Naalala ni Leon na may nais nga pala
siyang ibigay sa bagong kaibigan at dinukot niya ito sa bulsa ng kanyang
pantalon. “Remz para sa iyo nga pala bilang tanda ng ating pagkikita ngayong
araw,” at iniabot nito ang regalo sa dalaga.
Inabot naman ni Remz ang maliit na bagay na nasa kamay ni Leon at
nang kanyang sinuri ay isa itong key chain. “Ang cute naman, sa akin na talaga
ito?”
“Alagaan mo iyan ha, huwag mo kakalimutang pakainin,” ani Leon na ang
tinutukoy ay ang key chain na nakangiting aso na may limang sentimetro lang
ang haba.
Tuwang-tuwa ang dalaga sa natanggap at nagpasalamat ito. Natuwa
naman si Leon dahil nagustuhan ng dalaga ang kanyang regalo. Para kay Remz
ay napakakyut ng key chain at masayang-masaya ito habang paulit-ulit na
nilalaro ang aso. “Ang cute talaga!” muling wika nito.
“Remz, March 20, 2006 ngayon at ito ang una nating pagkikita. Magkikita
ulit tayo hindi ba?”
Napangiti si Remz sa nasabi ng katabi at siya‟y tumango.
“Promise?” tanong ng binata.
“Promise!” nakangiti pa rin na tugon ni Remz.
Niyakap ni Leon ang bagong kaibigan at tinapik-tapik niya ang likuran nito.
Yumakap din pabalik si Remz at ginawa rin ang ginagawang pagtapik ng binata.
Minasdan nila ang buong parke ng huling beses at saka bumalik sa bahay ng tita
ni Remz. Baka kasi magising na ang mga pinsan nito dahil maaga ang kanilang
lakad at mahirap na kung malaman na wala si Remz. Kaya naman natapos na
ang kanilang date sa parke at ngayon ay nakabalik na sila sa kung saan sila
nagtagpo kanina bago tumakas.
“Paano na iyan? Nandito na tayo,” sabay tanggal sa suot na helmet.
“Leon salamat sa lahat ha, ang sweet mo buti na lang nakilala kita.”
“Sweet?”
“Basta! Salamat ha,” at binitiwan siya ng dalaga ng matatamis na mga
ngiti.
“Huwag ka na ngang magpakyut at nakakasawa na!”
“Heh! Makababa na nga.”
Bumaba si Remz sa pagkakasakay at ibinalik ang jacket na ipinahiram ni
Leon. Nagkatitigan na lang ang mga ito na tila may gusto pang sabihin sa isa‟t-
isa.
“Paalam Leon, kita na lang ulit tayo,” sabay kaway nito sa kanya.
Hindi na nagsalita ang binata at kumaway-kaway rin habang nakangiti sa
dalaga. Tumalikod si Remz at naglakad patungo ng gate ng bahay ng kanilang
tita. Habang papalayo ay pinagmamasdan siya ng binata at nang bubuksan na
nito ang gate ay sumulyap pa ito ng isang beses at nakitang mainit ang
pagkakatitig sa kanya ni Leon. Parang nagpapahiwatig na gusto pa siya nitong
makasama ng mas matagal at gano‟n din ang kanyang nararamdaman.
Humarap ang dalaga sa kinaroroonan ni Leon at tumakbo ito pabalik.
Nang makalapit ay bigla na lang niya hinalikan sa labi ang nakaupo sa
motorsiklo. Hindi inaasahan ni Leon ang nangyari at wala itong nasabi. Tila
tinamaan siya ng kung ano at nakaramdam ng hindi maipaliwanag na
pakiramdam.
“Salamat ulit Leon, pakabait ka ha,” at muli itong naglakad patungo sa
tinutuluyan. Muli itong sumulyap sa kanya at kumaway-kaway. Kumaway din si
Leon at nang makapasok na ng bahay si Remz ay umuwi din kaagad ang binata.
Pagkauwi ay dumiretso ng kanyang silid si Leon at umupo sa ibabaw ng
kama. Hinubad niya nag kanyang jacket at kanya pa itong inamoy at napangiti.
Naalala niya ang paghalik sa kanya ni Remz kanina, hinawakan at hinaplos niya
ang kanyang mga labi at mas lalo pa itong napangiti na tila napakasaya sa
nangyari.
Natapos ang lahat ng pagsusulit ni Leon at nagawa na rin niyang
idepensa ang kanyang thesis bago pa sila nagkakilala ni Remz. Ang
kinakailangan na lang ay ipaprint-out ito at ipasa sa kanilang instructor na kanya
naman ng nagawa. Sigurado na si Leon sa mga magtatapos ngayong taon.
Kailangan na lang niya na hintayin ang araw ng graduation ceremony subalit
wala siyang balak na makiisa dito dahil hindi naman niya ka-batch ang mga
magtatapos.
Mas lalo din napadalas ang pag-uusap ni Leon at Remz sa cellphone.
Mapatawag man o text. Bumili din sila ng tig-isa nilang sun cellular na sim card at
salitan sila sa pagloload kung sino ang tatawag. Sa paraang ito napatagal nila
ang kanilang pag-uusap at halos araw-araw silang napupuyat sa pag-uusap sa
cellphone.
Di naglaon at dumating ang araw ng thesis defense ng grupo ni Remz. Sa
kurso ni Remz ay grupo ang thesis hindi kagaya ng kay Leon na indibidwal.
Matagal na ring nakukuwento ni Remz ang tungkol sa ginagawa nilang thesis
para sa kurso nilang E.C.E. ngunit wala gaanong interes si Leon tungkol dito
dahil hindi naman niya linya ang engineering.
Alas-diyes y media ng umaga ang kanilang thesis defense at bago ang
nabanggit na oras ay tumawag muna si Remz sa binata.
“Hello Remz Kinakabahan ka ba?”
“Medyo. Bakit ang ingay ng lugar na kinaroroonan mo? Nasa kalsada ka
ba?”
“Yup, nagmamaneho ako ngayon.”
“Hala tapos nakikiusap ka sa akin? Baka maaksidente ka niyan,” may
pag-aalalang nasambit ng dalaga ng may kalakasan.

“Ayos lang maluwang naman itong hi-way. Remz kaya niyo „yan,
pinaghandaan niyo ng matagal at nagpraktis din naman kaya kagabi di ba?”
“Oo pero ninenerbiyos pa rin ako lalo na at ako lang ang babae sa grupo
baka gisahin ako,” alalang tugon ng dalaga.
“Kaya mo iyan! Ito naman kunwari pang kinakabahan eh super confident
naman sa totoo lang,” biro ni Leon.
“Kunwari ka dyan! Hala tinatawag na kami,” tila maiyak-iyak na wika ni
Remz.
“Ahh gano‟n ba? Pagbutihin niyo ha, good luck!”
“Thanks. Tawagan na lang ulit kita mamaya. Bye!”
Natapos din sa wakas ang napakatensiyonadong thesis defense nila
Remz. Masaya ang grupo nito na lumabas ng building at suot-suot pa rin nila ang
kanilang formal attire. Dinukot ni Remz ang kanyang cellphone sa loob ng
kanyang bag nang maramdaman niya na ito ay nagva-vibrate. Nang mabasa ang
pangalan ni Leon ay agad niya itong sinagot.
“ Leon tapos na rin! Success!!” napakasayang pagbabalita nito sa
tumawag.
“Ang init grabe!”
“Huh? Dito rin naman ang init kaya pinagpapawisan kami kanina sa
defense namin.”
“Gusto ko ng ice cream. Gusto mo rin?” tanong ni Leon.
“Oo ba! Ipadala mo dito ha.”
At biglang naputol ang tawag. Kinumpirma ni Remz kung natapos na nga
ba ang tawag at nabasa niya sa LCD ang mga katagang “CALL END”. Biglang
may sumulpot na Cornetto ice cream sa kanyang harapan na hawak ng isang
kamay mula sa kanyang likuran. Agad napalingon ang dalaga sa kanyang likuran
at inalam kung kaninong kamay ito.
“ Leon!”
“Kayo po ba si Miss Remelyn? Ito na po ang order ninyong ice cream,”
sabay abot ni Leon sa ice cream na hawak-hawak.
Inabot naman ito ni Remz at napangiti sa lalaking lubos na sumurpresa sa
kanya. Pagkakuha ni Remz sa ice cream ay kinuha ni Leon mula sa kanyang
kamay ang cellphone at ibinulsa sa kanyang pantalon.
“Bakit ba hinohostage mo ang cellphone ko?”
“Para walang distorbo at para siguradong sasama ka,” paliwanang ni Leon
habang nakangiti sa kausap.
Napatawa lang si Remz sa narinig at hinyaanh hawakan ni Leon ang
kanyang cellphone. Binuksan nito ang ice cream at sinimulang kainin, tamang-
tama para sa mainit na panahon.
“May importante pa ba kayong pupuntahan ng mga kasama mo?”
“Mamayang gabi pa, magdiriwang daw kami,” sabay napatawa pa ito
matapos sumagot.
“Kung gano‟n magpaalam ka na nang makaalis na tayo.”
“Huh? Bakit naman?” nagtatakang tanong ng dalaga.
“Huwag ka ng maraming tanong pumunta lang naman ako dito para
makita ka. Hindi mo ba ako pagbibigyan?” maladramang tugon ng binata.
“Sira! Sige na nga pero ano sasabihin ko sa kanila?”
“Sabihin mo magpapalit ka ng damit kaya mauna ka na muna.”
Nakapalda si Remz kaya sumang-ayon ito sa iminungkahi ng kaibigan.
Lumapit ito sa mga kagrupo at nagpaalam. Habang nagpapaalam ay tila
pinagkakatuwaan siya at silang lahat ay napapatingin sa kinaroroonan ni Leon.
Naisip na lang ng binata na maaaring pinagkakamalan silang magkasintahan
pero hindi naman siya naapektuhan dito. Matapos magpaalam ay sabay na
naglakad ang dalawa patungo sa kung saan ipinarada ni Leon ang kanyang
motorsiklo.
Nang naubos ni Remz ang kinakain ay sumakay sila sa motorsiklo at
nagtungo sa isang kainan na inirukumenda ng dalaga. Habang kumakain ay
hindi tumitigil sa pagkukuwento si Remz tungkol sa kanilang thesis defense
kanina. Tuwang-tuwa ito habang isinasalaysay ang detalye ng pangyayari at si
Leon ay tahimik at nakangiti lang na nakikinig.
Matapos silang kumain ay namahinga muna saglit at nagpatuloy ang
dalaga sa pagkukuwento. Makalipas ang ilang minuto ay nagpasya ang mga ito
na pumunta sa ibang lugar kaya sila ay tumayo at nagtungo sa counter.
Maglalabas sana si Remz ng pera na idadagdag sa kanilang babayaran ngunit
inunahan na siya ng binata. Matapos makuha ang sukli ay lumabas ng restaurant
ang dalawa at muling nilapitan ang motorsiklo.
“Uuwi ka rin ba mamaya ng Baguio?”
Hindi kaagad sumagot ang binata at parang may pinag-iisipan. “Remz
magrekumenda ka nga ng magandang tutuluyan ngayong gabi.”
“Bukas ka uuwi?” tuwang-tuwa na naitanong ni Remz.
Tumango naman si Leon at nginitian ang natutuwang binibini.
“Tara ituturo ko sa iyo kung saan maganda.”
At pinuntahan nga ng dalawa ang isang resort house na tumatanggap ng
isang araw na upa ng silid. Liman-daang piso ang isang araw at di naman pumili
ng ibang lugar si Leon.
“Anong oras kayo magkikita ng mga kagrupo mo mamaya?”
“Bago maghapunan.”
Dinukot ni Leon ang sariling cellphone at tiningnan ang oras. “Ala-una y
media pa lang kaya may oras pa tayo.”
“Oras para sa ano?”
“Unang beses ko lang dito kaya gusto ko maglibot-libot at ikaw ang tour
guide. Galingan mo ha,” sabay ngiti ulit nito.
“Ayaw ko nga! Baka may makakita pa sa atin!” tanggi ni Remz.
“Sino?”
“Mga pinsan ko, isumbong pa ako ng mga iyon.”
“Haaay ang hirap nga naman kung high school ka lang. Sobrang
napakaistrikto ng magulang,” umiling-iling na nasabi ni Leon.
“Sabing hindi ako high school eh!” sabay tingin ng matalim sa nang-iinis
na kausap.
“Ibig sabihin kung graduate ka na parang high school ka pa rin?”
“Siyempre hindi na!” at napatakip ito ng bibig matapos sumagot.
“Ha ha ha! Inamin mo rin sa wakas na high school ka nga.”
“Tigilan mo nga ang katatawag ng high school sa akin!” naiinis na sumbat
ni Remz.
Nagtakip ng bibig si Leon subalit halatang ito‟y natatawa pa rin. Kung
iisipin kasi ang kalagayan ni Remz ay parang isang tinedyer na nasa high school.
Ngunit ang mas ikinatutuwa ng binata ay ang mabilis na pagkaiinis nito kapag
tinatawag niya itong high school.
“O sige na nga, hindi ka na high school. Iyan ay kung hindi ka
magdadalawang-isip na maging tour guide ko pero kung ayaw mo high s…”
“Fine! Saan mo gusto?” agad na sagot ni Remz upang di na banggitin ni
Leon ang salitang kinaiinisan.
“Iyon eh, maski saan basta magandang puntahan.”
Bago sila umalis ay nagpaalam muna si Leon sa dalaga ng saglit para
iwanan muna sa kanyang nirentahang silid ang bag na dala-dala. Mabilis itong
nakabalik at agad nilang sinimulan ang paglilibot sa bayan ng Bayombong. Wala
gaanong lugar na mapuntahan sa Bayombong kaya naman simpleng mga
tanawin at gusali lang ang kanilang napuntahan. Halos sa pagpapatakbo sa
kalsada rin nauwi ang kanilang natitirang oras ng pagsasama. Habang mas
binibilisan ni Leon ang pagpapatakbo ay may humihigpit ang pagkapit ni Remz.
Nang mapansin ito ng binata ay sinadya niya na mas bilisan pa.
“ Leon! Ayoko pang mamatay!” malakas na hiyaw ng pasahero.
“Ano sabi mo bilisan ko pa?”
Mas lalo pa niya itong binilisan at inunahan ang ilan sa mga kotse sa hi-
way. Nagpatuloy din naman sa pagtili ang kanyang pasahero na sobrang
mahigpit na ang pagkakakapit sa kanya.
Inihinto ni Leon sa isang tabi ang motorsiklo at pinatay ang makina.
Tinanggal niya ang kanyang helmet at isinabit sa manubela. Bumababa ang
dalaga at ipinatayo ni Leon ang motorsiklo gamit ang stand nito. “Enjoy ba?”
parang muling nang-iinis na tanong ni Leon maski alam niyang natakot ng husto
ang dalaga kanina sa sobrang bilis ng kanyang pagpapatakbo.
“Anong enjoy doon? Halos atakehin ako!” hinihingal na tugon ni Remz.
“Ganyan ka na rin ba na pupunta sa dinner niyo ng mga kagrupo mo?”
“Hindi uuwi muna ako para maligo at magpalit ng damit sa apartment.”
“Ihatid na kita baka mahuli ka pa sa dinner niyo,” alok ng binata.
“Leon huwag na. Nandoon iyong mga pinsan ko baka kung ano pa isipin,”
tutol ni Remz.
Napatitig na lang si Leon sa dalaga at umiling-iling. “Talaga nga naman
ang high…”
Idinikit ni Remz ang kanyang dalawang daliri sa labi ni Leon kaya hindi
nito natapos ang sasabihin. “Hatid mo na lang ako hanggang paradahan, ok?”
sabay ngiti nito.
Nagngitihan ulit ang dalawa at tumuloy sa paradahan ng mga tricycle na
tutungo sa tinutuluyang apartment ni Remz. Nang marating nila ang paradahan
ay agad bumaba ang pasahero sa kinauupuan. Halatang iniiwasan nitong may
makakita sa kanya habang nakasakay sa likuran ng binata.
“Bukas ng umaga ulit ha,” ani Leon.
“Bukas? Wala naman tayong usapan kanina ah.”
“Kanina iyon, ngayon meron na,” sumbat ni Leon at iniabot pabalik ang
cellphone ng dalaga.
Ngumiti sa kanya si Remz at tumango ng isang beses. Isinuot muli ni
Leon ang kanyang helmet at nagpaalam sa kaibigan. Kumaway na lang sila sa
isa‟t-isa at mabilis na pinaandar nitong nilisan ang lugar.
Oras na rin ng hapunan kaya kumain si Leon sa pinakauna niyang nakita
na restaurant. Matapos kumain ay bumalik din siya agad sa inuupahang silid at
namahinga. Bago matulog ay nagtext muna ito kay Remz at sinabing sa
paradahan kung saan sila naghiwalay kanina ang kanilang magiging tagpuan
bukas.
Habang kinukuha nito ang kanyang tulog ay biglang tumunog ang ringtone
ng kanyang cellphone. Dinampot niya ito at sinagot. “O bakit?” parang iritadong
tanong nito sa tumawag.
“Nagtext kasi sa akin mama mo, hinahanap ka. Wala raw siya sapat na
load para tumawag o mag-miscall man lang at di ka rin daw nagrereply sa mga
text niya.”
“Gano‟n ba? Sige ako na lang ang tatawag sa kanya.”
“Nasaan ka ba ngayon?”
“Diyan lang sa tabi-tabi. Wala ka na bang sasabihin?” tila iritado pa rin na
pagsasalita ni Leon.
Nagkaroon ng kaunting katahimikan bago sumagot si Kyla. “Wala na.
Good night Leon.”
Ibinaba ni Leon ang tawag na hindi man lang tumutugon sa huling sinabi
ng dalaga. Tinawagan niya ang kanyang ina at nagpaalam na hindi siya
makakauwi ngayong gabi. Tinanong ng ginang ang dahilan at madali ulit siyang
nakagawa ng kuwento na kapani-paniwala. Sa totoo ay plinano niya ang lahat
kahapon pa ng gabi kaya ang laman ng kanyang bag ay kanyang ekstra na mga
damit.
Ikawalo na ng umaga nang magising si Leon. Pagkabangon ay agad itong
naligo. Kinalkal nito ang dalang bag at nagbihis ng damit. Ang pantalon na suot
niya kahapon ay siya rin niyang suot ngayon. Wala na kasing espasyo para sa
pantalon kaya hindi na siya nagdala ng isa pa. Matapos makapag-ayos ng sarili
ay naisipan nito na tawagan ang kaibigan.
“Hello Leon nasaan ka na?” agad na naitanong ng tinawagan.
“Dito pa rin sa inn. Nandiyan ka na ba sa paradahan ninyo?”
“Kanina pa!”
“Pasensiya na papunta na ako.”
“Oh sige bilisan mo ha.”
Nagmadaling lumabas ng silid si Leon at dala na rin niya ang kanyang
bag. Ibinalik niya ang susi ng kanyang inupahang silid sa reception at tinapos
ang kinakailangang transaksiyon. Muli siyang nagmadali palabas at sumakay sa
motorsiklo. Patatakbuhin na niya sana ito nang biglang may palundag na
sumakay sa kanyang likuran at sabay kapit sa kanyang mga balikat. Nasurpresa
ito at nilingon kung sino ito. Nakasuot ng sombrero at nakayuko kaya medyo
natatakpan ang kanyang mukha. Ang natiyak lang ni Leon ay babae ito dahil sa
pangangatawan at pambabaeng pang-itaas nito.
“Good morning Leon!” buhay na buhay na bati ng di pa nakikilalang
babae. Dahan-dahan nitong itinaas ang ulo mula sa pagkakayuko at itinaas ng
kaunti ang sombrero saka ngumiti.
“Remz! Bakit nandito ka?”
“Ang tagal mo naman kasi, isang oras ako naghintay,” nakasimangot na
sagot nito.
“Gano‟n ba? Sorry nahuli ako ng gising.”
“Sorry ka dyan! Walang sorry sorry sa akin!”
“Eh ano naman gusto mong gawin ko?”
Napaisip ng ilang segundo ang dalaga at bigla itong napangisi. “Special
halo-halo, dalawa!” bulalas ni Remz.
“Huh? Madaya ka isa lang dapat.”
“Isa ka diyan, dalawa nga gusto ko eh. Kung ayaw mo ihatid mo na lang
ako sa paradahan ng makauwi na ako,” mataray na sumbat nito.
Tinitigan ni Leon ang demanding na dalaga at inilapat niya ang likod ng
kanyang palad sa kaliwa at kanang bahagi ng leeg ni Remz. Hinawakan niya sa
batok at inilapat ang sariling noo sa noo ng dalaga.
“Anong ginagawa mo?” nagtatakang tanong ni Remz.
“Pinakiramdaman ko lang kung mainit ka, baka kasi may dalaw ka ngayon
kaya ka masungit,” paliwanag ni Leon.
“Heh! Tara na nga gusto ko ng maghalo-halo, ang init-init.”
“Yes ma‟am.”
Nilisan na nila ang inn at sinunod ng binata ang direksyon ni Remz
hanggang sa marating nila ang susunod na bayan ng Solano. Ang sinasabi pala
ni Remz na special halo-halo kanina ay ang itinitinda sa isang sikat na Chinese
fastfood chain. Napatawa na lang si Leon at kinailangan pa nilang pumunta dito
sa bayan ng Solano na katabi ng Bayombong na kanilang pinanggalingan.
“Tatlo nga pong special halo-halo,” ani Leon sa tigakuha ng order.
Napatingin ang babaeng pinagsabihan ng order na parang hindi sigurado
sa bilang ng halo-halo na nabanggit ni Leon dahil dadalawa lang naman sila at
wala ng ibang kasama. “Tatlong halo-halo po ba?” pangungumpirma nito sa
kanya.
Tumango si Leon at binayaran ang halagang lumabas sa invoice machine.
Kinuha nila ang kanilang numero at umupong magkaharap sa isang bakanteng
mesa.
“Ano pala pinaalam mo sa mga magulang mo?” usisa ni Leon.
“Sabi ko magsisimba ako,” sabay halakhak nito.
“High school ka talaga! Ha ha ha!”
Itinaas ni Remz ang kanyang cellphone na pawang ihahampas kay Leon
nang biglang sinalo ni Leon ang kanyang kamay at kinuha ulit ang kanyang
hawak-hawak.
“Bakit ba lagi mong binubulsa cellphone ko?”
“Tinatanong pa ba iyon?” sabay ngisi nito kay Remz.
“Ingatan mo „yan ha.”
Dumating sa wakas ang kanilang hinihintay na tatlong special halo-halo at
dahan-dahan na inilagay ang mga ito ng waiter sa ibabaw ng kanilang mesa.
Pagkababa ng waiter sa kanilang order ay agad-agad kinuha ni Remz ang
dalawa na animo‟y nakikipag-unahan kay Leon. Halos yakapin pa nito ang
dalawang halo-halo na parang ayaw man lang niya ipahawak sa iba.
Napkunot ng noo si Leon sa kakaiba pero nakakatuwa na ikinikilos ni
Remz. Hindi niya mapigil ang sarili sa pagtawa kaya naman malakas niyang
tinawanan ang dalaga. Inirapan siya nito at kumutsara ng halo-halo ni Leon at
isinubo.
“Oiy madugas ka talaga. Dala-dalawa na nga ang sa iyo,” wika ni Leon na
napahinto sa katatawa.
Itinaas din ni Leon ang kanyang kutsara at babawi sana kay Remz ngunit
muling tinakpan ng dalaga sa kanyang mga kamay ang dalawa niyang kinakain.
Dumila pa ito na parang nang-iinis na bata. Napangiti na lang ang binata dahil sa
natutuwa ito sa mga pinaggagawa ng kasama. Hindi pa nauubos ni Leon ang
kanyang kinakain ngunit nang tingnan niya ang kinakain ni Remz ay paubos na
ang pangalawa. Napatanong na lang siya sa sarili kung paano nakain ng kasama
ang dalawang malalamig na halo-halo ng gano‟n kabilis.
Napansin ni Remz na nakatitig lang sa kanya si Leon na tila di
makapaniwala sa nasasaksihan. Sinamantala niya ito at pasimpleng inagaw ang
kinakain ng kaharap at di naman ito napansin ng binata.
“Uyy may dalawang kutsara pa!” tuwang-tuwa na sabi nito. Mabilis niyang
isinubo ang natitira sa halo-halo ni Leon sabay punas ng table napkin sa
kanyang mga labi. “O bakit?” tila naiinis na tanong nito sa nakatitig pa ring
binata.
Umiling-iling si Leon at kukutsara sana ng kinakain na halo-halo nang
maramdaman niyang tumama ang kanyang hawak na kubyertos sa mesa.
Napatingin ito sa dating kinalalagyan ng kinakain at wala na ito kundi nasa tabi
ng mga kinain ni Remz.
“Waaaahh! Madaya ka talaga pati ba naman halo-halo ko inupakan mo?”
“Buti nga sa iyo! Ha ha ha!” Dumila ulit ito sa binata at nagpatuloy sa
pagtawa.
“Ganito ba talaga ang gawain ng mga babae sa mga tulad kong
napakabait na nanlilibre sa kanila?” at umiling-iling muli ito ng dahan-dahan.
“Mabait daw? Buti nga sa iyo, tawagin ba naman kasi akong high school.”
Nagkangitian na lang ang dalawa at nagpasyang ipagpatuloy ang kanilang
date.
“Saan ang susunod nating pupuntahan halo-halo freak?”
“Gusto ko ng pizza,” sagot agad ni Remz.
“Huh? Pagkain na naman?”
“O bakit sino ba kasi ang nahuli ng gising at pinaghintay ako ng isang
oras?” at nilagay pa ang kanyang mga kamay sa sariling baywang.
Hindi na umangal pa si Leon at kinamot-kamot ang kanyang noo habang
nakapikit. “At saan naman tayo kakain ng pizza?”
“Sa Woodbridge sa Bayombong,” masayang sagot ng dalaga.
“Ha! Gano‟n kalayo?”
“Bakit may angal ka?”
“Wala naman po. Sige po tara na po.”
Natuwa naman si Remz sa narinig at sumakay ulit sila sa motorsiklo.
Tinanggal ni Remz ang kanyang sumbrero at isinuot kay Leon at kinuha ang
helmet at siya ang nagsuot nito.
“Teka hindi pwedeng walang suot na helmet ang nagmamaneho ng
motorsiklo huhulihin tayo ng pulis,” paliwanag ni Leon.
“Eh di masaya para maranasan ko kung paano mahuli,” walang alinlangan
na tugon ng dalaga.
Naisip ni Leon na wala rin sigurong pulis na makakapansin sa kanila kaya
hinayaan na lang niya na si Remz ang magsuot ng helmet. Pinaandar niya ang
motorsiklo pabalik sa bayan ng Bayombong. Tiningnan ni Leon ang oras, isang
oras na lang at tanghalian na. Kailangan niyang makabalik ng Baguio mamayang
gabi kaya ito na ang huling lugar na kanilang mapupuntahan ni Remz ngayong
araw.
Narating nila ang Woodbridge at sabay silang pumasok at umorder.
Hinayaan na lang ni Leon ang dalaga sa pag-order yaman rin lang ito ang
nakakaaalam ng mga inihahanda sa pinasok nilang gusali. Siya na lang ang
sumagot sa bayad pagkatapos. Nagkakuwentuhan ang dalawa sa kanilang
pagkakakilanlan at masaya nilang binalikan ang mga pangyayari lalo na sa
unang beses nilang pagkikita.
Habang nagkukwentuhan sila ay napuna rin ng binata na marami sa mga
customers ang napapalingon sa kanila. Kung tutuusin nga naman ay may
angking kagandahan si Remz na madaling makatawag pansin sa mga
kalalakihan at si Leon naman ay hindi mabatid kung ano talaga ang tinitingnan
sa kanya. Marahil sa kanyang kasuotan o dahil sa halata na siya ay hindi tiga-
Nueva Viscaya dahil sa tono ng kanyang pagsasalita na hindi kasin-lambot ng
tubong Nueva Viscaya.
“Paano na iyan kailangan mo ng bumalik ng Baguio. Kailan ka ulit
dadalaw?” pang-aalam ng dalaga.
“Hindi na ako dadalaw ulit dahil ikaw naman ang dadalaw sa akin para
patas.”
“Ngek ano ka?”
Matapos kumain ay tumayo ang dalawa at lumabas. Naramdaman ni Leon
ang tawag ng kalikasan kaya pinauna na niya ang kasama sa labas at nakigamit
muna siya ng palikuran. Matapos umihi ay sumunod ito kung nasaan si Remz.
Pagkalabas niya ay nakita na may kausap na lalake ang kasama. Minukhaan
niya ito at nasigurado na ang kausap ni Remz ay ang taong kanyang
kinaaasiwahan, si Leonardo.
Parang ayaw makipag-usap ni Remz kay Leonardo. Kung hahawak ang
binata sa kanya ay pwersahan niya itong pinapabitaw. Hindi marinig ni Leon ang
kanilang pinag-uusapan kaya linapitan niya ang mga ito at nakialam.
“Bhe pakiusap maski saglit lang talaga kung pwede gusto ko lang mag-
usap tayo,” dinig ni Leon na sinabi ni Leonardo.
Magsasalita sana si Remz subalit naudlot ito dahil biglang isinuot ni Leon
ang helmet sa kanyang mula sa likuran. Nilingon ng dalaga ang kanyang likuran
at di niya malaman ang kanyang gagawin ngayong nasa tabi niya ang bagong
kinagigiliwang kaibigang lalake.
“Bhe ipinagpalit mo na ba ako sa kanya?” medyo naluluhang tanong ni
Leonardo.
“Ahh, ikaw ba ang dati niyang boyfriend? Ako nga pala si Leon,” sabay
abot nito sa kanyang kanang kamay upang makipagkamayan subalit halata ang
pang-iinsulto sa kanyang mukha.
“Dati niyang boyfriend? Bhe anong ibig niyang sabihin?” muling tanong
nito sa dalaga.
Sasagot sana ulit si Remz nang pinisil ni Leon ang kanyang kamay ng
may kalakasan at napa-aray ito. Napansin ni Leonardo ang reaksiyon ni Remz
kaya natiyak niya na may ginawa si Leon dito.
“Tarantado ka! Anong ginawa mo?” sabay kinuwelyo niya si Leon at
hinagisan ng suntok.
Agad nasalo ni Leon ang kamay ni Leonardo kasabay nito ay ang
pagbaon niya ng kanyang kanang kamao sa sikmura ng kalaban. Napabaluktot
ito sa sakit at kasunod nito ay ginamit ni Leon ang kanyang dalawang kamay
para hatakin pakanan ang nasalong kamay ni Leonardo at ito ay napaikot at
napatalikod sa kanya. Sinundan pa niya ito ng isang napakalakas na pagsiko sa
tagiliran at muling napabaluktot si Leonardo at halos mapaluhod na sa lupa.
Mahigpit na inipit ni Leon sa kanyang kanang bisig ang leeg nito bago
bumagsak. Itinapat niya ang kanyang mga bibig sa tainga ng sinasakal at
mahinang bumulong. Sinadya ito ni Leon para hindi marinig ni Remz ang
kanyang sasabihin. “Makinig ka sa akin gunggong!” may halong galit na
pagbulong nito.
Sinubukan ni Leonardo na pumalag ngunit mas hinigpitan pa ni Leon ang
pagkakaipit sa kanyang leeg at halos hindi na siya makahinga. Napakabilis ng
mga pangyayari at nahuli sa reaksiyon si Remz. Tinanggal niya ang helmet na
isinuot sa kanya at hinawakan sa kamay si Leon at pinakiusapan na tumigil ang
mga ito. “Leon pakiusap tama na, huwag ka ng makipag-away sa kanya.”

Tila walang narinig at naramdaman si Leon at ipinagpatuloy ang


pananakal. May gusto siyang sabihin dito subalit nagdadalawang-isip siya dahil
baka marinig ni Remz at magka-ideya pa ito tungkol sa kanyang plano ng
paghihiganti. Binitawan ni Leon ang halos mawalan ng hininga na lalake at
napaluhod ito at sobrang hinihingal. Agad hinawakan ni Leon ang mga kamay ni
Remz sabay titig ng malalim sa mga mata nito. “Paumanhin Remz nabigla lang
ako nang sinubukan niya akong suntukin,” painosenteng alibi nito.
Hindi agad nakasagot ang dalaga at may pag-aalalang sinulyapan ang
hinihingal na Leonardo. “Okay lang Leon hindi naman ikaw ang nagsimula.
Pasensya ka na at nadamay ka pa sa away namin.”
Nagpatuloy sa pagkukunwari na nakokonsensya sa ginawa si Leon
subalit sa kaloob-looban nito ay ang pakiramdam ng pagkatuwa sa nangyari.
“Leon pwedeng maiwan mo muna kami saglit may kaunti lang akong
sasabihin sa kanya.”
Muling nagpaumanhin si Leon at umayon sa pakiusap ng dalaga. Pinulot
niya ang helmet na nabitawan ni Remz kanina habang sila ay inaawat. Bago siya
umalis ay tinitigan muna ang hinihingal pa rin na Leonardo. Nakatitig din ito sa
kanya ngunit hindi na ito kasin-aggresibo gaya kanina. Tila nakaramdam pa ito
ng takot sa kanya kaya hindi na ito lumaban pa at hinayaan si Leon na
makalayo.
“Sige Remz hintayin na lang kita doon,” sabay turo sa kanyang
nakaparadang motorsiklo.
Habang naglalakad palayo si Leon ay nakatitig sa kanyang likuran si
Leonardo. Naguguluhan pa rin ito sa nangyayari at di malaman ang gagawin.
Ramdam niya na malalim ang galit sa kanya ni Leon kaya gano‟n kahigpit ang
pagkakasakal nito sa kanya. Kakaiba rin ang ekspresyon ng mukha nito tila
nagpaparamdam sa kanya na nasa panganib ang kanyang buhay lalo na nang
siya ay sakalin. Subalit nagtataka pa rin si Leonardo sa kung ano sana ang
sasabihin ni Leon kanina at may kakaiba siyang naramdaman na parang nagkita
na sila dati.
“Ano na iyong sasabihin mo sa akin? Sabi mo kanina maski saglit lang
kaya sabihin mo na,” ani Remz.
Hindi agad nakapagsalita si Leonardo at ang laman pa rin ng kanyang
isipan ay ang mga ibinulong sa kanya ni Leon kanina. Tumuwid ito mula sa
pagkakaluhod at hinarap ang dalaga.
“Bhe, wala man akong ebidensya ngayon pero huwag mo siya
masyadong pagkatiwalaan,” seryosong babala nito kay Remz.
“Ano ka ba hindi mo kilala iyong tao at kung gaano siya kabait sa akin
kaya huwag kang ganyan!” may halong galit na tugon ni Remz at inirapan pa
niya ang kausap.
Napatahimik si Leonardo at nabatid na maski anong sabihin niya sa
ngayon ay hindi makapagbabago sa pananaw ni Remz kay Leon. Hindi na niya
alam ang susunod na sasabihin kaya nanatili itong tahimik.
“Wala ka ba talagang sasabihin?” muling tanong ni Remz matapos ang
kaunting katahimikan.
“Bakit niya nasabi na dati mo akong boyfriend? Kayo na ba?”
“Iyon lang ba itatanong mo?”
“Bhe please! Kailangan kong malaman? Ipinagpalit mo na ba ako?” may
kataasan ng boses na naitanong ni Leonardo.
“Kaibigan ko lang siya! At huwag mo nga ako matawag-tawag na bhe!”
iritadong tugon ng dalaga.
“Gano‟n ba,” tugon ng binata na tila naginhawaan sa narinig.
“Ano may sasabihin ka pa ba?” mas iritadong pagtatanong ng dalaga.
“Patawarin mo na na ako sa ginawa ko bhe, please hindi na talaga mauulit
umalis pa ako sa trabaho para sundan kita dito. Hindi mo ba ako bibigyan ng isa
pang pagkakataon?” pagmamakaawa ni Leonardo.
“Sa ibang araw na lang natin pag-usapan iyang bagay na iyan, bigyan mo
pa ako ng kaunting panahon.”
“Naiintindihan ko, hihintayin ko ang araw na handa mo na akong
patawarin. Maaasahan ko ba ang araw na iyon?” pagdradrama ni Leonardo.
“Hindi ko alam kaya huwag ka masyadong umasa. Sige sa ibang araw na
tayo mag-usap,” ani Remz.
Naglakad palayo si Remz at nagtungo sa kinaroroonan ni Leon. Pipigilan
sana siya ni Leonardo ngunit hindi na niya ito ginawa dahil maaaring mas lalo
pang mairita sa kanya ang dalaga. Hinayaan na lang niya ito na makisama kay
Leon na ayon sa dalaga ay isang kaibigan lang.
Medyo kinakabahan si Leon habang papalapit si Remz. Maaari kasi na
may nabanggit ang kausap nito na makakaapekto sa kanilang kasalukuyang
samahan.
“Leon pasensya ka na ulit ha. Nadamay ka pa,” pagpapaumanhin ni Remz
nang makalapit sa kanya.
Nawala ang nararamdamang kaba ni Leon at iniabot ang helmet sa
dalaga. Kampante siya na gaya kanina ay walang huhuli sa kanila na pulis.
“Tapos na agad kayong mag-usap? Ang bilis naman.”
“Wala naman na siyang sasabihin kaya iniwan ko na lang siya.”
Habang tinatahak nila ang kalsada ay isinalaysay ni Remz ang kanilang
pinag-usapan kanina habang naghihintay si Leon.
“Iyon lang? Noong kalalabas ko pala galing ng C.R. ano pala pinag-
uusapan ninyo?” usisa ni Leon.
“Wala lang iyon, nakikipag-ayos lang siya sa akin at nagmamakaawa ng
isa pang pagkakataon.”
“Ano naman sabi mo?” patuloy na usisa ni Leon.
“Wala naman, hindi ko masagot kaso kinukulit at minamadali niya ako
kaya nagalit ako sa kanya.”
Hindi umimik si Leon sa narinig at nagpatuloy sa pagmamaneho. Hinintay
na lang nito na si Remz ulit ang magsalita.
“Leon sa tingin mo ano ang dapat kong gawin?”
Nairita si Leon sa tanong na narinig kaya agad niyang inihinto sa tabi ang
motorsiklo at pinatay ang makina. Pinababa muna niya si Remz at itinayo ang
sasakyan ng maayos. Tinanggal ni Remz ang kanyang suot na helmet at
nagtaka sa mga nagiging reaksiyon ni Leon.
“ Leon galit ka ba?” pawang malungkot na tanong ni Remz.
“Remz bakit sa tingin mo pumunta ako dito?” Ano iyong sinabi ko sa iyo
kahapon?” ani Leon na nakatalikod pa rin sa dalaga.
“Para makita ako,” dahan-dahan at mahinang isinagot ni Remz.
“Para sa iyo wala na bang mas malalim na kahulugan?” muling
pagtatanong ni Leon sabay harap sa kausap. Hindi nito makumpirma kung
nagpapainosente lang si Remz o kung talagang wala itong ideya sa kanyang
mga ipinapahiwatig.
“Leon ayos ka lang?”
“Huwag ka nga painosente!”
Nagulat si Remz sa may kalakasang pagsagot ni Leon at tila nabigla rin
ang binata at napatakip ng kanyang bibig. Napangisbi ang dalaga na tila isang
musmos na malapit ng umiyak. Agad naman siyang hinawakan ng binata sa
balikat at siya ay napayuko at nanatiling malungkot ang mukha.
“Remz sorry hindi ko sinasadya na mataasan ka ng boses,” at dahan-
dahan nitong iniangat ang ulo ng dalaga hanggang sa sila ay muling
magkatitigan.
Ramdam nilang dalawa na bumilis ang pagpintig ng kanilang mga puso at
si Remz ay parang nahihigop padikit sa katawan ni Leon. Nagkadikit nga ang
kanilang katawan at nanatili pa rin silang nagtititigan. Ilang segundo pa ay inilihis
na ni Remz ang kanyang mga mata at muling yumuko.
“Leon sigurado ka ba na nagkakagusto ka sa akin?” medyo kinakabahan
na itinanong ni Remz.
“Kung hindi ako sigurado, gagawin ko ba ang lahat ng mga pinaggagawa
ko mula nang tayo‟y magkakilala hanggang sa ngayon?” sumbat ni Leon.
Hindi malaman ni Remz kung ano ang dapat niyang isagot sa lalakeng
nakadikit sa kanya at nanatili siyang tahimik. Batid ni Leon na naguguluhan pa
ang dalaga sa mga nangyayari kaya niyakap niya si Remz at hinaplos-haplos
ang likuran nito. Hindi naman kumawala ang dalaga at sa katunayan ay inilapat
pa niya ang kanyang ulo sa balikat ng yumayakap sa kanya. Nanatili sila sa
ganoong ayos ng ilang minuto habang nag-uusap.
“Sorry Leon, hindi sa wala akong kaide-ideya sa ipinaparamdam mo kundi
naguguluhan lang talaga ako,” medyo naiiyak na wika ni Remz.
“Ayos lang, sapat na muna sa ngayon ang malaman mo ang
nararamdaman ko. Hindi naman kita minamadali dahil naiintindihan ko na
naguguluhan ka pa rin. Patawad kung pati ako ay nakakadagdag sa gumugulo
sa isipan mo.”
Itinuwid ni Remz ang kanyang ulo at muling nakipagtitigan sa binata.
Hinawakan niya sa kanyang dalawang kamay ang dibdib ni Leon at itinulak niya
ito palayo at napabitaw ito sa pagkakayakap.
“Nakakarami ka na ha,” ani Remz at pilit ngumiti sa binata.
Bumalik ang dating sigla sa mukha ng dalaga at nagkangitian na lang ang
mga ito at bumalik lahat sa dati ang ihip ng hangin na tila walang nangyari.
“Remz kailangan ko ng umuwi ng Baguio.”
“Gano‟n ba? Sige pakihatid mo na lang ako hanggang sa paradahan
namin. Gusto ko na rin kasi umuwi.”
Ginawa nga ito ng binata at nang marating nila ang lugar ay nagsimula
ang pagpapaalam sa isa‟t-isa.
“Salamat sa lahat Leon, nag-enjoy ako sobra,” wika ni Remz habang
nakangiti.
“Ako rin nag-enjoy siyempre kaya salamat din sa iyo. Kung pwede lang
sana hindi muna ako babalik ng Baguio,” ani Leon na may panghihinayang.
Isinaoli ng binata ang ibinulsa niyang cellphone ni Remz at ito ay
nagpasalamat sa kanya. Muling nagkatinginan ang kanilang mga mata at iniunat
pagilid ni Leon ang kanyang mga kamay. Lumapit naman si Remz sila ay
nagyakapan at gaya ng dati ay nagtapikan ng likod. Ang yakap na iyon ay yakap
magkaibigan madalas isinasagawa ng karamihan kung sila ay maghihiwalay
kaya hindi naman sila nakatawag ng atensiyon sa mga nagsisidaan.
“Hanggang sa muli Remz, salamat ulit,” pagpapaalam ng binata.
“Ingat ka sa pag-uwi at salamat din.”
Kumaway-kaway sila sa isa‟t-isa at mabilis na nilisan ni Leon ang lugar.
Mabilis din siyang nakabalik ng Baguio at pagkauwi ay sa kusina agad ang
kanyang tuloy. Kaninang umaga pa kasi ito hindi nakakakain ng kanin kaya
ramdam niya ang gutom. Matapos kumain ay nagtimpla siya ng kanyang
iinuming kape at pumanhik sa silid. Nagtext siya kay Remz at binati ito ng isang
magandang gabi at agad itong nagreply. Di nagtagal ay nakatulog ito na hindi
man lang napapatay ang ilaw sa silid.
Balik sa dating gawain ang dalawa, balik pagpupuyat ang mga ito na para
bang hindi nauubusan ng kuwento sa isa‟t-isa. Nagkakaroon din ng mas
maraming biruan at nagkakatuwaan pa ang mga ito. Minsan ay umaabot sila ng
tatlong oras sa pag-uusap na para bang wala silang kailangang gawin.
Natapos ang final exams ni Remz at wala namang pag-aalangan ito sa
magiging resulta ng kanyang mga marka. Lumipas pa ang ilang araw at araw na
ng pagtatapos ng mga Louisians. Gaya ng kanyang plano bago pa ang araw na
ito ay hindi nakibahagi si Leon yaman rin lang hindi niya ito orihinal na batch.
Hindi na rin niya maiwasang maalala ang dahilan kung bakit hindi siya
nakapagtapos kasabay ang kanyang mga ka-batch at mga kaibigan.
Nakaapekto ng malaki sa kanyang pag-aaral ang pagkamatay ng kanyang
ate. At ang tuluyan na naging sanhi ng kanyang pagtigil ay nang matuklasan niya
na may ibang lalake ang dati niyang nobya na si Kyla. Hindi niya maipaliwanag
sa sarili kung bakit nagawa iyon ni Kyla at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa
rin niya alam kung meron ba siyang pagkukulang. Minsan naiisip rin niya na
masyadong mababaw ang dahilan ng kanyang pagtigil sa pag-aaral pero wala na
siyang magagawa dito dahil nangyari na ang lahat.
Hindi niya pinasukan ang lahat ng kanyang mga klase hanggang sa
makatanggap siya ng liham mula sa Dean of Students Affairs na nagsasabing
officially dropped na ang lahat ng kanyang mga subjects for summer classes.
Wala na siyang nagawa dito at sa katunayan ay hindi man lang niya natanto na
lagpas dalawang linggo na pala siyang lumiliban. Ayon sa University Rules
tuwing summer classes, kung nagtamo ka ng apat na araw ng pagliban sa
anumang subject ay agad na matatamo mo ang Officially Drop na kapalit kung
wala kang maipriprisinta na katanggap-tanggap na dahilan. Hindi na rin siya nag-
enroll sa mga sumunod na semester at imbes na mag-aral ay nagtrabaho na
lang siya. Nasubukan niyang maging isang waiter sa restaurant, attendant sa
department store at nasubukan na rin niyang maging waiter sa isang panggabi
na bar at inaabot pa siya ng hanggang madaling araw sa pagtratrabaho dito.
Napag-isip-isip na lang niya matapos ang dalawang taon na walang
patutunguhan ang kanyang ginagawa. Maaaring angat sila sa buhay kung pag-
aari o salapi ang basehan pero batid din niya na hindi pwedeng dumepende na
lang siya sa kanyang mga magulang. Bumalik siya sa Saint Louis University at
muling ipinagpatuloy ang pag-aaral at sa wakas ngayon ay isa na siyang college
graduate ng kursong AB Political Science.
Sa halip na makiisa sa graduation ceremony ay nagpasya na lang si Leon
na dumalo sa isang selebrasyon. Inimbita siya na dumalo sa pagsasalo para sa
pagtatapos ni June bilang isang Nurse. Halos tatlong taon ang kanilang agwat sa
edad subalit kasabay niya itong nagtapos kaya parang medyo nakakahiya ito sa
kanyang bahagi. Ang pagsasalo ay magaganap sa bahay ng isa sa mga tita nina
June at Jean. Ito ay sa Beckel na may kalayuan mula sa bahay nila. Ikatlo ng
hapon ang napagkasunduang oras kaya pumunta muna si Leon sa town para
bumili ng ireregalo kay June na para na rin niyang kapatid gaya ni Jean.
Hindi ginamit ni Leon ang kanyang DUCATI sapagkat alam niya na
magkakainuman sila mamaya at maaaring hindi niya maiwasan na maparami ng
maiinom na alak. Matapos bilhin ang naisip na ireregalo ay dumiretso na siya sa
sakayan ng jeep patungong Beckel.
Marami na ang tao nang marating ni Leon ang lugar. Sinalubong naman
siya ni Jean at pinapasok sa loob upang makapagmeryenda. Si June ay abala sa
pag-aasikaso sa kanyang mga kaklase na dumalo sa kanyang selebrasyon.
“Kumusta naman iyong sinusulot mo na chicks?” Napatigil si Leon sa
pagsubo ng pagkain dahil sa tanong na narinig at sigurado siya kung sino ang
nagtanong nito mula sa kanyang tabi.
“Ayos lang naging malapit naman na kami sa isa‟t-isa,” napakakalmadong
sagot nito.
“Huh? Aba di mo man lang ipinagkaila, talagang sinusulot mo pala.”
“Masama ba?” seryosong tanong nito nito pabalik.
Napatawa si Jean sa naitanong ng kaibigan hindi niya lubos inakala na
ipagpapalit ni Leon ang isang tulad ni Kyla na lubhang napakaganda sa
pagmumukha at pangangatawan. Kaya interesado siya sa bagong
pinopormahan ng kaibigan.
Pumasok si June sa kusina at napansin si Leon kaya agad itong lumapit
at bumati. “Musta kuya?”
“Siyempre graduate na rin,” sabay abot nito sa kanyang kamay upang
makipagkamayan kay June.
Nagkamayan ang dalawa at pagkatapos ay may dinukot si Leon sa
kanyang bulsa. Isa itong manipis na bagay na binalot sa ordinaryong bond
paper. “Regalo ko nga pala sa iyo.”
Inabot ito ni June at agad tiningnan ang nasa loob ng bond paper. “Uyy
cellcard!” at napahalakhak pa ito.
“Load lang naman pinakagusto mo eh, text addict,” pagbibiro ni Leon sa
niregaluhan.
“Ha ha ha, salamat kuya pero pasensya na wala akong regalo sa iyo.”
“Ayos lang.”
Nagpaalam muna si June at lumabas ulit upang asikasuhin ang kanyang
mga bisita. Nagpatuloy sa pagkain sina Leon at Jean at di na nakihalubilo sa
mga bisita ni June. Nagsidatingan na rin ang dati nilang mga kamag-aral nang
sila ay nasa sekundarya at sinabayan silang kumain. Nagkakuwentuhan ang
mga ito tungkol sa kanilang pinaggagawa sa kasalukuyan at tila naging isang
class reunion ang pagsasalo.
Madilim na ang kalangitan nang ilabas ni Jean ang isang imported na
champagne. Ginaya niya ang napapanood sa telebisyon at inalog-alog ang bote
at tinanggal ang takip. Malakas na tumilamsik ang nilalaman nito sa kanilang
mga magkakaibigan.
“Oy sayang naman!” wika ng ilan sa kanila.
Nagsiuwian na ang ibang mga bisita at ang grupo nila Leon at Jean na
lang ang naiiwan. Nang medyo nagtagal sila sa tagayan ay biglang naiba ang
usapan at napunta sa kanilang buhay ng sila ay nasa sekundarya pa lamang. Si
Leon ay nanatiling tahimik at nakikinig at nakikitawa lang sa kanilang mga
kuwento.
Habang masayang nagkukuwentuhan ay narinig ni Leon ang itinalaga
niyang ringtone para sa numero ni Remz at agad siyang tumayo at idinistansya
ang sarili sa isang sulok.
“O Remz bakit ka napatawag?”
“Wala lang gusto lang kita batihin sa pagtatapos mo. Congratulations
Leon!”
“Gano‟n ba? Salamat, ikaw rin malapit na,” masayang tugon ng binata.
“ Leon shot mo!” sabay-sabay na isinigaw ng mga kasama nitong
umiinom. Gawain nila ito noon pa para ibisto sa kausap ng kasama nila na sila
ay umiinom ng alak.
“Nagsho-shot ba kayo?” usisa ni Remz.
“Oo dito sa bahay ng tita ng bestfriend ko, nagcelebrate kasi ng
graduation kapatid niya,” pag-amin nito.
“Leon kiss me please!” boses babae na isinigaw ng isa nitong kasama.
“Sino iyon?” medyo nagtatakang naitanong ni Remz.
“Huwag mo ng pansinin mga iyan. Nanggu-goodtime lang sila,” paliwanag
ni Leon.
Nagtawanan na lang sila at habang may pinag-uusapan ay lumapit si
Jean sa kanya at nagsalita rin sa tonong babae. “Leon tulog na tayo please,”
anito na parang totoong babae kung boses lang ang basehan.
“Shut up!” biglang wika ni Leon na ang kinakausap ay si Jean.
“Lasing ka ba Leon?” tanong ng dalaga.
“Ah sorry hindi ikaw pinagsasabihan ko no‟n kundi dito sa ungas na ito na
nagkukunwaring babae.”
Napahalakhak si Remz sa mga narinig at naisipan na lang nito na
magpaalam sa kausap. “Tawag na lang ulit ako sa ibang oras Leon.”
“Ako na lang tatawag. Pasensya na may mga ungas na distorbo eh.”
“Ok lang iyon nakakatuwa nga eh.”
“Sige paalam na muna Remz.”
“I love you!!” sabay-sabay na isinigaw ng mga kainuman ni Leon.
Napatawa ulit si Remz sa narinig at muling nagpaalam. Ibinulsa ni Leon
ang kanyang cellphone at kinausap niya si Jean habang nakadistansya pa silang
dalawa sa kanilang mga kasama.
“Mas maganda at mas sexy ba siya kay Kyla?” napakainteresadong
tanong ng kaibigan.
Napatingala muna si Leon sa kalangitan bago sumagot. Ayaw niya kasi na
naipapaalala sa kanya ang taong nabanggit ng kaibigan. “Kung sa hitsura at
katawan ang basehan nakakalamang si Kyla, pero…”
“Pero ano?”
“Pero wala akong pakialam hindi iyon ang mahalaga!” dugtong ni Leon.
Napaisip si Jean sa nasabi ni Leon. Matagal na silang magkaibigan at
kilalang-kilala nila ang isa‟t-isa. Hindi gawain ni Leon ang mangdiskarte ng babae
at katawan lang ang hahabulin kaya sigurado siya na hindi ito ang ibig sabihin ng
kanyang kaibigan sa kanyang mga salita. Naalala ni Jean na si Remz ay ang
girlfriend ng ginulpi ni Leon noon sa harap ng Metro Bank kaya may naisip siya
na ibang dahilan at ito ay may kinalaman sa lalakeng iyon.
Bumalik ang dalawa sa mesa at muling itinuloy ang pakikipagtagayan.
Hindi na ininda ni Leon ang tama ng alak at ipinagpatuloy na uminom. Lasing na
ang karamihan at ang ilan sa kanila ay nakatulog na sa kani-kanilang
kinauupuan. Dama rin ni Leon ang kalasingan at medyo nahihilo na ito.
Muling tumunog ang kanyang ringtone at sinagot ang tawag mula sa
kanyang nanay. “Ma bakit?”
“Bilisan mong umuwi may kaibigan kang naghihintay sa bahay kanina pa.”
“Sino ma?”
Hindi na muli pang sumagot ang kanyang ina at kanyang tiningnan kung
naputol ang tawag. Battery empty na pala siya kaya naudlot ang tawag. Naisipan
niyang makisalpak na lang muna para tumawag pero naalala niya na wala pala
siyang load. Hinanap niya ang kanyang kaibigan para makisuyo.
“Jean pa-text naman.”
Iniabot ni Jean ang kanyang cellphone at agad nagtext si Leon sa
kanyang ina at itinanong kung sino ang kaibigan na sinasabi nito kanina. 11 P.M.
hanggang 7 A.M. ang shift ng kanyang ina ngayong buwan kaya kung sino man
ang kaibigan ng ina ay tiyak mag-isa ito na naghihintay sa kanilang bahay dahil
kanina pa lagpas ng alas-onse. Naisip ni Leon na baka nagpanggap lang na
kaibigan niya ang naghihintay ngunit ito ay isa palang magnanakaw. Dala na rin
siguro ng kalasingan kaya niya naisip ang gano‟n na pangyayari. Hindi na
nagreply ang kanyang ina at hindi rin mapalagay si Leon kung sino ang
nabanggit ng ina kaya nagpasya itong umuwi para alamin. Nagpaalam it okay
Jean at nilisan ang lugar ng pagdirirwang.
Naghintay siya ng taxi sa tabi ng kalsada mga dalawan-daang metro ang
layo mula sa pinanggalingang bahay. Inabot siya ng halost isang oras bago may
naparang taxi. Ala-una y media na nang marating niya ang kanilang bahay.
Binayaran niya sa eksaktong halaga ang tsuper at mabilis na naglakad patungo
ng kanilang bahay.
Mula sa labas ng gate ay nakita niya ang isang tao na nakaupo sa
hagdanan. Nakatagilid ito mula sa kanyang kinaroroonan at magkadikit na
nakatiklop ang mga paa nito na pinapalibutan ng kanyang dalawang kamay
habang ang ulo ay nakayuko at nakapatong sa kanyang mga tuhod. Inabot ng
ilang Segundo bago napansin ni Leon na mahaba ang buhok ng nakikita marahil
dala ng kanyang kalasingan. Alam na niya kung sino ang babae na napaidlip sa
kakahintay sa kanya ng ilang oras. Binuksan niya ang tarangkahan at isinara
pagkapasok. Dahil may kaingayan iyon kung binubuksan o isinasara ay nagising
ang babaeng naghihintay sa kanyang pagdating. Pagkaharap ni Leon sa
hagdanan ay nakatitig na sa kanya ang magandang binibini. Lumapit ng kaunti
ang binata hanggang sa marating ang unang baitang ng hagdanan.
“Kyla anong oras na? Anong ginagawa mo dito sa labas?”
Dahan-dahan na tumayo ang kausap bago sumagot ng may kabagalan.
“Gusto ko lang sana na batihin kita ng maligayang pagtatapos at makisalo
kasama si tita.”
Napahinga ng malalim si Kyla at hinintay ni Leon ang susunod nitong
sasabihin. “Congratulations Leon! Happy Graduation!” hirap ngumiti na bati nito.
Naglakad si Leon paakyat ng hagdanan patungong pintuan subalit sa
ikalawa sa lilimang baitang pa lamang ay muntik na siyang matumba kung hindi
naagapan ni Kyla ang pagkakasalo sa kanya. Sinubukan niyang muling
maglakad mag-isa subalit hindi na niya talaga kaya. Hinigpitan ni Kyla ang
pagkakahawak sa kanya at hindi na ito nakawala. Inakay niya ang lasing na
binata at ipinasok sa bahay hanggang sa mapaupo niya ito sa sofa sa sala. Hindi
na alam ni Leon kung ano ang mga nangyayari at nakatulog na ito sa kalasingan.
Nagising ang binata nang maramdaman niya na medyo nilalamig ang
kanyang katawan. Napansin niya na naisiwalat niya ang kanyang kumot at ng
kanya itong hinanap ay napuna rin niya na iba na ang T-shirt na kanyang suot-
suot. Lumingon siya sa kanyang kanan at nakita niya si Kyla na nakaupo ng
paluhod sa sahig at ginawang unan ang sariling braso sa ibabaw ng kama sa
bandang gilid. Parang isang mag-aaral na napaidlip sa mesa dala ng
pagkapagod sa pagbabasa ng aklat. Napansin din niya ang isang container sa
tabi ni Kyla at halatang bagong hugas lang ito. Naalala niya na sobrang lasing
siya na umuwi kanina kaya natitiyak niya na ang container na ito ang ginamit ng
dalaga bilang pansalo ng kanyang mga suka kung sakaling sinuka man siya
kanina pero hindi niya ito maalala.
Pinagmasdan niya ang mukha ng dalagang nag-alaga sa kanya. Sadyang
napakaamo ang muka nito lalo na kung natutulog. Hindi maipagkakaila ni Leon
na nagagandahan pa rin siya kay Kyla. Inilapit niya ang kanyang kanang kamay
sa mapang-akit na mukha ng dalaga at iniayos niya ang ilang nakatakip na
buhok sa mukha nito. Hinaplos niya ang makinis nitong pisngi at nagpasalamat
sa ginawa nito para sa kanya.
Masakit man ang kanyang ulo ay pinilit niyang bumangon at binuhat si
Kyla na parang isang sanggol at ipinahiga sa kanyang kama. Hindi man lang ito
nagising sa pagkakabuhat at pagkakaayos sa kanya sa higaan kaya naisip ni
Leon na marahil lubos itong napagod sa pag-aasikaso sa kanya kaya hindi man
lang nagising. Tinitigan niya ang natutulog na dalaga at dahan-dahan niya itong
kinumutan. Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay di niya napigilan ang sarili
na tabihan si Kyla sa pagtulog. Humiga siya sa tabi ng dalaga at nakibahagi sa
kumot. Muli niyang pinagmasdan ang katabi at naalala na minsan ay
nagmamahalan silang dalawa. Naalala niya ang ilan sa kanilang masasayang
araw at gano‟n din ang mga kasalukuyang pangyayari. Batid ni Leon na siya pa
rin ang nilalaman ng puso ni Kyla at batid din niya na pinagsisisihan nito ang
kasalanang nagawa sa kanya. Subalit ano mang paraan ng pagpaparamdam ni
Kyla ay pawang binabalewala niya ito. Minsan naiisip din niya na bigyan ng
pangalawang pagkakataon ang dalaga at muli silang magsama at magsimula
muli ngunit lagi niyang naaalala ang pagtataksil nito at nangingibabaw ang
kanyang galit. Lagi na lang niya nababalikan ang araw na iyon at ito ang
naglalabas ng kanyang hinanakit sa dalaga. Dahil sa muling pagkakaalala sa
nangyari ay bumangon siya ng kama at nagtungo ng sala at sa sofa na nahiga at
matulog.
Dahil sa hindi malimutan ni Leon ang pagkabigo sa kanilang pag-iibigan ni
Kyla ay hindi rin niya magawang patawarin ang dating nobya na labis niyang
minahal. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay patuloy pa rin na umaasa si Kyla na
balang araw ay mapapatawad din siya ni Leon. Kaakibat nito ang pag-asa na
muli siyang mamahalin ng pinakamamahal niyang lalake.
Ika-sampu na ng umaga nang magising si Kyla. Nasurpresa siya nang
mapansin niya na siya ang nakahiga sa ibabaw ng kama. Nagtaka na lang ito
kung paano siya napunta sa ibabaw ng kinahihigaan na hindi man lang niya
namamalayan. Nilingon-lingon niya ang lahat ng sulok ng silid subalit wala ang
inaalagaan. Iniayos niya ang pinaghigaan at itinupi ng maayos ang kumot saka
lumabas ng kuwarto.
“Oh Kyla gising ka na pala.”
Napalingon si Kyla sa kanyang likuran na siyang pinagmulan ng boses na
narinig. “Ay Tita Diane kayo po pala. Magandang umaga po,” bati ni Kyla sa
nanay ni Leon na kalalabas din ng sariling kuwarto katulad niya.
“Halika kain na tayo,” anyaya nito.
Hinatak nito ang kamay ng dalaga at sila ay nagtungo sa kusina. Matapos
maghugas ng kamay ay pinaupo nito ang dalaga saka sinimulang ihanda ang
kanilang kakainin.
“Tita ako na lang po gagawa niyan.”
“Huwag na, madali lang naman ito hintayin mo na lang.”
Matapos maihanda ang mga pagkain ay sabay silang nagdasal.
Magkatabi silang kumain at nag-usap na wari‟y sila ang mag-ina.
“Salamat pala sa pag-alaga mo kay Leon ha.”
“Walang anuman po iyon tita.”
“Kyla marami ka pa rin bang manliligaw?”
“Medyo po. Bakit naman po ninya naitanong?”
“May nagugustuhan ka naman sa kanila?”
“Wala nga po eh,” tumatawang sagot nito.
Inakbayan ng ginang ang dalaga at hinaplos-haplos ang likurang bahagi
ng ulo nito. Maya‟t-maya ay hinatak niya padikit sa kanyang balikat ang ulo nito
at yumakap din naman si Kyla sa napakabait na ina ni Leon.
“Kaunting tiyaga lang Kyla ha pero huwag ka rin masyadong umasa. Pero
alam mo para sa akin, ikaw pa rin ang gusto ko para sa anak ko,” at pinisil nito
ang pisngi ng pinapaborang binibini.
“Salamat po tita,” masayang tugon ni Kyla.
Masayang nagkuwentuhan ang dalawa habang kumakain. Tumulong din
si Kyla sa paghuhugas ng mga pinagkainan bago nagpaalam na umuwi.
Si Leon naman ay abala sa paghahanap ng maaari niyang pasukan na
trabaho. Nakapagtapos man siya ng Political Science ngunit bigla niyang napag-
isipan na kumuha ng LAW sa darating na semester kaya part-time lang na
trabaho ang kanyang hinahanap. Panggabi man ang mga subjects ng LAW pero
batid niya na hindi madaling pagsabayin pagtratrabaho at pag-aaral ng isang
mahirap na propesyon sa gabi kaya madaling trabaho ang kanyang pinupuntirya.
Lumipas ang ilang araw at nakapili na rin si Leon ng papasukang trabaho.
Nagpasya siyang mamasukan bilang attendant ng isang malaking internet cafe
sa tulong ng rekomendasyon ng isa niyang matagal na kakilala. Tinanggap niya
ang trabahong ito sapagkat ito ang may pinakamalaking bayad sa bawat oras
kung ihahambing sa iba niyang nakita. Kinumpleto niya ang mga hinihingi na
mga kakailanganin upang makapagsimula na kaagad. Walang hirap na siya ay
matanggap at magsimulang magtrabaho bilang attendant.
Napakadali lang kung tutuusin ang kanyang trabaho. Nakaupo lang sa
server computer at kung may mga bagong dating na customers na nais gumamit
ng computer ay sa kanya muna pupunta para ipa-unlock ang numero ng PC na
nais gamitin. Ang mas nagpapadali pa nito ay tatlo sila na server operators at
bawat isa sa kanila ay may hawak na tig-tatatlumpung PC lang kaya hindi niya
responsibilidad ang lahat. 9:00 A.M. hanggang 5:00 P.M. ang oras ng kanyang
trabaho. Tamang-tama ito para hindi makagulo sa kanyang mga klase sa
susunod na semestre. Part time lang sana si Leon pero tila full time naman na
siya sa pinasukan dahil sa walong oras ang kanyang trabaho kada araw maliban
sa araw ng sabado at linggo. Ang panimulang sahod niya ay tatlumpu‟t dalawang
piso kada oras, hindi na masama para sa madaling gawain. Ang lamang pa niya
dito ay libre ang kanyang paggamit ng internet na isa sa mga hilig niya.
Di naglaon ay dumating ang araw ng pagtatapos na hinihintay ni Remz.
Nakapagpaalam naman ng mas maaga si Leon sa kanyang boss at pinayagan
siya nito na lumiban. Plano ng binata na dalawin ang kaibigan at personal itong
batihin. Kagabi pa lang naihanda na ni Leon ang kanyang mga kakailanganin
kaya ika-anim pa lang ng umaga ay handa na siyang tumungo ng Bayombong.
Pinainit niya muna ang makina ng motorsiklo ng kalahating oras bago umalis.
Habang nasa kanto pa lang paalis ng kanilang bahay ay nakita ni Leon
ang dalaga na bumaba sa nakahintong jeep, si Kyla. Napansin siya kaagad nito
at tinawag ang kanyang pangalan ngunit nilampasan lang ito ni Leon at hindi
man lang inihinto ang kanyang sasakyan. Tiningnan niya ang kanyang side
mirror at nasilayan si Kyla na nakatingin sa kanya at dahan-dahang kumakaway.
Kapansin-pansin din na naluluha ito pero patuloy pa rin sa pag-alis ang binata at
mas binilisan pa ang pagpapatakbo.
Pagkadating sa Bayombong ay nananghalian muna si Leon sa isang
restaurant. May higit isang oras pa bago magsimula ang programa kaya naisipan
niya na tawagan muna ang dalaga. Hindi sinasagot ng kabilang linya ang
kanyang tawag at nanatiling walang sumasagot matapos ang limang sunod-
sunod na pagtawag ni Leon. Itinigil na lang niya ang pagtawag at nagpalipas ng
kaunting oras bago tumungo sa St. Mary‟s.
Nagsimula na ang graduation ceremony at si Leon ay abala sa
paghahanap kung nasaan si Remz. Nang marinig niya na E.C.E. ang mga
susunod na tutuntong ng entablado ay agad siyang pumagitna at inihanda ang
kanyang cam corder. Tinawag sa alphabetical order ang mga pangalan kaya
hinintay ni Leon na umabot sa letrang “S” ang unang letra ng apelyido ng mga
estudyanteng tatawagin.
Nang marinig ang mga apelyido na nagsisimula sa titik na hinihintay ay
marami siyang nakasabay na mga magulang nakahanda na rin sa pagkuha ng
litrato at may iba rin naman na gaya niya na video camera ang hawak. Sinimulan
niya ang pagkuha ng video maski hindi pa natatawag ang pangalan ni Remz.
Nang marinig niya ito ay kanyang ifinocus ang cam corder sa dalaga hanggang
sa makarating ito sa entablado.
Bumalik sa dating kinauupuan ang grupo na kinabibilangan ni Remz. Si
Leon naman ay patuloy na sinusundan sa kanyang cam corder ang bawat kilos
ng dalaga na hindi pa rin siya nahahalata. Nang makaupo na ang mga ito ay
pumuwesto si Leon sa isang tabi kung saan mas malapit si Remz at kung saan
mas madali siyang mapansin nito.
“Remz sino iyong kanina pa nagvi-video sa iyo?” tanong ng katabi ng
dalagang kinukunan.
“Saan?”
Itinuro ng katabi ang binata at kanya itong nilingon. Kumaway si Leon ng
mapansin niya sa LCD na nakatingin sa kanya si Remz habang patuloy pa rin
ang pagvi-video. Napatayo sa galak si Remz nang makita niya ang binata,
kumaway na lang siya pabalik dito at masayang umupo.
Natapos din sa wakas ang ceremony at nagpicture taking muna ang mga
ito. May capture option din ang gamit ni Leon kaya ginamit niya ito para
makakuha rin ng litrato. Nakatawag pansin sa kanya ang isang ginang na
kumakausap kay Remz habang kinukunan siya ng larawan kasama ang kanyang
mga kamag-aral. Agad naman naisip ni Leon na maaaring ito ang ina ng dalaga
at di siya nagdalawang-isip na kausapin ito.
“Ma‟am baka gusto po ninyo na kunan ko kayo na mag-ina,” marahan na
alok ni Leon sa ginang.
Masayang tinanggap ng ginang ang kanyang alok at itinuro sa kanya kung
paano gamitin ang camera saka tinabihan ang anak. Tatlong beses niya
kunuhanan ng larawan ang dalawa at matapos nito ay agad siyang ipinakilala ni
Remz.
“Mama si Leon nga pala, kaibigan ko po. Leon siya ang mama ko.”
“Magandang hapon po,” sabay yuko nito na animo‟y isang hapon sa
nanay ng dalaga.
“Magandang hapon din. Magkakilala pala kayo akala ko kung
photographer ka kanina,” medyo natatawang wika nito.
Nagkangitian ang tatlo at nagkasundo ang mag-ina na lumabas.
Nagpaalam si Remz sa mga kasama at madrama naman ang mga iba sa kanila
at may payakap-yakap at beso-beso pa sa isa‟t-isa. Marami ang
nakipagkamayan kay Remz bago sila nakalabas, lahat ng nangyari ay nairecord
din ni Leon.
Nang makalabas sila ay may tinawagan ang ina ni Remz sa cellphone.
Ilang saglit lang ay may kotse na huminto sa kanilang tapat at nagbaba ng
bintana.
“Tara na ba?” tanong ng nagmamaneho nito.
“Papa si Leon nga po pala. Leon papa ko,” muling pagpapakilala ni Remz.
“Hello po,” at muli na itong yumuko na para talagang isang hapon kung
bumati.
Nginitian naman siya ng binati at ini-unlock ang mga pintuan ng sasakyan.
“Tayo na,” anyaya ng nanay ni Remz sa kanilang dalawa.
Nagkatitigan ang magkaibigan na pawang di nila alam kung ano ang
kanilang gagawin. “O bakit, hindi mo ba isasama iyang kaibigan mo?” tanong ng
ginang habang pumapasok ng kotse.
“Mama may motorsiklo po pala siya na dala,” banggit ni Remz.
“Ah gano‟n ba? Sundan na lang niya tayo, ayos lang ba sa iyo Leon?”
“Ayos lang po, buntutan ko na lang po ang sasakyan ninyo,” marahang
tugon ng binata.
Kinuha niya ang motorsiklo at inihanay sa likuran ng kotse. Maya‟t-maya
ay biglang lumabas si Remz sa hindi pa umaandar na sasakyan na suot-suot pa
rin ang kanyang toga maliban sa cap nito. Sumakay ang dalaga sa kanyang
likuran at napatitig ang ilan sa mga estudyante sa paligid.
“Aba Remz, sino „yan? Pakilala mo naman!” malakas na wika ng isa sa
mga kakilala niyang nakapaligid.
Tumawa lang si Remz sa narinig at kumapit kay Leon.
“Ayaw mo sa kotse?” tanong ni Leon na hindi naman apektado sa
komosyon ng mga nasa paligid.
“Baka mawala ka raw kasi sa dami ng mga may dalang sasakyan ngayon
kaya sabay na lang daw tayo.”
Napatawa ang binata sa narinig at nang umabante ang kotse sa harapan
ay kanya itong sinundan. Kumaway-kaway si Remz sa kanyang mga kakilala at
kaibigan na patuloy pa rin ang komosyon sa kanilang dalawa. Sa katabing bayan
pa ang kanilang tutuluyan, ang bayan ng Bambang kung saan nabibilang ang
bahay nila Remz.
“Leon overtake mo si papa,” utos ng dalaga.
“Bakit naman?”
“Basta, sige na ahh,” pakiusap nito na parang isang bata.
Ginawa din ng binata ang pakiusap ng pasahero at nang magtapat ang
kanyang motorsiklo sa nagmamaneho ay sumaludo siya dito. Natuwa ang ginoo
at sumaludo rin pabalik sa kanya.
“Huwag masyado mabilis ha, baka madisgrasya kayo,” paalala ng ina ni
Remz.
Si Remz ngayon ang sumaludo sa kanyang ina at inunahan na nga nila ng
tuluyan ang kotse.
Narating nila ang patutunguhan at nang itinabi ni Leon ang motorsiklo ay
napuna agad nito na halos lahat ng bisita ay sa kanila nakatingin. Pinatay niya
ang makina at bumaba na si Remz. Nakaramdam ng kaunting hiya si Leon sa
mga bisita at tila ayaw na niyang tanggalin ang kanyang helmet. Hindi rin kasi
niya inaasahan na makakadalo siya sa selebrasyon ni Remz at mas lalong di
niya inakala na ina mismo ng dalaga ang mag-iimbita sa kanya para dumalo.
Tinawag si Remz ng mga pinsan nito at binati sa kanyang pagtatapos.
Lumapit sila kina Leon at muli silang ipinakilala sa isa‟t-isa. Dagliang tinanggal ni
Leon ang suot na helmet at binati ang mga dalaga sa parehong paraan ng
pagbati niya sa mga magulang nito kanina. Nakarating na rin ang mga magulang
ni Remz at medyo mas bumigat ang pakiramdam ni Leon. Niyaya sila ng tatay ni
Remz na pumasok muna sa loob ng kanilang tahanan. Sa loob ay muling
nagrecord si Leon habang binabati si Remz ng mga kapit-bahay, mga pinsan,
mga tito at tita at mga kaibigan. Maraming papuri ang natanggap ng nagtapos
mula sa mga dumalo at maliban sa papuri ay may mga payo din mula sa mga
matatanda.
Mainit naman ang pagtanggap kay Leon bilang bisita at ang ilan pa sa
mga ito ay napagkamalan siya bilang nobyo ni Remz. Ipinakilala rin siya ni Remz
sa ilan sa mga bisita at malugod naman siyang nakipagkamayan sa lahat ng
mga ito. Nagkakuwentuhan ang dalawa habang magkatabing kumakain at
masaya ang pag-uusap nilang iyon. Dahil sa may mga aalis at may mga bagong
darating na bisita ay paputol-putol ang pag-uusap ng dalawa. Kung may bagong
dating ay sinasalubong ni Remz at kung may aalis ay inihahatid niya ang mga ito
palabas hanggang makasakay sa kalsada.
Lagpas ika-anim na ng gabi at kinailangan ni Leon na bumalik na ng
Baguio. Hindi kasama sa kanyang plano ang magpalipas ng gabi ngayong araw
at isa pa ay may trabaho siya bukas. Nang makita niya si Remz ay kanya itong
sinenyasan at lumapit ang dalaga sa kanya.
“Oh bakit?”
“Remz kailangan ko ng bumalik ng Baguio,” anito.
“Akala ko magpapalipas ka ulit ng gabi dito?” sabay ngiti nito sa kanya.
“Bakit patutulugin mo ba ako sa kuwarto mo?” pagbibiro ng binata.
“Asa ka pa! Baka ano pang gawin mo sa akin?” tumatawang nawika ni
Remz.
“Linya ko iyan,” ganti ni Leon.
“Heh! „Wag ka nga!” sabay kurot nito sa binata. “Sige samahan na kita sa
labas.”
Nagtungo ang dalawa sa labas at lumapit muna sa kinaroroonan ng mga
magulang ni Remz upang magpaalam. Nagpasalamat ng marami si Leon sa mga
ito at pinasalamatan din naman siya sa kanyang pagdalo sa selebrasyon ng
kanilang anak. Nag-usap muna ang dalawa sa labas ng bakod kung saan
nakaparada ang motorsiklo ni Leon. May kadiliman na kaya hindi sila gaanong
makita ng mga tao mula sa bakuran. Habang nagpapaalam sila sa isa‟t-isa ay
may napansin si Leon na nagtatago sa kanyang likuran. Nakita niya ito sa side
mirror ng kanyang motorsiklo. Sila ni Remz ay nasa labas ng bakod sa harapan
ng bahay samantalang ang nagtatago ay nasa labas ng bakod sa kaliwang
bahagi kung kaharap mo ang bahay. Nang masilayan ni Leon ang mukha nito sa
side mirror ay agad niyang namukhaan kung sino ito.
Walang napansin si Remz dahil sa nakatakip si Leon sa kanyang harapan
at ang binata naman ay nagpasimple na walang napansin sa paligid. Hinawakan
ni Leon ang mga kamay ni Remz at tumitig ng malalim sa mga mata nito. Dahan-
dahan niyang niyakap ang dalaga at hindi rin ito pumalag sa kanyang
pinaggagawa at nanatili rin itong napakatahimik at nakipagtitigan. Dikit na dikit
ang kanilang katawan at magkadikit na rin ang kanilang mga noo. Ramdam ni
Leon ang mabilis na pagpintig ng puso ng kanyang niyayakap. Sa mata ng iba ay
aakalain talaga na sila ay nag-iibigan at ang kulang na lang ay magkahalikan.
Hindi pa rin pumapalag si Remz at namula ang mga pisngi nito. Dahil sa walang
ipinapakitang pagsuway ang dalaga ay si Leon na ang nagsagawa ng unang
kilos. Ibinaba niya ng kaunti ang kanyang ulo at inilapit niya ang kanyang labi sa
mga labi ni Remz. Naramdaman ni Leon na mas bumilis ang pagpintig ng puso
ni Remz halatang kinakabahan ito sa kanyang gagawin. Ipinikit ng dalaga ang
kanyang mga mata at hinintay na lang na magdikit ang kanilang mga labi. Para
kay Leon ang pagpikit na iyon ay nangangahulugan lang ng pagpayag ni Remz
sa hinihiling niyang halik.
Magdidikit na sana sa wakas ang kanilang mga labi nang biglang tumunog
ang ringtone ng cellphone ni Leon at napadilat ang mga mata ni Remz. Hindi na
naituloy pa ni Leon ang paghalik dito dahil napaatras na rin ang ulo ng dalaga.
Dinukot niya sa kanyang bulsa ang cellphone at sinagot sa harap ng dalaga ang
tawag habang yakap-yakap pa rin niya sa kanyang kaliwang kamay ang
baywang nito.
“Anong kailangan mo?” may pagkamasungit na tanong ni Leon sa
tumawag.
“Anong oras ka makakuwi?”
“Mga hatinggabi na siguro, bakit?”
Narinig nila ang ina ni Remz na isinisigaw ang pangalan ng anak mula sa
kanilang bakuran. Kumawala agad ang dalaga sa pagkakahawak ni Leon at
sumagot sa tawag ng ina.
“Mama bakit po?”
“Tumawag kuya mo, bilis gusto ka niya makausap.”
Malakas ang pag-uusap na iyon kaya narinig ni Kyla ang lahat.
“Leon paalam na muna overseas call kasi ehh,” pagpapaalam ni Remz at
dahan-dahan na paatras na naglalakad palayo kay Leon.
“Remz sandali,” sabay hatak ni Leon sa braso ng sana ay paalis na
dalaga.
Hinalikan niya ito subalit sa noo lang ng dalaga bilang pagpapaalam.
Nagkangitian na lang ang dalawa at kumaway sa isa‟t-isa.
“Ingat sa pag-uwi Leon,” at tumakbo ito papasok ng bahay para sagutin
ang tawag.
“Nasa labas ka ba ng Baguio?” muling tanong ni Kyla na hindi pa rin
ibinababa ang tawag.
“Oo nandito ako sa Nueva Viscaya para sa graduation ni Remz,” walang
pagkakaila na sagot ni Leon.
May babanggitin sana si Kyla ngunit bigla na lang siya tumigil sa
pagsasalita at di na itinuloy ang sasabihin.
“Ano iyon?”
“Wala kalimutan mo na lang. Hintayin na lang kita dito sa bahay niyo.
Bye.”
Natapos ang tawag na nanatiling malabo kay Leon ang pakay ni Kyla.
Hindi rin niya maintindihan kung bakit kailangan pa siyang hintayin nito sa
kanilang bahay gayon pa man na nabanggit na niya na hatinggabi pa siya
makakauwi. Binalewala na lang niya ang mga ito at nagsalita.
“Hindi mo na kailangan magtago pa. Pwede ka ng magpakita!”
Nagpakita ang tao na kanina pa nagtatago at nagmamatyag sa kanyang
likuran. Hinarap ito ni Leon at ang una niyang napansin dito ay ang dala-dala
nitong regalo na siguradong para kay Remz.
“Anong kailangan mo Leonardo?” mapanghamon na pagtatanong ni Leon.
Mas tumalim ang mga titig ni Leonardo kay Leon at nababakas sa mukha
nito ang galit dala ng kanyang nasaksihan at narinig habang nagtatago. “Kayo na
ba ni Remz?” mapanghamon din na tanong ni Leonardo.
“Anong pakiramdam habang nakikita mo ang minamahal mo na
hinahalikan ng iba?” mapangahas na pagtatanong pabalik ni Leon. Napatawa si
Leon sa naging reaksyon ng mukha ng kausap. Halata na rin na napipikon na ito
sa kanyang mga pagngisi na lubos na nakakainsulto.
“Ano pala iyong dapat na sasabihin mo sa akin nang sinakal mo ako
noon?”
“Ahh, iyon ba? Nakalimutan ko na eh,” sabay ngisi ulit nito.
Hindi sumasagot si Leonardo kaya humandang sumakay si Leon sa
kanyang motorsiklo.
“Ginagago mo ba ako?” pasigaw na tanong nito sa kanya.
“Oo ginagago kita bakit? Kailangan mo pa bang tanungin?” Muling
napangisi si Leon matapos sumagot. Nanggagalaiti na ang kausap sa galit
subalit ayaw nito na gumawa ng eksena dahil sa kabila ng bakod ay ang bahay
na mismo nila Remz.
Sumakay na si Leon sa kanyang motorsiklo at pinaandar niya para
bumuwelta at muling huminto sa harap mismo ni Leonardo. “May sasabihin ka pa
ba?” tanong pa nito.
Mas lalong sumama ang titigan ng dalawa, kulang na lang ay
magbakbakan na ang mga ito hanggang sa may bumagsak pero kapwa nila
batid na nasa tapat lang sila ng bahay nila Remz.
“Bakit mo nga pala naisip na magtrabaho sa ibang lugar gaya ng Baguio
kung mahal mo talaga si Remz?” tila naghahanap ng away na pagtatanong pa ni
Leon.
Nagulat si Leonardo sa narinig at nagtaka kung bakit ito naitanong ng
kausap.
“Dahil ba sa maraming magagandang dilag sa Baguio kaya a doon
nagpasya na magtrabaho? Ganyan naman kayong mga taga-tagaprobinsya eh,
pagkatuntong niyo ng lungsod nakakalimutan niyo na kaagad mga nobya ninyo.”
“Anong gusto mong palabasin?” nagngingitngit sa galit na tanong ng
binata.
“Simple lang, sarili mo lang iniisip mo. Ang mahalaga lang sa iyo ay ang
sarili mong kaligayahan. Di ako makakapayag na muli mo siyang saktan kaya
kung ako ikaw huwag mo na siyang kausapin pa kahit kailan. Naiintindihan mo
ba?” mapagmataas na wika ni Leon.
“Bakit napakarami mong alam? Sinabi ba sa iyo ni Remz ang lahat?”
“Diyan ka nagkakamali. Ako ang nagsabi sa kanya ng lahat,” sagot ni
Leon.
“Kung gano‟n ikaw ang nakapulot ng cellphone ko?” Nanlaki ang mga
mata ni Leonardo natapos tumango ang kausap. “At nasaan na ang cellphone ko
ngayon? Ibalik mo na sa akin yaman rin lang sa akin iyon,” dagdag ni Leonardo.
“Iyan ang hindi ko magagawa dahil kailangan ko iyon laban sa iyo,” tugon
ni Leon at nakangisi pa rin ito upang lalong udyukin ang kausap.
“Gago ka! Hindi na niya mapigilan ang galit at sinubukang sugurin si Leon
habang nakasakay ito sa kanyang motorsiklo. Ngunit napakabilis ng naging
reaksiyon ni Leon at iniandar niya ang sasakyan at biglang iprineno nang
mabunggo niya ang susugod at susuntok sana sa kanya. Tumilapon ito paatras
at nang muling paandarin ni Leon ang sasakyan ay mabilis itong umalis sa
kinaroroonan sa takot na sagasahan siya ng kaaway.
Muling nakipagtitigan si Leon at natawa siya sa mga nagiging reaksiyon ni
Leonardo. Tumayo ito at pinagpag ang nadumihan na kasuotan habang ang
isang kamay ay nakahawak sa nananakit baywang na nabunggo kanina.
“Nagbitaw ka ng kasinungalingan, kailangan mong pagtakpan ng mas
marami pang kasinungalingan! Hanggang kailan mo siya sasaktan?” Iniayos ni
Leon ang kanyang helmet at tiningala ang kalangitan.
Hindi na makapagsalita pa si Leonardo medyo nakaramdam din ito ng
takot kay Leon lalo na at tila di nagdalawang-isip ito na bungguhin siya kanina at
muntik pang sagasahan. Kung hindi siya agad gumulong pagilid para makaiwas
ay siguradong pilay na ang kanyang kamay. Nagtataka rin siya kung bakit ganito
na lang ang galit nito sa kanya at parang walang anuman sa kanya na maaari
siyang mamatay sa ginawa nito kanina.
“Hanggang kailan ka magsisinungaling? Mabuti pa magpakamatay ka na
lang para matapos na ang lahat at para hindi na mahirapan pa si Remz.”
“Sandali, kung ako nagsisinungaling hindi ka rin naiiba. Nasabi ni Remz
sa akin noon na ibinenta raw ng mga kasama mo iyong cellphone ko. Pero bakit
hawak mo pa rin?”
“Ano naman ngayon?” wala pa rin gaanong emosyon na tugon ni Leon.
“Akala mo ba hahayaan lang kita na magsinungaling sa kanya. Oras na
sinabi ko sa kanya na hawak mo pa rin ang cellphone ko mabibisto ka na,” banta
ni Leonardo.
“Ha ha ha… At ano, mabasa niya ang mga mensahe ng mga kabit mo na
hindi pa rin nabubura sa simcard mo? Ilan sa kanila ang inamin mo? Isa...
Dalawa... alam ba niya ang mga iba pang mga pangalan sa cellphone mo?”
tumatawang pagpapatuloy ni Leon.
Hindi na nakasagot pa si Leonardo sa nasabi ni Leon. Ayaw din nito na
malaman pa ni Remz kung ano ang mga nakalagay sa dati niyang cellphone na
ngayon ay nasa kamay na ni Leon. Sigurado siya na makakasama ang
sitwasyon para sa kanya oras na malaman ni Remz ang nakapaloob sa
cellphone na hawak ni Leon. Magiging mas mahirap din para sa kanya kung
mabasa lahat ni Remz ang mga nakapaloob doon.
“Mag-isip ka muna bago mo ako takutin,” ani Leon. Mabilis na umalis ito
sa lugar at iniwan ang hindi na makaimik na si Leonardo. Kagat-kagat nito ang
kanyang labi at napakahigpit ang pagkakasara ng kanyang mga kamao. Sa
kanyang isipan ay nagtataka pa rin siya kung bakit ginagawa ito sa kanya ni
Leon at ang mas nakakadistorbo sa kanya ay ang pakiramdam niya na nagkita
na sila dati nito subalit hindi lang niya matandaan kung kailan at kung saan. Sa
kanyang kanang kamay ay nasira na ang pagkakabalot ng dapat sana niyang
regalo kay Remz. Hindi na niya itinuloy na ibigay ang regalo at dumiretso na siya
ng uwi.
Napakatulin ng pagpapatakbo ni Leon kaya bago maghatinggabi ay
naabot niya ang kanilang bahay sa Baguio. Inilagay niya ang motorsiklo sa lagi
nitong kinalalagyan at inakyat ang hagdanan patungong pintuan. Bukas pa ang
mga ilaw kaya natitiyak niya na may tao sa loob. Naalala niya na nakasalubong
niya si Kyla kaninang umaga kaya alam niya na siya ang nasa loob ng bahay.
Bubuksan pa lang sana niya ang pinto nang biglang may nagbukas nito mula sa
loob. Tama ang kanyang inisip, si Kyla mismo ang nagbukas ng pinto. Gaya ng
dati nakayuko na naman ito at kung tititig sa kanya ay muli agad yuyuko,
itinatago nito ang kanyang mga mata.
“Hinihintay mo ba ako?” tanong ni Leon.
Itinaas ni Kyla ang ulo mula sa pagkakayuko at saglitang tumitig sa
nagtanong saka tumango.
“May importante ka bang sasabihin?” muling tanong ni Leon.
“Medyo. Pwedeng sa kusina na lang muna tayo.”
Tumuloy si Leon sa loob at siya na rin mismo ang nagsara ng pinto.
Napansin ng binata ang mga mata ni Kyla na pilit niyang itinatago sa pagyuko.
Namamaga na ang mga ito kaya halatang kani-kanina lang ay umiiyak siya
habang naghihintay.
“Gusto mo ihatid na kita pauwi, baka gusto mo ng magpahinga,” alok ni
Leon.
“Pwedeng mamaya na lang? Tara muna sa kusina,” nakangiting alok
pabalik ni Kyla maski namamaga ang mga mata niya.
Nauna ang dalaga patungong kusina at sumunod si Leon. Pagkapasok ni
Leon ay agad niyang napuna ang mesa. May mga pagkain na nakahanda dito at
ang kapansin-pansin ay ang pabilog na cake at may limang nakasinding kandila
na nakatirik sa ibabaw nito.
“Nakalimutan mo ba kung anong araw ngayon Leon?”
Tahimik lang ang binata at hindi nagsalita. Nanatili ito sa kinatatayuan at
nakatitig lang sa mga kandila. Ika-18 ng Abril ang petsa, araw ng kanilang
anniversary. Agad din niyang naalala ang para sa kanya ay pagtataksil ni Kyla
dalawang taon na ang nakalipas. Lumalim ang paghinga ng binata at pinipigilan
nito ang sarili na magalit. Naglakad ito palabas ng kusina at mabilis siyang
sinundan ng dalaga. Hinawakan ni Kyla ang braso nito gamit ang dalawa niyang
kamay at hinatak siya hanggang sa huminto ang binata sa paglalakad.
Ayaw lingunin ni Leon ang nakahawak sa kanya at mas lalong lumalim
ang kanyang paghinga. Kulang na lang ay magpakita ito ng galit dala ng
pagkaalala niya sa pilit kinakalimutang nakaraan. Mas hinigpitan ni Kyla ang
pagkakahawak sa braso ni Leon at mas inilapit niya ang kanyang sarili sa binata.
Mula sa likod ay kanya itong niyakap at idinikit ang kanyang ulo sa likuran nito.
“ Leon hindi mo ba talaga ako mapapatawad?” Maski ngayong araw lang
sana magsama man lang tayo. Kung hindi bilang iyong girlfriend ay maski bilang
iyong kaibigan. Hindi ba pwede na maski gano‟n lang?” naiiyak na wika ni Kyla
habang nakayakap pa rin kay Leon.
Tinanggal ni Leon ang mga nakapalibot na kamay ng dalaga at naglakad
siya patungong pintuan. Kanya itong binuksan at nagsalita na nakatalikod.
“Paumanhin gusto ko ng magpahinga kaya ihatid na lang muna kita pauwi,” ani
Leon.
Habang nanatiling nakatalikod si Leon ay narinig niya na sumisinghot ang
nasa kanyang likuran. Matapos marinig ang tuloy-tuloy at tila di mapigilan na
pagsinghot nito saka lang niya nilingon. Dumadaloy na sa magkabilang pisngi
ang luha ni Kyla at pumapatak na ito sa sahig. Pinawi ng dalaga ang luha sa
kanyang mga mata at tumakbo palabas ng bahay.
“Kaya kong umuwi na mag-isa!” anito pagkalabas ng pinto.
Binuksan nito ang gate at patuloy na tumakbo palayo hanggang mawala
sa dilim. Hinayaan lang siya ni Leon at idinabog niyang isinara ang pinto. “Akala
mo ba hindi ako nasasaktan sa mga pinaggagawa mo!?” galit na galit
pagtatanong ni Leon na wala namang kausap.
Parang napakabigat pa rin ng hangin at dahil sa nararamdamang galit ay
naisip nitong uminom muna ng tubig sa kusina. Pagkapasok niya dito ay muli
niyang nakita ang mga nakahanda sa ibabaw ng mesa. Agad niya itong nilapitan
at hinambalos ang limang nakasinding kandila. Kumalat ang mga ito sa sahig at
ang iba dito ay naputol. Ibinagsak niya ang kanyang mga kamao sa hapag at sa
lakas ng pagkakabagsak niya sa mga ito ay napalundag ang mga pagkain at
may mga natapon at nalaglag sa sahig.
Binuhat niya sa magkabilang kamay ang dalawa sa mga nakahandang
pagkain at nagtungo ng basurahan malapit sa lababo. Naisip niyang itapon ang
lahat ng mga inihanda ni Kyla na wala man lang konsiderasyon. Tinanggal niya
ang takip ng basurahan at ng ibubuhos na niya sana ang mga pagkain dito ay
napansin niya na may pinagbalatan ng mga band-aids. May katagalan niya itong
tinitigan habang hawak-hawak pa rin sa magkabilang kamay ang itatapon sana
na mga pagkain. Naalala niya ang mga araw na tinuturuan ng kanyang ina at
kanayang Ate Sophia si Kyla sa pagluluto at ang pinakamahirap na natutunan ng
dalaga ay ang paghawak ng kutsilyo. Spoiled ang magkapatid na Kyla at Reina
at halos lahat ng mga gawaing-kusina gaya ng pagluluto ay ginagampanan ng
kanilang ina. Natuto lang magluto si Kyla mula sa kanyang ina at ate.
Nagbago ang isip ni Leon at dinala pabalik ang mga pagkain sa mesa.
Siya ay umupo at sinubukang pakalmahin ang sarili. Naalala niya ang mga huling
sinabi ni Kyla kanina habang nakayakap mula sa kanyang likuran at muli niyang
ibinagsak ang kanyang mga kamao sa mesa. Kasunod pa nito ay ibinagsak din
niya ang kanyang ulo at ilang ulit na iniuntog-untog ito sa hapag. Nanatiling
nakadikit ang kanyang noo gayon din ang kanyang mga kamao sa mesa at may
kalaliman ang iniisip. “Bakit kailangan mong gawin sa akin ito?” muling
pagtatanong ni Leon sa hangin.
Makalipas ang halos isang oras ay may tumawag kay Leon. Tumuwid ito
sa pagkakaupo at dinukot ang cellphone sa bulsa ng pantalon. Ang
nakababatang kapatid ni Kyla ang nabasa niya sa LCD, naisip niya na maaaring
si Kyla din ang tumatawag at nakigamit lang o kung sakali na si Reina nga ito ay
marahil magtatanong lang kung bakit umiiyak ang kanyang ate. Ipinatong niya sa
mesa ang cellphone at hinayaan itong tumunog. Bumalik siya sa dating ayos at
ngayon ay tila may napakalalim na problema. Paulit-ulit na tumunog ang
kanyang ringtone ng limang beses subalit hindi niya ito sinasagot. Matapos ang
sunud-sunod na pagtawag ay text message ang sumunod. Binasa niya ito at
naguluhan sa natanggap.
“Kuya nakitulog ba si ate dyan sa inyo? Hindi ko kasi matawagan
cellphone niya at di rin siya nagrereply kanina pa. Kuya pakitext na lang kung
dyan siya matutulog. Salamat.”
Malapit ng mag-ala-una ng madaling araw at higit isang oras na mula
nang umalis si Kyla. Kung umuwi ito ay dapat kanina pa nakarating sa kanilang
bahay. Kinabahan si Leon kaya sinubukan niyang tawagan ang numero ni Kyla.
Programmed message ang kanyang natanggap na nagsasabing out of coverage
area ang kanyang sinusubukang tawagan. Lumabas ang binata at umalis gamit
ang motorsiklo. Naisip nito na maaaring may nangyaring masama kay Kyla
habang ito ay pauwi. Dahan-dahan niyang pinapaandar ang motorsiklo at masusi
niyang minasid ang paligid ng dinadaanan. Maaaring naglalakad lang si Kyla na
umuwi dahil nahihiyang sumakay na luhaan.
Narating niya ang Session Road at wala pa rin siyang nakita na Kyla.
Nangamba ito sa maaaring nangyari sa dalaga at nagpasiya na sundan ang
daan patungong Camp 7. Habang sinusundan niya ang kalsada patungong
Camp 7 ay isang text message ang kanyang natanggap. Binuksan niya ito at
galing ang mensahe kay Jean.
“Leon nandito kami sa tambayan nating bar. Nandito rin si Kyla nagsosolo
flight. Hindi ko siya malapitan parang napakalalim kasi ng problema bilisan mo.”
Nag-U turn si Leon at nagtungo sa nasabing lugar. Nakita niya ang kotse
ni Jean sa tapat ng bar at itinabi niya ang motorsiklo sa likuran nito. Itinali na rin
nya ang kanyang helmet s manubela at tumakbo paakyat ng hagdanan papasok
ng bar. Pagkapasok ay agad niyang nakita si Jean. Nang mapansin siya nito ay
itinuro sa kanya ang kinauupuan ni Kyla. Hindi na ito nag-iisa gaya ng nabanggit
ni Jean, nakatawag na ito ng pansin sa mga kalalakihan. Marahil ito ang dahilan
kung bakit nasabi ni Jean sa text message kanina na dapat niyang bilisan.
Maliban sa taglay niyang ganda at kaseksihan ay nag-iisa pa ito na umiinom
kaya sunud-sunod ang mga kalalakihan sa bar na umaanyaya sa kanya upang
makihalo sa kanilang grupo. Ang mga iba ay ayaw ng umalis sa kanyang tabi
maski hindi niya sila pinapansin at kung tutuusin ay parang wala sila sa kanyang
paligid.
Dahil sa walang bakante na upuan na maaari niyang gamitin na malapit
kay Kyla ay hiniram nito ang bakanteng upuan sa table nila Jean. Binitbit niya ito
at dinala sa table ni Kyla. Kanya itong ibinaba sa tabi ng napapalibutang dilag at
inupuan. Napatitig ang mga nakapalibot na grupo ng kalalakihan sa kanya at ilan
sa mga ito ay nanlilisik ang mga mata. Hindi naman siya nagpaapekto sa mga
mapangahas na pagtitig ng mga ito.
“Pare wala naman ganyanan, magkakatable kami kaya sa ibang table ka
na lang maghanap ng prospect mo,” sambit ng isa sa mga kalalakihan at may
pangisi-ngisi pa ito.
Napasulyap si Kyla sa bagong lalake na tumabi sa kanya at nasurpresa
sa nakita. “Di ba sinabi ko sa iyo kanina na kaya kong umuwi ng mag-isa?”
“Hindi ito ang bahay niyo, hinihintay ka ni Reina baka mag-alala pa siya
ng husto sa iyo,” ani Leon.
Napawalang-kibo ang mga kalalakihang nakapalibot sa kanila. Sinadyang
tinitigan ni Leon ang lalake na maangas na nagpapalayas sa kanya kanina bilang
kanyang pagpapahiya dito.
“Nag-aalala ka rin ba para sa akin?” nakangiting tanong nito kay Leon.
Nang mapansin ng mga kalalakihan na sila ay magkakilala ay tumayo
ang mga iba dito at niyaya ang mga kasama na lumipat ng table. Nagmatigas
naman ang iba na manatili sa kinauupuan sa kung anuman na dahilan. Hindi pa
rin sinasagot ni Leon ang tanong ng dalaga at mas pinagmasdan ang mga
ikinikilos ng mga nakapalibot pa rin na mga lalake. Maya‟t-maya ay mas inilapit
ng isa sa mga ito ang kanyang upuan kay Kyla at nagtanong.
“Miss pwede ko ba makuha ang pangalan at number mo?” saka sinadya
pa nitong tumitig kay Leon sa paraang nakakalalake.
Hindi ito pinansin ng dilag pero si Leon ay nairita sa kakulitan nito at
tinaliman ang pagtitig sa nangdidiskarte na lalake.
“Bakit ganyan ka makatitig ha? Kami nauna dito ah! Sino ka para maki-
table?” malakas na sigaw nito kay Leon na tila kampante na matatalo niya ang
binubulyawan kung sakaling sila ay magsapakan.
Mas lalong nairita si Leon at kinagat ang kanyang labi. Napansin ng lalake
ang kanyang pagkairita at may gana pa itong manghamon sa kanya. Hindi na
tinimpi ni Leon ang kanyang pagkairita at agad siyang tumayo at itinulak ang
nanghahamon na lalake. Nagulat ito sa kanyang ginawa at nagsitayuan din ang
mga iba pang kasamahan. Muli na naman sanang magmumura ang
mapangahas na lalake subalit natapatan agad ito ng isang napakalakas na
suntok mula kay Leon. Napaatras kaagad ito at natumba na hawak-hawak ang
bunganga na natamaan. Dumudugo na ang kanyang bibig at natanggalan din
siya ng isang ngipin sa lakas ng pagkakasuntok. Babanatan na sana si Leon ng
mga kasamahan nito subalit mabilis na umakto ang grupo nila Jean at nakialam.
“Anong problema dito ha?” tanong ni Jean.
Napatingin sa kanila ang grupo at napansin nila na naglalakihan ang mga
katawan nila Jean at ng kanyang mga kasama. Hindi na naging bayolente pa
ang grupo at sila pa ang humingi ng dispensa sa kabila ng nangyari sa kanilang
kasama.
“Lipat na kayo ng table, mag-asawa ang dalawang iyan,” ani Jean sa mga
kalalakihan.
Nakatawag pansin ang ingay mula sa table ni Kyla kaya panay ang
komosyon ng mga ibang umiinom sa mga napahiyang kalalakihan.
“Boooo, basag kayo „no?” sabay-sabay na sigaw ng mga ibang umiinom.
“Asa pa kasi kayo!” dagdag pa ng iba sa loob ng bar.
Paulit-ulit ang mga katagang ito at umalis ang grupo ng kalalakihan at
lumipat sa ibang table. Nakalipat na sila pero sila pa rin ang pinagtitinginan ng
karamihan at patuloy na pinapahiya at pinagtatawanan. Kilala ang grupo nila
Jean at Leon sa bar at sa katunayan ay malakas sila sa nagmamay-ari nito kaya
hindi kinailangang sila ay paalisin sa ginawang kaguluhan.
“Nasaan na iyong dating Leon na napakahaba ang pasensya?”
natatawang tanong ni Jean.
Nagpasalamat si Leon sa ginawa ng kaibigan at mga kasama nito at
iniwan silang dalawa ni Kyla. Muling itinagay ng dalaga ang bote ng San Miguel
Strong Ice. Ikatlong bote na ito ng dalaga at lasing na ito. Sa katunayan dati-rati
kung napapasubo siyang maisama sa mga miminsang inuman nila Leon noon ay
lasing na siya sa isang bote pa lang. Muli sana nitong itatagay ang kanyang
iniinom ngunit biglang hinablot ito ni Leon at siya na mismo ang uminom ng
natitirang laman ng bote.
“Uwi na tayo pagkaubos ko nito,” ani Leon.
“Bakit mo ako sinundan?” tanong ng dilag.
“Ayaw kong isipin ng pamilya mo na hindi ka namin inaalagaan bilang
bisita.”
“Iyon lang ba ang dahilan?” sabay mapang-akit na tinitigan nito ang mga
mata ng binata.
Hindi ulit sumagot si Leon at itinuloy ang pag-ubos sa natitirang laman ng
bote. Mabilis niya itong naubos at niyaya niya ang lasing na dalaga pauwi.
“Leon kung hanggang ngayon ay kinamumuhian at di mo ako mapatawad
sa nangyari bakit wala tayong formal na break-up?” Tumigil ito saglit sa
pagsasalita at muling nagpatuloy. “Wala kang sinabi ni ano, ang lagi mo lang
ginagawa ay ang pagpaparamdam mo ng galit sa akin. Ayaw mo man lang pag-
usapan ang tungkol dito at di mo ako binibigyan ng pagkakataon na
magpaliwanag? Bakit gano‟n?” malambing na pagtatanong nito.
Dala siguro ng pagkalasing kaya may lakas ng loob si Kyla na magsalita
gaya ng ginagawa niya ngayon. Hindi alam ng binata kung paano niya sasagutin
ang mga katanungan lalo na at lasing ang pinagmulan ng mga ito.
“Lasing ka na, sa ibang araw na lang tayo mag-usap tungkol dyan.”
“Kailan? At bakit hindi pwedeng ngayon?” pangungulit ni Kyla at ayaw
tumayo kung hinahatak ni Leon patayo.
“Kyla lasing ka na, kung gusto mo makipag-usap ay kung nasa katinuan
ka.”
Hindi na sumagot ang dalaga at ibinaba na lang niya ang kanyang ulo at
idinikit sa mesa. Tumayo si Leon at inakay ulit niya ito patayo. Napansin ni Leon
ang dalawang daliri ni Kyla na napalibutan ng band-aid kaya iningatan niya na
hindi ito maipit habang inaakay palayo ang dalaga. Bayad na ang mga inumin
kaya maaari na silang umalis anumang oras. Sinenyasan niya si Jean at iba
pang mga kaibigan bilang pagpapaalam at sumenyas din ang mga ito sa kanya.
Lumabas ang dalawa at akay-akay pa rin ni Leon ang lasing na dalaga.
Pauupuin na niya sana ang dalaga sa kanyang motorsiklo ngunit naisip
niya na baka hindi ito makakapit ng maigi sa kanya habang umaandar ang
motorsiklo at magtamo pa ng sakuna. Nakapag-isip siya kaagad ng paraan at
tinawagan sa kanyang cellphone ang kaibigan na nasa loob lang ng bar kung
saan sila nakatapat. Niyakap niya sa kanyang kanang kamay ang dalaga dahil
tutumba-tumba na ito. Nang magkadikit ang kanilang katawan ay agad yumakap
si Kyla sa leeg ni Leon at ipinatong nito kanyang ulo sa balikat ng binata.
“Oh Leon bakit ka napatawag?” sagot ni Jean pagkatanggap ng tawag.
“Jean pwedeng labas ka muna, may ipapakiusap lang ako.”
At lumabas nga kaagad si Jean at nakita niya ang dalawa na nasa tapat
pa rin ng bar. “Ano problema?” usisa nito.
Hinarap ni Leon ang kaibigan at nakiusap, “Jean pahiram muna ng kotse
mo alanganin kasi ito sa motorsiklo.”
“Ah iyon lang pala eh. Basta ibalik mo bago mag-alas-tres,” at dinukot nito
ang susi ng sasakyan sa kanyang bulsa.
Kukunin na sana ito ni Leon subalit nagprisinta na lang si Jean na siya na
ang magbubukas ng pintuan. Pinaupo ni Leon si Kyla sa harap at iniayos niya ito
ng maigi. Iniayos din niya ang seat belt nito at dahan-dahan na isinara ang pinto.
“Leon isinaksak ko na iyong susi sa susihan.”
“Salamat. Balik ko rin matapos ko siyang ihatid.”
“Sige ingat kayo. Oiy „wag sa hotel ang tuloy ah,” pagbibiro pa ni Jean.
Pumasok si Leon sa kotse at umupo sa driver‟s seat. Wala gaanong
nakaparadang sasakyan kaya madali niyang iniabante ang hiniram na kotse
palayo at si Jean ay muling pumanhik ng bar.
Narating nila ang bahay na tinutuluyan ni Kyla sa Camp 7 at inihinto ni
Leon ang kotse sa tapat nito. Sinulyapan niya si Kyla at napansing tulog na ito.
Kanya sana itong gigisingin nang bigla na lang nagsalita.
“ Leon mahal na mahal pa rin kita.”
Muling sinuri ni Leon ang pasahero at nakumpirma na ito‟y talagang tulog.
Nanatili siyang nakatitig sa mukha ni Kyla ng ilang minuto. Naalala niya ang mga
nasabi ni Kyla sa bar kanina at ang kababanggit lang nito habang natutulog.
Tiningnan niya ang oras sa kanyang cellphone at pasado alas-dos na.
Muling pinaandar ni Leon ang sasakyan at bumuwelta pabalik. Imbes na
ibaba niya si Kyla ay iniuwi niya ito sa kanilang bahay sa Gibraltar. Naisip ng
binata na sa kanila na lang muna ito makikitulog kaysa makita ng kapamilya na
ito‟y lasing lalo na at halata sa mga mata nito ang pag-iiyak.
Kinarga niya si Kyla sa kanyang likuran at idiniretso niya sa kanyang silid
at ipinahiga ng maayos sa kama. Tinanggal niya ang sandals nito saka
kinumutan. Iniwan niya muna ang dalaga at mabilisang ibinalik ang kotse. Muling
nagpasalamat si Leon sa kaibigan at agad din siyang umuwi gamit ang kanyang
motorsiklo.
Inalam niya ang kalagayan ni Kyla at mahimbing ang tulog nito sa
kanyang kama. Mabuti na lang at hindi ito sinusuka. Muli niyang pinagmasdan
ang napakaamo nitong mukha at tila siya ay naaakit na muling tabihan ito sa
pagtulog. Umupo siya sa bandang uluhan ng dalaga at iniayos ang mga buhok
na nakatakip sa mukha nito. Makalipas ang ilang minuto ay nagbihis ang binata
sa damit pambahay at iniwan ang silid na bukas pa ang ilaw. Nagtungo siya sa
sala at sa sofa na lang ulit natulog.
Nagising si Kyla at naramdaman na masakit ang kanyang ulo dala ng
hang-over. Dahan-dahan siyang bumangon at nanlaki ang kanyang mga mata
nang mapansin na iba ang kanyang kumot at iba rin ang kama na hinigaan.
Sinuri niya ang mga sulok ng silid at nagtaka kung paano siya napadpad sa
kuwarto ni Leon. Sinubukan niyang alalahanin ang mga detalye subalit hindi niya
maaalala ang lahat. Paputol-putol ang kanyang mga naaalala at hindi na niya
pinilit pang alalahanin ang lahat. Napangiti na lang siya at masayang niyakap
ang kumot na ginamit. Wala siyang pasok ngayon sa bangko na kanyang
pinapasukan kaya muli siyang nahiga dahil masakit pa rin ang kanyang ulo.
Nakaramdam ng gutom ang dalaga, naalala rin niya na kagabi pa siya
hindi kumakain kaya pinilit niyang bumangon at nagtungo sa kusina. Sa ibabaw
ng mesa ay may mga natatakpang pagkain. Nang kanyang tanggalin ang mga
takip, nahalata niya na ito ang kanyang mga niluto kahapon para sa anibersaryo
nila ni Leon. Halos maluha siya sa tuwa nang mapansin niya na maraming kinain
si Leon sa kanyang inihanda. Pati ang cake ay malaking bahagdan din ang
naibawas. Nilingon niya ang orasan at ika-11 na ng umaga, sa oras na ito ay
nasa trabaho si Leon. Habang kumakain ay nilalaro-laro ulit nito ang kanyang
suot-suot na kuwintas. “Limang taon na tayo,” anito habang nakatingin sa
nilalarong alahas. Kanya pa itong hinalikan at nginitian na animo‟y isa itong may
buhay na bagay. Nang maubos niya ang nilagay sa pinggan ay kumain din siya
ng cake at inilagay ang natirang bahagdan nito sa refrigerator.
Matapos kumain ay hinugasan pa ni Kyla ang pinagkainan at isinama na
rin ang mga hindi pa nahuhugasang mga gamit na naipon sa lababo. Muli siyang
pumanhik sa silid ni Leon at iniayos ang pinagtulugan. Nakigamit na rin siya ng
banyo para maligo at matanggal ang amoy ng pawis at alak sa kanyang
katawan.
Malapit na ang oras ng tanghalian at si Leon ay kasalukuyang
nagmamadali pauwi. Nakalimutan niyang dalhin ang kanyang pera kaya
nakiusap muna ito sa mga kasabay niya sa trabaho na uuwi muna siya at babalik
din kaagad. Idinaan niya ang kanyang motorsiklo sa ibang ruta upang makaiwas
sa trapiko. Mabilis niyang narating ang kanilang bahay at itinabi niya ang
sasakyan sa labas ng gate. Agad siyang dumiretso sa kusina para mapawi ang
uhaw dala ng kainitan ng panahon. Matapos uminom ng tubig ay nagtungo siya
sa kanyang silid para kunin ang naiwang pera. Pagkapasok niya ay sa study
table agad ang kanyang atensiyon. Hinatak niya ang isang shelf kung saan niya
nilalagay ang kanyang pera at kinuha niya ito. Lalabas na sana siya ng silid nang
mapansin niya ang mga damit ni Kyla sa ibabaw ng kanyang kama kasama na
rin dito ang mga underwears ng dalaga.
Naisip niya na baka naliligo ito sa kanilang banyo kaya naisip niyang
umalis kaagad bago pa siya makita nito. Lalabas na sana siya ng pintuan ng may
marinig siyang mga yapak ng paa mula sa labas ng silid. Agad sumandal si Leon
sa pader malapit sa pinto at si Kyla ay diretsong pumasok at walang napansin.
Tuwalya lang ang nakabalot sa katawan nito at ang tuwalyang iyon ay pag-aari ni
Leon. Hindi pa rin siya napansin ng dalaga at balak sana niyang dahan-dahan na
lumabas habang di pa ito nakakahalata ngunit sinipa patalikod ng dalaga ang
pinto at ito ay naisara. Wala nang magagawa pa si Leon kaya kailangan na
niyang magpahalata subalit ilang segundo lang mula sa pagkakalingon sa
naisarang pinto ay hinuhubad na ni Kyla ang suot niyang tuwalya nang muli niya
itong tingnan. Wala sa isip ng binata ang mamboso kaya sinadyang gumawa ito
ng ingay na tila may bara sa kanyang lalamunan para itigil ni Kyla ang
pagtanggal sa kaisa-isang bagay na nakasaplot sa kanyang mapang-akit na
katawan.
Ngunit lubhang magugulatin si Kyla lalung-lalo na kung bigla itong
nakakarinig ng ingay o ng taong magsasalita mula sa kanyang likuran habang
siya ay mag-isa. Nabitawan niya ang tuwalya at ang masama pa nito ay
tumalikod siya at nilingon ang pinagmulan ng narinig. Hindi inaasahan ni Leon
ang ganitong pangyayari at hindi niya naiwasang mapatitig sa napakaputi at
napakakinis na hubo‟t-hubad na katawan ng dilag. Parang tumigil ang lahat ng
bagay sa paggalaw gayon din ang oras para sa dalawa. Nanatili silang nagtitigan
ng ilang segundo ngunit nang mapuna ng dalaga na wala siyang saplot at
nakaharap pa kay Leon ay bigla itong napatili at agad niyang dinampot ang
nabitawang tuwalya at itinakip sa maseselang bahagi ng kanyang katawan.
Umupo rin siya sa ibabaw ng kama at dinampot sa isang kamay ang unan at
inihagis sa natulalang binata.
“Labas!!” pasigaw na pag-utos nito kay Leon.
Nabawi ni Leon ang kanyang sarili at agad binuksan ang pinto mabilis na
naglakad palayo ng silid. Mula sa sala ay narinig niya ang muling pagsasara ni
Kyla ng pinto ng silid. Hindi alam ni Leon kung ano ang dapat niyang gawin sa
nangyari. Hindi niya sinasadya na masilipan si Kyla pero hindi niya alam kung
paano niya ito ipapaliwanag. Kung tutuusin ay aksidente lang ang lahat dahil
sinubukan naman niya itong maiwasan sa pamamagitan ng kunwaring pag-ubo.
Wala siyang maisip na magandang paliwanag kaya nagpasya na lang siya na
umiwas sa pananagutan at bumalik na lang sa kanyang trabaho. Palabas na
sana siya ng bahay nang makasalubong niya ang kanyang ina galing overtime
sa trabaho.
“Wala ka bang trabaho ngayon Leon?” tanong agad ng kanyang ina.
“Meron po ma, may binalikan lang po ako.”
“Naabutan mo ba si Kyla kagabi?”
“Opo ma. Nandiyan pa po siya sa kuwarto nagbibihis.”
Dumiretso ang kanyang ina sa sariling silid para magbihis. Tuluyang
tatakas na sana si Leon nang marinig niya na tinatawag siya ng kanyang nanay.
Tumugon siya dito at inutusan siya nito bumili ng pain reliever sa tindahan sa
may kapit-bahay. Pagkabalik ni Leon mula sa tindahan ay naabutan niya ang ina
na nakikipag-usap kay Kyla. Iniabot niya ang biniling gamot at si Kyla ay
nagpaalam na sa kausap. Nagyakapan at nagbeso-beso pa ang mga ito sa
harap ni Leon na animo‟y sila talaga ang tunay na mag-ina.
“Ingat kayo ha,” paalala ng ginang.
Lumabas ang dalawa at pareho silang tahimik na naglakad palabas ng
gate. Suot-suot ni Kyla ang isa sa mga T-shirt ni Leon at may hawak itong paper
bag kung saan nakalagay ang kanyang kasuotan kahapon. Hindi pa rin
makapag-isip si Leon ng sasabihin bilang paliwanag sa di sinasadyang nangyari
kanina. At kung naiisip niya ito ay ang hubad na katawan ni Kyla ang pumapasok
sa kanyang isipan.
“Hindi ka ba magpapaliwanag?” biglang tanong ni Kyla.
Napatitig si Leon sa dalaga at di niya masabi sa ekpresyon ng mukha nito
kung ito ay galit sa nangyari kanina. Napakalumanay din ng pagsasalita niya
kaya hindi matanto ni Leon kung ano talaga ang nararamdaman nito. “Kyla hindi
ko alam kung paano ko ipapaliwanag ang nangyari kanina pero aksidente lang
ang lahat at hindi ko sinasadya.”
“Sigurado ka?” parang hindi pa rin makapaniwala na pangungumpirma ni
Kyla.
“Pasensiya na talaga binalikan ko lang sa kuwarto ang naiwan kong pera
at nabigla lang ako nang pumasok ka.”
“Gano‟n ba? Di bale na alam ko naman na hindi mo sinasadya kaya
kunwaring nauubo ka pero nagulat kasi ako,” ani Kyla.
Sa wakas gumaan din ang pakiramdam ng binata sa narinig. Akala niya
kasi ay napakahirap na paniwalaan ang anuman na kanyang sasabihin na
pagdadahilan.
“Leon ihatid mo na lang ako hanggang sa Session Road, papatawarin kita
„pag hinatid mo ako,” nakangiting wika ng dilag.
“Ok, sakay na,” di pagtanggi ng binata.
Sumakay si Kyla sa kanyang likuran at agad kumapit sa kanya. Mabilis na
pinatakbo ni Leon ang motorsiklo dahil sa pangako nito sa mga katrabaho na
babalik din siya kaagad.
“Dito na lang ako Leon,” ani Kyla.
Itinabi ni Leon ang sasakyan at bumaba ang kanyang pasahero.
“Ayan quits na tayo,” sabay ngiti pa ni Kyla kay Leon pagkababa ng
motorsiklo.
Nagpasalamat at nagpaalam ang dalaga at tumawid ito ng kalsada. Si
Leon naman ay bumalik sa internet cafe na pinapasukan.
Lumipas ang buong buwan ng Abril at wala gaanong pagbabago sa
komunikasyon ni Leon at Remz. Araw-araw pa rin silang nagkukumustahan at
nagkukuwentuhan kapalit nga lang nito ay ang pagloload ng madalas.
Ngunit ngayong buwan ng Mayo mag-iiba na ang lahat para sa dalawa.
Mangyari ay nakatanggap ng paunawa si Remz upang makapag-exam para sa
Apprenticeship mula sa Texas Instruments. Agad niya itong ibinalita kay Leon
nang tumawag ulit ito sa kanya.
“Leon mag-eexam ako para sa Apprenticeship ng T.I. diyan sa Baguio sa
May 4.”
“Talaga! Sa huwebes, bale dalawang araw na lang.”
“Excited na ako pumunta dyan, bale bukas andyan na ako umaga kasi
iyong exam,” tuwang-tuwa na pagpapahayag nito.
“Kung gano‟n magpapalipas ka ng gabi dito. May matutuluyan ka na ba?”
“Oo doon ulit sa bahay ng tita namin sa Trancoville.”
“Ahh oo nga pala nakalimutan ko. Sunduin kita bukas sa istasyon ng bus
gusto mo?”
“Dapat lang no! Marami akong bitbit,” pagpayag ni Remz.
“Marami kang bitbit? Bakit dito ka na ba titira?”
“Oo naman hanggang matapos lahat ng requirements at kung
makakapasok ako eh di magtatagal ako diyan,” masayang sagot ng dalaga.
Nasiyahan din si Leon sa narinig at pakiramdam niya sinuswerte siya sa
mga nangyayari ngayong mga nakaraang buwan. Kinabukasan ay maagang
nagpaalam si Remz sa kanyang mga magulang. “Mama tuloy na po ako ng
Baguio.”
“Magpahatid ka na sa papa mo hanggang istasyon. Mag-iingat ka lagi
doon ha,” pagpapaalala ng ina nito.
Nagyakapan ang mag-ina at inihatid naman siya ng kanyang ama sa
terminal ng bus patungong Baguio. Nagyakapan din ang mag-ama at gaya ng
ina ay nagpayo din kay Remz na mag-ingat lagi. Nauna ng umalis ang kanyang
ama dahil may lakad pa itong pupuntahan.
Habang hinihintay ni Remz ang pag-alis ng bus ay lumabas muna siya
para bumili ng kanyang kakainin habang bumabiyahe. Sa di-inaasahang
pagkakataon ay nakita siya ni Leonardo habang binabayaran niya ang kanyang
pinamili. May tumapik sa kanyang balikat at nang lingunin niya ito ay tila nagulat
pa siya na makita ang dating nobyo.
“Bhe, ano ginagawa mo dito?” usisa ni Leonardo.
“Wala lang napadpad lang ako dito,” tugon ni Remz.
Lalakad na sana si Remz palayo matapos mabayaran ang mga pinamili
ngunit hinatak ng bnata ang kanyang braso at siya ay muling napaharap dito.
“Huwag mo nga ako basta hinahatak!” galit na wika ni Remz.
“Bhe, bakit hindi man lang kita matawagan? Nagpalit ka ba ng number
mo?”
“Sorry may hinahabol akong oras. Sa ibang araw na lang tayo mag-usap,”
medyo galit na sagot ng dalaga.
Magsasalita sana muli si Leonardo nang biglang may tumawag sa kanya
sa may di kalayuan. “Hoy lalake bilisan mo at mahuhuli na tayo.”
Napalingon si Remz sa babaeng narinig at namukhaan kung sino ito.
“Tawag ka na ng kapatid mo mauna na ako,” pagpapaalam nito sa makulit na
lalake.
“Bhe pwedeng makausap kita bukas o sa ibang araw? Maski kelan basta
makapag-usap tayo,” pagpupumilit pa rin ni Leonardo.
Tumango na lamang si Remz at umalis. Ginawa lang niya iyon para
tumigil si Leonardo sa pangungulit sa kanya. Sumama sa kanyang kapatid ang
makulit na lalake at si Remz naman ay sumakay na sa bus at ilang minuto lang
ay umalis na ito patungo ng Baguio.
Nakarating ang bus sa lungsod at agad nagtext si Remz kay Leon
pagkababa niya at di nagtagal ay nakarating na rin si Leon sa kanyang
kinaroroonan.
“Hello Remz!” bati ng binata.
“Uyy nandito ka na pala, kanina ka pa ba?”
“Hindi naman kararating ko rin lang,” sagot ng binata.
Napatingin si Leon sa mga katabing bagahe ng dalaga. Isang malaking
traveling bag at isang de-zipper na malaking sako bag ang dala-dala nito.
“Inilikas mo yata ang laman ng buong kwarto mo,” pabirong sabi ni Leon.
“Hindi ah. Damit at pasalubong ni mama kay tita ang mga iyan.”
“Pasalubong? Wow, wala bang para sa akin?”
“Wala eh. Ha ha ha!”
Pumara ng FX taxi si Leon at inilagay niya sa likod ng sasakyan ang mga
bagaheng dala ni Remz. Magkatabi silang umupo ni Remz sa backseat at
nagkuwentuhan. Nabanggit din ni Leon na ang kanyang ina gaya ng tita ni Remz
ay empleyado rin ng Texas Instruments. Narating nila ang bahay ng tita ni Remz
at nagprisinta si Leon na magbayad ng pasahe nila sa taxi sa kabila ng pagtutol
ng dalaga. Ipinasok nila ang mga bagahe at sinalubong sila ng isa sa tatlong
anak ng tita nu Remz. Itinuro din nito sa kanila ang magiging silid niya kaya doon
nila ibinaba ang mga dala nilang bagahe.
“Wala pa rin ba si Tita Alma?” tanong ni Remz sa kanyang pinsan.
“Mamayang alas-kuwatro pa po siya makakauwi ate pero kung mag-
oovertime siya sigurado gabi na siya makakauwi,” anito.
Nagpasya ang magkaibigan na lumabas muna at mamasyal yaman rin
lang nandito si Remz sa Baguio. Nagpaalam na lang muna ito sa kanyang
pinsan at sumakay sila ng jeep patungong bayan.
“Bakit di mo dinala motorsiklo mo? Sayang magroad trip ulit sana tayo.”
“Dala ko, bakit gusto mo ba ulit magroad trip?”
“Anong dala mo? Eh bakit hindi mo gamit kanina?” di-maniwalang tanong
ng dalaga.
“Kakasya ba naman mga bagahe mo sa motorsiklo?” katwiran ni Leon.”
“Ay oo nga no? Saan mo iniwan?”
“Sa parking lot ng SM.”
Pumara si Leon sa tapat ng SM at agad nila pinuntahan ang ipinarada
niyang motorsiklo sa basement ng nasabing gusali. Sumakay silang dalawa dito
at binayaran ni Leon ang parking fee.
“Saan mo gustong pumunta?” tanong ni Leon sa kasama.
“Maski saan.”
Idiniretso ni Leon ang sasakyan sa Burnham Lake at ipinarada ito sa
isang tabi.
“Anong gagawin natin dito?” tanong ni Remz.
Napangiti lang si Leon at hinawakan niya sa kanyang kaliwang kamay ang
kanang kamay ni Remz. Magkahawak-kamay silang naglalakad sa Burnham
Park at wala namang kakaiba na naging reaksiyon ang binibini. Kung tutuusin ay
natutuwa pa ito at tuloy-tuloy ang pagkukwento habang mahigpit silang
magkahawak ng kamay. Narating nila ang isang bahagi ng parke kung saan may
nagtitinda ng sweetcorn na siyang pinakapaborito ni Remz. Huminto sila dito at
bumili ng tig-isang mais.
“Dito kita kinidnap, naaalala mo pa ba?” pagpapaalala ni Leon.
“Anong kidnap? Snatch kamo.”
“Oo nga pala, he he he.”
Tinitigan ni Leon ang mga mata ni Remz at napatitig din ito sa kanya.
“ Leon bakit?”
Muling mahigpit na hinawakan ni Leon ang isang kamay ni Remz at
nagtanong. “Wala kang mga bantay na kailangan nating iwasan ngayon hindi
ba?”
Napangiti si Remz sa naitanong ng binata at umiling-iling bilang pagtugon.
“Remz ayos lang ba sa iyo na dalawin kita paminsan-minsan sa bahay ng
tita mo?”
“Huh? Bakit naman?” agad reaksyon nito.
“Anong bakit naman?”
“Bakit mo ako dadalawin?”
“Para manligaw siyempre! Hindi mo pa rin kasi ako sinasagot,” walang
kahirap-hirap na pagtatapat ng binata.
Napahinto sa pagkain ng sweetcorn ang dalaga at muling napatitig kay
Leon. Nagkatitigan muli silang dalawa habang magkahawak pa rin ang kanilang
kamay. “Leon ginu-good time mo na naman ba ako?” seryosong tanong ni Remz.
Inihagis ni Leon ang wala ng butil na mais at ito‟y na-shoot sa basurahan
na may limang meto ang layo mula sa kanilang kinatatayuang damuhan. “Yup!
Ginu-good time kita kaya sagutin mo na ako,” sabay ngisi pa nito kay Remz.
“‟Wag ka nga! Sira ka talaga, akala ko pa naman seryoso ka.”
“Mukha ba akong hindi seryoso?” tanong nito subalit kung tititigan siya ni
Remz sa mukha ay hindi nito masabi kung seryoso nga ba o hindi.
Balik titigan ang dalawa at ngayon ay hindi malaman ni Remz kung ano
ang susunod na sasabihin. Inilihis ng dalaga ang kanyang mga mata at yumuko
na lang.
“Sorry hindi ako makapag-isip ng isasagot hindi ko man lang kasi masabi
kung seryoso ka o hindi. At isa pa gusto ko na mas makilala muna kita,”
nakayuko pa rin na tugon ni Remz.
Narinig ng dalaga na tumatawa ang kanyang kausap at nagtaka siya kung
ano ang tinatawanan nito. “Bakit ka tumatawa?” medyo naiinis na usisa nito.
“Nakakatuwa ka kasi,” at patuloy pa rin itong napapangisi.
Siniko ng dalaga ang tiyan ng tumatawa pa ring binata at ito ay napa-aray.
“Wala ba talagang pagkakataon na talagang seryoso ka?” may pagkainis
pa rin na tanong nito.
Napaluhod si Leon at napabaluktot na tila nahihirapang huminga.
Napansin ni Remz na hawak-hawak nito ang kanyang nasikong bahagi ng
katawan at ito ay sa bandang kasu-kasuhan at labis na nag-alala siya dito.
“Leon ayos ka lang? Anong nangyayari sa iyo?” pag-aalala ng
responsable. Lumuhod din si Remz sa kinaroroonan nilang damuhan para
pagmasdan ang binata at napuna niyang bukas ang bunganga nito at pinipilit
huminga. Nakaramdam siya ng takot at nabitawan ang kinakaing mais. “ Leon!
Leon! Ayos ka lang?” Hinawakan niya ito sa balikat at inalog-alog habang
tinatawag ang kanyang pangalan. Sa ilang saglit ay bigla na lang itong
bumagsak sa damuhan at nawalan ng malay. Nakaramdam ng takot si Remz at
mas nilakasan niya ang pagtawag sa pangalan ng binata. “ Leon! Anong
nangyari sa iyo? Bumangon ka na dyan please!”
Nanatiling walang reaksiyon si Leon at mas nangamba ang dalaga. Hindi
nito alam kung ano ang dapat niyang gawin sa kasalukuyang sitwasyon. Mabuti
na lang at may lalakeng lumapit at sumaklolo.
“Anong nangyari Miss?” agad na tanong nito kay Remz.
Napaharap ang dalaga sa nagtatanong at nagpaliwanag. “Nang-aasar
kasi siya kanina eh siniko ko sa tiyan tapos bigla na lang siya napaluhod at
bumagsak.”
Malakas siguro pagkakasiko mo.”
Iniayos ng lalake ang katawan ni Leon sa pagkakahiga at itinapat ang
kanyang pisngi sa tapat ng ilong at bibig ng walang malay na si Leon.
“Hindi ko naman sinasadyang lakasan akala ko mahina lang,”
pagdadahilan ni Remz.
“Hindi siya humihinga pero may pulso siya,” wika ng sumaklolong binata.
“Anong dapat natin gawin?” medyo nanginginig na tanong ni Remz.
“Marunong ka bang magsagawa ng A.R.?”
“A.R.?”
“Artificial Respiration, hipan mo ang kanyang bibig,” paliwanag nito.
Napaisip ang dalaga sa narinig na paliwanag. Batid niya na siya ang
dapat managot sa nangyari kaya nararapat lang na siya ang magsagawa ang
A.R. ngunit pinangunahan siya ng hiya dahil ang ilan sa mga tao sa paligid ay sa
kanila nakatuon ang atensiyon.
“Pwedeng ikaw na lang hindi kasi ako marunong,” muling alibi ni Remz.
“Pero…”
“Please!” pagputol ni Remz sa sasabihin pa lang sana ng sumaklolong
binata.
Pinagdikit ni Remz ang kanyang mga palad at tila nagdadasal itong
nakiusap sa lalake. Hindi na ito tumanggi pa at tinanggap ang pakiusap dahil
kung hindi nila agad maisasagawa ang A.R. ay baka mauwi pa ito sa CPR.
Inamin din nito na hindi siya batikan sa kanyang gagawin at unang beses pa lang
niya itong isasagawa sa aktuwal na sitwasyon. Umayos sa puwesto ang lalake at
di na nagdalawang-isip na isagawa ang A.R. Kapansin-pansin sa mga reaksiyon
ng mga nakapalibot ang pagka-asiwa sa sitwasyon. Tila nandidiri ang mga ito sa
susunod na mangyayari. Sino ba naman ang sanay na makakita ng pagdidikit ng
mga labi ng parehong lalaki?
Hinawakan na ng lalaki ang noo at panga ni Leon at nang ilalapit na niya
ang kanyang labi upang hipan ang bibig nito ay bigla na lang may palad na
humarang sa sarili niyang noo. Napahinto ito sa pagsasagawa ng A.R. at
natuklasan agad na ang palad sa kanyang noo ay palad mismo ng binata na
kanina lang ay walang malay-tao. Nagulat ito at iniatras ang ulo saka tumayo.
Idinilat ni Leon ang kanyang mga mata at bumangon. Huminga siya ng
malalim saka tumingin kay Remz. Hindi maipaliwanag ang ekspresyon sa
mukha ng dalaga at ang ilan sa mga nakapaligid ay nagtataka rin sa nangyari.
Buong sigla na tumayo si Leon at nagpaliwanag sa mga ito.
“Pasensiya na po kung nakatawag ako ng atensiyon. Ayaw pa rin kasi
akong sagutin ng cute na babaeng ito kaya nagkunwari akong nawalan ng malay
para isagawa sana niya ang muntik ng isagawa ng mabait nating kaibigan dito,”
masiglang paliwanag ni Leon na tila isang nagkakampanya.
Nagtawanan ang mga nakasubaybay at kasama na rin sa mga ito ang
lalake na muntik ng magsagawa ng A.R.
“Ok ang style mo ah!” sigaw ng isa sa mga nakasaksi.
Hindi malaman ni Remz ang gagawin samantalang si Leon ay parang
hindi naaapektuhan sa nangyari at mukhang natutuwa pa ito. Kanina lang ay
alalang-alala si Remz ngunit ngayon ay natutulala na at hindi man lang alam
kung dapat siyang mainis o matuwa sa panlilinlang ni Leon. Habang nakaluhod
pa rin si Remz ay nilapitan ito ni Leon at inalok na tumayo. Inabot nito ang
kanyang kamay at tumayo.
“Kiss! Kiss!” korong sigaw ng mga tao sa kanilang paligid.
“A.R.! A.R.!” sigaw naman ng iba.
Napatawa ng kaunti ang binata at seryosong tinitigan ang mga mata ng
nahihiya pa ring dalaga. Napatitig din ito sa kanya at namumula na ang mga
pisngi.
“Remz maniwala ka, seryoso ako,” ani Leon sa marahang tono.
Hinawakan ni Leon ang mga balikat ng dalaga at handa na siyang halikan
ito sa harap ng mga tao na patuloy sa ginagawang komosyon. Palapit na ang
mga labi ni Leon sa mga labi ni Remz nang biglang itinulak nito ang binata
palayo. Mas namula ang kanyang mga pisngi kumpara kanina at tinakpan niya
ito sa kanyang mga palad.
“Awwww..” muling koro ng mga nakaaligid.
Nanatiling tahimik si Leon at naisip na nasobrahan yata ang kanyang
ginawa at nadala siya sa komosyon ng mga tao. Ilang saglit lang at kumaripas na
ng takbo si Remz at halatang hiyang-hiya ito sa nangyari. Napatawa si Leon sa
pagtakbo ng dalaga palayo at kasabay din nito ang tawanan ng mga nanonood.
Kasunod nito ay pinalakpakan naman siya ng mga ito. Yumuko-yuko naman sa
kanila si Leon at nagagawa pa rin nitong ngumiti.
“Tumatakbo na chika babes mo! Habulin mo na!” wika ng isa sa mga ito.
“Salamat sa inyong suporta!” sabi pa ni Leon saka mabilis na hinabol ang
papalayong Remz.
Nagpatuloy ang komosyon sa paligid hanggang sa hindi na ito marinig ni
Leon. Nagawa niya itong habulin at kanya itong hinawakan sa braso.
Pagkahawak niya kay Remz ay agad din itong tumigil sa pagtakbo. “Remz sorry
hindi ko sinasadyang umabot sa gano‟n ang nangyari.”
Humarap ang dalaga na tila nanggagalaiti. Sinubukan nitong hampasin
ang binata ngunit nasalo ang kanyang kamay. Muli niya sanang ihahampas ang
kabilang kamay pero nasalo ulit ito ng binata at ngayon ay hawak na ni Leon ang
dalawa niyang kamay. Sinubukan nitong tapak-tapakan na lang ang mga paa ng
humahawak sa kanya pero sunud-sunod na bigo pa rin dahil nagawa pa ring iilag
ni Leon ang kanyang mga paa.
“Grrrr.. Kainis ka talaga! Wala ba hangganan ang panggu-good time mo?”
“Sino ba kasi ang naniko sa akin kanina?” tumatawang tanong pabalik ni
Leon.
“Heh! Wala iyon kumpara sa ginawa mo „no! Nakakahiya ka grabe,” tugon
ni Remz.
“Kung hindi ka ba naman kasi pumalpak eh di hindi sana gano‟n ang
nangyari. Ipahalik ba naman ako sa lalake.”
“Anong pumalpak? Akala ko nawalan ka talaga ng malay tapos mang-
iiskor ka lang pala. Mas mabuti nga sana kung naghalikan kayo,” sabay tawa ng
dalaga.
Muling nanggalaiti si Remz at dahil hawak-hawak pa rin ni Leon ang
kanyang mga kamay ay pasurpresa niyang sinipa sa kanang paa ang binata.
“Aray ko! Loko ka ang dumi ng sapatos mo,” angal ni Leon.
“Buti nga sa iyo.”
Binitawan ni Leon ang mga kamay ni Remz at pinagpag ang nadumihan
niyang pantalon.
“Kainis ka talaga nalaglag ko tuloy iyong sweetcorn ko.”
“Sino kasi nagsabing bitiwan mo?”
“ Aba at kasalanan ko pa! Ibili mo ako ng bago bilis,” utos ni Remz habang
nakaturo sa direksyon ng nagtitinda ng sweetcorn.
Nilingon ni Leon ang direksyon. May kalayuan sila dito at naroon pa rin
ang ilan sa mga nakasaksi sa pagkukunwari niya kanina.
“O sige tara balik tayo,” anyaya ni Leon.
“Ayaw ko nga! Ikaw lang bumalik at bumili, hintayin na lang kita dito.”
“Ano ka sinuswerte? Sino ba kasi tumakbo ng ganito kalayo?”
Hinampas ulit ni Remz ang binata at ngayon naman ay ang likod nito ang
natamaan. Maingay ang nalikhang tunog ng pagkakahampas niya sa binata at
siguradong mahapdi at masakit ang likuran nito. Humarap si Leon at animo‟y
hindi ulit makahinga. Napakunot lang noo ang dalaga at sinubukan niyang
suntukin ang sikmura ni Leon dahil batid niya na nagkukunwari lang ulit ito gaya
kanina. Madaling nakailag si Leon sa suntok ni Remz kaya walang duda na ayos
lang siya.
“Hindi mo ako maloloko ng parehong gimik,” ani Remz.
Ipinagpatuloy ng dalawa ang pamamasyal at nang mag-ikapito na ng gabi
ay tumuloy sila sa Good Taste upang maghapunan. Matapos kumain ay inihatid
ni Leon si Remz at dumiretso na rin siya pauwi.
Pagkapasok ni Leon sa bahay ay pinaupo kaagad siya ng kanyang ina sa
sala na parang may mahalagang sasabihin sa kanya.
“Leon tumawag ulit tatay mo sa akin kanina. Tinawagan ka ba niya nitong
mga nakaraang araw?”
“Tungkol po ba iyan sa migration?”
“Oo tinatanong niya kung hindi ka ba talaga sasabay na pupunta doon.”
Batid ni Leon na gusto na ng kanyang ina na magsama-sama na ulit sila
bilang isang pamilya ngunit para sa kanya ay may mas mahalaga pa siyang
kailangang gawin bago ang pagpunta sa Amerika at doon na manirahan kasama
ang pamilya.
“Ma ayaw ko pang pumunta doon may gusto pa akong gawin dito.”
“Ano naman ang gusto mo pang gawin dito?” usisa ng ina.
“Maghahanap muna ako ng maaasawa ko,” pabirong sagot ni Leon.
“O eh di isama natin si Kyla.”
“Ma,” tila di kumportable na reaksiyon ni Leon sa nabanggit ng ina.
Huminto naman ang ina at baka mainis pa ang anak. Hindi rin mahirap na
kunin si Leon balang araw kung sakaling mauuna siya na pumunta sa Amerika at
makitira sa asawa na matagal nang naninirahan doon bilang isang sikat na
nobelista.
“Pero magiging ayos ka lang kaya dito?”
“Ma malaki na po ako kaya ko na po ang aking sarili.”
“Kung sabagay 23 ka naman na. Pero gusto mo ba na palipatin ko si Kyla
dito sa atin para may mag-alaga dito sa bahay at magluto para sa iyo?”
“Tigalinis at tigaluto? Ginawa niyo naman na po siyang katulong.”
“Pinag-usapan na namin kanina sa totooo lang, alam ko naman kasi na
tamad ka maglinis at di ka marunong magluto.”
“Basta huwag na po, baka isipin pa ng mga kapit-bahay ay naglilive-in
kami komo wala kayo.”
Hindi na nagpumilit pa ang kanyang ina dahil sa pagtanggi ni Leon sa
kanyang mga ideya. Gusto niya talaga si Kyla para sa kanyang anak pero wala
siyang magagawa kung ayaw ni Leon sa kanyang mga plano para magkaayos
ulit ang mga ito. Nagpatimpla na lang ito ng kape sa kanyang anak at agad ito
ginawa ni Leon.
“Kailan po pala alis ninyo?”
“Sa May 27 pa.”
“Halos isang buwan pa pala eh.”
Iniabot ni Leon ang natimplang kape at nagpasalamat ang kanyang ina
dito. Nagpaalam ang binata na mauna na sa kanyang silid para mamahinga.
Kaagad siyang nagbihis at nagsend ng text message kay Remz. Nahiga siya sa
kanyang kama at pinag-isipan ulit ang mga nararapat na hakbang sa kanyang
paghihiganti kay Leonardo ngayong ang sitwasyon ay nagbago na.
Natapos ang Apprenticeship Examination ni Remz at pagkatapos ng
trabaho ni Leon ay muli na silang namasyal at sabay na naghapunan. Limang
araw ang kailangan hintayin bago lumabas ang resulta ng pagsusulit kaya may
limang araw din sila para magsama at mamasyal-masyal.
Nangyaring si Leon lang ang kaisa-isang kaibigan ni Remz sa Baguio
kaya tuwing iniimbita siya ng binata ay hindi niya tinatanggihan. Lumipas ang
limang araw at magandang balita ang nakarating kay Remz. Tanggap na siya
bilang aprrentice at kinabukasan ay magsisimula na ang training. Ipinagdiwang
nilang dalawa ang pagkakatanggap ni Remz. Ngayong gabi ay binisita ulit nila
ang Volante at umorder ng malaking pizza bilang handa.
“Galingan mo araw-araw para gawin ka kaagad na regular,” payo ni Leon.
“Gano‟n. O sige gagalingan ko.”
Nagpatuloy ang pagsasama ng dalawa sa mga sumunod na araw. 8:00
A.M. hanggang 4:00 P.M. ang training ni Remz at alas-singko naman ang labas
ni Leon. Madalas ay sa labas na sila naghahapunan bago umuwi. Tuwing sila ay
nagsasama ay laging ikinukwento ni Remz ang nangyari sa trabaho. Mga
mapang-api at masusungit na katrabaho, mga tamad tumulong at lahat ng mga
di kanais-nais na nangyayari sa loob ng pagawaan.
“Sino kasi nagsabi na diyan ka tumuloy?”
“Malay ko ba na gano‟n pala. Pero marami din naman mababait.”
“Di bale ayos naman ang salary rate ninyo eh.”
“Sa bagay.”
Natapos ang training nila Remz at nailagay siya sa shift na 7:00 A.M.
hanggang 3:00 P.M. para sa mga natitirang araw ng buwan ng Mayo. Gaya ng
dati ay madalas pa rin silang magsama at kumain sa labas. Paminsan-minsan ay
nagpapasama ang dalaga para mag-ukay at kung matapos kumain sa gabi ay sa
kung tawagin ay night market sila tumitingin ng magagandang paninda. Ang
night market na sinasabi ay ang mga hilera ng mga paninda na inilalatag sa
sidewalk tuwing alas-otso ng gabi hanggang hatinggabi. Sapatos, damit, bag at
iba pang mga bagay sa murang halaga.
“Addict ka talaga magwagwag „no?”
“Ang gaganda kasi tapos ang mumura.”
“Remz kinukulit ka pa rin ba ni Leonardo?”
“Hayaan mo iyon, hindi ko na nirereplyan. Gusto ko na nga magpalit ng
number eh.”
Natuwa si Leon sa narinig dahil naaayon ito sa kanyang plano.
Humahabol pa rin si Leonardo kaya dapat ngayong wala pa ito sa eksena ay
kailangang mapasagot na niya si Remz. Kaya sa bawat araw ng kanilang
pagsasama ay kinukuha lagi ni Leon ang kalooban ng dalaga.
Samantala sa bayan ng Bayombong ay inaaraw-araw ni Leonardo ang
pagtetext kay Remz. Nakiiusap lagi ito na sila ay mag-usap subalit madalang na
sagutin ni Remz ang kanyang mga mensahe. Kung tatawagan naman niya ang
dalaga ay hindi ito sinasagot. Makalipas ang ilang araw na walang nangyayari ay
naisipan ni Leonardo na bisitahin ang bahay nila Remz. Ginamit niya ang dating
motorsiklo ng kanyang ama at nagtungo sa bahay ng pakay na binibini. Lingid sa
kanyang kaalaman na higit dalawang linggo nang nasa Baguio ang dalaga.
Dahil sa palihim ang kanilang relasyon dala ng pagka-istrikto ng mga
magulang ni Remz ay hindi pa rin magawa ni Leonardo na dumiretso sa pintuan
ng bahay. At isa pa ay wala rin siyang lakas ng loob na humarap sa mga
magulang ni Remz kaya tumambay na lang siya sa labas at hinintay na lumabas
si Remz. Ilang oras na rin siyang naghihintay at paulit-ulit na nagtetext kay Remz
ngunit ni reply man lang ay walang isinasagot ang dalaga. Walang Remz na
lumabas o umuwi galing sa kung saan.
Umuwi siyang bigo ngayong araw subalit buo pa rin ang kanyang loob.
Inulit na naman niya ang ginawa kahapon at gaya ng nangyari kahapon ganoon
din ang nangyari ngayon. Ang nakita lang niyang lumabas at umuwi ay ang mga
magulang ni Remz. Naisip niya na maaaring nagkukulong si Remz sa kanyang
silid at hindi pa rin handa na siya ay kausapin. Sinubukan niyang tawagan ang
dalaga ngunit hindi makontak ang number nito.
Inulit pa rin ni Leonardo ang pinaggagawa kinabukasan. Di na naiwasan
pa na magduda ang mga kapit-bahay nila Remz. Namukhaan si Leonardo at
batid nila na nitong mga nakaraang araw pa ito patambay-tambay sa tapat ng
bahay nila Remz. Ibinalita agad ng isa sa mga nakapansin ang tungkol sa
kaduda-duda na lalake sa pamilya ni Remz. Hinayaan lang naman ito ng mag-
asawa dahil wala pa naman itong masamang ikinikilos.
Kumagat na ang dilim at naroon pa rin sa labas ng kanilang bakod ang
lalakeng tambay. Naghinala ang nanay ni Remz na ito ay isang magnanakaw na
nagmamatyag sa kanilang bahay. Sa kanyang kaba ay madalas niya itong
siniailip sa bintana ng kanilang silid. Hatinggabi na ay naroroon pa rin ang di
kilalang lalake kaya mas lalong hindi mapalagay ang ginang.
Halos sisikat na ang saka lang umalis si Leonardo. Umaasa siya na
maaaring natatakot lang si Remz na lumabas habang ang mga magulang nito ay
kasama niya sa bahay ngunit wala pa ring lumabas maski naghintay na siya
hanggang umaga. Bigo ulit itong umuwi at diretsong nagpahinga. Hapon na nang
siya ay nagising at muli na naman itong naghanda para muling tumambay sa
labas ng bahay nila Remz. Ngayon ay nagpasya na siya na kakatok na lang siya
sa pintuan ng bahay kung sakaling ayaw pa rin ni Remz na lumabas para sila ay
mag-usap.
Habang muling naghihintay si Leonardo sa labas ng bahay ng dalaga ay
napatanong ito sa sarili kung siya ay nasisiraan na ng bait. Napakaseryoso ng
hitsura nito at bakas na bakas sa kanyang mukha na napakalalim ng kanyang
iniisip. Nagdilim na ang kalangitan at mas lalong hindi mapakali ang nanay ni
Remz dahil naroon ulit sa kanilang tapat ang kaduda-dudang lalake. Wala na
itong nagawa pa kundi gawin ang naisip na paraan.
Biglang tumunog ang cellphone ng ginang at kanyang sinagot ang tawag.
“Ma kumusta na po kayo diyan?”
“O Remz kumusta ka naman?”
“Ayos lang po ako Ma, kayo po?”
“Alam mo ba may lalake na nagmamanman dito sa bahay nitong
nakalipas na mga araw,” balita ng ginang sa anak.
“Lalake na nagmamanman? Ano iyan magnanakaw?”
“Hindi ko nga rin sigurado eh kaya bago pa may mangyari tinawagan ko
na ang pulis at parating na sila.”
“Ingat kayo lahat dyan, balitahan niyo na lang po ako kung anong
nangyari.”
Nagpaalam sa isa‟t-isa ang mag-ina. Agad namang ipinagdasal ni Remz
ang kaligtasan ng kanyang pamilya.
Ilang minuto ang lumipas at naisipan ni Leonardo na kapalan na lang ang
kanyang mukha at kumatok sa pintuhan ng bahay nila Remz. Patungo pa
lamang siya sa gate ay narinig niya mula sa kanyang likuran ang tunog ng siren
ng sasakyan ng pulis. Tumalikod ang binata at nakita ang isang patrol car ng
pulis na pumarada at kasalukuyang bumababa ang dalawang pulis mula sa loob
at ang mga ito ay lumalapit sa kanya. At nang siya ay malapitan ay agad siyang
hinawakan ng mga ito.
“Sumama ka sa amin,” wika ng isang pulis.
Sa takot ni Leonardo ay tumanggi siya na sumama sa mga ito. “Bakit po
ano po ang kasalanan ko?”
“Nakakdistorbo ka na sa mga nakatira dito at masyado ng kaduda-duda
ang mga ikinikilos mo,” paliwanag ng pulis.
“Teka wala po akong ginagawang masama, may hinihintay lang po ako
dito.”
“Ano naman ang hinihintay mo ng apat na araw na hindi mo pa rin
nakikita?” tanong ulit ng pulis.
“Magpapaliwanag po ako huwag niyo lang po ako huliin,” pakiusap ng
inaaresto.
“Sa presinto ka na magpaliwanag.”
Habang hinahatak ng mga pulis si Leonardo ay lumabas ng bahay ang
tatay ni Remz at lumapit sa gate upang tingnan ang nangyayari. Nakita siya ni
Leonardo at kumawala ito sa mga pulis at tumakbo palapit sa ginoo habang
hinahabol ng dalawang pulis.
“Sir wala po akong binabalak na masama. Gusto ko lang po makausap si
Remz,” halos maiyak na paliwanag ni Leonardo.
“Remz?” may pagtatakang naitanong nito.
Nakahabol agad ang dalawang pulis at muling hinawakan ang binata.
“Kilala niyo po ba ang taong ito?” usisa ng pulis.
“Hindi namin siya kilala,” sagot ng tinatanong.
Hinatak ulit papasok ng patrol car ang inaaresto. Habang ipinapasok siya
sa sasakyan ay nagpupumilit ito sa tatay ni Remz na gusto lang niya na
makausap ang dalagang anak nito. Inilayo ng mga pulis ang lalake at ipinunta sa
himpilan. Nagtaka ang tatay ni Remz sa ipinapakiusap ng lalake kanina kaya
agad nitong kinausap ang asawa.
“Ma pakita nga ng bagong number ni Remz.”
Iniabot ng ginang ang kanyang cellphone matapos itapat sa bagong
number ni Remz. Agad tinawagan ng ginoo ang anak para ikumpirma ang
tungkol sa lalake kanina.
“O Pa, bakit po kayo napatawag?”
Ikinuwento ng ama ang nangyari at inilarawan ang histsura ng inaresto ng
mga pulis. “Nang lumapit siya sa akin kanina parang nagkita na kami dati ngunit
hindi ko lang maaalala kung saan. Baka nga naman kakilala mo.”
“Hindi ko rin alam Pa, baka nagkukunwari lang na kakilala ko.”
Naudlot ang tawag at natapos ang usapan. Batid ni Remz kung sino ang
inilarawan ng ama ngunit ayaw lang niya na umamin kanina. Nagsinungaling kasi
siya noon na hindi niya nobyo si Leonardo noong sila ay nahuli sa Baguio at
ayaw niya na mabisto ngayon.
Napaisip ang dalaga kung bakit inaraw-araw ni Leonardo ang pag-aabang
sa kanya sa labas ng kanilang bahay. Ang tanging kasagutan na naiisip niya ang
sinseridad at kagustuhan nito na mapatawad at muli silang bumalik sa dati.
Naalala niya na hawak pa rin niya ang dati niyang sim card kaya pansamantala
niya itong isinalpak sa kanyang cellphone. Dito ay nabasa niya ang mga sunud-
sunod na mga mensahe ni Leonardo ngayong araw. Hindi alam ni Remz kung
ano dapat ang maramdaman para sa naarestong binata dahil sa kahihintay sa
kanya para lang siya ay makausap.
Napangiti na lang ito at tila natuwa sa ginawa ni Leonardo. Lumabas siya
ng bahay at ipinaload ang dating simcard sa tindahan sa may kapit-bahay.
Tinawagan niya si Leonardo para tulungan ito sa mga pulis. Ibang tao ang
sumagot sa tawag at nagpakilala ito na isang pulis. Ipinaliwanag nito ang
sitwasyon at agad naman nakiusap at nagpaliwanag si Remz. Matapos
magkalinawan ang dalaga at ang pulis ay pumayag naman itong ibigay ang
cellphone kay Leonardo para sila ay mag-usap.
“Bhe salamat at tumawag ka.”
“Wala bang nangyari sa iyo?”
“Ayos lang ako.”
“Sige wala na akong load, sa susunod na lang ulit.”
“Bhe sandali! Ayaw mo na ba akong makita at panay ang iwas mo sa
akin?”
“Leonardo hindi kita iniiwasan. Wala ako dyan sa Bayombong nasa ibang
lugar ako at nagtratrabaho.”
“Huh! Saan?”
Biglang naudlot ang tawag dahil naubos ang load ni Remz. Dahil sa
paliwanag at pakiusap ni Remz sa pulis ay pinakawalan si Leonardo. Maraming
pagkakatugma ang paliwanag ni Leonardo at ang paliwanag ni Remz nang siya
ay tumawag kaya walang alinlangan na pinalabas siya sa istasyon ng mga ito.
Naisip ni Leonardo na balikan muna ang kanyang motorsiklo sa labas ng
bahay nila Remz. Pero bago iyon ay naghanap muna siya ng bukas na tindahan
na nagtitinda rin ng load. Nang siya ay may nahanapan agad niyang ipinaload
ang kanyang number at tinawagan agad si Remz. Sa kasamaang palad hindi na
naman niya makontak ito, lingid ulit sa kanyang kaalaman na nagbago na ng
number si Remz at pansamantala lang na ginamit ng dalaga ang luma niyang
sim card kanina. Ngunit ngayon ay batid na niya na iniiwasan talaga siya ng
dalaga at sinadya nitong hindi sabihin sa kanya kanina kung saan na ito nakatira
at nagtratrabaho. Narating niya ang bahay nila Remz at naroon pa rin ang
kanyang motorsiklo. Wala na siyang ibang maisip na paraan para malaman kung
nasaan si Remz kundi tanungin ang mga magulang nito. Subalit patay na ang
mga ilaw sa loob ng bahay at ayaw niyang makadistorbo sa mga ito lalo na at
ang mga ito pa ang nagpahuli sa kanya sa pulis.
Nilisan niya ang lugar at umuwi gamit ang motorsiklo. Yaman rin lang
hindi niya matawagan ang dalaga ay nagpadala na lang ito ng text messages at
umaasa na binabasa ni Remz ang mga ito. Tinatanong niya kung saan
nagtratrabaho si Remz at kung bakit hindi man lang sinabi sa kanya. Kung
tutuusin wala pa kasing malinaw na pag-uusap ang dalawa kng nasaan na sila
sa kanilang relasyon. Wala pa naman nasasabi si Remz kung tapos ang lahat sa
kanilang dalawa. Ang tanging sinasabi ng dalaga ay saka na lang sila mag-usap
kaya patuloy na umaasa si Leonardo na may posibilidad pa na maibalik nila ang
lahat sa dati.
Kinabukasan ay mas nilakasan na ni Leonardo ang kanyang loob. Ngayon
ay nagpasya siya na hindi na lang siya tatambay sa labas ng bahay nila Remz.
Makikiusap na siya sa mga ito at hihingi rin ng kapatawaran sa ano mang hindi
magandang naidulot ng kanyang mga ikinilos sa mga kapamilya ng pakay na
dalaga. Narating niya ang gate at huminga ito ng malalim. Nagkataon na may
lumabas sa pintuan ng bahay kaya agad niya itong binati. Namukhaan siya ng
ginang at nilapitan siya nito.
“O bakit nandito ka na naman?”
“Pasensya na po kayo kung nakasama po para sa inyo ang mga ginawa
ko nitong mga nakaraang araw. Gusto ko lang po sana na makausap si Remz
kaya po ako naghihintay dito sa labas.”
“Makausap si Remz? Ano naman ang kailangan mo sa anak ko?”
“Ma‟am sa totoo lang po kasi ako po ang boyfriend ng anak ninyo.”
“Boyfriend?” gulat na naitanong ng ginang. Napatitig ang ginang sa binata
at namukhaan niya ito. “Ahh ikaw iyong pinuntahan niya noon sa Baguio. Pero
sabi niya sa akin nanliligaw ka pa lang at hindi ka niya sinagot paanong naging
boyfriend ka niya.”
“Totoo po na naging kami. Inilihim lang po niya sa inyo dahil takot siya na
malaman ninyo habang nag-aaral pa siya,” paliwanag ni Leonardo.
Napaisip ang ginang at maaaring may punto ang kausap na binata. Muli
niya itong tinitigan mula ulo hanggang paa. Hindi niya nagustuhan ang ayos nito
at alam niyang hindi dapat siya ang namimili ng makakatuluyan ng anak pero
hindi siya pabor sa ayos ni Leonardo. “O siya wala na sa akin kung iyon lang ang
dahilan ng pagtambay-tambay mo sa labas ng bahay namin. Pero ayaw ko na
makita ka namin ulit na tumatambay-tambay dyan. At isa pa wala na dito si
Remz dahil nagtratrabaho na siya sa ibang lugar.”
“Ma‟am iyon din po sana ang isang sadya ko ngayon, pwede ko po bang
malaman kung nasaan si Remz.”
Napatitig ulit ang ginang sa binata at tila nan-asim ang mukha nito.
“Pasensya ka na hindi ko pwedeng sabihin,” at tumalikod ito at nagtungo pabalik
sa loob ng bahay.
“Ma‟am parang awa niyo na po gusto ko lang po siya makausap,”
pakiusap ng binata habang papasok ng pinto ang ginang.
Hindi siya pinansin nito at tuloy-tuloy ang paglakad papasok ng bahay.
Nanatili si Leonardo sa labas at nag-isip ng maaaring gawin. May dumaan na
kapit-bahay at naisipan niyang tanungin ito.
“Miss pwedeng magtanong?”
“Ano iyon?”
“Kilala mo ba si Remz na nakatira sa bahay na ito?”
“Opo bakit?”
“Alam mo ba kung nasaan na siya ngayon?”
“Ay pasensya ka na matagal na rin na hindi ko siya nakikita balita ko
nagtratrabaho na raw siya sa ibang lugar pero hindi ko alam kung saan.”
Nagpasalamat na lang si Leonardo sa binibini at sinubukan pa niyang
magtanung-tanong sa mga ibang nagsisidaan subalit lahat ng pinagtanungan
niya ay hindi alam kung saan na naroroon si Remz. Nanatili siya malapit sa
bahay nila Remz at hinintay na muling may lumabas. Mag-iika-anim na ng hapon
nang umuwi ang tatay ng dalaga. Naglakad lang itong umuwi at bago pa nito
buksan ang gate ay nakalapit agad si Leonardo at nakiusap.
“Magandang hapon po sir.”
Nabigla ang binati dahil sa namukhaan siya nito. Nagtaka na lang ito kung
ano ang pakay sa kanya ng binata.
“Pasensya na po kayo sa nangyari kahapon pero gusto ko lang po sana
talagang makausap si Remz.”
“Anong kailangan mo sa anak ko?”
“Ako nga po pala si Leonardo, girlfriend ko po ang anak ninyo,”
malumanay na sagot ng binata.
“Girlfriend?” at napatingala ito at tila may naalala.
“Sir pwede ko po bang malaman kung nasaan na siya ngayon, gusto ko
lang po talaga siyang makausap.”
Sasagot sana ang ginoo nang biglang bumukas ang pinto at napalingon
ito at nakita ang kanyang asawa. Tinawag siya nito na pumanhik na ng bahay at
iwanan na ang makulit na lalake. Hindi na itinuloy pa ng ginoo ang kanyang
isasagot at nilapitan agad ang asawa upang malaman muna ang sitwasyon.
“Sir pakiusap po saan na po siya ngayon? Wala po akong gagawing
masama.”
Hindi na rin siya pinansin ng ginoo at pumanhik na ito ng bahay.
Nanatiling nakatayo naman ang nanay ni Remz sa pintuan at nakatitig lang kay
Leonardo. Umiling-iling ito at isinara ang pinto. Napayuko si Leonardo at
nadismaya sa mga nangyari. Ngayon pang naglakas loob siya ay wala rin naman
siyang napala. Umuwi na lang siya bago magdilim at baka ipahuli pa ulit siya sa
pulis kung mananatili pa.
Wala pang alas-sais ng umaga ay lumabas na ng bahay ang nanay ni
Remz. Pagkalabas niya ay nagulat siya sa nasalubong.
“Magandang umaga po,” bati ni Leonardo.
“Ikaw na naman ano na naman ginagawa mo dito?” may pagka-asiwang
tanong ng ginang.
“Ma‟am gusto ko lang po talagang malaman kung nasaan na si Remz o
maski iyong bagong number niya lang po kung sakaling nagpalit siya ng sim
hindi ko na po kasi siya makontak,” pakiusap ng binata.
“Baka naman may kasalanan ka sa anak ko at iniiwasan ka na niya.”
“Ma‟am kaya nga po kailangan naming mag-usap.”
“Mahuhuli na ako sa simbahan mabuti pa umuwi ka na.” Nagmadali itong
lumayo at iniwan ang binata. Nanatili lang si Leonardo sa labas ng bahay at
hinintay na may lalabas. Matapos ang halos tatlong oras ay bumalik ang nanay
ni Remz. May dala-dala itong bayong at tila galing sa palengke. Umayos nang
pagkakatayo ang binata at muling binati ang ginang ngunit hindi siya pinansin
nito at sinaraan siya ng gate.
Malapit na ang gabi subalit wala pa rin napapala si Leonardo sa
pinaggagawa. Pinag-uusapan na rin siya ng mga kapit-bahay nila Remz na
dumadaan at ang iba sa mga ito ay pawang pinagtatawanan na siya lalo na ang
mga kalalakihan lalu na kung parang kaawa-awa siya na nakaupo sa sulok.
Pinapalagpas na lang niya ang mga ito at ang tanging nasa isipan ay ang
malaman kung nasaan na si Remz.
Kinabukasan ay napakaaga na naman niyang tumambay sa dating
tambayan. Nakasalubong ulit niya ang nanay ni Remz bago ito pumunta ng
simbahan ngunit hindi siya kinakausap nito ano mang pagbati ang kanyang
gawin. Ang tatay naman ni Remz ay nakasakay ng kotse na lumalabas at hindi
rin siya pinapansin.
“Ano ba talagang ginagawa ko?” tanong ni Leonardo sa kanyang sarili.
Wala na rin siya ibang maisip gawin. Sinisisi na lang niya ang kanyang
sarili sa kasalanan na kanyang nagawa sa nobya. Alam niya na kasalanan niya
ang lahat kaya anuman ang nangyayari ay hindi pa rin siya nagpapatalo. Hapon
na nang nakita ni Leonardo ang kotse na gamit ng tatay ni Remz. Yaman rin lang
ayaw siyang pansinin nito ay naisip niyang harangin ang kotse. Tumayo siya sa
gitna ng kalsada at iprineno naman ito ng nagmamaneho.
“Ano bang ginagawa mo? Gusto mo bang masagasahan?” galit na tanong
ng ginoo.
“Sir nakikiusap po ulit ako, gusto ko lang po malaman kung saan
nagtratrabaho si Remz.”
“Ano naman gagawin mo „pag nalaman mo?”
Hindi agad nakasagot si Leonardo at siya mismo ay hindi niya alam kung
ano ang dapat niyang isasagot. Hangad niya na malaman kung nasaan na ang
pinakamamahal niya na babae ngunit bakit hindi niya masagot ang tanong ng
tatay nito. “Hindi ko po alam. Gusto ko lang po malaman.”
Naguluhan ang ginoo sa kasagutan ng binata. Ang inaasahan nitong
marinig ay ang binata na susunod sa kung saan naroroon ang kanyang anak
pero lubhang kakaiba ang sagot ni Leonardo. “Hindi ka mapagkatiwalaan ng
asawa ko kaya hindi ko pwede sabihin. Umalis ka na dyan sa daanan at ng
maipasok ko na itong sasakyan.”
“Wala po akong gagawing masama sa kanya. Pakiusap po sabihin niyo na
po kung nasaan na siya,” sabay yuko pa nito na nakikiusap.
Nagalit na ito sa kanya dahil sa ayaw niyang tumabi sa daanan. Wala ng
nagawa si Leonardo kundi pumagilid at hayaang makapasok ang sasakyan sa
gate. Bigo na naman siya ngayong araw at parang nanghihinaan na siya ng loob
para ipagpatuloy ang pinaggagawa. Kailangan na rin niya na makabalik ng
trabaho sa lalong madaling panahon para makatulong siya sa kanyang pamilya
lalo na sa mga nakababatang kapatid na nag-aaral pa rin.
Alam man niya ang sitwasyon ng kanyang pamilya subalit hindi niya
maiwasan na unahin ang kanyang puso. Hindi niya masukat kung ano ang mas
mahalaga, ang kanyang nararamdamang pagmamahal kay Remz o ang
makatulong sa kanyang pamilya. Nagdilim na ang kalangitan at nakatingkayad at
nakasandal pa rin sa bakod ang binata. Sa lalim ng kanyang iniisip ay hindi man
lang niya napansin ang pumasok na nanay ni Remz. Pinagmasdan ng ginang
ang mukha nito bago niya isara ang gate. Napansin nito ang kaawa-awang
hitsura ng binata, napakalalim ng iniisip nito at halos naluluha na ang mga mata.
Hinayaan na lang niya ito at pumanhik na siya sa loob. Makalipas ang ilang
minuto ay tumayo na rin si Leonardo at umuwi. Hindi na siya kumain ng hapunan
at nahiga na lang sa kanyang silid.
Sumapit ang umaga at maaga na namang umalis ng bahay si Leonardo.
“„Pag walang mangyayari ngayong araw babalik na ako ng Baguio para
doon ulit magtrabaho,” anito sa sarili.
Hindi niya naabutan ang palabas ng ginang ngayong araw at ang ginoo
ay nakasakay ulit sa kotse kaya hindi niya ito nakausap. Makalipas ang
dalawang oras saka lang bumalik ang nanay ni Remz. Gaya ng dati ay binati
niya ito ng isang magandang umaga. Wala itong reaksiyon at dumiretso lang sa
loob ng tahanan. Sa di inaasahang pangyayari bigla na lang ito natapilok.
“Aray!!” malakas na sigaw nito.
Agad lumapit si Leonardo at inalalayan ang ginang na tumayo.
“Ayos lang po ba kayo?” nag-aalalang tanong ng binata.
Nababakas pa rin sa mukha ng ginang na masakit ang kanyang paa na
natapilok. Inalalayan siya ng binata at hindi naman nito tinanggihan ang kanyang
pagtulong. Bumukas ang pinto at lumabas ang isang matandang lalake. Maaring
ito ang lolo ni Remz na madalas niyang ikuwento sa kanya noon ngunit ngayon
lan niya nakita ng personal.
“Narinig kitang sumigaw ano nangyari?” tanong agad nito.
“Nadapa ako.”
Lumapit ang matanda at siya na mismo ang umakay sa ginang.
“Salamat iho ha. Ako na ang bahala sa kanya.”
Binitawan ni Leonardo ang ginang at ang matandang lalake na ang nag-
akay nito papasok ng bahay. Naiwan na ulit siya sa labas at matiyaga pa ring
naghihintay na sabihin sa kanya kung nasaan na si Remz. Napansin nito na
kumakapal na ang mga ulap at tila anumang oras ay babagsak na ang ulan.
Hindi na niya ito pinansin dahil nakapagpasya na siya na ito na ang huling araw
na gagawin niya ang bagay na ito.
Lumipas lang ang ilang minuto at pumatak na nga ang ulan. Malakas
kaagad ang bagsak nito at wala siyang masilungan kaya mabilis ang kaniyang
pagkabasa. Sumandal na lang siya sa bakod at ginamit ang jacket na pangtakip
sa kanyang buhok ngunit hindi rin ito nakatulong dahil sa lakas ng pagbagsak ng
ulan. Para siyang baliw na pinagtatawanan ng mga nagsisidaan na mga tao, ang
lakas-lakas na ng ulan ay nakatayo lang siya at nakasandal sa pader. Buti na
lang at iilan lang ang mga tao na dumadaan sa kanyang kinaroroonan. Iilan din
kasi ang mga bahay sa lokasyon ng bahay nila Remz kung tutuusin ay para itong
private road na iilan lang ang gumagamit.
Hindi pa rin tumitigil ang malakas na pagbuhos ng ulan nang makauwi ang
tatay ni Remz. Sinalubong siya ng asawa na may dalang payong pagkababa
niya ng kotse subalit may gamit man silang payong ay basang-basa pa rin ang
sapatos at laylayan ng kanyang pantalon pagkapasok nila ng bahay. Nakita niya
kanina bago niya ipinasok ang sasakyan sa gate si Leonardo kaya naisip niya na
kung sa ikli ng panahon at may payong pa silang gamit ay gano‟n na lang ang
kanyang pagkabasa paano pa kaya ang binata.
Matapos maligo ay dumungaw ang ginoo sa bintana at nakita na naroon
pa rin si Leonardo na matiyaga pa ring naghihintay. Napangiti ito at humanga sa
determinasyon ng binata. Nagpasya siya na kausapin ang asawa tungkol dito.
Sumang-ayon naman ang ginang sa pasya ng asawa na sabihin na sa binata
kung nasaan ang kanilang anak. Dala rin siguro ng magandang ipinakita ni
Leonardo kanina nang matapilok ang ginang kaya pumayag ito sa mungkahi ng
kanyang asawa. Pareho din silang humanga sa ipinamalas na determinasyon ni
Leonardo at kung patuloy nila itong hindi papansinin ay patuloy din lang itong
pabalik-balik at maski umuulan ay hindi pa rin umaalis.
Nagdidilim na ang kalangitan kaya nagpasya si Leonardo na umuwi.
Sumakay siya sa kanyang motorsiklo ngunit hindi niya magawang iistart ang
makina at nanatili lang siya sa kinaroroonan. Hindi niya maiwasang maluha at sa
isip niya ay nagpapaalam siya kay Remz. “Remz paalam muna sa ngayon, pero
hahanapin din kita. May bagay lang ako na kailangan kong unahin.”
Dahil sa lakas ng pagpatak ng ulan ay hindi halata na naluluha si
Leonardo ngunit bakit hindi pa rin niya iniistart ang makina gayong nagpaalam na
siya at nakapagpasya na magtratrabaho siya sa Baguio. Yumuko siya at ipinikit
ang kanyang mga mata at muling nag-isip. Napadilat siya ng bigla niyang marinig
ang gate na bumukas. Nakita niya ang tatay ni Remz na nakatayo gamit ang
malaking payong at lumapit sa kanya.
“Hindi ka ba makaalis?”
Napasinghot si Leonardo at bumaba ulit sa kanyang motorsiklo bago
sumagot.
“Pakisabi na lang po kay Remz na mag-iingat siya lagi. At pakisabi na rin
po na…”
“Na ano?” usisa ng ginoo.
“Na mahal na mahal ko po siya at hihintayin ko po na mapatawad niya
ako,” dugtong ni Leonardo.
Napatango-tango ito sa narinig mula kay Leonardo. Sa kanyang harapan
ay isang taong nagmamahal sa kanyang kaisa-isang dalagang anak. Hindi man
nila ito pinagkatiwalaan no‟ng una ngunit ngayon ay tila bumaligtad ang
sitwasyon at nakuha din nito ang kanilang kalooban.
“Alam mo ba na sa ilalim ng malakas na ulan ko rin niligawan ang aking
asawa?” biglang sambit ng ginoo.
Hindi agad naintindihan ni Leonardo kung ano ang nais iparating nito sa
kanya kaya nanatili siyang tahimik.
“Ipinaalala mo sa aming mag-asawa ang tamis ng pagliligawan at masaya
naming binalikan ang mga araw na iyon,” dugtong pa nito.
Napangiti si Leonardo sa narinig ngunit nanatili itong tahimik dahil hindi
niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin. Nanatili siyang nakayuko at hindi
maidiretso ang mukha.
“Iho nasa Baguio si Remz at sa T.I. siya namamasukan kaya hindi mo na
kailangang bumalik pa dito.”
Napadiretso ng titig si Leonardo sa kausap at parang hindi siya
makapaniwala na sinabi nito ang kinaroroonan ng anak. At ang mas
nakasurpresa sa kanya ay ang Baguio din ang plano niyang pupuntahan bukas
para muling maghanap ng trabaho. Naisip na lang niya na maaaring naitadhana
ito para sa kanilang dalawa ni Remz. “Maraming salamat po,” biglang wika ni
Leonardo at sabay yuko ulit nito sa kausap at paulit-ulit na nagpasalamat.
“Pero „pag nalaman ko na may hindi ka magandang ginagawa sa anak ko
ako ang makakaharap mo,” banta nito sa kanya.
“Makakaasa po kayo, maraming salamat po ulit.”
Napaubo si Leonardo habang paulit-ulit na naluluhang nagpapasalamat.
Kinapitan na siya ng sipon dahil sa pagpapa-ulan.
“Sige umuwi ka na at baka magkatrangkaso ka pa niyan,” payo ng ginoo.
Sa huling pagkakataon ay nagpasalamat si Leonardo at masayang
nagpaalam. Pagkauwi niya ng kanilang bahay ay agad siyang naligo at kumain.
Pakiramdam niya ay napakaswerte niya dahil nagbunga din ang kanyang
pagpupumilit at naitaon pa na sa Baguio ang kinaroroonan ni Remz. Ngunit nang
naisip niya na sa Baguio din naman talaga ang kanyang tuloy ay pumasok sa
kanyang isipan na hindi niya kinailangang gawin ang lahat ng kanyang mga
pinaggagawa. “Para akong tanga na pabalik-balik pero maski hindi ko narinig ay
naroon din naman siya sa Baguio,” anito sa sarili.
Inihanda niya ang kanyang mga kakailanganin para sa pagpunta ng
Baguio bukas at hindi na siya makapaghintay na makapunta sa lungsod at
muling makita si Remz. “Kung sa bagay kung hindi ko nalaman na nasa Baguio
siya ehh wala akong ideya na pareho pala kami na nasa Baguio pagpunta ko
doon. At isa pa ngayon hindi na namin kailangang isikreto ang aming relasyon
kung sakaling bumalik na ang lahat sa dati.”
Masaya si Leonardo sa kanyang mga imahinasyon nang biglang pumasok
sa kanyang isipan ang lalakeng kasama ni Remz noon. Naalala niya na tiga-
Baguio ang lalakeng iyon kaya bigla siyang napatigil sa kanyang mga
masasayang iniisip. Ngayon ay nagtataka na siya kung bakit nagdesisyon si
Remz na sa Baguio magtrabaho at bakit kinailangan nitong ilihim sa kanya.
Iniwasan na lang niya na mag-isip ng kung anu-ano na negatibo at natulog para
maaga siyang makaluwas bukas.
Ilang araw na lang at luluwas na patungong Amerika ang ina ni Leon kaya
abala sila sa paghahanda para sa despidida nito. Madalas din na dumadalaw si
Kyla nitong mga nakaraang araw. Nakaresign na ang ginang sa kanyang trabaho
kaya wala na itong pinagkakaabalahan. Lagi silang lumalabas ni Kyla na wari‟y
ito ang kanyang anak at hindi si Leon. Hindi iniinda ng binata ang sitwasyon
dahil alam niya na noon pa lang mula nang pumanaw si Sophia ay parang si
Kyla ang naging kapalit nito para sa kanyang ina. Kaya maski ano pa ang
nangyari sa pagitan nilang dalawa ay hindi niya ipinagtatabuyan si Kyla dahil sa
kanyang ina.
Sa salon ang tuloy ng dalawa at dito sila ay nagpaayos mula ulo
hanggang paa. Hapon na nang matapos ang pagpapaganda. Nagkasundo na rin
ang dalawa na sa labas na kumain kaya tinawagan ng ginang ang kanyang
anak. “Leon nasaan ka na? Nandito kami sa Mang‟s punta ka na dito para
kumain tayo.”
“O sige po papunta na po ako diyan.”
Rest day ni Remz ngayon at gusto nitong mamahinga kaya hindi sila
nagkita ni Leon ngayong araw. Mabilis na narating ni Leon ang Mang‟s Cusine at
doon ay nakita niyang naghihintay ang ina at si Kyla. Umorder ang tatlo ng
kanilang kakainin at habang hinihintay ito ay nagkausap muna sila.
“Oh Leon anong masasabi mo kay Kyla ngayon? Wala ng mas gaganda
pa sa kanya di ba?”
“Tita Diane talaga,” medyo nahihiyang wika ng dalaga.
Tinitigan ni Leon ang dalaga at hindi rin niya maipagkakaila na
napakaganda talaga nito at mas gumanda pa siya sa ayos niya ngayong araw.
“Dati naman na po siyang maganda maski anong ayos niya,” sagot ni Leon.
Nasurpresa ang dalawa sa nasabi ng binata at napatitig ang mga ito sa
kanya.
“Bakit?” nagtatakang tanong ni Leon.
“Pareho talaga kayo ng tatay mo hindi kayo marunong mag-appreciate,”
hayag ng ina ni Leon.
“Paano po ba mag-appreciate si Tito Rio?” interesadong pagtatanong ng
dalaga.
“Parang iyan kay Leon, hindi marunong.”
“At paano ba ang tamang pag-appreciate?” tanong ni Leon sa ina.
“Manood ka. Ganito dapat.”
Hinawakan ng kanyang ina ang magkabilang pisngi ni Kyla at iniharap sa
sariling mukha. Tinitigan niya ang dalaga ng malalim at nagwika.
“Kyla ikaw ang pinakamaganda sa mundo,” kasunod nito ay bigla niyang
hinalikan ang dalaga.
“Tita? Ayyyy...”
Nagkadikit ang kanilang labi at tila isang lalake na hinagkan ng ginang
ang mga labi ni Kyla. Nakatawag sila ng atensyon sa mga ibang tao sa
restaurant kaya hindi naging komportable si Kyla.
“Tita Diane naman bakit po kayo nanghahalik sa labi?” reklamo ni Kyla.
“Gano‟n ang mag-appreciate,” dikta ng ginang.
Napakunot ng noo si Leon sa ina na di man lang naaapektuhan sa
makatawag-pansin na ginawa.
“O bakit nagseselos ka ano?” tanong pa nito sa kanya.
“Ma tama na nga iyan hindi na kumportable si Kyla sa mga taong nakatitig
sa atin.”
Minasdan ng ginang ang dalaga at napansin na namumula ito kaya agad
niya itong inakbayan at ipinatong ang ulo nito sa kanyang balikat na animo‟y
baby niya si Kyla. Hindi maiwasan ni Leon na mapangiti sa ginawa ng kanyang
ina. Likas kasi sa kanyang ina ang magbiro lalo na kung magkasama sila ng
kanyang ama. Halos lahat din ng ikinukwento ng tatay niya noon ay puro
kalokohan ng kanyang ina habang sila ay hindi pa ikinakasal.
Dumating ang kanilang inorder na pagkain at masaya silang kumakain
habang nagkuuwentuhan. Napag-usapan din nila kung ano ang kanilang
ihahanda sa despidida sa darating na Huwebes apat na araw mula ngayon.
“Kyla alagaan mong mabuti si Leon ha, hindi iyan marunong magluto at
tamad maglinis ng bahay.”
Nagkatitigan si Leon at Kyla kaya hindi makasagot ang dalaga. Napangiti
si Leon at napailing at ipinagpatuloy kumain. Napansin ng ina ni Leon na may
butil ng kanin sa ibaba ng labi ni Kyla. Muli sanang susubo ang dalaga nang
bigla niyang kinuha ang butil at isinubo sa sariling bibig. Nasurpresa si Kyla sa
ginawa ng ginang, madalas kasi ay ginagawa iyon ng kanyang ina nang siya ay
bata pa tuwing sila ay kumakain. Hindi ulit ininda ni Leon ang nangyari.
Itinuturing lang talaga ng kanyang ina si Kyla na parang tunay niyang anak kaya
walang rason para siya ay mainggit dito. Medyo naluluha na si Kyla ngunit pilit
nitong nilalabanan ang sarili para hindi mahalata ng mga kasama. Apat na araw
na lang kasi ay maghihiwalay na sila ng taong kanyang itinuring na pangalawang
ina.
“O Leon ito ang dalawang libo,” sabay abot nito sa anak.
“Ano ito bayad sa pagkain?”
“Hindi pang date niyo iyan ni Kyla ngayong gabi!”
Nagkatitigan ulit ang dalawa at nagtaka sa iminumungkahi ng ginang.
Hindi alam ni Kyla ang kanyang gagawin at naisip niya na baka isipin ni Leon na
pakana niya ang ginagawa ng nanay nito.
Kukunin na sana ni Leon ang pera nang bigla itong bawiin ng ina.
“Teka kailangan ko ng katibayan na magkasama kayo ha at dapat sa
bahay siya makikituloy ngayon kaya sabay kayo na uuwi.”
Pwersang kinuha ni Leon ang pera sa kamay ng ina at napangiti.
“Ha ha pero kasya kaya para sa aming dalawa ang dalawang libo?”
“Wala na ako dala kaya pagkasyahin mo. Oo nga pala naka 50% off ang
SM ngayon at mamayang hatinggabi pa sila magsasara,” mungkahi ng ginang.
Halatang gusto ng ina na ipasyal ni Leon si Kyla sa SM at ibilhan ng damit
kaya niya nabanggit ang tungkol dito. Wala namang angal si Leon sa gustong
mangyari ng kanyang ina kaya kinuha niya ang pera. Apat na araw na lang ang
naiiwan para sila ay magsama kaya gusto rin ni Leon na panatag ang loob nito
na aalis.
Pagkalabas nila ng restaurant ay sumakay sa taxi ang ginang at sila ay
mamamasyal pa.
“Ingat kayo ha. At Leon sumunod ka sa usapan huwag mo sayangin ang
pagpapaganda ni Kyla.”
“Oo na. Wala ba kayong tiwala sa sarili ninyong anak?”
“Sinabi mo pa,” sagot ng ginang.
Nakaalis na ang taxi at naiwan ang dalawa. Dala ni Leon ang kanyang
motorsiklo kaya kanila itong pinuntahan. Agad siyang sumakay dito at iniistart
ang makina. Si Kyla ay nanatiling nakatayo sa kanyang tabi at hindi pa rin
umiimik.
“Hindi ka ba sasakay?” tanong ni Leon.
“Leon kung gusto mo ihatid mo na lang ako pauwi, baka kasi…”
“Bakit ayaw mo ba akong makasama ngayong gabi?”
“Huh? Hindi naman sa gano‟n pero…”
“Sige na sakay na. Marami rin akong gustong sabihin sa iyo.”
Nagtaka ang dalaga sa kung ano kaya ang mga gustong sabihin ni Leon
kaya hindi na siya nagdalawang isip na sumakay sa likuran nito. Dumiretso agad
sila sa SM na nabanggit ng kanyang ina at tumingin-tingin sila ng maaari nilang
bilhin para kay Kyla. Nahihiya ang dalaga na siya ang ihinahanapan ng damit
imbes na para kay Leon sana ang kanilang hinahanap.
“May napili ka na ba?” tanong ni Leon.
“Leon para sa iyo na lang ang hanapin natin.”
“Hmmm.. O sige ihanapan mo ako at ihanapan din kita. Deal?”
Nakangiti sa kanya si Leon at ngayon lang ulit ito nangyari sa loob ng
dalawang taon. Naging masaya naman si Kyla sa mga ngiting ipinamalas ng
binata, pakiramdam niya ay gumagaan na rin ulit ang pakiramdam nito sa kanya.
“O sige pero walang mananadya na baduy ang pipilihin ha alam ko gawain mo
ehh.”
Napatitig si Leon sa dalaga at naalala niya na ginawa na nga pala nila ito
dati at sinadya niya na pumili ng baduy na damit para kay Kyla nang sila ay nag-
iibigan pa. Tuwing naaalala nila ang nakaraan ay parang umiiba ang ihip ng
hangin at hindi sila nagiging komportable. “Wag ka mag-alala matino ang pipiliin
ko ngayon,” ani Leon.
Nilibot nila ang buong department store at naghanap sila ng nababagay
para sa isa‟t-isa. Masayang-masaya si Kyla na lumilibot at masusing tinitingnan
ang bawat bagay samantalang si Leon ay dumiretso sa hanay ng mga sapatos.
Alam na alam niya ang mga uri ng sapatos na gustong-gusto ni Kyla. Malinaw pa
rin ito sa kanyang isipan na parang kahapon lang sila nagsama para bumili ng
sapatos para sa dalaga. Nagtext siya kay Kyla at sinabi ang kanyang
kinaroroonan. Agad naman siyang pinuntahan ni Kyla at ipinakita niya kung ano
ang kanyang napili. Nagustuhan naman kaagad ni Kyla ang doll shoes na napili
ni Leon. “Bro pwedeng ikuhanan mo kami ng size 8 na ganyan,‟” pakiusap nito
sa sales boy.
“Ok po sir, pakihintay na lang po.”
Natuwa ang dalaga dahil alam pa rin ni Leon ang sukat ng kanyang paa at
kung anong uri at disenyo ng sapatos ang kanyang mga natitipuhan. Nakabalik
ang inutusan at dala na nito ang size 8 na doll shoes. Eksakto ito sa paa ni Kyla
at tuwang-tuwa siya na isinukat ito. Ipinabalot nila ang pares ng sapatos at
idiniretso sa cashier para bayaran.
“Teka Leon wala pa akong nahanap para sa iyo. Hanap muna ako habang
nagbabayad ka.”
“Hindi na kailangan saka na lang.”
“Pero…”
“Ayos lang imbes na sayangin natin ang oras natin sa kahahanap
pumunta na lang tayo sa mas masayang lugar.”
Naninibago si Kyla sa mga ipinapakita ni Leon kaya di niya maiwasang
magtaka kung ano kaya ang nangyari sa binata at biglang bumait ito sa kanya.
Pero gayunpaman ay natutuwa naman ito dahil normal silang magkasama at
hindi niya nararamdaman ang dating tila napakabigat na hangin na madalas
niyang nararamdaman dati.
Pagkalabas ng SM ay sa Volante ang kanilang tuloy. Gusto ni Leon na
magkape kaya dito sila sumunod na pumunta. Habang nagkakape ay napag-
usapan ng dalawa kung ano ang dapat nilang gawin para sa despidida ng ina ni
Leon. Nagkasundo sila na maggrogrocery sila sa makalawa at kailangan nila ng
tulong ng isang marunong magluto para sa pagkain na para sa handaan.
“Kyla gusto ko na maging isang magandang alaala para kay mama ang
pagsasalo sa Huwebes kaya kailangan ko ang tulong mo.”
“Makakaasa ka Leon. Gusto ko rin naman na maging masaya siya sa
araw ng kanyang despidida.”
Habang nagkakape ay biglang may kumakatok sa glass wall sa kanilang
tapat mula sa labas. Nilingon nila ito at napansin na si Jean ang nasa kabila ng
glass wall. Niyaya ito ni Leon na pumasok at sabayan muna sila sa pagkakape.
Nagpakuha pa si Leon ng isang tasa ng kape at nagkamustahan ang mga ito.
“Ang ganda-ganda mo ngayon Kyla ahh, ano bang okasyon?” nakangising
tanong ni Jean.
“Asus mambobola ka pa rin gaya ng dati,” tugon ni Kyla.
“Siya nga pala Jean punta ka sa bahay sa Huwebes para sa despidida ni
mama,” anyaya nito sa kaibigan.
“Aalis na ba siya? Ikaw hindi ka pa ba sasama?”
“Hindi pa. Gaya mo maghahanap muna ako ng mapapngasawa dito sa
Pilipinas.”
Nagkatawanan ang dalawa at pakiramdam ni Kyla ay hindi na siya kasali
sa usapan ngayong nandito na si Jean. Napansin agad ni Jean na parang
nasapawan niya si Kyla sa atensiyon kaya agad siyang nakaisip ng paraan para
maisali ito.
“Kailangan mo pa ba na maghanap ng mapapangasawa eh nandito
naman si Kyla.”
Nabigla si Kyla sa narinig at agad sinenyasan si Jean na huwag nang
ituloy pa ang pagrereto sa kanya. Hindi sinasadya ni Jean ang kanyang ginawa
dahil buong akala niya ay nagkaayos na ang dalawa kaya sila magkasama na
nagkakape ngayon ngunit tila mali yata ang kanyang inakala. Yumuko ito ng
isang beses kay Kyla bilang pagpapaumanhin at si Leon naman ay nanatiling
walang imik sa nasabi ng kaibigan.
Matapos magkape ay nagkayayaan ang magkaibigan na uminom sa isang
bar ng maski isang round lang. Niyaya din nila si Kyla na sumama at mabilis
naman itong pumayag basta kasama si Leon. Nagtungo sila sa FACES, isang
bar sa Session Road na may banda na umaawit para sa mga customers.
Umorder sila ng tig-iisang beer at sinimulang uminom.
“Kyla kumusta pala iyong kapatid mo?” tanong ni Jean.
“Ayos lang naman siya.”
“May boyfriend na ba?”
“Huh? Wala pa naman,” natatawang sagot ng dalaga.
“Ipakilala mo naman ako,” dagdag pa ni Jean.
“Ha ha ha desperado ka na ba at pati tinedyer ay papatulan mo?” sabad ni
Leon.
“Maski tinedyer kung kasing-ganda ni Kyla ayos lang,” muling pabiro na
sagot nito.
“Tigilan mo nga ako,” ani Kyla.
Matapos magkakuwentuhan habang inuubos ang ininom na beer ay
nagpaalam na si Jean na kailangan na niyang umuwi para tapusin ang
ipinapagawa sa kanya ng kanilang boss sa trabaho. Iniwan ng tatlo ang bar at
sinamahan si Jean hanggang sa maabot nila ang nakaparada nitong kotse.
Binalikan nila Leon at Kyla ang motorsiklo sa labas ng Volante at muli silang
sumakay dito. Lagpas alas-diyes na ng gabi ng tiningnan ni Leon ang oras.
“May pasok ka sa bangko bukas hindi ba?”
Tumango si Kyla at umupo sa likuran ni Leon nang iistart nito ang makina.
Pauwi na sila sa bahay nila Leon para mamahinga na. Habang nagmamaneho si
Leon ay sinusulyapan niya ang kanyang side mirror. Kapansin-pansin ang
napakasayang ekspresyon sa mukha ng dalaga hindi gaya ng dati na lagi na
lang malungkot. Naabot nila ang bahay at si Kyla na ang nagprisinta na
magbukas ng gate. Pagpakarada ni Leon sa motorsiklo ay sabay silang pumasok
at naabutan nila ang kanyang ina na nanonood pa ng programa sa telebisyon.
“O bakit ang aga niyo naman umuwi?”
“May trabaho pa po kami bukas,” paliwanag ni Leon.
Tinabihan ni Kyla ang nanonood ng T.V. at si Leon ay dumiretso ng silid
para magbihis. Matapos magbihis ay iniayos nito ang kanyang kama at siya ay
kumuha ng isang kumot sa aparador. Dala-dala niya ito na bumalik sa sala at
nakita niya ang dalawa na pinag-uusapan ang tungkol sa sapatos na binili ni
Leon para kay Kyla.
“Aba marunong din pala pumili si Leon maski papaano hindi gaya ng tatay
niya na kung anu-ano ang itinuturo kung bumibili kami.”
“Gano‟n po ba? Baka po mana si Leon sa inyo at hindi kay tito.”
“Ewan ko.”
“Ehem ehem..” entrada ni Leon habang nag-uusap ang dalawa.
Napatingin ang mga ito sa kanya at napansin agad ang dala niyang
kumot.
“Para saan iyan?” usisa ng ina.
“Siyempre kumot ko para matulog.”
“Bakit ayaw mo ba na makitabi kay Kyla?” nakangising tanong ng kanyang
ina.
“Ma gusto ko na pong matulog. Kyla handa na iyong silid doon ka na lang
muna matulog,” walang kaemo-emosyon na sagot ni Leon.
“Ok. Salamat Leon.”
“Sige Kyla mauna na rin akong matutulog at baka kagatin pa ako ng leon
na iyan,” wika ng ginang na ang tinutukoy na leon ay ang mabangis na hayop sa
kagubatan.
“Good night tita.”
Hinalikan ng ginang sa noo ang dalaga ngunit wala man lang itong sinabi
sa sariling anak kundi isang pabirong kurot at irap. Iniwan na sila ng ginang at
muling naging tahimik ang paligid. Magkatabing umupo ang dalawa at
naghintayan na may maunang magsalita.
“Leon, hindi ka ba naiinis sa akin kung parang mas malapit kami sa isa‟t-
isa ng mama mo?” may kabagalan sa pagsasalita na naitanong ni Kyla.
“Hindi naman, wala lang sa akin iyon kaya huwag mo akong alalahanin,”
malumanay na tugon ng binata.
“Sorry ha parang nasasapawan pa kita kung minsan.”
“Sa totoo lang gusto kitang pasalamatan tungkol diyan.”
“Pasalamatan?” nagtatakang tanong ni Kyla.
“Mula nang mamatay ang kapatid ko naging napakalungkot ni mama.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin para sa kanya nang mga araw na
iyon. Pakiramdam ko wala akong silbi sa kanya pero mabuti na lang at dumating
ka sa piling niya,” salaysay ni Leon.
“Leon...”
Pinutol ng binata ang sasabihin sana ni Kyla at nagpatuloy siya sa
sinasabi. Habang siya ay nagsasalita ay nilalaro-laro ng dalaga ang kanyang
kwintas habang nakikinig.
“Mula nang mas madalas kang dumadalaw dito ay mas napabilis ang
pagbawi ni mama sa nangyari. Alam natin pareho na itinuturing ka niya na
parang sarili niyang anak na animo‟y ikaw si Ate Sophia. Kung may kinaiinggitan
man ako ay hindi sa atensyon na ibinibigay ni mama sa iyo kundi sa katotohanan
na ikaw ang mas nakatulong sa kanyang pagbawi at muling ngumiti gaya ng dati
nang kumpleto pa kami. Pero kasabay nito ay ang pagpapasalamat ko rin sa iyo
sa pagdating mo sa buhay ni mama.”
“Leon sa totoo lang bumalik ako para sa i…”
Inilapat ni Leon ang isa niyang daliri sa labi ni Kyla kaya hindi na naman
nito natapos ang kanyang sasabihin. “Pasensya ka na. Hindi pa ako handa para
pag-usapan ang bagay na iyan.”
Nanlumo si Kyla sa narinig mula kay Leon pero hindi na ito nagpumilit pa.
Nagpaalam na lang ito kay Leon upang matulog na at pumasok siya sa sariling
silid ng binata. Habang nakahiga ay naisip niya na marahil hindi nga siguro
napapanahon para pag-usapan nila ang tungkol sa kanilang nakaraan. Naisip ni
Kyla na maaaring nagiging mabait lang sa kanya si Leon dahil sa napapalapit na
pag-alis ng nanay nito. Naalala niya bigla ang mga sinabi ni Leon kanina lalo na
ang pagpapasalamat nito sa kanya.
“Ano bang mga pinag-iisip ko? Hindi naman gano‟n si Leon,” anito.
Kinaumagahan wala na si Kyla nang magising si Leon. Dumiretso siya ng
silid at ibinalik ang kumot na ginamit. Pagkatungo niya ng kusina ay nakahanda
na ang agahan at sigurado niya na si Kyla ang nagluto ng mga ito. Hindi ito
nagdalawang-isip na kainin ang inihanda ng dalaga at matapos kumain ay
dumiretso na siya ng banyo para maligo.
Ngayon din dapat ang enrollment ni Leon para sa balak niya na kursong
LAW ngunit hanggang ngayon sa katunayan ay nagdadalawang-isip pa rin siya
kung kukunin pa ba niya ang kurso o hindi. Nasabi lang niya sa ina na kukuha
siya ng LAW para gawing isang dahilan ng kanyang pananatili sa Baguio upang
maisakatuparan ang paghihiganti niya kay Leonardo. Matapos ang kanyang
trabaho ay hindi siya nagtungo ng pamantasan para tumingin man lang ng
schedule.
Hindi ulit sila nagsama ni Remz ngayong araw dahil kailangan ng dalaga
na umuwi ng maaga para labhan ang kanyang mga damit. Maaga ring umuwi si
Leon at naglaba na rin ng kanyang mga nagamit na damit. Wala sa bahay ang
kanyang ina nang siya ay makauwi maaaring magkasama ulit sila ni Kyla.
Sinimulan niya ang paglalaba at madilim na nang siya ay natapos.
Naramdaman ng binata ang gutom ngunit wala pa rin ang kanyang ina
kaya naisipan na lang niya na pumunta sa town para kumain. Paalis na sana
siya nang makasalubong niya sa gate ang kanyang ina kasama si Kyla na may
dala-dalang pagkain. Kinuha ni Leon mula sa mga kamay ni Kyla ang mga bitbit
nito at siya na ang nagpasok sa kusina. Inihanda nila ang hapag at inilagay ang
mga pagkain na iniuwi ng dalawa. Matapos kumain ay naisipan ng ina ni Leon na
lumabas silang tatlo para bisitahin ang night market. Payag naman ang dalaga
dito at gano‟n din si Leon para lang hindi madismaya ang ina.
Masayang naghahalungkat ng mga damit ang dalawang kababaihan
samantalang si Leon ay pinapanood lang sila. Maraming nagustuhan ang mga
ito kaya marami din silang nabili. May binili din sila na para kay Leon maski hindi
niya sinabi na bilhan siya ng anumang gamit. Ang iba ay binili ng ina ni Leon
para kay Reina, ang nakababatang kapatid ni Kyla.
“Kyla gusto mong makitulog ulit sa bahay?” tanong ng ina ni Leon.
“Nakakahiya naman po tita. Kawawa po si Leon kung matutulog ulit siya
sa sofa.”
“Pero wala kang kasama sa inyo dahil umuwi ng probinsya ninyo si Reina
di ba? Hindi ka ba natatakot?”
“Ayos lang po ako tita wala naman pong masasamang-loob sa amin.”
“Hindi mo rin masisiguro iyan. Baka di mo lang alam marami pala ang
nagmamatyag sa iyo.”
Tinapik ni Leon ang kamay ni Kyla mula sa likuran at sinenyasan nito ang
dalaga na pumayag na lang sa alok ng kanyang ina.
“Pero sa sofa ka ulit matutulog,” bulong nito sa kanya.
“Ayos lang,” bulong pabalik ni Leon.
“O sige po tita payag na po ako.”
“Mabuti naman. Tara uwi na tayo, nalibot na rin lang natin ang buong night
market.”
Pumara si Leon ng taxi at agad siyang inunahan ng kanyang ina sa pag-
upo sa harapan. Wala na siyang nagawa kundi maupo sa likuran katabi ni Kyla.
Umabante ang sasakyan patungong Gibraltar at si Leon ay nanatiling tahimik
habang nag-uusap ang dalawa tungkol sa kanilang mga pinamili. Natigil sa pag-
uusap ang dalawa at marahil dala ng pagod sa kalilibot at kahahalungkat ng mga
paninda ay inihiga ni Kyla ang kanyang ulo sa balikat ni Leon. Hinayaan lang ito
ng binata hanggang sa maabot nila ang kanilang bahay.
Pagkauwi nila ay inisa-isa nilang sinuri ang mga pinamili. Isinukat nila ang
ilan sa mga ito at kuntento sila sa kaledad ng mga napili. Iniwan muna ni Leon
ang dalawa para ihanda ang kanyang silid na muling gagamitin ng dalaga. Gaya
kahapon ay sa sofa ulit matutulog si Leon at si Kyla ang gagamit ng kanyang
silid.
Nauna na ang ina ni Leon na natulog samantalang ang dalawa ay
magkasamang nanonood ng balita sa gabi.
“Leon anong oras tayo bibili ng mga kakailanganin natin para sa despidida
ni tita?”
“Kita na lang tayo sa Super Market ng alas-singko kung ayos lang sa iyo.”
“Wala pa pala tayong listahan para sa mga kailangan nating bilhin kaya
itala na natin ngayon.”
Sumang-ayon si Leon sa mungkahi ni Kyla at sinimulan nilang itala ang
lahat ng mga kailangan nilang bilhin bukas. Inabot na sila ng hatinggabi bago nila
matapos ang kumpletong talaan. Hindi lang kasi pagkain ang kanilang
kailangang bilhin isinama din nila sa talaan ang mga kakailanganin nilang
dekorasyon at iba pang gagamitin para sa pagsasalo.
“Kyla nakausap mo na ba iyong magluluto?”
“Oo nasabi ko na, grupo sila sa totoo lang?”
“Mataas ba maningil ng fee?”
“Hindi naman kasi kakilala siya ng mama ko kaya may discount tayo.”
Hinihikab na ang dalawa kaya nagkasundo ang mga ito na matulog na
para maaga silang magising para sa kanilang trabaho. Pagkagising ni Leon ay
nakaalis na ulit si Kyla at gaya ng dati nakapagluto na ito ng kanilang agahan.
Matapos ang trabaho ni Leon ay dumiretso na siya ng Super Market.
Sumakay siya ng express na jeep papunta dito. Marami silang bibilhin ni Kyla
kaya makakasagabal lang kung dadalhin pa niya ang kanyang motorsiklo.
Naabutan niya si Kyla na naghihintay sa kanilang tagpuan at dumiretso na ang
mga ito na namili ng mga kakailanganin. Inabot sila ng higit isang oras sa
pamimili at pagpila sa cashier bago sila makalabas ng Supermarket. Inilagay nila
ang lahat ng pinamili sa isang cart at pumila sa hintayan ng taxi.
Agad nilang isinakay sa taxi ang lahat ng pinamili at magkatabi silang
umupo sa backseat. Kulang pa ang kanilang nabili dahil ang iba dito ay sa
palengke nila kailangang bilhin kaya babalik pa ulit sila pagkatapos iuwi ang mga
pinamili. Matapos ilagay sa kusina ang lahat ay bumalik ulit ang dalawa sa town
at ngayon ay sa palengke naman ang tuloy. Naging taga-buhat si Leon at nang
hindi na niya kayang bitbitin ay si Kyla na ang bumitbit sa mga sumunod na
plastic bags.
Nagtaxi ulit ang dalawa para iuwi ang mga pinamili. Pagod na pagod sila
sa kalilibot habang buhat-buhat ang mga pinamili kaya ang nanay ni Leon ang
nagprisinta na magluto ng hapunan. Hinandaan na lang muna sila ng kape at
sandwich habang hinihintay na maluto ang pagkain. Nang makaluto ang ina ni
Leon ay niyaya agad sila nito sa hapag-kainan.
“Kyla dito ka ulit matulog ha.”
“Opo tita.”
Matapos kumain ay nagpaalam muna si Leon na lalabas muna siya saglit
para magpaload sa tindahan sa kapit-bahay. Pinagtulungan naman ng dalawa na
hinugasan ang kanilang mga pinagkainan at sabay na pumunta sa sala para
manood ng telebisyon.
“Kyla paano ba iyan aalis na ako wala ka ng magiging kakampi pagdating
sa leon na iyan. Magiging ayos lang kaya kayong dalawa „pag wala na ako?”
“Tita huwag niyo na pong isipin iyon. Nalulungkot na po si tito sa
Amerika.”
Niyakap ng ginang ang dalaga at hinaplos-haplos ang buhok nito.
Yumakap din pabalik si Kyla at medyo naluluha na.
“Mamimiss ko po kayo,” ani Kyla.
“Ako rin mamimiss kita. Alagaan mo ng mabuti si sarili mo ha.”
“Opo tita.”
Hindi na mapigilan ng dalaga na umiyak kaya tuluyan ng pumatak ang
mga luha niya sa dibdib ng yumayakap sa kanya. Napamahal na rin kasi siya sa
ginang na ito dahil sa kabaitan nitong ipinaramdam sa kanya.
“O tahan na para namang hindi na tayo magkikita niyan.”
Nagkangitian ang dalawa at ipinagpatuloy ang panonood ng T.V. habang
nag-uusap. Ilang minuto na ang lumipas pero hindi pa rin bumabalik si Leon
mula sa ipinaalam nito na magpapaload lang sa tindahan.
“Kyla hintayin mo ako dito at may ibibigay pala ako sa iyo.”
Pumasok ng kanyang silid ang ginang at lumabas ito na may hawak-
hawak sa kanyang kamay.
“Akin na kamay mo,” utos nito kay Kyla.
Iniabot naman ng dalaga ang kanyang kamay at inilagay ng ginang ang
hawak nito sa kamay. Nang tiningnan ito ni Kyla, isa itong kalahati ng dapat sana
ay hugis pusong kuwintas na yari sa makinang na pilak. Ang hati ay pazigzag at
ang tali din nito na yari sa manipis at dugtong-dugtong na parang maliliit na
kadenang bakal. Hindi rin kumpleto ang nakakabitan nito kaya hindi ito pwedeng
isabit sa leeg.
“Ano po ito?” nagtatakang tanong ng dalaga.
“Ang tawag diyan ay destiny heart.”
“Destiny heart?”
“Kalahati lang iyan kung mapapansin mo kaya ang makakatuluyan mong
lalake ang siyang makakabuo ng kalahating puso na iyan.”
“Gano‟n po ba. Eh nasaan po iyong kalahati niya?”
“Aba malay ko kung nasaan kaya nga destiny heart eh.”
Nagkangitian ang dalawa at nagpasalamat si Kyla sa ibinigay ng mabait
na tita.
“Kaso may isang kundisyon nga pala para makumpleto ang puso na iyan.”
“Anong kundisyon po iyon?”
“Dapat hindi makikita ng maski sino na hawak mo ang destiny heart na
iyan. Kaya dapat itago mo iyan sa isang lugar na ikaw lang ang nakakaalam at
hinding-hindi makikita ng iba.”
Para kay Kyla ay wala naman sigurong masama kung maniniwala siya sa
mga ganitong bagay. Tinandaan niya ang lahat ng mga sinabi ng ina ni Leon at
gagawin niya ang lahat ng mga ito. Ngayon pa lang ay ibinulsa na niya kaagad
ang destiny heart para hindi ito makita ni Leon mamaya.
Nakabalik na rin si Leon mula sa pagpapaload at mabilis niyang inihanda
ang silid para gamitin ng bisita. Bumalik siya sa sala dala ang isang kumot at
nanood kasama ang dalawa. Hinihikab na ang kanyang ina kaya nagpasya ito na
mauna na sa pagtulog.
“Anong oras pupunta dito ang mga magluluto bukas?” tanong ni Leon.
“Sabay na kami lahat na pupunta dito.”
“Gano‟n ba? Sige matutulog na ako inaantok na kasi ako eh. Ikaw na
bahala sa T.V. at ilaw.”
“Ok goodnight.”
Pinatay niya ang T.V. at ang ilaw pagkatapos ng programa bago nagtungo
sa silid ni Leon para mahiga at matulog na rin. Maaga siyang nagising at nagluto
ng agahan gaya ng dati. Nakigamit ulit ito ng banyo at pagkatapos maligo ay
nauna na siyang mag-agahan habang tulog pa ang mag-ina. Maaga ang
kanyang alis at umuwi muna sa tinutuluyang bahay sa Camp 7 para magbihis at
inihanda na rin niya ang gagamitin mamaya sa bahay nila Leon dahil doon ulit
siya makikitulog mamayang gabi.
Kinahapunan ay kasabay na dumating ni Kyla ang mga magluluto para sa
despidida na magaganap bukas. Tumulong na rin sina Kyla at Leon sa
paghahanda at pati ang luluwas papuntang Amerika na siyang bituin ng
pagsasalo bukas ay nakitulong na rin sa paghahanda ng mga kakailanganin para
sa mga lulutuin. May kalakihan ang nagastos para sa pagkain kung tutuusin kaya
tiyak na magiging isang malaki at magarbong salo-salo ang magaganap bukas.
Hatinggabi na at patuloy pa rin sa pagluluto ang grupo at sa katunayan ay wala
pa sa kalahati ang kanilang natapos lutuhin.
“Kyla inihanda ko na iyong silid pwede ka ng matulog kung gusto mo,” ani
Leon.
“Salamat Leon pero saan ka matutulog? Ginagamit din ang sala.”
“Ayos lang ako tutulong na lang ako hanggang umaga.”
“Pero paano iyong trabaho mo?”
Lumabas ng silid ang ina ni Leon at napansin na gising pa rin ang dalawa.
“O kayong dalawa wala na kayong kailangan gawin. Sila na ang bahala sa
lahat matulog na kayo at baka di pa kayo makapagtrabaho bukas.”
Nagkatitigan ang dalawa at nag-isip kung ano ang dapat gawin. Mabilis na
nakaisip si Leon ng paraan kaya nakiusap ito sa ina.“Ma hindi ako makatulog sa
sala ngayon kaya sa silid niyo na lang po muna makikitulog si Kyla.”
“Ayaw ko nga ang luwang-luwang ng silid mo bakit sa silid ko pa? Hindi
kami kasya,” nananadyang pagtanggi nito.
“Anong hindi kayo kasya ehh dati kayong nagtatabi ni tatay diyan.”
“Ayoko! May sikreto ako sa silid namin ng tatay mo na hindi dapat makita
ng iba kaya doon na lang kayo sa silid mo,” pagpupumilit pa rin nito.
Napakunot ng noo si Leon at hindi na nakaangal pa. Batid niyang
sinasadya ito ng kanyang ina bilang pangrereto kay Kyla at alam din niya na
anuman ang sabihin niya ay pipilosopohin lang siya nito. Naglakad patungong
sariling silid ang binata at habang hindi siya nakatingin ay kinindatan ng kanyang
ina si Kyla na hindi rin alam kung ano ang dapat niyang gawin. Napatawa ito sa
pagkindat na iyon ng ina ni Leon may good luck sign pa ito sa kanya habang siya
ay sumusunod kay Leon.
“Leon hindi ba pwedeng sa silid na lang ako ni ate Sophia matulog?”
“Hindi pwede ayaw kasi ipagamit iyan ni mama, papa at lola, ewan ko
kaugalian yata nila.”
“Gano‟n ba?”
Inilatag ni Leon ang isang bedsheet sa sahig at kumuha rin siya ng isang
cushion sa sala para gamiting unan. Napaisip si Kyla kung magagawa kaya ni
Leon na makatulog sa matigas na sahig na bedsheet lang ang nakalagay na
hihigahan.
“Ikaw na bahala sa ilaw,” ani Leon at nahiga na ito sa inihandang higaan
sa sahig.
Nagbihis naman si Kyla sa loob ng malaking wardrobe at ginamit ang
dinalang damit pantulog. Pinatay niya ang ilaw at nahiga sa malambot na kama
ni Leon. Sinulyapan niya ang kalagayan ng binata sa sahig at gaya ng kanyang
inaasahan, hindi ito komportable sa pagkakahiga. Gusto niya na yayain sana ito
na tabihan na lang siya sa pagtulog kaysa magtiis sa sahig subalit
pinangungunahan siya ng hiya.
Hindi magawa ni Leon na matulog dahil maliban sa napakatigas ng sahig
ay malamig din ito. Lumabas siya sa silid at tiningnan kung pwede na siyang
mahiga sa sala subalit ginagamit pa rin ito ng mga nagluluto dahil hindi sila
kasya lahat sa kusina. Bumalik siya ng silid at muli sanang mahihiga sa sahig
nang biglang marinig niya si Kyla.
“Leon hindi ka ba makatulog?” tanong nito.
“Sorry nagising ba kita?”
“Leon ayos lang sa akin kung gusto mo tumabi dito sa kama,” ani Kyla.
Wala ng ibang pagpipilian si Leon, ayaw na rin niyang mahiga sa sahig
kaya tinanggap na lang niya ang alok ng dalaga at tinabihan ito sa kama. Isa pa
wala na man siyang binabalak na gawin sa dalaga. “Pasensya ka na sa nanay ko
tinotopak na naman,” sambit ni Leon pagkahiga.
“Ayos lang sa akin sanay na ako kay tita.”
Magkaiba man sila ng kumot ay walang binabalak si Leon na gagawin
kaya tiyak nito na walang mamamagitan sa kanilang dalawa. Magkatalikod silang
nahiga ngunit bakit ngayong malambot na ang kanyang kinahihigaan ay mas lalo
siyang hindi makatulog. Di niya maiwasang silayan ang katabi ngunit dahil sa
madilim ang silid ay hindi niya makita kung nakatulog ito o gising din tulad niya.
Pinilit ni Leon na kunin ang tulog ngunit sumikat na ang araw at wala pa rin
siyang ni isang oras ng pagtulog. “Kasalanan mo ito Ma,” anito sa kanyang
isipan.
Mabigat ang kanyang katawan na bumangon at tinatamad na
magtrabaho. Nang tingnan niya ang oras ay mag-aalas siete na ng umaga pero
tulog pa rin ang kanyang katabi. Bumangon siya at lumabas ng silid para gamitin
ang banyo. Humihikab-hikab ito habang naglalakad sa loob ng bahay at walang
kasigla-sigla ang kanyang mga kilos. Nakatulog na rin ang iba sa mga nagluluto
at tatlo na lang sa kanila ang abala sa paghahanda ng mga pagkain. Nagising na
rin si Kyla at sabay sila ni Leon na kumain ng agahan. Tinikman nila ang dalawa
sa mga putahe na iniluto ng grupo at ito ang kanilang inulam. Masarap ang
pagkakaluto ng mga ito kaya nagawa pa rin ni Leon na enjoyin ang pagkain
maski wala siyang tulog. Napansin niyang hikab din ng hikab si Kyla at nanlalaki
ang eyebugs nito. Marahil ay kapareho lang niya ito na hindi rin nakatulog dahil
sa kanilang pagtatabi sa silid.
Hindi na nila pinag-usapan ang nangyari ni magtanungan kung nakatulog
ba sila ay hindi man lang lumabas sa kanilang mga bibig. Pagkatapos kumain ay
naunang naligo si Kyla at sumunod si Leon. Nauna na ring umalis ang dalaga
para magtrabaho habang si Leon ay nagbihihis pa rin. Halos mahuli na si Leon
sa pagpasok sa trabaho buti na lang at madaling isingit ang motorsiklo sa
kalsada.
Sobra ang pagkaantok ni Leon habang nagtratrabaho, sa mga oras na ito
ay siguradong nagsimula na ang kainan sa kanilang bahay. Gusto na ni Leon
umuwi at kumain ng masasarap na pagkain na inihanda ng mga propesyonal sa
pagluluto. Tinawagan niya ang kaibigan na si Jean at sinabihan na imbitahin na
rin ang iba pa nilang mga kaibigan. Sa wakas natapos din ang trabaho ni at
nagmadali itong umuwi. Pagkarating niya ng bahay ay marami na ang bisita.
Maraming katrabaho ng kanyang ina ang nagsidatingan at masaya silang
nagkukuwentuhan na parang mga bata kung magtawanan. Narito na rin sina
Jean at ang kapatid nito na si June. Kasama na rin nito ang kanilang mga
kaibigan. Pumasok sila sa loob at sabay-sabay na kumuha ng kakainin. Abala
naman ang ina ni Leon na nakikipag-usap sa mga bisita. Umupo sila sa sala at
nagkakuwentuhan habang kumakain.
“ Leon bakit wala si Kyla?” tanong ni Jean.
“Parating pa lang siguro galing sa kanyang trabaho.”
Ipinagpatuloy nila ang kuwentuhan habang kumakain at masayang
nagtatawanan ang mga ito sa mga nakakatuwang kwento ng bawat isa.
Nakarating na rin si Kyla at may dala-dala ito na dalawang paper bag. Kumaway
ito kay Leon pagkapasok niya ng pintuan at yumuko si Leon bilang pagtugon.
“Wow ang ganda niya talaga,” ani Jean sabay titig kay Leon.
“Ha ha ha inggit ka na naman,” sabad ng isa sa kanilang kaibigan.
Matapos kumuha ng kakainin ay tinawag ito ni Leon para makisabay na
sa kanila. Hindi ito tumanggi at tumabi kay Leon at nakinig sa kanilang mga
kwentuhan. Ipinakilala ni Leon ang dalaga sa ilang di pa niya naipapakilalang
kaibigan at inisa-isa niya rin na ipinakilala ang mga kalalakihan sa dalaga. Lahat
ng mga ito ay nakipagkamayan sa kanya.
Pagsapit ng gabi ay kaunti na lang ang naiwan na tao sa bahay nila Leon.
Isa-isang nagpaalam ang kanilang mga pinsan sa kanilang mag-ina. Nagsialisan
na rin ang mga katrabaho ng kanyang ina datapwat karamihan sa mga ito ay
may sarili na ring pamilya. Silang magkakaibigan at ilan sa kaibigan ng kanyang
ina sa kapit-bahay na lang ang naiwan pagsapit ng ikawalo ng gabi. Marami pa
rin sa mga mamahaling alak ang naiwan kaya naisipan ng ina ni Leon na ibigay
na lang lahat ang mga ito sa grupo ng mga kalalakihan sa sala. Masaya ang mga
kaibigan ni Leon nang ipaharap ng kanyang ina ang mga iba pang imported na
alak.
“Anong uunahin natin?” tanong ni Leon.
“Maski ano na diyan,” pare-parehong sumbat ng mga ito.
Binuksan ni Leon ang isang bote ipinagpatuloy nila ang pag-inom at
kwentuhan. Si Kyla naman ay nanatiling nakikinig lang dahil sa hindi ito
makasabay kanilang mga pinag-uusapan.
“Kyla bakit di mo sinama kapatid mo para ipakilala sa akin,” ani Jean.
“Wala siya dito sa Baguio, nando‟n siya sa amin.”
“Sayang naman.”
“Sige ipakilala kita kung nandito siya sa Baguio,” pangako nito kay Jean.
“Talaga? Pangako mo iyan ha,” masayang sagot ni Jean.
“Sa akin mo na lang ipakilala kesa sa chick boy na iyan,” sabad ng isa sa
kanila.
“Ungas may nobya ka na,” pagbibisto ng isa sa kanilang lima.
“Kyla kamukha mo ba kapatid mo? Sa akin mo na lang ipakilala,”
mungkahi pa ng isa.
“Eh ulol ka pala eh malapit nang maging dalawa ang anak mo,” bawi ng
ibinisto.
Nagtawanan na lang ang mga kalalakihan at napatawa rin si Kyla sa
kanilang paglalaglagan.
“Kyla kung sakaling ireto mo si Reina sa kapatid na lang ni Jean,”
mungkahi ni Leon.
“Iyon ang huwag mong gagawin dahil may girlfriend na iyon,” di pagsang-
ayon ni Jean.
“Meron na ba?” tanong ni Leon.
“Oo lagi niyang kasama sa bahay, tambay sila doon kaya nga hindi na
siya nakasama ngayon ehh.”
“Oh? Hindi ko alam iyon ahh. Kumusta naman iyong nobya niya?
Maganda ba, mabait, sexy o ano?” interasadong tanong ni Leon.
“Maitim parang uling, kahon ang hugis ng katawan at magpapindot lang
kay June ang alam,” sagot ni Jean.
Nagtawanan ulit ang mga kalalakihan sa paglalarawan ni Jean sa nasabi
na nobya ng kanyang kapatid.
“Baka naman Play Station 2 iyang sinasabi mo Jean?” biglang singit ni
Kyla.
Nagtinginan ang mga nagtatawanang kalalakihan sa kanya at ngayon ay
naiintindihan na nila kung ano ang ibig sabihin ni Jean sa kanyang paglalarawan.
Naisahan sila ng kaibigan at si Kyla pa na mukhang wala gaanong interes sa
mga ganoong uri ng bagay ang nakahula sa kung ano ang kanyang
sinasabi.Muling nagtawanan ang mga ito matapos manahimik at inulit ni Leon
ang kanyang mungkahi kay Kyla na kay June na lang niya ireto si Reina kung
sakali.
Patuloy sa pag-inom ang mga binata hanggang sa isa-isa na silang
nalalasing. Nagpaalam na ang tatlo sa kanila para mauna nang umuwi dahil hindi
na nila kayang ipagpatuloy pa ang pag-inom. Hindi na rin kaya ni Kyla na
uminom pa kaya nagpaalam na muna ito kay Jean at Leon para samahan muna
ang ina ng binata.
“O bakit Kyla lasing ka na ba?” sabay yakap nito sa dalaga.
“Medyo po tita,” at yumakap din ito pabalik.
Nakita ni Jean kung gaano kalapit sa isa‟t-isa si Kyla at ang ina ng
kaibigan.
“ Leon huwag mo sabihing kaya pala hindi na kayo ni Kyla dahil kapatid
mo pala siya?”
“Huh? Bakit mo naman naisip iyan?”
“Parang sila ang mag-ina at hindi kayo ehh.”
“Ganyan lang talaga ang mga iyan,” paliwanag ni Leon.
“Akala ko kasi bigla mong nalaman na magkapatid pala kayo sa ama o
anumang dahilan diyan,” sabay malakas na tawa nito.
Napatawa si Leon sa narinig at may naalala tungkol sa ama ni Jean na
naikuwento sa kanya noon ng kanyang ama.“Jean sabi ng tatay ko noon marami
raw naghahabol kay tito Shan-ry na chicks kaya baka ikaw ang may kapatid
diyan na hindi mo alam kung sino?” biro ni Leon.
“Ha ha ha! Malay nga naman natin,” tugon ni Jean.
Sa kusina ay si Kyla at ang tita Diane nito ang nag-uusap at magkaharap
din na umiinom ng lady‟s fruit wine. Naalala ni Kyla ang pinamili niyang regalo
para sa kanyang tita kaya pumunta muna ito sa silid ni Leon at kinuha ang isang
paper bag. Pagkabalik niya ng kusina ay iniabot niya ito sa ginang.
“Para saan naman ito?” tanong ng pinagbigyan.
“Siyempre po para hindi niyo ako makalimutan.”
“Naku makakalimutan ba naman kita,” sabay pisil nito sa pisngi ni Kyla.
Binuksan niya ang paper bag at nakita ang tig-iisang bote ng pabango,
nail polish at lip gloss. Kasama rin dito ang isang face powder at isang facial
cream. Lahat ay ang mga paborito na brand ng ginang. Sa tagal ng kanilang
pagsasama ay kabisado na ni Kyla ang nga brand na gustong-gusto nito.
Natuwa ito sa mga regalo na natanggap sa dalaga. “Halika ka nga dito,” alok nito
kay Kyla.
Mas inilapit ng dalaga ang kanyang sarili at agad siyang niyakap ng Tita
Diane nito. Hinaplos-haplos ulit nito ang kanyang mahaba at malambot na buhok
kasunod nito ay hinalikan pa siya sa kanyang noo.
“I love you tita,” ani Kyla at niyakap din ulit ang ginang.
“I love you too. Dapat Kyla sa susunod nating pagkikita maging tuluyang
anak na kita ha,” halos naluluhang nawika nito.
“Daughter-in-law po ba? Gagawin ko pong makakaya ko.”
“Kapag inaapi ka ni Leon o nagiging masungit siya sa iyo tawagan mo ako
ha.”
Napatawa si Kyla sa narinig at tumango. Nang maubos nila ang kanilang
iniinom na isang baso ng wine ay nakitabi ang mga ito kina Jean at Leon.
Pagkaubos nila ng laman ng bote na kasalukuyang iniinom ay nagpaalam na rin
si Jean para umuwi. Higit sampung minuto rin na nag-usap sila ng ina ni Leon
bago ito tuluyang umalis kasama si June. Hindi nito dala ang kanyang kotse dahil
sa coding kaya pumara ito ng taxi sa kalsada.
Ngayong wala na ang lahat ng bisita ay ipinagpatuloy nilang tatlo ang pag-
inom na parang mga lasenggo. Naubos ulit nila ang laman ng isa pang bote at
pare-pareho na silang umiikot ang paningin. Marahil gusto nilang mawala sa
kanilang isipan na ilang araw na lang ay aalis na ang ginang. Hindi na
nakayanan ni Kyla at Leon ang pagkalasing kaya ipinikit na lang nila ang
kanilang mga mata at nakatulog na sa kinauupuan. Malakas pa rin ang ina ng
binata dahil sa totoo lang ay hindi ito gaanong umiinom at pinepeke niya ang
dalawa na kunwari siya ay sumasabay sa sukat ng iniinom ng mga ito.
Una niyang binuhat si Kyla at ipinahiga sa kama ni Leon. Kumuha siya ng
isa sa kanyang pantulog at hinubaran ang dalaga para bihisan dito. Matapos niya
itong bihisan ay inakay naman niya si Leon na sa kalasingan ay hindi alam kung
ano ang nangyayari. Tinanggal niya ang T-shirt nito saka itinabi kay Kyla na
nakasuot nang kaakit-akit na damit pantulog. Marahil isa na naman ito sa
kanyang mga pagbibiro at kasabay na rin nito ay ang pagrereto kay Kyla para sa
anak. Di pa nakuntento at pinagharap pa niya ang mga ito at iniayos ang
kanilang kamay para magyakapan. Kasunod nito ay kinuha niya ang digital
camera at kinuhanan pa niya ng ilang litrato ang dalawa habang magkayakap.
Matapos kunan ng litrato saka lang niya kinumutan ang dalawa. Natatawa ito sa
kanyang ginagawa at matapos muling kumuha ng ilang larawan ay hinalikan niya
ang mga ito sa noo.“Ingatan ninyo ang isa‟t-isa ha,” payo nito sa dalawang
natutulog.
Nagising ang dalaga at dahan-dahan nitong iminulat ang kanyang mga
mata. Pagkadilat niya ay napansin agad ang isang lalake na walang suot pang-
itaas na nakahiga sa kanyang tabi. Laking-gulat niya nang makita niya na ito‟y
walang iba kundi si Leon at nakayakap pa ito sa kanya. Nagtaka ito kung bakit
magkayakap silang natulog subalit wala siyang maalala kung paano ito
nangyari. Muli niyang nasilayan ang binata at agad niyang tiningnan ang sariling
kasuotan. Suot niya ang isang yari sa magandang tela na maiksing pantulog at
napansin din niya na wala siyang suot na bra. Bigla na lang itong napatili at
bumaba ng kama at ibinalot ang kumot sa kanyang katawan.
Nagising si Leon sa ingay na narinig at napabigla pa ito ng bangon.
Sumakit ang kanyang ulo dala ng hang-over at mabilis na paggalaw dahil sa
pagkagulat sa pagtili ni Kyla. Tiningnan niya ang dalaga at nakabalot ito sa
kumot sa tabi ng kanyang kinahihigaan at hindi maipaliwanag ang ekspresyon
nito. Nakatitig ang dalaga sa kanyang mga paa kaya sinuri din ng binata kung
anong mali. Nakita niya na may suot siyang shorts ngunit wala siyang pang-
itaas. Agad din itong nagtaka kung ano ang nangyayari at muling napatingin kay
Kyla na tila ayaw ipakita sa kanya kung ano ang nasa kabila ng kumot na
kanyang ibinalot sa sarili.
Hindi alam ng dalawa kung ano ang dapat sabihin dahil sa pareho sila ng
iniisip na maaaring may nangyari sa kanilang dalawa habang sila ay nasa
impluwensya ng alak. Kumatok ang ina ni Leon at binuksan ang pinto. Nakita
niya ang dalawa na parehong nakatitig sa kanya at hindi maipaliwanag ang
hitsura.
“Anong ginagawa ninyo? Leon bakit wala kang damit?” usisa ng ina nito
sa may kataasang tono.
“Ma hindi ito gaya ng iniisip mo. Pagkagising ko ay ganito na ang ayos
ko,” pagtatanggol ni Leon sa sarili.
“Kyla may ginawa ba siya sa iyo?”
Hindi makasagot ang dalaga at mas hinigpitan ang pagkakahawak sa
kumot habang papalapit ang ina ng binata. Nang makalapit ang ginang ay
humakbang ito pakanan na tila ayaw niya na malapitan.
“Bakit ka lumalayo? Siguro may tinatago ka ano?”
“Tita wala po.”
Tumakbo palapit ang ina ni Leon sa dalaga at sinubukan naman nito na
lumayo subalit madali siyang nahuli. Medyo natatakot si Kyla nang mahawakan
siya ng ginang at hindi na rin niya alam kung ano ang dapat niyang ipaliwanag
kung sakaling makita ang kanyang kasuotan na isang napakaiksing damit
pantulog.
“Kyla tanggalin mo iyang kumot. Nakahubad ka ano?” may kataasan pa
rin ng tono na utos ng ginang.
“Tita hindi po may damit po ako.”
Hindi pa rin makahinga ng maayos si Leon nang marinig si Kyla dahil
maaaring wala nga itong kasuotan kaya gusto din niya na makita kung ano ang
dahilan ng pagbabalot ni Kyla ng kanyang sarili sa kumot.
“Eh bakit ayaw mong tanggalin iyang kumot?”
Hindi makasagot ang dalaga at hinayaan ang ina ni Leon na tanggalin ang
kumot na ibinalot niya sa kanyang katawan. Nakita ng dalawa ang suot nitong
pantulog at si Kyla ay namumula sa hiya at binibinat pababa ang manggas ng
damit pababa ng kanyang hita sa kanyang kanang kamay habang ang kabilang
kamay ay nakatakip sa kanyang dibdib dahil wala siyang suot na bra.
Tila nalaglag ang panga ni Leon nang makita ang dalaga sa kanyang
kasuotan. Kaakit-akit ito sa paningin at dahil sa pamumula nito ay naging
napakakyut nitong tingnan lalo na ang posisyon ng kanyang mga kamay. Pero
natigil sa imahinasyon si Leon nang maalala niya kung saan niya nakita ang
kasuotan ni Kyla.
“Wow!! Kyla ang cute mo!” biglang wika ng ginang at tuwang-tuwa pa ito
na niyakap ang dalaga.
Naguluhan si Kyla sa ikinilos ng ginang dahil buong akala niya ay
pagagalitan sila nito. Mukhang hindi na ito galit sa kanya kaya medyo lumuwag
ang kanyang kalooban subalit hindi pa rin alam ng dalagita kung ano ang
nangyari o kung may nangyari sa kanila ni Leon.
“Leon anong ginawa mo kay Kyla at bakit siya sumigaw?”
Napatawa si Leon pagkatapos magtanong ng ina. Kinuha niya ang T-shirt
na nakapaibabaw sa mesa at isinuot.
“At ano ang nakakatawa?”
“Ma huwag na kayong magkunwari pa, kayo ang may pakana ng lahat,”
sagot nito.
“Anong ako ang may pakana ng lahat?”
“Kyla iyang suot mo ngayon ay ang niregalo ko kay mama sa kanyang
kaarawan noong nakaraang taon,” paliwanag ng binata.
Tinitigan bigla ng ina nito ang damit ni Kyla at naalala na ito nga ang
regalo sa kanya noon ni Leon. “Eh ano ngayon kung ito ang regalo mo sa akin
noon?”
“Magagawa ba ni Kyla na pumasok sa silid ninyo para magbihis kung
lasing na siya? Huwag na nga nating patagalin ito, Kyla sigurado ako si mama
mismo nagbihis sa iyo at pinagta… alam mo na.”
Nakuha ng dalaga ang ibig sabihin ni Leon at kapani-paniwala ito subalit
hindi pa rin niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin at patuloy pa rin siya
sa pagbinat ng damit pababa at pagtatakip sa kanyang dibdib. Nauna nang
lumabas si Leon para makapagbihis ang dalaga at naiwan ang dalawa sa loob.
“Tita naman bakit po ninyo ako dinamitan ng ganito kaiksi?” malambing na
angal ni Kyla.
“Ha ha ha magaling na lalake at nabisto pa niya ako.”
“Si tita talaga. Nahihiya na tuloy ako sa kanya.”
“At bakit ka naman nahihiya?”
“Eh tingnan niyo po naman itong ipinasuot ninyo parang plano ko siyang
akitin.”
“Huwag kang mag-alala nabisto naman niya na ako ang may pakana ng
lahat kaya alam niya na wala kang kinalaman.”
Sinuyo ng ginang ang dalaga hanggang sa magkangitian ulit silang
dalawa. Humingi na rin ng dispensa ito sa ginawa at magaan naman sa kalooban
ni Kyla na palagpasin ang lahat. Sa totoo lang ay parang ikinasiya pa niya ang
nangyari iyon nga lang ay nahihiya pa rin ito na humarap kay Leon. Hinanap niya
ang isa sa mga dala niyang paper bag kahapon at nang makita ito ay kinuha niya
ang isang jogging pants at maluwang na T-shirt. Tinanggal niya ang kanyang
suot at nagbihis sa sariling damit.
“Mag-agahan na rin tayo,” anyaya ng ginang.
“Tita maya na lang ako kakain,” tanggi ni Kyla.
Umiling ang ginang at ngumisi kasunod nito ang paghatak niya sa dalaga
palabas ng silid. Anumang gawin ni Kyla para bumalik sa silid ay hindi umubra
hanggang sa tuluyan na nilang narating ang kusina. Wala na itong nagawa pa
kundi umupo at mag-agahan kasabay ng mag-ina. Hindi man lang
makapagtitigan ang dalawa dahil sa nangyari. Nanatili silang nakayuko at walang
imik. Mabilis na inubos ni Leon ang kanyang kinakain samantalang si Kyla ay
mabagal na sumusubo. Umalis ng hapag ang binata at pumasok sa banyo upang
maligo.
“Tita kasi tuloy galit na siya sa akin,” angal ni Kyla.
“Hindi iyan galit, hindi lang siya mapakali dahil sa nakita niya kanina.”
“Tita!” animo‟y galit na reaksyon ng dalaga kasabay nito ang pamumula
ng kanyang mga pisngi.
“Bakit hindi ka ba naniniwala sa akin? Kilala ko iyang Leon na iyan,
pustahan tayo pinagpapantasyahan ka niya ngayon habang naliligo,”
nakangising hayag ng ginang.
“Tita talaga nasa sukdulan ulit ang panggu-good time.”
Itinuloy ng dalawa ang kumain habang si Leon ay naliligo pa rin. Habang
kumakain si Kyla ay pinagmamasdan lang siya ng ginang na tila natutuwa ito na
siya ay pinapanood sa bawat pagsubo ng pagkain.
“Bakit po tita?”
“Kyla nagawa ko lang iyong ginawa ko sa inyo ni Leon kasi hindi ko na
talaga mahintay ang araw na maging anak kita.”
Ibinaba ni Kyla ang kanyang kutsara at niyakap ang katabi habang
hinahaplos-haplos ulit nito ang kanyang buhok.
“Tita makakasama lang po kung mamadalihin natin siya. Hindi po ba mas
maganda kung siya mismo ang mag-alok sa akin?”
“Totoo iyan Kyla pero maipapangako mo ba sa akin na ikaw talaga ang
pakakasalan niya sa huli?”
“Tita mahirap po pero susubukan ko po maski wala na ang numero-uno
kong kakampi.”
Nagkangitian ang mga ito at inubos nila ang kanilang kinakain.
Nagtulungan na rin sila sa paghuhugas ng lahat ng mga nagamit mula kahapon.
Matapos mahugasan ang lahat ay tumawag sa isang rent-a-car company ang ina
ni Leon. Kailangan pa niya itong puntahan sa kanilang opisina dahil may mga
kasunduan siya na dapat pirmahan. Sabay sila na umalis ni Kyla papuntang
town. Si Kyla ay umuwi muna para kumuha ng gagamiting damit para mamayang
gabi dahil sasama ito na maghahatid sa airport sa Manila. Naka-vacation leave si
Kyla ngayong araw kaya walang problema kung sasama siya sa paghahatid. Si
Leon naman ay nakapagpaalam na sa may-ari ng internet cafe na kanyang
pinapasukan na liliban siya ng dalawang araw.
Pagkabalik ng kanyang ina ay tinulungan ni Leon ito na mag-impake sa
mga gamit na hindi pa nakahanda. Hindi gaanong marami ang dadalhin ng
kanyang ina dahil may sarili na rin sila na bahay sa New York. Mga damit at
ibang mahahalagang bagay lang ang dadalhin ng kanyang ina patungong
Amerika.
“Leon iyong pera nga pala para dito sa bahay nilipat ko na sa bank
account mo kaya kung may kailangan ka bayaran na bills, ipaayos o pambili ng
pagkain magwithdraw ka na lang.”
“Opo. Salamat ma.”
“Huwag mo uubusin agad ha, malaking halaga iyon. Di natin alam kung
ano ang pedeng mangyari at baka kailanganin mo bigla ng malaking pera.”
“Ma huwag po kayong mag-alala ang bait-bait ng anak ninyo eh.”
“Sus mabait daw eh ubod ka nga ng sungit at katamaran.”
“Leon huwag mo aapihin si Kyla ha malilintikan ka sa akin,” babala nito sa
anak.
“Kung gano‟n dapat kasama rin siya sa budget.”
“May trabaho ka naman ikaw na bahala sa budget para sa kanya.”
Nagkatawanan lang ang dalawa at ipinagpatuloy ang pag-iimpake
hanggang matapos. Pagkabalik ni Kyla ay agad nagyaya ng picture taking ang
ina ni Leon. Karamihan sa mga nakuhang larawan ay larawan nina Leon at Kyla
dala ng pagpupumilit ng ginang na kunan sila ng maraming larawan. Ginamit din
nila ang timer option ng digital camera para magkakasama silang tatlo sa
larawan hanggang sa mapuno ang memory nito. Mamayang gabi pa ang
kanilang alis patungong Manila kaya nagpaalam muna ang luluwas ng bansa
upang matulog ng ilang oras bago bumiyahe.
“Kyla pasensiya ka na sa nangyari kanina. Alam natin pareho na
kagagawan lahat ni mama pero humihingi pa rin ako ng paumanhin.”
“Leon huwag mo nang intindhihin iyon. Pasensiya ka na rin kung ang
pagpapabor ni tita sa akin ay nakakainis na para sa iyo.”
“Pero sa totoo lang wala ako naaalalang nangyari maliban lang sa pagtili
mo kaninang umaga.”
“Ako rin naman wala ako maalala, nagulat lang talaga ako pagkagising ko
kaya ako napatili.”
“Yaman rin lang na pareho tayong walang naaalala, kalimutan na lang
natin ang nangyari.”
Nagkatitigan ang dalawa at sabay na tumango. Malapit na ang oras ng
hapunan kaya nagprisinta ulit si Kyla na magluto. Tinulungan siya ni Leon sa
paghiwa at pagtalop ng mga kakailanganing ihalo sa kanyang lulutuhin. Matapos
magluto ay ginising nila ang ginang at sabay-sabay silang kumain. Ito na ang
kahuli-hulian na silang tatlo ay kakain ng sabay-sabay. Naging mahaba ang
kanilang hapunan halos dalawang oras bago sila natapos kumain. Habang
kumakain ay naiisip ni Kyla kung ito na rin ang huling beses na kakain sa bahay
na ito. Naiisip rin niya na maaaring hindi na siya makapagluluto pa dito.
“ Leon huwag mo pababayaan itong bahay ah. Lalo na itong kusina kaya
Kyla punta ka dito maski paminsan-minsan para manatiling malinis ang kusina.”
Ibinaling ni Kyla ang kanyang tingin kay Leon hanggang sa ito ay tumitig
din sa kanya at tumango bilang pagsang-ayon sa mungkahi ng ina. “Huwag po
kayo mag-alala dito sa bahay ninyo tita hindi po ito babahayan ng gagamba,”
nakangiting wika nito.
Nakarinig sila ng busina mula sa labas ng bahay at tiyak nila na ito na ang
nirentahan nilang kotse papuntang Manila. Naunang lumabas ang ina ni Leon
para kausapin ang driver at ang dalawa naman ay dinala palabas ang mga
bagahe. Inilagay nila itong lahat sa trunk ng kotse. Matapos mailagay ang lahat
ng gamit at maisara ang pintuan at gate ay handa na sila na umalis papuntang
Manila.
Binuksan ni Leon ang pintuan sa harapan subalit papasok pa lang sana
siya ay inunahan na siya ng kanyang ina at mabilis itong umupo. Batid ni Leon
na isa ulit ito sa mga pananadya ng kanyang ina para silang dalawa ni Kyla ang
magtabi sa likuran. Wala na siyang nagawa kundi umupo sa likuran katabi si
Kyla. Pinakiusapan ng ginang ang tsuper na maski dahan-dahanin lang ang
pagmamaneho dahil alas-otso pa ng umaga ang kanyang flight. Sumang-ayon
ang tsuper at marahan ang pagmamaneho.
Habang umaandar ang sasakyan ay nagkakakuwentuhan ang mga ito
tungkol sa ama ni Leon. Naisalaysay ng kanyang ina kung paano nagsimula ang
negosyo nito kasama ang kanyang bestfriend na tinatawag ni Leon na Tito Sean,
pinaikling Shanry. Naikuwento rin nito kung paano nagtagumpay ang kanyang
asawa bilang nobelista at hanggang ngayon ay patuloy pa rin na umaasenso.
“Sabik na po siguro talaga kayo na makasama si Tito Rio.”
“Oo naman.”
Nanatiling tahimik si Leon sa pagkukuwento ng ina at nakikinig lamang.
Huminto sa pagkuwento ang ginang at natulog. Inaantok na rin si Kyla kaya
tinanggal niya ang kanyang sandals at ipinatong ang kanyang mga paa sa
upuan. Kasunod nito ay ang paghiga niya at ginamit bilang unan ang mga hita ni
Leon. Iniayos ni Leon ang kanyang sarili sa pagkakaupo upang maging
komportable sa paghiga ang dalaga. May mga sandali na sinusulyapan ni Kyla
ang binata at lubhang napakalalim ang iniisip nito at pawang hindi man lang niya
napapansin na gising pa ang nakahiga sa kanyang mga hita. Nakakapanibago
para kay Kyla ang nakikita niyang anyo ni Leon habang nag-iisip. Sa
katotohanan ay parang nakakatakot ang hitsura ni Leon habang pasimple niya
itong inoobserbahan.
Narating nila ang paliparan ng alas-kuwatro ng umaga. Hindi muna sila
tumuloy sa mismong airport kundi sa isang 24-7 na kainan upang
makapagmeryenda at magpalipas ng oras. Inulit muli ng ginang ang mga habilin
sa dalawa na maiiwan sa Pilipinas at parang ilang saglit lang ang lumipas at oras
na para sa kanyang pag-alis. Pumasok sila sa paliparan at kailangan na ng ina ni
Leon na pumasok para sumakay ng eroplano. Nagkayakapan silang tatlo nang
may katagalan saka siya humanay sa mga pasahero na kasabay niya sa
eroplano. Bago ito umalis ay hinatak niya muna si Leon palayo kay Kyla at
palihim na may iniabot sa anak.
“Ano ito?” tanong ni Leon.
Sa kanyang kamay ay isang kalahating puso na yari sa pilak at nakasabit
ito sa mga maliliit at maninipis na kadena. Itataas niya sana ito para suriin ng
mabuti subalit ibinaba kaagad ng kanyang ina ang kanyang kamay na parang
ayaw niya na makita ito ni Kyla.
“Makinig ka Leon, ang kalahating puso na iyan ay bubuuin ng babae na
makakatuluyan mo sa iyong buhay. Pero ang kundisyon ay dapat wala ni sino
ang makakakita na hawak mo iyan hanggang sa ibigay mo ito sa babae na iyong
napupusuhan at siya ang bubuo ng kalahati.”
“Ma kailan pa kayo naniwala sa mga ganito na gimik?”
“Hindi ito gimik! Totoo iyan kaya itago mo na iyan at ilalabas mo lang iyan
kung may pagbibigyan ka na.”
“Oo na po, kapag nagkita na po ulit tayo buo na ang kalahating puso na
ito.”
Nagyakapan ang mag-ina at nagpaalam sa isa‟t-isa. Tinawag ng ginang si
Kyla upang lumapit at muli niya itong niyakap at hinagkan. Naluluha si Kyla
habang papalayo na ang ina ni Leon pero pilit niyang nilalabanan ang pagpatak
ng kanyang mga luha. Hinintay nilang lumipad ang eroplano na kinasasakyan ng
ginang bago sila nagpasya na lisanin ang lugar.
Sa harapan na umupo si Leon at si Kyla ay mag-isa na sa likuran.
Inutusan ng binata ang kanilang driver na dalhin sila sa isang desenteng kainan.
Medyo may kamahalan ang mga pagkain pero gaya ng paborito ni Leon sa
Baguio ay sulit ang dami ng ihahanda kaya makatuwiran ang presyo.
“Leon ngayong wala na ang nanay mo hindi mo na ba ako
kakailanganin?”
Nagulat si Leon sa naitanong ng dalaga at napatigil sa pagsubo. Ibinaba
niya ang kanyang hawak na kutsara at ipinatong ang dalawang kamay sa mesa
habang nakaharap sa dalaga. “Hindi ka ba kumportable kapag wala si mama?”
“Hindi sa gano‟n,” tugon ni Kyla habang mabilis na ikinakaway ang
kanyang kaliwang kamay.
“Ayos lang sa akin na dumalaw ka sa bahay anumang oras. Sa katunayan
may nakalaan pa nga na budget para lang sa iyo ehh.”
“Budget?”
“Oo, siya nga pala ito ang susi ng gate at main door na dating hawak ni
mama. Sa iyo na namin pinagkakatiwala para maski wala ako sa bahay ay
makakapasok ka sa loob,” sabay abot ni Leon sa dalawang susi.
Animo‟y nagdadalawang-isip si Kyla kung tatanggapin niya ang susi o
hindi na iniaabot ni Leon. Nanatiling nakababa ang kanyang mga kamay kaya
kinuha ni Leon ang isa niyang kamay at inilagay sa palad ng dalaga ang mga
susi.
“Napakahalaga mo kay mama kulang na lang ay kunin ka niya bilang sarili
niyang anak at walang anuman iyon sa akin. Ngayong wala na siya ang
magagawa ko lang para sa iyo ay ituring ka na parang tunay na kapatid.”
“Kapatid?” tanong ni Kyla.
Nagkatitigan ang dalawa at naghalong saya at lungkot ang makikita sa
mga mata ni Kyla. Muli sanang magsasalita ito nang biglang tumunog ang
ringtone ng cellphone ni Leon.
“Oh Remz, kumusta?”
Nagkausap muna ang dalawa habang si Kyla ay ipinagpatuloy ang
kumain. May pangiti-ngiti si Leon habang kinakausap ang dalaga. Nitong mga
nakaraang taon ay hindi niya mapangiti si Leon gaya ng pagngiti niya ngayon sa
kanyang harapan kaya hindi niya maiwasan ang maiinggit sa kausap nito.
Ramdam niya ang selos at takot na balang araw ay tuluyan ng maging nobya ni
Leon ang babaeng kanyang kausap sa cellphone ngayon. At kung sakaling
darating araw na mangyari iyon ano na lamang ang kanyang gagawin?
“Yaman rin lang nandito ako sa Manila may gusto ka ba ipabili?” dinig ni
Kyla na nawika ni Leon.
Mas lalong sumama ang pakiramdam ng dalaga kaya nagpaumanhin
muna ito kay Leon na tutungo muna siya sa C.R. dahil sa ayaw niya na may
marinig pa mula sa usapan ng dalawa. Natapos ang tawag at eksakto rin na
bumalik ang dalaga galing ng C.R.
“Leon kayo na ba ni Remz?” usisa ni Kyla matapos manahimik ng ilang
minuto.
“Hindi pa pero mga ilang araw na lang. Bakit mo naman natanong?”
Umiling lang si Kyla saka yumuko at inubos ang kinakain. Nanatili na itong
tahimik at naalala ang nasabi ni Leon kani-kanina lang tungkol sa nabanggit nito
na ituturing siya bilang isang tunay na kapatid. Pakiramdam niya ay wala na
siyang puwang sa puso ni Leon dahil hindi man lang siya nakikita ng binata
bilang dalaga na iibigin. Matapos silang kumain ay bumalik sila sa kanilang
sasakyan at inutusan ulit ni Leon ang driver na magtungo muna ito sa
pinakamalapit na mall.
Mga ilang ulit na rin na nakapunta si Leon ng Manila lalo na sa mga
naglalakihang malls kaya kabisado niya kung saan siya tutungo para sa nais
niyang bilhin para kay Remz. Tumuloy siya sa isang pwesto na nagtitinda ng
mga hinganteng stuffed toys. Kasin‟-laki niya ang panda na stuffed toy na
kanyang binili para kay Remz. Yari ito sa malambot na bagay at hindi ito
mabalahibo kaya tiyak na magugustuhan ito ni Remz na yakap-yakapin. Matapos
bayaran ang may pagkamahal na binili ay bumalik kaagad siya sa kung saan
nakaparada ang kanilang sasakyan. Inilagay niya ang stuffed toy sa tabi ni Kyla
at muli siyang umupo sa harapan.
Habang umaandar ang kotse ay di maiwasan ni Kyla na mapatingin sa
katabi niyang stuffed toy. Alam niya na ito ay hindi para sa kanya kundi para kay
Remz kaya hindi niya ito magawang hawakan man lang. Hapon na nang
makabalik sila ng Baguio. Pinahinto ni Leon ang sasakyan sa tapat ng BPI,
kinuha ang stuffed toy sa tabi ni Kyla at bumaba para maghintay ng jeep
papuntang Trancoville. Muli na naman sanang uusad ang kotse pero pinahinto
muna ito ni Kyla at sumunod kay Leon.
“Leon bakit mo ito ginagawa sa akin?” tila galit na tanong ni Kyla.
“Ginagawa ang alin?”
“Lahat ba ng kabaitan mo nitong mga nakaraang araw ay palabas lang
para maluwag sa loob ni tita ang pag-alis?”
“Hindi ko alam kung anong sinasabi mo.”
“Leon kung talagang kinamumuhian mo ako diretsahin mo ako, palayuin
mo ako o anuman hindi iyong nananatili ka lang tahimik at parang walang
napapansin pagdating sa akin.”
“Hindi kita kinamumuhian,” seryosong sagot ng binata.
“Kung gano‟n bakit mo ako pinapahirapan ng ganito?”
“Ikaw ang nagpapahirap sa sarili mo. Ni minsan di kita pinakiusapan na
manatili sa tabi ko.”
Hindi na nakasagot pa si Kyla sa naisagot ni Leon. Pinara ng binata ang
isang taxi imbes na jeep sana ang kanyang hinhintay. Pinanood na lang siya ni
Kyla na sumakay at hindi na siya nagsalita pa. Nang makaalis ang taxi na
sinakyan ni Leon ay bumalik si Kyla sa nirentahan nilang kotse at kinausap ang
tsuper.
“Manong dito na rin ako bababa, salamat na lang po sa lahat,” sabay kuha
nito sa kanyang gamit na nakapatong sa upuan.
“Sigurado ka? Baka gusto mong ilibot-libot muna itong sasakyan? May
oras pa naman hanggang gabi at binayaran na ng kasama mo iyong
panggasolina.”
“Salamat na lang po pero wala na po akong gustong puntahan,” sabay
ngiti nito sa driver.
“Ok. Sige salamat din.”
Narating ni Leon ang tinutuluyang bahay ni Remz. Alas-singko na ng
hapon kaya natitiyak niya na nakauwi na ito mula sa trabaho. Pinindot niya ang
doorbell at ilang saglit lang ay lumabas ang taong kanyang pakay.
“Leon! Halika ikaw na lang magbukas ng gate.”
“Ayaw ko nga,” tanggi ni Leon.
“Ang arte mo naman sige na ang dali-dali lang naman buksan niyan eh.”
“Ayaw ko nga eh.”
“Heh kung ayaw mo huwag mo, manigas ka diyan sa labas!” sabay talikod
nito at binuksan ang pinto.
Pagkatalikod ni Remz ay inihagis ni Leon sa kanya ang malaking stuffed
toy na kanyang binili na itinago niya sa likuran ng bakod. Susurpresahin niya
sana ang dalaga kaya ayaw niya na siya ang magbukas ng gate at maglakad
patungong pintuan dahil hindi niya magagawang itago ang napakalaking panda
sa kanyang likuran.
“Aray ko!” sabay hawak nito sa kanyang ulo na binagsakan ng di alam na
bagay. Hinanap niya ang tumama sa kanyang ulo at nakita niya ang isang
malaking nakabalot ng celophane na panda na stuffed toy sa sahig. Narinig niya
ang gate na bumukas at palapit na sa kanya si Leon.
“KJ ka talaga nasira tuloy surprise ko.”
Pinulot ni Remz ang stuffed toy at sinuri, “Ang cute naman!”
“Nagustuhan mo ba?”
“Oo naman ang cute, para sa akin ba talaga ito?”
Tumango si Leon at ngumiti. Niyakap ito ni Remz at nagpasalamat kay
Leon. Mag-isa niya ngayon sa bahay dahil 3:00 P.M.hanggang 11:00 P.M. ang
shift ng kanyang tita at ang mga pinsan niya ay naroon pa rin sa kanilang
probinsiya na nagbabakasyon. Niyaya niya si Leon na pumasok para magkausap
muna sila. Pinaupo ni Remz ang hawak niyang stuffed toy pagkapasok nila ng
sala.
“ Leon gusto mo ng juice?”
“Hindi!” pabirong tugon ng binata.
“Ano ba!”
Lumapit ang dalaga sa kinatatayuan ni Leon para batukan sana ito subalit
natapilok siya at natumba. Agad siyang nasalo ng binata pero nawala din nito
ang kanyang balanse kaya bumagsak sila na magkayakap sa katabi nitong sofa.
Nagkatitigan ang dalawa sa gano‟ng posisyon at bakas sa kanilang mga mukha
ang pamumula ng kanilang mga pisngi. Ramdam nilang pareho ang mabilis na
pagtibok ng kanilang puso at tila ayaw na nilang bitawan ang isa‟t-isa.
“Remz ayos ka lang ba?” mabagal na pagtatanong ni Leon.
Bumitaw si Remz at tumayo mula sa pagkakapatong, “Ayos lang ako
pasensya ka na.” Nanatiling nakatayo at nakatitig lang ito kay Leon ng ilang
segundo. “Ahh oo nga pala kunin ko muna „yong juice saglit lang,” sabay alis
patungong kusina.
Nagkakuwentuhan ang dalawa habang kinakain ang inihanda ni Remz na
meryenda. Napag-usapan din nila kung ano ang plano ni Leon sa mga darating
na araw ngayong wala na ang kanyang ina. At higit sa lahat hindi maubos ang
kuwento ng dalaga tungkol sa kanyang trabaho lalo na ang mga katrabaho na
kanyang kinaiinisan.
Mabilis na lumipas ang oras at oras na para sa hapunan. Nagkasundo
ang dalawa na sabay kumain subalit ngayong araw ay hindi sila sa labas
naghahapunan kundi dito mismo sa tinutuluyan ni Remz. Tumulong si Leon sa
paghahanda ng kanilang kakainin ngayong gabi. Sinigang na bangus ang niluto
ni Remz at mangyaring ito rin ang paborito ni Leon at ng kanyang ama na
niluluto ng kanyang ina. Agad silang kumain matapos maluto ang lahat. Hinintay
ni Remz na maunang sumubo ng pagkain si Leon upang pagmasdan kung ano
ang magiging reaksyon nito.
“Ayos lang ba ang lasa?” nag-aalanganing tanong ng dalaga.
“Pagkaing tao pa rin naman,” mapanuyang sagot ni Leon.
“Gano‟n? Sige sa susunod ikaw magluluto ha.”
“Biro lang sabayan mo na ako.”
Masaya silang kumain at ika-sampu na ng gabi sila natapos. Kailangan na
ni Leon umalis para mahabol pa niya ang huling jeep na papunta ng kanilang
barangay.
“Remz mauna na ako gabi na rin,” pagpapaalam ni Leon.
“Sige ingat ka,” sabay tayo at nagtungo sa pintuan palabas.
Bubuksan na sana ng dalaga ang pinto nang bigla siyang hatakin pabalik
ni Leon. Napaikot si Remz paharap sa binata at nagkadikit ang kanilang
katawan. Dahan-dahan na niyakap ng binata ang malambot na katawan nito at
mainit na tinitigan ang mga gulat na mga mata ni Remz. Hindi pumalag ang
niyayakap at nanatili din ito na nakipagtitigan sa kanya kaya malakas ang loob
ng binata na ito ay bigyan ng isang halik. Inilapit niya ang kanyang labi at ipinikit
din ni Remz ang kanyang mga mata. Nagdikit ang kanilang labi at nauwi sa ilang
saglit na halikan.
Iminulat ni Remz ang kanyang mga mata at nagtanong, “ Leon goodbye
kiss mo lang ba iyon?”
“Huwag ka ng painosente Remz alam kong pareho lang tayo ng
nararamdaman. Ayaw mo pa rin ba na pumunta sa akin?”
Mas hinigpitan ni Leon ang pagkakayakap sa dalaga at mas napatitig ito
sa kanyang mga mata hanggang sa maluha ito at mahigpit din na yumakap sa
kanya.
“Leon ayaw ko ng masaktan ulit kaya ipangako mo sa akin na aalagaan
mo ako ha,” malambing na pakiusap ng dalaga.
Tumango si Leon at muli silang nagkahalikan. Muling nagpaalam ang
binata sa kanyang bagong nobya at kada limang hakbang palayo sa pintuan ay
lumilingon ito kay Remz at kumakaway. Tuwing siya ay kakaway ay kumakaway
din si Remz at matatamis ang mga binibitawan nitong ngiti.
Hindi nag-enroll si Leon sa kursong LAW gaya ng idinahilan niya sa
kanyang ina. Wala na talaga siyang balak pa na ipagpatuloy ang pag-aaral.
Nagpaiwan lang siya para maisakatuparan ang paghihiganti kay Leonardo
ngayong nahanap na niya ito. Naging araw-araw ang pagsasama ng dalawa at
madalas sa labas sila naghahapunan. Sa gabi ay magkasama silang lumilibot sa
Harrisson at Session Road para tumingin-tingin ng mga itinitinda sa bangketa,
ang sikat na Night Market. Minsan ay may nagugustuhan ang dalaga at binibili ito
ni Leon para sa kanya. Pero may mga pagkakataon din na si Remz na mismo
ang nagbabayad para sa kanyang bibilhin.
Isang araw ay niyaya ni Leon si Remz na kumain ng cake sa Tea House.
Agad namang pumayag ang dalaga dahil isa sa mga paborito niya ang cake.
Habang hinihintay nila ang kanilang order ay nililingon ni Leon ang bawat sulok
ng restaurant na tila may hinahanap.
“Anong hinahanap mo?” usisa ni Remz.
“Wala naman, iba na kasi ang ayos nitong restaurant kaya naninibago
ako,” pagpapalusot ni Leon.
Dumating ang kanilang order at dala-dala ito ng isang lalaking waiter.
Agad nakita ni Leon na ang waiter na magdadala ng kanilang kakainin ay walang
iba kundi si Leonardo. Laking gulat ni Leonardo na makita si Leon sa kanyang
pinagtratrabahuan at ang table na kinauupuan nito ay kung saan niya ilalagay
ang kanyang hawak-hawak. Napansin niya na may kaharap na babae si Leon at
maski nakatalikod ito ay sigurado niyang si Remz ito. Matalim na nagkatitigan
ang dalawang kalalakihan at napangisi ulit si Leon gaya ng dati.
Nagtaka si Remz sa kausap dahil nasa iba ang atensyon nito kaya
nilingon niya sa kanyang likuran kung ano ang tinititigan ni Leon. Nabigla si
Leonardo sa mabilis na paglingon ni Remz at tila napalundag ang kanyang
katawan na naging sanhi ng halos pagkabitaw niya sa order ng dalawa.
“Remz,” banggit ng mga labi ni Leonardo.
Hindi alam ni Remz kung ano ang kanyang gagawin at nanatiling nakatitig
sa animo‟y natulala na Leonardo. Lumapit sa kanilang kinauupuan si Leonardo
para ibigay ang kanilang inorder na pagkain. Umayos ng pagkakaupo si Remz at
pasulyap-sulyap sa waiter habang iniaayos nito ang kanilang inorder na pagkain.
Napansin agad ni Leon ang mga kilos ng kanyang nobya. Batid niya na may mga
naiiwan pa ring damdamin ang dalaga sa kanyang dating nobyo kaya ganito ito
kumilos ngayon.
Hindi masabi ni Leonardo ang mga dapat niyang sabihin bilang waiter.
May gusto sana itong sabihin subalit nasa oras siya ng trabaho ngayon at
maaaring matagalan sila sa pag-uusap kung sakali. Tumayo bigla si Remz at
nagpaalam kay Leon na tutungo muna siya ng C.R. dala marahil ng sitwasyon
ang nagdulot ng kanyang pagkabalisa.
“Wala na akong ibang oorderin pwede ka ng umalis,” ani Leon na may
kataasan ang boses.
“Sinadya mo ba ulit ito gaya ng ginawa mo sa graduation niya?”
“Ano naman ngayon kung sinadya ko?” sabay titig ng matalim sa kausap.
“Ano ba talagang gusto mo at ginagawa mo ang lahat ng mga ito?”
“Oiy magaling na waiter nandito ako para kumain kasama ang girlfriend ko
at hindi para makipag-usap sa basurang katulad mo.”
“Girlfriend? Basura?” Hinigpitan ni Leonardo ang pagkakasara ng kanyang
kamao at kulang na lang ay isuntok niya ito kay Leon.
Pinangunahan naman siya ng takot sa pagkakasisante sa trabaho kung
sakaling gawin niya ito kaya iniwan niya ang tuso na lalake at bumalik sa counter
upang gawin ang trabaho. Bumalik si Remz mula sa C.R. at napansin na umiba
ang ekspresyon ng mukha ni Leon. Kanina ay masayahin lang ito ngunit ngayon
ay napakaseryoso na at halatang may kinaiinisan. Naisip ng dalaga na maaaring
napansin ni Leon kanina ang kanyang mga kakaibang kilos kaya ngayon ay wala
na itong imik. Mabilis na inubos ng binata ang kanyang kinakain at sinabihan ang
nobya na bilis-bilisan niya na ubusin ang sa kanya.
Ramdam ni Remz na galit si Leon sa kanya at hindi na siya makakain ng
maayos kaya sinabi niya dito na pwede na silang umalis. Pagkalabas nila ng
restaurant ay inihatid pauwi ni Leon ang dalaga maski hindi pa sila
naghahapunan. Hindi pa rin alam ni Remz kung ano ang dapat niyang sabihin sa
binata kaya bumaba ito na wala pa ring nasasabi.
“Sige bukas na lang ulit,” ani Leon.
Nang makita ni Remz na aabante na ang motorsiklo ni Leon ay buong
lakas niya itong hinatak sa kagustuhan na magpaliwanag kay Leon. Nalaglag si
Leon sa pagkakaupo habang ang motorsiklo ay nagpatuloy na umandar ng mga
dalawang metro bago bumagsak sa konkreto.
“Ayyyy! Leon sorry hindi ko sinsadya,” at lumuhod ito sa tabi ng binata
para ito ay alalayan.
“Aray ko. Ano ka ba huwag mo ako hahatakin habang umaandar ang
sasakyan!” galit na wika nito.
Hawak-hawak ni Leon ang kanyang nananakit na kaliwang balikat na
siyang naunang bumagsak dahil sa pagkakahatak sa kanya ni Remz.
“ Leon sorry talaga hindi ko sinasadya.”
Bumangon si Leon at pinagpag ang kanyang pantalon at habang
ginagawa niya ito ay namasdan niya ang halos naiiyak na Remz at ito ay nanatili
pa ring nakaluhod. Tumingkayad si Leon sa harapan ng dalaga at inilapat ang
kanyang mga kamay sa magkabilang balikat nito.
“Sorry hindi ko sinasadyang sigawan ka, nabigla lang ako.”
Inilagay ni Leon ang kanyang mga kamay sa magkabilang kili-kili ni Remz
at itinayo niya ito na parang isang bata na nadapa.
“At ano ang gusto mong sabihin at hinatak mo ako?” tanong ni Leon
sabay ngiti nito ng tumingin sa kanya si Remz.
“Leon baka kasi mali na ang inaakala mo dahil sa nangyari kanina.
Inaamin ko may kaunti pa rin akong nararamdaman para kay Leonardo pero
kinakalimutan ko na ang lahat dahil ikaw na ang mahal ko. ”
“Iyon lang ba ang inaalala mo kanina pa? ” Niyakap ni Leon ang nobya at
hinalikan sa labi. Nginitian niya ito at ngumiti din ito pabalik.
“Leon hindi ka galit sa akin?”
“Galit pa rin ako sa iyo.”
“Gano‟n?” ani Remz na may kalungkutan.
“Pero dahil ito sa panggagasgas mo sa motorsiklo.”
Tiningnan ni Remz ang motorsiklo at nakatumba pa rin ito sa kalsada at
siguradong may gasgas na ito.
“Hala Leon sorry talaga. Paano na iyan mahal ang pagpaparepaint hindi
ba?”
“Oo mahal kaya ihanda mo na ang pera,” sabay ngisi nito kay Remz.
“Oo na po ako na ang may kasalanan.”
Muling nagkangitian ang dalawa at nagpaalam sa isa‟t-isa. Gumaan ang
loob ni Remz dahil sa pagpapakita ni Leon ng kanyang palabirong ugali gaya ng
lagi nitong ginagawa. Kumain muna si Leon ng hapunan sa labas bago umuwi.
Pagkauwi ay agad niyang tinawagan sa telepono ang isang shop na
nagrerepaint ng mga sasakyan. Pinayuhan siya na dalhin na lang ang motorsiklo
sa shop bukas upang masuri ito ng maayos.
Nag-iba ang oras ng trabaho ni Remz at ngayong buwan ng Hunyo ay
panggabi na ang kanyang pasok. 11:00 P.M. hanggang 7:00 A.M. ang kanyang
shift. Pero maski pagod man ang kanyang katawan dahil sa puyat ay madalas pa
rin silang magsama ni Leon tuwing hapon at sabay pa rin silang maghapunan sa
labas. Minsan ay si Leon na rin mismo ang naghahatid sa kanya sa Convention
Center kung saan naghihintay ang mga T.I. Shuttles bago mag-alas-dies ng gabi.
Araw ng Kalayaan, isang legal holliday. Nagpasya si Remz na hindi
papasok sa trabaho at agad tumawag kay Leon upang manood ng lokal na
palabas sa sinehan na kanyang gustong panoorin. Pumayag naman ang binata
at nag-usap silang magkita na lang sa SM Theater pagkatapos ng trabaho ng
kanyang trabaho sa cafe. Pagkarating ng binata sa sinehan ay nakabili na si
Remz ng kanilang kakainin sa loob. Nakabili na rin ito ng dalawang ticket para sa
kanila kaya ang usapan ay si Leon ang bahala sa kanilang hapunan mamaya.
Masayang nanood si Remz at dikit na dikit ito kay Leon na pawang
naaapektuhan sa love story na pinapanood. Halos buong magdamag sa sinehan
na nakapatong ang kanyang ulo sa balikat ni Leon.
“Remz baka may pinsan ka na makakita sa atin, isumbong ka nila sa
mama at papa mo.”
“Ano ka ba hindi na ako high school,” medyo inis na tugon nito.
“Ah gano‟n ba? Graduate ka na nga pala,” dagdag asar pa ni Leon.
Kinagat ni Remz ang kanyang balikat at napaaray ito ng may kalakasan.
Napatingin sa kanilang kinauupuan ang ilan sa mga nanonood at nagkunwari na
lang si Leon na hindi niya napapansin ang mga ito.
“Buti nga sa iyo!”
“Lagot ka sa akin mamaya.”
Matapos ang palabas ay diretso sa kainan ang dalawa. Hangang-hanga si
Remz sa kanyang napanood at inuulit pa nito ang kwento kay Leon maski
pareho nilang napanood ito. Matapos kumain ay nagyaya ulit si Remz na
puntahan nila ang mga paninda sa “Night Market.”
Natanaw ni Leon ang Tea House kung saan nagtratrabaho si Leonardo at
bigla na lang kumulo ang kanyang dugo. Nagkataon pa na nabunggo ng may
kalakasan ng isang lalakeng kalbo ang kanyang balikat at parang sinadya pa ito.
Matalim niyang tinitigan ang nakabunggo sa kanya at nakipagtitigan din ito.
Kumpara sa kanya ay mas malaki ang pangangatawan nito at may dalawa rin
itong kasama na lalake. Sa kanilang asta ay nasisiguro ni Leon na ang tatlong ito
ay miyembro ng isa sa mga hindi mabilang na gang sa kanilang lungsod.
“Anong tinitingin-tingin mo!” bulyaw sa kanya ng pangas na lalake.
Mas lalong uminit ang kanyang pakiramdam at siya na mismo ang lumapit
sa bumulyaw sa kanya. Pagkalapit niya dito ay agad niya itong sinapak sa
mukha at ito ay napaatras at natumba. Sa bilis ng kanyang suntok ay hindi
nagawang umilag nito at sa ingay na nalikha ng suntok ay siguradong
napakalakas nito. Muling bumangon ang lalake ngunit halatang nahihilo pa rin.
Agad sumuporta ang dalawa nitong kasama at ang mga tao sa paligid ay umiwas
palayo sa kanila. Lalapit pa lang sana sa kanya ang isa ay inunahan na niya ito
at sinugod. Nagawa nitong sanggahin ang kanyang unang suntok subalit ang
pangalawa at pangatlo sa kaliwa at kanang kamao ay tumama sa tagiliran at
dibdib nito. Sinundan pa niya ito ng isang napakalakas na sipa sa paa at tila
nayupi ang binti ng kanyang kalaban. Mula sa likod ay narinig niya ang sigaw ni
Remz sa kanyang pangalan. Tumalikod siya kaagad at sinalag ang suntok ng
natitira pang isa sa tatlo at kasunod agad nito ang pagtuhod niya sa tagiliran ng
lalake. Napabaluktot ito sa lakas ng pagkakatuhod ni Leon at di pa nakuntento ay
hinatak niya ito ng malakas at isinubsob sa kalsada. Muli niyang nilingon ang
nakabunggo sa kanya at napansin niya na dumudugo na ang bunganga nito.
Lalapitan na sana niya ito upang tuluyan na pabagsakin subalit biglang may
humatak sa kanya pabalik.
“Tama na Leon,” pakiusap ni Remz.
Hindi na rin sumugod ang kanyang kalaban tumakbo na ito na hindi man
lang tinulungan ang kanyang dalawang kasamahan na nadamay dahil sa
kanyang panghahamon. Minasdan ni Remz ang mga mata ni Leon at tila nag-
aapoy ang mga ito sa galit. Mas hinigpitan niya ang pagkakahawak sa kanang
bisig ni Leon at muling nakiusap na tumigil na ito.
“Pasensya na hindi ko napigilan ang sarili ko.”
“Leon ayos ka lang?”
“Ayos lang ako hindi ako natamaan ng maski ano.”
Puno ng pag-aalala ang mga mata ni Remz. Ngayon lang niya nakita si
Leon na nakipag-away at ang mga mata nito kanina ay mata ng taong punong-
puno ng galit. Pakiramdam niya ay hindi si Leon ang kanyang nasaksihan kanina
dahil madalas kung sila ay magkasama ay masiyahin naman ito at lagi siyang
pinapatawa. Hindi rin niya inakala na magagawa ni Leon ang makipag-away lalo
na sa sitwasyong tatlo laban sa isa. Dito niya napag-isip-isip na di pa niya lubos
na kilala ang kanyang bagong nobyo.
“Uwi na ba tayo?” tanong ni Remz.
“Akala ko ba gusto mong tignan ang mga paninda?”
“Pero…”
“Sige na. Kalimutan mo na ang nangyari nabigla lang ako kaya gano‟n,”
sabay ngiti nito kay Remz.
Napanatag naman ang dalaga at ipinagpatuloy nila ang paglibot sa mga
nagtitinda sa bangketa. Nakita nito ang isang sweatshirt at agad niya itong
nilapitan para pulutin. Pagkadampot niya dito ay may nakasabay siya na
dumampot din sa parehong kasuotan. Nagkatitigan ang dalawa at kapwa nagulat
na pareho sila ng nakita at tila minadaling damputin. Napansin ni Remz na
napatitig sa kanyang likuran ang dilag na kaagaw niya sa sweatshirt kaya
nilingon niya ang kanyang likuran at nakita si Leon.
“Leon,” sambit ng dalaga na kaagaw ni Remz.
Nagulat si Remz sa pangalang narinig at nagtaka na rin siya kung bakit
alam nito ang pangalan ng kanyang nobyo.
“Para sa kanya ba itong sweatshirt,” tanong ng dalaga kay Remz.
Tumango si Remz at ngumiti ito saka binitawan ang sweatshirt. Agad
ipinakilala ni Leon ang dalawa sa isa‟t-isa at nagbatihan ang mga ito.
Nagkangitian din sila subalit tila pilit ang pangngiti ni Kyla at kasunod pa nito ay
ang kakaibang pagtitig niya kay Leon. Hindi ininda ni Leon ang mga titig na iyon
at nagpanggap na parang walang napapansin. Hindi na nagtagal pa si Kyla sa
piling ng dalawa. Nagpaalam ito kina Leon at Remz at nagsimulang lumakad
palayo. Muli siyang lumingon sa kinaroroonan ni Leon at pinagmasdan niya ang
mga ito.
“Kaibigan mo?”
“Oo kababata ko. Parang kapatid ko na rin sa totoo lang.”
“Gano‟n ba? Eh bakit parang di kayo masaya na nagkita kayo?”
“May hindi kami pagkakaunawaan mula nang umalis si mama patungong
Amerika.”
Tumango-tango si Remz, “Ang ganda niya.”
Nanatiling nakatitig si Remz kay Leon at hinihintay ang reaksiyon nito sa
huli niyang sinabi.
“Sinabi ko na nga na parang kapatid ko siya ehh. Ano ka ba hindi ako
mahilig sa incest relationship kaya huwag ka na ngang magselos diyan.”
“Sinong nagseselos?” mapanghamon na tanong ni Remz.
“Sino pa ba kung hindi ang nagtatanong,” tugon ni Leon na may
kayabangan.
“Hmmphh…,” sabay kurot nito sa bisig ng binata at sumimangot.
Hinatak ni Leon ang balikat nito at inilapit sa kanyang sarili. Muling
nagkangitian ang dalawa at matapos bayaran ni Remz ang pinamili ay umalis na
ang mga ito at tumawid sa kalsada. Mahigpit na nakahawak si Remz sa bisig ni
Leon habang naglalakad kaya naisip ni Kyla na maaaring may relasyon na ang
mga ito. Nang mawala ang dalawa sa paningin ay umuwi na rin si Kyla.
Pagkahatid kay Remz ay diretso na sa pag-uwi si Leon. Sa kanyang silid
ay palakad-lakad ito, paparoon at paparito at halatang malalim ang iniisip. Iniisip
nito kung paano niya ulit magagantihan si Leonardo ngayong naagaw na niya si
Remz na siyang hinahabol nito. Naalala niya ang nangyari kanina nang nakipag-
away siya sa kalsada sa tatlong kalalakihan. Ang mga lalakeng iyon ay halatang
miyembro ng isang gang sa kanilang lungsod kaya may naisip si Leon na maaari
niyang gamitin para pahirapan si Leonardo at mananatiling malinis ang kanyang
mga kamay.
Kinabukasan pagkatapos ng trabaho ni Leon ay nakipagkita ito kay Jean
at sila ay sabay na kumain ng hapunan sa Mang‟s Cuisine. Pagkatapos nito ay
nagtungo ulit sila sa Faces para uminom ng beer at magkuwentuhan gaya ng
dati. Habang sila ay nagkakatuwaan ay biglang may tumawag sa cellphone ni
Leon at agad niya itong sinagot. Halatang babae ang kausap ni Leon sa tono at
laman pa lang ng kanyang mga sinasabi lalo na ang huling apat na kataga ni
Leon bago ibaba ang tawag na “I love you too.”
“Si Kyla ba iyon?” usisa ni Jean.
“Si Remz.”
“Ahh girlfriend mo na pala siya.”
“Oo.”
“Kung gano‟n paano si Kyla?”
“Huwag mo na siyang banggitin pa. Tapos na ang lahat sa pagitan namin
dalawang taon na ang nakalipas.”
Muling naalala ni Leon ang nangyari noong araw ng kanilang 3 rd year
anniversary at mababakas sa kanyang mukha ang pagkaasiwa.
Nagpaalam ang magkaibigan sa isa‟t-isa at nauna na ring umuwi si Jean
lulan ng kanyang sariling sasakyan. Habang pinapaandar ni Leon ang motorsiklo
pataas ng Session Road ay may nasilayan siya sa isang sulok. Agad niyang
namukhaan ang isa sa dalawang lalake, ito‟y walang iba kundi si Leonardo.
Inihinto niya ang kanyang sasakyan at pinagmasdan ang nangyayari. Lasing na
lasing si Leonardo at inaakay na ito ng kanyang kasama.
“ Tara pare inom pa tayo, gusto ko pang uminom,” ani Leonardo sa
tonong lasing.
“Pare mahirap na may trabaho pa tayo bukas, sa ibang araw na lang.”
“Ayos lang iyan „tol o sige para mas masaya, doon tayo sa maraming
babae.”

“Akala ko ba interasado ka lang sa iisang babae?”


Nanatiling tahimik si Leonardo sa naitanong ng kasama. Maya‟t-maya ay
bigla na lang itong bumitaw sa nakahawak sa kanya at pumagilid saka yumuko.
Alam na ni Leon kung ano ang susunod na mangyayari kaya iniwan na niya ang
lugar bago niya makita si Leonardo na sinusuka.
Habang mabilis na umaandar ang kanyang motorsiklo ay tila baliw na
napapatawa si Leon sa nasaksihan. Naisip ni Leon na maaaring naglalasing si
Leonardo dahil sa nalaman nito na ipinagpalit na siya ni Remz. Gusto pa ni Leon
na makita si Leonardo na mas nahihirapan ang nakita niya kanina ay bahagi pa
lang ng mga mangyayari sa buhay ni Leonardo oras na simulan na niya ang
katuloy ng kanyang mga plano sa pagsasakatuparan ng kanyang paghihiganti.
Kalagitnaan na ng buwan ng hunyo kaya malapit na naman ang araw ng
sahuran. Tatlong araw na ang nakalipas mula nang makita ni Kyla sina Remz at
Leon na masayang magkasama. Hindi niya madala ang kanyang sarili upang
tanungin kung may namamagitan na sa dalawa. Natatakot siya na malaman na
tama ang kanyang kutob at kasabay nito ay ang pakiramdam na kailangan niya
rin na malaman kung tama nga siya. Sa ngayon ay hindi niya alam kung ano ang
dapat niyang gawin. Mag-iikawalo na ng gabi ng matapos ang pagpupulong na
kinailangang puntahan ni Kyla. Dahil sa ramdam na niya ang kanyang gutom ay
nagpasya na lang siya na kumain sa isang restaurant. Nagkataon na ang
pinasukan niyang restaurant ay naroroon din si Jean na kasalukuyang umoorder
pa lang ng kakainin. Tinawag siya nito at sinenyasan na makiupo na lang sa
kanya. Hindi tumanggi si Kyla at lumapit kay Jean at nakiupo at magkasunod
silang umorder sa waitress ng kanilang kakainin.
Nagkamustahan ang dalawa at nagkausap muna habang hinihintay na
maluto ang kanilang inorder. Nagpaalam muna si Jean para mag C.R. at
maghugas na rin ng kamay. Habang pabalik ito ay napansin niya si Kyla na
nilalaro-laro ang kanyang kuwintas at malungkot ang ekspresyon na ipinapakita
nito. Muling umupo si Jean at tila nagulat si Kyla sa kanya.
“Ayos ka lang ba?” may pag-aalalang tanong ng binata.
Ngumiti si Kyla at tumugon, “Naaalala ko lang si Tita Diane.”
Tumango-tango si Jean at sinimulang timplahin ang kape na unang dinala
ng waitress.
“Magkaibigan ang mga magulang namin ni Leon, ang mga tatay namin ay
mag bestfriends mula pa nang sila ay nasa high school. Bata pa lang kami ni
Leon ay nagkakilala na kami kaya marami akong nalalaman tungkol sa kanya at
gano‟n din siya sa akin. Kung may gusto kang tanungin tungkol sa kanya marami
akong nalalaman. Siya naman ang problema mo at hindi si Tita Diane hindi ba?”
“Halata ba?”
“Tuwing iniisip mo si Leon nilalaro mo ang kuwintas na iyan,” paliwanag ni
Jean habang nakatitig sa kuwintas ni Kyla.
“Gano‟n ba?”
Binitawan ni Kyla ang kanyang kuwintas at sinimulang kainin ang
kararating na inorder. Maraming gustong tanungin si Kyla kay Jean subalit hindi
niya alam kung saan magsisimula samantalang si Jean ay hindi alam kung
paano sisimulan ang gustong sabihin kay Kyla. Hanggang sa nakaisip na rin ito
ng maaaring magsimula ng kanilang usapan tungkol kay Leon.
“Kyla may napansin ka bang kakaiba kay Leon?”
“Kakaiba?”
“Napansin ko lang kasi mahilig siyang ngumisi nitong mga araw na para
bang may mga naaalala siya na mga bagay-bagay. Pero ang mga ngisi niya ay
hindi pangkaraniwan parang nakakatakot kaya naguguluhan ako.”
“Minsan nakikita ko siya na napakalalim ng iniisip at nakakatakot ang
ekspresyon niya tapos kapag tinatawag ko siya hindi siya sumasagot. Hindi niya
iyon ginagawa dati at isa pa parang madali siyang mairita nitong mga araw.”
“Sabi na nga ba may kinalaman ito noong araw na iyon.”
“Anong ibig mong sabihin?”
Isinalaysay ni Jean ang nangyari sa harap ng Metro Bank Magsaysay
Branch sa pagitan ni Leon at isang lalake ilang buwan na ang nakalipas.
“Noong araw na iyon ko lang nakita si Leon na grabe ang galit na para
bang kulang na lang ay patayin niya iyong lalake.”
“Ibig mo bang sabihin nagsimulang mag-iba ang mga kilos ni Leon mula
nang araw na iyon?”
“Gano‟n na nga. Hindi ko pa rin maintindihan maigi pero maaaring may
kinalaman kay Remz.”
“Remz?”
Ikinuwento ni Leon ang tungkol sa may kalumaang cellphone na kanilang
napulot noon at ipinaliwanag kay Kyla kung paano nagkakilala si Leon at Remz
subalit hindi niya alam ang buong detalye. Ang alam lang ni Jean ay doon
nagsimula ang pagkakaibigan nina Leon at Remz.
“May boyfriend si Remz?” laking gulat na pagtatanong ni Kyla.
“Oo boyfriend niya iyong ginulpi ni Leon sa harap ng bangko pero
hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala na nagawa niya iyon para kay
Remz na hindi man lang niya personal na kakilala noong araw na iyon.”
Mas lalong napaisip si Kyla sa kakaibang ginawa ni Leon na
pambubugbog ni Leon sa isang lalake na nagloko sa kanyang nobya. Maaaring
nagawa ni Leon ito dahil sa kinaiinisan niya ang mga nagloloko sa kanilang
karelasyon ngunit sa puntong halos patayin niya ang boyfriend ni Remz ay
siguradong may mas malalim na dahilan.
“Jean alam mo ba ang pangalan ng boyfriend ni Remz?”
“Leonardo kung hindi ako nagkakamali.”
Muli na namang ikinagulat ni Kyla ang pangalan na nabanggit ni Jean.
Naalala niya ang dating nobyo ng ate ni Leon na si Sophia at sigurado siya na
ang Leonardo na ginulpi ni Leon sa harap ng Metro Bank ay walang iba kundi
ang dating kasintahan ng kanilang ate. At ang pangugulpi ni Leon na halos
patayin ito ay patunay lamang na may malalim siyang galit dito kaya walang
kaduda-duda na iisang tao lang ang ginulpi ni Leon at ang dating nobyo ng
yumaong si Sophia.
“Kyla ayos ka lang ba?”
“Huh? C.R. muna ako pwede?”
Pumunta sa C.R. si Kyla at habang hinuhugasan niya ang kanyang kamay
ay naalala niya ang ilan sa mga pangyayari nang mamatay si Sophia. Naalala
niya si Leon na ayaw lumabas sa kanyang silid, ang kanyang Tita Diane na
sobrang naging napakalungkot sa nangyari, ang araw ng burol ni Sophia at ang
pananatili ni Leon sa harap ng puntod maski malakas na ang patak ng ulan
hanggang sa dinalhan niya ito ng payong. Ang huli niyang naalala ay ang
kanyang nagawa na pakikipaghalikan sa isang lalake sa araw ng kanilang
ikatlong taon bilang magkasintahan at hindi niya alam na naroon pala si Leon.
“Excuse me miss, tapos ka na ba maghugas?” tanong ng isang babae
mula sa kanyang likuran.
“Ayy sorry,” ani Kyla at lumabas siya ng C.R.
Inubos ng dalawa ang kanilang kinakain at inihatid na rin ni Jean si Kyla
pauwi gamit ang kanyang kotse.
“Sige Jean salamat ha at salamat na rin sa ibinalita mo,” sabay ngiti nito
kay Jean.
“Ayos lang iyon. Kung may kailangan ka at may maitutulong ako magsabi
ka lang.”
Bumaba si Kyla sa sasakyan at muling nagpasalamat kay Jean at
nagpaalam. Ibinuwelta ni Jean ang kotse at agad ding umalis. Pumasok si Kyla
sa kanilang bahay at agad nagbihis. Sa mga sumunod na araw ay pinag-iisipan
pa rin ni Kyla kung ano talaga ang motibo ni Leon subalit hindi niya masiguro
kung ginagamit lang ni Leon si Remz bilang bahagi ng paghihiganti nito kay
Leonardo.
Araw ng linggo at muling bumisita si Kyla sa bahay nila Leon para
maglinis gaya ng ipinangako niya sa kanyang Tita Diane. Kung minsan ay
nagluluto na rin siya ng hapunan para kay Leon. Patapos na siyang maglinis
nang lumabas si Leon galing ng kanyang silid na may dala-dalang travelling bag.
“Bibiyahe ka ba?”
“Mga ipapalaba ko lang ito na mga damit diyan sa laundry shop.”
“Laundry shop? Gusto mo ako na lang maglalaba niyan?” alok ni Kyla.
“Huwag na, sapat na ang paglilinis abuso na kung pati paglalaba ng
damit,” tanggi ni Leon.
“Hindi naman gano‟n kahirap ehh. May washing machine naman at
spinner at mahirap na kung kalawangin sila,” pagpupumilit ni Kyla.
“Napakarami nito kaya huwag na lang baka mapagod ka masyado.”
“O sige bayaran mo na lang ako kesa masayang pera mo sa laundry
shop. Mahal ang bayad doon hindi ba?”
Napahinto si Leon at napalingon kay Kyla. Naisip din niya na wala ring
pinagkaiba kung ipapalaba niya ang kanyang mga damit sa laundry shop o kay
Kyla. Kung babayaran niya si Kyla ay para na rin itong pagpapalaba sa laundry
shop at hindi libre na siya niyang iniiwasan kanina dahil nakakahiya sa dalaga.
“Huwag kang mag-alala hindi ako mahal maningil.”
Hindi na tumanggi pa si Leon sa alok ng makulit na dalaga kaya ibinigay
niya dito ang dala-dala niyang travelling bag na puno ng kanyang mga nagamit
na damit.
“Dapat siguradong malinis ha.”
“Yes sir!” at may kasama pang pagsaludo sa kanya.
Habang nilalabhan ni Kyla ang mga damit ay nanonood si Leon ng mga
palabas sa telebisyon. Napanood niya ang isang patalastas ng isang sikat na
cake sa anumang okasyon at pagkakitang-pagkakita niya sa cake ay may
naalala siya na okasyon ngayong araw. Tiningnan niya ang kalendaryo at ang
petsa ay ika-18 ng Hunyo.
Pumasok si Kyla sa loob ng bahay upang mag C.R. muna saglit at nakita
niya si Leon na may kinakausap sa telepono. Hinayaan niya muna ito at
pagkalabas niya galing ng C.R. ay nakikiusap pa rin si Leon sa telepono.
“Si Tita Diane ba?” tanong niya dito.
Umiling-iling si Leon at sinasadyang hinihinahan ang kanyang boses para
hindi marinig ni Kyla. Naisip ng dalaga na maaaring si Remz ang nasa kabilang
linya kaya mahina ang pagsasalita ni Leon. Matapos ang tawag ay lumabas si
Leon para tulungan si Kyla na matapos sa paglalaba.
“Leon nagustuhan ba ni Remz iyong regalo mo galing ng Manila?”
“Siguro. Bakit mo naman naitanong?”
“Wala lang. Kung gano‟n kalaki ang stuffed toy na ireregalo mo tiyak
magugustuhan ng sino mang babae.”
Natapos na rin nila sa wakas ang paglalaba at iniayos nila sa dati ang
mga makinang ginamit.
“Bale kalahati na lang ang bayad dahil tumulong ako.”
“Huh? Ang sama, tumulong ka lang no‟ng patapos na ako,” angal ni Kyla.
“Di ba hindi sa kung gaano karami ang nagawa ng isa ang basehan
pagdating sa hatian?”
“Mali! Pagmamaramot lang iyan.”
Nagkatawanan ang dalawa ngunit bigla na lang huminto si Leon na
parang may naalala. Nauna na siyang pumasok ng bahay at si Kyla ay dahan-
dahan na sumunod at naaalala rin ang ilan sa mga pagsasama nila ni Leon noon
na kung saan masaya silang nagtatawanan. Gano‟n pa man masaya pa rin siya
sa nangyari dahil ngayon lang ulit niya nakita si Leon na tumawa ng gaya kanina.
“Mauna ka ng maligo sunod na lang ako,” ani Leon.
Pagkatapos maligo ng dalaga ay agad din naligo si Leon. Habang
hinihintay na matapos si Leon ay iniisip ni Kyla kung paano niya sisimulang
tanungin kay Leon ang tungkol sa naibalita sa kanya ni Jean. Maaari kasing
ikagalit ito ni Leon at ayaw niyang mangyari iyon. Hangga‟t maaari ay iniiwasan
niya na magalit sa kanya ang binata lalo na at wala na ang kanyang malakas na
kakampi, ang kanyang Tita Diane.
Pagkatapos maligo ni Leon ay nagbihis ito ng damit pamasyal saka
pumunta ng sala kung saan nanonood si Kyla ng mga palabas sa telebisyon.
“Kyla tara na.”
“Saan?” nagtatakang tanong ng dalaga.
“Kain sa labas siyempre.”
“Libre mo?”
“Bakit gusto mo ikaw maglibre?”
“Hindi.”
“Tara na,” muling yaya ni Leon.
Napakasaya ni Kyla na sumunod kay Leon. Ngayon lang ulit sila lalabas
na magkasama mula nang araw na umalis ang ina nito. Naisipan na lang niya na
ipagpaliban na lang muna sa iban araw ang pakay niya ngayong araw dahil
makakasira lang ito sa di niya inaasahang magandang pangyayari. Gamit ang
motorsiklo ni Leon ay nagtungo sila sa SM Department Store. Pagkapasok nila
sa loob dumiretso sila sa kung saan naroroon ang mga panindang damit.
“May bibilhin ka ba dito?” tanong ni Kyla.
“Regalo para sa babae,” sagot ni Leon.
Nag-iba ang masiyahing mukha ni Kyla at agad itong napansin ni Leon.
Wala ng ibang maisip pa si Kyla na babaeng reregaluhan ni Leon kundi si Remz.
Napatanong tuloy siya sa kanyang sarili kung bakit pa siya isinama ng binata
kung ganito rin lang ang gagawin.
“Regalo para kay Remz ba?” sabay titig ni Kyla sa mga mata ni Leon.
Nakatitig rin sa kanya si Leon at tila nagtataka sa kanyang naitanong.
Hindi maipaliwanag ang mga titig na iyon at ang mas nakapagtataka pa ay ang
sumunod na sinabi ni Leon. “Ayos ka lang ba?”
Para kay Kyla ay nang-iinis si Leon, tatanungin pa siya ng gano‟n
matapos siyang isama para bumili ng ireregalo sa ibang babae. Sa kanyang inis
ay nakaisip siya ng isang plano bilang ganti kay Leon. “Sige tulungan na lang
kitang maghanap,” pagboboluntaryo ni Kyla. Sinimulan nito na libutin ang
department store at sinuri ang mga paninda. Si Leon ay marahan na sumusunod
sa dalaga at halata niyang naiinis ito habang naghahanap ng pwedeng iregalo sa
babae. Naguguluhan ngayon ang binata sa ikinikilos ni Kyla. “Leon alam mo ba
kung ano ang pinakagusto ni Remz?” tanong nito na halatang naiinis.
“Basta mamili ka na lang ng gusto mo.”
“Pero baka iba ang mga hilig niya sa hilig ko.”
“Ayos lang walang pinagkaiba, hindi ako marunong mamili kaya piliin mo
ang gusto mo.”
Pinagpatuloy ni Kyla ang pagpili samantalang si Leon ay may kinakausap
sa kanyang cellphone. Napansin ito ni Kyla at mas lalo itong nainis kaya hindi na
siya nagdalawang isip na ituloy ang balak. Pipiliin niya ang pinakabaduy na damit
para sa isang babae na tiyak niya na hindi magugustuhan ni Remz. Nakita niya
ang isang blouse at di pa nakuntento ay hinanapan pa siya ng pantalon na tiyak
niya na magiging napakabaduy kung ipapares sa unang pinili. Nang balikan niya
si Leon ay wala na ito sa dating kinatatayuan. Hinanap niya ito at nakita niya na
palapit na ito sa kanya galing sa entrance.
“Pasensya na may nakita lang ako na kakilala ko at kinausap ko saglit,”
paliwanag ni Leon.
Tiningnan ni Leon ang mga pinili ni Kyla, hindi man siya gaanong
marunong mamili ng damit pambabae ngunit halata sa kanyang reaksyon ang
pagtataka sa mga hawak ngayon ng dalaga. “Kyla wala ka bang nakakalimutan
ngayong araw?” may pagtatakang tanong ni Leon.
Napakunot ng noo si Kyla at hindi maintindihan kung ano ang nais
ipahiwatigng kasama. Napangisi lang ang binata at niyaya siya na magtungo sa
counter upang bayaran ang pinili ng dalaga. Pati ang kahera ay halatang
naiibahan sa mga damit na napili. “P1,785.00 po lahat sir,” singil nito.
Nagulat si Leon sa presyo at napatingin kay Kyla. Nakonsensya pa rin
maski papaano ang dalaga sa laki ng babayaran ni Leon dahil sa kanyang
pagkainis pero binayaran pa rin ni Leon ang nasabing halaga at sabay silang
nagtungo sa gift wrap area para ipabalot ang mga damit. May kahabaan ang pila
kaya natagalan sila sa pagpapabalot. Hindi man kaaya-aya para kay Kyla ang
kanyang mga pinili subalit naiinggit pa rin siya na ang mga ito ay pupunta kay
Remz. Naalala nito ang nasabi noon ng ina ni Leon na hindi marunong mamili si
Leon ng mga damit pambabae at medyo napangiti siya dahil parang hindi man
lang naibahan si Leon sa kanyang mga napili.
May kadiliman na ang kalangitan pagkalabas nila ng SM. Pagkalabas nila
ng parking area sakay ng motorsiklo ay inihinto muna ito ni Leon sa gilid ng
kalsada.
“Kyla gabi na pero gusto mo ba sumama at kumain sa bahay?”
“Akala ko sa labas tayo kakain? Wala ka na bang pera?” medyo
nakokonsensyang tanong ng dalaga.
“Hindi sa gano‟n, may naalala lang ako na inilagay ko sa refrigerator baka
mapanis bukas sayang naman,” paliwanag ni Leon.
Pumayag si Kyla sa alok ng binata at nagtungo sila papuntang bahay nila
Leon. Nadatnan nila ang gate na hindi nakakandado at doon pa lang ay nagtaka
na si Kyla dahil sigurado siya na isinara ito ni Leon kanina gamit ang padlock.
Bumaba ang dalawa at iniwan muna ang motorsiklo sa labas ng gate at dahan-
dahan na pumasok.
“Leon.”
“Bakit?”
“Di ba nakapadlock ang gate na iniwan natin?” paninigurado ni Kyla.
Narating ni Leon ang harapan ng pinto at dahan-dahan ulit niyang
hinawakan iniikot ang doorknob. Paunti-unti niya itong iniikot at bukas ito.
“Leon,” natatakot na sambit ni Kyla sa kanyang pangalan.
“Magnanakaw siguro,” ani Leon subalit kalmado pa rin siya.
Mas lalong kinabaan si Kyla sa sitwasyon at mas nanginig pa ito nang
may marinig siyang ingay na nagmula sa loob ng bahay. Tahimik na binuksan ni
Leon ang pinto at tila siya mismo ang magnanakaw na pumasok ng sobrang
marahan.
“Leon saan ka pupunta?” pabulong na tanong ni Kyla.
“Hulihin iyong magnanakaw siyempre. Halika na tulungan mo ako.”
“Ayaw ko natatakot ako,” tanggi ng dalaga.
Itinuloy ni Leon ang pagsulong papasok ng bahay at sa kusina ang
kanyang tungo. Hindi alam ni Kyla kung ano ang dapat niyang gawin, ngayon
lang siya nakaranas ng ganito kaya medyo nalilito siya kung ano ang dapat
niyang gawin at isa pa ay pinangungunahan siya ng takot.
“Leon mag-iingat ka.”
“Shhhhh… wag ka maingay,” pabigkas sa bibig na utos ni Leon para hindi
sila marinig ng nanghimasok sa kanilang bahay.
Nawala sa dilim si Leon at mas lalong kinakabahan si Kyla. Naisipan nito
na tumawag ng pulis subalit hindi naman niya alam ang numero ng istasyon kaya
hindi nakatulong ang naisip niyang ideya. Sumunod niyang naisipan na humingi
ng saklolo sa mga kapit-bahay subalit hahakbang pa lang sana siya paatras ay
nakarinig siya ng malakas na ingay na likha ng mga kaldero na nalaglag sa
sahig. Kasunod ng kumalembang na kaldero ay ang malakas na pagsigaw ng
isang lalake. Hindi masiguro ni Kyla kung si Leon ang sumigaw pero hindi na
niya napigilan ang kanyang sarili na pumasok at magtungo sa pinagmulan ng
ingay habang naluluha na isinisigaw ang pangalan ni Leon.
Pagkatapak na pagkatapak niya sa kusina ay biglang bumukas ang ilaw at
ang una niyang napansin ay ang hapag kainan. Nakahanda dito ang masasarap
na pagkain, spaghetti, cake, dalawang buo na litsong manok, kanin at isang
galon ng ice cream. Habang nagtataka sa mga pagkain ay may yumakap sa
kanya mula sa likuran at ikinagulat niya ito.
“Natakot ka ba ate?” tinig ng isang babae.
Nilingon ito ni Kyla, “Reina nandito ka?”
“Siyempre inimbita ako ni Kuya Leon.”
Sa kanyang bandang kaliwa ay papalapit na si Leon at hawak-hawak ang
pinamili nilang regalo kanina. Pagkalapit niya kay Kyla ay iniabot niya ang regalo
at ngayon lang naalala ng dalaga na kaarawan niya ngayong araw na ito.
“Ngayon lang yata ako nakakilala ng tao na nakakalimutan ang sariling
kaarawan,” ani Leon.
Tinanggap ni Kyla ang regalo na iniaabot sa kanya ng binata at hindi niya
mapigilang mapaluha sa tuwa. Hindi niya inakalang ang lahat pala ngayong araw
ay para sa kanya.
“Oh ate bakit umiiyak ka na? Natakot ka ba masyado?”
Umiiling-iling si Kyla at pinawi ang kanyang mga luha gamit ang kanyang
mga daliri. Nakangiti ito na nagpasalamat sa paghahanda ni Leon at Reina para
sa kanyang kaarawan. Parang panaginip na personal na maghanda si Leon para
sa kanyang kaarawan kaya labis niya itong ikinatuwa. Nagkayayaan ang tatlo na
simulan ang kainan subalit bago ang lahat ay sinindihan muna ni Reina ang
isang malaking kandila at kinantahan nilang dalawa ni Leon ng isang maligayang
bati para sa kaarawan si Kyla.
“Oh ate wish na tapos hipan mo ung kandila.”
Ipinikit ni Kyla ang kanyang mga mata at inabot ng ilang segundo ang
kanyang paghihiling. Pagkadilat niya ng kanyang mga mata ay malakas niyang
hinihipan ang ang dalawampu‟t tatlong maliliit na kandila at agad namatay ang
mga apoy nito.
“Yeheeey, congratulations ate 23 years old ka na,” masiyahing wika ni
Reina sabay yakap sa ate.
“Salamat talaga sa inyong dalawa,” napakasayang pagpapasalamat nito.
Nagkatitigan si Leon at Kyla at ngayon lang ulit nangyari na pareho silang
nakangiti sa isa‟t-isa. Lumapit si Kyla sa binata at yumakap kay Leon saka
buong-pusong nagpasalamat.
Niyakap din ni Leon ang dalaga at binati, “Happy 23rd Birthday Kyla.”
“Thank you,” napakasayang tugon ng dalaga.
“Ehem, ehem… naiinggit na ako kaya pwede na ba tayong kumain,”
pabiro ni Reina sa dalawa.
Nagkabitawan ang mga ito at naupo si Kyla sa tabi ng kanyang kapatid.
Nagpaalam muna saglit si Leon para ipasok ang iniwan niyang motorsiklo sa
labas ng gate. Habang nasa labas si Leon ay ipinaliwanag ni Reina ang plano
nila ni Leon na ginawa lang nila kanina nang tawagan siya nito sa telepono.
Lahat ng pagkain sa hapag ay inorder lang mula sa labas dahil sa kulang ang
oras para sa preparasyon. Iniabot na rin ni Reina ang kanyang regalo para sa
pinakamamahal niyang ate at napakasaya na tinanggap ito ng selebrante.
“Ate nakalimutan mo ba talaga na kaarawan mo ngayon?”
“Oo nga eh June 18 na pala. Muntik na akong tumanda na hindi ko
namalayan,” natatawang sagot ni Kyla.
Matapos ang kaunting minuto ay bumalik na si Leon at may kasama na
siyang pumasok ng bahay at patago-tago pa ito sa kanyang likuran habang
sumasabay sa mga hakbang ng binata. Nagtaka ang magkapatid at pilit sinisilip
ang nasa likuran ni Leon para alamin kung sino ito. Nang makalapit ito sa kanila
ay biglang lumundag pakanan. Naka letrang Y ang mga kamay nito at hawak
niya sa isa niyang kamay ang isang regalo.
“Surprise!!”
“Jean,” sambit ni Kyla.
Lumapit ito sa dalaga at iniabot ang kanyang regalo sabay binati rin niya
ito ng isang maligayang kaarawan. Malugod na tinanggap ni Kyla ang bigay ni
Jean at masayang nagpasalamat. Sumunod na rin na pumasok si June at binati
rin ang selebrante. Umupo silang lahat at bago kumain ay ipinakilala ni Kyla ang
kanyang kapatid sa magkapatid na June at Jean. Magsasalita pa lang sana si
June ay tinakpan agad ni Jean ang bibig nito.
“Pffff… Ano ba iyan kuya di ka pa naghuhugas mula kanina,” angal nito
dahil sumagi sa kanyang dila ang mga daliri ni Jean.
“Yaks laway. Huwag kang mag-alala June ang huling hinawakan ko lang
kanina ay nang umihi ako,” wika ni Jean at ipinunas pa sa pantalon ni June ang
laway sa kanyang daliri.
Nagkatawanan silang lahat maliban kay June sa salaysay ni Jean. Hindi
nila masiguro kung totoo nga ang kanyang sinabi pero kung totoo man ay sino
kaya ang hindi mandidiri.
“Ikaw pala ang Reina na laging ikinukwento ni Kyla,” simula ni Jean.
Napangiti si Reina at napatitig sa kanyang ate.
“Ako nga pala si Jean,” sabay abot nito sa kanyang kamay para
makipagkamayan.
Ayaw iabot ni Reina ang kanyang kamay dahil sa nabanggit ni Jean
kanina tungkol sa kung saan niya huling ginamit ang kanyang kamay. Nagtaka si
Jean kung bakit tila ayaw ng dalaga na makipagkamayan sa kanya at tumatawa
na rin si Leon at June.
“Ha ha ha! Ang aga ng karma mo kuya. Sino ba naman makikipagkamay
sa iyo kung galing ka ng C.R. at hindi ka naghugas ng kamay,” halos mahingal
sa tawa na paliwanag ni June.
Naging pawang isang estatwa si Jean at nanatiling nakatayo. Hindi niya
akalaing ang gimik niya para pangunahan si June na makipag-usap kay Reina ay
mas masama ang idudulot sa kanya. Tumayo si June at nagpakilala at siya
naman ngayon ang nag-abot ng kanyang kamay.
“Huwag ka mag-alala naghuhugas ako lagi pagkatapos gumamit ng C.R.
di gaya ng dugyot na ito,” pampalubag-loob na pahayag ni June.
Iniabot ni Reina ang kanyang kamay subalit magkakamayan pa lang sana
silang dalawa ni June ay biglang hinatak ni Jean ang kamay ng kanyang kapatid
at siya ang nakipagkamayan dito. Nabigla si June sa ginawa ng kuya at agad
hinatak ang kanyang kamay para mapabitaw si Jean subalit huli na ang lahat.
“Ha ha ha.. akala mo mauunahan mo ako ha,” diga pa nito.
Hindi mapigilan ni Leon at Kyla na mapatawa sa magkapatid. Palibhasa‟y
hindi pa rin nagbabago ang mga ito lalo na pagdating sa isang magandang
babae. Samantalang si Reina ay medyo naninibago sa dalawa sapagkat ngayon
lang siya nakasalubong ng mga ganitong lalake subalit natutuwa pa rin siya sa
kanila.
“Masanay ka na sa dalawang iyan Reina ganyan lang talaga sila,” wika ni
Kyla.
“Maghugas nga kasi kayo doon sa gripo,” utos ni Leon sa magkapatid.
Nagtungo ang dalawa sa lababo at naghugas ng kamay. Gumamit na rin
sila ng sabon at sinasadya pa nilang ipakita ang bumubula nilang mga kamay sa
tatlo na nakaupo sa harap ng hapag-kainan. Mas lalo pang natutuwa ang
magkapatid na babae sa pinaggagawa ng dalawang lalake. Habang sila ay
kumakain ay hindi rin nauubusan ng nakakatawang kuwento si Jean at June.
Silang lima ay masayang kumakain at nagkukuwentuhan.
Habang kumakain ay pasulyap-sulyap si Kyla kay Leon lalo na kung si
Leon ang nagsasalita. Sa tuwing mahuhuli ng binata ang kanyang mga
pagsulyap ay agad niyang inililihis ang kanyang mga mata ngunit nananatili
siyang nakangiti. Ang araw na ito ay sobrang napakasaya para sa kanya. May
mga ilang beses din na nagkahulihan ang kanilang mga mata na nauwi sa
pagngingitian. Pakiramdam ni Kyla ay isa itong magandang senyales para sa
kanila ni Leon. Naalala din niya ang kanyang hiniling kanina bago hinihipan ang
kandila at tila ngayon pa lamang ay nagkakaroon na ng katuparan.
Alas-diyes na ng gabi at naubusan na yata ng kwento ang mga ito. Busog
na silang lahat pero marami pa rin ang natitirang pagkain. Basta may
selebrasyon sa pamilya nila Leon ay may isang bagay na hindi nawawala
pagkatapos ng kainan. Ito‟y walang iba kundi ang espesyal na wine na laging
nasa refrigerator. Hindi pa ito nauubos ay nagpaalam na si Reina upang mauna
ng matulog dahil sa maaga pa ang klase nito bukas. Dagdag pa nito ay hirap na
siyang balansehin ang kanyang katawan. Mabilis itong nalasing kaya inalalayan
siya ng kanyang ate patungo sa kuwarto kung saan sila matutulog.
“Good night Reina sunod ako maya kaya huwag mo solohin iyong kama
ha,” biro ni Jean.
Napangiti lang ito at muling nagpaalam saka tumuloy sa dating silid ng ina
ni Leon na siya nilang gagamitin na magkapatid ngayong gabi. Nagpaalam na rin
ang magkapatid na lalake bago pa sila parehong malasing at walang
makakapagmaneho ng kotse. Nagpasalamat si Kyla kay Jean at June sa
kanilang pagdalo at siya na rin mismo ang nagbukas sa gate para makalabas
ang sasakyan. Pumasok siya ng bahay at muling kinausap si Leon.
“Leon maraming salamat ulit sa ginawa mo para sa araw na ito. Hindi pa
rin ako makapaniwala na nakalimutan ko na kaarawan ko pala ngayon,”
natatawang nasabi nito.
“Baka napakarami mong iniisip nitong mga araw kaya nakalimutan mo.”
“Siguro.”
“Matulog na rin tayo, may trabaho din tayo pareho bukas,” anyaya ni
Leon.
Naglakad si Leon paakyat ng hagdanan patungo ng kanyang silid sa
ikalawang palapag at sumunod din si Kyla. Mas malapit mula sa hagdanan ang
kuwarto ni Leon kesa sa kuwarto ng kanyang ina kaya nilagpasan siya ni Kyla.
Bubuksan pa lang ni Leon ang kanyang pinto nang marinig niya si Kyla na
binanggit ang kanyang pangalan. Hinarap niya ang dalaga at napakaseryoso ng
mga titig nito sa kanya at tila may gustong sabihin.
“Bakit?”
“Goodnight Leon,” anito na may kasama pang matatamis na ngiti.
Yumuko ng isang beses si Leon at tuluyang pumasok ng kanyang silid.
Itatanong sana ni Kyla ang tungkol sa naibalita sa kanya ni Jean ilang araw pa
lang ang nakakalipas ngunit nagdalawang-isip siya dahil baka makasira pa ito sa
magandang pangyayari ngayong araw.
Napakaaga pa lang ay nagising na si Kyla. Ipinainit niya ang mga natirang
pagkain kagabi at ginising ang kapatid para kumain. Magkasunod silang naligo at
hinayaan lang si Leon na matulog. Kailangan pa nilang umuwi sa kanilang bahay
sapagkat wala silang pamalit damit panlabas dahil pantulog lang para sa kanila
ang dinala ni Reina kahapon.
Bago sila umalis ay pumasok muna si Kyla sa silid ni Leon upang
magpaalam. Pansin niyang tulog pa ito at hindi na niya ito ginising pa. Kumuha
siya ng papel at bolpen saka nag-iwan ng isang mensahe para kay Leon. Isang
mensahe ng pagpapasalamat at pagpapaalam na mauna na silang umalis.
Iniwan niya ito sa ibabaw ng study table at lalabas na sana siya ng muli niyang
siniliayan ang natutulog na binata.
Hindi niya maiwasang obserbahan ito habang natutulog at tila siya ay
nahihigop palapit dito hanggang sa nasa tabi na siya ng nakahigang binata.
Napalunok ang dalaga at muling napatitig sa maamong mukha ni Leon habang
natutulog. Hindi na siya nagdalawang-isip pa at hinalikan niya ito sa labi.
Nagtagal ng ilang segundo ang pagdidikit ng kanilang labi at matapos ito ay
ramdam niya na namumula ang kanyang mga pisngi. “Salamat ulit Leon,
hanggang sa susunod,” anito ng pabulong. Lumabas siya ng silid at isinara ang
pinto. Lingid sa kanyang kaalaman na pagkalabas na pagkalabas niya ng silid ay
iminulat ni Leon ang kanyang mga mata. Gising pala ito mula nang pumasok si
Kyla at nagkunwari lang na natutulog.
“Masyado ba akong naging mabait sa kanya?” tanong ni Leon sa sarili.
Panahon na para kay Leon upang isagawa ang kanyang masamang balak
kay Leonardo. Nitong mga nakalipas na tatlong araw ay naghanap siya ng mga
grupo na maaari niyang gamitin para pahirapan si Leonardo. Nakasalubong niya
ang pinuno ng isang gang na kung tawagin ay “Bad Killas.” Ito ay grupo ng puro
maaangas na mga kalalakihan mula kolehiyo hanggang high school at
karamihan sa mga miyembro nito ay mga halos hindi na pumapasok sa
paaralan. Personal niyang kinausap ang pinuno ng gang na ito at inilahad sa
kanila ang kanyang mga nais ipagawa laban kay Leonardo. Hindi na niya
ipinaliwanag pa kung bakit kailangang gawin ng gang ang kanyang utos. Agad
niyang binayaran ang pinuno nito para agad isagawa ang mga nararapat na
hakbang. Nangako rin siya na dadagdagan niya ang bayad kung magugustuhan
niya ang mangyayari basta manatiling lihim ang kanyang pagkatao bilang bahagi
ng kasunduan. Ibinigay na rin ni Leon ang larawan at mga nararapat na
impormasyon ng kanilang bibiktimahin at iniwan niya ang mga ito.
Halos puno ng customers ang Tea House kung saan nagtratrabaho si
Leonardo nang may pumasok na anim na kalalakihan. Maangas ang mga porma
ng mga ito, ang isa pa sa kanila ay may nakapalibot na malaking kadena sa
kanyang leeg. Pagkapasok nila ay agad nilang hinanap ang kanilang pakay.
“Oh Leonardo kumusta? Dito ka na pala nagtratrabaho wala ka man lang
sinasabi,” biglang wika ng isa sa mga kalalakihan.
Hindi kilala ni Leonardo kung sino ang anim na kalalakihan at nagtaka
siya kung ano ang pakay ng mga ito sa kanya. Palapit na ang anim sa kanyang
kinatatayuan at nanatili siyang tahimik. Inakbayan siya ng isa sa mga ito at ang
iba ay nagkukunwaring gustong makipag-appear sa kanya.
“Aba pare ganyan na pala tayo ngayon, komo may trabaho ka na ay hindi
mo na kami nakikilala.”
Nagkataong meron ang manager ng snack house at agad itong lumapit
sa mga kalalakihan para alamin ang nangyayari.
“Leonardo mga kaibigan mo ba ang mga iyan?” tanong ng manager sa
binata.
Umiling-iling si Leonardo at iginiit na hindi niya kakilala ang mga ito subalit
hindi siya pinaniwalaan ng manager dahil alam ng mga ito ang kanyang
pangalan at pawang malapit ang mga ito sa kanya lalo na ang pang-aakbay ng
isa sa mga ito. Kung titingnan ay para talagang matagal na silang magkakakilala.
“Oh mga tol hindi raw niya tayo kilala.”
“Yabang mo ah matapos ka namin protektahan noon ngayon di mo na
kami kilala,” pahayag pa ng isa sa mga ito.
“Pakiusap lang mga ginoo marami kaming customers kaya kung pwede
lang sana sa labas na lang kayo mag-usap bago tayo makadistorbo sa iba,”
pakiusap ng manager.
“Hoy apat ang mata huwag kang makialam dito ha,” sabay tulak nito sa
may kaliitang lalaki na nakasalamin na siyang manager ng snack house.
Napaatras ito at nabundol ang nakatayong kasamahan ng lalake sa
kanyang likuran.
“Aray ko! Gusto mo yatang matuluyan ahh,” pananakot nito sabay
kinuwelyo ang manager.
Rumisponde si Leonardo at pinabitaw ang nanguwelyo sa kanilang
manager. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay nito at iniikot para bitawan ang
kinukuwelyuhan. Dahil sa kanyang ginawa ay sinapak siya ng isa sa mga ito at
halos siya ay matumba. Tumama ang suntok sa kanyang tenga at halos mahilo
at parang nabibingi siya sa lakas ng pagkakatama. Pinalibutan siya ng anim na
lalake at tig-isa-isa siyang sinapok habang minumura.
Hindi na siya nakapagtimpi at sinugod niya ang isa at itinumba sa sahig
saka sinundan ng isang suntok. Susuntukin niya sana ito ng tuloy-tuloy habang
siya ay nakapatong subalit agad siyang nasakal mula sa likod at siya ang
pinagtatadyakan hanggang sa hindi na siya makalaban. Ang ilan sa mga
customers ay nagsialisan na rin bago pa sila madamay sa gulo. Ngayong gulpi
na si Leonardo ay mabilis na tumakbo palayo ang anim na kalalakihan at nag-
iwan pa ito ng banta kay Leonardo. Ang banta na iyon ay nagsasaad na
malalagot si Leonardo sa kanilang pinuno dahil sa pagtratraydor nito sa kanila.
Siyempre ang lahat ay walang katotohanan dahil ang lahat ay naaayon lang sa
mga plano ni Leon.
Isa sa mga katrabaho ni Leonardo ang nagprisinta na lunasan ang
kanyang mga sugat lalo na ang pagdurugo ng kanyang ilong. Pagkatapos ay
ipinatawag siya ng namamahala sa snack house. Tinanong kung ano ang
nangyari at nagpaliwanag ang binata. Iginiit pa rin niya na hindi niya kakilala ang
mga kalalakihan kanina subalit hindi siya pinaniwalaan. Pinayuan siya na
magsulat na ng kanyang resignation letter kaysa siya ay pwersahang tanggalin.
Pinilit niya na muling magpaliwanag subalit ayaw na siyang panatilihin pa sa Tea
House dahil maaaring mangyari ulit ang nangyari kanina.
Wala ng nagawa pa ang nabiktimang binata kundi sumunod sa utos ng
tagapamahala. Ibinigay ang kanyang kinitang sahod ng buo at ngayon ay pwede
na siyang umalis. Nanghihinayang ito nang iwanan niya ang Tea House, madali
lang para sa kanya ang trabaho dito at maganda rin ang sahod kumpara sa iba.
Pero wala na siyang magagawa pa at kailangan niya na maghanap ng ibang
mapapasukan. Iniisip niya kung sino ang anim kanina subalit wala siyang
mamukhaan ni isa sa mga ito. Kung pinagkamalan lang siya ay paano kaya alam
ng mga ito ang kanyang pangalan. Hinayaan na lang niya ang nangyari at umuwi
na muna para makapagpahinga dahil nananakit pa rin ang kanyang buong
katawan dala ng pagkakagulpi kanina.
Rest day ulit ni Remz kaya muli silang magkasama ni Leon. Hindi sila
makapamasyal ng maayos dahil sa ulan kaya nagmungkahi ang dalaga na sa
bahay na lang nila Leon ang susunod nilang pupuntahan para doon
mananghalian. Hindi tumanggi ang binata dahil mag-iisang buwan na ang
kanilang pagiging magkasintahan subalit hindi pa nabibisita ni Remz ang
kanilang bahay.
Sinamantala nila na humina ang ulan saka nagmadali na nagtungo sa
bahay nila Leon. Pagkadating nila ay bukas ang gate kaya sigurado na nasa loob
ng bahay si Kyla. Ipinagpawalang bahala ito ni Leon at niyaya pa rin ang nobya
sa loob. Pagkabukas ng binata sa pinto ay una nilang nakita si Kyla na naglilinis
ng sahig. Napalingon ito sa kanilang dalawa at si Remz ay nakatitig lang kay
Kyla. Nginitian ni Kyla si Remz at dahil hindi niya inaasahan ang pagngiti na iyon
ay medyo kakaiba ang pagngiti niya pabalik.
“Upo na lang muna kayo diyan sa sofa habang naluluto iyong kanin,” ani
Kyla.
Nanood muna ng lokal na programang pananghalian ang dalawa habang
si Kyla ay abala sa kusina. Habang inihahanda niya ang pananghalian ay naalala
niya ang naibahagi sa kanya ni Jean. Hindi pa rin niya alam kung paano ito
tatanungin kay Leon lalo na at narito sa bahay na kanilang kinaroroonan si Remz
na siyang damay sa mga balak ng binata. Isinantabi niya muna ang
bumabagabag sa kanya at tinawag ang dalawa para kumain.
“Pasensya na Remz natagalan ako sa pagluluto,” pagpapaumanhin ni
Kyla sa bisita.
“Huh? Ako nga dapat magpaumanhin nakaabala pa ako sa iyo.”
“Ayos lang iyon, isa o dalawang beses sa isang linggo pumupunta ako
dito para maglinis at minsan magluto. Hindi kasi marunong si Leon sa gawaing
bahay kaya pinakiusapan ako ni tita na gawin ang mga ito,” paliwanag ni Kyla.
“Malaki tong bahay hindi ka nahihirapan?”
“Nasanay na ako kaya ayos lang sa akin.”
Napanatag ang kalooban ni Remz na ang turingan ng dalawa ay bilang
magkapatid lamang. Nagawa na nitong makipagngitihan ng maaayos at
magsalita ng tuwid.
“Pwede na ba tayo kumain?” singit ni Leon.
Sinimulan ng tatlo ang kumain at patuloy ang pag-uusap ni Kyla at Remz
tungkol sa paglilinis ng bahay, pagluluto at ang katamaran ni Leon.
“Hoy narito lang ako sa harapan ninyo tama ba na pag-usapan niyo ako,”
angal ni Leon.
Binalewala ni Remz ang sinabi ni Leon at patuloy pa rin itong nagtatanong
kay Kyla tungkol sa mga ginagawa ni Leon sa bahay. Hindi sinagot ni Kyla ng
maayos ang mga tanong dahil ayaw niyang idiin si Leon sa bago nitong kaibigan.
Pinuri rin ni Remz ang niluto ni Kyla at nakiusap pa ito na ituro sa kanya ang
recipe sa susunod niyang pagdalaw. Pinagpatuloy nila ang kumain at habang
kumakain ay naglambing-lambing si Remz kay Leon. Nabigla si Kyla sa nakikita
sa kanyang harapan at nabitawan nito ang kanyang tinitimplang kape at nabuhos
ito sa mesa at mula sa mesa ay nagsipatakan ito sa kanyang hita. Agad itong
napatayo na tumitili dahil sa pagkapaso at nabigla ang dalawa kung ano ang
nangyari. Napansin ni Remz ang tasa na nakatagilid sa ibabaw ng mesa kaya
natiyak niya na napaso ito.
“Kyla sa banyo bilis,” alalang mungkahi ni Remz.
Tumuloy ng banyo ang dalaga at inasikaso ang napasong hita. Susunod
sana si Remz para tulungan ito subalit isinarado niya mula sa loob ang pinto at
iwinika pa na ayos lang siya at hindi na niya kailangan ng tulong. Hindi na
nagpumilit pa si Remz at muling umupo sa hapag-kainan at ipinagpatuloy
kumain.
“Ayos lang kaya talaga siya?” pag-aalala ni Remz.
“Ganyan lang talaga siya kaya ang tawag namin sa kanya ni mama eh
Miss Clumsy, lagi kasing nadidisgrasya.”
Ilang minuto na rin ang lumipas at hindi pa rin lumalabas ng banyo si Kyla.
Naisip ni Leon na maaaring sinasadya ni Kyla ang pananatili sa loob ng banyo
dahil sa nasaksihan niya na paglalambing ni Remz kanina. Samantalang si
Remz ay inosente pa sa ngayon sa talagang nangyayari.
Sa loob ng banyo ay nanatiling nag-iisip si Kyla. Tapos na niyang
asikasuhin ang napaso niyang hita at kanina pa sana siya lumabas subalit
medyo naluluha na siya kaya pinapatahan muna niya ang kanyang sarili. Batid
niya na walang kaalam-alam si Remz tungkol sa nakaraan nila ni Leon kaya
sigurado siya na hindi nito sinasadya ang nangyari. Mula sa kabila ng pinto ay
narinig niya ang tatlong sunud-sunod na pagkatok at siya ay napatigil sa pag-
iisip.
“Kyla ayos ka lang,” paniniguro ni Remz mula sa labas ng pinto.
Inayos ni Kyla ang sarili at binuksan ang pinto. Nakanigiti itong lumabas at
nagpaumanhin kay Remz sa pag-aalala ito. Sabay sila na bumalik ng hapag-
kainan at ipinagpatuloy kumain. Tapos ng kumain ang dalawa at iniinom na nila
ang kanilang kape. Habang inoobserbahan ang dalawa ay pumasok sa isipan ni
Kyla na maaaring magkasintahan na ang mga ito. Masaya ang mga ito na
nagngingitian at may pakili-kiliti pa si Remz kay Leon sa tuwing hihigop ito sa
kanyang tasa. Muling pumasok sa isipan ni Kyla ang maaaring balak na
paghihiganti ni Leon na hindi pa rin niya nakukumpirma hanggang ngayon.
“Remz mag-ingat ka sa iniinom mong kape baka mapaso ka rin tulad ko,”
sabi nito pagkatapos ang biglaang pagtayo.
Nang lingunin ni Remz ang nagsalita ay kay Leon ang titig nito. Ang mga
pagtitig na iyon ay kakaiba para sa kanya at hindi maipaliwanag kung galit o
nalulungkot. Nabigla rin si Leon na may ibang nais ipahiwatig si Kyla sa huli
nitong sinabi kaya nanatili silang nagtitigan. Napuna ni Remz ang kakaibang
tensyon sa pagitan ng inaakala niya na magkababata subalit hindi niya alam
kung ano ang nararapat niyang gawin.
“Ayos lang ba kayo?” tanong nito sa dalawa.
Inilihis ni Kyla ang kanyang mga titig kay Leon at ibinaling ito kay Remz.
Ngayon ay nakangiti na ito sa kanya subalit pakiramdam ni Remz ay kakaiba ang
pagngiti na iyon at parang pilit.
“Remz mauna na ako may kailangang pa kasi akong gawin at baka
lumakas ulit ang ulan mamaya,” pagpapalusot ni Kyla para lisanin na ang bahay.
Kinuha nito ang kanyang handbag at diretsong lumabas ng pinto na hindi man
lang nagsabi ng maski ano kay Leon. Hindi na rin nakapagsalita pa si Remz dahil
ramdam nito na may nangyayari na hindi niya maintindihan. At ang mas
ipinagtaka nito ay nang mapansin niya ang plato na pinagkakainan ni Kyla, halos
hindi man lang nakalahati ang pagkain na nakalagay dito.
“Leon may away pa rin ba kayong dalawa?”
“Hindi pa kasi kami gaanong nakakapag-usap nitong mga nakaraang
araw. Huwag mo ng intindihin ang nangyari nagigiliw lang iyon kay mama.”
Mula nang makilala niya si Remz ay tila naging eksperto na si Leon sa
pagsisinungaling. Napakabilis niya na makaisip ng isasagot sa anuman na
maitanong sa kanya ng dalaga. Hindi rin mahuli sa kanyang mukha ang mga
kasinungalingan kaya mabilis niya na napapaniwala si Remz. Napangisi lang ito
sa kanyang sarili dahil sa naging isa na siyang ganap na sinungaling. Napansin
ni Remz ang pagngising iyon at mas lalong nagtaka kung ano ang nasa isipan ng
kanyang nobyo.
“Leon may itinatago ka ba sa akin?”
“Meron,” sagot ng binata.
“Hindi ko ba pwedeng malaman?”
“Tinatago ko ang cellphone mo sa bulsa ko.”
Nanggigil ang dalaga at kinurot sa baywang ang nobyo. Napaaray ito sa
sakit at tinuluyan pa ito ni Remz ng ilang sunud-sunod na pagkurot. Tuluyan ng
hindi nila pinag-usapan si Kyla at nagkausap na lang sila kung ano ang kanilang
gagawin sa susunod nilang pagkikita. At dahil sa muling lumakas ang pagpatak
ng ulan ay nanood muna sila ng isa sa mga DVD na nakaimbak sa DVD rack.
Nakayakap kay Leon ang dalaga habang pinapanood nila ang love story
na napili ni Remz. Napakalambing nito habang sila ay magkatabi sa sofa at sa
tuwing nakikilig sa eksena ay napapahigpit ang pagyakap nito sa kanyang
nobyo.nang malapit nang magdilim ay nagpasya ang dalawa na sa labas na
maghapunan. Inihatid na rin ni Leon ang kanyang nobya matapos kumain at
imbes na umuwi na rin ay nagtungo muna siya sa tinutuluyang bahay ni Kyla.
Kumatok siya sa pinto at nagkataon na si Kyla rin ang nagbukas nito kaya sa
labas na sila nag-usap.
“Kyla huwag ka munang pumunta sa bahay para magluto.”
Nabigla ang dalaga sa pakiusap na iyon ni Leon. Pakiramdam niya ay
inuunti-unti siyang ipinagtatabuyan nito.
“Nakakagambala ba ako sa inyo?”
“Ayaw ko lang na iba ang isipin ni Remz tungkol sa atin,” paliwanag ni
Leon.
“Iba ang isipin? Bakit girlfriend mo na ba siya?”
“Tama… mag-iisang buwan na kami.”
Tama ang hinala ni Kyla na magkasintahan na ang dalawa. Tuluyan nang
nagawa ni Leon na makahanap ng kapalit niya. Hindi pa rin niya ito matanggap
at isa pa ay alam niya ang nakaraan ni Leonardo at Remz at malakas ang
paniniwala niya na ginagamit lang ni Leon si Remz. Dala na rin siguro ng
pagseselos ay bigla niyang nasambit ang matagal ng nais itanong.
“Leon girlfriend mo ba talaga si Remz o ginagamit mo lang siya para
makabawi kay Leonardo?”
Nabigla si Leon sa narinig at agad napatitig kay Kyla. Ang dalaga ay
nagtakip ng kanyang bibig na tila hindi sinasadya na mabanggit ang nasabi.
“Anong sabi mo?” tanong ni Leon.
Marahang ipinaliwanag ni Kyla ang nalalaman base sa narinig niya kay
Jean. Nasabi rin niya na hindi lang niya magawang maitanong kay Leon dahil sa
hindi siya makahanap ng tamang tiyempo. “Leon tama ba ang hinala ko? Lahat
ay ginagawa mo para makapaghiganti?” marahang pangunumpirma niya.
“Wala ka ng pakialam kung ano ang ginagawa ko.”
“Hindi ba‟t nasaktan si Remz sa ginawa ni Leonardo na panloloko sa
kanya? Mas malala ang ginagawa mo oras na malaman niya ang totoo,” wika ni
Kyla.
“Bakit balak mo bang sabihin sa kanya ang nalalaman mo? Huwag na
huwag mong gagawin iyon kung ayaw mo na tayo mismo ang mag-away,” banta
ni Leon.
“Leon gusto mo ba na manood lang ako na masaktan ang isang babae?”
“Huwag ka ng makialam,” sagot nito.
“Babae rin ako Leon at alam ko kung gaano kasakit ang ginagawa mo
oras na malaman niya ang lahat. Sasaktan mo ang isang inosenteng babae
alang-alang sa walang kwenta mong paghihiganti!” sambit ni Kyla na may
kataasan ng tono.
Tumalim ang pagtitig ni Leon at kagat nito ang kanyang labi habang ang
mga kamao niya ay napakahigpit na nakasara. “Walang kwenta?” may kataasan
agad na sumbat nito at tila nanggigil ang buo niyang katawan. “Akala mo ba
gano‟n lang kasimple ang lahat? Sino ka para sabihin na walang kwenta? Alam
mo ba kung ano ang nararamdaman ko nitong mga nakalipas na taon? Alam mo
ba kung gaano kasakit mawalan ng isang minamahal?” sunud-sunod na tanong
ni Leon sa tinig na palakas ng palakas.
Nanatiling tahimik ang dalaga dahil sa hindi nito alam kung ano ang dapat
niyang sabihin kay Leon. Humakbang palapit sa kanya ang binata at hinawakan
siya sa magkabilang balikat at tila siya ay gustong pagbuhatan ng kamay.
“Ano kaya kung patayin ko rin si Reina ngayon para maintindihan mo. At
tingnan natin kung hindi ka mag-iisip na maghiganti at kung sakali na
maghihiganti ka rin tingnan natin kung sasabihin mo pa rin na walang kwenta!”
patuloy na pambubulyaw ni Leon.
“Leon tama na naririnig niya tayo!”
Napatigil si Leon at huminga ng malalim hanggang sa muling naging
mahinahon. Si Kyla ay halos naiiyak na at pansin ni Leon na nasasaktan ito sa
higpit ng kanyang pagkakahawak sa balikat kaya kanya itong pinakawalan. “Ang
mga mandaraya na kagaya niya ay hindi lang kamatayan ang nararapat na
parusa,” hayag pa ng binata.
Tumalikod ito kay Kyla at humakbang ng limang beses palayo. Hindi pa
nakuntento sa lahat ng sinabi ay muli pa itong humarap sa dalaga at muling
nagsalita. “At kung mga katulad niya ang pinag-uusapan may isa pa akong kilala
na kailangan din magbayad sa ginawa niya sa akin,” anito.
Batid ni Kyla na siya ang binabanggit ni Leon. Alam niya na may galit sa
kanya si ito sa nangyari noon maski sinasabi nito na hindi siya kinamumuhian ng
binata.
“Leon ang to...”
“Ayaw kong pakinggan ang paliwanag mo! Wala ring magbabago,
nangyari na ang lahat at hindi na natin maibabalik pa ang dati. Kaya kung ayaw
mong patuloy na nasasaktan, maghanap ka na ulit ng iba!”
Sumakay si Leon sa kanyang motorsiklo at mabilis na iniwan ang lugar.
Naiwan si Kyla at nanatili sa labas ng bahay na umiiyak dahil sa mga nasabi ng
binata. Agad lumabas ang nakababatang kapatid nito at siya ay dinamayan at
niyaya na pumasok sa loob.
Ilang araw lang ang lumipas mula nang matanggal si Leonardo sa trabaho
subalit nagawa agad nitong makahanap ng panibago. Bumalik siya sa dating
trabaho bilang security guard at nakakontrata pa rin sa dating agency. Siya ay
naitalaga sa isang malaking apartment at panggabi ang kanyang oras ng
trabaho. Tatlong araw na rin siyang nagtratrabaho bilang guwardiya ng gusali.
Kadalasan ang mga guwardiya sa mga apartment na panggabi ay madali lang
ang trabaho. Katunayan karamihan sa mga katulad niya ay natutulog lang imbes
na magbantay at gigising na lang pagkasikat ng araw. Subalit ganito man ang
kanilang gawain ay wala namang katiwaliang nangyayari sa kanilang lugar na
binabantayan hanggang sa ngayon.
Pagsapit ng hatinggabi ay muling nahiga si Leonardo sa kanyang upuan
at ipinatong ang dalawang paa sa mesa. Ginawa nitong kumot ang kanyang
jacket mula ulo hanggang baywang. Nang makatulog na ito ay bigla siyang
nabulabog gawa ng ingay ng isang salamin na nabasag. Tumayo kaagad ito at
hinanap ang pinanggalingan ng ingay. Pagkalabas niya ng pinto ay nasaksihan
niya ang apat na kalalakihan na pinagbabato ang glass wall ng laundry shop na
pag-aari rin ng landlord ng binabantayan niyang apartment. Napansin siya ng
mga ito at sila ay mabilis na nagsitakbuhan palayo. Dahil sa kagigising lang niya
ay hindi na niya nagawa pang habulin ang mga ito. Binalikan niya ang nabasag
na salamin at durog na durog ito. Anim na malalaking bato ang inihagis dito
ngunit wala namang nawawala sa mga gamit sa loob.
Kinaumagahan ay galit na galit ang bagong gising na landlord ng
apartment. Dahil sa nangyari ay ipinatanggal si Leonardo bilang guwardiya ng
kanyang pag-aari. Wala ng nagawa pa ang ahensiya kundi palitan si Leonardo
bilang guwardiya ng apartment. Hindi rin siya nakalusot sa kanilang boss at sa
disciplinary action bilang parusa sa hindi pagtugon ng maayos sa kanyang
responsibilidad. Kailangan pa niyang maghintay ng ilang araw bago siya muling
maitalaga sa ibang lugar kaya pansamantala ay wala ulit siyang trabaho.
Sumapit ang araw ng Sabado at maaga pa lang ay umalis na si Leon.
Nagtungo siya sa parke kung saan niya nakakausap ang pinuno ng gang na
kanyang binayaran. Ipinasalaysay niya dito kung ano ang nangyari sa huli nilang
operasyon at nakuntento naman sa naibalita. Muli niyang ibinigay ang dagdag na
bayad at inutusan niya ito na muli nilang alamin kung saan ulit maitatalaga si
Leonardo upang magsagawa ulit sila ng panibagong operasyon.
Sa labas na rin nag-agahan ang binata bago umuwi ng bahay. Pagkauwi
ay bukas na ang gate at ang pinto. Sigurado niya na si Kyla ang nasa loob.
Naalala niya ang huli nilang usapan at ang pakiusap niya kay Kyla na huwag
muna itong bumisita para magluto para sa kanya kaya medyo nagtataka ito kung
bakit narito ulit ang dalaga. Pagkapasok niya ng pinto ay iniaayos ng dalaga ang
kanyang apron. Lagi niya itong isinusuot sa tuwing maglilinis ng bahay at ibang
apron ang suot nito kung nagluluto ng pagkain.Napansin niya na pumasok si
Leon at agad itong humarap sa kanya.
“Nandito ako para sa isa pa na ipinangako ko kay tita, ang paglilinis ng
bahay. Ang pagluluto lang ang ipinagbawal mo hindi ba?”
Tumango lang si Leon at naglakad paakyat ng hagdanan patungong
ikalawang palapag.
“Leon paumanhin sa mga nasabi ko no‟ng isang araw. Tama ka hindi ko
lubos na naiintindihan ang pinagdaraanan mo at hindi kita mapipilit na ibahagi
ang mga ito sa akin pero…” tila nag-alanganin na magpatuloy ito sa sinasabi.
“Ituloy mo.”
“Pero sa tingin ko hindi pa rin tama ang paghihiganti. Walang magiging
masaya maski magtagumpay ka at pati ikaw ay hindi magiging masaya.”
“Hindi na mahalaga sa akin kung maganda o masama ang idudulot. Ang
mahalaga lang sa akin ay pagbayaran ng lalaking iyon ang lahat ng kanyang
nagawa. Sinasayang mo lang ang oras mo sa pagpapabago ng isipan ko kaya
huwag ka na ulit mangaral sa akin,” at patuloy itong umakyat ng hagdanan.
Wala ng nagawa pa si Kyla sa pagkamatigas ni Leon. Alam niya na
masama ang idudulot ng plano nitong paghihiganti pero wala na siyang maisip
pa na paraan kung paano mapipigilan si Leon sa kanyang mga balak. Mas lalo
siyang nalito sa kung ano ang dapat niyang gawin. Gusto niyang ilayo sa
anumang kapahamakan dulot ng paghihiganti ng binata si Remz at kahit
papaano ay ayaw din niya na maghirap si Leonardo subalit kasabay nito ay ayaw
din niya na mas lalo siyang kainisan ng dating nobyo.
Ilang araw lang ang lumipas mula nang napakiramdaman niya na
nagkakaayos na sila ng binata lalo na noong araw ng kanyang kaarawan subalit
ang lahat ay mabilis na nagbago. Ipinagbawal na ni Leon ang pagluluto at ayaw
niyang mangyari na sa susunod nilang pag-aaway ay ipagbawal din nito ang
paglilinis. Kung sakaling mangyari iyon ay wala na siyang magagamit na dahilan
para makabisita. Pakiramdam niya ay hindi niya matulungan ang kanyang sarili
dahil sa nakukuntento siya sa pambibisita lang ngunit wala namang espesyal na
nangyayari sa kanilang relasyon. Ganunpaman ay patuloy niya itong ginagawa at
naniniwala pa rin na darating din ang araw na mapapatawad siya ng dating
nobyo at magiging maayos muli ang lahat. Habang iniisip niya ang lahat ng ito ay
hawak-hawak ulit niya ang kanyang kwintas. Nang marinig niya ang mga yapak
ni Leon pababa ng hagdanan ay kumilos ito at sinimulan ang paglilinis.
Muling naitalaga si Leonardo bilang guwardiya ng isang bar sa
Magsaysay. Alas-siete ng gabi hanggang alas-tres ng umaga ang kanyang
trabaho. Ang bar na kanyang naitalagahan ay isang bar kung saan may
nagsasayaw na mga babae na kung tawagin ay GRO. Pwede rin maging ka-
table ng mga customers ang mga babaeng ito at hindi na bago sa kanya kung
ano pa ang pwedeng mangyari sa loob at labas ng bar pagdating sa mga
babaeng mananayaw. Sa ngayon ay hindi na siya nag-iisang guwardiya dahil sa
dalawa sila na nakatalaga dito. Ilang araw pa lang siya sa tungkulin ay isa na sa
mga mananayaw ng bar ang lapit ng lapit sa kanya sa tuwing wala itong
ginagawa. Pasimple itong lumalabas ng bar at siya ay pinupuntahan sa entrance
para magpapansin kay Leonardo. Dala ng kanyang pagkamahilig sa babae ay
pinagbibigyan nito ang mananayaw at kanya itong kinakausap. Pinapabayaan
din niya ito na humalik at yumakap sa kanya sa tuwing ito ay muling babalik sa
loob ng bar.
“Ang tindi mo rin pare ahh, may libreng pangkama ka na,” tila naiingit na
nasabi ng katrabaho nito.
Napatawa lang ito sa nasabi ng kasama at ipinagpatuloy nila ang trabaho.
Di na ito gaya ng dati niyang binabantayan na puwede siyang matulog dahil sa
ang bar na ito ay maraming kalalakihan ang bumibisita lalo na ang mga
matatanda. Kinabukasan ay maaga itong nagtungo ng kanyang
pinagtratrabahuan dahil sa nakatanggap siya ng tawag mula sa manager ng bar.
Agad siyang ipinatawag nito sa manager‟s room at pinaupo para sila ay
magkausap. “May mali po ba akong nagawa sir?” medyo ninenerbiyos na tanong
ni Leonardo.
May inilabas na tatlong piraso ng papel mula sa kanyang drawer ang
manager. Kanya itong inilapat ng pataob sa mesa at inutusan si Leonardo na
tingnan ang mga ito. Laking gulat ni Leonardo nang makita ang sarili niyang mga
larawan habang nakikipaglandihan sa isang GRO. Ang isa ay habang siya ay
hinahalikan at ang dalawa naman ay napakamalaswang tingnan. Ayon sa
kanilang kasunduan ang trabaho ni Leonardo ay bilang guwardiya at hindi dapat
siya makaabala sa trabaho ng mga GRO pero iba ang ipinapakita ng mga
larawan. Tila pinersonal siya ng manager at siya ay agad ng pinapatanggal sa
kanyang tungkulin. Tinawagan na rin nito kanina lang ang ahensiya na may
hawak kay Leonardo. Matapos ipaliwanag ng manager ang lahat ay hindi man
lang niya binigyan ng pagkakataon si Leonardo na magpaliwanag. Pinilit niya
itong umalis na kaagad at hindi na nakailing pa ang binata. “Kinakarma kaya
ako?” tanong nito sa kanyang sarili habang papalayo sa bar.
Kinabukasan ay nagtungo siya sa ahensiya at mas masamang balita ang
iniabot sa kanya. Sa loob lang ng ilang araw ay dalawang magkasunod na
reklamo ang natanggap ng ahensiya dahil sa kanya. Wala ng nagawa pa ang
ahensiya kundi siya ay ipatanggal bago pa ulit sila makatanggap ng isa pang
reklamo. Pinilit man niyang magpaliwanag pero wala rin siyang napala. Malinaw
na ang pagkakamali sa dalawang kaso ng pagrereklamo sa kanya ay nasa panig
rin niya.
Ngayong hindi na siya pwedeng maging isang security guard ay
siguradong magiging mas mahirap para sa kanya ang makahanap ng susunod
na trabaho. Wala siyang natapos na kurso sa kolehiyo dahil sa maaga niyang
pagtigil at wala rin siyang kursong bokasyonal o natatanging kakayahan na
maaari niyang gamitin. Ito na ang panahon ng krisis sa kanyang buhay at wala
siyang kaalam-alam na ang kanyang kinakaharap ay dala ng isang tao na lubos-
lubos ang galit sa kanya.
Nag-iba ang shift ni Remz ngayong buwan ng Hulyo at ngayong araw ng
Linggo ang kanyang rest day. Nagpasya itong bumisita sa bahay nila Leon at
hindi niya muna ito ipinaalam sa nobyo para kanya itong surpresahin. Subalit
pagkarating niya ng bahay nila Leon ay si Kyla ang sumalubong sa kanya sa
may pintuan.
“Lumabas si Leon at may pinuntahang kaibigan at mamaya pa babalik,”
paliwanag ni Kyla.
“Gano‟n ba? Sayang naman susurpresahin ko pa man din sana siya.”
Pinatuloy ni Kyla ang bisita at pinaghintay muna ito sa sala. Sinimulan ulit
niyang maglinis habang si Remz ay nanonood ng mga programa sa telebisyon.
Lumipas na ang ilang minuto ay hindi pa rin nakakabalik si Leon. Walang tigil na
paparoon at paparito si Kyla kaya nagpasya si Remz na tulungan na lang ito.
“Ayos lang ako Remz nakakahiya naman sa iyo baka madumihan ka.”
“Naku ayos lang nakakahiya kasi na paupo-upo lang ako sa sala habang
napakarami mo pang ginagawa.”
Hindi na tumanggi si Kyla sa pagpriprisinta ni Remz at hinayaan niya ito
na siya ay tulungan sa paglilinis ng malaking bahay.
“Alam mo ayaw na ayaw ko maglinis ng bahay sa amin pero masaya pala
kapag may kasama ka,” ani Remz.
“Oo nga eh. Noong nandito pa si tita masaya din kami na magkasamang
naglilinis ng bahay.”
“Eh si Leon ano ang ginagawa?”
“Wala, pinapanood lang kami at minsan bigla na lang lalayas,” natatawang
tugon ni Kyla.
“Talaga? Ang tamad naman niya.”
Napangisi si Kyla na tila may naalala tungkol sa binata. Agad itong
napansin ni Remz at nausyoso ito sa kung ano ang naaalala ni Kyla na
nakakatawa.
“Kapag lumalabas si Leon habang kami ay naglilinis may dala siyang
meryenda pagkauwi.”
“Eh di parang pinapantayan niya ng meryenda iyong paglilinis? Madaya
pa rin siya mas mahirap yatang maglinis.”
Napangiti lang ulit si Kyla at ipinagpatuloy nilang dalawa ang paglilinis
hanggang sa matapos nilang linisin ang sala.
“Nalinisan mo na ba ang silid ni Leon?” tanong ni Remz.
“Oo, bakit?”
“Sayang gusto ko pa man din sana makita kung ano hitsura ng silid niya
kung hindi mo pa nalinisan. Siguro ang gulo-gulo noh?”
Napatawa lang si Kyla at niyaya niya si Remz sa taas para tingnan nilang
pareho ang silid ng pinag-uusapang binata. Pagkapasok nila dito ay hindi
makapaniwala si Remz na maayos ang silid ng kanyang nobyo at taliwas sa
kanyang akala. “Lagi ba talagang maayos ang silid niya gaya nito?”
“Oo naman, hindi siya makalat na tao. Ang ginagawa ko lang sa silid niya
ay nagwawalis,” hayag ni Kyla.
“Kuwento sa akin ni Leon itinuturing ka raw ng mama niya na para ka
niyang tunay na anak.”
“Nagkukuwento si Leon sa iyo tungkol sa akin?” tila hindi makapaniwalang
tanong nito.
“Minsan, nasabi din niya na magkapit-bahay kayo dati kaya mula
pagkabata ay magkaibigan na kayo.”
Nabigla si Kyla sa kanyang narinig dahil kahit kailan ay hindi sila naging
magkapit-bahay ni Leon at mas lalong hindi sila magkaibigan mula pagkabata.
Iisa lang ang maaring dahilan kung bakit ito nasambit ni Remz at iyon ay dahil sa
nagsisinungaling si Leon sa kanya. Ang babae na nasa kanyang harapan ay ay
ang bagong nobya ng kanyang minamahal pa rin na binata subalit hanggang sa
ngayon ay hindi pa rin niya maunawaan kung ano ang kanyang nararamdaman.
Siya kaya ay nagseselos o naaawa o baka naman sabay niyang nararamdaman
ang dalawang emosyon na ito kay Remz.
“Kyla ayos ka lang?” may pagtatakang naitanong ni Remz dahil sa
biglaang pagiging tahimik ng kausap.
“Ayos lang ako, naalala ko lang si Tita Diane. Para ko na rin kasi talaga
siyang pangalawang ina,” pagpapalusot ni Kyla.
Bumalik ang dalawa sa baba at nagtimpla ng kanilang iinumin na juice.
Inilabas din ni Kyla ang isang supot ng tinapay at sila ay nagmeryenda.
“Kyla matanong nga kita, ano bang paborito ni Leon na regalo?”
“Regalo? Para saan?”
“Gusto ko lang kasi siya regaluhan sa unang buwan namin limang araw
na ang lumipas pero wala ako maisip na ibibigay sa kanya. Wala lang gusto ko
lang magpakabata,” masayang pagpapaliwanag ni Remz.
Nanatiling walang imik si Kyla at ngayon ay tila sumama ang kanyang
pakiramdam. Halatang malalim ang kanyang iniisip at kasabay pa nito ay ang
hindi niya namamalayang paglaro-laro sa kanyang kuwintas.
“Huwag mo sabihing wala siyang nagugustuhan?”
Napatigil si Kyla sa pag-aalala ng mga nakaraan nilang pagpapalitan ng
regalo ni Leon at agad itong nag-isip ng isasagot kay Remz.
“Hindi ko alam eh kasi ni minsan di ko siya niregaluhan.”
“Nagbibiro ka ba?” hindi makapaniwalang pagkukumpirma ni Remz.
“Seryoso ako hindi ko pa talaga siya nabibigyan ng anumang regalo,”
nakangising sagot nito.
Habang pangiti-ngiti ito kay Remz ay patuloy pa rin niyang nilalaro-laro
ang kanyang kuwintas kaya mas lalong nausyoso ang kaharap na dalaga.
“Kyla ang kuwintas na iyan, galing ba sa isang napakaespesyal na tao?”
Napatigil si Kyla sa kanyang ginagawa at ngayon lang namalayan na
nilalaro pala niya ang kuwintas na siya niyang nakagawian tuwing may naaalala
tungkol sa kanila ni Leon.
“Oo regalo ito sa akin.”
“Boyfriend mo?”
“Gano‟n na nga o sabihin na nating dati kong boyfriend,” may kalungkutan
na pagsagot nito.
“May iba na ba siya,” hindi matigil na pag-uusisa ni Remz.
Tumango si Kyla at muling hinawakan ang kanyang kuwintas.
Nagpaumanhin si Remz sa kanyang pang-uusisa subalit ipinagwalang anuman
ito ni Kyla.
“Pero Kyla ang laking tanga ng ex-boyfriend mo para ipagpalit ka niya,”
dagdag pa ni Remz.
“Ang laking tanga?”
“Oo ang laking tanga kasi tingnan mo nga iyang sarili mo, ang ganda-
ganda mo tapos napakasexy mo pa tapos ipagpapalit ka pa niya.”
“Huh?”
“Ako nga mismo naiinggit sa iyo ehh. Buti na lang magkababata lang kayo
ni Leon dahil kung hindi wala akong ibubuga sa iyo.”
Muling nabigla si Kyla sa huling pahayag ni Remz. Animo‟y sinasadya nito
na sabihin ang mga linyang iyon bilang hindi diretsahang pagsabi na hindi dapat
siya makikompetensya sa kanya. Nang masdan niya ang mukha ni Remz ay may
pangiti-ngiti pa ito na pawang nang-iinsulto. Subalit dala ng kanyang pagiging
mabait at mahinahon na katangian ay naisip din niya ang posibilidad na
maaaring wala talagang nalalaman si Remz sa nakaraan nilang dalawa ni Leon.
Base na rin sa mga nabanggit ni Remz kanina ay mas malaki ang posibilidad na
inosente si Remz sa lahat.
Matapos magmeryenda ay nagkayayaan ang mga ito na manood ng
telebisyon sa sala habang hinihintay si Leon. Kinalimutan muna ni Kyla ang
anumang iniisip at pinakisamahan ang bisita. Habang sila ay nanonood ay
naalala niya ang banta sa kanya ni Leon na huwag niyang sasabihin ang
kanyang nalalaman kay Remz. Ito ang nasa isipan niya ngayon kaya imbes na
sabihin niya ang totoo ay pinili na lang niyang manahimik maski naniniwala siya
na nararapat lang na malaman ni Remz ang katotohanan.
“Kyla ano ang pinakagusto mo na ginagawa noon ng boyfriend mo?”
“Ano nga ba? Ikaw muna ano pinakagusto mong ginagawa ni Leon?”
“Kung ginugood time niya ako. Ewan ko ba nakakainis pero nakakatuwa
at nagiging masaya ako.”
Napaisip si Kyla kung ano ang madalas gawin noon ni Leon na kanyang
ikinatutuwa sa tuwing nangyayari. “Siguro sa akin ay kung sinisipsip niya ang
dugo sa aking daliri sa tuwing nasusugatan ko ito sa kutsilyo habang nagluluto
tapos lalagyan niya ng band-aid.”
“Huh? Seryoso ka ba?”
“Basta gustong-gusto ko kapag ginagawa niya iyon,” napakasayang
pagpapahayag ni Kyla.
Nagpatuloy ang dalawa sa pag-uusap tungkol sa mga pambabaeng
bagay-bagay. Maya‟t-maya lang ay nakabalik na rin pauwi si Leon at may dala-
dala na itong meryenda. “Tumawag ka sana o nagtext man lang para mas
marami binili ko,” anito kay Remz matapos siyang batiin.
“Gusto kita surpresahin eh,” malambing na tugon ng dalaga.
“Okay nasurpresa ako, masaya ka na?” tila nang-iinis na sumbat ni Leon.
Hinampas siya nito sa likuran at di pa nakuntento ay sinundan pa ito ng
kurot sa kanyang tagiliran. Napaaray ang binata subalit tila pinanggigilan siya ni
Remz at tumakbo ito palayo para makawala. Naghanda ng inumin si Kyla at
sabay-sabay silang nagmeryenda. Naalala ni Remz ang ikinuwento ni Kyla
kanina tungkol sa gawain ni Leon sa tuwing araw ng paglilinis at ginisa niya ang
kanyang nobyo tungkol dito.
Gaya ng dati, ang katabi ni Leon ay si Remz samantalang si Kyla ay
kaharap ng binata sa sa pabilog na mesa. May mga pagkakataon na silang
dalawa lang ni Remz ang nag-uusap at nawawalan ng lugar si Kyla maliban na
lang kung biglang siya ang kakausapin o tatanungin ni Remz. Pagkasapit ng
alas-singko ay nagpaalam na si Kyla sa dalawa para umuwi.Mag-isa nitong
lumabas ng gate at naiwan ang dalawa sa loob na patuloy pa rin sa pag-
aasaran.
“Oiy magluto ka nga,” maangas na pag-uutos ni Leon sa nobya.
“Ano ka sinuswerte?”
“Hindi ka marunong magluto „no kaya ayaw mo,” dagdag pang-iinis ng
binata.
“Heh! Marunong ako noh.”
Dahil sa patuloy na paghamon ni Leon sa kanya tungkol sa kakayahan
niyang magluto ay napilitan din itong pumayag na magluto ng hapunan para sa
kanilang dalawa. Naghanap ito ng maaaring iluto sa refrigerator at nagdesisyon
na magluluto na lang siya ng sinigang na bangus. Inutusan din niya si Leon na
bumili ng sinigang sa sampalox mix sa may tindahan sa kanilang kapit-bahay.
Tahimik lang si Leon na pinapanood ang dalaga habang ito ay nagluluto.
Nagtataka rin siya kung bakit napili ni Remz na magluto ng sinigang na bangus
na siya niyang paboritong ulam. Naalala niya ang mga araw na pinagluluto siya
ni Kyla ng nasabing putahe at sa tuwing ito ang kanilang ulam ay magana siyang
kumakain. Nasariwa rin sa kanyang isipan ang araw na itinuturo ng kanyang ina
kay Kyla ang pagluto ng sinigang na bangus.
Matapos isalang sa kalan ang niluluto ay lumapit sa kanya ang nobya at
yumakap habang naglalambing. Di alam ni Leon na ipinupunas pala ni Remz sa
kanyang likuran ang basa niyang mga kamay.
“Bakit mo napili ang sinigang na bangus?” usisa ni Leon.
“Iyon lang alam ko lutuin ng maigi ehh,” natatawang tugon nito.
Matapos maluto ang ulam at kanin ay sabay silang naghapunan.
Pinagmamasdan ni Remz ang kanyang nilutuhan mula nang simulan nitong
kumain. Gusto niyang makita ang reaksiyon nito sa kanyang niluto.
“Bakit mo ako pinapanood? Kumain ka na nga rin naiilang ako sa iyo ehh.”
“Masarap ba?”
Tumango lang ang binata at ngumiti saka ipinagpatuloy kumain. Natuwa si
Remz at sinimulan din kumain at siya rin mismo ay hindi naibahan sa lasa ng
kanyang niluto. Masaya silang kumakain habang nagkukuwentuhan at nag-
uusap tungkol sa kanilang gagawin sa susunod nilang pagkikita. Nagpahinga
muna sila pagkatapos kumain at nanood ng mga balita sa telebisyon. Pagsapit
ng alas-otso ay nagpahatid na si Remz kay Leon pauwi.
Pagkabalik ng bahay ay naisipan ni Leon na tawagan si Kyla at usisahin
ito tungkol sa nangyari kanina habang wala siya sa bahay. Tinanong ng binata
kung anu-ano ang kanilang pinag-usapan at wala naman isinagot ang dalaga na
makakasama sa pagpapatuloy ng kanyang mga plano. Muli niyang siniguro kung
wala talagang nabanggit si Kyla tungkol sa kanyang nalalaman sa mga plano
niya subalit nanatiling pareho ang sagot nito. Base na rin sa mga walang
pagbabago na kilos ni Remz kanina ay naniwala si Leon sa tinawagan at ibinaba
ang telepono.
Problemado ngayon si Leonardo dahil sa ilang araw na lang ay kailangan
na niyang bayaran ang upa ngayong buwan. Nagamit na niya ang kanyang
advance payment noong isang buwan kaya kinakailangan niya na magbayad ulit
ngayon para manatili siya dito. Subalit wala siyang sapat na naipon dahil sa
magkasunod-sunod na pagkatanggal niya sa mga pinasukang trabaho.
Nagtanung-tanong na rin siya sa kanyang mga kasamahan sa boarding house
kung may alam sila na pwede niyang mapasukan subalit walang nairikumenda
ang mga ito sa kanya. Lumipas ang araw ngunit wala pa rin siyang nahahanap
na mapapasukan. Wala ring tawag o text na dumarating galing sa kanyang mga
inaplayan. Wala na siyang ibang maisip pa na paraan kundi ang umutang muna
kay Remz para masolusyunan ang kanyang problema sa tirahan.
Alam ni Leonardo kung saan ang sakayan ng mga empleyado ng T.I. at
alam din niya kung ano ang shift ni Remz ngayong buwan kaya madali niya itong
mahahagilap upang hingihan ng tulong. Habang hinihintay ni Remz at ng ibang
katrabaho ang mga shuttles ay may tumawag sa kanyang likuran. Agad niyang
nabosesan kung sino ang binata na tumawag sa kanya at tila naiinis na kinausap
ito.
“Bakit ano kailangan mo?”
“Hihingi sana ako ng pabor sa iyo kung ayos lang.”
“Anong pabor?”
“Nagigipit kasi ako ngayon kaya kung pwede sana na umutang muna ako
sa iyo,” may halong hiya na pakiusap ng binata.
Ipinaliwanag ni Leonardo ang kanyang sitwasyon at pinaniwalaan naman
siya ng dalaga. Nagkataon na may natitira pa sa sahod ni Remz at nagpasama
ito sa nangungutang para magwithdraw sa ATM. Apat na libo ang ipinahiram nito
at ayon sa binata ay sobra-sobra ang halaga at ibabalik sana ang kalahati subalit
nagpumilit si Remz dahil maaaring kailanganin niya ang apat na libo hanggang
sa makahanap ulit siya ng trabaho. Tinanggap ng binata ang buong halaga at
nagpasalamat kay Remz. Nagmadaling bumalik sa hintayan ng shuttle si Remz
at si Leonardo ay muling naglibot para maghanap ng maaaring mapasukan.
Pagkauwi ay binahabahagdan niya ang kanyang nautang na pera at
isinantabi na rin ang pambayad sa kanyang upa. Bawat piso ay naka-budget na
para sa mga susunod na araw. Ngunit hindi niya inaasahan na ngayong gabi ay
tatawag ang kanyang ina at masamang balita ang iniabot nito.
Sa tinig pa lang ng kanyang ina ay nababatid na niya na may masamang
nangyayari sa kanilang pamilya. Nakikiusap ito kung maaari siyang magpadala
ng kanyang nasahod para sa kanilang bunsong kapatid na kasalukuyang nasa
hospital. Agad siyang humingi ng paliwanag at nalaman na bigla na lang itong
hinimatay kanina. Ang kanyang kapatid ay ipinanganak na may mahinang puso
at anumang araw ay maaari itong mabawian ng buhay lalo na kung hindi agad
maaagapan. Natakot si Leonardo sa maaaring mangyari sa kanyang kapatid at
nangako sa ina na may maipapadala siya na halaga bukas ng umaga.
Kinabukasan ay agad siyang nagtungo sa istasyon ng bus at ipinadala
ang apat na libo na inutang niya kay Remz. Naisipan niya na pakiusapan na lang
ang kanyang landlady mamaya at umaasa na maiintindihan siya nito at bibigyan
pa ng palugit. Ginawa niya ang pakikipag-usap pagkauwi subalit ang natanggap
niya ay pagkatapos ng limang araw ay dapat bakante na ang kanyang silid.
Nagpumilit siya na mababayaran niya rin ang upa subalit ang muling banggit ng
may-ari ay kung hindi siya makakabayad sa loob ng limang araw ay paalisin na
siya. Wala ng nagawa pa ang binata kundi tanggapin ang kasunduan yaman rin
lang siya ang hindi sumusunod sa patakaran.
Naisipan niyang bisitahin ang ilan sa mga dati niyang katrabaho bilang
security guard ngunit wala siyang nahiram sa mga ito. Hindi na niya ginambala
pa ang mga dati niyang kakilala dito sa Baguio dahil sa may utang pa siya na
hindi nababayaran sa mga ito. Ayaw na rin niya na muling umutang kay Remz
lalo na at apat na libo ang kanyang hiniram dalawang araw pa lang ang
nakakalipas.
Rest day ulit ni Remz at muli itong bumisita sa bahay ng nobyo subalit
gaya no‟ng isang linggo, si Kyla muli ang kanyang naabutan.
“Kyla kumusta?” bati ni Remz.
“Ayos lang. Wala pa si Leon may binisita ulit.”
Tumulong ulit si Remz sa pagwawalis at sinimulan nila ito sa ikalawang
palapag. Naunang umakyat si Remz habang kinukuha ni Kyla ang isa pang
walis. Tapos nang mawalisan ni Kyla ang silid ni Leon kaya ang dalawang silid
na lang ang naiiwan. Piniling linisan ni Remz ang silid katabi ng silid ni Leon at
pagkapasok niya ay napunta ang lahat ng kanyang atensyon sa isang malaking
larawan na naka-glass frame sa pader. Animo‟y isa siyang estatwa nang abutan
siya ni Kyla sa loob ng silid.
“Nandito ka pala akala ko kung saan ka na napunta,” ani Kyla.
“Kyla sino siya?” tanong nito habang nakatitig pa rin ng diretso sa
larawan.
Tinitigan din ni Kyla ang larawan at napahinga ito ng malalim bago
sumagot. “Siya si Ate Sophia.”
“Sophia? Dito rin ba siya nakatira dati?”
“Hindi ba siya nabanggit ni Leon sa iyo?” nagtatakang tanong ni Kyla.
“Hindi,” sabay iling nito.
“Si Ate Sophia ay ang nag-iisang kapatid ni Leon.”
Ikinagulat ni Remz ang narinig at ipinaulit pa ito. Buong akala niya ay nag-
iisang anak si Leon dahil sa ito ang isinagot ni Leon nang tanungin niya kung ilan
silang magkakapatid.
“Ang ganda-ganda niya, pero bakit kaya sabi ni Leon na wala siyang
kapatid?”
“Baka ayaw lang niya na pag-usapan ang tungkol kay ate.”
“Bakit naman? Hindi ba sila magkasundo?”
“Mahal na mahal nila ang isa‟t-isa bilang magkapatid at lagi silang
magkasundo sa lahat ng bagay.”
“Gano‟n? pero bakit…”
“Wala na siya… halos tatlong taon na rin mula nang pumanaw siya,” at
naging napakalungkot ng hitsura ni Kyla.
“Hindi ko alam, wala siyang nabanggit sa akin.”
“Mabilis siyang magalit kung naaalala niya na wala na si Ate Sophia,
hanggang ngayon kasi ay parang hindi pa rin niya tanggap na wala na ang
kanyang ate.”
“Pero nandito ka para sa kanya di ba? Para na rin kayong magkapatid
mula noon di ba?”
Nasurpresa si Kyla sa naitanong ng kasama at napatanong siya sa
kanyang sarili kung para kay Leon ay itinuturing lang siya bilang isang kapatid at
hindi bilang isang nagmamahal na may pag-asang muling ibigin ng binata. “Ano
man ang gawin ko hindi ko mapapalitan si Ate Sophia sa puso ni Leon,” wika ni
Kyla na may pagkadismaya.
Hindi na nagtanong pa si Remz dahil sa pagiging tahimik ni Kyla.
Ikinalungkot din niya ang bagong nalaman. Nanghihinayang din siya na ang
isang mukhang napakabait na ate ni Leon ay pumanaw na. Ipinagpatuloy nilang
dalawa ang paglilinis hanggang sa sila ay natapos. Malapit na ang tanghalian na
at wala pa rin si Leon kaya nagkasundo ang dalawa na magluto ng
pananghalian. Nagisisimula na silang magtluto ng makabalik si Leon mula sa
kanyang pinuntahan. Muling nasurpresa ang binata sa pagdalaw ng kanyang
nobya at gaya ng nakaraang pagdalaw nito ay hindi ito tumawag o nagtext man
lang sa kanya. Habang nagluluto ang dalawang dalaga ay puna ni Leon na
maganda ang turingan ng mga ito sa isa‟t-isa. Sa maikling panahon lang ay tila
malapit na magkaibigan na ang mga ito.
Nagpaalam saglit si Remz para gamitin ang C.R. at habang siya‟y naroon
ay biglang napatili si Kyla at nabitawan ang hawak na kutsilyo. Agad-agad
lumapit si Leon at hinawakan ang nasugatang kamay ng dalaga. Binuksan niya
ang gripo at hinugasan niya ang nasugat na daliri ni Kyla at kasunod nito ay ang
pagsubo niya dito at sinipsip palabas ang dugo. Di nila namamalayan na
pinagmamasdan pala sila ni Remz na nagmadaling lumabas sa C.R. nang
marinig na tumili si Kyla.
Tila natulala si Kyla na nakatitig sa binata habang subo nito ang kanyang
nasugatang daliri. Bigla rin napatigil si Leon at parang hindi makapaniwala sa
kanyang ginawa. Pagkarinig niya kay Kyla ay daglian siyang tumakbo palapit at
parang nakasanayan na niya itong ginagawa dahil madalas na mangyari ito noon
habang si Kyla ay nagluluto.
“Paumanhin nasanay lang ako,” ani Leon.
“Ayos lang.”
Binuksan ni Leon ang first aid shelf na naroon lang sa kusina at kumuha
ng isang band aid at inilapat niya ito matapos muling hugasan ang sugat ng
dalaga. Muling nagpasalamat si Kyla at mababakas sa kanyang mukha ang
kasiyahan at gano‟n din sa kanyang ngiti.
Samantala si Remz ay naguguluhan sa nasaksihan dahil sa naalala niya
ang naikwento sa kanya ni Kyla noon tungkol sa pinakagusto niyang ginagawa
ng dati niyang nobyo. Ngayon ay si Leon ang nakita niyang gumawa nito at
napakasaya pa ni Kyla kaya napapaisip siya kung si Leon at ang dating nobyo ni
Kyla ay iisa. Nabitawan nito ang pinto ng C.R. at narinig ng dalawa ang pagsara
nito kaya napalingon ang mga ito sa kanya. Nagkahulihan ng titig ang dalawang
dalaga at tila pareho silang hindi alam kung ano ang sasabihin o gagawin.
“Nasugat daliri ko sa kutsilyo kaya tinulungan niya akong maglagay ng
band-aid,” asiwang pagpapaliwananag ni Kyla.
“Gano‟n ba? Sigurado ka ba na hindi malalim sugat mo?” usisa ni Remz
habang papalapit sa dalawa.
“Matagal na siyang nagluluto pero hindi pa rin talaga para sa kanya ang
kutsilyo,” paliwanag ni Leon.
Muling tumitig si Remz kay Kyla subalit parang sinasadya nito na ibaling
ang mga mata sa ibang bagay at inasikaso ang niluluto. Matapos maluto ang
ulam at kanin ay sabay-sabay ang tatlo ng kumain. Dama ni Leon na kakaiba
ang ikinikilos ng dalawa sa isa‟t-isa at dagdag pa dito ay hindi man lang sila
umiimik di gaya ng dati kung nagkakasabay sila na laging may usapan. Naunang
naubos ni Leon ang kanyang kinakain at nagpaalam muna ito saglit para bumili
ng malamig na inumin sa tindahan. Naiwan ang dalawa at tamang-tama na
nakaisip na si Kyla nang maaari niyang palusot kay Remz.
“Remz tungkol sa nangyari kanina hindi iyon gaya ng iniisip mo,” simula ni
Kyla.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Sa totoo lang kasi madalas gawin iyon ni Leon para sa akin tuwing
nasusugatan ako at ginaya iyon ng dati kong boyfriend kaya nasurpresa lang ako
kanina,” dagdag ni Kyla.
“Eh di parang kinopya lang ng dati mong boyfriend kay Leon?”
pagkukumpirma ni Remz.
“Gano‟n na nga, hindi ko lang kasi alam kung paano ko ipapaliwanag
kanina kasi parang naramdaman ko na iba ang naisip mo,” sabay ngiti nito kay
Remz.
Para kay Remz ay kapani-paniwala ang kuwento ni Kyla pero may kaunti
pa rin siyang duda sa nasaksihan kani-kanina lang. “Kung gano‟n bumibisita dati
dito iyong dating boyfriend mo?” muli pang usisa ni Remz.
“Oo kasi bestfriends sila ni Leon.”
“Bestfriends? Anong pangalan niya?”
“Huh? Jean… Bakit mo naitanong?”
“Ahh wala lang baka kasi nakasalubong ko na,” at ngumiti rin ito kay Kyla.
Napanatag sa wakas si Remz tungkol sa mga inakala niya kanina at
gano‟n din si Kyla dahil sa nagawa niyang mapaniwala ang kausap. Napatanong
nga lang ito sa kanyang sarili kung bakit kailangan niyang magsinungaling ng
ganito. Ayaw niya na masangkot si Remz sa proseso ng paghihiganti ni Leon
pero pati siya ay nagtataka kung bakit niya kinailangang magsinungaling.
Kasabay pa nito ay ang takot na mas kagalitan siya ni Leon kung sakaling
ibunyag niya kay Remz ang totoo. Tingin niya tuloy sa kanyang sarili ay isang
babaeng di matulungan ang sarili at litong-lito kung ano ang nararapat gawin.
Nakabalik si Leon at may dala-dala na itong isang litrong softdrinks at ito
ang kanilang ininom matapos kumain. Nagkasundo si Remz at Leon na
magtungo ng town at maglibang. Nais na sana ni Kyla na mauna nang umalis
pero nagpumilit si Remz na isama siya sa kanilang lakad at kinulit-kulit niya ito
hanggang sa si Leon na mismo ang nag-aya sa dalaga. Wala ng nagawa pa si
Kyla kundi tanggapin ang alok ng dalawa at sumama sa kanila patungong town.
Sumakay sila ng jeep at bumaba malapit sa SM at doon na rin sila
pumasok upang tingnan kung ano ang magandang palabas sa mga sinehan.
Mga ilang minuto na ang lumipas mula nang magsimula ang palabas na gusto
nilang panoorin kaya nagpasya sila na hintayin na lang matapos at panoorin
mamaya kung magsisimula na ulit. Habang naglilibot upang magpalipas ng oras
ay napadaan sila sa Quantum, at naakit si Remz na maglaro.
“Leon bili ka ng tokens laro tayo,” yaya nito sa nobyo.
“Anong lalaruin natin?”
“Maski ano.”
Bumili ang binata ng sampung tokens at binalikan ang dalawang dalaga
na kasama. Si Remz ang pinapali ni Leon ng kanilang lalaruin dahil sa siya ang
may ideya na sila ay maglaro. Napili nito ang bike racing games at agad niyang
inupuan ang motorsiklo na siya ring controller ng game machine. Nagpaturo ito
kay Leon kung paano laruin at madali niyang nasundan ang dapat gawin.
Matapos ma-game over ay si Leon ang naglaro at napakadali para sa kanya na
tapusin ito. Lumipat sila sa isang car racing game at ngayon naman ay manubela
ng sasakyan ang controller. Si Kyla ang pinaglaro ni Remz at di ito
makapaniwala na napakadaling tinapos ni Kyla ang laro. Inakala nito na madali
lang ang laro subalit nang siya ang pumalit ay game over pa rin ang kanyang
napala.
“Kyla bakit ang galing mo maglaro?” tanong ni Remz.
“May kakilala kasi ako dati na dito ang tambayan at tuwing uwian ko ay
kailangan ko pang maglakad mula university para daanan siya dito,” sagot ni
Kyla.
“Sino iyong ex-boyfriend mo? Eh di adik pala siya sa mga larong ito?”
Napahinto si Kyla at napatitig din sa kanya si Leon. Hinihintay ng binata
ang susunod niyang sasabihin. Tumango si Kyla bilang tugon kay Remz, “Kaso
madalang na siya pumunta dito nitong nakaraang dalawang taon.”
Nanatiling tahimik si Leon at napaisip sa pinag-uusapan ng dalawa.
Lalapit na sana ito kay Kyla upang pabulong na magtanong nang biglang may
tanungin sa kanya si Remz.
“Leon anong ginagawa ng bestfriend mo ngayon?”
“Bestfriend?” nagtatakang tanong ni Leon.
“Iyong ex-boyfriend ni Kyla. Nasaan na siya ngayon?”
Nagkatitigan si Kyla at Leon ngunit agad inilihis ni Kyla ang kanyang mga
tingin. Ngayon ay naliwanagan ang binata kung sino ang pinag-uusapan nilang
dalawa kanina. Nakisakay siya sa nasimulang pagsisinungaling ni Kyla at sinagot
ang nobya. “Video at photo editor siya sa ngayon at malaki-laki rin ang kanyang
kinikita.”
“Di ba sang-ayon ka rin na katangahan na iwan ng ex-boyfriend niya si
Kyla?” tanong ni Remz kay Leon.
Napaisip si Leon sa naitanong na iyon ni Remz. Parang sinasabi ni Remz
na isa siyang tanga dahil sa iniwan niya si Kyla. Nanatiling nakayuko si Kyla at
kunwari walang naririnig sa kanilang pinag-uusapan. “Siguro nga wala siya sa
tamang pag-iisip,” tugon ni Leon habang nakatitig pa rin sa dating nobya.
Nabigla ang dalaga sa narinig at napasulyap kay Leon pero nang
mapansin na nakatitig ito sa kanya ay mabilis niyang inilihis ang tingin. “Huwag
na natin siyang pag-usapan hindi kasi maganda pakiramdam ko kung naaalala
ko siya kaya maglaro na lang tayo,” ani Kyla na hindi kumportable sa usapan.
Ipinagpatuloy nila ang paglalaro at ngayon ay ang dalawang dalaga ang
sabay na naglaro sa isang shooting game. Halos simula pa lang ay game over
na si Remz at hinulugan pa ni Leon ng isang token ang makina para magpatuloy.
Si Kyla ay hindi pa nababawasan ng buhay at madali para sa kanya ang unang
bahagi ng kanilang nilalaro. Naabot nila ang pangalawang stage at na-game over
ulit si Remz palibhasa‟y hindi niya alam ang tamang timing ng pagtapak at
pagtanggal ng kanyang paa sa pedal para makailag sa mga bala ng kalaban.
Sinalinan siya ni Leon at naglaglag pa ng isang token. Natapos nilang dalawa ni
Kyla ang laro ng tuloy-tuloy at mas lalo na namang humanga si Remz kay Kyla
dahil sa pareho sila ni Leon na magaling maglaro at siya lang ang hindi.
“Leon adik ka rin sa mga laro dito ano?”
“Madalas kami dito ni Jean noon at pati si Kyla napilitang matutong
maglaro kasi tambay kami dito noon,” paliwanag ni Leon.
May dalawa pa silang natitirang token at naghahanap ulit si Remz ng
maaari nilang laruin. Nakita nito ang mga nagsisilundag sa dance revolution at
niyaya niya ang dalawa na maglaro nito.
“Remz maski ano huwag lang iyan, ayaw ko mag-amoy pawis mamaya.”
“Asus palusot mo lang iyan. Di ka marunong sumayaw ano?”
“Sige kung makumpleto ko ang tatlong kanta sagot mo ang hapunan natin
mamaya,” hamon ni Leon kay Remz.
“O sige pero ako pipili ng mga kanta na isasayaw mo,” pagpayag ni Remz.

Tumapak si Leon sa dance pad at inihulog ni Remz ang dalawang token


at pinili ang pinakamahirap na difficulty level. Pinili din nito ang isang mabilis ang
beat na kanta at hinamon pa ulit si Leon na kung hindi niya matapos ang tatlong
kanta ay siya ang maglilibre ng hapunan. Nagsimula ang tugtugin at nagsimula
rin si Leon sa pagsayaw sa ibabaw ng dance pad.
“Remz ihanda mo na ang pera mo para sa hapunan,” bulong ni Kyla mula
sa likuran.
“Huh? Bakit naman? Kayang-kaya ba niya maski hardest difficulty?”
“Hindi mo ba nakikita ang mga taong nanonood sa paligid natin?”
Lumingon-lingon si Remz sa mga tao sa paligid at lahat ay pinapanood si
Leon. Ang ilan sa mga ito ay mga koreano at bilib na bilib ang mga ito habang
pinapanood ang binata sa dance pad. Ibinaling ni Remz ang kanyang tingin sa
nobyo at nakita na nakatalikod na ito sa screen at nakaharap sa kanila habang
patuloy na sumasayaw. Tiningnan niya ang screen at panay perfect at great ang
kanyang mga nakikita. Muling umikot ang binata at hinarap ang screen
hanggang sa natapos ang unang kanta. Manghang-mangha si Remz sa ipinakita
ni Leon, parang napakadali lang ng dance revolution para sa kanya at nagagawa
pa nitong talikuran ang screen at mataas pa rin ang score.
“Remz anong susunod na kanta?”
Walang imik na nagtungo si Remz palapit ng makina at pinili ang susunod
na kanta at bumalik sa kinatatayuan nila ni Kyla.
“Bakit parang lahat sila ay pinapanood siya samantalang iyong iba kanina
eh wala naman gaanong nanonood?” tanong ni Remz.
“Si Leon ang hari ng dance revolution dito. Tatlong beses na siyang
nanalo sa competition at siya rin ang champion nung isang taon.”
“Gano‟n? Eh di talo ako sa pustahan ang daya naman.”
Nginitian lang siya ni Kyla at ipinagpatuloy nilang panoorin si Leon.
Natapos nito ang pangalawang kanta at siya na mismo ang pinagpili ni Remz ng
pangatlong kanta yaman rin lang alam niya na makukumpleto ni Leon ang
anumang pipilihin niya. Natapos ang ikatlo at lumapit si Leon sa makina upang
pumili ng bonus track at tinawag si Kyla upang pumalit sa kanya sa dance pad.
“Dapat masarap iyong dinner mamaya ha,” sabay ngisi nito kay Remz.
“Heh! Ang daya mo hindi mo sinabi na champion ka pala ng dance
revolution,” angal nito.
“Anong madaya do‟n eh ikaw itong naghamon?”
“Pero bakit mo ipinasa kay Kyla?”
“Pawis na ako eh, tsaka panoorin mo na lang siya tiyak mabibilib ka lalo
dahil sa siya ang dating reyna ng dance revolution dito.”
Bilib na talaga si Remz kay Kyla, hindi niya akalaing napakagaling din
nitong maglaro ng dance revolution. Hindi man kasing-husay ni Leon pagdating
sa tiyempo dahil sa may mga kaunti siyang napalampas at hindi rin gano‟n
kataas ang iskor pero nagawa pa rin nitong tapusin ang mabilis na bonus track.
Bumaba ito sa dance pad at humingi ng tissue kay Remz para punasan ang
kanyang pawis.
“Wow Kyla ang galing mo!” tuwang-tuwa na wika ni Remz.
“Madali lang pag nasanay ka at lagi mong nilalaro. Kaso nakakahingal di
na rin kasi ako masyadong napapadalas gaya ng dati.” hayag ni Kyla.
“Ang gagaling ninyo grabe bilib na ako! Wala bang laro dito na ako ang
mananalo?”
Magkasabay na napalingon si Kyla at Leon sa sulok kung saan ang laro
ay ang pagshoot ng basketball sa ring. Napansin agad ito ni Remz at nakaisip
siya ng ideya kung paano mababawian si Leon sa kanilang pustahan kanina.
“Tara shoot tayo ng bola kailangan ko rin manalo,” sabay hatak niya sa dalawa
patungo sa binanggit na laro.
“Remz wala na tayong tokens kaya hindi na tayo makakalaro,” ani Leon.
“Eh di bili ka pa. Sige na para manalo naman ako,” malambing na
pakiusap ni Remz sa nobyo.
Wala ng nagawa pa si Leon kundi bumili ng anim pang tokens at
nagkasundo sila na pataasan ng score sa pagshoot ng bola. Dahil sa hindi talaga
marunong sa basketball si Leon at Kyla ay nagawang magwagi ni Remz sa laro.
“Yes!! Ngayon quits na tayo kaya hindi ko na kailangang maglibre ng
dinner,” tuwang-tuwa na sambit ni Remz.
“Ano ka wala tayong kasunduan bago tayo naglaro na „pag nanalo ka eh
ligtas ka na sa hapunan,” batikos ni Leon.
“Maski na, di ko rin naman alam kanina na champion ka pala sa dance
revolution.”
“Anong kinalaman no‟n?”
“Basta quits na tayo. Di ba Kyla?”
Napangiti lang si Kyla sa kanya at hinawakan niya ito sa braso at muli
silang naglibot sa loob upang tumingin pa ng maaaring laruin. Nakita nito ang
isang kahon na yari sa salamin na puno ng stuffed toys. Nakita niya ang isang
babae na sinusubukang ipitin sa isang fork lift ang isang stuffed toy pero nabigo
ito ng ilang beses. May nagustuhan siya na stuffed toy sa loob ng kahon at gusto
niya itong ipakuha kay Leon.
Inihulog ni Leon ang tokens at sinubukang kunin ang nagustuhang stuffed
toy ni Remz. Tatlong sunud-sunod na nabigo si Leon na makakuha ng anumang
stuffed toys dahil mali ang kanyang timing. Nagpabili siya ulit kay Remz ng
tokens at muli nilang sinubukan. Nabigo ulit ang binata at tila kinaiinisan na ang
nilalaro kaya tinatawanan siya ni Remz. Tuwang-tuwa si Remz na nanonood
habang kinokontrol ni Leon ang fork lift at ng maipit nito ang gusto niyang stuffed
toy ay mas lalo pa itong nasiyahan. Subalit nang naiangat ito ng kaunti ay muli
itong nalaglag kaya mas lalong tila naiinis ang binata.
“Relax kasi ahh, kailangan makuha mo iyan. Hindi tayo aalis hanggat hindi
mo iyan nakukuha,” ani Remz.
Muling sinubukan ni Leon subalit ibang stuffed toy ang kanyang nakuha.
Hindi gusto ni Remz ang nakuha niyang stuffed toy at hindi niya rin ito gusto pero
kinuha na lang ito ni Kyla at sinabing kung pwede ay sa kanya na lang. Sa huling
pagkakataon ay muling sinubukan ni Leon na kunin ang stuffed toy na nais ni
Remz at sa wakas nakuha niya rin ito. Napakasaya ni Remz nang kunin ito ni
Leon mula sa makina at di na ito makapaghintay na mahawakan ang
napanalunan ng nobyo.
“Ikaw ha ang hirap mong kunin!” sabay turo pa ni Leon sa asong stuffed
toy.
Habang sinusuri ni Remz ang stuffed toy ay napansin ni Leon na tahimik
lang si Kyla sa likuran ng kanyang nobya. Halatang hindi ito masaya sa kanilang
pinaggagawa kaya naisip ni Leon na tama na muna ang paglalaro. Pagkalabas
nila ng Quantum ay nagpaalam saglit si Remz upang gamitin ang C.R.
“Paanong naging ex-boyfriend mo si Jean?” tanong ni Leon.
“Wala na akong maisip pa na isasagot nang magtanong siya ng
pangalan,” paliwanag nito.
“Bakit di mo na lang sinabi na wala kang boyfriend?”
“Napansin niya itong kuwintas.”
Napatingin si Leon sa kuwintas na suot ng dalaga at naliwanagan siya sa
kung ano ang maaaring nangyari sa pagitan ni Remz at Kyla. Maaaring napansin
ni Remz na nilalaro-laro ito ni Kyla at nauwi sa pagsisinungaling nito na galing ito
kay Jean imbes na sa kanya. Sa tuwing nakikita niya ang kuwintas na nakasabit
sa leeg ng dalaga ay nakakaramdam siya ng pagkairita dahil sa mabilis na
pumapasok sa kanyang isipan ang kuwento sa kabila ng kuwintas na ito.
Pagkalabas ni Remz sa C.R. ay tumuloy sila sa bilihan ng ticket para sa
papanooring palabas. Muling nagpaalam si Kyla na hindi na sasama sa kanila
ngunit nagpumilit ulit si Remz na dapat silang tatlo ang manood. Dahil sa
kanyang kakulitan ay napapayag niya si Kyla na sumama sa kanila sa loob ng
sinehan. Pinaggitnaan ng dalawa si Remz at nagsimula na ang palabas.
Hindi maiwasan ni Kyla na mapatitig sa stuffed toy na nakapatong sa mga
paa ni Remz. Kung ikukumpara sa stuffed toy na hawak ni Remz ay
napakapangit ng kanyang nakuha at para bang nilalarawan ng dalawang stuffed
toy ang kanilang araw ni Remz. Habang nagpapatuloy ang palabas ay tila hindi
na siya napapansin ng dalawa. Hindi na rin siya naging kompartable lalo na at
nakayakap si Remz kay Leon.
“Ano bang ginagawa ko dito?” tanong ni Kyla sa kanyang sarili.
Nang di na makayanan ang pagseselos ay nagpaalam ito saglit na
tutungo ng C.R. para umihi. Nanatili siya sa loob ng isang cubicle at
nagdadalawang-isip kung babalik pa siya sa kanyang upuan o uuwi na lamang.
Di naglaon at nagpasya itong umuwi na lang kesa magselos pa siya lalo sa
pinapakita ni Remz at Leon at ang mas masakit pa ay walang ginagawa si Leon
gayong alam nito ang kanyang damdamin.
“Leon bakit kaya hindi pa rin bumabalik si Kyla?”
“Tumawag ang mama niya habang nasa C.R. siya at pinapatawag siya sa
kanila ngayon dahil may emergency raw,” agad na paliwanag ni Leon.
“Paano mo alam?” nagtatakang usisa ni Remz.
“Nagtext siya, hindi mo ba napansin binabasa ko kanina?”
“Ahh sayang naman ang ganda pa man din nitong palabas.”
Lingid sa kaalaman ni Remz gawa-gawa lang ni Leon ang kanyang sinabi.
Napakabilis nitong gumawa ng kwento at madali niyang napapaniwala si Remz.
Hindi siya ganito kagaling magsinungaling dati subalit bigla na lang siyang
naging bihasa dito dahil sa kinakailangan niya itong gawin alang-alang sa
pagsasakatuparan ng kanyang paghihiganti. Batid din niya kanina na nasasaktan
si Kyla sa kanyang mga nakikita sa pagitan nila ni Remz kaya nang nagpaalam
ito na gagamit ng C.R. ay alam na niya na hindi na ito babalik pa kaya siya na
mismo ang gumawa ng kwento para di magduda si Remz.
Pagkauwi ni Kyla ay dumiretso ito sa kusina para uminom ng tubig. Bakas
pa rin sa kanyang mukha ang pagkainis at padabog nitong ibinaba ang baso sa
lababo matapos inumin ang tubig. Pumanhik siya sa kanyang silid at tinanggal
ang laman ng kanyang mga bulsa. Nadukot niya ang stuffed toy na di
sinasadyang makuha ni Leon kanina at muli itong pinagmasdan.
“Ampangit mo talaga,” wika nito sabay inihagis ito sa isang sulok.
Sa lakas ng kanyang pagkakahagis ay tumalbog ito sa pader at gumulong
sa sahig pabalik sa kanyang paanan. Mas lalo siyang nainis dahil sa inihagis na
nga niya ang hindi niya nagugustuhan ay bumalik pa ito sa kanya. Sinipa niya ito
at napunta sa isang sulok. Nagsimulang tumulo ang luha sa kanyang mga mata
at hindi na mabilang kung ilang beses na siyang umiiyak ng mag-isa dahil lang
sa isang lalake. Minsan nasasabi niya sa kanyang sarili na nagpapakatanga na
siya pero patuloy pa rin siyang umaasa.
Ikapito na ng gabi at eksaktong natapos ang palabas sa sinehan.
Nagkasundo ang dalawa na magtungo sa isang restaurant para kumain. Habang
kumakain ay naisalaysay ni Remz ang kanyang natuklasan kanina sa bahay nila
Leon habang sila ay naglilinis ni Kyla.
“Bakit ang sabi mo noon sa akin mag-isa ka lang na anak?”
“Tama naman di ba? Wala na siya kaya ako na lang ang nag-iisang anak.”
“Sorry Leon ayaw mo nga siguro talaga pag-usapan.”
“Anong nabanggit ni Kyla sa iyo tungkol sa ate ko?”
“Wala masyado nasabi lang niya na wala na siya at mas maigi raw kung
sa iyo ko na lang tanungin.”
Nagkaroon ng kaunting katahimikan at nagpatuloy lang si Leon na
kumain. Tila mali yata ang oras na napili ni Remz para pag-usapan nila ang
tungkol dito at pansin sa mukha ni Leon ang kalungkutan dala marahil ng
pagkakaalala niya sa pagyao ng kanyang mahal n ate. “Namatay ang ate ko
dahil sa overdosage,” biglang hayag ni Leon na ikinasurpresa ng dalaga.
“Overdosage? May sakit ba siya dati?”
“Namana naming magkapatid ang insomnia ng tatay namin at ang isang
paraan para mapadali ang pagtulog ay ang sleeping pills. Mas malala ang
kalagayan ng ate ko kaya naging dependent siya sa gamot na iyon hanggang sa
inoverdose niya ito.”
“Inoverdose? Ibig mong sabihin sinadya niya?”
“Siguro… Pero maaari ring hindi niya sinasadya pero ang tanging dahilan
kung bakit niya iyon nagawa ay dahil lang sa isang walang kwentang lalake,”
galit na pagsasalaysay ni Leon.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Niloko siya ng kanyang dating nobyo… Naabutan niya itong
nakikipagtalik sa ibang babae.”
Pagkasubo ni Leon ng pagkain sa kutsara ay mahigpit pa niya itong
kinagat at tila pinanggigilan ang kubyertos. Pansin ng dalaga ang pag-iba ng
mood ng kanyang nobyo dahilan sa pagtigil niyang magtanong.
“Gano‟n ba? Napakalungkot pala, sorry Leon kung pinapaalala ko pa sa
iyo.”
“Ayos lang, bilang aking girlfriend dapat mo ring malaman.”
“Napakasakit talaga kung niloko ka ng boyfriend mo lalo na kung
talagang mahal na mahal mo siya. May pakiramdam na parang gusto mo ng
mamatay,” malungkot na sabi ng dalaga.
Napansin agad ni Leon na naging malungkot ang ekspresyon ng mukha
ng kanyang nobya matapos magasalita tungkol sa panloloko ng dati niyang
nobyo. Maging siya man ay naiintindihan niya kung ano ang pakiramdam na
binabanggit ni Remz dahil sa naranasan niya rin ito. “Alam ko kung gaano
kasakit kaya huwag ka mag-alala dahil hindi kita dadayain at sasaktan,” anito ng
napakaseryoso.
Lubos na ikinagalak ng dalaga ang narinig na iyon mula sa kanyang
boyfriend. Ang araw na ito ay isang napakaespeysal na araw para sa kanya dahil
sa ngayon ang unang pagkakataon na naramdaman niya na napakaligtas niya
sa piling ni Leon. Para bang kung kasama niya si Leon ay wala siyang dapat
katakutan basta ang mahalaga ay kanya itong pagkatiwalaan at buong pusong
mamahalin.
Tuluyan ng pinalayas ng kanyang landlady si Leonardo dahil sa hindi niya
pagkakabayad ng upa. Ilang beses na rin niyang sinubukan na makiusap dito
subalit hindi siya nito kinaawaan. Marami-rami na rin kasi ang tulad ni Leonardo
na umuupa dati sa kanila at bigla na lang tinatakbuhan ang dapat bayaran
matapos makiusap at mangako na magbabayad. Hanggang ngayon ay wala pa
rin siyang trabaho at ang mas malalang problema ay kung saan siya makikitulog.
Dagdag pa dito ay wala na siya gaanong pera sa bulsa, tanging P60.00 na lang
ang kanyang dala.
Bitbit ang kanyang traveling bag na naglalaman ng kanyang mga
kasuotan ay nilibot niya ang bayan upang maghanap ng maaaring mapasukan
ng maski pansamantala lamang. Habang naglilibot ay may mga ilang tao na
nakapansin sa tila kaawa-awa niyang anyo na paikot-ikot dala-dala ang malaking
bag. Nang mabigo sa paghahanap ay nagpahinga muna ito sa Burnham Park at
naupo sa isang banko sa tabi ng artipisyal na sapa. Iniisip nito kung ano ang
nararapat niyang gawin sa kanyang kasalukuyang sitwasyon. Wala na siyang
gamit na maaaring maisangla dahil pati ang kanyang cellphone ay naisangla na
rin niya. Ginamit niya ang pera para maipadala ang P4,000.00 noong isang araw
bilang delivery fee.
Kumagat na ang dilim at ramdam na niya ang pagkagutom. Hindi pa siya
kumakain ng maski ano mula kaninang umaga at hinugot niya ang P60.00 sa
kanyang bulsa. Naghanap siya ng lugar kung saan mura ang pagkain at mabuti
na lang at may nahanap siya na nagbibigay ng P23.00 para sa kalahating
serving.
Bagamat hindi sapat ang kanyang kinain ay wala na siyang magagawa pa
dahil sa kailangan pa niyang kumain bukas. Ang pinakamalaki niyang problema
sa ngayon ay kung saan siya matutulog. Naghanap siya ng lugar kung saan
kakaunti ang tao at walang makakapansin sa kanya at ang pinakanaaayon ay sa
likuran ng isang burger stand na walang kailaw-ilaw.
“Hoy gising! Gising! Hoy ano ba? Nakakasagabal ka na sa pagbubukas
ko,” ito ang naririnig ni Leonardo at inaakala na siya ay nananaginip.
Hindi na nakatiis pa ang ale at niyugyog siya ng niyugyog hanggang sa
siya ay tuluyang nagising. “Pwedeng umalis ka na diyan at nakakasagabal ka,”
utos nito sa kanya.
“Pasensya na po,” pagpapaumanhin nito sabay agad tumayo.
Litaw na ang araw at may ilang mga tao na rin ang nagsisidaan sa tabi.
Dahil sa hiya ay minadali niyang umalis palayo ng lugar. May karumihan ang
kanyang anyo kaya nagtungo ito sa isang pampublikong C.R. at naghilamos
saka nagpalit ng damit. Nakakahadlang ang kanyang malaking bag sa paglilibot
sa bayan upang maghanap ng maaaring mapasukan. Kung may mga kakilala
lang sana siya ay mas magiging madali ang lahat subalit mag-isa siya ngayon at
walang makakatulong sa kanya. Nagtanung-tanong na rin siya sa mga ilang
trabahador ng mga gusaling pinupuntahan kung sakaling kumukuha ang mga
nagmamay-ari sa mga ito ng trabahador maski walang nakalagay o nakadikit sa
mga pader na nagsasabing nangangailangan sila ng trabahador.
Hapon na at wala talaga itong mahanap na mapapasukan. Problema na
talaga niya ang kanyang gutom subalit tinitiis niya ito at mamaya na lang siya
kakain kung oras na ng hapunan. Habang naglalakad di niya inaasahan na
masasalubong niya si Remz na takang-taka sa kanyang ayos.
“Ano yang dala-dala mo?” usisa ni Remz.
“Mga gamit ko,” mabagal na sumbat ng binata.
“Leonardo bakit mo dinadala mga gamit mo? Huwag mong sabihing
pinalayas ka ng landlady mo?” medyo galit na muling pagtatanong ng dalaga.
Nanatiling tahimik si Leonardo at napaisip kung paano niya ipapaliwanag
kay Remz ang nangyari. Magpapaliwanag na sana siya subalit ginisa na siya ng
dalaga sa tonong galit.
“Ginastos mo na naman sa ibang bagay iyong pera ano? Sawang-sawa
na ako sa gawain mong iyan noon pa, hindi ka na ba talaga magbabago?”
“Remz nagkaproblema lang ako sa pamilya ko kaya kinailangan kong
ipadala iyong pera,” paliwanag ni Leonardo.
“Ah gano‟n? Iyan din ang sinasabi mo lagi sa akin noon pero nabibisto kita
na ginamit mo lang pala para sa inuman ninyong magbabakarda.”
“Remz nagsasabi ako ng totoo,” giit ng binata.
“Ewan ko sa iyo! Siguraduhin mo lang na mababayaran mo ang inutang
mo ngayon at huwag mo na namang ilista sa tubig!”
Umalis ang galit na dalaga at hindi na pinakinggan pa si Leonardo.
Tinangka nitong sumunod at magpumilit na magpaliwanag subalit ayaw ng
makinig ni Remz at mas ikinagalit pa nito ang pagsunod niya. Wala na siyang
nagawa pa kaya hinayaan niyang makalayo ito sa kanya.
Oras na ng hapunan kaya muling bumalik si Leonardo sa karinderya kung
saan siya kumain kagabi. Samantala si Remz at Leon ay magkasama sa isang
restaurant at walang problema sa pambayad ng kakainin. Napansin ni Leon na
kanina pa may kinaiinisan ang kanyang nobya kaya di na siya nagdalawang-isip
pa na tanungin ito. Isisnalaysay ni Remz ang nangyari kanina tungkol kay
Leonardo at tila mas lalo pa itong nainis.
“Remz di ba sabi ko sa iyo huwag ka ng makipagkita pa sa kanya?”
“Pasensya na, naawa kasi ako sa kanya noon kasi mukhang kaawa-awa
kasi siya noong umutang siya. Di ko naman inakala na gagastahin lang niya ulit
iyong pera sa wala.”
“Hayaan mo na, ang mahalaga bayaran niya iyong inutang niya sa iyo.”
Dumating ang waiter dala ang kanilang order at nagsimula silang kumain.
Masaya ang dalawa na kumakain habang nagkukuwentuhan at sa dami ng
kanilang inorder ay siguradong mabubusog ng lubos ang mga ito.
Sa kabilang dako si Leonardo ay dahan-dahan na sumusubo at nilalasap
ang lasa ng kakaunting kinakain. Nakatatlong beses na rin siya sa paghingi ng
libreng sabaw kaya medyo nagtataka na ang may-ari ng karinderya kung bakit
paulit-ulit itong humihingi ng sabaw at mabagal na sinusubo ang nasa pinggan.
May dalawang customer na dumating at inasikaso agad ito ng tindera. Habang
kumakain ang dalawang bagong dating, pinag-uusapan ng mga ito ang isang
abondonadong bahay sa Navy Base Compound. Nabanggit ng isa sa mga ito na
haunted house daw ang bahay at marami raw ang napapadaan lang doon at
nasasapian ng masamang espirito. Pagkarinig niya ng kuwento tungkol dito ay
nakapag-isip siya ng ideya kung ano ang kanyang gagawin mamaya. Nang
maubos ang kanyang kinakain ay humingi siya ng libreng tubig at binayaran ang
P23.00 na kinain. Naglakad siya paalyat ng Session Road at nilagpasan niya ito
hanggang sa marating niya ang tulay sa harap ng Teacher‟s Camp. Lumiko siya
pakaliwa at nagpatuloy maglakad hanggang sa marating niya ang haunted house
na nabanggit ng dalawang lalake kanina.

Alam niya ang kinaroroonan nito dahil sa naikuwento na rin ito sa kanya
ng dati niyang kasamahan na dati ring naninirahan dito sa Navy Base. Ngayong
gabi ay dito sa abondonadong bahay na nasa harapan niya ang kanyang
tutuluyan. Marami mang sabi-sabi na ito ay isang haunted house at maraming
nasasapian na dumadaan, para kay Leonardo ay hindi na iyon mahalaga.
Kailangan niya ng matutulugan at mapag-iiwanan para bukas ng kanyang mga
gamit. Gamit ang kanyang flashlight naghanap siya ng maaari niyang buksan
para makapasok. Bukas ang isang bintana nito at sa wakas nakapasok siya sa
loob. Napakaraming magkaholong sapot ng gagamba at agiw ang nasa loob at
kakaiba na rin ang amoy dala ng mga amag at naipon na alikabok. Hinanap niya
ang kinaroroonan ng mga kuwarto at pinagtyagaan niyang linisin ang kanyang
hihigaan. Dahil sa wala na siyang ibang magamit para mapunasan ang sahig na
hihigaan, isa sa kanyang mga t-shirt ang kanyang isinakripisyo. “Pasenya na po
kayo kung nanghihimasok ako ng ganito, wala na po kasi talaga akong
matutuluyan. Sana po ay maintindihan niyo ang kalagayan ko,” anito saka nahiga
sa pinunasang sahig.
Dala marahil ng sobrang pagod ay walang hirap na nakatulog ang binata
bagaman maraming natatakot sa bahay na kanyang hinimasok. Nagliliwanag pa
lang nang siya ay magising at pasimple niyang iniwan ang bahay matapos
magbihis. Iniwan niya muna sa loob ang kanyang bagahe at muling naglakad
patungong town upang maghanap ng mga kakilala na maaaring makatulong sa
kanya. Gumamit man xa ng kanyang pabango subalit amoy pa rin niya ang amoy
ng silid na tinulugan sa kanyang katawan. Wala na siyang magagawa pa kundi
huwag indahin ito. Sa tatlo niyang nilapitan na kanyang kakilala ay bigo siya sa
paghingi ng tulong. Gusto man ng isa sa tatlo na matulungan siya subalit apat na
araw pa bago ito magkakapera. Sa ngayon ay iniisip ni Leonardo kung
makakayanan niya ang apat na araw na ang tanging nasa bulsa ay P12.00 lang.
Ginamit niya ang dalawang piso noong isang araw na pambili ng dalawang bio-
data forms subalit hanggang ngayon ay hawak pa rin niya ang mga ito. Malapit
na ulit magdilim at may kahapdian na ang kanyang sikmura dahil sa gutom. Sa
ngayon ay iniisip niya kung paano makakaraos ng apat na araw para makautang
siya sa kanyang kakilala at pansamantala munang umuwi sa kanilang bayan sa
Nueva Viscaya.
Nagpalipas siya ng oras hanggang sa nagdilim at nagsimulang maglakad
patungong Navy Base. Nadaanan niya ang isang bukas na sari-sari store at
naisipang bumili ng kanyang makakain. Wala itong gaanong tinda kundi halos
puro kendi at tsokolate. Ang mga iba ay mga de latang pagkain na mas mahal sa
kanyang natitirang pera.
“Manang ano po mabibili ng P12.00 na makakabusog?”
“Dalawang noodles, kasya naman na siguro iyon.”
Sinunod nito ang mungkahi ng ale at bumili ng dalawang noodles dahil sa
wala na siyang iba pang mabibili. Ika-siyam na rin ng gabi kaya wala na marahil
iba pang tindahan na mapagbibilhan. Pagkabalik niya sa abandonadong bahay
ay binalatan niya ang isa sa mga noodles at kinagatan maski hindi ito luto.
Binuksan niya ang pampalasa nito at ibinuhos sa hindi lutong noodles saka
muling kumagat. “Maski pala hindi ito luto ay masarap pa rin kung gutom na
gutom ka na,” anito habang natatawa at naluluha ng sabay.
Ramdam pa rin niya ang gutom kaya binuksan na rin niya ang isa pa na
kanya sanang agahan bukas. Tuyong-tuyo ang kanyang lalamunan subalit wala
siyang tubig para inumin. Kaawa-awa ang kanyang kalagayan at hindi man lang
niya matulungan ang kanyang sarili. “Anong nangyari sa akin? Anong ginagawa
ko dito? Bakit kailangan kong pagdaanan ang ganito?” tanong nito sa kanyang
sarili.
Pumasok sa kanyang isipan si Remz at naalala niya ang kanyang mga
ginawa noon sa harap ng bahay ng dalaga hanggang sa malaman niya na si
Remz ay nagtratrabaho sa Texas Instruments. Pumasok sa kanyang isipan ang
mga masasayang araw nilang dalawa noong sila ay pasikreto pang
magkasintahan. Naaalala niya ang lahat ng mga ito hanggang sa siya ay
napahiga mula sa pagkakaupo sa sahig. Sa ngayon ay isang batang babae ang
kanyang naiisip. Isang batang babae na nakaupo lang malapit sa bintana habang
pinapanood ang mga ibang bata na masayang naglalaro sa tabi ng kalsada. Ito
ay ang kanyang nakababatang kapatid na may malubhang karamdaman. Naluha
si Leonardo at ramdam rin niya ang sakit ng kanyang tiyan. Hindi na nito
mapigilan na maiyak dahil sa magkakahalong emosyon at nararamdamang sakit
dala ng gutom at pagkauhaw sa tubig.
Ramdam niya ang napakalamig na hangin na dumadapo sa kanyang
katawan at nagsimulang umikot ang kanyang paningin. Nakarinig din siya ng
kakaibang mga ingay na animo‟y likha ng isang multo kaya nakaramdam siya ng
takot. Pakiramdam niya ay mamamatay na siya sa bahay na ito ngayong gabi at
wala man lang makakaalam ng kanyang kinaroroonan. Nang hindi niya
makayanan ang dinaramdam ay bigla na lang itong napasigaw at nawalan ng
malay.
Nagpaalam si Remz kay Leon na uuwi ito bukas ng umaga sa kanilang
bayan sa Nueva Viscaya at babalik sa kasunod na araw. Pinayagan siya ng
nobyo at maaga pa lang ay lumisan na ito sakay ng bus. Nagtataka ngayon si
Leon kung saan na napadpad si Leonardo. Hindi niya inaasahang napakalupit ng
landlady nito at bigla na lang pinaalis si Leonardo ng walang konsiderasyon nang
hindi makabayad ng upa.
Nagising si Leonardo at bigla itong napabangon sa ibabaw ng isang
kama.
“Isang bangungot?” tanong nito sa sarili.
Nilingon niya ang kanyang paligid at nagtaka kung kaninong silid siya
naroroon.
“Nananaginip pa rin ba ako?” muling tanong nito sa sarili.
Bumukas ang pinto at isang dalaga ang pumasok at nabigla ito na makita
siyang gising. Nakatitig lang si Leonardo sa dalaga at hindi niya maintindihan
kung ano ang nangyayari.
“Gising ka na pala, kumusta pakiramdam mo?” tanong nito sa kanya.
“Buhay pa ba ako?” tanong pabalik ng binata.
Napakunot ng noo ang dalaga saka napatawa sa kanyang naitanong.
“Napagkamalan mo bang langit ang silid na ito?”
Inalala ng binata ang nangyari at ang huli nitong naaalala ay nang bago
siya mawalan ng malay sa loob ng abandonadong bahay. “Nasaan ako? At
paano ako napunta dito?”
“Nakita ka ng tatay ko sa haunted house kagabi habang pauwi siya at
dinala ka dito na walang malay-tao.”
Kanina lang ay napanaginipan niya ang kanyang nakababatang kapatid
na nagsasabing hinihintay siya nito at biglang naglaho. Hinanap niya ito at
biglang may tumawag mula sa kanyang likuran at nang nilingon niya kung sino
ay walang iba kundi ang kanyang yumaong ama at karga nito ang kanyang
kapatid. Niyaya rin siya na sumama ngunit tumanggi siya dahil alam niyang
patay na ang kanyang ama at tinanong kung bakit karga-karga niya ang kanyang
kapatid. “Kung gano‟n hindi ka pa pala patay anak, sige mauuna na kami,” sabay
biglang naglaho ang mga ito. Sinubukan niyang habulin ang mga ito ngunit
biglang tumubo ang isang pader sa kanyang harapan at isang maitim na bagay
ang lumamon sa kanya at tuluyan siyang nagising.
“Ayos ka lang?” nag-aalalang usisa ng dalaga na hindi pa
nakapagpakilala.
“Huh? Ayos lang ako bangungot lang pala ang lahat.”
“Bangungot?”
“Oo bangungot… Ahh siya nga pala, ako nga pala si Leonardo at salamat
sa pagliligtas niyo sa akin,” sabay yuko nito sa dalaga.
“Aileen,” sabay abot nito sa kanyang kamay upang sila ay magkamayan.
Mula sa bukas na pinto ay may isang matandang lalake na pumasok.
Ipinakilala ito ng dalaga bilang kanyang ama at siya ring nagligtas kay Leonardo
kagabi. Bumaba ng kama ang binata at nagpasalamat sa kanyang tagapagligtas.
Dahil sa nanghihina niyang katawan ay muntik na siyang bumagsak, buti na lang
at nasalo siya ng dalaga at hindi siya natumba. Niyaya siya sa labas na kumain
at hindi na siya tumanggi pa bagaman nahihiya. Habang kumakain kasabay ang
mag-ama ay tinanong siya ng ginoo kung ano ang kanyang ginagawa sa
abandonadong bahay.
“Ang tapang mo natutulog ka sa haunted house samantalang ako dadaan
lang ako eh takot na takot na ako,” dagdag pa ni Aileen.
Hindi makasagot ang binata at imbes na sagutin ang tanong ng ginoo at
magpaliwanag kay Aileen ay muli na lang itong nagpasalamat sa pagkakaligtas
sa kanya. Bakas sa kanyang mukha ang kalungkutan at madaling makita na
mabigat ang pasan nitong problema. Muli sanang magtatanong ang dalaga
ngunit pinigilan siya ng kanyang ama at naging tahimik silang tatlo hanggang sa
matapos silang mananghalian.
“Leonardo baka gusto mong maligo muna para mas gumaan ang iyong
pakiramdam,” mungkahi ng ginoo.
Nakigamit ng banyo ang binata at sa wakas ay nakaligo matapos ang
ilang araw. Naiisip niya sa ngayon kung gaano siya kaswerte at may nakahanap
pa sa kanya at maski hindi siya kadugo ay kusa siyang tinulungan. Subalit
ngayon na rin ang huling araw na pamamalagi ni Leonardo sa bahay na ito dahil
sa ayaw niya na maging dagdag gastos sa mag-ama. Matapos maligo at
makapagbihis ay nagpaalam ito sa kanyang tagapagligtas.
“Sigurado ka ba na ngayon ka na rin aalis?” paninigurado ng ginoo.
“Opo may kaibigan po ako na ngayon ang balik dito sa Baguio, sa kanya
po muna ako makikituloy,” paliwanag ng binata.
Tumango-tango ang ginoo at naniwala ito sa kanyang sinabi. Muli siyang
nagpasalamat sa mag-ama at aalis na sana siya ng muling may itinanong ang
pinagpapaalaman. “Maitanong ko lang may trabaho ka ba sa kasalukuyan?”
“Wala nga po eh, pero maghahanap po ako kaagad.”
“Kung sakaling ayos lang sa iyo daan ka sa Maharlika 2 nd floor at hanapin
mo iyong dyaryohan, pwede kita irekumenda doon.”
“Naku salamat po maski ano pong uri ng trabaho iyan papasukin ko,”
masiglang tugon ng binata.
“O sige magkita na lang tayo mamayang alas kwatro sa harap ng
Maharlika para mairekumenda kita.”
Masayang nagpasalamat ang binata at muling nagpaalam. Nagtungo ito
ng town at dahil sa ni piso ay wala siya kinailangan ulit niyang maglakad. Bitbit
ulit niya ang kanyang malaking travelling bag patungong Burnham Park. Dito ay
nagpalipas siya ng oras hanggang sa mag-ika-apat ng hapon. Gaya ng
napagkasunduan ay pumunta siya ng Maharlika at doon sila ay nagkita ng ginoo.
Inirekumenda siya nito sa may-ari ng isang distributor ng mga iba‟t-ibang dyaryo
sa bansa. Dahil sa malapit na magkaibigan ang may-ari at ang ginoong
nagrekumenda sa kanya ay madali siyang nakapasok bilang trabahador.
Tamang-tama ang kanyang dating dahil sa isang trabahador ang umalis sa
trabaho kahapon at bukas na bukas ay magsisimula na siya sa trabaho.
“Maraming salamat po ulit sa inyo, napakalaki na po masyado ng
naitulong ninyo sa akin at di ko po alam kung paano ko masusuklihan ang inyong
kabaitan.”
“Huwag mo ng alalahanin iyon, kung may maitutulong ako sa isang tao
tumutulong ako. Siya nga pala bakit dala-dala mo pa rin iyang bag mo?” usisa
nito.
“Huh? Iyong kaibigan ko po kasi parating pa lang kaya wala pa pong tao
sa boarding house niya,” pagpapalusot ng binata.
“Ah gano‟n ba? O siya mauna na muna ako at may kailangan pa ako
puntahan,” pagpapaalam ng ginoo.
“O sige po maraming salamat po ulit,” sabay yuko ni Leonardo ng buong
paggalang.
Samantala sa Nueva Viscaya ay lumabas si Remz patungong drugstore
upang bumili ng gamot. Habang bumibili siya ay may tumawag sa kanyang
pangalan mula sa kanyang kaliwa. Nilingon niya ito at ang ale ay ang ina ni
Leonardo na nakangiti pa sa kanya.
“Sabi ko na nga ba at ikaw iyan,” wika ng ginang.
“Kumusta po kayo?”
“Heto maski papaano maayos-ayos pa rin. Uyy, salamat pala sa
pagtulong mo nitong nakaraang linggo ha. Huwag ka mag-alala babayaran
namin agad iyong perang hiniram sa iyo ni Leonardo.”
“Perang pinahiram ko?” nagtatakang tanong ng dalaga.
“Iyong ipinadala ni Leonardo sa amin sabi niya inutang daw niya sa iyo.”
“Ah iyon po ba?” surpresadong tugon ni Remz dahil sa buong akala niya
ay nagsisinungaling si Leonardo noon.
“Buti na lang may mababait na taong tulad mo Remz, di ko alam kung
anong mangyayari kay Lenneth kung hindi dahil sa tulong mo.”
“Lenneth?”
“Oo iyong babaeng bunso ko na may sakit sa puso mula pagkapanganak.
Hindi ba siya naikuwento ni Leonardo sa iyo?”
Umiling si Remz dahil sa hindi niya alam na may sakit ito sa puso ang
tanging alam lang niya ay may sampung taong gulang na kapatid si Leonardo na
babae pero hindi nito nasabi sa kanya na may karamdaman ito. “Kumusta
naman po siya?” alalang tanong ng dalaga.
“Ayon nasa bahay siya ngayon at namamahinga. Nandoon ate niya
ngayon kaya nakalabas ako para bilhin itong mga gamot at vitamins na
kakailanganin niya.”
“Tita gaano po kasama ang kundisyon niya?”
Naging napakalungkot ng hitsura ng ginang matapos ang tanong ni Remz
at kanya itong ikinabahala. “Sa totoo lang sabi ng doktor kailangan habang mas
maaga pa ay maipaopera na siya para masigurado ang kanyang buhay pero
gusto ko man ay hindi naman sapat ang kakaunting pera na kinikita ni mama sa
paglalaba maski isama pa ang padala ni kuya,” halos maluha na
pagpapaliwanag ng ale.
“Pasensya na po wala pong nabanggit si Leonardo tungkol dito.”
“Siguro ayaw lang niya pag-usapan.”
“Kumusta naman po si Leonardo?” alalang tanong ni Remz.
“Wala pa rin ako balita sa kanya ehh kasi ibinenta niya rin iyong cellphone
niya. Sabi niya magtetext na lang daw siya sa mga susunod na araw.”
Nagpaalam ang ginang dahil sa kailangan na nitong makabalik agad sa
kanilang bahay. Muli itong nagpasalamat sa naitulong ni Remz at ang walang
kaide-ideyang dalaga ay naalala ang huling pag-uusap nila ni Leonardo.
Napakasungit niya noong araw na iyon at binansagan niyang sinungaling ang
binata at tinaasan pa niya ng tono. Buong gabi ay ang nalaman sa ina ni
Leonardo ang kanyang iniisip at hindi niya rin maiwasang mag-alala kung ano na
ang kalagayan ni Leonardo na napalayas ng bahay dahil hindi makabayad ng
upa.
Habang nag-aalala si Remz ay abala si Leonardo sa paghahanap ng
maaari niyang matulugan ngayong gabi. Ayaw na niyang bumalik sa
abandonadong bahay dahil sa medyo natakot na siya dito kaya pumasok siya sa
palengke at naghanap ng sulok na maaaring mahigaan. Nagkataon na may mga
naiwang piraso ng mga karton at ang mga ito ang kanyang pinagtabi-tabi para
higaan. Dala marahil ng sobrang lamig ng gabi ay nanakit ang kanyang tiyan
dagdag pa dito ay ang kanyang pagkagutom dahil sa hindi ulit siya
nakapaghapunan. Habang kinakalimutan ang gutom at pilit natutulog ay isang
lalake ang biglang sumulpot at nakiusap sa kanya.
“Pare gutom ka rin ba? Kailangan mo ng pagkain di ba?” tanong nito sa
kanya.
Tumango si Leonardo at nasabi ng di kilalang lalake sa kanya na may
alam itong mapagkukuhanan ng makakain. Kinausap niya si Leonardo na
sumunod sa kanya at di nagdalawang-isip na sumunod ang binata.
“Ayos nandito na tayo.”
“Anong nandito?” tanong ni Leonardo.
“Ungas ka ba? Sa loob nito ay punung-puno ng pagkain na tinatawag na
lengua de gato, peanut brittle at iba pa.”
“Ibig mong sabihin nanakawin natin?”
“Siyempre ano pa? Kailangan mo ng pagkain di ba? O mas gusto mo na
mamatay sa gutom?” pangungumbinse ng lalakeng kasama.
Dahil sa hindi na niya makayanan ang kanyang gutom ay pumayag si
Leonardo sa plano ng di pa rin niya kilalang lalake. Gamit ang isang manipis na
alambre ay nagawang buksan ng kanyang kasama ang mga kandado. Pinasok
nila ang imbakan ng mga pagkaing nabanggit. Agad nagbukas ang kanyang
kasama ng isang lengua de gato at mabilis na sinusubo ang mga laman nito. Si
Leonardo ay tila natutulala na pinagmamasdan ang animo‟y gutom na gutom na
kasama. Nagdadalawang-isip pa rin siya sa kanyang pinaggagawa at nang
mapansin siya ng kasama ay muli itong nagsalita. “O ano pa hinihintay mo? Tayo
lang ang nandito kaya huwag ka mag-alala walang makakaalam, mamili ka na ng
gusto mo at kumain. Ikaw rin nandito na rin lang tayo saka ka pa aatras sayang
naman ang sasarap ng mga pagkain dito.”
Nawala sa isipan ni Leonardo ang konsensya at nagbukas na rin siya ng
isang produkto at sinabayan ang kapwa magnanakaw na kumain. Pangiti-ngiti sa
kanya ang kanyang kasabwat subalit hindi niya magawang ngumiti pabalik dahil
sa batid pa rin niya na hindi tama ang kanilang ginagawa subalit kailangan niya
itong gawin. Nang hindi na nila kaya pang kumain ay nagpasya sila na iayos sa
dati ang lahat gayon din ang mga kandado bago nila lisanin ang lugar. Habang
iniaayos ni Leonardo ang mga siradurang tabla ay isang matigas na bagay ang
tumama sa itaas ng kanyang batok at mabilis siyang bumagsak sa sahig at
nawalan ng malay.
Lumipas ang ilang oras at nagising si Leonardo dahil sa naririnig niyang
ingay sa may kalapitan. Bumangon siya at ramdam niya ang pananakit ng
kanyang ulo dala ng pagkakatama nito kanina. Napalingon siya sa kanyang
paligid at laking gulat niya na madiskubre ang kanyang kinaroroonan. Nasa loob
pa rin siya ng pinasok nilang imbakan ng mga pampasalubong na pagkain at
mula sa labas ay maririnig ang isang babae at isang lalake na nag-uusap habang
binubuksan ang mga kandado. Wala ang kanyang kasabwat sa loob kaya hindi
niya alam kung ano ang nangyayari. Pinangunahan siya ng takot at pangamba
sa maaaring mangyari sa kanya oras na mahuli siya. Ayaw niyang mahuli at
makulong at dahil sa takot ay inihanda niya ang kanyang sarili para agad
tumakbo palabas pagkatanggal ng dalawang tao sa labas sa mga siradura.
Nagtago muna siya sa likuran ng mga hanay ng tabla at nang sapat na para
daanan niya ang natanggal na bilang ng mga tabla ay hinigpitan niya ang
pagkakahawak sa kanyang bag at mabilis na kumaripas ng takbo palabas at
walang hintong lumayo.
Sa sobrang gulat ay di agad nagawa ng mga may-ari ng puwesto na
humingi ng saklolo sa mga kasama na pareho din ang negosyo. Masuwerte si
Leonardo dahil sa nagawa niyang makatakas sa tiyak na kapahamakan. May
kadiliman pa rin ang kalangitan nang siya ay makalabas, maaaring alas-singko
pa lang ng madaling araw. Biglang pumasok sa kanyang isipan na ang oras ng
kanyang trabaho ay napakaaga kaya nagmadali itong nagtungo ng maharlika at
naabutan ang kanyang mga kasamahan na nagsisimula ng magtrabaho.
“Oh Leonardo nandito ka na pala,” salubong sa kanya ng may-ari ng
pinapasukan.
“Pasensiya na po kung nahuli ako,” pagpapaumanhin ng baguhang
binata.
Di masyadong ininda ng ginoo ang kanyang pagkahuli sa trabaho at
tinawag siya nito at itinuro kung ano ang mga dapat niyang gawin. Sa tulong din
ng isang katrabaho ay madali niyang natutunan ang trabaho.
Hapon na ng makabalik ng Baguio si Remz ngunit ang nasa kanyang
isipan ay kung nasaan na si Leonardo. Alam man niya na walang cellphone ang
binata pero nagsend pa rin siya ng mga text message sa number nito gamit ang
dati niyang sim card na hindi pa rin niya tinatapon. Umaasa na lang siya na
matatanggap ito ni Leonardo.
Natapos ang trabaho ni Leon at nang tiningnan niya ang kanyang
cellphone ay wala pa ring mensahe galing kay Remz. Tinawagan niya ito at
nalaman na narito na siya sa Baguio. Niyaya niya ang kanyang nobya na
lumabas at kumain ulit ng hapunan sa paborito nilang restaurant. Habang
kumakain ay napuna ni Leon na tila may dinaramdam ang kanyang kasama kaya
agad niya itong inusisa. “Remz ayos ka lang?”
“Huh? Pasensya ka na unang araw kasi ng dalaw ko ngayon,” paliwanag
ng dalaga.
“Gano‟n ba? E di kailangan mong umuwi ng maaga ngayon.”
Tumango ang dalaga at pagkatapos nilang kumain ay inihatid siya ni Leon
pauwi. Kinagabihan ay di pa rin makatulog si Remz dahil sa pag-aalala.
Maraming pumapasok sa kanyang isipan na mga posibilidad na maaaring
nangyari kay Leonardo.
Ngayong gabi ay nahuli ng mga pulis si Leonardo dahil sa isang paglabag
ng isang alituntunin. Bawal ang matulog sa mga parke at nagkataong nahuli siya
habang siya ay napaidlip. Agad siyang dinala sa isang istasyon ng pulis at doon
niya pinalipas ang gabi. Kinaumagahan ay isang pulis ang nagpatawag sa kanya
para makausap.
Unang tinanong nito ang kanyang ginagawa sa parke at madali naman
niyang naipaliwanag ang kanyang sarili. Subalit ng tanungin siya tungkol sa
isang insidente ng pagnanakaw sa palengke dalawang gabi ang lumipas ay
lubos na kaba ang kanyang naramdaman. Naitanong ito ng pulis SA kanya dahil
ayon sa mga nanakawan ay may hawak na travelling bag ang magnanakaw na
nakatakas. Mariin Na itinanggi ni Leonardo ang tinatanong ng opisyal at dahil sa
wala ng patutunguhan ang pagtatanong ay kinuhanan na lang siya ng finger
print. Takot man siya na maaaring mabisto sa nangyari subalit wala na siyang
nagawa pa kundi gawin ang ipinapagawa ng pulis. Kinausap siya na tawagan
ang isang nakakakilala sa kanya para may maglabas sa kanya sa kulungan.
Wala na siyang ibang kakilala na maaaring kumuha sa kanya kundi ang kanyang
amo. Mabuti na lang at inilista niya sa isang maliit na notebook ang number ng
opisina ng kanyang amo at ito ang tinawagan ng pulis. Ilang minuto lang ang
lumipas at dumating ang kanyang amo at sa wakas siya ay nakalabas.
Nagpasalamat si Leonardo ng maraming beses at paulit-ulit ding humingi ng
dispensa dahil sa nangyari.
“Dapat kasi noong una pa lang sinabi mo na sa akin na wala kang
matutuluyan.”
“Pasensiya na po talaga,” sabay muling yuko ng binata.
“Dalawa sa mga katrabaho mo ay umuupa ng kuwarto sa boarding house
ko. Ibinabawas ko sa kanilang sahod ang bayad nila sa upa buwan-buwan.
Gano‟n na rin gawin natin kaysa sunduin kita sa kulungan araw-araw,” alok ng
kanyang amo.
“Wala po akong angal sir, maski gano‟n na rin po ang gagawin ko,”
pagtanggap ni Leonardo sa alok ng amo.
“O sige sunod ka sa akin para maiwan mo na rin ang bagahe mong iyan.”
Sakay ng kotse ng kanyang amo, nagtungo sila sa Camdas. Huminto ang
sasakyan sa tapat ng isang malaking bahay saka sila bumaba. Pumasok sila sa
gate at dalawang bahay ang magkatabi sa kabila ng tarangkahan. Ang isa ay
sariling bahay ng kanyang amo kasama ang kanyang pamilya at ang katabi nito
ay ang kanilang pinauupahan. Pumasok sila sa paupahan at itinuro kay
Leonardo ang kanyang magiging silid. Maayos ang lagay ng silid at maluwag na
rin ang ispasyo para sa iisang tao lang.
“Walang problema sa tubig at kuryente dito at P500.00 lang ang ibabawas
ko sa sahod mo buwan-buwan. Ok na ba iyon sa iyo?” tanong ng may-ari.
“Wala pong problema doon, salamat po talaga sir.”
“O sige iwanan mo na muna iyang mga gamit mo at kailangan na nating
makabalik agad,” utos nito.
“Opo,” at inilagay sa ibabaw ng kama ang kanyang bagahe saka
sumunod.
Pagkabalik nila ng Maharlika ay pagdedeliver ng mga dyaryo ang
kailangang gawin ni Leonardo. Ngayong araw ay ang mga madadaling lugar at
gusali lang ang kanyang pagdedeliveran. Pagkabalik niya ay itinuro ulit sa kanya
ang susunod na gawain. Ito ay ang pagtanggal sa header ng mga dyaryo na
hindi nabili kahapon gamit ang isang improvised cutter. Ang mga header na
tatanggalin ay ibabalik sa mga kumpanya ng mga newspaper o tabloid.
“Tol tara mananghalian muna tayo,” yaya ng isang katrabaho kay
Leonardo.
“Sige tol mauna muna kayo.”
“Halika na hindi ka ba nagugutom?”
“Sige lang pare may… may baon ako.”
“Ah gano‟n ba sige kain muna kami.”
Napansin ng amo nila na nagtratrabaho pa rin si Leonardo maski oras na
ng tanghalian. Kumakain na rin sa loob ng opisina ang ilan niyang katrabaho at
siya na lang ang nag-iisang nagtratrabaho.
“Leonardo hindi ka ba kakain?” tanong ng ginoo.
“Mamaya na po sir, kailangan ko po kasing masanay sa pagtanggal nito
ako po kasi pinakamabagal sa kanilang lahat.”
“Mamayang uwian daan ka muna sa desk ko bago ka umalis.”
“Opo sir.”
Natapos ang trabaho ngayong araw at nagsiuwian na ang karamihan sa
kanyang mga kasamahan. Sa utos ng kanyang amo kanina ay nagtungo si
Leonardo sa desk nito at agad siyang pinaupo. Iniabot sa kanya ang isang puting
sobre at dahan-dahan niyang tiningnan kung ano ang nasa loob nito.
Tiglilimampu at tigdadalawampung piso ang nakapaloob sa sobre at nagtaka
siya kung para saan ang perang ito.
“Bali mo iyan ngayong araw at dinagdagan ko na rin ng bonus. Kasya yan
para makabili ka ng makakain mo at kung kailangan mo magbali ulit sabihin mo
lang.”
Halos manginig sa galak ang binata. “Maraming salamat po ulit sir.
Napakabait niyo po,” sabay yuko ni Leonardo na halos maluha sa mga kabaitang
ipinapakita ng mga tao sa kanya.
Tumayo ang ginoo at hinawakan siya sa balikat, “Iho hindi ko alam kung
anong mga pinagdadaanan mo ngayon pero kung hindi ka mananatiling malusog
at matatag tatanggalin kita dito, maliwanag ba?” sabay ngiti nito sa kanya.
“Opo sir. Maraming salamat po ulit.”
“O sige agahan mo bukas.”
Sa mga lumipas na araw ay hindi gaanong makatulog si Remz dahil sa
pag-aalala kung napaano na si Leonardo. Napag-isipan na lang nito na muling
umuwi sa kanilang bayan at bisitahin ang bahay ng dating nobyo para malaman
kung naroroon na ito o maitanong man lang sa kanyang kapamilya kung mabuti
pa ang kanyang kalagayan. Matapos ang overtime ni Remz at alas-siete y media
na ng makarating sila sa town. Naroroon sa hintayan ng service extension si
Leon na naghihintay at niyaya siya nito na magmidnight snack muna at siya na
rin ang maghahatid sa kanya pauwi.
“Remz may ikinagagalit ka ba sa akin?” biglang tanong ni Leon habang
sila ay kumakain.
Napahinto ng pagsubo si Remz saka sumagot. “Wala, bakit mo naitanong
iyan?”
“Napansin ko lang kasi nitong mga nakaraang araw tuwing magkasama
tayo hindi ka gaya ng dati. May problema ka ba?” pag-aalala ni Leon.
“Hindi ako galit sa iyo Leon, nag-aalala lang ako sa isang tao,” paglilinaw
ni Remz.
“Si Leonardo ba?”
Ikinagulat ng dalaga ang pangalang narinig mula sa nobyo. Hindi niya
maipagkaila na si Leonardo nga ang kanyang inaalala at ayaw din niya na
magsinungaling pa tungkol dito.
“Siya pala ang problema mo nitong mga nakaraang araw. Kung gano‟n
hindi pa pala talaga ako lubusan na mas mahalaga sa iyo at mas inaalala mo pa
ang iba kaysa ang tungkol sa atin,” sabay tayo ng binata.
Hindi makapag-isip ng maigi ang dalaga sa kung ano ang isasagot sa
nobyo. Ramdam niya na galit ito subalit wala man lang siya maisip na paliwanag
hinggil sa nangyayari. Habang papalayo ito ay tinawag niya ang kanyang
pangalan ngunit tuloy-tuloy itong nagtungo sa kahera at binayaran ang kanilang
inorder. Agad na rin tumayo si Remz at kinuha ang kanyang bag saka sumunod
kay Leon sa labas.
Sasakay na sana si Leon sa kanyang motorsiklo nang muli niyang marinig
si Remz na tinawag ang kanyang pangalan mula sa kanyang likuran. Napahinto
ang binata at dahan-dahan na hinarap ang tumatawag. Lumapit ito sa kanya
hanggang sa isang tao na lang ang kanilang pagitan at magkaharap silang nag-
usap.
“Leon hindi ito gaya ng iniisip mo?” simula ni Remz.
“Gaya ng iniisip ko? Sabihin mo nga sa akin kung ano ang iniisip ko?” ani
Leon sa may mabagal at mahinang tono subalit ramdam sa kanyang pananalita
ang pagkainis.
“Leon please lang huwag ka magalit sa akin,” sabay kapit nito sa kanyang
baywang at titig sa kanyang mga mata.
“Mag-usap na lang tayo sa ibang araw Remz,” at sumakay ito sa kanyang
motorsiklo at sinenyasan ang dalaga na makisabay na rin sa kanya para ihatid.
Umangkas ang dalaga at inihatid siya ni Leon sa inuuwiang bahay.
Pagkababa nito ay mabilis din na umalis si Leon na wala man lang sinasabi at
dumiretso na ng uwi. Pagkahiga niya sa kama ay pinag-isipan niya ang nangyari
kanina at nagtaka kung bakit gano‟n na lamang ang kanyang pagkainis dahil sa
pag-aalala ni Remz kay Leonardo. Matapos pag-isipan ang kanyang ginawa ay
muli siyang bumangon at tinanggal ang kanyang jacket para magbihis.
Pagkatanggal niya ng kanyang jacket ay may nalaglag sa sahig na galing sa
bulsa nito. Apat na pocket size na larawan nila ni Remz ang mga ito. Ang mga ito
ay nakuha noong una nilang date bilang magkasintahan at madaling makikita sa
larawan kung gaano kasaya sa piling niya ang dalaga. Matagal-tagal na rin na
hindi niya naisusuot ang jacket na gamit niya ngayon at nakalimutan niya na dito
niya pala inilagay ang mga ito. Habang minamasdan niya ang mga larawan ay
may tumawag sa kanyang cellphone at ito‟y walang iba kundi si Remz.
“Oh bakit?”
“Leon galit ka pa rin ba? Nakauwi ka na ba?”
“Oo, bakit?”
“Sorry kung hindi ko nasabi sa iyo ng mas maaga,” may kalungkutang
wika ni Remz.
“Iyon lang ba?” tila hindi interasadong makipagsalita na tono ni Leon.
“I love you Leon.”
“Okay.”
“Sige good night.”
“Goodnight.”
Natapos ang usapan at nakatitig pa rin si Leon sa apat na larawan nila ni
Remz. Binuksan niya ang isang drawer at inilagay sa loob ang mga ito saka
nagbihis para matulog. “Ano ba talaga ikinagagalit ko?” tanong nito sa kanyang
sarili.
Nitong mga nakaraang araw ay si Leonardo rin ang kanyang iniisip kung
saan na ito napadpad at kung buhay pa kaya o lumuwas na ng lungsod kaya
hindi niya mahanap. Ngayong nagawa niya na ilayo si Remz at kunin sa kanyang
panig bilang unang bahagi ng kanyang plano saka naman nawawala si Leonardo
at tila hindi na interasado kay Remz. “Ano na ang gagawin ko kay Remz?
Walang hiya ka Leonardo nasaan ka na?”
Dumating ang araw ng susunod na rest day ni Remz at imbes na uuwi sa
kanilang bayan para malaman ang kalagayan ni Leonardo ay iniba niya ang
plano at binisita na lang si Leon. Gusto niya na magkaayos na sila sa kanilang
tampuhan ng kanyang nobyo at alam din niya na medyo nagpabaya siya sa
kanilang relasyon dahil sa nabaling ang kanyang atensyon sa pag-aalala sa
kalagayan ng dati niyang nobyo at dagdag pa nito ay ang nalaman niya tungkol
sa karamdaman ni Lenneth.
Napakaaga pa lang ay umalis na ng bahay si Leon sakay ng jeep.
Nakipagkita siya sa gang na kanyang ginagamit at isang panibagong utos ang
kanyang ibinigay. Ipinahanap niya sa buong lungsod ang kinaroroonan ni
Leonardo at nagbigay pa siya ng paunang bayad sa pinuno ng mga ito at
nangako na ibibigay ang kalahati kung nahanap na nila ang kanyang pakay.
Masayang tinanggap ng grupo ang kanyang alok at mabilis na kumilos ang mga
bataan nito.
“Balitaan mo ako kung nahanap niyo na siya,” ani Leon.
“Sure pare basta ikaw malakas ka sa amin.”
Naglakad si Leon patungong paradahan ng kanilang jeep at umuwi.
Pagkarating niya ng bahay ay nasurpresa siya na makita ang kanyang nobya na
naghihintay sa harap ng kanilang gate. “Kanina ka pa ba naghihintay?” tanong
niya dito.
“Medyo. Tinatawagan kita pero hindi mo sinasagot cellphone mo.”
“Pasensya ka na naiwan ko cellphone ko sa kuwarto,” pagpapaumanhin ni
Leon.
Pumasok ang dalawa sa loob at agad tinanong ni Leon kung ano ang
sadya ng nobya. Nanatili silang nakatayo sa labas at nagsimulang magpaliwanag
si Remz at sa kanyang pananalita ay halatang kinakabahan ito. Inamin nito na
totoo ang nasabi ni Leon na si Leonardo ang kanyang inaalala nitong mga
nakaraang araw at ipinaliwanag kung bakit. Nawawala ang binata at pati pamilya
nito ay medyo nag-aalala na rin dahil sa wala pa silang natatanggap na tawag
mula sa kanya. Nabanggit din niya na napalayas ng inuupahang bahay si
Leonardo dahil sa ipinadala niya ang perang pambayad sa kanyang pamilya
dahil sa sakit ng kanyang nakababatang kapatid subalit hindi nabanggit ni Remz
kung ano ang sakit ni Lenneth at hindi rin interesado si Leon na tanungin ang
tungkol dito. “Nagiguilty lang ako Leon at wala itong kinalaman tungkol sa past
feelings ko sa kanya,” pagtatapos ng dalaga sa kanyang paliwanag.
Tahimik na nakinig si Leon at sa mga ibang nabanggit ni Remz gaya ng
pagpapalayas kay Leonardo ay nagkunwari siya na ngayon lang niya nalaman.
Matapos magpaliwanag ni Remz ay mas dinikitan niya ito at inakbayan. “I‟m
sorry Remz,” saka seryosong tinitigan ang mga mata ng nobya.
“Bakit ka nagsosorry?” pagtataka nito.
Umiling-iling lang si Leon at mas nagtaka ang dalaga kung ano ang nais
niyang ipahiwatig. Nabigla ang dalaga nang biglang hinalikan ni Leon ang
kanyang labi at napapikit ito. Maluwag niyang tinanggap ang panghahalik ni Leon
at napangiti siya matapos ang paghahalikan. Si Leon ay humirit pa ng isang halik
at ngayon ay may kasama ng pagyayakapan. Hindi gaanong maipaliwanag ng
binata ang kanyang naramdaman tila ngayon lang niya naramdaman ang ganito.
Isa pa ay ngayon lang niya ginawa ang magkasunod na panghahalik sa dalaga
at sa ngayon ay ramdam na ineenjoy niya ang panghahalik kay Remz.
Di nila alam na sa labas lang ng gate ay naroroon pala si Kyla na
nakasaksi sa mainit nilang paghahalikan. Parang di man lang namalayan ng
dalawa na sila ay nasa labas ng bahay o maaari rin na wala silang pakialam
kung may makakita sa kanila. Napakalaking dagok para kay Kyla ang kanyang
nasaksihan, ramdam niya ang napakabilis na pagtibok ng kanyang puso at ito‟y
walang iba kundi matinding pagseselos. Nagsimulang tumulo ang luha sa
kanyang mga mata at hindi na niya nakayanang masaksihan pa ang susunod na
maaaring gawin ng dalawa kaya mabilis niyang nilisan ang lugar at umuwi.
Nagkulong ito sa kanyang silid at patuloy na umiyak dahil sa napakasakit para sa
kanya ang nangyari.
“Ate tanghalian na,” sabay katok ni Reina sa kanyang pinto.
“Hindi ako gutom mauna ka na.”
Nagtaka si Reina kung bakit nasa bahay ang kanyang ate dahil lagi itong
pumupunta kina Leon tuwing wala siyang pasok. Parati ring gabi na ito kung
umuwi at minsan ay hindi na rin maghahapunan. Oras na ng hapunan subalit
hindi pa rin lumalabas ng silid si Kyla kaya muling kinatok ni Reina ang pinto ng
kanyang silid.
“Ate hapunan na, kumain ka naman maski kaunti,” alalang alok ni Reina.
“Sabi ko hindi pa ako gutom, huwag mo nga ako distorbohin!” pahiyaw na
sumbat ni Kyla mula sa loob ng kanyang silid.
Mas ikinagulat ni Reina ang ikinikilos ng kanyang ate. Ito ang unang
beses na sinigawan siya ni Kyla kaya mas lalo siyang nag-alala kung ano ang
problema nito. Hinayaan niya muna na lumamig ang ulo ng kanyang ate at
binalak na kausapin na lang ito mamaya at alamin ang nangyayari.
Habang naghahanap si Leon at Remz ng ibang restaurant para sa
hapunan ay di inaasahan na makasalubong nila si Jean. Nagkapansinan ang
magkaibigan at ipinakilala niya sa isa‟t-isa ang dalawa.
“Jean? Siya ba iyong ex-boyfriend ni Kyla?” tanong ni Remz na ikinagulat
ni Jean.
“Yup siya iyon,” mabilis na tugon ni Leon.
Napakunot ng noo si Jean at magtatanong pa lang sana ay pabagsak na
inilapat ni Leon ang kanyang kamay sa balikat nito sabay kinindatan.
“Wala ako naaalala na naging girlfriend ko si Kyla,” patuloy pa rin ni Jean.
Subalit mabilis na nakapag-isip ng sasabihin si Leon para pagtakpan ang
katotohanan kay Remz. “Ayaw na ayaw nilang naaalala na naging sila o mapag-
usapan man lang ang naging relasyon nila kasi hindi maganda ang kanilang
paghihiwalayan,” pagsisinungaling ni Leon.
“Gano‟n ba? Sorry hindi ko sinasadya na mabanggit,” pagpapaumanhin
ng napaniwalang dalaga.
Nagkasundo ang tatlo na sabay ng maghapunan at habang hinihintay ang
mga inorder ay nagpaalam muna si Remz para gamitin ang C.R.
“Kaya ba hindi mo maipakilala sa akin si Remz ng mas maaga? Ano itong
ex-boyfriend ni Kyla na ito?”
“Si Kyla mismo ang nagsabi niyan kay Remz,” paliwanag ni Leon.
“Ano? Bakit niya kailangang gawin iyon?” mas ipinagtaka ni Jean.
“Napansin ni Remz ang gawain niya na paglaruan ang kanyang kuwintas
at nang tanungin niya ang tungkol doon ay nauwi sa iyo bilang kanyang dating
nobyo.”
Nanatili pa ring nagtataka si Jean kung bakit kinailangang gawin ni Kyla
ang lahat ng iyon. Alam niya kung gaano kamahal ng dalaga ang kanyang
kaibigan kaya di niya maisip kung bakit kailangan nitong magsinungaling. Naisip
pa tuloy niya na maaaring pinilit ni Leon si Kyla na magsinungaling subalit
nagdalawang-isip siya kung kayang gawin iyon ni Leon. Pinagmasdan niya si
Leon at Remz habang sila ay kumakain at pansin niya na masaya ang mga ito sa
isa‟t-isa.
Kinabukasan ay inimbita ni Jean si Kyla para kumain ng hapunan. Hindi
tumanggi ang dalaga at nakipagkita sa kanya. “Medyo masama ayos mo ahh,
masyado bang busy sa trabaho?” tanong ni Jean.
“Medyo,” sagot ng dalaga.
Nanatiling tahimik ang dalawa ng ilang minuto at kunwari may ka-text si
Jean bilang palusot habang nag-iisip kung paano niya sisimulan ang kanilang
usapan ngayong gabi. Dumating ang kanilang inorder at nagsimulang kumain si
Jean samantalang si Kyla ay tila walang gana. “May problema ba?” usisa ng
binata.
Napabuntong-hininga si Kyla at pansin sa kanyang mukha ang naghalong
kalungkutan at pagod. Mahahalata na wala ito gaanong pahinga dahil sa
nanlalaki ang kanyang mga mata at medyo namamaga.
“Nasalubong ko si Leon at Remz kahapon ng gabi. May nabanggit siya na
ipinagtataka ko,” ani Jean.
Nanatiling tahimik si Kyla at napatitig lang sa kanya na animo‟y hinihintay
ang kanyang susunod na sasabihin.
“Kyla bakit kailangang ako ang maging ex-boyfriend mo?” sa wakas ay
naitanong nito.
“Sorry Jean, ako may kagagawan no‟n. Sinabi ko iyon kay Remz para…”
“Para ano?”
“Masyadong kumplikado at mahabang kuwento.”
“Kung gano‟n parang nagparaya ka at tinulungan mo pa sila na maging
stable. Sigurado ka na ayos lang iyon sa iyo?”
Muling napabuntong-hininga ang dalaga at tuluyang binitawan ang
kutsara at tinidor sa kanyang mga kamay. Tila nawalan ito ng ganang kumain at
iniyuko niya ang kanyang ulo. “Pasensiya na Jean kailangan ko ng umalis,”
sabay tayo nito.
“Huh? Sandali di mo man lang ba gagalawin pagkain mo?”
“Wala akong gana sa ibang araw na lang ulit pasensya na talaga,” at
mabilis itong naglakad palabas ng restaurant.
Mabilis na sumunod si Jean at mabilis na iniabot ang bayad ng kanilang
inorder sa kahera at sinabing babalikan niya ang kanyang sukli. Hinabol niya si
Kyla sa labas at tinawag ang kanyang pangalan. Napahinto ang dalaga at kanya
itong nilapitan upang kausapin. “Kyla pasensya na kung nakikialam ako sa
problema mo pero limang taon na rin tayong magkakilala at itinuturing kita na
isang kaibigan kaya nag-aalala lang ako.”
“Thank you Jean, alam ko na mabait kang kaibigan. Tama ka nagparaya
ako at tinulungan ko sila na maging stable at nasaktan at patuloy akong
nasasaktan dahil sa katangahan ko.”
Nagsimulang umiyak ang dalaga at tinakpan ang mga mata gamit ang
kanyang mga kamay sabay tumingkayad sa kinatatayuan. Agad lumapit si Jean
at hinawakan ang kanyang mga balikat sabay inalok na pumasok muna sa
kanyang sasakyan. Napapayag niya ang dalaga at pumasok at umupo ito sa
harapang upuan ng kotse. Nakiusap si Jean na hintayin muna siya nito at
kukunin lang niya ang kanyang sukli sa kahera. Pagkabalik ng binata ay patuloy
pa rin na umiiyak si Kyla kaya iniabot niya ang table napkins na kanyang hiningi.
Sinimulan niyang magmaneho at inihatid si Kyla sa kanilang bahay sa Camp 7.
Alam niya ang kinaroroonan nito dahil ilang beses na rin niyang inihahatid si Kyla
at Leon noong sila pa ang magkasintahan. Nang marating nila ang bahay ay
hindi pa rin humihinto sa pag-iyak ang dalaga kaya inihinto lang niya ang
sasakyan sa tabi at nanatili silang dalawa sa loob ng kotse.
“Alam ko na kinamumuhian ako ni Leon maski sinasabi niya na hindi.
Napakatigas ng ulo ko na nananatili sa kanyang tabi maski nasasaktan na ako at
nanatili ako hanggang di niya ako itinutulak palayo,” biglang hayag ni Kyla nang
medyo tumahan sa pag-iyak.
“Pero bakit kailangan mong gawin ang lahat ng ito maski nasasaktan ka
na?”
“Hindi ko rin alam, basta ang alam ko mahal na mahal ko siya at kung
hindi siya ang makakasama ko parang hindi ako mabubuo. Kaya maski
napakasungit niya sa akin, kinakaya ko pa rin ang lahat para lang makapiling ko
siya, makausap o makita siyang ngumiti… May mga ilang beses na
pinapakitahan niya ako ng kabaitan at lagi ko iyon hinahanap-hanap sa kanya…
Malay ko ba nababaliw na ata ako.”
Pinunasan nito ang kanyang ilong gamit ang tissue at nagpatuloy sa
pagsasalita samantalang si Jean ay tahimik lang na nakikinig.
“Lahat ng mga ginagawa niya para sa akin siguro sa mata ng iba maliliit
na bagay lang pero para sa akin sapat na dahilan na ang mga iyon para
magpatuloy na lumaban. Noong narito pa si Tita Diane napakasuwerte ko kasi
kakampi ko siya pagdating kay Leon. Mahal mahal ko siya na para ko na rin
talagang tunay na nanay subalit sa kabila no‟n pinagsasamantalahan ko rin ang
kanyang kabaitan para lang manatili sa tabi ni Leon. Ang sama ko, pati nanay
niya ay para ko na ring ginamit kaya siguro nakarma ako at naging kapatid na
lang ang turing ni Leon sa akin mula noon.”

Wala pa ring maisip na dapat sabihin si Jean. Nanatili siyang tahimik at


nakikinig lang sa lahat ng sinasabi ni Kyla. Marahil ito na rin ang pinakamabuti
niyang gawin sa ngayon, ang makinig at hayaang ilabas ng dalaga ang kanyang
nararamdaman.
“Lahat kinaya ko nitong nakaraang dalawang taon pero kahapon sa
harapan ko mismo ay nakita ko silang naghahalikan. Naramdaman ko na maski
ang maliit na puwang ko sa puso ni Leon ay tuluyan ng naglaho. Hindi na niya
ako nakikita pa maski bilang kapalit ng kanyang ate, hindi na ako mahalaga sa
kanya.”
Muli na naman itong napaiyak at kumpara kanina ay mas malakas pa ang
ag-iyak at pagsinghot nito. “Nakakahiya na ito,” anito habang patuloy pa rin na
umiiyak maski hiyang-hiya na kay Jean.
Lumipas ang maraming minuto at tumigil din sa pag-iyak ang dalaga.
Nagpasalamat ito kay Jean at muling nagpaumanhin tungkol sa nangyari sa
restaurant kanina.
“Sorry Kyla hindi kita gaanong matulungan matapos lahat ng mga
pakikialam ko.”
“Malaki naitulong mo Jean. Napakabait mong kaibigan. Nakikinig ka
talaga sa akin at handang dumamay kaya salamat ng marami,” sabay ngiti nito
sa kanya.
Dahil sa pareho silang hindi pa kumakain ay niyaya ni Kyla ang binata na
tumuloy muna para makikain. Hindi na tumanggi pa si Jean dahil sa talagang
gutom na rin siya. Hindi pa nakakauwi si Reina dahil sa isang group work na
kailangan nilang madaliin para maisumite bukas ng umaga. Walang nalutong
ulam kaya nagluto na lang sila ng mga instant foods at ilang de lata. Habang
kumakain ay napunta ang usapan sa bahay nila Kyla. Kung magkano ang
binabayaran nila na bill sa kuryente at tubig buwan-buwan, kung sino gumawa
ng mga yari sa kahoy na nakadekorasyon at iba pa na mapapansin sa loob ng
bahay.
Mag-iikasiyam na ng gabi nang makauwi si Reina mula sa bahay ng
kagrupo at nasurpresa na may ibang bisitang lalake maliban kay Leon sa
kanilang bahay.
“Hello Reina,” agad bati ni Jean sabay abot sa kanyang mga kamay para
makipagkamayan.
“Hi,” at medyo nagdadalawang-isip si Reina na makipagkamayan.
“Huwag ka mag-alala hindi pa ako pumapasok ng C.R.” hayag ni Jean at
iniabot din ng dalaga ang kanyang kamay.
Imbes na makipagkamayan lang ay diretsong hinalikan ni Jean ang
kamay ng dalaga. Pagkahalik ni Jean dito ay mabilis na binawi ng dalaga ang
kanyang mga kamay. “Ayy sorry mas maganda ka kasi noong huli nating
pagkikita kaya di ko napigilan ang aking sarili,” sabay yuko nito para ipakita ang
masinsinang pagpapaumanhin.
“Thanks, sige magpapalit lang muna ako,” tila hindi kumportable na
pagpapaalam ni Reina subalit nagawa pa rin nitong ngumiti.
Sinundan ng tingin ni Jean ang papasok na dalaga sa kanyang silid at
pagkapasok nito ay napansin niya na tinatawanan siya ni Kyla.
“Ikaw ha pinagtritripan mo sis ko.”
“Kyla sigurado ka bang eighteen years old lang siya?”
“Oo naman bakit?”
“Ang mature mature ng dating niya grabe,” buong paghangang sabi ni
Jean.
“Kung parang kanina ang panliligaw mo sa kanya malabo na sagutin ka
niya.”
“Eh ano dapat ko gawin?” interasadong pagtatanong ng naakit na binata.
“Problema mo na iyon,” sagot ni Kyla habang natatawa.
“Ang daya, magkaibigan naman tayo di ba? Sige na maski isang clue
lang.”
“Ayoko.”
“Please.”
Lumabas ng silid ang pinag-uusapan at tamang-tama na paalis na si
Jean. Nagpaalam siya sa magkapatid at bago lumabas ay nilapitan muna si
Reina saka may ibinulong. Matapos maibulong ni Jean ang ang kanyang sinabi
ay napatingin si Reina sa kanyang kapatid at tumango kay Jean.
“Anong isinisikreto niyo dyan?” usisa ni Kyla.
“Wala lang, sinasabi ko lang sa kanya kung saan ako nagtatrabaho at
umuuwi para dalawin niya ako minsan,” sagot ni Jean.
Napatawa si Reina sa binitawang sagot ng binata at kunwari umayon na
rin ito sa kanya. Muling nagpaalam si Jean at iniwan ang magkapatid. Kinulit-kulit
ni Reina ang ate na sabihin sa kanya ang nangyayari hanggang sa ikinuwento na
rin niya ang lahat sa kapatid.
Buwan na ng Agosto at muli na namang nag-iba ang shift ng trabaho ni
Remz. Pang-umaga na ulit siya ngayon, 7:00 – 3:00 P.M. Pagkababa ni Remz
ng shuttle galing trabaho ay napansin niya sa isang tabi si Leonardo at ito ay
kumaway sa kanya. Agad niya rin itong nilapitan at kinausap.
“Kumusta ka na bhe?” pangungumusta kaagad ng binata.
“Ayos lang ako, ikaw?”
“Heto medyo busy sa bago kong trabaho.”
Inilabas ni Leonardo ang ilang perang papel na nakatupi at iniabot ito sa
kamay ni Remz.
“Bayad ko sa aking inutang, pasensya ka na ngayon lang ako
nakabayad.”
“Ayos lang, pero sigurado ka ba na hindi mo kailangan ang perang ito
ngayon?” paninigurado ni Remz.
“Huwag ka mag-alala may sapat pa akong pera.”
“Pero paano iyong kapatid mong si Lenneth baka magka-emergency ulit?”
“Alam mo ang tungkol sa kanya?” surpresadong naitanong ng binata.
Isinalaysay ni Remz ang nangyari nang huli siyang umuwi sa kanilang
bayan at nakasalubong niya ang ina ng binata. Muling sinabi ng binata na
walang dapat ipag-alala si Remz dahil magagawan din niya ng paraan ang
tungkol sa kanyang nakababatang kapatid. Nagpaumanhin din si Remz sa
kanyang mga nasabi noon. Para kay Leonardo walang anuman ang mga iyon
dahil sa hindi alam ng dalaga ang totoong nangyayari.
“Oo nga pala, saan ka na nagtatrabaho?” pang-aalam ni Remz.
“Sa Maharlika sa distributor ng mga dyaryo.”
Nabanggit na rin ng binata kung ano ang oras ng kanyang trabaho at kung
anu-ano ang kanyang mga tungkulin. Matapos magkausap ay niyaya ni
Leonardo ang dalaga para magmeryenda muna subalit tumanggi ito at
nagdahilan na may kailangan pa siyang dapat salubungin na tao.
“Kaibigan mo ba?” usisa ni Leonardo.
“Si Leon.”
“Leon? Kayo na ba?” alalang tanong nito.
Tumango si Remz at nagpatuloy, “Siguro mas maganda kung hindi na ulit
tayo magkita pa.”
“Bakit mo nasabi iyan? Akala ko ba kailangan pa nating pag-usapan ang
tungkol sa nangyari? Umaasa ako na makapag-uusap din tayo at iyon din ang
sinabi mo noon sa bus terminal sa probinsya. Tapos ngayon sasabihin mo sa
akin na break na tayo at kayo na ng Leon na iyan?” iritadong sunud-sunod na
pagtatanong ni Leonardo.
“Matagal na akong nakipagbreak sa iyo pero napakabagal mong
maunawaan at maintindihan dahil sa hindi ka nakikiramdam!” may kataasan na
rin ng tono na isinumbat ni Remz.
Napawalang-kibo si Leonardo sa narinig at nagsimulang lumayo si Remz.
Hinabol niya ito at hinawakan sa kamay para huminto. “Bhe paano iyong
pangako natin sa isa‟t-isa?” seryosong tanong nito.”
“Anong pangako?” saka muling hinarap ang lalake.
“Ang pangako natin na kung sakaling magkasala ang isa sa atin, ang isa
ay magpapatawad at magbibigay ng maski ilang pagkakataon. Wala bang
saysay para sa iyo ang pangako nating iyon?”
“At ginusto mong samantalahin ang pangako na iyon kaya dinaya mo
ako?” seryoso ring tanong ni Remz at muling natameme ang binata. “Sorry hindi
ko kayang panghawakan ang pangakong iyan,” dagdag pa ni Remz at pinilit na
pinabitaw ang binata at muling naglakad palayo.
“Bhe please, bumalik ako dito sa Baguio para lang sa iyo. Wala na ba
talagang pag-asa para magkabalikan tayo?” at muli nitong hinawakan ang kamay
ng dalaga.
“Tigilan mo ako Leonardo! Napakaraming magagandang babae dito sa
Baguio at hindi mahirap maghanap kaya kalimutan mo na ang lahat ng nangyari
sa pagitan natin,” may halong inis na nasabi ni Remz.
“Kalimutan ang lahat? Gano‟n ba kadali sa iyo iyon bhe?”
“Huwag mo akong tawaging bhe! Ang pangtawag na iyan ay gusto ko na
boyfriend ko lang ang gagamit. Mahal ko si Leon kaya magiging madali sa akin,”
at puwersahan nitong tinanggal ang kamay ni Leonardo na nakahawak sa kanya.
Naglakad ulit siya palayo at dahil makulit pa rin ang binata sa pagsunod ay galit
niyang pinaalalahanan ito. “Huwag ka ng sumunod dahil ayaw kong makakita ulit
ng away sa pagitan ninyong dalawa. Ayaw ka niyang nakikita dahil naaalala niya
ang kanyang nakaraan.”
Wala ng nagawa pa si Leonardo kundi hayaan ang dalaga na lumayo
sakay ng jeep. Hindi na rin niya makayanan ang kanyang nararamdaman dahil
sa nalaman. Buong akala niya ay magkakaayos din silang dalawa ni Remz
subalit ngayon ay may iba na pala itong nobyo. Ramdam niya ang sakit ng
pagkabigo lalo na at patuloy siyang umasa. Umuwi ito ng kanyang boarding
house at napakalalim ng iniisip.
Natapos ang trabaho ni Leon at pagkalabas niya ng gusaling pinapasukan
ay nasurpresa siya ni Remz na naghihintay. “Kanina ka pa ba?”
“Hindi naman, tara kain tayo libre ko ngayon?” anyaya ni Remz.
“Libre mo? Aba big time ka yata ngayon ahh.”
Nagtungo sila sa paborito nilang restaurant at masayang kumakain
habang nagkukuwentuhan tungkol sa kanilang trabaho at tungkol na rin sa mga
nakakatawang nangyari na kanilang nakikita sa kanilang paligid. Iniabot din ni
Remz ang isang nakabalot na bagay kay Leon habang sila ay kumakain at agad
itong binuksan ng binata.
“Para saan ito?” tanong nito habang tinatanggal ang balot.
“2nd monthsary natin pasensya na nahuli ako ng bigay,” anito.
Nabuksan sa wakas ni Leon ang box at nakita ang laman sa loob, isang
keychain na palaka.
“Palaka? Bakit mo napili ang palaka?”
“Eh marami kang gamit na palaka ehh, pati nga unan mo may disenyong
palaka,” paliwanag ni Remz.
Napaisip ang binata at napangisi saka nagpasalamat sa nobya.
Nagpatuloy silang kumain hanggang sa nabanggit ni Remz ang pinagmulan ng
kanyang pera na pinanglibre ngayong gabi. Nabanggit din niya kay Leon kung
saan nagtatrabaho si Leonardo sa kasalukuyan, isang napakalaking
pagkakamali na nagawa ng dalaga. Ganunpaman hindi siya masisisi dahil wala
itong kaide-ideya tungkol sa nakalipas nila Leon at Leonardo. Tamang-tama, ito
rin ang isang dahilan kung bakit niya gustong kunin si Remz sa kanyang panig.
Para mas madali niyang malaman ang kinaroroonan ni Leonardo habang patuloy
itong hahabol kay Remz. Matapos ihatid si Remz ay agad tinawagan ni Leon ang
pinuno ng gang na kanyang inuutusan at may panibago siyang sinabi dito.
Pagkauwi niya ay dinukot niya ang laman ng kanyang mga bulsa bago
ilagay sa mga labahin ang kanyang mga suot. Nadampot niya ang keychain na
nairegalo ni Remz at napatingin siya sa kanyang unan. Ang unan na ito ay
iniregalo sa kanya ni Kyla noon at marami rin siyang ibang gamit na may
disenyong palaka, jogging pants, t-shirt at iba pa. Si Kyla ang mahilig sa palaka
at dahil sa pagkahumaling nito sa nasabing hayop ay inimpluwensyahan niya si
Leon. Ilang araw na rin na hindi niya nakikita si Kyla kaya medyo nagtaka siya
kung bakit hindi na ito nagpapakita sa kanilang bahay. Maski papaano ay may
nananatili pa ring pag-aalala para sa dalaga ang makikita sa kanyang panig.
Day-off ulit ni Kyla subalit nagdadalawa ang isipan nito kung pupunta siya
sa bahay nila Leon. Sariwa pa rin sa kanya ang nasaksihan noong isang linggo
at patuloy na nababagabag ang kanyang damdamamin dahil dito. Di rin naglaon
ay nagtungo pa rin ito sa bahay ng binata. Tila nasurpresa pa si Leon na makita
siyang dumalaw at pareho silang walang kibo na magkaharap sa pintuan.
Habang magkatitig ay narinig nila ang telepono at agad pinuntahan ni Leon para
pulutin.
“Hello…Oh ma! Napatawag ka…Mabuti naman po…”
Pati si Kyla ay nasiyahan din na tumawag ang ina ni Leon at parang hindi
siya makapaghintay na kausapin din ito. Pinabayaan niya muna ang mag-ina na
mag-usap at nakikinig lang siya sa likuran ng binata. “Kyla kausapin ka raw ni
mama,” sabay abot ni Leon sa telepono.
“Hello po tita,” masiglang bati ni Kyla.
“Kumusta ka na anak, inaapi ka ba ni Leon?”
“Huh? Hindi naman po mabait po siya sa akin,” sabay titig at ngiti niya kay
Leon.
Masayang-masaya si Kyla na nakikipagkwentuhan sa kanyang Tita Diane
samantalang si Leon ay puro katanungan lang ang natanggap. Hindi na niya ito
binigyang atensyon at nagpaalam saglit kay Kyla na bibili lang siya ng iinuming
tubig sa may tindahan. Pagkabalik ni Leon dala ang isang barrel ng inuming
tubig na ilalagay sa water dispenser ay tapos na rin ang pag-uusap ng dalawa.
“Naglilinis ka ba?” tanong ni Kyla dahil sa nakita ang walis na nakakalat sa
sahig.
Tumango ang binata at natawa si Kyla, “Pasensya na dami kasing gawain
sa bangko nitong nakaraang linggo kaya di ako nakadalaw para maglinis.”
“Ayos lang huwag mong intindihin iyon, dapat lang naman na inuuna mo
ang trabaho kesa paglilinis dito.”
Sinimulan ni Kyla ang paglilinis sa mga silid at eksaktong tanghalian na
nang siya ay matapos. Nagtungo ito sa kusina at nagsaing ng kanin at naghanap
ng maluluto sa refrigerator. Ham lang ang nakalagay sa freezer kaya ito na rin
ang kanyang niluto para sa tanghalian. Sabay silang kumain at si Kyla na rin ang
naghugas ng kanilang ginamit. Inihiga ni Kyla sa sofa at nagpahinga hanggang
sa siya ay makatulog at malalim na ang araw nang siya ay magising.
“Leon gusto mo magluto ako ng hapunan?” tanong nito sa kagagaling sa
silid na na binata.
“Hindi na, isa pa wala rin natitirang pagkain na mailuluto.”
“Ay oo nga pala, ako na lang bibili sa groceries kung gusto mo bayaran
mo na lang ako pagkatapos,” mungkahi ni Kyla na sinang-ayunan naman ng
binata.
Pumasok ulit si Leon sa kanyang silid at pagkabalik sa sala ay nakadamit-
panlabas na ito.
“Tara na.”
“Saan?” nagtatakang tanong ni Kyla.
“Kakain sa labas siyempre,” sagot ni Leon.
“Sigurado ka?”
“Mom‟s aboslute order, Leon bahagi si Kyla sa budget,” wika ni Leon na
ginaya ang tono ng kanyang ina.
Natawa si Kyla sa nabanggit ng binata at isinuot ang kanyang sandals.
Nagtungo muna ito sa harap ng salamin at inayos ang sarili. Habang inaayos
niya ang kanyang buhok ay isinuot ni Leon sa kanya ang isang jacket. Ikinagulat
niya ang ginawang iyon ng binata at napatitig siya sa mga mata nito at medyo
naninibago.
“Baka magkasakit ka pa eh bahagi ka ng budget, sayang din iyong pera,”
ani Leon na hindi maintindihan kung nagbibiro o hindi.
“Gano‟n? Salamat, tamang-tama malamig ngayon.”
Sakay ng motorsiklo ay nagtungo ang dalawa sa Mang‟s Cuisine, dito sila
madalas kumain noong narito pa ang ina ni Leon. Habang sila ay kumakain ay
tungkol sa ina ng binata ang kanilang napag-usapan. Naikuwento ni Kyla ang
mga pinaggagawa nilang dalawa ng ina ni Leon bago ito nagtungo sa Amerika.
May mga nakakatawa ring nangyari sa loob ng salon ang naikuwento ng dalaga.
“Nakakamiss na talaga si tita, kailan kaya ulit kami magkikita?”
Nanatiling tahimik si Leon at matapos kumain ay personal niyang inihatid
si Kyla pauwi. Paalis na sana ang binata nang biglang tinawag ni Kyla ang
kanyang pangalan. Inihinto niya ang sasakyan at tinanong ang dalaga kung ano
ang sasabihin.
“Leon naaalala mo ba ang sinabi mo noon na nagpapasalamat ka sa akin
dahil dumating ako sa buhay ng mama mo? Itinuring niya akong parang tunay na
anak alam natin iyon… Ikaw Leon, itinuring mo rin ba akong parang tunay na
kapatid?” seryosong pagtatanong ni Kyla at titig na titig sa mga mata ni Leon
habang hinihintay ang kasagutan.
Tumango si Leon at hindi alam ni Kyla kung ano ang dapat niyang
maramdaman. Dapat ba siyang masiyahan dahil sa itinuring din siya ni Leon na
parang tunay na kapatid? Subalit kung totoo nga ito ay hanggang kapatid lang
pala ang pagtingin ni Leon sa kanya at hindi bilang isang babae na
nakikipagbalikan sa dati nilang pagiging magkasintahan.
“Leon naging masaya ka rin ba tulad ni tita?”
Tumango lang ulit si Leon bilang pagtugon. Nginitian niya si Leon subalit
wala itong karea-reaksyon. “Goodnight Leon, salamat sa dinner at paghahatid.
Ingat sa pag-uwi,” nakangiting sabi nito.
Tumalikod ang dalaga at binuksan ang pinto, papasok na sana siya nang
biglang magsalita si Leon.
“Kyla…”
“Ano iyon?” at hinarap niya ang binata.
Nanatiling nakatitig lang sa kanya si Leon at nagtaka ang dalaga sa kung
ano ang nais nitong sabihin hanggang sa ibinaling ni Leon ang kanyang titig sa
iba. “Saka na lang tayo mag-usap… sige alis na ako, mag-iingat ka lagi,” at
isinuot niya ang kanyang helmet at umalis.
Habang bumibili ng mga pagkain sa grocery si Kyla ay nagkataon na
nakasalubong niya si Remz na bumibili ng panibagong toothbrush. Nagkausap
ang dalawa at nalaman na para kay Leon ang mga pinapamili ni Kyla kaya
tinulungan na niya ito. Nang pumipili ng mga bilihin ay napansin ni Kyla ang
isang kalahating puso na yari sa pilak na nakapalibot bilang bracelet sa kamay
ng kasama. Parehong-pareho ito sa kuwintas na ibinigay sa kanya ng ina ni
Leon.
“Bagay ba sa akin?” tanong ni Remz nang mapansin na kanina pa
napapatingin si Kyla sa kanyang suot-suot na kuwintas.
“Oo naman, saan mo nakuha iyan?”
“Binigay sa akin ni Leon noong isang araw. Sabi niya ang babaeng pipiliin
daw niya ang makakakumpleto sa kalahating puso na ito. May pagkaromantiko
din pala ang loko,” tuwang-tuwa na pagpapahayag ni Remz.
Napangiti lang ng papilit si Kyla at naalala ang tungkol sa destiny heart.
Mula noong ibinigay sa kanya ng kanyang tita ang kalahating puso ay lubos
siyang umasa na ang kalahati ay hawak ni Leon. Nagkatotoo man na hawak nga
ni Leon ngunit sa ibang babae ito napunta. Sigurado niya na galing din sa ina ni
Leon ang kalahating puso na suot ni Remz ngayon. Ngayon ay alam na niya na
pakana at gimik lang iyon ng ina ni Leon subalit hindi mababago ang
katotohanan na umasa siya ng lubos sa idudulot ng destiny heart pakana man o
hindi ng kanyang tita.
“Kyla ayos ka lang?”
“Sorry may inaalala lang ako baka kasi may nakalimutan akong bilhin,”
mabilis na sagot nito.
Matapos bayaran ang mga pinamili ay sabay na rin silang nagtungo sa
bahay nila Leon at iniayos ang mga ito. Nagtulungan na rin silang magluto ng
hapunan at hinintay na makauwi si Leon at sabay-sabay silang kumain. Naunang
umuwi si Kyla sakay ng taxi at si Remz ay inihatid ni Leon sa kanyang
motorsiklo. Yakap at halik bago magpaalam sa isa‟t-isa at agad din bumalik
pauwi ang binata.
Pagkauwi ni Kyla ay binuksan niya ang isang drawer at inilabas ang
destiny heart na ibinigay sa kanya ng ina ni Leon. Tinitigan niya ito at napangiti at
maya‟t-maya ay sabay na ang pagngiti at pagluha niya.
Lumipas ang ilang araw at muling nagsama si Remz at Kyla. Sinadya ni
Remz na hintayin si Kyla upang magtanong.
“Kyla may silver shop kaya dito sa Baguio na makakayang kumpletuhin
ito?”
“Gusto mo na bang makumpleto agad?”
“Siyempre para masiyahan si Leon. Kalahati ng buong kuwintas kasi ito
eh at hindi bracelet. May alam ka ba?”
“Meron, kaso baka mahal,” sagot ni Kyla.
“Ayos lang basta makumpleto ito. Saan ba iyan?” tuwang-tuwa na
pagtatanong nito.
“Gusto mo ako na lang magpakumpleto niyan? Bayaran mo na lang sa
akin kung tapos na,” mungkahi ni Kyla.
“Talaga? O sige dapat makumpleto agad ha,” at tinanggal niya ito sa
kanyang leeg at ibinigay kay Kyla.
Pagkauwi ng bahay ay muling inilabas ni Kyla ang kanyang destiny heart
at pinagpares ito sa nakuha niya mula kay Remz. Pinagdikit niya ang mga ito at
eksaktong-eksato ang bawat giwang nito sa eksakto rin ang lock at clip ng para
sa sabitan. Nabuo ang isang puso na kuwintas at kanya itong tinitigan ng
matagal. Wala siyang galit kay Remz at sa katunayan ay nagugustuhan niya ito
bilang isang kaibigan pero alam din niya na darating ang araw na malalaman ni
Remz ang lahat at masasaktan lang ito sa katotohanan dahil sa paniwala niya na
ginagamit lang siya ni Leon para makapaghiganti kay Leonardo.
Ilang araw na rin mula nang huling magkita si Remz at Leonardo at
hanggang sa ngayon ay naguguluhan pa rin si Leonardo kung ano ang dapat
niyang gawin. Nitong mga nakaraang araw ay nakikipag-inuman lang sa dalawa
niyang katrabaho na kasama rin niyang umuupa sa bahay ng kanilang amo ang
kanyang pinaggagawa para pansamantalang makalimutan ang hinanakit. Sa
ngayon ay mag-isa siyang uminom at alas-diyes na ng gabi umuwi. Habang
naglalakad patungo ng kanyang tinutuluyan ay limang kalalakihan ang humarang
sa kanya at mabilis siyang pinalibutan. Sinubukan niyang lumaban subalit wala
siyang nagawa dahil binugbog kaagad siya ng mga ito hanggang sa siya ay
bumagsak sa lupa. Kinuha ang dala-dala niyang pera at isinama na rin ang
kanyang mumurahing cellphone na kabibili lang niya at dalawang beses pa lang
na nagagamit para makontak ang kanyang ina. Matapos makuha ang mga ito ay
iniwan na siya ng mga kalalakihan. Maswerte siya at hindi siya tinuluyan ng mga
ito ngunit magiging mahirap ang mga susunod na araw dahil ang tinangay nilang
pera ay ang tanging natitira para sa kanyang sarili. Umuwi ito at ramdam ang
pananakit ng kanyang katawan. Kinabukasan ay napakaaga pa rin nitong
lumarga at nagtrabaho maski maraming pasa na itinatago. Wala na siyang naisip
pa na ibang paraan kundi makiusap sa kanyang amo na kunin ang kanyang bali
sa mga nagdaang araw at ipinaliwanag din niya ang dahilan. Dahil sa likas na
mabait at maawain ang kanyang amo ay ibinigay nito ang kanyang bali at
pinayuan din na laging mag-iingat.

Ngayong wala na naman siyang cellphone ay problema ulit niya kung


paano makakausap ang kanyang ina hinggil sa kalagayan ni Lenneth. Naisipan
niya na mamasukan pa ng ibang trabaho para mas malaki ang kitahin at makabili
man lang ng panibagong cellphone maski mumurahin lang. Nakahanap siya ng
isang bar na naghahanap ng isang errand boy at madali siyang natanggap dito.
Alas-siete ng gabi hanggang alas tres ng madaling araw ang kanyang trabaho sa
nasabing bar.
Ika-27 ng Agosto, Araw ng mga Bayani at hindi pumasok si Remz dahil
ginustong magsaya na lang sa holiday na ito. Muli na silang magkasama ni Kyla
at gaya ng dati ay tumulong ito sa paglilinis ng bahay nila Leon. Maagang umalis
ng bahay si Leon at tanghalian na ay hindi pa rin nakakabalik. Napakaraming
kinukwento ni Remz tungkol sa kanila ni Leon sa araw ng kanilang mga
pamamasyal at pakiramdam ni Kyla ay napupurga na siya sa mga ito. Ayaw nga
lang niyang maging prangka kay Remz subalit sa bawat kwento ng kasama ay
matinding pagkainggit at pagseselos ang kapalit.
Naaalala niya ang bawat gabi nitong mga nakaraang araw, hindi siya
makatulog at madalas iniisip kung ano ang dapat niyang gagawin. Madalas din
niyang tinititigan ang dalawang kalahating puso at hindi pa rin masigurado kung
ano ang dapat gawin sa mga ito. Sa ngayon ay napakasaya ni Remz na walang
tigil na nagkukwento kaya medyo naaawa si Kyla dito dahil sa walang
kamuwang-muwang sa mga binabalak ni Leon. Nang hindi na mapigilan ang
sarili dahil sa mga pagkukwento ni Remz ay naisipan na niyang gawin kung ano
ang naisip niyang gawin. “Remz tara sa kuwarto ni Leon, may ipapakita ako sa
iyo,” sabay tungo nito sa silid ng binata.
Sumunod si Remz at interasadong malaman kung ano ang nais ipakita sa
kanya ni Kyla. Wala siyang kaide-ideya na ikagugulat niya ng lubos ang susunod
na malalaman. Pagkapasok nila ay pinakiusapan ni Kyla ang kasama na maging
kalmado lang sa ibubunyag sa kanya.
“Ano ba kasi iyon?” nauusyosong tanong ni Remz.
Binuksan ni Kyla ang isa sa mga drawer at inilabas ang isang kulay
pulang bagay. Lumapit siya kay Remz at iniabot niya ito sabay tinanong kung
pamilyar ba ito sa dalaga.
“Bakit nandito itong cellphone ni Leonardo?” laking pagtataka ni Remz.
“Alam mo ba ang kuwento sa likuran ng cellphone na iyan?”
“Ang sabi sa akin ni Leon ibinenta ito ng mga kasamahan niya sa mga
bumibili ng second hand. Pero bakit narito pa rin sa silid niya?”
“May kinalaman ang lahat kay Leonardo,” sambit ni Kyla.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Alam mo ba na noong araw na ibabalik niya sana iyan ay halos patayin
niya si Leonardo?”
“Ano?” di makapaniwalang reaksyon ni Remz.
“Ginulpi niya si Leonardo noong araw na iyon na parang gusto niyang
patayin, hindi mo ba alam iyon?”
“Hindi… Pero bakit niya gagawin iyon?”
Inilabas ni Kyla ang isang picture frame sa drawer at ipinasa ulit kay
Remz. Ang larawan na nakalagay ay sa ate ni Leon. Nagtaka si Remz kung ano
ang koneksyon ng larawan ni Sophia sa kanyang itinatanong.
“Si Ate Sophia ay ang dating nobya ni Leonardo na siya rin niyang niloko
noon.”
Mas ikinagulat ni Remz ang narinig at halos hindi pa rin makapaniwala.
Naaalala niya ang unang pagkikita ni Leon at Leonardo at noong araw na iyon ay
nakitahan niya ng kakaibang kilos si Leon.
“May hindi magandang binabalak si Leon Remz kaya mas maiging layuan
mo muna siya,” mungkahi ni Kyla.
“Anong ibig mong sabihin? Gusto mo ba kaming maghiwalay?”
“Para rin ito sa ikabubuti mo.”
“Paanong para sa ikabubuti ko? Mahal na mahal ko si Leon, kung
malalayo ako sa kanya ano na lang ang gagawin ko?” may kataasang tono na
sumbat nito.
“Pero Remz ginagamit ka lang niya para saktan si Leonardo…”
“Hindi totoo iyan! Kyla bakit mo ginagawa sa akin ito? Alam mo naman
kung gaano kasakit sa akin ang panloloko ni Leonardo at si Leon ang muling
nagpasaya sa akin kaya di niya ako kayang lokohin dahil alam kong mahal din
niya ako,” medyo naiiyak na pagsalungat ni Remz.
“Alam ko mahirap tanggapin pero totoo ang sinasabi ko,” malumanay pa
rin na pagpapatuloy ni Kyla.
“Kung gano‟n tama pala ang hinala ko noon pa. Mahal mo rin si Leon at
ngayon ay gusto mo akong mawala sa inyong dalawa. Kyla pakiusap huwag ka
gumawa ng mga kuwento.”
“Pero hindi ako gumagawa ng kuwento,” giit nito.
“Mahal namin ang isa‟t-isa. Napakabait niya sa akin at napakamaalaga.
Lagi din niya akong priprotektahan kaya imposibleng ginagamit lang niya ako.
Bakit mo sinasabi ang mga ganyan sa akin akala ko pa naman ay magkaibigan
tayo!”
Inayos ni Remz ang kanyang sarili, pinawi niya ang pumatak na luha sa
kanyang mga mata at tumakbo palabas ng silid. Sinubukan siyang pigilan ni Kyla
subalit hindi na ito huminto pa at tuloy-tuloy na lumabas ng bahay dala-dala ang
cellphone ni Leonardo at ang picture frame ay nabitawan habang papalabas.
Naupo si Kyla sa kama ni Leon at pinag-isipang mabuti ang nangyari bunga ng
kanyang pagbubunyag sa inililihim ni Leon. “Tama lang ba ang ginawa ko?”
tanong nito sa sarili.
Para sa kanya ay dapat lang na malaman ni Remz ang lahat gaano man
ito kasakit sa kanyang bahagi. Di magtatagal ay matatanggap din ni Remz ang
lahat kaysa matagalan pa itong malaman ang katotohanan na tiyak na magiging
mas mahirap tanggapin. Ito ang pumapasok sa kanyang isipan kaya nasabi niya
na tama lang ang kanyang nagawa. Ganunpaman hindi pa rin niya maigigiit na
ang isang dahilan kung bakit niya ito nagawa maliban sa pag-aalala niya kay
Remz ay dahil tulad ni Remz, mahal din niya si Leon.
May kainitan ang panahon at abala pa rin si Leonardo sa pagdedeliver ng
mga diyaryo. Ngayong araw na ito ay minalas na ulit ang binata at ang may
kagagawan ay mga hindi ulit niya kakilala. Kanina lang ay bigla na lang siyang
pinagsisipa ng mga lalake at nang bumagsak siya ay tinadyakan pa ito ng paulit-
ulit hanggang sa may umawat at nagtakbuhan ang mga salarin. Nasira rin ang
kanyang mga dalang diyaryo kaya kinailangan niyang bumalik sa pinapasukan at
magpaliwanag sa amo. Napagalitan siya sa nangyari at nag-utos ng ibang
katrabaho ang kanilang amo para gawin ang pagdedeliver. Marami na naman
siyang pasa ngayong araw pero mabuti na lang at walang kinuha sa kanya.
Magdidilim na at hindi pa rin nakakauwi si Leon kaya isinarado ng maigi ni
Kyla ang mga bintana at pinto saka umuwi. Samantala si Leonardo ay kumakain
sa isang karinderya at nagpapalipas ng oras para sa kanyang trabaho sa gabi.
Wala itong kamalay-malay na may tumitiktik pala sa kanya na dalawang tao.
Matapos kumain ay nagpalipas ng oras saka naglakad patungo sa isang bar.
Pumasok din ang dalawang lalake na sumusunod sa kanya at umorder ng
inumin. Habang umiinom ay inobserbahan ang mga kilos ni Leonardo. Naglabas
ng cellphone ang isa at nagtext sa isa nilang kasama.
Kinabukasan naulit ang nangyari kahapon habang nagdedeliver ng mga
diyaryo si Leonardo. Sa takot niya na mapagalitan ulit ay bumili siya ng kapalit sa
mga nasirang dyaryo sa newspaper stand at ang mga ito ang kanyang idineliver.
Binanggit niya ang nangyari sa kanyang mga katrabaho at nagplano sila ng
hakbangin para mahuli kung sino ang mga lalakeng tila nananadya sa kanya.
Pinag-isipan niyang mabuti kung sino ang maaaring makagawa ng gano‟n sa
kanya at ang tanging pumasok sa kanyang isipan ay may kinalaman ito sa
tatlong kalalakihan noon sa Tea House. Malakas man ang hinala niya na
parehong kalalakihan ang may kagagawan ay wala pa rin siyang maisip na
motibo ng mga ito kung bakit ginagawa ang pambubugbog sa kanya. Sa
sumunod na araw ay walang nangyaring pag-atake sa kanya kaya hindi umubra
ang kanilang plinanong patibong.
Dala ng pag-aalala para kay Remz ay minabuting tawagan ni Kyla ito
subalit hindi sinasagot ng dalaga ang lahat ng mga tawag. Sa sumunod na araw
ay napakaagang umalis ng bahay si Kyla para hintayin si Remz sa hintayan ng
mga T.I. shuttles pero hindi rin niya ito nakita at marahil lumiban ito sa pagpasok.
Kinabukasan ay ang hinahanap niya mismo ang siyang naghihintay sa kanyang
paglabas pagkatapos ng kanyang trabaho sa bangko. Kinumusta kaagad ni Kyla
ang dalaga subalit wala ito gaanong imik at nagkasundo sila na magtungo na
lang muna sa Dane‟s na napakalapit lang sa bangko na pinapasukan ni Kyla.
“Kyla please huwag mong sasabihin kay Leon ang tungkol sa naibalita mo
sa akin,” pakiusap ni Remz.
Ikinagulat ni Kyla ang pakiusap na ito at lubos na nagtaka kung bakit
gustong itago ni Remz ang kanyang nalalaman kay Leon.
“Kyla mahal ko si Leon, kung hindi ko siya nakilala hindi ko alam kung ano
na ang nangyrari sa akin. Kaya maski totoo man na ginamit niya ako gaya ng
sinabi mo naniniwala pa rin ako na natutuhan niya rin akong mahalin. Pakiusap
huwag mo ng gawing mas mahirap pa para sa aming dalawa.”
“Paano si Leonardo, wala ka bang gagawin para sa kanya? Wala ka bang
pakialam sa kung ano ang maaring gawin ni Leon sa kanya?”
“Wala na akong pakialam doon, ang mahalaga lang sa akin ngayon ay si
Leon. Ano man gawin ni Leon sa kanya marahil dapat lang na mangyari kapalit
ng mga panloloko niya sa mga babae gaya ni Ate Sophia at sa akin,” may halong
galit na wika ni Remz.
Napatayo si Kyla at bigla na lang nasampal si Remz sa pisngi pagkatapos
magsalita. Nabigla si Remz sa ginawa ng kausap at siya ay napatitig dito habang
hawak-hawak ang kanyang namumulang pisngi. “Huwag mong igaya si Ate
Sophia sa iyo. Hindi niya gugustuhin ang ipaghiganti siya at kung ganyan ang
pagdadahilan mo marahil hindi mo talagang mahal si Leon dahil sa hahayaan mo
siya na maghiganti,” medyo iritado na rin na nasabi ni Kyla habang napakatalim
na nakatitig sa mga mata ni Remz.
“Hindi ako magpapatalo sa iyo Kyla. Hindi ko siya iiwan maski anong
mangyari kaya hindi ko gagawin ang pakiusap mo noong isang araw na layuan
siya.”
“Ang gusto ko lang ay walang masasaktan sa maaaring mangyari. Gusto
kong kalimutan ni Leon ang paghihiganti bakit ba hindi mo iyon maintindihan?”
“Huwag ka ng magkunwari pa Kyla. Malinaw na ngayon ang lahat sa akin,
ikaw ang dating kasintahan ni Leon at alam kong mahal mo pa rin siya. Kaya
huwag kang magsalita na parang si Leonardo o ako ang inaalala mo at hindi ang
relasyon mo kay Leon!”
Tumayo si Remz at mabilis na lumabas ng gusali at nagtungo sa kalsada
upang maghintay ng jeep na sasakyan pauwi. Maya‟t-maya lang ay nasundan
siya ni Kyla at agad itong lumapit sa kanya.
“Wala na akong sasabihin pa sa iyo,” pangunguna agad nito.
“Heto ibinabalik ko na,” sabay abot ni Kyla sa kalahating pusong kuwintas
ni Remz. “Tama ka mahal ko pa rin si Leon kaya hindi ko magawang ipabuo ang
kalahating puso na iyan,” pag-amin ni Kyla.
Hinawakan ni Remz ang kuwintas at sinuri ito ng maigi bago muling
isinuot sa kanyang leeg.
“Hindi mo lang alam kung gaano kahirap sa akin ang bawat araw nitong
higit dalawang taon na lumipas. At ngayon bigla kang sumulpot sa kung saan,”
hayag pa ni Kyla.
“Hindi sana mangyayari iyan sa iyo kung hindi ka nandaya sa kanya,”
sumbat ni Remz.
“Maaaring tama ka pero kung hindi ako nagkamali maaaring wala ka dito
ngayon at nananatiling miserable ang iyong buhay. Tingnan mo nga naman ang
pagkakataon, kakaiba kung kumilos,” maangas na tugon ng sinumbatan.
Napawalang-kibo si Remz at hindi nito malaman kung ano ang dapat
niyang susunod na sasabihin sa kausap na kailan lang ay itinuring niya na isang
mabait na kaibigan. Ngayon ay ibang-iba ang ugali nito, hindi na ito ang dating
napakamalumanay na Kyla. “Wala akong sasabihin kay Leon kung iyon ang
gusto mo pero huwag ka umasa na hindi niya rin malalaman balang araw.
Magpanggap kang bulag at walang nalalaman hanggang sa gusto mo, tingnan
na lang natin kung sino ang mas mahihirapan,” banta pa ni Kyla saka muling
nagpaalam at umalis.
Dahil sa mga nasabi ni Kyla ay nakaramdam ng takot si Remz ukol sa
kanilang relasyon ni Leon. Naisip din niya na maaaring may mga binabalak pa si
Kyla para sila ay maghiwalay lalo na at inamin nito kani-kanina lang na mahal pa
rin niya ang binata. Pinuntahan niya ang kanyang nobyo sa internet cafe at
hinintay na matapos ang trabaho saka magkasama ulit silang lumibot-libot. Gaya
ng inaasahan, wala itong binabanggit tungkol sa kanyang nalaman.
Ganunpaman hindi na gaya ng dati ang kanyang mga ikinikilos. Dahil sa malalim
ang kanyang iniisip ay apektado na ang kanyang mga galaw at hindi na kagaya
ng dati kung sila ay magkasama. “Leon ano ang pinakanagustuhan mo sa akin?”
biglang naitanong nito habang sila ay kumakain ng hapunan sa paborito nilang
restaurant.
“Bakit mo naitanong?”
“Gusto ko lang malaman kasi hindi ko pa naitatanong dati at hanggang
ngayon wala akong ideya kung ano talaga pinakanagustuhan mo sa akin,” sagot
ni Remz.
“Hmmmm… Ano nga ba? Hindi ko alam ehh, bigla na lang kitang
nagustuhan pero hindi ko maipaliwanag. Hindi rin ba gano‟n ang naramdaman
mo?” tanong pabalik ng binata.
Napatango lang si Remz dahil hindi rin niya alam kung ano talaga ang
nagustuhan niya sa kanyang nobyo at naging sila. Natapos silang kumain at
inihatid ni Leon ang nobya sa tinutuluyan nitong bahay. Pagkababa ni Remz ay
nakiusap muna kay Leon na manatili muna maski saglit lang. Pinatay ni Leon
ang makina at bumababa rin sa kanyang motorsiklo at may iniabot na bagay kay
Remz.
“Happy 3 months,” anito pagkaabot ng kanyang regalo.
“Bakit ngayon lang?” natutuwang tanong ng dalaga.
“Ikaw may kasalanan, nitong mga nakaraang araw hindi mo sinasagot
mga tawag at text messages ko.”
“Gano‟n ba? Sorry at thank you na rin,” sabay halik sa pisngi ng nagbigay
ng regalo.
Si Remz din mismo ang may ideya na ipagdiwang nila ang bawat
karagdagang buwan ng kanilang pagiging magkasintahan. Sanay na rin si Leon
sa mga ganitong gimik ng mga kababaihan kaya kusa niya itong
pinakikibagayan. Ang ipinagtaka nga lang ni Leon ngayon ay ang makita si Remz
na naiiyak habang sinusuri ang regalong natanggap mula sa kanya. “Ngek ano
bang mali sa iyo nitong mga araw at ngayon may water effects ka pa?” pabirong
tanong ni Leon na may halong kaunting pagtataka.
Niyakap ni Remz ang nagbibiro sa kanya at sinundan niya ito ng halik sa
labi sabay sabi, “I love you Leon.”
Napangiti ang binata at niyakap din si Remz saka hinalikan sa labi. “I love
you too Remz.”
“Sigurado ka?”
“Anong sigurado ka pinagtatanong mo?”
“Na mahal mo rin ako,” sabay titig nito sa mga mata ng binata.
Binatukan ni Leon ng isang beses sa noo ang dalaga at ito‟y napapikit,
“Ungas ka ba tinatanong pa ba iyon?”
“Sige nga patunayan mo sa akin,” hamon ni Remz sa binata.
“At paano ang gusto mong pagpapatunay?”
Nag-isip muna ang dalaga bago sumagot, “Leon uwi ako sa inyo ngayong
gabi.”
“Huh! Pero paano iyong tita mo?” may pagkabiglang naitanong ni Leon.
“Ako ng bahala do‟n, ano uwi tayo sa inyo?” muling banggit ni Remz.
Napakaseryoso ng mga mata ni Remz matapos sabihin ang
iminumungkahi na makiuwi sa bahay nila Leon. Dahil sa mga titig ng dalaga ay di
na nagawang tanggihan ni Leon ang ideya nito at sumakay ulit sila sa motorsiklo
at mabilis silang nagtungo sa bahay ng binata. Pagkarating ng bahay ay kumuha
si Leon ng dalawang beer in can sa refrigerator at ito ang kanilang iniinom
habang sila ay nanonood ng mga programa sa telebisyon. Ito ang unang
pagkakataon na umuwi si Remz sa bahay ng isang lalake kaya halata sa
kanyang mga ikinikilos na isang panibagong karanasan para sa kanya ang
gabing ito lalo na at silang dalawa lang ng pinakamamahal niyang lalake. May
mga sandali na napapasulyap ito sa binata at kung mapapatingin ito sa kanya ay
bigla na lang niya ibinabaling ang kanyang tingin sa telebisyon. Dahil sa puna ng
binata ang pagkailang ng kasama ay nag-isip ito ng usapan na
makapagpapabago sa animo‟y mabigat na ihip ng hangin.
“Anong gagawin mo tungkol sa trabaho mo bukas? Mag-aabsent ka ba?”
“Gisingin mo ako at ihatid na rin sa hintayan ng mga shuttle bus.”
Napunta ulit tungkol sa trabaho ni Remz ang kanilang usapan habang
nanonood sila ng telebisyon. Pagpatak ng alas-onse ay nagkasundo ang dalawa
na matulog na para maaga na magising kinaumagahan. Itininuro ni Leon kung
saan matutulog si Remz at sinamaan pa niya ito hanggang sa pinto, ang pinto ng
silid ng kanyang ina.
“Goodnight Remz,” at hinalikan ang dalaga sa noo.
Nanatiling walang-imik ang dalaga at nakatitig lang kay Leon. Naglakad
patungong sariling silid ang binata at nang bubuksan na niya ang kanyang pinto
ay biglang tinawag ni Remz ang kanyang pangalan kaya kanya itong nilingon.
“Bakit? Hindi mo ba mabuksan ang pinto?”
“Leon mahal mo ako di ba?” muling naitanong ng dalaga.
“Oiy oiy iyan ba ang paborito mong tinatanong sa akin ngayon? Ilang
beses ko ng sinagot iyan eh.”
Naglakad palapit sa kanya ang dilag, “Leon pwede ba tayong magtabi na
matulog?”
“Sigurado ka? Ayos lang sa akin,” tila napakakalmado na tugon ni Leon na
ipinagtaka ng dalaga.
Tumango si Remz at binuksan ni Leon ang pinto saka sabay silang
pumasok sa loob. Tuloy-tuloy na naglakad paharap ang dalaga at huminto lang
nang matapat sa kama. Nagulat pa ito ng marinig niya ang pagsara ng pinto at
ramdam niya ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. Di niya maunawaan kung
ano ang kanyang nararamdaman, kung natatakot ba siya o excited.
“Remz buksan mo na lang iyang aparador para magpalit ng damit, may
mga jogging pants din ako dyan.”
“Ok,” at binuksan nga niya ang aparador at namili ng isusuot.
Pumasok ito sa loob ng aparador at bago niya ito isara mula sa loob ay
pinagbawalan pa niya si Leon na manilip. Napatawa lang ang binata sa nasabi
niya at hinintay na matapos itong magbihis. Ilang minuto lang at tinatawag siya
ng dalaga mula sa loob ng aparador. Nilapitan niya ito at tinanong kung ano ang
kailangan ng nobya. “Pakipatay mo muna iyong ilaw bago ako lumabas,” anito.
Sinunod ni Leon ang utos ng dalaga at pinuntahan niya ang switch para
patayin ang ilaw habang nagtataka pa rin kung bakit kailangang ipapatay ni
Remz ito. Naisip niya na baka lalabas ito na nakahubad pero imposible din iyon.
Pinigilan niya ang sarili sa pag-iisip ng kung anu-ano lalo na ng may kalaswaan
at hinintay na lumabas si Remz mula sa aparador. Narinig niya na bumukas ito at
dahan-dahan na lumabas si Remz at humiga sa ibabaw ng kama. Nagkumot
agad ito at tila kinakabahan pa rin sa ginagawa.
“Hindi mo ba ako tatabihan?” medyo nanginginig na tanong nito sa binata
na nananatiling nakatayo sa tabi ng pinto.
“Sandali magpapalit din ako,” ani Leon at mabilis na nagbihis ng pang-
itaas at pinalitan niya ng short pants ang kanyang pantalon.
Humiga na rin ito sa tabi ng dalaga at pansin na pansin niya ang
panginginig ni Remz at napakatahimik pa nito ng ilang minuto.
“Unang beses mo bang makitulog sa lalake?” tanong ni Leon.
“Halata ba?”
“Huwag ka mag-alala di kita kakainin,” ani Leon na may kasamang
pagtawa.
“Napakakalmado mo yata. Siguro ilang beses mo ng naranasan ang
makitulog sa tabi ng mga dati mong nobya.”
“Medyo,” walang pakundangan na tugon ng binata.
Ikinabigla ni Remz ang narinig dahil alam niya na si Kyla ay isang dating
nobya ni Leon. Ngayong nalaman niya na dating nagtatabi si Leon at Kyla ay
naisip niya na hindi dapat siya magpatalo. Nanginginig man at nakakaramdam
ng kaunting kaba ay unti-unti niyang inilapit ang sarili sa binata hanggang sa
magdikit ang kanilang katawan. Niyakap niya si Leon at niyakap din siya nito
sabay nagkahalikan sila ng ilang beses na may kasamang matamis na
pagngingitihan.
“Leon may itatanong ako?”
“Ano na naman? Kung mahal kita?”
“Hindi iba na ngayon promise.”
“Oh ano?”
“Kung sakali balang araw masalubong mo ulit ang dating boyfriend ng ate
mo anong gagawin mo?”
Nabigla si Leon sa naitanong ng dalaga at napatitig ito sa kanyang mga
mata na may kaunting pagtataka. “Bakit mo naman naitanong iyan?” tanong nito
pabalik.
“Curious lang ako kung ikaw iyong taong nagtatanim ng galit at
naghihiganti,” ani Remz habang nakatitig pa rin sa kanya si Leon. Tila hindi
makasagot ang binata at nag-isip ng isasagot kay Remz. “Leon mas mahalaga
ako sa iyo kumpara sa maski ano man diyan hindi ba?” dagdag katanungan ni
Remz na sinang-ayunan ni Leon.

Mula nang sila‟y tumigil sa pag-uusap para matulog ay halata ni Leon na


tulad niya ay hindi rin makatulog si Remz. Kapwa nagpapanggap na lang sila na
natutulog maski mulat pa rin ang kanilang mga mata. Ganunpaman walang
nangyari sa pagitan nilang dalawa maski buong gabi pa silang magkayakap na
nagtabi sa kama. Ikalima na ng umaga ng bumangon si Remz at dahan-dahan
siyang kumawala sa pagkakayakap ni Leon saka lumabas ng silid. Makaraan
ang isang oras ay bumalik ito at binangon si Leon upang siya‟y ihatid sa hintayan
ng kanilang shuttle bus. Naghilamos saglit ang bagong gising na binata at inayos
ang sarili sa harap ng salamin. Gamit ang motorsiklo ay ihinatid niya si Remz sa
patutunguhan nito at matapos maghiwalay ay dumiretso na siya sa isang
restaurant para mag-agahan. Habang kumakain ay naaalala niya ang nangyari
kagabi hanggang kaninang madaling araw. Hindi man lang nila ito pinag-usapan
kanina habang sila ay papaalis ng bahay. Nagpasalamat lang sa kanya si Remz
tulad ng lagi nitong pagpapasalamat at parang ang nangyari kagabi ay walang
kahulugan. Matapos bayaran ang kinain ay bumalik siya ng bahay at naligo saka
nagbihis para sa trabaho maya‟t-maya lang.
Habang nasa trabaho ay malalim ang iniisip ni Leon tungkol sa mga
naitanong ni Remz kagabi. May hinala siya na may nalaman si Remz tungkol sa
kanyang mga plano kaya niya naitanong ang mga iyon kagabi. Maaaring
nagsalita si Kyla o puwede rin na alam na ni Leonardo ang lahat at may nasabi
ito kay Remz, ito ang dalawang posibleng dahilan na naiisip ni Leon kung bakit
gano‟n na lang magtanong si Remz kagabi. Bilang pampalubag-loob inisip na
lang niya na maaaring nagkataon lang ang lahat at walang kinalaman kay Kyla o
Leonardo ang mga naitanong ni Remz kagabi.
Mabilis na lumipas ang araw at si Leonardo ay abala pa rin sa kanyang
trabaho sa bar. Ibang kasipagan ang ipinapakita niya ngayong gabi at masiyahin
din ang kanyang pagkilos habang ginagawa ang mga tungkulin. Palibhasa‟y
ngayon ang araw ng kanyang sahod dito sa bar at hindi na siya makapaghintay
pa na makuha ang kanyang pinagpaguran. Natapos sa wakas ang trabaho at
tumulong siya sa pagsasara at inabot ila ng alas tres y media ng madaling araw.
Bago umalis ay iniabot na rin ng may-ari ng bar ang kanyang sahod at
napakasaya niyan tinanggap ito at nagpasalamat. Para bawas gastos ay
naglalakad lang siya na umuuwi. Para sa kanya sayang ang P31.00 na
ipapasahe niya sa taxi araw-araw kaya mas mabuti pang lakarin niya mula lugar
ng trabaho hanggang sa nirerentahang kuwarto. Habang naglalakad ay iniisip
na niya kung saan niya gagamitin ang kinita ngayong buwan sa dalawa niyang
trabaho. Ang ilan sa kanyang sahod ay siyempre para sa kanyang kapatid na si
Lenneth at ang iba ay para sa kanya. Masakit man sa kanyang kalooban ay
nagpasya siya na hindi lahat ay ibibigay sa ina ngayong araw at magsasantabi
siya ng ilang halaga para mayaya niya si Remz minsan o mabigyan niya ito ng
regalo o anu man diyan na ikasisiya ng dalaga. Subalit hindi siya kasin-swerte
nitong mga nakaraang araw sa pag-uwi. Apat na lalake ang biglang sumulpot
mula sa dilim at siya‟y nilapitan. Habang papalapit ang mga ito ay naramdaman
na ni Leonardo na siya ang sadya kaya agad siyang kumaripas ng takbo pero sa
ilang segundo lang ay agad siyang naabutan at pinatid. Sumubsob siya sa
kalsada at sinimulan siyang gulpihin hanggang sa dinukot ng isa sa mga
kalalakihan ang mga laman ng kanyang bulsa. Gusto man niyang lumaban
subalit wala siyang magawa dahil maliban sa maliit ang kanyang pangangatawan
ay malayong malalaki pa sa kanya ng apat na kalalakihan at higit sa lahat may
armas ang mga ito na patalim at arnis. “Pakiusap kung sino man kayo
kailangang-kailangan ko ang perang iyan kaya kunin niyo na ang lahat huwag
lang iyan,” halos maiyak na pagmamakaawa ni Leonardo sa lalake habang
binibilang nito ang dinukot na pera sa kanyang bulsa.
“Kunin namin ang lahat? Eh wala ka naman ng ibang dala na may halaga
kundi ito lang kaya ano pa kukunin namin sa iyo?” at naghalakhakan pa ang mga
ito.
Ibinangon ni Leonardo ang sarili at nanatiling nakaluhod sa kalsada
kaharap ang dalawang lalake at ang dalawa ay nasa kanyang likuran.
“Nakikiusap ako napakahalaga ng pera na iyan para sa pamilya ko. Gagawin ko
ang lahat ibalik niyo lang iyan,” muling pagmamakaawa ni Leonardo at
sinamahan pa niya ito ng pagyuko sa mga lalake na mismong lumapastangan sa
kanya.
Pero sadyang walang awa ang mga ito at pinagtatawanan lang siya.
Inuulit-ulit din nila ang mga linyang kanyang sinabi sabay tatawa ulit. “Hindi ka
namin kailangan,” hayag ng isa. “Oo nga hindi ka namin kailangan,” dagdag pa
ng isa. “Walang personalan tol binabayaran kami para lang gawin ang ganitong
bagay sa iyo kaya sayang naman napakadali lang na trabaho tapos
nababayaran kami,” at sabay-sabay ulit silang nagtawanan.
Nabigla si Leonardo sa narinig at napaisip kung seryoso ang mga ito sa
kanilang sinabi. Anong uri ng trabaho meron ang mga ito at nababayaran sila sa
panggugulpi at pagkuha ng pag-aari ng masasalubong sa kalsada. At mga
salitang gawin ang ganitong bagay sa iyo ang mabilis niyang pinag-isipan. Naisip
niya na maaaring siya lang mismo ang tinutukoy at hindi kung sinu-sino diyan na
masasalubong at mabibiktma. “Binabayaran kayo para gawin ito sa akin?”
tanong ni Leonardo sa tumatawa pa rin na grupo.
“Oo malaki-laki rin ang bayad sa amin at ang nakukuha namin sa iyo ay
bonus na namin kaya hindi ka pa namin puwedeng tuluyan kasi sayang ibabayad
kapag tigok ka na,” at iniwan siya ng mga ito habang nagtatawanan pa rin.
Muling binilang ng may hawak sa pera ang nakulimbat kay Leonardo at tinanong
ang mga kasama kung saan sila magpapakasaya ngayong araw. Hindi nila
namamalayan na nakatayo na pala si Leonardo at mabilis na tumatakbo palapit
mula sa kanilang likuran. Inagaw niya ang pera sa kamay ng lalake at mas
binilisan ang takbo papalayo na parang isang snatcher. Napamura ang
naagawan at inutusan ang mga kasama na habulin si Leonardo. Dahil sa
pagkakabugbog kanina ay medyo nanghihina pa ang mga paa ni Leonardo kaya
minalas ito at nadapa. Pagkabagsak niya sa may kadilimang kalsada ay muli
siyang pinagtatadyakan ng apat na kalalakihan habang pilit na kinukuha ang
kanyang pera. Hinawakan niya ito ng mahigpit sa dalawa niyang kamay at idinikit
sa kanyang dibdib. Iginulong niya ang kanyang katawan at nahiga kaharap ang
konkretong daan para mas maprotektahan niya ang pera subalit panay ang
tadyak sa kanyang likuran na halos ikawala ng kanyang hininga. Mabuti na lang
at may isang grupo rin ng kalalakihan ang napadaan at napansin ang
nangyayari. Sinigawan ng mga ito ang gumugulpi sa kanya at nang nagtakbuhan
ang mga ito para sumaklolo ay mabilis din na nagsitakbuhan ang apat na
lapastangan.
“Buhay ka pa ba?” tanong ng isa sa mga sumaklolo. Inalalayan ng dalawa
pang kasama nito si Leonardo at itinayo saka pinaupo sa isang tabi. May mga
ilang pasa siya sa kanyang mukha at ang napuna kaagad ng mga tumulong sa
kanya ay ang lukut-lukot na pera sa kanyang kamay. “Pare huwag mo kasing
pinapakita ang pera mo habang naglalakad ka sa madidilim na daanan,” payo ng
isa sa mga ito. Hindi man lang makapagpasalamat ng maayos si Leonardo dahil
sa hindi na siya gaanong makapagsalita. Namamaga ang kanyang labi at may
dugo na rin na lumalabas mula sa kanyang bunganga. Tinanong-tanong siya ng
mga ito kung gusto niyang dalhin siya sa ospital pero siya‟y tumanggi at
nagpasalamat na lang muli sa pagkakaligtas sa kanya. Nagtagal pa ang
pagtatanungan hanggang sa nalaman na malapit lang pala ang kanyang
tinutuluyan sa bahay ng isa sa mga sumaklolo sa kanya. Pumara ang grupo ng
taxi at ipinasakay si Leonardo at sila ng kanyang kapitbahay ang una nilang
ibinaba.
Matapos magpaalam ay dumiretso na siya sa kanyang silid at humiga sa
kanyang kama. Napakasakit ng buo niyang katawan at tila hindi gumagana ang
kanyang isipan. Napuno siya ng takot kanina sa maaaring mangyari sa kanya
subalit mas natakot siya nang tinangay ang kanyang pera na para sa kanyang
kapatid. Hindi na niya naisip ang sariling buhay at mas pinahalagahan pa ang
pera na kakailanganin ni Lenneth, di niya malaman kung siya ay tanga o
desperado o kaya‟y pareho.
Kinaumagahan ay humingi siya ng permiso sa kanyang amo na hindi siya
makakapasok at naipaliwanag niya ang nangyari. Dahil sa nababakas sa
kanyang mukha ang mga pasa ay pinayagan agad siya na magpahinga at bukas
na lang pumasok kung mas mabuti na ang kanyang pakiramdam. Naalala niya
ang nasabi sa kanya ng mga lalake kagabi tungkol sa isang tao na nag-uutos sa
kanila para gawin iyon sa kanya. Buong araw ay ito ang kanyang iniisip kung
sino kaya ang binabanggit ng mga ito. Wala siyang maalalang tao na ginalit niya
ng lubos o sino man na mayroon siyang pagkakasala para mang-utos ng isang
grupo na manggugulpi sa kanya. May isang tao na pumasok sa kanyang isipan
na mainit ang ulo sa kanya, iyon ay si Leon dahil sa una pa lang nila na pagkikita
ay napakapusok na nito sa kanya lalu na noong araw ng graduation ni Remz.
Subalit wala siyang sapat na katibayan at hindi niya maisip kung ano ang dahilan
ni Leon para gawin ito sa kanya kaya hindi na niya pinaghinalaan pa ang binata.
Tumatalab na rin ang mga ininom niyang pain reliever kaya mas nakakagalaw na
siya ngayon. May pasa man siya sa mukha ay kailangan niyang lumabas
patungong bayan para ipadala ang pera na kakailanganin ng kanyang ina para
kay Lenneth. Habang naglalakad ay di maiiwasan na may makapansin sa
kanyang wala sa ayos na mukha at karamihan ay napapatawa pa sa kanyang
hitsura. Binabalewala niya na lang ang mga ito at ginawa ang dapat gawin.
Papauwi na siya mula sa bangko ng may masalubong siyang magandang babae
na kanyang namukhaan. “Kyla!” banggit ni Leonardo at napalingon ang
nakalagpas na dalaga. Napakunot ito ng noo sa kanya marahil hindi siya maalala
o baka hindi lang siya mamukhaan dahil sa kanyang hitsura. “Kyla ikaw nga,
hindi mo ba ako naaalala? Ako ito si Leonardo,” pagpapakilala niya.
“Ahhh ikaw pala iyan, akala ko kung sino,” ani Kyla. Tumabi muna ang
dalawa sa daan at nagkausap saglit.
“Kumusta ka na?” panimula ng binata. Imbes na sumagot ay tinanong ni
Kyla kung ano ang nangyari sa mukha ni Leonardo. Ipinaliwanag ng binata na
may nangursunada sa kanyang grupo kaninang madaling araw at dito niya
natamo ang kanyang mga pasa. Dahil sa nagtitinginan ng mga dumadaan sa
kanila ay niyaya ni Kyla si Leonardo na pumasok muna sa 7-11 upang doon sila
mag-usap. Umorder sila ng kakainin para puwede nilang gamitin ang lamesa at
upuan.
“Anong nangyayari sa buhay mo ngayon Leonardo?” tanong ni Kyla.
“Ewan ko nga ehh. Ito magulo at may mga bagay na nangyayari na hindi
ko alam kung bakit.”
“Problema ba sa girlfriend?”
“Isa na rin iyon,” sagot nito matapos ang ilang segundo ng pag-iisip ng
isasagot.
“Ano na naman kasi ginawa mo ngayon?” dagdag katanungan ng dalaga
na may tila halong galit. “Nandaya ka na naman ng babae, kasalanan mo na
naman ang lahat. Wala ka na talagang natutunan sa nangyari kay Ate Sophia.”
Hindi agad makasagot si Leonardo sa mga sunud-sunod na ibinato sa
kanya ni Kyla. Pero ang ipinagtataka niya ay papaanong parang siguradong-
sigurado si Kyla sa kanyang sinasabi na pandaraya sa isa na namang babae.
“Humihingi ako ng kapatawaran sa nangyari kay Sophia pero ako rin ay lubos na
nasaktan. Ang gusto ko lang noon ay makahanap na siya ng ibang karapat-dapat
na lalake para sa kanya para hindi na siya masaktan pa dahil wala na akong
mukhang ihaharap sa kanya.”
“Eh bakit ka nandaya ulit na walang dahilan?”
“Teka bakit parang siguradong-sigurado mo na nandaya ulit ako?”
Napahinga ng malalim si Kyla bago sumagot, “Dahil sa iyo lumala ang
sitwasyon ko. Dahil sa iyo at ang girlfriend mong si Remz!”
“Paanong alam mo ang pangalan niya?” laking gulat na naitanong ni
Leonardo.
“Ilayo mo na siya bago pa may gawin si Leon na mas malala pa kesa sa
nangyari sa mukha mo,” ani Kyla saka tumayo at naglakad palabas ng gusali.
Agad sinundan ni Leonardo ang dalaga at pasigaw na nagtanong, “Kyla
sino ba talaga si Leon?”
Humarap si Kyla at sumagot, “Hindi mo ba naaalala na may mas
nakababatang kapatid si Ate Sophia subalit nagkataong hindi kayo nagkita ni
minsan. Iyon ay walang iba kundi si Leon na tatlong taon ng nag-aaksaya ng
panahon para lang makaganti sa iyo.”
Nanlaki ang mga mata ni Leonardo dala ng pagkagulat sa narinig. Bukod
dito hindi na niya magawa pang magsalita, nanatili siyang tulala sa kinatatayuan
kaya iniwan na lang siya ni Kyla. Hindi man lang niya ito nagawang pigilan saglit
para sa karagdagang katanungan. Nanumbalik sa kanyang isipan ang mga araw
na pinagmamalaki ni Sophia sa kanya ang nakababatang kapatid nito na
nagtatamo ng mga iba‟t-ibang parangal pang-akademiko at pang extra kurikular.
Nasariwa din niya ang una nilang pagkikita at ang ugali na ipinakita ni Leon
lalung-lalo na ang walang pakundangan nito na muntik na pagsagasa sa kanya
noong araw ng pagtatapos ni Remz. Ngayon ay alam na niya kung gaano katindi
ang galit sa kanya ni Leon, kaya siya nitong pahirapan ng mas higit pa sa
nararanasan niya ngayon at malinaw na sa kanyang isipan na si Leon lang ang
maaaring gumawa ng pangpapagulpi sa kanya alang-alang sa paghihiganti. Para
sa kanya walang magagawa ang paghingi niya ng kapatawaran sa nangyari kay
Sophia dahil hindi rin nito mababago ang mga plano ni Leon sa kanya. Sa
ngayon ay hindi na niya alam kung ano ang nararapat niyang gawin. Sa ayaw at
sa gusto niya balang araw ay kailangan din niyang harapin si Leon kung gusto
niyang mailigtas ang sarili sa kapahamakan. Kailan lang ay naisip ni Leonardo
na kung sakaling malaman niya kung sino ang nasa likod ng lahat ng
paglapastangan sa kanya ay ilalapit niya agad ito sa pulis ngunit hindi niya ito
kayang ituloy dahil batid niya na mabigat ang kanyang pagkakasala hindi lang
kay Leon kundi sa buong pamilya ni Sophia.
Umuwi siya na hindi maipaliwanag ang ekspresyon sa kanyang mukha,
tila nawalang siya ng ilang libo habang naglalakad. Hindi na rin siya nag-abala
pang kumain ng hapunan, wala siyang gana dala marahil ng nalaman mula kay
Kyla. Hihiga, babangon at uupo, paparoo‟t parito, nag-iisip ng maaaring gawin
pero nanatiling walang ideya. Napaidlip ang binata at nagsimulang managinip,
isang bangungot na siyang gumising sa kanya. Napanaginipan niya na
sinasaksak ng paulit ulit ni Leon si Remz sa kanyang harapan at nagagawa pa
nitong tumatawa habang siya ay nagmamakaawa na nakatali sa isang poste ng
BENECO. Ngayon lang pumasok sa kanyang isipan ang tungkol kay Remz at
Leon, hindi man lang niya ito naisip kanina siguro‟y dahil sa sobrang pagkabigla
sa nalaman. Naalala din niya ang sinabi ni Kyla na ilayo na niya si Remz bago pa
may gawin si Leon na mas malala. “Kung gano‟n ginagamit lang niya si Remz
para makabawi sa akin?” tanong nito sa sarili. Hindi na niya masasabi pa kung
ano ang maaaring susunod na mangyayari at mas nag-alala siya para kay Remz.
Malakas ang kutob niya na ginagamit lang siya ni Leon at ang totoong pakay
niya ay siya. “Tama, kung hindi ako kikilos agad papaano na si Remz na lagi
siyang kasama?” muling tanong nito sa sarili. Hindi na siya nakatulog pa dahil sa
lubos na pag-aalala para sa pinapahalagahang dalaga.
Matapos ang trabaho ay nagpalipas muna si Leonardo ng ilang oras at
nag-isip ng mga sasabihin kay Leon bago niya ito puntahan. Alas-singko na ng
hapon nang siya ay sumakay ng jeep patungong bahay nila Sophia, naaalala pa
rin niya kung paano pupunta doon. Pagkarating niya sa nasabing bahay ay
walang katao-tao, nagtanong siya sa isang dumaan na ale at nasabi sa kanya na
gabi na kung umuwi si Leon na siyang nag-iisang nakatira sa bahay. Wala na
siyang magagawa pa kundi hintayin na makauwi ang pakay na tao, sa totoo lang
ay mas makabubuti ito sa kanya dahil sa totoo lang ay hindi pa niya alam kung
ano ang mga dapat niyang sasabihin. Umupo siya sa konkretong bakod ng mga
halaman sa harapan mismo ng bahay nila Leon at naghintay. Magdidilim na ng
may marinig siyang isang motorsiklo na paparating, tinanaw niya ito at
nasiguradong ito ang motorsiklo ni Leon, hindi siya maaaring magkamali dahil
iisa lang ang nakita niya na may gano‟n kamahal na motorsiklo sa buong buhay
niya. Agad siyang tumindig at si Leon naman ay huminto sa harapan ng gate at
tila iritadong tinanggal ang kanyang helmet saka bumaba sa kanyang motor.
“Anong ginagawa mo sa bahay na ito?” tanong ni Leon sa mapanghamon
na tono. Ganito lagi ang tono ng kanyang pananalita sa tuwing si Leonardo ang
kanyang kinakausap. Sa tono pa lang ng kanyang salita ay ramdam na ni
Leonardo kung gaano kalalim ang galit nito sa kanya.
“Kahapon ko lang nalaman na ikaw pala ang nakababatang kapatid na
madalas ikuwento sa akin noon ni Sophia.”
“Nagpa-imbestiga ka ba? Wala kang karapatan na maski banggitin lang
ang kanyang pangalan!” ani Leon sa mas galit na tono. “Umalis ka na kung ayaw
mong tuluyan kita ngayong gabi,” banta pa nito. Sinusihan niya ang kandado at
habang binubuksan niya ang gate ay nagtanong si Leonardo.
“Ang grupo na sumulpot para guluhin ako, ikaw ba ang nag-uutos sa
kanila?”
Napatigil si Leon sa ginagawa at hinarap ang nagtatanong, “Grupo?
Anong grupo ang pinagsasabi mo?” painosenteng tugon nito.
“Huwag ka ng magkunwari pa, may grupo ng mga kalalakihan ang gumupi
sa akin ilang araw lang ang nakakalipas at malakas ang kutob ko na sila rin ang
parehong grupo na laging nanggugulo sa akin mula pa noong buwan ng Mayo.
Sabi ng isa noong isang araw may nag-uutos raw sa kanila para gawin iyon sa
akin at may nakapagsabi rin sa akin ang tungkol sa iyo at ang plano mong
paghihiganti,” may kataasan na rin ng tono na nasabi ni Leonardo.
“Hindi ko sila kilala iyon lang masasabi ko, pero tama ka sa sinabi mo na
may plano akong maghiganti sa iyo,” sagot ni Leon at sinundan pa ito ng
nakakainsultong pagngisi.
“Leon ano ba talagang kailangan mo sa akin?”
“Wala akong kailangan sa iyo, wala kang kwenta sa akin kaya wala akong
kailangan sa iyo,” prankang sagot ni Leon.
Huminga ng malalim si Leonardo saka nagsimulang magsalita ng
malumanay, “Leon tungkol sa nangyari kay Sophia, hindi ko rin naman ginusto
iyon, humihingi ako ng kapatawaran sa nangyari at kaya kong magpaliwanag sa
iyo.”
“Kapatawaran? Wala na sa bokabularyo ko ang kapatawaran. Patay na
siya hunghang!” Lumapit si Leon sa kausap at kinuwelyuhan ito ng mahigpit,
“Pagkatapos ng tatlong taon iyan lang masasabi mo? Humihingi ka ng
kapatawaran at kaya mong magpaliwanag? Gano‟n lang ba kasimple ang
nangyari sa iyo?” pasigaw ng sunud-sunod na pagtatanong nito.
Mainit man ang ulo ni Leon ay pinilit pa rin ni Leonardo na magpaliwanag
subalit tatlong kataga pa lang ang kanyang nasasabi ay itinulak na siya ni Leon
at malakas na tumama ang kanyang likuran sa konretong bakod ng bahay ang
mas masakit pa ay tumama rin dito ang kanyang ulo. “Huwag mong pilitin pang
magpaliwanag, patay na siya wala ng silbi ang anumang sasabihin mo ngayon!”
Hawak-hawak ang kanyang ulo na nauntog ay sumumbat ulit si Leonardo,
“Kung ayaw mo na pag-usapan si Sophia, pag-usapan natin si Remz!”
“Ano naman ang kinalaman ni Remz?”
“Leon kung talagang gusto mong ipaghiganti si Sophia, lahat ng sisi ilagay
mo sa akin at huwag mong idamay si Remz, ayoko lang na masaktan siya sa
ginagawa mo,” anito.
“Masaktan sa ginagawa ko? Hindi ba‟t ikaw ang nanakit sa kanya kaya
siya nandito ngayon?” at nagbitiw na naman ito ng ngisi na laging kinaiirita ni
Leonardo. “Walang babae ang dapat magtiwala sa iyo, nangangaliwa ng walang
dahilan, kalibugan mo lang ang iniisip mo kaya nararapat lang sa iyo ang mapag-
isang buhay.”
“Oo inaamin ko nasaktan ko siya dahil sa isang makasariling dahilan pero
mas makakasakit sa kanya ang ginagawa mong panggagamit para makaganti sa
akin maski hindi mo naman talaga siya mahal!” sumbat ni Leonardo habang
napakahigpit ang pagkakasara ng kanyang mga kamao. Kulang na lang ay
suntukin niya si Leon para makabawi sa lahat ng mga pagpapahirap sa kanya.
“Huwag mong ikumpara ang sarili mo sa akin!” saka minura-mura niya
ang kausap. Hindi na nakapagpigil pa si Leonardo at hinagisan ng kanang
suntok ang pisngi ni Leon. Hindi napuruhan si Leon kaya nagawa agad nitong
bumawi at sinuntok si Leonardo sa bunganga. Muli na namang nagdugo ito dahil
sa hindi pa rin tuluyang naghihilom ang kanyang mga natamong sugat mula sa
pagkakagulpi noong isang araw. Susugurin sana ulit ni Leon ang napaatras na
kalaban subalit may narinig siyang tinig ng isang babae mula sa kanyang likuran.
“Tumigil na kayo!” Nilingon ito ni Leon at ito‟y walang iba kundi si Kyla na
kasalukuyang lumalapit sa kanila. Habang nakatingin si Leon sa ibang direksyon
ay sinamantala ito ni Leonardo para siya‟y bungguhin at tumbahin sa lupa.
Nakaibabaw sa kanya si Leonardo at puno ng galit ito na nagpapaulan sa kanya
ng mga suntok. Lamang man sa posisyon ay hindi pa rin niya magawang
mapuruhan si Leon, nagawa pa rin nitong masangga ang lahat ng kanyang mga
suntok hanggang sa nakahanap ng pagkakataon na maitulak si Leonardo
palayo. Mabilis na tumayo si Leon at agad sinipa ang ulo ni Leonardo habang
bumabangon pa lang ito mula sa pagkakatulak. Siya na rin sana ang
papaibabaw at magpapaulan ng suntok kay Leonardo nang biglang may
dalawang kamay ang mahigpit na humawak sa kanyang kanang bisig.
Iniwasiwas niya ang kanyang kamay para mapabitaw si Kyla ngunit sa sobrang
lakas ay natamaan sa pisngi si Kyla at naitulak at tumama sa gate, ito‟y lumikha
ng napakalakas na ingay. Nilingon ni Leon ang gate at nakita si Kyla na
nakaluhod sa lupa hawak-hawak ang kanyang namumulang pisngi at naluluha
na rin ito. “Leon please tama na,” pakiusap ulit nito.
Tumigil na si Leon at hinayaan si Leonardo, huminga siya ng malalalim at
pilit pinapakalma ang sarili. Nagsisitinginan na rin kasi sa kanila ang ilan sa mga
kapitbahay. Tumayo si Leonardo at napansing si Kyla pala ang dumating, “Kyla
bakit ka nandito?”
“Wala ka ng pakialam do‟n?” sumbat ni Leon maski hindi siya ang
tinatanong.
“Nangangaliwa? Hindi ka pala naiiba.”
“Sinong nangangaliwa? Iniisip mo ba na ang ungas na babaeng ito ay
girlfriend ko?” pagkarinig sa sinabi ni Leon ay napayuko si Kyla at napansin agad
ito ni Leonardo. Tinawag pa siya ni Leon na ungas kaya marahil ay nagkamali
siya ng akala. “Inuulit ko, huwag mong ikumpara ang sarili mo sa akin,” paalala ni
Leon.
“Hindi ko hahayaang gawin mo ang gusto mo Leon. Proprotektahan ko si
Remz dahil ako ang totoong nagmamahal sa kanya.”
“At ano ang magagawa mo? Tangayin siya palayo?” at muli itong
napatawa.
“Ihanda mo na lang ang sasabihin mo kung nalaman na niya ang lahat,”
banta ni Leonardo.
“Dapat ba akong matakot sa iyo? Akala mo ba hindi ko naisip ang bagay
na iyan?” ani Leon na tila hindi naaapektuhan sa pagbabanta ng kausap. “Sige
sabihin mo sa kanya ang lahat para malaman niya na noon pa lang ay gawain
mo na ang mangaliwa. Pero kung iniisip mo na pagtakpan ang pangangaliwa mo
noon nandito lang ako para ibuko ka. Gamitin mo yang utak mo,” pang-iinsulto
pa nito.
Muling natameme si Leonardo sa narinig, tama si Leon kung sasabihin
niya ang lahat kay Remz ay para na rin niyang pinatunayan na noon pa lang ay
gawain na niya ang mangaliwa at hindi niya ito magagawang itago kay Remz lalo
na at sa kasalukuyan ay mas pinaniniwalaan ng nasabing dalaga si Leon. Isa pa
maaaring hindi na magtiwala pa si Remz sa kanya kahit kailan oras na malaman
ng dalaga ang kanyang nakaraan.
“Leonardo pakiusap umalis ka na, nakakahiya na sa mga kapitbahay,”
malumanay na pakiusap ni Kyla.
Wala ng sinabi pa si Leonardo at iniwan ang lugar. Binuksan ni Leon ang
gate at ipinasok ang motorsiklo sa loob. Matapos isara ang gate ay dumiretso na
ito sa loob ng bahay na hindi man lang nagpaumanhin sa natamo ni Kyla.
Sumunod si Kyla pero hindi niya mabuksan ang bibig para kausapin si Leon,
nakatalikod ang binata sa kanya at napakahigpit ang pagkakasara ng mga
kamao. Tumuloy na lang si Kyla sa banyo para hugasan ang paa na
naalikabukan dahil sa pagkakatulak ni Leon kanina. Tiningnan niya rin sa
salamin ang kanyang pisngi at medyo namamaga na ito. Nanatili muna siya sa
loob ng banyo upang mag-isip ng sasabihin kay Leon. Matapos ang ilang minuto
ay lumabas din siya at ngayon ay hinarap na siya ni Leon na nakatayo pa rin sa
dati nitong kinatatayuan kanina.
“Kasama ka ba niyang pumunta dito?” tanong ni Leon.
“Huh?”
“Tinatanong ko kung magkasama kayong pumunta dito?”
“Hindi, pagkarating ko ay nag-uusap na kayong dalawa,” paliwanag ni
Kyla.
“Kung gano‟n paano niya nalaman ang tungkol sa akin?” Hindi nakasagot
si Kyla kaya nagpatuloy si Leon sa pagtatanong. “May sinabi ka sa kanya hindi
ba?” Nanatili pa rin na tahimik ang dalaga kaya sigurado ni Leon na may sinabi
ito kay Leonardo. “Bakit ayaw mong sumagot?”
“Oo may sinabi ako sa kanya no‟ng nasalubong ko siya kahapon,” pag-
amin nito.
“Hindi ba sinabi ko sa iyo na huwag kang makikialam sa mga
pinaggagawa ko? Bakit ba pilit ka pa ring nakikialam sa lahat?”
“Dahil mali ang ginagawa mo at gusto kong tumigil ka na bago pa mas
maraming tao ang madamay at masaktan,” katwiran ni Kyla.
“Huling beses ko na itong uulitin, huwag kang mangaral sa akin.”
Napabaling sa iba ang mga titig ni Kyla, ayaw niyang makita ang mga umaapoy
sa galit na mga mata ni Leon. “Alam ko kung ano ang ginagawa ko noong una pa
lang, alam kong nakakasama ito kaya walang silbi na pinapaalala mo sa akin
dahil buo pa rin ang loob ko na magpatuloy.”
“Pero bakit? Kung alam mong mali bakit mo pa rin ginagawa?” naiiyak na
tanong ni Kyla.
“Gusto mong malaman kung bakit? Dahil ang tarantadong iyon ay walang
natutunan sa nangyari sa ate ko! Para saan pa na namatay si ate kung uulitin pa
rin niya ang kamalian na kanyang nagawa? Ano ba para sa kanya ang
kamatayan ni Ate Sophia?” sunud-sunod na pagbitiw ni Leon ng mga
katanungan na siya na ring nagpapaliwanag kung bakit hindi niya tatantanan si
Leonardo. “Noong namatay si ate napakalaki ng nawala sa akin, para rin akong
namatay, gayon din si mama at papa. Pero bakit ang tarantadong iyon ay wala
lang sa kanya ang nangyari at nagawa pang mag-enjoy at muling magloko sa
kanyang nobya at sa hindi mabilang kung ilan na babae?”
Nagkaroon ng kaunting minuto ng katahimikan bago muling nagsalita si
Kyla. Inisip kasi niya ng mabuti kung ano ang kanyang sasabihin. “Leon
naiintindihan ko ang nararamdaman mo dahil minahal ko rin si ate na parang
isang kapatid pero naniniwala ako na saan man si ate ngayon ay hinding-hindi
siya sasang-ayon sa ginagawa mo ngayon.”
“Hindi sasang-ayon?” At nagkatitigan ang dalawa. “Kyla hindi ko ginawang
malaking bagay ang pagpapabor sa iyo ni mama noong nandito pa siya pero ang
magsalita ka na para bang mas marami kang nalalaman sa mga kapamilya ko
kesa sa akin, hindi ko iyan palalagpasin.” Napatitig na lang si Kyla sa sahig
matapos bitawan ni Leon ang kanyang pahayag. “Ayos na sana ang lahat kung
hindi ka nakialam,” paninisi ni Leon sa dalaga.
Nagsimulang mapasinghot si Kyla at nanatiling nakinig sa mga tinatanong
ni Leon. “Nagkita ba kayo ni Remz nitong mga nakaraang araw?” Tumango si
Kyla at inalam ni Leon kung ano ang kanilang napag-usapan.
“Alam na niya ang lahat, ang tungkol kay Ate Sophia, ang tungkol sa atin,
at higit sa lahat ang tungkol sa plano mo ng paghihiganti kay Leonardo.”
Lumapit si Leon at mahigpit na hinawakan ang mga braso ng dalaga na
animo‟y pipigain niya ito hanggang madurog. Bakas sa ekspresyon ni Kyla na
nasasaktan siya sa kanyang ginagawa kaya itinulak na lang niya ito sa upuan at
napaupo si Kyla sa sofa.
Nakabuwelo si Kyla at muling nagsalita, “Bakit ba napakahalaga sa iyo ng
paghihiganti?” Napaharap ulit sa kanya si Leon at magsasalita sana ito ngunit
inunahan siya ni Kyla. “Dahil sa paghihiganti mo napabayaan mo ako at patuloy
mo akong sinasaktan nitong nakaraang tatlong taon. Natutuwa ka ba na
naghihirap si Leonardo? Kung gano‟n natutuwa ka rin ba na patuloy akong
nasasaktan?”
“Pinapalabas mo ba na ako ang may mas malaking kasalanan sa
nangyari sa ating dalawa?” tanong ni Leon pabalik. Hindi nakasagot si Kyla at
dinagdagan ni Leon ang kanyang pahayag. “Nahuli kita, nakita ng dalawang
mata ko nakikipaghalikan ka sa ibang lalake sa araw mismo ng ating
anniversary. Pareho kayong dalawa ng tarantadong iyon, kaya walang sinuman
ang dapat magmahal sa inyo!” Marami pa sanang sasabihin si Leon dahil sa
sobrang galit lalo na at ipinaalala ni Kyla ang nangyari sa araw na iyon na siya
niyang pinakaayaw na naaalala subalit napatigil siya dahil isang napakalakas na
sampal ang bumagsak sa kanyang kaliwang pisngi mula sa kanang palad ni
Kyla. Dinig sa buong sala ang nalikhang tunog ng sampal na iyon, nagkatitigan
sila na parehong napakalalim ang paghinga.
“Kung pareho kami ni Leonardo, Leon ano ka? Gumagamit ng babae para
maisakatuparan ang paghihiganti at sa huli‟y masasaktan lang siya. Hindi ba iyon
katumbas ng pangangaliwa o mas mabigat pa?” sumbat ni Kyla sa mga pahayag
ni Leon.
Ngayon lang nanlaban ng ganito si Kyla kay Leon. Dati-rati‟y nananahimik
lang ito kung nagkakainitan na ang usapan sa pagitan nilang dalawa. Ngayon ay
isa ng palaban na Kyla ang nasa kanyang harapan. Hindi makasagot si Leon sa
narinig, ito‟y isang napakahirap na katanungan na hindi niya kayang sagutin
kaagad o di kaya‟y isang katanungan na ayaw niyang sagutin dahil sa taglay nito
na maaaring isang katotohanan, na ang ginagawa niya ay mas malala pa kesa
sa mga nagawa ni Leonardo at Kyla. “Pagod na akong ituring ka bilang isang
kapatid. Mas mabuti para sa ating dalawa na putulin ang lahat ng namagitan sa
atin,” seryosong nawika ni Leon.
“Kung gano‟n tinutulak mo na ako palayo?” Diretso ang titig ni Kyla sa
mga mata ni Leon at gayon din si Leon sa kanya. Habang hinihintay niya ang
kasagutan ni Leon ay ramdam niya na pabilis ng pabilis ang pagpintig ng
kanyang puso. Parang gusto na niyang umalis para hindi na marinig ang sagot
ng binata o kaya magtakip ng tenga para hindi ito marinig. Alam na niya kung
ano ang isasagot ni Leon pero hindi niya maiwasan na maitanong ang naitanong.
“Hindi ba‟t ikaw rin mismo ang nagpayo sa akin na kung ayaw kong
makialam ka ay itulak kita palayo?” tanong ni Leon na ikinabigla ni Kyla.
Nangyari na ang kinakatakutan ni Kyla ang paalisin siya ni Leon sa
kanyang buhay. Wala na siyang maisip pa na isasagot, hindi na gaanong
gumagana ang kanyang isipan at puso na lang ang umiiral. “Kung yan talaga
ang gusto mo,” anito ng habang patuloy na humihikbi. Humakbang siya paatras
at minsan pang tumitig sa mga mata ni Leon saka tumalikod at tumakbo palabas
ng bahay. Hindi na rin niya isanara ang gate at tuloy-tuloy na nagtungo sa
kalsada. Imbes na maghintay ng jeep o taxi pauwi ay sumandal muna siya sa
isang malaking pine tree at ipinagpatuloy ang di mapigilang pag-iyak.
Samantala, si Leon ay nag-iisip ng gagawin tungkol sa nalaman kay Kyla.
Alam na pala ni Remz ang lahat pero bakit wala itong sinasabi sa kanya?
Nagugulo na ang kanyang isipan sa kung ano ang nararapat gawin at nahaluan
pa ito ng galit kaya anuman na kanyang madampot ay inihahagis niya ng buong
lakas sa anumang sulok bahay. Ultimo upuan ay kanyang inihagis at pati lamesa
kung marunong lang masaktan ay tiyak mapapa-aray. Para kumalma ay
nagpasya itong magshower.
Nakauwi na si Kyla at pagkapasok ng bahay ay dumireto na sa kanyang
silid. Tinanong siya ng kanyang kapatid kung kumain na siya pero hindi niya ito
pinansin at pumanhik ng kanyang silid. Hindi na siya lumabas pa para
maghapunan at nagkulong na lang sa kuwarto, nakaupo sa kama at inaalala ang
lahat ng nangyari. Ayaw pa rin paawat ang kanyang mga mata sa pagluha,
basang-basa na ang kanyang mga pisngi at tila napakahirap huminga. Habang
nakatulala ay dahan-dahan niyang inilapat ang isa niyang kamay sa kanyang
dibdib at tila may kinakapa siya sa parteng ito ng kanyang katawan. Gawain
niyang laruin ang kuwintas na bigay ni Leon sa tuwing malalim ang kanyang
iniisip subalit wala ito sa kanyang leeg ngayon.
Inabot ni Leon ang sabon na nakapatong sa lagayan sa tabi ng shower.
Pagkahila niya dito ay may narinig siyang bumagsak sa sahig na yari sa tiles.
Tiningnan niya ito pababa at agad nalaman na ito ang kuwintas na ibibigay sana
niya kay Kyla noon. Pinulot niya ito at halata ang panggigigil sa kanyang mukha.
Matapos magshower ay nagpalit na rin siya ng damit. Muli niyang pinagmasdan
ang kuwintas na naiwan ni Kyla at hindi niya maiwasang maalala ang nakaraan
sa likod ng kuwintas. Ayaw na ayaw niya itong naaalala at mabilis na umiinit ang
kanyang ulo. Sa totoo lang, naiirita siya sa tuwing nakikita niya ito na nakasabit
sa leeg ni Kyla kaya lagi niyang pilit iniiwasang tumingin sa dibdib ng dalaga.
Para hindi na niya ito muling makikita pa at di na kailangang iwasang makita.
Minabuti niyang itapon ito at isinama sa mga ibabasura . Kinolekta niya lahat ng
naipong basura sa bahay at kanyang inilagay sa garbage collection area ng
kanilang barangay.
Ngayong nakahiga na siya sa kanyang silid ay si Remz lang ang kanyang
inaalala. Di niya inakala na malalaman ni Remz ang lahat, akala niya ay hindi
sasablay ang kanyang plano. Naisip na niya dati ang posibilidad na magsasalita
si Kyla tungkol dito kaya pinakitahan niya ito ng kaunting kabaitan para makuha
ang loob ng dalaga subalit dahil sa kanya ay nalaman ni Remz ang kanyang
sikreto. Batid niya na masakit para kay Remz ang nalaman at mas nasasaktan
pa ito dahil sa nagkukunwari pa itong walang alam sa nangyayari. Nasariwa niya
ang gabi na nagtabi silang natulog at paulit-ulit na pumapasok sa kanyang isipan
ang naitanong ni Remz, “Anong gagawin mo kung sakaling magkita kayo?”
Napakaaga pa lang nang umalis ng bahay si Leon. Di kalayuan sa babaan
ng T.I. shuttle, nanatiling nakatayo ang binata sa tabi ng isang pine tree.
Pagdating ng mga bus ay itinago niya ang kanyang sarili at hinintay na
makababa si Remz. “Bakit ako nagtatago?” tanong nito sa sarili. Nakita niya si
Remz na bumaba at lalapitan na sana niya ito subalit napakalungkot ang hitsura
ng dalaga at tila napakabigat ng dinadala nitong problema. Nawalan siya ng
lakas ng loob para lapitan ito at pinanood na lang mula sa likuran ng pine tree
ang papalayong dalaga. Nang makalayo si Remz ay inilabas ni Leon ang
kanyang cellphone at tinawagan ito.
Naramdaman ni Remz ang vibration function ng kanyang cellphone at
dinukot niya ito sa kanyang bulsa. Binasa kung sino ang tumatawag at tinitigan
muna ito ng ilang segundo, animo‟y nagpapasya kung ikakansela ang tawag.
“Hello Leon,” bati nito pagkatanggap ng tawag.
“Kumusta Remz?”
“Hindi mabuti?”
“Hindi mabuti? Bakit naman?” pang-aalam ni Leon maski alam niya kung
ano ang dahilan.
“Pagod lang siguro ako dahil sa trabaho at puyat,” sagot ni Remz at
napahinga pa ito ng malalim.
“Kung gano‟n umuwi ka na kaagad para magpahinga.”
“Okay. Bye.” At ibinaba niya ang tawag na hindi pa nakapagpapaalam si
Leon. Nanatili itong nakatayo sa daanan pero wala pa ring lakas ng loob si Leon
na lumapit. Pinagmasdan na lang niya si Remz hanggang sa ito‟y muling
nagpatuloy na lumakad.
“I‟m sorry Remz. I‟m very sorry.” Banggit ni Leon mula sa pinagtataguang
puno.
Mabigat ang kanyang pakiramdam at nahaluan pa ito ng kawalan ng tulog
kaya tinawagan niya ang kanyang boss at nagpaalam na hindi siya
makakapagtrabaho dahil sa siya ay may sakit. Naunawaan naman siya nito at
pinayagan siyang lumiban ngayong araw.
Sa pagkakaalam ni Kyla ay nasa trabaho si Leon kaya nagpunta siya sa
bahay ng binata para kunin ang naiwang kuwintas. Dinukot niya ang dalawang
susi para sa gate at pinto habang naglalakad palapit ng gate. Hindi nakasara ang
gate, naisip niyang marahil hindi na isinara pa ni Leon. Kinailangan niyang
gamitin ang susi sa pinto kaya kampante siya na wala nga si Leon at nasa
trabaho. Pagkapasok ay sa banyo kaagad ang kanyang tuloy. Inabot niya ang
tuktok ng lagayan ng shampoo at sabon ngunit wala siyang mahagilap dito.
Sinubukan niyang tingnan sa lahat ng bahagi ng shelf at ng hindi mahanap ay
tiningnan sa kusina. Wala rin dito ang kanyang kuwintas, maaaring nakita ni
Leon at inilagay niya sa kanyang silid kaya doon ang sumunod niyang
pinuntahan. Subalit wala pa rin dito ang kanyang kuwintas. Sigurado niyang sa
banyo lang niya ito naiwan kaya kung nawala ito doon tiyak na si Leon ang
nakahanap. Para masigurado pati ilalim ng study table, kama at aparador ay
kanya ring sinuri. Matapos halughugin ang kuwarto ni Leon ay bumalik siya sa
kusina at pati basurahan ay tiningnan. Bakante ito kaya naisip niya na marahil
itinapon na ito ni Leon. Agad siyang nagtungo palabas ng bahay at bubuksan pa
lang sana niya ang pinto nang bigla itong nabuksan mula sa labas.
Nagulat sila sa isa‟t-isa at natameme ng ilang segundo, parehong hindi
makapag-isip ng unang sasabihin. “Bakit ka ulit nandito?” tanong ni Leon.
“Nasaan na?”
“Ang alin?”
“Iyong kuwintas ko asan na?” paglilinaw ng dalaga na halos naiiyak na
dalaga dahil kanina pang naghahanap.
“Hindi mo na iyon kailangan kaya mabuti pang kalimutan mo na,” at
naglakad ito hanggang sa nilagpasan si Kyla sa kanyang kinatatayuan. “Para
ano pa na itago mo iyon?”
“Ibalik mo na sa akin,” sabay hatak nito sa braso ni Leon. Napatigil sa
paglakad ang binata at nilingon ang umiiyak ng si Kyla. “Napakahalaga ang
kuwintas na iyon sa akin kaya pakiusap ibalik mo na sa akin,” muli pang
pakiusap ni Kyla.
Para hindi na siya kulitin pa ni Kyla ay inamin niya na isinama niya ito sa
mga basura na itinapon kagabi. Ikinagulat ni Kyla ang narinig subalit wala siyang
maisip sabihin, ang inaalala niya ay ang kuwintas kung naroroon pa ito o wala.
Iniwan niya si Leon at sa imbakan ng basura siya nagtungo. Nang marating niya
ang lugar ay wala ni isang supot ng basura siyang nakita. Malamang kinuha na
ito ng garbage truck. Mas lalo siyang napaiyak, di niya matanggap na nagawa ito
ni Leon sa kanya. Bumalik siya sa bahay ni Leon at kanya itong kinausap. “Bakit
mo ginawa iyon?” galit at umiiyak na pang-aalam nito sa dahilan ng
pagkakatapon ni Leon sa kanyang kuwintas. Inulit lang ni Leon ang kanyang
sinabi kanina at dadagdagan pa sana niya ang kanyang sinabi pero siningitan na
siya ni Kyla, “Ibalik mo na sa akin, please Leon kung tinatago mo lang ay
pakibalik mo na sa akin.”
“Kyla inuulit ko hindi mo na…”
“Ibalik mo na!” pahiyaw na pagputol ni Kyla sa sasabihin ni Leon. “Hindi
mo naiintindihan kung anong nararamdaman ko, karamay ko iyon ng ilang taon
kaya hindi mo alam kung gaano kahalaga iyon sa akin.”
“Tama na. Ayaw kong nakikita na suot-suot mo ang kuwintas na iyon, isa
pa galing din sa akin iyon di ba? Kaya maski tinapon ko man ay hindi mo
pwedeng isingil sa akin,” mababaw na katwiran ni Leon.
“Bakit?” tahimik lang si Leon. “Bakit ayaw mong nakikita?” nanatili pa ring
tahimik si Leon at hindi sumasagot. “Dahil ba sa naaalala mo ang masakit na
nakaraan o dahil tuwing nakikita mo ay naipapaalala sa iyo na mahal na mahal
pa rin kita?” diretso ang tingin ni Kyla sa mga mata ng binata na tahimik din na
nakatitig sa kanya. Ngunit hindi pa rin ito sumagot, inilihis nito ang kanyang mga
titig at tumalikod kay Kyla. Maglalakad na sana ito paakyat ng pangalawang
palapag nang muling magsalita ang dalaga. “Bakit ayaw mong sumagot?” hindi
siya pinansin ng binata at nagpatuloy na umakyat sa hagdanan. “Kailan ka
sasagot?” mas malakas na pagtatanong nito at nang ayaw pa rin huminto ng
paglakad si Leon, “Lagi na lang hindi ka sumasagot!” anito ng pasigaw at sa
wakas huminto ang binata.
“Patawad pero noon pa lang ay hindi tayo pareho ng nararamdaman.
Tapos na ang lahat sa atin mula nang araw na iyon,” tugon ni Leon na ang
binabanggit ay ang araw ng kanilang pangatlong anniversary. “Hindi ko sana
gustong palayuin ka dahil maski papaano natutunan kitang pahalagahan sa
ibang paraan, bilang isang kapatid at anak-anakan ni mama.” Muli niyang
hinarap si Kyla na wala pa ring tigil sa pag-iyak at animo‟y mas napapahikbi dahil
sa kanyang sinasabi. “Hanggang doon lang ang maibibigay ko sa iyo kaya mas
makabubuti na maghanap ka ng isang lalakeng mas nararapat para sa iyo,” at
ipinagpatuloy ni Leon ang pag-akyat sa hagdanan at pumasok sa kanyang silid.

Hindi Na nakapagsalita pa si Kyla. Nanatili itong nakatayo sa tabi ng


hagdanan at nang mawala si Leon sa paningin ay lumuhod ito sa sahig at
tinakpan ang mukha gamit ang kanyang mga palad at nanatili pa ring umiiyak.
Naghilamos siya sa kusina bago niya nilisan ang bahay. Pumara ng taxi at
sumakay, “Session Road po mama.” Habang umaandar ang taxi ay naalala niya
ang nangyari kani-kanina lang. Nagsimula na namang pumatak ang luha sa
kanyang mga mata kaya agad niya itong pinunasan. Inilapat niya ang kanyang
kanang kamay sa kanyang dibdib at dahil sa nakagawian na niya ay hinahagilap
niya ang kuwintas. Wala na ito, isang bagay na napakahalaga sa kanya na hindi
mauunawan nino man kung bakit. “Kailangan ko pa rin iyon,” ani Kyla sa
kanyang isipan.
“Miss saan dito sa Session Road?” tanong ng taxi driver.
“Pwedeng sa Irisan Dumpsite na lang pala ako bababa,” pagbabago ni
Kyla sa kanyang paroroonan na hindi naman ipinagkait ng driver. Narating nila
ang lugar at malayo pa lang ay amoy na amoy na ni Kyla ang mabahong usok na
nagmumula sa mga basura. Binayaran niya ang pasahe at nagtungo sa
mismong dumpsite.
Mula sa kanyang kinatatayuan ay puro basura ang makikita. Nasa
pinakamataas siyang bahagi at ang sa ibaba niya ang tambak na basura na
kinaroroonan ng maraming tao na ang hanap-buhay ay panganalkal ng basura.
Meron ding mga bata na napakapayat at halatang walang wastong nutrisyon ang
tumutulong sa kanilang mga magulang na naghahanap ng maaaring
mapakinabangan sa mga nakatambak na mabahong basura. Ganunpaman, sa
kabila ng umaalingasaw na amoy ay buo pa rin ang loob ni Kyla sa kanyang
gagawin. Nilapitan niya ang isang mama na nagkokolekta ng basura at tinanong,
“Manong saan po dito banda iyong pinagtapunan ng bagong dating na basura?”
“Lahat ng nandito sa bandang itaas bago lang, siyempre hindi maiiwasan
na iyong iba ay gugulong sa baba,” paliwanag nito.
Nagpasalamat si Kyla at ngayon alam na niya na hindi lang mahirap ang
kanyang gustong gawin kundi napakahirap at halos imposible. “Hintayin mo lang
ako hahanapin kita,” sambit ni Kyla at sinimulang kalkalin ang mga basura. Hindi
na niya inisip pa kung gaano kadumi ang kanyang mga hinahawakan, ang
mahalaga lang sa kanya ay mahanap ang kuwintas na napakahalaga sa kanya.
Di maiwasan ng mga magbabasura na magtaka kung ano ang ginagawa ng
isang desenteng babaeng tulad niya sa tambakan ng mga basura. Malayong
mangyari na magkapareho sila ng hanap-buhay, sino nga ba ang hindi
magtataka. Ngunit hinayaan lang siya ng mga ito dahil sa wala silang nakikita na
sako na kanyang pinaglalagyan ng kung anuman na mapapakinanbangan kaya
hindi siya kakompetensiya.
Habang patuloy na hinahalukay ang mga basura ay narinig ni Kyla ng
panglimang beses ang ringtone ng kanyang cellphone. Huminto siya saglit at
naisipang magpahinga, kaya sinagot niya ang tawag gamit ang kanyang
maruruming kamay. “Reina bakit?” tanong nito sa kapatid na kanina pa
tumatawag sa kanya.
“Ate may bisita ka dito kanina pa. Hindi ka raw kasi pumasok sa trabaho
at wala ka man lang sinasabi.”
“Gano‟n ba? Pakisabi na lang mamaya pa ako makakauwi may hinahanap
pa kasi ako,” utos ni Kyla.
Inutusan na rin niya ang kapatid na magluto ng hapunan dahil hindi siya
makakauwi sa oras para magluto. Ipinagpatuloy ni Kyla ang paghalungkat sa
mga basura. Malawak na rin ang kanyang napaghanapan at napakarumi na ng
kanyang kasuotan. Napakahapdi na rin ng kanyang mga mata at nananakit na
ang kanyang ilong. Pero hindi pa rin siya sumusuko, gaano nga ba talaga
kahalaga ang kuwintas na iyon para sa kanya? Mag-aalas singko na ng hapon,
masakit na ang kanyang katawan at bumabagal na ang kanyang paghahanap.
Muli niyang dinukot ang kanyang cellphone at sinagot ang tawag ni Reina. “O
bakit may problema ba diyan sa bahay?”
“Ate nandito ako sa palengke anong gusto mong bilhin ko?”
“Bahala ka na, basta bilhin mo na lang iyong gusto mo.”
“Ate umiiyak ka ba?” usisa ni Reina.
“Huh? Hindi ayos lang ako masakit lang ilong ko kasi medyo mausok dito.”
“Nasaan ka ba? At anong ginagawa mo at naabsent ka pa sa trabaho
mo?”
“May hinahanap lang ako,” sagot nito. Tinanong ng kapatid kung ano ang
kanyang hinahanap, nagboluntaryo ang kanyang kapatid na samahan siya sa
paghahanap subalit kanya itong tinanggihan. “Magpalengke ka na lang, sigurado
ako na ayaw mo dito.” Medyo iba sa tenga ang nasabing iyon ng kanyang ate
subalit hindi na siya nagpumilit pa at namalengke na lang ng kanilang kakainin.
Isang sasakyan ang huminto malapit sa dumpsite at tatlong kalalakihan
ang bumaba. Isa sa kanila ay may hawak na video camera at ang isa naman ay
isang malaking de-film na camera. Ang tatlo ay lumapit sa tambakan ng basura
at nagsimulang kumuha ng footage at mga larawan ng dumpsite. Habang
kumukuha ng footage ang isa sa mga lalake ay napansin niya ang isang babae
na tila napakadesente ang damit para sa isang tao na pagbabasura ang hanap-
buhay. Ifinocus niya ito at dahan-dahan niyang nilapitan. Ginamit din niya ang
zoom option at nang naging malinaw ang mukha ng kinukunan sa video camera
ay namukhaan niya kung sino ito. “Kyla anong ginagawa mo dito?” Lalapitan
sana niya ang dalaga subalit tinawag siya ng kanyang boss at may ibinigay na
kautusan tungkol sa kanilang tungkulin ngayong hapon dito sa dumpsite. Ilang
minuto lang ang oras na ibinigay sa kanila kaya kailangang matapos agad ang
kanilang sadya. Wala na siyang oras pa na kausapin si Kyla kaya naisipan na
lang nito na tawagan si Reina.
“Oh Jean! Bakit napatawag ka? Dinner is on you na naman ba?”
humahagikgik na tanong ni Reina.
“Reina kung ayos lang sa iyo punta ka dito sa Irisan dumpsite. Hindi ko
alam ang nangyayari pero nandito ang ate mo at tila may hinahanap sa mga
nakatambak na basura,” seryosong hayag ni Jean. “May pinag-uutos ang boss
namin dito kaya di ko siya pwedeng kausapin ngayon nakarush kasi kami.”
“Okay. Salamat Jean punta na ako diyan.” Pumara agad ng taxi si Reina
at nagtungo sa nasabing lugar. Ang akala niya kanina ay nasa bahay lang ni
Leon si Reina at doon hinahanap ang kanyang kuwintas. Di niya inakala na nasa
dumpsite pala ito, kaya pala nasabi niya kanina na hindi niya magugustuhan
doon. Palubog na ang araw ng marating ni Reina ang lugar. Binayaran niya ang
driver at patakbong nagtungo sa tambakan ng mga basura. Mula sa tuktok
tinanaw niya ang mga tao, lingon sa kanan at sa kaliwa hanggang sa nakita rin
niya ang kanyang ate na naghahalukay sa mga basura. Nakatakip ang kanyang
isang kamay sa kanyang ilog at bibig dahil hindi niya makayanan ang amoy ng
mga basura pero ang ate niya ay hinahalukay ang mga ito, hindi niya alam kung
ano ang nangyayari at ayaw man niyang tumapak sa mababahong basura pero
kailangan niya itong gawin.
“Ate!” ani Reina ngunit hindi siya naririnig ng tinatawag kaya kinailangan
niyang mas lapitan ang kapatid. Narinig din siya sa wakas at huminto sa
paghahalukay at tinanong ang kapatid kung bakit naparito sa kanyang
kinaroroonan. “Ate bakit mo hinahalukay ang mga basura?”
“Itinapon ni Leon ang kuwintas ko, siguradong nandito lang iyon. Reina
umuwi ka na susunod na lang ako kapag nahanap ko na,” saka ipinagpatuloy na
halukayin ang mga basura.
“Ate ano ka ba imposibleng mahanap mo pa iyon dito. At baka may
nakakita na kanina pa at itinago na,” naiiyak na pagsaway ni Reina sa kanyang
ate subalit ayaw pa rin ni Kyla magpaawat. “Ate please tama na uwi na tayo
madilim na.” Nagsisiuwian na ang karamihan maliban sa iilan na gumagamit ng
flashflight. Di pa nakuntento si Kyla at kinausap pa ang isang magbabasura para
makigamit ng flashlight. Lumapit si Reina at nakialam, “Manong hindi na,
pasensya na kung nakakaabala kami.” Iniwan sila ng mama at muling
pinakiusapan ni Reina ang kapatid. “Ate alis na tayo dito, magkakasakit pa tayo
kung patuloy tayong mananatili dito.” Paulit-ulit niyang sinaway ang kapatid at
niyakap niya ito ng mahigpit para hindi na ipagpatuloy ang ginagawa. Naaawa
siya para sa kapatid, ang lahat ng ito ay dahil sa isang kuwintas.
Hindi na pumiglas si Kyla at nanatiling nakatingin sa mga basura habang
umiiyak. “Patawad di kita mahanap,” ani Kyla. Para bang may buhay ang
kuwintas na hinahanap at humihingi pa siya dito ng kapatawaran. Napaluhod
siya sa lupa at nagpatuloy na magsalita habang hawak-hawak pa rin siya ng
kapatid, “Patawarin mo ako, napakahina ko at di ko matulungan ang aking sarili
kaya patawarin mo ako.” Ramdam ni Reina kung ano ang mga pahiwatig ng
kanyang ate kaya marahan niya itong pinakiusapan na tumayo at lisanin na nila
ang lugar.
Sa wakas nahatak din ni Reina ang kanyang ate at ngayo‟y nasa tuktok
na sila. “Ate please huwag ka ng makipagkita pa kay Leon, nasasaktan din ako
para sa iyo.” Walang reaksyon si Kyla sa kanyang sinabi. “Ate ayaw ko man
sabihin sa iyo ito pero pag magpapatuloy ka gaya ng dati nagpapakatanga ka
lang,” prangkahang wika nito sa kanyang ate.
“Gusto ko lang naman na mapatawad niya ako sa nagawa ko,” sumbat ni
Kyla.
“Ate hindi lang iyon ang gusto mo! Ang gusto mo ay magkabalikan ulit
kayo pero sa nakikita ko ngayon malabo ng mangyari iyon,” di pagsang-ayon ni
Reina sa sumbat ng kapatid.
“Hindi malabong mangyari iyon!” tutol ni Kyla. “Alam kong may
nararamdaman pa rin siya para sa akin dahil kung wala hindi ko na kailangang
magpakahirap pa para mapatawad.”
“Paanong nangyari iyon? Kinamumuhian ka ni Leon dahil sa nangyari
kaya paanong may nararamdaman pa rin siya sa iyo?” tanong ni Reina para
malinawan sa sa nasabi ng ate.
“Alam ko iyon.. Pero para sa akin kailanman ay hindi naging
magkabaligtad ang pagkamuhi at pagmamahal,” wika ni Kyla na ikinabigla ng
kausap. “Maaaring kinamumuhian niya ako dahil sa nagawa ko lalo na at
nangyari ito kung kailan niya ako pinakakailangan pero hindi nangangahulugan
na dahil kinamumuhian niya ako dahil doon ay hindi na niya ako kayang mahalin
ulit.” Nanatiling tahimik si Reina at hindi makasagot sa sinabi ng kapatid.
“Magkaiba ang pagmamahal at pagkamuhi at hindi rin kailan man na sila ay
magkasalungat, hindi ka ba sang-ayon doon?” sabay titig sa mga mata ni Reina.
Nanatiling tulala si Reina at hindi alam kung ano ang dapat isagot.
“Napakamakasarili ko, sarili ko lang iniisip ko noong namatay si Ate Sophia dahil
lang sa naramdaman kong tila lumalamig si Leon sa akin. Pero noong araw ng
anniversary namin naroon siya para ibigay ang kuwintas na iyon, patunay na
napakatanga ko para maghanap ng atensyon mula sa iba.” Mas lumakas ang
paghikbi ni Kyla at di na rin mapigilan ni Reina na mapaluha.
“Ate tama na,” sabay yakap ulit sa kapatid maski napakadungis at may
amoy na ito dahil sa paghahalukay ng basura. “Tara uwi na tayo,” at inakay niya
patayo si Kyla. Nagsimula silang maglakad palayo ng dumpsite na kapwa
madungis kaya nag-aalala si Reina kung may mapapara kaya silang taxi sa
kasalukuyan nilang hitsura.
Habang naglalakad ay nakarinig sila ng busina mula sa kanilang tabi.
Nilingon nila ito at nakita ang isang lalakeng kumakaway sa kanila. Namukhaan
ito ni Reina, si Jean ang lalakeng kumakaway. Niyaya niya ang kapatid at
lumapit sila kay Jean. “Pauwi na ba kayo?” tanong ng binata.
“Oo Jean, tapos na ba iyong ginagawa niyo dito?” Napatingin si Kyla sa
dalawa at ngayo‟y malinaw na sa kanya kung paano nalaman ni Reina ang
kanyang kinaroroonan. Nakita niya ang hawak ni Jean, isang video camera at
nang mapansin ni Jean na napuna ito ni Kyla ay agad niya itong inilagay sa loob
ng kotse. “Tara ihahatid ko na kayo,” anyaya ni Jean. Hindi na tumutol ang
dalawa dahil wala rin sigurong may gusto na magsakay sa kanila dahil sa
kanilang kadungisan.
Habang nagmamaneho ay napakatahimik lang ni Kyla at nakayuko kaya
si Reina lang ang kinakausap ni Jean. Narating nila ang bahay ng magkapatid at
naunang nagpaalam si Kyla para pumasok sa loob ng bahay. Nagpasalamat na
rin ito at iniwan ang dalawa sa labas. “Hala Jean pasensya ka na at ang dumi na
ng kotse mo,” pagpapaumanhin ni Reina. Walang anuman ang nangyari para sa
binata dahil may ideya siya sa kung ano ang pinagdaanan ng kaibigan.
Nagpaalam na rin si Reina at muling nagpasalamat saka sumunod na rin sa loob
ng bahay. Nakita at narinig ni Jean ang usapan ng magkapatid kanina sa
dumpsite kaya mas malinaw para sa kanya kung bakit gano‟n na lang ang
pagtrato ni Leon sa dati niyang nobya. Hindi siya makapaniwala na magagawa
iyon ni Kyla ngunit si Kyla na rin mismo ang nagsabi kanina. Nilisan niya ang
lugar at umuwi para tapusin ang editing ng footage kanina dahil kailangan ito ng
kanyang boss bukas ng umaga.
Hindi lang si Leon ang labis na nag-iisip kung ano ang dapat na gagawin,
nasa pareho silang sitwasyon ni Leonardo. Sumasakit na rin ang ulo nito sa
kakaisip kung papaano niya sasabihin kay Remz ang lahat ng kanyang
nalalaman. Ginugulo pa rin ng mga sinabi ni Leon ang kanyang isipan lalo na
ang pag-amin tungkol kay Sophia na dati niyang nobya na siyang dahilan ng
paghihiganti ng nakababatang kapatid nito. Oras na inamin niya ito para na rin
niyang inamin na talagang noon pa lang ay babaero na siya.
Kaunting araw pa ang lumipas at hindi pa rin nagkikita si Leon at Remz.
Wala pa ring maisip si Leon samantalang si Remz ay hindi pa rin nagsasalita
tungkol sa nalalaman. Para sa kanya kailangan pa niya ng kaunting panahon
para makapag-isip-isip. Sigurado siya sa nararamdaman para sa binata ngunit
meron siyang hindi maintindihan sa kanyang sarili kaya siya lumalayo sa ngayon.
Labis din siyang nababagabag sa nasabi ni Kyla noon, “Magpanggap kang bulag
at walang nalalaman hanggang sa gusto mo, tingnan na lang natin kung sino ang
mas mahihirapan.” Laging pumapasok ang linyang ito sa kanyang isipan at
masakit man tanggapin ay ito ang kanyang ginagawa sa kasalukuyan.
Mula nang araw na nawala ni Kyla ang kuwintas ay hindi na siya nakita pa
ng kapatid na ngumiti. Minsan ay mainit pa ang ulo nito at mabilis magtaas ng
tono kung pinipilit ni Reina na kumain sa oras. Madalas siyang umiiyak sa
kanyang silid at kung tulog na ay biglang magigising at iiyak saka isisigaw ang
pangalan ni Leon. Di niya matanggap ang nangyari, isang itong napakalaking
dagok sa kanyang puso, pakiramdam niya ay durog na durog siya dahil sa mga
sinabi at ginawa ni Leon.
Sa wakas nakapagpasya na si Leon na kausapin si Remz. Rest day ni
Remz ngayon kaya walang problema. Wala siyang maisip na magandang
paliwanag maski ilang araw ang kanyang palipasin para makapag-isip kaya mas
minabuti niya na ngayong araw na lang kesa patagalin pa ang lahat. Tinawagan
niya si Remz at pumayag din ito na makipagkita sa kanya. Naabutan niya si
Remz na naghihintay sa kanilang tagpuan at napakasigla nitong bumati sa
kanya. Napakatamis rin ng mga ngiti nito at napakasayang humawak sa kanyang
braso. Umaasta ito na animo‟y walang nangyayari at nagkukuwento tungkol sa
trabaho. Nagtungo sila sa isang restaurant na wala gaanong tao at doon sila
nag-usap.
“Remz hindi ko alam kung ano ang mga nasabi sa iyo ni Kyla pero…”
“Wala akong narinig,” pagputol agad ni Remz.
“Anong ibig mong sabihin?” nagtatakang tanong ni Leon.
“Sabi ko wala akong narinig mula sa kanya,” pag-uulit ng dalaga.
Ipinagtaka ni Leon ang pahayag na iyon ng kanyang nobya. Sigurado
niyang may nalalaman ito at hindi nagsinungaling sa kanya si Kyla pero bakit
ganito ang sinasabi ni Remz. “Wala akong hindi nagugustuhan sa mga
nangyayari sa pagitan natin Leon,” hayag nito saka sumipsip sa straw ng iniinom.
“Damang-dama ko na mahal kita at di ba sabi mo na mahal mo rin ako? Hindi ba
tayo pwedeng magpatuloy ng ganito lang?” Nabanggit ni Leon ang kanyang
pangalan at nagtitigan sila ng ilang segundo. Naluluha na rin ang mga mata ng
dalaga habang nakikipagtitigan sa nobyo. “Hindi ba pwedeng gano‟n na lang
Leon?” tanong ulit nito.
Naiintindihan ni Leon ang ipinapahiwatig ni Remz, marahil hindi pa ito
handa para pag-usapan ang tungkol sa dapat nilang pag-usapan ngayon.
Tumayo siya at tinabihan ang dalaga saka tumingkayad sa harapan nito. Inilapat
niya ang kanyang kamay sa ibabaw ng ulo ni Remz at nagtanong, “Sigurado ka
bang ganito ang gusto mo?”
Hinawakan ni Remz ang kamay ni Leon at inilagay sa kanyang pisngi.
“Naniniwala ako sa pagmamahalan natin, naniniwala ka rin hindi ba?” Nginitihan
siya ng binata at niyakap. Niyakap niya rin ito at hindi niya maiwasang mapaluha,
hindi siya nagkamali, mahal din siya ni Leon sa kabila ng lahat ng sinabi ni Kyla
noon. “Thank you Leon. Mas pagbubutuhin ko para sa iyo,” ani Remz.
“Linya ko iyan, huwag mong nakawin.” Nagkatawanan ang dalawa at
naghalikan maski may mga tao sa paligid.
Matagal-tagal na rin na hindi sila nagsasama kaya gusto nilang gawin ang
mga dati nilang pinaggagawa sa tuwing lalabas sila noon. Matapos maglibot-libot
ay inihatid ni Leon ang dalaga sa inuuwian nitong bahay. Dumiretso na rin ng uwi
si Leon matapos ang mainit na pagpapaalaman sa isa‟t-isa. Ikinasiya ni Leon
ang nangyari, kung alam niyang ganito rin lang pala ang kalalabasan ay hindi na
niya kinailangan pang palagpasin ang ilang araw. Ang labas tuloy ay nag-aksaya
lang siya ng oras sa kaiisip ngunit sa huli ay wala ring naitulong.
Samantala, si Leonardo ay nakapagdesisyon na rin na bukas niya
kakausapin si Remz. Wala na siyang pakialam kung ano ang iisipin ni Remz
tungkol sa kanyang pagkatao oras na malaman nito ang kanyang ginawa noon.
Ang mahalaga ay mailayo niya si Remz kay Leon bago pa ito tuluyang
masaktan. Ang maprotektahan si Remz ang siyang pinakamahalaga para sa
kanya sa ngayon. Napakaaga pa lang ay naghihintay na si Leonardo sa babaan
ng mga empleyado sa kumpanyang pinapasukan ni Remz. Ilang minuto lang ang
nakalipas at nagsidatingan na rin ang mga service bus. Agad niyang nilapitan
ang sadyang babae nang makita itong bumaba sa isa sa mga bus.
“Bhe, may importante akong sasabihin sa iyo,” simula ni Leonardo.
“Anong kailangan mo,” medyo iritadong tanong ng dalaga.
“Kailangan mong malaman „to. Tungkol ito kay Leon.”
Nabigla si Remz sa narinig at tinanong ang binata kung ano ang tungkol
kay Leon na sasabihin nito. Niyaya siya ni Leonardo na sa ibang lugar na lang
mag-usap kaya pumasok sila sa 7-11. Tinanong ng binata kung ano ang gusto ni
Remz at si Leonardo na ang nagdala ng mga ito sa lamesa.
“Bhe huwag ka sanang mabibigla sa mga sasabihin ko kaya maging
mahinahon ka lang okay?” Tumango si Remz at sinabihan si Leonardo na
ipagpatuloy ang nais nitong sabihin sa kanya tungkol kay Leon. “Bhe naaalala
mo pa ba ang sinabi mo sa akin noon na ayaw na ayaw ako ni Leon dahil may
naipapaalala sa kanyang masakit na nakaraan?” Nagpatuloy lang si Remz sa
pagsipsip paunti-unti sa mainit na kape na parang walang narinig. Sigurado ng
binata na narinig siya ng kanyang kausap ngunit bakit parang wala man lang
itong reaksyon. Ipinagpatuloy niya ang nais sabihin, “Ang totoo niyan, merong
ate si Leon na namatay tatlong taon na ang nakalipas at ako ang sinisisi ni Leon
tungkol doon,” dugtong ni Leonardo saka hinintay kung ano ang sasabihin ni
Remz.
“Bakit siya namatay?” tanong ni Remz na patuloy pa rin na sinisipsip ang
iniinom na parang hindi interesado sa sinasabi ni Leonardo.
“Ang balita ko ay namatay siya sa overdosage ng isang pampatulog na
gamot.” Patuloy niyang inoobserbahan si Remz ngunit wala man lang itong
kareareaksyon sa kanyang mga sinasabi. “Ang ate ni Leon ay dati kong…”
“Dati mong nobya,” ani Remz at napahinto si Leonardo sa pagsasalita.
“Ang pangalan niya ay Sophia at napakaganda niya. Kung ako ang lalake wala
na akong hahanapin pa sa isang babaeng katulad niya,” dagdag ni Remz na may
kaangasan ang tono saka sinipsip ang huling patak ng kape. Bakas na bakas sa
mukha ni Leonardo ang pagkagulat, hindi niya inakalang alam ni Remz ang
bagay na ito at mas naguguluhan tuloy siya. Bakit nananatili si Remz sa tabi ni
Leon kung alam niya ang tungkol kay Sophia? “Kung wala ka ng ibang sasabihin
aalis na ako. Salamat na lang sa kape.” Dinampot nito ang kanyang handbag at
nagsimulang maglakad palabas ng restaurant.
“Bhe sandali.” Hinabol niya si Remz sa labas at hinatak niya ang braso
nito. Ikinainis ni Remz ang kanyang ginawa at may kataasan ang boses nito
nang utusan si Leonardo na bitawan siya. “Bhe gusto lang kitang protektahan,
meron kang hindi naiintindihan.”

“Leonardo alam ko na kung saan patungo ang iyong sasabihin. Bakit


naoverdose si Ate Sophia?” Hindi agad makasagot si Leonardo. “Alam ko ang
totoong dahilan kung bakit siya naoeverdose at alam ko rin na kinamumuhian ka
ng lubos ni Leon pero naiintindihan ko iyon dahil napakahalaga ng ate niya para
sa kanya.” Muli sanang magsasalita si Leonardo subalit inunahan na siya ni
Remz, “Sinusubukan mo rin bang sabihin na ginagamit ako ni Leon para
makapaghiganti sa iyo?” galit na tanong ng dalaga.
Mas lalong nagulat si Leonardo sa tanong na iyon ni Remz. Lahat ng
sasabihin niya ngayong araw ay alam na ng dalaga. Ilang araw siyang nag-isip
pero lahat pala ay alam na ni Remz kaya mas lalo siyang nagtaka kung bakit
nananatili si Remz sa tabi ni Leon gayong alam pala niya ang lahat.
“Ano ba talaga ang gusto mong mangyari kung sakaling hindi ko alam ang
lahat ng ito?” usisa ni Remz sa intensyon ng binata.
“Bhe alam mo na pala ang lahat pero bakit ka nananatili sa piling niya?
Ayaw mo lang ba tanggapin na ginagamit ka lang niya?”
“Hindi ako lalayo sa kanya dahil hindi niya ako ginagamit para
makapaghiganti sa iyo,” hayag ni Remz at kapuna-puna rin ang galit sa kanyang
mga mata. “Mahal namin ang isa‟t-isa at naniniwala akong hindi niya ako kayang
saktan kaya hindi ko kailangan ang proteksyon mo. At isa pa ang nararamdaman
niya sa akin ay hiwalay sa paghihiganti niya sa iyo,” tugon ni Remz sa lahat ng
mga nasabi ni Leonardo.
“Bhe opinyon mo lang iyan at marami ka pa ring hindi nalalaman tungkol
sa kanya!”
“Tama na Leonardo!” galit na sigaw ni Remz. “Nangyari man na wala
akong kaalam-alam sa mga nais mong sabihin ngayon at ikaw ang unang
makapagsasabi sa akin, sa tingin mo ba babalik ako sa piling ng isang lalake na
noon pa lang ay gawain na ang mangaliwa?”
Ito ang ikinatatakot ni Leonardo at naipamukha ngayon ito sa kanya. May
mga ilang nagsisidaan ang napalingon sa kanila mabuti na lang at wala gaanong
tao ngayon.
“Tapos na ang lahat sa pagitan natin bakit ba hindi mo iyon matanggap?
Leonardo pakiusap tigilan mo na ako,” pakiusap ni Remz sa mas malumanay na
tinig.
“Bhe inaamin ko napakarami ko ng pagkakamali pero isa lang naman ang
hinihiling ko. Isang pagkakataon lang para patunayan ko ulit ang pagmamahal ko
sa iyo, gano‟n ba kahirap ibigay iyon?” madramang wika ni Leonardo.
“Bitawan mo ako,” utos ni Remz nang hawakan ng binata ang kanyang
kamay. Patuloy na nakikiusap si Leonardo at napuno ang dalaga sa katatawag
sa kanya ng bhe kaya mas lalo itong nairita at nagalit sa binata.
“Bhe hindi ako makakapagpatuloy kung ganito tayo. Hindi mo ba talaga
ako kayang patawarin?” naluluhang tanong ng binata. May paluhod-luhod na rin
ito at ayaw bitawan si Remz. Medyo nahihiya na ang dalaga sa mga ilang
dumadaan kaya pinuwersa niyang pabitawin si Leonardo ngunit kulang ang
kanyang lakas para gawin ito.
“Leonardo bitawan mo ako kung ayaw mong humiyaw ako dito!” galit na
pag-uutos ni Remz. Anuman ang sabihin niya ay ayaw makinig ni Leonardo
makulit pa rin ito na nakikiusap sa kanya. Marahil ay desperado na ito kaya niya
nagagawa ang mga ito kay Remz at hindi na rin siguro niya napapansin ang
kanilang paligid o maaaring wala lang talaga siyang pakialam dahil nga
desperado na siya.
Nagawa ni Remz ang makawala at agad siyang tumakbo palayo at pinara
ang isang taxi. Mabilis ding humabol si Leonardo ngunit hindi niya sinasadyang
nabunggo ang isang bata at natumba pa ito sa lupa saka umiyak. Tutulungan
sana niya itong tumayo saka magpaumanhin subalit nang makita niyang pasakay
na si Remz sa taxi ay iniwan niya ito at sinubukang pahintuin ngunit isang lalake
na may malaking katawan ang humarang sa kanya. Hindi niya kilala ang mama
at pinakiusapan niya itong tumabi dahil may hinahabol siya pero hindi siya nito
pinakinggan at umandar na ang taxi na kinasasakyan ni Remz. Hahabulin niya
ulit sana ito pero sinapak siya ng mama sa mukha. Ito pala ang ama ng bata na
kanyang nabangga. Hindi man niya sinasadya ang nangyari pero sa mata ng
mama ay hindi gano‟n ang kaso. Sinapak siya ng sinapak at hindi man lang niya
nagawang lumaban. Mabuti na lang at may dumaan para awatin ang
nambubugbog sa kanya. Bago tuluyang mawala sa paningin ni Remz si
Leonardo ay nakita niya ang pananapak ng mama. Naaawa man siya dito pero
hindi niya pinatigil ang taxi para bumaba at tumulong.
Hindi na muli pang nagpakita si Kyla sa bahay nila Leon. Hindi na rin niya
sinasagot ang mga tawag ng kanyang Tita Diane kaya madalas tanungin ng ina
si Leon tungkol kay Kyla. Ayaw lang niyang kausapin ang kanyang tita sa ngayon
dahil ayaw niyang mag-alala ito sa kanya. Lagi kasi na tinatanong siya kung
kumusta na sila ni Leon at ngayon ay hindi niya ito kayang sagutin. Lagi na lang
matamlay si Kyla at naoobserbahan ito ng kanyang kapatid. Madalas na rin itong
lumiban sa pagkain kaya pati si Reina ay nahihirapan sa kalagayan ng ate.
Naging araw-araw ang pagsasama ni Remz at Leon. Minsan ay si Leon
na ang naghahatid kay Remz sa hintayan ng bus sa Convention Center dahil
nag-iba na ulit ang shift ni Remz at panggabi siya ngayong buwan. Ganunpaman
parang may kulang pa rin sa kanilang relasyon. Para kasing may isang bagay na
lagi nilang iniiwasan.
“Leon naitanong ko na dati sa iyo kung ano ang gagawin mo kung
masalubong mo ang ex-boyfriend ng ate mo di ba? Magagawa mo bang mas
pahalagahan ako kesa ang paghihiganti?” Nagkatitigan ulit ang dalawa saka
tumango si Leon at napangiti ang dalaga. “Kaya mo ba talagang gawin iyon?”
paninigurado nito.
Nakangiti man si Remz sa kanya ay makikita pa rin ang pagdududa sa
mga mata nito at dama iyon ni Leon. “Noong nalaman ko na si Leonardo ay ang
Leonardo rin na ex-boyfriend ng ate ko inaamin ko na binalak kong kaibiganin ka
hanggang sa mahulog ang loob mo sa akin para kunin ka sa buhay niya. Mula
doon ay gagamitin kita para patuloy siyang masaktan ng masaktan. Pero…”
“Pero?” di makapaghintay si Remz sa susunod na sasabihin ng binata.
“Pero hindi ko magawang saktan ka. Noong una nagtataka ako kung bakit
hindi ko maituloy-tuloy ang plano ko na gamitin ka, kung alang-alang sa
paghihiganti akala ko kaya kong gawin iyon.”
“Bakit di mo tinuloy?”
“Dahil kung itinuloy ko, pinapatunayan ko lang na hindi talaga kita mahal
at ginagamit lang kita.” Napakaseryoso ng mga mata ni Leon at walang masabi
si Remz sa narinig. “Hindi ko maituloy ang plano kong iyon dahil hindi kita
kayang gamitin dahil totoong mahal kita,” dagdag ni Leon. Napakasaya ni Remz
sa kanyang narinig at hindi niya maiwasang mapaluha. Niyakap niya si Leon at
nang yakapin siya nito pabalik ay mas hinigpitan pa niya ang pagyakap. Sa
wakas ay napag-usapan na rin nila ang tungkol dito, pakiramdam nilang dalawa
ay kumpleto na ang kanilang relasyon. “Remz kakayanin kong kalimutan ang
paghihiganti at magpatuloy kapiling ka.”
“Gagawin ko ang lahat para tuluyan mo ng kalimutan ang lahat ng
nakalipas, pangako iyan.” Nagkahalikan ang dalawa at masayang-masaya sila
ngayong gabi. Malapit na ang oras ng pag-alis ng bus papuntang kumpanya na
pinapasukan ni Remz. Silang dalawa ay nasa madilim na bahagi ng Convention
Center sa tabi ng mga halaman kaya walang nakakakita sa kanila. “Leon iuwi mo
ulit ako ngayong gabi,” ani Remz na ikinabigla ni Leon. Ipinaalala ni Leon na may
trabaho siya pero nagpumilit ito at sinabing mas gusto niyang makasama si Leon
ngayong gabi kesa magtrabaho. Epekto siguro ng mga sinabi ni Leon kanina
kaya gusto niyang lubus-lubosin ang matamis na gabing ito.
Napapayag din niya si Leon at nilisan nila ang lugar sakay ng motorsiklo
ng binata. Tumawag si Remz sa kanilang visor at nagpaalam na liliban siya
ngayong araw dahil sa migraine. Bumili muna sila ng ilang chichirya sa 7-11
bago umuwi. Pagkarating nila ay agad nilang napansin ang isang lalake na
nakaupo sa isang sulok malapit sa gate. Napatayo agad ito ng marinig ang tunog
ng makina ng motorsiklo at madali nila itong namukhaan.
“Leonardo anong ginagawa mo dito?” usisa ni Remz.
“Bhe anong ginagawa mo dito sa ganitong oras?” tanong nito pabalik.
Hindi malaman ni Remz kung ano ang dapat sabihin. Hindi niya kayang
aminin na makikitulog siya ngayong gabi lalo na kay Leonardo. “Eh ikaw anong
ginagawa mo dito?” maangas na pagtatanong ni Leon.
“Hinihintay kita para mag-usap tayo,” sumbat ni Leonardo sa parehong
tono.
“Pasensya ka na hindi ako pwede ngayong gabi. Nakikita mo naman
siguro na may napakaimportante akong bisita kaya sa ibang araw na lang.”
Binuksan niya ang gate at sinabihan si Remz na mauna na sa loob at ipapasok
pa niya ang motorsiklo. Ibinigay na rin niya ang susi at pinakiusapan ang dalaga
na siya na ang magbubukas ng pinto.
“Huwag ulit kayong mag-away ha,” babala ni Remz saka nagtungo sa
pintuan.
“Anong ibig sabihin nito Leon?” galit na pagtatanong ni Leonardo.
“Ibig sabihin ng ano?” painosenteng tanong nito.
“Bakit siya nandito sa ganitong oras?”
“Siyempre nandito siya para matulog kasama ko,” may kahinaang sagot ni
Leon para hindi marinig ni Remz at sinundan pa niya ito ng kakaibang ngisi na
labis na ikinainis ni Leonardo. Pansin agad ni Leon ang galit na galit na
ekspresyon ni Leonardo lalo na ang mahigpit na pagkakasara ng mga kamao
nito at kulang na lang ay hagisan ulit siya ng suntok gaya ng dati. “Huwag mo
akong subukan Leonardo, kung lalabanan kita ng buong lakas ay masuwerte ka
na kung isang kamay lang ang mapipilayan sa iyo,” banta ni Leon. “Umalis ka na
bago ako tuluyang mawalan ng kontrol.”
Dahil nag-aalala siya na baka mag-away ang dalawa ay binalikan niya si
Leon sa gate. Nagtititigan lang ang mga ito at parehong tahimik. “Remz totoo
bang dito ka makikitulog ngayong gabi,” pangungumpirma ni Leonardo.
Hindi makasagot si Remz. Nahihiya siyang aminin na makikitulog siya
ngayon lalo na at silang dalawa lang ni Leon ang magkasama. Lumaki siyang
may pagka-conservative at hindi siya komportable na may nakakaalam na iba sa
ganitong bagay lalo na at unang beses niyang gawin. Pero kailangan niyang
sumagot para umalis na si Leonardo bago pa sila mag-away ni Leon. “Leonardo
wala ka ng pakialam kung dito ako matutulog. Malaki na ako para matulog kung
saan ko gusto.”
“Pero Remz…”
“Ihatid na lang kita pauwi Remz. Hindi ka niya kayang pagkatiwalaan at
kung anu-ano agad ang iniisip niya. Gano‟n kababa ang tingin niya sa iyo.” Agad
itinanggi ni Leonardo ang mga paratang ni Leon pero wala siyang maisip na
magandang sabihin. Kung iisipin ay parang gano‟n na nga ang kanyang
pinapalabas, na may mangyayari sa pagitan nilang dalawa kung makikitulog si
Remz dito.
“Ayos lang sa akin Leon. Hayaan mo siyang mag-isip ng gusto niyang
isipin kaya tara na sa loob iwanan na natin siya,” may halong galit na pahayag ni
Remz.
Dahil ramdam ni Leonardo ang galit ni Remz ay hindi na niya ito nakausap
pa. Pumasok si Remz sa loob at si Leon ay abala sa pagpapasok sa motorsiklo.
Matapos itong iayos ay nagtungo ulit siya sa gate para ito‟y isara mula sa loob.
“Dudungaw ako sa bintana pagkaraan ng sampung minuto at kung naririto ka pa
rin tatawag na ako ng pulis para damputin ka. Gaya ng sinabi ni Remz isipin mo
ang gusto mong isipin.”
Pumasok na rin si Leon sa loob at naiwan si Leonardo na hindi
maipaliwanag ang hitsura. Wala na siyang halaga pa kay Remz, tapos na ang
lahat sa kanilang dalawa, ito ang itinatak ni Remz sa kanya ngayong gabi. Dati
ng nagpaparamdam si Remz ngunit ayaw lang ni Leonardo sumuko pero ngayon
ay naipamukha sa kanya ang lahat. Marahil wala na talagang kapatawaran ang
kanyang nagawa at hindi siya nararapat para sa isa pang pagkakataon. Naupo
siya ulit sa sulok at nag-isip-isip, binalikan niya ang lahat ng mga nangyari dito sa
Baguio at napatanong siya sa sarili kung ano ang ginagawa niya dito. Hindi niya
rin maiwasang makaisip ng mga bagay na may pagkalaswa gaya na lang ng
mga eksena na hinuhubaran ni Leon si Remz. Pilit niyang pinipigilan ang isipan
na mag-isip ng mga ganoong bagay subalit hindi niya ito makontrol. Tama nga
kaya si Leon, wala siyang tiwala kay Remz at ganitong bagay ang tumatakbo sa
kanyang isipan? Yaman rin lang wala na siyang magagawa pa at dahil sa banta
ni Leon kanina bago ito pumasok ng bahay ay umalis na si Leonardo.
Nanonood ng isang palabas sa telebisyon ang dalawa habang kumakain
ng pinamilang chichirya. Nakaakbay si Leon kay Remz at nagsusubuan pa ang
mga ito saka masayang nag-uusap. Hindi na nila pinag-usapan pa si Leonardo
na kani-kanina lang ay nasa labas ng bahay. Puro tungkol sa kanilang dalawa
ang takbo ng usapan. Natapos ang pelikula na kanilang pinapanood at
nagpaalam si Remz na gagamitin muna ang shower room. “Maliligo ka sa
ganitong oras?” nagtatakang tanong ni Leon. Ngumiti lang sa kanya si Remz at
nagpatuloy na pumasok sa banyo. Mapang-akit ang ngiting iyon at parang alam
na ni Leon kung saan ito mauuwi. Umiling-iling ito at pinaniwala ang sarili na mali
ang kanyang iniisip, pambawas tensyon kumbaga. Pumasok siya sa kanyang
silid at nagbihis saka lumabas dala ang kanyang tuwalya para iabot kay Remz.
Kinatok niya ang pinto ng banyo, “Remz kunin mo itong tuwalya.”
Binuksan kaunti ni Remz ang pinto at sumilip sa kinatatayuan ni Leon at
kinuha ang tuwalya. Ilang minuto pa ang lumipas ay lumabas ito suot ang dating
kasuotan kanina. “Leon hiram ako ng T-shirt mo,” anito at dumiretso na sa silid
ng binata para mamili ng isusuot na T-shirt.
Habang nagbibihis si Remz ay di mapakali si Leon sa labas ng silid. Dati
na silang nagtabi at walang nangyari ngunit kakaiba ang ngiti ni Remz na iyon
kanina. Hindi na siya kampante gaya noong unang beses nilang nagtabi sa
kama, nag-aalala siya na baka hindi niya mapigilan ang kanyang sarili ngayon.
Kinatok niya ang pinto ng sariling silid at tinanong kung pwede na siyang
pumasok. Pinatuloy siya ng dalaga at dahan-dahan niyang itinulak ang pinto.
Nakapatay ang ilaw at pansin agad niya na nakahiga na si Remz sa ibabaw ng
kama. Nanatili siyang nakatayo sa may pintuan at tila nanigas. Tinawag ni Remz
ang kanyang pangalan ngunit wala pa rin siyang kaimik-imik. Napakaraming
bagay ang pumapasok sa kanyang isipan at hindi man lang niya naririnig ang
mga sinasabi ni Remz hanggang sa mas nilakasan ng dalaga ang pagtawag sa
kanya.
“Ayos ka lang ba?” tanong ni Remz. Tumango si Leon at binitawan ang
pinto hanggang sa ito‟y mag-isang naisara. “Ayaw mo ba akong makatabi
ngayong gabi Leon?” may kalungkutan sa tono na dagdag katanungan ng
dalaga.
“Hindi sa gano‟n Remz marami lang akong inaalala, pasensya ka na,” ani
Leon. Tinabihan niya si Remz at sabay silang humiga. Napakatensyonado nilang
pareho, hindi gaya noong una na napakakalmado ni Leon. Nakapatong sa
kanilang kumot ang dalawang kamay ni Leon samanatalang si Remz ay
nakahawak sa duluhan nito malapit sa kanyang dibdib. Kapwa silang tahimik at
hindi alam kung ano ang sasabihin, parehong nakatitig sa kisame at hindi
kumikilos.
“Leon nawiwirdohan ka ba sa akin?” bulalas ni Remz.
“Bakit mo naitanong ang ganyan?” mabilis na tugon ni Leon at tumitig sa
katabi.
“Hindi ba hindi dapat kaagad nakikitabi sa kama ang isang babae sa
kanyang boyfriend lalo na kung hindi pa sila gaanong magkakilala?” Napatitig din
siya kay Leon at nauwi ulit ito sa mainit na pagtititigan.
“Kung gano‟n sa kabilang silid na lang ako matutulog,” ani Leon. Pinigilan
kaagad siya ni Remz nang tangkahin niyang bumangon. Hindi iyon ang ibig
sabihin ng dalaga at kanya itong nilinaw. Nais lang niyang malaman kung
naiibahan ang kanyang nobyo sa kanya dahil sa kanyang ginagawa. Itinanggi ni
Leon na naiibahan siya dito at ikinatuwa ito ni Remz. Dahan-dahan na palapit ng
palapit ang kamay ni Leon sa kamay ng katabi hanggang sa hinawakan niya ito
ng mahigpit.
Muling nagkatitigan ang dalawa at inilapit ni Remz ang kanyang sarili
hanggang sa sila ay magyakapan. Naging mahigpit ang pagyayakapan at
nadagdagan pa ito ng tuloy-tuloy na paghahalikan. Hindi na nakontrol pa ni Leon
ang sarili at kung saan-saan na nakarating ang kanyang mga kamay. Pero natigil
ang lahat nang sinimulang itaas ni Leon ang suot na T-shirt ng kahalikan.
Hinawakan niya ng mahigpit ang kamay ni Leon kaya napatigil ito sa tangkang
pagtanggal sa kanyang suot. Muli lang ulit silang nagkatitigan at hindi na itinuloy
pa ng binata ang ginagawa.
Pinigilan ni Remz si Leon dahil bigla siyang nagdalawang-isip. Akala niya
ay buo na ang kanilang relasyon ngunit kani-kanina lang ay nakaramdam ulit
siya ng takot na maaaring totoo nga ang lahat ng paratang kay Leon, ang
paratang na ginagamit lang siya nito alang-alang sa paghihiganti. Dahil dito hindi
niya nagawang ibigay ang lahat para sa minamahal niyang binata. May takot pa
rin pala siya maski na ilang ulit niyang sinabi sa sarili na hindi siya ginagamit ni
Leon at mahal siya nito. “Patawad Leon,” pagpapaumanhin ni Remz habang
humihikbi.
“Ako dapat ang humihingi ng paumanhin, pasensya ka na naging over
excited ako,” ani Leon at hinaplos-haplos ang buhok ng kasintahan.
Umiling-iling si Remz at patuloy na humingi ng tawad. Maski sinasabi ni
Leon na ayos lang ang lahat ay paulit-ulit pa rin nitong inuulit ang salitang “sorry.”
Bumaba ng kama si Leon at hinalikan sa noo si Remz, “Sa kabilang silid na ako
matutulog okay?” pagpapaalam nito.
“Sorry talaga Leon, sorry talaga.”
“Wala iyon Remz huwag mo ng masyadong isipin. Nagsisimula pa lang
tayo. Mas pagbubutihin ko hanggang sa hindi mo na ako pagdudahan kahit
kaunti,” huling hayag ni Leon bago lumabas ng silid. Pagkasara niya ng pinto ay
napasandal siya sa pader at napahinga ng malalim. Tila hindi siya
makapaniwalang nawalan siya ng kontrol kanina at muntik na niyang masaktan
si Remz. Mabuti na lang at hindi siya nagpadala sa matinding emosyon. Umayos
siya ng tayo at pumasok sa dating silid ng kanyang ina. Agad siyang nahiga dito
at pinag-isipang mabuti ang nangyari.
Dahil sa nahirapan siyang makatulog ay alas-otso na ng umaga nang
maramdaman ni Leon na may nang-aalog sa kanya. Idinilat niya ang kanyang
mga mata at nasilayan si Remz na tinatawag ang kanyang pangalan. Inaya siya
nito sa kusina para kumain ng agahan. Sinundan pa ni Remz ng isang halik sa
kanyang noo saka binati siya ng isang magandang umaga. Inutusan siya na
ayusin agad ang pinaghigaan at sumunod na sa kusina. Sa kilos ni Remz ay
parang walang nangyari kagabi. Marahil mas mabuti na kung gano‟n din ang
gawin ni Leon, na parang walang nangyari kagabi. Sa ganitong paraan mas
madali silang makakapag-usap.
Araw ulit ng linggo, walang trabaho si Leon kaya naisipan niyang maglaba
ng damit. Pero habang inihihiwalay niya ang puti sa dekolor ay tinamad na
siyang labhan ang mga ito dahil sa dami. Inilagay na lang niya ang lahat sa isang
malaking traveling bag at dinala sa laundry shop sa kanilang barangay. Bumalik
siya ng bahay at winalisan ang sahig, maalikabok na ito dahil sa ilang araw na
ring hindi nalilinisan. Ngayon ay alam na ni Leon kung gaano kahirap linisan ang
kanilang malaking bahay. Wala na si Kyla na gumagawa ng mga gawaing bahay
kaya kailangan niyang gampanan ang mga dating tungkulin ng dalaga. Habang
namamahinga ay narinig niya na may kumakatok sa gate. Lumabas siya at
tiningnan kung sino ito, pagkabukas niya ng pinto ay agad nakita na si Kyla ang
nasa labas ng gate. Dati-rati‟y dumidiretso itong pumapasok sa kanilang bahay
ngunit ngayon ay naroroon pa rin ito sa labas ng gate na parang isang bisita na
dumalaw. Lumapit si Leon sa gate at pinagbuksan ang dalaga. Pansin agad ni
Leon na namayat si Kyla, animo‟y galing ito sa isang sakit.
“Napakarami kong pinag-isipan nitong mga nakaraang araw. May gusto
lang akong itanong sa iyo kaya ako naparito,” ani Kyla.
“Tara sa loob,” yaya ni Leon na tinanggihan ng dalaga. Pakiramdam ni
Leon ay dumidistansiya na sa kanya ang dalaga. Tila ayaw man lang nito na
tumapak sa damo sa loob ng gate.
“Leon nakapag-usap na ba kayo ni Remz?” tanong ni Kyla na hindi
ipinagkaila ng binata. “At ayos pa rin ang lahat sa pagitan ninyo?” Muling
tumugon si Leon at napahinga ng mas malalalim si Kyla. Ramdam din niya na
pabilis ng pabilis ang pagtibok ng kanyang puso habang inihahanda niya ang
sarili sa susunod na tatanungin. “Leon mahal mo ba talaga si Remz?” natanong
din niya sa wakas.

Napakaseryoso ng mga titig ni Kyla sa mga mata ni Leon, naghihintay ito


ng kasagutan at kitang-kita rin sa kanya ang determinasyon na marinig ang
isasagot ni Leon makakasakit man ito sa kanya. Kailangan ni Leon na sagutin
ang tinatanong ni Kyla, para bang isang responsibilidad na ito‟y sagutin. “Ilang
beses sa isang araw na tinatanong ko iyan sa sarili ko noon, kung mahal ko ba
talaga siya, madalas iyan ang laman ng aking isipan,” tugon ni Leon at napatigil
ito saglit sa pagsasalita at tumitig kay Kyla. “Oo noong una gusto ko lang siyang
gamitin pero habang lumilipas ang mga araw mas inaalala ko na kung ano ang
mangyayari sa kanya oras na malaman niya ang lahat,” dugtong nito.
“Kung gano‟n kasama mo lang ba siya dahil sa dama mo lagi ang
pagkakasala mo sa kanya at pakiramdam mo ay responsable ka sa kanya?”
Umiling si Leon at nagpatuloy na magsalita, “Noong una akala ko ganyan
ang nararamdaman ko, guilty at responsable, pero habang tumatagal nasigurado
ko na mas higit pa doon,” tanggi ni Leon sa nasabi ni Kyla. “Natutunan ko siyang
mahalin at hindi iyon mahirap mangyari dahil pareho naming alam ang
pakiramdam kung ipinagkanulo ka ng iyong minamahal.” Malakas ang dating ng
pagkakasabi ni Leon at hindi naiwasan ni Kyla na mabigla. Isa itong patama sa
kanya, pagpapaalala ni Leon sa kanya kung gaano kasakit ang nangyari higit
dalawang taon na ang nakalipas. Inilihis ni Kyla ang kanyang mga titig at kitang-
kita ni Leon ang malungkot na hitsura nito. Kailangan niya itong gawin para
tuluyan na siyang kalimutan ng dating kasintahan, para rin ito sa ikabubuti ni
Kyla. “Kyla napakaraming lalake diyan na mas karapat-dapat para sa iyo, hindi
na ako ang dating Leon na nakilala mo at alam mo iyon.” Hinigpitan ni Leon ang
pagkakasara ng kanyang mga kamao at itininuloy ang sinasabi, “Hindi ako
gano‟n kalakas Kyla kaya hindi na ako nararapat para sa iyo,” hayag ni Leon na
hindi manunawaan ni Kyla kung ano ang kanyang ipinapahiwatig.
Nagpaalam si Leon na pumanhik ulit siya sa bahay para ipagpatuloy ang
paglilinis. Bago ito pumanhik ng bahay ay nilingon ng huling beses si Kyla at
nakatitig pa rin ito sa kanya. Pagkapasok ni Leon ay napayuko ang dalaga at
nagsimula na namang pumatak ang kanyang luha. “Kyla huwag kang umiyak,
ganito ang inaasahan mong mga sagot niya kaya pakiusap tama na, huwag ka
ng umiyak,” pakiusap nito sa sarili ngunit anuman ang kanyang sabihin ay hindi
niya maiwasan ang pagpatak ng kanyang mga luha. Nilisan niya ang lugar at
naglibot-libot sa bayan. Inisa-isa niyang pinuntahan ang mga lugar na madalas
nilang pinupuntahan ni Leon. Bawat lugar na kanyang bisitahin ay may mga
naaalala siyang mga alaala. Dito sa Burnham Park na kasalukuyan niyang
kinaroroonan pinakamarami ang nangyari. Ang hindi niya malilimutan dito ay
nang magkunwari si Leon na nawalan ng hininga dahil sa kanyang paniniko sa
sikmura nito. Natumba ito sa damuhan at sa payo ng isang lalakeng dumaan na
kailangan niyang isagawa ang Artificial Respiration ay agad niya itong sinunod.
Iyon pala ay nagkukunwari lang si Leon at gusto lang magnakaw ng halik. Sa
totoo lang ay may larawan pa sila dito dahil sa kinuhanan sila ng isang
photographer sa park at binili ito ni Leon matapos ang pagkukunwari. Labis na
namula noon si Kyla dahil habang sinasagawa niya ang AR ay bigla na lang
siyang niyakap ni Leon at sinibasib ang kanyang labi saka nakuhanan pa sila ng
larawan. Napatawa siya matapos maalala ang nangyari, hindi niya makalimutan
ang hitsura niya noong araw na iyon, napangiti siya na mag-isa pero
nasasabayan pa rin ito ng pagpatak ng luha. Ganito rin ang binalak ni Leon na
gawin kay Remz iyon nga lang ay hindi siya nagtagumpay pero siyempre lingid
ito sa kaalaman ni Kyla. Umupo siya sa isang bench at nanatiling nakatanaw sa
artipisyal na lawa. Iniisip niya ang lahat ng mga nangyari lalo na ang mga sinabi
ni Leon kanina. Gumagabi na at ramdam na ni Kyla ang gutom kaya tumayo siya
at naglakad para pumunta sa paborito nilang pinupuntahan na restaurant ni Leon
tuwing oras ng hapunan. Habang tumatawid ng kalsada ay bumubusina ang
isang kotse sa kanyang tabi. Nilingon niya ito at natiyak na ito ay ang kotse ni
Jean at dumungaw din ito sa bintana at siya‟y kinawayan. “Jean,” banggit ni Kyla
sa pangalan ng binata. Iniabante ni Jean ang kotse at itinigil sa kanyang tapat
saka siya‟y binati. Binati rin niya ito at inimbita siyang pumasok muna at umupo
sa kanyang kotse na hindi naman itinanggi ng dalaga.
“Anong pinaggagawa mo nitong mga nakaraang araw at kitang-kita na
pumayat ka?” pag-aalala ni Jean.
“Stressed lang siguro ako,” sagot ni Kyla. Inalam ng binata kung kumain
na si Kyla at nang sumagot ito ng negatibo ay inimbita niya na rin ito para
maghapunan. Pumayag si Kyla at siya pa ang pumili ng restaurant na kanilang
pupuntahan para kumain. Itinungo ni Jean ang sasakyan sa restaurant na nasabi
ni Kyla at alam din niya kung bakit doon gustong kumain ng dalaga.
Habang kumakain ay napag-usapan nila si Reina. Naikukuwento minsan
ni Reina na minsan ay lumalabas sila ni Jean at nililibre niya ito sa mga
restaurants. “Jean nililigawan mo ba kapatid ko?” pang-aalam ni Kyla.
“Hindi, siya ang nanliligaw sa akin,” pabirong sagot nito. Nagkatawanan
lang ang dalawa at nagtanong-tanong si Jean tungkol sa nakababatang kapatid
ng kasama. Natapos silang kumain at nagmagandang-loob ulit si Jean na ihatid
na pauwi ang dalaga. Tahimik na si Kyla habang tinatahak nila ang daan
patungong bahay nila. Nagpatugtog na lang si Jean ng kanta at hindi na muna
umimik. Malapit na sila sa bahay na tinutuluyan ni Kyla nang bigla ulit itong may
ipinakiusap kay Jean. Medyo naguluhan ang binata sa pakiusap na narinig pero
dahil sa napakadeterminado ng nagsabi ay hindi ulit nagawang tumanggi ni Jean
at dinala si Kyla sa kung saan niya gustong pumunta.
Narating nila ang lugar at malayo pa lang sila ay masakit na sa ilong ang
amoy ng hangin. Ang lugar na kinaroroonan nila ngayon ay walang iba kundi ang
Irisan Dumpsite. Tinanaw ni Kyla ang mga nakatambak na basura at naalala niya
ang kanyang pinaggagawa sa ibabaw ng mga ito ilang araw na ang nakalipas.
Lumapit si Jean at sinilayan din ang bundok ng basura. “Huwag mong sabihing
hahanapin mo ulit ang kuwintas mo dito?” tanong ni Jean.
“Siguro nga ay totoo ang sinasabi ng iba na oras na nawala mo ang isang
napakahalagang bahay na pinakaiingatan mo ng lubos ay hindi mo na mababawi
pang muli,” wika ni Kyla habang patuloy pa ring nakatingin sa mga basura.
Ramdam ni Jean kung ano ang nararamdaman ni Kyla at ang nasabi
niyang iyon ay naglalarawan lang kung ano ang kanyang pinagdaraanan ngayon.
“Hintayin na lang kita sa loob ng kotse, maiwan muna kita,” pagpapaalam ni
Jean. Ilang hakbang pa lang papunta ng sasakyan ay nabigla siya at napahinto
dahil sa naitanong ni Kyla.
“Jean posible bang ang isang napakagandang bagay gaya ng pag-ibig ay
makikisabay sa isang napakamapanirang paghihiganti?”
Matagal na nag-isip si Jean kung ano ang dapat niyang isagot. Hindi pa
niya lubos na alam kung ano ang talagang nangyayari dahil wala rin masyadong
sinasabi si Leon. Hindi niya mawari kung ano ang ibig sabihin ni Kyla sa salitang
paghihiganti. Kanino naghihiganti si Leon? Kay Kyla ba? Kailangan ba niya
talagang gawin ito? Ito ang mga katanungang umiikot ngayon sa kanyang isipan.
“Kyla… hindi ko alam,” tugon niya dito.
Mula sa likuran ng dalaga ay patuloy na pinakinggan ni Jean ang bawat
sasabihin nito. “Sabi ni Leon sa akin hindi na siya ang dating Leon na nakilala ko
kaya maghanap na raw ako ng iba na nararapat para sa akin.” Mas lumapit si
Jean para mas malinaw niyang marinig ang mga susunod na sasabihin ni Kyla
medyo humihina na kasi ang pagsasalita nito. “Sinabi ko sa sarili ko noon na
gagawin ko ang lahat para mapatawad niya ako at muli kaming magkaayos.
Ginamit ko lahat ng pwede kong magamit para lang manatili ako sa tabi niya
hanggang sa matutunan niya ulit akong tanggapin. Hindi ako sumuko maski
minsan naiisip ko na hindi ko na kaya. Pero… Ano ng gagawin ko ngayon? Bakit
kailangang mangyari ang ganito? Damang-dama ko sa puso ka na mahal na
mahal ko pa rin siya.” Napahikbi na naman ito at dumaloy ulit ang luha sa
kanyang mga pisngi.
Lumapit si Jean at inilapat ang isang kamay sa braso ni Kyla. “Kaya ka ba
pumayat dahil lahat ng tubig mo sa katawan ay iniluluha mo?” kakaibang istilo ng
pagtatanong nito sa dalaga.
Hinarap ni Kyla ang kaibigan at ginawa itong iyakan. Mahigpit siyang
humawak sa T-shirt ni Jean at linubos-lubos na ang pag-iyak. Dama man ni
Jean na nababasa ang kanyang bandang dibdib ay hindi na niya ito ininda pa.
Pinabayaan na lang niya si Kyla na ilabas lahat ang nararamdaman.
“Napakatanga ko talaga. Nakakahiya na ito grabe!” wika ng dalaga.
Dahil sa kaawa-awang lagay ng dalaga ay parang gusto ni Jean na
yakapin ito para patahanin subalit hindi niya magawa sa di maipaliwanag na
dahilan. Nanatili siyang nakatayo habang si Kyla ang nakahawak sa kanya at
matiyagang naghintay hanggang sa tumahan ang dalaga. Niyaya siya ni Jean na
iwanan na ang lugar para makauwi na sila. Hinatid niya si Kyla hanggang sa
bahay nito at bago magpaalam ay niyaya muna siyang magkape sa loob.
Tinanggihan na ito ni Jean at nagpaalam na lang sa dalaga. Buong pusong
nagpasalamat si Kyla sa napakabait na kaibigan at humingi na rin ito ng
paumanhin sa anumang naidulot ng mga pakiusap niya kanina lalo na at alam
niyang medyo tambak ang trabaho ni Jean nitong mga araw. Walang anuman ito
para sa binata ang mahalaga sa kanya ay nakatulong siya sa anumang paraan.
Habang nagmamaneho pauwi, naaalala ni Jean ang hitsura ni Kyla kanina
habang ito‟y umiiyak sa kanyang dibdib. Napakalungkot ang hitsurang iyon at
gusto talaga niyang matulungan ang kaibigan. Pero ano nga ba ang maaari
niyang gawin? Si Leon na rin mismo ang nagpapalayo kay Kyla ibig sabihin ay
nagpasya na itong magpatuloy sa relasyon nila ni Remz. At kailangan ba niyang
makialam sa isang bagay na hindi siya ang direktahang naaapektuhan? Mahirap
din para sa kanya na paburan ang isa dahil pareho niyang kaibigan ang
kasangkot. Hindi tuloy niya alam kung ano ang nararapat na gawin o kailangan
bang may gawin siya? Mas lalo lang siyang nalilito kung iniisip niya ang bagay
na ito kaya pagkauwi ay inilagay na lang niya ang buong atensyon sa kanyang
trabaho.
Maagang nagising si Leonardo dahil nabulabog siya ng ringtone ng
kanyang cellphone. Ang kanyang ina ang tumatawag, sinagot niya ito at natakot
sa natanggap na balita. Nagkasakit ang kanilang bunso at patuloy na tumataas
ang lagnat nito kaya muli na namang nangangailangan ng karagdagang pera
ang kanyang ina para sa gamot. Gusto ni Leonardo na umuwi para makita ang
kalagayan ng kapatid pero walang maitutulong ang ganitong pasya. Ang mas
kailangan ni Lenneth ay pera para may pambili ng gamot. Imbes na gumastos sa
pasahe ay ipadala na lang ito para masigurado ang gamot na dapat bilhin. Ito
ang kanyang ginawa puno man siya ng pag-aalala. Mas kailangan nila sa
ngayon ang pera kaya muli siyang naghanap ng maaaring pasukan bilang
pangalawang trabaho.
Samantala si Remz ay nakapagpasya na ipakilala ang kasintahan sa
kanyang mga magulang. Pagsapit ng kanyang rest day ay bumiyahe sila ni Leon
patungo ng kanilang bayan sa Nueva Viscaya. Kaunti lang ang kanilang dala
kaya ginamit nila ang motorsiklo ng binata. Ilang araw na rin nila itong
pinaghandaan kaya nakabili na rin sila ng isa pang helmet para kay Remz noong
isang araw.
“Sa wakas magtatapos ka na sa pagiging high school mo?” ani Leon.
Hindi agad nakuha ni Remz ang kanyang sinasabi at tinanong ulit ito kaya mas
nilinaw ni Leon. Gaya ng dati naiinis pa rin ito kung siya ay tinatawag ni Leon na
high school.
Tanghalian na nang marating nila ang bahay nila Remz. Wala pa ang mga
magulang ng dalaga kaya sa lolo at lola muna siya ipinakilala. Natatandaan pa
siya ng mga ito at malugod siyang tinanggap bilang bisita. Matapos makisabay
sa tanghalian ay nagkasundo ang dalawa na maglibot-libot muna. Matapos
mapuntahan ang ilang lugar ay biglang nanakit ang ulo ni Remz at nakiusap
itong ibilhan siya ni Leon ng gamot. Nagtungo sila sa pinakamalapit na drugstore
at nagkataong bumibili din dito ng gamot ang ina ni Leonardo.
“Oh Remz kumusta ka na,” masayang bati sa kanya ng ale.
“Ayos lang po. Kumusta naman po kayo?” magalang na tugon ng dalaga
maski nananakit ang kanyang ulo. Naitanong na rin niya kung para kanino ang
may karamihan na gamot na hawak-hawak ngayon ng ale at ipinaliwanag nito
ang sitwasyon. Nakabili na si Leon at ibinigay niya ito kay Remz. Ipinakilala niya
ang dalawa sa isa‟t-isa at nagulat man si Leon nang marinig na ito ang ina ni
Leonardo ay pinakitahan pa rin niya ito ng magalang na tugon.
Dahil sa pagsasalubungang ito, nakaisip si Remz ng isang magandang
ideya. Mula nang nagkausap sila tungkol sa kanilang relasyon at ang pangako
niya na tutulungan niya si Leon para kalimutan ang paghihiganti, hanggang
ngayon ay hindi pa rin niya maramdaman na nakakatulong siya sa binata. Gusto
niyang siguraduhin na matanggal ang galit ni Leon sa nagawa ni Leonardo
upang ang pagtuunan na lang nito ng atensyon ay ang kanilang pag-iibigan. “Tita
pwede po ba naming dalawin si Lenneth?” Ikinatuwa ito ng ale at agad tinanggap
ang pamamaalam ng dalaga matagal-tagal na rin kasi na walang dumadalaw sa
bunso niyang anak. Wala ng magagawa pa si Leon kundi sumunod, nauna na
ang ale at si Remz ang tagabigay direksyon kung saan sila pupunta. Halos
sabay lang sila ng dating sa may-ari ng bahay. Sabay-sabay silang pumunta sa
silid na kinaroroonan ni Lenneth at nadatnan nila itong umiiyak habang
pinapatahan ng kanyang ate, ang mas nakababatang kapatid din ni Leonardo na
siyang pumapangalawa sa kanya. Inutusan ito ng kanilang ina na magdala ng
tubig at iniwan muna ang silid.
“Lenneth may bisita ka oh, kaya huwag kang iyak ng iyak baka umalis
agad sila,” pakiusap nito sa kanyang may sakit na bunso. Kinumusta niya ang
pakiramdam nito at tahimik lang ang dalawa sa tabi. Alam ni Remz kung ano ang
talagang dinaramdam ng bata pero ang akala ni Leon ay may karaniwang sakit
lang ito at nagpapalambing lang. Ngunit ng makita niya na hindi lang isa o
dalawang uri ng gamot ang ipinainom dito ay napatanong siya sa kanyang
nobya. Hindi muna siya sinagot nito at sinabing mamaya na lang niya sasabihin.
“Mama mamamatay na po ba ako?” tila takot na takot na tanong nito
matapos inumin ang mga gamot. Iginiit ng ina na mangyayari iyon at
pinangakuhan ang anak na siya ay mabubuhay hanggang sa siya ay lumaki.
“Mama kailan po tayo makakapunta ng Baguio?” dagdag katanungan pa nito.
“Kailangan mo munang magpagaling bago tayo pupunta ng Baguio,”
sagot ng ina. Nagpaalam muna ito sa anak para asikasuhin ang dalawang bisita
at sa sala ang kanilang tuloy. Ipinaharap sa kanila ang simpleng meryenda
yamang alas-tres na ng hapon. “Pasensya na kayo at di ko kayo gaanong
maasikaso naglalambing kasi ang bunso ko,” paghingi pa nito ng dispensa.
Nagpaalam ulit ito na maiwan muna ang dalawa para asikasuhin si Lenneth at
ang iniwan na mag-asikaso sa kanila ay ang pangalawa niyang dalagang anak.
Habang nag-uusap ang dalawang babae si Leon naman ay pasimpleng
sinusuri ang lahat ng sulok ng bahay. Pati kisame at mga kagamitan ay kanya
ring pinuna. May kalumaan na ang mga gamit, upuan, appliances at pati mga
bahagi ng bahay gaya ng dingding ay mahahalatang wala sa mataas na kaledad.
Mahirap lang ang pamilyang ito, sigurado ito ni Leon. Ito ang tinitirhang bahay ng
tao na kanyang lubos na kinamumuhian, dito nadiskubre ng kanyang yumaong
ate ang pangangaliwa ni Leonardo kaya sa ngayon ay pumapasok sa kanyang
isipan na ang bahay na ito ay bahagi ng dahilan ng pagkamatay ni Sophia na
hindi naman dapat. Hindi siya mapalagay habang nasa loob ng bahay na
kanilang kinaroroonan ngayon bilang bisita, kanina pa niya gustong lumabas
pero hindi lang niya magawa. Nang maubos niya ang kanyang iniinom at ibinaba
ang baso sa lamesa ay napansin niya ang ibabaw nito. Pinuna na niya kanina
ang lahat ng nasa bahay pero ngayon lang niya napansin ang mesa na yari sa
kahoy ay may nakaukit sa ibabaw sa bandang pinakagitna. Nakaukit ang mukha
ng isang dalaga, napakahusay ng pagkakagawa nito kaya hindi naiwasan ni
Leon na hawakan at pakiramdaman ang bahaging ito ng mesa.
Napansin agad ni Kikay, palayaw ng kapatid ni Leonardo ang
panghahaplos ni Leon sa nakaukit, “Gawa iyan ng tatay namin nagustuhan mo
ba kuya?” Buong paghangang sumagot si Leon ng oo at naitanong kung ano ang
propesyon ng kanilang ama. Isa itong mang-uukit at ito ang kanyang
ikinabubuhay ayon sa dalaga. Buong pagmamalaki rin na naikuwento nito ang
iba pang mga gawa ng kanilang ama hanggang sa nagkainteres si Leon na
magpagawa ng isang bagay na gusto niya. Ngunit bigla na lang nanlumo ang
kanina lang ay napakasayang nagkukuwento, “Patay na ang tatay namin
kuya…” nanatili muna itong tahimik at nabanggit na higit dalawang taon na rin
ang lumipas ng ito ay namatay dahil sa sakit dala ng sobrang kapaguran.
“Paumanhin hindi ko alam,” pagpapaumanhin ng binata. Alam na ito ni
Remz, sensitibo ang pamilyang ito tungkol sa pagkamatay ni Mang Mario hindi
nga lang niya nabalaan si Leon ng mas maaga kanina. Ipinagsawalang-bahala ni
Kikay ang lahat at masaya uling nagtanong-tanong tungkol sa Baguio. Napunta
ang usapan kay Lenneth at hindi maiwasan ni Leon na tanungin kung ano ang
dinaramdam nito.
“Ipinanganak po siyang may deperensiya sa puso,” muling malungkot na
sagot ni Kikay. “Lumalala na nga ang kanyang kalagayan mula nang namatay
ang tatay namin.” Naitanong na rin ni Leon kung ilang taon na si Lenneth at
nalamang siyam na taong gulang na ito ngunit wala ito sa kanyang hitsura. Ayon
daw sa espesyalista dala ng kanyang sakit at mga kinakailangang isagawang
paghihigpit gaya ng pagbabawal sa kanya na makilaro ng takbuhan kasama ang
mga ibang bata sa labas ay hindi na nakasabay si Lenneth sa paglaki. Wala siya
gaanong social life at nitong taon ay kinailangan niyang tumigil muna ng pag-
aaral at sa katunayan ay nasa unang baitang pa lang imbes na ikatlo.
Hindi inakala ni Leon na may kapatid si Leonardo na may sakit sa puso.
Naaawa siya para sa bata, napakabata pa nito ay mahirap na ang
pakikipaglaban sa buhay. Kung anu-ano pa ang pumapasok sa kanyang isipan
at hindi niya namamalayang pinagmamasdan pala siya ni Remz. Pinuntahan
niya ito matapos siyang magmeryenda at kinausap. “Hello Lenneth,” bati ni Leon
sabay ngiti sa bata. Ngumiti rin ito sa kanya at binati siya pabalik. Magaan
kaagad ang loob ni Lenneth sa kanya at nagkausap sila na parang dati ng
magkakilala. Habang nag-uusap sila ng mga usaping bata gaya ng mga palabas
sa TV ay napansin ni Leon ang isang larawan na hawak-hawak ni Lenneth. “Ano
iyang larawan na hawak mo?” usisa ng binata.
“Larawan po ng mahal na mahal kong ate na matagal ko ng hindi
nakikita,” tugon ni Lenneth. Sa hiling ni Leon na makita ay iniabot niya ito at
pagkakita ng binata ay nanlaki ang kanyang mga mata. Nanatili itong nakatitig sa
nasa larawan at muling nagsalita si Lenneth, “Kapag matutuloy na kami ng
Baguio makikita ko po ulit siya kaya hindi na ako makapaghintay.”
Ang hawak ni Leon ngayon ay larawan ng kanyang Ate Sophia.
Napakasaya ni Lenneth habang kinukwento niya kung gaano ito kabait sa kanya
noon at gustong-gusto na niya itong makita. Nanatiling tahimik si Leon at di
makapag-isip ng dapat sabihin. Nagtaka siya kung bakit hindi alam ni Lenneth na
yumao na ang dalagang nasa larawan. Ang naisip lang niya na dahilan ay
marahil inilihim nila ito sa bata sa kadahilanang lumala ang kalagayan niya nang
namatay ang kanilang ama. Baka mas lumala ang kanyang karamdaman kung
malaman niya na patay na rin ang kanyang kinagigiliwang ate. “Kung gano‟n
dapat magpagaling ka kaagad para madala ka na ng nanay mo sa Baguio,” ani
Leon. Isinauli niya ang larawan at napakasayang tinitigan ito ng bata. Nagpaalam
muna si Leon kay Lenneth at bumalik ng sala kung saan naroroon si Remz at
ang mag-ina.
“Masama na po ba ang kanyang kalagayan?” di maiwasang maitanong ni
Leon sa ina ni Lenneth.
Napahinga ng malalim ang ale bago sumagot, “Kailangan niya ng heart
transplant para tuluyan siyang gumaling.”
“May nasabi na po ba ang mga doktor gaya ng taning o ano pa man?”
dagdag katanungan ni Leon na may halong pag-aalala.

“Wala pa naman pero payo na ng mga doktor na habang maaga pa ay


magpunta na kami sa lugar na maaari siyang maoperahan gaya ng Manila o
Baguio.” Tama lang ang payo ng doktor, anumang oras ay maaaring may
mangyari na hindi kayang agapan ng ospital dito sa kanilang lugar. Para mas
matugunan ang kanyang pangangailangan ay mas mainan na ilipat muna si
Lenneth sa lugar kung saan pwede siyang magamot. Inalam ng binata kung bakit
Baguio ang pinili ng pamilya at ang tanging dahilan lang ay dahil sa wala silang
kakilala sa Manila at ayaw nila ng malaking lungsod. Isa pa, ang panganay
niyang si Leonardo ay sa Baguio nagtratrabaho kaya ang nasabing lungsod ang
kanilang napili.
Sa huling pagkakataon ay sinilip ni Leon ang kalagayan ng bata. Matagal
na pala na balak ng mag-ina na pumunta ng Baguio subalit kung tatawagan nila
si Leonardo ay sinasabi nito na kulang pa ang kanyang ipon at nauunawaan ito
ng kanilang ina. Ang hindi alam ng ale, kaya hindi nakakaipon si Leonardo ay
dahil ilang beses ng nabiktima ang pera nito sa gang na inuutusan ni Leon. Hindi
niya alam ang tungkol kay Lenneth gayunpaman kung may mangyayaring
masama sa bata isa siya sa may mga malaking kasalanan.
Papalubog na ang araw at nagpaalam na rin ang dalawang bisita. Habang
nagmamaneho patungong bahay nila Remz ay si Lenneth lang ang laman ng
isipan ni Leon. Napakabata pa nito at walang kasalanan sa nangyari ngunit
nadadamay siya sa paghihiganti niya. Narating nila ang bahay at nag-usap muna
sila sa bakuran bago tumuloy sa loob. “Alam mo na ba ang tungkol sa kanya
dati?” tanong ni Leon. Tumango ang dalaga saka nagpaumanhin sa hindi
pagkakasabi kay Leon tungkol dito. “Hindi ko alam na may kapatid pala siyang
gano‟n,” ani Leon at nanatili ulit itong walang imik.
“Leon ngayong alam mo na ang tungkol sa pamilya ni Leonardo,
magagawa mo bang kalimutan ang paghihiganti mo sa kanya at magsimula ulit?”
Hindi inalis ni Remz ang kanyang mga titig sa mga mata ni Leon hangga‟t sa
hindi ito sumasagot. Nagkataong sabay na umuwi ang mga magulang ng dalaga
at hindi na narinig ni Remz ang sagot ni Leon.
Muling ipinakilala ni Remz ang kasama at inamin na ito ang kanyang
nobyo. Natatandaan siya ng dalawa at maluwag pa rin siyang tinanggap ng mga
ito. Pumasok ang apat at sabay-sabay silang naghapunan. Masayang
nagkukuwentuhan ang tatlo samantalang si Leon ay naguguluhan pa rin tungkol
sa nalaman. Sa tuwing naisasali siya sa usapan ay ngiti at pagsang-ayon lang
ang kanyang ginagawa. Nagpapanggap na rin siya na nakikinig sa usapan maski
na ibang bagay ang nasa kanyang isipan.
Natapos rin silang kumain, iniligpit ni Remz ang lahat. Nagbihis ng damit
ang mag-asawa at si Leon ay nanatili pa rin na balisa. “Hindi mo ba matanggal
sa isipan mo si Lenneth?” tanong ni Remz. Tumango si Leon at inamin na
naguguluhan siya sa sarili. “Napakalungkot na pangyayari hindi ba?” dagdag pa
ni Remz na muling sinang-ayunan ng binata.
Tinawag ng ginang si Remz at iniwan muna niya si Leon sa sala.
Ipinaayos sa kanya ang silid para sa mga bisita kung saan matutulog si Leon
ngayong gabi. Tahimik na nakaupo sa sofa ang bisita at naaalala ang hitsura ni
Lenneth kanina habang nagkukwento si Kikay.
“Leon handa na ang silid mo,” wika ni Remz ngunit tila hindi siya narinig
ng kinakausap. Tinabihan niya ito at nagulat ito sa kanyang biglang pagsulpot.
Inulit niya ang sinabi kanina at tinawanan ang nagulat na nobyo. Nagpasalamat
si Leon at pilit ngumiti kay Remz. “Sorry Leon hindi ko sinasadya na gawing
ganito ang araw mo.”
“Hindi sa gano‟n Remz, may malalim lang akong iniisip pero wala kang
kasalanan,” tanggi ni Leon saka niyakap ang dalaga. Bago siya yakapin pabalik
ay lumingon-lingon muna si Remz sa kanilang likuran sa takot na baka mahuli
sila ng kanyang magulang na nagyayakapan. Nang makumpirma na walang
nakakakita sa kanila ay nagkahalikan pa ang mga ito bago nagpaalam sa isa‟t-
isa para matulog.
Gising na ang lahat sa bahay umagang-umaga pa lang maliban kay Leon.
Ilang beses na rin na tiningnan ni Remz kung siya ay gising na subalit
napakahimbing pa rin ng tulog nito. Nauna nang umalis ang ama ni Remz at
silang mag-ina na lang ang naiwan nang magising ang binata. Niligpit niya ang
kanyang higaan at nagtungo sa sala at agad siyang napansin ng ina ni Remz.
“Maayos ba ang tulog mo Leon?” tanong ng ginang. Magalang na
sumagot si Leon at binati ang ginang ng may buong paggalang. Binati rin siya
nito at niyaya siyang mag-agahan.
Ang totoo‟y hindi siya nakatulog hanggang sa madaling araw. Naisip lang
niya na bakit labis siyang nababagabag sa nalaman samanatalang si Lenneth ay
buhay pa ngunit ang kanyang Ate Sophia ay patay na. Dahil sa inisip niya ang
lahat sa ganoong anggulo nakuha niyang makatulog at maiwasang pakasalanin
ang sarili sa kung anumang pwedeng magyari sa mga susunod na araw.
Maagang nananghalian ang dalawa bago sila bumalik ng Baguio. May
trabaho si Remz mamayang gabi kaya pagkarating nila ng bahay nila Leon ay
diretso ito sa silid ng binata para magpahinga. Nagtungo na rin si Leon sa bayan
at bumili ng take-out para sa hapunan. Agad siyang bumalik ng bahay matapos
bumili at pagsapit ng alas-otso y media ay ginising niya ang kanyang kasintahan.
Nagpalambing-lambing muna ang dalaga bago tuluyang bumangon saka nila
kinain ang pinamili ni Leon kanina. Matapos kumain ay inihatid na rin niya ito sa
hintayan ng shuttles saka agad umuwi. Pumasok siya sa silid ng kanyang ate at
hinarap ang malaking larawan nito. Umupo siya sa sahig at kaharap pa rin ang
larawan. “Ate gusto kang makita ng isang bata, anong dapat kong sabihin sa
kanya?”
Kinabukasan umalis si Leon na hindi gamit ang kanyang motorsiklo. Hindi
niya ito dinadala sa tuwing makikipagkita siya sa pinuno ng gang na kanyang
inuutusan.
“Anong kailangan naming gawin ngayon?” napakasayang tanong ng
pinuno.
“Wala muna akong kailangang ipagawa sa ngayon?” sagot ni Leon na
hindi ikinatuwa ng kausap.
“Kailangan namin ng pera para sa gimik namin dalawang linggo mula
ngayon,” hayag pa nito na para bang pinipilit niya si Leon na may ipagawa sa
kanila.
Tumayo si Leon at iniwan ang lugar. Habang siya ay papaalis ay
sinabihan pa siya na mag-isip kaagad ng gusto niyang ipagawa sa kanila. Hindi
na niya ito pinansin at nagtungo siya sa kanyang trabaho.
Araw ng Sabado at walang trabaho si Leon gaya ng dati. Matapos labhan
ang kanyang mga damit ay binuksan niya ang telebisyon para manood ng
programa. May kakilala siya na agad niyang napansin sa isang istayson habang
iniisa-isa ang mga ito. Isang batang babae ang kalahok sa isang noontime show
na sikat sa buong bansa. Ang batang kalahok ay si Lenneth, hindi niya alam
kung papaanong nakasali si Lenneth subalit may limang bata rin siyang kasama
bilang kalahok. Kinapanayam ng host si Lenneth at binigyan niya ng
pagkakataon na sabihin nito ang gustong sabihin sa kanyang ina na nasa
audience stand.
Pagkatapos ni Lenneth ay ang ina naman ang pinagsalita, “Anak mahal
na mahal din kita kaya galingan mo para kapag nanalo ka may pangpapagamot
na tayo sa iyo,” naluluhang wika ng ginang sa kanyang bunso.
“Pangpagamot? Anong sakit mo?” tanong ng host kay Lenneth.
“Sabi po ng doktor may puso raw po akong parang baloon?” Hindi
malinaw para sa host ang sagot ng bata kaya hiningan niya ito ng paliwanag.
“Kung hindi raw po mapapalitan ang puso ko lalaki raw po ng lalaki hanggang sa
puputok na parang baloon,” paliwanag ni Lenneth na ikinabigla ng buong studio.
“Tapos pag pumutok po mamama…” napatigil si Lenneth dahil napansin niya
ang kanyang ina na umiiyak na sa kinatatayuan. Siya na rin mismo ay nadala sa
luha ng kanyang ina at napaiyak, “Ayaw ko pong mamatay,” anito habang
umiiyak.
Agad nilapitan ng host ang umiiyak na bata at pinatahan ito. Ginamit na
rin niya ang pagkakataon upang humingi ng anumang uri ng tulong sa mga may
mababait na puso, kumbaga ay isang panawagan. Isang matandang American
na ginang ang umakyat sa entablado at sinuutan ng animoy kuwintas si Lenneth.
Yari ito sa pinagdikit-dikit na dollar bills at may kalakihan ang halaga nito kung ito
ay ipapapalit sa bangko. Nagpasalamat ang host dito at tinanong rin si Lenneth
kung ano ang gusto niyang sabihin sa mabait na Amerikana.
“Maraming salamat po, God will bless you,” ani Lenneth.
Niyakap siya ng turistang manonood at binigyan din ng host ito ng
pagkakataon na magsalita. “I had a son who had the same condition. Sadly, I lost
him but I hope you‟d live to give grandchildren for your mother,” wika nito.
Nagsipalakpakan ang iba pang manonood at nagpasalamat din ng marami ang
nanay ni Lenneth. Bumalik sa upuan ang matulunging ginang at oras na para
ipakita ni Lenneth ang kanyang kakayahan. Siya ay kakanta at nang tanungin ng
host kung ano ang title ng kanyang kakantahin ay sinabi niyang ito ay ang
madalas na pinapakinggan ng kanyang ina sa radyo. Streets of Heaven ni
Sherrie Austin, isang awit tungkol sa isang batang may sakit at walang malay na
nag-aagaw buhay sa ospital. Sa dinami-dami ng kanta bakit ito ang kanyang
napili? Alam ba niya ang ibig kahulugan ng kanta o gusto lang niya itong
kantahin dahil sa akala niya ay ito ang paborito ng kanyang ina? Napakahusay
din ng kanyang pagkakaawit, dahilang mapaluha ang ilan sa mga manonood lalo
na ang kanyang ina.
Matapos ang inilaang oras para sa kanyang pag-awit ay nagsimula na ang
kompetisyon laban sa kanyang katambal. Unahan sa pagpindot ng buzzer at
ibigay ang tamang sagot, ito ang sistema at kung sino ang magtatamo ng
dalawang tamang sagot ay siyang papasok sa susunod na bahagi ng laro.
Unang tanong at naunahan siya ng kanyang kalaban. “Sabihin mo ang maling
sagot,” ani Leon na nanonood sa telebisyon ngunit tama ang sagot ng kalaban ni
Lenneth. Pangalawang tanong at nauna naman si Lenneth subalit habang
pumapatak ang oras ay hindi niya nasabi ang tamang sagot na siyang isinisigaw
ni Leon sa harap ng telebisyon na para bang maririnig siya ng bata. Ipinasa ang
pagkakataon sa kanyang kalaban at muling sabi ni Leon na ibigay nito ang
maling sagot pero gaya kanina tama ulit kaya tanggal si Lenneth para sa
susunod na round. Bigla na lang napasuntok si Leon sa sahig at nanghinayang.
“Ano bang ginagawa ko?” tanong nito sa sarili saka pinatay ang telebisyon
matapos makitang umalis si Lenneth sa entablado.
Kailan lang ay iniisip ni Leon na hindi niya kailangang pagtuunan ng
pansin si Lenneth dahil buhay pa ito at hindi gaya ng kanyang ate na yumao na.
Ngunit iba ang kanyang nararamdaman ngayon, pabalik-balik sa kanyang isipan
ang pagsabi ni Lenneth kanina na ayaw niyang mamatay at ang pag-iyak nito.
Napakahusay din nitong umawit bagaman bata pa ay parang isang tinedyer ang
tono kung kumakanta iyon nga lang ay bakit iyon pa ang kanyang kinanta kaya
mas lalong napapaisip si Leon.
Samantala si Leonardo ay muling naglakas loob na kausapin si Remz.
Naabangan niya ito at pumayag na makipag-usap saglit sa kanya. “Remz hindi
mo na ba talaga ako mapapatawad?”
“Napatawad na kita Leonardo, matagal na kitang napatawad. Ang hindi ko
kayang gawin ay ang mahalin kang muli,” sagot ni Remz. Iniwan niya si
Leonardo at sumakay sa isa sa mga bus na ilang minuto lang ay umalis
patungong T.I.
Nakaipon ng maigi si Leonardo nitong sahuran sa dalawa niyang trabaho
dahil walang nangyaring masama. Ipinalit na rin ng kanilang ina sa piso ang
dolyar na natanggap sa Amerikana noong isang araw. Nagawa nilang magpunta
ni Lenneth dito sa Baguio at naiwan si Kikay sa bahay nila sa probinsya. Umupa
rin sila ng mas maluwang na kuwarto sa ibang barangay at silang tatlo ay dito
muna maninirahan.
Ilang araw pa lang ang mag-ina dito sa Baguio ay umuwi si Leonardo
isang gabi na may pasa sa mukha. Agad inalam ng ina kung ano ang nangyari at
labis ang pag-aalala. “Nadulas lang po ako diyan sa daan inay, madilim po kasi,”
alibi nito. Pumasok siya sa kanilang silid at tinanggal ang kanyang t-shirt. Puno
rin ng pasa ang kanyang likuran at mahapdi kung nasasagi. Nagsuot agad siya
ng bagong t-shirt bago mapansin ng kanyang ina.
Ang totoo‟y muli siyang hinarang ng gang kanina at sinubukan siyang
kuhanan ng pera at nang wala siyang maibigay ay panggugulpi ang natamo niya.
Binantaan din siya na kung hindi niya ibibigay ang limang libo ngayong darating
na araw ng linggo at kung hindi siya susunod ay may gagawin silang masama.
Iniabot sa kanya ang isang larawan, larawan ni Remz at may mangyayaring
masama sa kanya kung hindi siya magbibigay ng limang libo. “Bahagi ba ito ng
utos ng pinuno niyo?” galit na tanong ni Leonardo.
“Wala ka ng pakialam do‟n ang mahalaga ihanda mo ang pera,” saka muli
siyang sinipa nito sa tagiliran. “Oo nga pala huwag kang magsasabi sa pulis dahil
ikaw din ang mapapahamak,” at naglabas ulit ito ng isa pang larawan at ipinakita
sa kanya. Siya ang nasa larawan, nakatulog siya at sa kanyang paligid ay mga
pangpasalubong na pagkain gaya ng lengua de gato at peanut brittles. Tama ito
ay noong pinasok niya ang isang stall sa palengke kasama ang isang di kilalang
lalake. Ngayon ay alam na niya na kasamahan pala ng gang ang lalakeng iyon at
sinadya ang lahat. May malakas silang armas na panakot sa kanya para hindi
makahingi ng tulong sa pulis. Hindi siya maaaring makulong dahil kung nangyari
iyon ay papaano na si Lenneth?
Galit na galit siya sa pagkakaalala sa nangyari kani-kanina lang Hindi siya
makakain ng maayos dahil sa nabitak ang kanyang labi at bawat subo ay
ramdam niya ang matinding hapdi. Bawat piso ay napakahalaga ngayon ngunit
di niya maiwasang isipin kung ano ang maaari nilang gawin kay Remz kung hindi
siya magbibigay ng pera. Kinabukasan pagkasapit ng gabi ay lumabas ng bahay
si Leonardo at sa bahay nila Leon ang tuloy.
“Ano na naman sadya mo dito? Wala dito si Remz?” ani Leon na
kararating lang.
“Bawiin mo ang utos mo sa gang mo Leon,” sabad agad ni Leonardo.
“Gang? Pinagpipilitan mo pa rin ba iyan?”
“Kahapon hinarang nila ako at sinubukan nila akong kuhanan ng pera.
Sabi nila kung hindi ako makapagbibigay ng limang libo hanggang linggo ay may
gagawin silang masama sa babaeng ito,” sabay hagis sa larawan. Nasalo ito ni
Leon at nasurpresa na si Remz ang nasa larawan. “Bakit mo ito nagagawa kay
Remz? Mahal ka niya at tiwalang-tiwala siya sa iyo pero bakit mo siya
ipinapahamak?” galit na pagtatanong nito.
Hindi nagbigay pahayag si Leon at binuksan ang gate. Habang ipinapasok
niya ang motorsiklo ay muling nagsalita si Leonardo.
“Hindi ako magbibigay ng pera Leon! Pero sinisiguro ko sa iyo na
proprotektahan ko si Remz sa gang na iyon, proprotekahan ko siya sa iyo!” Agad
itong umalis at itinuloy ni Leon ang pagpapasok sa kanyang motorsiklo. Muli
niyang tiningnan ang larawan at nabanggit ang pangalan ng dalaga. Kailangan
niyang ayusin ang lahat kaya kinaumagahan ay muli siyang nakipagkita sa gang.
Ibinalik niya ang larawan ni Remz at nagtaka ang pinuno kung papaanong
napunta ito kay Leon. “Bakit kailangan ninyo siyang idamay sa mga operasyon
ninyo?” Imbes na sumagot ay tinanong siya nito kung papaanong napunta ang
larawan sa kanya. “Ibinigay niya mismo sa akin kagabi.”
“Papaanong?... Kung gano‟n alam na niya ang lahat?”
“Oo at kayo rin mismo ang dahilang kung bakit niya nalaman dahil sa
inamin ninyo noon na may nagbabayad sa inyo para perwisyuhin siya at ang
mas masaklap ibinigay niyo sa kanya ang larawan na iyan,” sabay hablot sa
larawan ni Remz.
“Ano bang meron sa larawan ng chicks niyang iyan?” tanong pa nito.
“Hindi niya ito chicks, akin ang babaeng ito,” maangas na tugon ni Leon at
mas ikinagulat lalo ito ng kausap. “Napakalaking pagkakamali ang ginawa ninyo
kaya mula ngayon wala na tayong kasunduan. Anuman ang gawin ninyo huwag
niyong isali ang babaeng ito.” Ibinulsa ni Leon ang larawan ni Remz saka
naglakad palayo.
“Sandali lang! Anong ibig mong sabihin na wala na tayong kasunduan?
Anong gagawin mo sa natitira naming bayad?” tanong pa ng pinuno.
“Wala akong naaalalang utos na ibinigay ko nitong mga nakaraang araw
kaya wala akong kailangang bayaran. Ang sinabi ko ay wala muna kayong
kailangang gawin pero nilabag niyo iyon.”
Nairita ang pinuno ng gang sa tono at asta ni Leon kaya maangas na rin
itong nagbitiw ng susunod na pahayag. “Baka nakakalimutan mo nasa pareho
tayong sitwasyon kung sakaling lumapit si Leonardo sa mga pulis,” pagpapaalala
nito kay Leon.
“Binabantaan mo ba ako?” mapanghamon na pagtatanong ni Leon.
“Huwag kang kunwaring matigas, nakikiayon lang kami sa iyo dahil sa
kasunduan natin at bayad na nakukuha namin sa iyo kaya magbayad ka na kung
ayaw mong masaktan!” pananakot nito na hindi umubra.
Naglakad pabalik sa pinuno si Leon at walang takot na nakikita sa
kanyang mga mata. “Bakit hindi mo subukan,” hamon niya dito. Mas lalong
nairita ang kausap at hinagisan siya kaagad ng suntok subalit napakaliksi ng
pagkakasalo ni Leon sa kanyang kamay. Mahigpit niya itong hinawakan gamit
ang kanyang dalawang kamay at pinatid ang isang paa ng lalake saka itinumba
niya ang kanyang sarili paharap at sabay silang bumagsak sa lupa na siya ang
nakapatong. Ang isinagawa ni Leon ay isang arm bar, isang galaw na ang layon
ay para baliin o idislocate ang kasu-kasuan ng balikat o siko. Hindi siya
nagdalawang-isip na baliin ang mga ito kaya napakalakas ng pagsigaw ng
kanyang kaaway. Malayo man ang taas nito sa kanya ngunit isang galaw lang ay
hindi na nito kaya pang lumaban. Lumapit ang dalawang kasama nito at agad
niyang inutusan na gulpihin si Leon. Tumayo si Leon at siya na mismo ang
sumugod sa dalawa. Walang nagawa ang mga ito kundi tanggapin ang
malalakas na suntok ni Leon na siyang nagpabagsak sa kanila sa lupa. Muli
niyang nilapitan ang pinuno at bago umalis ay nagbitaw ng huling pahayag,
“Subukan ninyong galawin siya at hindi lang balikat mo ang babaliin ko!”
Kinagabihan ay pinuntahan ni Leon si Remz at niyaya niya ito na
maghapunan sa labas. “Remz may napapansin ka ba na parang
nangmamanman sa iyo?” tanong ni Leon. Inalam ng dalaga kung bakit niya ito
naitanong at ang paliwanag lang ni Leon ay nag-aalala lang siya na may mga
masasamang-loob na sumusunod kay Remz lalo na sa mga gabi na hindi siya
nasusundo. Hinawakan niya ng mahigpit ang kamay ng nobya at pinayuhan na
mag-iingat lagi. Mas lalong nagtaka si Remz sa pinagsasabi ni Leon kaya inalam
nito kung may masama bang nangyari. “Wala naman, masama lang iyong
panaginip ko kagabi,” paliwanag ng binata.
“Okay Leon mag-iingat ako kaya huwag ka ng masyadong mag-alala,”
sabay ngiti sa binata. Matapos kumain ay inihatid na rin ni Leon ang dalaga at
hindi siya umalis hanggang sa nakaalis ang bus na sinakyan ni Remz.
Nag-aalala na siya sa maaaring gawin ng gang na dati‟y inuutusan lang
niya para pahirapan si Leonardo. Tiyak niyang babawi ang mga ito lalo na at
binalian niya ng kamay ang kanilang pinuno kanina. Ang masama ay kung si
Remz pa ang kanilang babawian kaya ang plano ni Leon ay laging sunduin si
Remz tuwing pupunta ito ng trabaho.
Kinaumagahan si Leonardo naman ang nakatambay sa babaan nila
Remz. Pilit man siyang iniiwasan ni Remz ngunit hindi pa rin nito kaya na siya‟y
hindi pansinin. “Gumagawa ka ba ulit ng kuwento?” galit na tanong ng dalaga
matapos marinig ang mga pahayag ni Leonardo.
“Remz maniwala ka sa akin maski ngayon lang. Totoo ang lahat ng sinabi
ko maniwala ka sana,” pakiusap ni Leonardo.
“Pagod na pagod na ako sa trabaho. Sa ibang araw na lang tayo mag-
usap,” ani Remz saka sumakay sa jeep na tumigil sa tabi.
Susunod sana si Leonardo subalit eksaktong isa na lang ang pwedeng
sumakay kaya naiwan siya at hindi niya nagawang katwiranan ang kanyang
ibinalita. Wala siyang trabaho sa dyaryuhan ngayon kaya bumalik siya sa
kanilang tinutuluyang bahay. Nadatnan niya si Lenneth na nakaupo sa pinto
habang pinapanood ang mga kaedad niyang bata na naglalaro ng tumbang
preso. Ramdam ni Leonardo ang pagkainggit ng kapatid kaya niyaya niya itong
pumasok sa loob at magmeryenda. “Uminom ka na ba ng gamot mo?” usisa nito.
Sumagot ng oo ang kanyang kapatid at kanya itong pinuri.
Ngayong gabi ay magkasama ulit si Remz at Leon. “Ano bang nakain mo
Leon at lagi mo akong sinusundo at niyayayang kumain sa labas?” natutuwang
pang-aalam ni Remz.
“Wala lang, para lang maiba. Hindi ka ba masaya?” tugon ng binata.
“Siyempre masaya.”
“Naman pala ehh. Bakit ka umaangal?” pang-aasar pa ni Leon. Matapos
kumain ay dumiretso na sila sa hintayan ng bus. May oras pang natitira kaya
nagkausap muna ang dalawa.
“Leon may relasyon ka ba sa anumang gang dito sa Baguio?” biglang
tanong ni Remz na ikinagulat ng binata.
“Nagkita ba kayo ni Leonardo?” tanong pabalik nito. Tumango si Remz at
agad may sagot si Leon, “Alam mo naman na ayaw na ayaw ko ang mga gang
hindi ba? Nakita mo na dati kung gaano kabilis uminit ang ulo ko sa kanila.”
Ipinaalala ni Leon ang pakikipag-away niya sa tatlong lalake noon habang sila ay
nagtitingin ng mga paninda sa night market. “Kaya papaanong may relasyon ako
sa kanila?”
“Iyon nga rin iniisip ko ehh. Pero sino kaya iyong mga taong gumugulpi
daw madalas kay Leonardo?”
“Baka mga taong nilapitan niya noon para mautangan at hanggang
ngayon ay hindi niya nababayaran,” agarang sagot ni Leon. “Pero baka sinasabi
lang niya na gang at sinasabing kontrolado ko sa paraang iyon magiging kapani-
paniwala dahil alam natin na may galit ako sa kanya,” sariling paliwanag ni Leon.
“Sabagay maaaring gano‟n nga kasi alam niyang galit na galit ka sa
kanya,” ani Remz na kumbinsido sa mga hayag ni Leon. Aalis na ang bus kaya
nagpaalam na sila sa isa‟t-isa.
Araw na ng linggo, ngayon ang huling araw na ibinigay kay Leonardo para
ibigay ang pera pero gaya ng sinabi niya noon kay Leon wala siyang balak
magbigay ni sentimo. Mahalaga si Remz pero mahalaga din ang pera para kay
Lenneth kaya ang tanging magagawa lang niya ay ang protektahan si Remz sa
ano man na maaaring mangyari. Kinagabihan ay nagtungo agad siya sa
tinutuluyang bahay ng dalaga subalit hindi na niya ito naaabutan. Kinabahan siya
ng hindi niya makita si Remz kaya nagmadali siyang nagtungo sa hintayan ng
T.I. shuttles sa Convention Center. Pagkarating niya ay hindi niya mahanap si
Remz nagsimula na siyang kabahan kaya sinilip-silip niya ang bintana ng mga
bus at maya‟t-maya lang ay isang motorsiklo ang dumating. Naaninag niya
kaagad na kay Leon ang sasakyan at sakay-sakay niya si Remz. Pumagilid
muna siya para hindi mapansin ng dalawa at sinuri ang paligid kung may ibang
mga tao na maaaring kasamahan ng gang. Mula sa kanyang kinaroroonan ay
kitang-kita niya ang naghahalikan na Remz at Leon. Animo‟y huminto ang oras
sa nakita niyang iyon at ang nasaksihan ay para bang nagtagal ng ilang minuto
imbes na segundo lang. Ipinikit na lang niya ang kanyang mga mata at nagtago
na ng tuluyan, sumandal sa pader at huminga ng malalim. Nang muli niyang
silipin ang dalawa ay papasok na ng bus si Remz at agad din umalis si Leon.
Ilang minuto lang ang lumipas ay nagsialisan na rin ang mga bus at si Leonardo
na lang ang naiwan. Walang nangyari ngayong araw, naisip na lang ni Leonardo
na maaaring natakot lang siya ng lubos at dahil sa labis na pangamba ay kung
anu-ano na ang naisip niya na maaaring mangyari.
Mas gumaan din ang pakiramdam ni Leon dahil sa walang nangyari
ngayong araw. Naisip niya na baka naduwag na ang gang dahil sa kanyang
ginawa sa kanilang pinuno at dalawa nitong kasamahan. Gayon pa man, wala
man nangyari ngayon pero maaaring nagbabalak pa rin ang mga ito sa ibang
araw kaya ang iniisip ngayon ni Leon ay kung papaano niya mawawala sa
listahan ng problema ang gang. Walang alam ang gang tungkol sa kanya, ni
totoo niyang pangalan ay hindi rin nila alam, tuwing makikipagkita siya ay laging
pareho ang kanyang suot na damit mula sapatos hanggang jacket, hindi rin niya
dinadala ang kanyang motorsiklo at higit sa lahat ang may pinakamataas na
posisyon sa kapulisan ng Baguio ay kanyang lolo.
Kinabukasan, muling naghintay si Leonardo sa babaan ng mga
empleyado para kausapin si Remz. “Ano na naman ang kailangan mo?” galit na
pagtatanong ng dalaga pagkakita nila. Nabanggit ng binata ang kanyang
pangalan at magsisimula pa lang sana ito na magsalita ay inunahan na siya ng
galit na kausap. “Ano ba talagang gusto mo at bakit mo ito ginagawa sa akin?”
Hindi makasagot si Leonardo at tila nag-iisip pa rin ng sasabihin. “Ano pa ang
kasinungalingan na gusto mong sabihin? Gustong-gusto mo ba ako na
natatakot? Takot na takot na ako akala ko talaga totoong may mangyayari!”
pagpapatuloy ni Remz. Dahil sa nanatiling tahimik ang binata ay iniwan na niya
ito pero sumunod din ito kaagad at nagpaumanhin. “Leonardo ano man ang
iniisip mo pakitigil mo na. Pakiusap pabayaan mo na kami ni Leon,” mahinahong
pakiusap ni Remz. Sumakay ng jeep ang dalaga at wala ng nagawa pa si
Leonardo kundi panoorin lang ito na umalis.
Panibagong shift ulit ni Remz ngayong buwan ng Oktubre, pang-alas tres
hanggang alas-onse na siya ng gabi. Tinawagan ni Leon ang nobya na hindi sila
makakalabas ngayong rest day ni Remz dahil sa ngayon ang araw ng pagkikita
nila ng kanyang Tita Beverly kapatid ng kanyang ina.
Nanood na lang si Remz ng mga teleserye sa telebisyon kasama ang
kanyang mga pinsan. Habang abala siya sa panonood ay tinawag siya ng
kanyang tita at sinabing may naghahanap sa kanya sa labas. Akala niya ay si
Leon ngunit pagkalabas niya ay si Leonardo ang nakatayo sa harap ng gate.
“Paano mong nalaman na dito ako nakatira?” tanong agad ni Remz.
Ipinaliwanag na binata kung paano nalaman ang lugar na ito. Sinundan
niya noon si Remz dahil sa labis siyang nangamba sa sinabi ng gang at muli
siyang nagpaumanhin sa anumang naidulot ng kanyang mga sinabi. “Nag-alala
lang talaga ako kaya ko nasabi ang lahat ng iyon pero…”
“Nag-aalala? Hindi ba‟t wala namang nangyari?” sabad agad ng dalaga.
Muli na lang nagpaumanhin ang binata. Ano man ang sabihin niya ay mahirap ng
paniwalaan ni Remz kaya nawalan siya ng ganang magpatuloy sa kanyang
paliwanag. “Kalimutan mo na, nangyari na ang nangyari,” ani Remz at tinanong
kung iyon lang ang isinadya ng bisita.
“May huling pabor sana akong hihilingin sa iyo kung ayos lang,” wika ni
Leonardo ng may kabagalan. Inalam ni Remz kung ano ang pabor at nagpatuloy
si Leonardo. “Narito sa Baguio si Mama at si Lenneth, baka nakalimutan mo na
pero kaarawan ko kasi ngayon kaya gusto ni mama na imbitahin ka para
pasalamatan sa lahat ng naitulong mo,” salaysay ni Leonardo.
Napatingala ang dalaga at tama nga si Leonardo nakalimutan ni Remz na
ngayon ang kanyang kaarawan. “Anong gusto mong gawin ko?” tanong nito.
“Alam mo kasi mula pagkarating niya lagi ka niyang kinukumusta sa akin.
Kung ayos ka lang daw, kung kumusta relasyon natin at madalas din niya
mabanggit na alagaan daw kita ng maigi dahil napakadalang ng mga babaeng
katulad mo.” Huminga ng malalim si Leonardo at tila naluluha na. “Hanggang
ngayon kasi di ko pa nasasabi sa kanya ang totoo kaya ngayong gabi yayayain
sana kita para ikaw na lang magsabi, ayos lang ba sa iyo?”
“Bakit kailangang ako pa ang magsabi?”
“Dahil hindi ko kaya,” sagot agad ni Leonardo sa nanginginig niyang
boses. “Pakiusap ito na ang huling beses na gagambalahin kita, matapos mong
sabihin ang lahat kay mama mawawala na ako sa buhay mo kaya kung ayos
lang sa iyo,” pagpapatuloy ni Leonardo at nanginginig pa rin ang kanyang tinig.
Pumayag na rin si Remz at sinabi sa binata na siguraduhin niyang
gagawin niya ang kanyang binitiwang salita. Pinaghintay niya muna ang binata
sa waiting shed sa tabi ng gate, hindi niya ito pinapasok dahil baka iba ang isipin
ng kanyang tita. Agad siyang naligo at nagbihis at habang sinusuklay niya ang
kanyang buhok sa harap ng salamin ay bigla na lang tumulo ang luha sa
kanyang mga mata. “Bakit ako umiiyak?” pagtataka nito sa sarili. Inayos niya ang
kanyang sarili at lumabas. Nakapagpaalam na siya kanina kaya diretso na sila ni
Leonardo sa bayan sakay ng jeep. Sumakay ulit sila na isa pang jeep patungo sa
barangay na tinitirhan ng binata. Mula sa babaan ay may kalayuan pa ang
kailangan nilang lakarin, makipot ang daan kaya hindi kasya ang sasakyan at isa
pa ay wala rin gaanong ilaw kaya madilim. Habang tahimik silang naglalakad ay
isang lata ang biglang bumagsak sa harapan ni Remz. Nagulat ito at napahawak
kay Leonardo, ilang saglit lang ay apat na kalalakihan ang lumapit sa kanila.
“Tol walang duda siya nga,” sambit ng isa sa mga ito. Nang mas
makalapit sila ay nasigurado ni Leonardo na ang mga ito ang gang na laging
nanglalapastangan sa kanya. Malademonyo ang mga ngisi ng mga ito at ang
akala niyang apat ay pito pala. “Leonardo long time no see,” hayag ng isa saka
lumapit. May benda ang kamay nito hanggang sa kanyang balikat at sa isang
kamay ay may hawak na tubong yari sa bakal.
“Anong kailangan ninyo?” nanginginig na tanong ni Leonardo. Mas
hinigpitan ni Remz ang kanyang kapit sa binata at ramdam ni Leonardo ang labis
na panginginig nito dala ng takot.
“Aba mga „tol kasama niya itong babaeng ito, saktong-sakto,” pagbabalita
ng pinuno ng gang sa kanyang kasamahan pagkalapit niya sa dalawa.
Nagsihiyawan ang kanyang mga kasama na animo‟y natutuwa.
“Ano man ang gawin niyo huwag niyo siyang idamay,” pakiusap agad ni
Leonardo. Mas nilapitan sila ng pitong kalalakihan at pinisil pa ng isa dito ang
pisngi ni Remz. Sinampal ni Remz ang lalake at kinantyawan ito ng kanyang
kasamahan.
“Leonardo sino ang mga ito,” tanong ni Remz at mas hinigpitan niya ang
pagkapit sa tinatanong.
“Hahaha! Hindi niya alam kung sino tayo,” sigaw ng pinuno ng pito. “Kami
ang grupo na inuutusan ng boyfriend mo para pahirapan ang ungas na ito,”
hayag pa nito at inihampas ang hawak na pamalong bakal sa bisig ni Leonardo.
Napaaray ang binata at mas lalong natakot si Remz. Ngunit ang mas
ikinagulat niya ay ang narinig. “Imposible iyan, hindi magagawa ni Leon ang
sinasabi mo,” ani Remz na medyo naluluha.
“Leon? Kung gano‟n Leon pala ang totoong pangalan ng tarantadong
iyon!”
Habang nag-uusap ang mga kalalakihan tungkol sa kanilang gagawin ay
hinawakan ni Leonardo ang mga balikat ni Remz at bumulong. “Remz tumakbo
ka na,” pag-uutos nito. Napalingon sa kanya ang dalaga at inulit ni Leonardo ang
kanyang sinabi. “Huwag kang lilingon Remz, tumakbo ka lang ng tumakbo,”
dagdag pa nito. Takot na takot na si Remz at nangangamba rin siya sa maaaring
mangyari kay Leonardo kung sakaling susundin niya ang sinasabi nito kaya hindi
niya malaman kung ano ang dapat niyang gawin.
“Hoy anong pinagbubulong mo diyan?” sita ng pinuno at muling inihampas
ang hawak na tubo ngunit ngayon ay nagawang saluin ni Leonardo at inagaw
gamit ang kanyang dalawang kamay. Itinutok niya ito sa ulo ng inagawan at
binantaan ang mga kasamahan nito.
“Ngayon na Remz takbo na.”
“Pero paano ka?” pag-aalala ng dalaga.
“Huwag mo na akong isipin tumakbo ka na,” pilit pinag-uutos ng binata.
Muli sanang magsasalita ang dalaga dahil sa takot nitong may masamang
mangyari ay sinigawan na siya ni Leonardo. “Ano bang hindi mo naiintindihan sa
salitang TAKBO!”
Nabigla si Remz sa sinabi ng binata at wala na siyang nagawa pa kundi
sundin ito. Habang siya ay papalayo paulit-ulit siyang nagpapaumanhin kay
Leonardo sa kanyang isipan ngunit naisip din niya na babalik siya na may dalang
tulong. Hindi nagawang pigilan ni Leonardo ng mas matagal ang mga
kalalakihan. Dalawa ang agad na humabol kay Remz at ang tanging nagawa
lang niya ay ang labanan ang pinuno ngunit hindi niya ito napuruhan, sa pilay na
balikat lang ito natamaan. Tumalikod siya sa lima at nagsimulang puntahan ang
dalawang lalaking humahawak kay Remz.
“Bitawan niyo ako!” hiyaw ni Remz.
“Hehehe pasensya ka na miss pero amin ka ngayon,” malademonyong
sinabi ng isa sa mga nakahawak sa kanya. Pagkabitaw niya ng kanyang salita ay
isang matigas na bagay ang tumama sa kanyang ulo at agad tumalsik ang dugo
sa kalsada. Inihampas ulit ni Leonardo ang hawak na bakal sa isa pang may
hawak kay Remz ngunit nagkataong nasobrahan ito sa pag-ilag at natumba.
Hinawakan ng binata ang kamay ni Remz at nagsimula silang tumakbo palayo.
Habang papaalis ay nakarinig sila ng isang pagputok ng baril mula sa kanilang
likuran at dinig din agad nila ang tunog ng bala na tumama malapit sa kanilang
paanan. Napalingon sa kanyang likuran ang binata at nakita ang pinuno ng gang
na may hawak ng baril at nakatutok sa kanila. Agad niyang hinatak si Remz at
niyakap na kanina lang ay nasa kanyang likuran at muli silang nakarinig ng isa
pang putok.
“Leonardo?” nag-aalalang sambit ni Remz sa pangalan ng lalakeng
nakayakap sa kanya. Nabibigatan na siya dito na para bang nawalan ng malay,
mas lumakas ang kanyang panginginig at may hinala siyang tinamaan ito ng
huling bala na kanyang narinig.
“Remz patawarin mo ako, patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko, iwan
mo na ako at tumakbo. Kailangan mong mabuhay,” hirap na hirap na huling
pahayag ni Leonardo bago siya nawalan ng malay at bumagsak.
Agad sinalo ni Remz ang natumbang katawan ng binata at nang tingnan
niya ang kanyang kamay ay may bahid na ng dugo. Paulit-ulit niyang isinigaw
ang pangalan ng binata at palapit naman ng palapit ang mga kalalakihan at galit
na galit ang hitsura ng mga ito. Takot man si Remz na mahuli ng mga ito ngunit
hindi na siya tumakbo niyakap na lang niya ang katawan ni Leonardo at umiyak
ng umiyak.
Hinawakan ng isang lalake ang kanyang buhok at walang pakundangan
siyang hinatak patayo. “Sumama ka sa amin!” anito sabay hatak kay Remz ng
mas malakas. Ilang sandali lang ay isang malakas na tunog ng pito ang kanilang
narinig mula sa kanilang pinanggalingan. Nilingon nila ito at nakitang may tatlong
armadong pulis ang papalapit sa kanila. Sa takot ay binitawan ng lalake si Remz
at ang pinuno nila ay nagpaputok sa direksyon ng mga paparating. Lahat ng
natitira niyang bala ay walang natamaan sa mga agad pumagilid na pulis kaya
ng masiguradong wala na siyang bala ay agad ulit nagsilabasan at humabol.
Nagsitakbuhan ang mga kalalakihan at nakalimutan na si Remz kaya naiwan ito
at agad gumapang palapit kay Leonardo. Naiwan ang isa sa mga pulis at
nagpatuloy na humabol ang dalawa. Kinuhanan agad ng sumaklolo ng pulso si
Leonardo at inalam kung may hininga pa ito. Ayon sa kanya ay may pag-asa pa
kaya agad niyang binuhat ito at nagpatulong kay Remz para dalhin sa kanilang
patrol car. Itinakbo nila agad si Leonardo sa pinakamalapit na ospital.
Pagkarating sa ospital ay agad nirespundihan si Leonardo, isinakay
kaagad sa movable stretcher at itinakbo sa Emergency Room. Sinabihan si
Remz na maiwan muna sa labas at maghintay at nang ipasok si Leonardo sa
silid ay mas lalo siyang kinabahan. Hindi siya mapakali habang lumilipas ang
oras, uupo, tatayo, lakad paroon at parito, punong-puno siya ng pangamba para
sa binata at di niya maiwasang maisip na nangyari ito dahil sa kanya. Lumabas
ang isa sa mga nurse na tumutulong sa mga doktor na umaasikaso kay
Leonardo at kinausap si Remz. Iniabot ang cellphone ni Leonardo sa kanya at
inutusan siyang tawagan ang ina ni Leonardo na kasesend lang ng text
message. Tinawagan niya kaagad ito at sinabing siya‟y nasa ospital, pinatawag
na rin niya ang ina ng binata ngunit hindi niya masabi ang nangyari kay
Leonardo.
Isang taxi ang huminto sa harapan ng ospital at isang batang babae at
ang kanyang ina ang nagmadaling tumakbo patungong E.R. Dito lang nagawang
ipaliwanag ni Remz ang lahat. Hindi mapigilan ni Remz ang kanyang sarili na
maluha habang nagkukuwento at nang maisalaysay niya ang buong pangyayari
sa ina ng binata ay nagsimula na lang itong magdasal para sa kaligtasan ng
kanyang anak.
Ilang minuto pa ang lumipas at lumabas na ang mga doktor sa E.R. Agad
lumapit ang dalawa sa nangasiwa sa operasyon at iniwan muna si Lenneth na
nakatulog sa upuan. Inalam nila kung ano na ang sitwasyon ni Leonardo at
nginitian sila ng manggagamot.
Ayon sa doktor ligtas si Leonardo sa ngayon subalit may panganib pa ring
naghihintay. Ang bala ay sa ulo ni Leonardo tumama ngunit masuwerte siya na
hindi ito tumagos sa kanyang bungo dala ng distansya nila sa bumaril nang siya
ay tamaan. Marahil sariling gawang baril ang ginamit kaya hindi ito gano‟n
kalakas para tagusin ang kanyang bungo. Gayon pa man mananatiling walang
malay si Leonardo ng ilang araw, kung gaano katagal ay hindi nila matukoy. Ang
lahat ay nakasalalay sa kagustuhan ni Leonardo na mabuhay.
Labis man ang kalungkutan sa sinapit ng anak ay nagawa pa rin ng ina
nitong magpasalamat sa doktor. Nakiusap siya na gusto niyang makita ang anak
ngunit pinakiusapan silang maghintay muna ng ilang minuto dahil ililipat pa nila
ito sa ibang silid at doon na lang nila bibisitahin. “Mama kumusta na po si kuya?”
tanong ng kagigising na Lenneth sa kanilang likuran. Agad pinunasan ng dalawa
ang kanilang mga luha saka humarap sa bata at sinabing magiging maayos lang
ang lahat.
Matapos bisitahin ang silid na pinaglipatan kay Leonardo ay nagpaiwan
muna si Remz mag-isa para magbantay. Uuwi muna ang ina ng binata para
kumuha ng mga damit at iba pang kakailanganin. Ayon sa ospital kailangang
may magbantay kay Leonardo para agad maagapan kung may pagbabago lalo
na‟t critical pa rin ang kanyang kondisyon.
Sa mga sumunod na araw ay laging dumadalaw si Remz sa ospital at
inaalam mula sa ina ng binata kung ano na ang nangyayari. “Remz baka marami
ka pang kailangang gawin ngayong rest day mo,” pag-aalala ng ina ni Leonardo
dahil baka nakakaabala na siya sa dalaga. Itinanggi ni Remz na may gawain
siyang hindi nagagawa at nakiusap na manatili muna at mamaya na lang uuwi.
Hanggang ngayon ay sinisisi pa rin ni Remz ang sarili sa sinapit ni Leonardo
ngunit kung bakit niya ginagawa ito sa kanyang sarili ay hindi pa rin niya
gaanong maintindihan. Bahay, trabaho o pag dumalaw sa ospital, laging
malungkot ang ekspresyon ng kanyang mukha.
Dahil sa ilang araw na rin na nabibigo si Leon sa pagsurpresa sa kanyang
nobya ay tinawagan na lang niya ito. Kinamusta at tinanong kung ano ang
pinagkakaabalahan ni Remz. Ayon sa dalaga sineseryoso niya ang trabaho kaya
madalas siyang mag-overtime at dahil sa pagod na siya pagkauwi ay mas
mahaba na ang kanyang pagtulog. Nagpaumanhin ito kay Leon at sinabing baka
hindi sila gaanong magsasama ngayong buwan. Naiintindihan ito ni Leon, iyon
lang ay naninibago siya kay Remz dahil ngayon lang ito nagsalita ng tungkol sa
pagseseryoso sa trabaho. Siyempre hindi alam ng binata na nagsisinungaling
lang ang kanyang nobya.
Ilang araw pa ang lumipas at hindi pa rin nagkakamalay si Leonardo.
Pumayat na rin si Lenneth at sa hitsura‟y parang may sakit. Lagi kasi itong
napupuyat di na gaanong makakain dahil sa nagtitipid ang kanilang ina.
Isang araw naisipan ni Leon na maggrocery at hindi inaasahan na nakita
niya ang ina ni Leonardo na nakapila sa parehong linya. Nilapitan niya ang ale at
kinumusta. Naitanong na rin niya ang kalagayan ni Lenneth ngayong nandito na
sila sa Baguio. Nabanggit nito na pumapayat ang kanyang bunso dahil sa
pananatili sa ospital at ipapaliwanag pa lang sana niya ang sitwasyon nila ay
biglang tumunog ang kanyang cellphone. Sinagot niya ang tawag at nabigla si
Leon nang marinig niya ang pangalan ng binati ng ale. Si Remz ang kausap nito
kaya nagtataka si Leon kung bakit kausap nito ang kanyang nobya lalo na at
ikadalawa na ng hapon at ilang minuto na lang ay magsisialisan na ang mga bus
na service ng kompanyang pinapasukan ng dalaga. Nag-alala tuloy ang binata at
naisip na marahil malala na ang kalagayan ni Lenneth kaya hindi man lang
makangiti ang kanilang ina mula pa kanina nang magbatihan sila. Matapos ang
tawag ay nagpaalam na rin ang ale kay Leon upang bumalik na ng ospital. Bago
sila maghiwalay ay tinanong muna ng binata kung saang ospital at anong silid
para makadalaw siya kung sakali at sinagot naman ito ng ginang.
Kinabukasan na nang makadalaw si Leon at ngayon lang niya nalaman na
si Leonardo pala ang naka-confine. Akala niya kahapon ay si Lenneth ang narito
sa ospital, tanging dahilan kung bakit siya naparito ngayong araw. Habang
nakikita ang walang malay na nakahiga sa kama ay walang naramdamang awa
si Leon ngunit ng mapatingin siya sa ina nito ay ibang usapan na. Naalala niya
ang kanyang ina noong namatay ang kanyang kapatid, halos pareho sa nakikita
niya ngayon. At naroon din sa loob ng silid si Lenneth na animo‟y walang
kaalam-alam sa nangyayari at kapansin-pansin ang pangangayayat nito.
Ipinaliwanag ng ginang ang sitwasyon ni Lenneth, hindi niya ito maiwan sa bahay
dahil wala silang kasama at wala rin siyang pwedeng mapag-iwanan sa bata na
kaibigan o kamag-anak. Awang-awa si Leon sa kalagayan ng bata lalo na ang
kapayatan nito. Kinausap niya ang ale at nagboluntaryo na siya na muna ang
mag-aalaga kay Lenneth. Kinumbinsi niya ng kinumbinsi ang ale hanggang sa
mapapayag ito. Gipit na rin kasi ang ginang kaya ipinagkatiwala niya ang bunso
sa binata. Nangako si Leon na aalagaan niya ito ng mabuti hanggang sa gumaan
ang sitwasyon ng pamilya.
“Lenneth gusto mong sa amin ka muna matulog?” malambing na
pagtatanong ni Leon sa bata. Noong una ay hindi sumasagot ito ngunit hinanap
ni Leon ang kanyang kiliti. “Lenneth habang kasama mo ako pwede nating
hanapin kung saan nakatira ang Ate Sophia mo at magkikita ulit kayo, di ba
gusto mo siyang makita?” Napaisip ang bata at tinanong si Leon kung nagsasabi
ng totoo. Tumango ito kay Lenneth at iniabiot ang kanyang hinliliit, pinagkrus nila
ang kanilang hinliit tanda ng pangako at kinausap nito ang kanyang ina.
Nagpasalamat ang ginang at nagbigay ng ilang tagubilin kay Leon. “Siya
nga pala Leon huwag mong masyadong banggitin ang tungkol sa Ate Sophia
niya. Hindi pa namin ito naipapaalam sa kanya pero pumanaw na ang
napakabait na dalagang iyon,” huling pakiusap nito. Tumango lang si Leon at
sinabing naiintindihan niya ang sitwasyon.
Humiling din ng pabor si Leon at nakiusap na huwag ipaalam kay Remz
na siya muna ang magangalaga kay Lenneth. Ang tanging pagdadahilan ni Leon
ay mag-alala si Remz para sa bata at mahati ang atensyon nito at dala-dalawa
na ang kanyang bibisitahin. Kung gano‟n ang mangyayari makakaabala ito ng
lubos kay Remz lalo na at may trabaho siya na istrikto sa pagdating sa tamang
oras. May kalabuhan man ang dahilan ni Leon ay inunawa na rin ito ng ale para
hindi na maabala si Remz.
Bago mananghalian ay umalis si Leon at Lenneth at isinakay niya ang
bata sa kanyang motorsiklo. Nakaupo si Lenneth sa kanyang harapan at habang
umaandar ay naikuwento ni Lenneth na madalas din silang maglibot kasama ang
kanyang kuya noon gamit ang motorsiklo ng kanilang tatay. Habang pauwi ay
biglang bumagsak ang malakas na ulan, tinanggal ni Leon ang kanyang helmet
at isinuot sa kanyang pasahero at mas binilisan ang pagpapatakbo hanggang sa
marating nila nag kanilang bahay. Sinabihan niya si Lenneth na maligo kaagad
para hindi magkasipon at mabilis itong sinunod ng bata. Naghubad ito sa labas
ng banyo saka pumasok. Dinampot ni Leon ang mga kasuotang naiwan sa labas
at inilagay sa ibabaw ng upuan. Pumasok siya sa kanyang silid at nagbihis saka
kinuha ang tuwalya. Bumalik siya ng banyo at kumatok, “Lenneth tapos ka na
bang maligo?” tanong nito. Bumukas ang pinto at lumabas si Lenneth, ibinigay
niya ang tuwalya at pinunasan ng bata ang kanyang sarili. Kinuha ni Leon ang
ibang damit ng bata na nakalagay sa paper bag, bigay ng ina ni Lenneth kanina
bago sila umalis ng ospital. Binuksan niya ang telebisyon at iniwan si Lenneth sa
sala saka pumasok na rin siya sa banyo upang siya naman ang maligo.
“Lenneth anong gusto mo chicken o ham?” tanong ni Leon habang
naghahanda ng tanghalian nilang dalawa.
“Pareho,” tugon ni Lenneth at abot tenga ang kanyang ngiti.
“Pareho? Okay sabi mo ehh,” ani Leon at natuwa ng lubos si Lenneth.
Matapos maluto ang dalawang ulam ay niyaya na niya si Lenneth sa hapag
kainan. Bago nagsubo ang bata ay nag sign of the cross muna ito saka
nagdasal. Pinagmasdan lang ito ni Leon at hinintay na matapos ang pagdarasal.
“Kain na tayo?” Napakasiglang ngumiti si Lenneth sala tumango at sinimulan
nilang kumain. Tuwang-tuwa ang bata na kumakain habang nagkukuwento kay
Leon. Ngayon lang daw ulit ito nakakain ng ganito kasarap na pagkain dahil
madalas daw kasi ay pananim lang ng kanilang ina sa mumunti nilang hardin ang
kanilang inuulam araw-araw. Napansin ni Leon noon ang hardin na iyon kaya
tanto niya kung gaano kahirap para sa pamilya ang bawat araw. “Kain lang ng
kain ha, dapat maging malusog ka para matuwa si mama mo.” Muling tumango
ang bata at abot tenga pa rin ang ngiti nito.
Matapos kumain ay nanood sila ng cartoons sa isang istasyon na puro
cartoons ang palabas. Tuwang-tuwa ang bata habang pinapanood ang mga ito
at may kahirapan ng tawagin para maghapunan. Kinuha nito ang pinggan na
pinuno ng pagkain saka bumalik sa sofa at nanonood na kumakain. Natutuwa si
Leon na pinagmamasdan ang batang bisita naisip na lang niya na mas maigi na
ang ganito dahil meron siyang nakikitang kasama sa bahay hindi gaya ng dati na
may laman lang ang malaking bahay na ito kung nakauwi na siya. Tumunog ang
kanyang cellphone at sinagot ang tawag galing sa ina ni Lenneth. Kinumusta nito
ang kalagayan ng kanyang anak, kung malikot ba ito o ayaw makinig, kung
kumain na ba at ininom ang gamot. Lahat ng kailangang gampanan ay nagawa
naman ni Leon kaya malaki ang pagpapasalamat ng ale. Sa huli ay ipinaalala na
lang nito na dapat bago mag alas-otso ng gabi ay patulugin na si Lenneth.
Ipinasa ng binata ang cellphone sa kanyang inaalagaan para makausap ito ng
ina. Matapos ang pag-uusap ay sinamahan ni Leon si Lenneth sa kanyang
magiging silid habang siya ay nakikitira. Pagkapasok sa silid ay agad lumundag
ang bata sa makapal na kamang kutson at tuwang-tuwa na tumalbog-talbog sa
ibabaw nito. “Kung may kailangan ka tawagin mo lang ako sa kuwarto ko. At
pwede mo ring iwan ang ilaw na nakabukas,” habilin ni Leon bago nagpaalam sa
bata.
Hanggang ngayon ay iniisip pa rin ni Leon kung bakit niya kailangang
gawin ang lahat ng ito. Kaninang nagpapaliwanag ang ina ni Lenneth at
Leonardo ay bigla na lang siyang nagprisinta sa pag-aalaga kay Lenneth
pansamantala. Dama pa rin niya ang matinding galit kay Leonardo pero ang galit
na iyon ay hindi niya nararamdaman sa pamilya nito at awa ang nararamdaman
para kay Lenneth. “Ibang tao si Lenneth at iba rin si Leonardo,” anito sa kanyang
sarili kumbaga‟y pampalubag loob. Kinabukasan ay walang pasok sa trabaho si
Leon kaya gaya ng ipinangako niya sa bata ay naglibot-libot sila. Dinala niya ito
sa SM at binilhan ng mga masasarap na pagkain na tinitinda sa iba‟t-ibang stalls.
Nanood sile ng palabas sa sinehan at pagsapit ng tanghalian ay sa Jollibee na
rin sila kumain dahil dito gusto ni Lenneth. Matapos ang lahat ng ito ay nakiusap
ang bata na bisitahin muna nila ang kanyang ina sa ospital at hindi na tumanggi
si Leon. Napakaraming kinukwento si Lenneth at habang abala ang mag-ina ay
nagpaalam muna ang binata para mag C.R. Pagkabalik nito ay agad niyang
napansin ang kararating na si Remz kaya hindi siya muling pumasok sa silid.
Nanatili siya sa labas at pinagmasdan ang nangyayari sa loob. Kitang-kita ang
sobrang pag-aalala sa mukha ni Remz at sinundan pa ito ng pagdadasal nilang
dalawa ng ginang. Nang papalabas na si Remz ay nagtago muna si Leon
hanggang sa makalabas ng gusali ang dalaga. Nagpalipas ng ilang minuto saka
niya tinawagan ang kaaalis na nobya.
“Hello Leon,” bati ni Remz.
“Kumusta ka na? Busy ka pa rin ba?” pagkukunwari ni Leon.
“Pasensya ka na Leon, babawi din ako sa mga susunod na araw.
Masyado lang talaga akong abala sa trabaho ngayon,” ani Remz.
Nanatiling walang-imik si Leon, nag-iisip kung ano ang susunod na
sasabihin at gano‟n din si Remz. Mga ilang segundo rin silang naghintayan
hanggang sa ang binata na rin ang muling nagtanong. “May iba ka pa bang
gustong sabihin?”
“Gaya ng ano?” tanong ni Remz at nameke ng tawa. Walang reaksyon sa
panig ni Leon kaya napahinto si Remz sa paglakad. “Sasabihin ko na lang sa iyo
sa susunod nating pagkikita,” anito. “Paalam na muna sasakay na ako ng taxi.”
“Bye,” tugon din ni Leon ngunit pareho silang naghihintayan na may
magbaba ng tawag. Nakatapat pa rin sa kanilang mga tenga ang kani-kanilang
cellphone at patuloy pa rin na aktibo ang tawag. “I love you Remz, mag-iingat ka
lagi,” huling pahayag ng binata.
Papasok na ang dalaga sa pinara niyang taxi nang sabihin ni Leon ang
mga katagang iyon. Napahinto siya sa pagsakay at napalingon sa direksyon ng
ospital. Ilang segundo niyang tinitigan ang gusali saka sumagot, “I love you too
Leon, mag-iingat ka rin lagi.” Pinindot ni Remz ang end call at sumakay na ng
taxi patungo sa paradahan ng kanilang service.
Malaki ang posibilidad na alam na ni Remz ang lahat tungkol sa gang na
responsable sa kalagayan ni Leonardo ngayon. Dahilan kung bakit hindi niya rin
kayang harapin si Remz dahil kung alam na nito ang lahat ay ano pang
kasinungalingan ang maaari niyang sabihin na paniniwalaan ulit ng dalaga. Sawa
na rin siyang magsinungaling, nakakasakit na siya ng damdamin dahil sa
ganitong gawain at higit sa lahat may ibang taong nadadamay na wala namang
kasalanan. Bago maghapunan ay iniwan ni Leon at Lenneth ang ospital at bumili
ng take-out food sa isang restaurant saka umuwi.
Umigi-igi na rin ang kalagayan ni Lenneth di gaya nitong mga nakaraang
araw na halos nangangayayat na sa pagod at limitadong pagkain. Ngunit
nahihirapan na rin si Leon dahil sa hindi siya marunong mag-alaga ng bata lalo
na at hindi pangkaraniwang bata si Lenneth. May mga gabing umiiyak ito at hindi
alam ni Leon kung bakit kaya hirap na hirap siyang patahanin. Gusto man niyang
magalit pero ayaw niyang matakot o magulat ang bata kaya buong pagtitimpi
niya itong inaasikaso at pinapakitahan ng kabaitan. Madalas din itanong ng bata
kung kailan nila bibisitahin ang kanyang Ate Sophia at ang laging sinasabi ni
Leon ay kailangan pa niyang hanapin kung saan nakatira ito. Para hindi makita ni
Lenneth ang silid ng yumaong ate ay inilock niya ito mula nang nakitira sa kanya
ang bata. Dinala niya ito sa kanyang trabaho at pinapaupo na lang sa isang
computer at hinahayaang manood sa mga websites na may online video
streaming o kaya palaruin ng mga larong barbie sa internet. Ngayon ang
ikadalawang beses na dinala niya si Lenneth dito sa kanyang trabaho. Imbes na
ang mga customers ang kanyang inaasikaso ay mas abala pa siya sa bata. Ang
mas masama pa ay nakakalanghap ito ng usok ng sigarilyo mula sa smoking
area ng internet cafe. Dumaan ulit ang dalawa sa ospital para bisitahin ni
Lenneth ang kanyang pamilya. Ilang minuto lang ang lumipas ay iniwan rin nila
ang lugar upang maghapunan.
Habang nagmamaneho si Leon patungong SM ay iniisip na niya kung
paano niya masosolusyunan ang problema niya kay Lenneth. Ayaw na niya itong
dalhin ulit sa trabaho bukas dahil kanina lang ay napapaubo ito dala ng
nalalanghap na usok sa mga sigarilyo at nakakaabala din ito sa kanyang
trabaho. Kailangan niya ng taong mapag-iiwanan kay Lenneth at isa lang ang
naisip niya kung sino kaya pagkarating nila ng SM ay agad niya itong tinawagan.
Sumagot ang taong kanyang tinatawagan matapos ang ilang beses niyang pag-
dial sa numero nito. “Kyla nandito ka pa ba sa bayan?” tanong ni Leon.
“Nandito ako sa SM bakit?” tugon ng tinawagan.
“Saan ka banda? Nandito rin ako sa SM, may pabor lang sana akong
hihilingin sa iyo,” ani Leon. Tinanong ng dalaga kung anong uri ito ng pabor
ngunit nakiusap si Leon na kung pwede ay magkita muna sila saka siya
magpapaliwanag. Pumayag si Kyla at nagkita sila sa entrance ng ground floor ng
nasabing gusali. Ipinakilala niya ang dalawa sa isa‟t-isa ngunit hindi niya
binanggit kung kaninong kapatid ito. Ang sinabi lang niya ay kapatid ito ng
kanyang kakilala. Pumasok muna sila sa Jollibee at doon nila ipinagpatuloy ang
usapan matapos umorder ng kakainin. Ipinaliwanag niya ang sitwasyon ng
pamilya ni Lenneth at kung ano ang pabor na kailangan niya kay Kyla.
“Pwede ko siyang dalhin pero kapag binawalan ako ng boss namin hindi
ko na siya pwedeng dalhin sa mga susunod na araw,” paliwanag ni Kyla. Ayos
lang ito sa binata ang mahalaga ay may mapag-iiwanan muna siya kay Lenneth
bukas at kung swertehin ay baka hindi lang bukas kundi sa mga susunod din na
mga araw.
Habang kumakain silang tatlo ay si Kyla na ang umaasikaso kay Lenneth.
Madaling nakagaanan ng loob ng bata ang dalaga at halos sila na lang ang nag-
uusap. “Ate Kyla kaibigan ka rin ba ng Kuya Leonardo ko?” biglaang tanong ni
Lenneth.
Napahinto sa pagsubo si Kyla at liningon si Leon. “Leon?” may pag-
aalalang banggit nito sa pangalan ng kasama. Tumango lang ito sa kanya at
nakipagtitigan. “Huwag mo sabihing…”
“Hindi ito gaya ng iniisip mo,” agad pagputol ni Leon sa sasabihin pa lang
ng dalaga. “Nabaril ang kanyang kuya ilang araw na ang lumipas at hindi siya
gaanong matugunan ng kanyang ina dahil abala rin ito sa pagbabantay kay
Leonardo na kritikal ang kalagayan sa ospital. Wala sanang magiging problema
kung normal lang siya na bata,” paliwanag ni Leon. Nagtaka si Kyla sa huling
pahayag ni Leon na tungkol sa hindi pagiging normal na bata ni Lenneth kaya
humingi ulit ito ng kalinawan. “May sakit siya sa puso at walang nakakaalam
kung kailan ulit siya aatakehin at kung nangyari iyon magiging napakadelikado
para sa kanya.”
“Gano‟n ba talaga kasama ang sitwasyon niya? Napakabata pa niya
Leon,” wika ni Kyla na may halong pagkaawa. Tumango ulit si Leon at sinabing
ang ginagawa niya ngayon ay ang tanging paraan para matulungan niya si
Lenneth. Gusto niyang mabuhay ang bata at lumaking masigla at masaya.
Naalala ni Kyla ang nasabi ni Leon noon, ang nasabi nito na wala siyang
pakialam sa anumang ibubunga ng kanyang paghihiganti. Ang nakikita niya
ngayon ay kabaligtad ng taong nagsabi ng mga katagang iyon, isang Leon na
kumakain sa kanyang mga binitiwang salita. Napangiti na lang ito sa binata at
ipinagpatuloy kumain.
Kakaiba para kay Leon ang pagngiti na iyon ni Kyla ngunit hindi na niya
ito gaanong ininda at humiling pa ng isang pakiusap. Inamin nito sa dalaga na
hindi siya sanay na mag-alaga ng mga bata at hindi niya alam kung ano ang
dapat niyang gawin sa ilang sitwasyon. Kung maaari ay gusto niyang makitira
pansamantala sa kanila si Kyla para matugunan ng mas maayos si Lenneth. Buti
na lang at hindi tumanggi ang dalaga, pumayag ito na tulungan si Leon ngunit
kailangan pa nitong kunin ang kanyang mga gamit sa kanilang bahay sa Camp
7. Nagkasundo ang dalawa na mauna na muna sila ni Lenneth sa bahay nila
Leon at susunod na lang mamaya si Kyla.
Ngayong tatlo na sila sa bahay ay tila naging mas masaya pa si Lenneth.
Dati-rati‟y nanonood lang ng telebisyon ang ginagawa nito ngayon ay
nakikipaglaro na rin kay Kyla at mas dumami ang kanyang mga kinukwento.
Tama ang desisyon ni Leon na humingi ng tulong kay Kyla, mabuti na lang at
pumayag ito matapos ang marami nilang hindi pagkakaunawaan. Tulog na ang
bata nang muling magkausap ang dalawa. Hiningi ng dalaga ang detalye ng
pangyayari at hindi naman nagkulang si Leon sa pagsasalaysay.
“Leon sinabihan mo na ba si Remz tungkol sa pakikitira ko dito?” tanong
ng dalaga.
“Hindi pa. Sigurado akong hindi rin niya mamasamain kung malaman niya
ang tungkol sa paghingi ko ng tulog sa iyo. Isa pa hindi pa rin niya alam na ako
ang nag-aalaga kay Lenneth at hindi rin niya alam na alam ko ang nangyari kay
Leonardo,” tuloy-tuloy na hayag ni Leon.
“Ano na ang gagawin mo? Maaaring mamatay si Leonardo pero papaano
na si Lenneth kung nangyari iyon?”
“Ilang beses ko ng tinanong sa sarili ko ang katanungang iyan kaso hindi
ko pa rin alam kung ano ang gagawin ko,” napakaseryosong tugon ni Leon. Agad
din napuna ni Kyla ang napakahigpit na pagkakasara ng kanyang mga kamao at
may kaunting panginginig pa ang mga kamay nito.
Lumapit ang dalaga at hinawakan siya sa kanyang mga kamay saka
nginitian. Huminto ang panginginig ni Leon at niluwagan ang pagkakasara ng
kanyang mga kamao. “Goodnight Leon,” ani Kyla saka umakyat ng hagdanan
papunta ng kanilang silid ni Lenneth. Sa huling baitang ng hagdanan ay muli
siyang humarap kay Leon na kanina pa nakatitig sa kanya. “Leon siguro‟y
itinadhana na magkakilala kayo ni Lenneth,” wika nito saka iniwan ang binata
para matulog.
Napaupo si Leon at tila paulit-ulit na naririnig ang nasabi ni Kyla.
“Tadhana nga ba?” tanong nito sa sarili.
Si Kyla ay natutuwa sa nangyayari dahil ngayon lang niya ulit nakita si
Leon na nagpapakita ng kabaitan. Hindi man sa kanya ito nagiging mabait pero
natutuwa pa rin siya dahil may pagbabago na dito hindi gaya ng dati na punong-
puno ng galit. Kinabukasan ay si Kyla ang nagdala kay Lenneth sa trabaho at sa
kabutihang-palad ay pinayagan siyang pansamantala na dalhin ito sa mga
susunod na araw basta hindi ito makakasagabal sa trabaho. Pagkatapos ng
trabaho ay sabay-sabay silang tatlo na kumain sa paboritong fastfood restaurant
ni Lenneth. Kung sa hitsura at laki ang basehan ay parang napakabata pa ni
Lenneth kaya kung titingnan silang tatlo ay para silang isang pamilya. “Siguro
tadhana rin para sa akin na makilala kita Lenneth,” ani Kyla sa kanyang isipan
habang pinapanood si Lenneth na tuwang-tuwa sa kinakain. Matapos kumain ay
namalengke muna ang tatlo, kailangan din nilang kumain ng iba para sa
ikalulusog ni Lenneth. Hindi dala ni Leon ang kanyang motorsiklo kaya umarkela
sila ng taxi pauwi.
Busog na si Lenneth sa kanyang kinain kanina at napakaaga pa lang ay
nakatulog na ito. Tumawag din ang ina nito at sinabi ni Leon na wala itong dapat
ikabahala para sa anak. Inamin na rin ni Leon na may kasama siyang tumutulong
sa kanya para mas matugunan ang bata lalo na sa nutrisyon.
“Leon bitin ka sa kinain mo di ba? Gusto mo ipagluto kita?” Tumango si
Leon at ngumiti pabalik ang dalaga. Habang kumakain ay muling napag-usapan
ng dalawa ang tungkol kay Lenneth. “Anong gagawin mo kung bigla na lang ulit
siyang atakehin?” pang-aalam ni Kyla.
“Hindi ko alam. Kailangan ko ba talagang gawin ang lahat ng ito? Hindi ko
talaga alam,” sagot ni Leon.
“Paumanhin hindi ko sinasadyang tanungin. Sana totoo ang milagro.”
Nagpatuloy ang dalawa na kumain at hindi na ulit nagsalita. Si Kyla na ang
nagligpit ng lahat at si Leon ay pumanhik na ng kanyang silid. Dahil sa hindi siya
makatulog ay lumabas siya at nagtungo sa silid ng kanyang ate. Binuksan niya
ang ilaw at tumayo kaharap ang malaking larawan ng kapatid. “Ate gusto ka
niyang makita? Anong gagawin ko?” Umupo siya sa sahig at sumandal sa gilid
na kama saka nagpatuloy na mag-isip ng kanyang susunod na gagawin.
Umaga na nang muling idilat ni Leon ang kanyang mga mata. Nakatulog
pala siya sa silid ng kanyang ate at kung ano ang ayos niya na nag-iisip kagabi
ay siya ring ayos niya ngayon. Kung may nagbago man ay nakabalot sa kanya
ang kanyang kumot sa kanyang silid.
Sa mga sumunod na araw ay si Kyla ang halos laging kasama ni Lenneth
at nagsasama lang silang tatlo pagkatapos ng kanilang trabaho. Si Remz at Leon
naman ay sa pagtetextan na lang nagkakausap. Wala pa ring sinasabi si Remz
sa nangyari at si Leon ay patuloy din sa pagkukunwari na walang nababalitaan.
Isang Sabado, maagang iniwan ni Leon ang kanilang bahay at naglibot-libot
gamit ang kanyang motorsiklo. Gawain niya ito kung siya‟y may matinding iniisip,
at bakit niya ito ginagawa? Para makalimot pansamantala. Napakabilis niyang
pinapatakbo ang kanyang motorsiklo at minsan ay nararating pa niya ang
Urdaneta.
Habang naglilibot si Leon ay iniuwi muna ni Kyla si Lenneth sa kanilang
sariling bahay. Dito na rin sila manananghalian subalit nang tawagin na niya ito
para kumain ay wala ito sa sala. Kanina lang ay nanonood ito ng telebisyon
ngunit ngayon ay hindi na niya mahanap. Lumabas siya ng bahay at ilang beses
tinawag ang pangalan nito pero walang sumasagot. Nagsimula siyang
mangamba at nagtanong-tanong sa mga kapit-bahay ngunit walang napansin
ang mga ito. Mas lalong kinabahan ang dalaga at agad tinawagan si Leon para
ipaalam ang nangyari.
“Relax ka lang, bata lang siya imposibleng malayo ang narating niya,” ani
Leon. Sinabihan niya rin si Kyla na ipagpatuloy lang ang paghahanap at parating
na siya. Hindi pa rin nahahanap ni Kyla ang bata pagkarating ni Leon. Natanong
na niya halos lahat ng mga kapitbahay ngunit wala raw napansin ang mga ito.
Narating nilang dalawa ang susunod na barangay at matapos ang isang oras ng
paghahanap ay isang matandang lalake ang nakapagsabi na nakita niya ang
bata na inilalarawan ni Kyla. Itinuro nito ang direksyon na pinuntahan ni Lenneth
at doon nga nagtungo ang dalawa. May mga iba ring nakapagsabi na may
napansin nga silang bata ayon sa kanilang paglalarawan. May hawak daw itong
larawan na ipinapakita sa kanila at tinatanong kung kakilala nila ito. Di naglaon
ay nahanap din nila si Lenneth, nakaupo ito sa harap ng isang sari-sari store.
Tumakbo si Kyla palapit sa may karungisan ng si Lenneth at kanya itong
niyakap. “Bakit bigla ka na lang umalis? Sobrang pinag-alala mo kami.”
Nagpaumanhin ito at tinanong ni Kyla ang tungkol sa nabanggit ng isa nilang
pinagtanungan kanina, ang tungkol sa larawan na ipinapakita ni Lenneth na
siguradong kanyang hinahanap. Dinukot ni Lenneth ang larawan sa bulsa ng
kanyang damit at ibinigay kay Kyla. Muling nabigla ito sa nakita sa larawan at
napalingon kay Leon. Punung-puno ng pagtataka ang kanyang mga mata at
alam na ni Leon kung ano ang nais niyang itanong.
“Mamaya ko na ipapaliwanag, sa ngayon bumalik muna tayo sa bahay
niyo,” mungkahi ni Leon. Ikinasya nila ang kanilang sarili sa motorsiklo at umuwi
sa bahay nila Kyla.
“Kuya Leon hindi mo pa po ba nahahanap kung saan nakatira si Ate
Sophia?” tanong ni Lenneth. Nang hindi makasagot si Leon ay nagpatuloy ito,
“Akala ko po kasi baka malapit lang dito ang bahay nila.”
“Lenneth hinahanap ko pa rin ang bahay ng Ate Sophia mo. Hayaan mong
ako ang maghanap at manatili ka lang sa tabi ng Ate Kyla okay,” mahinahong
pakiusap ng binata. Umayon si Lenneth at inutusan ito ni Leon na pumasok
muna sa loob para maghilamos.
“Ano pa ang hindi ko alam Leon?” medyo galit na pagtatanong ni
Kyla.“Bakit hindi mo agad sinabi sa akin ang tungkol dito?” dagdag katanungan
pa nito.
“Paumanhin. Ang lagi kasing laman ng isipan ko sa ngayon ay kung
papaano ko sasabihin sa kanya ang tungkol kay Ate Sophia.”
“Hindi ba natin puwedeng sabihin na lang sa kanya?” muling pagtatanong
ng dalaga.
“Nakalimutan mo na ba ang sakit niya? Paano kung makasama ito sa
kanya? Ilang taon na niyang gustong makita si ate tapos sasabihin na lang natin
sa kanya na pa…” Hindi na naituloy ni Leon ang kanyang sasabihin at napakagat
ng labi. Hindi niya kayang sabihin ang salitang iyon tungkol sa kanyang yumaong
ate.
“Anong gagawin natin?”
Tinapik ni Leon ang balikat ng dalaga at nagwikang siya na ang bahala sa
lahat. Pinakiusapan na lang niya si Kyla na mas mag-ingat sa mga susunod na
araw para hindi maulit ang nangyari kanina. Kinahapunan ay bumalik silang tatlo
sa bahay nila Leon at dito na rin kumain. Madaling nagiging masaya si Lenneth
sa kanyang mga kinakain, mabuti na lang at magaling magluto ang kanyang Ate
Kyla. Alas-tres ng madaling araw nang magising si Kyla. Bumangon siya at
nagtungo ng C.R. at nang pabalik na siya sa kanilang silid ay napansin niyang
hindi gaanong nakasara ang pinto ng silid ni Leon. Sinilip niya ito at binuksan
ang ilaw, wala roon si Leon, tiyak nasa silid ulit ito ng kanyang ate gaya no‟ng
isang araw. Kinuha niya ang kumot at pumasok sa kabilang silid. Hindi nakasindi
ang ilaw, madilim sa loob ngunit para hindi magising ang natutulog ay naglakad
na lang siya sa dilim palapit sa binata. Lumuhod siya sa harapan nito na
nakaupo sa sahig habang nakasandal sa gilid ng kama gaya ng dati. Inilapat niya
ang kumot sa likuran ng binata at ipinalibot ito paharap. “Huwag mong
masyadong pahirapan ang sarili mo Leon. Huwag mong masyadong sarilihin ang
lahat. Narito lang ako halos nagpapakatanga sa piling mo para makatulong sa
iyo. Narito lang ako Leon huwag mong kakalimutan iyon.” Matapos bitawan ang
mga salitang ito ay tinitigan niya ng matagal ang mukha ng binata saka hinalikan
sa noo. “Sweet dreams Leon.” At bumalik ito sa kanyang silid.
Kinaumagahan habang naghuhugas ng pinagkainan ay narinig ni Kyla
ang mga yapak ni Leon pababa ng hagdanan. “Gusto mong ipainit ko ang
agahan mo?” tanong agad nito sa kagigising. Tumango ito at naghugas ng
kamay sa tabi ng dalaga saka umupo sa isang silya. Tinanong nito kung nasaan
si Lenneth at naliligo ito sa banyo ayon kay Kyla. Nang uminit na ang ulam ay
inihanda ito ng dalaga sa lamesa at sinimulan ng bagong gising ang kumain.
“Salamat nga pala kanina Kyla,” biglang pagpapasalamat ni Leon.
“Ah tungkol ba sa kumot? Nagkataon lang na nagising ako wala iyon,”
nakangiting sumbat ni Kyla.
“Ibig kong sabihin salamat sa mga sinabi mo,” ani Leon at nalaglag ni Kyla
ang tasang kanyang binabanlawan.
“Kung gano‟n gising ka?” tanong ni Kyla habang namumula ang kanyang
mga pisngi.
Tumango si Leon at nagpatuloy, “Napakarami mo ng naitulong sa akin
hindi ko na nga alam kung paano kita masusuklihan.” Sumulyap ito kay Kyla at
itinago ng dalaga ang kanyang mukha. Tumalikod ito sa kanya at kunwaring
nagpatuloy sa paghuhugas. “Mabuti na lang at lagi kang malapit sa tabi ko kaya
nagiging mas madali ang lahat. Salamat sa lagi mong pagtulong sa akin.” Muling
humarap ang dalaga at nginitian ito ni Leon.
Ngayon lang ulit nakita ni Kyla na ngumiti ng ganito si Leon. Matagal na
rin niyang hinintay na makita ang ngiting ito. “Huwag ka nga masyadong pormal,
kapatid mo ako di ba?” anito saka ngumiti pabalik sa binata. Tumango si Leon
saka muli silang nagkangitian.
Lunes, ika-labin‟-anim ng Oktubre nagpaalam si Kyla na bababa siya ng
Urdaneta bukas ngunit babalik din kaagad ng Miyerkules para bisitahin ang
kanyang ina at lolo at lola. Payag agad si Leon, siya ang humihingi ng pabor
kaya wala siyang karapatang tumanggi. Kailangan na lang niya na magremedyo
kung ano ang gagawin sa bata. Naiwan si Lenneth kay Leon ng isang araw at
kinabukasan naisipan niyang iwanan muna si Lenneth sa ospital at kukunin na
lang niya mamayang hapon kapag nakabalik na ng Baguio si Kyla. Habang
nagtratrabaho ay tumawag ang kanyang Tita Beverly, muli siyang iniimbita nito
sa isang dinner. Dahil sa biglaan ang nangyari tinawagan niya si Kyla para
pakiusapan ngunit hindi niya macontact ang cellphone ng dalaga. Tinawagan na
lang niya ang ina ni Lenneth na gabi na niya ito masusundo. Hindi na siya
inabala pa ng ina ng bata at sinabing maski sa ospital na lang muna ito
matutulog ngayong gabi. Matagal-tagal na rin daw kasi na hindi sila nagtatabi
kaya maski ngayong gabi lang ay sa piling muna ng ale ito. Nauunawaan ng
binata ang pakiusap ng ginang kaya bukas na lang niya kukunin si Lenneth sa
ospital. Ngayong gabi ay silang dalawa lang ng kanyang Tita Beverly ang
magkasama.
Natapos din ang mahabang pagsasama ng magtita at diretso na ng uwi si
Leon. Pagkarating ng kanilang bahay ay nakatanggap siya ng isang text
message kay Jean. Sinasabi ng kaibigan sa kanyang mensahe na kailangang
panoorin ni Leon ang balita ngayong gabi. Pagkapasok ni Leon ay ito nga ang
kanyang ginawa. Pinanood niya ang programa at narinig ang susunod na bahagi
ng balita tungkol sa isang aksidente kaninang hapon sa Kennon Road. Matapos
mapanood ang balita ay nagmadali itong lumabas ng pinto at iniwan ang bahay.
Di man lang niya nadala ang kanyang helmet o naisara ang tarangkahan.
Napakabilis ng kanyang pagpapatakbo at ang kanyang destinasyon ay ang
Baguio Medical Hospital. Agad siyang nagtanong sa information desk at
patakbong umakyat sa silid na sinabing kinaroroonan ng taong kanyang pakay.
Sa labas ng silid ay naabutan niya si Reina, nakaupo ito sa sahig at nakasandal
sa pader. Nilapitan ito ni Leon at inalam kung ano ang nangyayari, itinaas nito
ang kanyang ulo at basang-basa na ang mukha nito sa luha.
“Nandito ka na pala,” tinig ng isang lalake sa likuran ni Leon. Ito‟y walang
iba kundi si Jean. Iniabot nito ang isang supot ng tissue sa dalaga at nagpaalam
muna ito sa dalawa para gamitin ang banyo. “Napanood mo ba ang balita?”
tanong ni Jean sa kararating na kaibigan.
Hindi gaanong malinaw para kay Leon ang napanood sa balita kaya
inalam niya ang detalye kay Jean. Kaninang alas-sais ng hapon nangyari ang
trahedya. Ayon din sa mga doktor kritikal ang kundisyon ni Kyla ngunit gagawin
naman daw nila ang lahat ng kanilang makakaya para isalba ang kanyang
buhay. Kinumpirma rin ni Leon kung totoo ang napanood kanina na dalawa lang
ang hindi namatay sa nangyaring aksidente. Sa van na sinasakyan ni Kyla siya
lang ang nabuhay at sa jeep na nakabunggo nito isang matandang lalaki ang
nakaligtas. Dalawampu‟t-apat na katao ang nasawi sa aksidente, tiyak laman ito
ng mga pahayagan bukas ng umaga. Pagkabalik ni Reina mula sa banyo
pumasok agad ito sa silid na hindi man lang pinansin si Leon. Dama ni Leon ang
galit ng dalaga sa kanya kaya hindi niya magawang pumasok sa loob para
masdan ang kalagayan ni Kyla.
“Jean one round muna tayo,” anyaya ni Leon na ikinabigla ng kaibigan.
Hindi na ito tumanggi at lulan ng motorsiklo ay nagtungo sila sa Nevada Square
para uminom. Labis na ikinabigla ni Leon ang nabalitaan. Sa kalooban niya ay
nagpapasalamat siya at buhay pa si Kyla ngunit wala siyang dapat ikasiya dahil
maliban sa kritikal ang kundisyon nito ay maraming tao ang namatay. Ayon ulit
kay Jean bukas pa makakarating ang kanilang ina mula sa Urdaneta.
“Naiisip mo ba na maaaring hindi na ulit kayo makapag-usap pa?”
pagpapaalala ni Jean dahil alam niya kung gaano kakritikal ang kundisyon ni
Kyla. “Baka hindi na siya magising pa,” dagdag pa nito.
“Huwag mong sabihin yan, kailangan niyang mabuhay at kaya niya iyon,”
sabad ni Leon.
Ipinagpatuloy nila ang pag-inom hanggang sa medyo matamaan na si
Leon. Nang mapansin ito ni Jean ay naisip niyang itanong ang matagal na
niyang gustong tanungin sa kaibigan. “Leon ano ba talaga ang totoong dahilan
kung bakit mo nahuli si Kyla na nakikipaghalikan sa ibang lalake?” Gaya ng
inaasahan niyang sagot hindi alam ni Leon ang tunay na dahilan. “Hindi mo alam
o baka naman kailan man ay di mo naisip tanungin ang dahilan?” Nanatiling
tahimik si Leon at ipinagpatuloy ang pag-ubos sa kanyang iniinom. Tama si
Jean, hindi niya kailan man tinanong si Kyla kung bakit nagawa nito ang nangyari
noon. Para sa kanya hindi na mahalaga kung bakit, sapat na nang nahuli niya ito
at ayaw na niyang malaman ang dahilan. Ayaw niyang tanggapin ang posibilidad
na siya ang may pagkakamali, para sa kanya si Kyla ang mas mabigat ang
kasalanan. Sarado ang kanyang isipan sa usaping ito.
“Siguro natatakot kang malaman ang totoo o maaari ring takot kang
tanggapin na may malaki ka ring pagkakamali,” ani Jean.
“Tama na! Ayaw ko ng pag-usapan pa ang tungkol diyan,” hayag ni Leon
saka diniretsong inubos ang laman ng bote ng beer. “Ang lahat ng iyan ay nasa
nakaraan ko na, wala ng silbi pa na binabalikan.” Tumayo si Leon at isinuot ang
jacket na isinabit sa likuran ng kanyang upuan. “Salamat sa pagsama mo sa
akin, uuwi na ako.”
“Leon may kailangan kang makita,” wika ni Jean habang paalis ang
kaibigan. Sumakay ulit ang dalawa sa motorsiklo at sa tirahan nila Jean ang
kanilang destinasyon. May nasabi si Jean na kailangang makita ni Leon ngunit
kailangan nila itong kunin sa Wangal, Benguet, kinaroroonan ng bahay nila Jean.
Hinintay ni Leon sa labas ang kaibigan at pagkabalik nito ay iniabot sa kanya ang
isang cd-case na may laman. “Panoorin mo iyan pag-uwi mo para malaman mo
ang totoo,” seryosong hayag nito. “At siya nga pala palihim kong kinuha iyan
kaya huwag mong isiping scripted,” pahabol pa ni Jean bago pumasok ng gate
ng kanilang bahay.
Nagpaalam si Leon sa kaibigan at umuwi ng kanilang bahay. Umupo siya
ulit sa sala pinag-isipan ang mga nasabi ni Jean kanina. Habang nag-iisip ay
panay ang titig niya sa ibinigay ni Jean. Hindi pa rin niya maunawaan kung ano
ang ibig sabihin ni Jean kanina na malalaman niya ang totoo dito. At kung
pumapasok sa isipan niya ang salitang totoo ay tila ayaw na niya itong panoorin.
Imbes na panoorin agad ang laman ng cd ay tinawagan niya si Remz. Ala-una
na ng madaling araw ngunit nagbakasakali siyang gising pa ito galing ng
trabaho. Bigo siya na makausap ang nobya, gustong-gusto pa man din sana niya
itong makausap lalung-lalo na ngayon. Hindi na siya nagdalawang-isip pa,
binuksan ang telebisyon at DVD player saka inilagay ang cd. Sa napapakinggan
niyang usapan ay natiyak niyang bahagi ito ng trabaho ni Jean, naririnig niya ang
kaibigan na tumatanggap ng utos sa kanyang boss kaya nagtataka ang
nanonood kung ano ang makukuha niya sa panonood ng mga basura sa
dumpsite. Ilang saglit lang at nabigla si Leon at mas napalapit ang pagtutok sa
imahen ng isang babae na humahalukay ng mga basura. Hindi pa malinaw ang
hitsura nito ngunit malakas na ang kanyang pakiramdam na kakilala niya ang
dalaga sa video. Halukay dito halukay doon, napakadungis dala ng maruruming
basura ngunit hindi tumitigil. Biglang nag-itim ang screen at muling nagliwanag at
ang sumunod niyang nakita ay si Reina at si Kyla. Ang kuwintas na ibinasura
niya noon ang tanging dahilan kung bakit naroon si Kyla sa dumpsite, sigurado
niya iyon. May kahinaan ang usapan ng magkapatid kaya itinaas niya ang
volume ng T.V. Tinutukan niya ng maigi ang bawat salitang binitawan ng dalaga
at napatulala siya habang pinapanood ito. Nang matapos ang recorded video ay
muli pa niya itong inulit at tila kinaiinisan ang sarili sa napapanood. Paulit-ulit
niyang pinanood ito at hindi man lang niya namalayan na maliwanag na dahil sa
pagsikat ng araw. Ilang oras pa ang nakalipas at nagising na lang si Leon na
nakahiga sa sofa. Bukas pa rin ang telebisyon at DVD player, natulugan niya ang
mga ito. Bumangon ang binata at pinatay ang mga ito saka pumasok ng silid
para magbihis saka dumiretso na ng banyo para maligo maski kagigising lang.
Bago umalis ng bahay ay tinawagan muna ni Leon si Remz at tinanong
kung abala pa rin ito sa trabaho. Gaya ng dati pareho pa rin ang pagdadahilan
nito. Wala itong nabanggit tungkol kay Lenneth kaya maaaring hindi niya alam na
si Leon ang pansamantalang nag-aalaga dito, marahil hindi niya
nakakakwentuhan ang bata. “May sipon ka ba?” tanong ni Leon dahil sa malakas
ang pagsinghot ng kausap. Umamin itong may sipon pero hindi ito malubha kaya
mawawala din daw agad. “Sige tawagan mo na lang ako kung may kailangan
ka,” ani Leon bago nagpaalam sa tinawagan.
Hanggang ngayon ay ayaw pa rin ni Remz na pag-usapan nilang dalawa
ang tungkol sa nangyari. Gayon pa man sinasamantala rin ni Leon ang
sitwasyon na ito, siya rin mismo ay hindi pa kayang humarap kay Remz.
Masyado na siyang maraming kasalanan at parang lahat ng kanilang
pinagsamahan ay punong-puno ng pagpapanggap at kasinungalingan. Nitong
mga araw ay isa lang ang naiisip ni Leon, hindi pagpapanggap ang kanyang
nararamdaman para kay Remz. Natutunan niya itong mahalin at pahalagahan
kaya ayaw niya itong masaktan. Ngunit naguguluhan na siya sa nararamdaman
niyang ito. Nagsimulang malito si Leon mula nang pumasok si Kyla sa silid ng
kanyang Ate Sophia para siya ay kumutan. Madalas niyang naaalala ang mga
sinabi ni Kyla noong oras na iyon. At ang tuluyang nagpagulo ng lahat sa kanya
ay ang napanood niya na inirecord ni Jean. Nagtungo si Leon sa tindahan ng
mga bulaklak at bumili ng dalawampung rosal, paboritong bulaklak ni Kyla.
Sa kabilang ospital naman ang kinaroroonan ni Remz at kasama ang
mag-ina sa silid ng hindi pa rin nagkakamalay na Leonardo. Malapit na ang oras
ng kanyang trabaho kaya pinaalala ito ng ginang sa kanya. “Mamaya pa po ng
kaunti tita, dito po muna ako,” anito. “Kung hindi lang dahil sa akin hindi po sana
siya nagkaganito,” paninisi nito sa sarili.
“Huwag mong sabihin iyan, ginawa lang niya iyon para protektahan ka
dahil mahal na mahal ka niya,” wika ng ginang saka hinaplos-haplos si Remz sa
kanyang ulo na parang bata dahil nagsisimula ulit itong mapaiyak.
Naging tila mas masakit ang lahat kay Remz nang marinig niya ang
salitang mahal na mahal siya ni Leonardo mula sa ina nito. Hanggang ngayon ay
hindi pa rin alam ng ginang na matagal ng iba ang kanyang nobyo. Ang usapan
nila noong kaarawan ni Leonardo ay siya ang aamin tungkol dito ngunit
hanggang ngayon ay hindi niya maipaliwanag sa sarili kung bakit hindi niya kaya
itong banggitin sa ina ng binata.
Pumanhik si Leon sa silid na kinaroroonan ni Kyla matapos masilip na
walang tao sa loob maliban sa walang malay na dalaga. May laman pang
bulaklak ang plorera kaya iniwan niya ang pinamiling bulaklak sa tabi nito.
Nanatili siyang nakatayo sa tabi ng dalaga at pinagmasdan ang napakaamong
mukha nito habang nakatulog. Umupo siya sa kama sa may bandang uluhan at
dahan-dahan na hinaplos-haplos ang buhok ni Kyla. “Gumising ka na Kyla,”
bulong ni Leon. Hinalikan niya ito sa noo saka siya tumayo. Paalis na sana siya
nang biglang bumukas ang pinto mula sa labas at ang pumasok ay ang ina ng
pasyente. “Kumusta po kayo tita,” bati ni Leon sabay yumuko.
“Mabuti naman at napadalaw ka Leon. Siguradong natutuwa si Kyla
ngayon,” sabay yakap kay Leon. Parang anak din ang turing ng ginang kay Leon
maski alam nito na hindi gano‟n kaganda ang takbo ng relasyon ng kanilang
relasyon ni Kyla. Nagkausap muna ang dalawa at naibahagi na rin ng ginang ang
kalagayan ng anak ayon sa mga doktor. “Oo nga pala baka makalimutan ko may
gusto nga pala siyang ibigay sa iyo,” anito saka binuksan ang isang supot.
Inilabas niya ang isang bagay at itinago muna niya ito sa kanyang likuran bago
lumapit pabalik sa binata. “Surprise!” biglang sambit nito saka iniabot kay Leon
ang isang regalo. Hugis kahon at kulay pula ang wrapper, nakasulat dito ang
Happy Birthday at ang kanyang pangalan, siyempre galing ito kay Kyla. “Umuwi
siya sa amin para bilhin ito, wala kasing ganito dito sa Baguio kaya kinailangan
niyang bumaba,” pagpapatuloy ng ginang na ang binabanggit ay ang laman ng
regalo. “Teka belated ba o hindi?” tanong pa nito.
Tinanggap ni Leon ang regalo na hindi pa sumasagot. Inalala niya kung
anong petsa ngayon at tamang-tama ngayon nga ang kanyang kaarawan,
Oktubre 19. “Eksakto po ngayong araw mismo,” sagot nito. Binati siya ng ginang
ng maligayang kaarawan at nagpasalamat si Leon dito. Tingnan mo nga naman,
noon lang ay tinawanan niya si Kyla dahil sa nakalimutan niya ang araw ng
kanyang kaarawan. Akala niya ay si Kyla lang siguro ang taong nakakalimot ng
kanyang kaarawan, pati pala siya ay nakaligtaan niya ang araw na ito na siyang
araw ng kanyang kapanganakan. Muling nagpasalamat sa ina ni Kyla at
nagpaalam na aalis muna at bibisita na lang ulit sa ibang araw.

Pagkauwi ay agad binuksan ni Leon ang regalo ni Kyla para sa kanya.


Dinahan-dahan niya ang pagbubukas dito at iningatang hindi masira ang balot
nito. Nang binuksan niya ang takip ng kahon ay punung-puno ito ng tupig, isang
kakaning malagkit na nakabalot sa balat ng saging na karaniwang tinitinda sa
lowlands. Ang pagkaing ito ang pinakapaborito ni Leon na nilalantakan basta
meron sa mesa. Kung sasama siya noon kay Kyla sa Urdaneta ay ang lola agad
ng dalaga ang kanyang binibisita matapos magpakita sa mga magulang nito.
Ang lola kasi ni Kyla ay nagtitinda ng tupig at masarap itong magluto ng
nasabing pagkain. Kung hindi naman siya makakasama ay pinagbibilin niya kay
Kyla na magdala ng pagkaing ito bilang pasalubong. Bigla na lang piniga ng
mahigpit ni Leon ang lalagyang karton saka inihagis ito sa sahig. Kumalat ang
mga tupig sa sahig at inisa-isa niyang tinitigan ang mga ito at tila hirap na hirap
siyang huminga. Dahil sa mga tupig na ito ay kinailangan pang bumaba ni Kyla,
kung hindi dahil sa mga tupig na ito ay hindi sana nagkagano‟n si Kyla, kung
hindi lang sana niya ito paborito ay hindi kinailangang bumaba ni Kyla at kung
hindi lang sana niya kaarawan wala sanang nangyaring masama kay Kyla.
Panay paninisi ang pumapasok sa kanyang isipan ngunit walang saysay na
sinisisi niya ang pagkain. Ang mga tupig na ito ay sinadyan kinuha ni Kyla mula
sa kanyang lola bilang surpresa para siya ay matuwa kaya inisa-isa niya itong
pinulot at ibinalik sa dating lalagyan. Binuksan niya ang isa dito at ito‟y may
katigasan na ngunit mabango pa rin ang amoy. Kinain niya ito at hindi talaga siya
nagsasawa sa kasarapan nito. “Napakasarap talaga Kyla,” anito habang patuloy
na kinakain ang iba. Habang kumakain ay naaalala niya ang pinag-usapan nila ni
Jean nang sila ay huling nagkainuman. Napakalinaw rin sa kanyang isipan ang
bawat segundo ng video recording na ibinigay ni Jean. Tingin niya sa kanyang
sarili ngayon ay napakasama niyang lalake at nagawa niyang saktan at
ipahamak si Kyla ng ganito. Pupulot ulit sana siya sa karton ngunit wala na pala
itong laman. Naubos na niya ang maraming piraso ng tupig na hindi man lang
niya namamalayan.
Malalim na ang gabi nang magising si Leon. Pagkabangon ay agad
tiningnan ang orasan. Nagmadali siyang lumabas at mabilis na pinatakbo ang
motorsiklo patungong ospital na kinaroroonan ni Leonardo. Hindi niya naabutan
ang mag-ina sa silid, isang nurse ang nasa loob. Tinanong niya ito kung nasaan
ang mag-ina at ayon sa nurse umuwi raw ang mga ito sa kanilang bahay. Pagod
na rin kasi ang ginang kaya inako muna ng doktor ang responsibilidad ng
pagbabantay kay Leonardo para naman makapagpahinga ng maayos ang halos
hindi na natutulog na ina nito. Tatawagan sana ni Leon ang ginang subalit hindi
na niya ito ginawa dahil baka madistorbo pa niya ang pagtulog nito.
Kinaumagahan ay muling binisita ni Leon si Kyla. Nagpasalamat ito sa
regalo ng dalaga at isinalaysay pa kung paano niya ito nilantakan. “Salamat ulit
sa regalo Kyla,” bulong ni Leon at hinaplos-haplos ang buhok ng dalaga. “Ang
birthday wish ko ay ang magising ka na,” saka muli niyang hinalikan ang dalaga
sa noo. “Marami akong gustong sabihin sa iyo kaya bilisan mong gumising,”
huling diga nito bago lumabas ng silid. Sunod niyang pinuntahan ang internet
cafe na kanyang pinapasukan at nagpaalam na sa may-ari na mula ngayong
araw ay magreresign na siya dahil sa biglaang problema sa pamilya. Hindi na
niya sinabi pa kung ano ang problema at naunawaan naman siya ng boss niyang
tsinoy. Nagpaumanhin na rin siya sa kanyang walang paalam na pagliban ngunit
mabait pa rin ang kanyang boss at binayaran nito ang ilang araw na kanyang
pinasukan mula noong huling sahuran. Mula ngayon ay wala ng trabaho si Leon,
kinailangan niya ring gawin ito para mas maalagaan si Lenneth ngayong wala na
siyang katuwang.
Pagkarating ng ospital na kinaroroonan ni Leonardo ay pagpapaumanhin
agad ang ginawa ni Leon. Inamin niya na nakatulog siya kagabi kaya hindi niya
nagawang kunin si Lenneth. Ang ina pa tuloy ng bata ang nahiya dahil sa labis
niyang pagpapaumanhin eh sila na nga ang nakakaabala. Gaya ng dati si Leon
ang mag-aalaga kay Lenneth habang hindi pa nakakabawi si Leonardo.
Naitanong ng bata kung bakit wala ang kanyang Ate Kyla at ang paliwanag ni
Leon ay abala ito sa trabaho at wala sa Baguio. Wala na rin silang magaling na
tagaluto kaya sa labas sila kakain ngayon. Kinabukasan ay nakiusap ang bata na
dalhin siya ni Leon sa simbahan. Gusto raw kasi nito na magdasal para sa
kanyang Kuya Leonardo. Dinala ito ni Leon sa pinakamalapit na simbahan sa
kanilang barangay at pinagmasdan niya ang napakataimtim nitong pagdarasal.
Nitong mga nakaraang taon ay ni minsan hindi na pumasok si Leon ng
simbahan, ngayon lang ulit siya pumasok dahil sa kagustuhan ng bata na
magdasal. “Paano kung hindi na nga tuluyang gumising si Leonardo?” naitanong
ni Leon sa kanyang sarili. Ano nga ba ang kailangan niyang gawin kung sakaling
napakatagal pang panahon bago magising si Leonardo? Kailangan niya bang
alagaan si Lenneth hanggang magkamalay ito? Naalala rin niya ang mga araw
na inuutusan niya ang gang para pahirapan si Leonardo. Sa tuwing ibinabalita sa
kanya ang nangyari ay napapangisi siya at animo‟y natutuwa. Nagbago na nga
ba ang lahat? Ngayon ay hindi nakakatuwang isipin kung ano ang maaaring
mangyari kay Leonardo. Kung mamamatay ito ano na lang ang mangyayari kay
Lenneth?
“Tapos ka na rin bang magdasal kuya?” tanong ni Lenneth na pumutol sa
malalim na pag-iisip ni Leon. Nginitian niya ang bata at sila‟y lumabas ng
simbahan saka nagtungo ng bayan. Habang naglalakad sa Session Road
pagkatapos nilang mananghalian ay nagustuhan ni Lenneth ang laruang
ibenebenta sa sidewalk. Para mapasaya ito ay binili iyon ni Leon at ibinigay agad
sa bata. Habang nagbabayad, inakala niyang nilalaro lang ni Lenneth ang
kabibiling laruan sa kanyang likuran ang hindi niya alam kasalukuyang patawid
ito ng kalsada. Pagkakuha niya ng sukli ay hindi niya natagpuan sa kanyang tabi
si Lenneth, bigla siyang nakarinig na malakas na komosyon sa paligid. “Iyong
bata! Ayyyy!!” hiyaw ng isang babae at malakas na pagpreno ng isang kotse
kasunod ng kalabog ang sunud-sunod na narinig ni Leon. Nilingon niya ang
direksyon ng ingay at nakita si Lenneth na nakadapa sa gitna ng kalsada.
Tinakbo niya kaagad ito at inilagay si Lenneth sa kanyang mga kamay,
dumudugo ang ulo nito kaya sobrang natakot si Leon. Bumaba ang may-ari ng
nakabundol na kotse at nanginginig na tinanong si Leon tungkol sa kalagayan ng
kanyang nabunggo. “Sa ospital bilis!” pasigaw na pag-utos ni Leon dito. Sumang-
ayon din ang kinakabahan pa rin na lalake at isinakay niya ang dalawa sa
backseat at agad silang nagtungo sa ospital na kinaroroonan din ni Leonardo.
Sinalubong kaagad sila ng mga tauhan ng pagamutan at habang itinatakbo ng
mga ito si Lenneth sa nararapat nitong mapuntahang departamento ay ipinaalam
na ni Leon na may sakit sa puso ang pasyente. Pinaghintay si Leon sa labas
kasama ng nagmamay-ari ng sasakyan na nakabunggo kay Lenneth. Hindi alam
ni Leon kung ano ang kanyang sasabihin sa ina ng bata pero kailangan agad
niya itong ibalita. Hindi na siya nag-isip pa ng sasabihin, tinawagan niya ang ina
ni Lenneth at sinabing nasangkot sila sa isang aksidente. Sinabi niya kung
nasaan sila ngayon at nagmadaling pumunta sa kanilang kinaroroonan ang
punung-puno ng takot na ale.
Agad inalam ng ginang kung ano ang nangyari, tinanong nito kung
naatake ba si Lenneth habang kasama niya. Inamin ni Leon na hindi niya ito
gaanong nabantayan habang binabayaran niya ang kanilang pinamili at ito ay
nabunggo ng sasakyan. Biglang nagalit kay Leon ang ginang dahil sa hindi nito
pag-iingat. Nanatiling tahimik lang si Leon at tinanggap ang mga salita nito, batid
ni Leon ang pag-aalala at pangamba nito sa maaaring mangyari sa kanyang
bunso kaya nauunawaan niya ang lahat. “Ikaw ba ang nakabunggo?” tanong nito
sa kasama ni Leon. Umamin ang lalake at bigla na lang itong sinugod ng ginang
at siya ang pinaghagisan ng galit at paninisi. Hindi na ito makapagsalita dahil sa
sunud-sunod na pagsisigaw ng ina ng biktima kaya lumapit si Leon at inilapat
ang kanyang mga palad sa balikat ng nagwawalang ginang. Tumigil ito sa
pagsasalita at umiyak sa dibdib ni Leon. Niyakap ni Leon ang ale at paulit-ulit na
nagpaumanhin.
Ilang minuto pa ang lumipas at nagsilabasan na rin ang mga doktor.
Sinabi ng isa sa mga ito na ayos na ang lagay ni Lenneth at maaari na nila itong
makita. Nagpasalamat ang ina nito at agad-agad nilang pinuntahan. Niyakap
agad ng ale ang kanyang anak at nagpasalamat na ligtas ito. May benda ito sa
ulo at ayon sa doktor, dapat ingatan na madaganan o mahigpitan ang kanyang
mga sugat. Hinalik-halikan nito ang kamay ng bata at kinausap, tinanong-tanong
kung may masakit na bahagi ng katawan nito at dinagdag na rin kung ano ang
gusto nitong kainin. Lumapit din si Leon at nginitian siya ni Lenneth saka may
kakaibang sinabi. “Kuya Leon, nakita ko po si Ate Sophia kanina pero ang bilis
niyang tumawid ng kalsada,” anito na ikinagulat ng dalawa sa kanyang tabi.
Nagkatinginan ang mga ito at bigla na lang ipinikit ni Lenneth ang kanyang mga
mata. “Lenneth,” banggit ng kanyang ina.
“Huwag po kayong mag-alala ma‟am nakatulog lang po siya, siguro
masyado siyang pagod,” paliwanag ng nurse. Nakahinga ng maigi ang dalawa at
lumabas muna sila ng silid. Kinausap sila ng nurse na sumunod muna sila sa
kanya upang makipagkita sa doktor. Una nilang napag-usapan ang gastos sa
isinagawa kanina at sinagot ito ng may-ari ng sasakyang nakabunggo kay
Lenneth. Akala nila ay iyon lang ang pag-uusapan nila ngayon, ngunit bago sila
umalis ng silid ay pinaiwan muna ang ina ng bata.
Hinintay ni Leon ang kasama hanggang sa lumabas ito ng silid. Maputla
ang hitsura nito matapos makipag-usap sa doktor. “Ayos lang po ba kayo?”
alalang tanong ng binata.
Ngumiti ito at nagwika, “Pasensya ka na sa akin kanina Leon nabigla lang
talaga ako kaya ko nasabi ang mga iyon sa iyo.”
“Ayos lang po iyon sa akin, naiintindihan ko po kayo. At may kasalanan
din po ako sa nangyari sana mapatawad niyo po ako sa hindi ko pag-iingat,”
pagpapaumanhin ni Leon.
Umiling-iling ang ginang at tinapik-tapik ang kanang balikat ni Leon at
parang nag-iisip ng susunod na sasabihin. “Leon aksidente lang ang lahat wala
kang kasalanan sa nangyari,” anito ng nakangiti sa binata. Nagpasalamat na rin
ito sa kabaitan ni Leon lalung-lalo na sa pag-aalaga at pagpapasaya niya kay
Lenneth. Nagtaka ang binata kung bakit gano‟n na lang ang mga sinasabi ng
ginang at isinalaysay din agad nito ang sinabi ng doktor kanina. Kailangang
manatili muna si Lenneth sa ospital para suriing mabuti ang kanyang kalagayan.
Napakapanganib para sa isang taong may sakit sa puso ang aksidenteng
nangyari kanina kaya kailangang masuri siya ng mabuti. Ayon din sa doktor,
dahil sa nangyari, sa susunod na magkaroon ng attack si Lenneth ay agad niya
itong ikamamatay. Ang pahayag na ito ay base rin sa mga dokumentadong
resulta ng mga nakaraang pagsusuri sa kalagayan ni Lenneth. Napakalaking
problema ito para sa ina ng bata, kulang siya sa panggastos dagdag pa dito ang
kalagayan ng kanyang panganay, dahilan para ituro ni Leon ang kanyang sarili
na responsable sa lahat ng nangyayari.
Sumama muna si Leon sa ale, bumalik sila sa silid ni Leonardo at doon ay
naabutan nila si Remz. Pagkakita niya kay Leon ay nagulat ito at napatayo.
Lumapit ito kay Leon at hindi makapag-isip ng sasabihing paliwanag.
“Kumusta na siya?” ani Leon.
“Wala pa ring malay, nakuwento na ba sa iyo ni tita?” tugon ni Remz.
Tumango si Leon at inamin na matagal na niyang alam. Nabigla ito sa nasabi ni
Leon at naalala ang pagsisinungaling niya tungkol sa pagiging abala sa trabaho
at iba pa. “Leon… ang totoo…” hindi naituloy ni Remz ang kanyang susunod na
sasabihin dahil itinapat ng binata ang tatlo nitong daliri sa kanyang bibig.
“Nauunawaan kita Remz kaya hindi mo kailangang magpaliwanag.”
Huminga ito ng malalim at tumitig sa mga mata ng dalaga, nagsisimula na itong
umiyak. Hindi kayang tingnan ni Leon ang mga matang iyon kaya agad niyang
inilihis ang kanyang mga tingin. “Alam ko kung ano ang iniisip mo ngayon, ang
gang na iyon. Pero pakiusap huwag muna nating pag-usapan ngayon dahil hindi
ko pa alam kung ano ang dapat kong sasabihin ngayong araw”
Nanatiling tahimik si Remz at napatingin lang sa mukha ng kausap. Gaya
niya hindi rin maipaliwanag ang hitsura nito. Gusto niyang magalit sa nobyo
kanina lang ngunit tila nawala ang pakiramdam na iyon. Nagpaalam ito sa kanya
at nagbilin na si Remz na lang ang magsabi sa ina ni Leonardo na umalis na
siya. Hindi na rin nagawang pigilan ni Remz ang binata at parang wala itong
narinig nang tawagin ng dalaga ang kanyang pangalan habang siya ay papaalis.
Di man lang ito lumingon o huminto.
“Bakit nangyari ang lahat ng ito?” tanong ni Leon sa kanyang sarili
pagkaupo sa kanilang sala. Halos hindi siya gumagalaw at napakalalim ng iniisip.
Naalala nito ang lahat ng kanyang pinaggagawa nitong mga nakaraang buwan at
kung ano ang ibinunga ng lahat ng mga ito. Oras na ng hapunan pero hindi pa
rin siya umaalis sa kanyang kinalalagyan. Halos hindi gumagalaw at patuloy lang
na binabalikan ang lahat ng pangyayari. Hindi na niya alam kung ano ang
kanyang gagawin. Ang nangyari kanina ay tiyak na may napakalaking epekto sa
kalusugan ni Lenneth. Wala siyang ibang magawa kundi sisihin ang sarili sa
lahat ng nangyari. Si Lenneth, Kyla, Remz, pati na rin si Leonardo at ang ina nito,
lahat ay nasaktan at siya ang may kasalanan. Sa ngayon nagtitiwala sa kanya
ang ina ng kanyang biniktima ngunit paano niya ito aaminin? “Mapapatawad pa
kaya ako?” tanong ulit nito sa kanyang sarili. “Pero bakit ko kakailangin ang
kapatawaran? Ito ang ginusto ko, ang pahirapan ang siyang dahilan ng
pagkamatay ng aking ate. Ano nga ba ang nangyari at bakit parang ako lang ang
nagiging masama?” Inihiga na lang niya sa couch at patuloy pa rin na nag-iisip
hanggang sa maalala niya ang lahat ng hindi nila pagkakasundo ni Kyla tungkol
sa kanyang paghihiganti. Pero nangyari na ang nangyari hindi na niya maibabalik
ang nakalipas, kailangan niyang panagutan ang ibinunga ng kanyang mga
naging desisyon sa nakaraan.
Umaga na pero gising pa rin si Leon, paputol-putol ang kanyang tulog,
pinakamahaba na ang tatlumpung minuto. Nanatili lang ulit siyang nakaupo sa
dating kinauupuhan at halos tanghalian na nang siya‟y tumayo para kumain. Ang
niluto lang niya ay isang cup noodles at muli siyang bumalik sa kinauupuan.
Hindi man lang niya inubos ang kinakain at muling bumalik sa malalim na pag-
iisip, para siyang nasisiraan ng bait. Kinabukasan na nang muling tumayo si
Leon sa upuan. Hindi pa sana siya tatayo kung hindi dahil sa text message ni
Remz. Nabanggit ni Remz na narinig niya mula sa ina ni Leonardo ang nangyari
kay Lenneth at gayon din ang pag-aalaga niya dito. Gaya din ng sinabi ng ginang
pinaalala ng dalaga na huwag niya masyadong sisihin ang kanyang sarili sa
nangyari. Pero hindi nakakatulong ang mga salitang iyon kay Leon, alam niya
kung ano ang ugat ng lahat ng nangyayari. Ibinaba niya ang cellphone at bumalik
sa upuan. Dahil sa hindi niya sinasagot ang mga text message ay tawag na ang
sumunod, ngunit hindi niya ito pinansin at hinayaan lang na tumunog ng tumunog
ang kanyang cellphone. Ilang beses din niyang narinig na tumunog ang message
alert tone pero wala pa rin siyang pakialam dito. Nanatili siyang tahimik at
patuloy sa malalim na pag-iisip.
Sa sumunod na araw ay personal ng bumisita si Remz. Naroon pa rin si
Leon sa upuan, tila naidikit na siya dito. Narinig niya ang pagkatok sa pinto pero
siya‟y nagbingi-bingihan. Ayaw niyang makipagkita sa maski sino ngayong araw.
Narinig niya na tinatawag ng kanyang bisita ang kanyang pangalan pero hindi pa
rin siya umaalis sa kanyang kinalalagyan. Nakikiusap na si Remz na buksan niya
ang pinto at alam niya na naroon lang siya sa loob ngunit sadyang mas walang
naririnig ang nagbibingi-bingihan. Hindi kaya ni Leon na humarap kay Remz,
masyadong mahirap at napakasakit gawin. Marahil ito na ang oras ng kanyang
karma.
Sumuko si Remz at iniwan ang bahay. Hindi na rin nag-almusal at
nananghalian si Leon, hapon na nang siya‟y bumangon at naisipang kumain
maski kaunti lang. Nasilayan niya ang screen ng kanyang cellphone at higit isang
daan na ang unread messages. Inisa-isa niyang tiningnan kung kanino galing
ang mga mensahe. Halos lahat ay galing kay Remz at lima lang ang galing sa
ibang tao na siya niyang unang binasa. Sinunod niyang binasa ang lahat ng mga
mensahe ni Remz at matapos basahin lahat saka siya muling nagbukas ng isa
pang cup noodles. Habang kumakain ay binuksan niya ang T.V. at nagkataong
ang balita ay tungkol sa dalawang nakaligtas sa trahedya sa Kennon Road. Ayon
sa ulat, isa sa dalawang nakaligtas ang pumanaw kaninang ala-una ng hapon.
Nabitawan ni Leon ang kanyang kinakain at nabuhos sa kanyang paa na
nagdulot ng pagkapaso. Di niya pinansin ang sakit at tinutukan ang balita,
ramdam niya ang napakabilis na pagpintig ng kanyang puso. Gusto niyang
patayin ang telebisyon dahil sa takot na baka pangalan ni Kyla ang banggitin ng
nag-uulat. Matapos mabanggit ang pangalan ng namatay saka lang muling
kumilos at huminga si Leon. Ang matandang lalake ang pumanaw kanina at si
Kyla na lang ang natitirang buhay ngunit hindi pa rin nagkakamalay.
Naghanda si Leon para sa muling pagbisita. Dumaan ulit siya sa flower
shop at bumili ng rosal kasindami ng binili niya noong isang araw. Binati siya ng
ina ni Kyla pagkapasok niya ng silid. Kinuha na rin nito ang bulaklak at itinabi sa
plorera na ang laman ay ang dinala ni Leon noong isang araw. Tamang-tama
ang dating ng binata dahil kailangan na ng ginang na mananghalian. Nagpaiwan
si Leon at umupo siya sa tabi ng kama ng wala pa ring malay na dalaga. Kinuha
niya ang isang kamay nito at hinawakan saka hinalikan. Habang hawak-hawak
niya ang kamay ni Kyla sa kanyang dalawang kamay ay kinakausap niya ito na
animo‟y gising. Pagkabalik ng ina nito ay nagpaalam na rin kaagad si Leon at
sinabing may kailangan siyang bisitahin. Ayon sa mga text messages ni Remz
inilipat sa ibang ospital si Lenneth. Pag-aari din ito ng parehong ospital pero
nakahiwalay ang sangay na ito ng limang minuto kung lalakarin. Naabutan niya
si Remz na kalalabas lang ng silid at tila pareho silang nagulat dahil sa di
inaasahang pagsasalubungan. “Kumusta na siya?” usisa ni Leon.
“Kailangan na raw niya ng heart donor sa lalong madaling panahon,”
malungkot na sagot ng dalaga. Inalam din ni Leon ang kalagayan ni Leonardo,
hindi pa rin ito nagkakamalay. May mga ilang kaso na rin daw gaya ni Leonardo.
May mga ibang pasyente noon na ilang buwan bago nagkamalay dahil sa
pagkakabaril sa ulo. Ito ay ayon sa doktor na umaasikaso sa nasabing binata.
“I‟m sorry,” sambit ni Leon. Napatitig sa kanya si Remz na puno ng
pagtataka. “Iniiwasan kita nitong mga araw dahil napakahirap sagutin ang mga
gusto mong itanong. Ayaw ko ng magsinungaling pa ulit sa iyo.” Huminga ito ng
mas malalim at mas lumapit sa kausap. “Ang sinasabi ni Leonardo na tungkol sa
gang, totoo ang lahat ng iyon,” pag-amin ni Leon. Napayuko ang dalaga at
namuo ang luha sa kanyang mga mata. Hinawakan ni Leon ang mga balikat nito
at nagpatuloy, “Patawarin mo ako, hindi ko na alam kung ano ang dapat kong
sabihin.”
Itinaas ulit ni Remz ang kanyang ulo at tumitig sa mga mata ni Leon.
Naghalong pagsisisi at galit sa sarili ang nakita niya sa mga mata ng binata.
“Leon ikaw ba ang bumali sa kamay ng pinuno ng gang?” pang-aalam ni Remz
na hindi naman ipinagkaila ng binata. Ipinaliwanag nito sa dalaga na bago
nangyari ang pagkabaril ni Leonardo ay kumalas na siya sa kasunduan ngunit
hindi siya umaasa na paniniwalaan iyon ng dalaga. “Mula noong nakilala mo si
Lenneth napakalaking pagbabago ang nakita ko sa iyo Leon.” Hinawakan ni
Remz ang mga kamay ni Leon na nakalapat sa kanyang magkabilang balikat at
ibinaba ang mga ito. “Naisip ko na rin na nilayuan mo na ang gang kaya gano‟n
na lang ang galit nila sa iyo kaya naniniwala ako sa iyo Leon.” Inilapat ni Remz
ang kanyang ulo sa dibdib ng binata habang nananatiling magkahawak ang
kanilang mga kamay.
“Patawarin mo ako isa akong sinungaling na tao,” pagpapakumbaba ni
Leon.

“Kasinungalingan din ba ang pagmamahal mo sa akin?” tanong ni Remz


na nananatiling nakasubsob sa dibdib ng kausap. Umiling si Leon at niyakap ang
dalaga saka itinanggi na kasinungalingan ang kanyang nararamdaman para dito.
“Sapat na dahilan iyan para magtiwala ako sa iyo,” hayag ni Remz sabay yakap
sa nobyo. “Patawarin mo rin ako dahil ako rin ay napakaraming pagsisinungaling
gaya na lang ng pagkukunwari na walang nalalaman sa mga ilang nangyayari,”
pagpapaumanhin din ni Remz. Nagkatitigan ang dalawa at nakaya pa rin nilang
magngitian. Kailangan ng pumunta ni Remz sa kanyang trabaho kaya ihinatid na
siya ni Leon.
Naglibot-libot ulit si Leon, pabilis ng pabilis ang kanyang pagpapatakbo.
Pumatak ang ulan at lumakas din ito ng lumakas subalit hindi ito ininda ng
patuloy na nagmamanehong binata. Basang-basa na ang kalsada pero
napakatulin pa rin niyang magpatakbo hanggang sa dumulas ang mga gulong ng
motorsiklo sa isang likuan. Tumilapon si Leon at gumulong-gulong ang kanyang
katawan habang ang kanyang motorsiklo ay sumalpok sa hanay ng mga bato sa
gilid ng kalsada. Dahan-dahan siyang tumayo at nilapitan ang kanyang
motorsiklo. Ramdam niya ang pananakit ng kanyang katawan lalo na ang
kanyang kanang balikat na siyang nadale ng todo. “Wala lang ang sakit na ito,”
ani Leon. Sinubukan niyang itayo ang kanyang motorsiklo subalit lubhang
masakit ang kanyang isang balikat kaya muli itong natumba at nawala din niya
ang kanyang balanse at napaupo sa basang daan. “Kumpara sa sakit na
nararamdaman nila ngayon balewala ito,” sambit ni Leon habang tinitingnan ang
mga napunit na bahagi ng kanyang kasuotan. Marami siyang gasgas sa buong
katawan at marahil nabali din ang kanyang balikat kaya imposible na para sa
kanya na imaneho pa ang motorsiklo. Dinukot niya ang kanyang cellphone at
tinanggal ang kanyang helmet. Ginamit niya ang helmet para takpan ang
cellphone sa ulan habang siya ay tumatawag. Nanatili siya sa tabi ng kalsada at
may mga iilan ding sasakyang dumaan pero karamihan sa mga ito ay dumaan
lang maski siya ay napansin. Ang mga iba ay nag-alok ng tulong pero
tinanggihan niya ito at sinabing may tinawagan na siya na kukuha sa kanya.
Ilang minuto pa ang lumipas ay isang ELF ang huminto sa kanyang tapat.
Isinakay nito ang kanyang motorsiklo at nakisabay na rin sa kanila si Leon.
Sa mga sumunod na araw ay nagpahinga si Leon sa kanilang bahay
hanggang sa medyo gumaling-galing ang kanyang mga sugat. Naayos na rin ulit
ang kanyang DUCATI, may kamahalan nga lang ang kanyang binayaran para sa
pag-aayos nito. Nagkita ulit sila ni Remz at nalaman niya na lumalala ang
kalagayan ni Lenneth bawat araw. Nasabi rin ng doktor na maaaring isang
buwan na lang ang itatagal nito kung hindi pa rin sila makakahanap ng heart
donor para sa operasyon. “Oo nga pala naitanong niya noong isang araw kung
bumisita raw ba kayo ni Kyla,” ani Remz. Wala gaanong reaksiyon si Leon sa
nasabi ng dalaga. “Si Kyla ba ang nag-alaga sa kanya noong mga araw na
nakikiuwi si Lenneth sa inyo?” Hindi ito ipinagkaila ni Leon at ipinaliwanag ang
dahilan kung bakit niya kinailangan ang tulong ni Kyla. Nagtungo ang dalawa sa
silid ng bata at tinanong ang nurse kung pwede nila itong makausap.
Nagkataong gising ito pero pinayuan sila na huwag masyadong magtagal para
hindi gaanong mapagod ang pasyente.
“Hello Lenneth,” masiglang bati ni Leon.
“Hi Kuya Leon. Nasaan po si Ate Kyla?” nakangiting tanong nito.
Napaisip muna si Leon ng kailangan niyang sabihin. Kailangan ulit niyang
magsinungaling. “May sakit din siya ngayon kaya hindi ka niya madadalaw.”
Nagbilin si Lenneth na alagaan ni Leon ang kanyang Ate Kyla para gumaling na
ito kaagad at mabisita siya at ipinangako ni Leon na gagawin niya ito. Kailangan
na nilang umalis kaya nagpaalam sila sa pasyente. Nanatili muna sila sa labas
ng silid at nagkausap. “Ilang beses ba talaga ako kailangang magsinungaling?”
biglang naitanong ni Leon. “Sawang-sawa na ako,” dagdag pa nito.
Napatitig lang sa kanya si Remz at hindi alam kung ano ang gagawin para
kay Leon. “Leon kumusta na pala si Kyla,” usisa ni Remz para lang maiba ang
usapan. Tinanong na rin ni Remz kung ano ang numero ng silid ni Kyla sa ospital
na kinaroroonan nito para bisitahin sa mga susunod na araw.
“Remz paumanhin kailangan ko ng umuwi,” pagpapaalam ng binata.
Mabigat ang kanyang pakiramdam at maraming bagay ang dapat niyang pag-
isipan. Hindi na siya pinigilan pa ni Remz at mag-isa na itong pumunta sa
paradahan ng kanilang service.
Kinabukasan muling binisita ni Leon si Kyla at pinapakiusapan ito na
gumising na. Hawak-hawak ulit niya ang kamay ng dalaga at paulit-ulit itong
hinahalik-halikan. “Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung mawawala kita Kyla
kaya pakiusap gumising ka na.” Bakas sa kanyang mukha ang bigat ng kanyang
dinadalang matinding emosyon. Ala-una na ng hapon nang iwanan ni Leon ang
silid ng dalaga. Nagtungo siya ng bayan para mananghalian. Pagsapit ng
ikalawa ng hapon ng makatanggap siya ng tawag kay Remz. Ayon sa dalaga
kailangan niya munang manatili sa tabi ng ina ni Leonardo ngayong hapon ng
kanyang rest day at mamayang gabi na lang sila magsasama. “Ayos lang sa akin
Remz, sa kabila ng lahat siya pa rin ang tagapagligtas mo kaya dapat lang siguro
na nariyan ka sa tabi niya,” ani Leon.
“Mag-iingat ka lagi Leon,” habilin ng dalaga bago ibinaba ang tawag.
Pareho nilang nararamdaman na medyo lumalamig na ang kanilang relasyon.
Nitong mga araw ay hindi man lang nila nabanggit ang mga katagang “I love you”
na palagi nilang sinasabi sa isa‟t-isa noon.
Alas-singko na ng hapon ng tumawag ang ina ni Kyla kay Leon.
Pinakiusapan si Leon na bumalik ngayon din sa ospital. Pabulong na nagsasalita
ang ginang kaya hindi sigurado ni Leon kung ano ang nangyayari. Nakiusap lang
sa kanya ito na bumalik ng ospital ngunit wala ng iba pang sinabi. Nakadama ng
kaunting takot si Leon at agad-agad bumalik. Pawis na siya dala ng pagtakbo
paakyat ng mga hagdanan na nahaluan pa ng kaba ng marating niya ang silid ni
Kyla. Bukas ang pinto at sumilip siya sa loob. Nakita niya ang isang doktor at
isang nurse, kasama na rin ang ina at kapatid ng pasyente. Mas kinabahan si
Leon ngunit nawala ang lahat ng iyon nang marinig niya ang tinig ng isang
dalaga na matagal na niyang hindi naririnig. Tama, tinig iyon ni Kyla, gising na rin
ito sa wakas. Pinagmasdan ni Leon ang mukha ng mag-iina at kitang-kita niya
kung gaano kasaya ang mga ito. Naglaho bigla ang kanyang pagod at ang kaba
ay pinangibabawan ng tuwa. Napangiti siya at kitang-kita sa kanyang mukha ang
kasiyahan sa nadatnang magandang balita. Pero gayon pa man humakbang si
Leon paatras at sumandal sa pader. Bigla na lang siya nawalan ng lakas ng loob
na magpakita sa pamilya, pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat sa tabi
ng mga ito. Ilang segundo pa ay iniwan na niya ang lugar. Sapat na para sa
kanya na malamang ligtas na si Kyla.
Magkasama ngayong gabi si Leon at Remz na kumakain sa Mang‟s
Cuisine. Maraming sinasabi si Remz ngunit tila walang naririnig si Leon. Nasa
ibang bagay ang kanyang atensyon. “Leon ayos ka lang?” pag-aalala ni Remz.
“Pasensya ka na, ayos lang ako Kyla,” tugon ni Leon at ipinagpatuloy ang
kumain.
Nabigla si Remz sa kanyang sagot. Kyla ang nabanggit na pangalan ng
kanyang kausap at hindi sa kanya. Hindi man lang napansin ni Leon na ibang
pangalan ang kanyang nabanggit. Pasakay na sana si Remz sa likuran ni Leon
nang muli itong magkamali. “Kyla tara na,” anyaya nito kay Remz.
“Ang pangalan ko ay Remz hindi Kyla,” wika ni Remz. Nagtaka si Leon sa
nasabi ng dalaga at tinanong kung anong ibig niyang sabihin. Tama si Remz
hindi nga namamalayan ni Leon na dalawang beses na niyang tinawag ang
kasama sa ibang pangalan. “Ang totoo niyan bumisita ako kay Kyla kanina. Pero
hindi na ako pumasok sa silid niya dahil nakita kita sa loob habang hawak-hawak
mo mga kamay niya,” pahayag nito na ikinabigla ni Leon. Hindi na tinanong pa
ng binata kung ano ang nakita ni Remz. “Ngayon lang kita nakita ng gano‟n Leon
kaya…”
“Remz,” banggit ni Leon. “Alam ko na pareho tayong naguguluhan sa
ngayon. Maraming mga bagay ang nanunumbalik bigla sa atin. Pakiramdam ko
ay pareho tayong may matagal ng tinatakasan.” Huminga ng malalim si Leon at
hinarap ang dalaga. “Siguro ang dapat nating pagtuunan ng pansin ay kung
papaano makatulong at pansamantalang bigyan ang mga sarili natin ng puwang
at panahon.”
“Ibig mo bang sabihin cool off?” mabagal na pagtatanong ng dalaga.
Tumango si Leon at seryoso pa rin ang mga mata nito na nakatitig sa nobya.
“Okay, mag-usap na lang ulit tayo kung ayos na ang lahat,” ani Remz saka
nagpaalam kay Leon. Tinanggihan nito ang alok ng binata na ihatid na siya
pauwi at pumara na lang ng taxi. Bago sumakay ay nagyakapan muna saglit ang
mga ito ngunit walang paghahalikang nangyari, tanging habilin lang na mag-
iingat sila palagi. Pagkauwi ay nagkulong na si Remz sa kanyang silid. Di niya
mapigilan ang sarili na umiyak, hindi lang dahil sa cool off kundi dahil totoo ang
sinabi ni Leon kanina na naguguluhan rin si Remz sa kanyang nararamdaman.
Sino ba talaga ang mas iniisip niya? Si Leon na kanyang boyfriend o si Leonardo
na nagligtas sa kanyang buhay at dati ring boyfriend? “Patawarin mo ako Leon,
hindi ako mabuting girlfriend,” humihikbing nasabi nito.
Pagkauwi ni Leon ay nakatanggap siya ng tawag sa landline mula sa
kanyang ama. May emergency flight ang kanyang ama para sa isang
mahalagang pagpupulong sa Manila sa makalawa. Pinakiusapan si Leon na siya
ay sunduin sa airport dahil maraming ipinadala ang kanyang ina para sa kanila ni
Kyla.
Kinaumagahan ay bumisita rin ang kanyang Tita Beverly at napansin na
tila mabigat ang problema ng kanyang pamangkin. “Parang ang lalim yata ng
iniisip mo,” pag-aalala nito sa kanya.
“Tita Bevs, posible ba na idonate ko ang sarili kong puso?” tanong ni Leon
na ikinabigla ng nurse nitong tita.
“Pwede kung malapit ka ng mamatay pero may proseso gaya ng donor‟s
card at ano pa diyan,” paliwanag ng tita nito. Inalam din ng kanyang tita kung
bakit naitanong iyon ng pamangkin at naibahagi ni Leon na may kilala siyang
babae na nangangailangan ng heart donor. Inalam na rin ni Bevs kung sino ang
tinutukoy ni Leon at nakaramdam din ito ng awa dahil sa napakabata pa nito.
“Mahalaga po siya sa buhay ko at malaki ang pasasalamat ko na
nagkakilala kami dahil kung hindi baka mas marami pa akong pagsisisihan,” ani
Leon na hindi maunawaan gaano ng kanyang tita.
“May gagamitin ba silang pera para sa operasyon?” Umiling si Leon at
sinabing gusto niyang tulungan si Lenneth, ayaw niya itong mamatay. “Bakit
hindi ka magpatulong sa tatay mo,” munghahi ni Bevs. Humingi ng kalinawan
ang binata kung anong uri ng tulong ang kanyang hihilingin sa kanyang ama at
nagpatuloy ito sa pagpapaliwanag. “Pwedeng maging sponsor ang tatay mo sa
kanyang operasyon.”
“Sponsor? Pero problema pa rin po ang heart donor.”
“Kung may sponsor mas mapapadali ang heart donor. Alam mo kasi mga
ibang tao ngayon mamamatay na nga lang sila hindi pa nila ibibigay ng libre ang
parte ng kanilang katawan na puwedeng magamit ng ospital. Alam mo naman
kung gaano kahirap ang buhay ngayon.” Nalinawan si Leon sa naibahagi ng
kanyang tita. Tinanong-tanong pa niya ang kanyang Tita Bevs tungkol dito, ang
kailangan niyang gawin, mga proseso at iba pa. Mabuti na lang at dumalaw ang
kanyang tita ngayong araw, bukas na kasi ang uwi nito pabalik ng Amerika
kasama ang kanyang asawa. Ngayon may ideya na siya kung paano maililigtas
si Lenneth at ang ama na lang niya ang kailangan niyang hintayin.
“Belated Happy Birthday Leon. I‟m sorry I woke up late.” nakasaad sa
cellphone ni Leon, text message mula kay Kyla. Nasa loob ng bus ngayon ang
binata papuntang Manila para salubungin ang ama. Hindi niya alam kung ano
ang kanyang irereply kaya muli na lang niyang ibinulsa ang kanyang cellphone.
Nagkita sila ng kanyang ama sa airport at nagbatihan ang mga ito. Nagtungo
muna sila sa reserved hotel room ng kanyang ama at iniwan doon ang kanilang
mga dala. Alas tres ng hapon hanggang gabi ang pagpupulong na sinadya ng
ama dito kaya libre si Leon hanggang mamaya. Mahaba pa ang oras na kanyang
hihintayin kaya naisipan niyang lumabas muna at gumala sa mall. Nadaanan
niya ang shop na nagbebenta ng mamahalin at de kaledad na mga stuff toys na
pinagbilhan niya rin nang higanteng panda na ibinigay niya kay Remz noon.
Naalala niya ang hitsura ni Kyla habang katabi niya ang panda na iyon sa
backseat at naalala rin niya ang di kanais-nais na stuffed toy na napunta kay
Kyla noong sila ay nasa Amusement Park sa SM Pines sa Baguio. Pumasok siya
sa loob at tumingin ng maaari niyang bilhin. Agad niyang napansin sa isang
sulok ang isang higanteng palaka. Nilapitan niya ito at pinulot, bilugin ito at kung
napipisil ang ibabaw ay lumuluwang ang ngiti ng palaka. Dinala ito ni Leon sa
cashier at binayaran. Hawak-hawak niya ito habang patuloy na lumilibot sa mall.
Marami ang nakakapansin nito dahil transparent ang ginamit na supot pero
parang wala lang kay Leon maski pinagtitinginan siyang naglalakad na may dala-
dalang malaking palaka. Binili niya ito para kay Kyla. Para sa dalaga ay cute ang
mga palaka, marami itong koleksyon na may nakaguhit na palaka o hugis
palaka. T-shirt, sweatshirt, pantulog na mga damit, sumbrero, tasa, alkansiya,
purse mga di mabilang na figurines at stuff toys at maraming pang iba.
Matapos maghapunan sa labas saka bumalik ng hotel si Leon. Naghintay
pa siya ng ilang oras bago nakauwi ang kanyang ama. May service na rin silang
kotse patungo ng Baguio. Habang pauwi ay tinanong-tanong siya ng kanyang
ama tungkol sa kanyang pag-aaral ng LAW, kanyang dahilan ng hindi pagsama
sa Amerika. Kinailangan niya ulit magsinungaling at sinabing semestral break
nila ngayon mabuti na lang at nagkataong semestral break nga ng lahat ng
pamantasan. Napag-usapan din nilang dalawa ang kanyang ina at kung ano ang
ginagawa nito ngayon sa Amerika. Pagkauwi ay hinayaan niya ang kanyang ama
na magpahinga. Ipinagpabukas na lang niya ang gusto niyang sabihin tungkol sa
pag-isponsor nito kay Lenneth.
Tanghalian na nang magising ang ginoo at niyaya niya itong kumain.
Sinabayan niya ito at sinabi na rin ang tungkol kay Lenneth. “Sponsor? Walang
problema doon pero sino ba iyong bata?” pang-aalam nito matapos pakinggan
ang lahat ng sinabi ng anak.
“Kapatid ni Leonardo, ang dating nobyo ni Ate Sophia,” sagot ni Leon.
Napatigil sa pagsubo ang kanyang ama at napatitig sa kanya. “Hindi ko po
mapapatawad ang aking sarili kung mamamatay siya.” Ibinahagi ni Leon ang
nangyaring aksidente na nagpalala ng lubos sa kalagayan ng bata. “Mabait po
siyang bata at gustong-gusto rin siya ni Ate Sophia noong siya‟y buhay pa kaya
baka pati si Ate hindi niya ako mapapatawad kung mawawala si Lenneth,”
dagdag pa ni Leon.
“Naiintindihan ko ang bahaging iyan pero hindi ba‟t puno ka ng galit sa
Leonardo na iyon?”
“Opo, at hanggang ngayon ramdam ko pa rin ang galit pero ibang usapan
po si Lenneth, dahil sa paghihiganti ko ay nadamay lang siya at gusto kong itama
ang lahat. Ayaw ko pong may madamay pang iba dahil alam ko kung gaano
kasakit ang mawalan ng taong minamahal. Naaalala ko ang mga araw na
punung-puno ako ng galit at poot, bawat araw ay napakahirap. Lahat ng ito,
ayaw kong may makaranas din.” Tuloy-tuloy na pahayag ni Leon.
Humanga ang ama sa anak at pinuri ito sa kanyang naging desisyon at
mga pahayag. “Kung gano‟n puntahan na natin si Lenneth,” wika ng kanyang
ama na labis niyang ipinagpasalamat. Habang nasa kotse ay naikuwento rin ng
kanyang ama ang isang pangyayari na hindi alam ni Leon. Noong araw ng burol
ni Sophia, isang binata ang lumapit sa kanya at ito‟y walang iba kundi si
Leonardo. Lumuhod ito sa kanyang harapan at umiiyak itong paulit-ulit na
humingi ng kapatawaran. Naramdaman man ng kanyang ama ang paninisi kay
Leonardo sa pagkamatay ng kanyang panganay ay nangibabaw pa rin
pagpapatawad. Ang kailangan niyang gawin ay tanggapin ang nangyari na
walang galit sa ibang tao at magpatuloy sa bawat araw ng kanyang buhay. Hindi
kagaya ni Leon na puro paghihiganti ang naging laman ng isipan.
Kinausap nilang mag-ama ang namumuno ng ospital at ngayon ay may
anonymous sponsor na si Lenneth. Itong araw din ay umabot sa ina ng bata ang
balita at lubos itong natuwa. Naroon din si Remz dahil tapos na ang limang
buwan na kontrata nito sa T.I. Kailangan na lang niya na hintayin ang tawag ng
kumpanya kung muli siyang kukunin bilang permanenteng trabahador.
Nagdiwang ang dalawa at lubos ang pagpapasalamat ng ginang sa panginoon.
Pinagdasal nito sa panginoon na laging basbasan ng grasya ang nagsponsor sa
operasyon ng kanyang anak na ayaw sabihin ng doktor kung sino.
Gaya nga ng nasabi ng tita ni Leon, agad din may dumating na heart
donor at maisasagawa na nila ang operasyon sa ilang araw. Kailangan ng
bumalik ni Rio sa Amerika pero lahat ng kakailanganin para sa sponsorship ng
operasyon ni Lenneth ay natapos na kaya wala ng problema. Lumuwas ulit ng
bansa ang ginoo at naiwan ulit na mag-isa ang kanyang anak. Sumapit ang araw
ng operasyon at dinalaw ni Leon ang bata pero hindi siya pinayagang pumasok
kaya ipinamigay na lang niya ang kanyang dalang bulaklak para kay Lenneth sa
nurse. Tinanong niya rin ang direktor ng ospital at ayon dito handa na raw ang
lahat. Binisita niya rin niya ang ina ng bata at naabutan niya ito na taimtim pa rin
na nagdarasal sa silid ni Leonardo. May hawak din itong rosaryo at sa tabi ng
ginang ay si Remz na nakikisabay din sa pagdarasal. Iniwan niya ang lugar at
natanaw ang krus sa bubong ng Baguio Cathedral. Ang sumunod na lang niyang
napansin ay nasa pintuan na siya nito. Nitong mga nakaraang taon halos
naglaho ang kanyang paniniwala sa panginoon ngunit ngayon narito na siya sa
loob at nagdarasal. “Hindi kaya ako paparusahan ng panginoon na ngayong may
kailangan lang ako saka ako lumalapit?” tanong nito sa sarili. Pero hindi na iyon
ang mahalaga, lahat naman siguro ng tao kung taimtim mula sa puso na
magdarasal para sa ikabubuti ng iba ay hindi mamasamain ng Diyos maski
gaano pa katagal ito nang huling may hiniling sa maykapal. Bumalik siya sa
ospital at naabutan niya ang ina ni Lenneth sa labas ng silid kung saan
isinasagawa ang operasyon. Binati niya ito at nanginginig pa rin ito sa takot
habang hinihintay ang resulta. “Magiging ayos lang po ang lahat,” ani Leon para
lumuwag ng kaunti ang nararamdaman ng ginang.
Sa wakas lumabas na rin ang mga nagsagawa ng operasyon. Agad
nilapitan ng dalawa ang namuno sa mga ito at tinanong kung ano ang nangyari.
“Successful po ang operation misis,” masayang pagbabalita nito. Lubos ang
pagpapasalamat ng ginang at naiyak ito sa tuwa. Yumakap ito sa doktor at
paulit-ulit na nagpasalamat. Nagpasalamat din ito sa panginoon at ang kaninang
takot na takot na ale ay tuwang-tuwa na. Ibinahagi rin ng doktor na ang
kailangan na lang nilang hintayin ay kung tatanggapin ng maigi ng katawan ni
Lenneth ang bago niyang puso pero maliit ang posibilidad na hindi iyon mangyari
kaya mas lalo itong ikinatuwa ni Leon at ang ina ng bata. Tuluyan nang magiging
magaling si Lenneth, pero hindi pa rin lubos na masaya si Leon. Marami pa
siyang ibang iniisip at inaalala at gano‟n din ang ina ng bata, may isa pa siyang
anak na hanggang ngayon ay hindi pa nagkakamalay. Nagpaalam muna ang
binata sa ginang at nagsabing may kailangan lang siya na dalawin.
Sa araw din na iyon ay tumawag si Remz sa ina ni Leonardo matapos
nitong kausapin ang doktor hinggil sa mga susunod na proseso para kay
Lenneth. “Remz bakit ka umiiyak may masamang nangyari ba?” kinakabahang
usisa ng ginang.
“Tita nagkamalay na po si Leonardo,” pagbabalita ni Remz. Nagmadaling
bumalik ng ospital ang mas lalo pang natutuwa na ina at agad pinuntahan ang
panganay. Nagkamalay na nga ito ngunit pinaghintay muna sila sa labas ng silid
bago nila ito pwedeng makita. Pagkatapos ng pagsusuri ay ibinalita ng doktor na
wala gaanong naging masamang epekto ang pagkakabaril ni Leonardo. Naaalala
nito kung sino siya at nang tinanong kung naaalala niya ang nangyari sa kanya
ay positibo ang kanyang isinagot na salaysay. Ang mahirap lang para sa binata
ay ang pagkilos kaya kailangan niya ng maraming pagkainat mahabang pahinga
sa mga susunod na araw. Wala ng naaayon na paglalarawan sa pagkagalak ng
ina ni Lenneth at Leonardo. Masayang-masaya din si Remz para dito.
Naisipan ni Leon na bisitahin ang ina ni Lenneth sa silid ng panganay nito.
Sasamahan niya sana ito sa pagdarasal para sa isa pang anak ngunit naabutan
niyang kinakausap nito ang may malay ng si Leonardo. Naroon na rin si Remz at
lumuluha itong nakikiusap sa nanghihinang pasyente. Ang mga luhang iyon ay
luha dala ng kasiyahan. Hindi niya marinig mula sa labas kung ano ang kanilang
pinag-uusapan, sinisilip lang niya ang lahat mula sa animo‟y maliit na bintanang
salamin ng pintuan. Sadyang disenyo ng pinto para madaling masilip ang loob ng
bawat silid. Naalala ni Leon ang kanyang ina, hindi niya nakita ang ganitong
ekspresyon sa ina noon pero natutuwa siya para dito dahil hindi niya
napagdaanan ang masakit at malungkot na napagdaanan ng kanyang sariling
ina. Ayaw man niyang aminin pero mas ginusto rin niya na mabuhay si
Leonardo, kung nalagutan man ito, maaaring balang araw ay si Lenneth naman
ang magtatanim ng galit at magbabalak ng paghihiganti sa kanya. Ayaw niyang
mangyari iyon, ang buhay na gano‟n ay magdudulot lang ng pasakit sa mas
maraming tao. Hindi na siya nagtagal pa at nagtungo na lang sa isang restaurant
para bumili ng take out food.
Gabi na ng makauwi si Leon. Pagkarating niya ng bahay ay bukas ang
gate. Pagdating sa pinto ay iniikot niya ito na hindi na niya ginamitan ng susi.
Sigurado niyang si Kyla ang nasa loob dahil siya lang ang may susi sa bahay
maliban sa kanya. Nakaupo si Kyla sa sala, halatang may nakapalibot pa rin
itong benda sa balikat. “Nagtext ka man lang sana na narito ka sa bahay para
mas inagahan ko ang pag-uwi,” ani Leon.
“Ayos lang sanay naman akong maghintay,” tugon ni Kyla. Inalam ng
binata kung kumain na ito at nang umiling ito ay agad niyang sinabi na paghatian
na lang nila ang kanyang biniling take out. Nanatiling tahimik ang bisita at
pinagmasdan si Leon habang nililipat niya ang pagkain sa plato.
“Siya nga pala, naoperahan na si Lenneth at ayon sa doktor ligtas na
siya,” pagbabahagi ni Leon. Ikinatuwa ni Kyla ang nangyari pero nagtaka si Leon
kung bakit parang kulang sa inaasahan niyang reaksyon. “At nagkamalay na rin
pala si Leonardo,” dagdag na balita pa nito ngunit wala pa rin gaanong naging
reaksyon ang binabalitaan.
“Masaya ka ba Leon?” biglang tanong ng dalaga habang sila ay
kumakain. Napatitig si Leon sa nagtanong at tumango. “Ang laki ng ipinagbago
mo Leon, dahil kaya ito kay Lenneth?” panibagong katanungan pa nito.
“Siguro,” sagot ni Leon. “Kung nagpatuloy pa ako mas maraming
masasaktan at balang araw baka ako rin ang paghihigantian.” Hindi na
nagtanong pa ang dalaga at nagpatuloy na kumain. “Sigurado akong ganito rin
ang gusto ni Ate Sophia na mangyari,” hayag ni Leon matapos ubusin ang laman
ng kanyang plato.
Nakigamit muna ng banyo si Kyla at si Leon ay pumanhik saglit sa dating
silid ng yumaong ate. “Patawad ate, hindi ko kayang ibigay ang kahilingan niyang
makasama ka niya. Darating din ang tamang panahon para mangyari iyon,” ani
Leon at nagpaalam sa larawan ng ate. Bumalik siya ng sala at naisipang manood
muna ng programa sa telebisyon. Pagkabukas niya ay nakalagay ito sa video
mode, tiningnan niya ang DVD player at nakabukas ito. Pinindot niya ang play
button sa remote control ng DVD player at ang laman nito ay ang hindi pa niya
natatanggal mula noong isang araw na ibinigay sa kanya ni Jean. Narinig niya
ang bumukas at nagsarang pinto ng banyo at napalingon siya kay Kyla na
kalalabas mula dito. Nagkatitigan silang dalawa, parehong hindi maipaliwanag
ang hitsura. Mahabang katahimikan ang lumipas bago nakapagsalita si Leon.
“Kyla tungkol sa disc na ito…”
“Napanood ko kanina habang hinihintay ka,” anito. Muli sanang
magsasalita si Leon para magpaliwanag pero inunahan na siya ng dalaga.
“Huwag mo akong alalahanin Leon. Napakarami kong pinag-isipan buong araw.”
Nanatiling tahimik si Leon at hinintay ang mga susunod na sasabihin ng dalaga.
“Muli naging mabait ka sa akin. Naospital ako dinalaw mo ako at kinakausap
habang natutulog.” Inilihis ni Leon ang kanyang mga titig subalit patuloy na
nagsalita si Kyla na sa binata pa rin ang tingin. “Narinig kita Leon at muli akong
nabuhayan ng loob pero…” huminga ito ng malalim at huminto muna sa
pagsasalita ng ilang segundo. “Nitong nakaraang dalawang taon, lulubog lilitaw
ang pagpapakita mo ng kabaitan at konsiderasyon sa akin dahil sa kabila ng
lahat ng nangyari may pagtingin ka pa rin sa akin. Ngunit ang lahat ng iyon ay
mga akala lang pala, alam ko na ngayon kung bakit.” Nabanggit ng binata ang
kanyang pangalan ngunit napahinto ng makitang pumatak ang luha ni Kyla at
ang mga matang iyon ay sa kanya pa rin ang tingin. “Ang video na iyan ang
nagpapakita na ang lahat ay dahil sa awa. Nagiging mabait ka kung naaawa ka
sa akin. Napakahina ko kasi at hindi ko kayang tulungan ang aking sarili. Hindi
ko kayang magpatuloy ng mag-isa dahil napakahina ko.” At tuluyan ng humikbi
ang dalaga at inalis ang mga titig sa binata.
Si Leon ngayon ay nangangapa ng sasabihin. “Kyla hindi sa…”
“Sabi ko huwag mo akong alalahanin!” singit agad ni Kyla na parang ayaw
niyang magsalita si Leon. “Hindi ko kailangan ang mga pampalubag-loob na
salita.”
Walang maisip na sasabihin si Leon. Noong binibisita niya si Kyla habang
nagpapagaling ito sa ospital napakarami niyang gustong itanong sa dalaga
ngunit ni isa sa mga iyon ay wala siyang maalala ngayong narito na sa kanyang
harapan ang nasabing dalaga.
“Isang siyam na taong gulang na bata ang nakapagbago sa puso mo sa
loob lang ng ilang linggo. Bakit hindi ko nagawa iyon ng halos tatlong taon?”
pagpapatuloy ni Kyla. “Napakahina ko talaga!” pangmamaliit nito sa kanyang
sarili.
“Kyla bakit mo sinasabi ang....” napahinto si Leon dahil sa hindi pa niya
natatapos ang kanyang tinatanong ay tumakbo na palabas si Kyla. Binuksan nito
ang gate at nagpatuloy na tumakbo palayo hanggang nawala sa paningin ng
binata. Hindi na sumunod pa si Leon dahil hindi rin lang niya alam kung ano ang
dapat niyang sabihin. Napaupo ito sa hagdanan sa tapat ng pinto at nagmuni-
muni. Ilang minuto lang ang lumipas ay bigla na lang pumatak ang malakas na
ulan. Naisip niya si Kyla na maaaring naghihintay pa rin ng masasakyan. Agad
siyang kumuha ng payong at nagtungo sa hintayan ng sasakyan. Wala siyang
nakita sa hintayan ngunit nakarinig siya ng humihikbi kaya nagpatuloy pa rin siya
at malakas ang hinala niyang nasa likuran ng malaking pine tree si Kyla at siya
ang humihikbi na kanyang naririnig. Tama ang kanyang hinala si Kyla nga ay
nakatingkayad at nakasandal sa puno. Basang-basa na ito ng kanyang abutan
kaya agad niya itong pinayungan. Tumayo ang dalaga at pinilit nitong huminto sa
paghikbi. “Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin sa kabila ng lahat ng
nagawa ko,” ani Leon at humarap sa kanya si Kyla. “Dinalaw kita ng ilang beses
sa ospital dahil ayaw kong mawala ka. Dahil sa kabila ng lahat ng nangyari ay
mahalaga ka pa rin sa akin,” hayag nito. “Hindi iyon dahil sa awa.”
Paparating ang isang taxi subalit hindi ito pinara ni Kyla. “Isa siyang
napakamasugid na manliligaw mula pa noong bago kami magtapos ng high
school,” wika ni Kyla na ipinagtaka ni Leon kung sino ang binabanggit nito.
“Matalik kaming magkaibigan mula pa nang first year namin ngunit bigla na lang
siyang nagtapat ng pag-ibig niya sa akin ilang araw bago ang aming graduation.
Biglaan para sa akin ang nangyari kaya hindi ko siya sinagot hanggang sa
nakilala kita nang magkolehiyo ako dito at tuluyan ko na siyang hindi nabigyan
ng pagkakataon.” May ideya na si Leon kung sino ang binabanggit ni Kyla sa
kanyang kuwento kaya hinayaan niya itong matapos magsalita. “Maski ilang ulit
kong sinasabi sa kanya noon na mahal na mahal ko ang boyfriend ko ay hindi pa
rin siya sumusuko. Ngunit noong namatay si Ate Sophia, napakalaki ng
ipinagbago mo. Parang hindi mo na ako napapansin sa tabi mo. Naramdaman
kong nawawalan ako ng silbi para sa iyo dahil di ko man lang magawa na
mapangiti ka. Bawat araw na lumilipas palamig ka ng palamig sa akin at madalas
hindi mo na ako pinakikinggan habang nagsasalita. Hindi ko malaman ang dapat
kong gawin pero handa akong ibigay ang lahat sa iyo maalis ko lang ang
kalungkutan mo. Handa akong isuko ang lahat Leon dahil mahal na mahal kita,”
hayag nito at itinuwid ang mga titig kay Leon. “Pero wala pa rin akong silbi. Dahil
sa mga pakiramdam na iyon hindi tayo nagkaunawaan at nauwi iyon sa isang
pag-aaway. Kaya ako umuwi sa amin noong summer vacation nang taong iyon
dahil hindi ko matanggap na wala akong silbi sa iyo. Habang nasa amin ako
naroon ulit siya, nagpaparamdam at masugid pa rin na manligaw. Lagi niya
akong dinadalaw at kinakausap, tinatanong ng buong pag-aalala kung anong
mali, kung anong problema ko at kung ano pa. Ngunit sa panig mo, ni isang text
message ay wala akong natatanggap.” Huminto muna si Kyla sa pagsasalita at
pinawi ang naipong luha sa kanyang mga mata. Tahimik pa rin si Leon at gusto
niyang marinig ang lahat ng sasabihin ng dalaga. “Lagi kong hawak ang aking
cellphone noon at parang tanga na naghihintay ng message galing sa iyo ngunit
sa tuwing tutunog ito ay sa ibang tao nanggagaling at madalas ay sa kanya.
Nanghinaan na ako ng loob sa ating dalawa hanggang sa ibinahagi ko sa kanya
ang lahat ng nangyayari. Mula noon lahat ng atensyon niya ay nasa akin, parang
ako lang ang babae sa mundo, isang katangian na nagustuhan ko rin sa iyo.
Matagal ko na siyang kakilala kaya wala na akong kailangan pang pag-aralan o
malaman sa kanya kaya para tuluyan na kitang makalimutan ay nagdesisyon ako
na sasagutin ko na siya. Pero bigla na lang siyang umamin sa akin na ilang araw
na lang pala ay aalis na sila papuntang Canada dahil sa pagpepetition ng
kanilang ama para sa kanila. Ipinagpaliban ko muna ang aking sagot hanggang
sa muli siyang dumalaw sa bahay para magpaalam. Pinilit niya akong magbigay
ng sagot maski tanggihan ko man ang kanyang nararamdaman. At kung
tatanggapin ko man ay nangako siya na kakayanin niya ang long distance
relationship. Dahil kinagabihan ay aalis na sila patungong airport, kailangan kong
sabihin sa kanya ang kasagutan ko. Dahil sa napakabait niya sa akin at ramdam
na ramdam ko ang kanyang pagmamahal, sinagot ko siya noong araw na iyon sa
pag-asang matututunan ko rin siyang tuluyang mahalin. Napakasaya niya nang
marinig niya ang aking oo ngunit dahil sa kailangan pa niyang maghanda ay
agad din siyang nagpaalam na umuwi. Sa labas ng bahay ay hiniling niya ang
aming unang paghahalikan bilang magkasintahan. Hindi na ako tumanggi pa
pero sino ang mag-aakala na naroroon ka pala? Hindi ko alam kung ano ang
aking gagawin nang makita kita, sinubukan kitang habulin pero mabilis kang
nakalayo. Naiwan sa kinatatayuan mo ang isang maliit na regalo at doon ko
naalala na 3rd anniversary pala natin noong araw na iyon. Nagpaiwan akong
mag-isa at habang nasa silid ako ay iniisip ko kung gaano kasakit sa iyo ang
nangyari. Ang paghihirap noon ni Ate Sophia ay dahil sa pagtataksil ng kanyang
boyfriend tapos nakita mo ang sarili mong girlfriend na nakikipaghalikan sa ibang
lalake sa araw mismo ng inyong anniversary.” Muling lumakas ang paghikbi ng
nagkukuwento at pinunasan nito ang kanyang mga mata bago nagpatuloy. “Sa
paradahan ng bus patungong Manila, humingi ako ng kapatawaran sa kanya,
sinabi ko sa kanya na kalimutan na niya ako at maghanap ng mas karapat-dapat
na babae, hindi kagaya ko na makasarili. Bumalik agad ako ng Baguio para
magpaliwanag sa iyo. Ayaw mo akong makita pero naiintindihan ko kung bakit.
Hinintay ko ang araw na handa ka ng marinig ang panig ko pero lahat ng
ginagawa kong paraan ay walang ibinunga. Hindi mo ako kayang patawarin, may
mga bagay na naging mas mahalaga para sa iyo gaya ng paghihiganti at nanatili
akong walang silbi. Ito ang kabuuan ng lahat, ito ang gusto kong sabihin sa iyo
sa loob ng higit dalawang taon kung hindi mo sana ako paulit-ulit na
tinatanggihan.” Naging tahimik ang dalawa matapos ang mahaba at may
kabagalang pagkukuwento ni Kyla. Mas lumapit si Kyla at napakaseryoso ng
mga mata nitong tumitig sa mga mata ng binata. “Leon patawarin mo ako kung
nasaktan kita ng labis. Patawarin mo ako dahil iniwan kita kung kailan mo ako
pinakakailangan,” at hindi ulit nito nakayanang pigilin ang paghikbi. Paparating
ulit ang isa pang taxi at agad pinawi ni Kyla ang kanyang mga luha. Pinara niya
ang sasakyan at huminto ito sa kanilang tapat. Wala pa ring imik si Leon, hindi
siya makapag-isip ng sasabihin sa dalaga. “Goodbye Leon, alagaan mo ng
mabuti si Remz,” habilin nito bago umabante ang sasakyan.
Bumalik ng bahay si Leon at napakalalim na ng kanyang iniisip. Gaya ng
dati nakaupo lang ulit ito sa sala. Binalikan niya ang mahabang kuwento ni Kyla
kanina at pinag-isipang mabuti ang lahat. Malinaw pa rin sa kanyang isipan ang
araw na nakita niya si Kyla na nakikipaghalikan sa ibang lalake, ang mga araw
na sinusubukan ni Kyla na magpaliwanag ngunit hindi niya binibigyan ng
pagkakataon, ang araw na hinintay siya ni Kyla para ipagdiwang nila ang
kanyang graduation, ang araw na dapat sana ay kanilang 5 th anniversary at higit
sa lahat ang araw na itinapon niya ang kuwintas ni Kyla noon at ang nasa video
na ibinigay ni Jean. Pakiramdam niya ay siya ang nasa mali mula pa noon. Mas
lalong naging magulo ang lahat at hindi siya makapag-isip kung ano ang
nararapat gawin.
Kinabukasan tumawag si Remz at nagkasundo silang mananghalian.
Naitanong na rin ni Leon ang kalagayan ng magkapatid na Lenneth at Leonardo.
Kailangan pa ni Lenneth na manatili sa ospital ng ilang araw hanggang sa
tuluyan ng maging maayos ang lahat. Nakalabas na rin ng ospital si Leonardo
ngayong araw ngunit may nakaresetang gamot para sa kanya na kailangan
niyang inumin ng regular sa loob ng maraming araw. Matapos marinig ang
kalagayan ng dalawa ay nanatili silang tahimik at wala ng napag-usapan
hanggang sa natapos silang kumain. Nagkasundo na lang ulit ang mga ito na
bisitahin si Lenneth sa ospital. Naglakad silang pumunta subalit di man lang sila
naghawakan ng kamay, di rin sila gaanong nag-uusap, animo‟y magkakilala lang
sila.
“Hello Kuya Leon,” masiglang pagbati ni Lenneth. Tumingkayad si Leon at
nakipagyakapan sa bata. “Kuya ilang araw na lang daw at tuluyan na akong
gagaling sabi ng doktor,” tuwang-tuwa na pagbabalita nito.
“Gano‟n ba? Anong gusto mong gawin kapag tuluyan ka ng magaling?”
tanong ni Leon.
“Sasama po ako sa iyo sa paghahanap kay Ate Sophia. Gusto ko pong
ipaalam sa kanya na wala na akong sakit,” napakasayang pagpapahayag nito.
Nabigla si Leon sa narinig at biglang naging malungkot. Nagtaka si
Lenneth at tinanong siya kung bakit. “Lenneth, habang nasa ospital ka hinanap
ko ang Ate Sophia mo,” ani Leon.
“Talaga po? Nahanap niyo po ba siya? Kailan niya po ako dadalawin?”
tanong agad ni Lenneth at kitang-kita ang pananabik sa kanyang mukha.
Inilapat ni Leon ang kanyang kamay sa ulo nito at hinaplos-haplos ang
kanyang buhok. “Lenneth patawad pero hindi na natin siya makikita pa.” Naging
malungkot ang ekspresyon ni Lenneth at tinanong ang binata kung bakit. “Dahil
wala na siya dito?” sagot ni Leon.
“Saan po siya pumunta? Malayo po ba at kailangang mag-eroplano para
marating?” malungkot na pagtatanong nito.
“Oo Lenneth,” sagot ni Leon. Tinanong ng bata kung babalik pa ba ang
kanyang ate ngunit negatibo na rin ang isinagot ni Leon. Mas mabuti na ang
ganito para hindi masyadong umasa si Lenneth at hindi na rin siya masaktan sa
totoong nangyari. “Pero saan man naroroon ang Ate Sophia mo ngayon tiyak
masayang-masaya siya para sa iyo,” nakangiting hayag ni Leon.
“Sayang naman akala ko magkikita na ulit kami,” nakangisbing wika ni
Lenneth habang nakatitig sa larawan ni Sophia. Niyakap ni Leon ang bata at mas
hinigpitan pa ito ng yumakap din ito sa kanya pabalik. “Kuya umiiyak ka po ba?”
tanong nito nang maramdamang medyo nanginginig si Leon.
“Salamat Lenneth, salamat at ligtas ka na.” Narinig nila ang nurse na
tumatawag kay Lenneth at kailangan na nila itong papasukin sa loob para sa
isang pagsusuri. Nagpaalam ito sa kanila at sumama sa nurse papasok ng
ospital.
Nanatili si Remz at Leon sa labas at muling nagkausap. “Hanggang
ngayon kailangan ko pa ring magsinungaling,” natatawang ani Leon.
“May dahilan naman eh,” tugon ni Remz.
“Madalas kang umiiyak nitong mga araw? May malaking problema ba?”
usisa ni Leon dahil napuna niya kanina pa ang mga eyebugs ni Remz ngunit
ngayon lang niya nabanggit. Pareho silang natutuwa sa mga nangyari at ngayon
ay mas naluluwagan na ang kanilang pakiramdam. “Remz siguro kailangan mo
munang magpahinga at pagkagising mo siguraduhin mong hindi ka na iiyak ulit.”
Sumang-ayon si Remz sa mungkahi ng binata at nagpahatid ito pauwi.
Nilibot-libot muna ni Leon ang Baguio bago siya umuwi ng bahay
pagpatak ng alas-nuwebe. Doon ay naabutan niya ang isang binata na
naghihintay sa harap ng kanilang gate, ito‟y si Leonardo. May malaki pa rin na
bandage ang nakatali sa ulo nito. “Hindi dito ang ospital,” ani Leon na para bang
wala talagang magandang sasabihin kailanman sa binata.
“Ikaw hindi ba?” tanong nito. “Ang sponsor ni Lenneth,” dugtong nito nang
hindi sumagot si Leon. Nanatiling tahimik si Leon at pinatay ang makina ng
kanyang motorsiklo. “Nalaman ko ang lahat mula kay mama tungkol sa ginawa
mo para kay Lenneth habang natutulog ako. Sa totoo lang halos di siya
makapaniwala nang ipaalam ko sa kanya na kapatid mo si Sophia,” pagbabahagi
nito. Ipinatayo ni Leon ang motorsiklo at bumaba para buksan ang tarangkahan.
“Narito ako para ipaabot ng personal ang mensahe namin ng aking ina.
Maraming salamat sa ginawa mo Leon.”
Liningon ni Leon si Leonardo at sinabing kung meron silang dapat
pasalamatan ay hindi siya kundi ang kanyang Ate Sophia. Itinulak niya ang gate
at bumalik sa ibabaw ng kanyang motorsiklo at pinaandar ito para ipasok. Nang
matapat kay Leonardo ay inihinto niya ito dahil tila mayroon pa itong sasabihin sa
kanya.
“May isang pabor pa sana akong hihilingin,” ani Leonardo. Tinanong ni
Leon kung ano ito at ito ang sagot ng binata, “Alagaan mo sana lagi si Remz,
sana lagi siyang maging masaya.”
Tuluyang ipinasok ni Leon ang kanyang sasakyan sa loob. Habang
iniaayos ito ay nagsimula nang umalis si Leonardo dahil naramdaman nito na
ayaw siyang kausapin ni Leon. Isasara na sana ni Leon ang gate nang bigla
siyang may naitanong sa papaalis na binata. “Bakit ka nangaliwa sa ate ko?”
Napahinto sa paglalakad si Leonardo at napaharap sa nagtanong.
“Mahaba at kumplikadong kuwento,” tugon nito.
“Marami akong oras para makinig sa isang mahaba at kumplikadong
kuwento,” sumbat ni Leon.
Nanatili si Leonardo sa kanyang kinaroroonan at si Leon ang lumapit ng
kaunti para sila ay mas magkadinigan. “Ang lahat ay dahil sa aking pride,”
panimula nito. Nag-isip muna ito ng ilang saglit bago nagpatuloy sa kanyang
kuwento.
Mula nang ipanganak si Lenneth ay nagbago ang kapalaran ng pamilya ni
Leonardo. Dahil sa lumala ang sakit nito habang lumalaki ay napatigil ng pag-
aaral si Leonardo. Umuwi ito sa kanila at naging malayuan ang kanilang relasyon
ni Sophia. Mahirap ang kanilang pamilya kaya si Sophia ang nagsasakripisyo na
bumisita sa kanilang bayan, isa o dalawang beses sa isang buwan. Naging
maayos ang lahat maliban sa kanyang pagtigil sa kolehiyo hanggang sa isang
araw na inilusob sa ospital ang kanilang ama. Dahil sa sobrang pagtratrabaho
para may panustos sa pamilya lalung-lalo na kay Lenneth ay hindi ito kinaya ng
kanyang katawan. Bawat araw ay lumalala ang karamdaman ng nunsong kapatid
kaya naging napakalaki ng problema ng kanilang pamilya. Sinubukan ni
Leonardo na maghanap ng mapapasukan ngunit sadyang mahirap makahanap
ng trabaho sa kanilang lugar. Noong mga araw na iyon mas napadalas din ang
pagdalaw ni Sophia. Minsan siya na rin ang nagpapahiram ng pera sa nanay nila
para may magamit. Di naglaon nalaman ng binata na hindi alam ng pamilya ni
Sophia ang kanyang pagtulong sa kanila at minsan ay humihingi ito ng pera sa
kanyang ama at ang sinasabing dahilan ay para sa kanilang proyekto sa
pamantasan. Naramdaman niya sa kanyang sarili na isa siyang inutil bilang
panganay na anak, hindi man lang niya matulungan ang kanyang pamilya at
kailangan pa ni Sophia na mangupit ng pera sa kanyang ama. Sa tuwing uuwi
siya na kakaunti ang kita mula sa mga simpleng diskarte at wala pa ring
matuluyang permanenteng trabaho, mas lalo siyang nanliliit sa sarili. Wala
siyang nagagawa para sa kanyang pamilya at si Sophia na hindi nila kadugo ang
laging nagliligtas sa kanila. Tila hindi na niya makita si Sophia bilang kanyang
kasintahan, animo‟y sugo na ito ng kalangitan para sila ay iligtas. Dahil sa
patuloy niyang nararamdaman na nawawalan na siya ng silbi ay nagkaroon ng
isang malaking hindi pagkakaunawaan ang dalawa. Kinausap niya si Sophia na
itigil ang paghingi ng pera sa kanyang mga magulang para lang sa kanila.
Nagawa niya iyon dahil sa nahihiya na siya sa mga magulang ni ng nobya na
hindi alam ang sitwasyon at ang mas nakakahigit na dahilan ay hindi na kaya ng
kanyang pride ang nangyayaring sitwasyon. Nakahanap din siya sa wakas ng
trabaho at pinakiusapan na lang si Sophia na ituon ang lahat ng atensyon sa
pag-aaral para mas mapadali ang kanyang pagtatapos. Ngunit noong nagtapos
ito ay mas lalong nagbago ang lahat para sa binata. Tapos na ng kolehiyo ang
kanyang kasintahan at nagtapos pa ito bilang cum laude. Ilang buwan na rin
silang hindi nagkikita ngunit hindi man lang niya ito dinalaw sa Baguio sa araw
ng graduation. Matalino, mayaman, maganda at maraming naghahabol na
lalake, mabait, matulungin at iba pang magagandang katangihan, ang lahat ng
ito taglay ni Sophia. Samantalang siya ay wala pa ring natatapos, mahirap,
mataas ang pride, di makatulong sa pamilya at iba pang di akma sa pagkatao ng
kasintahan. Dahil sa masyadong pag-iisip sa mga ganitong bagay-bagay mas
nanaig ang panliliit sa sarili hanggang sa naisipan niyang hindi siya karapat-
dapat para kay Sophia. Nagsimula na rin siyang tumingin sa ibang babae, mga
babae na hindi kasin‟-hirap abutin ng kasalukuyang nobya. Hanggang sa isang
araw, may nakakita sa kanya na may kasamang iba at naibalita agad sa hindi pa
niya hinihiwalayan at iniiwasang kasintahan. At noong araw na siya ay dinalaw
ay ang araw pa na nag-uwi siya ng babae dahil lang sa kalibugan. Noong araw
na nahuli siya ni Sophia, naging malinaw na ang lahat para sa kanya. Hindi na
niya hahabulin pa ito, pakakawalan na niya ang dalaga dahil wala siyang
nagagawang tama para dito. Hindi siya karapat-dapat kaya napakasakit man
para sa kanya ay buong tapang niyang pinakawalan ang pinakamamahal niyang
babae. May iba pang mga lalake na mas karapat-dapat para kay Sophia, ito ang
kanyang huling sinabi sa dalaga sa pamamagitan ng text message. Ngunit
sadyang malupit ang tadhana, sinong mag-aakalang mawawala ng tuluyan dito
sa mundo si Sophia? At naging mas masaklap ang lahat dahil ilang araw lang
ang lumipas ay sumunod na pumanaw ang kanilang ama.
Ito ang kanyang mahaba at kumplikadong kuwento. “Patawarin mo ako
Leon, pride ko pa ang pinairal ko at naging napakahina kong lalake,” anito ng
may kabagalan. “Siguro wala pa rin ako masyadong ipinagbago sa kabila ng
lahat, kaya Leon nakikiusap ulit ako, alagaan mo ng mabuti si Remz,” sabay
yuko nito sa kanya.
Pansin ni Leon na tumutulo na ang luha nito. Hindi na siya nagtanong ng
iba pa at sapat na para sa kanya ang kuwentong narinig. “Tama na, kailangan
mo ng umuwi. Baka nag-aalala na ang iyong ina.” Bumalik si Leon at isinara ang
gate at dire-diretso sa loob ng bahay nang hindi man lang nagpapaalam ng
maayos kay Leonardo. Umupo lang ulit siya sa sala at gaya ng dati napakalalim
na naman ng iniisip. Makalipas ang ilang minuto ay pumasok siya sa silid ng
kanyang ate at doon muling kaharap ang malaking larawan nito. Sa mga
sumunod na araw hindi ulit lumabas ng bahay si Leon. Nanatili siya sa kanyang
silid at di man lang sinasagot ang mga tawag o text message. Binabalik-balikan
niya ang mga nakalipas lalung-lalo na ang mga naikuwento sa kanya nina Kyla
at Leonardo.
Kinabukasan, naisipan ni Leon na dalawin si Lenneth sa ospital ngunit
hindi siya nagpakita dito nang makita niya si Remz at Leonardo na siyang
kasama ng bata. Para hindi siya mapansin ay iniwan na lang niya ang lugar.
“Hanggang sa huli wala pa rin akong nagawa,” wika ni Leonardo
pagkapasok ni Lenneth sa ospital kasama ng nurse. “Pagkagising ko ligtas na si
Lenneth, at wala man lang ako masyadong ginawa para sa kanya,” dagdag pa
nito habang tinitingala ang kalangitan. Nanatiling tahimik si Remz at tinabihan
lang siya sa kanyang inuupuhang bangko at tiningala rin ang kalangitan. “Sa
totoo lang ilang beses ko ng naisipang sumuko at noong araw ng kaarawan ko
sukung-suko na ako dahil wala ng matitira para sa akin.” Sinilayan niya si Remz
ngunit nang mapansing nakatitig ito sa kanya ay muli siyung tumingala sa
kalangitan at nagpatuloy sa pagsasalita. “Anumang pagpapakasakit gawin ko ay
hindi ko pa rin magagawang iligtas si Lenneth. Mabuti na lang at may mga taong
maraming pera na handang tumulong sa mga katulad naming mahihirap.”
Huminga ng malalim si Leonardo at idiniretso ang tingin, “Hanggang ngayon
hindi ko pa rin nakitahan ng silbi ang sarili ko para sa aking pamilya.” Ibinaling
nito ang kanyang tingin kay Remz at pinilit ngumiti.
“Baka naman inaakala mo lang na wala kang nagagawa para sa kanila?”
ani Remz. “Siguro naman meron ding mga araw na kinailangan mo pang
umutang o ipadala ang lahat ng pera mo para sa kanilang pangangailangan. O di
kaya‟y magtrabaho ng umaga at gabi para lang kumita ng mas malaki para mas
marami kang maipadala.”
Mas napatitig sa kanya ang binata at saka sumagot, “Iyon na nga eh,
ginawa ko halos lahat ng aking makakaya pero hindi pa rin ako ang talagang
nagligtas sa kanya.”
Medyo mahirap salungatin ang binitiwang pahayag ni Leonardo. Ramdam
ni Remz ang pangmamaliit nito sa kanyang sarili. “Marami ka ring nagawang
mabuti para sa iyong pamilya. Maaaring hindi mo pera ang nakapagligtas kay
Lenneth pero ang pagmamalasakit at pagmamahal mo sa kanya ang nagbigay
sa kanya ng pag-asang mabuhay. Isipin mo na lang kung wala ka ano na lang
ang nangyari sa kanya bago pa siya nagkaroon ng sponsor sa operasyon?”
Tumitig din siya sa binata na seryosong nakikinig sa kanya at nang
magkahulihan ang kanilang mga mata ay kanya itong nginitihan. “Huwag mo
masyadong maliitin ang sarili mo Leonardo,” payo pa nito.
Inilihis ni Leonardo ang kanyang mukha at medyo tumalikod sa dalaga
saka tumango-tango. Naluluha ang kanyang mga mata, ang pagkawalang silbi
na nararamdaman niya ng ilang taon ay parang biglaan na lang naglaho.
Nalinawan siya sa mga pahayag ni Remz at hindi niya maipaliwanag ang
kanyang nararamdaman. Hinawakan ni Remz ang kanyang kamay at
nagpasalamat ito sa pagkakaligtas sa kanya at humingi na rin ng kapatawaran
dahil sa siya ang nabaril. Napakainit ng kamay ni Remz na nakahawak sa kanya,
mabilis din na pumintig ang kanyang puso, hindi na niya nagawang pigilan ang
sarili at hinarap niya ito at mahigpit na niyakap. Nabigla ang dalaga sa kanyang
ginawa ngunit hindi na siya nito pinabitaw dahil sa naramdaman agad nito ang
kanyang pangingig at paghikbi. “Patawad Remz at maraming salamat,” hayag pa
nito habang nakayakap sa dalaga.
Hinayaan ni Remz ang binata at tinitigan lang niya ito. Niyakap rin niya
ang naluluhang binata at nabigla ito sa kanyang ginawa. Nagkatitigan ang
dalawa ng ilang segundo at unti-unting inilalalpit ni Leonardo ang kanyang bibig
sa bibig ng dalaga. Nang malapit na itong magdikit ay bigla na lang inilayo ni
Remz ang kanyang ulo at itinulak kaunti si Leonardo.
“Pasensya ka na, nadala lang ako ng emosyon ko,” pagpapaumanhin ni
Leonardo. Umiling si Remz at sinabing walang anuman ang nangyari. “Siya nga
pala, si Leon ang sponsor ni Lenneth baka hindi mo pa alam,” pag-amin nito sa
dalaga. Nabigla si Remz sa nalaman at kinumpirma ito kung sigurado si
Leonardo sa kanyang sinabi ngunit parehong sagot ang kanyang natanggap.
“Hindi ko sana sasabihin sa iyo pero malinaw na sa akin ang lahat. May mga
bagay tayong kailangang tanggapin.”
Nagpaalam ang binata at naiwang mag-isa si Remz. Iniisip nito kung bakit
walang sinasabi si Leon tungkol sa kanyang pagsponsor sa operasyon ni
Lenneth. Pagsapit ng hapon ay tinawagan ni Leon si Remz para imbitahin ng
hapunan. Nagkita sila sa napagkasunduang oras at dumiretso agad sila sa isang
restaurant.
“Bakit di mo sinasagot mga tawag at text ko?” usisa ni Remz.
“Pasensya ka na, di kasi maganda pakiramdam ko kaya nilagay ko sa
silent mode ang cellphone ko,” pagdadahilan ni Leon.
Mababaw ang dahilan na iyon dahil kung talagang gugustuhin mo ay
magagawa mo pa ring sagutin ang isa o dalawang tawag o text message. Ngunit
pinalagpas na ito ni Remz kesa pag-awayan pa nila. “Kung may sakit ka tawagan
mo ako para naman may mag-alaga sa iyo,” ani Remz.
“Pasensya ka na, ayaw lang kitang gambalahin,” muling pagdadahilan ng
binata. Matapos maghapunan ay nanatiling tahimik si Leon at tila malalim ang
kanyang iniisip. Dati-rati, magpapalipas lang sila ng ilang minuto pagkatapos
kumain at agad na silang aalis ngunit ngayon ay nanatili pa rin itong nakaupo
kaya hinintay lang siya ni Remz. Tinanong siya ng dalaga kung ano ang
problema nito at sa wakas sinabi rin niya kung ano ang nasa kanyang isipan.
“Wala kang sinasabi tungkol sa mga nagawa ko,” ani Leon na hindi maunawaan
ng kausap. “Alam kong alam mo na halos lahat ng mga pinaggagawa ko pero
bakit nananatili kang tahimik?”
Nagkatitigan ang dalawa at pansin nila na pareho silang nangingig,
kinakabahan sa patutunguhan ng usapan. “Hindi ako sigurado kung bakit.
Pakiramdam ko kasi kung kakausapin kita tungkol sa napag-alaman ko ay
masisira ang lahat sa pagitan natin,” nanginginig pa rin na tugon ni Remz.
“Pero masama akong tao. Pinapahalagahan mo pa rin ba ang lahat sa
pagitan mo at ng isang masamang tao?” tanong ni Leon.
“Ganyan man ang pananaw mo para sa sarili mo pero para sa akin may
mabuting panig pa rin ang iyong pagkatao,” sumbat ni Remz. “Alam mo kung
kailan ka titigil at nararamdaman mo ang paghihirap ng iba. Nalaman ko kanina
mula kay Leonardo na ikaw ang nagsulong ng sponsorship sa operasyon ni
Lenneth. Kaya Leon para sa akin hindi ka masamang tao, nakagawa ka ng mali
pero hindi ka masama at higit sa lahat nagawa mo ang tama sa huli,” hayag ni
Remz at seryoso ang mga titig nito kay Leon.
Nanatiling tahimik si Leon at nakipagtitigan sa dalaga. Hinawakan ni
Remz ang kanyang kamay at pinayuan na huwag niya masyadong masamain
ang sarili sa mga nangyari dahil ang mahalaga ay nakatulong din siya sa
bandang huli. Ipinaalam din ni Remz na malaki ang pasasalamat ng ina ni
Lenneth sa kanya sayang nga lang at hindi ang mismong ginang ang
nakapagsabi nito. “Leon ginawa ko ang sinabi mo at pinag-isipan ko ang lahat.
Para sa iyo, ano tayo?” tanong ni Remz.
“Remz sa tingin mo ba ay niloloko lang natin ang ating mga sarili dahil
may pilit tayong tinatakasan na pangyayari?” tanong pabalik ni Leon na ikinabigla
ng dalaga. Gano‟n na lang ang pagkabigla ni Remz matapos marinig ang tanong
ni Leon dahil sa totoo lang ay ito rin ang ilang beses niyang naisip at naitanong
sa kanyang sarili noon pa. “Siguro kailangan pa natin ng mas mahabang
panahon,” wika ni Leon nang hindi makasagot ang dalaga.
Samantala sa loob ng kanilang inuupahang silid ay nagmumuni-muni si
Leonardo sa nakaraan. Pabalik-balik sa kanyang isipan ang mga pahayag ni
Remz kanina. Naalala rin niya ang gabi na kumakain siya ng hindi lutong noodles
sa loob ng isang abandonadong bahay. Ang pag-apply niya bilang boy sa bar
bilang pangalawang trabaho kasama na rito ang kanyang pagkakaholdap at
pagprotekta sa pera maski halos patayin na siya ng mga kalalakihan. Tama si
Remz siya lang ang nag-iisip na wala siya gaanong nagawa para sa kanyang
pamilya ngunit ngayon ay nagiging malinaw na rin sa kanya ang lahat. Habang
naaalala ang lahat ng ito ay napapangiti siya sa kanyang sarili.
Ilang araw pa ang lumipas at nagpasya si Leonardo na uuwi na siya
bukas sa kanilang bayan. Maiiwan muna ang kanilang ina at hihintayin ang araw
na maaari ng lumabas ng ospital si Lenneth. Ipinaalam na ito ni Leonardo kay
Remz at sinabing kaya siya uuwi ay para ituloy ang kanyang pag-aaral. Kinuha
na rin niya ang mga kakailanganin niyang credentials sa dating pamantasan na
kanyang pinapasukan noon dito sa Baguio. “Remz sana mag-iingat ka lagi at
sana lagi ka rin maging masaya,” anito kay Remz na kasama niya ngayon sa
ospital. Pilit niyang pinigilan ang pagpapakita ng anumang emosyon, pinilit
niyang ngumiti para ipakita na tanggap na niya ang lahat sa pagitan nilang
dalawa.
Biglang nakaramdam ng kakaiba si Remz. Ayaw man niyang aminin pero
nitong nakaraang mga araw ay nababaliw na siya sa litong-lito niyang damdamin
para kay Leon at kay Leonardo. Ngunit dahil sa pahayag ni Leonardo ay naisip
niyang maaaring nagpaparaya na ito para sa kanila ni Leon. Naisip na lang niya
na ganito siguro magtrabaho ang kapalaran. Pagkauwi ng bahay ay mas pinag-
isipan pa ni Remz ang kanyang sitwasyon. Pakiramdam niya ay naiipit siya sa
dalawang binata. Inabot niya ang cellphone sa kanyang mesa sa silid at nang
hatakin niya ito ay may nalaglag na gamit sa sahig, ang kalahating pusong
kwintas at isang sim card. Siya mismo ay nagtaka kung bakit hanggang ngayon
ay hindi niya itinapon ang dati niyang simcard. Para sa kanya, maaaring malaki
ang kahulugan ng hindi niya pagtapon dito. Bigla na lang tila may bumalik na
damdamin para kay Leonardo at hindi niya ito maipagkakaila sa kanyang sarili.
Nagsimula siyang makaramdam ng pagkalito mula noong araw na iniligtas siya
ni Leonardo. Dahil sa pagkakaalala niya dito, naisip niyang maaaring ang
nararamdaman niya ngayon para kay Leonardo ay hindi gaya ng nararamdaman
niya para kay Leon. Maaaring malaki lang ang pasasalamat niya kay Leonardo
dahil sa pagligtas nito sa kanyang buhay. Dala marahil sa matinding utang na
loob ang kanyang nararamdaman para sa nasabing binata. Buong gabi ay pilit
niyang kinumbinsi ang sarili na ganito nga ang kanyang sitwasyon.
Kinabukasan ay muling magkasama si Remz at Leonardo sa terminal ng
bus patungong Nueva Viscaya. “Maraming salamat ulit sa pagliligtas mo sa akin
Leonardo, hinding-hindi ko iyon makakalimutan,” pagpapaalam ni Remz. Niyakap
siya ng binata at hindi niya ulit ito natanggihan. Hindi gaya noon na hahawakan
lang nito ang kanyang kamay ay panay na ang kanyang pagkainis.
“Paalam Remz, mag-iingat ka lagi,” ani Leonardo at pumasok sa malapit
ng umalis na bus. Umupo siya sa kanyang upuan at dinungaw sa bintana ang
papalayong dalaga. Habang minamasdan si Remz na naglalakad palayo ay
naisip niyang maaaring hindi na ulit sila magkikita pa. Nang pumasok ito sa
kanyang isipan ay bigla na lang siya napatayo at mabilis na lumabas ng bus at
tumakbo papunta sa dalaga. Sa kahuli-hulihang pagkakataon gusto nitong
sabihin kung ano talaga ang kanyang nararamdaman. Hindi na niya inisip pa
kung ano ang matatanggap niyang kasagutan mula kay Remz. Hinawakan niya
ang kamay ng dalaga sabay tawag sa pangalan nito.
Napalingon ang dalaga sa humawak ng kanyang kamay at may ideya na
siya na ito ay si Leonardo. “Leonardo bakit?” usisa nito sa lalaking tila hirap na
hirap huminga.
“Remz…” diretso ang mga titig nito sa dalaga at hirap sa mga susunod na
sasabihin. “Remz… mahal pa rin kita,” nasabi rin nito sa wakas.
Nabigla si Remz sa pagtatapat ni Leonardo at hindi niya alam kung ano
ang dapat niyang sabihin. Inilihis niya ang kanyang mga mata at nanatiling
nakayuko habang si Leonardo ay mahigpit pa rin na nakahawak sa kanyang
kamay at hinihintay ang kanyang isasagot. Narinig nila ang busina ng bus sabay
silang napalingon dito. “Patawad Leonardo, nakahanap ako ng iba,” tugon ni
Remz.
Pinakawalan ni Leonardo ang kanyang kamay at kitang-kita sa mukha nito
ang muling pagkabigo. “Paalam Remz,” wika nito at agad tumalikod at tumakbo
pabalik ng paalis na bus.
Mabilis na nilisan ni Remz ang lugar at pinara ang unang taxi na nakita
para umuwi. Pagkapasok niya ng kanyang silid ay bigla na lang siyang napaluha
at naninikip ang kanyang dibdib. “Bakit ako umiiyak?” tanong nito sa sarili.
Sa araw din na pag-alis ni Leonardo ay binisita ni Kyla si Leon. “Naparito
lang ako para magpasalamat sa iyo,” ani Kyla. Nagtaka si Leon kung anong
pagpapasalamat ang ibig nitong sabihin subalit hindi na niya ito tinanong pa.
“Ang totoo niyan gusto ko lang magpaalam sa iyo ng mas maaga.”
“Magpaalam? May pupuntahan ka ba?” tanong ni Leon.
Tumango ang dalaga at nagpaliwanag. “Lilipad ako patungong England,
pumayag ako sa alok ng aking tita na matagal ng naninirahan doon.” Nabigla si
Leon sa biglaang pagbabalita ni Kyla at inalam kung kailan ang alis nito. “Apat na
araw mula ngayon,” sagot ng dalaga. “Sa totoo lang kung hindi ako naaksidente
dapat nakaalis na ako noong isang linggo,” dagdag pa nito. Nanatiling tahimik si
Leon at muling hindi alam kung ano ang sasabihin sa dalaga. “Ayaw ko sanang
sabihin sa iyo ang tungkol dito. Aalis sana ako na hindi nagpapaalam pero wala
naman ng dahilan para gawin ko iyon.”
Tumunog ang ringtone ng cellphone ni Leon at napatigil sa pagsasalita si
Kyla. Inilabas ng binata ang kanyang cellphone at ng mabasa na si Remz ang
tumatawag ini-silent niya ang ringtone nito. “Bakit biglaan na lang yata ang pag-
alis mo?” tanong niya sa dalaga at tuluyan ng hindi ininda ang tumatawag.
“Noong una gusto ko lang umalis dahil hindi ko makayanan na nakikita
kang palayo ng palayo sa akin,” pag-amin nito. “Dahil sa hindi ko magawang
magkabalikan tayo ay naisipan ko na lang na tumakbo palayo kaysa
maipamukha sa akin ang aking pagkatalo. Pero ngayon aalis ako dahil gusto
kong gawing mas madali para sa atin nila Remz.” Ngumiti ito kay Leon at sinabi
ang huling sasabihin, “Alagaan mo sana ng mabuti si Remz.”
Hindi makasagot si Leon at nanatiling walang kaimik-imik ng ilang
segundo. Nang makaisip ng itatanong ay muling tumunog ang kanyang
cellphone, tumatawag ulit si Remz.
“Bakit hindi mo sagutin baka importante ang tawag na iyan,” mungkahi ni
Kyla.
Tinanggap ni Leon ang tawag mula kay Remz at sila‟y nagkausap.
Habang nagkakamustahan ang mga ito ay pasimple na ring nagpaalam si Kyla.
Yumuko at kumaway-kaway ito kay Leon saka unti-unting naglalakad paatras
palabas ng pintuan. Habang papalayo si Kyla ay oo at hindi lang ang mga
isinasagot ni Leon sa kausap at sa papalayong dalaga lang ang titig. Alam niya
ang kanyang nararamdaman, hati ito sa pagitan nila Remz at Kyla. Mula nang
maaksidente si Kyla ay biglang nagbago ang lahat. Nang makita ni Leon ang
walang malay na dalaga sa ospital ay matinding takot ang kanyang
naramdaman. Natanto niya na hindi niya matatanggap kung mawawala na lang
si Kyla nang gano‟n. Sa katotohanan, ito ang mga katagang nasa kanyang isipan
nang mga araw na iyon, “Kyla may hindi pa ako napapakinggan mula sa iyo,
hindi na ako tatakbo pa, makikinig ako sa lahat ng sasabihin mo kaya pakiusap
gumising ka na.” Ito rin ang lagi niyang ibinubulong kay Kyla noong hindi pa ito
nagkakamalay. Noong araw na ikinuwento ni Kyla ang tungkol sa nangyari
noong araw ng kanilang 3rd anniversary, natanggap na rin ni Leon na malaki rin
ang kanyang naging kasalanan. At mas higit siyang nagkamali dahil hindi niya
binigyan ng pagkakataon si Kyla na magpaliwanag. Ngayon alam na niya kung
bakit niya ipinagkait ang pagkakataong iyon. Tama si Jean noon, takot din siyang
malaman na may malaki rin siyang pagkakamali kaya lagi niyang iniiwasan ang
pagpapaliwanag ni Kyla. Sumunod na naisip niya si Remz, sino at ano ba talaga
si Remz para sa kanya? Lahat-lahat ay nagiging kumplikado at kung bakit nauwi
ang lahat sa ganito ay sarili rin niyang kagagawan. Sa ngayon ay siya rin ang
mas nahihirapan.
Bago matulog si Leon ay nasilayan niya ang palakang stuffed toy na binili
niya sa Manila para kay Kyla. Ilang araw na rin itong nakalagay sa kanyang silid
at ngayon lang niya ulit napansin. Nagdadalawang-isip siya kung ibibigay pa niya
ito sa dalaga o hahayaan na lang na manatiling dekorasyon sa kanyang silid.
Kinalimutan na lang niya ang tungkol dito at nahiga at hirap na hirap na kinuha
ang tulog. Pagkagising ng umaga ay matinding pag-iisip ang tangi niyang ginawa
buong araw. Hindi ulit ito lumabas ng bahay gaya ng dati. Kinagabihan bago
matulog ay hawak-hawak niya ang stuffed toy at nakapagpasya na mas
nababagay ito sa kamay ng iba.
Kinabukasan binisita ni Leon si Kyla. Nasurpresa ito sa biglang pagdalaw
ng binata at mas nabigla pa ito nang iabot ni Leon ang palakang stuffed toy.
“Wow ang cute naman! Para sa akin ba talaga ito?” tuwang-tuwa na
pangtanggap ni Kyla sa regalo maski hindi pa sinasagot ni Leon ang kanyang
katanungan. “Sa akin ba talaga ito?” muling pagtatanong nito at tumango ang
binata. Hinalikan nito ang bibig ng nakangiting palaka at kitang-kita sa kanyang
mukha ang kasiyahan sa natanggap mula kay Leon. “Ito ba ang iyong send off
present sa akin?”
Napangiti lang ang binata at tinanong kung naihanda na ni Kyla ang lahat
ng kanyang kakailanganin. Inamin nito na hindi pa niya nailigpit ang lahat pero
sigurado siyang matatapos niya ito bukas. “Gaano katagal ang balak mong
pananatili doon?” usisa ni Leon.
“Hindi ko sigurado, pero mag-aapply ako ng citizenship at permanent
residency doon para balang araw makuha ko rin ang aking pamilya at doon na
kami manirahan,” sagot ni Kyla. Napayuko si Leon at nanatiling ang sahig ang
tinititigan. Pinagmasdan ni Kyla ang binata at nang iniangat nito ang kanyang ulo
saka siya muling nagsalita, “Baka hindi na ulit tayo magkita pa kuya.”
Nabigla si Leon sa pagkakarinig ng salitang kuya mula kay Kyla. Nakangiti
rin ito sa kanya kaya labis ang kanyang pagtataka kung bakit gano‟n ang nasabi
ng dalaga. Tila nagpaparamdam na si Kyla na ito na ang huli nilang pagkikita at
hindi na muling magkrukrus ang kanilang landas. Nawalan ng ganang magsalita
si Leon at nagpasyang magpaalam na lang.
“Okay Leon, salamat kay Froggy,” masayang pagpapasalamat nito.
Naglibot-libot ulit si Leon sakay ng kanyang motorsiklo. Hanggang ngayon
ay naguguluhan pa rin siya kung ano ba talaga ang gusto niyang gawin. Sumapit
ang gabi at pinuntahan niya ang kanyang pinakamatalik na kaibigan para
anyayahing kumain ng hapunan. Hindi ito tumanggi at pagkatapos kumain ay sa
bar ulit ang kanilang tuloy. “Jean alam mo na ba ang tungkol kay Kyla?” tanong
nito sa kanyang kaibigan na kasalukuyang naeengganyo sa kumakantang
dalaga sa entablado.
“Oo binisita niya ako kahapon at sinabi niya na aalis na raw siya
patungong England,” tugon ni Jean. Tumango-tango si Leon at nang mapansin ni
Jean na parang pinoproblema ni Leon ang tungkol dito ay agad niya itong
tinanong. “May problema ba?” at hinintay nito na sumagot ang kaibigan ngunit
patuloy lang ito sa pag-inom ng beer na may kaunting kabilisan. “Kung ayaw mo
siyang umalis bakit hindi mo subukang pigilan siya,” may halong biro na
mungkahi ni Jean.
“Walang dahilan para gawin ko iyon,” sagot ni Leon.
“Pffftt.. Kitang-kita naman sa mukha mo na kung pwede ayaw mo siyang
umalis,” saka tinawanan pa ang kanyang kaibigan.
“Siguro nga,” ani Leon na ikinabigla ni Jean. Napatigil ito sa pagtawa, di
niya inakalang aamin si Leon. “Ano pala ang sabi ni Reina tungkol dito?” tanong
pa nito.
“Medyo malungkot din siya siyempre magkakalayo na sila ng kanyang
pinakamamahal na ate pero naiintindihan naman niya kung bakit.”
“Anong sinabi ni Kyla na dahilan sa iyo?” tanong ulit ni Leon dahil sa hindi
niya nagawang itanong ang mga ito kay Kyla. Nagbabakasakali siya na alam ni
Jean ang mga dahilan ng dalaga yaman rin lang nagkausap ang mga ito
kahapon.
“Para rin daw lahat iyon sa kanyang pamilya lalung-lalo na sa kanyang
limang nakababatang kapatid.” Pagkarinig ng isinagot ni Jean ay mas bumilis
ang paglagok ni Leon sa kanyang iniinom na beer. Dalawang bote na ang
kanyang nauubos samantalang si Jean ay kakaubos lang ng kanyang unang
bote. “Baka naman wala na siyang pakialam sa iyo Leon at gusto na niyang
magpatuloy at magsimula ng panibago sa ibang lugar kung saan malayo sa iyo.
Mas mabuti na rin kung gano‟n kaysa laging nasasaktan, hindi ba?” tila nang-iinis
na pagpapahayag ni Jean.
“Oo tama ka,” pagsang-ayon ni Leon na muling ikinagulat ng kaibigan.
Ang totoo‟y may halo ulit na biro ang huling nawika ni Jean ngunit paano
na niya ito babawiin matapos sumang-ayon ng napakaseryosong kausap?
Nagpatuloy silang uminom at nang maubos ni Leon ang kanyang pang-apat na
bote ay napansin ni Jean na medyo nahihilo na ito. Ilang minuto pa ay pinipikit-
pikit na nito ang kanyang mga mata, tama lasing na siya. Tumayo ito nang sinabi
ni Jean na uuwi na sila subalit hindi na niya mabalanse ang kanyang sarili kaya
kinailangan ni Jean na alalayan ang lasing na kaibigan. Akay-akay niyang
inilabas si Leon ng bar at pinaupo sa harapang upuan ng kanyang kotse. Dala ni
Leon ang kanyang motorsiklo kaya problema niya ngayon kung paano iuuwi si
Leon at ang DUCATI nito. Mabuti na lang at nakaisip agad siya ng paraan at
agad niyang tinawagan si Kyla.
“Hello Jean, bakit ka napatawag?” usisa agad ng dalaga.
“Hello Kyla, pwedeng magpatulong sa iyo ngayon?” Ipinaliwanag ni Jean
ang sitwasyon at pumayag si Kyla na pupunta siya ngayon din sa kinaroroonan
ng dalawang binata. Nagpasalamat si Jean at hinintay ang pagdating ng
tinawagan. Makalipas ang labin‟-limang minuto ay isang taxi ang huminto sa
kanilang tapat at ang bumabang pasahero ay walang iba kundi si Kyla.
“Kyla marunong kang magmaneho ng motorsiklo hindi ba?” tanong ni
Jean. Tumango ang dalaga at pinakiusapan ni Jean na siya na muna ang
magmaneho ng motorsiklo pauwi kina Leon at ihahatid na lang siya nito mamaya
pauwi ng Camp 7. Pumayag ang dalaga at isinuot ang helmet saka pinaandar
ang motorsiklo ni Leon.
Habang minamaneho ni Kyla ang motorsiklo ay naalala niya ang araw na
tinuturuan siya ni Leon kung paano ito patakbuhin. Naalala rin niya ang mga
araw na madalas silang maglibot-libot ng Baguio sakay ng motorsiklong ito.
Minsan ay nararating nila ang Bauang, La Union at doon sila sa dagat naliligo at
kung minsan ay ito rin ang kanilang ginagamit pauwi ng Urdaneta. At ang
hinding-hindi niya makakalimutan ay nang maaksidente sila ni Leon habang siya
ang nagmamaneho patungong La Union. Noong araw na iyon ay nagkamali si
Kyla sa pagsingit sa pagitan ng dalawang kotse na kasalukuyang
nagsasalubungan. Agad siyang niyakap ni Leon at bumagsak sila sa kalsada.
Hindi siya gaanong nasaktan at wala siyang malalim na galos pero si Leon ay
nagkaroon ng malalim na sugat sa kanyang kaliwang braso at natitiyak niya na
hanggang ngayon ay meron pa ring naiiwang bakas ang sugat na iyon.
Sa wakas narating nila ang bahay nila Leon at muling inakay ni Jean ang
kaibigan hanggang sa madala at maipahiga ito sa kama. “Grabe ang bakit
biglang ang bigat niya, nakakapagod,” pag-angal nito at iniayos nila ang lasing
ng mabuti. “Ano Kyla ihahatid na rin ba kita pauwi?” medyo hinihingal na
pagtatanong nito sa dalaga.
Sasama na sana si Kyla nang bigla itong napahinto dahil narinig niya ang
kanyang pangalan. Tinatawag siya ni Leon, nilingon nila ito ngunit ito‟y
nananatiling tulog.
“Hmmm… tinatawag ka niya. Baka kailangan ka niya ngayon Kyla kaya
mauuna na ako,” ani Jean sabay kindat sa dalaga.
Iniwan ni Jean ang dalawa at si Kyla ay nanatiling nakatayo sa tabi ni
Leon. “Bakit ka naglasing ngayon Leon?” tanong nito sa nakatulog. Nilapitan niya
ito at umupo sa ibabaw ng kama sa may bandang uluhan ng binata. “Bakit mo
tinatawag ang pangalan ko? Napapanaginipan mo ba ako?” May kahabaan na
ang buhok ni Leon, mga isang taon na rin itong hindi nagpapagupit. Tumayo si
Kyla at binuksan ang aparador. Gaya ng kanyang inaasahan naroroon pa rin ang
kanyang pantulog na damit at ilan pa na kanyang pag-aari. Dati na siyang
nakikitulog noon kaya iniiwan niya sa aparador ni Leon ang ilan sa kanyang mga
gamit. Nagbihis siya sa pantulog, ang pantulog na may mga disenyong maliliit na
palaka, regalo ni Leon sa kanyang ika-dalawampung-taong kaarawan. Tulog na
tulog na si Leon kaya hindi na nito namalayan na tinabihan na siya ni Kyla. “Leon
ito na ang huling gabi natin, siguro naman ayos lang na magkasama tayo buong
gabi,” bulong nito sa binata. Kanya itong niyakap at di na niya napigilang muling
mapaluha habang naaalala ang mga masasayang araw nila noon. Binabalikan
din niya ang ilang bagay na nangyari nitong mga nakaraang buwan mula nang
makilala ni Leon si Remz. Napatawa na lang ito nang maalala ang umaga
matapos ang despidida ng kanyang Tita Diane. Nagising siya na katabi si Leon
at mapang-akit na pantulog ang kanyang suot-suot. Mas napatawa siya nang
maalala niya ang mga sumunod na nangyari lalo na ang pagkabisto ng ina ni
Leon na siya ring may pakana ng lahat.
Lagpas alas-dies na ng magising si Leon. Nananakit ang kanyang ulo at
mabigat din ang kanyang katawan dala ng kaunting hangover. Lumabas siya ng
silid at ginamit ang palikuran saka naalala na dala niya kagabi ang kanyang
motorsiklo. Nag-alala siya at tiningnan kung naroroon iyon sa labas at naluwagan
ang kanyang kalooban nang makita na maayos itong nakaparada. “Nagmaneho
ba ako na umuwi?” nagtatakang tanong nito sa sarili. Bumalik siya ng kusina at
bubuksan pa lang sana ang refrigerator para tumingin kung anong maaari niyang
lutuhin nang kanyang masilayan ang isang kaserola sa hapag-kainan. “Huwag
mo sabihing nagluto rin ako?” at mas lalo pa itong nagtaka dahil sa wala talaga
siyang maalala sa nangyari maliban sa nalasing siya sa bar. Tinanggal niya ang
takip nito at nakita kung ano ang naluto, sinigang na bangus, ito ang kanyang
pinakapaborito na niluluto ng kanyang ina o ni Kyla para sa kanya noon. Sa tabi
rin ng kaserola ay napansin niya ang isang nakataob na maliit na piraso ng
papel. Mula ito kay Kyla at may mensahe siyang iniwan para kay Leon, “Tatlong
beses sa isang araw ka kumain kaya pag-aralan mong magluto. Huwag
masyadong uminom ng alak at maglinis ka na rin paminsan-minsan.” Sa
bandang ibaba pa nito ay may pahabol pa siyang isinulat, “Sana ang lasa ng
ulam na ito ay sapat na para hindi mo ako makalimutan.” At ang pinakahuling
nakasulat ay ang pangalang “KYLA.”
Unti-unting nagiging malinaw ang nangyari kagabi subalit hindi na niya ito
gaanong pinagtuunan ng pansin. Ito na marahil ang huling pagkain na niluto ni
Kyla para sa kanya kaya balak niya itong simutin hanggang sa huling patak ng
sabaw. Bumalik sa kanyang alaala ang mga araw na madalas si Kyla ang
magluto para sa kanya dahil sa halos araw-araw ang pag-oovertime noon ng
kanyang ina. Sapat man ang ipinapadala ng kanyang ama para sa kanila ngunit
sadyang workaholic lang talaga ang ina ng binata at ayon dito nakakasama lang
niya ang kanyang mga malalapit na kaibigan doon sa kanyang
pinagtratrabahuan. “Ang sarap Kyla, ito na ang pinakamasarap na niluto mo,”
anito pagkatapos ubusin ang niluto ng dalaga. Anuman ang kanyang gawin,
maligo, manood ng telebisyon o makinig ng tugtugin ay iisa lang ang kanyang
nasa isipan, si Kyla at ang kanilang masayang pagsasama. “Bakit nga ba ulit
nauwi sa ganito ang aming samahan?” tanong nito sa sarili at ngayon ay ang
kanyang pagiging malupit sa dalaga ang naaalala.
Pagsapit ng hapon ay nakatanggap siya ng text message kay Remz at
ayon dito gusto raw siya makausap ng ina ni Lenneth. Inihanda niya ang
kanyang sarili at nagtungo agad sa ospital kung saan naroroon ang ale. Ngayon
lang ulit sila nagkausap mula nang araw ng operasyon ng operasyon ng bata.
Nagpasalamat ang ginang sa ginawa ni Leon para sa kanyang anak at hindi na
maipagkakaila ni Leon ang tungkol sa pagiging sponsor ng kanyang ama. Paulit-
ulit itong nagpasalamat sa binata habang napag-uusapan nila ang mga
pagbabago kay Lenneth nitong mga nakaraang araw. Sa huli ay humingi rin ito
ng kapatawaran sa nagawa ng kanyang anak na si Leonardo noon sa ate ni
Leon. Naikuwento na rin ng ale kung gaano kabait si Sophia sa kanyang pamilya
lalo na noong mga araw na hindi na makapagtrabaho ang kanyang asawa.
“Naikuwento po ni Leonardo sa akin,” pagsingit ni Leon nang huminto kaunti sa
pagsasalita ang ginang.
“Gano‟n ba? Kung gaano kabait ang Ate Sophia mo, gano‟n ka rin kabait
Leon kaya pagpalain ka sana ng Diyos iho, maraming-maraming salamat talaga
sa lahat ng nagawa mo para sa amin,” huling pagpapasalamat ng ale.
“Wala pong anuman, marami rin po akong natutunan kay Lenneth kaya
malaki rin po ang pasasalamat ko sa kanya,” sagot ni Leon at nauwi sa
pagngingitian. Ipinatawag na ang ginang para balitaan ng doktor tungkol sa
kanyang bunsong anak kaya kinailangan na nitong magpaalam sa binata. Si
Remz at Leon na naiwan ay nagpasyang mamasyal muna sa Burnham Park.
“Dito nagsimula ang lahat,” ani Leon pagkarating nila sa parke. Sinuri ng
dalaga ang paligid at naalalang dito nagkunwari si Leon bilang snatcher noong
una nilang pagkikita. “Remz masaya ka ba na nagkakilala tayo?” tanong nito sa
dalaga.
“Walang duda Leon naging masaya ako. Ikaw naging masaya ka rin ba?”
tanong nito pabalik.
Hindi sinagot ni Leon ang katanungang iyon at nagtanong ng iba. “Kung
talagang masaya ka bakit gabi-gabi kang umiiyak?” Nabigla si Remz sa kanyang
naitanong at inalam kung bakit niya ito nasabi. Nakipagtitigan ang binata at
ngumiti saka binanggit ang medyo namamagang mga mata ng kaharap.
“Ahh ito ba, may problema kasi ang pamilya ko kaya hindi ako makatulog
nitong mga nakaraang araw dahil nag-away-away kami,” pagpapaliwanag ni
Remz.
“Alam mo ba mula nang makilala kita, naging napakabilis kong mag-isip
ng idadahilan, kasinungalingan man o hindi,” hayag ni Leon. Hindi gaanong
maunawaan ni Remz kung ano ang nais niyang ipahiwatig. “Pero nanatili ka pa
ring mahina sa pagdadahilan, hindi gaya ko na naging batikan,” sabay ngiti nito
sa dalaga. “Hindi mo na kailangang ipagkaila pa Remz,” anito na muling
ikinagulat at ipinagtaka ng dalaga. “Nakita ko ang nangyari”
“Nakita mo ang alin?” usisa ng dalaga at halatang kinakabahan sa mga
susunod na babanggitin ng binata.
“Sa paradahan ng bus… Naroon ako noong araw na iyon kaya nakita ko
ang pagpapaalam niya sa iyo.” Mas lalong bumilis ang pagpintig ng puso ng
dalaga at hindi na niya alam kung ano ang sasabihin kay Leon, hindi man lang
niya magawa na makipagtitigan dito. “Remz napakasaya at napakaswerte ko na
nakilala kita, iyan ang kasagutan ko sa tanong mo kanina.”
“Sorry Leon hindi ko alam na naroon ka,” wika ni Remz ngunit hindi na ito
mahalaga pa sa binata. Nagsimulang mapasinghot si Remz at nanginginig na rin
ito kaunti at ilang saglit lang ay paghikbi na ang sumunod. Nilapitan siya ni Leon
at inilapat ang kamay nito sa kanyang balikat saka siya hinila palapit. Patuloy
itong humihikbi sa dibdib ni Leon at naging tahimik lang ang binata, hinihintay
ang mga susunod na sasabihin ni Remz. “Leon masyado akong nasaktan sa
nangyari kasi dalawang magkasunod na boyfriend ko ang nanloko sa akin.
Mabuti na lang at naroon ka para sa akin.” Pinawi nito ang kanyang luha at
nakipagtitigan sa binata. “Leon para sa akin wala kang ginawang hindi maganda
pero bakit ang sama ng pakiramdam ko? Leon maaaring tama ka na niloloko
lang natin ang ating mga sarili?” may kalungkutang pagtatanong nito.
“Tara alamin natin ang kasagutan diyan,” sagot ni Leon na hindi
maunawaan ng dalaga. Hinawakan niya si Remz sa kamay at bumalik sila kung
saan nakaparada ang kanyang motorsiklo. “Sakay na,” utos nito at sumunod nga
si Remz. “Lahat ay magiging malinaw pagkarating natin doon,” dagdag pahayag
pa nito. Ikaapat na ng hapon nang tinahak ni Leon ang Kennon Road.
May kabilisan ang pagpapatakbo ni Leon at dahil sa malayo-layo na rin
ang kanilang narating ay may ideya na si Remz kung saan sila patungo ngunit
nanatili lang itong tahimik at ipinaubaya na ang lahat sa binata. Anuman ang
mangyayari ngayon ay inihanda na lang ni Remz ang kanyang sarili. Huminto
sila sa isang restaurant para kumain ng hapunan at doon naitanong ni Remz
kung bakit gustong pumunta ni Leon sa Nueva Viscaya.
“Para sagutin natin ang huling tanong mo kanina,” sagot ni Leon. Agad
nilang iniwan ang restaurant matapos kumain at narating nila ang barangay kung
saan nakatira si Leonardo. “Narito na tayo,” wika ng binata.
Sinuri ni Remz ang paligid, medyo malalim ang kanyang iniisip kanina
kaya hindi niya masyadong napansin kung nasaan sila. “Bakit tayo nandito?”
tanong nito kay Leon.
“Remz inuulit ko, napakasaya at napakasuwerte ko na nakilala kita. Pero
ramdam ko na may ibang tao na mas gusto mong makasama kaya napapaiyak
ka na lang lagi-lagi. Hindi mo na kailangang magkaila pa Remz, handa akong
tanggapin ang katotohanan na ilang metro lang mula dito ay may lalakeng mas
nangangailangan at mas makapagpapasaya sa iyo,” seryosong pagpapahayag
ni Leon.
Napaluha na naman si Remz at hinawakan ang magkabilang kamay ni
Leon. “Patawad Leon, patawarin mo sana ako. Huli na masyado nang
mapaghulo ko ang lahat,” at mas humigpit pa ang pagkakahawak nito sa kamay
ng binata.
“Shhhh… Hindi ka ba talaga napapagod sa kaiiyak,” sabay yakap sa
dalaga.
“Leon isang napakahalagang bagay ang naituro mo sa akin. Natutunan ko
sa iyo ang kasiyahan na makukuha sa pagpapatawad. Gusto kong maging
mapagpatawad gaya mo at magpatuloy. Dahil sa iyo naunawaan ko ang aking
totoong nararamdaman,” pagpapasalamat at pagpuri nito sa binata.
Pinawi ni Leon ang mga luha ni Remz at nginitian. “Hindi mo na
kailangang tumakbo at lokohin ang iyong sarili, sige na siguradong magiging
napakasaya niya kung makikita ka niya ngayon.”
“Pero Leon paano ka?” pag-aalala nito sa binata.
“Ungas ka ba? Gusto mo akong panatilihing boyfriend mo samantalang
babalik ka na sa kanya,” pagbibiro ni Leon.
“Ungas! Hindi iyon ang ibig kong sabihin,” sumbat ni Remz.
Nagkatawanan ng kaunti ang mga ito at tila mas magaan na ang kanilang
pakiramdam. Tiyak nilang magiging maayos ang lahat sa pagitan nilang dalawa.
“Ang sagwa naman, hiniwalayan ako ng aking nobya at bumalik sa dati
niyang nobyo sa araw mismo ng aming 5th monthsary,” wika ni Leon na animo‟y
nanghihinayang.
“Monthsary? Ay oo nga pala,” biglang pagkaalala ng dalaga.
“Ibig lang sabihin may iba talagang tao diyan na mas inaalala mo,” saka
muling nginitihan si Remz.
“Maraming salamat sa lahat ng ginawa mo para sa akin Leon. Hinding-
hindi ko makakalimutan ang lahat. Napakarami kong natutunan mula sa
pagsasama natin at ngayon kaya ko ng harapin ang lahat,” at niyakap ng
mahigpit ang binata saka hinalikan sa pisngi. Nagkatitigan saglit ang dalawa at
nagsimulang humakbang paatras ang dalaga.
“Goodbye kiss ba iyon Remz?” tanong ni Leon. Tumango ang dalaga at
nagsimulang humakbang paatras palayo kay Leon. Nagkakawayan sila ng
kamay habang patuloy na lumalayo ang kanilang distansya. “Paalam Remz,” ani
Leon saka isinuot ang kanyang helmet at muling sumakay ng motorsiklo.
Pinanood niya muna saglit ang papalayong dalaga at ilang segundo na lang ay
maglalaho na ito sa kanyang mga mata dahil liliko ito pakanan. Inistart niya ang
makina at habang bumubwelta ay narinig niya si Remz na tinawag ang kanyang
pangalan. Nilingon niya ito at kasalukuyang tumatakbo palapit sa kanya. “Bakit?”
tanong agad ng binata.
Iniabot ni Remz ang isang makinang na bagay, ang kalahating puso na
kwintas na mula kay Leon. “Hindi ko siya nakumpleto para sa iyo,” wika ni Remz.
Ang ibinigay niyang kwintas ay bumalik sa kanyang kamay at ito‟y nananatiling
hati pa rin. “May ibang babae dyan na kayang kumpletuhin yan para sa iyo
Leon.” Tumango-tango ang binata at napangiti. “Good luck Leon,” ani Remz at
muling nagpaalam.
Narating ni Remz ang labas ng bakuran nila Leonardo at pasimple niyang
sinuri ang paligid. Balak niyang surpresahin ang binata kaya nag-iingat siya na
makita siya nito. Nasa daanan na siya papasok ng bakuran nang mapansin niya
ang isang malaking bonfire sa harapan ng bahay ng sadyang binata. Sa tabi ng
bonfire na iyon ay nakatayo si Leonardo at tila napakalaki ng problema. Sa
paanan ng binata ay may ilang mga bagay na isa-isa niyang ihinahagis sa
malakas na apoy. Napag-alaman kaagad ni Remz kung ano ang mga iyon at
nanatili siya sa kinaroroonan at pinagmasdan lang si Leonardo. Isang bagay na
lang ang hindi naiiwan na susunugin ng binata, isang picture frame. Tinitigan ito
ni Leonardo at hinahaplos-haplos ang larawan na nakalakip sa loob nito sabay
banggit sa pangalan ni Remz. Ilalagay na niya sana ito sa apoy ngunit siya‟y
nagdalawang-isip at muli pa itong tinitigan. Ihahagis na sana niya ulit ngunit
parang hindi niya kaya. Nanatiling nakataas ang kanyang kamay na nakahanda
sa paghagis nito sa apoy subalit hindi pa rin niya itinutuloy.
Ipinikit ni Leonardo ang kanyang mga mata at taimtim na nagdasal para
sa ikasasaya ng dalagang patuloy pa rin niyang minamahal. “Remz,” banggit nito
at biglang may humawak sa kanyang nakataas na kamay. Nagulat siya dito at
napatingin kung sino ang humawak sa kanya. “Remz!” muling pagbanggit niya sa
pangalan ng dalaga ngunit ngayon ay punung-puno ng pagkagulat.
“Hindi mo na siya kailangang itapon pa kung gano‟n siya kaimportante sa
iyo,” nakangiting wika ni Remz. Nabanggit lang ulit ni Leonardo ang kanyang
pangalan, wala itong maisip na sabihin, biglaan kasi ang nangyari at hindi
inaasahan. Ngunit hindi niya maipagkakaila na napakasaya niya ngayong gabi at
narito si Remz. “Remz? Akala ko ba eh bhe?” sabay ngiti nito kay Leonardo.
Matamis ang ngiting iyon ngunit may halong luha, luha ng kasiyahan kung
tawagin.
“Bhe,” ani Leonardo at napaluha na rin ito. Niyakap niya ang dalaga at
niyakap din siya nito pabalik. Naging mahigpit ang kanilang pagyayakapan at
bakas sa kanilang mukha ang kasiyahan.
“Patawad bhe ngayon ko lang nagawang gawin ang pangako natin sa
isa‟t-isa,” pagpapaumanhin nito sa binalikang nobyo.
“Ako dapat ang humihingi ng kapatawaran bhe dahil kinailangan mong
gawin ang pangako natin. Pangako hindi na mauulit,” muling panunumpa ng
binata. “Magsimula ulit tayo.”
Ngumiti si Remz at tumango. Naging mainit ang kanilang pagtititigan
hanggang sa nauwi rin sa wakas sa isang paghahalikan. Ngayon ay tuluyan na
silang nagkaayos. Sa kabila ng lahat ng nangyari, nasisiguro nilang dalawa na
magiging masaya pa rin sila sa piling ng bawat isa.
Ngayong ayos na ang lahat sa pagitan nila Leonardo at Remz ano naman
ang naghihintay para kay Leon? Ito ang nasa isipan ng binata habang siya ay
napakabilis na nagmamaneho ng kanyang motorsiklo pabalik ng Baguio.
Huminto muna ito sa isang restaurant at umorder ng kape. Habang inuubos ang
iniinom ay panay ang kanyang titig sa kalahating puso na kuwintas na ibinalik ni
Remz kanina. Muli niyang tinahak ang daan sa parehong bilis ng pagpapatakbo
hanggang sa nakabalik din siya ng kanilang bahay. Dala ng kapaguran ay
mabilis siyang nakatulog at halos tanghalian na nang siya ay magising. Matapos
makapag-isip-isip ng dapat gawin ay nagtungo ito sa banyo at naligo saka
nagbihis at nilisan ang bahay. “Wala na akong sapat na oras, kailangan kong
subukan,” anito habang minamaneho ang kanyang motorsiklo. Narating niya ang
bahay nila Kyla at inihinto ang sasakyan sa tapat ng pinto. Nanatili siya roon ng
ilang minuto at nag-isip muna ng magandang sasabihin. Nagsasayang lang siya
ng oras dahil wala rin lang pumapasok sa kanyang isipan kaya bumaba ito sa
kanyang kinasasakyan at tinanggal ang helmet saka iniwan sa manubela ng
motorsiklo. Dahan-dahan itong naglakad patungo sa pintuan at huminga pang
malalim bago kumatok ng tatlong beses. Ilang segundo lang ang lumipas at
bumukas ang pinto at tamang-tama na si Kyla ang nagbukas nito.
“Leon! Bakit ka naparito?” nakangiting pagtatanong ng nagtatakang
dalaga.
“Kain tayo sa labas ngayon, ayos lang ba sa iyo?”
“Ayos lang. Pero bakit biglaan yata?”
“Aalis ka na papuntang Manila bukas hindi ba?” sagot at tanong pabalik
ng binata.
“Kung gano‟n para bang „farewell dinner‟ ko ito?” sabay ngiti ulit ng
dalaga.
Tumango si Leon at pinatuloy muna siya ng dalaga. Nagpaalam muna
ang dalaga na maligo at magbihis. Hindi mabilang kung ilang beses tiningnan ni
Leon ang orasan na nakasabit sa pader. Tila kada minuto ay napakahalaga.
Habang naghihintay ay nag-iisip pa rin siya ng sasabihin sa dalaga subalit wala
talagang pumapasok sa kanyang isipan. Lumipas ang apatnapung minuto at
lumabas ng silid ang dalaga. Nanatiling nakaupo si Leon at hindi niya namalayan
na papalapit na sa kanya si Kyla.
“Pasensya na ang tagal ko maghanda. Tara na ba?” ani Kyla.
Nilingon ni Leon ang nagsalita at nasurpresa ito sa kanyang nakita.
Medyo nanlaki ang kanyang mga mata na napatitig sa dalaga na nakatayo sa
kanyang harapan.
“Bakit? Pangit ba tingnan ayos ko?” tanong ng dalaga.
“Ahhh.. hindi, di ko lang inakala na mag-aayos ka ng ganyan,” tugon ni
Leon saka tumayo.
Napangiti ang dalaga at kumapit sa bisig ni Leon at sabay silang lumabas
ng bahay. Nakasuot ng mapang-akit na pang-itaas at may kaiksihang skirt si
Kyla kaya nagpasya si Leon na iwanan na lang muna ang motorsiklo sa bakuran
at sasakay na lang sila ng taxi. Hindi maiwasan ng binata na mapalingon kay
Kyla mula pa nang sila ay papaalis hanggang ngayon na nasa loob na silang taxi
at patungo ng town. Pansin din niya ang hikaw ng dalaga na hugis luha. Galing
sa kanya ang pares na iyon gayon din ang clip na may larawang palaka na nasa
buhok ng dalaga.
“Leon, nakakatawa ba hitsura ko?” medyo nagdududang pagtatanong ni
Kyla.
“Ahhh.. hindi, nagagandahan lang ako,” ani Leon.
Napangiti si Kyla at naitanong kung saan sila kakain. “Ganyan na rin lang
ayos mo bakit hindi natin subukan sa nababagay na lugar,” sagot ng binata.
Binago niya ang patutunguhan at agad bumuwelta ang taxi saka nagtungo sa
lugar na iniutos ni Leon.
“Sigurado ka Leon?” tanong ni Kyla pagkababa nila ng taxi at sa tapat nila
ay isang kilalang restaurant sa buong pilipinas na may mataas na singil sa
anumang order.
“Huling hapunan na natin na magkasama ngayong gabi kaya siguro dito
ang pinakamaganda,” tugon nito.
Kumapit si Kyla sa kanyang bisig at pumasok sila sa dining area. Maayos
ang serbisyo ng lugar at gaya ng inaasahan mahal ang mga pagkain sa menu.
Bilang din ang mga customer sa loob kaya tiyak makakapag-usap sila ng
maayos. Umorder sila ng kakainin maski hindi nila alam kung ano ang mga ito.
“Kyla kailangan mo ba talagang pumunta?” tanong ni Leon habang
hinhintay nila ang kanilang order.
“Para rin ito sa pamilya ko. Matutulungan ko rin agad si Reina pag
certified nurse na siya „pag naging residente na ako doon. At isa pa…”
“At isa pa?” usisa ni Leon nang hindi mahintay ang susunod na sasabihin
ng dalaga.
Tumitig si Kyla sa kausap, “Wala ng dahilan pa para manatili ako dito.”
Tila lumundag ang puso ni Leon pagkadinig ng huling sinabi ng dalaga.
Tila sinira ng mga katagang iyon ni Kyla ang mga gusto niyang sabihin ngayong
gabi. Kung dati anuman ang mangyari ay nananatili si Kyla sa kanyang tabi
maski na lubos niya itong nasasaktan ngayon ay lalayo na ito. Sino nga ba
naman siya para pigilan ito gayong wala siyang nagawang mabuti para dito sa
mga nakalipas na taon? Dumating ang waiter at dala-dala nito ang kanilang
inorder. Habang kumakain ay napag-usapan nila ang mga plano ni Kyla sa
England. Tila hindi na ito makapaghintay na makarating sa nasabing bansa at si
Leon ay nanatiling tagapakinig. Gusto niyang marinig mula kay sa babaeng
kasama ang anumang salita na magpaparamdam ng kanyang halaga pero sadya
yatang malabong mangyari iyon.
“Leon,” banggit ni Kyla sa pangalan ng tila hindi interesadong binata at
itininaas nito ang nakayukong ulo saka nakipagtitigan sa kanya. Hinawakan niya
ang isang kamay ng binata at nagwika, “Ingatan mo lagi sarili mo ha.” Tumango
ang binata at kanya itong nginitian. “Sana maging masaya ka lagi,” dagdag pa
nito.
Mas lalong hindi masabi ni Leon kung ano ang nais niyang sabihin.
Parang huli na ang lahat para sa kanilang dalawa. Batid niya na para rin ito sa
pamilya ng dalaga subalit paano na silang dalawa? “Magiging makasarili ba ako
kung pipigilan kita?” tanong nito sa kanyang sarili. “Ano bang dapat kong
sabihin?” Mas lalo itong naguluhan at hindi na malaman kung ano ang susunod
na gagawin.
Nilisan nila ang lugar at nagpatawag ng taxi. “Leon pwedeng magpalipas
lang muna tayo ng kaunting oras sa Burnham Park?” hiling ng dalaga na hindi
itinanggi ni Leon. Bumaba sila sa nasabing parke at dahan-dahang naglalakad
sa tabi ng lawa. Huminto si Kyla at biglang napangiti, “Leon naaalala mo ba ang
nangyari dito?” tanong nito. Nagkunot ng noo ang binata, palatandaan na hindi
nito naaalala ang naalala ng dalaga. “Dito mo ninakaw ang aking „first kiss‟ hindi
ba?” sabay muli itong napatawa.
Naalala ni Leon ang nangyari sa mismong kinatatayuan ngayon ni Kyla
higit limang taon na ang nakalipas. Nagkunwari siya na nawalan ng hininga nang
di sinasadyang siniko ni Kyla ang kanyang kasukasuhan at napilitan itong
magsagawa ng AR. Pagkadikit ng kanilang labi ay kanya itong niyakap at naging
paghahalikan ang dapat sana ay AR.
“Naalala mo na ba?” tanong ng dalaga at sabay silang napatawa.
Nanatiling tahimik ang binata at tila may ibang naalala. “Mamimiss ko ang lugar
na ito,” hayag ni Kyla at pumulot ng maliit na bato saka ihinagis sa tubig. “Ang
daming nangyari at marami akong natutunan. Salamat sa lahat Leon,” sabay
ngiti ulit nito.
Bawat pagngiti ni Kyla ay tila nakakasakit sa damdamin ni Leon. Parang
gusto at ayaw niyang makita ang mga ngiting iyon. “Ako dapat ang
nagpapasalamat. Paumanhin sa lahat ng nagawa ko.” Nanatiling nakayuko si
Leon at hindi niya magawang titigan ang kinakausap.
Lumapit si Kyla sa binata, “Leon!” Pagkaangat ni Leon ng kanyang ulo ay
isang malakas na suntok ang tumama sa kanyang pisngi. Napaatras siya sa
lakas nito at agad niya itong hinawakan sa kanyang kaliwang palad.
“Hahahaha!!” malakas na pagtawa ng dalaga. “Ganyan ang ginawa ko sa iyo
matapos mo nakawin ang aking „first kiss‟ naalala mo rin ba?” tanong nito
habang tumatawa.
Tinanggal ni Leon ang kanyang palad sa kanyang mukha at ipinakita kay
Kyla ang namumula niyang pisngi. Tinanong ng dalaga kung masakit ba ito at
siya‟y tumango saka ngumiti. Biglang napahinto sa pagtawa ang dalaga at
tumalikod sa kanya. Habang pinagmamasdan nila ang artipisyal na lawa ay dinig
ni Leon ang mahinang paghikbi nito at ang pasimple nitong pagpupunas sa
kanyang mga mata. Hinayaan lang ni Leon ang sitwasyon at hindi nagsalita. May
kaginawan na ang ihip ng hangin kaya nilapitan niya sa Kyla at inilapat ang
kanyang jacket sa likuran nito. Nagpasalamat ang dalaga at isinuot ang kanyang
jacket saka hiniling na ihatid na siya pauwi.
“Salamat sa gabing ito Leon, nag-enjoy ako,” ani Kyla sabay abot sa
kanyang jacket pagkababa nila ng taxi.
Kinuha ng binata ang jacket at isinuot. “Sige aalis na ako,” pagpapaalm
nito.
“Leon!”
Napahinto si Leon sa paglalakad at nilingon ang dalaga. Lumapit sa kanya
si Kyla at dahan-dahan siya nitong niyakap. “Salamat ulit sa lahat,” sabay lapat
ng ulo nito sa kanyang dibdib. Ipinalibot din ni Leon ang kanyang mga kamay sa
baywang ng dalaga at napatitig ito sa kanya. Napakaseryoso at mainit ang
kanyang mga titig sa mga mata ni Kyla dahilan na mag-udyok dito para siya ay
halikan. Magdidikit na sana ang kanilang mga labi nang biglang huminto si Kyla.
“Hindi nga pala pwede, may bago ka ng girlfriend,” anito sabay sa pisngi siya
hinalikan. Binitawan siya ng dalaga at nagpaalam sa huling pagkakataon,
“Goodbye Leon.. Take care always,” sabay talikod nito.
Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Leon, hindi pa rin niya tinatanggal ang
kanyang mga kamay sa baywang ng dalaga at ng umikot ito patalikod sa kanya
matapos magpaalam ay hinigpitan niya ang kanyang pagkakayakap na ikinabigla
ng dalaga. Lumingon ito patalikod at mahigpit niyang hinawakan ang mga kamay
ni Leon na parang gusto niya tanggalin ang mga ito sa kanyang baywang. “Wala
na kami,” ani Leon sa wakas. Nagtaka si Kyla sa narinig at inulit ni Leon ang
kanyang sinabi. Tila hindi makapaniwala ang dalaga sa narinig at binitawan ang
mga kamay ni Leon. Hinawakan ni Leon ang mga balikat ni Kyla at pinaharap
niya ito sa kanya at siya rin ang humalik sa pisngi nito. “Aalis na ako. Mag-iingat
ka lagi at sana huwag mong kalimutan na tumawag kung nandoon ka na.”
Binitawan niya si Kyla at sumakay sa kanyang motorsiklo at isinuot ang kanyang
helmet. Kinawayan niya ang nananatili pa ring walang imik at tila nalilitong
dalaga saka pinaandar palayo ang kanyang motorsiklo.
Hindi alam ni Kyla kung anong dapat niyang gawin at sabihin kaya
pinanood lang niya si Leon na lumayo. “Bakit ngayon pa?” tanong nito sa sarili at
pumasok siya ng bahay. Dahil sa nangyari ay hindi na ito makatulog at di rin niya
maiwasang mapaiyak.
Hindi rin makatulog si Leon. Napakaraming bagay ang hindi niya nasabi at
umaasa na lang siya na sana ay hindi niya pagsisisihan ang hindi pagsabi sa
mga ito. Umaga na at nanatili pa rin si Leon sa kanyang kinaroroonan. Nakaupo
pa rin ito sa ibabaw ng kanyang kama at panay ang pag-iisip. Buong araw ay
nilalaro-laro nito ang kanyang cellphone at nagdadalawang-isip pa rin kung dapat
ba niyang tawagan si Kyla o hindi.
Samantala, buong araw na hawak din ni Kyla ang kanyang cellphone at
tuwing may natatanggap itong text message ay itinatapat niya muna ito sa
kanyang dibdib bago niya buksan ang bagong mensahe. Subalit lahat ng mga
message na kanyang natanggap ay hindi ang kanyang hinihintay. Paulit-ulit na
pumapasok sa kanyang isipan ang sinabi ni Leon kagabi bago ito umalis ang
tungkol sa paghihiwalay nila ni Remz. Bakit kinailangang sabihin ni Leon ang
tungkol dito sa kanya? Alam niya ang dahilan ngunit hindi niya alam kung ano
ang dapat niyang gawin. Ilang oras na lang at kailangan na niyang magtungo ng
terminal ng bus papuntang Manila. Bumangon na ito sa kanyang kama at
lumabas ng silid para maghilamos. Inihatid siya ni Reina papuntang terminal at
ang kanilang ina ay maghihintay sa kanya sa mismong paliparan. Karamihan na
rin ng kanyang gamit ay dala ng kanyang ina kaya kaunti lang ang bitbit niya
patungong Manila.
Narating ng magkapatid ang istasyon. “Ate ingat ka lagi doon ha, tawag ka
sa amin paminsan-minsan,” hiling ni Reina sabay yakap sa kanyang ate.
Nagpaalam ang magkapatid sa isa‟t-isa at nauna ng umalis si Reina dahil paalis
na rin ang bus. Hindi ito makakasama sa ate dahil may duty pa ito sa ospital,
parte ng kanilang kurikulum bilang nursing student.
Inilabas ni Kyla ang kanyang cellphone at wala siyang natanggap na
maski anong mensahe. Naisipan na lang nito na magpaalam kay Leon sa isang
text message subalit bura siya ng bura ng mga inilalagay na salita sa text
message. Hanggang sa wala siyang magandang maisip na ilalagay ay kinansela
na lang niya ito at ibinulsa ang kanyang cellphone. Inilabas niya ulit ito matapos
ang ilang minuto at hinanap sa phone book ang pangalan ni Leon. Isang pindot
na lang ng call button ang kailangan niyang gawin ngunit hindi niya ito magawa-
gawa. Kulang na lang ay masira ang kanyang flip-top phone sa kakabukas at
kakasara nito. Higit isang oras na ang lumipas mula nang umandar ang bus
ngunit wala siyang mensahe o tawag na natanggap. Hindi rin niya magawang
tumawag o magtext kaya sumuko na siya at nagpasyang ilagay na lang sa bag
ang kanyang cellphone. “Paalam Leon,” anito at bibitawan na sana niya ang
cellphone ng biglang tumunog ang ringtone nito. Ikinabigla niya ang narinig at
mabilis ang pagtibok ng kanyang puso habang dahan-dahan niyang iniangat ang
flip nito saka tiningnan kung sino ang tumatawag. Leon… ang nasa LCD.
“Bakit?” tanong agad nito sa tumawag.
“Gusto ko lang ulit magpaalam sa kahuli-hulihang pagkakataon.”
“Gano‟n ba? Salamat.”
Nanatiling tahimik ang dalawa at pumapatak ang oras. Naluluha si Kyla
ngunit ayaw niyang ipahalata sa binata kaya tinakpan niya ang kanyang bibig at
ilong. Nasa terminal ng bus ngayon si Leon, nahuli na siya ng dating at nalaman
na dalawang bus na ang nakaalis sa nakalipas na higit isang oras. Buo na ang
kanyang pasya, kailangan niyang sabihin ang gusto niyang sabihin sa dalaga.
“Kyla, naghiwalay kami ni Remz dahil pareho naming alam ang isang
napakahalagang bagay. Pareho kaming wala sa piling ng taong pinakamahalaga
sa amin.”
Mas hinigpitan ni Kyla ang pagtakip sa kanyang bibig at mas napaluha
matapos mapakinggan ang sinabi ng binata. “Kyla, gusto ko lang sabihin na…
gusto kong malaman mo na…”
“Leon!” ani Kyla at hindi naituloy ng binata ang nais niyang sabihin. “Hindi
mo na kailangang gawin ito. Kung gusto mong gawin na mas madali para sa akin
bago ako umalis hindi mo na kailangang gawin ito. Tanggap ko na ang lahat at
isinantabi ko na ang lahat, lahat ay nakalipas na kaya huwag mo na akong
alalahanin.”
“Kyla, hindi sa…”
“Leon! Habang malayo ako, kung ayos lang sa iyo, bisitahin mo si lolo at
lola paminsan-minsan kasi matagal ka na nilang gustong makita. Sige ingat
lagi…paalam.” At ibinaba nito ang tawag. Muling tumunog ang kanyang
cellphone at kinansela niya ito. Nang muli itong tumunog ay inilagay niya ito sa
silent mode para hindi na makaabala sa ibang pasahero. Alam niya kung ano
ang gustong sabihin ni Leon subalit para sa kanya ay huli na ang lahat. Naalala
niya ang mga huling araw nilang dalawa ni Leon lalo na ang tanong ng binata,
“Kailangan mo ba talagang umalis?” Ipinikit na lang niya ang kanyang mga mata
at pilit kinakalimutan ang lahat. Huminto ang bus sa isang restaurant at bumaba
ang ilang pasahero para magkape. Nanatili si Kyla sa kinauupuan at sinubukang
kunin ang tulog. Muling umandar ang bus matapos ang halos kalahating oras.

Kinuha ni Kyla ang kanyang cellphone sa loob ng kanyang bag at pitong


missed calls ang kanyang nakita. Lahat ay mula kay Leon higit tatlong oras na
ang nakalipas. Gaya kanina, bukas-sara niya ang flip ng kanyang phone. Matulin
ang takbo ng kanyang kinasasakyan na bus kaya maaaring ilang oras na lang ay
makakarating na sila ng Manila. Ilang minuto pa ang lumipas ay isang sasakyan
sa likuran ng bus ang panay ang pagbubusina. Sinubukan nitong lagpasan ang
bus ngunit nang makita ng driver na ito‟y isang motorsiklo inakala niyang gaya
lang ito ng mga ibang motorista na nagpapapansin lang. Mas binilisan din ng bus
ang kanyang pagpapatakbo at hinayaan ang motorsiklo na humabol. Mas
binilisan din ng nagmamaneho ng motorsiklo ang kanyang pagpapatakbo at
sinasabayan ng pagbubusina hanggang sa tila nainis ito at binilisan pa lalo
hanggang sa malagpasan ang bus. Nakita ni Kyla ang kumarera na motorsiklo at
malakas ang kutob niya na kilala niya kung sino ang nagmamaneho. Nagsignal
light ang motorsiklo at medyo humanda ang driver ng bus na pabagalin kaunti
ang pagpapatakbo. Ang iniisip nito ay maaaring liliko pakanan o pakaliwa ang
kanilang sinusundan subalit bigla itong umabante paharap at nang makalayo ay
prumeno patagilid na parang nag-exhibition saka itinaas ang isang kamay,
pinapahinto niya ang bus habang siya ay nakaharang gitna ng kalsada. Nagulat
ang driver ng bus at tinapakan ang preno, umaasa na lang ang mga ito na sapat
ang distansya nila sa kinaroroonan ng motorsiklo. Habang papalapit ng papalapit
ang bus ay naaninag na ni Kyla kung sino ang lalake na nasa gitna ng kalsada
na nagpapahinto sa bus. Tanaw niya ito mula sa windshield. Hindi sapat ang
distansya, inaalala rin kasi ng driver ang maaaring mangyari sa kanyang mga
pasahero kung bibiglain niya ang pagprepreno kaya prineno pa rin niya ang
sasakyan sa paraan na hindi mapapahamak ang nakararami. Dahil dito
nabunggo pa rin nila ang motorsiklo na humarang sa gitna ng daan bago
tuluyang huminto ang sasakyan.
Napatayo si Kyla, “LEON!!” sigaw nito ng buong pag-aalala. Sigurado
siyang si Leon ang humahabol sa bus at labis siyang nag-aalala sa sinapit nito.
Nakita niyang gumulong ang katawan nito sa gitna na kalsada. Nang tuluyang
huminto ang bus ay tumakbo palapit ng driver si Kyla at tinanaw mula sa
windshield ang katawan ni Leon na nakabagsak pa rin sa daanan. Kulang na
lang ay takpan niya ang kanyang buong mukha ng kanyang dalawang kamay
para hindi makita ang sinapit ng binata. Bumaba ang dalawang kasamahan ng
driver at agad nilapitan ang binata ngunit papalapit pa lang sana sila ay tumayo
na itong mag-isa. Hawak-hawak nito ang kanyang braso at napakalalim ng
paghinga. Ilang saglit lang ay tinanggal niya ang kanyang helmet. Diretso titig
siya sa babaeng nakatitig sa kanya mula sa loob ng bus at kanyang pasigaw na
tinawag ang pangalan nito. “KYLA!”
Pagkadinig ng kanyang pangalan ay daglian siyang bumaba at tumakbo
palapit sa binata. Pagkalapit ay niyakap niya ito ng mahigpit at tuluyang
napaiyak. Sinuntok-suntok nito ang dibdib ng binata habang paulit-ulit na
sinasabi ang mga katagang „I hate you‟.
“Muntik ka ng mamatay. Ano bang iniisip mo?”
“Paubos na ang aking gasolina at iyon lang ang naisip kong paraan para
pahintuin ang bus,” paliwanag ni Leon.
“Pero bakit?”
Dinukot ni Leon ang isang makinang na bagay sa kanyang bulsa at
inilagay sa isang kamay ng dalaga. Ang kuwintas na kalahating puso.
“Bakit mo ito ibinibigay sa akin?”
“Ang kalahating puso na yan ay tinatawag na destiny heart. Kung ibibigay
mo iyan sa taong pinakamamahal mo siya ang kukumpleto para sa iyo. Kung
wala ka ng dahilan para manatili dito, aasa na lang ako na maging sapat na
dahilan upang bumalik ka balang araw.”
“Leon…”
Niyakap ni Leon ang lumuluhang na dalaga at mahigpit na hinawakan nito
ang kuwintas na natanggap saka muling pinagsusuntok nito ang dibdib ng
binata. “Ungas! Muntik na akong walang babalikan. Ungas ka talaga. Ungas!” ani
Kyla habang sinusuntok pa rin ang binata.
Iba-iba ang reaksyon ng mga pasahero, may mga iba na naiinis sa
kanyang ginawa, ang iba ay nag-aalala at ang mga iba ay natuwa sa
nasaksihan. Maghahalikan na sana ang dalawa nang biglang lumapit ang
konduktor at sila‟y napahinto.
“Ayos ka lang ba? Hindi ka ba napilayan o may malalim ka bang sugat?”
usisa ng konduktor.
“Ayos lang po ako, pasensya na po kayo sa nangyari,” sagot ni Leon at
ipinaliwanag ang detalye ng pangyayari. Naliwanagan naman ang driver at ang
mga iilan na malapit sa kanila habang siya ay nagpapaliwanag.
Nayupi rin ang ilang bahagi ng kanyang motorsiklo at wala na rin itong gas
kaya hindi na niya ito magagamit pa. Nakiusap siya sa driver at kanyang mga
kasamahan kung maaari ba nila itong ilagay sa bubong ng bus bilang kanyang
bagahe maski bayaran na lang niya kung anuman na isisingil. Pumayag ang mga
ito at tinulungan pa siya na buhatin ito pataas ng bubong. Pagkapasok niya ng
bus ay hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin o sabihin sa mga
pasahero na labis na nagambala sa nangyari. Mabuti na lang at may mga ilang
nakangiti sa kanilang dalawa at yumuko-yuko na lang siya sa mga ito hanggang
sa marating nila ang kinauupuan ni Kyla.
“Ayos ka lang ba talaga?” tanong na may pag-aalala ni Kyla pagkaupo
nilang dalawa.
“Sa totoo lang hindi. Masakit ang aking dibdib kasi sinuntok mo ng
sinuntok,” angal ni Leon.
“Buti nga sa iyo.”
Sumandal ang dalaga sa kanyang balikat at inakbayan niya ito. Nilaro-laro
ni Kyla ang kalahating pusong kuwintas at napangiti kay Leon.
“Bakit?” usisa ng binata.
“Wala lang. Ang galing talaga ni Tita Diane.”
“Huh?”
“Wala kalimutan mo na. Sa tingin mo makukumpleto ko kaya ito?”
“Sana.”
Muling ngumiti si Kyla at yumakap sa binata saka nanatiling tahimik
hanggang sa narating nila ang terminal. Nagsibabaan ang mga pasahero at
silang dalawa ang huling lumabas ng bus. Nagtulung-tulong ulit sila na ibaba ang
kanyang motorsiklo at nagpasalamat siya sa mga ito. Binayaran niya ito bilang
cargo at iniwanan niya muna na parang nakaparadang motorsiklo sa terminal.
Pumara sila ng taxi at nagtungo sa airport. Sa taxi ay muling sumandal at
yumakap sa kanya si Kyla at pareho pa rin silang tahimik. Tahimik pero may
kasiyahang nababakas sa kanilang mukha. Iyon nga lang, ilang oras na lang ay
maghihiwalay na sila kaya may halong kalungkatan din.
“Oh Leon, sumama ka pala. Salamat sa paghahatid mo sa anak ko,”
salubong ng ina ni Kyla.
Ginawa ni Kyla ang nararapat niyang gawin sa airport at isang oras na
lang ay lilipad na ang eroplanong kanyang sasakyan. Umupo muna sila at
naghintay. Nag-usap muna si Kyla at ang kanyang ina. Maraming payo at
pagpapaalam ang kanilang pinag-usapan hanggang sa natapos din at tinabihan
nito si Leon.
“Paano ba iyan oras na naman ng pagpapaalam sa ilang minuto lang,” ani
Leon sabay hawak sa kamay ng dalaga.
“Oo nga eh. Hanggang sa muli na lang ulit.”
“Mga ilang taon kaya ako maghihintay?”
“Hindi ko alam, mas naguguluhan ako ngayon,” tugon ni Kyla saka ngumiti
sa binata.
“Gaano man katagal hihintayin kita. Iyon lang ang magagawa ko sa
ngayon ang maghintay sa iyo.”
“Paano kung hindi na ako makakabalik?”
“Eh di susundan na lang kita kung hindi na ako makapaghintay,” at
nagtawanan ang dalawa.
“Leon noong nagdesisyon ako na aalis papuntang England hindi ko pakay
na kalimutan ang lahat sa pagitan natin. Gusto ko lang dumistansya sa iyo para
mas makapag-isip-isip. Habang malayo ako ay pag-aaralan ko ang maraming
bagay at susubukan ko na maging mas malakas na babae sa lahat ng pagsubok.
Kung nangyari iyon maaaring maging isa akong babae na kakailanganin mo at
isang babaeng di mo matatanggihang mahalin. Hindi kagaya ng mahina na ako
sa kasalukuyan.”
Nasiyahan si Leon sa narinig, sobrang nasiyahan at kulang na lang ay
pigilan na niya sa pag-alis ang dalaga. “Kailangan kita malakas man o hindi ayon
sa pananaw mo. Gawin mo ang sa tingin mo ay nararapat mong gawin saka mo
ako balikan. Hihintayin kita at sinisiguro ko sa pagbalik mo ay isa na akong lalake
na karapat-dapat sa iyo.”
Narinig ng dalawa ang anunsyo at tinatawagan na ang lahat ng pasahero
patungong England na sumakay na sa eroplano. Tumayo ang dalawa at binitbit
ni Leon ang hand carry ni Kyla patungo sa pila para sa mga sasakay ng
eroplano. Sa huling beses ay muling nagyakapan ang dalawa. Halos isang
minuto ang pagyayakapang iyon. Tila ayaw na nilang bitawan ang isa‟t-isa.
“Paalam Leon, hanggang sa muli.”
Tumango lang ang binata at nagkangitihan silang dalawa. Hindi na
puwedeng tumuloy si Leon sa susunod na pupuntahan ni Kyla kaya hanggang
tinginan na lang sila. Lumapit na rin ang ina ng dalaga at kumaway-kaway sa
papaalis na anak. Kada lingon din ni Kyla ay kumakaway din ito pabalik sa kanila
hanggang sa tuluyan na itong mawala sa paningin. Nagkangitihan ang dalawang
naiwan at sabay na nilisan ang airport matapos makitang lumipad ang
eroplanong kinasasakyan ni Kyla.
Lumipas ang isang taon, buwan ng Disyembre taong 2007.
“Remz, kailan kayo babalik ng Nueva Viscaya?”
“Bukas,” sagot ni Remz.
“Bukas? Ang bilis naman.”
“Oo nga eh. Ilang araw na lang kasi Christmas na. Paano ba iyan
magiging malungkot na naman ang pasko mo Leon,” sabay ngisi nito sa kausap
na binata.
“Oo nga ehh, sana balikan niya ako ngayong pasko,” tugon ng binata at
nagtawanan silang dalawa.
Lumabas ng public C.R. si Lenneth at kasunod niya ang kanyang Kuya
Leonardo. “Anong gusto mo na regalo sa pasko Lenneth?” tanong ni Leon.
“Maraming chocolates, maraming damit, maraming laruan at maraming
pera.”
“Hahahaha.. Narinig niyo ba iyon?”
Nagkatawanan ang apat at sa gabing iyon ay sama-sama silang
naghapunan. Tuluyan ng naging masigla si Lenneth, walang naging
kumplikasyon ang isinagawang operasyon. Si Remz at Leonardo ay masaya sa
piling ng isa‟t-isa at halos hindi na sila nag-aaway. Sa ngayon ay sa isang
kumpanya sa Manila nagtatrabaho si Remz samanatalang si Leonardo ay isang
working student sa isang college sa kanilang bayan at daawang taon na lang ay
makapagtatapos na ng kanyang kursong Engineering. Si Jean at June naman ay
pareho ng may magandang trabaho dito sa kanilang siyudad kaya paminsan-
minsan ay nagkakasama pa rin sila nila Leon. Si Reina ay patuloy pa rin na
tinatapos ang kanyang kursong Nursing at ngayon ay kasabay na niyang nag-
aaral dito sa Baguio ang dalawa niyang kapatid.
Si Leon naman ay nagpasya na manatili pa rin ng Baguio. Tinanggihan
niya ang alok ng kanyang mga magulang na sumama na sa kanila sa Amerika
yaman rin lang wala ng problema sa kanyang papeles. Paminsan-minsan ay
tumatawag si Kyla at minsan ay siya na rin mismo ang tumatawag. Sa ngayon
ay nag-aaral ulit si subalit hindi sa kursong LAW kundi AB English. Gusto niyang
maging batikan sa wikang Ingles para balang araw ay sundan ang yapak ng
kanyang ama bilang isang manunulat.
Ika-24 na ng Disyembre. Ilang oras na lang ay araw na ng pasko.
Ngayong gabi ay sa bahay nila Jean ang tungo ni Leon. Noong nakaraang pasko
ay natulog lang siya dahil lumuwas ng Baguio ang magkapatid. Umuwi ang
magulang ni Jean at June ngayong pasko kaya kumpleto sila na magdidiwang.
Habang naghahanda para sa okasyon mamayang gabi ay nakatanggap ng
tawag si Leon sa telepono.
“Hello,” bati nito.
“Hello kuya, Reina „to,” masiglang pagpapakilala ni Reina.
“Hi, kumusta?”
“Christmas na mamaya. May plans ka ba?”
“Wala nga ehh magiging malungkot na naman Christmas ko.”
“Hehehe.. gusto mo kuya punta ako dyan?”
“Gano‟n? Sige nga gawin mo nga,” pabirong tugon ni Leon.
“O sige hintayin mo ako. Mga 11 ng gabi nariyan na ako.”
“Ok hihintayin kita,” pabiro pa rin na sagot ni Leon dahil alam niyang
nagbibiro lang ang kausap.
Nagbatihan ng maligayang pasko ang dalawa saka ibinaba ang telepono.
Inilagay ni Leon sa kanyang bag ang mga regalo sa magkapatid at sa mga
magulang nito saka nagtungo siya sa bahay ng mga ito. Eksaktong hapunan
nang marating niya ang lugar at malugod siyang tinanggap ng mag-asawa.
Sabay-sabay silang kumain sa hapag-kainan, maraming putahe, marami inumin
at marami rin ang bisita. Kumustahan dito, kumustahan doon, lahat ay masaya.
Nagkakuwentuhan ang magkaibigan habang umiinom ng imported na wine
hanggang sa may tumawag kay Leon at nabasa ang pangalan ni Reina.
“Oh Reina bakit?” tanong agad nito.
“Kuya wala ka naman dito sa bahay niyo. Ang lamig dito sa labas,”
pahayag ng dalaga.
“Huh? Seryoso ka ba?” may halong duda na pagtatanong nito.
“Ano ka ba kuya! Uuwi na ako.” Tila galit na sagot ni Reina.
Sinabihan niya ito na maghintay lang saglit at pauwi na siya. Nagpaalam
nia rin siya kay Jean at dahil maraming kausap ang mga magulang nito ay
ipinaubaya na lang niya sa kaibigan na siya na ang magsabi mamaya na
kailangan na niyang umalis dahil may bisita siya. Matulin ang kanyang
pagpapatakbo ng kanyang motorsiklo hanggang sa narating niya ang kanilang
bahay. Bukas ang gate nang kanya itong abutan. “Nakalimutan ko bang
ikandado?” tanong nito sa sarili. Binuksan niya ito at ipinasok ang kanyang
motorsiklo.
“Reina, nasaan ka? Nandito na ako.”
Nilibot niya ang bahay habang tinatawag ang pangalan ng dalaga subalit
walang sumasagot sa kanya. Sinubukan niyang tawagan ang cellphone nito
ngunit hindi nito sinasagot ang kanyang tawag. “Nagbibiro lang ba siya?
Magaling nautakan mo ako ngayon,” sabay tawa nito. Nagtungo na lang siya ng
pintuan at sinusihan ito. Binuksan niya ang ilaw at diretso agad sa kusina para
uminom ng tubig. Pagkabukas niya ng ilaw ng kusina ay agad niyang napansin
ang isang regalo sa gitna ng mga pagkain sa ibabaw ng mesa. Nilapitan niya ito
at may nakapaibabaw na Christmas Card.
“Merry Xmas Leon;
Search for me inside your house and I will give you a very good
present. You have until midnight.

- Santa Clause”

“Reina,” banggit nito. Akala niya ay naisahan siya nito subalit totoo pala
na pumunta ito dito sa kanilang bahay. Meron ding alarm clock sa tabi ng regalo
tiningnan niya ang oras at anim na minuto na lang bago ang hatinggabi.
Sinimulan niyang maghanap una sa bathroom matapos ay sa sala kung saan
maaring kasya ang isang 5 feet 8 inches na babae. Mas matangkad pa sa kanya
si Reina ng isang pulgada. Nagtungo siya sa mga silid at habang naghahanap sa
silid ng kanyang ina saka lang niya naisip ang isang mahalagang bagay.
Papaanong nakapasok si Reina sa kanilang bahay? Sigurado niyang naisara
niya ang pinto at kung sakaling nakalimutan niyang isara ang gate bakit wala
roon ang padlock? Ngayon lang ito pumasok sa kanyang isipan at siya lang ang
may susi ng kanilang gate at pinto. Wala ring hawak na susi ang kanyang mga
magulang at walang sinabi ang mga ito na uuwi sila ngayong pasko maliban na
lang kung sinusurpresa siya ng mga ito. At ang huling posibilidad na pumasok sa
kanyang isipan ay si Kyla. May hawak itong duplicate ng susi ng gate at main
door dati at kung hawak pa rin niya ang mga ito ay maaaring siya ang pumasok
ng bahay at naghanda ng mga pagkain at naglagay sa regalo sa kusina. Bumilis
ang pagtibok ng puso ni Leon, sana ay gano‟n nga ang sitwasyon, sana ang
mahahanap niyang Santa Clause ay si Kyla. Pumasok siya ng sarili niyang silid
at binuksan ang ilaw. Pansin agad niya ang kanyang malaking aparador,
sigurado niyang iniwan niya itong bukas kanina dahil sa pagmamadali ngunit
ngayon ay maayos itong nakasara.
“Ang kahilingan ko ngayong pasko, sana narito ka sa loob ng closet na
ito!” sabay bukas nito sa closet. Isang popper ang pumutok at kumalat ang mga
laso sa silid sabay isang taong nakasuot ng damit ng babaeng Santa Clause ang
lumabas. Kasabay nito ay narinig niya ang tunog ng alarm clock mula sa kusina.
“Merry Christmas” bati nito sa kanya at agad naaninag ni Leon kung
kaninong boses ang kanyang narinig. Boses ito ng isang babae, isang babae na
hindi niya makakalimutan kung ano ang tinig ng boses, isang babae na kanyang
pinakahihintay.
“Kyla,” ani Leon na medyo naluluha.
“Merry Christmas Leon, tama ba ang kahilingan mo bago mo binuksan
ang aparador?”
Tinitigan ni Leon ang kuwintas na suot-suot ni Kyla at napansing buong
puso na ito.
“Kinumpleto ko na para sa iyo. Matagal ko ng hawak ang kalahati.”
“Kyla…”
“Wala ka bang ibang sasabihin kundi pangalan ko lang?”
Hinatak ni Leon ang dalaga at niyakap. “Ito na ang pinakamasayang
pasko sa buong buhay ko.” Mas hinigpitan ni Leon ang pagkakayakap sa dalaga
at niyakap din siya nito.
“I‟m home Leon.”
“Welcome home Kyla.”
Nanatiling magkayakap ang dalawa hanggang sa nauwi sa matatamis na
paghahalikan. Ayaw ng bitiwan ni Leon ang dalaga at ang pasko sa bahay na ito
ay maaaring isa sa mga pinakaromantikong pasko sa lahat.

You might also like