You are on page 1of 2

FIRST TIME VOTER

Masaya pala ang makilahok ka para makapili ng taong mamumuno sa nasa mo. Iba ang
pakiramdam ngayon, hindi katulad dati na nanunuod lang ako at nag-aabang kung sino ba ang
mga nanalo. Iba din ang paghahanda na ginawa ko dahil talagang pinag-isipan kong mabuti kung
sino ang karapat-dapat na manungkulan. Binusisi ang maraming anggulo, pinuna ang mga
kasiraan at pinuri ang mga kagandahan. Isang balanseng pagtutuos lamang at nakabuo na ako ng
aking mga ihahalal.

Sa una, talagang nakakadalawang isip, dahil mula’t sapul, lumalabas ng walang pag-asa
ang pangulo ko para manalo. Dahil sa kulelat sa survey, inisip kong wala talagang pag-asa na
siya ay manalo, pero, mas masaya pala ang ganito. Kahit alam kong wala siyang pag-asang
manalo, ibinoto ko pa din siya, dahil alam kong siya ang kailangan ng bansa ko. Ang kalinga ng
pamumuno niya na hinahanap ng bansa ko. Bumoto ako para para sa bansa ko at ang pangarap
ng pag-unlad para sa bansa ko ay sa kanya ko binigay. Masaya pala ang bumoto ng tama.
Naniwala ako sa mga Ju Chia at Mo Chia na ang pagiging lider ay wala sa lahi o dugo sapagkat
ito ay nasa kakayahan at kagalingan ng isang tao bilang indibidwal. Ginawa kong batayan ang
kanilang mga nagawa na bilang mga maliliit na tao hanggang sa pinakamalaking ambag na
naibigay nila. Tiningnan ko ang paraan nila ng pag-iisip. Hindi ako umasa sa mga patalastas o
mga pangako nila, dahil ang mas mahalaga – ano ang kaya nilang gawin at hindi kung ano ang
kanilang pinapangakong gawin. Ang pangako ay salita, ngunit ang kayang gawin ay tunay na
kakayahan na hindi kayang maibigay ng pangako.

Naisip ko, nakabuo na ako ng paraiso sa pamumuno ng taong ito, ganoon din kaya ang
naiisip ng iba o kaya naman ay naisip din ng iba ang ganung bagay? – Dahil nga sa iba-iba ang
ideolohiya ng tao, maaring iba ang karapat-dapat sa kanila. Iba-iba kasi ang kapaligirang
kinalakihan na nakaimpluwensya sa ating pag-iisip. Iba-iba din ang antas ng paghuhubog na sa
malamang ay talagang mag-iiba iba tayo ng pananaw sa buhay. Hindi naman tayo nilikha para
magtaglay ng pare-parehong laman ng kaisipan, dahil kung magkagayon, wala na sanang away
at digmaan. Ang pakiramdam ng kasiyahan na bumoto ako ng alam kong dapat, pero may
kasiyahan din bas a mga taong walang pakialam? – mga tipong pasabay sa agos ng buhay.
Masaya din kaya ang pakiramdam ng mga taong wala ng pag-asa para sa pagbabago? Masasabi
kong hindi – dahil sila na mismo ang pumatay sa dahilan para maging masaya sila. Ang pag-asa
ang isang bagay na nakakapagpasaya sa tao. Kung walang pag-asa, marami ka ng ipinagkait sa
sarili mo.

Sa nangyaring halalan, talaga nga namang ito ay pagpapakita ng demokrasya, kung saan
ang gusto ng nakakarami ang masusunod. Sa may pinakamarami ang siyang maluluklok. Dahil
dito, napagtanto ko na ang bawat isang boto ay may katumbas na kahulugan – ito ba ay boto ng
kabutihan o boto ng kapahamakan. Malamang, hindi pa natin alam sa simula kung ang boto ba
natin ay sa kabutihan o kapahamakan napunta, malalaman na lang natin ito kung sa pagkapanalo
ba ng iniluklok natin may nagagawa ba siyang kabutihan para sa bansa. Sa paanong paraan natin
malalaman kung saan nakabilang ang boto natin? Halimbawa, ng bawat desisyon ba ng inihalal
ng nakakarami ay nakakabuti para sa lahat at hindi sa iilan lamang? – Kung oo – ang bumoto sa
kanya ay nakaboto para sa kabutihan at ang mga hindi ay hindi natin masasabi; kung hindi
naman ang sagot – ang mga bumoto sa kanya ay nakaboto para sa kapahamakan at ang mga
hindi naman ay nakaboto para sa kabutihan, ngunit wala pa din sa kasiguraduhan iyon. Sa
pamamagitan nga mga ganitong katanunga ay masasabi natin kung tama o mali ba ang ating
naging pasya.

Dahil nga sa tayo ay tao lamang, tatlo lamang ang pwede nating maramdaman sa
bandang huli matapos ang demokratikong gawaing tulad nito, KASIYAHAN – dahil sa ating
tama at maayos na pagpili at paninindigan, PANGHIHINAYANG – dahil sa hindi natin inihalal
ang pinunong may magagawa at kailangan ng bansa (nanalo man o hindi) o kaya ay dahil sa
pagkabigo ng sa tingin natin ay karapat-dapat at; PAGSISISI – dahil binigyan na tayo ng
pagkakataon, ngunit ang mali at sa kapahamakan napunta ang ating mga boto.

Ano pa man ang maging kinalabasan ng pagpapasya ng nakakarami, karapatan pa din ng


nakaupo na ibigay natin sa kanya ang pagtitiwala at suportang angkop para sa kanya. Kahit may
pagtitiwala, nangangailangan pa din nating maging mapagmasid at marunong makiramdam para
ating mapuna kung may pagkakamali man siyang nagagawa.

………………………………………………………………………………………………………
Naisulat ngayong
Ika – 13 ng Mayo, 2010

You might also like