You are on page 1of 8

Leptospirosis

Ateneo de Manila University BS Health Sciences 2012

2011
BHW Training Manual

Bago pa man tayo magpatuloy, mabuting alalahanin ang mga sumusunod:

1. Ang talakayang ito ay gaganapin kasama ang mga ina ng ating Barangay. Mainam na alamin muna ang ibat iba nilang pala-palagay upang higit na maging akma ang talakayan sa kanilang sitwasyon. 2. Maaaring gamitin ang module na ito bilang gabay sa pagtuturo sa isang grupo o sa talakayang house-

to-house sa mga ina.

3. Kasama ng manual na ito ang ilang visual aids (flipchart) na makatutulong sa pagtuturo tungkol sa Leptospirosis. Pakaingatan ang mga ito. 4. Maaaring magdagdag ng iba pang kaalaman tungkol sa Leptospirosis na hindi nabanggit sa manual na ito.

Pangunahing Gawain
I. Layunin: Layon ng gawaing ito na mabatid ang mga nalalaman ng mga miyembro ng komunidad ukol sa sakit na Leptospirosis. II. Aktibidad: Paunahang makakuha ng panyo mula sa speaker, maibigay ang tamang sagot sa tanong at makakamit ng pinakamaraming tamang sagot para sa grupo. a. Materyales i. Panyo ii. Mikropono iii. Powerpoint (kung maaari) iv. Projector (kung maaari) b. Mechanics i. Hahatiin ang mga kalahok sa dalawang grupo. Pupuwesto ang bawat grupo nang nakalinya sa harapan ng taong may hawak ng panyo. ii. Babasahin ng HOST ang mga katanungan mula sa powerpoint o sa index card. Maguunahan ang miyembro ng bawat grupo na kunin ang panyo. Kung sinong grupo ang mauna ang siyang may pagkakataon na sagutin ang katanungan. iii. Ang bawat tanong ay sasagutin lamang sa pamamagitan ng Tama o Mali. iv. Ang bawat tamang sagot ay katumbas sa isang punto para sa grupo. c. Mga Tanong i. Tanging sa paglusong lamang sa baha maaaring makakuha ng Lepstospirosis. MALI ii. Tuwing maulan lang pwedeng magkaroon ng leptospirosis. MALI iii. Isang sintomas ng leptospirosis ang pamumula ng mata. TAMA iv. Maaaring maipagkamali ang mga sintomas ng leptospirosis para sa ibang sakit tulad ng malaria at dengue. TAMA v. Sa mga hayop, tanging sa daga lang maaaring makakuha ng Leptospirosis. MALI III. Mga Paalala a. Pagkatapos tanungin ang mga kalahok sa gawain, mainam na sabihan ang mga ito na ipaliwanag ang sagot upang higit na masigurado ang kanilang mga pala-palagay. b. Kung may maling paniniwala, siguraduhing linawin ito sa diskusyon.

Talakayan
I. Organisasyon ng Buhay a. Ipahihiwatig dito na ang katawan ng tao ay binubuo ng cells, tissues, organs, systems. b. Ang systems ay binubuo ng organs, ang organs binubuo ng tissue at ang tissue naman ay binubuo ng cells. i. Cell to ang pinakamaliit na bahagi na bumubuo ng ating katawan Mayroong ibat ibang uri nito sa ating katawan ii. Tissue Grupo ng mga magkakaparehong uri ng cells iii. Organ Bahagi ng katawan na binubuo ng mga tissues Responsable sa mga partikular na pagkilos ng katawan

Halimbawa: Bato = paglilinis ng dugo; Tiyan = pagtunaw ng pagkain iv. Systems Magkakaugnay na mga organs na nagtutulong-tulong para sa pananatili ng buhay Halimbawa: Digestive System = binubuo ng bibig, lalamunan, tiyan at iba pa na siyang tumutunaw ng pagkain II. Sanhi ng Leptospirosis a. Ipaliwanag na ang Leptospirosis ay nagmumula sa Leptospira. Ito ay nananahan sa mga hayop tulad ng daga, baka, tupa, baboy at aso. b. Maaring dahil sa trabaho makukuha ang leptospirosis dahil maaari ring ang trabaho na ito ay sadyang bukas sa posibilidad na magkaleptospirosis. c. Sakop nito ang ibat-ibang trabaho kung saan ang indibidwal ay nagiging mas lantad sa mga elementong pinagmumulan ng Leptospirosis (hal. Mga manggagawang nakababad ang mga paa sa kontaminadong tubig). i. Magsasaka ii. Beterinaryo iii. Mga namimitag at nagkakatay ng mga hayop iv. Maging ang namumutol ng torso d. Maaari rin itong makuha sa mga gawaing panlibang o rekreasyon. Mga halimbawa nito ay: i. Paglangoy, ii. Pamamangka, iii. Pamimisikleta sa mga lugar kung saan ang tubig ay kontaminado ng Leptospira e. Isa pang sanhi ng leptospirosis ay mahahanap sa bahay mismo. Maaaring makapagdudulot ng Leptospirosis ang: i. Pag-aalaga ng hayop sa bahay ii. Pagsalok ng tubig-ulan, iii. Daga na pawang nagdadala ng Leptospira f. Ngunit batay sa mga pag-aaral at estadistika, ang pinakamadalas na nagdudulot ng Leptospirosis ay ang mga daga. g. Mga Katanungan: i. Alin sa mga sumusunod na trabaho ang nagpapataas ng tiyansang magkaleptospirosis? Papiliin sa mga choices: Magsasaka Piloto Tinder Sekretarya ii. Kadalasan, ito ang sanhi ng Leptospirosis sa Pilipinas at sa ibang bansa. Papiliin sa mga choices: Ibon Aso Daga Kabayo III. Ano ba ang nangyayari sa loob ng katawan kapag nagkaroon ng Leptospirosis?

a. Una, papasok ang bakterya sa katawan mula sa kontaminadong tubig patungo sa anumang sugat o pinsala sa balat. b. Ito ay tutuloy sa dugo at/o limpa, isang uri ng likido sa katawan na tumutulong sa paglaban o pag-alis sa anumang kontaminasyon o bakterya. c. Makikilala ito ng mga immune cells at maglalabas ito ng mga antibody, o panlaban sa impeksyon. IV. Mga Sintomas: Sa parteng ito ilalahad kung paano malalaman kung may leptospirosis ang kanilang kaanak. a. Ipapahiwatig dito na umaabot ng 2 hanggang 26 na araw bago lalabas ang mga sintomas ng leptospirosis b. Mayroon itong pangunahing sintomas at mayroon din mga kritikal na sintomas. i. Pangunahing sintomas Ang mga pangunahin sintomas nito ay ubo, lagnat, sakit ng ulo, sakit ng kasu-kasuhan, pagsusuka at pagtatae, panginginig at pamumula ng mata. Ito ay mga pangunahing sintomas lamang at huwag sana isipin kaagad na leptospirosis ito. Maaari rin ito maging dengue o malaria kaya dapat magpunta sa doktor para masigurado ito. Dahil sa pagkasira ng mga cells sa ugat, dumadami ang supply ng dugo sa mata kaya namumula ang mata. Nagagawa ng bacteria na nadudulot ng leptospirosis na magkasakit ang tao dahil sa abilidad ng uri ng bacteriang ito na dumami sa loob ng mabilis na panahon. Dahil sa populasyon nila sa loob ng katawan, mabilis din ang pagkalat ng dala-dala nilang lason (toxins) sa katawan ng tao. Ang toxins na ito ang nagdudulot ng lagnat at, sa loob ng katawan, pagkasira ng mga cells sa pasyente. Presensya rin ng toxins sa katawan ang nagpapasimula ng natural na immune response para labanan ang mga banyagang bacteria. ii. Kritikal na sintomas Mga kritikal na sintomas naman ay impeksyon sa mga kritikal na parte ng katawan tulad ng atay, bato, puso, utak at baga. Karaniwang lumalabas ang mga kritikal na sintomas na ito 1 hanggang 3 araw pagkatapos ng mga pangunahing sintomas. Ang mga sakit na ito ay maaaring magdulot ng Jaundice, pamamanas ng paa o kamay, pagdugo ng ilong at pag-unti ng ihi. Nakapupunta ang impeksyon ng leptospirosis sa ibat ibang parte ng katawan dahil ang baketryang ito ay dumidikit sa mga ugat kung kayat ang ibang bakterya ay naaanod kasama ng dugo patungo sa mga organs. Ang impeksyon sa utak naman ay maaaring magdulot ng pagkawalan ng abilidad na makapagsalita, pag-ayaw sa maliwanag na ilaw, walang kontrol sa paggalaw at ang pulang pamamantal sa katawan. May dalawang paraan kung saan maiimpeksyon ang utak ng tao. Kapag sa palibot ng utak ang impeksyon, tinatawag itong meningitis. Encephalitis naman ang tawag kapag ang mismong utak ang naimpeksyon.

Ang pamamantal ay dahil sa mga ugat na nagdadala ng mas maraming dugo sa balat dulot ng leptospirosis. Dito namumuo ang dugo na may irregular na hugis. Ang impeksyon naman sa baga ay nagdudulot ng pag-ubo ng dugo at paghingal. Ang impeksyon sa parteng ito ay sinasabing pinakamalalang uri dahil sa malaking posibilidad ng pagkamatay. Ang impeksyon ng leptospirosis sa baga ang sinasabing pinakamalalang uri dahil sa malaking posibilidad ng pagkamatay. Dahil sa pagsira ng bacteria sa mga cells ng baga, nagkakaroon ng internal bleeding ang pasyente at di nalalayong bumigay ang kanyang baga. Magdudulot ito ng pagkawala ng abilidad na huminga na sususundan ng pagkamatay. May abilidad ang mga bacteriang nagdadala ng leptospirosis na kumapit sa mga cells sa katawan na nagdudulot sa unti-unting pagkasira ng mga organs tulad ng atay, bato at puso. Kinakailangang maagapan ang mga sintomas na ito dahil kapag tuluyang nasira ang alin man sa organs na nabanggit, magdudulot ito sa pagkamatay.

V.

Pagsusuri sa Leptospirosis a. Ang pagsusuri sa leptospirosis ay hindi nabubuo sa pamamagitan ng pagtingin sa mga sintomas ng sakit lamang. b. Maaaring mapagkamalan ang sintomas ng leptospirosis bilang diagnosis para sa ibang sakit i. Influenza ii. Dengue iii. Malaria c. Dalawang Pamantayan sa Pagsusuri ng Leptospirosis (WHO) i. Presumptive Criteria Naglalaan ng ilang antas ng katiyakan ngunit hindi agad mapatotohanan kung mayroon ngang Leptospirosis Mabilisang screening test ng dugo o ihi ii. Confirmatory Criteria: Tiyak na mayroong Leptospirosis Pagkuha o pagbukod ng Leptospira, bakteryang sanhi ng leptospirosis mula sa dugo o ihi ng pasyente Positibong resulta ng PCR kung saan makikita ang DNA ng bakterya Pag-angat ng bilang ng mga kemikal/sangkap (antigen) na magdudulot ng pagbuo ng katawan ng mga panlaban o pandepensa mula sa sakit d. Paano nasisiguro ng mga pagsusuring ito na mayroon ngang impeksyon ng Leptospirosis? i. Ang mga pagsusuri ay batay sa mga tugon ng katawan o kaganapan sa loob ng katawan kapag mayroong impeksyon ng Leptospirosis. e. Ilang Tala i. Bagaman makatutulong sa pagtiyak ng inpeksyon sa leptospirosis ang mga pagsusuring ito: Maaaring ang iba rito ay may kamahalan. Matagal lumabas ang resulta lalo na sa pagbukod ng bakteryang sanhi ng leptospira (maaaring umabot ng 6 hanggang 8 linggo bago matukoy ang resulta)

Kakulangan sa mga kagamitan at tauhan upang pangasiwaan ang pagsusuri. ii. Kung kayat, kapag lumusong sa baha at nakararanas na ng mga sintomas ng sakit, agad kumunsulta sa inyong doktor. VI. Pag-iwas sa Leptospirosis a. Mga tip para maka-iwas sa leptospirosis. i. Panatilihing malinis ang paligid. Iwasan ang pag-iimbak ng basura at kalat sa loob ng bahay at kapaligiran dahil maaari itong maging tirahan ng mga daga. ii. Iwasan ang pagkakaroon ng maruming tubig sa paligid. Pwede makontamina ito ng ihi ng daga. Ituyo ang mga ito. Kung may tubig sa loob ng mga lalagayanan na hindi ginagamit, itapon ito. iii. Siguraduhing linisin agad ang dumi at ihi nang alagang hayop. Pwedeng may impeksyon sila ng Leptospirosis. iv. Siguraduhing nakatakip at malayo sa basurahan ang mga lagayan ng tubig na ginagamit sa pagluto, paghugas at pagligo. Pwedeng maihian ito ng daga. v. Siguraduhing protektado ang pagkain sa mga daga. Huwag mag-iwan ng tirang pagkain sa mga lugar na maaaring maabot ng daga. Takpan lagi ang pagkain na nakahanda sa mesa. vi. Iwasan ang paglusong sa baha, lalo na kung ikaw ay mayroong sugat. Maari makontamina ang sugat ng Leptospira bacteria. Sakaling kinakailangan ang paglusong sa baha, gumamit ng botas para maprotektahan ang sarili sa impeksyon. vii. Pagkatapos lumusong sa baha, siguraduhing maligo agad at gumamit ng sabon. Sabunin ng maigi ang mga parte ng katawan na nalubog sa bahang tubig, lalutlalo na kung mayroong sugat ang mga ito. b. PARA MATANDAAN ANG MGA GAWAING PREVENTIVE LABAN SA LEPTOSPIROSIS, Ituro ang simpleng acronym na PUSA i. P-Pagkain at tubig: protektahan mula sa daga ii. U-Uso ang malinis ang paligid! iii. S-Sabon at shampoo gamitin, maligo pagkatapos ng ulan iv. A-Alagaan ang sarili at pamilya: kumonsulta sa doktor VII. Lunas sa Leptospirosis a. Kung sakali ikaw o isa sa miyembro ng inyong pamilya ay sinususpetsahan mong mayroong Leptospirosis, kailangan madaling maipunta ito sa pinakamalapit na pagamutan. b. Ang gamot sa Leptospirosis ay mataas na dose ng mga antibiotika tulad ng doxycycline at penicillin. Para sa may matinding sintomas ng sakit, dalhin sa ospital. c. Kung maaagapan ang sakit, madaling makaka-iwas sa matinding komplikasyon sa atay at bato na nakamamatay.

Panghuling Gawain
I. Layunin: Bilang pagsusulit sa praktikal na aplikasyon ng talakayan II. Materyales: Larawan/Litrato ng bahay o kusina III. Mechanics a. Ipakita ang imahe sa powerpoint o anumang printed copy. Kung walang larawan, maaaring tanungin ang mga ina kung ano ang naiisip nilang mga risk factors sa kanilang bahay. b. Hanapin ang mga risk factors ng leptospirosis. c. Sa Litrato: Ang grupong makahanap ng pinakamaraming risk factors ang siyang panalo. d. Pagkatapos, maaaring pagawin ang mga nanay ng kanilang action plan kung paano maaari pang iwasan ang mga risk factors na ito sa kanilang sariling mga bahay.

Mga Posibleng Katanungan tungkol sa Leptospirosis

Tanong: Di ba maaaring manggaling sa baka o baboy ang Leptospira? Kung gayon, maaari bang makuha
ang leptospirosis mula sa pagkain ng karne ng baka o baboy? Sagot: Oo. Maaaring makuha rin ang leptospirosis mula sa pagkain ng nahawaang baka o baboy lalo na kapag ito ay nabahiran ng ihi o dumi ng hayop. Kung kayat dapat ay hugasan at lutuing mabuti ang pagkain bago ihanda sa hapag-kainan.

Tanong: Kapag may suspetsa na akong mayroon ako o ang aking kamag-anak ng leptospirosis, maaari
na ba akong maglapat ng karampatang lunas (antibiotics)? Sagot: Tandaang ang sintomas ng leptospirosis ay maaaring pareho sa sintomas ng ibang sakit. Mainam na magpakonsulta muna sa inyong doctor bago maglapat ng anumang lunas.

Tanong: Mayroon bang bakuna laban sa leptospirosis? Sagot: Mayroong bakuna laban sa leptospirosis ngunit maaaring spesipiko lamang ito para sa ilang uri
ng bacteria na Leptospira. Mas mainam kung gumawa ng mga paraan upang maiwasan ang sakit na ito. Tandaan ang akronim na PUSA.

You might also like