You are on page 1of 2

HABAGAT 2012: Isang Pagbabalik-tanaw! Giles Mark A.

Arguilla

Hindi tao, hindi bagyo Hindi bagyo ang Habagat. Wala itong pangalan ng tao na madalas gamitin tuwing may bagyo. Ang bagyo ay palaging may kasamang malakas na hangin. Ang Habagat ay isang likas na pangyayari sa ating klima na nararanasan ng bansa tuwing sasapit ang mga buwan ng Hunyo hanggang Setyembre. Sa kaso ng Habagat, walang malakas na hangin, ngunit naiiba ang lakas at bolyum ng ulan. Hagupit ni Habagat!** Malaking bahagi ng mga datos at dokumento na pumapaksa sa HABAGAT na ating naranasan nitong Agosto ay nagpapakita ng lawak at lalim ng epekto nito sa mga mamamayang lubhang nasalanta ng limang araw na walang humpay na pagbayo ng malakas na ulan. Ano ang lawak ng epekto nito? Sa datos na ipinalabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, umabot sa 85 ang mga nasawi sa kasagsagan ng malakas na ulan. Tinatayang nasa humigit- kumulang 600,000 pamilya naman sa 156 na bayan at 34 na lungsod ng 16 na probinsya sa 6 na rehiyon (karamihan sa Luzon*) ang nawalan ng tirahan at ari-arian dahil sa delubyong hatid ng Habagat. Kung susumahin ang halaga ng mga pamamahay, kabuhayan at ariarian na nasira sa mga bayan ng locos, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, National Capital Region o Metro Manila, at ilang bahagi ng Western Visayas, hindi mapapantayan ng anumang bagyo sa ating kasaysayan ang naging karanasan nating mga Pilipino sa ilalim ng hagupit ni Habagat. Climate Change nga ba? Palasak na nga kung ituring ang climate change bilang pangunahing dahilan ng mga naiiba at hindi maipaliwanag na biglaang pagbabago sa ating klima (tulad ng sobrang tag-init at malabis na pag-ulan--- kahit hindi panahon ng tag-init o tag-ulan) at kapaligiran sa kasalukuyan. Bagaman hindi ito isinasantabi bilang paliwanag, hindi ito sapat upang lubos na maunawaan ang ating kalagayang ekolohikal sa kasalukuyan. Nitong Agosto lamang ay nabigyan ako ng pagkakataong dumalo sa isang National Conference sa Tayabas, Quezon at dito ko napakinggan mula sa isang eksperto ang dokumento na nagpapatunay na noong 1900s pa lamang ay talagang maraming mga

pagkakataon na nakaranas ng matinding pagbaha ang malaking bahagi ng mga lungsod sa Metro Manila at mga karatig lalawigan. Taliwas ito sa ating paniniwala sa kasalukuyan na ang lahat ng ito ay bunga na lamang ng climate change. Mas katanggap-tanggap pa na paliwanag ang ating hindi maayos na pagtatapon ng basura at pagbabara ng mga likas na daluyan ng tubig (waterways) bilang dagling-sanhi ng mga pagbaha. Asahan din ang pagbaha dahil malaking bahagi ng ating mga lupain ay kapuluan at marami tayong mga naglalakihang ilog sa bansa kayat kapag malakas ang ulan, kasunod nito ang malaking posibilidad ng pagbaha. Aral mula sa Habagat Kung may tatlong (3) bagay tayong naipamalas bilang mga Pilipino sa panahon ng kalamidad, ito marahil ang top 3 sa kanila: 1. mas naging handa na tayo sa mga kalamidad; ang ating mga karanasan sa sakuna tulad ng Ondoy noong 2009 ang siyang nagbibigay sa atin ng kahandaan upang maging alerto at listo sa lahat ng pagkakataon at panahon; 2. naipamalas nating mga Pilipino ang pagiging mapagmalasakit sa mga nangangailangan nating kababayan; at 3. nawalan man ng tirahan at hanap-buhay ang marami sa atin, hindi naman natangay ng Habagat ang pag-asa ng mga Pilipino na muling bumangon matapos ang trahedya. Naitampok sa balita ang batang isinilang sa isang evacuation area na pinangalanang Noah, hango sa karakter sa Lumang Tipan ng Bibliya. Nakatutuwang isipin na sa ganitong mga pagkakataon, lumilitaw pa rin ang ating pananalig na sa kabila ng lahat ng trahedya, may pag-asa pa rin na darating.

____________________________________________ * Our Greatest Hurdles Are Cultural DR. FLORANGEL ROSARIO BRAID Agosto 17, 2012. http://www.senate.gov.ph/press_release/2012/0811_angara1.asp ** Unang ginamit ng TV Patrol sa kanilang pag-uulat at special coverage sa Habagat noong Agosto 6-10, 2012

You might also like