You are on page 1of 6

ISANG MAS MABUTING KOLEHIYO

SA SUSUNOD NA TATLONG TAON


N I RO L A N D B. T O L E N T I N O

Ikinalulugod kong tanggapin ang nominasyon, isang pagkakataong makapaglingkod


sa Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon. Hindi naman lahat ay nabibigyan ng
pagkakataong mainomina ng kanyang mga kasahaman sa Kolehiyo. Itinuturing kong isang
marangal na bagay ang nominasyon, kaya siniseryoso ko itong pagkakataon.
Halaw itong inihahapag ko sa nailatag na VMG ng Kolehiyo, sa tulong ng
kolektibong pagpupursigi ng fakulti sa ilalim ni Dekana Ellen Paglinauan. Isinakongkreto ng
mga programa ni Dekano Nicanor Tiongson ang bisyon na ito, sa rebyu at pagsisinop ng
mga akademikong programa, pagtatatag ng Plaridel Journal of Philippine Communication and Media
at ng Faculty Colloquia Series, at ang profesyonalisasyon ng staff at fakulti. Sa ilalim ni
Dekana Elena Pernia, mas matibay ang ugnay ng Kolehiyo sa nasa labas nito—sa alumni,
mga institusyong media,at pribadong sektor.
Ang direksiyon na nais kong tahakin para sa Kolehiyo ay ang higit nitong kagalingan
sa larangang akademiko, pananaliksik at publikasyon, at gawaing extensiyon. Kalahati itong
sistematisasyon ng dati nang gawaing naging makabuluhan sa Kolehiyo, kalahating inobasyon
at paglalatag ng bagong programa bilang pagpupunla sa kanyang hinaharap. Maikli ang
tatlong taon ngunit napapanahon para sinupin ang programang nagtagumpay, at lumikha—
mula sa resources ng Kolehiyo at konsultasyon sa mga sektor nito—ng bago at higit pang
makabuluhang programa para sa hinaharap.
Una sa gawaing akademiko, patuloy na sisinupin ang kurikulum at akademikong
programa para higit na maging makabuluhan at makatugon sa pangangailangan ng liberal na
edukasyon, industriya, at mga institusyong media. Ang anumang kurikulum ay dapat higit na
makapagpamulat sa kakayahan ng estudyante at guro tungo sa kritikal na kaalaman at
pagkilos sa kanilang lipunan. Sa mabilisang pag-unlad ng ating larangan, kahilingan sa
kurikulum na mailahok ang mga usapin ng makabagong teknolohiya, konsepto at teorya,
praktis sa propesyon, at maging proaktibong pagkamamamayan.
Ang napapanahong liberal na edukasyon ang magtitiyak na ang gradweyt ng Kolehiyo
ay magkakaroon ng puwang sa mga institusyong media at iba pang kahalintulad na sektor.
Bukas ako sa paglahok ng propesyonal na dimensiyon sa mga kurso para maging
enterpreneurial, proaktibo at maagang maikonekta ang buhay sa labas ng akademya. Kasing
bukas ako ng pagiging makabuluhan ng kurikulum para sa alternatibo at umuusbong na
media. Ang mga gradweyt ay may kakayahang maibahagi ang kanilang kaalaman sa
pagtataguyod ng journalism, broadcast communication, communication research at pelikula
sa labas ng industriya: non-governmental at people's organizations, provincial at internet
journalism, people's watchdogs, at civil society. Magagawa ito sa pagkakaroon ng kakayahan
ng estudyante at guro ng kritikal na kaalaman, malawak na perspektiba at kontemporaryong
pagsusuri ng lipunan at kasaysayan.
Bilang kontribusyon sa liberal na edukasyon ng UP, palalakasin ang pagtuturo ng
RGEP courses at electives ng Kolehiyo. Muling pagtitibayin ang inisyatiba para sa rebyu ng
undergraduate na kurikulum. Napapanahon ding pag-ukulan ng seryosong pansin ang MA
curriculum, at matiyak ang pagpapatapos ng mga nakapaloob dito. Maaari ring tingnan ang
pag-aalok ng bagong kurso ng Kolehiyo, tulad ng Diploma in Journalism o Certificate
Course in Film. Kasama rin sa rebyu ng kurikulum ang pagbabago ng Ph.D.
Communications program, at kabilang din ang sinisimulang pag-aaral sa posibilidad ng
pagtaguyod ng Ph.D. in Media Studies o Ph.D. in Communications, Media and Cultures
track bilang pagpapayaman pa ng kurso ng Kolehiyo. At sa higit na matagal na perspektiba,
maialok ang Media Studies track sa Ph.D. bilang bahagi ng Ph.D. in Philippine Studies
program.
Ang media practitioners ay dapat maranasang makabuluhan ang gradwadong pag-
aaral bilang makabuluhan sa kanilang propesyonal na buhay. Pati na rin ang mga guro at
iskolar ng Komunikasyon ay mayroon makitang halaga sa kanilang pagtuturo at iskolarsyip.
Magagawa ito sa pamamagitan ng komprehensibo at makabuluhang programa sa
gradwadong pag-aaral. Sa di kalayuang hinaharap, kailangang maitaas ang enrollment sa
gradwadong pag-aaral sa substansiyal na 20 porsiyento ng enrollment ng Kolehiyo, o higit
pa. At sa kagyat na hinaharap, maiwasan ang bottleneck sa pagtatapos ng mga estudyanteng
gradwado. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng higit pang suporta at insentibo
sa mga nagsisipagtapos, tulad ng iskolarsyip, gawad para sa kagalingan sa pananaliksik,
graduate conference, at pagbuo ng support group sa mga nagsusulat ng tesis at disertasyon.
Palalakasin ang suporta para sa akademiko, tulad ng pagtatalaga at pagpapaunlad ng
IVLE para sa mga guro at kanilang mga sabjek kada semester. Dito nila maipapasok ang

2
syllabus, assignments, discussion, feedback, readings, at iba pa. Maaari ring makipag-
ugnayan sa Library para ang readings na nasa subcription base nito ay maging available
online. Tunguhin ng anumang unibersidad ang 24/7 knowledge production. Sisimulan ang
pag-aaral tungo sa kakayahan ng pasilidad at resources ng Kolehiyo na maaring
makapagtrabaho ang mga fakulti at estudyante nang lampas sa karaniwang alasingkong
pagtatapos. Gagawing wi-fi rin ang mga bahagi ng Kolehiyo para sa pananaliksik ng fakulti
at estudyante, at walang singil sa pagsaksak ng notebooks. At bahagi ng staff development,
ang pagpapaunlad ng kakayahan sa web tungo sa pagtalaga ng webmaster sa antisipasyon ng
malaking pangangailangan ng nagpapaunlad ng Kolehiyo sa teknolohiyang ito. Dadagdagan
din ang computers na may internet para sa enrollment at gamit ng estudyante. At hahanap
ng isponsor para makakuha ng telebisyong magpapalabas ng cable news at pelikula sa
itatalagang mga lugar sa Kolehiyo.
Sa larangan ng pananaliksik at publikasyon, pagtitibayin ang Plaridel Journal at Faculty
Colloquia. Itinataguyod ng pananaliksik at publikasyon ang gawaing akademiko ng Kolehiyo.
Pero kailangan nang simulan ng Kolehiyo na pag-usapan at tukuyin ang Research Agenda
nito. Ito ang maglilinaw sa direksiyon at mga erya ng pananaliksik na isasakatuparan ng
Kolehiyo. Magagawa ito sa pamamagitan ng konsultasyon sa expertise ng Kolehiyo,
pagtukoy sa pangangailangan ng mga sektor sa media at gawaing media sa bansa sa
pangkalahatan, at global na pag-unlad sa media at teknolohiya.
Ang distribusyon ng Plaridel Journal ay aasikasuhin. Maaring tignan ang pagpisan sa
UP Press o Anvil Publishing para matiyak ang sirkulasyon at pagbasa ng Journal. At
susuportahan ang Faculty Colloquia Series bilang centerpiece ng research dissemination ng
fakulti para sa Kolehiyo. Pagtitibayin ang mekanismo ng pagtitiyak na ang lahat ng fakulti ay
may pagkakataong lumahok sa Faculty Colloquia, at mayroong dialogo na nagaganap sa
bawat presentasyon. Ito ang magtitiyak nang pagsisinop ng pananaliksik tungo sa publikason
para sa fakulti. Maaari ring magtaguyod ng mentoring group sa pagitan ng senior at junior
faculty para magtiyak ng gawain sa pananaliksik at publikasyon, at maging pagtuturo.
Hihikayatin din ang fakulti na magbigay ng aplikasyon para sa mga research funds na
itinataguyod ng UP at iba pang institusyon.
Pagyayamanin pa ang suporta sa Library at ang pagtatatag ng Media Archives.
Natutuwa ako sa Mass Communications Library dahil dinadayo ito ng mga estudyante mula
sa ibang Kolehiyo para sa kanilang pananaliksik, lalo na sa updated na koleksiyon ng mga

3
kritikal na libro sa larangan ng media at cultural studies. Sa kalaunan, dapat nang sinupin pa
ng Film Archives ang kanyang koleksiyon, i-digitize ito, at gawing accessible sa internet.
Maaaring tignan ang pondo para sa interdisciplinary research ng UP Diliman para sa
kolaboratibong gawaing lalahukan ng College of Engineering at ang unit ng Library Science,
at maging funding agencies sa pambansang halaga ng koleksiyong kinabibilangan ng stills ng
MTRCB (Movies and Television Review and Classification Board), documentary reels ng
Malacanang sa panahon ng mga Marcos, at ang koleksiyon ng Pambansang Alagad ng Sining
para sa Pelikula, si Ishmael Bernal.
Maaari na ring simulan ang mga gawain tungo sa institusyon ng isang Media Archives
sa Kolehiyo na magtitipon, imbentaryo at mangangalaga ng mga artifact at texto ng radyo,
telebisyon, peryodiko, at pelikula. Ang naturang Media Archives ay may halaga sa heritage
ng bansa, at magiging base ng pananaliksik sa mga usaping media at kasaysayan. Kapag
handa na ang archives ng Kolehiyo, mas lalong magiging bukas ang donors sa pagpapayaman
ng koleksiyon nito.
Maaari ring kumausap ng imprenta para sa iba pang publikasyon ng Kolehiyo. Ang
opisina ng Research and Publications ng Kolehiyo ay susuportahan para magpaunlad ng
napapanahong monographs ng mga pananaliksik ng fakulti, maging ng mga panauhing
eksperto. Maaring tignan ang yaman ng master's thesis at doctoral dissertation bilang
paghahalawan ng publikasyon. O ang pagkausap sa UP Press para magtaguyod ng Philippine
Communications and Media series.
Sa gawaing extensiyon ng Kolehiyo, ipagpapatuloy ang malalimang suporta para sa
Gawad Plaridel bilang tampok na aktibidad. Sa kanyang maigsing kasaysayan, ang Gawad
Plaridel ang kinikilala na bilang pinakanatatanging parangal sa bansa para sa buhay at gawaing
media. Dagdag dito sa pagkilala sa Kolehiyo, tinitingala rin ang opinyon ng Kolehiyo sa mga
napapanahong isyung kinasasangkutan ang media. Muling magiging proaktibo ang Kolehiyo
sa paglabas ng makabuluhan at napapanahong pahayag hinggil sa media. Ang ganitong
paninindigan ng Kolehiyo sa malalaking isyung pangmedia ay nakatindig sa papel ng UP
bilang panlipunang kritiko. Susuportahan nito ang inisyatiba ng mga organisasyon at kapatid
sa propesyon hinggil sa mga isyung nakakaapekto sa media, kalayaan sa pamamahayag at
artistikong kalayaan. Magpapaunlad ng mekanismo para sa mahalagang gawain na ito,
kaalinsabay ng periodikong konsultasyon sa fakulti, kawani at estudyante.

4
Sa loob ng Kolehiyo, magtutukoy ng mga aktibidad na makakapagpaunlad ng “team
spirit” sa hanay ng mga sektor, tulad ng student screenings, pagdiriwang ng Masscom Week,
sports fest, programa sa kalikasan, at iba pa. Sa loob at labas ng UP, susuportahan ang
pagpapalawak ng serbisyo ng DZUP, Cine Adarna, UPFI Seminar Series, at ang
diseminasyon ng mga pananaliksik ng mag-aaral at guro ng Com Res. Sisinupin din ng
opisina sa Extension ang pag-imbentaryo ng expertise ng fakulti, at paggawa ng packages ng
serbisyong kaya nitong gawin para sa pagpapaunlad ng media literacy sa labas ng UP.
Pauunlarin ng Kolehiyo ang kanyang website at koneksyon sa media para matiyak na
naipapahayag nito ang kanyang mga aktibidad, serbisyo, at pahayag sa kanyang mga sektor at
sa mas malawak na publiko. Patuloy na pagyayamanin din ang relasyon sa alumni at
pribadong sektor para sa mga kolaborasyon sa pananaliksik at pagpapaunlad ng
infraestruktura ng Kolehiyo.
Kakailanganin natin ang suporta ng maraming indibidwal at institusyon para sa
pagpapaunlad ng pasilidad ng Kolehiyo. Kailangang mamodernisa ang mga klasrum,
madagdagan ang bilang ng notebooks at LCDs, magkaroon ng tambayan ang mga
organisasyogn pang-estudyante, opisina ang konseho at publikasyon ng estudyante. Nais
kong maisaayos ang itinalagang fire exits sa dalawang building para magamit, lalo na sa
pagkakataon ng kalamidad, magamit ang parking lots sa mga bagong gusali ng Masscom,
mailawan nang maayos ang mahahalagang erya ng Kolehiyo kung gabi, at sinupin ang
administrasyon ng mga gusali at fasilidad. At kailangan na ring simulan ang paglalatag ng
pinansiyal na pundasyon para sa pagtatayo ng ikatlo at huling gusali sa Masscom Media
Complex.
Magagawa itong mga pagsisinop ng mga establisadong programa at inisyatiba sa
bagong programa kung ang pamunuan at kasapi ng Kolehiyo ay may kaisahan sa direksiyong
nais nitong tahakin sa hinaharap, kundi man, sa susunod na tatlong taon kanyang pipiliing
tahakin. Nais kong banggitin dito ang aking estilo ng pamumuno bilang pagpapakilala sa
aking kapasidad na magsilbi sa Kolehiyo. Mayroon akong apat na prinsipyong
pinaniniwalaang mahalaga sa sinumang mamumuno.
Una, ang konsultatibong pamamaraan ng pamumuno ay siya kong gagawin.
Naniniwala akong sa anumang mahahalagang desisyon ng Kolehiyo ay dapat makonsulta ang
mga maapektuhan ng polisiya at kalakaran. Ang namumuno ay makakapagdesisyon lamang
nang matwid kung alam niya ang pulso ng kanyang pinamumunuan. Magpapatupad din ako

5
ng mekanismo ng konsultasyon sa gawain sa Kolehiyo. Dagdag pa rito ang masinop na mga
pagpupulong at relasyon ng Academic Personnel Committee sa mga unit, College Academic
Personnel Committee, College Executive Board at ng Faculty Assembly.
Ikalawa, kolektibong pamumuno ang natural na direksiyon ng konsultasyon. Nang
maging Officer-in-Charge ako ng UPFI, maraming nakamit na ganansya at tagumpay ang
maikling taon na iyon. Kasama rito ang pagpapaunlad ng relasyon sa trabaho at
propesyonalismo ng akademikong unit at ng Cine Adarna. Naisakatuparan ang mga ito sa
pamamagitan ng regular na konsultasyon at ng kolektibong pamumuno. Binibigyan ang lahat
ng pagkakataon umunlad at gumaling sa kanilang gawain o lampas pa rito, at ipinapaunawa
ang kahalagahan ng bawat gawain at tao sa kabuuang napagkaisahang direksiyon. Malaking
bahagi nito ang kasinupan sa pagpaplano ng Faculty at Staff Development, at regularisasyon
ng mga pulong sa iba't ibang antas.
Ikatlo, ang pamumuno ay nangangailangan ng transparency. Gawaing lantad at
hayag ang criteria at proseso ng hiring, renewal, tenure, promotion, at faculty development.
Imumungkahi kong gumawa ng promotion instrument sa Kolehiyo na magsasa-
estadardisado ng mga item at porsiyento ng promotion. Pagkakaisahan din ang kalakaran sa
hiring at tenure ng Kolehiyo para sa malinaw na kalakaran, lalo na sa bago at batang fakulti.
Lahat ng mahahalagang desisyon ay dadaan sa konsultasyon at malinaw na proseso, at ang
pagapatupad nito ay magiging lantad at hayag sa lahat ng kinauukulan.
At panghuli, ang pamunuan, maging ang kasapian, ay gagabayan ng prinsipyo ng
accountability. Bilang mga publikong empleyado, ang ating gawain ay accountable sa ating
constituency at sa mas malaking publiko. Kung masinop ang pamamaraan ng pamumuno at
pagpapatupad sa mga polisiyang napagkasunduan, masinop din ang responsibilidad sa
publiko—ginagawa natin ang dapat natin gawin para sa akademikong kagalingan ng Kolehiyo
at UP.
Maaari tayong hindi sumasang-ayon sa lahat ng bagay, iba-iba ang ating posisyon sa
mga isyu, o pananaw kung paano tumungo sa isang mas mabuting Kolehiyo ng Pangmadlang
Komunikasyon sa susunod na tatlong taon at lampas pa rito. Nagkakaiba man, nagkakaisa
naman tayo sa isang mas makabuluhan at magaling na Kolehiyo bilang ating kontribusyon sa
kagalingan ng UP at ng bansa.
Maraming salamat sa inyo sa pagkakataon makapagdeklara ng interes na
makapaglingkod sa Kolehiyo.

You might also like