You are on page 1of 3

Corinne Ann G.

Renes 2006-08986 PI 100 2ND EXAM

Prof. Ramon Guillermo March 22, 2011

1. May nagbago ba sa iyong pagbasa kay Jose Rizal at sa kanyang mga nobela pagkatapos ng PI 100? Kung meron, ano ito? Kung wala, bakit? Oo. Noong hayskul, sa aking palagay ay 'standardized' ang pagbasa namin ng Noli me Tangere at El Filibusterismo. Iniisa-isa namin ang mga kabanata at inaaral ang mga nangyari. Paminsan-minsay may mga talakayan tungkol sa mga malalalim na ibig sabihin ng isang ideya na pinapahiwatig sa isang kabanata, ngunit madali itong makalimutan. Noong hayskul rin ay dinikdik sa mga ulo namin na magaling si Rizal dahil magaling ang kanyang mga libro, ngunit hindi ko naman talaga naunawaan. Tinanong ko ang sarili ko: Sige, maganda nga ang pagkakasulat at ang kwento ng mga libro nya, pero ano ba talaga ang magaling dito? Dito sa PI 100, napahanga ako lalo kay Rizal. Ang mga maliliit na bagay na hindi namin tinalakay sa hayskul - tulad ng quotation na ginamit niya sa simula ng Noli me Tangere - ay nakakamangha para sa akin. Sa wakas ng El Filibusterismo ay nasagot nya rin ang tanong na yun. Sa aking palagay, noong ako'y mas bata ay hindi ko nabigyang saysay o na-"appreciate" masyado ang husay ni Rizal sa pagsusulat. Sa PI 100 ay natutunan ko na marami pang "layers" ang mga kabanata. Kung ano ang nasa pahina ay hindi tumitigil doon. Akin ring natutunan at ikinatuwa ang mga maliliit na "attempts" ni Rizal upang magpatawa o maglagay ng katatawanan na iyong pag-iisipan, tulad ng sa klase sa pisika at lalo na ang kabanata ni Kapitan Tiyago na puno ng nakakatawang mga detalye. Ang ganitong klaseng pagtatalakay sa Noli ay hindi naman makikita sa isang hayskul na diskurso tungkol sa Noli. Ako rin ay napamangha dahil napaka-relevant pa rin ng Noli at Fili hanggang ngayon. Hindi naman ako naniniwala sa mga Rizalistang siya'y sinasamba, ngunit sa pagkabasa ko sa mga kabanata sa PI 100, tila'y parang may pagka-propeta nga minsan si Rizal ayon sa kanyang mga aklat. Hanggang ngayon tayo'y namomroblema sa edukasyon, sa wika, sa pagmamay-ari ng lupa, sa hindi pagkakapantay-pantay ng mayaman at mahirap, sa pagkakahiwalay ng simbahan at estado. Ano ang pinagbago ng Pilipinas noon at Pilipinas sa kanyang mga nobela? Tayo nga ba ay lumaya tulad ng kanyang ninais? Ang mga kathang-isip niya na tauhan ay buhay na buhay pa rin ba hanggang ngayon? Ito ang mga tanong na sumasagi sa isip ko kapag naiisip ko ang mga nobela nya at inihahanlintulad sa kasalukuyan. 2. Ano ang mga pagkakahawig at pagkakaiba ni Kabesang Tales at Placido Penitente bilang mga karakter sa nobela? Ang pagkakaiba ni Kabesang Tales at Placido Penitente ay makikita sa panlabas na katangian. Si Tales ay isang magsasaka, isang taga-ani. Siya ay tagakolekta ng buwis. Si Placido ay galing sa isang maykayang pamilya. Ito ang dahilan kaya't siya'y nakakapag-aral sa isang prestihiyosong paaralan tulad ng Unibersidad ng Santo Tomas.

Ngunit ang matingkad na pagkakahawig ni Kabesang Tales at Placido Penitente ay ang pagsisimula bilang mga pasibo o "passive" na mga karakter. Kinailangan na sila'y makaranas ng isang matinding pang-aabuso upang mapukaw ang kanilang mga damdaming pag-uusig. Si Kabesang Tales ay nabuhay sa pagtitiis. Nang namatay ang kanyang asawa't anak dahil sa matinding lagnat, hindi siya nagreklamo. Isang korporasyong relihiyoso na may-ari ng mga lupain sa karatig-bayan ang umangkin sa kanilang taniman at iginiit na sakop ito ng hangganan nila. Bagamat hindi ito binawi kina Tales, pinagbayad naman sila ng taunang buwis na 20 o 30 piso. Hindi pa rin siya nagreklamo sa sinapit. Nang ginawa siyang taga-kolekta ng buwis at may mga hindi nagbabayad, siya na ang nagbabayad galing sa sariling bulsa. Noong itinaas ang upa sa dalawandaang piso, dito na tumutol si Tales. Sinabi niya na hanggang walang nakakapaghukay at nakakapag-araro sa lupa niya ng dugo at nawalan ng asawa at anak, hindi niya ito ibibigay. Samantalang si Placido naman ay katulad ng karamihan ng mga estudyante noon: mapagtimpi at mapayapa. Kahit na wala siyang naiintindihan ay tiniis nya ang pang-iinsulto at pagkukutya ni Padre Millon upang hindi magkaroon ng gulo. Ngunit nang sinabi ni Padre Millon na siya'y may labinlimang liban at tinawag syang pilosopastro ay napatindig si Placido at sinabing hindi na niya kaya. Siya ay umalis ng klase ng walang paalam, at tiyak na hindi na siya makakabalik sa pag-aaral sa unibersidad dahil sa kanyang ginawa. Ang dalawang karakter na ito ay nagtimpi ng tunay na saloobin upang makaiwas sa gulo. Ngunit noong hindi na nila kaya ang pagmamaltrato ay gumawa sila ng konkretong aksyon upang ipahiwatig ang kanilang pagtutol. 3. Ibuod ang argumento ni Simoun kaugnay sa usapin ng wika. Saan ka sumasayangayon dito? Saan ka hindi sumasayang-ayon o hindi nakukumbinse? Ano ang tngin mo sa usapin ng pambansang wika sa kasalukuyang panahon? Sa pananaw ni Simoun, hindi maganda ang balak nina Basilio na magtayo ng paaralang magtuturo lamang ng wikang Espanyol dahil ito'y magbibigay daan sa Pilipinas sa pagiging bayang walang sariling pagkukuro, walang kalayaan at pati kapintasan ay hiram dahil sa pagpipilit manghiram ng wika. Sinabi naman ni Basilio na ang Espanyol daw ang magbubuklod sa mga pulo, ngunit ito'y pinabulaan ni Simoun. Ayon kay Simoun, ang Espanyol kailanman ay di magiging wikang pangkalahatan sa bayang ito dahil wala ang mga isipan at pintig ng puso ng mga Pilipino ay walang katugon sa wikiang Espanyol. Iilan lamang daw ang nakapagsasalita ng nito, at ang iilang ito ay mawawalan ng sariling kakayahan, magpapailalim sa ibang utak at magpapa-alipin. Tinuligsa ni Simoun ang mga pangkat na naghahangad na ipalaganap ang wikang Kastila at di sa kaalamang magsalita o sumulat sa sarili nilang wika. Tinuligsa rin niya ang mga nagpapanggap na di sila marunong magsalita at umunawa ng sariling wika. Sumasang-ayon ako sa karamihan ng sinabi ni Simoun sapagkat naniniwala

ako na hanggang ang bayan ay may sariling wika, mayroon itong sariling kalayaan. Nabubuo ang pagkakakilala ng mga Pilipino sa sarili dahil sa wika at pansariling kultura. Ang pagkatuto ngayon ng ating sariling wika ay mahalaga dahil ito ang pagiisip ng bayan. Naniniwala ako na kahit tayo'y maraming 'dialect' o iba't-iba pang mga lenggwahe maliban sa Filipino, hindi ito magiging sagabal sa pagbuklod ng buong bansa sapagkat ang mga wikang ito ay sariling atin. Ang Cebuano, Ilocano, Kapampangan at kung ano pa man - ay mga wikang nabuo at sa Pilipinas at siyang magiging daan rin upang mapag-isa ang buong kapuluan. Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala na mayroon pa ring bill sa kongreso na nagsasabi na kailangang maging Ingles ang wika ng pagtuturo sa mga paaralan. Tulad ng nabanggit sa klase, maraming pag-aaral ang nagpapatunay na ang mga bata ay natututo ng mas mabilis kapag ang unang wika o mother tongue ay ginamit na wika ng pagkatuto. Sa isang banda naman, interesante rin ang ideya ni Basilio na magkaroon ng isang Nagkakaisang Daigdig. Kung ang wika ng buong mundo ay magiging isa, hindi ko masasabing ito'y isang masamang bagay. Ngunit sa kasalukuyan, mahalaga pa rin na ang mga Pilipino ay matutuhan muna ang sariling wika, lalo na't ang bansa natin ay dumaranas ng napakaraming krisis ngayon.

You might also like